c. Bakit sinasabi na tinatahak ng lahat ng pastor at nakatatanda sa mga relihiyon ang landas ng mga Pariseo, at ano ang diwa nila
Mga Salita ng Makapangyarihang Diyos ng mga Huling Araw
Nagawa nang tiwali ang tao at namumuhay sa bitag ni Satanas. Nabubuhay sa laman ang lahat ng tao, nabubuhay sa mga makasariling pagnanasa, at wala ni isa man sa kanila ang kaayon Ko. Mayroong mga nagsasabing kaayon Ko sila, ngunit ang ganitong mga tao ay lahat sumasamba sa malalabong diyos-diyosan. Bagamat kinikilala nilang banal ang pangalan Ko, tumatahak sila sa landas na taliwas sa Akin, at puno ang mga salita nila ng pagmamataas at kumpiyansa sa sarili. Ito ay dahil, sa ugat, silang lahat ay laban sa Akin at hindi Ko kaayon. Araw-araw, naghahanap sila ng mga bakas Ko sa Bibliya at sapalarang naghahanap ng “angkop” na mga siping kanilang binabasa nang walang katapusan at binibigkas bilang mga banal na kasulatan. Hindi nila alam kung paano maging kaayon Ko ni ang ibig sabihin ng maging laban sa Akin. Nagbabasa lamang sila ng mga banal na kasulatan nang walang taros. Sa loob ng Bibliya, nililimitahan nila ang isang malabong Diyos na hindi pa nila kailanman nakita, at wala silang kakayahang makita, at inilalabas nila ito upang tingnan kung paano nila gusto. Naniniwala sila sa pag-iral Ko sa loob lamang ng saklaw ng Bibliya, at ipinapantay nila Ako sa Bibliya; kung wala ang Bibliya wala Ako, at kung wala Ako wala ang Bibliya. Hindi nila binibigyang-pansin ang pag-iral o mga kilos Ko, kundi sa halip ay nag-uukol sila ng sukdulan at espesyal na pansin sa bawat salita ng Banal na Kasulatan. Mas marami ang naniniwala pa nga na hindi Ko dapat gawin ang anumang nais Kong gawin maliban na lamang kung ito ay inihula ng Banal na Kasulatan. Binibigyan nila ng sobrang pagpapahalaga ang Banal na Kasulatan. Masasabing nakikita nilang napakahalaga ang mga literal na salita, hanggang sa puntong ginagamit nila ang mga talata mula sa Bibliya upang sukatin ang bawat salitang sinasabi Ko at upang kondenahin Ako. Ang hinahangad nila ay hindi ang daan ng pagiging kaayon Ko o ang daan ng pagiging kaayon ng katotohanan, kundi ang daan ng pagiging kaayon ng mga salita ng Bibliya, at naniniwala silang ang anumang hindi umaayon sa Bibliya ay, walang pagtatanging, hindi Ko gawain. Hindi ba’t ang ganitong mga tao ay ang masunuring mga inapo ng mga Pariseo? Ginamit ng mga Pariseong Hudyo ang batas ni Moises upang parusahan si Jesus. Hindi nila hinangad na maging kaayon ng Jesus ng panahong iyon, kundi masigasig na sinunod ang eksaktong sinabi ng batas, hanggang sa puntong—matapos Siyang kasuhan ng hindi pagsunod sa batas ng Lumang Tipan at hindi pagiging ang Mesiyas—sa huli ipinako nila sa krus ang walang-salang si Jesus. Ano ang diwa nila? Hindi ba’t na hindi nila hinangad ang daan ng pagiging kaayon sa katotohanan? Nahumaling sila sa bawat salita ng Kasulatan habang hindi binibigyang pansin ang kalooban Ko o ang mga hakbang at mga kaparaanan ng gawain Ko. Hindi sila mga taong naghangad ng katotohanan, kundi mga taong mahigpit na kumapit sa mga salita; hindi sila mga taong nanalig sa Diyos, kundi mga taong nanalig sa Bibliya. Sa diwa, mga tagapagbantay sila ng Bibliya. Upang mapangalagaan ang kapakanan ng Bibliya, upang mapanatili ang dangal ng Bibliya, at upang maprotektahan ang reputasyon ng Bibliya, humantong sila sa pagpako sa krus sa mahabaging si Jesus. Ginawa nila ito alang-alang lamang sa pagtatanggol sa Bibliya, at alang-alang sa pagpapanatili ng katayuan ng bawat salita ng Bibliya sa puso ng mga tao. Kaya ginusto nilang talikdan ang kinabukasan nila at ang handog dahil sa kasalanan upang kondenahin si Jesus, na hindi umayon sa doktrina ng Kasulatan. Hindi ba’t silang lahat ay mga sunud-sunuran sa bawat salita ng Kasulatan?
At paano naman ang mga tao ngayon? Pumarito si Cristo upang ilabas ang katotohanan, subalit mas gugustuhin nilang paalisin Siya mula sa mundong ito upang makapasok sila sa langit at makatanggap ng biyaya. Mas gugustuhin pa nilang lubos na ikaila ang pagparito ng katotohanan upang mapangalagaan ang kapakanan ng Bibliya, at mas gugustuhin pa nilang muling ipako sa krus ang Cristong nagbalik sa katawang-tao upang matiyak ang walang hanggang pag-iral ng Bibliya. Paano matatanggap ng tao ang pagliligtas Ko kung labis na mapaghangad ng masama ang puso niya at labis na laban sa Akin ang kalikasan niya? Namumuhay Ako kasama ng tao, ngunit hindi alam ng tao ang pag-iral Ko. Kapag itinatapat Ko ang liwanag Ko sa tao, nananatili pa rin siyang mangmang sa pag-iral Ko. Kapag pinakakawalan Ko ang galit Ko sa tao, lalo pa niyang ikinakaila ang pag-iral Ko. Hinahanap ng tao na maging kaayon ng mga salita at maging kaayon ng Bibliya, subalit wala ni isang tao ang pumupunta sa harap Ko upang hangarin ang daan ng pagiging kaayon ng katotohanan. Tinitingala Ako ng tao sa langit at nagtutuon ng natatanging malasakit sa pag-iral Ko sa langit, subalit walang nagmamalasakit sa Akin sa katawang-tao, dahil Ako na namumuhay kasama ng tao ay sadyang walang halaga. Yaong mga naghahangad lamang na maging kaayon ng mga salita ng Bibliya at naghahangad lamang na maging kaayon ng isang malabong Diyos ay mga kahabag-habag sa paningin Ko. Iyon ay dahil ang sinasamba nila ay patay na mga salita, at isang Diyos na may kakayahang bigyan sila ng di-mabilang na kayamanan; ang sinasamba nila ay isang Diyos na ilalagay ang sarili Niya sa ilalim ng kapangyarihan ng tao—isang Diyos na hindi umiiral. Ano, kung gayon, ang makakamit ng ganitong mga tao mula sa Akin? Masyadong mababa ang tao para sa mga salita. Yaong mga laban sa Akin, na gumagawa ng walang katapusang mga paghingi sa Akin, na mga walang pagmamahal sa katotohanan, na mga mapanghimagsik sa Akin—paano Ko sila magiging kaayon?
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Dapat Mong Hangarin ang Daan ng Pagiging Kaayon ni Cristo
Mayroong mga nagbabasa ng Bibliya sa mga malalaking iglesia at nagsasalaysay nito nang buong araw, ngunit wala ni isa sa kanila ang nakauunawa sa layon ng gawain ng Diyos. Wala ni isa sa kanila ang nakakilala sa Diyos, lalong wala ni isa sa kanila ang nakaayon sa kalooban ng Diyos. Lahat sila ay walang halaga, masasamang tao, bawat isa ay nagpapakataas upang pangaralan ang Diyos. Sadya nilang sinasalungat ang Diyos kahit na dala-dala nila ang Kanyang bandila. Sinasabi nilang sila ay nananampalataya sa Diyos, subalit kumakain pa rin sila ng laman at umiinom ng dugo ng tao. Ang lahat ng ganitong tao ay mga diyablong lumalamon sa kaluluwa ng tao, mga pinunong demonyo na sadyang gumugulo sa mga sumusubok na tumapak sa tamang landas, at mga balakid na nakasasagabal sa mga naghahanap sa Diyos. Sila ay tila may “magagandang konstitusyon,” ngunit paano malalaman ng kanilang mga tagasunod na sila ay walang iba kundi mga anticristo na umaakay sa mga tao na manindigan laban sa Diyos? Paano malalaman ng kanilang mga tagasunod na sila ay mga nabubuhay na diyablo na nakatuon sa paglamon ng mga kaluluwa ng tao? Ang mga nagpaparangal sa kanilang sarili sa harap ng Diyos ang pinakahamak sa mga tao, samantalang ang nag-iisip sa kanilang sarili na hamak ay ang pinakamarangal. At ang mga nag-aakala na alam nila ang gawain ng Diyos at, higit pa rito, ay kayang magpahayag ng gawain ng Diyos sa iba nang may pagpapasikat kahit pa sila ay direktang nakatingin sa Kanya—sila ang mga pinakamangmang sa mga tao. Ang ganitong mga tao ay walang patotoo ng Diyos, mapagmataas at puno ng kayabangan. Ang mga naniniwala na lubhang kakaunti ang kanilang kaalaman sa Diyos, sa kabila ng kanilang aktuwal na karanasan at praktikal na kaalaman tungkol sa Kanya, ang mga pinakamamahal Niya. Tanging ang mga ganitong tao ang tunay na may patotoo at tunay na magagawang perpekto ng Diyos. Ang mga hindi nakauunawa sa kalooban ng Diyos ay mga kalaban ng Diyos. Ang mga nakauunawa sa kalooban ng Diyos ngunit hindi isinasagawa ang katotohanan ay mga kalaban ng Diyos. Ang mga kumakain at umiinom ng mga salita ng Diyos, ngunit sumasalungat sa diwa ng mga salita ng Diyos, ay mga kalaban ng Diyos. Ang mga may mga kuru-kuro tungkol sa Diyos na nagkatawang-tao, at higit pa rito ay mayroong pag-iisip na makibahagi sa paghihimagsik, ay mga kalaban ng Diyos. Ang mga nagbibigay ng hatol sa Diyos ay mga kalaban ng Diyos, at ang sinumang hindi kayang makilala ang Diyos o magpatotoo sa Kanya ay kalaban ng Diyos.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Lahat ng Taong Hindi Nakakakilala sa Diyos ay mga Taong Sumasalungat sa Diyos
Masdan mo ang mga lider ng bawat relihiyon at bawat denominasyon—lahat sila ay mapagmataas at nag-aakalang mas matuwid sila kaysa sa iba, at binibigyang-kahulugan nila ang Bibliya nang wala sa konteksto at ginagabayan ng kanilang sariling mga kuru-kuro at imahinasyon. Lahat sila ay umaasa sa mga kaloob at kaalaman sa paggawa ng kanilang gawain. Kung sila ay wala talagang kakayahang mangaral, susunod ba sa kanila ang mga tao? Sila, kunsabagay, ay nagtataglay ng kaunting kaalaman at makakapangaral ng ilang doktrina, o alam nila kung paano makaakit ng iba at kung paano gumamit ng ilang panlalansi. Ginagamit nila ang mga bagay na ito para linlangin ang mga tao, at para dalhin ang mga tao sa harapan nila. Sa pangalan, ang mga taong iyon ay naniniwala sa Diyos, ngunit sa realidad, sinusunod nila ang mga lider na ito. Kung nakakatagpo sila ng isang taong nangangaral ng tunay na daan, ang ilan sa kanila ay nagsasabing, “Kailangang konsultahin namin ang aming lider tungkol sa mga usapin ng pananampalataya.” Tingnan kung paanong kailangan ng mga tao ang pagpayag at pagsang-ayon ng iba pagdating sa pananalig sa Diyos at pagtanggap sa tunay na daan—hindi ba ito problema? Nagiging ano na kung gayon ang mga lider na iyon? Hindi ba sila nagiging mga Pariseo, huwad na mga pastol, mga anticristo, at mga katitisuran sa pagtanggap ng mga tao sa tunay na daan? Ang mga ganyang tao ay kapareho ng uri ni Pablo.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi
Naipangaral na natin ang ebanghelyo nang paulit-ulit sa maraming lider ng mga relihiyosong grupo, subalit paano man natin ibahagi ang katotohanan sa kanila, hindi nila tinatanggap ito. Bakit ganito? Dahil pumapangalawa ang kanilang kayabangan sa kanilang likas na pagkatao, at wala nang puwang ang Diyos sa puso nila. Maaaring sabihin ng ilang tao, “Ang mga taong nasa ilalim ng pamumuno ng ilang pastor sa relihiyosong mundo ay talagang masigasig; parang nasa piling nila ang Diyos.” Itinuturing mo bang pagkakaroon ng determinasyon ang pagiging masigasig? Gaano man katayog pakinggan ang mga teorya ng mga pastor na iyon, kilala ba nila ang Diyos? Kung talagang natakot sila sa Diyos sa kaibuturan ng kanilang puso, hihikayatin ba nila ang mga tao na sumunod sa kanila at dakilain sila? Magagawa ba nilang kontrolin ang iba? Mangangahas ba silang hadlangan ang iba na hanapin ang katotohanan at siyasatin ang tunay na daan? Kung naniniwala sila na talagang kanila ang mga tupa ng Diyos, at dapat ay makinig silang lahat sa kanila, hindi ba nila itinuturing ang kanilang sarili bilang Diyos? Mas masahol pa ang gayong mga tao kaysa sa mga Pariseo. Hindi ba’t mga tunay silang anticristo?
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Mayabang na Kalikasan ang Nasa Ugat ng Paglaban ng Tao sa Diyos
Nais ba ninyong malaman ang pinag-ugatan ng paglaban ng mga Pariseo kay Jesus? Nais ba ninyong malaman ang diwa ng mga Pariseo? Puno sila ng mga pantasya tungkol sa Mesiyas. Bukod pa riyan, naniwala lamang sila na darating ang Mesiyas, subalit hindi nila hinahangad ang buhay katotohanan. Kaya nga, kahit ngayon ay hinihintay pa rin nila ang Mesiyas, sapagkat wala silang kaalaman tungkol sa landas ng buhay, at hindi nila alam kung ano ang landas ng katotohanan. Paano ninyo nasasabi na matatamo ng gayon kahangal, katigas ang ulo at kamangmang na mga tao ang pagpapala ng Diyos? Paano nila mamamasdan ang Mesiyas? Kinalaban nila si Jesus dahil hindi nila alam ang direksyon ng gawain ng Banal na Espiritu, dahil hindi nila alam ang landas ng katotohanang binanggit ni Jesus, at, bukod pa riyan, dahil hindi nila naunawaan ang Mesiyas. At dahil hindi pa nila nakita ang Mesiyas kailanman at hindi pa nila nakasama ang Mesiyas kailanman, nagawa nila ang pagkakamali na kumapit lamang sa pangalan ng Mesiyas habang kinakalaban ang diwa ng Mesiyas sa lahat ng posibleng paraan. Ang diwa ng mga Pariseong ito ay mga sutil, mapagmataas, at hindi sumunod sa katotohanan. Ang prinsipyo ng kanilang paniniwala sa Diyos ay: Gaano man kalalim ang pangangaral Mo, gaano man kataas ang Iyong awtoridad, hindi Ikaw si Cristo maliban kung Ikaw ang tinatawag na Mesiyas. Hindi ba katawa-tawa at kakatwa ang paniniwalang ito?
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Kapag Namasdan Mo Na ang Espirituwal na Katawan ni Jesus, Napanibago na ng Diyos ang Langit at Lupa
Naghuhuramentado na ang mga demonyo at masasamang espiritu sa lupa, at nasarhan na kapwa ang kalooban at matiyagang pagsisikap ng Diyos kaya hindi na sila mapasok. Totoo, mortal na kasalanan ito! Paanong hindi mababalisa ang Diyos? Paanong hindi mapopoot ang Diyos? Matindi na nilang hinadlangan at kinalaban ang gawain ng Diyos: Napakasuwail! Pati mga demonyong iyon, na malalaki at maliliit, ay kumikilos na parang mga asong-gubat sa mga sakong ng leon, at sumusunod sa daloy na kasamaan, nagbabalak na manggulo sa kanilang pagdaan. Batid ang katotohanan, sadya nila itong nilalabanan, nitong mga anak ng suwail! Para bang, ngayong nakaakyat na ang kanilang hari ng impiyerno sa luklukan ng hari, naging mayabang sila at kampante, na tinatrato ang lahat ng iba pa nang may pag-alipusta. Ilan sa kanila ang naghahanap sa katotohanan at sumusunod sa katuwiran? Silang lahat ay mga hayop, walang ipinagkaiba sa mga baboy at aso, namumuno sa isang pangkat ng mababahong langaw, iwinawagwag ang kanilang ulo nang buong kayabangan para batiin ang kanilang sarili at nagpapasimula ng lahat ng klase ng gulo,[1] sa gitna ng isang tumpok ng dumi ng hayop. Naniniwala sila na ang kanilang hari ng impiyerno ang pinakadakilang hari sa lahat, nang hindi natatanto na sila mismo ay katulad ng mababahong langaw. Subalit, sinasamantala nila ang kapangyarihan ng mga baboy at aso na taglay nila para siraan ng mga magulang ang pag-iral ng Diyos. Bilang maliliit na langaw, naniniwala sila na kasinlaki ng mga asul na balyena[2] ang kanilang mga magulang. Hindi nila alam na, samantalang sila man ay maliliit, ang kanilang mga magulang ay maruruming baboy at aso na milyun-milyong beses na mas malaki kaysa sa kanila. Walang kamalay-malay sa sarili nilang kaabahan, pinanghahawakan nila ang baho ng kabulukang nagmumula sa mga baboy at asong iyon para maghuramentado, walang saysay na iniisip na magpakarami para sa hinaharap na mga henerasyon, nang hindi nahihiya! May berdeng mga pakpak sa kanilang likod (tumutukoy ito sa pahayag nila na naniniwala sila sa Diyos), hambog sila at ipinagyayabang nila sa lahat ng dako ang sarili nilang kagandahan at pang-akit, samantalang lihim nilang inihahagis sa tao ang karumihan sa sarili nilang katawan. Bukod pa rito, labis silang nasisiyahan sa kanilang sarili, na para bang magagamit nila ang isang pares ng mga pakpak na kakulay ng bahaghari para itago ang sarili nilang karumihan, at sa pamamagitan nito ay isinisisi nila ang kanilang kaapihan sa pag-iral ng tunay na Diyos (tumutukoy ito sa nangyayari sa likod ng mga tagpo sa daigdig ng relihiyon). Paano malalaman ng tao na, nakabibighani man ang ganda ng mga pakpak ng isang langaw, ang langaw mismo ay isa ring maliit na nilikha, na puno ng dumi ang tiyan at balot ng mga mikrobyo ang katawan? Sa lakas ng mga baboy at aso na taglay nila para sa mga magulang, naghuhuramentado sila sa buong lupain (tumutukoy ito sa paraan kung saan umaasa ang mga opisyal ng relihiyon na umuusig sa Diyos sa malakas na suporta ng gobyerno ng bansa upang labanan ang tunay na Diyos at ang katotohanan), na walang pumipigil sa kanilang kalupitan. Parang nagbalik ang mga multo ng mga Hudyong Pariseo na kasama ng Diyos sa bansa ng malaking pulang dragon, pabalik sa dati nilang pugad. Nagsimula na sila ng isa pang pag-uusig, na itinutuloy ang kanilang gawain ilang libong taon na ang nakararaan. Ang grupong ito ng masasamang tao ay tiyak na masasawi sa lupa sa huli! Lalabas na, pagkaraan ng ilang libong taon, naging mas tuso at mandaraya pa ang karumal-dumal na mga espiritu. Palagi silang nag-iisip ng mga paraan upang lihim na pahinain ang gawain ng Diyos. Sa marami nilang panloloko at panlilinlang, nais nilang ulitin sa kanilang lupang-tinubuan ang trahedya ng ilang libong taong nakaraan, hanggang sa halos mapasigaw ang Diyos. Halos hindi Niya mapigil ang Kanyang Sarili na magbalik sa ikatlong langit upang lipulin sila.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Gawain at Pagpasok 7
Mga Talababa:
1. Ang “nagpapasimula ng lahat ng klase ng gulo” ay tumutukoy sa kung paano ginugulo, hinahadlangan at nilalabanan ng demonyong mga tao ang gawain ng Diyos.
2. Ang “mga asul na balyena” ay ginagamit nang patuya. Ito ay isang metapora para sa kung paanong napakaliliit ng mga langaw kaya mukhang kasinlaki ng mga balyena ang mga baboy at aso.
Kaugnay na mga Extract ng Pelikula
Paano Makikilala ang mga Modernong Fariseo
Kung Bakit Lubhang Nilalabanan at Isinusumpa ng mga Pastor at mga Nakatatanda ang Pagbabalik ng Panginoong Jesus
Kaugnay na mga Patotoong Batay sa Karanasan
Ang Pagpili ng Isang Paring Katoliko
Isang Tagumpay sa Gitna ng Pagsubok ni Satanas
Kaugnay na mga Himno
Hangarin ang Daan ng Pagiging-Magkaayon kay Cristo
Yaong Mga Hindi Kilala ang Diyos ay Sumasalungat sa Diyos