f. Kung iyon bang mga nalihis at kinokontrol ng mga Pariseo at mga anticristo sa mundo ng relihiyon ay maliligtas ng Diyos
Mga Salita ng Diyos Mula sa Bibliya
“Sila’y mga bulag na taga-akay. At kung ang bulag ay umakay sa bulag, ay kapwa sila mangahuhulog sa hukay” (Mateo 15:14).
“Sapagkat silang mga namumuno ng mga taong ito ay siyang nangliligaw; at silang pinapatnubayan ay napapahamak” (Isaias 9:16).
“Ang Aking bayan ay nasira dahil sa kakulangan ng kaalaman” (Hosea 4:6).
Mga Salita ng Makapangyarihang Diyos ng mga Huling Araw
Mayroong mga nagbabasa ng Bibliya sa mga malalaking iglesia at nagsasalaysay nito nang buong araw, ngunit wala ni isa sa kanila ang nakauunawa sa layon ng gawain ng Diyos. Wala ni isa sa kanila ang nakakilala sa Diyos, lalong wala ni isa sa kanila ang nakaayon sa mga layunin ng Diyos. Lahat sila ay walang halaga, masasamang tao, bawat isa ay nagpapakataas upang pangaralan ang Diyos. Sadya nilang sinasalungat ang Diyos kahit na dala-dala nila ang Kanyang bandila. Sinasabi nilang sila ay nananampalataya sa Diyos, subalit kumakain pa rin sila ng laman at umiinom ng dugo ng tao. Ang lahat ng ganitong tao ay mga diyablong lumalamon sa kaluluwa ng tao, mga pinunong demonyo na sadyang gumugulo sa mga sumusubok na tumapak sa tamang landas, at mga balakid na nakasasagabal sa mga naghahanap sa Diyos. Sila’y tila may “maayos na pangangatawan,” ngunit paano malalaman ng kanilang mga tagasunod na sila ay walang iba kundi mga anticristo na umaakay sa mga tao na manindigan laban sa Diyos? Paano malalaman ng kanilang mga tagasunod na sila ay mga nabubuhay na diyablo na nakatuon sa paglamon ng mga kaluluwa ng tao? Ang mga nagpaparangal sa kanilang sarili sa harap ng Diyos ang pinakahamak sa mga tao, samantalang ang nag-iisip sa kanilang sarili na hamak ay ang pinakamarangal. At ang mga nag-aakala na alam nila ang gawain ng Diyos at, higit pa rito, ay kayang magpahayag ng gawain ng Diyos sa iba nang may pagpapasikat kahit pa sila ay direktang nakatingin sa Kanya—sila ang mga pinakamangmang sa mga tao. Ang ganitong mga tao ay walang patotoo ng Diyos, mapagmataas at puno ng kayabangan.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Lahat ng Taong Hindi Nakakakilala sa Diyos ay mga Taong Sumasalungat sa Diyos
Yaong mga Pariseong Hudyo, punong saserdote, at eskriba ng Kapanahunan ng Kautusan ay nanalig sa Diyos sa pangalan lamang, ngunit sila ay tumalikod sa Kanyang daan, at ipinako pa nila ang nagkatawang-taong Diyos. Nakakuha kaya ng pagsang-ayon ng Diyos ang kanilang pananalig? (Hindi.) Itinalaga na sila ng Diyos bilang mga tao ng pananampalatayang Hudyo, bilang mga miyembro ng isang relihiyosong grupo. At gayundin, nakikita ng Diyos ang mga nananampalataya ngayon kay Jesus bilang mga miyembro ng isang relihiyosong grupo, na hindi Niya sila kinikilala bilang mga miyembro ng Kanyang iglesia o bilang mga mananampalataya sa Kanya. Bakit kaya kokondenahin ng Diyos ang mundo ng relihiyon? Sapagkat ang lahat ng miyembro ng mga relihiyosong grupo, lalo na ang matataas na antas na lider ng iba’t ibang denominasyon, ay walang may-takot-sa-Diyos na puso, at hindi rin sila mga tagasunod ng kalooban ng Diyos. Lahat sila ay mga hindi mananampalataya. Hindi sila naniniwala sa pagkakatawang-tao, lalong hindi nila tinatanggap ang katotohanan. Hindi nila kailanman hinahangad, hinihiling, sinusuri, o tinatanggap ang gawain ng Diyos sa mga huling araw o ang mga katotohanang ipinapahayag Niya, sa halip ay diretso nilang kinokondena at nilalapastangan ang gawain ng pagkakatawang-tao ng Diyos sa mga huling araw. Malinaw na makikita rito ng isang tao na maaaring sumasampalataya sila sa Diyos sa pangalan, ngunit hindi sila kinikilala ng Diyos bilang mga mananampalataya sa Kanya; sinasabi Niya na sila ay masasamang tao, na wala sa kanilang ginagawa ang may katiting na kaugnayan sa Kanyang gawain ng pagliligtas, na sila ay mga walang pananampalataya na taliwas sa Kanyang mga salita. Kung nananampalataya kayo sa Diyos tulad ng ginagawa ninyo ngayon, hindi ba’t darating ang araw na kayo rin ay magiging mga relihiyosong lingkod na lamang? Ang pananampalataya sa Diyos mula sa loob ng relihiyon ay hindi magkakamit ng kaligtasan—bakit ganito mismo? Kung hindi ninyo masabi kung bakit ganito, ipinapakita nito na hindi ninyo nauunawaan ang katotohanan o ang mga layunin ng Diyos kahit kaunti. Ang pinakakalunos-lunos na maaaring mangyari sa pananampalataya sa Diyos ay ang pagbaba nito sa relihiyon at ang pagtitiwalag ng Diyos dito. Hindi ito kapani-paniwala para sa tao, at ang mga hindi nakauunawa sa katotohanan ay hindi kailanman makikita nang malinaw ang bagay na ito. Sabihin ninyo sa Akin, kapag unti-unting naging relihiyon ang isang iglesia sa mga mata ng Diyos at naging isang denominasyon sa loob ng maraming mahabang taon mula nang mabuo ito, ang mga tao ba sa loob nito ang mga maliligtas ng Diyos? Miyembro ba sila ng Kanyang pamilya? (Hindi.) Hindi sila kabilang. Anong daan ang kanilang tinatahak, nitong mga taong sa pangalan lamang nananampalataya sa tunay na Diyos, ngunit itinuturing Niyang mga relihiyosong tao? Ang daan na kanilang tinatahak ay ang daan kung saan dinadala nila ang bandila ng pananampalataya sa Diyos ngunit hindi kailanman sumusunod sa Kanyang daan; ito ay isang daan kung saan nananampalataya sila sa Diyos ngunit hindi Siya sinasamba, at tinatalikuran pa nga Siya; ito ay isang daan kung saan ipinapahayag nilang nananampalataya sila sa Diyos ngunit nilalabanan Siya, pakunwaring nananalig sa pangalan ng Diyos, sa tunay na Diyos, ngunit sumasamba kay Satanas at sa mga diyablo, at nakikibahagi sa mga pagpapatakbo ng tao, at nagtatatag ng isang nagsasariling kaharian ng tao. Iyon ang daang tinatahak nila. Kung titingnan ang daang tinatahak nila, maliwanag na sila ay isang grupo ng mga hindi mananampalataya, isang pangkat ng mga anticristo, isang grupo ng mga Satanas at diyablo na tahasang lumalaban sa Diyos at gumagambala sa Kanyang gawain. Iyan ang diwa ng mundo ng relihiyon. May kinalaman ba ang grupo ng mga gayong tao sa plano ng pamamahala ng Diyos para sa kaligtasan ng tao? (Wala.) Sa sandaling ang mga mananampalataya sa Diyos, gaano man sila karami, ay may paraan ng pananampalataya na natukoy ng Diyos bilang isang denominasyon o isang grupo, sila rin ay natukoy ng Diyos bilang mga hindi maliligtas. Bakit Ko ito sinasabi? Ang isang pangkat na walang gawain o patnubay ng Diyos na hindi nagpapasakop sa Kanya o sumasamba sa Kanya ay maaaring nananampalataya sa Diyos sa pangalan, ngunit ang mga pari at elder ng relihiyon ang sinusunod at tinatalima nila, at ang mga pari at elder ng relihiyon ay sataniko at mapagpaimbabaw sa diwa. Samakatuwid, ang sinusunod at tinatalima ng mga taong iyon ay ang mga Satanas at mga diyablo. Sa kanilang puso, nananampalataya sila sa Diyos, ngunit sa katunayan, minamanipula sila ng tao, napapailalim sa mga pangangasiwa at kontrol ng tao. Kaya, sa mahahalagang termino, ang sinusunod at tinatalima nila ay si Satanas, at ang mga diyablo, at ang mga puwersa ng kasamaan na lumalaban sa Diyos, at ang mga kaaway ng Diyos. Ililigtas ba ng Diyos ang isang pangkat ng mga taong tulad nito? (Hindi.) Bakit hindi? Buweno, ang mga gayong tao ba ay may kakayahang magsisi? Wala; hindi sila magsisisi. Sila ay nakikilahok sa mga pagpapatakbo ng tao at mga proyekto ng tao sa ilalim ng bandila ng pananampalataya sa Diyos, na sumasalungat sa plano ng pamamahala ng Diyos para sa kaligtasan ng tao, na ang pinakakalalabasan ay itataboy sila ng Diyos. Imposibleng ililigtas ng Diyos ang mga taong ito; wala silang kakayahang magsisi, at habang tinatangay sila ni Satanas, ipinapasa sila ng Diyos dito. … Hindi mahalaga kung gaano karaming sermon ang napakinggan mo o kung gaano karaming katotohanan ang naunawaan mo—kung sumusunod ka pa rin sa tao, kung sinusunod mo pa rin si Satanas, at hindi mo magagawang sundin ang daan ng Diyos sa huli, o matakot sa Kanya at umiwas sa kasamaan, kung gayon, itinataboy ng Diyos ang mga gayong tao. Ang mga tao sa relihiyon ay maaaring nakapangangaral ng napakaraming kaalaman sa Bibliya, at maaaring nakauunawa sila ng ilang espirituwal na doktrina, ngunit hindi sila nakapagpapasakop sa gawain ng Diyos, o nakapagsasagawa at nakararanas ng Kanyang mga salita, o tunay na nakasasamba sa Kanya, at hindi rin nila nagagawang matakot sa Kanya at umiwas sa kasamaan. Lahat sila ay mapagpaimbabaw, hindi mga taong tunay na nagpapasakop sa Diyos. Sa mga mata ng Diyos, ang mga gayong tao ay tinutukoy bilang parte ng isang denominasyon, ng isang grupo ng tao, ng isang pangkat ng tao, bilang tirahan ni Satanas. Sama-sama, sila ang pangkat ni Satanas, ang kaharian ng mga anticristo, at lubusan silang itinataboy ng Diyos.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Tanging sa Pagkakaroon ng Takot sa Diyos Makatatahak ang Isang Tao sa Landas ng Kaligtasan
Yaong mga hindi tumatanggap sa bagong gawain ng Diyos ay walang presensiya ng Diyos, at, higit sa lahat, salat sa mga pagpapala at pag-iingat ng Diyos. Ang karamihan sa kanilang mga salita at mga pagkilos ay nakaayon sa mga nakalipas na mga kinakailangan ng gawain ng Banal na Espiritu; ang mga ito ay doktrina, hindi katotohanan. Ang gayong doktrina at alituntunin ay sapat na upang patunayan na ang pagtitipon ng mga taong ito ay walang iba kundi relihiyon; hindi sila ang mga hinirang, o ang mga pinag-uukulan ng gawain ng Diyos. Ang pagtitipon nilang lahat na magkakasama ay matatawag lamang na maringal na kongreso ng relihiyon, at hindi matatawag na iglesia. Ito ay isang katunayan na hindi mababago. Wala sa kanila ang bagong gawain ng Banal na Espiritu; ang kanilang ginagawa ay tila samyo-ng-relihiyon, ang kanilang isinasabuhay ay tila sagana sa relihiyon; hindi sila nagtataglay ng presensiya at gawain ng Banal na Espiritu, lalo nang hindi sila karapat-dapat na tumanggap ng disiplina o kaliwanagan ng Banal na Espiritu. Lahat ng taong ito ay mga walang-buhay na bangkay, at mga uod na walang pagka-espirituwal. Wala silang kaalaman sa pagka-mapanghimagsik at paglaban ng tao, walang kaalaman sa lahat ng masasamang gawa ng tao, lalong wala silang kaalaman sa lahat ng gawain ng Diyos at kasalukuyang mga layunin ng Diyos. Lahat sila ay walang alam, mabababang tao, at sila ay mga hamak na hindi nararapat tawaging mananampalataya! Wala sa kanilang mga ginagawa ang may kinalaman sa pamamahala ng Diyos, lalong hindi nito masisira ang mga plano ng Diyos. Ang mga salita at pagkilos nila ay nakasusuklam, nakakaawa, at talagang hindi karapat-dapat banggitin. Wala sa anumang ginawa niyaong mga wala sa agos ng Banal na Espiritu ang may anumang kinalaman sa bagong gawain ng Banal na Espiritu. Dahil dito, kahit na ano ang kanilang gawin, sila ay walang disiplina ng Banal na Espiritu, at, higit sa lahat, walang kaliwanagan ng Banal na Espiritu. Dahil lahat sila ay mga taong walang pag-ibig para sa katotohanan, at sila ay tinaboy na ng Banal na Espiritu. Sila ay tinatawag na makasalanan dahil sila ay lumalakad sa laman at ginagawa kung ano ang kanilang nais sa ilalim ng karatula ng Diyos. Habang gumagawa ang Diyos, sila ay sadyang palaban sa Kanya, at tumatakbo sa kasalungat na patutunguhan sa Kanya. Ang hindi pakikipagtulungan ng tao sa Diyos ay sukdulang mapanghimagsik sa ganang sarili, kaya’t hindi ba ang mga taong sadyang sumasalungat sa Diyos ay partikular na tinatanggap nila ang nararapat na kaparusahan?
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Gawain ng Diyos at ang Pagsasagawa ng Tao
Hindi nagagalak sa katotohanan ang ilang tao, lalo na sa paghatol. Sa halip, nagagalak sila sa kapangyarihan at mga kayamanan; ang mga taong ganoon ay tinatawag na mga mapaghanap ng kapangyarihan. Hinahanap lamang nila ang mga denominasyon sa mundo na may impluwensya, at hinahanap lamang nila ang mga pastor at mga gurong galing sa mga seminaryo. Bagaman tinanggap na nila ang daan ng katotohanan, hindi sila lubos na naniniwala; wala silang kakayahang ibigay ang lahat ng puso at isip nila, ang mga bibig nila ay bumibigkas ng mga salita ng paggugol ng mga sarili nila para sa Diyos, ngunit ang kanilang mga mata ay nakatuon sa mga dakilang pastor at guro, at hindi nila binibigyan si Cristo ng karagdagang pansin. Nakatuon ang kanilang mga puso sa katanyagan, kayamanan, at karangalan. Hindi sila naniniwalang ang isang ganoon kaliit na tao ay may kakayahang lupigin ang napakarami, na ang isang hindi kapansin-pansin ay mapeperpekto ang tao. Iniisip nilang imposibleng ang mga hamak na kasama ng alikabok at mga tambak ng dumi ay ang mga taong hinirang ng Diyos. Naniniwala silang kung ang gayong mga tao ang mga pakay ng pagliligtas ng Diyos, ang langit at lupa ay mababaliktad, at ang lahat ng tao ay tatawa nang tatawa. Naniniwala silang kung pinili ng Diyos ang gayong mga hamak upang perpektuhin, kung gayon ang mga dakilang taong iyon ay magiging Diyos Mismo. Ang mga pananaw nila ay may bahid ng kawalan ng paniniwala; higit pa sa hindi paniniwala, sila ay mga hibang na hayop lamang. Sapagkat pinahahalagahan lamang nila ang katayuan, katanyagan, at kapangyarihan, at pinahahalagahan lamang nila ang malalaking grupo at denominasyon. Wala silang ni katiting na pagmamalasakit para sa mga inakay ni Cristo; sila ay mga nagkakanulo lamang na tumalikod kay Cristo, sa katotohanan, at sa buhay.
Hindi ang pagpapakumbaba ni Cristo ang hinahangaan mo, kundi ang mga huwad na pastol na may bantog na katayuan. Hindi mo minamahal ang pagiging kaibig-ibig o ang karunungan ni Cristo, kundi iyong mahahalay na nakalublob sa karumihan ng mundo. Tinatawanan mo ang pasakit ni Cristo na walang lugar na mapagpapahingahan ng Kanyang ulo, ngunit hinahangaan mo ang mga bangkay na naghahanap ng mga alay at namumuhay sa kabuktutan. Hindi ka handang magdusa sa tabi ni Cristo, ngunit masayang inihahagis ang sarili sa mga bisig ng mga walang habas na anticristo, kahit na tinutustusan ka lamang nila ng laman, mga salita, at kontrol. Kahit ngayon, bumabaling pa rin sa kanila ang puso mo, tungo sa kanilang reputasyon, sa kanilang katayuan, sa kanilang impluwensya. Gayunpaman patuloy kang nagtataglay ng saloobin na nahihirapan kang lunukin ang gawain ni Cristo at hindi mo ito matanggap. Ito ang dahilan kung bakit sinasabi Kong kulang ka sa pananampalataya upang kilalanin si Cristo. Ang dahilan kung bakit ka sumunod sa Kanya hanggang ngayon ay dahil lamang wala kang ibang pagpipilian. Nangingibabaw sa puso mo magpakailanman ang isang serye ng matatayog na imahe; hindi mo makakalimutan ang kanilang bawat salita at gawa, ni ang kanilang maimpluwensiyang mga salita at mga kamay. Sa mga puso ninyo, sila ay kataas-taasan at mga bayani magpakailanman. Ngunit hindi ganito para sa Cristo ng kasalukuyan. Wala Siyang halaga sa puso mo magpakailanman, at hindi karapat-dapat sa katakutan magpakailanman. Sapagkat napakakaraniwan Niya, may lubhang napakaliit na impluwensya, at malayo sa pagiging napakatayog.
Magkagayunman, sinasabi Kong ang lahat ng hindi nagpapahalaga sa katotohanan ay mga hindi mananampalataya at mga nagkakanulo sa katotohanan. Ang mga ganoong tao ay hindi kailanman makatatanggap ng pagsang-ayon ni Cristo. Natukoy mo na ba ngayon kung gaano kalaki ang kawalan ng paniniwalang nasa kalooban mo, at kung gaano kalaki ang pagtataksil kay Cristo na mayroon ka? Ikaw ay Aking pinapayuhan nang ganito: Dahil pinili mo na ang daan ng katotohanan, dapat mong ilaan ang sarili mo nang buong puso; huwag maging salawahan o mahina ang loob. Dapat mong maunawaan na ang Diyos ay hindi nabibilang sa mundo o sa sinumang tao, kundi sa lahat ng totoong nananampalataya sa Kanya, sa lahat ng sumasamba sa Kanya, at sa lahat ng nagmamahal at tapat sa Kanya.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Isa Ka bang Tunay na Mananampalataya sa Diyos?
Paano dapat tratuhin ng mga taong hinirang ng Diyos ang mga anticristo? Dapat nilang kilatisin, ilantad, iulat, at itaboy ang mga ito. Saka lamang masisiguro ang pagsunod sa Diyos hanggang sa kahuli-hulihan at ang pagpasok sa tamang landas ng pananalig sa Diyos. Hindi mo mga lider ang mga anticristo, gaano pa man nila iniligaw ang iba na piliin sila bilang mga lider. Huwag mo silang kilalanin, at huwag mong tanggapin ang kanilang pamumuno—dapat mo silang kilatisin at itaboy, dahil hindi ka nila matutulungang maunawaan ang katotohanan, ni hindi ka nila masusuportahan o matutustusan. Ito ang mga katunayan. Kung hindi ka nila maaakay sa katotohanang realidad, hindi sila angkop na maging mga lider o manggagawa. Kung hindi ka nila maaakay na maunawaan ang katotohanan at maranasan ang gawain ng Diyos, sila ang mga lumalaban sa Diyos at dapat mo silang kilatisin, ilantad, at itaboy. Ang lahat ng ginagawa nila ay para iligaw ka na sundin sila, at para isama ka sa kanilang grupo para pahinain at guluhin ang gawain ng iglesia, para magawa kang tahakin ang landas ng mga anticristo, gaya nila. Nais ka nilang dalhin sa impiyerno! Kung hindi mo makita kung ano talaga sila, at naniniwala kang dahil sila ang mga lider mo ay dapat mo silang sundin at pagbigyan, isa kang taong kapwa nagkakanulo sa katotohanan at sa Diyos—at ang ganoong mga tao ay hindi maliligtas. Kung nais mong maligtas, hindi mo lamang dapat mapagtagumpayan ang paghadlang ng malaking pulang dragon, at hindi mo lamang dapat makilatis ang malaking pulang dragon, na makita ang nakakakilabot nitong mukha at ganap na maghimagsik laban dito—dapat mo ring mapagtagumpayan ang paghadlang ng mga anticristo. Sa iglesia, ang isang anticristo ay hindi lamang kaaway ng Diyos, kundi kaaway rin ng mga taong hinirang ng Diyos. Kung hindi mo makilatis ang isang anticristo, malamang na maililihis at makukumbinsi ka, tatahak sa landas ng isang anticristo, at isusumpa at parurusahan ng Diyos. Kung mangyari iyon, ganap na nabigo ang iyong pananampalataya sa Diyos. Ano ang dapat taglayin ng mga tao para mapagkalooban ng kaligtasan? Una, dapat maunawaan nila ang maraming katotohanan, at magawang makilatis ang diwa, disposisyon, at landas ng isang anticristo. Ito ang tanging paraan para matiyak na hindi mga tao ang sasambahin o susundan habang nananalig sa Diyos, at ang tanging paraan para makasunod sa Diyos hanggang sa huli. Ang mga tao lamang na kayang kumilatis ng isang anticristo ang maaaring tunay na manalig, sumunod, at magpatotoo sa Diyos. Pagkatapos ay sasabihin ng ilan, “Ano ang gagawin ko kung sa kasalukuyan ay hindi ko taglay ang katotohanan para riyan?” Dapat mong sangkapan agad ng katotohanan ang sarili mo; dapat mong matutunang kilatisin ang mga tao at bagay-bagay. Ang pagkilatis sa isang anticristo ay hindi simpleng bagay, at nangangailangan ng kakayahang makita nang malinaw ang kanyang diwa, at mahalata ang mga pakana, panlalansi, layunin, at mithiin sa likod ng lahat ng kanyang ginagawa. Sa gayong paraan ay hindi ka niya maililihis o makokontrol, at makakaya mong manindigan, ligtas at siguradong hangarin ang katotohanan, at maging matatag sa landas ng paghahangad ng katotohanan at pagtatamo ng kaligtasan. Kung hindi mo mapagtagumpayan ang paghadlang ng isang anticristo, maaaring sabihin na nasa malaking panganib ka, at malamang na mailihis at mabihag ka ng isang anticristo at madala ka na mamuhay sa ilalim ng impluwensiya ni Satanas. Posible na may ilan sa inyo na humahadlang at tumitisod sa mga taong naghahangad sa katotohanan, at sila ay mga kaaway ng mga taong iyon. Tinatanggap ba ninyo ito? May ilang hindi nangangahas na harapin ang katunayang ito, ni nangangahas na tanggapin ito bilang katunayan. Pero ang panlilihis ng mga anticristo sa mga tao ay talagang nangyayari sa mga iglesia, at madalas itong nangyayari; hindi lamang ito makilatis ng mga tao. Kung hindi mo malalagpasan ang pagsubok na ito—ang pagsubok ng mga anticristo, ikaw ay inililihis at kinokontrol ng mga anticristo o pinagdurusa, pinahihirapan, tinutulak palabas, pinipigilan, at inaabuso nila. Sa huli, hindi makatatagal ang sobrang liit mong buhay, at malalanta; hindi ka na magkakaroon ng pananampalataya sa Diyos, at sasabihin mo, “Ni hindi nga matuwid ang diyos! Nasaan ba ang diyos? Walang katarungan o liwanag sa mundong ito, at walang pagliligtas ng diyos sa sangkatauhan. Mas mabuti pang gugulin natin ang ating mga araw na nagtatrabaho at kumikita ng pera!” Itinatatwa mo ang Diyos, lumalayo ka sa Diyos, at hindi na naniniwalang Siya ay nabubuhay; lubos nang nawala ang anumang pag-asa na makakamit mo ang kaligtasan. Kaya, kung nais mong makarating kung saan maaari kang mabigyan ng kaligtasan, ang unang pagsubok na kailangan mong maipasa ay ang magawang maramdaman at mahalata si Satanas, at dapat ay mayroon ka ring tapang na manindigan at ilantad at itakwil si Satanas. Nasaan, kung gayon, si Satanas? Si Satanas ay nasa iyong tabi at nasa palibot mo; maaari pa ngang namumuhay sa loob ng iyong puso. Kung nabubuhay ka na mayroong disposisyon ni Satanas, maaaring masabi na ikaw ay kay Satanas. Hindi mo makikita o mahahawakan ang Satanas at ang masasamang espiritu ng espirituwal na mundo, ngunit ang mga Satanas at ang mga nabubuhay na diyablo na umiiral sa totoong buhay ay nasa lahat ng dako. Ang sinumang tao na tutol sa katotohanan ay masama, at ang sinumang pinuno o manggagawa na hindi tumatanggap sa katotohanan ay isang anticristo o huwad na lider. Hindi ba’t ang gayong mga tao ay mga Satanas at nabubuhay na diyablo? Maaaring ang mga gayong tao mismo ang sinasamba at hinahangaan mo; maaaring sila ang mga taong namumuno sa iyo o mga taong matagal mo nang hinahangaan, pinagkakatiwalaan, inaasahan, at inaasam sa iyong puso. Sa totoo lang, gayumpaman, sila ay mga hadlang sa iyong landas at pumipigil sa iyong hangarin ang katotohanan at tamuhin ang kaligtasan; sila ay mga huwad na lider at anticristo. Maaari nilang kontrolin ang iyong buhay at ang landas na iyong nilalakaran, at maaari nilang sirain ang pagkakataon mong mabigyan ng kaligtasan. Kung mabibigo kang makilatis at mahalata sila, anumang sandali ay maaari kang mailihis at mabihag. Kaya, ikaw ay nasa malaking panganib. Kung hindi mo mailayo ang iyong sarili sa panganib na ito, ikaw ay biktimang isasakripisyo ni Satanas. Ano’t anuman, ang mga taong naililihis at nakokontrol, at nagiging mga tagasunod ng isang anticristo ay hindi magtatamo ng kaligtasan kailanpaman. Dahil hindi nila minamahal o hinahangad ang katotohanan, tiyak na ang magiging resulta ay maililihis sila at susunod sila sa isang anticristo.
Akala ng ibang tao ay mga tao silang naghahangad sa katotohanan at sinasabi nilang nakikilatis nila ang mga anticristo. Sobrang taas ng tingin nila sa kanilang sarili, hindi ba? Kapag may nakatagpo kang isang halatang anticristo, isa na ipinapakita ang kanyang mga pangil, may mahinang pagkatao at gumagawa ng masasamang gawa, makikilala mo siya nang natural. Pero kapag may nakatagpo kang anticristo na mukhang maka-diyos, malumanay magsalita, at parang isang mabait na tao—isang anticristo na tumutugma sa mga kuru-kuro ng mga tao—matapang mo pa rin bang maipapahayag na kaya mo siyang makilala kung ano talaga siya? Maglalakas-loob ka bang bansagan siya na isang anticristo? Kung hindi mo siya kayang kilatisin, siguradong hahangaan mo siya at magiging mabait ka sa kanya, at sa gayon ay siguradong makakaimpluwensiya sa iyo ang kanyang pag-uugali, ang kanyang mga opinyon at pananaw, ang kanyang mga kilos—maging ang kanyang pagkaunawa sa katotohanan. Gaano kalalim makakaimpluwensiya sa iyo ang mga bagay na ito? Maiinggit ka sa anticristo, gagayahin siya, tutularan siya, susundan siya, na makakaapekto sa iyong buhay pagpasok; maaapektuhan nito ang iyong paghahangad sa katotohanan at pagpasok sa realidad, maaapektuhan nito ang saloobin mo sa Diyos, at maaapektuhan nito kung tunay ka bang magpapasakop at susunod sa Diyos hanggang wakas o hindi. Sa huli, ang anticristo ang magiging diyus-diyosan mo, magkakaroon siya ng lugar sa puso mo, at hindi mo siya matatakasan. Kapag nailihis ka na nang ganito kalala, mayroon ka na lamang katiting na pag-asang maligtas, dahil ang iyong relasyon sa Diyos ay nawasak na, nawala na ang normal na relasyon mo sa Diyos, at ikaw ay nasa bingit ng panganib. At ito ba ay isang sakuna o isang pagpapala para sa iyo? Siyempre isa itong sakuna; tiyak na hindi ito isang pagpapala. Kahit na, sa maliliit na bagay, ay may ilang anticristo na makakatulong sa iyo, at magiging kapaki-pakinabang sa iyo, o kung hindi naman ay makakapangaral ng mga salita at doktrinang magbibigay—liwanag sa iyo, sa sandaling nailihis ka nila, sinamba mo sila, at sinundan sila, nasa panganib ka. Idinulot mo ang pagkawasak ng iyong sarili, at nawala ang pagkakataon mong maligtas. Sinasabi ng iba, “Hindi siya isang Satanas o isang masamang tao, mukha siyang espirituwal na tao, isang taong naghahangad sa katotohanan.” May katotohanan ba sa mga salitang ito? (Wala.) Bakit wala? Sa sinumang totoong naghahangad sa katotohanan, ang impluwensiya o pakinabang ng kanyang gabay, tulong, at pagtustos ay nagsisilbi para dalhin ka sa harap ng Diyos para iyong hanapin ang Kanyang mga salita at ang katotohanan, at para lumapit ka sa Diyos at matutong sumandig sa Kanya at hanapin Siya, at mapapalapit nang mapapalapit ang relasyon mo sa Kanya. Sa kabaligtaran, ano ang kalalabasan kung mapapalapit nang mapapalapit ang relasyon mo sa anticristo, hanggang sa maging sunud-sunuran ka na sa kanya? Malilihis ka sa maling landas at magdadala ng kapahamakan sa iyong sarili. Kapag mayroon kang malapit na relasyon sa isang anticristo, napapalayo ang iyong relasyon sa Diyos. At ano ang kahihinatnan nito? Dadalhin ka ng anticristo sa harapan niya, at lalayo ka sa Diyos. Kung mayroon kang diyus-diyosan sa iyong puso, sa sandaling magsimula kang magkaroon ng mga kuru-kuro tungkol sa mga salita at gawain ng Diyos, o kapag isiniwalat ng mga salita ng Diyos ang diyus-diyosan mo, agad kang maghihimagsik laban sa Diyos, at baka kalabanin at ipagkanulo mo pa nga ang Diyos; papanig ka sa iyong diyus-diyosan at kakalabanin ang Diyos. Madalas itong mangyari. Kapag ang ilang huwad na lider at anticristo ay pinalitan o pinatalsik, ang kanilang mga kasabwat at tauhan ay nagsisimulang ipagtanggol sila at magreklamo; may ilan pa ngang nagiging negatibo at tumitigil na sa pananampalataya sa Diyos. Karaniwan ito, hindi ba? At bakit tumitigil na sila sa pananampalataya? Sinasabi nila, “Ang aming lider ay pinalitan at pinatalsik, kaya anong pag-asa ang mayroon ako, na isang ordinaryong mananampalataya?” Hindi ba’t kalokohan ito? Ipinapahiwatig ng kanilang mga salita na sinusunod nila ang anticristo, na ganap na silang nailihis ng anticristo. At ano ang kinahinatnan ng kanilang pagkalihis? Ang anticristo ang naging diyus-diyosang sinasamba nila; naging parang ninuno nila ang anticristo: Paanong hindi sila aalis, kung pinatalsik ang kanilang ninuno? Sa anticristo lang sila nakikinig, at nasa ilalim sila ng buong kontrol ng anticristo. Iniisip nila na ang lahat ng sinasabi at ginagawa ng anticristo ay tama, at dapat tanggapin at sundin bilang katotohanan, kaya hindi nila pinahihintulutan ang kahit sino sa sambahayan ng Diyos na isiwalat at kondenahin ang anticristo. Sa sandaling patalsikin ng sambahayan ng Diyos ang anticristo, ang mga sumusunod sa anticristo ang mismong aalis sa iglesia; “Ang puno ay natumba at ang mga unggoy ay naglipana,” wika nga nila. Ipinapakita ng ganoong mga bagay na ang mga anticristo at ang kanilang mga alagad ay mga lingkod ni Satanas, na dumating para gambalain at guluhin ang gawain ng Diyos. Sa sandaling sila ay maibunyag, mailantad, at maitaboy ng mga taong hinirang ng Diyos, matatapos ang kanilang pananalig sa Diyos. Ang mga alagad ng mga anticristo ay may iisang malinaw na nakikitang katangian: Hindi sila nakikinig sa mga salita ninuman; ang mga anticristo lamang ang pinakikinggan nila. At kapag nailihis na sila ng mga anticristo, tumitigil na ang pakikinig nila sa mga salita ng Diyos, at ang anticristo lamang ang kinikilala nila bilang kanilang panginoon. Sa ganito, hindi ba’t nailihis na sila, hindi ba’t kinokontrol sila? Ang mga alagad lamang ng mga anticristo ang magtatanggol sa mga anticristo. Kapag inilantad at ibinunyag ang mga anticristo, ang mga taong sumusunod sa kanila ay nababalisa para sa kanila, umiiyak ang mga ito para sa kanila, nagrereklamo ang mga ito para sa kanila at sinusubukan ng mga itong ipagtanggol sila. Sa ganoong mga panahon nakalimutan na nila ang Diyos, at hindi na sila nagdarasal sa Diyos o naghahanap sa katotohanan; ang tangi na lang nilang ginagawa ay ipagtanggol ang mga anticristo at pigain ang utak nila para sa mga ito; ni hindi na nga nila kinikilala ang Diyos. Nananampalataya ba talaga sila sa Diyos? Kanino ba sila totoong nananampalataya? Malinaw na malinaw na ito. … Sinasabi mo na hindi ka nag-aalala na maililihis ka ng anticristo, na wala kang takot na sumunod sa isang anticristo, pero walang silbing sabihin ito. Ito ay isang magulong pahayag. Ito ay dahil kung hindi mo hinahangad ang katotohanan at lagi mong sinasamba at sinusunod ang mga tao, tatahakin mo ang landas ng mga anticristo nang hindi mo namamalayan. Ang pananampalataya sa Diyos nang maraming taon pero walang patotoong batay sa karanasan, at hindi lang ang hindi pagkakamit ng katotohanan at buhay, kundi ang pagiging isang tao pang kumokontra sa Diyos: ito ang pangunahing kahihinatnan ng pagsunod sa mga anticristo, at ito ay isang bagay na hindi mo matatanggal sa iyong sarili, ito ay isang katunayang hindi mababago. Tulad ito ng kapag hinawakan ng isang tao ang daloy ng kuryente: Siguradong makukuryente siya. Puwedeng sabihin ng ilan, “Hindi ako naniniwala riyan; hindi ako natatakot”—pero ito ba ay usapin ng kung pinaniniwalaan mo ito o kung natatakot ka? Hawakan mo ang daloy ng kuryente, at zap! Makukuryente ka. Hindi makakatulong ang hindi paniniwala rito. Ang hindi paniniwala rito ay kamangmangan; ito ay iresponsableng bagay na sabihin. Kaya, handa ka mang sumunod sa anticristo o hindi, kung hindi mo hinahangad ang katotohanan, at ang iyong mga pagsisikap ay laging nakatutok sa kasikatan, pakinabang, at katayuan, tinatahak mo na ang landas ng mga anticristo. Ang kahihinatnang ito ay magpapakita nang paunti-unti, parang dumi na lumulutang papunta sa ibabaw. Hindi ito maiiwasan. Ang ginagawa ng mga anticristo ay akayin ang mga tao papunta sa harapan nila, ipinapatanggap sa mga ito ang kontrol at pagmamanipula nila, kaysa tanggapin ang mga pamamatnugot at pagsasaayos ng Diyos, o magpasakop sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos. Gusto ng mga anticristo na makuha ang tiwala ng mga tao, gusto nilang makamit ang mga ito, layon nilang makontrol ang lahat ng taong hinirang ng Diyos, makontrol ng mga kamay nila ang mga taong hinirang ng Diyos; mga ilegal na mangangalakal sila. At ano ang ginagamit ng mga anticristo para matupad ang layon nilang makontrol ang mga tao? Ginagamit nila ang espirituwal na doktrinang sinasamba ng mga tao, gumagamit sila ng mga teoryang mapanlinlang, sinasamantala nila ang tiwaling mentalidad ng mga tao ng teorya ng pagsamba para magpaliguy-ligoy at magpabango, para iligaw ang mga tao. Sa madaling salita, ang lahat ng kanilang sinasabi ay mga salita at doktrina lang, hungkag na teorya, mga bagay na mapanlinlang at labag sa katotohanan. Kung hindi nauunawaan ng mga tao ang katotohanan, talagang maililigaw sila; kahit papaano, may panahong maililigaw muna sila bago sila mahihimasmasan. Kapag nahimasmasan na sila ay malalantad na ang mga anticristo, kung kailan makakaramdam sila ng pinakamatinding pagsisisi. Matagal nang nawala ang gawain ng Banal na Espiritu sa mga taong sumusunod sa mga anticristo; ito ay dahil sinasamba nila ang mga diyus-diyosan sa kanilang puso, sinusundan ang mga tao, at itinataboy sila ng Diyos, at isinantabi na Niya sila para ibunyag sila. Kaya napakamapanganib na sumunod sa mga anticristo; gaya ng mga anticristo, ang mga taong sumusunod sa mga anticristo ang pinaka-kinasusuklaman ng Diyos.
—Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikatlong Aytem: Inihihiwalay at Binabatikos Nila ang mga Naghahanap ng Katotohanan
Kailangan ninyong matutuhang kilatisin ang mga anticristo. Kung hindi mo kailanman seryosong kinikilatis ang mga anticristo, manganganib ka, at sinong nakakaalam kung kailan o sa kung anong pangyayari ka nila maililigaw. Maaari pa ngang sumunod ka nang may magulong isip sa isang anticristo nang hindi mo alam kung ano ang nangyayari. Hindi mo mararamdaman na may anumang mali rito sa oras na iyon, at mararamdaman mo pa nga na tama ang sinasabi ng anticristong ito—sa ganitong paraan, maililigaw ka nang hindi mo napagtatanto. Ang katunayang nailigaw ka na ay nagpapakita na ipinagkanulo mo na ang Diyos, at mawawalan na ng paraan ang Diyos para iligtas ka. May ilang tao na karaniwang gumagampan nang maayos, pero sa loob ng ilang panahon, nalilinlang sila ng mga anticristo, at sa huli ay ibinabalik sila ng iglesia sa pamamagitan ng panghihikayat at pagbabahaginan. Gayumpaman, may ilan na hindi bumabalik paano man ibahagi sa kanila ang katotohanan, at nagiging determinado sila sa pagsama sa mga anticristo—hindi ba’t ganap na silang nawasak kapag nagkagayon? Mariin silang tumatanggi na bumalik, at hindi na gumagawa ang Diyos sa kanila. Walang pagkilatis ang ilang tao, at naaawa sila sa ganitong klase ng tao, sinasabi nila, “Disente naman ang taong iyon: Maraming taon siyang nanampalataya sa Diyos, at tinalikuran niya ang mga bagay at ginugol ang kanyang sarili; matapat niyang ginagawa ang kanyang tungkulin dati, malaki ang pananalig niya sa Diyos, at isa siyang tunay na mananampalataya—hindi ba’t dapat bigyan natin siya ng isa pang pagkakataon?” Tama ba ang pananaw na ito? Tugma ba ito sa katotohanan? Nakikita lamang ng mga tao ang panlabas ng ibang tao, pero hindi nila nakikita ang puso niya; hindi nila makita nang malinaw kung anong klaseng tao ba talaga siya, o anong klase ng diwa ang mayroon siya. Kailangan nilang makipag-ugnayan sa kanya o obserbahan siya sa loob ng ilang panahon, at kailangan na maharap ang taong iyon sa mga pangyayaring magbubunyag sa kanya para makilatis siya ng mga tao. Bukod dito, kung tutulungan mo ang mga taong ito dahil sa kabutihan ng puso mo, pero hindi sila bumabalik gaano ka man makipagbahaginan sa kanila, hindi mo malalaman kung ano ang dahilan sa likod ng lahat ng ito. Sa realidad, nakilatis at itiniwalag na ng Diyos ang mga taong ito. Bakit sila itiniwalag ng Diyos? Ang pinakadiretsahang dahilan ay na halatang masasamang espiritu ang ilang anticristo, at puwede silang iklasipika bilang mga anticristo na may mga gumagawang masamang espiritu sa kanila. Kung susundan sila ng mga tao sa loob ng ilang panahon, didilim ang puso nila, at magiging napakahina nila na bumabagsak sila, na nagpapatunay na matagal na silang sinukuan ng Diyos. May matuwid na disposisyon ang Diyos, at kinamumuhian Niya si Satanas. Dahil sumusunod ang mga taong ito kay Satanas at sa masasamang espiritu, magagawa pa rin ba silang kilalanin ng Diyos bilang mga tagasunod Niya? Ang Diyos ay banal at napopoot sa kasamaan. Ayaw Niya sa mga sumunod sa masasamang espiritu; kahit na iniisip ng iba na mabubuting tao sila, ayaw ng Diyos sa kanila. Ano ang ibig sabihin na kinapopootan ng Diyos ang kasamaan? Ano ang ipinahihiwatig ng “kinapopootan ang kasamaan”? Makinig kayo sa sasabihin Ko ngayon, at mauunawaan ninyo. Simula nang hirangin ng Diyos ang isang tao, hanggang sa kilalanin ng taong iyon na ang Diyos ang katotohanan, katuwiran, karunungan, at ang pagkamakapangyarihan-sa-lahat, na nag-iisa lamang Siya—kapag naunawaan na nila ang mga bagay na ito, at pagkatapos nilang magkaroon ng ilang karanasan, sa kaibuturan ng kanilang puso ay magkakaroon sila ng pangunahing pagkaunawa sa disposisyon, diwa ng Diyos, at kung ano ang mayroon Siya at ano Siya, at ang pangunahing pagkaunawang ito ay magiging pananalig nila. Magiging motibasyon din nila ito upang sumunod sa Diyos, gugulin ang kanilang sarili para sa Diyos, at gawin ang kanilang tungkulin. Kapag may karanasan na sila, kapag nauunawaan na nila ang katotohanan, at nag-ugat na sa kanilang puso ang kanilang pagkaunawa sa disposisyon ng Diyos at ang kanilang kaalaman sa Diyos—kapag taglay na nila ang ganitong tayog—hindi nila itatatwa ang Diyos. Pero kung wala silang totoong kaalaman kay Cristo, ang praktikal na Diyos, at kung malamang na sumamba at sumunod sila sa isang anticristo, nanganganib pa rin sila. Maaari pa rin nilang talikuran si Cristo sa katawang-tao para sumunod sa isang buktot na anticristo. Magiging hayagang pagtatatwa ito kay Cristo at pagputol ng ugnayan sa Diyos. Ang ipinahihiwatig nito ay: “Hindi ko na sinusundan ang Diyos—sinusundan ko si Satanas. Mahal ko si Satanas at handa akong paglingkuran ito; handa akong sundan si Satanas. Paano man ako tratuhin nito, paano man ako wasakin, tapakan, at gawing tiwali nito, handang-handa ako. Gaano man katuwid at kabanal ang Diyos, gaano man karaming katotohanan ang ipinapahayag Niya, hindi ako handang sundan Siya. Ayaw ko sa katotohanan. Gusto ko ang kasikatan, katayuan, mga gantimpala, at mga korona; kahit na hindi ko matamo ang mga iyon, gusto ko ang mga iyon.” Nang ganoon-ganoon lang, sumunod na sila sa isang taong walang kaugnayan sa kanila, sumama na sila sa isang anticristo na sumasalungat sa Diyos. Gugustuhin pa rin ba ng Diyos ang ganitong tao? Siguradong hindi. Makatwiran ba na ayawan sila ng Diyos? Labis itong makatwiran. Mula sa doktrina, alam mo na ang Diyos ay isang Diyos na napopoot sa kasamaan, at na Siya ay banal. Nauunawaan mo ang doktrinang ito, pero alam mo ba kung paano tinatrato ng Diyos ang mga ganitong tao? Kung itinataboy ng Diyos ang isang tao, susukuan Niya ito nang walang pag-aatubili. Hindi ba’t totoo ang sinasabi Ko? (Oo.) Totoo ito. Kung ganoon, ang pagsuko ba ng Diyos sa ganitong tao ay nangangahulugan na may malupit Siyang puso? (Hindi.) May prinsipyo ang Diyos sa Kanyang mga kilos. Kung kilala mo kung sino ang Diyos, pero ayaw mong sumunod sa Kanya—kung kilala mo kung sino si Satanas, pero iginigiit mong sumunod dito—hindi ka pupuwersahin ng Diyos. Sige at sundan mo si Satanas magpakailanman. Huwag ka nang bumalik; sinukuan ka na ng Diyos. Paano mauunawaan ng isang tao ang disposisyon ng Diyos? Matuwid at banal ang disposisyon ng Diyos, at may isang elemento sa disposisyon Niya na napopoot sa kasamaan. Sa madaling salita, kung bilang isang nilikha ay handa kang maging masama, ano pa bang masasabi ng Diyos? Hindi kailanman pinupuwersa ng Diyos ang mga tao na gawin ang mga bagay na ayaw nilang gawin. Hindi Niya kailanman pinupuwersa ang mga tao na tanggapin ang katotohanan. Kung gusto mong maging masama, personal mo nang desisyon iyon—sa huli, ikaw ang magpapasan ng mga kahihinatnan, at sarili mo lang ang masisisi mo. Hindi nagbabago ang mga prinsipyo ng Diyos sa pangangasiwa sa mga tao, kaya kung masaya ka sa kasamaan, hindi maiiwasan na mapaparusahan ka sa huli. Hindi mahalaga kung ilan taon ka nang sumusunod sa Diyos; kung gusto mong maging masama, hindi ka pupuwersahin ng Diyos na magsisi. Ikaw ang handang sumunod kay Satanas, na mailigaw at mawasak ni Satanas, kaya sa huli, ikaw ang dapat magpasan ng mga kahihinatnan.
—Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikapitong Aytem: Sila ay Buktot, Traydor, at Mapanlinlang (Ikalawang Bahagi)
Kaugnay na mga Extract ng Pelikula
Maliligtas ba ang Isang Tao sa Pamamagitan ng Pananampalataya sa Panginoon sa Loob ng Relihiyon?
Kaugnay na mga Himno
Yaong Nananampalataya sa Diyos ngunit Hindi Tinatanggap ang Katotohanan ay Hindi Mananampalataya
Si Cristo ng Mga Huling Araw ay Naghahatid ng Daan ng Walang-Hanggang Buhay