d. Kung ang Diyos ba talaga ang nagtatag ng mga pastor at elder ng relihiyon, at kung ang pagtalima ba sa mga pastor at elder ng relihiyon ay pagpapasakop at pagsunod sa Diyos

Mga Salita ng Makapangyarihang Diyos ng mga Huling Araw

Sa pagpili ng isang tao na maglilingkod sa Kanya, ang Diyos ay laging may sariling mga prinsipyo. Ang paglilingkod sa Diyos ay hinding-hindi gaya ng iniisip ng tao, na tungkol lamang sa pagkakaroon ng sigasig. Ngayon nakikita ninyo na ang lahat ng naglilingkod sa harap ng Diyos ay ginagawa ito dahil taglay nila ang patnubay ng Diyos at ang gawain ng Banal na Espiritu, at dahil sila ay mga taong naghahangad na matamo ang katotohanan. Ang mga ito ang pinakamababang kondisyon para sa lahat ng nagsisilbi sa Diyos.

Ang paglilingkod sa Diyos ay hindi isang simpleng gawain. Ang mga taong hindi nagbabago ang tiwaling disposisyon ay hindi kailanman maaaring maglingkod sa Diyos. Kung ang disposisyon mo ay hindi pa nahatulan at nakastigo ng mga salita ng Diyos, ang disposisyon mo ay kumakatawan pa rin kay Satanas, na nagpapatunay na pinaglilingkuran mo ang Diyos ayon sa iyong mabubuting layunin, na ang paglilingkod mo ay batay sa iyong satanikong kalikasan. Naglilingkod ka sa Diyos gamit ang likas mong pagkatao, at ayon sa mga personal mong kagustuhan. Dagdag pa rito, lagi mong iniisip na ang mga bagay na handa kang gawin ay ang mga bagay na nakalulugod sa Diyos, at ang mga bagay na hindi mo nais gawin ay ang mga bagay na kinapopootan ng Diyos; lubos kang gumagawa nang naaayon sa sarili mong mga kagustuhan. Matatawag ba itong paglilingkod sa Diyos? Sa huli, ang disposisyon mo sa buhay ay hindi magbabago ni katiting; sa halip, magiging mas matigas ang ulo mo dahil sa paglilingkod mo, at sa gayon ay mapapalalim ang iyong tiwaling disposisyon. Dahil dito, mabubuo sa iyong kalooban ang mga alituntunin sa paglilingkod sa Diyos na ang pangunahing batayan ay ang sarili mong pagkatao, at mga karanasang mula sa iyong paglilingkod ayon sa sarili mong disposisyon. Ito ang mga karanasan at mga aral ng tao. Ito ang pilosopiya ng tao sa mga makamundong pakikitungo. Ang mga taong tulad nito ay maitutulad sa mga Pariseo at mga pinuno ng relihiyon. Kung hindi sila kailanman magigising at magsisisi, tiyak na magiging mga huwad na mga cristo at anticristo sila na inililigaw ang mga tao sa mga huling araw. Magmumula sa ganitong mga tao ang nabanggit na mga huwad na cristo at mga anticristo. Kung ang mga naglilingkod sa Diyos ay sumusunod sa sarili nilang pagkatao at kumikilos ayon sa sarili nilang kalooban, nanganganib silang maitiwalag anumang oras. Sa mga naglilingkod sa Diyos na gumagamit ng mga karanasan nila sa loob ng maraming taon upang makuha ang puso ng ibang tao, mapangaralan at mapipigilan sila, at magkaroon ng mataas na katayuan—at hindi kailanman nagsisisi, hindi kailanman nagtatapat ng kanilang mga kasalanan, hindi kailanman tinatalikuran ang mga benepisyo ng posisyon—ang mga taong ito ay babagsak sa harap ng Diyos. Sila ay mga kauri ni Pablo, nagpapalagay na nakatataas sila at ipinangangalandakan ang kanilang mga kuwalipikasyon. Hindi gagawing perpekto ng Diyos ang mga taong tulad nito. Ang ganitong uri ng paglilingkod ay nakakagambala sa gawain ng Diyos. Ang mga tao ay palaging kumakapit sa nakalipas. Kumakapit sila sa mga kuru-kuro ng nakalipas, sa lahat ng bagay mula sa nakaraan. Malaking sagabal ito sa kanilang paglilingkod. Kung hindi mo kayang iwaksi ang mga ito, magiging hadlang ang mga ito sa buong buhay mo. Hindi ka pupurihin ng Diyos ni katiting, kahit pa mabali ang mga binti mo sa pagtakbo o ang likod mo sa paggawa, kahit pa mapatay ka sa paglilingkod mo sa Diyos. Sa kabaligtaran: sasabihin Niya na ikaw ay isang masamang tao.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Kailangang Maalis ang Paglilingkod na Pangrelihiyon

Ang mga nasa simbahan na nangangaral at may katayuan, posisyon, at prestihiyo ay isang grupo ng mga taong sinanay sa mga teolohikal na seminaryo para magkaroon ng teolohikal na kaalaman at mga teorya, at sila ang pangunahing nagtataguyod sa Kristiyanismo. Sinasanay ng Kristiyanismo ang mga gayong tao na tumayo sa entablado at mangaral, na magpalaganap ng ebanghelyo at gumawa ng gawain kung saan man. Naniniwala silang masisiguro ang pag-iral ng Kristiyanismo hanggang sa kasalukuyan sa pamamagitan ng mga talentong tulad ng mga estudyante ng teolohiya, nangangaral na pastor, at teologo na ito, at ang mga taong ito ang nagiging halaga at kapital sa pag-iral ng Kristiyanismo. Kung ang pastor ng isang simbahan ay nagtapos sa isang teolohikal na seminaryo, maayos na natatalakay ang Bibliya, nakabasa na ng ilang espirituwal na aklat, at may kaunting kaalaman at galing magsalita, dadami ang dumadalo sa simbahang iyon at magiging mas sikat ito kaysa sa ibang simbahan. Ano ang pinahahalagahan ng mga taong ito na nasa Kristiyanismo? Ang kaalaman, ang teolohikal na kaalaman. Saan nanggagaling ang kaalamang ito? Hindi ba’t ipinamana ito mula pa sa sinaunang panahon? May mga kasulatan na noon pang sinaunang panahon, na ipinamana ng bawat naunang henerasyon sa susunod, at sa ganitong paraan nababasa at natututunan ng lahat ang mga iyon hanggang ngayon. Hinahati ng mga tao ang Bibliya sa iba’t ibang seksyon, nagtitipon sila ng iba’t ibang bersyon, at hinihikayat nila ang pag-aaral at pagkatuto, pero ang pag-aaral nila sa Bibliya ay hindi para maunawaan ang katotohanan upang makilala ang Diyos, ni para maunawaan ang mga layunin ng Diyos upang matakot sila sa Diyos at umiwas sa kasamaan; sa halip ito ay para pag-aralan ang kaalaman at ang mga hiwaga ng Bibliya, para malaman kung aling mga pangyayari sa kung anong panahon ang tumupad sa kung anong propesiya sa Pahayag, at kung kailan mangyayari ang matitinding kalamidad at ang milenyo—pinag-aaralan nila ang mga ito. May kinalaman ba sa katotohanan ang pag-aaral nila? (Wala, wala itong kinalaman.) Bakit nila pinag-aaralan ang mga bagay na wala namang kinalaman sa katotohanan? Ito ay dahil habang mas nag-aaral sila, mas nadarama nilang nakakaunawa sila, at habang mas nasasangkapan sila ng mga salita at doktrina, nagiging mas kwalipikado sila. Mas kwalipikado sila, mas nadarama nilang mas maabilidad sila, at mas lalo silang naniniwala na sa wakas ay pagpapalain sila sa kanilang pananampalataya, na pupunta sila sa langit pagkamatay nila, o na dadalhin sa himpapawid ang mga buhay para salubungin ang Panginoon. Ito ang kanilang mga kuru-kuro sa relihiyon, na pawang hindi naaayon sa mga salita ng Diyos.

—Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikapitong Aytem: Sila ay Buktot, Traydor, at Mapanlinlang (Ikatlong Bahagi)

Ang gawain sa isip ng tao ay napakadaling makamit ng tao. Ang mga pastor at pinuno sa relihiyosong mundo, halimbawa, ay umaasa sa kanilang mga kaloob at katungkulan upang gawin ang kanilang gawain. Ang mga taong sumusunod sa kanila sa loob ng mahabang panahon ay mahahawa sa kanilang mga kaloob at maiimpluwensyahan ng ilan sa kanilang katauhan. Nakatuon sila sa mga kaloob, kakayahan, at kaalaman ng mga tao, at nagbibigay-pansin sa higit-sa-karaniwang mga bagay at sa maraming malalim at di-makatotohanang doktrina (mangyari pa, ang malalalim na doktrinang ito ay hindi matatamo). Hindi sila nagtutuon sa mga pagbabago sa mga disposisyon ng mga tao, kundi sa halip ay sa pagsasanay sa mga tao na mangaral at gumawa, na nakakaragdag sa kaalaman ng mga tao at sa kanilang saganang mga relihiyosong doktrina. Hindi sila nagtutuon sa kung gaano nagbabago ang disposisyon ng mga tao ni kung gaano nauunawaan ng mga tao ang katotohanan. Hindi sila nagmamalasakit sa diwa ng mga tao, at lalo nang hindi nila sinusubukang alamin ang normal at abnormal na mga kalagayan ng mga tao. Hindi nila sinasalungat ang mga kuru-kuro ng mga tao, ni hindi nila ibinubunyag ang kanilang mga kuru-kuro, lalong hindi nila tinatabasan ang mga tao sa kanilang mga kakulangan o mga katiwalian. Karamihan sa mga sumusunod sa kanila ay naglilingkod gamit ang kanilang mga kaloob, at ang tanging inilalabas nila ay mga relihiyosong kuru-kuro at mga teoryang teolohikal, na hindi makatotohanan at ganap na hindi nagbibigay-buhay sa mga tao. Sa katunayan, ang diwa ng kanilang gawain ay pangangalaga sa talento, pangangalaga sa isang tao na walang kahit ano tungo sa pagtatapos sa seminaryo na taglay ang maraming talento na paglaon ay humahayo upang gumawa at mamuno.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Gawain ng Diyos at Gawain ng Tao

Ang mga pastor at elder ng mundo ng relihiyon ay pawang mga taong pinag-aaralan ang biblikal na kaalaman at teolohiya; sila ay mga mapagpaimbabaw na Pariseo na lumalaban sa Diyos. … Ang mga nasa Kristiyanismo at Katolisismo ba na pinag-aaralan ang Bibliya, teolohiya, at maging ang kasaysayan ng gawain ng Diyos ay mga tunay na mananampalataya? Naiiba ba sila sa mga mananampalataya at tagasunod ng Diyos na tinutukoy ng Diyos? Sa mga mata ng Diyos, mga mananampalataya ba sila? Hindi, pinag-aaralan nila ang teolohiya, pinag-aaralan nila ang Diyos, pero hindi sila sumusunod sa Diyos o nagpapatotoo sa Kanya. Ang pag-aaral nila sa Diyos ay kapareho ng sa mga nag-aaral ng kasaysayan, pilosopiya, batas, biyolohiya, o astronomiya. Hindi nga lang nila gusto ang siyensya o ang iba pang paksang-aralin—partikular nilang gustong pag-aralan ang teolohiya. Ano ang kinalalabasan ng paghahanap nila sa mga bahagi ng gawain ng Diyos para pag-aralan ang Diyos? Matutuklasan ba nila ang pag-iral ng Diyos? Hindi, hindi kailanman. Mauunawaan ba nila ang mga layunin ng Diyos? (Hindi.) Bakit? Dahil nabubuhay sila sa mga salita, sa kaalaman, sa pilosopiya, sa isip ng tao at sa mga kaisipan ng tao; hindi nila kailanman makikita ang Diyos o matatamo ang kaliwanagan ng Banal na Espiritu. Paano sila inuuri ng Diyos? Bilang mga hindi mananampalataya, bilang mga walang pananampalataya. Ang mga walang pananampalataya at hindi mananampalatayang ito ay nakikihalubilo sa diumano ay komunidad ng mga Kristiyano, kumikilos bilang mga mananampalataya sa Diyos, bilang mga Kristiyano, pero sa realidad, may tunay ba silang pagsamba sa Diyos? May tunay ba silang pagpapasakop? (Wala.) Bakit ganoon? Isa lang ang sigurado: Marami sa kanila ay hindi naniniwala sa puso nila na umiiral ang Diyos; hindi sila naniniwalang nilikha ng Diyos ang mundo at Siya ang may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay, at lalo nang hindi sila naniniwalang puwedeng maging tao ang Diyos. Ano ang ibig sabihin ng di-paniniwalang ito? Nangangahulugan itong magduda at magkaila. Nagkakaroon pa nga sila ng isang saloobing hindi umaasang matutupad o mangyayari ang mga propesiyang binigkas ng Diyos, lalo na iyong tungkol sa mga kalamidad. Ito ang saloobin nila sa pananampalataya sa Diyos, at ito ang diwa at totoong mukha ng kanilang diumano ay pananampalataya. Pinag-aaralan ng mga taong ito ang Diyos dahil partikular silang interesado sa paksang-aralin at sa kaalaman sa teolohiya, at sa mga katunayan ng kasaysayan ng gawain ng Diyos; sila ay talagang isang grupo ng mga intelektwal na pinag-aaralan ang teolohiya. Hindi naniniwala ang mga intelektwal na ito sa pag-iral ng Diyos, kaya paano sila tumutugon kapag gumagawa na ang Diyos, kapag natutupad na ang mga salita ng Diyos? Ano ang una nilang reaksyon kapag narinig nilang ang Diyos ay naging tao at nagsimula na ng isang bagong gawain? “Imposible!” Ang sinumang ipinangangaral ang bagong pangalan ng Diyos at ang bagong gawain ng Diyos ay kinokondena nila, at gusto pa nga nilang patayin o paslangin ito. Anong klase ng pagpapamalas ito? Hindi ba’t pagpapamalas ito ng isang tipikal na anticristo? Anong pagkakaiba nila sa mga sinaunang Pariseo, punong pari, at mga eskriba? Mapanlaban sila sa gawain ng Diyos, sa paghatol ng Diyos sa mga huling araw, sa pagiging tao ng Diyos, at bukod pa roon, mapanlaban sila sa pagsasakatuparan ng mga propesiya ng Diyos. Naniniwala silang, “Kung hindi ka naging tao, kung nasa anyo ka ng isang espirituwal na katawan, ikaw ay diyos; kung nagkatawang-tao ka at ikaw ay naging isang tao, ibig sabihin ay hindi ka diyos, at hindi ka namin kinikilala.” Ano ang ipinahihiwatig nito? Ibig sabihin nito ay hangga’t narito sila, hindi nila hahayaang maging tao ang Diyos. Hindi ba’t ganito ang isang tipikal na anticristo? Isa itong tunay na anticristo.

—Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikapitong Aytem: Sila ay Buktot, Traydor, at Mapanlinlang (Ikatlong Bahagi)

Yaong mga Pariseong Hudyo, punong saserdote, at eskriba ng Kapanahunan ng Kautusan ay nanalig sa Diyos sa pangalan lamang, ngunit sila ay tumalikod sa Kanyang daan, at ipinako pa nila ang nagkatawang-taong Diyos. Nakakuha kaya ng pagsang-ayon ng Diyos ang kanilang pananalig? (Hindi.) Itinalaga na sila ng Diyos bilang mga tao ng pananampalatayang Hudyo, bilang mga miyembro ng isang relihiyosong grupo. At gayundin, nakikita ng Diyos ang mga nananampalataya ngayon kay Jesus bilang mga miyembro ng isang relihiyosong grupo, na hindi Niya sila kinikilala bilang mga miyembro ng Kanyang iglesia o bilang mga mananampalataya sa Kanya. Bakit kaya kokondenahin ng Diyos ang mundo ng relihiyon? Sapagkat ang lahat ng miyembro ng mga relihiyosong grupo, lalo na ang matataas na antas na lider ng iba’t ibang denominasyon, ay walang may-takot-sa-Diyos na puso, at hindi rin sila mga tagasunod ng kalooban ng Diyos. Lahat sila ay mga hindi mananampalataya. Hindi sila naniniwala sa pagkakatawang-tao, lalong hindi nila tinatanggap ang katotohanan. Hindi nila kailanman hinahangad, hinihiling, sinusuri, o tinatanggap ang gawain ng Diyos sa mga huling araw o ang mga katotohanang ipinapahayag Niya, sa halip ay diretso nilang kinokondena at nilalapastangan ang gawain ng pagkakatawang-tao ng Diyos sa mga huling araw. Malinaw na makikita rito ng isang tao na maaaring sumasampalataya sila sa Diyos sa pangalan, ngunit hindi sila kinikilala ng Diyos bilang mga mananampalataya sa Kanya; sinasabi Niya na sila ay masasamang tao, na wala sa kanilang ginagawa ang may katiting na kaugnayan sa Kanyang gawain ng pagliligtas, na sila ay mga walang pananampalataya na taliwas sa Kanyang mga salita. Kung nananampalataya kayo sa Diyos tulad ng ginagawa ninyo ngayon, hindi ba’t darating ang araw na kayo rin ay magiging mga relihiyosong lingkod na lamang? Ang pananampalataya sa Diyos mula sa loob ng relihiyon ay hindi magkakamit ng kaligtasan—bakit ganito mismo? Kung hindi ninyo masabi kung bakit ganito, ipinapakita nito na hindi ninyo nauunawaan ang katotohanan o ang mga layunin ng Diyos kahit kaunti. Ang pinakakalunos-lunos na maaaring mangyari sa pananampalataya sa Diyos ay ang pagbaba nito sa relihiyon at ang pagtitiwalag ng Diyos dito. Hindi ito kapani-paniwala para sa tao, at ang mga hindi nakauunawa sa katotohanan ay hindi kailanman makikita nang malinaw ang bagay na ito. Sabihin ninyo sa Akin, kapag unti-unting naging relihiyon ang isang iglesia sa mga mata ng Diyos at naging isang denominasyon sa loob ng maraming mahabang taon mula nang mabuo ito, ang mga tao ba sa loob nito ang mga maliligtas ng Diyos? Miyembro ba sila ng Kanyang pamilya? (Hindi.) Hindi sila kabilang. Anong daan ang kanilang tinatahak, nitong mga taong sa pangalan lamang nananampalataya sa tunay na Diyos, ngunit itinuturing Niyang mga relihiyosong tao? Ang daan na kanilang tinatahak ay ang daan kung saan dinadala nila ang bandila ng pananampalataya sa Diyos ngunit hindi kailanman sumusunod sa Kanyang daan; ito ay isang daan kung saan nananampalataya sila sa Diyos ngunit hindi Siya sinasamba, at tinatalikuran pa nga Siya; ito ay isang daan kung saan ipinapahayag nilang nananampalataya sila sa Diyos ngunit nilalabanan Siya, pakunwaring nananalig sa pangalan ng Diyos, sa tunay na Diyos, ngunit sumasamba kay Satanas at sa mga diyablo, at nakikibahagi sa mga pagpapatakbo ng tao, at nagtatatag ng isang nagsasariling kaharian ng tao. Iyon ang daang tinatahak nila. Kung titingnan ang daang tinatahak nila, maliwanag na sila ay isang grupo ng mga hindi mananampalataya, isang pangkat ng mga anticristo, isang grupo ng mga Satanas at diyablo na tahasang lumalaban sa Diyos at gumagambala sa Kanyang gawain. Iyan ang diwa ng mundo ng relihiyon. May kinalaman ba ang grupo ng mga gayong tao sa plano ng pamamahala ng Diyos para sa kaligtasan ng tao? (Wala.) Sa sandaling ang mga mananampalataya sa Diyos, gaano man sila karami, ay may paraan ng pananampalataya na natukoy ng Diyos bilang isang denominasyon o isang grupo, sila rin ay natukoy ng Diyos bilang mga hindi maliligtas. Bakit Ko ito sinasabi? Ang isang pangkat na walang gawain o patnubay ng Diyos na hindi nagpapasakop sa Kanya o sumasamba sa Kanya ay maaaring nananampalataya sa Diyos sa pangalan, ngunit ang mga pari at elder ng relihiyon ang sinusunod at tinatalima nila, at ang mga pari at elder ng relihiyon ay sataniko at mapagpaimbabaw sa diwa. Samakatuwid, ang sinusunod at tinatalima ng mga taong iyon ay ang mga Satanas at mga diyablo. Sa kanilang puso, nananampalataya sila sa Diyos, ngunit sa katunayan, minamanipula sila ng tao, napapailalim sa mga pangangasiwa at kontrol ng tao. Kaya, sa mahahalagang termino, ang sinusunod at tinatalima nila ay si Satanas, at ang mga diyablo, at ang mga puwersa ng kasamaan na lumalaban sa Diyos, at ang mga kaaway ng Diyos. Ililigtas ba ng Diyos ang isang pangkat ng mga taong tulad nito? (Hindi.) Bakit hindi? Buweno, ang mga gayong tao ba ay may kakayahang magsisi? Wala; hindi sila magsisisi. Sila ay nakikilahok sa mga pagpapatakbo ng tao at mga proyekto ng tao sa ilalim ng bandila ng pananampalataya sa Diyos, na sumasalungat sa plano ng pamamahala ng Diyos para sa kaligtasan ng tao, na ang pinakakalalabasan ay itataboy sila ng Diyos. Imposibleng ililigtas ng Diyos ang mga taong ito; wala silang kakayahang magsisi, at habang tinatangay sila ni Satanas, ipinapasa sila ng Diyos dito.

—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Tanging sa Pagkakaroon ng Takot sa Diyos Makatatahak ang Isang Tao sa Landas ng Kaligtasan

Hindi nagagalak sa katotohanan ang ilang tao, lalo na sa paghatol. Sa halip, nagagalak sila sa kapangyarihan at mga kayamanan; ang mga taong ganoon ay tinatawag na mga mapaghanap ng kapangyarihan. Hinahanap lamang nila ang mga denominasyon sa mundo na may impluwensya, at hinahanap lamang nila ang mga pastor at mga gurong galing sa mga seminaryo. Bagaman tinanggap na nila ang daan ng katotohanan, hindi sila lubos na naniniwala; wala silang kakayahang ibigay ang lahat ng puso at isip nila, ang mga bibig nila ay bumibigkas ng mga salita ng paggugol ng mga sarili nila para sa Diyos, ngunit ang kanilang mga mata ay nakatuon sa mga dakilang pastor at guro, at hindi nila binibigyan si Cristo ng karagdagang pansin. Nakatuon ang kanilang mga puso sa katanyagan, kayamanan, at karangalan. Hindi sila naniniwalang ang isang ganoon kaliit na tao ay may kakayahang lupigin ang napakarami, na ang isang hindi kapansin-pansin ay mapeperpekto ang tao. Iniisip nilang imposibleng ang mga hamak na kasama ng alikabok at mga tambak ng dumi ay ang mga taong hinirang ng Diyos. Naniniwala silang kung ang gayong mga tao ang mga pakay ng pagliligtas ng Diyos, ang langit at lupa ay mababaliktad, at ang lahat ng tao ay tatawa nang tatawa. Naniniwala silang kung pinili ng Diyos ang gayong mga hamak upang perpektuhin, kung gayon ang mga dakilang taong iyon ay magiging Diyos Mismo. Ang mga pananaw nila ay may bahid ng kawalan ng paniniwala; higit pa sa hindi paniniwala, sila ay mga hibang na hayop lamang. Sapagkat pinahahalagahan lamang nila ang katayuan, katanyagan, at kapangyarihan, at pinahahalagahan lamang nila ang malalaking grupo at denominasyon. Wala silang ni katiting na pagmamalasakit para sa mga inakay ni Cristo; sila ay mga nagkakanulo lamang na tumalikod kay Cristo, sa katotohanan, at sa buhay.

Hindi ang pagpapakumbaba ni Cristo ang hinahangaan mo, kundi ang mga huwad na pastol na may bantog na katayuan. Hindi mo minamahal ang pagiging kaibig-ibig o ang karunungan ni Cristo, kundi iyong mahahalay na nakalublob sa karumihan ng mundo. Tinatawanan mo ang pasakit ni Cristo na walang lugar na mapagpapahingahan ng Kanyang ulo, ngunit hinahangaan mo ang mga bangkay na naghahanap ng mga alay at namumuhay sa kabuktutan. Hindi ka handang magdusa sa tabi ni Cristo, ngunit masayang inihahagis ang sarili sa mga bisig ng mga walang habas na anticristo, kahit na tinutustusan ka lamang nila ng laman, mga salita, at kontrol. Kahit ngayon, bumabaling pa rin sa kanila ang puso mo, tungo sa kanilang reputasyon, sa kanilang katayuan, sa kanilang impluwensya. Gayunpaman patuloy kang nagtataglay ng saloobin na nahihirapan kang lunukin ang gawain ni Cristo at hindi mo ito matanggap. Ito ang dahilan kung bakit sinasabi Kong kulang ka sa pananampalataya upang kilalanin si Cristo. Ang dahilan kung bakit ka sumunod sa Kanya hanggang ngayon ay dahil lamang wala kang ibang pagpipilian. Nangingibabaw sa puso mo magpakailanman ang isang serye ng matatayog na imahe; hindi mo makakalimutan ang kanilang bawat salita at gawa, ni ang kanilang maimpluwensiyang mga salita at mga kamay. Sa mga puso ninyo, sila ay kataas-taasan at mga bayani magpakailanman. Ngunit hindi ganito para sa Cristo ng kasalukuyan. Wala Siyang halaga sa puso mo magpakailanman, at hindi karapat-dapat sa katakutan magpakailanman. Sapagkat napakakaraniwan Niya, may lubhang napakaliit na impluwensya, at malayo sa pagiging napakatayog.

Magkagayunman, sinasabi Kong ang lahat ng hindi nagpapahalaga sa katotohanan ay mga hindi mananampalataya at mga nagkakanulo sa katotohanan. Ang mga ganoong tao ay hindi kailanman makatatanggap ng pagsang-ayon ni Cristo. Natukoy mo na ba ngayon kung gaano kalaki ang kawalan ng paniniwalang nasa kalooban mo, at kung gaano kalaki ang pagtataksil kay Cristo na mayroon ka? Ikaw ay Aking pinapayuhan nang ganito: Dahil pinili mo na ang daan ng katotohanan, dapat mong ilaan ang sarili mo nang buong puso; huwag maging salawahan o mahina ang loob. Dapat mong maunawaan na ang Diyos ay hindi nabibilang sa mundo o sa sinumang tao, kundi sa lahat ng totoong nananampalataya sa Kanya, sa lahat ng sumasamba sa Kanya, at sa lahat ng nagmamahal at tapat sa Kanya.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Isa Ka bang Tunay na Mananampalataya sa Diyos?

Kaugnay na mga Extract ng Pelikula

Tunay bang Hinirang ng Panginoon ang mga Pastor at Elder?

Ang Pagsunod ba sa mga Pastor at Elder ay Tulad ng Pagsunod sa Diyos?

Maaari Bang Kumatawan ang Papa sa Diyos? Ang Pakikinig ba sa Papa ay Pagsunod sa Diyos?

Kaugnay na mga Sermon

Ang Pagsunod Ba sa mga Lider ng Relihiyon ay Pagsunod sa Diyos?

Kaugnay na mga Himno

Walang Tunay na Pananampalataya kay Cristo ang Tao

Yaong Nananampalataya sa Diyos ngunit Hindi Tinatanggap ang Katotohanan ay Hindi Mananampalataya

Sinundan: c. Bakit sinasabi na tinatahak ng lahat ng pastor at nakatatanda sa mga relihiyon ang landas ng mga Pariseo, at ano ang diwa nila

Sumunod: e. Ano ang pagsunod sa Diyos at ano ang pagsunod sa tao

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

Tanong 7: Ang CCP ay isang rebolusyonaryong partido. Ang pinaniniwalaan nito ay kabastusan at karahasan, ibig sabihin, pag-agaw sa kapangyarihan nang may karahasan! Kung tatanggapin natin ang katwiran ng CCP, “Ang isang kasinungalingan ay nagiging katotohanan kung uulit-ulitin nang sampung libong beses.” Gaano man karaming tao ang nagdududa sa salita nito, tumatanggi at hindi naniniwala rito, walang pakialam ang CCP kahit bahagya, at patuloy pa rin itong nagsisinungaling at nanlilinlang. Basta’t makakamtan nito ang mga agarang epekto at minimithi nito, wala itong pakialam sa magiging kapalit! Kung magrebelde at magprotesta ang mga tao laban dito, gagamit ito ng mga tangke at machine gun para lutasin ang lahat. Kapag kailangan, gagamit ito ng mga bomba atomika at missile para labanan ang mga puwersa ng kalaban. Maaaring gawin ng CCP ang lahat para manatili ito sa paghahari. Nang ipahayag sa publiko ang kaso sa Zhaoyuan sa Shandong, ang CCP ay nagpasimula ng maramihang pagpapadala ng mga sandatahang pulis para supilin at arestuhin ang mga Kristiyano anuman ang mangyari. Sino ang makakapigil dito? Sino ang nangahas na lumaban? Kahit nang makita ng mga dayuhan ang panloloko ng CCP, ano ang magagawa nila? Maraming paraan ang CCP para labanan ang pagtuligsa ng mga demokratikong puwersa ng mga taga-Kanluran. Gumagamit ito ng pera para ayusin ang lahat. May kasabihan nga na, “Sinumang tumanggap ng regalo ay ibinebenta ang kanyang kalayaan.” Paunti nang paunti ang mga bansang tumutuligsa sa CCP ngayon. Takot ang puwersa ng mga kaaway ng CCP na iparinig ang kanilang opinyon. Paano man n’yo ito sabihin, naigigiit pa rin ng CCP ang paghahari nito. Hangga’t may kapangyarihan ang Communist Party, kayong mga nananalig sa Diyos ay hindi makakaasang maging malaya! Ang pagpapakita at gawain ng Diyos sa China ay talagang kamumuhian at ipagbabawal ng CCP. Makamtan man ng CCP ang mithiin nitong magbuo ng ateismo sa China o hindi, hindi ito titigil kailanman sa pag-aresto at pagsupil sa inyo! Matagal na itong malinaw sa akin. Kaya nga tinututulan kong mabuti ang pananalig n’yo sa Makapangyarihang Diyos. Para sa kapakanan n’yo ’yan, hindi n’yo ba nauunawaan?

Sagot: Napakasama ng CCP, pero umuunlad pa rin ito sa mundo at walang nangangahas na hadlangan ito. Ibig kayang sabihin n’yan ay permanente...

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito