b. Bakit isinumpa ng Panginoong Jesus ang mga Pariseo at ano ang diwa ng mga Pariseo
Mga Salita Mula sa Bibliya
“Nang magkagayon ay nagsilapit kay Jesus ang mga Pariseo at ang mga eskriba, na mga nanggaling sa Jerusalem, na nagsisipagsabi, ‘Bakit ang Iyong mga alagad ay nagsisipagsalangsang sa tradisyon ng matatanda? Sapagkat hindi sila naghuhugas ng kanilang mga kamay nang nagsisikain sila ng tinapay.’ At Siya ay sumagot at sinabi sa kanila, ‘Bakit kayo ay nagsisisalangsang rin naman sa utos ng Diyos sa pamamagitan ng inyong tradisyon?’ Sapagkat sinabi ng Diyos, ‘Igalang mo ang iyong ama at ang iyong ina: at, ang nagsisipagsuway sa ama at sa ina, ay mamatay siyang walang pagsala.’ Datapuwa’t sinasabi ninyo, ‘Sinomang magsabi sa kanyang ama o sa kanyang ina, ‘Ito ay isang handog, anoman ang mapakinabangan mo sa akin; At hindi iginagalang ang kanyang ama o ina, siya ay mapapalaya. Kaya winalan ninyo ng kabuluhan ang salita ng Diyos dahil sa inyong tradisyon.’ Kayong mga mapagpaimbabaw, mabuti ang pagkahula sa inyo ni Isaias, na nagsasabi, ‘Ang bayang ito ay iginagalang Ako ng kanilang mga labi; subalit ang kanilang puso ay malayo sa Akin. Datapuwa’t walang kabuluhan ang pagsamba nila sa Akin, na itinuturo bilang doktrina ang mga utos ng mga tao’” (Mateo 15:1–9).
“Sa aba ninyo, mga eskriba at mga Pariseo, mga mapagpaimbabaw! Sapagkat sinasarhan ninyo ang kaharian ng langit laban sa mga tao: sapagkat kayo ay hindi na nagsisipasok, at ang nagsisipasok man ay ayaw ninyong bayaang mangakapasok. Sa aba ninyo, mga eskriba’t mga Fariseo, mga mapagpaimbabaw! Sapagkat sinasakmal ninyo ang mga bahay ng mga babaeng balo, at inyong dinadahilan ang mahahabang panalangin: kaya’t magsisitanggap kayo ng lalong mabigat na parusa.
“Sa aba ninyo, mga eskriba at mga Pariseo, mga mapagpaimbabaw! Sapagkat inyong nililibot ang dagat at ang lupa sa paghanap ng isa ninyong mapagbabalik-loob; at kung siya ay magkagayon na, ay inyong ginagawa siyang makaibayo pang anak ng impiyerno kaysa sa inyong sarili.
“Sa aba ninyo, kayong mga taga-akay na bulag, na inyong sinasabi, Kung ipanumpa ninuman ang templo, ay walang anuman; datapuwat kung ipanumpa ninuman ang ginto ng templo, ay nagkakautang nga siya! Kayong mga mangmang at mga bulag: sapagkat alin baga ang lalong dakila, ang ginto, o ang templong bumabanal sa ginto? At, kung ipanumpa ninuman ang dambana, ay walang anuman; datapuwat kung ipanumpa ninuman ang handog na nasa ibabaw nito, ay nagkakautang nga siya. Kayong mga mangmang at bulag: sapagkat alin baga ang lalong dakila, ang handog, o ang dambana na bumabanal sa handog? Kaya’t ang nanunumpa sa pamamagitan ng dambana, ay ipinanunumpa ito, at ang lahat ng mga bagay na nangasa-ibabaw nito. At ang nanunumpa sa pamamagitan ng templo, ay ipinanumpa ito, at yaong tumatahan sa loob nito. Ang nanunumpa sa pamamagitan ng langit, ay ipinanumpa ang luklukan ng Diyos, at yaong nakaluklok doon.
“Sa aba ninyo, mga eskriba at mga Fariseo, mga mapagpaimbabaw! Sapagkat nangagbibigay kayo ng sa ikapu ng yerbabuena, at ng anis at ng komino, at inyong pinababayaang di ginagawa ang lalong mahahalagang bagay ng kautusan, na dili iba’t ang katarungan, at ang pagkahabag, at ang pananampalataya: datapuwat dapat sana ninyong gawin ang mga ito, at huwag pabayaang di gawin yaong iba. Kayong mga taga-akay na bulag na inyong sinasala ang lamok ngunit nilulunok ang kamelyo!
“Sa aba ninyo, mga eskriba at mga Fariseo, mga mapagpaimbabaw! Sapagkat inyong nililinis ang labas ng saro at ng pinggan, datapuwat sa loob ay puno ang mga iyon ng panglulupig at katakawan. Ikaw bulag na Fariseo, linisin mo muna ang loob ng saro at ng pinggan, upang luminis din naman ang labas ng mga ito.
“Sa aba ninyo, mga eskriba at mga Pariseo, mga mapagpaimbabaw! Sapagkat tulad kayo sa mga libingang pinaputi, na may anyong maganda sa labas, datapuwat sa loob ay puno ng mga buto ng mga patay na tao, at ng lahat na karumal-dumal. Gayon din naman kayo, sa labas ay nangag-aanyong matuwid sa mga tao, datapuwat sa loob ay puno kayo ng pagpapaimbabaw at ng katampalasanan.
“Sa aba ninyo, mga eskriba at mga Fariseo, mga mapagpaimbabaw! Sapagkat itinatayo ninyo ang mga libingan ng mga propeta, at inyong ginayakan ang mga libingan ng mga matuwid, At sinasabi ninyo, Kung kami sana ang nangabubuhay nang mga kaarawan ng aming mga magulang sana’y hindi kami nangakaramay nila sa dugo ng mga propeta. Kaya’t kayo’y nangagpapatotoo sa inyong sarili, na kayo’y mga anak niyaong mga nagsipatay ng mga propeta. Punuin nga ninyo ang takalan ng inyong mga magulang. Kayong mga ahas, kayong mga lahi ng mga ulupong, paanong mangakawala kayo sa kahatulan sa impiyerno? Kaya’t, narito, sinusugo Ko sa inyo ang mga propeta, at mga pantas na lalaki, at mga eskriba: ang iba sa kanila’y inyong papatayin at ipapako sa krus; at ang iba sa kanila’y inyong hahampasin sa inyong mga sinagoga, at sila’y inyong pag-uusigin sa bayan-bayan: Upang mabubo sa inyo ang lahat ng matuwid na dugo na nabuhos sa ibabaw ng lupa, buhat sa dugo ng matuwid na si Abel hanggang sa dugo ni Zacarias na anak ni Baraquias na pinatay ninyo sa pagitan ng santuario at ng dambana. Katotohanang sinasabi Ko sa inyo, Ang lahat ng mga bagay na ito ay darating sa lahing ito” (Mateo 23:13–36).
Mga Salita ng Makapangyarihang Diyos ng mga Huling Araw
Nais ba ninyong malaman ang pinag-ugatan ng paglaban ng mga Pariseo kay Jesus? Nais ba ninyong malaman ang diwa ng mga Pariseo? Puno sila ng mga pantasya tungkol sa Mesiyas. Bukod pa riyan, naniwala lamang sila na darating ang Mesiyas, subalit hindi nila hinahangad ang buhay katotohanan. Kaya nga, kahit ngayon ay hinihintay pa rin nila ang Mesiyas, sapagkat wala silang kaalaman tungkol sa daan ng buhay, at hindi nila alam kung ano ang daan ng katotohanan. Paano ninyo nasasabi na matatamo ng gayon kahangal, katigas ang ulo at kamangmang na mga tao ang pagpapala ng Diyos? Paano nila mamamasdan ang Mesiyas? Kinalaban nila si Jesus dahil hindi nila alam ang direksyon ng gawain ng Banal na Espiritu, dahil hindi nila alam ang landas ng katotohanang binanggit ni Jesus, at, bukod pa riyan, dahil hindi nila naunawaan ang Mesiyas. At dahil hindi pa nila nakita ang Mesiyas kailanman at hindi pa nila nakasama ang Mesiyas kailanman, nagawa nila ang pagkakamali na kumapit lamang sa pangalan ng Mesiyas habang kinakalaban ang diwa ng Mesiyas sa lahat ng posibleng paraan. Ang diwa ng mga Pariseong ito ay mga sutil, mapagmataas, at hindi sumunod sa katotohanan. Ang prinsipyo ng kanilang pananampalataya sa Diyos ay: Gaano man kalalim ang pangangaral Mo, gaano man kataas ang Iyong awtoridad, hindi Ikaw si Cristo maliban kung Ikaw ang tinatawag na Mesiyas. Hindi ba katawa-tawa at kakatwa ang paniniwalang ito?
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Kapag Namasdan Mo Na ang Espirituwal na Katawan ni Jesus, Napanibago na ng Diyos ang Langit at Lupa
Paano naipapamalas ang mga buktot na bahagi ng mga Pariseo? Una, simulan natin ang talakayan sa kung paano tinrato ng mga Pariseo ang nagkatawang-taong Diyos, at baka mas maunawaan ninyo ito nang kaunti pa. Tungkol naman sa nagkatawang-taong Diyos, dapat muna nating pag-usapan kung sa anong uri ng pamilya at pinanggalingan isinilang ang nagkatawang-taong Diyos dalawang libong taon na ang nakalilipas. Una sa lahat, hindi man lang ipinanganak sa isang mayamang pamilya ang Panginoong Jesus—hindi masyadong kilala ang Kanyang angkan. Ang ama-amahan Niya, na si Jose, ay isang karpintero, at ang Kanyang ina, na si Maria, ay isang ordinaryong mananampalataya. Ang pagkakakilanlan at ang katayuan sa lipunan ng Kanyang mga magulang ay kumakatawan sa pinanggalingang pamilya kung saan ipinanganak ang Panginoong Jesus, at malinaw na ipinanganak Siya sa isang pangkaraniwang pamilya. … Anong mensahe ang ibinibigay nito sa mga sumunod na henerasyon? Ang ordinaryo at normal na taong ito, na siyang ang nagkatawang-taong Diyos, ay walang pagkakataon ni mga kondisyon para makatanggap ng mas mataas na edukasyon. Katulad Siya ng mga ordinaryong tao, namuhay Siya sa isang pangkaraniwang kapaligiran ng lipunan, sa isang ordinaryong pamilya, at walang espesyal sa Kanya. Dahil mismo rito, matapos mabalitaan ang mga sermon at kilos ng Panginoong Jesus, ang mga eskriba at Pariseong iyon ay naglakas-loob na tumayo at lantaran Siyang husgahan, lapastanganin, at kondenahin. Ano ang batayan nila sa kanilang pagkondena? Walang duda, batay ito sa mga kautusan at patakaran ng Lumang Tipan. Una, pinangunahan ng Panginoong Jesus ang Kanyang mga disipulo na huwag sundin ang Sabbath—gumawa pa rin Siya noong Sabbath. Bukod pa rito, hindi Niya sinunod ang mga kautusan at patakaran at hindi Siya pumunta sa templo, at nang makaharap Niya ang mga makasalanan, tinanong Siya ng ilang tao kung paano harapin ang mga ito, pero hindi Niya hinarap ang mga ito ayon sa kautusan, sa halip nagpakita Siya sa kanila ng awa. Wala sa mga aspektong ito ng mga pagkilos ng Panginoong Jesus ang naaayon sa mga relihiyosong kuru-kuro ng mga Pariseo. Dahil hindi nila minamahal ang katotohanan at sa gayon ay kinamumuhian nila ang Panginoong Jesus, ginamit nilang dahilan ang paglabag ng Panginoong Jesus sa kautusan para masigasig nila Siyang kondenahin, at nagpasya sila na kailangan Siyang patayin. Kung isinilang ang Panginoong Jesus sa isang prominente at kilalang pamilya, kung mataas ang pinag-aralan Niya, at kung malapit ang ugnayan Niya sa mga eskriba at Pariseong ito, hindi sana nangyari sa Kanya nang panahong iyon ang gaya nang nangyari sa kalaunan—maaaring nagbago ang mga iyon. Dahil mismo sa pagiging ordinaryo Niya, sa pagiging normal Niya, at sa pinanggalingan Niyang pamilya kung kaya’t kinondena Siya ng mga Pariseo. Ano ba ang batayan nila sa pagkondena sa Panginoong Jesus? Iyon ay ang mga patakaran at kautusan na pinanghawakan nila, na pinaniwalaan nilang hindi magbabago magpasawalang-hanggan. Pinanghawakan ng mga Pariseo ang mga teolohikal na teorya na naarok nila bilang kaalaman at bilang kasangkapan para timbangin at kondenahin ang mga tao, ginamit pa nga nila ito sa Panginoong Jesus. Ganito kinondena ang Panginoong Jesus. Ang paraan ng pagtimbang o pagtrato nila sa isang tao ay hindi kailanman nakabatay sa diwa ng tao, ni sa kung ang ipinangaral ba ng isang tao ay ang katotohanan, at lalong hindi sa pinagmulan ng mga salitang sinabi ng taong iyon—ang paraan ng pagtimbang o pagkondena ng mga Pariseo sa isang tao ay nakabatay lamang sa mga regulasyon, salita, at doktrinang naarok nila sa Lumang Tipan ng Bibliya. Kahit alam ng mga Pariseo sa puso nila na ang sinabi at ginawa ng Panginoong Jesus ay hindi isang kasalanan o paglabag sa kautusan, kinondena pa rin nila ang Panginoong Jesus, dahil ang mga katotohanang ipinahayag Niya at ang mga tanda at kababalaghang ginawa Niya ay nag-udyok sa mga tao na sumunod sa Kanya at purihin Siya. Unti-unting namuhi ang mga Pariseo sa Kanya, at gusto pa nga Siyang alisin sa eksena. Hindi nila kinilala na ang Panginoong Jesus ay ang Mesiyas na darating, ni kinilala nila na taglay ng mga salita Niya ang katotohanan, lalo na na alinsunod sa katotohanan ang gawain Niya. Hinusgahan nila ang Panginoong Jesus bilang nagsasalita ng mga mapangahas na salita at nagpapalayas ng mga demonyo sa pamamagitan ni Beelzebub, na prinsipe ng mga demonyo. Dahil isinisisi nila ang mga kasalanang ito sa Panginoong Jesus, ito ay nagpapakita kung gaano sila namumuhi sa Kanya. Kaya, masigasig silang gumawa para itatwa na isinugo ng Diyos ang Panginoong Jesus, at na Siya ang Anak ng Diyos, at na Siya ang Mesiyas. Ang ibig nilang sabihin ay, “Gagawin ba ng diyos ang mga bagay-bagay sa ganitong paraan? Kung nagkatawang-tao ang diyos, ipinanganak sana siya sa isang pamilyang may makapangyarihang katayuan. At kakailanganin niyang tanggapin ang pagtuturo ng mga eskriba at Pariseo. Kailangan niyang sistematikong pag-aralan ang mga Kasulatan, magkaroon ng pagkaarok sa kaalaman sa kasulatan, at masangkapan ng lahat ng kaalaman sa Kasulatan bago niya makuha ang pangalang ‘nagkatawang-taong diyos.’” Pero hindi nasangkapan ang Panginoong Jesus ng ganitong kaalaman, kaya kinondena nila ang Panginoong Jesus, nagsasabing, “Unang-una, hindi ka kuwalipikado, kaya hindi puwedeng ikaw ang diyos; ikalawa, kung wala ka ng kaalamang ito sa kasulatan, hindi mo magagawa ang gawain ng diyos, lalo na ang maging diyos ka; ikatlo, hindi ka dapat gumawa sa labas ng templo—hindi ka ngayon gumagawa sa loob ng templo, kundi kasama mo palagi ang mga makasalanan, kaya ang gawaing ginagawa mo ay lagpas na sa saklaw ng Kasulatan, kaya lalong hindi posibleng ikaw ang diyos.” Saan galing ang batayan nila ng pagkondena? Mula sa Kasulatan, mula sa isip ng tao, at mula sa teolohikal na edukasyong natanggap nila. Dahil punung-puno ng mga kuru-kuro, imahinasyon, at kaalaman ang mga Pariseo, naniwala silang tama ang kaalamang ito, na ito ang katotohanan, na makatwiran ang batayang ito, at hindi kailanman masasalungat ng Diyos ang mga ito. Hinanap ba nila ang katotohanan? Hindi. Ano ang hinanap nila? Ang isang kahima-himalang diyos na nagpakita sa anyo ng isang espirituwal na katawan. Kaya, tinukoy na nila ang mga kondisyon ng gawain ng Diyos, itinatwa ang Kanyang gawain, at hinusgahan kung tama ba o mali ang Diyos ayon sa mga kuru-kuro, imahinasyon, at kaalaman ng tao. At ano ang naging pangwakas na resulta nito? Hindi lamang nila kinondena ang gawain ng Diyos, ipinako pa nila sa krus ang nagkatawang-taong Diyos. Ito ang nangyari sa paggamit nila ng kanilang mga kuru-kuro, imahinasyon, at kaalaman para suriin ang Diyos, at ito ang kung ano ang buktot sa kanila.
—Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikapitong Aytem: Sila ay Buktot, Traydor, at Mapanlinlang (Ikatlong Bahagi)
Ang mga Pariseo ang pinakamagaling sa pangangaral ng doktrina at paghimig ng mga salawikain. Madalas silang tumayo sa mga sulok ng lansangan at sumigaw, “O makapangyarihang diyos!” o “Diyos na nararapat sambahin!” Sa tingin ng iba, sila ay partikular na maka-Diyos, at walang ginawang anumang bagay laban sa kautusan, ngunit sila ba ay sinang-ayunan ng Diyos? Hindi Niya ito ginawa. Paano Niya sila kinondena? Sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanila ng isang titulo: ang mga mapagpaimbabaw na Pariseo. Noon, ang mga Pariseo ay isang respetadong uri sa Israel, kaya bakit naging bansag na lamang ang pangalang ito ngayon? Ito ay dahil ang mga Pariseo ay naging kinatawan ng isang uri ng tao. Ano ang mga katangian ng ganitong klase ng tao? Bihasa sila sa pagpapanggap, sa paggayak, sa pagkukunwari; naaapektuhan nila ang dakilang kamaharlikahan, kabanalan, katuwiran, at hayag na kagandahang-asal, at mabuti sa pandinig ang mga salawikain na kanilang isinisigaw, ngunit ang totoo, hindi nila isinasagawa ang katotohanan kahit kaunti. Anong mabuting pag-uugali ang mayroon sila? Nagbabasa sila ng mga kasulatan at nangangaral; itinuturo nila sa iba na sundin ang kautusan at mga regulasyon, at huwag labanan ang Diyos. Lahat ng ito ay mabuting pag-uugali. Lahat ng sinasabi nila ay mabuti sa pandinig, subalit, kapag nakatalikod ang iba, palihim silang nagnanakaw ng mga alay. Sinabi ng Panginoong Jesus na sila ay “sinasala ang lamok ngunit nilulunok ang kamelyo” (Mateo 23:24). Nangangahulugan ito na ang lahat ng ikinikilos nila ay tila mabuti sa panlabas—mapagpanggap silang umaawit ng mga salawikain, nagsasalita sila ng mga palalong teorya, at masarap pakinggan ang kanilang mga salita, subalit ang mga gawa nila ay makalat at ganap na laban sa Diyos. Ang mga ikinikilos nila sa panlabas ay pagkukunwaring lahat, panlolokong lahat; sa kanilang mga puso, wala sila kahit katiting na pagmamahal sa katotohanan o sa mga positibong bagay. Tutol sila sa katotohanan, sa mga positibong bagay, at sa lahat ng nagmumula sa Diyos. Ano ang iniibig nila? Iniibig ba nila ang pagkamakatarungan at pagkamakatuwiran? (Hindi.) Paano mo masasabing hindi nila iniibig ang mga bagay na ito? (Ipinakalat ng Panginoong Jesus ang ebanghelyo ng kaharian ng langit, na hindi lamang nila tinanggihang tanggapin, kundi kinondena rin.) Kung hindi nila ito kinondena, posible bang masabi ito? Hindi. Ang pagpapakita ng Panginoong Jesus at ang Kanyang gawain ay nagbunyag sa lahat ng mga Pariseo, at sa pamamagitan lamang ng pagkondena sa kanila at sa kanilang paglaban sa Panginoong Jesus makikita ng iba ang kanilang pagpapaimbabaw. Kung hindi dahil sa pagpapakita at gawain ng Panginoong Jesus, walang sinumang tunay na makakikilala sa mga Pariseo, at kung titingnan lamang ng mga tao ang panlabas na pag-uugali ng mga Pariseo, maiinggit pa nga sila. Hindi ba kawalan ng katapatan at panlilinlang ng mga Pariseo na gamitin ang mapagkunwaring mabuting pag-uugali upang kunin ang tiwala ng mga tao? Maaari bang ang gayong mapanlinlang na mga tao ay magmahal sa katotohanan? Talagang hindi nila ito magagawa. Ano ang layunin sa likod ng kanilang mga pagpapakita ng mabuting pag-uugali? Sa isang banda, ito ay upang linlangin ang mga tao. Sa kabilang banda, ito ay upang ilihis at makuha ang loob ng mga tao, upang ang mga tao ay tingalain sila at igalang sila. At panghuli, nais nilang magantimpalaan. Anong panloloko ito! Mahuhusay ba itong panlilinlang? Minamahal ba ng gayong mga tao ang pagkamakatarungan at pagkamatuwid? Tiyak na hindi. Ang minahal nila ay ang katayuan, kasikatan at pakinabang, at ang hinangad nila ay isang gantimpala at isang korona. Hindi nila kailanman isinagawa ang mga salita na itinuro ng Diyos sa mga tao, at hindi nila kailanman ipinamuhay ang mga realidad ng katotohanan kahit katiting man. Ang nais lamang nila ay magpanggap na may mabuting pag-uugali, at manlinlang at kunin ang loob ng mga tao sa pamamagitan ng kanilang mga mapagpaimbabaw na pamamaraan upang tiyakin ang kanilang sariling katayuan at reputasyon, na kanila namang ginagamit upang maghanap ng kapital at ng ikabubuhay. Hindi ba ito kasuklam-suklam? Mula sa ganitong pag-uugali nila, makikita mo na, sa kanilang diwa, hindi nila mahal ang katotohanan, at hindi nila ito kailanman isinagawa. Ano ang isang bagay na nagpapakita na hindi nila isinagawa ang katotohanan? Ang pinakadakila sa lahat: na ang ating Panginoong Jesus ay naparito upang gawin ang gawain ng pagtubos, at na ang lahat ng mga salitang sinambit ng Panginoong Jesus ay katotohanan at may awtoridad. Paano tumugon ang mga Pariseo dito? Bagamat kinilala nila na ang mga salita ng Panginoong Jesus ay may awtoridad at kapangyarihan, hindi lamang nila ito hindi tinanggap, kundi kanila rin itong kinondena at nilapastangan. Para saan iyon? Ito ay dahil hindi nila mahal ang katotohanan, at sa kanilang puso, tutol at napopoot sila sa katotohanan. Kinilala nila na ang Panginoong Jesus ay tama sa lahat ng Kanyang sinabi, na ang Kanyang mga salita ay may awtoridad at kapangyarihan, na hindi Siya mali sa kahit anong paraan, at na sila ay walang kahigitan laban sa Kanya. Ngunit nais nilang kondenahin ang Panginoong Jesus, kaya’t nag-usap at nagsabwatan sila, at kanilang sinabi, “Ipako siya sa krus. Siya o kami,” at ganito sinuway ng mga Pariseo ang Panginoong Jesus. Nang panahon na iyon ay walang sinuman ang nakauunawa sa katotohanan, at walang sinuman ang nakakikilala sa Panginoong Jesus bilang Diyos na nagkatawang-tao. Bagaman sa pananaw ng tao, ang Panginoong Jesus ay nagpahayag ng maraming katotohanan, nagpalayas ng mga demonyo, at nagpagaling ng maysakit. Gumawa Siya ng maraming himala, nagpakain ng 5,000 sa pamamagitan ng limang piraso ng tinapay at dalawang isda, gumawa ng maraming mabubuting gawa, at nagkaloob ng labis-labis na biyaya sa mga tao. Mayroon lamang kaunting mabubuti at matutuwid na tao gaya nito, kaya bakit ninais ng mga Pariseo na kondenahin ang Panginoong Jesus? Bakit napakatindi ng kanilang pagnanais na ipapako Siya sa krus? Na mas pinili nilang palayain ang isang kriminal kaysa sa Panginoong Jesus ay nagpapakita kung gaano kasama at kamalisyoso ang mga Pariseo ng mundo ng relihiyon. Sila ay napakasama! Labis-labis ang kaibahan sa pagitan ng masasamang mukha na ipinagkanulo ng mga Pariseo, at ang kanilang mapagkunwari, panlabas na kabutihan, anupa’t maraming tao ang hindi matukoy kung alin ang totoo at alin ang huwad, ngunit ang pagpapakita at gawain ng Panginoong Jesus ay nagbunyag sa lahat ng ito. Ang mga Pariseo ay madalas na magaling sa pagpapanggap at sa panlabas ay mukhang maka-Diyos, na walang sinuman ang nag-akala na maaari nilang labanan nang napakalupit at usigin ang Panginoong Jesus. Kung hindi nabunyag ang mga katunayan, walang sinuman ang maaaring makaunawa sa mga iyon. Ang pagpapahayag ng katotohanan ng Diyos na nagkatawang-tao ay labis na naglalantad tungkol sa tao!
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi
Sa Bibliya, ang pagsusuri ng mga Pariseo kay Jesus Mismo at sa mga bagay na Kanyang ginawa ay: “… kanilang sinabi, ‘sira ang Kanyang bait. … Nasa Kanya si Beelzebub, at, sa pamamagitan ng prinsipe ng mga demonyo ay nagpapalayas Siya ng mga demonyo’” (Marcos 3:21–22). Ang panghuhusga ng mga eskriba at mga Pariseo sa Panginoong Jesus ay hindi panggagaya nila sa mga salita ng ibang tao, at hindi rin walang basehang pala-palagay—ito ang konklusyon na binuo nila hinggil sa Panginoong Jesus mula sa kanilang nakita at narinig tungkol sa Kanyang mga pagkilos. Bagaman ang kanilang konklusyon sa wari ay ginawa sa ngalan ng katarungan at lumilitaw sa mga tao na parang may matibay na batayan, ang pagmamataas kung saan hinusgahan nila ang Panginoong Jesus ay mahirap maging para sa kanila na mapigilan. Ang nagngangalit na enerhiya ng kanilang pagkamuhi sa Panginoong Jesus ang nagbunyag sa kanilang sariling masidhing mga ambisyon at sa kanilang masasamang satanikong mga mukha, gayundin sa kanilang masamang kalikasan na sa pamamagitan nito ay lumaban sila sa Diyos. Ang mga bagay na ito na kanilang sinabi sa kanilang panghuhusga sa Panginoong Jesus ay udyok ng kanilang masidhing mga ambisyon, pagkainggit, at ng pangit at masamang kalikasan ng kanilang pagkapoot sa Diyos at sa katotohanan. Hindi nila siniyasat ang pinagmulan ng mga pagkilos ng Panginoong Jesus, ni siniyasat man nila ang diwa ng sinabi o ginawa Niya. Sa halip, nang basta-basta, sa isang kalagayan ng hibang na pagkaligalig, at nang may sadyang masamang hangarin, binatikos at siniraan nila ang nagawa Niya. Hanggang sa punto na sadya nilang siniraan ang Kanyang Espiritu, iyon ay, ang Banal na Espiritu na Siyang Espiritu ng Diyos. Ito ang ibig nilang sabihin nang kanilang sinabing, “Sira ang Kanyang bait,” “si Beelzebub,” at “prinsipe ng mga demonyo.” Ibig sabihin, sinabi nila na ang Espiritu ng Diyos ay si Beelzebub at ang prinsipe ng mga demonyo. Inilarawan nila bilang isang kabaliwan ang gawain ng Espiritu ng Diyos na nagkatawang-tao, na binihisan ang Kanyang sarili ng katawang-tao. Hindi lang nila nilapastangan ang Espiritu ng Diyos bilang si Beelzebub at ang prinsipe ng mga demonyo, bagkus ay hinatulan din nila ang gawain ng Diyos at hinatulan at nilapastangan ang Panginoong Jesucristo. Ang diwa ng kanilang paglaban at paglapastangan sa Diyos ay lubos na katulad ng diwa ng paglaban at paglapastangan sa Diyos na ginawa ni Satanas at ng mga demonyo. Hindi lang nila kinatawan ang mga taong tiwali, subalit lalong higit na sila ang pagsasakatawan ni Satanas. Sila ay daluyan para kay Satanas sa gitna ng sangkatauhan, at sila ang mga kasabwat at mga utusan ni Satanas. Ang diwa ng kanilang paglapastangan at ng kanilang paninirang-puri sa Panginoong Jesucristo ay ang kanilang pakikipaglaban sa Diyos para sa katayuan, ang kanilang pakikipagpaligsahan sa Diyos, at ang kanilang walang katapusang pagsubok sa Diyos. Ang diwa ng kanilang paglaban sa Diyos at ng kanilang saloobin ng pagkapoot sa Kanya, gayundin ang kanilang mga salita at ang kanilang mga kaisipan, ay tahasang nilapastangan at ginalit ang Espiritu ng Diyos. Kaya, tinukoy ng Diyos ang isang makatwirang paghatol batay sa sinabi at ginawa nila, at tinukoy ng Diyos ang kanilang mga gawa na kasalanan ng paglapastangan laban sa Banal na Espiritu. Ang pagkakasalang ito ay walang kapatawaran kapwa sa mundong ito at sa mundong darating, gaya ng pinatototohanan sa sumusunod na sipi ng kasulatan: “Ang paglapastangan laban sa Banal na Espiritu ay hindi ipatatawad sa mga tao” at, “sinumang magsalita laban sa Banal na Espiritu, ay hindi ipatatawad sa kanya, kahit sa sanlibutang ito, o maging sa darating.”
—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Gawain ng Diyos, ang Disposisyon ng Diyos, at ang Diyos Mismo III
Ginamit ng mga Pariseong Hudyo ang batas ni Moises upang kondenahin si Jesus. Hindi nila hinangad na maging kaayon ng Jesus ng panahong iyon, kundi masigasig na sinunod ang eksaktong sinabi ng batas, hanggang sa puntong—matapos Siyang kasuhan ng hindi pagsunod sa batas ng Lumang Tipan at hindi pagiging ang Mesiyas—sa huli ipinako nila sa krus ang walang-salang si Jesus. Ano ang diwa nila? Hindi ba’t na hindi nila hinangad ang daan ng pagiging kaayon sa katotohanan? Nahumaling sila sa bawat salita ng Kasulatan habang hindi binibigyang pansin ang mga layunin Ko o ang mga hakbang at mga kaparaanan ng gawain Ko. Hindi sila mga taong naghangad ng katotohanan, kundi mga taong mahigpit na kumapit sa mga salita; hindi sila mga taong nanalig sa Diyos, kundi mga taong nanalig sa Bibliya. Sa diwa, mga tagapagbantay sila ng Bibliya. Upang mapangalagaan ang kapakanan ng Bibliya, upang mapanatili ang dangal ng Bibliya, at upang maprotektahan ang reputasyon ng Bibliya, sila’y humantong pa nga sa pagpako sa krus sa mahabaging si Jesus. Ginawa nila ito alang-alang lamang sa pagtatanggol sa Bibliya, at alang-alang sa pagpapanatili ng katayuan ng bawat salita ng Bibliya sa puso ng mga tao. Kaya ginusto nilang talikdan ang kinabukasan nila at ang handog dahil sa kasalanan upang ipapatay si Jesus, na hindi umayon sa doktrina ng Kasulatan. Hindi ba’t silang lahat ay mga sunud-sunuran sa bawat salita ng Kasulatan?
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Dapat Mong Hangarin ang Daan ng Pagiging Kaayon ni Cristo
Kaugnay na mga Extract ng Pelikula
Bakit Kasawian ang Sinapit ng mga Mapagpaimbabaw na Pariseo?
Ano ang Diwa ng Pagsalungat ng mga Pariseo sa Diyos
Paano Kilatisin ang Diwa ng mga Relihiyosong Pariseo
Kaugnay na mga Himno
Ang Ugat ng Paglaban ng mga Pariseo kay Jesus
Lahat ng Gumagamit ng Biblia para Tuligsain ang Diyos ay mga Fariseo