4. Ang Kabuluhan ng Gawain ng mga Pagsubok at Pagpipino ng Diyos
Nauugnay na mga Salita ng Diyos:
Sa anong panloob na kalagayan ng mga tao nakatutok ang mga pagsubok? Nakatutok ang mga ito sa mapaghimagsik na disposisyon ng mga tao na walang kakayahang magbigay-kasiyahan sa Diyos. Maraming hindi malinis sa kalooban ng mga tao, at maraming mapag-imbabaw, kaya isinasailalim ng Diyos ang mga tao sa mga pagsubok upang dalisayin sila. …
Kung hindi mo alam ang disposisyon ng Diyos, tiyak na mahuhulog ka kapag may mga pagsubok, dahil hindi mo alam kung paano ginagawang perpekto ng Diyos ang mga tao; at sa anong paraan Niya ginagawa silang perpekto, at kapag dumating ang mga pagsubok ng Diyos sa iyo at hindi tumutugma ang mga ito sa iyong mga kuru-kuro, hindi mo magagawang manindigan. Ang totoong pagmamahal ng Diyos ay ang Kanyang buong disposisyon, at kapag ibinubunyag sa mga tao ang buong disposisyon ng Diyos, ano ang dala nito sa iyong laman? Kapag ibinubunyag sa mga tao ang matuwid na disposisyon ng Diyos, tiyak na daranas ng matinding pasakit ang kanilang laman. Kung hindi mo pagdurusahan ang pasakit na ito, hindi ka magagawang perpekto ng Diyos, ni hindi ka makapag-uukol ng totoong pagmamahal sa Diyos. Kung ginagawa kang perpekto ng Diyos, tiyak na ibubunyag Niya sa iyo ang Kanyang buong disposisyon. Mula sa panahon ng paglikha hanggang ngayon, hindi pa kailanman ibinunyag ng Diyos ang Kanyang buong disposisyon sa tao—ngunit sa mga huling araw, Kanyang ibinubunyag ito sa grupong ito ng mga tao na Kanya nang itinalaga at pinili, at sa pagpeperpekto sa mga tao, Kanyang ibinubunyag ang Kanyang mga disposisyon, kung saan sa pamamagitan nito ay Kanyang ginagawang ganap ang isang grupo ng mga tao. Gayon ang tunay na pag-ibig ng Diyos sa mga tao. Ang pagdanas ng tunay na pag-ibig ng Diyos ay hinihingi sa mga tao na magtiis ng matinding pasakit, at magbayad ng malaking halaga. Saka lamang maaaring makamit ng Diyos ang mga tao sa huli, at sa wakas ay magawang magsukli ng kanilang tunay na pag-ibig sa Diyos, at saka lamang masisiyahan ang puso ng Diyos. Kung nais ng mga tao na gawin silang perpekto ng Diyos, at kung nais nilang sumunod sa Kanyang kalooban, at ganap na ipagkaloob ang kanilang tunay na pag-ibig sa Diyos, dapat nilang maranasan ang maraming pasakit at maraming kirot mula sa mga sitwasyon, nagdurusa ng matinding pasakit na mas masahol pa kaysa kamatayan. Sa huli, mapipilitan silang ibalik ang kanilang totoong puso sa Diyos. Kung tunay bang mahal o hindi ng isang tao ang Diyos ay nabubunyag sa panahon ng pagdurusa at pagpipino. Ang pagdadalisay ng Diyos sa pag-ibig ng mga tao ay nakakamit lamang sa pamamagitan ng pagdurusa at pagpipino.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Pagmamahal Lamang sa Diyos ang Tunay na Pananampalataya sa Diyos
Nahaharap sa kalagayan ng tao at saloobin ng tao sa Diyos, gumawa ang Diyos ng bagong gawain, na nagpahintulot sa tao na makamit kapwa ang pagkakilala sa Kanya at pagpapasakop sa Kanya, at kapwa pag-ibig at patotoo. Kaya, kailangang maranasan ng tao ang pagpipino ng Diyos sa kanya, gayundin ang paghatol ng Diyos, at pagpupungos sa tao, kung wala ng mga ito ay hindi kailanman makikilala ng tao ang Diyos, at hindi kailanman makakaya na tunay na umibig at magpatotoo sa Kanya. Ang pagpipino ng Diyos sa tao ay hindi lamang para sa magiging epekto sa isang aspekto, ngunit para sa magiging epekto sa iba’t ibang aspekto. Kaya ginagawa ng Diyos ang gawain ng pagpipino sa kanila na nakahandang hanapin ang katotohanan, upang ang determinasyon at pag-ibig nila ay magawang perpekto ng Diyos. Sa kanila na nakahandang hanapin ang katotohanan at nananabik sa Diyos, walang anuman ang mas makahulugan, o lubhang makatutulong, kaysa sa pagpipino na kagaya nito. Ang disposisyon ng Diyos ay hindi madaling nauunawaan o naaarok ng tao, sapagkat ang Diyos, sa bandang huli, ay Diyos. Sa huli, imposible para sa Diyos na magkaroon ng kaparehong disposisyon kagaya ng sa tao, at kaya hindi madali para sa tao na maunawaan ang Kanyang disposisyon. Ang katotohanan ay hindi likas na taglay ng tao, at hindi madaling maunawaan ng mga ginawang tiwali ni Satanas; ang tao ay walang katotohanan, at walang determinasyon na isagawa ang katotohanan, at kung hindi siya nagdurusa at hindi pinipino o hinahatulan, ang kanyang determinasyon ay hindi magagawang perpekto kailanman. Para sa lahat ng tao, ang pagpipino ay napakasakit, at napakahirap tanggapin—ngunit sa panahon ng pagpipino ginagawang malinaw ng Diyos ang Kanyang matuwid na disposisyon sa tao, at isinasapubliko ang Kanyang mga hinihingi para sa tao, at nagbibigay ng mas maraming kaliwanagan, at mas maraming praktikal na pagpupungos. Sa pamamagitan ng paghahambing sa mga katunayan at sa katotohanan, higit na nakikilala ng tao ang kanyang sarili at higit na nalalaman ang katotohanan, at higit na nauunawaan ang mga layunin ng Diyos, sa gayon ay tinutulutan ang tao na magkaroon ng mas tunay at mas dalisay na pagmamahal sa Diyos. Iyon ang mga layunin ng Diyos sa pagsasakatuparan ng gawain ng pagpipino. Lahat ng gawain na ginagawa ng Diyos sa tao ay may sariling mga layunin at kabuluhan; ang Diyos ay hindi gumagawa ng walang kabuluhang gawain, hindi rin Siya gumagawa ng gawain na walang pakinabang sa tao. Ang pagpipino ay hindi nangangahulugan ng pag-aalis sa mga tao mula sa harap ng Diyos, ni hindi rin ito nangangahulugan ng pagwasak sa kanila sa impiyerno. Sa halip, nangangahulugan ito ng paggawang bago sa disposisyon ng tao sa panahon ng pagpipino, paggawang bago sa kanyang mga intensyon, sa kanyang dating mga pananaw, paggawang bago sa kanyang pag-ibig sa Diyos, at paggawang bago sa kanyang buong buhay. Ang pagpipino ay isang praktikal na pagsubok sa tao, at isang uri ng praktikal na pagsasanay, at sa panahon lamang ng pagpipino magagampanan ng kanyang pag-ibig ang likas nitong tungkulin.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Sa Pamamagitan Lamang ng Pagdanas ng Pagpipino Maaaring Magtaglay ang Tao ng Tunay na Pag-ibig
Habang mas pinipino ng Diyos ang mga tao, mas lalong nagagawang mahalin ng puso ng mga tao ang Diyos. Ang pagdurusa sa kanilang mga puso ay kapaki-pakinabang sa kanilang mga buhay, lalo nilang nagagawang maging tahimik sa harap ng Diyos, ang kanilang relasyon sa Diyos ay mas malapit, at mas makakaya nilang makita ang pinakadakilang pagmamahal ng Diyos at ang Kanyang pinakadakilang pagliligtas. Si Pedro ay dumanas ng pagpipino nang daan-daang beses, at si Job ay sumailalim sa ilang pagsubok. Kung nais ninyong maperpekto ng Diyos, dapat din kayong sumailalim sa pagpipino nang daan-daang beses—dapat kayong dumaan sa prosesong ito, at umasa sa hakbang na ito—saka lang ninyo magagawang matugunan ang mga layunin ng Diyos at mapeperpekto kayo ng Diyos. Ang pagpipino ang pinakamahusay na paraan kung saan ginagawang perpekto ng Diyos ang mga tao; ang pagpipino at mapapait na pagsubok lamang ang makapagpapalabas ng tunay na pag-ibig para sa Diyos sa puso ng mga tao. Kung walang pagdurusa, walang tunay na pagmamahal ang mga tao para sa Diyos; kung hindi susubukin ang kanilang kalooban, kung hindi sila isasailalim sa tunay na pagpipino, ang kanilang mga puso ay palaging mawawalan ng direksyon. Sa pagkapino hanggang sa isang partikular na punto, makikita mo ang iyong sariling mga kahinaan at mga paghihirap, makikita mo kung gaano karami ang kulang sa iyo, at na hindi mo kayang mapagtagumpayan ang maraming mga suliranin na iyong kinakaharap, at makikita mo kung gaano ka naghimagsik. Sa panahon lamang ng mga pagsubok nagagawa ng mga tao na tunay na malaman ang kanilang totoong mga kalagayan; ang mga pagsubok ay lalong kayang perpektuhin ang mga tao.
Sa buong buhay niya, si Pedro ay dumanas ng pagpipino nang daan-daang beses at sumailalim sa maraming masakit na pagpapanday. Ang pagpipinong ito ang naging pundasyon ng kanyang sukdulang pagmamahal sa Diyos, at ang naging pinakamakabuluhang karanasan sa buong buhay niya. Sa isang banda, nagawa niyang taglayin ang isang sukdulang pagmamahal sa Diyos dahil sa kanyang determinasyong ibigin ang Diyos; higit na mas mahalaga, gayumpaman, ito ay dahil sa pagpipino at pagdurusa na kanyang pinagdaanan. Ang pagdurusang ito ay ang kanyang naging gabay sa landas ng pag-ibig sa Diyos, at ang naging pinakahindi malilimutang bagay para sa kanya. Kung hindi pagdadaanan ng mga tao ang kirot ng pagpipino sa pag-ibig sa Diyos, ang kanilang pag-ibig ay puno ng karumihan at ng kanilang sariling mga kagustuhan; ang pag-ibig na kagaya nito ay puno ng mga ideya ni Satanas, at talagang walang kakayahan na matugunan ang mga layunin ng Diyos. Ang pagkakaroon ng determinasyon na ibigin ang Diyos ay hindi kagaya ng tunay na pag-ibig sa Diyos. Bagama’t lahat ng kanilang iniisip sa kanilang puso ay alang-alang sa pag-ibig at pagpapalugod sa Diyos, at tila alang-alang sa Diyos at walang anumang mga ideya ng tao, kapag dinadala sa harap Niya ang gayong pagsasagawa ng pagmamahal sa Diyos, hindi Niya ito sinasang-ayunan o pinagpapala. Kahit na ganap na maunawaan at malaman ng mga tao ang lahat ng katotohanan, hindi masasabi na isa itong tanda ng pagmamahal sa Diyos, hindi masasabi na ang mga taong ito ay may realidad ng pagmamahal sa Diyos. Sa kabila ng pagkaunawa sa maraming katotohanan nang hindi sumasailalim sa pagpipino, walang kakayahan ang mga tao na isagawa ang mga katotohanang ito; tanging sa panahon ng pagpipino mauunawaan ng mga tao ang tunay na kahulugan ng mga katotohanang ito, sa gayon lamang tunay na mapahahalagahan ng mga tao ang mas malalim na kahulugan ng mga ito. Sa panahong iyon, kapag muli nilang isinagawa ang mga katotohanang ito, nagagawa na nila ito nang tumpak, at nang naaayon sa mga layunin ng Diyos; sa pagsasagawa nila noong panahong iyon, nababawasan ang sarili nilang mga ideya, ang kanilang katiwaliang pantao ay nababawasan, at ang kanilang mga damdaming pantao ay nababawasan; sa panahon lamang na iyon magiging isang tunay na pagpapamalas ng pagmamahal sa Diyos ang kanilang pagsasagawa.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Sa Pamamagitan Lamang ng Pagdanas ng Pagpipino Maaaring Magtaglay ang Tao ng Tunay na Pag-ibig
Kapag ang Diyos ay gumagawa upang pinuhin ang tao, nagdurusa ang tao. Kapag mas matindi ang pagpipino sa tao, mas lalong magtataglay sila ng mapagmahal-sa-Diyos na puso, at lalong mabubunyag ang higit pang kapangyarihan ng Diyos sa kanila. Sa kabaligtaran, kapag mas katiting ang tinatanggap na pagpipino ng tao, mas katiting ang tataglayin niyang mapagmahal-sa-Diyos na puso, at mas katiting na kapangyarihan ng Diyos ang mabubunyag sa kanya. Kapag mas matindi ang pagpipino at pasakit sa taong iyon at dumaranas siya ng mas malaking pahirap, mas malalim ang magiging paglago ng kanyang pagmamahal sa Diyos, magiging mas tunay ang kanyang pananalig sa Diyos, at mas lalalim ang kanyang kaalaman tungkol sa Diyos. Sa iyong mga karanasan, makikita mo na iyong mga tao na sumasailalim sa labis na pagpipino at pagdurusa, na pinupungusan at dinidisiplina nang husto, ay may masidhing pagmamahal sa Diyos at mas malalim at matalas na pagkakilala sa Diyos, at ang mga hindi pa nakaranas na mapungusan ay may mababaw lamang na pagkakilala. Ang masasabi lamang nila ay: “Napakabuti ng Diyos, ipinagkakaloob Niya ang biyaya sa mga tao upang matamasa nila Siya.” Kung naranasan ng mga tao na mapungusan at madisiplina, nagagawa nilang magsalita tungkol sa tunay na pagkakilala sa Diyos. Kaya kapag mas kamangha-mangha ang gawain ng Diyos sa tao, mas mahalaga at makabuluhan ito. Kapag mas hindi mo ito maarok at mas hindi ito kaayon ng iyong mga kuru-kuro, mas nagagawa kang lupigin, kamtin, at gawing perpekto ng gawain ng Diyos. Napakalaki ng kabuluhan ng gawain ng Diyos! Kung hindi pinino ng Diyos ang tao sa ganitong paraan, kung hindi Siya gumawa ayon sa pamamaraang ito, hindi magiging epektibo at mawawalan ng kabuluhan ang gawain ng Diyos. Sinabi noong araw na pipiliin at kakamtin ng Diyos ang grupong ito, at gagawin silang ganap sa mga huling araw; dito, mayroong pambihirang kabuluhan. Kapag mas dakila ang gawaing isinasagawa Niya sa inyong kalooban, mas malalim at mas dalisay ang inyong pagmamahal sa Diyos. Kapag mas dakila ang gawain ng Diyos, mas nagagawa ng tao na maunawaan nang bahagya ang Kanyang karunungan at mas malalim ang pagkakilala ng tao sa Kanya.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Iyong mga Gagawing Perpekto ay Kailangang Sumailalim sa Pagpipino
Mapeperpekto ng Diyos ang tao kapwa sa positibo at negatibong mga aspeto. Nakasalalay ito sa kung nagagawa mong makaranas, at kung hinahangad mong maperpekto ng Diyos. Kung tunay mong hinahangad na maperpekto ng Diyos, ang negatibo ay hindi ka magagawang dumanas ng kawalan, kundi maaaring maghatid sa iyo ng mga bagay na mas totoo, at magagawa kang mas malaman yaong kakulangan sa loob mo, mas mauunawaan ang iyong tunay na kalagayan, at makikita na walang kahit ano ang tao, at balewala siya; kung hindi ka makararanas ng mga pagsubok, hindi mo malalaman, at palagi mong madarama na nakahihigit ka sa iba at mas mahusay ka kaysa sa lahat ng iba pa. Sa lahat ng ito makikita mo na lahat ng dumating noon ay ginawa ng Diyos at protektado ng Diyos. Ang pagpasok sa mga pagsubok ay iniiwan kang walang pagmamahal o pananampalataya, kulang ka sa panalangin at hindi mo nagagawang umawit ng mga himno, at hindi mo namamalayan, sa gitna nito ay nakikilala mo ang iyong sarili. Maraming paraan ang Diyos para maperpekto ang tao. Ginagamit Niya ang lahat ng uri ng sitwasyon para pungusan ang tiwaling disposisyon ng tao, at gumagamit ng iba’t ibang bagay upang ilantad ang tao; sa isang banda, pinupungusan Niya ang tao, sa isa pa ay inilalantad Niya ang tao, at sa isa pa ay ibinubunyag Niya ang tao, hinuhukay at ibinubunyag ang “mga hiwaga” sa kaibuturan ng puso ng tao, at ipinakikita sa tao ang kanyang kalikasan sa pamamagitan ng pagbubunyag sa marami sa kanyang mga kalagayan. Pineperpekto ng Diyos ang tao sa pamamagitan ng maraming pamamaraan—sa pamamagitan ng paghahayag, pagpupungos, pagpipino, at pagkastigo sa tao—para malaman ng tao na ang Diyos ay praktikal.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Yaon Lamang mga Nakatuon sa Pagsasagawa ang Mapeperpekto
Sa kanilang pananampalataya sa Diyos, ang hinahanap ng mga tao ay makakuha ng mga pagpapala para sa hinaharap; ito ang kanilang layon sa kanilang pananampalataya. Lahat ng tao ay may ganitong intensyon at inaasam, subalit ang katiwalian sa kanilang kalikasan ay dapat malutas sa pamamagitan ng mga pagsubok at pagpipino. Sa alinmang aspekto na ang mga tao ay hindi nadalisay at nagbubunyag ng katiwalian, ito ang mga aspekto kung saan dapat silang mapino—ito ang pagsasaayos ng Diyos. Inihahanda ng Diyos ang isang kapaligiran para sa iyo, pinipilit kang maging pino roon nang sa gayon ay malaman mo ang iyong sariling katiwalian. Sa huli, umaabot ka sa punto kung saan gugustuhin mong isuko ang iyong mga plano at mga pagnanais at magpasakop sa kataas-taasang kapangyarihan at pagsasaayos ng Diyos kahit pa nangangahulugan ito ng pagkamatay. Samakatwid, kung ang mga tao ay hindi sasailalim sa ilang taon ng pagpipino, kung hindi sila magtitiis ng itinakdang dami ng pagdurusa, hindi nila maaalis sa sarili nila ang paglilimita ng katiwalian ng laman sa kanilang mga saloobin at sa kanilang mga puso. Sa alinmang aspekto, ang mga tao ay nalilimitahan pa rin ng kanilang satanikong kalikasan, at sa alinmang aspekto na mayroon pa rin silang sarili nilang mga ninanais at hinihingi, ito ang mga aspekto kung saan dapat silang magdusa. Sa pagdurusa lamang natututunan ang mga aral, ibig sabihin ay nakakamit ang katotohanan, at nauunawaan ang mga layunin ng Diyos. Sa katunayan, maraming katotohanan ang nauunawaan sa pagdanas ng pagdurusa at pagsubok. Walang nakakaunawa sa mga layunin ng Diyos, walang nakakakilala sa pagkamakapangyarihan-sa-lahat at sa karunungan ng Diyos, o walang nagpapahalaga sa matuwid na disposisyon ng Diyos kapag nasa isang maginhawa at magaan na kapaligiran o kapag ang mga kaganapan ay kaaya-aya. Iyon ay imposible!
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi