84. Panghawakan ang mga Prinsipyo upang Magawa Nang Mabuti ang Isang Tungkulin

Ni Xu Nuo, Tsina

Noong Agosto 2019, si Sister Lin Xin, na lider ng isang iglesia, ay sumulat ng liham ng pagbibitiw. Isinaayos ng aking lider na magpunta ako sa iglesiang ito upang mag-imbestiga. Sinabi niya na kung talagang hindi makagawa si Lin Xin ng praktikal na gawain, dapat siyang alisin at dapat magkaroon ng panibagong eleksyon. Pagkarating ko, sinabi sa akin ng mga diyakono roon ang sitwasyon ni Lin Xin, sabi nila na sa sandaling may kinalaman ang anuman sa mga interes ng kanyang pamilya o sa sarili niya, isinasantabi niya ang gawain ng iglesia at iniiwan ang lahat para asikasuhin ng kapareha niyang sister. Dahil dito ay naging mabigat ang trabaho ng kapareha niya, at hindi nagagawa nang maayos ang pagsubaybay sa gawain. May ilang agarang bagay na hindi agad nalulutas. Maraming beses nang nag-alok ng tulong at suporta ang mga nakatataas na lider kay Lin Xin, pero hindi pa rin siya nagbago at hindi maaayos ang mga bagay-bagay. Wala siyang kaliwanagan sa kanyang pagbabahagi tungkol sa salita ng Diyos sa mga pagtitipon, at kapag may mga problema o paghihirap ang mga kapatid, hindi siya makapagbahagi tungkol sa katotohanan para lutasin ang mga iyon, ang kaya niya lang gawin ay palakasin ang loob nila gamit ang mga salita at doktrina, o gumagamit siya ng mga sarili niyang pamamaraan at makamundong pilosopiya upang lutasin ang mga bagay-bagay. Halimbawa, kung nasa hindi magandang kalagayang espirituwal ang isang kapatid dahil sa karamdaman, sasabihin lang niya sa kanya kung anong mga doktor ang dapat puntahan at anong mga produktong pangkalusugan ang dapat inumin, sa halip na gabayan siya na hanapin ang kalooban ng Diyos, at matuto ng aral. Isa pa, kapag may mga taong nagsasalita tungkol sa mga pamumuhunan tuwing may mga pagtitipon, hindi lamang walang pagkakilala si Lin Xin upang ilantad at pigilan sila, nakikisali pa siya at nag-aanyaya sa mga kapatid niya na gawin din iyon. Maraming beses na siyang pinaalalahanan ng ilang kapatid na tumuon sa paghahanap sa katotohanan at pagtupad sa kanyang mga tungkulin, pero hindi siya nakinig. Sa takot na sabihin ng mga kapatid niya na nagnanasa siya sa pera, palihim siyang namuhunan at nalugi ng mahigit 400,000 yuan, na lalong naglayo ng atensyon niya mula sa mga tungkulin niya. Nagpapabaya si Lin Xin sa mga tungkulin niya at hindi gumagawa ng praktikal na gawain, kaya ang buhay-iglesia roon ay hindi epektibo, at negatibo at mahina ang pakiramdam ng mga kapatid. Ang iba sa kanila ay ayaw nang pumunta sa mga pagtitipon, at siya mismo ay takot makipagpulong sa mga kapatid, dahil hindi niya malutas ang kanilang mga problema.

Matapos marinig ang ulat ng mga diyakono sa sitwasyon, naisip ko, “Hindi hinahanap ni Lin Xin ang katotohanan o gumagawa ng praktikal na gawain, at ang mga pananaw niya sa mga bagay-bagay ay tulad ng sa isang hindi mananampalataya. Paano niya mapamumunuan ang isang simbahan nang ganoon? Kahit na wala ang liham niya ng pagbibitiw, siya ay dapat alisin bilang isang huwad na lider dahil sa kanyang asal.” Kaya hinanap ko ang nauugnay na prinsipyo at, base roon at sa kanyang asal, nagbahagi ako tungkol sa pagkilala. Nang matapos ako, kinumpirma ng lahat ng diyakono na wala kay Lin Xin ang gawain ng Banal na Espiritu. Pero nang sabihin ko ang tungkol sa pag-aalis kay Lin Xin sa kanyang mga tungkulin, sinabi ng isa sa mga diyakono na, “May mabuting pagkatao si Lin Xin, tinutulungan niya ang kanyang mga kapatid sa anumang suliranin hangga’t kaya niya, at siya ay palakaibigan at hindi mapagpanggap.” Sinabi ng isa na si Lin Xin ay may magaling na kakayahan, matalino, at kapag hindi maganda ang kalagayan ng mga kapatid o medyo nahihirapan sila, kaya niya silang aluhin. Kapag naalis siya, hindi makakahanap ang iglesia ng mas nararapat na lider. Sabi rin ng isa pang diyakono, “Maaaring pansamantala lang na nasa masamang kalagayan si Lin Xin. Subukan muna natin siyang tulungan.” Pinag-usapan nila ito at nagkasundo silang lahat na hindi siya dapat tanggalin. Ayon sa mga prinsipyo sa pagpapalit ng mga lider at manggagawa, kung ang isang lider o manggagawa ay hindi nakatatanggap ng gawain ng Banal na Espiritu at hindi nakagagawa ng praktikal na gawain sa loob ng mahabang panahon, dapat siyang palitan. Kung wala siyang gawain ng Banal na Espiritu at pananatilihin natin siya, hindi ba’t sinusuway natin ang gusto ng Diyos? Nakita lang ng mga diyakonong ito na kaya ni Lin Xin na mag-alaga ng mga tao, na isinasaalang-alang niya ang mga pisikal nilang interes, medyo mapagmahal siya, at may kaunting talino at kakayahan, pero hindi nila makita kung isa siyang taong naghahanap sa katotohanan, o kung kaya niyang gumawa ng praktikal na gawain. Hindi nila ginagamit ang mga pamantayan ng sambahayan ng Diyos sa pagpili ng mga tao upang suriin siya. Malinaw na si Lin Xin ay isang taong hindi naghahanap sa katotohanan at may mga pananaw na katulad na katulad ng sa mga hindi mananampalataya. Hindi siya nagbabahagi tungkol sa katotohanan kapag may mga nangyayari at ni hindi niya kayang lumutas ng mga praktikal na suliranin sa pagpasok sa buhay ng mga kapatid. Siya ay nahayag na bilang isang huwad na lider. Kung mananatili siya sa kanyang mga tungkulin, mahahadlangan at magagambala lang niya ang gawain ng iglesia at maaantala ang pagpasok sa buhay ng mga kapatid. Kaya nakipagbahaginan uli ako sa mga diyakono tungkol sa pagpapalit sa kanya. Pagkatapos ng pagbabahagi ko, tahimik ang lahat ng diyakono, pero nakikita kong hindi pa rin sila sumasang-ayon na alisin siya. Sa puntong iyon, nag-alinlangan ako, “Kung ipipilit ko rito ang pananaw ko at ipagpapatuloy ang pagbabahagi tungkol sa katotohanan at pagkilala kay Lin Xin, sasabihin kaya ng mga diyakonong ito na masyado akong mapagmataas at hindi makatwiran at hindi tumatanggap ng opinyon ng ibang tao? Kapag nasira ko ang relasyon ko sa mga diyakonong ito ngayong kararating ko pa lang, magiging mas mahirap ang nalalabi kong trabaho.” Nang maisip ko ito, tumigil ako sa pagbabahagi sa mga diyakono tungkol sa mga prinsipyo ng pagkilala sa mga huwad na lider, at iniulat ko ang sitwasyon ng iglesia sa lider na nakatataas sa akin. Naisip ko na kapag sumang-ayon sa aking pananaw ang lider, puwede ko nang alisin si Lin Xin, at hindi magkakaroon ng masamang tingin sa akin ang mga diyakonong iyon. Pagkatapos noon, pinuntahan ko ang ibang mga sister sa iglesiang iyon para malaman ang mga pananaw nila kay Lin Xin, pero natuklasan kong wala ring pagkakilala sa kanya ang mga sister na ito. Sinabi nilang lahat na siya ay may mabuting pagkatao, mapagmahal sa kanila, isinasaalang-alang ang mga paghihirap nila, at matalino at may kakayahan. Ang pananaw nila ay kapareho ng sa mga diyakono. Nang makita ko ito, hindi na ako naglakas-loob magbahagi tungkol sa katotohanan upang makilala si Lin Xin. Nangamba akong sasabihin nilang mapagmataas ako, nag-aakalang mas matuwid kaysa sa iba, at binabalewala ang mga pananaw ng iba, at na magkakaroon sila ng masamang tingin sa akin. Kaya’t pasibo ko na lang na hinintay ang sulat ng lider ko na naglalaman ng sagot. Sa ganoong paraan, hindi ko pasan ang usapin ng pag-aalis kay Lin Xin. Malinaw kong nakita na wala sa mga kapatid na ito ang katotohanan at hindi nila kayang kumilala, pero ayaw kong magbahagi sa kanila. Noong mga araw na iyon, nakadama ako ng kadiliman sa kalooban ko, at hindi ko maramdaman ang presensya ng Diyos. Kaya agad akong lumapit sa Diyos at nanalangin upang hilingin ang Kanyang kaliwanagan at patnubay para malaman ko ang aking kalagayan.

Makalipas ang ilang araw, hiniling ng lider ko na makipagkita sa akin. Binasa namin ang isang sipi ng mga salita ng Diyos: “Sa sambahayan ng Diyos, dapat mong unawain ang prinsipyo ng bawat tungkulin na ginagampanan mo, kahit ano pa ito, at maisagawa ang katotohanan. Iyan ang kahulugan ng magkaroon ng prinsipyo. Kung hindi malinaw sa iyo ang isang bagay, kung hindi ka sigurado kung ano ang nararapat na gawin, hangarin na makipagbahaginan upang may mapagkasunduan. Sa sandaling mapagpasyahan na kung ano ang pinakamainam para sa gawain ng iglesia at sa mga kapatid, gawin mo iyon. Huwag magpatali sa mga tuntunin, huwag magpaliban, huwag maghintay, huwag maging isang tagamasid na walang ginagawa. Kung lagi kang isang tagamasid, at kahit kailan ay wala kang sariling opinyon, kung lagi ka na lang maghihintay hanggang sa ibang tao ang nakagawa ng desisyon bago ka gumawa ng anumang bagay at, kapag walang nagdesisyon, nagmamabagal at naghihintay lamang, ano ang kahihinatnan nito? Nahihinto ang bawat bahagi ng gawain, at wala tuloy natatapos. Dapat kang matutong hanapin ang katotohanan, o makakilos man lang ayon sa iyong konsiyensya at katwiran. Basta’t malinaw sa iyo ang angkop na paraan para gawin ang isang bagay, at iniisip ng ibang nakararami na ayos naman ang paraang iyon, dapat kang magsagawa sa gayong paraan. Huwag kang matakot na akuin ang responsabilidad para sa bagay na ito, o mapasama ang loob ng iba, o magkaroon ng masamang kahihinatnan. Kung walang anumang tunay na ginagawa ang isang tao, at lagi siyang may binabalak gawin, at takot siyang umako ng responsabilidad, at hindi nangangahas na itaguyod ang mga prinsipyo sa mga bagay na kanyang ginagawa, ipinapakita nito na siya ay partikular na mapanlinlang at tuso, at napakarami niyang masamang pakana. Napakasama namang maghangad na tamasahin ang biyaya at mga pagpapala ng Diyos gayong wala namang ginagawang totoo. Wala nang higit pang kinamumuhian ang Diyos kundi ang gayong mga tao na tuso at mahilig makipagsabwatan. Kahit ano pa ang iniisip mo, hindi mo isinasagawa ang katotohanan, wala kang katapatan, at laging sangkot ang mga pansarili mong isinasaalang-alang, at lagi kang may sariling mga kaisipan at ideya. Pinagmamasdan ng Diyos ang mga bagay na ito, alam ng Diyos—akala mo ba ay hindi alam ng Diyos? Kahangalang isipin ito! At kung hindi ka magsisisi kaagad, mawawala sa iyo ang gawain ng Diyos. Bakit ito mawawala sa iyo? Dahil sinusuri ng Diyos ang pinakatatagong pagkatao ng mga tao. Nakikita Niya, nang malinaw na malinaw, ang lahat ng mga pakana at panloloko na mayroon sila, at alam Niyang walang puwang sa puso nila ang Diyos, na hindi Niya sila kaisang-puso. Ano ang mga pangunahing bagay na naglalayo sa puso nila sa Diyos? Ang kanilang mga saloobin, kanilang mga interes at pagmamalaki, ang kanilang katayuan, at ang sarili nilang mumunting pakana. Kapag may mga bagay sa puso ng mga tao na naglalayo sa kanila sa Diyos, at lagi silang abala sa mga bagay na ito, laging nagpapakana, problema ito(Pagbabahagi ng Diyos). Nalaman ko sa salita ng Diyos na kapag gumagawa ng tungkulin ang isang tao sa iglesia, dapat na nakabatay ang lahat sa mga katotohanang prinsipyo. Sa mga usaping hindi natin malinaw na nakikita, maaari tayong magtalakayan, magkaroon ng kasunduan, at gawin kung anuman ang magiging pinakakapaki-pakinabang sa gawain ng iglesia. Sa mga usaping malinaw nating nakikita, kailangan nating isagawa ang katotohanan at kumilos ayon sa mga prinsipyo. Tanging sa paggawa nito natin isinasaalang-alang ang kalooban ng Diyos. Pero kung wala tayong tapat na puso, kung nandaraya tayo sa harap ng Diyos, at lagi nating sinusubukang protektahan ang ating mga pansariling interes, kung nauunawaan natin ang katotohanan pero hindi ito isinasagawa, at hindi tayo nagpapakita ng katapatan o pagsasaalang-alang sa Diyos, hindi natin kailanman matatanggap ang gawain ng Banal na Espiritu at hindi natin kailanman matatanggap ang kaliwanagan at patnubay ng Diyos sa ating mga tungkulin. Malinaw ko nang natukoy na si Lin Xin ay isang taong hindi naghahanap sa katotohanan, hindi man lang gumagawa ng praktikal na gawain, at isang huwad na lider na kailangang mapalitan agad, pero nang makita ko na hindi sasang-ayon ang mga diyakono, natakot akong sabihin nila na mapagmataas ako at nag-aakalang mas matuwid kaysa sa iba, kaya’t hindi ako naglakas-loob na itaguyod ang mga katotohanang prinsipyo at ayaw kong mag-abala pang magbahagi sa kanila tungkol sa katotohanan sa pagkilala ng mga huwad na lider. Nang sumulat ako ng liham upang mag-ulat sa aking lider, sa panlabas ay seryoso ako sa mga tungkulin ko, pero ang totoo ay nag-aalinlangan akong magsalita, dahil natatakot akong sumama ang tingin sa akin ng mga kapatid ko. Sa aking tungkulin, wala akong pagsasaalang-alang sa kalooban ng Diyos, hindi ko pinrotektahan ang gawain ng iglesia, at isinaalang-alang ko lang ang sarili kong reputasyon at katayuan. Para maprotektahan ang aking reputasyon at katayuan, kinunsinti ko pa nga ang isang huwad na lider na gumagambala sa gawain ng iglesia at humahadlang sa pagpasok sa buhay ng aking mga kapatid. Nakita ko na talagang makasarili ako at tuso. Sinisiyasat ng Diyos ang puso at isip ng mga tao, at maaaring malinlang ng mga iniisip ko ang ibang tao, pero hindi ang Diyos. Noong panahong iyon, madilim ang espiritu ko at hindi ko maramdaman ang presensya ng Diyos. Ang totoo, ito ay pagkastigo at pagdidisiplina ng Diyos!

Noong sandaling iyon, nabalitaan ko ang tungkol sa isang iglesia kung saan natuklasang gumagawa ng masama ang isang anticristo pero walang nag-ulat o naglantad sa kanya. Kahit nang matiwalag ang anticristong ito, itinago at pinagtakpan siya ng mga miyembro. Ginalit nito ang disposisyon ng Diyos, at lahat ng tao sa iglesiang iyon ay inihiwalay upang magnilay-nilay. Nang mabalitaan ko ang resultang iyon, nanginig ang puso ko sa takot. Paulit-ulit kong tinanong ang aking sarili kung bakit hindi ko nagawang tanggalin ang huwad na lider sa mismong oras na natuklasan ko iyon. Nabasa ko ang mga salita ng Diyos na: “Kapag naging buhay na ang katotohanan sa iyo, kapag inobserbahan mo ang isang taong lapastangan sa Diyos, walang takot sa Diyos, at walang ingat at walang gana habang ginagampanan ang kanyang tungkulin, o inaabala at pinakikialaman ang gawain ng iglesia, tutugon ka ayon sa mga katotohanang prinsipyo, at matutukoy at mailalantad mo sila ayon sa kinakailangan. Kung hindi mo naging buhay ang katotohanan, at nabubuhay ka pa rin sa loob ng iyong satanikong disposisyon, kapag nakatuklas ka ng masasamang tao at mga diyablong nagdudulot ng mga pagkagambala at kaguluhan sa gawain ng iglesia, magbubulag-bulagan at magbibingi-bingihan ka; isasantabi mo sila, nang walang paninisi mula sa iyong budhi. Iisipin mo pa nga na ang sinumang nagdudulot ng mga pagkagambala at kaguluhan sa gawain ng iglesia ay walang kinalaman sa iyo. Gaano man nagdurusa ang gawain ng iglesia at ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, wala kang pakialam, hindi ka nakikialam, o nakokonsiyensiya—ginagawa ka nitong isang taong walang budhi o pakiramdam, isang walang pananalig, isang tagapagserbisyo. Kinakain mo ang sa Diyos, iniinom ang sa Diyos, at tinatamasa ang lahat ng nagmumula sa Diyos, ngunit pakiramdam mo ay walang kinalaman sa iyo ang anumang pinsala sa mga interes ng sambahayan ng Diyos—ginagawa ka nitong isang traydor na kumakagat sa kamay na nagpapakain sa iyo. Tao ka ba kung hindi mo pinoprotektahan ang mga interes ng sambahayan ng Diyos? Isa itong demonyo na isiniksik ang sarili sa iglesia. Nagpapanggap kang naniniwala sa Diyos, nagkukunwaring isang hinirang na tao, at nais mong samantalahin ang sambahayan ng Diyos. Hindi mo isinasabuhay ang buhay ng isang tao, mas para kang halimaw kaysa tao, at malinaw na isa ka sa mga walang pananalig(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi). Bawat linya ng mga salita ng Diyos ay tumagos sa puso ko, at nasindak ako. Tila ba galit na galit ang Diyos sa akin. Malinaw kong nakita ang isang huwad na lider sa iglesia na gumagambala sa gawain, na humahadlang sa pagpasok sa buhay ng aking mga kapatid, pero para mapangalagaan ang relasyon ko sa mga diyakono at mga kapatid, at sa takot ko na mapasama ko ang loob nila, hindi ako naglakas-loob na ilantad o asikasuhin ang huwad na lider at hindi ako nagbahagi tungkol sa katotohanan para tulungan ang mga kapatid na kumilala. Hindi sinasadya akong naging pansalag ng huwad na lider. Naging kasabwat ako ni Satanas. Masama ang ginagawa ko! Pumarito sa katawang-tao ang Diyos at nagpahayag ng napakaraming katotohanan upang diligan at tustusan tayo, at tinatamasa ko ang lahat ng nagmumula sa Diyos, pero nang lumitaw ang isang huwad na lider sa iglesia, para maprotektahan ang mga pansarili kong interes, kinunsinti ko ang panggugulo niya sa gawain ng iglesia. Talagang wala akong utang na loob. Wala akong konsensya, katwiran, at ni katiting na pagkatao. Nagdulot ako ng matinding pighati sa Diyos. Pagkatapos noon, naalala ko ang isa pang sipi ng salita ng Diyos: “Lahat kayo’y nagsasabi na isinasaalang-alang ninyo ang pasanin ng Diyos at ipagtatanggol ang patotoo ng iglesia, ngunit sino ba sa inyo ang talagang nagsaalang-alang sa pasanin ng Diyos? Itanong sa iyong sarili: Ikaw ba’y isang tao na nagpakita ng pagsasaalang-alang para sa pasanin Niya? Magagawa mo bang maging matuwid para sa Kanya? Makakapanindigan ka ba at makakapagsalita para sa Akin? Maisasagawa mo ba nang matatag ang katotohanan? Ikaw ba’y may sapat na lakas ng loob na labanan ang lahat ng gawa ni Satanas? Makakaya mo bang isantabi ang iyong mga damdamin at ilantad si Satanas para sa kapakanan ng Aking katotohanan? Mapapahintulutan mo ba ang Aking mga layunin na matupad sa iyo? Naihandog mo na ba ang iyong puso sa pinakamahahalagang sandali? Ikaw ba’y taong gumagawa sa Aking kalooban? Itanong mo sa iyong sarili ang mga katanungang ito at madalas mong isipin ang mga ito(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pagbigkas ni Cristo sa Pasimula, Kabanata 13). Mula sa mga linyang ito ng salita ng Diyos, naunawaan ko ang kalooban Niya. Lumitaw ang isang huwad na lider sa iglesiang ito, at umasa ang Diyos na maninindigan ako sa panig Niya, isasaalang-alang ang kalooban Niya, at pangangalagaan ang mga interes ng iglesia. Dahil nakatuklas ako ng isang huwad na lider, dapat ko siyang alisin agad, dapat akong gumamit ng mga prinsipyo para pumili ng tamang tao, at bigyan ng mabuting buhay-iglesia ang aking mga kapatid. Kung palagi kong isasaalang-alang ang mga pansarili kong interes at hindi ako makapaninindigan para protektahan ang gawain ng iglesia, tiyak na kasusuklaman at tatanggihan ako ng Diyos. Nang mapagtanto ko ito, nagpasya akong agad na palitan si Lin Xin. Hindi na ako nag-alala na matawag na mapagmataas at nag-aakalang mas matuwid kaysa sa iba. Dahil alam na alam kong ang paggawa noon ay pagtataguyod sa mga prinsipyo, pagsasagawa ng katotohanan, at pangangalaga sa gawain ng iglesia, hindi pagmamataas at pag-aakalang mas matuwid ako kaysa sa iba. Tanging ang mga taong kumikilos nang walang batayan sa katotohanan ng mga salita ng Diyos, gumagawa ng anumang naisin nila, at mahigpit na kumakapit sa sarili nilang mga kuru-kuro at ideya ang mapagmataas, nag-aakalang mas matuwid sila kaysa sa iba, at lumalaban sa katotohanan.

Kaya pagkatapos noon, ginamit ko ang salita ng Diyos para magbahagi sa kanila tungkol sa praktikal na gawain na dapat gawin ng mga lider at manggagawa, mga kahihinatnan ng hindi pag-aalis sa mga huwad na lider, kung ano ang mabuting pagkatao, kung ano ang mabuting kakayahan, at kung ano ang mapagmahal na puso. Sa pamamagitan ng pagbabahagi ko, nagkaroon ang mga kapatid ng pagkakilala kay Lin Xin. Nakita rin nila na may mga prinsipyo para sa mga paglilipat at pag-aalis sa sambahayan ng Diyos. Wala itong kinalaman sa pagtingin sa paimbabaw na pagmamahal, mga kaloob o kakayahan ng isang tao, kundi kung kaya niyang hanapin ang katotohanan, isagawa ang katotohanan, at gumawa ng praktikal na gawain. Malinaw na nakita ng lahat na si Lin Xin ay isang huwad na lider at dapat na alisin. Pagkatapos siyang tanggalin, nagbahagi ako sa mga kapatid tungkol sa mga prinsipyo ng mga eleksyon at pumili kami ng bagong lider ng iglesia.

Nang matapos na ang eleksyon, naisip ko kung paanong isinumbong ng mga kapatid ang ilan sa mga asal ni Xiao Lei. Sabi nila ay hindi niya kailanman hinanap ang katotohanan, na ilang taon na siyang sumasampalataya sa Diyos nang hindi binabago ang kanyang mga pananaw sa mga bagay-bagay, na ninanasa niya ang mga makamundong bagay at naghahangad siya ng pera, at na interesado lang siya sa pagyaman at pamumuhay ng isang ekstraordinaryong buhay. Sa tuwing mabibigyan siya ng tungkulin, abala siya sa pagnenegosyo para kumita ng pera at ayaw niyang gampanan ang tungkulin. Hinikayat niya ang mga kapatid sa iglesia na mamuhunan, at ang kinalabasan ay nalugi silang lahat. Nagdudulot na ng mga gulo at pagkagambala sa buhay-iglesia ang inaasal niya. Naisip kong magbahagi sa kanya para balaan siya. Pero sa araw ng pagtitipon, sinadya niyang gabi na umuwi, kung kailan tapos na ang pagtitipon. Tinanong ko siya kung anong tingin niya sa mga nangyari kamakailan, at kung nakapagnilay-nilay na ba siya at sinubukang unawain ang sarili niya. Wala siyang pag-unawa at hindi nakaramdam ng kahit kaunting pagsisisi sa lahat ng mga ginawa niya, at marami siyang maling pagkaunawa at reklamo. Sabi niya ay maraming taon na siyang sumasampalataya sa Diyos at wala siyang natamo. Sinuway siya ng anak niya, hindi siya nauunawaan ng asawa niya. … Lahat ng sinabi niya ay mula sa pananaw ng isang hindi mananampalataya. Habang nagbabahagi ako sa kanya, ginabayan ko siya na magnilay-nilay at makilala ang kanyang sarili, pero masyado siyang lumalaban. Sinabi rin niya, “Ano’ng silbi ng pagsasagawa ng katotohanan?” Pinaalalahanan na siya at tinulungan ng mga kapatid noon, at ganoon din ang naging reaksyon niya. Hindi kailanman hinanap ni Xiao Lei ang katotohanan, at marami siyang pagpapamalas ng isang hindi mananampalataya. Ayon sa mga prinsipyo, ang isang taong hindi naghahanap sa katotohanan, hindi ginagampanan ang kanyang mga tungkulin, at nakagagambala sa buhay-iglesia ay kailangang ibukod para makapagnilay siya sa kanyang sarili. Hindi siya maaaring hayaang makagambala sa buhay-iglesia. Pagkatapos, kapag hindi siya nagsisi, dapat siyang alisin sa iglesia. Dapat na ibinukod si Xiao Lei at binigyan ng oras para magnilay, para mapigilan siya na makalinlang at makagulo sa mga kapatid na hindi mataas ang tayog at walang kakayahang kumilala. Kaya nagbahagi ako sa mga lider at diyakono ng iglesia at nag-alok ng pagkilala. Sumang-ayon ang lahat na si Xiao Lei ay dapat ibukod. Pero makalipas ang ilang araw, pinadalhan ako ng sulat ng isang sister na nagsasabing gusto ni Xiao Lei na magsisi at magbago at isagawa ang katotohanan, pero namumuhay siya nang may mga tiwaling disposisyon kung kaya’t hindi niya iyon maisagawa. Hindi alam ng sister kung naaangkop ba na ibukod si Xiao Lei. Nang mabasa ko ang sulat, nag-atubili ako. Kung gustong magsisi at magbago ni Xiao Lei, lalo ba siyang magiging negatibo kung isasaayos ko na ibukod siya? Kapag nalaman ni Xiao Lei at ng mga kapatid na mungkahi ko na gawin ito, sasabihin ba nilang hindi ko binibigyan ang mga tao ng pagkakataong magsisi? Bagong dating lang ako sa iglesiang ito pero nag-aalis na ako ng mga huwad na lider at nag-aasikaso ng mga hindi mananampalataya. Sasabihin ba ng mga kapatid na nagtitigas-tigasan ako pagkasimula ko pa lang sa bago kong posisyon at na masyado akong walang awa? Mahusay magsalita si Xiao Lei—kapag inilantad ko na siya, kung hindi siya sasang-ayon, kung lalaban siya sa akin, o hindi siya makapagtimpi sa akin, ano’ng gagawin ko? Nang maisip ko ang mga bagay na ito, nakita kong nahihirapan na naman ako at hindi ko alam kung anong gagawin, kaya’t lumapit ako sa Diyos at nanalangin upang hilingin sa Kanyang patnubayan ako sa pag-unawa sa Kanyang kalooban nang makakilos ako ayon sa mga katotohanang prinsipyo.

Pagkatapos noon, nagbasa ako ng isang sipi ng salita ng Diyos: “Kasalukuyang itinatayo ang iglesia at sinusubukan ni Satanas ang buong makakaya nito upang gibain ito. Nais nitong gibain ang Aking pagtatayo sa anumang posibleng paraan; dahil dito, dapat na dalisayin kaagad ang iglesia. Wala ni katiting na mga latak ng kasamaan ang dapat matira; dapat dalisayin ang iglesia upang wala itong maging kapintasan at magpatuloy itong maging kasingdalisay ng dati. Dapat gising kayo at naghihintay sa lahat ng oras, at dapat kayong mas manalangin sa harapan Ko. Dapat ninyong makilala ang iba’t ibang balak at mga tusong pakana ni Satanas, makilala ang mga espiritu, makilala ang mga tao, at makayang makilatis ang lahat ng uri ng tao, pangyayari, at bagay; dapat ding mas kumain at uminom kayo ng Aking mga salita at, lalong mahalaga, dapat ninyong makayang kumain at uminom ng mga ito nang kayo lamang. Sangkapan ninyo ang inyong mga sarili ng lahat ng katotohanan, at lumapit sa Akin upang mabuksan Ko ang inyong espirituwal na mga mata at mapahintulutan kayong makita ang lahat ng hiwaga na nasa loob ng espiritu…. Kapag pumapasok ang iglesia sa yugto ng pagtatayo nito, ang mga banal ay nagmamartsa upang makidigma. Inilalagay sa harap ninyo ang iba’t ibang nakapangingilabot na katangian ni Satanas: Tumitigil ba kayo at umuurong, o tumatayo ba kayo at patuloy na lumalakad pasulong na umaasa sa Akin? Lubusan ninyong ilantad ang tiwali at pangit na mga katangian ni Satanas, kahit na may masaktang damdamin, at huwag kayong magpakita ng awa! Labanan mo si Satanas hanggang kamatayan! Ako ang iyong suporta, at dapat kang magkaroon ng espiritu ng batang lalaki! Nagwawala si Satanas sa kahuli-hulihang paghihingalo nito, pero hindi pa rin nito matatakasan ang Aking paghatol. Nasa ilalim ng Aking mga paa si Satanas at tinatapakan din ito ng inyong sariling mga paa—ito ay isang katunayan!(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pagbigkas ni Cristo sa Pasimula, Kabanata 17). Nalaman ko mula sa salita ng Diyos na habang gumagawa ang Diyos upang iligtas ang mga tao, ginagawa rin ni Satanas ang lahat ng makakaya nito upang guluhin at gambalain ang gawain ng Diyos. Hinahayaan ng Diyos na lumitaw sa iglesia ang mga huwad na lider, ang mga anticristo, ang mga gumagawa ng masama, at ang mga hindi mananampalataya upang magkaroon tayo ng kakayahang kumilala, at makilala natin ang mga tao, mga usapin, at mga bagay-bagay sa paligid natin nang ayon sa mga katotohanang prinsipyo, upang maunawaan natin kung aling mga bagay ang mula sa Diyos at kung alin ang mula kay Satanas, upang manindigan tayo sa panig ng katotohanan, at kilalanin at tanggihan ang lahat ng negatibong bagay mula kay Satanas. Hindi kailanman hinanap ni Xiao Lei ang katotohanan, ilang taon na siyang mananampalataya ng Diyos pero mayroon pa rin siyang mga pananaw ng isang hindi mananampalataya, at kapag nagbabahagi sa kanya ang mga kapatid, palagi siyang may nakahandang mga maling paniniwala para kontrahin sila. Hinding-hindi niya tinanggap ang katotohanan. Ang pinakamalala, sa mga pagtitipon, palagi siyang nagsasabi ng mga bagay na walang kinalaman sa katotohanan, at hinihimok ang mga kapatid na gumawa ng pera at magpayaman, na gumagambala sa buhay ng iglesia, at hindi siya kailanman gumanap ng positibong papel. Kapag ang isang taong tulad nito ay hindi agad naasikaso, hindi magkakaroon ng regular na buhay-iglesia ang mga kapatid at malilinlang ang mga taong hindi mataas ang tayog. Hinihingi ng sambahayan ng Diyos na maasikaso ang mga hindi mananampalataya, dahil ang mga hindi mananampalataya at ang mga tapat na sumasampalataya at nagmamahal sa katotohanan ay labis na magkaibang uri ng mga tao. Ang pagbubukod sa mga hindi mananampalataya ay para limitahan ang masasama nilang gawa, siguruhing hindi nila magugulo ang buhay-iglesia ng mga kapatid, na magbibigay-daan para sa mga hinirang na tao ng Diyos na lalong hanapin ang katotohanan at maligtas. Kailangan kong asikasuhin ang mga walang pananalig nang ayon sa mga prinsipyo. Kung aatras ako, kung hindi ko sila aasikasuhin agad para maprotektahan ang mga interes ko at hindi ako makasama ng loob ng iba, hindi ba’t pinagtatakpan ko si Satanas at kinukunsinti ang mga hindi mananampalataya na nanggugulo sa buhay ng iglesia? Nabasa ko ang isa pang sipi ng salita ng Diyos at nalaman ko ang ugat kung bakit hindi ko maisagawa ang katotohanan o maitaguyod ang mga prinsipyo. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Karamihan sa mga tao ay nais hanapin at isagawa ang katotohanan, ngunit kadalasan ay may pagpapasya at hangarin lamang sila na gawin iyon; hindi nila naging buhay ang katotohanan. Dahil dito, kapag nakahaharap sila ng masasamang puwersa o nakatatagpo ng mga taong buktot at masasamang tao na gumagawa ng masasamang gawa, o ng mga huwad na pinuno at anticristo na gumagawa ng mga bagay sa isang paraang lumalabag sa mga prinsipyo—sa gayon ay nagugulo ang gawain ng iglesia at napapahamak ang mga hinirang ng Diyos—nawawalan sila ng lakas ng loob na manindigan at magsalita. Ano ang ibig sabihin kapag wala kang lakas ng loob? Ibig bang sabihin niyan ay kimi ka o hindi makapagsalita? O hindi mo ito lubos na nauunawaan, at sa gayon ay wala kang tiwalang magsalita? Walang isa man dito; ito una sa lahat ang ibinubunga ng mapigilan ng mga tiwaling disposisyon. Ang isa sa mga tiwaling disposisyong ito na inilalantad mo ay ang tusong disposisyon; kapag may nangyayari sa iyo, ang una mong iniisip ay ang sarili mong mga interes, ang una mong isinasaalang-alang ay ang mga ibubunga, kung ito ba ay kapaki-pakinabang sa iyo. Ito ay isang tusong disposisyon, hindi ba? Ang isa pa ay makasarili at masamang disposisyon. Iniisip mo, ‘Ano ang kinalaman sa akin ng kawalan sa mga interes ng sambahayan ng Diyos? Hindi ako isang lider, kaya bakit ako mag-aalala? Wala itong kinalaman sa akin. Hindi ko responsabilidad ito.’ Ang gayong mga saloobin at salita ay hindi mga bagay na sadya mong iniisip, kundi inilalabas ng iyong isip nang hindi mo namamalayan—na tumutukoy sa tiwaling disposisyong nabubunyag kapag ang mga tao ay nahaharap sa isyu. Pinamamahalaan ng mga tiwaling disposisyon na tulad nito ang paraan ng iyong pag-iisip, itinatali ng mga ito ang iyong mga kamay at paa, at kinokontrol kung ano ang sinasabi mo. Sa puso mo, gusto mong tumayo at magsalita, ngunit mayroon kang mga pag-aalinlangan…. Wala kang kapangyarihan sa mga sinasabi at ginagawa mo. Gustuhin mo man, hindi mo masabi ang katotohanan o masabi kung ano talaga ang iniisip mo; gustuhin mo man, hindi mo maisagawa ang katotohanan; gustuhin mo man, hindi mo matupad ang iyong mga responsabilidad. Kasinungalingan ang lahat ng sinasabi, ginagawa, at isinasabuhay mo, at wala kang ingat at malasakit. Ganap kang bihag at nakokontrol ng sataniko mong disposisyon. Maaaring gusto mong tanggapin at isagawa ang katotohanan, ngunit hindi ikaw ang magpapasya nito. Kapag kinokontrol ka ng iyong mga satanikong disposisyon, sinasabi at ginagawa mo ang anumang ipagawa sa iyo ng iyong satanikong disposisyon. Isa ka lamang tau-tauhan ng tiwaling laman, naging kasangkapan ka ni Satanas(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi). Ang inihayag ng Diyos ay ang mismong kalagayan ko. Sa tuwing kailangan kong isagawa ang katotohanan at protektahan ang gawain ng iglesia, ang inaalala ko lang ay ang sarili kong reputasyon at katayuan. Masyado akong makasarili at tuso. Ang mga satanikong pilosopiya tulad ng “Ang bawat tao para sa kanyang sarili, bahala na ang iba” at “Ang matitinong tao ay mahusay sa pag-iingat sa sarili, tanging hangad nila ay hindi magkamali” ay nakintal na nang malalim sa isip ko. Namuhay ako ayon sa mga satanikong lasong ito, kaya hindi ako naglakas-loob na itaguyod ang mga katotohanang prinsipyo. Sa usapin ng pag-aalis kay Lin Xin, natakot akong sabihin ng aking mga kapatid na mapagmataas ako at nag-aakalang mas matuwid kaysa sa iba, at na hindi maging maganda ang tingin nila sa akin, kaya’t hindi ako naglakas-loob na itaguyod ang mga prinsipyo. Sa pag-aasikaso sa problema ni Xiao Lei, alam na alam kong ayon sa prinsipyo ay dapat siyang ibukod, pero natakot akong sabihin ng mga kapatid na hindi ko siya binibigyan ng pagkakataong magsisi at na hindi ko isinasaalang-alang ang kanyang mga kahinaan. Mas pinili kong maapektuhan ang buhay ng iglesia kaysa itaguyod ang mga katotohanang prinsipyo. Ang tanging mahalaga sa akin ay kung paano mapangangalagaan ang sarili kong reputasyon at katayuan, at wala akong pakialam kung paano napipinsala ang gawain ng iglesia o ang mga interes nito. Paano ko matatawag ang sarili ko na isang matapat na mananampalataya ng Diyos? Noon ko lang napagtanto na matindi akong nalason ng mga satanikong pilosopiya, na ako ay makasarili at mapanlinlang. Gusto ng Diyos ang mga taong may diwa ng katarungan at kayang itaguyod ang mga katotohanang prinsipyo, kayang itaguyod at protektahan ang lahat ng positibong bagay, at may lakas ng loob na manindigan at ilantad at tanggihan ang lahat ng negatibong bagay. Dapat akong maging isang taong may diwa ng katarungan, itinataguyod ang mga katotohanang prinsipyo anuman ang isipin ng iba sa akin. Pagkatapos noon, sa pamamagitan ng pagbabahagi, natutuhan ng mga kapatid na kilalanin ang ugali ni Xiao Lei na gaya ng sa walang pananalig, at sumang-ayon ang 80% sa kanila na ibukod siya para makapagnilay siya sa sarili. Sumunod, nagbahagi ako kay Xiao Lei at ginamit ko ang palagian niyang inaasal para ilantad ang mga problema niya. Pero bago pa man ako matapos, nagmatigas na siya at naging dismayado, sinasabing bukal sa loob na namuhunan ang mga kapatid, na wala iyong kinalaman sa kanya. … Pinatunayan ng pag-uugali niya na hindi niya kayang tumanggap ng katotohanan ni paano man, at na nabibilang siya sa mga hindi mananampalataya. Kung hindi pa rin siya magpakita ng pagninilay o pagsisisi habang nakabukod siya, maaalis siya sa iglesia. Matapos magsagawa ayon sa mga katotohanang prinsipyo, nakadama ako ng isang hindi mailalarawang pagkaramdam ng kapanatagan, kapayapaan, at ligaya sa aking puso.

Pagkatapos ng karanasang iyon, nagsimula kong maunawaan ang aking mga tiwaling disposisyon, kaya ko nang kalimutan ang mga interes ko at isagawa ang katotohanan, at kaya ko nang magsabuhay ng kaunting wangis ng tao. Ang lahat ng ito ay pagliligtas ng Diyos. Nakita ko rin na ang sambahayan ng Diyos ay naiiba sa mundo. Ang katotohanan ang naghahari sa sambahayan ng Diyos. Kapag isinasagawa natin ang katotohanan at kumikilos tayo nang may prinsipyo, nakakamit natin ang pagpapala at patnubay ng Diyos.

Sinundan: 83. Ang mga Resulta ng Sutil na Paggawa

Sumunod: 85. Para Saan ang Lahat ng Pagdurusang Iyon?

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

40. Gamot Para sa Inggit

Ni Xunqiu, TsinaSabi ng Makapangyarihang Diyos, “Ang laman ng tao ay kay Satanas, ito ay puno ng mga masuwaying disposisyon, nakakahiya ang...

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito