3. Ang Kabuluhan ng Gawain ng Paghatol at Pagkastigo ng Diyos

Nauugnay na mga Salita ng Diyos:

Ang gawain ng mga huling araw ay upang pagbukud-bukurin ang lahat ayon sa kanilang uri, at upang tapusin ang plano ng pamamahala ng Diyos, sapagkat ang oras ay malapit na at ang araw ng Diyos ay dumating na. Dinadala ng Diyos ang lahat ng nakapasok sa Kanyang kaharian—lahat ng naging tapat sa Kanya hanggang sa katapusan—tungo sa kapanahunan ng Diyos Mismo. Subalit, bago ang pagdating ng kapanahunan ng Diyos Mismo, ang gawain ng Diyos ay hindi upang magmasid sa mga gawa ng tao, o magtanong tungkol sa buhay ng tao, kundi upang hatulan ang pagkasuwail ng tao, sapagka’t dadalisayin ng Diyos ang lahat ng lalapit sa harap ng Kanyang luklukan. Lahat ng nakasunod sa mga yapak ng Diyos hanggang sa araw na ito ay yaong mga nagsilapit sa harap ng luklukan ng Diyos, at yamang ganito, ang bawat isang tao na tumatanggap sa gawain ng Diyos sa huling yugto nito ang siyang pakay ng pagdadalisay ng Diyos. Sa ibang salita, ang lahat ng tumatanggap sa gawain ng Diyos sa huling yugto nito ang siyang pakay ng paghatol ng Diyos.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ginagawa ni Cristo ang Gawain ng Paghatol sa Pamamagitan ng Katotohanan

Ang Cristo ng mga huling araw ay gumagamit ng iba’t ibang katotohanan para maturuan ang tao, para ibunyag ang diwa ng tao, at suriin ang kanyang mga salita at gawa. Ang mga salitang ito ay binubuo ng iba’t ibang katotohanan, gaya ng tungkulin ng tao, paano dapat sundin ng tao ang Diyos, paano dapat maging tapat ang tao sa Diyos, paano dapat isabuhay ng tao ang normal na pagkatao, gayundin ang karunungan at disposisyon ng Diyos, at iba pa. Ang mga salitang ito ay nakatuon lahat sa diwa ng tao at sa kanyang tiwaling disposisyon. Partikular na, yaong mga salitang naglalantad kung paano tinatanggihan ng tao ang Diyos ay sinasabi patungkol sa kung paano kinakatawan ng tao si Satanas, at naging puwersa ng kaaway laban sa Diyos. Sa pagsasakatuparan ng Kanyang gawain ng paghatol, hindi lamang basta nililinaw ng Diyos ang likas na pagkatao ng tao sa iilang salita lamang; inilalantad, pinakikitunguhan, at tinatabas Niya nang pangmatagalan. Ang lahat ng ganitong mga pamamaraan ng paglalantad, pakikitungo, at pagpupungos ay hindi maaaring mahalinhan ng mga ordinaryong salita, kundi ng katotohanang hindi man lang taglay ng tao. Ang ganitong klaseng mga pamamaraan lamang ang matatawag na paghatol; sa pamamagitan lamang ng ganitong uri ng paghatol masusupil ang tao at makukumbinsi nang husto tungkol sa Diyos, at bukod pa riyan ay makamtan ang tunay na pagkakilala sa Diyos. Ang idinudulot ng gawain ng paghatol ay ang pagkaunawa ng tao sa tunay na mukha ng Diyos at sa katotohanan tungkol sa kanyang sariling pagkasuwail. Ang gawain ng paghatol ay nagbibigay-daan sa tao na magtamo ng malawak na pagkaunawa sa kalooban ng Diyos, sa layunin ng gawain ng Diyos, at sa mga hiwagang hindi niya maunawaan. Tinutulutan din nito ang tao na makilala at malaman ang kanyang tiwaling diwa at ang mga ugat ng kanyang katiwalian, gayundin para matuklasan ang kapangitan ng tao. Ang mga epektong ito ay bunga lahat ng gawain ng paghatol, sapagkat ang diwa ng gawaing ito ay ang mismong gawain ng pagbubukas ng katotohanan, ng daan, at ng buhay ng Diyos sa lahat ng may pananampalataya sa Kanya. Ang gawaing ito ay ang gawain ng paghatol na ginagawa ng Diyos.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ginagawa ni Cristo ang Gawain ng Paghatol sa Pamamagitan ng Katotohanan

Ang mga taong ito, na sa wakas ay natamo na ng Diyos, ay papasok sa huling pahinga. Ang layunin ng gawain ng pagkastigo at paghatol ng Diyos ay sa diwa’y upang dalisayin ang sangkatauhan, alang-alang sa huling pahinga. Kung walang ganitong paglilinis, wala sa sangkatauhan ang maaaring maiuri sa magkakaibang mga kategorya ayon sa uri, o pumasok sa pahinga. Ang gawaing ito ay ang tanging landas ng sangkatauhan upang pumasok sa pahinga. Tanging ang paglilinis ng Diyos ang magtatanggal ng kawalan ng katuwiran ng mga tao, at tanging ang gawain Niya ng pagkastigo at paghatol ang magdadala sa liwanag sa mga masuwaying bahagi ng sangkatauhan, naghihiwalay sa mga maaaring maligtas mula sa mga hindi maaari, at ang mga mananatili mula sa mga hindi. Kapag natapos ang gawaing ito, ang lahat ng mga taong pinayagang manatili ay lilinisin at papasok sa isang mas mataas na kalagayan ng sangkatauhan kung saan magtatamasa sila ng isang mas kamangha-manghang ikalawang buhay sa lupa; sa madaling salita, uumpisahan nila ang kanilang araw ng pahinga, at mabuhay kasama ang Diyos. Matapos makastigo at mahatulan ang mga hindi pinapayagang manatili, ang kanilang tunay na mga kulay ay ganap na maihahayag, pagkatapos nito ay wawasakin silang lahat at, kagaya ni Satanas, hindi na pahihintulutang mabuhay sa lupa. Ang sangkatauhan sa hinaharap ay hindi na magsasama ng alinman sa ganitong uri ng mga tao. Hindi angkop na pumasok sa lupain ng huling pahinga ang ganitong mga tao, at hindi sila angkop na sumali sa araw ng pahingang pagsasaluhan ng Diyos at ng sangkatauhan, dahil sila ang puntirya ng kaparusahan at mga makasalanan, hindi matuwid na mga tao.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Papasok sa Pahinga ang Diyos at ang Tao Nang Magkasama

Sa panghuli Niyang gawain ng pagwawakas sa kapanahunan, ang disposisyon ng Diyos ay isang pagkastigo at paghatol, kung saan inihahayag Niya ang lahat ng di-matuwid, upang hayagang hatulan ang lahat ng tao, at gawing perpekto ang mga nagmamahal nang tapat sa Kanya. Ang ganitong disposisyon lamang ang makapagwawakas sa kapanahunang ito. Dumating na ang mga huling araw. Lahat ng bagay na nilikha ay pagbubukud-bukurin ayon sa uri nila, at hahatiin sa iba’t ibang kategorya ayon sa kanilang kalikasan. Ito ang sandali na ibubunyag ng Diyos ang kalalabasan at hantungan ng sangkatauhan. Kung hindi sasailalim sa pagkastigo at paghatol ang mga tao, walang paraan para mailantad ang kanilang pagsuway at pagiging di-matuwid. Sa pamamagitan lamang ng pagkastigo at paghatol mahahayag ang kalalabasan ng lahat ng nilikha. Ipinapakita lamang ng tao ang kanyang tunay na kulay kapag siya ay kinakastigo at hinahatulan. Ang masasama ay isasama sa masasama, ang mabubuti sa mabubuti, at ang buong sangkatauhan ay pagbubukud-bukurin ayon sa kanilang uri. Sa pamamagitan ng pagkastigo at paghatol, ang kalalabasan ng lahat ng nilikha ay mahahayag, para maparusahan ang masasama at magantimpalaan ang mabubuti, at lahat ng tao ay sasailalim sa pamamahala ng Diyos. Ang buong gawaing ito ay kailangang magawa sa pamamagitan ng matuwid na pagkastigo at paghatol. Dahil umabot na sa sukdulan ang katiwalian ng tao at napakalala na ng kanyang pagsuway, ang matuwid na disposisyon lamang ng Diyos, na pangunahing pinagsama ng pagkastigo at paghatol at inihahayag sa mga huling araw, ang ganap na babago at bubuo sa tao. Ang disposisyong ito lamang ang makapaglalantad sa kasamaan at sa gayon ay makapagbibigay nang matinding parusa sa lahat ng hindi matuwid.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Pangitain ng Gawain ng Diyos 3

Ngayo’y hinahatulan kayo ng Diyos, kinakastigo kayo, at kinokondena kayo, ngunit kailangan mong malaman na ang punto ng pagkondena sa iyo ay upang makilala mo ang iyong sarili. Siya ay nagkokondena, nagsusumpa, humahatol, at kumakastigo para makilala mo ang iyong sarili, para magbago ang iyong disposisyon, at, bukod pa rito, para malaman mo ang iyong halaga, at makita na lahat ng kilos ng Diyos ay matuwid at alinsunod sa Kanyang disposisyon at mga kinakailangan sa Kanyang gawain, na Siya ay gumagawa alinsunod sa Kanyang plano para sa kaligtasan ng tao, at na Siya ang matuwid na Diyos na nagmamahal, nagliligtas, humahatol, at kumakastigo sa tao. Kung alam mo lamang na mababa ang iyong katayuan, na ikaw ay tiwali at masuwayin, ngunit hindi mo alam na ninanais ng Diyos na gawing malinaw ang Kanyang pagliligtas sa pamamagitan ng paghatol at pagkastigo na Kanyang ginagawa sa iyo ngayon, wala kang paraan para magtamo ng karanasan, lalong wala kang kakayahang patuloy na sumulong. Ang Diyos ay hindi naparito upang pumatay o manira, kundi upang humatol, sumumpa, kumastigo, at magligtas. Hanggang sa matapos ang Kanyang 6,000 taong plano ng pamamahala—bago Niya ihayag ang kalalabasan ng bawat kategorya ng tao—ang gawain ng Diyos sa lupa ay para sa pagliligtas, ang layunin nito ay para lamang gawing ganap—nang lubusan—yaong mga nagmamahal sa Kanya at mapasakop sila sa Kanyang kapamahalaan. Paano man inililigtas ng Diyos ang mga tao, ginagawang lahat iyon sa pamamagitan ng paghiwalay sa kanila sa dati nilang satanikong kalikasan; ibig sabihin, inililigtas Niya sila sa pamamagitan ng paghikayat sa kanila na hangarin ang buhay. Kung hindi nila gagawin iyon, walang paraan upang matanggap nila ang pagliligtas ng Diyos. Ang pagliligtas ay ang gawain ng Diyos Mismo, at ang paghahangad sa buhay ay isang bagay na kailangang gawin ng tao upang tumanggap ng kaligtasan. Sa mga mata ng tao, ang kaligtasan ay ang pag-ibig ng Diyos, at ang pag-ibig ng Diyos ay hindi maaaring maging pagkastigo, paghatol, at mga pagsumpa; ang pagliligtas ay kailangang naglalaman ng pagmamahal, ng habag, at, bukod pa rito, ng mga salita ng kaginhawahan, gayundin ng walang-hanggang mga pagpapalang ipinagkaloob ng Diyos. Naniniwala ang mga tao na kapag inililigtas ng Diyos ang tao, ginagawa Niya iyon sa pamamagitan ng pag-antig sa kanila gamit ang Kanyang mga pagpapala at biyaya, para maibigay nila ang kanilang puso sa Diyos. Ibig sabihin, ang Kanyang pag-antig sa tao ay pagliligtas Niya sa kanila. Ang ganitong uri ng pagliligtas ay ginagawa sa pamamagitan ng pakikipagkasundo. Kapag pinagkalooban sila ng Diyos ng isandaang beses, saka pa lamang magpapasakop ang tao sa pangalan ng Diyos at magsisikap na gumawa ng mabuti para sa Kanya at maghatid sa Kanya ng kaluwalhatian. Hindi ito ang layon ng Diyos para sa sangkatauhan. Ang Diyos ay naparito para gumawa sa lupa upang iligtas ang tiwaling sangkatauhan; walang kasinungalingan dito. Kung mayroon, tiyak na hindi sana Siya naparito upang gawin ang Kanyang gawain nang personal. Dati-rati, ang Kanyang paraan ng pagliligtas ay may kasamang pagpapakita ng sukdulang pag-ibig at habag, kaya ibinigay Niya ang lahat Niya kay Satanas kapalit ng buong sangkatauhan. Ang kasalukuyan ay hindi kagaya ng nakaraan: Ang kaligtasang ipinagkaloob sa inyo ngayon ay nangyayari sa panahon ng mga huling araw, kung kailan ibinubukod ang bawat isa ayon sa uri; ang paraan ng inyong kaligtasan ay hindi pag-ibig o habag, kundi pagkastigo at paghatol, upang ang tao ay maaaring mas lubusang maligtas. Sa gayon, ang natatanggap lamang ninyo ay pagkastigo, paghatol, at walang-awang paghampas, ngunit dapat ninyong malaman ito: Sa walang-pusong paghampas na ito wala ni kakatiting na kaparusahan. Gaano man kabagsik ang Aking mga salita, ang sumasapit sa inyo ay iilang salita lamang na maaaring magmukhang lubos na walang puso sa inyo, at gaano man katindi ang Aking galit, ang dumarating sa inyo ay mga salita pa rin ng pagtuturo, at hindi Ko layon na saktan kayo o patayin kayo. Hindi ba totoo ang lahat ng ito? Dapat ninyong malaman na sa panahong ito, matuwid na paghatol man o walang-pusong pagpipino at pagkastigo, lahat ay para sa kapakanan ng kaligtasan. Ibinubukod man ngayon ang bawat isa ayon sa uri o inilalantad ang mga kategorya ng tao, ang layunin ng lahat ng salita at gawain ng Diyos ay upang iligtas yaong mga tunay na nagmamahal sa Diyos. Ang matuwid na paghatol ay pinasasapit upang dalisayin ang tao, at ang walang-pusong pagpipino ay ginagawa upang linisin sila; ang masasakit na salita o pagkastigo ay kapwa ginagawa upang magpadalisay at alang-alang sa kaligtasan. Sa gayon, ang pamamaraan ng pagliligtas ngayon ay hindi kagaya noong araw. Ngayon, inililigtas kayo sa pamamagitan ng matuwid na paghatol, at ito ay isang mabuting kasangkapan para maibukod ang bawat isa sa inyo ayon sa uri. Bukod diyan, ang malupit na pagkastigo ay nagsisilbing inyong sukdulang kaligtasan—at ano ang masasabi ninyo sa harap ng gayong pagkastigo at paghatol? Hindi ba kayo palaging nagtamasa ng pagliligtas, mula simula hanggang wakas? Nakita na ninyo ang Diyos na nagkatawang-tao at napagtanto ang Kanyang walang-hanggang kapangyarihan at karunungan; at saka, naranasan na ninyo ang paulit-ulit na paghampas at pagdisiplina. Gayunman, hindi ba nakatanggap din kayo ng pinakadakilang biyaya? Hindi ba mas malaki ang inyong mga pagpapala kaysa iba pa? Ang inyong mga biyaya ay mas sagana pa nga kaysa sa kaluwalhatian at mga kayamanang tinamasa ni Solomon! Pag-isipan ninyo ito: Kung ang Aking layon sa pagparito ay upang kondenahin at parusahan kayo sa halip na iligtas kayo, nagtagal kaya ang buhay ninyo? Buhay pa kaya hanggang ngayon kayong mga makasalanang nilalang na laman at dugo? Kung ang Aking mithiin ay para lamang parusahan kayo, bakit pa Ako nagkatawang-tao at nagsimula ng gayon kalaking proyekto? Hindi ba kayong mga hamak na mortal ay maaaring parusahan sa pagbigkas lamang ng iisang salita? Kakailanganin Ko pa ba kayong puksain matapos Ko kayong sadyang kondenahin? Hindi pa rin ba kayo naniniwala sa mga salita Kong ito? Maaari Ko bang iligtas ang tao sa pamamagitan lamang ng pag-ibig at habag? O maaari Ko bang gamitin na lamang ang pagkakapako sa krus upang iligtas ang tao? Hindi ba mas kaaya-aya ang Aking matuwid na disposisyon para magawang lubos na masunurin ang tao? Hindi ba mas may kakayahan ito na lubusang iligtas ang tao?

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Dapat Mong Isantabi ang mga Pagpapala ng Katayuan at Unawain ang Kalooban ng Diyos na Maghatid ng Kaligtasan sa Tao

Sa katotohanan, ang gawaing ginagawa ngayon ay upang talikdan ng mga tao si Satanas, ang kanilang sinaunang ninuno. Lahat ng paghatol sa pamamagitan ng salita ay naglalayong ilantad ang tiwaling disposisyon ng sangkatauhan at bigyang-kakayahan ang mga tao na maunawaan ang diwa ng buhay. Ang paulit-ulit na mga paghatol na ito ay tumatagos sa puso ng mga tao. Bawat paghatol ay tuwirang nauugnay sa kanilang kapalaran at naglalayong sugatan ang kanilang mga puso para kanilang mapakawalan ang lahat ng bagay na iyon at nang sa gayon ay makilala ang buhay, makilala ang maruming mundong ito, makilala ang karunungan at pagka-makapangyarihan sa lahat ng Diyos, at makilala rin ang sangkatauhan na ginawang tiwali ni Satanas. Habang lalong tumatanggap ang sangkatauhan ng ganitong uri ng pagkastigo at paghatol, mas masusugatan ang puso ng tao at mas magigising ang kanyang espiritu. Ang paggising sa espiritu ng mga taong ito na napakatiwali at lubhang nalinlang ang mithiin ng ganitong uri ng paghatol. Ang tao ay walang espiritu, ibig sabihin, ang kanyang espiritu ay matagal nang namatay at hindi niya alam na may Langit, hindi niya alam na mayroong Diyos, at tiyak na hindi nalalamang siya ay nakikipagtunggali sa bangin ng kamatayan; paano niya malalaman na siya ay namumuhay sa loob nitong masamang impiyerno sa lupa? Paano niya malalaman na itong nabubulok na bangkay niya, sa pamamagitan ng katiwalian ni Satanas, ay nahulog tungo sa Hades ng kamatayan? Paano niya malalaman na ang lahat sa lupa ay matagal nang nawasak na hindi na maaayos ng sangkatauhan? At paano niya malalaman na ang Lumikha ay dumating sa lupa ngayon at naghahanap ng isang pangkat ng mga tiwaling tao na maaari Niyang iligtas? Kahit pagkatapos maranasan ng tao ang bawat posibleng pagpipino at paghatol, ang kanyang mapurol na kamalayan ay bahagya pa ring napupukaw at halos hindi tumutugon. Ang sangkatauhan ay nagpakasama-sama! At bagama’t ang ganitong uri ng paghatol ay tulad ng mabagsik na yelong ulan na nahuhulog mula sa papawirin, mayroon itong pinakamalaking pakinabang sa tao. Kung hindi sa paghatol sa mga tao na gaya nito, hindi magkakaroon ng bunga at magiging ganap na imposible na iligtas ang mga tao mula sa bangin ng paghihirap. Kung hindi sa gawaing ito, magiging napakahirap para sa mga tao na lumabas mula sa Hades dahil ang kanilang mga puso ay matagal nang namatay at ang kanilang mga espiritu ay matagal nang niyurakan ni Satanas. Ang pagliligtas sa inyo na nalubog sa pinakamalalim na kalaliman ng pagkabulok ay nangangailangan ng pagtawag sa inyo nang buong lakas, paghatol sa inyo nang buong lakas, at saka lamang magiging posible na gisingin ang mga nanlalamig ninyong puso.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tanging ang Nagawang Perpekto ang Makakapamuhay ng Makahulugang Buhay

Lahat kayo ay naninirahan sa isang lupain ng kasalanan at kahalayan, at lahat kayo ay mahalay at makasalanan. Ngayon ay hindi lamang ninyo nakikita ang Diyos, kundi ang mas mahalaga, natanggap ninyo ang pagkastigo at paghatol, natanggap ninyo ang tunay na malalim na pagliligtas, ibig sabihin, natanggap ninyo ang pinakadakilang pagmamahal ng Diyos. Sa lahat ng Kanyang ginagawa, totoong mapagmahal ang Diyos sa inyo. Wala Siyang masamang layon. Dahil sa inyong mga kasalanan kaya Niya kayo hinahatulan, upang suriin ninyo ang inyong sarili at tanggapin ang napakalaking pagliligtas na ito. Lahat ng ito ay ginagawa para gawing ganap ang tao. Mula simula hanggang wakas, ginagawa na ng Diyos ang Kanyang buong makakaya upang iligtas ang tao, at wala Siyang hangaring ganap na wasakin sa Kanyang sariling mga kamay ang mga taong Kanyang nilikha. Ngayon, naparito Siya sa inyo upang gumawa; hindi ba ito mas maituturing na pagliligtas? Kung kinamuhian Niya kayo, gagawa pa ba Siya ng gayon kalaking gawain upang personal kayong gabayan? Bakit Niya kailangang magdusa nang gayon? Hindi kayo kinamumuhian ng Diyos o wala Siyang anumang masamang layon sa inyo. Dapat ninyong malaman na ang pagmamahal ng Diyos ang pinakatotoong pagmamahal. Dahil lamang sa suwail ang mga tao kaya Niya sila kailangang iligtas sa pamamagitan ng paghatol; kung hindi dahil dito, imposible silang mailigtas. Dahil hindi ninyo alam kung paano mamuhay at ni wala kayong malay kung paano mabuhay, at dahil kayo ay nabubuhay sa mahalay at makasalanang lupaing ito at kayo mismo ay mahalay at maruming mga diyablo, hindi Niya matiis na hayaan kayong maging mas masama, hindi Niya matiis na makita kayong nabubuhay sa maruming lupaing ito tulad ngayon, na tinatapak-tapakan ni Satanas kung kailan nito gusto, at hindi Niya matiis na hayaan kayong mahulog sa Hades. Nais lamang Niyang maangkin ang grupong ito ng mga tao at lubusan kayong iligtas. Ito ang pangunahing layunin ng paggawa ng gawain ng paglupig sa inyo—para lamang ito sa pagliligtas. Kung hindi mo makita na lahat ng ginawa sa iyo ay pagmamahal at pagliligtas, kung iniisip mo na isa lamang itong pamamaraan, isang paraan upang pahirapan ang tao, at isang bagay na hindi mapagkakatiwalaan, mas mabuti pang bumalik ka na sa iyong mundo upang magdanas ng pasakit at paghihirap! Kung handa kang mapasama sa daloy na ito, at masiyahan sa paghatol na ito at sa napakalawak na pagliligtas na ito, at matamasa ang lahat ng pagpapalang ito, mga pagpapalang hindi matatagpuan saanman sa mundo ng tao, at matamasa ang pagmamahal na ito, mabuti kung gayon: Mamalagi sa daloy na ito para tanggapin ang gawain ng paglupig upang magawa kang perpekto. Ngayon, maaaring nagdaranas ka ng kaunting pasakit at pagpipino dahil sa paghatol ng Diyos, ngunit may halaga at kabuluhan ang pagdanas ng pasakit na ito. Bagama’t pinipino at walang-awang inilalantad ang mga tao sa pagkastigo at paghatol ng Diyos—na ang layon ay parusahan sila para sa kanilang mga kasalanan, parusahan ang kanilang laman—wala sa gawaing ito ang nilayong isumpa ang kanilang laman hanggang sa mawasak. Ang matitinding pagsisiwalat ng salita ay para lahat sa layunin na akayin ka sa tamang landas. Personal na ninyong naranasan ang napakarami sa gawaing ito at, malinaw, hindi kayo naakay nito sa isang masamang landas! Lahat ay upang maisabuhay mo ang normal na pagkatao, at magagawa ang lahat ng ito ng iyong normal na pagkatao. Bawat hakbang ng gawain ng Diyos ay batay sa iyong mga pangangailangan, ayon sa iyong mga kahinaan, at ayon sa iyong aktwal na tayog, at walang pasaning ibinigay sa inyo na hindi ninyo kakayanin. Hindi ito malinaw sa iyo ngayon, at pakiramdam mo ay parang pinahihirapan kita, at totoong palagi kang naniniwala na kaya kita kinakastigo, hinahatulan at sinasaway araw-araw ay dahil kinamumuhian kita. Ngunit kahit ang dinaranas mo ay pagkastigo at paghatol, ang totoo ay pagmamahal ito sa iyo, at ito ang pinakamalaking proteksyon.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Katotohanang Nakapaloob sa Gawain ng Paglupig 4

Naging tao ang Diyos sa pinakapaurong at pinakamaruming lugar sa lahat, at sa ganitong paraan lamang nagagawa ng Diyos na malinaw na ipakita ang kabuuan ng Kanyang banal at matuwid na disposisyon. At paano ipinapakita ang Kanyang matuwid na disposisyon? Ipinapakita ito kapag hinahatulan Niya ang mga kasalanan ng tao, kapag hinahatulan Niya si Satanas, kapag kinamumuhian Niya ang kasalanan, at kapag kinasusuklaman Niya ang mga kaaway na kumakalaban at naghihimagsik laban sa Kanya. Ang mga salitang sinasambit Ko ngayon ay upang hatulan ang mga kasalanan ng tao, upang hatulan ang hindi pagiging matuwid ng tao, upang isumpa ang pagsuway ng tao. Ang kabuktutan at panlilinlang ng tao, ang mga salita at gawa ng tao—lahat ng hindi naaayon sa kalooban ng Diyos ay kailangang isailalim sa paghatol, at tuligsain ang lahat ng pagsuway ng tao bilang kasalanan. Umiikot ang Kanyang mga salita sa mga prinsipyo ng paghatol; ginagamit Niya ang paghatol sa hindi pagiging matuwid ng tao, ang sumpa sa pagkasuwail ng tao, ang paglalantad sa mga pangit na mukha ng tao upang ipakita ang Kanyang sariling matuwid na disposisyon. Ang kabanalan ay isang pagkakatawan ng Kanyang matuwid na disposisyon, at sa katunayan ang kabanalan ng Diyos ay talagang ang Kanyang matuwid na disposisyon. Ang mga tiwali ninyong disposisyon ang konteksto ng mga salita ngayon—ginagamit Ko ang mga ito upang mangusap at humatol, at upang isagawa ang gawain ng paglupig. Ito lamang ang tunay na gawain, at ito lamang ang lubos na nagpapaningning sa kabanalan ng Diyos. Kung walang bahid ng tiwaling disposisyon sa iyo, hindi ka hahatulan ng Diyos, at hindi rin Niya ipapakita sa iyo ang Kanyang matuwid na disposisyon. Dahil mayroon kang tiwaling disposisyon, hindi ka basta paliligtasin ng Diyos, at sa pamamagitan nito ipinapakita ang Kanyang kabanalan. Kung makikita ng Diyos na masyadong malubha ang karumihan at pagkasuwail ng tao ngunit hindi Siya nagsalita o hinatulan ka, ni hindi ka kinastigo dahil sa iyong hindi pagiging matuwid, patutunayan nito na hindi Siya Diyos, dahil hindi Siya galit sa kasalanan; magiging kasingdumi lamang Siya ng tao. Ngayon, dahil sa karumihan mo kaya kita hinahatulan, at dahil sa katiwalian at pagkasuwail mo kaya kita kinakastigo. Hindi Ko ipinangangalandakan ang Aking kapangyarihan sa inyo o sadya kayong inaapi; ginagawa Ko ang mga bagay na ito dahil kayo, na naisilang sa lupaing ito ng karumihan, ay labis-labis nang narumihan. Sadyang naiwala ninyo ang inyong integridad at pagkatao at naging para kayong mga baboy na ipinanganak sa pinakamaruruming sulok ng daigdig, kaya nga dahil dito kaya kayo hinahatulan at kaya Ko pinapakawalan sa inyo ang Aking poot. Dahil mismo sa paghatol na ito kaya ninyo nagawang makita na ang Diyos ay ang matuwid na Diyos, at na ang Diyos ay ang banal na Diyos; dahil mismo sa Kanyang kabanalan at Kanyang katuwiran kaya Niya kayo hinahatulan at pinapakawalan Niya ang Kanyang poot sa inyo. Dahil naibubunyag Niya ang Kanyang matuwid na disposisyon kapag nakikita Niya ang pagkasuwail ng tao, at dahil naibubunyag Niya ang Kanyang kabanalan kapag nakikita Niya ang karumihan ng tao, sapat na ito upang ipakita na Siya ang Diyos Mismo, na banal at malinis, ngunit nabubuhay sa lupain ng karumihan.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Paano Nakakamtan ang mga Epekto ng Ikalawang Hakbang ng Gawain ng Paglupig

Ginagawa ng Diyos ang gawain ng paghatol at pagkastigo upang magtamo ang tao ng kaalaman tungkol sa Kanya, at alang-alang sa Kanyang patotoo. Kung hindi sa Kanyang paghatol sa tiwaling disposisyon ng tao, hindi posibleng malaman ng tao ang Kanyang matuwid na disposisyon, na hindi nagpapalampas ng pagkakasala, at ni hindi niya mapapalitan ng bago ang dati niyang pagkakilala sa Diyos. Alang-alang sa Kanyang patotoo, at alang-alang sa Kanyang pamamahala, ipinapakita Niya ang Kanyang kabuuan sa publiko, na nagbibigay-daan sa tao, sa pamamagitan ng Kanyang pagpapakita sa publiko, na magkaroon ng kaalaman tungkol sa Diyos, baguhin ang kanyang disposisyon, at magbigay ng matunog na patotoo sa Diyos. Ang pagbabago ng disposisyon ng tao ay nakakamit sa pamamagitan ng maraming iba’t ibang uri ng gawain ng Diyos; kung wala ang gayong mga pagbabago sa kanyang disposisyon, hindi magagawa ng tao na magpatotoo sa Diyos at maging kaayon ng puso ng Diyos. Ang pagbabago ng disposisyon ng tao ay tanda na napalaya na ng tao ang kanyang sarili mula sa pagkaalipin kay Satanas at mula sa impluwensya ng kadiliman, at tunay nang naging isang huwaran at halimbawa ng gawain ng Diyos, isang saksi ng Diyos, at isang taong kaayon ng puso ng Diyos. Ngayon, naparito ang Diyos na nagkatawang-tao upang gawin ang Kanyang gawain sa lupa, at hinihiling Niya sa tao na magkamit ng kaalaman tungkol sa Kanya, pagsunod sa Kanya, patotoo sa Kanya, malaman ang Kanyang praktikal at normal na gawain, sundin ang lahat ng Kanyang salita at gawain na hindi naaayon sa mga kuru-kuro ng tao, at magpatotoo sa lahat ng gawaing Kanyang ginagawa upang iligtas ang tao, pati na ang lahat ng gawang isinasakatuparan Niya upang lupigin ang tao. Yaong mga nagpapatotoo sa Diyos ay kailangang magkaroon ng kaalaman tungkol sa Diyos; ang ganitong uri lamang ng patotoo ang tumpak at totoo, at ang ganitong uri lamang ng patotoo ang maaaring magbigay-kahihiyan kay Satanas. Ginagamit ng Diyos ang mga taong nakakilala na sa Kanya sa pamamagitan ng pagdaan sa Kanyang paghatol at pagkastigo, pakikitungo at pagtatabas, upang magpatotoo sa Kanya. Ginagamit Niya yaong mga nagawang tiwali ni Satanas upang magpatotoo sa Kanya, at ginagamit din Niya yaong ang mga disposisyon ay nagbago na, at sa gayon ay nagkamit na ng Kanyang mga pagpapala, upang magpatotoo sa Kanya. Hindi Niya kailangang purihin Siya ng tao sa salita lamang, ni hindi rin Niya kailangan ang papuri at patotoo ng kauri ni Satanas, na hindi Niya nailigtas.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang mga Nakakakilala Lamang sa Diyos ang Maaaring Magpatotoo sa Diyos

Sinundan: 2. Ang Kabuluhan ng Gawain ng Panlulupig ng Diyos

Sumunod: 4. Ang Kabuluhan ng Gawain ng mga Pagsubok at Pagpipino ng Diyos

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

Tanong 13: Lahat kayo ay naniniwala sa Diyos; Ako naman ay kina Marx at Lenin. Dalubhasa ako sa pagsasaliksik ng iba’t ibang paniniwala sa relihiyon. Sa ilang taon ng pagsasaliksik ko, may nadiskubre akong isang problema. Ayon sa relihiyosong paniniwala ay mayroon talagang Diyos. Pero sa dami ng naniniwala sa Diyos, wala pa namang nakakakita sa Kanya. Ang paniniwala nila ay base sa sarili nilang nararamdaman. Kaya nga nakabuo ako ng konklusyon tungkol sa relihiyosong paniniwala: Purong imahinasyon lang ang relihiyosong paniniwala; yun ay isang pamahiin, at walang matibay na basehan sa syensya. Ang modernong lipunan, ay isang lipunan kung saan napakaunlad na ng syensya. Kailangang, nakabase ang lahat sa syensya, para hindi na magkaro’n ng kamalian. Kaming mga miyembro ng Partidong Komunista ay naniniwala sa Marxismo-Leninismo. Hindi kami naniniwalang may Diyos. Ano bang sabi sa The Internationale? “Kailanma’y di nagkaro’n ng Tagapagligtas ang mundo, o ng diyos at emperador na kailangang asahan. Upang magkaro’n ng kaligayahan ang tao, mga sarili lamang natin ang ating asahan!” Malinaw sa The Internationale na “Kailanma’y di nagkaro’n ng Tagapagligtas ang mundo.” Ang sangkatauhan ay naniwala noon sa Diyos at naging mapamahiin dahil ang sangkatauhan nung mga panahong iyon, ay humaharap sa kababalaghan ng natural na mundo na ang araw, buwan, mga bituin; hangin, ulan, kulog at kidlat, ay hindi makapagbibigay ng siyentipikong paliwanag. Samakatuwid, sumibol sa mga utak nila ang takot at pagtataka tungkol sa di-pangkaraniwang kapangyarihan. Kung kaya nabuo ang mga pinakaunang konsepto ng relihiyon. Bukod ditto, nung hindi malutas ng mga tao ang kahirapang dulot ng mga kalamidad at sakit, umasa silang makakuha ng ginhawang pangkaluluwa sa pamamagitan ng mataimtim na pagsunod sa Diyos. Ito ang dahilan kaya nabuhay ang relihiyon. Kitang-kita naman, Hindi ito makatwiran at hindi siyentipiko! Sa panahong ito, moderno na ang tao, at namamayagpag na ang siyensya. Sa mga larangang gaya ng aerospace industry, biotechnology, genetic engineering at medisina, mabilis na naging maunlad ang lahat ng tao. Noon hindi ito naintindihan ng sangkatauhan, at hindi nila kayang lutasin ang mga problema. Pero ngayon kaya ng ipaliwanag ng siyensya ang mga problemang ito, at pwede ng umasa sa siyensya para magbigay ng mga solusyon. Ngayong maunlad na ang agham at teknolohiya, kung naniniwala pa rin ang tao sa Diyos, at naging mapamahiin, hindi ba’t ito ay kabaliwan at kamangmangan? Hindi ba’t napag-iwanan na ang mga tao sa panahong ito? Ang pinakapraktikal na gawin ay ang maniwala tayo sa siyensya.

Sagot: Sabi n’yo ang relihiyosong paniniwala ay dahil sa napag-iwanan na ang tao sa siyentipikong kaalaman, at nabuo mula sa takot at...

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito