83. Ang mga Resulta ng Sutil na Paggawa

Ni Zhao Yang, Tsina

Nahalal akong maglingkod bilang pinuno ng simbahan noong 2016. Nang una kong tanggapin ang tungkulin, nakaramdam ako ng matinding pressure dahil hindi ko nauunawaan ang katotohanan at wala akong kabatiran sa mga bagay-bagay, kaya kapag nagkakaroon ng problema ang mga kapatid, hindi ko sigurado kung paano magbabahagi ng katotohanan sa kanila para malutas ang mga ito. Hindi ko alam kung paano isasaalang-alang ang mga katotohanang prinsipyo kapag nagtatalaga o pumipili ako ng mga tao para sa ilang tungkulin, kaya nagdasal ako sa Diyos nang hinanap ko ang mga prinsipyong iyon. Humingi rin ako ng tulong sa mga kasamahan ko sa gawain kapag meron akong hindi gaanong maintindihan. Sa paglipas ng panahon, nahasa ang kakayahan kong suriin ang mga tao at sitwasyon, at nagawa kong magtalaga ng mga kapatid sa mga akmang tungkulin batay sa kanilang personal na kalakasan. Minsan, sinubukan akong kausapin ng isang kapatid na lalaking kasama ko sa gawain hinggil kay Sister Xia Jing, na isang lider ng grupo, na pabasta-basta lang sa kanyang tungkulin at talagang pasibo. Sinabi niyang inaantala ni Xia Jing ang gawain ng grupo at iminungkahi niyang palitan ito. Sa isip-isip ko, “Mahusay ang kakayahan ni Xia Jing at talagang magaling siya sa kanyang gawain, kaya kahit na nagpapakita siya ng ilang katiwalian, kung mabibigyan siya ng kaunti pang tulong at gagawa ng ilang pagbabago sa kanyang sarili, wala siyang magiging problema sa kanyang tungkulin.” Kaya inilantad at hinimay ko ang kalagayan ni Xia Jing, at pinungusan at iwinasto ko siya. Makalipas ang ilang sesyon ng pagbabahagi, nakita ko na bahagyang nagbago ang kanyang ugali sa kanyang tungkulin. Mas nagkaroon siya ng pagkukusa at mas naging matapat. Hindi nagtagal itinaas siya sa mas mahalagang tungkulin. Pinapupurihan ko talaga ang sarili ko pagkatapos noon, at naisip ko, “Ako ang may tamang ideya. Mabuti na hindi namin siya pinaalis, nagawa naming pagyamanin ang isang taong may talento sa iglesia. Tila meron akong maayos na pagkakilala.” Mula noon, huminto na ako sa pagtalakay ng mga pagtatalaga at pagpapaalis sa kapatid na iyon, dahil inisip ko na mas may karanasan ako, kaya kaya kong harapin ang anumang isyu nang mag-isa. Dalawang taon ang mabilis na lumipas, at mas lalo na akong gumaling sa pagsasaayos ng mga gawain ng iglesia. Dahil iniisip kong may kakayahan akong makakilala at may kabatiran ako sa mga tao at bagay-bagay, lalo akong naging mapagmataas.

Isang araw, may liham na dumating mula sa isang lider na nagsasabing si Sister Zhang Jiayi ay bumalik matapos paalisin sa kanyang tungkulin sa ibang iglesia. Kinailangan kong isaayos na makadalo siya sa mga pagtitipon. Naisip ko, “Sa aking mga pakikipag-ugnayan noon kay Jiayi, nakita kong mapagmataas siya, ugali niyang pagalitan ang mga tao nang may panghahamak, at mahirap siyang makasundo. Mukhang hindi talaga siya nagbago.” Hindi nagtagal, napakaraming baguhan ang sumapi sa aming iglesia at kailangang-kailangan namin ng mga tao para sa gawain ng pagdidilig. Sabi ni Brother Liu Zheng na kasamahan ko, nakasama niya sa isang pagtitipon si Jiayi at nagkaroon na ito ng tunay na pagkakilala sa sarili at nagsisi na ito mula nang mapaalis, bukod dito’y nakapagdilig na ito ng mga bagong miyembro dati at epektibo rito. Iminungkahi niya na hayaan namin itong magsagawa ng pagdidilig habang ipinagpapatuloy ang pagninilay niya sa sarili para hindi maantala ang aming gawain. Nang sandaling marinig ko na iminungkahi niya si Jiayi, naisip ko, “Paano magiging epektibo iyon? Hindi mo talaga siya kilala, at hindi siya isang tao na naghahanap sa katotohanan. Narinig mo lang siyang magsalita tungkol sa pagkakaroon ng ilang pagkaunawa, at nag-akala na nagsisi na siya. Kulang ang kakayahan mong suriin ang mga tao at sitwasyon at wala ka ni katiting na pagkakilala.” Mariin kong sinabi sa kanya, “Kilala ko si Jiayi. Mapagmataas siya at ugali niyang maliitin ang mga tao. Mahirap din siyang katrabaho. Noon pa ma’y ganito na siya, hindi mangyayari na nagbago siya, dahil kung ganoon ay hindi siya dapat pinaalis. Sa palagay ko’y hindi siya akma sa tungkulin. Hindi natin dapat ipagawa ang tungkuling iyon sa kanya.” Sinabi pa ni Liu Zheng, “Hindi puwedeng masyado tayong maraming hinihingi. Medyo mapagmataas siya, pero talagang nakilala na niya ang kanyang sarili nang maranasan niyang mapaalis at napagsisihan na niya ang kanyang mga nagawa. Ngayo’y mapagpakumbaba na siya sa kanyang pananalita at marunong na siyang makisama sa iba. May mga pagbabago na sa kanyang pagiging mapagmataas. Dapat nating tratuhin nang nararapat ang mga tao.” Medyo nainis ako nang marinig kong sinabi niya ito. Inisip ko na bago pa lang siya sa tungkulin, kaya ano ang alam niya? Dapat ay makisakay lang siya sa akin. Kaya tumugon ako, nang mas mariin, “Hindi ako basta-basta na lang nagdedesisyon hinggil sa mga tao, pero nakikita ko na hindi siya akma sa tungkuling iyon at hindi natin siya dapat pagdiligin.” Hindi na nagsalita pa si Liu Zheng, nang makita na hindi ko na babaguhin ang aking opinyon.

Hindi nagtagal, at dahil sa kakulangan ng mga taong nagdidilig, ilan sa mga baguhan ang mahihina at negatibo dahil hindi sila kaagad nakatanggap ng pagdidilig, at hindi na sila dumadalo sa mga pagtitipon. Nang malaman ng isang lider kung ano ang nangyayari, kinausap nila ni Liu Zheng si Jiayi. Pagbalik nila, sinabi sa akin ni Liu Zheng, “Napaalis man si Jiayi, siya ay mayabang lamang, wala naman siyang ginawang napakasamang bagay. Ngayon ay kilala na niya ang sarili niya at handa siyang magsisi at magbago. Maaari pa rin siyang linangin. Hindi natin dapat panghabang-buhay na tukuyin ang isang tao batay sa bagay na ginawa niya noon, kundi bigyan siya ng pagkakataong magsisi. Tinalakay namin ito, at si Jiayi ay dapat magsagawa ng gawain ng pagdidilig.” Nang marinig kong muli niyang inirekomenda si Jiayi sa promosyong ito, naisip ko, “Naging napakalinaw ko tungkol doon sa huling pag-uusap namin, at paano lubos na nakapagbago si Jiayi sa loob ng napakaikling panahon? Matagal na akong naglilingkod bilang lider at marunong akong sumuri ng tao, kaya bakit ayaw ninyong tanggapin ang sinasabi ko hinggil dito? Nang sa gayon, hindi kayo magkamali!” Ipinaliwanag kong muli ang aking opinyon, nang talagang mariin. Nang makita kung gaano ko pinaninindigan ang sarili kong ideya, mariing sinabi sa akin ng lider, “Naunawaan namin si Jiayi. Napakinggan na naming ang pagbabahagi niya, nakipag-ugnayan talaga kami sa kanya, at nakita naming medyo nakapagnilay na siya at nakikilala ang sarili. Dapat nating bigyan ang mga tao ng pagkakataong magsisi. Hindi natin dapat tukuyin ang mga tao batay sa kanilang mga nakalipas na pag-uugali. Ang sabi mo’y mapagmataas siya, pero kailan pa hindi pinahintulutang malinang ang mga taong mapagmataas sa sambahayan ng Diyos? Si Jiayi ay akmang-akma sa gawain ng pagdidilig at may mahigpit na pangangailangan para dito ngayon. Tumatanggi kang baguhin ang iyong posisyon at iginigiit na huwag siyang gamitin. Hindi ba’t pagmamatigas ito at pagiging diktatoryal? Ang pagtatalaga ng mga tao sa iglesia ay kailangang dumaan sa iyo. Hindi nila magagampanan ang isang tungkulin nang walang pahintulot mo. Masyado kang mapagmataas at mapagmagaling. Sa paggawa ng anumang gusto mo, hindi mo ba nakikita na direkta mong inaantala ang gawain ng iglesia at ang paglinang nito sa mga taong may talento?” Sumama ang loob ko nang marinig ang ganitong pagwawasto sa akin ng lider, pero medyo laban pa rin ako rito. Naisip ko, “Meron akong mahusay na pagkaunawa sa mga tao, kaya hindi ako maaaring magkamali hinggil kay Jiayi.” Noong oras na iyon, hindi ako maaaring patuloy na hindi sumang-ayon. Kaya may pag-aatubili kong sinabi, “Dahil kapwa kayo may nakitang pagbabago sa kanya, bigyan natin siya ng pagkakataon sa pagdidilig. Papalitan natin siya kung hindi ito umubra.”

Pagbalik sa bahay, naisip ko ang ginawang pagwawasto sa akin ng lider at nainis talaga ako. Batay sa kanyang sinabi, hindi ba’t masama ang ginagawa ko at paglaban ito sa Diyos? Sa diwa ay napakaseryoso nito! Pero naisip ko na pinag-isipan ko ang desisyon kong hindi italaga sa posisyong iyon si Jiayi, kaya bakit nila nasabi iyon tungkol sa akin? Saan ba ako nagkamali? Kaya nanalangin ako sa Diyos para humingi ng tulong: “Diyos ko, nahihirapan akong tanggapin ang pagtabas at pagwawasto. Hindi ko alam kung paano uunawain ang sarili ko rito o kung aling aspeto ng katotohanan ang dapat pasukin. Pakiusap, ipakita Mo po sa akin ang daan.” Nabasa ko ang mga salita na mula sa Diyos matapos ang aking panalangin: “Ano ang ibig sabihin ng pagiging ‘pabasta-basta at padalos-dalos’? Nangangahulugan ito ng pagkilos sa anumang paraan na sa tingin mo ay naaangkop kapag nahaharap sa isang isyu, nang walang anumang proseso ng pag-iisip o paghahanap. Walang masasabi ang sinumang iba pa na makakaantig sa puso mo o magpapabago ng isip mo. Ni hindi mo matanggap kapag ibinabahagi sa iyo ang katotohanan, kumakapit ka sa sarili mong mga opinyon, hindi ka nakikinig kapag may sinasabing anumang tama ang ibang mga tao, naniniwala ka na ikaw ang tama, at kumakapit ka sa sarili mong mga ideya. Kahit tama ang iniisip mo, dapat mo ring isaalang-alang ang mga opinyon ng ibang mga tao. At kung hindi mo talaga gagawin ito, hindi ba ito pagiging masyadong mapagmagaling? Hindi madali para sa mga taong masyadong mapagmagaling at matigas ang ulo na tanggapin ang katotohanan. Kapag gumawa ka ng mali at pinuna ka ng iba na sinasabing, ‘Hindi mo ito ginagawa ayon sa katotohanan!’ sumasagot ka, ‘Kahit hindi, ganito ko pa rin gagawin ito,’ at pagkatapos ay naghahanap ka ng dahilan para isipin nila na tama ito. Kapag sinaway ka nila, na sinasabing, ‘Ang pagkilos mo nang ganito ay nakakagambala, at makakapinsala ito sa gawain ng iglesia,’ hindi ka lamang hindi nakikinig, kundi patuloy ka pang nagpapalusot: ‘Palagay ko ito ang tamang paraan, kaya gagawin ko ito sa ganitong paraan.’ Anong disposisyon ito? (Kayabangan.) Kayabangan ito. Ang mayabang na kalikasan ay ginagawa kang mapagmatigas. Kung mayroon kang mayabang na kalikasan, kikilos ka nang basta-basta at padalos-dalos, nang hindi iniintindi ang sinasabi ninuman(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi). “Malinaw na ipinapakita at ipinahihiwatig sa mga salita ng Diyos kung paano mo dapat tratuhin ang iba; ang saloobin ng Diyos sa pagtrato sa sangkatauhan ang saloobing dapat taglayin ng mga tao sa pagtrato nila sa isa’t isa. Paano tinatrato ng Diyos ang bawat isang tao? Ang ilang tao ay kulang sa gulang ang tayog; o bata pa; o maikling panahon pa lamang nananalig sa Diyos; o hindi masama ang kalikasang diwa, hindi mapag-isip ng masama, kundi ay medyo mangmang lang sila o kulang sa kakayahan. O nasa ilalim sila ng napakaraming pagpigil, at hindi pa nauunawaan ang katotohanan, hindi pa nagkakaroon ng buhay pagpasok, kaya hindi nila maiwasang gumawa ng mga kahangalan o mangmang na mga pagkilos. Ngunit hindi tumutuon ang Diyos sa lumilipas na kahangalan ng mga tao; tumitingin lamang Siya sa puso nila. Kung desidido silang hangarin ang katotohanan, tama sila kung gayon, at kapag ito ang kanilang layon, nagmamasid sa kanila ang Diyos, naghihintay, at nagbibigay ng panahon at mga pagkakataon para makapasok sila. Hindi sila tatanggihan ng Diyos dahil sa iisang paglabag. Iyon ay isang bagay na mga tao ang madalas gumagawa; hindi kailanman tinatrato ng Diyos ang mga tao nang ganoon. Kung ang Diyos ay hindi tinatrato ang mga tao sa ganoong paraan, bakit tinatrato ng mga tao ang iba nang ganoon? Hindi ba ipinapakita nito ang kanilang tiwaling disposisyon? Iyan mismo ang kanilang tiwaling disposisyon. Kailangan mong tingnan kung paano tinatrato ng Diyos ang mga taong mangmang at hangal, kung paano Niya tinatrato ang mga kulang sa gulang ang tayog, kung paano Niya tinatrato ang normal na mga pagpapamalas ng tiwaling disposisyon ng sangkatauhan, at kung paano Niya tinatrato yaong mga may masamang hangarin. Pinapakitunguhan ng Diyos ang iba’t ibang tao ayon sa iba-ibang mga paraan, at mayroon din Siyang sari-saring pamamaraan ng pamamahala sa napakaraming kundisyon ng iba’t ibang mga tao. Kailangan mong maunawaan ang mga katotohanang ito. Kapag naunawaan mo na ang mga katotohanang ito, malalaman mo na sa gayon kung paano danasin ang mga bagay-bagay at tratuhin ang mga tao ayon sa mga prinsipyo(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Para Matamo ang Katotohanan, Dapat Matuto ang Isang Tao mula sa mga Tao, Usapin, at Bagay sa Malapit). Nagsimula akong magnilay sa aking sarili batay sa ibinunyag ng mga salita ng Diyos. Inakala ko na meron akong pangkalahatang karanasan sa pagpili at pagtatalaga ng mga tao at may pang-unawa sa mga prinsipyo. Lalo na kapag ang taong napili ko ay naging matagumpay sa kanyang tungkulin, pakiramdam ko talaga ay meron akong pagkakilala at kaya kong suriin ang mga tao at sitwasyon. Itinuring ko itong puhunan ko, pinuri ko nang husto ang sarili ko, at hindi ako nakinig sa mga mungkahi ng sinuman. Nang himukin ako ni Liu Zheng na pakitunguhan nang patas si Jiayi, tumanggi lang akong pakinggan siya. Tiningnan ko lang si Jiayi batay sa nakita ko sa kanya noon, at inisip na mapagmataas siya at hindi na posibleng magbago, kaya hindi siya puwedeng magsagawa ng gawain ng pagdidilig. Pero ang totoo, malinaw ang mga hinihingi ng sambayahan ng Diyos: Basta’t ang isang tao ay may kakayahang umunawa ng mga pangitain ng katotohanan at may pananagutan sa kanyang tungkulin, maaari siyang linangin at sanayin. Kahit na sa mga taong nakagawa ng mga seryosong paglabag, kung kaya nilang tanggapin ang katotohanan, kung kaya nilang magsisi at magbago, bibigyan pa rin sila ng pagkakataong ipagpatuloy ang pagganap sa isang tungkulin. Palaging makatarungan at patas ang pagtrato ng sambahayan ng Diyos sa mga tao. Anumang uri ng tiwaling disposisyon ang ipinapakita ng isang tao o anuman ang nagawa niya para gambalain ang gawain ng iglesia, basta’t hindi siya napakasamang tao o isang anticristo, ililigtas siya ng Diyos hangga’t kaya Niya, at bibigyan siya ng iglesia ng mga pagkakataon na gampanan ang isang tungkulin at hahayaan siyang magsagawa. Ito ang pag-ibig at pagliligtas ng Diyos. Hindi ko naunawaan ang disposisyon ng Diyos o ang layunin ng Diyos sa pagliligtas ng tao, ni hindi ko nauunawaan ang mga prinsipyo kung paano tinatrato ang mga tao sa sambahayan ng Diyos. Hindi ko tinitingnan ang mga kalakasan ni Jiayi, kundi basta tumatanggi lang na pakawalan ang katiwaliang ipinakita niya noon, hindi makatwiran ang pagkilala ko sa kanya at tinanggihang italaga siya sa pagdidilig ng mga baguhan. Humantong iyon sa hindi pagkakadilig kaagad sa mga bagong mananampalataya at ito’y nakagambala sa gawain ng iglesia. Hindi ba paggawa ito ng kasamaan? Puno ng pagsisisi, lumapit ako sa Diyos at nanalangin, “Diyos ko, labis akong mapagmataas at mapagmagaling. Ayaw ko nang maging sutil sa aking tungkulin. Handa na akong magsisi at magbago.”

Sa sumunod na pagkakataong nakasama ko sa pagtitipon si Jiayi at narinig ko ang pagbabahagi niya. Nagkaroon siya ng tunay na pagkakilala sa sarili at pagsisisi, at lalo akong nahiya at nakonsensiya. Matapos tanggapin ni Jiayi ang gawain ng pagdidilig, naging masigasig at responsable siya sa pagtupad nito, at ang mga kapatid na kanyang diniligan ay umunlad. Kalaunan, itinaas ang posisyon niya para mapangasiwaan niya ang gawain ng pagdidilig ng ilang iglesia. Nang makita ko kung gaano kahusay na ginagampanan ang kanyang tungkulin, lalo akong napahiya. Kinamuhian ko kung gaano ako naging mapagmataas, at kung gaano naging hindi makatwiran ang pagkilala ko kanya, kaya tumanggi akong italaga siya sa tungkulin at inantala ko ang gawain ng iglesia. Napagtanto ko na hindi ko taglay ang katotohanan at hindi ko kayang suriin ang mga tao at sitwasyon. Naintindihan ko ang ilang doktrina at panuntunan mula sa lahat ng aking mga karanasan, subalit ang gawain ng iglesia ay hindi magagawa nang mahusay sa pamamagitan ng pagsandig lang sa mga ito. Matapos ang insidenteng iyon, naging mas maingat ako sa pagpili ng mga tao, at kapag sumusulpot ang pagiging sutil ko at ang pagnanais ko na masunod, sinisigurado kong manalangin at talikdan ang aking sarili, at mas makinig sa sasabihin ng lahat. Inakala ko na nagbago na ako nang kaunti, pero laking gulat ko nang may nangyari kalaunan na muling naglantad sa akin.

Makalipas ang anim na buwan, kailangang-kailangan ng iglesia ng dalawang tao para sa gawain sa general affairs. Pinagtuunan ko ito ng pansin at nakahanap ako ng dalawang kapatid na responsable at kayang humarap sa iba’t ibang sitwasyon, pero sila ay mga banta sa kaligtasan. Pero naisip ko na dahil hindi naman sila gagawa ng tungkulin sa lokal na lugar nila, walang magiging problema sa pagganap nila rito. Kailangang-kailangan talaga ng mga tao at noong oras na iyon ay wala akong nakitang mas mahusay na kandidato, kaya nagdesisyon akong gamitin sila pansamantala at palitan na lang sila kapag may dumating na mas mahusay. Kaya sinabi ko kay Liu Zheng na nais kong si Sister Zhao Aizhen ang mangasiwa sa general affairs ng iglesia. Ang tugon niya ay, “Dapat ay lubos nating sundin ang mga prinsipyo sa pagpili ng mga tao. Hindi sila maaaring gumawa sa iglesia kung may problema sa seguridad. Banta sa kaligtasan si Aizhen kaya hindi siya akma para sa gawaing ito. Dapat tayong sumunod sa mga prinsipyo.” Nang makitang hindi siya sang-ayon, sinalungat ko siya. Sabi ko, “Hindi natin iyon dapat problemahin masyado. Sa palagay mo ba’y hindi ka nagiging masyadong matatakutin? Totoong kilalang-kilala siya sa bayang kinalakhan niya bilang nananalig, pero maraming taon na mula nang siniyasat siya ng mga pulis. Bukod diyan, mayroon siyang tapang at talino. Alam ko ito tungkol sa kanya. Sa puntong ito, palagay ko’y wala tayong mas mahusay na kandidato. Kailangan ng tao ng general affairs natin. Hindi tayo dapat bulag na sumusunod sa mga panuntunan.” Pinakinggan niya ako, at pagkatapos ay iginiit, “Ang pagtatalaga sa gawaing ito ng isang taong may dalang panganib ay lumalabag sa mga prinsipyo. Dapat nating unahin ang kaligtasan.” Lubos kong binalewala ang kanyang sinasabi at iginiit ang paggamit kay Aizhen. Pagkatapos noon, isinaayos ko ang isa pang sister na may dala ring banta sa kaligtasan na magtrabaho sa general affairs. Hindi nagtagal, dahil kilala na naniniwala sa Diyos, pinagsuspetsahan at minanmanan si Aizhen ng mga pulis ng CCP. Dahil madalas siyang bumisita sa mga tahanan ng ilang kapatid, minanmanan na rin ang mga kapatid na ito, at hindi makagawa ng mga tungkulin nila nang normal. Labis na nahadlangan ang gawain ng iglesia.

Nang malaman ng lider ang tungkol dito at natuklasang ito ay dahil iginiit ko ang pagtatalaga sa isang taong banta sa kaligtasan, malupit niya akong iwinasto: “Napakamapagmataas mo at sutil. Lagi kang kumikilos nang hindi makatwiran sa iyong tungkulin, at tumataliwas sa mga prinsipyo. Sa pagkakataong ito, malubha nitong napinsala ang gawain ng iglesia. Hindi ba’t pagsisilbi iyan bilang tauhan ni Satanas at paggambala sa gawain ng iglesia? Batay sa iyong patuloy na pag-uugali, napagdesisyunan namin na tanggalin ka.” Ang marinig ito’y talagang isang sampal sa mukha ko, at iniwan ako nitong lubos na tulala. Naisip ko, “Tapos na. Nakagawa ako ng napakalaking kasamaan. Paano kung ang mga kapatid na nasangkot ay arestuhin? Kung magkagayon, talagang napakasama ng nagawa ko.” Lalo akong natakot nang mas inisip ko ito. Labis akong nakonsensiya. Pakiwari ko’y may nakasaksak na kutsilyo sa aking puso at nawalan ako ng motibasyon na gumawa ng anumang bagay. Araw-araw akong namumuhay sa paghihirap na ito, nananalangin sa Diyos at paulit-ulit na inaamin ang aking pagkakamali: “Diyos ko, napakamapagmataas ko, at labis ang pagtingin sa sarili. Ang pagkasutil ko po ay nagdulot ng napakalaking pinsala sa gawain ng iglesia. Handa po akong tanggapin ang anumang kaparusahan na nais Mo pong ibigay sa akin, pakiusap lang, protektahan Mo po sa pagkakaaresto ang aking mga kapatid.” Natuklasan ko kalaunan na ang naturang mga miyembro ng iglesia ay nailipat sa oras, at nakatakas sa pagkakadakip. Sa wakas ay nakahinga na ako nang maluwag.

Matapos ang pangyayari, nagnilay ako sa aking sarili. Bakit ba lagi akong napakasutil sa aking tungkulin? Saan ba talaga nanggaling ang mga iyon? Nabasa ko sa salita ng Diyos: “Kung tunay mong nauunawaan ang katotohanan sa iyong puso, malalaman mo kung paano isagawa ang katotohanan at sundin ang Diyos, at natural na matatahak ang landas ng paghahanap ng katotohanan. Kung tama ang landas na tinatahak mo, at nakaayon ito sa kalooban ng Diyos, hindi ka iiwanan ng gawain ng Banal na Espiritu—kung magkagayon ay mababawasan nang mababawasan ang pagkakataon mong pagtaksilan ang Diyos. Kung wala ang katotohanan, madaling gumawa ng masama, at gagawin mo iyon kahit ayaw mo. Halimbawa, kung mayroon kang mapagmataas at palalo na disposisyon, walang kaibahan kung sabihan kang huwag kalabanin ang Diyos, hindi mo mapigilan ang sarili mo, hindi ito sakop ng kontrol mo. Hindi mo gagawin ito nang sadya; gagawin mo ito dahil nangingibabaw ang iyong likas na pagmamataas at kapalaluan. Dahil sa iyong pagmamataas at kapalaluan, hahamakin mo ang Diyos at hindi mo Siya bibigyan ng halaga; magiging dahilan ang mga ito para dakilain mo ang iyong sarili, palaging ibandera ang iyong sarili; magiging dahilan ang mga ito para hamakin mo ang iba, para wala nang matira sa puso mo kundi ang sarili mo; nanakawin ng mga ito ang puwang ng Diyos sa puso mo, at sa huli ay magiging sanhi ang mga ito para ilagay mo ang iyong sarili sa puwesto ng Diyos at hingin sa mga tao na magpasakop sila sa iyo, at magiging dahilan para igalang mo ang sarili mong mga kaisipan, ideya at kuru-kuro bilang katotohanan. Napakaraming kasamaan ang ginagawa ng mga tao dahil nangingibabaw ang kanilang mapagmataas at palalong kalikasan!(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Sa Pamamagitan Lamang ng Paghahanap sa Katotohanan Matatamo ng Isang Tao ang Pagbabago sa Kanyang Disposisyon). Nakita ko mula sa mga salita ng Diyos na ang paulit-ulit na di-makatwirang pag-uugali ko sa aking tungkulin ay nagmula sa pagiging kontrolado ng aking likas na pagiging mapagmataas at mapagpahalaga sa sarili. Dahil likas akong mapagmataas at mapagpahalaga sa sarili, parating napakataas ng tingin ko sa aking sarili at pakiramdam ko’y mas magaling ako kaysa sa lahat, na mas tama ako kaysa kaninuman, kaya dapat na ako ang may huling salita sa mga usapin sa iglesia. Kapag nabuo ang isip ko sa isang bagay, tumatanggi akong tingnan ito sa ibang paraan, at hindi ako nakikinig sa sinuman. Gusto ko pang sundin ng mga tao ang mga ideya ko na para bang ang mga ito ay mga katotohanang prinsipyo. Alam kong banta sa kaligtasan ang dalawang kapatid at hindi sila bagay sa gawain sa general affairs, at ako mismo ay may pag-aalinlangan hinggil dito, pero hindi ko pa rin talaga maisantabi ang sarili ko at mahanap ang kalooban ng Diyos. Binalewala ko ang pagsaway at patnubay ng Banal na Espiritu, at hindi ko pinakinggan ang paghikayat ni Liu Zheng na huwag itong gawin. Gusto kong ako ang masunod, at sa huli ay lubha kong napinsala ang gawain ng iglesia. Kung nagkaroon lang ako ng kahit kaunting pagnanais na hanapin ang katotohanan at magpasakop, kung nakinig lang ako sa mga mungkahi ni Liu Zheng, wala sanang ganito kateribleng resulta. Nakaramdam ako ng labis na pagsisisi at paninisi sa sarili nang mapagtanto ko ang lahat ng ito, at kinamuhian ko ang aking pagmamataaas at pagkasutil. Hindi tumitigil ang Partido Komunista sa pagtatangkang sirain ang gawain ng Diyos, ginagamit ang lahat ng uri ng taktika para pahirapan at arestuhin ang Kanyang mga taong hinirang. At hindi makatwiran kong nilabag ang mga prinsipyo, at nagdesisyong italaga sa mga tungkulin ang mga hindi ligtas na tao, na naging dahilan kaya minanmanan ang ibang mga kapatid. Hindi ba’t ito’y pagiging kasabwat ni Satanas? Kung naaresto at nakulong ang mga kapatid na iyon, talagang terible ang kalalabasan nito! Mas lalo akong natakot nang maisip ko ito. Nakita ko na ang mga kalalabasan ng pagkilos batay sa mapagmataas na disposisyon ay napakalaki. Nakagawa na ako ng ilang gawain at inisip na napakagaling ko, kaya hindi ko masyadong iniisip ang ibang mga tao, at wala sa puso ko ang Diyos. Ni hindi ko sineseryoso ang mga katotohanang prinsipyo, at ginamit lang bilang puhunan ang anumang gawaing naisagawa ko na. Ginawa ko lang kung ano ang gusto ko. Naging mapagmataas ako hanggang sa puntong lubos na wala na ako sa katwiran. Naisip ko ang lahat ng anticristo na napatalsik mula sa iglesia. Napakamapagmataas nila, diktatoryal at wala sa katwiran sa kanilang tungkulin, at malubhang ginambala ang gawain ng iglesia. Sa huli, napakaraming kasamaan ang nagawa nila kaya sila tinanggal sa iglesia. Kung hindi nalutas ang aking mapagmataas na disposisyon, hindi ko mapipigilang gumawa ng kasamaan at labanan ang Diyos, at sa huli ay palalayasin ako ng Diyos. Nadama ko sa puso ko kung gaano kasama ang mamuhay batay sa aking mapagmataas na disposisyon. Kahit na nakagawa ako ng malaking kasamaan, hindi pa rin ako pinatalsik ng iglesia, kundi tinanggal lang ako. Binigyan pa ako ng kaliwanagan at ginabayan ng Diyos gamit ang Kanyang mga salita, at binigyan ako ng pagkakataon na pagnilayan at kilalanin ang aking sarili, na magsisi at magbago. Ramdam na ramdam ko talaga ang pag-ibig ng Diyos at labis akong nanghinayang. Pakiramdam ko’y handa na akong magsisi at magbago.

Pagkatapos noon, sinimulan kong sadyang hanapin kung paano lutasin ang problema ng pagkakaroon ng mapagmataas na disposisyon, pagiging wala sa katwiran at sutil sa aking tungkulin. Nabasa ko ang siping ito ng mga salita ng Diyos: “Kung gayon, paano mo lulutasin ang iyong pagiging pabasta-basta at padalos-dalos? Sabihin na, halimbawa, na may nangyari sa iyo at may sarili kang mga ideya at plano. Bago mo pagpasyahan kung ano ang gagawin, dapat mong hanapin ang katotohanan, at dapat ka man lang magbahagi sa lahat tungkol sa iniisip at pinaniniwalaan mo tungkol sa bagay na iyon, na hinihiling sa lahat na sabihin sa iyo kung tama ang iyong mga iniisip at kung naaayon ang mga ito sa katotohanan, at na magsagawa sila ng mga pagsusuri para sa iyo. Ito ang pinakamagandang pamamaraan para malutas ang pagiging pabasta-basta at padalos-dalos. Una, maaari mong ipaliwanag ang mga pananaw mo at hanapin ang katotohanan—ito ang unang hakbang ng pagsasagawa para malutas ang pagiging pabasta-basta at padalos-dalos. Nangyayari ang ikalawang hakbang kapag nagpapahayag ang ibang mga tao ng salungat na mga opinyon—paano ka magsasagawa para maiwasang maging pabasta-basta at padalos-dalos? Dapat ka munang magkaroon ng saloobing mapagpakumbaba, isantabi ang pinaniniwalaan mong tama, at hayaang makapagbahaginan ang lahat. Kahit naniniwala ka na tama ang iyong paraan, hindi mo ito dapat ipagpilitan. Iyan ay isang uri ng pagsulong; ipinapakita nito na hinahanap mo ang katotohanan, ng pagtanggi sa iyong sarili, at ng pagbibigay-kasiyahan sa kalooban ng Diyos. Kapag nagkaroon ka na ng ganitong saloobin, kasabay ng hindi pagkapit sa sarili mong mga opinyon, dapat kang magdasal, hanapin ang katotohanan mula sa Diyos, at pagkatapos ay humanap ng batayan sa mga salita ng Diyos—tukuyin kung paano kikilos batay sa mga salita ng Diyos. Ito ang pinakaangkop at tumpak na pagsasagawa. Kapag hinahanap mo ang katotohanan at inilalabas ang isang problema para sama-samang mapagbahaginan at masiyasat ng lahat, sa panahong iyon nagbibigay ng kaliwanagan ang Banal na Espiritu. Binibigyang-liwanag ng Diyos ang mga tao ayon sa mga prinsipyo, sinisiyasat Niya ang kanilang saloobin. Kung ayaw mong makipagkompromiso kahit tama man o mali ang pananaw mo, itatago ng Diyos ang Kanyang mukha mula sa iyo at babalewalain ka; hindi ka Niya hahayaang umusad, ilalantad ka Niya at ibubunyag ang iyong pangit na kalagayan. Sa kabilang banda, kung tama ang iyong saloobin, hindi mapilit sa sarili mong paraan, ni hindi mapagmagaling, ni hindi pabasta-basta at padalos-dalos, bagkus ay saloobin ng paghahanap at pagtanggap sa katotohanan, kung makikipagbahaginan ka sa lahat, kung gayon ay magsisimulang gumawa sa iyo ang Banal na Espiritu, at marahil ay aakayin ka Niya sa pag-unawa sa pamamagitan ng mga salita ng iba. Minsan, kapag binibigyang-liwanag ka ng Banal na Espiritu, inaakay ka Niya na maunawaan ang pinakakahulugan ng isang bagay sa pamamagitan lamang ng ilang salita o parirala, o sa pagbibigay sa iyo ng isang ideya. Napagtatanto mo, sa sandaling iyon, na anuman ang iyong kinakapitan ay mali, at, sa sandali ring iyon, nauunawaan mo ang pinakaangkop na paraan ng pagkilos. Sa pagdating sa gayong antas, hindi ba’t nagtagumpay ka nang maiwasan ang paggawa ng kasamaan, at kasabay niyon ay naiwasan mo na ang pagpasan ng mga kahihinatnan ng isang pagkakamali? Hindi ba’t pangangalaga ito ng Diyos? (Oo.) Paano nakakamit ang ganoong bagay? Natatamo lamang ito kapag mayroon kang may-takot-sa-Diyos na puso, at kapag hinahanap mo ang katotohanan nang may pusong masunurin. Kapag natanggap mo na ang kaliwanagan ng Banal na Espiritu at natukoy ang mga prinsipyo para sa pagsasagawa, ang iyong pagsasagawa ay maaayon sa katotohanan, at magagawa mong matugunan ang kalooban ng Diyos(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi). Matapos mabasa ito, naunawaan ko na para malutas ang aking pagmamataas at pagiging sutil, ang pinakamahalaga ay ang pagkakaroon ng may-takot-sa-Diyos na puso at saloobin na naghahanap sa katotohanan. Hindi ko puwedeng igiit ang sarili kong pananaw sa mga bagay-bagay na nangyayari, kundi dapat kong talakayin sa aking mga kapatid ang mga bagay-bagay. Kung sama-sama kaming gagawa nang matiwasay, makakamit ang patnubay ng Diyos. Kung may ibang opinion ang isang tao, dapat ko muna itong tanggapin, at pagkatapos ay magdasal sa Diyos, maghanap ng katotohanan, at isagawa ang mga prinsipyo. Kung pagmamatigasan ko ang pagkapit sa sarili kong kaisipan, walang paraan para makamit ko ang gawain ng Banal na Espiritu. Hindi ako magkakaroon ng kabatiran sa anuman at makakagambala ako sa aking tungkulin. Pinag-isipan ko kung paanong nakagawa ako ng napakalaking kasamaan dahil sa aking mapagmataas na kalikasan, at dahil walang lugar sa puso ko ang Diyos. Nagmula ito sa pagnanais kong maging panginoon at maestro ng lahat, mula sa hindi pakikipagtrabaho nang maayos sa iba. Nang mapagtanto ito, tahimik akong nangako na titigil na ako sa pagiging matigas ang ulo kapag may mga bagay-bagay na nangyayari, kundi hahanapin ang mga katotohanang prinsipyo at mas makikipag-usap sa iba. Makikinig ako sa sinuman na may ideyang naaayon sa mga katotohanang prinsipyo.

Pagkatapos noon, nahalal ako bilang lider ng grupo, na mangangasiwa sa gawain ng pagdidilig. Talagang nagpasalamat ako at pinahalagahan ko ang tungkuling iyon. Palagin kong binabalaan ang sarili ko na dapat kong lubos na matutunan ang aral mula sa aking pagkabigo, at na hindi ko na dapat hayaan pa na maging sutil ako dahil sa pagiging likas na mapagmataas ko. Kapag may problemang dumarating, nagkukusa akong puntahan ang mga kapatid upang talakayin ang mga bagay-bagay sa kanila. Minsan, nakatanggap ako ng liham mula sa isang lider na nagsasabing kailangan naming humanap ng mga taong akma sa gawain ng pagdidilig. Nang pagtuunan ko ito ng pansin, pakiwari ko’y akma si Sister Su Xing, pero ayon sa pagtasa ng iba noon, mayroon likas siyang mapagmataas at hindi niya tinatanggap ang mga payo at tulong ng mga kapatid. Dahil dito, naisip ko na hindi niya tatanggapin ang katotohanan, kaya hindi siya isang tao na dapat linangin. Nang maisip ko ito, napagtanto ko na nagiging hindi makatwiran ulit ang pagkilala ko sa isang tao, at naalala ko ang isang bagay na sinabi ng Diyos: “Kung hindi gagawa ang isang tao ng sarili niyang mga pasya, tanda iyan na hindi siya mapagmagaling; kung hindi niya ipinipilit ang sarili niyang mga ideya, tanda iyan na may pang-unawa sila. Kung kaya rin niyang magpasakop, nakaya na niyang isagawa ang katotohanan(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Pagpapasakop sa Diyos ay Isang Pangunahing Aralin sa Pagkakamit ng Katotohanan). Alam kong hindi ko puwedeng igiit na ako na naman ang dapat ang may huling salita, kundi dapat ko itong talakayin sa kapatid na kasama ko sa gawain at pakinggan ang kanyang mga mungkahi. Nang ipaliwanag ko sa kanya ang aking posisyon, tumugon siya, “Batay sa mga pagsusuring ito, mukha talagang mapagmataas si Su Xing, pero ang lahat ng ito ay batay na katiwalian na ipinakita niya noon. Hindi natin alam kung nadagdagan ang pagkakilala niya sa sarili. Hindi natin dapat pigilin ang isang taong may talento, kaya pasulatin natin siya ng isang pagninilay sa sarili at pagkatapos ay hingin ang opinyon ng mga kapatid na malapit niyang nakakasalamuha. Puwede nating tingnan ang lahat ng ito at makita kung siya ay magandang maging kandidato para sa tungkuling ito. Ang paraang ito ang mas mainam.” Ang dating sa akin ng mungkahi niya ay tila akma ito sa mga katotohanang prinsipyo. Kapag kinilala ko si Su Xing na isang tao na hindi akmang linangin batay lang sa opinyon ng iilang kapatid, masyado itong wala sa katwiran. Dapat naming tingnan kung anong uri ng pagmamataas ang mayroon siya. Kung ito’y hindi makatwiran at bulag na pagmamataas at lubusang pagtanggi na tanggapin ang katotohanan, talagang hindi siya nararapat sa tungkulin. Kung mapagmataas siya ngunit may mabuting pagkatao, at kaya niyang tanggapin ang katotohanan, at kaya niyang makilala ang kanyang sarili at magbago matapos mapungusan at maiwasto, normal na paghahayag ito na katiwalian. Hindi natin maaaring pareho ang pagtrato natin sa magkakaibang bagay. Nang natanggap namin ang pagninilay sa sarili ni Su Xing at ang pagsusuri ng mga kapatid, nakita namin na nagkaroon siya ng ilang pagbabago at nakagawa ng ilang pagpasok, at siya’y isang taong kayang tumanggap ng katotohanan. Inirekomenda namin siya para sa gawain ng pagdidilig. Simula noon, hindi ko na ginagawa nang may pagmamataas at pagmamatigas ang tungkulin tulad ng dati, hindi ako basta nagdedesisyon nang mag-isa, kundi nakikinig ako sa mga mungkahi ng iba at hinahanap ang mga katotohanang prinsipyo. Sa ganitong uri ng pagsasagawa, nakakaramdam ako ng kapayapaan at wala akong pagkabalisa. Ganap na dahil sa pagbabasa ng mga salita ng Diyos kaya natamo ko ang pagbabagong ito.

Sinundan: 82. Sa Walang Humpay na Pagpapahirap

Sumunod: 84. Panghawakan ang mga Prinsipyo upang Magawa Nang Mabuti ang Isang Tungkulin

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

88. Ang Hirap ng Kulungan

Ni Xiao Fan, TsinaIsang araw noong Mayo 2004, dumadalo ako sa isang pagtitipon kasama ng ilang kapatid nang biglang pumasok ang mahigit 20...

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito