Hinihikayat namin ang mga naghahanap ng katotohanan na kontakin kami.

Ang Mga Tupa ng Diyos ay Naririnig ang Tinig ng Diyos

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Laki ng Font

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

0 (Mga) Resulta ng Paghahanap

Walang nakitang mga resulta.

`

Kabanata 5 Dapat Mong Malaman ang Mga Katotohanan Tungkol sa Pagkakatawang-tao ng Diyos

1. Ano ang Pagkakatawang-tao? Ano ang Diwa ng Pagkakatawang-tao?

Nauugnay na mga Salita ng Diyos:

Ang unang nagkatawang-taong Diyos ay nanirahan sa mundo sa loob ng tatlumpu’t-tatlo at kalahating taon, datapwa’t ginampanan Niya ang Kanyang ministeryo sa loob lamang ng tatlo at kalahati sa mga taong iyon. Kapwa sa panahon ng Kanyang paggawa, at bago Niya sinimulan ang Kanyang gawain, Siya ay nagtaglay ng karaniwang katauhan. Nanahan Siya sa Kanyang karaniwang katauhan sa loob ng tatlumpu’t-tatlo at kalahating taon. Sa buong huling tatlo at kalahating taon ibinunyag Niya ang Kanyang sarili bilang ang nagkatawang-taong Diyos. Bago Niya sinimulang gampanan ang Kanyang ministeryo, Nagpakita Siya sa payak, at normal na pagkatao, hindi nagpapakita ng tanda ng Kanyang pagka-Diyos, at ito’y pagkatapos lamang nang sinimulan Niyang pormal na gampanan ang Kanyang ministeryo na ang Kanyang pagka-Diyos ay nahayag. Ang Kanyang buhay at gawain noong panahon ng mga unang dalawampu’t siyam na taon ay nagpakita lahat na Siya ay isang tunay na tao, isang anak ng tao, isang katawang-tao; sapagka’t ang Kanyang ministeryo ay nagsimula lamang umalab matapos ang edad na dalawampu’t-siyam. Ang kahulugan ng pagkakatawang-tao ay na ang Diyos ay nagpapakita sa katawang-tao, at Siya’y naparito upang gumawa sa gitna ng mga tao na Kanyang nilikha sa imahe ng isang katawang-tao. Kaya, para magkatawang-tao ang Diyos, Siya ay dapat munang maging katawang-tao, katawan na may karaniwang katauhan; ito, sa pinakamababa, ay dapat maging totoo. Sa katunayan, ang implikasyon ng pagkakatawang-tao ng Diyos ay na ang Diyos ay nabubuhay at gumagawa sa katawang-tao, ang Diyos sa Kanyang tunay na diwa ay nagiging laman, nagiging isang tao. Ang Kanyang nagkatawang-taong buhay at gawain ay maaaring hatiin sa dalawang yugto. Ang una ay ang buhay na Kanyang isinasabuhay bago gampanan ang Kanyang ministeryo. Namumuhay Siya sa isang ordinaryong pantaong pamilya, sa lubos na karaniwang katauhan, sumusunod sa karaniwang mga asal at batas ng buhay ng tao, na may karaniwang mga pangangailangan ng tao (pagkain, damit, tirahan, tulugan), karaniwang mga kahinaan ng tao, at karaniwang mga damdamin ng tao. Sa ibang salita, noong unang yugto Siya ay namumuhay bilang di-banal, ganap na karaniwang katauhan, sumasangkap sa lahat ng mga karaniwang gawain ng tao. Ang pangalawang yugto ay ang buhay na Kanyang isinasabuhay matapos simulang gampanan ang Kanyang ministeryo. Siya ay nananahan pa rin sa karaniwang katauhan na may isang karaniwang anyo ng tao, hindi nagpapakita ng panlabas na palatandaan nang higit-sa-karaniwan. Nguni’t Siya ay namumuhay nang dalisay para sa kapakanan ng Kanyang ministeryo, at sa panahong ito ang Kanyang karaniwang katauhan ay umiiral nang ganap sa paglilingkod sa normal na gawain ng Kanyang pagka-Diyos; sapagka’t sa panahong iyon ang Kanyang karaniwang katauhan ay gumulang hanggang sa puntong kaya na Niyang gampanan ang Kanyang ministeryo. Kaya ang ikalawang yugto ng Kanyang buhay ay upang gampanan ang Kanyang ministeryo sa Kanyang karaniwang katauhan, ay isang buhay na parehong karaniwang katauhan at ganap na pagka-Diyos. Sa kadahilanang, sa panahon ng unang yugto ng Kanyang buhay, Siya ay nabubuhay sa ganap na karaniwang pagkatao at ang Kanyang katauhan ay hindi pa katumbas ng kabuuan ng banal na gawa, ay hindi pa magulang; matapos lamang na ang Kanyang pagiging tao ay gumulang, magkaroon ng kakayahang pasanin ang Kanyang ministeryo, maaari Niyang simulang gampanan ang Kanyang ministeryo. Dahil Siya, bilang katawang-tao, ay kailangang lumago at gumulang, ang unang yugto ng Kanyang buhay ay karaniwang pagkatao, samantalang sa pangalawang yugto, dahil ang Kanyang pagkatao ay may kakayahang isabalikat ang Kanyang gawain at gampanan ang Kanyang ministeryo, ang buhay na ipinamumuhay ng nagkatawang-taong Diyos sa panahon ng Kanyang ministeryo ay isa na parehong pagkatao at ganap na pagka-Diyos. Kung mula sa sandali ng Kanyang kapanganakan ang nagkatawang-taong Diyos ay nagsimula ng Kanyang ministeryo nang maalab, gumaganap ng higit-sa-karaniwan na mga tanda at mga himala, kung gayon Siya ay hindi magkakaroon ng mala-pisikal na kakanyahan. Samakatuwid, ang Kanyang pagiging tao ay umiiral para sa kapakanan ng Kanyang mala-pisikal na kakanyahan; hindi magkakaroon ng laman kung walang katauhan, at ang isang persona na walang katauhan ay hindi isang tao. Sa ganitong paraan, ang katauhan ng laman ng Diyos ay tunay na pagmamay-ari ng katawang-taong laman ng Diyos.

mula sa “Ang Kakanyahan ng Katawang-tao na Pinanahanan ng Diyos” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao

Kahit pagkatapos Niyang simulang gampanan ang Kanyang ministeryo, ang Kanyang pagka-Diyos ay nananahan pa rin sa panlabas na balat ng tao kapag ginagawa Niya ang Kanyang gawain; ito ay dahil nang panahong iyon, ang Kanyang pagkatao ay naglilingkod sa tanging layunin ng pagpapahintulot sa Kanyang pagka-Diyos na gampanan ang gawain sa normal na laman. Kaya ang kumakatawan ng gawain ay ang pagka-Diyos na nananahan sa Kanyang katauhan. Ang Kanyang pagka-Diyos, hindi ang Kanyang pagkatao, ang nasa gawain, datapwa’t ito ay isang pagka-Diyos na nakatago sa loob ng Kanyang pagkatao; ang Kanyang gawain sa katunayan ay tinutupad sa pamamagitan ng Kanyang ganap na pagka-Diyos, hindi sa pamamagitan ng Kanyang pagkatao. Nguni’t ang tagaganap ng gawain ay ang Kanyang katawang-tao. Maaaring sabihin ng isa na Siya ay isang tao at isa ring Diyos, sapagka’t ang Diyos ay nagiging isang Diyos na namumuhay sa katawang-tao, may balat ng tao at diwa ng tao nguni’t mayroon ding diwa ng Diyos. Sapagka’t Siya ay isang tao na may diwa ng Diyos, Siya ay nasa itaas ng sinumang nilikhang tao, sa itaas ng sinumang tao na kayang gampanan ang gawain ng Diyos. Kaya, sa lahat ng may balat ng taong kagaya Niya, sa lahat ng nagtataglay ng katauhan, tanging Siya lamang ang nagkatawang-taong Diyos Mismo—lahat ng iba ay nilikhang mga tao. Kahit lahat sila ay may katauhan, ang mga nilikhang tao ay walang iba kundi tao, habang ang Diyos na nagkatawang-tao ay naiiba: Sa Kanyang laman hindi lamang pagkatao ang mayroon Siya ngunit higit na mas mahalaga ay mayroong pagkadiyos. Ang Kanyang pagkatao ay makikita sa panlabas na anyo ng Kanyang laman at sa Kanyang pang-araw-araw na buhay, nguni’t ang Kanyang pagka-Diyos ay mahirap matalos. Dahil ang Kanyang pagka-Diyos ay naipapahayag lamang kapag Siya ay may katauhan, at hindi bilang higit-sa-karaniwan na naguguni-guni ng tao tungkol dito, ito ay lubhang mahirap para sa mga tao na makita. Kahit ngayon ito ay lubos na mahirap para sa mga tao na arukin ang totoong kakanyahan ng nagkatawang-taong Diyos. Sa katunayan, kahit pagkatapos Kong magsalita tungkol dito nang ganoong kahaba, Inaasahan Ko na ito ay isa pa ring misteryo sa karamihan sa inyo. Ang isyung ito ay napaka-simple: Yamang ang Diyos ay naging laman, ang Kanyang kakanyahan ay isang kumbinasyon ng pagkatao at pagka-Diyos. Ang kumbinasyong ito ay tinatawag na Diyos Mismo, ang Diyos Mismo sa lupa.

mula sa “Ang Kakanyahan ng Katawang-tao na Pinanahanan ng Diyos” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao

Ang Diyos ay dumating sa lupa hindi upang gawing perpekto ang Kanyang normal na pagkatao. Dumating Siya hindi upang gawin ang gawain ng normal na pagkatao, kundi upang gawin lamang ang gawain ng pagkaDiyos sa loob ng normal na pagkatao. Ang sinasabi ng Diyos tungkol sa normal na pagkatao ay hindi ang naguguni-guni ng tao tungkol dito. Binibigyang-kahulugan ng tao ang “normal na pagkatao” bilang pagkakaroon ng isang asawang-babae, o isang asawang-lalaki, at mga anak na lalaki at babae. Ang mga ito[a] ay patunay na ang isa ay normal na tao. Ngunit hindi ito tinitingnan ng Diyos sa ganitong paraan. Tinitingnan Niya ang normal na pagkatao bilang ang pagkakaroon ng normal na mga kaisipan, normal na mga buhay ng tao, at isinilang ng mga normal na tao. Ngunit hindi kabilang sa Kanyang pagiging normal ang pagkakaroon ng isang asawang-babae, o isang asawang-lalaki, at mga anak sa paraan ng pagkaunawa ng tao sa pagiging normal. Ibig sabihin, sa tao, ang normal na pagkatao na sinasabi ng Diyos ay kung ano ang ituturing ng tao na kawalan ng pagkatao, halos nagkukulang sa emosyon at tila walang pangangailangang makálamán, katulad lamang ni Jesus, na mayroon lamang ng panlabas ng isang normal na tao at kinuha ang anyo ng isang normal na tao, ngunit sa kakanyahan ay hindi ganap na taglay ang lahat na nararapat taglayin ng isang normal na tao. Mula rito maaaring makita na ang diwa ng nagkatawang-taong Diyos ay hindi sumasaklaw sa kabuuan ng normal na pagkatao, kundi sa isang bahagi lamang ng mga bagay kung saan nararapat masangkapan ang mga tao, upang tumulong sa mga karaniwang gawain sa buhay ng normal na tao at mapanatili ang mga kapangyarihan ng pangangatwiran ng normal na tao. Ngunit ang mga bagay na ito ay walang kinalaman sa kung ano ang itinuturing na normal na pagkatao. Ang mga ito ang nararapat taglayin ng Diyos na nagkatawang-tao. Mayroon yaong mga naninindigan, gayunman, na ang Diyos na nagkatawang-tao ay maaaring sabihin na mayroon lamang normal na pagkatao kung mayroon Siyang asawa, mga anak na lalaki at babae, isang pamilya. Kung wala ang mga bagay na ito, sinasabi nila, hindi Siya isang normal na tao. Kaya’t tatanungin kita, “Mayroon bang maybahay ang Diyos? Posible ba para sa Diyos na magkaroon ng asawa? Maaari bang magkaroon ng mga anak ang Diyos?” Hindi ba mga kamalian ang mga ito? Gayunman, ang nagkatawang-taong Diyos ay hindi maaaring sumibol mula sa isang bitak sa pagitan ng mga bato o mahulog mula sa himpapawid. Maaari lamang Siyang ipanganak sa isang pamilya ng normal na tao. Kaya nga mayroon Siyang mga magulang at kapatid na babae. Ito ang mga bagay na nararapat mayroon ang normal na pagkatao ng nagkatawang-taong Diyos. Gayon ang pangyayari kay Jesus. Nagkaroon si Jesus ng isang ama at ina, mga kapatid na babae at lalaki. Ang lahat ng ito ay normal. Ngunit kung nagkaroon Siya ng asawa at mga anak na lalaki at babae, kung gayon ang Kanya ay hindi magiging ang normal na pagkatao na nilayon ng Diyos para sa Diyos na nagkatawang-tao na taglayin. Kung ito ang pangyayari, hindi sana Niya nakayang gumawa sa ngalan ng pagkaDiyos. Ito ay talagang dahil wala Siyang naging asawa o mga anak, at gayunman ay ipinanganak ng mga normal na tao sa isang normal na pamilya, na nakaya Niyang gawin ang gawain ng pagkaDiyos. Para mas palinawin pa ito, ang itinuturing ng Diyos na normal na tao ay isang tao na ipinanganak sa isang normal na pamilya. Tanging ang gayong tao ang karapat-dapat gumawa ng pagkaDiyos na gawain. Kung, sa kabilang banda, ang tao ay nagkaroon ng isang maybahay, mga anak, o asawa, ang taong iyan ay hindi magagawa ang pagkaDiyos na gawain, sa dahilang magtataglay lamang siya ng normal na pagkatao na kinakailangan ng mga tao ngunit hindi ang normal na pagkatao na kinakailangan ng Diyos. Ang isinasaalang-alang ng Diyos at ang nauunawaan ng mga tao ay madalas na may malaking kaibahan, malawak ang pagkakalayo.

mula sa “Ang Mahalagang Kaibahan sa Pagitan ng Nagkatawang-taong Diyos at ng Mga Taong Ginamit ng Diyos” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao

Ang Cristo na may karaniwang pagkatao ay ang katawang-tao kung saan ang Espiritu ay naging totoo, nagtataglay ng karaniwang pagkatao, normal na katinuan, at pag-iisip ng tao. Ang ibig sabihin ng “naging totoo” ay ang Diyos ay nagiging tao, ang Espiritu ay nagiging laman; upang palinawin ito, ito’y kapag ang Diyos Mismo ay nananahan sa laman na may karaniwang pagkatao, at sa pamamagitan nito ay ipinahahayag Niya ang Kanyang banal na gawain—ito ang ibig sabihin ng maging totoo, o maging katawang-tao.

mula sa “Ang Kakanyahan ng Katawang-tao na Pinanahanan ng Diyos” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao

Ang laman na sinuot ng Espiritu ng Diyos ay ang sariling laman ng Diyos. Ang Espiritu ng Diyos ay kataas-taasan; Siya ay makapangyarihan, banal at matuwid. Gayon din naman, ang Kanyang laman ay kataas-taasan, makapangyarihan, at matuwid din. Ang laman na tulad nito ay may kakayanang lamang na gumawa nang matuwid at kapaki-pakinabang sa sangkatauhan, na kung saan ay banal, maluwalhati, at makapangyarihan, at walang kakayanang gumawa ng anumang lalabag sa katotohanan o moralidad at katarungan, mas higit ng anumang bagay na magkakanulo sa Espiritu ng Diyos. Ang Espiritu ng Diyos ay banal, at sa gayon ang Kanyang laman ay hindi magagawang tiwali ni Satanas; ang Kanyang laman ay naiibang diwa kaysa sa laman ng tao. Sapagkat ang tao, hindi ang Diyos, ang siyang ginawang tiwali ni Satanas; hindi maaaring posibleng gawing tiwali ni Satanas ang laman ng Diyos.

mula sa “Isang Napakaseryosong Problema: Pagkakanulo (2)” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao

(Piniling Talata ng Salita ng Diyos)

Ang Sangkap ni Cristo ay Pagtalima sa Kalooban ng Ama sa Kalangitan

Ang nagkatawang-taong Diyos ay tinatawag na Cristo, at si Cristo ay ang katawang-tao na isinuot ng Espiritu ng Diyos. Ang laman na ito ay hindi katulad ng kahit sinong taong galing sa laman. Ang pagkakaibang ito ay dahil si Cristo ay hindi nagmula sa laman at dugo kundi Siya ang pagkakatawang-tao ng Espiritu. Siya ay may kapwa normal na pagkatao at ganap na pagka-Diyos. Ang Kanyang pagka-Diyos ay hindi taglay ng kahit sinong tao. Ang Kanyang normal na pagkatao ang Siyang umaalalay sa lahat ng Kanyang karaniwang mga gawain sa katawang-tao, habang ang Kanyang pagka-Diyos ang nagsasakatuparan ng gawain ng Diyos Mismo. Maging ang Kanyang pagkatao o pagka-Diyos, kapwa itong nagpapasakop sa kalooban ng Amang nasa langit. Ang sangkap ni Cristo ay ang Espiritu, iyon ay, ang pagka-Diyos. Samakatuwid, ang Kanyang sangkap ay yaong sa Diyos Mismo; ang sangkap na ito ay hindi gagambala sa Kanyang sariling gawain, at hindi Siya posibleng makagawa ng anumang bagay na nakasisira sa Kanyang sariling gawain, ni hindi rin Siya bibigkas ng anumang bagay na sumasalungat sa Kanyang kalooban. Samakatuwid, ang nagkatawang-taong Diyos ay siguradong hindi kailanman gagawa ng kahit anong gawain na nakagagambala sa Kanyang sariling pamamahala. Ito ang dapat maintindihan ng lahat ng tao. Ang kakanyahan ng gawain ng Banal na Espiritu ay upang iligtas ang tao at ito ay para sa kapakanan ng sariling pamamahala ng Diyos. Gayundin, ang gawain ni Cristo ay upang iligtas ang tao at ito ay alang-alang sa kalooban ng Diyos. Sapagkat ang Diyos ay nagkatawang-tao, Kanyang napapaging-tunay ang Kanyang sangkap sa loob ng Kanyang laman, sa gayon ang Kanyang katawang-tao ay sapat upang isagawa ang Kanyang gawain. Samakatuwid, lahat ng gawain ng Espiritu ng Diyos ay pinapalitan ng gawain ni Cristo sa loob ng panahon ng Kanyang pagkakatawang-tao, at ang kaibuturan ng buong gawain sa buong panahon ng pagkakatawang-tao ay ang gawain ni Cristo. Ito ay hindi maaaring maihalo sa gawain mula sa kahit anong ibang kapanahunan. At mula nang nagkatawang-tao ang Diyos, Siya ay gumagawa sa pagkakakilanlan ng Kanyang katawang-tao; yamang Siya ay nagkatawang-tao, tinatapos din Niya sa katawang-tao ang gawain na dapat Niyang gawin. Maging ito man ay ang Espiritu ng Diyos o ito man ay si Cristo, Sila ay kapwa Diyos Mismo, at ginagawa Niya ang gawain na dapat Niyang gawin at ginagampanan ang ministeryong dapat Niyang gampanan.

Ang sangkap ng Diyos mismo ay humahawak ng awtoridad, subali’t Siya ay may kakayahang lubusang magpasakop sa awtoridad na nagmumula sa Kanya. Maging ito man ay gawain ng Espiritu o gawain ng katawang-tao, ang isa ay hindi sumasalungat sa isa. Ang Espiritu ng Diyos ay ang awtoridad sa buong sangnilikha. Ang katawang-taong may sangkap ng Diyos ay nagtataglay din ng awtoridad, subali’t ang Diyos sa katawang-tao ay may kakayahang gawin ang lahat ng gawain na sumusunod sa kalooban ng Amang nasa langit. Ito ay hindi maaaring makamtan o maisipan ng kahit sinong tao. Ang Diyos Mismo ay awtoridad, subali’t ang Kanyang katawang-tao ay maaaring magpasakop sa Kanyang awtoridad. Ito ang panloob na kahulugan ng mga salitang: “Si Cristo ay tumatalima sa kalooban ng Diyos Ama.” Ang Diyos ay Espiritu at may kakayahang gawin ang gawain ng pagliligtas, tulad ng kakayahang maging tao ng Diyos. Kunsabagay, ang Diyos Mismo ang gumagawa ng Kanyang sariling gawain; hindi siya gumagambala o nakikialam, lalong hindi nagsasakatuparan ng gawaing magkasalungat, sa kadahilanang ang sangkap ng gawaing ginawa ng Espiritu at ng katawang-tao ay magkatulad. Maging ito man ay ang Espiritu o ang katawang-tao, magkatulad silang gumagawa upang matupad ang iisang kalooban at upang pamahalaan ang magkatulad na gawain. Bagaman ang Espiritu at ang katawang-tao ay may dalawang magkaibang katangian, ang Kanilang mga sangkap ay magkatulad; kapwa silang may sangkap ng Diyos Mismo, at ng pagkakakilanlan ng Diyos Mismo. Ang Diyos Mismo ay walang mga elemento ng paglabag; ang Kanyang sangkap ay mabuti. Siya ang pagpapahayag ng lahat ng kagandahan at kabutihan, gayundin ng lahat ng pag-ibig. Kahit nasa katawang-tao, ang Diyos ay hindi gumagawa ng anuman na lumalabag sa Diyos Ama. Kahit na sa paggugol ng pagsasakripisyo ng Kanyang buhay, Siya ay buong-pusong pumapayag at walang ibang pinipili. Ang Diyos ay walang mga elemento ng pansariling-pagkamatuwid at pansariling-pagpapahalaga, o kahit na kahambugan at kapalaluan; Siya ay walang elemento ng pagkabaluktot. Lahat ng lumalabag sa Diyos ay nanggagaling kay Satanas; si Satanas ang pinagmumulan ng lahat ng kapangitan at kasamaan. Ang dahilan kung bakit ang tao ay may mga katangian na katulad ng kay Satanas ay dahil sa ang tao ay ginawang tiwali at kinikilusan ni Satanas. Si Cristo ay hindi nagawang tiwali ni Satanas, kaya Siya ay mayroon lamang mga katangian ng Diyos at wala niyaong kay Satanas. Kahit gaano kahirap ang gawain o kahina ang laman, ang Diyos, habang Siya ay nabubuhay sa katawang-tao, ay hindi kailanman gagawa ng anumang bagay na gumagambala sa gawain ng Diyos Mismo, lalo na ang pagpapabaya sa kalooban ng Diyos Ama nang dahil sa paglabag. Mas pipiliin pa Niyang magdusa ng mga sakit ng laman kaysa salungatin ang kalooban ng Diyos Ama; ito ay kagaya ng sinabi ni Jesus sa panalangin; “Ama, kung iyong mamarapatin, hayaan mong ang kopang ito ay lumagpas sa Akin; gayunpaman, hindi ang Aking kalooban, kundi ang Iyong kalooban.” Ang tao ay pipili, subalit si Cristo ay hindi. Bagaman Siya ay may pagkakakilanlan ng Diyos Mismo, hinahanap pa rin Niya ang kalooban ng Diyos Ama, at tinutupad kung ano ang ipinagkakatiwala sa Kanya ng Diyos Ama, mula sa pananaw ng laman. Ito ay isang bagay na hindi kayang abutin ng tao. Yaong mga nagmumula kay Satanas ay hindi magkakaroon ng sangkap mula sa Diyos, kundi tanging yaong lumalabag at lumalaban sa Diyos. Ito ay walang kakayahang lubos na tumalima sa Diyos, lalo na ang buong-loob na sumunod sa kalooban ng Diyos. Lahat ng taong wala kay Cristo ay kayang gawin yaong lumalaban sa Diyos, at wala ni isang tuwirang makagagawa ng gawaing ipinagkatiwala ng Diyos; walang kahit isa ang may kakayahang ipalagay ang pamamahala ng Diyos bilang kanilang sariling tungkulin na dapat gampanan. Ang pagpapasakop sa kalooban ng Diyos Ama ay ang sangkap ni Cristo; ang pagsuway laban sa Diyos ay ang katangian ni Satanas. Ang dalawang katangiang ito ay hindi magkabagay, at kung sino man ang may mga katangian ni Satanas ay hindi matatawag na Cristo. Ang dahilan kung bakit ang tao ay walang kakayahang gawin ang gawain ng Diyos sa halip Niya ay dahil sa ang tao ay wala kahit isang sangkap ng Diyos. Ang tao ay gumagawa para sa Diyos para sa kaniyang pansariling kapakanan at ng kanyang mga inaasam-asam sa hinaharap, subalit si Cristo ay gumagawa upang isakatuparan ang kalooban ng Diyos Ama.

Ang pagkatao ni Cristo ay pinamamahalaan ng Kanyang pagka-Diyos. Bagaman Siya ay nasa katawang-tao, ang Kanyang pagkatao ay hindi lubusang katulad ng sa taong may laman. Siya ay may sariling natatanging karakter, at ito rin ay pinamamahalaan ng Kanyang pagka-Diyos. Ang Kanyang pagka-Diyos ay walang kahinaan; ang kahinaan ni Cristo ay tumutukoy sa Kanyang pagkatao. Sa isang tiyak na antas, ang kahinaang ito ay pumipigil sa Kanyang pagka-Diyos, subali’t ang gayong mga hangganan ay nakapaloob sa isang tiyak na sakop at panahon, at hindi walang-hangganan. Pagdating naman sa panahon ng pagtupad ng gawain ng Kanyang pagka-Diyos, ito ay ginagawa nang hindi alintana ang Kanyang pagkatao. Ang pagkatao ni Cristo ay ganap na tuwirang pinamamahalaan ng Kanyang pagka-Diyos. Bukod sa karaniwang buhay ng Kanyang pagkatao, lahat ng iba pang pagkilos ng Kanyang pagkatao ay iniimpluwensyahan, naaapektuhan at pinapatnubayan ng Kanyang pagka-Diyos. Bagaman si Cristo ay may pagkatao, ito ay hindi nakakagambala sa gawain ng Kanyang pagka-Diyos. Ito ay tiyak na dahil sa ang pagkatao ni Cristo ay pinapatnubayan ng Kanyang pagka-Diyos; bagaman ang Kanyang pagkatao ay hindi angkop sa Kanyang kilos tungo sa iba, ito ay hindi nakakaapekto sa mga karaniwang gawain ng Kanyang pagka-Diyos. Kapag sinabi ko na ang Kanyang pagkatao ay hindi nagawang tiwali, ang ibig kong sabihin ay ang pagkatao ni Cristo ay maaaring tuwirang mapangunahan ng Kanyang pagka-Diyos, at Siya ay may mas mataas pang pandama kaysa roon sa karaniwang tao. Ang Kanyang pagkatao ay pinaka-nababagay sa pagiging pinangungunahan ng pagka-Diyos sa Kanyang gawain; ang Kanyang pagkatao ay pinaka-may-kakayahang magpahayag ng gawain ng pagka-Diyos, at pati na rin pinaka-may-kakayahang magpasakop sa ganoong gawain. At dahil ang Diyos ay gumagawa sa katawang-tao, Siya ay hindi nawawalan ng pagtanaw sa tungkulin na dapat ginagampanan ng taong nasa laman; Siya ay may kakayahang sambahin ang Diyos sa langit na may totoong puso. Siya ay may sangkap ng Diyos, at ang Kanyang pagkakakilanlan ay sa Diyos Mismo. Ito lamang ay sa dahilang Siya ay bumaba rito sa lupa at naging isang nilikhang may buhay, na may panlabas na balat ng isang nilikhang may buhay, at ngayon ay nagtaglay ng pagkatao na wala sa Kanya noong una; Siya ay may kakayahang sambahin ang Diyos sa langit. Ito ang kabuuan ng Diyos Mismo at hindi mapaparisan ng tao. Ang Kanyang pagkakakilanlan ay Diyos Mismo. Ito ay mula sa pananaw ng katawang-tao na sumasamba Siya sa Diyos; samakatuwid, ang mga salitang “Si Cristo ay sumasamba sa Diyos sa langit” ay hindi isang kamalian. Ang Kanyang hinihingi sa tao ay ang Kanyang talagang sariling kabuuan; Kanya nang naabot ang lahat Niyang hinihingi sa tao bago pa man ang paghingi Niya nang ganoon sa kanila. Kailanman ay hindi Siya gagawa ng mga paghingi mula sa iba samantalang Siya mismo ay hindi ito kayang ibigay, dahil ito ang nakapaloob sa Kanyang kabuuan. Kahit na paano Niya isinasakatuparan ang Kanyang gawain, hindi Siya kikilos sa paraan na lumalabag sa Diyos. Kahit ano pa man ang Kanyang hinihingi sa tao, walang hinihingi na sosobra doon sa kayang abutin ng tao. Ang lahat ng Kanyang ginagawa ay ang pagsasakatuparan ng kalooban ng Diyos at para sa kapakanan ng Kanyang pamamahala. Ang pagka-Diyos ni Cristo ay nasa ibabaw ng lahat ng tao, samakatuwid Siya ang pinakamataas na awtoridad ng lahat ng nilalang na may buhay. Ang awtoridad na ito ay ang Kanyang pagka-Diyos, iyon ay, ang disposisyon at kabuuan ng Diyos Mismo, na nakakaalam ng Kanyang pagkakakilanlan. Samakatuwid, kahit na gaano kakaraniwan ang Kanyang pagkatao, hindi maitatanggi na mayroon Siyang pagkakakilanlan ng Diyos Mismo; kahit mula sa anumang pananaw Siya nagsasalita at sa kahit anumang paraan Siya tumatalima sa kalooban ng Diyos, hindi maaaring sabihing Siya ay hindi ang Diyos Mismo. Ang mga hunghang at walang-muwang na tao ay malimit na nagtuturing sa normal na pagkatao ni Cristo na isang kamalian. Kahit sa anong paraan niya ipinahahayag at ibinubunyag ang kabuuan ng pagka-Diyos, ang tao ay walang kakayahang kilalanin na Siya ay si Cristo. At habang higit na ipinakikita ni Cristo ang Kanyang pagtalima at kababaang-loob, gayundin kagaan ang pagtuturing ng mga hunghang na tao kay Cristo. Mayroon pang iba na nilalayuan Siya at hinahamak, nguni’t inilalagay yaong mga “dakilang tao” na may palalong mga imahe sa hapag upang masamba. Ang paglaban ng tao at pagsuway sa Diyos ay nagmumula sa katunayang ang sangkap ng Diyos na nagkatawang-tao ay nagpapasakop sa kalooban ng Diyos, gayundin ay nagmumula sa normal na pagkatao ni Cristo; dito nakalatag ang pinagmumulan ng paglaban ng tao at pagsuway sa Diyos. Kung si Cristo ay ni walang anyo ng Kanyang pagkatao o hindi hinanap ang kalooban ng Diyos Ama mula sa pananaw ng isang nilikhang may buhay, sa halip ay nagtaglay ng isang pambihirang pagkatao, kung gayon maaaring walang paglabag sa kahit sino mang tao. Ang dahilan kung bakit ang tao ay palaging maluwag sa kalooban ang maniwala sa isang hindi nakikitang Diyos sa langit ay sapagka’t ang Diyos sa langit ay walang pagkatao at wala Siyang kahit isang katangian ng isang nilikhang may buhay. Kaya ang tao ay palaging isinasaalang-alang Siya nang may pinakadakilang pagpapahalaga, subali’t may pagtuturing ng paghamak tungo kay Cristo.

Bagaman si Cristo sa kalupaan ay may kakayahang gumawa sa ngalan ng Diyos Mismo, Siya ay hindi dumarating na may hangaring ipakita sa lahat ng tao ang Kanyang larawan sa katawang-tao. Hindi Siya dumarating upang makita Siya ng lahat ng tao; Siya ay dumarating upang pahintulutan ang tao na maakay ng Kanyang kamay, nang sa gayon ay papasok sa bagong kapanahunan. Ang katungkulan ng katawang-tao ni Cristo ay para sa gawain ng Diyos Mismo, para sa gawain ng Diyos sa katawang-tao, at hindi upang bigyang kakayahan ang tao na lubusang maunawaan ang sangkap ng Kanyang laman. Kahit na sa anong paraan Siya gumagawa, hindi ito sumusobra sa kung hanggang saan ang kayang makamit ng katawang-tao. Kahit na sa anong paraan Siya gumagawa, ginagawa Niya ito sa katawang-tao na may normal na pagkatao, at hindi lubos na ibinubunyag sa tao ang totoong mukha ng Diyos. Bilang karagdagan, ang Kanyang gawain sa katawang-tao ay hindi kailanman lampas sa kaya ng tao o di-kayang matantiya katulad ng iniisip ng tao. Kahit na si Cristo ang kumakatawan sa Diyos Mismo sa katawang-tao at personal na isinasakatuparan ang gawain na dapat gawin ng Diyos Mismo, hindi Niya itinatanggi ang pag-iral ng Diyos sa langit, ni mainit na ipinahahayag ang Kanyang mga sariling gawa. Sa halip, Siya ay mapagkumbabang nananatiling nakatago sa loob ng Kanyang katawang-tao. Bukod kay Cristo, silang mga may kabulaanang nag-aangking sila ay si Cristo ay wala ng mga katangian Niya. Kapag ikinumpara laban sa mga mapagmataas at mapagmapuring disposisyon niyaong mga huwad na Cristo, nagiging mas malinaw kung ano ang klase ng katawang-tao ng tunay na Cristo. Mas huwad sila, mas lalong ipinagyayabang ng gayong mga huwad na Cristo ang kanilang mga sarili, at mas may kakayahan silang gumawa ng mga palatandaan at mga kagila-gilalas na mga bagay upang linlangin ang tao. Ang mga huwad na Cristo ay walang mga katangian ng Diyos; si Cristo ay hindi nabahiran ng kahit anong katangiang mayroon ang mga huwad na Cristo. Ang Diyos ay nagkatawang-tao lamang upang tapusin ang mga gawain ng katawang-tao, hindi lamang upang pahintulutan ang lahat ng tao na makita Siya. Sa halip, hinahayaan Niya na ang Kanyang gawa ang magkumpirma ng Kanyang pagkakakilanlan, at pinahihintulutan kung ano ang Kanyang ihahayag upang patunayan ang Kanyang sangkap. Ang Kanyang sangkap ay hindi walang-basehan; ang Kanyang pagkakakilanlan ay hindi inagaw ng Kanyang kamay; ito ay nalalaman sa pamamagitan ng Kanyang gawa at ng Kanyang sangkap. Bagaman Siya ay may sangkap ng Diyos Mismo at may kakayahang gawin ang gawain ng Diyos Mismo, Siya pa rin, pagkatapos ng lahat, ay katawang-taong hindi gaya ng Espiritu. Siya ay hindi Diyos na may mga katangian ng Espiritu; Siya ay Diyos na may balat ng katawang-tao. Samakatuwid, kahit na gaano kakaraniwan at gaano Siya kahina, at kahit sa anong paraan Niya hinahanap ang kalooban ng Diyos Ama, ang Kanyang pagka-Diyos ay hindi maitatanggi. Sa nagkatawang-taong Diyos ay umiiral hindi lamang ang normal na pagkatao at ang mga kahinaan nito; lalo pang umiiral ang pagiging kahanga-hanga at pagiging hindi-matarok ng Kanyang pagka-Diyos, pati na ang lahat ng Kanyang mga gawa sa katawang-tao. Samakatuwid, ang pagkatao at pagka-Diyos ay parehong tunay at praktikal ba umiiral sa loob ni Cristo. Ito sa pinakamababa ay hindi hungkag o higit sa kaya ng tao. Siya ay dumating sa kalupaan na may pangunahing layunin na pagsasakatuparan ng gawain; kailangang magtaglay ng isang normal na pagkatao upang isakatuparan ang gawain sa kalupaan; kung hindi, kahit gaano kadakila ang kapangyarihan ng Kanyang pagka-Diyos, ang orihinal na katungkulan nito ay hindi maaaring mailagak sa tamang paggagamitan. Bagaman ang Kanyang pagkatao ay napakahalaga, ito ay hindi Kanyang sangkap. Ang Kanyang sangkap ay ang pagka-Diyos; samakatuwid, sa sandali na nagsisimula na Siyang ganapin ang kanyang ministeryo sa kalupaan ay ang sandali na nagsisimula rin Siyang ipahayag ang kabuuan ng Kanyang pagka-Diyos. Ang Kanyang pagkatao ay para lamang mapanatili ang karaniwang buhay ng Kanyang katawang-tao upang maisakatuparan ng Kanyang pagka-Diyos ang gawain bilang karaniwang nasa katawang-tao; ang pagka-Diyos ang nagpapatnubay sa kabuuan ng Kanyang gawain. Kapag matatapos na Niya ang kanyang gawain, matutupad na rin ang Kanyang ministeryo. Ang dapat malaman ng tao ay ang kabuuan ng Kanyang gawain, at ito ay sa pamamagitan ng Kanyang gawain kaya nabibigyan Niya ng kakayahan ang tao na kilalanin Siya. Sa buong takbo ng Kanyang gawain, lubusan Niyang ipinahahayag ang kabuuan ng Kanyang pagka-Diyos, na hindi isang disposisyong nabahiran ng pagkatao, o isang kabuuan na nabahiran ng kaisipan at kilos ng tao. Kapag dumating na ang oras na ang lahat ng Kanyang ministeryo ay nakarating na sa katapusan, maaaring ganap at buo na Niyang naihayag ang disposisyon na kailangan Niyang ipahayag. Ang kanyang gawain ay hindi iniutos ng sinumang tao; ang pagpapahayag ng Kanyang disposisyon ay malaya rin, hindi kontrolado ng isipan o pinadaraan sa pag-iisip, bagkus ay likas na ibinubunyag. Ito ay hindi maaaring makamit ng kahit sinong tao. Kahit na ang nakapalibot ay malupit o ang mga kalagayan ay hindi akma, Siya ay may kakayahang ipahayag ang Kanyang disposisyon sa tamang oras. Ang isang Cristo ay nagpapahayag ng kabuuan ni Cristo, samantala silang mga hindi ay walang disposisyon ni Cristo. Samakatuwid, kung ang lahat ay lalaban sa Kanya o may mga haka-haka tungkol sa Kanya, walang makatatanggi batay sa mga paniwala ng tao na ang disposisyong ipinahayag ni Cristo ay yaong sa Diyos. Silang lahat na mga humahabol kay Cristo na may totoong pusoo hinahangad na mahanap ang Diyos ay aamin na Siya ay si Cristo batay sa pagpapahayag ng Kanyang pagka-Diyos. Hinding-hindi nila itatanggi si Cristo batay sa kahit anong aspeto Niya na hindi umaayon sa mga haka-haka ng tao. Bagaman ang tao ay napakahangal, lahat ay alam talaga kung ano ang kalooban ng tao at kung ano ang nagmumula sa Diyos. Ito lamang ay sa dahilang maraming tao ang tikis na nilalabanan si Cristo dahil sa kanilang sariling mga hangarin. Kung hindi dahil dito, walang kahit isang tao ang may dahilan na itanggi ang pag-iral ni Cristo, dahil sa ang pagka-Diyos na ipinahayag ni Cristo ay totoong umiiral, at ang Kanyang gawa ay maaaring masaksihan ng hubad na mata ng lahat.

Ang gawa at pagpapahayag ni Cristo ang nagpapakita sa Kanyang sangkap. Siya ay may kakayahang kumpletuhin nang may totoong puso yaong naipagkatiwala sa Kanya. Siya ay may kakayahang sambahin ang Diyos sa langit na may totoong puso, at taglay ang totoong puso ay hinahanap ang kalooban ng Diyos Ama. Ito ay nalalamang lahat sa pamamagitan ng Kanyang sangkap. At gayundin ang Kanyang likas na pagbubunyag ay nalalaman sa pamamagitan ng Kanyang sangkap; ang dahilan na ang Kanyang likas na pagbubunyag ay tinatawag na ganyan ay sapagka’t ang kanyang pagpapahayag ay hindi gaya-gaya o bunga ng pag-aaral ng tao, o resulta ng maraming taong paglilinang ng tao. Hindi Niya ito natutunan o pinalamutihan ang Kanyang sarili nito; bagkus ito ay likas sa Kanyang kaloob-looban. Maaaring itanggi ng tao ang Kanyang gawain, Kanyang pagpapahayag, Kanyang pagkatao, at ang buong buhay ng Kanyang normal na pagkatao, subali’t walang makakatanggi na sinasamba Niya ang Diyos sa langit na may totoong puso; walang makakatanggi na dumating Siya upang tuparin ang kalooban ng Ama na nasa langit, at walang makakapagtanggi sa katapatan kung paano Niya hinahanap ang Diyos Ama. Bagaman ang kanyang imahe ay hindi kalugod-lugod sa mga pandama, ang Kanyang pagsasalita ay hindi nagtataglay ng di-pangkaraniwang paggawi, at ang Kanyang gawa ay hindi nakadudurog ng daigdig o nakayayanig sa kalangitan na tulad ng naguguni-guni ng tao, Siya talaga ay si Cristo, na siyang nagsasakatuparan sa kalooban ng Diyos Ama na may totoong puso, ganap na nagpapasakop sa Amang nasa langit, at masunurin hanggang kamatayan. Ito ay dahil sa ang Kanyang sangkap ay ang sangkap ni Cristo. Ang katotohanang ito ay mahirap paniwalaan ng tao subali’t ito ay tunay na umiiral. Sa panahong ang ministeryo ni Cristo ay ganap nang naisakatuparan, makikita na ng tao mula sa Kanyang gawa, na ang Kanyang disposisyon at Kanyang kabuuan ay kumakatawan sa disposisyon at kabuuan ng Diyos sa langit. Sa panahong yaon, ang kalahatan ng Kanyang gawa ay makapagpapatunay na Siya ay talagang ang katawang tao na kung saan ang Salita ay nagkakatotoo, at hindi katulad niyaong laman at dugong tao. Bawa’t hakbang ng gawain ni Cristo sa kalupaan ay may kinakatawang kabuluhan, subali’t ang tao na nakakaranas sa tunay na gawain ng bawa’t hakbang ay walang kakayahang tarukin ang kabuluhan ng Kanyang gawain. Ito ay lalo na sa ilang mga hakbang ng gawain na isinakatuparan ng ikalawang nagkatawang-taong Diyos. Halos lahat ng mga nakarinig lamang o nakakita sa mga salita ni Cristo subali’t hindi pa nila Siya nasilayan ay walang mga haka-haka tungkol sa kanyang gawa; silang mga nakakita kay Cristo at nakarinig sa Kanyang mga salita, gayundin ay naranasan ang Kanyang gawa, ay nahihirapang tanggapin ang Kanyang gawain. Hindi ba ito ay dahil sa ang anyo at ang normal na pagkatao ni Kristo ay hindi ayon sa panlasa ng tao? Silang mga tumanggap ng Kanyang gawain pagkatapos mawalay si Cristo ay hindi magkakaroon ng ganoong kagipitan, sa kadahilanang tinanggap lamang nila ang Kanyang gawain at hindi nagkaroon ng kaugnayan sa normal na pagkatao ni Cristo. Ang tao ay walang kakayahang bitawan ang kanyang mga haka-haka tungkol sa Diyos at bagkus ay sinisiyasat pa Siya nang maigi; ito ay dahil sa katotohanang ang tao ay nakatingin lamang sa Kanyang anyo at walang kakayahang mabatid ang Kanyang sangkap batay sa Kanyang gawa at mga salita. Kung ipinipikit ng tao ang kanyang mga mata sa anyo ni Kristo o iniiwasan ang pakikipagtalo sa pagkatao ni Cristo at nagsasalita lamang ng tungkol sa Kanyang pagka-Diyos, na kung saan ang gawa at mga salita ay hindi kayang maabot ng kahit sinong tao, kung gayon ang mga haka-haka ng tao ay bababa nang kalahati, hanggang sa ang lahat ng mga paghihirap ng tao ay malutas. Sa panahon ng gawain ng nagkatawang-taong Diyos, hindi Siya kayang tanggapin ng tao at puno ng maraming haka-haka tungkol sa Kanya, at ang mga pagkakataon ng paglaban at pagsuway ay pangkaraniwan. Hindi kayang pagtiisan ng tao ang pag-iral ng Diyos, magpakita ng kaluwagan sa kababaang-loob at pagka-tago ni Cristo, o patawarin ang sangkap ni Cristo na sumusunod sa Amang nasa langit. Samakatuwid, Siya ay hindi maaaring manatili kasama ang tao nang walang-hanggan pagkatapos ng Kanyang gawain, dahil sa ang tao ay ayaw Siyang pahintulutang mamuhay kasama nila. Kung ang tao ay ayaw magpakita ng kaluwagan sa Kanya sa panahon ng Kanyang gawain, kung gayon paano magiging posible na pagtiisan nila Siya kasama nila pagkatapos ng Kanyang ministeryo, at pinagmamasdan silang unti-unting nararanasan ang Kanyang mga salita? Hindi kaya maraming babagsak dahil sa Kanya? Pinahihintulutan lamang ng tao na gumawa Siya rito sa kalupaan; ito ang pinakamalawak na kaluwagan ng tao. Kung hindi dahil sa Kanyang gawain, matagal na sana Siyang itinaboy ng mga tao mula sa kalupaan, kaya gaano pa kaya kaunti ang ipakikita nilang kaluwagan sa sandaling natapos na ang Kanyang gawain? Kung gayon hindi ba Siya ipapapatay ng tao at pahihirapan hanggang sa mamatay? Kung hindi Siya tinawag na Cristo, hindi Niya marahil makakayang gumawa sa gitna ng sangkatauhan; kung hindi Siya gumawa taglay ang pagkakakilanlan ng Diyos Mismo, at sa halip ay gumawa lamang bilang isang karaniwang tao, kung gayon ang tao ay hindi palalampasin kahit isang pangungusap na mabigkas Niya, lalong hindi palalampasin ang pinakamaliit mang bahagi ng Kanyang gawain. Kaya maaari lamang Niyang dalhin ang ganitong pagkakakilanlan kasama Niya sa Kanyang gawain. Sa paraang ito, ang kanyang gawain ay mas makapangyarihan kaysa kung hindi Niya ito ginawa, dahil ang mga tao ay handang lahat na sumunod sa nakatayo at dakilang pagkakakilanlan. Kung hindi Niya dinala ang pagkakakilanlan ng Diyos Mismo habang Siya ay gumagawa o nagpakita bilang Diyos Mismo, kung gayon hindi man lamang Siya magkakaroon ng pagkakataong makagawa. Sa kabila ng katotohanang Siya ay may sangkap ng Diyos at ng pagiging Cristo, ang tao ay hindi papayapa at pahihintulutan Siyang isakatuparan nang matiwasay ang gawain kasama ang sangkatauhan. Siya ang nagdadala ng pagkakakilanlan ng Diyos Mismo sa Kanyang gawain; bagaman ang naturang gawain ay dose-dosenang beses pang makapangyarihan kaysa roon sa ginawa na walang ganoong pagkakakilanlan, ang tao pa rin ay hindi lubusang sumusunod sa Kanya, dahil ang tao ay nagpapasakop lamang sa Kanyang katayuan at hindi sa Kanyang sangkap. Kung gayon, kung sakali mang isang araw si Cristo ay bababa sa Kanyang katungkulan, mapapahintulutan kaya Siya ng tao na manatiling buhay kahit isang araw man lamang? Pumapayag ang Diyos na mamuhay sa lupa kasama ang tao upang makita Niya ang mga bungang idudulot ng gawa ng Kanyang mga kamay sa susunod na mga taon. Gayunpaman, ang tao ay walang kakayahang tanggapin ang Kanyang pananatili kahit isang araw man lamang, kaya maaari lamang Siyang sumuko. Ito na talaga ang pinakamalawak na kaluwagan at biyaya ng tao na pahintulutan ang Diyos na gawin sa gitna ng tao ang gawain na dapat Niyang gawin at maisakatuparan ang Kanyang ministeryo. Bagaman silang mga personal na nalupig Niya ay nagpapakita sa Kanya ng ganoong kagandahang-loob, sila pa rin ay nagpapahintulot lamang sa Kanya na manatili hanggang sa matapos ang Kanyang gawain at hindi kahit isang sandali pagkatapos. Kung ito man ay ganoon, paano na yaong mga hindi Niya nalupig? Hindi ba ang dahilan kung bakit tinatrato ng tao ang nagkatawang-taong Diyos sa ganitong paraan ay dahil sa Siya si Cristo na may balat ng karaniwang tao? Kung ang taglay lamang Niya ay ang pagka-Diyos at hindi ang normal na pagkatao, hindi ba ang mga kahirapan ng tao ay mabibigyan ng kalutasan kung gayon sa pinakamadaling paraan? Ang tao ay may poot na kumikilala sa Kanyang pagka-Diyos at hindi nagpapakita ng interes sa Kanyang balat ng karaniwang tao, kahit na ang totoo ay ang Kanyang sangkap ay tiyak na yaong kay Cristo na nagpapasakop sa kalooban ng Ama na nasa langit. Sa gayon, maaari lamang Niyang putulin ang Kanyang gawain na kasama ng tao upang makibahagi sa kanilang mga kasiyahan at kalungkutan, dahil ang tao ay hindi na kaya pang pagtiisan ang Kanyang pamamalagi.

mula sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao

Mga Talababa:

a. Wala sa orihinal na teksto ang “Sa tao.”

Sinundan:Paano Ka Dapat Manampalataya sa Diyos Upang Maligtas at Magawang Perpekto?

Sumunod:Dapat Mong Malaman ang Kahalagahan ng Diyos na Naging Katawang-tao.

Baka Gusto Mo Rin