31. Ang Kawalan ng Kahihiyan ng Pagpapakitang-gilas

Ni Xinping, Tsina

Isang taon na ang nakalilipas, lumipat ako sa isa pang iglesia. Una sa lahat, pakiramdam ko ay hindi ako bagay rito dahil lider ako noon sa orihinal kong iglesia, at mataas ang tingin sa akin ng aking mga kapatid. Sa tuwing may mga problema sila, nilalapitan nila ako para malutas ang mga ito. Pero sa iglesiang ito, hindi ako masyadong kilala ng mga kapatid. Pakiramdam ko ay hindi ako mahalaga, na labis na nakakadismaya. Naisip ko: “Ang mga resulta ko sa pangangaral ng ebanghelyo noon ay maganda talaga, kaya ngayon, kung magagamit ko ang kakayahan ko sa pangangaral ng ebanghelyo para maipakita sa lahat na may kakayahan ako at tinutupad ko ang mga tungkulin ko nang mas epektibo kaysa sa iba, mamumukod-tangi ako sa iba.” Labis na aktibo akong nangaral ng ebanghelyo noong panahong iyon, at hindi nagtagal, higit sa isang dosenang tao ang napagbalik-loob ko. Sobrang saya ko. Nang makita ko ang aking mga kapatid, hindi ko mapigilang ipagyabang ang karanasan ko sa pangangaral ng ebanghelyo. Naiinggit nilang sinabi, “Napakadali lang para sa iyo na mangaral ng ebanghelyo, pero hindi namin ito magawa. Kapag nakakakilala kami ng mga potensyal na tatanggap ng ebanghelyo na may mga haka-haka at ayaw makinig, hindi namin alam kung paano magbabahagi sa kanila.” Ang totoo ay madalas din akong maharap sa ganitong sitwasyon. May mga panahon na hindi matagumpay ang pangangaral ko, pero madalang akong magbahagi tungkol sa ganitong mga problema at kabiguan, o hindi ko talaga binabanggit ang mga ito, dahil natakot ako na kung alam ito ng lahat, hindi nila ako ituturing na may kakayahan o hahangaan. Naisip ko, “Dapat akong magsalita tungkol sa mga matatagumpay kong karanasan sa pangangaral ng ebanghelyo para makita ninyo kung gaano ako kagaling gumanap sa mga tungkulin ko.” Kaya sinabi ko, “Hindi mahirap mangaral ng ebanghelyo. Kapag may nakikilala akong mga potensyal na tatanggap ng ebanghelyo, ganito ako nagbabahagi sa kanila….” Hinangaan ako nang husto ng aking mga kapatid nang marinig nila iyon. Pagkatapos niyon, kapag may mga kaibigan o kamag-anak na gustong magsiyasat sa gawain ng Diyos sa mga huling araw, sasabihin ng iba, “Si Xinping ang ipadala mo para mangaral sa kanila. Si Sister Xinping ang gusto mo.” Sobrang saya kong makita na ganito ang saloobin ng lahat. Hindi nagtagal, isinaayos ng isang lider na ako ang mamahala sa gawain ng pagdidilig sa ilang iglesia. Dahil dito ay lalo akong nagmalaki, at inisip kong higit na mas malaki na ang entablado ko para maipakita ang mga talento ko. Nang magkaroon ng mga paghihirap sa pagbabahagi ng ebanghelyo o pagdidilig sa mga baguhan ang aking mga kapatid at sila ay umatras, o naging hindi handang magdusa o magsakripisyo, hinikayat ko sila at ibinahagi ko kung gaano ako nagdusa sa pangangaral ng ebanghelyo. Sabi ko, “Nang nangaral ako ng ebanghelyo noon, kung minsan ay higit pa sa 10 degrees below zero kapag taglamig, at nagkasugat ang pisngi ko dahil sa hangin, pero kahit na ganoon nangaral pa rin ako. Noong napakalakas ng ulan, noong malalim ang tubig sa ilalim ng mga tulay at nabasa ang mga sapatos ko, piniga ko ang tubig sa mga panloob na suwelas, inilagay ang mga ito sa bulsa ko, at nagpatuloy ako sa pangangaral. Isang beses, nang higit pa sa 10 degrees below zero ang temperatura, nakipagkita ako sa isang baguhan, at naghintay ako sa labas ng mahigit isang oras bago siya dumating….” Nang marinig ito ng aking mga kapatid, tiningnan nila ako nang may pagsang-ayon at hinangaan ako dahil nakaya kong magdusa, at masayang-masaya ako dahil doon.

Kalaunan, ginawa akong responsable sa mas maraming iglesia. Naisip ko, “Sa loob lang ng ilang buwan, na-promote na naman ako. Hindi ba’t mas lalong tataas ang tingin sa akin ng mga kapatid?” Noong panahong iyon, madalas akong magdasal sa Diyos at nagsikap akong sangkapan ang sarili ko ng mga aspeto ng katotohanan tungkol sa pagdidilig sa mga baguhan. Unti-unti kong nahanap ang paraan ng pag-usad sa mga tungkulin ko. Nadama ng lahat ng aking kapatid na ang pakikinig sa pagbabahagi ko ay nakakatulong sa kanila. Nang hindi ito namamalayan, muling nagsimulang lumaki ang ulo ko at nagsimula akong muling magpakitang-gilas sa mga pagtitipon. Nang tanungin ako ng aking mga kapatid kung paano magbahagi at lutasin ang mga haka-hakang pangrelihiyon na binabanggit ng mga baguhan, naisip ko, “Makikipag-usap ako sa kanila nang maayos tungkol dito para makita ng lahat na nauunawaan ko ang katotohanan at kaya kong lumutas ng mga problema.” Pagkatapos ay detalyado kong sinabi sa kanila ang mga naiisip at karanasan ko, at unti-unting nabago ang pagtingin sa akin ng lahat. Nakinig sila nang mabuti sa kahit anong sinabi ko. Tiningala ako ng mga kapatid kahit saan ako magpunta, at kahit ang mga kapatid na hindi ko kilala ay humiling din na marinig ang pagbabahagi ko. Kalaunan, tinipon ko ang mga karaniwang problemang nakakaharap ko sa pagbabahagi ng ebanghelyo at gawain ng pagdidilig, sumulat ako ng labimpitong panuntunan, at dinala ang mga ito sa mga pagtitipon at ibinahagi ang mga ito sa mga kapatid. May sister na ang asawa ay pinuno ng nayon at laban sa kanyang paniniwala sa Diyos. Nagbigay ang asawa ng sister ng mahihirap na tanong at sadyang pinahirap ang mga bagay-bagay para sa amin, at partikular niyang hiniling ang pagbabahagi ko. Hindi talaga ako mapalagay noon, pero sa pamamagitan ng pagdarasal sa Diyos, napasinungalingan ko ang bawat isa sa mga tanong niya, at sa huli ay wala na siyang masabi. Pagkatapos noon, tinipon ko ang mga itinanong ng asawa ng sister na iyon at isinama ang mga ito sa mga madalas na itanong sa akin tungkol sa pagpapalaganap ng ebanghelyo. Sa bawat pagtitipon, inilalabas ko ito at nagsasalita nang malinaw tungkol dito, para malaman ng aking mga kapatid na ako ay may kakayahan at marunong at kaya kong lumutas ng mga problema. Ilang beses, pagkatapos ng mga pagtitipon, sinabi ng ilang kapatid, “Sister Xinping, puwede ka bang manatili ng isa pang araw kasama namin at magbahagi ng iba pa sa amin?” Nang makita ko kung gaano ako hinahangaan ng lahat, labis-labis ang naging kasiyahan ko. Para maipaalam sa mga kapatid na isa akong mahalagang tao at kaya kong magdusa at magsakripisyo para sa mga tungkulin ko, sinabi ko pa habang nagpanggap na kaswal lang ito, “Namamahala ako sa maraming iglesia at may appointment na ako sa isa pang iglesia. Maraming kapatid ang naghihintay sa akin. Napakaabala ko na wala na akong panahong magpahinga.” Nang magsalita ako sa mga kapatid, sadya ko ring sinasabi, “Sa tuwing pumupunta ako sa isang pagtitipon, inaabot ito ng buong araw. May bali ako sa beywang dati, at hindi ko talaga kayang maupo nang ganito.” Narinig ito ng isang sister at sinabi niya nang may paghanga, “Talagang nagtatrabaho ka nang husto, kailangan mong pagtuunan ng pansin ang kalusugan mo!” Dahil lagi akong nagpapakitang-gilas sa mga kapatid sa ganitong paraan, nadama nilang kaya ko talagang magdusa at magbalikat ng pasanin sa pagganap sa mga tungkulin ko.

Noong panahong iyon, nagpakaabala ako sa mga pagtitipon at pagbabahagi, pero kung minsan, walang laman ang puso ko, at hindi ko alam kung ano ang dapat ibahagi. Pero kapag nakikita ko ang ekspektasyon sa mga mata ng aking mga kapatid, naiisip ko, “Nadarama na ngayon ng mga kapatid na malinaw akong nagbabahagi ng katotohanan, at tinitingala ako ng lahat. Kung sasabihin ko sa kanilang hindi ko alam kung paano magbahagi, hindi ba maglalaho ang magandang reputasyong nabuo ko na sa kanilang puso?” Kaya nagpanggap akong kalmado at hiniling na sila muna ang magbahagi. Naisip ko, “Una, makikinig ako sa mga sinasabi ng lahat, pagkatapos ay ibubuod ko ang sinabi nila at ibabahagi ko ang sarili kong pagkaunawa. Pagmumukhain ako nitong natanggap ko nang mas komprehensibo at malinaw ang katotohanan.” Sa ganitong paraan, nadama nga ng mga kapatid na ako ang nagbigay ng masusing pagbabahagi. Sadya ko ring sinabi na, “Dahil tungkulin ko ito, binigyang-liwanag ako ng Diyos sa ibang paraan.” Sinabi ko ito para lalong maiangat ang sarili ko at magyabang. Nang sinabi ko ito, lalong tumaas ang tingin sa akin ng mga kapatid at lalo silang umasa sa akin. Noong panahong iyon, anumang mga problema ang makaharap nila sa pangangaral ng ebanghelyo o pagdidilig ng mga baguhan, hindi na nagdasal at naghanap ang mga kapatid, sa halip ay umaasa na makakapagbahagi ako sa kanila at lulutasin ko ang mga problema nila. Noong panahong iyon, naisip ko rin kung paano dumarating ang pighati sa mga humahanga at maging sa mga hinahangaan, at medyo hindi ako napalagay, pero naisip ko rin, “Ang lahat ng pagbabahagi ko ay tungkol sa pagkaunawa ko sa salita ng Diyos at pagpapaliwanag ng ilang paraan ng pagsasagawa para sa aking mga kapatid. Ang lahat ng ito ay para magkaroon ng resulta ang aming gawain. Walang mali roon.” Kaya ang mga pag-aalala at pagkabalisang iyon ay dumaan lang sa isipan ko, at hindi ko masyadong inisip ang mga ito. Pero noong mismong napuno ako ng sigasig at kasabikan sa pagganap ng tungkulin ko, muling lumabas ang psoriasis ko na ilang taon nang wala. May malalaking marka nito sa mga binti, braso, at maging sa mukha ko. Napakakati nito, at hindi talaga ako komportable na naapektuhan ang mga pagtitipon ko. Mas malala pa ito kaysa dati. Gumamit ako ng iba’t ibang gamot, pero walang nakatulong. Napagtanto kong hindi aksidente ang kondisyon ko, at mayroon akong dapat na matutunan dito. Pero noong panahong iyon, hindi ko napagtanto kung ano ang problema ko.

Kalaunan, nakipagkita ako sa ilang kapatid na nangangaral ng ebanghelyo, para magbahagi at lutasin ang kanilang problema. Naisip ko, “Kailangang maging maayos ang trabaho ko sa kanila para maipakita ko ang kakayahan kong magtrabaho.” Para akong isang company executive na naglalahad ng report sa isang pulong. Ibinahagi ko sa kanila kung paano maunawaan ang mga pangunahing punto ng pagbabahagi kapag nangangaral ng ebanghelyo, kung paano lutasin ang mga karaniwang problema sa pangangaral ng ebanghelyo. Nakinig nang husto ang mga kapatid. Palagi pa ngang nagsusulat ang ilan ng mga tala sa takot na may mapalampas sa sinabi ko, at ang sister na punong-abala namin ay umupo rin sa may pintuan, nakinig nang mabuti, at binigyan ako ng tubig kada saglit. Talagang nasiyahan ako na makita kung gaano nila pinahahalagahan ang pagbabahagi ko. Pero kasabay nito, medyo hindi rin ako mapalagay, “Ang lahat ng ito ay personal ko lang na pagkaunawa, at hindi maiiwasan ang mga pagkakamali, kaya tama ba na isinusulat ng lahat ang sinabi ko?” Pero naisip ko rin, “Baka gusto lang magtala ng mga kapatid ng ilang mabubuting landas ng pagsasagawa, na nakakatulong sa pagtupad ng kanilang mga tungkulin. Wala namang masama roon.” Nang naisip ko ito sa ganoong paraan, nagpasya akong hayaan ang mga tao na sumulat ng mga tala. Sa pagtitipon nang sumunod na araw, bumalik ang isang sister at nagsabing, “Hindi ko naisulat ang pagbabahagi ni Sister Xinping kahapon, kaya pakikinggan ko ito ulit ngayon.” Nang matapos na ang pagtitipon, narinig kong nag-uusap ang dalawang sister. Sinabi ng isa, “Itinala mo ba ito?” Nagreklamo ang isa pang sister, “Bakit hindi mo ito itinala?” Nang marinig ko ito, natakot ako: “Kung itinuturing ng lahat ang mga salita ko na napakahalaga, hindi ko ba dinadala ang mga tao sa sarili ko?” Habang lalo ko itong pinag-iisipan, lalo akong natakot, kaya umuwi ako ng bahay at nagdasal sa Diyos para hilingin sa Kanya na bigyan ako ng kaliwanagan para makilala ko ang sarili ko.

Binasa ko ang dalawang sipi ng salita ng Diyos: “Dinadakila at pinapatotohanan ang mga sarili nila, ibinibida ang mga sarili nila, sinisikap na tingalain at sambahin sila ng mga tao—may kakayahan sa mga bagay na ito ang tiwaling sangkatauhan. Ganito ang likas na reaksiyon ng mga tao kapag pinamamahalaan sila ng mga satanikong kalikasan nila, at karaniwan ito sa lahat ng tiwaling sangkatauhan. Paano karaniwang dumadakila at nagpapatotoo ang mga tao sa mga sarili nila? Paano nila natatamo ang ganitong layunin na tingalain at sambahin sila ng mga tao? Nagpapatotoo sila sa kung gaano karaming gawain ang nagawa nila, kung gaano sila nagdusa, kung gaano nila ginugol ang mga sarili nila, at kung anong halaga ang binayaran nila. Ginagamit nila ang mga bagay na ito bilang kapital kung saan dinadakila nila ang mga sarili nila, na nagbibigay sa kanila ng mas mataas, mas matatag, mas ligtas na lugar sa pag-iisip ng mga tao, upang mas maraming mga tao ang papahalagahan, hahangaan, gagalangin, at maging ipipitagan, idadambana, at susundan sila. Upang matamo ang layong ito, maraming bagay na ginagawa ang mga tao na nagpapatotoo sa Diyos sa panlabas, pero sa totoo lang ay nagtataas at nagpapatotoo sa kanilang sarili. Makatwiran bang kumilos nang ganoon? Lampas sila sa saklaw ng pagkamakatwiran. Walang kahihiyan ang mga taong ito: Walang kahihiyan silang nagpapatotoo sa nagawa nila para sa Diyos at kung gaano sila nagdusa para sa Kanya. Ibinibida pa nga nila ang kanilang mga kaloob, mga talento, karanasan, mga natatanging kasanayan, mga matatalas na kapamaraanan sa pag-asal, ang mga paraang ginagamit nila upang paglaruan ang mga tao, at iba pa. Ang kaparaanan nila ng pagdadakila at pagpapatotoo sa mga sarili nila ay upang ipagmarangya ang mga sarili nila at maliitin ang iba. Nagkukunwari rin sila at nagbabalatkayo, ikinukubli ang mga kahinaan, mga kakulangan, at mga kapintasan nila sa mga tao upang ang tanging nakikita ng mga ito ay ang kanilang luningning. Hindi man lamang sila nangangahas na sabihin sa ibang tao kapag nakararamdam sila ng pagkanegatibo; salat sila sa tapang na magtapat at makipagbahaginan sa mga ito, at kapag may ginawa silang anumang mali, ginagawa nila ang lahat-lahat upang ikubli at pagtakpan ito. Hindi nila kailanman binabanggit ang pinsalang naidulot nila sa gawain ng iglesia sa takbo ng paggawa ng tungkulin nila. Kapag may nagawa silang maliit na ambag o natamong ilang maliit na tagumpay, gayunman, mabilis sila sa pagpapakitang-gilas nito. Hindi sila makapaghintay na ipaalam sa buong daigdig kung gaano sila may kakayahan, kung gaano kataas ang kakayahan nila, kung gaano sila katangi-tangi, at kung gaano sila mas magaling kaysa sa mga normal na tao. Hindi ba ito isang paraan ng pagdadakila at pagpapatotoo sa mga sarili nila?(Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikaapat na Aytem: Itinataas at Pinatototohanan Nila ang Kanilang Sarili). “Ang lahat ng tumatahak sa landas ng mga anticristo ay dinadakila at pinatototohanan ang kanilang sarili, itinataguyod ang kanilang sarili at ipinangangalandakan ang kanilang sarili kahit saan, at wala talagang pakialam sa Diyos. Naranasan na ba ninyo ang mga bagay na ito na sinasabi Ko? Maraming tao ang patuloy na nagpapatotoo para sa kanilang sarili, nagsasalita tungkol sa kung paano nila pinagdurusahan ang ganito at ganoon, kung paano sila gumagawa, kung paano sila pinahahalagahan ng Diyos, at ipinagkakatiwala sa kanila ang ganoong gawain, at kung ano sila, na sadyang gumagamit ng mga partikular na tono habang nagsasalita, at nagpapakita ng ilang partikular na asal, hanggang sa kalaunan ay malamang na may ilang taong magsisimulang isipin na sila ay Diyos. Matagal nang tinalikuran ng Banal na Espiritu ang mga umabot sa antas na ito, at bagamat hindi pa sila napapaalis o naititiwalag, at sa halip ay pinanatili upang magserbisyo, napagpasyahan na ang kanilang kapalaran at hinihintay na lamang nila ang kanilang kaparusahan(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Masyadong Maraming Hinihingi ang mga Tao mula sa Diyos). Malinaw na ibinunyag ng salita ng Diyos ang kalagayan ko. Madalas akong magmataas at magpakitang-gilas nang ganito. Noong una akong magsimula sa iglesiang ito, pakiramdam ko ay hindi ako kilala at wala akong halaga, kaya naisip kong ang pangangaral ng ebanghelyo ang pagkakataon para tingalain at purihin ako ng mga kapatid. Para maipakita sa lahat ang kakayahan kong gumawa at maiba ang tingin nila sa akin, hindi ako nagsalita tungkol sa mga naranasan kong kabiguan. Sa halip, ibinahagi ko nang husto kung paano ko ipinangaral ang ebanghelyo, kung gaano karaming tao ang napagbagong-loob ko, at kung paano ko nilutas ang mahihirap na problema para malinlang ang mga tao at maipaisip sa kanila na nauunawaan ko ang katotohanan at kaya kong lutasin ang kanilang mga problema. Nang ma-promote ako, ginusto kong maging mataas ang tingin sa akin ng mas maraming tao at magkaroon ng puwang sa puso nila, kaya lagi kong sinasabi sa aking mga kapatid kung gaano ako kaabala at kung anong pagdurusa ang tiniis ko. Pero hindi ako kailanman nagsalita tungkol sa sarili kong kahinaan o katiwalian, para maipaisip sa mga tao na talagang naghahanap ako ng katotohanan, nagbabayad ng halaga, at bumabalikat ng mga pasanin sa mga tungkulin ko. Hindi ba’t panlilinlang ito sa aking mga kapatid? Palaging ipinangangaral ng malaking pulang dragon ang pagiging “dakila, maluwalhati, at tama” nito para hangaan at sundin ito ng iba, pero sa lahat ng paraan, ikinukubli nito ang masasama nitong ginagawa nang patago para malinlang ang mga tao sa mundo. Ano ang pagkakaiba sa pagitan ng ginagawa ko at ng malaking pulang dragon? Binigyan ako ng Diyos ng mga kaloob at talento para sa pagpapalaganap ng ebanghelyo, para magawa ko ang bahagi ko na mapalawak ang naaabot ng ebanghelyo at dalhin ang mas maraming tao sa harapan ng Diyos para magtamo sila ng Kanyang pagliligtas. Pero ginamit ko ang mga kaloob at talentong ito para magpakitang-gilas at ipagyabang ang sarili ko kahit saan at tamasahin ang respeto at pagsamba sa akin ng aking mga kapatid. Wala talaga akong kahihiyan! Dahil lagi kong itinataas ang sarili ko at nagpapakitang-gilas ako, hinahangaan nila akong lahat at hindi sila nagdarasal sa Diyos at naghahanap ng katotohanan kapag may mga problema sila, sa halip ay nakikipagbahaginan sila sa akin at pinalilibutan nila ako. Nilalabanan ko ang Diyos! Nang maisip ko ito, labis akong natakot. Lumuhod ako sa harap ng Diyos at umiyak habang nananalangin, “Diyos ko, itinaas ko po ang sarili ko at nagpakitang-gilas ako para sambahin po ako ng iba. Nilakad ko po ang landas ng paglaban sa Iyo. Nais ko pong magsisi.”

Pagkatapos noon, nagnilay ako sa sarili ko. Kahit malinaw kong nalaman na ang liwanag sa pagbabahagi ko ay kaliwanagan ng Banal na Espiritu, bakit nagpapakitang-gilas at nagmamayabang pa rin ako nang hindi sinasadya? Kalaunan, nabasa ko sa salita ng Diyos: “Partikular na iniidolo ng ilang tao si Pablo. Gusto nilang lumabas at magbigay ng mga talumpati at gumawa, gusto nilang dumadalo sa mga pagtitipon at mangaral, at gusto nila na pinakikinggan sila ng mga tao, sinasamba sila, at pinalilibutan sila. Gusto nilang magkaroon ng puwang sa puso ng iba, at natutuwa sila kapag pinahahalagahan ng iba ang larawang ipinakikita nila. Suriin natin ang kanilang kalikasan mula sa mga pag-uugaling ito. Ano ang kanilang likas na pagkatao? Kung ganito talaga silang kumilos, sapat na iyan upang ipakita na sila ay mayabang at may labis na pagtingin sa sarili. Hindi talaga nila sinasamba ang Diyos; naghahangad sila ng mas mataas na katayuan at nangangarap na magkaroon ng awtoridad sa iba, na ariin ang mga ito, at magkaroon ng puwang sa puso ng mga ito. Ito ang klasikong larawan ni Satanas. Ang namumukod na mga aspeto ng kanilang kalikasan ay kayabangan at kahambugan, ayaw nilang sambahin ang Diyos, at nais nilang sambahin sila ng iba. Ang gayong mga pag-uugali ay maaaring magbigay sa iyo ng napakalinaw na pagtingin sa kanilang likas na pagkatao(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Paano Malalaman ang Kalikasan ng Tao). “Kapag naging mayabang ang kalikasan at diwa ng mga tao, maaari silang madalas na sumuway at lumaban sa Diyos, hindi makinig sa Kanyang mga salita, bumuo ng mga kuru-kuro tungkol sa Kanya, gumawa ng mga bagay na nagtataksil sa Kanya, at mga bagay na dumadakila at nagpapatotoo sa kanilang sarili. Sinasabi mo na hindi ka mayabang, ngunit ipagpalagay na binigyan ka ng isang iglesia at tinulutan kang pamunuan ito; ipagpalagay nang hindi kita iwinasto, at na wala ni isa sa pamilya ng Diyos ang pumuna o tumulong sa iyo: Matapos mo itong pamunuan sandali, aakayin mo ang mga tao sa iyong paanan at hihikayatin mo silang magpasakop sa iyong harapan, kahit hanggang sa puntong hinahangaan at iginagalang ka. At bakit mo gagawin iyon? Matutukoy ito sa iyong kalikasan; ito ay walang iba kundi isang likas na paghahayag. Hindi mo kailangang matutunan ito mula sa iba, ni hindi nila kailangang ituro ito sa iyo. Hindi mo kailangan ang iba na turuan ka o pilitin kang gawin ito; likas na nangyayari ang ganitong klaseng sitwasyon. Ang lahat ng ginagawa mo ay tungkol sa paghikayat sa mga tao na dakilain ka, purihin ka, sambahin ka, magpasakop sa iyo, at makinig sa iyo sa lahat ng bagay. Ang pagpahintulot sa iyo na maging isang lider ay likas na nagdudulot sa sitwasyong ito, at hindi ito mababago. At paano nangyayari ang sitwasyong ito? Natutukoy ito sa mapagmataas na kalikasan ng tao. Ang pagpapamalas ng kayabangan ay paghihimagsik at paglaban sa Diyos. Kapag ang mga tao ay mapagmataas, mapagpahalaga sa sarili, at mapagmagaling, malamang magtayo sila ng kani-kanyang mga nagsasariling kaharian at gawin ang mga bagay-bagay sa anumang paraang gusto nila. Inaakay rin nila ang iba na magpakontrol sa kanila at magpasakop sa kanila. Para magkaroon ang mga tao ng kakayahang gawin ang gayong mga mapagmataas na bagay, pinatutunayan lang niyon na ang diwa ng kanilang mapagmataas na kalikasan ay katulad ng kay Satanas; katulad ito ng sa arkanghel. Kapag umabot ang kanilang kayabangan at pagpapahalaga sa sarili sa isang partikular na antas, wala nang puwang sa puso nila para sa Diyos, at isinasantabi ang Diyos. Pagkatapos ninanais nilang maging Diyos, pinasusunod ang mga tao sa kanila, at sila ay nagiging arkanghel. Kung taglay mo ang gayong satanikong mapagmataas na kalikasan, hindi magkakaroon ng puwang ang Diyos sa iyong puso. Kahit naniniwala ka pa sa Diyos, hindi ka na kikilalanin pa ng Diyos, ituturing ka Niya bilang isang masamang tao, at palalayasin ka(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Mayabang na Kalikasan ang Nasa Ugat ng Paglaban ng Tao sa Diyos). Nakita ko mula sa mga salita ng Diyos na ako ay likas na napakayabang at labis ang pagtingin sa sarili. Katulad lang ako ni Pablo, nasisiyahan ako na sambahin at hangaan ng iba. Noong una, gusto ko lang gampanan nang maayos ang tungkulin ko, pero nakontrol ako ng likas na kayabangan at labis na pagtingin ko sa sarili, kaya nagpakitang-gilas ako at nagyabang nang hindi sinasadya. Bagama’t alam kong naglalaman ang mga salita ko ng mga personal na intensyon at layunin, hindi ko talaga mapigilan ang sarili kong mga ambisyon at pagnanasa. Palagi kong gustong hangaan at purihin ako. Noong bata ako, labis ang atensyon ng pamilya ko sa akin, at nang lumaki ako, nagnegosyo ako at naging isang kilalang babaeng negosyante sa lugar namin. Sa tahanan at sa trabaho, ako lagi ang may huling salita. Kahit saan man ako magpunta, narinig ko ang papuri at paghanga ng iba, at nasiyahan ako sa pakiramdam ng pagiging pinakamaningning na bituin sa langit at ang igalang ng lahat. Matapos maniwala sa Diyos, hindi ako kailanman naging kuntento na maging karaniwan o hindi kilala sa iglesia. Palagi akong naghanap ng mga pagkakataong hangaan at tingalain ako ng iba. Partikular na mayabang ang kalikasan ni Pablo, at palagi niyang gustong sambahin siya ng iba at maging mataas ang tingin ng iba sa kanya, kaya ipinagmayabang niya kung gaano karami ang nagawa niya, kung gaano karaming pagdurusa ang tiniis niya saan man siya pumunta. Hindi siya kailanman nagpatotoo kay Cristo sa mga sulat niya. Sa halip, itinaas niya ang sarili niya habang kunwaring sumusuporta sa iglesia, at kalaunan, walang kahihiyan siyang nagpatotoo na namuhay siyang tulad ni Cristo. Dahil dito ay sinamba, itinaas, at ginamit siya bilang pamantayan ng mga mananampatalaya, at itinuring pa ang mga salita niya bilang mga salita ng Diyos—maging hanggang sa punto na sa kasalukuyan, pagkaraan ng 2,000 taon, maraming mananampalataya sa mga relihiyon ang kumakapit sa mga salita ni Pablo at samakatuwid ay tumatangging tanggapin ang gawain ng Diyos sa mga huling araw. Dinala ni Pablo ang mga tao sa harapan niya, na lumabag sa disposisyon ng Diyos, at pinarusahan siya ng Diyos. Mayabang ako at labis ang pagtingin ko sa aking sarili, at ipinamuhay ko ang mga satanikong kaisipan at pananaw na tulad ng “Nagsusumikap ang tao na umangat; dumadaloy ang tubig pababa,” at “Mamukod-tangi.” Palagi kong gustong umangat sa iba, magpakitang-gilas, at ipagyabang ang talento ko. Dahil dito ay sa akin lang nakikinig ang aking mga kapatid kapag may nangyayari, tinatanggap nila ang kahit anong sabihin ko, at nag-iisip sila ng paraan para makabawi kapag hindi nila naitalang lahat ang pagbabahagi ko, at inirerekord pa nila ako; dahil sa tingin nila ay mas mahalaga ang mga salita ko kaysa sa mga salita ng Diyos. Kahit ganoon, hindi ko alam kung paano magnilay sa sarili ko. Sa halip, itinuon ko ang sarili ko sa kasiyahan na hangaan ng iba. Napakayabang ko at labis na walang kahihiyan! Wala akong alam tungkol sa sarili kong pagkakilanlan. Hindi ko naunawaan na ako ay isang nilalang, isang tao na ginawang tiwali ni Satanas. Walang kahihiyan kong inilagay ang sarili ko sa pedestal. Ginusto kong magkaroon ako ng puwang sa puso ng iba, na makinig sila sa akin, at suportahan ako. At dahil patuloy akong nagpakitang-gilas, nagkaroon nga ako ng puwang sa puso ng aking mga kapatid. Habang mas hinahangaan nila ako, lalo silang nalalayo sa Diyos. Naisip ko ang unang atas administratibo ng Kapanahunan ng Kaharian: “Hindi dapat ipagmalaki ng tao ang kanyang sarili, ni itaas ang kanyang sarili. Dapat niyang sambahin at dakilain ang Diyos(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Sampung Atas Administratibo na Dapat Sundin ng Hinirang na Bayan ng Diyos sa Kapanahunan ng Kaharian). Nilikha ang mga tao ng Diyos, kaya dapat nating sambahin ang Diyos at ituring Siyang nakatataas sa lahat, pero pinahanga ko ang mga tao, pinataas ang tingin nila sa akin, at nagpaturing ako na mas mataas sa lahat. Hindi ba’t nilalabag ko ang atas administratibong ito? Sa sandaling iyon, natakot ako nang husto. Napagtanto ko ang kaseryosohan ng pagpapakitang-gilas para sambahin ng iba at tingalain ako. Kung nagpatuloy ako nang ganito, tiyak na mapupunta ako sa impiyerno at mapaparusahang tulad ni Pablo! Ang pagdurusa ko ng sakit na ito ay pagdisiplina ng Diyos sa akin. Binalaan Niya ako sa pamamagitan ng sakit na naligaw na ako. Ito ay pagliligtas ng Diyos sa akin!

Kalaunan, naalala ko ang isang sipi ng salita ng Diyos: “Bagama’t sinasabi ng Diyos na Siya ang Lumikha at ang tao ay Kanyang nilikha, na para bang may kaunting pagkakaiba sa katayuan, ang realidad ay lahat ng nagawa ng Diyos para sa sangkatauhan ay sobra-sobra para sa ganitong kalikasan ng relasyon. Mahal ng Diyos ang sangkatauhan, inaalagaan ang sangkatauhan, at nagpapakita ng malasakit para sa sangkatauhan, gayundin ay patuloy at walang-tigil na naglalaan para sa sangkatauhan. Hindi Niya kailanman nararamdaman sa Kanyang puso na ito ay karagdagang gawain o bagay na karapat-dapat bigyan ng malaking parangal. Ni hindi rin Niya nararamdaman na ang pagliligtas sa sangkatauhan, pagtutustos sa kanila, at pagbibigay sa kanila ng lahat ng bagay, ay pagbibigay ng napakalaking ambag sa sangkatauhan. Tahimik at walang-imik lamang Siyang naglalaan para sa sangkatauhan, sa sarili Niyang paraan at sa pamamagitan ng sarili Niyang diwa at kung anong mayroon at kung ano Siya. Gaano man karami ang paglalaan at gaano man karaming tulong ang natatanggap ng sangkatauhan mula sa Kanya, hindi kailanman iniisip o sinusubukan ng Diyos na angkinin ang papuri. Ito ay itinatakda ng diwa ng Diyos, at tiyak rin na isa itong tunay na pagpapahayag ng disposisyon ng Diyos(Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Gawain ng Diyos, ang Disposisyon ng Diyos, at ang Diyos Mismo I). Ang Diyos ang Lumikha, at para maligtas ang mga tao mula sa pagbihag ni Satanas, nagkatawang-tao ang Diyos para gumawa sa gitna ng mga tao, at tiniis ang pagkondena at paninirang-puri ng mga tao. Isinakripisyo ng Diyos ang lahat para sa sangkatauhan, ngunit hindi Siya kailanman nagpakitang-gilas. Kahit habang nakikipag-ugnayan Siya sa mga tao, hindi Niya kailanman ipinagyabang ang Kanyang pagkakakilanlan bilang Diyos. Tahimik Niya lang tayong tinustusan ng katotohanan at buhay. Nakita ko na ang diwa ng Diyos ay maganda at mabuti, at Siya ay mapagpakumbaba at nakatago, walang anumang kayabangan o kapalaluan. Samantala, isa akong taong ginawang tiwali ni Satanas na walang anumang katotohanan. Ngunit napakayabang ko. Kapag may kakaunting bagay akong natatamo sa tungkulin ko, nagpapakitang-gilas ako, ipinagyayabang iyon kahit saan ako pumunta, para makuha ko ang paghanga at pagpapahalaga ng mga tao. Labis akong walang kahihiyan, at napakakasuklam-suklam at napakasama sa mga mata ng Diyos. Pumunta ako sa harapan ng Diyos at nagdasal sa Kanya, “Diyos ko, ayaw ko na pong magpakitang-gilas. Gusto ko pong magsisi. Hinihiling ko pong gabayan Mo ako at ipakita Mo po ang paraan para malutas ang tiwali kong disposisyon.”

Nabasa ko ang dalawang sipi ng salita ng Diyos: “Anong paraan ng pagkilos ang hindi pagtataas at pagpapatotoo sa sarili? Patungkol din dito, kung nais mong magpasikat at magpatotoo sa iyong sarili, ang sinasabi mo ay magpapataas ng tingin ng ilang tao sa iyo at magiging dahilan para ipagpitagan ka nila. Ngunit kung ikaw ay bukas at tapat sa pagkakilala mo sa iyong sarili, iba ang likas na katangian ng sinasabi mo. Hindi ba totoo ito? Sinumang may normal na pagkatao ay dapat magkaroon ng kakayahang maging bukas at tapat sa pagkakilala niya sa kanyang sarili. Ito ay isang positibong bagay. Kung talagang kilala mo ang sarili mo at nagsasalita ka tungkol sa iyong kalagayan nang tumpak, totoo, at tiyak; kung nagsasalita ka nang may pagkaunawa na lubos na naaayon sa mga salita ng Diyos; kung ang mga nakikinig sa iyo ay napapasigla at nakikinabang; at kung nagpapatotoo ka sa gawain ng Diyos at niluluwalhati mo Siya, iyan ay pagpapatotoo sa Diyos. Kung nagsasalita ka ng hayagan at deretsahan, na sinasabi mo ang marami mong katangian at marami kang sinasabi tungkol sa kung paano ka nagdusa, nagbayad ng halaga, at nanindigan sa iyong patotoo, na ang resulta ay nagkaroon ng mataas na opinyon ang mga tao tungkol sa iyo at ipinagpitagan ka nila, ito ay pagpapatotoo sa iyong sarili. Dito, kailangan ng isang tao ng kakayahang malaman ang pagkakaiba sa pagitan ng dalawang uri ng patotoo. Halimbawa, ang pagpapaliwanag kung gaano ka kahina at kanegatibo kapag nahaharap ka sa mga pagsubok, ngunit kung paanong, matapos manalangin at maghanap ng katotohanan, sa wakas ay naunawaan mo ang kalooban ng Diyos, nagkaroon ka ng pananampalataya, at nagawa mong manindigan sa iyong patotoo, ay pagdadakila at pagpapatotoo sa Diyos. Hinding-hindi pagpapasikat at pagpapatotoo sa sarili ang gayong pagsasagawa. Samakatuwid, nagpapasikat at nagpapatotoo ka man sa iyong sarili o hindi ay pangunahing nakadepende kung tunay mo nga bang naranasan ang sinasabi mo, at kung maaari mo bang makamit ang epekto ng pagpapatotoo sa Diyos; kaya, kinakailangan ding tingnan kung ano ang mga intensyon at pakay mo kapag sinasabi mo ang tungkol sa iyong mga patotoong batay sa karanasan. Pinapadali ng lahat ng bagay na ito na masabi ang pagkakaiba. Kung tama ang iyong intensyon kapag nagpapatotoo ka, kahit mataas ang opinyon sa iyo ng mga tao at pinagpipitagan ka nila, hindi talaga problema iyan. Kung mali ang iyong intensyon, kahit hindi mataas ang opinyon sa iyo o hindi ka pinagpipitagan ng sinuman, problema iyan—at kung mataas ang opinyon sa iyo at pinagpipitagan ka ng mga tao, mas malaking problema pa iyan. Samakatuwid, hindi maaaring umasa lamang ang isang tao sa mga resulta para matukoy kung itinataas o pinatototohanan ng isang tao ang kanyang sarili. Ang intensyon ang pinakamahalaga, at ang tamang paraan para malaman ang pagkakaiba ay nakabatay sa intensyon. Kung inaalam mo ang pagkakaibang iyan batay sa mga resulta, madaling tratuhin nang hindi makatarungan ang mabubuting tao. Ang ilang tao ay higit na tapat kapag nagpapatotoo, at ang ilang iba pa ay mataas ang opinyon sa kanila at pinagpipitagan sila. Masasabi mo ba na ang mga taong iyon na nagpatotoo ay nagpapatotoo sa kanilang sarili? Hindi, hindi mo masasabi. Hindi problema ang mga taong iyon na nagpatotoo. Ang patotoong ibinabahagi nila at ang tungkuling ginagampanan nila ay nakakatulong sa ibang mga tao, at ang mga mangmang lamang na may baluktot na pag-unawa ang nagpipitagan sa mga tao. Ang susi para matukoy kung itinataas at pinatototohanan ng mga tao ang kanilang sarili o hindi ay ang intensyon ng tagapagsalita. Kung intensyon mong ipakita sa lahat kung paano napatunayan ang iyong katiwalian, kung paano ka nagbago, at hayaan ang iba na makinabang mula rito, kung gayon ay tapat at totoo ang iyong mga salita, at nakaayon sa mga totoong nangyari. Tama ang gayong mga intensyon, at hindi ka nagpapasikat o nagpapatotoo sa iyong sarili. Kung intensyon mong ipakita sa lahat na mayroon kang mga totoong karanasan, at na nagbago ka at nagkaroon ng katotohanang realidad, at nang sa gayon ay makuha ang kanilang paghanga at paggalang, hindi totoo ang mga intensyong ito. Pagpapasikat iyan at pagpapatotoo sa iyong sarili. Kung hindi totoo ang patotoong batay sa karanasang sinasabi mo, kung inimbeto ito, at dinisenyo upang iligaw ang mga tao, upang pigilan silang makita ang tunay mong kalagayan, upang huwag mabunyag sa iba ang iyong mga intensyon, katiwalian, kahinaan, o pagiging negatibo, kung gayon ay mapanlinlang at mapandaya ang gayong mga salita; hindi ito tunay na patotoo, nililinlang nito ang Diyos, nagdadala ito ng kahihiyan sa Diyos, at ito ang pinakakinamumuhian ng Diyos sa lahat. May mga malinaw na pagkakaiba sa pagitan ng mga kalagayang ito, na nagkakaiba-iba batay sa intensyon(Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikaapat na Aytem: Itinataas at Pinatototohanan Nila ang Kanilang Sarili). “Kapag nagpapatotoo para sa Diyos, dapat pangunahin kang magsalita tungkol sa kung paano hinahatulan at kinakastigo ng Diyos ang mga tao, at kung anong mga pagsubok ang ginagamit Niya para pinuhin ang mga tao at baguhin ang kanilang mga disposisyon. Dapat din kayong magsalita tungkol sa kung gaano nang katiwalian ang naibunyag sa inyong karanasan, kung gaano na kayo nagdusa, kung gaano karaming bagay ang ginawa ninyo upang labanan ang Diyos, at kung paano kayo nalupig kalaunan ng Diyos. Magsalita kung gaano karaming tunay na kaalaman tungkol sa gawain ng Diyos ang mayroon kayo, at kung paano kayo dapat magpatotoo para sa Diyos at suklian Siya para sa Kanyang pag-ibig. Dapat ninyong lagyan ng diwa ang ganitong uri ng wika, habang inilalagay ito sa isang payak na paraan. Huwag pag-usapan ang mga walang kabuluhang teorya. Magsalita kayo nang mas praktikal; magsalita kayo nang mula sa puso. Ganito ninyo dapat danasin ang mga bagay-bagay. Huwag ninyong sangkapan ang inyong mga sarili ng mga tila malalim at hungkag na teorya para magpakitang-gilas; sa paggawa nito ay nagmumukha kayong mapagmataas at walang-katuturan. Dapat ay magsalita kayo nang higit tungkol sa mga tunay na bagay mula sa aktuwal ninyong karanasan, at mas magsalita nang mula sa puso; ito ay pinakakapaki-pakinabang sa iba, at pinakanararapat na makita nila(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Sa Pamamagitan Lamang ng Paghahanap sa Katotohanan Matatamo ng Isang Tao ang Pagbabago sa Kanyang Disposisyon). Naunawaan ko mula sa mga salita ng Diyos na kung gusto kong ihinto ang pagtataas at pagpapatotoo sa sarili ko, kailangan kong mamuhay palagi sa presensya ng Diyos, magkaroon ng pusong banal na may takot sa Diyos, buksan ang puso ko sa harap ng aking mga kapatid, sadyang ihayag at suriin ang sarili kong katiwalian, at magsalita tungkol sa sarili kong mga karanasan. Kapag gusto kong itaas at patotohanan ang sarili ko, kailangan kong talikdan ang sarili ko at itama ang mga layunin ko. Kailangan kong ilantad at suriin ang katiwalian at pagiging suwail sa sarili ko nang mas madalas, at magbahagi ng kaalaman ko tungkol sa Diyos matapos danasin ang Kanyang paghatol, pagkastigo, mga pagsubok, at pagpapadalisay, at kung anong kaalaman ang pinagmulan ng sarili kong tiwaling disposisyon at tiwaling diwa. Dapat ay mas magsalita ako mula sa puso para makita ng aking mga kapatid ang totoong ako. Nang magkaroon na ako ng paraan ng pagsasagawa, inilantad ko sa mga pagtitipon kasama ng mga kapatid ko ang lahat ng aking ibinunyag na katiwalian at ang pagkaunawa ko sa aking sarili sa panahong ito, at sinabi sa kanila na ang kaunting liwanag sa pagbabahagi ko ay galing lahat sa kaliwanagan ng Banal na Espiritu at hindi mula sa tunay kong tayog. Kung wala ang patnubay ng Diyos, wala akong magagawa na kahit ano. Napagtanto rin ng mga kapatid na mali na sambahin nila ako at tingalain, at sinabi nila na hindi na nila titingalain ang mga tao sa hinaharap. Sinabi nila na magdarasal sila sa Diyos at hahangarin ang mga katotohanang prinsipyo kapag nagkaproblema sila, para magkaroon ng kaliwanagan ng Banal na Espiritu. Kalaunan, kapag nasa mga pulong ako at naharap ako sa mga problema na hindi ko nauunawaan, kaya kong bitiwan ang labis na pagtutuon sa sarili ko at hayag na maghanap sa pagbabahagian kasama ng aking mga kapatid. Nagbahagi ang lahat tungkol sa natanggap at naunawaan nila, at ang ilan dito ay hindi ko pa natatanggap, na nakatulong sa akin nang husto. Hindi na ako sinamba ng mga kapatid gaya noon, at kapag nakatuklas sila ng mga problema sa akin, natutukoy nila ang mga ito sa akin nang deretsahan. Nang nagnais ako na muling itaas ang sarili ko at magpakitang-gilas, nagdasal ako sa Diyos, tinanggap ang pagsisiyasat ng Diyos, at kasabay nito, naging bukas ako sa aking mga kapatid, ipinaalam sa kanila ang mga katiwalian at pagkukulang ko, at tinanggap ko ang pagsubaybay nila. Nakadama ako ng katiyakan at kapanatagan nang magsagawa ako sa ganitong paraan, at natikman ko rin ang tamis ng pagsasagawa ng katotohanan. Nang mapagtanto ko ang likas na pagiging mapagmataas ko at ang maling landas na tinahak ko, at nang nagsisi ako sa Diyos, unti-unting nawala ang psoriasis ko, at dahan-dahan akong gumaling.

Matapos maranasan ang pagdidisiplina at pagtutuwid ng Diyos, nakita kong napakalinaw at napakatotoo ng matuwid na disposisyon ng Diyos, at nakita ko ang tunay na pagmamahal ng Diyos. Ang lahat ng ginagawa ng Diyos ay para iligtas ako mula sa gapos ng aking tiwaling satanikong disposisyon. Ang pagdidisiplina at pagtutuwid ng Diyos ang pumigil sa masasama kong gawa at nagligtas sa akin mula sa bingit ng panganib. Salamat sa Diyos!

Sinundan: 30. Sa Pagbitiw sa Katayuan, Ako ay Napalaya

Sumunod: 32. Ang Pagpili ng Isang Paring Katoliko

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

60. Ang Diyos ay Napakamatuwid

Ni Zhang Lin, JapanNoong Setyembre 2012, ako ang namamahala sa gawain sa iglesia nang makilala ko ang pinuno kong si Yan Zhuo. Nalaman kong...

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito