a. Paano makilatis ang mga mapagpaimbabaw na Pariseo

Mga Salita ng Makapangyarihang Diyos ng mga Huling Araw

Alam ba ninyo kung ano talaga ang isang Pariseo? Mayroon bang mga Pariseo sa paligid ninyo? Bakit tinatawag na “mga Pariseo” ang mga taong ito? Paano inilalarawan ang mga Pariseo? Sila ay mga taong ipokrito, ganap na huwad, at nagpapanggap sa lahat ng kanilang ginagawa. Anong pagpapanggap ang ginagawa nila? Nagkukunwari silang mabuti, mabait, at positibo. Ganito ba sila talaga? Hinding-hindi. Dahil mga ipokrito sila, lahat ng nakikita at nalalantad sa kanila ay huwad; lahat ito’y pagkukunwari—hindi ito ang kanilang tunay na mukha. Saan nakatago ang tunay nilang mukha? Nakatago ito sa kaibuturan ng kanilang puso, hindi makikita ng iba kahit kailan. Ang lahat ng nakikita ay isang palabas, lahat ng ito ay hindi totoo, ngunit maaari lamang nilang maloko ang mga tao; hindi nila maloloko ang Diyos. Kung hindi hinahangad ng mga tao ang katotohanan, kung hindi nila isinasagawa at dinaranas ang mga salita ng Diyos, hindi nila tunay na mauunawaan ang katotohanan, at kaya gaano man kabulaklak ang kanilang mga salita, ang mga salitang ito ay hindi ang katotohanang realidad, kundi mga salita at doktrina. Ang ilang tao ay nakatuon lamang sa pag-uulit ng mga salita at doktrina, ginagaya nila ang sinumang nangangaral ng pinakamatataas na mga sermon, na ang resulta ay sa loob lamang ng ilang taon, ang kanilang pagbigkas ng mga salita at doktrina ay lalo pang humuhusay, at hinahangaan at iginagalang sila ng maraming tao, pagkatapos nito ay nagsisimula silang ikubli ang kanilang sarili, at labis na binibigyang-pansin ang sinasabi at ginagawa nila, ipinapakita ang kanilang sarili bilang mga katangi-tanging banal at espirituwal. Ginagamit nila ang mga tinaguriang espirituwal na teoryang ito para ikubli ang kanilang sarili. Ang mga ito lamang ang tinatalakay nila saanman sila magtungo, paimbabaw na mga bagay na akma sa mga kuru-kuro ng mga tao, ngunit walang alinman sa katotohanang realidad. At sa pamamagitan ng pangangaral ng mga bagay na ito—mga bagay na nakaayon sa mga kuru-kuro at panlasa ng mga tao—marami silang taong nililihis. Para sa iba, ang mga ganoong tao ay tila napakataimtim at mapagpakumbaba, pero hindi talaga ito totoo; tila mapagparaya, matiisin, at mapagmahal sila, pero pagkukunwari talaga ito; sinasabi nilang mahal nila ang Diyos, ngunit ang totoo ay palabas lamang ito. Iniisip ng iba na ang mga ganoong tao ay banal, pero huwad talaga ito. Saan matatagpuan ang isang taong tunay na banal? Ang kabanalan ng tao ay pawang huwad. Palabas lang ang lahat, isang pagpapanggap. Sa tingin, mukha siyang matapat sa Diyos, ngunit ang totoo ay gumagawa lamang siya para makita ng iba. Kapag walang nakatingin, hindi siya matapat ni katiting, at lahat ng ginagawa niya ay hindi pinag-isipan. Sa panlabas, ginugugol niya ang kanyang sarili para sa Diyos at tinalikuran na niya ang kanyang pamilya at propesyon. Pero ano ang ginagawa niya nang palihim? Nagsasagawa siya ng sarili niyang gawain at nagpapatakbo ng sarili niyang operasyon sa iglesia, kumikita mula sa iglesia at palihim na nagnanakaw ng mga handog sa pagkukunwaring gumagawa para sa Diyos…. Ang mga taong ito ang makabagong-panahong mga mapagpaimbabaw na Pariseo. Saan nagmumula ang mga Pariseo? Lumilitaw ba sila sa gitna ng mga walang pananampalataya? Hindi, lahat sila ay lumilitaw sa mga mananampalataya. Bakit naging mga Pariseo ang mga taong ito? May tao bang dahilan kaya sila nagkaganyan? Malinaw na hindi. Ano ang dahilan? Ito ay dahil ganito ang kanilang kalikasang diwa, at ito ay dahil sa landas na kanilang tinahak. Ginagamit lang nila ang mga salita ng Diyos bilang kasangkapan upang mangaral at mapakinabangan ang iglesia. Sinasandatahan nila ang kanilang isip at bibig ng mga salita ng Diyos, nangangaral sila ng mga huwad na espirituwal na teorya, at ipinepresenta ang kanilang sarili na banal, at pagkatapos ay ginagamit nila itong kapital upang makamit ang layong mapakinabangan ang iglesia. Nangangaral lamang sila ng mga doktrina, subalit hindi kailanman isinagawa ang katotohanan. Anong uri ng mga tao ang mga patuloy na nangangaral ng mga salita at doktrina kahit hindi nila nasundan ang daan ng Diyos kailanman? Sila ay mga mapagpaimbabaw na Pariseo. Ang kanilang kapos, diumano’y mabubuting pag-uugali at mabuting asal, at ang kaunting naisuko at naigugol nila, ay ganap na natupad sa pamamagitan ng pagpipigil at pagtatago sa sarili nilang kagustuhan. Ganap na huwad ang mga kilos na iyon at lahat iyon ay pagkukunwari lamang. Sa puso ng mga taong ito, wala ni katiting na pagkatakot sa Diyos, ni wala silang anumang tunay na pananampalataya sa Diyos. Higit pa riyan, sila ay mga hindi mananampalataya. Kung hindi hinahangad ng mga tao ang katotohanan, lalakaran nila ang ganitong uri ng landas, at magiging Pariseo sila. Hindi ba nakakatakot iyon? Ang lugar na panrelihiyon kung saan nagtitipon ang mga Pariseo ay nagiging isang pamilihan. Sa mga mata ng Diyos, ito ay relihiyon; hindi ito ang iglesia ng Diyos, ni hindi ito isang lugar kung saan Siya ay sinasamba. Sa gayon, kung hindi hinahangad ng mga tao ang katotohanan, gaano man karami ang mga literal na salita at mabababaw na mga doktrina tungkol sa mga pagbigkas ng Diyos na isinasangkap nila sa kanilang sarili, ito ay walang silbi.

—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Anim na Pahiwatig ng Paglago sa Buhay

Ang dahilan kung bakit mapagpaimbabaw ang mga Pariseo, ang dahilan kung bakit sila buktot, ay dahil tutol sila sa katotohanan pero minamahal nila ang kaalaman, kaya pinag-aaralan lamang nila ang Kasulatan at hinahangad ang kaalaman sa kasulatan pero hindi kailanman tinatanggap ang katotohanan o ang mga salita ng Diyos. Hindi sila nananalangin sa Diyos kapag nagbabasa sila ng Kanyang mga salita, ni hinahanap o pinagbabahaginan nila ang katotohanan. Sa halip, pinag-aaralan nila ang mga salita ng Diyos, pinag-aaralan kung ano ang sinabi at ginawa ng Diyos, at sa gayon ay ginagawa nilang teorya ang mga salita ng Diyos, isang doktrinang ituturo sa iba, na tinatawag na akademikong pag-aaral. Bakit sila gumagawa ng akademikong pag-aaral? Ano ang pinag-aaralan nila? Sa mga mata nila, hindi ito mga salita ng Diyos o pagpapahayag ng Diyos, at lalong hindi ito ang katotohanan. Sa halip, isa itong klase ng pag-aaral, o maaari pa ngang sabihin na ito ay isang teolohikal na kaalaman. Sa pananaw nila, ang ipalaganap ang kaalamang ito, ang pag-aaral na ito, ay ang ipalaganap ang daan ng Diyos, ang ipalaganap ang ebanghelyo—ito ang tinatawag nilang pangangaral, pero ang ipinangangaral nila ay pawang teolohikal na kaalaman.

… Pinanghawakan ng mga Pariseo ang mga teolohikal na teorya na naarok nila bilang kaalaman at bilang kasangkapan para timbangin at kondenahin ang mga tao, ginamit pa nga nila ito sa Panginoong Jesus. Ganito kinondena ang Panginoong Jesus. Ang paraan ng pagtimbang o pagtrato nila sa isang tao ay hindi kailanman nakabatay sa diwa ng tao, ni sa kung ang ipinangaral ba ng isang tao ay ang katotohanan, at lalong hindi sa pinagmulan ng mga salitang sinabi ng taong iyon—ang paraan ng pagtimbang o pagkondena ng mga Pariseo sa isang tao ay nakabatay lamang sa mga regulasyon, salita, at doktrinang naarok nila sa Lumang Tipan ng Bibliya. Kahit alam ng mga Pariseo sa puso nila na ang sinabi at ginawa ng Panginoong Jesus ay hindi isang kasalanan o paglabag sa kautusan, kinondena pa rin nila ang Panginoong Jesus, dahil ang mga katotohanang ipinahayag Niya at ang mga tanda at kababalaghang ginawa Niya ay nag-udyok sa mga tao na sumunod sa Kanya at purihin Siya. Unti-unting namuhi ang mga Pariseo sa Kanya, at gusto pa nga Siyang alisin sa eksena. Hindi nila kinilala na ang Panginoong Jesus ay ang Mesiyas na darating, ni kinilala nila na taglay ng mga salita Niya ang katotohanan, lalo na na alinsunod sa katotohanan ang gawain Niya. Hinusgahan nila ang Panginoong Jesus bilang nagsasalita ng mga mapangahas na salita at nagpapalayas ng mga demonyo sa pamamagitan ni Beelzebub, na prinsipe ng mga demonyo. Dahil isinisisi nila ang mga kasalanang ito sa Panginoong Jesus, ito ay nagpapakita kung gaano sila namumuhi sa Kanya. Kaya, masigasig silang gumawa para itatwa na isinugo ng Diyos ang Panginoong Jesus, at na Siya ang Anak ng Diyos, at na Siya ang Mesiyas. Ang ibig nilang sabihin ay, “Gagawin ba ng diyos ang mga bagay-bagay sa ganitong paraan? Kung nagkatawang-tao ang diyos, ipinanganak sana siya sa isang pamilyang may makapangyarihang katayuan. At kakailanganin niyang tanggapin ang pagtuturo ng mga eskriba at Pariseo. Kailangan niyang sistematikong pag-aralan ang mga Kasulatan, magkaroon ng pagkaarok sa kaalaman sa kasulatan, at masangkapan ng lahat ng kaalaman sa Kasulatan bago niya makuha ang pangalang ‘nagkatawang-taong diyos.’” Pero hindi nasangkapan ang Panginoong Jesus ng ganitong kaalaman, kaya kinondena nila ang Panginoong Jesus, nagsasabing, “Unang-una, hindi ka kuwalipikado, kaya hindi puwedeng ikaw ang diyos; ikalawa, kung wala ka ng kaalamang ito sa kasulatan, hindi mo magagawa ang gawain ng diyos, lalo na ang maging diyos ka; ikatlo, hindi ka dapat gumawa sa labas ng templo—hindi ka ngayon gumagawa sa loob ng templo, kundi kasama mo palagi ang mga makasalanan, kaya ang gawaing ginagawa mo ay lagpas na sa saklaw ng Kasulatan, kaya lalong hindi posibleng ikaw ang diyos.” Saan galing ang batayan nila ng pagkondena? Mula sa Kasulatan, mula sa isip ng tao, at mula sa teolohikal na edukasyong natanggap nila. Dahil punung-puno ng mga kuru-kuro, imahinasyon, at kaalaman ang mga Pariseo, naniwala silang tama ang kaalamang ito, na ito ang katotohanan, na makatwiran ang batayang ito, at hindi kailanman masasalungat ng Diyos ang mga ito. Hinanap ba nila ang katotohanan? Hindi. Ano ang hinanap nila? Ang isang kahima-himalang diyos na nagpakita sa anyo ng isang espirituwal na katawan. Kaya, tinukoy na nila ang mga kondisyon ng gawain ng Diyos, itinatwa ang Kanyang gawain, at hinusgahan kung tama ba o mali ang Diyos ayon sa mga kuru-kuro, imahinasyon, at kaalaman ng tao. At ano ang naging pangwakas na resulta nito? Hindi lamang nila kinondena ang gawain ng Diyos, ipinako pa nila sa krus ang nagkatawang-taong Diyos. Ito ang nangyari sa paggamit nila ng kanilang mga kuru-kuro, imahinasyon, at kaalaman para suriin ang Diyos, at ito ang kung ano ang buktot sa kanila.

—Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikapitong Aytem: Sila ay Buktot, Traydor, at Mapanlinlang (Ikatlong Bahagi)

Ang mga Pariseo ang pinakamagaling sa pangangaral ng doktrina at paghimig ng mga salawikain. Madalas silang tumayo sa mga sulok ng lansangan at sumigaw, “O makapangyarihang diyos!” o “Diyos na nararapat sambahin!” Sa tingin ng iba, sila ay partikular na maka-Diyos, at walang ginawang anumang bagay laban sa kautusan, ngunit sila ba ay sinang-ayunan ng Diyos? Hindi Niya ito ginawa. Paano Niya sila kinondena? Sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanila ng isang titulo: ang mga mapagpaimbabaw na Pariseo. Noon, ang mga Pariseo ay isang respetadong uri sa Israel, kaya bakit naging bansag na lamang ang pangalang ito ngayon? Ito ay dahil ang mga Pariseo ay naging kinatawan ng isang uri ng tao. Ano ang mga katangian ng ganitong klase ng tao? Bihasa sila sa pagpapanggap, sa paggayak, sa pagkukunwari; naaapektuhan nila ang dakilang kamaharlikahan, kabanalan, katuwiran, at hayag na kagandahang-asal, at mabuti sa pandinig ang mga salawikain na kanilang isinisigaw, ngunit ang totoo, hindi nila isinasagawa ang katotohanan kahit kaunti. Anong mabuting pag-uugali ang mayroon sila? Nagbabasa sila ng mga kasulatan at nangangaral; itinuturo nila sa iba na sundin ang kautusan at mga regulasyon, at huwag labanan ang Diyos. Lahat ng ito ay mabuting pag-uugali. Lahat ng sinasabi nila ay mabuti sa pandinig, subalit, kapag nakatalikod ang iba, palihim silang nagnanakaw ng mga alay. Sinabi ng Panginoong Jesus na sila ay “sinasala ang lamok ngunit nilulunok ang kamelyo” (Mateo 23:24). Nangangahulugan ito na ang lahat ng ikinikilos nila ay tila mabuti sa panlabas—mapagpanggap silang umaawit ng mga salawikain, nagsasalita sila ng mga palalong teorya, at masarap pakinggan ang kanilang mga salita, subalit ang mga gawa nila ay makalat at ganap na laban sa Diyos. Ang mga ikinikilos nila sa panlabas ay pagkukunwaring lahat, panlolokong lahat; sa kanilang mga puso, wala sila kahit katiting na pagmamahal sa katotohanan o sa mga positibong bagay. Tutol sila sa katotohanan, sa mga positibong bagay, at sa lahat ng nagmumula sa Diyos. Ano ang iniibig nila? Iniibig ba nila ang pagkamakatarungan at pagkamakatuwiran? (Hindi.) Paano mo masasabing hindi nila iniibig ang mga bagay na ito? (Ipinakalat ng Panginoong Jesus ang ebanghelyo ng kaharian ng langit, na hindi lamang nila tinanggihang tanggapin, kundi kinondena rin.) Kung hindi nila ito kinondena, posible bang masabi ito? Hindi. Ang pagpapakita ng Panginoong Jesus at ang Kanyang gawain ay nagbunyag sa lahat ng mga Pariseo, at sa pamamagitan lamang ng pagkondena sa kanila at sa kanilang paglaban sa Panginoong Jesus makikita ng iba ang kanilang pagpapaimbabaw. Kung hindi dahil sa pagpapakita at gawain ng Panginoong Jesus, walang sinumang tunay na makakikilala sa mga Pariseo, at kung titingnan lamang ng mga tao ang panlabas na pag-uugali ng mga Pariseo, maiinggit pa nga sila. Hindi ba kawalan ng katapatan at panlilinlang ng mga Pariseo na gamitin ang mapagkunwaring mabuting pag-uugali upang kunin ang tiwala ng mga tao? Maaari bang ang gayong mapanlinlang na mga tao ay magmahal sa katotohanan? Talagang hindi nila ito magagawa. Ano ang layunin sa likod ng kanilang mga pagpapakita ng mabuting pag-uugali? Sa isang banda, ito ay upang linlangin ang mga tao. Sa kabilang banda, ito ay upang ilihis at makuha ang loob ng mga tao, upang ang mga tao ay tingalain sila at igalang sila. At panghuli, nais nilang magantimpalaan. Anong panloloko ito! Mahuhusay ba itong panlilinlang? Minamahal ba ng gayong mga tao ang pagkamakatarungan at pagkamatuwid? Tiyak na hindi. Ang minahal nila ay ang katayuan, kasikatan at pakinabang, at ang hinangad nila ay isang gantimpala at isang korona. Hindi nila kailanman isinagawa ang mga salita na itinuro ng Diyos sa mga tao, at hindi nila kailanman ipinamuhay ang mga realidad ng katotohanan kahit katiting man. Ang nais lamang nila ay magpanggap na may mabuting pag-uugali, at manlinlang at kunin ang loob ng mga tao sa pamamagitan ng kanilang mga mapagpaimbabaw na pamamaraan upang tiyakin ang kanilang sariling katayuan at reputasyon, na kanila namang ginagamit upang maghanap ng kapital at ng ikabubuhay. Hindi ba ito kasuklam-suklam? Mula sa ganitong pag-uugali nila, makikita mo na, sa kanilang diwa, hindi nila mahal ang katotohanan, at hindi nila ito kailanman isinagawa. Ano ang isang bagay na nagpapakita na hindi nila isinagawa ang katotohanan? Ang pinakadakila sa lahat: na ang ating Panginoong Jesus ay naparito upang gawin ang gawain ng pagtubos, at na ang lahat ng mga salitang sinambit ng Panginoong Jesus ay katotohanan at may awtoridad. Paano tumugon ang mga Pariseo dito? Bagamat kinilala nila na ang mga salita ng Panginoong Jesus ay may awtoridad at kapangyarihan, hindi lamang nila ito hindi tinanggap, kundi kanila rin itong kinondena at nilapastangan. Para saan iyon? Ito ay dahil hindi nila mahal ang katotohanan, at sa kanilang puso, tutol at napopoot sila sa katotohanan. Kinilala nila na ang Panginoong Jesus ay tama sa lahat ng Kanyang sinabi, na ang Kanyang mga salita ay may awtoridad at kapangyarihan, na hindi Siya mali sa kahit anong paraan, at na sila ay walang kahigitan laban sa Kanya. Ngunit nais nilang kondenahin ang Panginoong Jesus, kaya’t nag-usap at nagsabwatan sila, at kanilang sinabi, “Ipako siya sa krus. Siya o kami,” at ganito sinuway ng mga Pariseo ang Panginoong Jesus. Nang panahon na iyon ay walang sinuman ang nakauunawa sa katotohanan, at walang sinuman ang nakakikilala sa Panginoong Jesus bilang Diyos na nagkatawang-tao. Bagaman sa pananaw ng tao, ang Panginoong Jesus ay nagpahayag ng maraming katotohanan, nagpalayas ng mga demonyo, at nagpagaling ng maysakit. Gumawa Siya ng maraming himala, nagpakain ng 5,000 sa pamamagitan ng limang piraso ng tinapay at dalawang isda, gumawa ng maraming mabubuting gawa, at nagkaloob ng labis-labis na biyaya sa mga tao. Mayroon lamang kaunting mabubuti at matutuwid na tao gaya nito, kaya bakit ninais ng mga Pariseo na kondenahin ang Panginoong Jesus? Bakit napakatindi ng kanilang pagnanais na ipapako Siya sa krus? Na mas pinili nilang palayain ang isang kriminal kaysa sa Panginoong Jesus ay nagpapakita kung gaano kasama at kamalisyoso ang mga Pariseo ng mundo ng relihiyon. Sila ay napakasama! Labis-labis ang kaibahan sa pagitan ng masasamang mukha na ipinagkanulo ng mga Pariseo, at ang kanilang mapagkunwari, panlabas na kabutihan, anupa’t maraming tao ang hindi matukoy kung alin ang totoo at alin ang huwad, ngunit ang pagpapakita at gawain ng Panginoong Jesus ay nagbunyag sa lahat ng ito. Ang mga Pariseo ay madalas na magaling sa pagpapanggap at sa panlabas ay mukhang maka-Diyos, na walang sinuman ang nag-akala na maaari nilang labanan nang napakalupit at usigin ang Panginoong Jesus. Kung hindi nabunyag ang mga katunayan, walang sinuman ang maaaring makaunawa sa mga iyon. Ang pagpapahayag ng katotohanan ng Diyos na nagkatawang-tao ay labis na naglalantad tungkol sa tao!

—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi

Mayroon ding ilan na may kakayahang tanggapin ang bagong liwanag, ngunit hindi nagbabago ang kanilang mga pamamaraan ng pagsasagawa. Tangay nila ang dati nilang mga relihiyosong kuru-kuro habang umaasa silang maunawaan ang mga salita ng Diyos ngayon, kaya ang nauunawaan nila ay doktrinang may kulay pa rin ng mga relihiyosong kuru-kuro; hindi lamang liwanag ngayon ang kanilang tinatanggap. Dahil dito, may dungis ang kanilang mga pagsasagawa; dati pa ring mga pagsasagawa ang mga iyon gamit ang bagong pabalat. Gaano man kahusay ang kanilang pagsasagawa, mga mapagpaimbabaw sila. Inaakay ng Diyos ang mga tao sa paggawa ng mga bagong bagay araw-araw, na inuutos na bawat araw ay may bago silang mababatid at mauunawaan, at hinihiling na huwag silang maging makaluma at paulit-ulit. Kung naniwala ka na sa Diyos sa loob ng maraming taon, subalit hindi man lang nagbago ang iyong mga pamamaraan ng pagsasagawa, at kung masigasig at abala ka pa rin tungkol sa mga bagay na panlabas, subalit wala kang tahimik na pusong maiharap sa Diyos upang matamasa ang Kanyang mga salita, wala kang mapapala. Pagdating sa pagtanggap sa bagong gawain ng Diyos, kung hindi mo iibahin ang iyong pagpaplano, hindi ka nagsasagawa sa isang bagong paraan, at hindi ka naghahangad ng anumang bagong pagkaunawa, kundi sa halip ay kumakapit ka sa dati mong pagkaunawa at tinatanggap lamang ang kaunting limitadong bagong liwanag, nang hindi binabago ang paraan ng iyong pagsasagawa, ang mga taong katulad mo ay kasama sa daloy na ito sa pangalan lamang; ang totoo, sila ay mga relihiyosong Pariseo sa labas ng daloy ng Banal na Espiritu.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Hinggil sa Isang Normal na Espirituwal na Buhay

May pagkahilig ang ilang tao sa pag-akit ng pansin sa kanilang mga sarili. Sa piling ng kanilang mga kapatid, maaari nilang sabihin na may utang na loob sila sa Diyos, ngunit kapag nakatalikod sila, hindi nila isinasagawa ang katotohanan at ganap na iba ang kanilang ikinikilos. Hindi ba sila mga relihiyosong Pariseo? Ang isang taong tunay na nagmamahal sa Diyos at nagtataglay ng katotohanan ay taong matapat sa Diyos ngunit hindi ito ipinagpapasikat. Ang ganitong tao ay nakahandang isagawa ang katotohanan kapag kinakailangan ng sitwasyon at hindi nagsasalita o kumikilos sa paraang labag sa kanyang konsensya. Nagpapakita siya ng karunungan kapag kinakailangan ng mga bagay-bagay at may prinsipyo siya sa kanyang mga gawa anuman ang kalagayan. Ang taong tulad nito ay kayang tunay na maglingkod. May ilan namang madalas na hanggang salita lamang pagdating sa pagkakautang nila sa Diyos; ginugugol nila ang kanilang mga araw na nakakunot ang noo sa pag-aalala, na nagbabalatkayo, at nagkukunwaring kahabag-habag. Talagang kasuklam-suklam! Kung tatanungin mo sila, “Maaari bang sabihin mo sa akin kung paano ka may utang na loob sa Diyos?” wala silang maisasagot. Kung ikaw ay matapat sa Diyos, huwag mong ipagsabi iyon; bagkus, gamitin mo ang aktwal na pagsasagawa upang ipakita ang iyong pagmamahal sa Diyos, at manalangin ka sa Kanya nang may tapat na puso. Mga mapagpaimbabaw ang lahat ng gumagamit lamang ng salita upang pakitunguhan ang Diyos at gumagawa para lang masabing may nagawa! Ang ilan ay nagsasalita tungkol sa pagkakautang sa Diyos sa bawat panalangin, at nagsisimulang umiyak kapag nananalangin sila, kahit na walang pag-antig ng Banal na Espiritu. Namamayani sa mga taong tulad nito ang mga pangrelihiyong ritwal at kuru-kuro; namumuhay sila ayon sa mga naturang ritwal at kuru-kuro, laging naniniwala na ang mga naturang kilos ay kalugud-lugod sa Diyos, at ang paimbabaw na kabanalan o malulungkot na pagluha ay sinasang-ayunan ng Diyos. Anong kabutihan ang maidudulot ng mga kakatwang taong ito? Upang ipakita ang kanilang pagpapakumbaba, pakunwaring nagpapakita ng kagandahang-loob ang ilan kapag nagsasalita sila sa presensya ng iba. Ang ilan ay sinasadyang maging mapaglingkod sa presensya ng iba, kumikilos na gaya ng isang tupa na walang kahit anong lakas. Naaangkop ba ang ganitong asal sa mga tao ng kaharian? Ang mga tao ng kaharian ay dapat na buhay na buhay at malaya, walang-sala at bukas ang kalooban, tapat at kaibig-ibig, at namumuhay sa kalagayan ng kalayaan. Dapat ay mayroon silang integridad at dignidad, at kaya nilang tumayong saksi saan man sila magpunta; kinalulugdan kapwa ng Diyos at ng tao ang mga ganitong tao. Ang mga baguhan sa pananampalataya ay may napakaraming panlabas na gawi; kailangan muna nilang sumailalim sa isang panahon ng pagpupungos at pagbasag. Ang mga may pananalig sa Diyos sa kanilang mga puso ay hindi kakaiba sa iba sa panlabas, ngunit ang kanilang mga kilos at gawa ay kapuri-puri. Ang mga ganitong tao lamang ang maituturing na nagsasabuhay sa salita ng Diyos. Kung araw-araw kang nangangaral ng ebanghelyo sa iba’t ibang tao sa pagsisikap na madala sila sa kaligtasan, ngunit sa katapusan ay namumuhay ka pa rin sa mga patakaran at doktrina, hindi mo mabibigyan ng luwalhati ang Diyos kung gayon. Ang mga naturang tao ay mga relihiyosong tao, at mga mapagpaimbabaw rin. Sa tuwing nagtitipun-tipon ang mga naturang relihiyosong tao, maaaring itanong nila, “Kapatid, kumusta ka na sa mga araw na ito?” Maaaring sumagot siya, “Pakiramdam ko ay may utang na loob ako sa Diyos at hindi ko nabibigyang-lugod ang Kanyang mga layunin.” Maaaring sabihin ng isa pa, “Pakiramdam ko rin ay may utang na loob ako sa Diyos at hindi ko Siya nabibigyang-kasiyahan.” Sa ilang pangungusap at salitang ito pa lang ay nahahayag na ang kasuklam-suklam na mga bagay na nasa loob nila; ang mga naturang salita ay lubhang nakapandidiri at lubos na kasuklam-suklam. Ang kalikasan ng mga ganitong tao ay sumasalungat sa Diyos. Ang mga nakatuon sa realidad ay ipinapahayag kung anuman ang nasa kanilang mga isip at binubuksan ang kanilang mga puso sa pagbabahagi. Hindi sila nakikibahagi sa isa mang bulaang gawa, walang pinapakitang pagkamagalang o mga hungkag na pakikitungo. Lagi silang prangka at walang mga sinusunod na sekular na patakaran. May mga taong may pagkahilig sa pagkukunwari, maging hanggang sa kawalan ng anumang katuturan. Kapag kumakanta ang isa, nagsisimula silang sumayaw, ni hindi man lang napapansin na sunog na ang kaning nasa kanilang palayok. Ang mga naturang uri ng tao ay hindi maka-Diyos o kagalang-galang, at masyadong mababaw. Ang lahat ng ito ay pagpapakita ng kakulangan ng realidad. Kapag ang ilang tao ay nagbabahagi tungkol sa mga bagay sa espiritwal na buhay, bagaman hindi nila binabanggit ang pagkakautang sa Diyos, pinananatili naman nila ang tunay na pagmamahal sa Kanya sa kaibuturan ng kanilang mga puso. Ang iyong pagkaramdam ng pagkakautang sa Diyos ay walang kinalaman sa ibang tao; may utang na loob ka sa Diyos, hindi sa sangkatauhan. Kaya anong silbi na parati mo itong binabanggit sa iba? Kailangang bigyan mo ng halaga ang pagpasok sa realidad, hindi ang panlabas na sigasig o pakitang-tao. Ano ang kinakatawan ng panlabas na mabubuting gawa ng mga tao? Kinakatawan ng mga ito ang laman, at kahit na ang pinakamagagandang panlabas na gawi ay hindi kumakatawan sa buhay; tanging ang iyong sariling indibidwal na pag-uugali ang maipapakita ng mga ito. Hindi kayang matugunan ng mga panlabas na gawi ng tao ang mga layunin ng Diyos. Lagi mong binabanggit ang iyong pagkakautang sa Diyos, ngunit hindi mo kayang tustusan ang buhay ng iba o pukawin ang kanilang mapagmahal-sa-Diyos na puso. Naniniwala ka bang ikalulugod ng Diyos ang mga naturang kilos mo? Sa tingin mo na layunin ng Diyos na kumilos ka sa ganitong paraan at na ang mga kilos mo ay espirituwal, ngunit ang totoo ay pawang kabaliwan ang mga ito! Naniniwala ka na kung ano ang kasiya-siya sa iyo at kung ano ang nais mong gawin ay iyon ngang mga bagay na nakalulugod sa Diyos. Kaya bang katawanin ng mga kagustuhan mo ang Diyos? Kaya bang katawanin ng karakter ng isang tao ang Diyos? Ang kasiya-siya sa iyo ay iyon ngang kinasusuklaman ng Diyos, at ang iyong mga gawi ay siyang itinataboy ng Diyos. Kung pakiramdam mo ay may utang na loob ka, kung gayon ay manalangin ka sa Diyos. Hindi mo kailangang banggitin ito sa iba. Kung hindi ka nananalangin sa Diyos at sa halip ay laging umaakit ng pansin sa iyong sarili sa presensya ng iba, kaya ba nitong matugunan ang mga layunin ng Diyos? Kung laging panlabas lamang ang iyong mga kilos, nangangahulugan ito na ikaw ay sukdulan sa pagkahambog. Anong uri ng mga tao silang pakitang-tao lamang ang paggawa ng mabuti at salat sa realidad? Ang mga naturang tao ay mga mapagpaimbabaw na Pariseo at mga relihiyosong tao! Kung hindi ninyo iwawaksi ang inyong mga panlabas na gawi at hindi ninyo kayang gumawa ng mga pagbabago, lalong lalago sa inyo ang mga elemento ng pagpapaimbabaw. Habang mas higit ang mga elemento ng pagpapaimbabaw sa inyo, mas higit ang pagsalungat sa Diyos. Sa katapusan, ang mga naturang tao ay siguradong ititiwalag!

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Sa Pananampalataya, Kailangang Magtuon ang Isang Tao sa Realidad—Ang Pagsali sa mga Pangrelihiyong Ritwal ay Hindi Pananampalataya

May ilang taong sinasangkapan ang kanilang sarili ng mga katotohanan para lamang gumawa at mangaral, matustusan ang iba, hindi para lutasin ang kanilang sariling mga problema, lalong hindi para isagawa ang mga iyon. Ang kanilang pagbabahagi ay maaaring may dalisay na pagkaunawa at naaayon sa katotohanan, ngunit hindi nila inihahambing ang kanilang sarili roon, ni hindi nila isinasagawa o dinaranas iyon. Ano ang problema rito? Talaga bang natanggap na nila ang katotohanan bilang kanilang buhay? Hindi, hindi pa. Ang doktrinang ipinangangaral ng isang tao, gaano man iyon kadalisay, ay hindi nangangahulugan na taglay niya ang katotohanang realidad. Para masangkapan ng katotohanan, dapat munang mapasok niya iyon mismo, at isagawa iyon kapag nauunawaan niya iyon. Kung hindi siya magtutuon sa sarili niyang pagpasok, bagkus ay naroon lamang para magpasikat sa pamamagitan ng pangangaral ng katotohanan sa iba, mali ang kanyang layunin. Maraming huwad na lider na ganito kung magtrabaho, walang tigil na nakikipagbahaginan sa iba tungkol sa mga katotohanang nauunawaan nila, nagtutustos sa mga bagong mananampalataya, nagtuturo sa mga tao na isagawa ang katotohanan, na gampanan nang maayos ang kanilang mga tungkulin, na huwag maging negatibo. Ang mga salitang ito ay pawang maayos at mabuti—mapagmahal pa nga—ngunit bakit hindi isinasagawa ng mga tagapagsalita nito ang katotohanan? Bakit wala silang pagpasok sa buhay? Ano ba talaga ang nangyayari rito? Talaga bang mahal ng ganitong tao ang katotohanan? Mahirap sabihin. Ganito ipinaliwanag ng mga Pariseo ng Israel ang Bibliya sa iba, subalit hindi nila nagawang sundin mismo ang mga utos ng Diyos. Nang magpakita at gumawa ang Panginoong Jesus, narinig nila ang tinig ng Diyos ngunit nilabanan ang Panginoon. Ipinako nila ang Panginoong Jesus sa krus at isinumpa sila ng Diyos. Samakatuwid, lahat ng taong hindi tumatanggap o nagsasagawa ng katotohanan ay kokondenahin ng Diyos. Napakakahabag-habag nila! Kung ang mga salita at doktrinang ipinangangaral nila ay nakatutulong sa iba, bakit hindi ito nakatutulong sa kanila? Mabuti pang tawagin natin ang gayong tao na isang mapagpaimbabaw na walang realidad. Tinutustusan niya ang iba ng literal na kahulugan ng katotohanan, inuutusan ang iba na isagawa iyon, ngunit hindi niya ito isinasagawa mismo kahit kaunti. Hindi ba walang kahihiyan ang gayong tao? Wala siyang katotohanang realidad, subalit sa pangangaral ng mga salita at doktrina sa iba, nagkukunwari siyang mayroon siya niyon. Hindi ba’t sadyang panlilihis at pamiminsala ito ng mga tao? Kung ibubunyag at ititiwalag ang gayong tao, sarili lang niya ang masisisi niya. Hindi siya nararapat kaawaan.

—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi

Kaugnay na mga Extract ng Pelikula

Bakit Kasawian ang Sinapit ng mga Mapagpaimbabaw na Pariseo?

Sinundan: f. Paano makilala ang pagkakaiba ng pagkakaroon ng gawain ng masasamang espiritu at ng pagiging nasasapian ng masasamang espiritu

Sumunod: b. Bakit isinumpa ng Panginoong Jesus ang mga Pariseo at ano ang diwa ng mga Pariseo

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos Ukol sa Pagkakilala sa Diyos Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw Paglalantad sa mga Anticristo Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ang Paghatol ay Nagsisimula sa Tahanan ng Diyos Mahahalagang Salita Mula sa Makapangyarihang Diyos, ang Cristo ng mga Huling Araw Araw-araw na mga Salita ng Diyos Ang Mga Katotohanang Realidad na Dapat Pasukin ng mga Mananampalataya sa Diyos Sundan ang Kordero at Kumanta ng mga Bagong Awitin Mga Gabay para sa Pagpapalaganap ng Ebanghelyo ng Kaharian Naririnig ng mga Tupa ng Diyos ang Tinig ng Diyos Makinig sa Tinig ng Diyos Masdan ang Pagpapakita ng Diyos Mahahalagang Tanong at Sagot tungkol sa Ebanghelyo ng Kaharian Mga Patotoong Batay sa mga Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume I) Mga Patotoong Batay sa mga Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume II) Mga Patotoong Batay sa mga Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume III) Mga Patotoong Batay sa mga Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume IV) Mga Patotoong Batay sa mga Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume V) Mga Patotoong Batay sa mga Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VI) Mga Patotoong Batay sa mga Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VII) Mga Patotoong Batay sa mga Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VIII) Paano Ako Bumalik sa Makapangyarihang Diyos

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito