86. Ang Bawa’t Araw sa Bilangguan ng CCP

Ni Yang Yi, Tsina

Sabi ng Makapangyarihang Diyos, “Sa maraming lugar, ipinropesiya na ng Diyos na magkakamit Siya ng isang grupo ng mga mananagumpay sa lupain ng Sinim. Dahil sa Silangan ng mundo makakamit ang mga mananagumpay, kaya walang duda na sa lupain ng Sinim tatapak ang Diyos sa Kanyang ikalawang pagkakatawang-tao, sa mismong lugar kung saan namamalaging nakapulupot ang malaking pulang dragon. Doon, kakamtin ng Diyos ang mga inapo ng malaking pulang dragon upang ito ay lubusang matalo at mapahiya. Gigisingin ng Diyos ang mga taong ito, na labis na pinabibigatan ng pagdurusa, upang gisingin sila hanggang sila’y maging lubos na gising, at upang palakarin silang palabas ng hamog at tanggihan ang malaking pulang dragon. Gigising sila mula sa kanilang panaginip, makikilala ang diwa ng malaking pulang dragon, magagawang ibigay ang kanilang buong puso sa Diyos, aahon mula sa pang-aapi ng mga puwersa ng kadiliman, tumayo sa Silangan ng mundo, at maging patunay ng tagumpay ng Diyos. Sa ganitong paraan lamang makakamit ng Diyos ang kaluwalhatian(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Gawain at Pagpasok 6). Matapos basahin ang mga salitang ito, naisip ko ang pag-aresto sa akin ng Chinese Communist Party mga isang dekada na ang nakararaan.

Enero 23, 2004 noon, gumising ako nang maaga para bisitahin ang isang sister mula sa iglesia. Gayunman, ilegal akong inaresto ng pulis ng CCP sa daan papunta roon. Hinalungkat nila ang bag ko at nakakita sila ng ilang materyal tungkol sa pananampalataya, isang cell phone at isang pager, at kung anu-ano pa. Kalaunan ay dinala nila ako sa Public Security Bureau. Pagdating namin doon, inakay ako ng pulis sa isang kuwarto. Pinaglaruan ng isa sa kanila ang beeper at cell phone ko, na naghahanap ng mga palatandaan. Binuksan niya ang phone pero nakita niyang lobat na ito, pagkatapos ay sinabi niyang ubos na ang baterya. Subukan man niya, hindi niya ito mabuksan. Habang hawak ang cell phone, mukhang nag-aalala siya. Nagtaka rin ako—katatapos ko lang i-charge ang cell phone noong umagang iyon. Paano mauubusan ng baterya iyon? Bigla kong natanto na mahimala itong ginawa ng Diyos para mapigil ang mga pulis sa paghahanap ng anumang impormasyon tungkol sa iba pang mga kapatid. Naunawaan ko rin ang mga salitang sinambit ng Diyos: “Anuman at lahat ng bagay, buhay man o patay, ay lilipat, magbabago, mapapanibago, at maglalaho alinsunod sa mga iniisip ng Diyos. Ganito pinamumunuan ng Diyos ang lahat ng bagay(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Diyos ang Pinagmulan ng Buhay ng Tao). Totoo nga, lahat ng bagay at lahat ng pangyayari ay nasa mga kamay ng Diyos. Buhay man o patay, lahat ng bagay ay sumasailalim sa pagbabago ayon sa mga kaisipan ng Diyos. Sa sandaling ito, nagtamo ako ng tunay na pagkaunawa kung paano naghahawak ng kataas-taasang kapangyarihan ang Diyos at paano Niya isinasaayos ang lahat ng bagay. Bukod pa riyan, nagkaroon ako ng kumpiyansang kailangan ko para umasa sa Diyos sa harap ng parating na interogasyon. Habang nakaturo sa mga bagay na nasa bag, nag-aakusang nagtanong ang opisyal na pulis: “Ipinapakita ng mga ito na malinaw na hindi ka ordinaryong miyembro ng iglesia. Isa ka siguro sa mataas na pamunuan, isang importanteng tao. Dahil ang mas mabababang pinuno ay walang mga beeper o cell phone. Tama ba ako?” “Hindi ko maintindihan ang sinasabi mo,” sagot ko. “Nagkukunwari kang hindi mo naiintindihan!” sigaw niya, pagkatapos ay inutusan akong umiskuwat at magsimulang magsalita. Nakikitang hindi ako papatol, pinaligiran nila ako at sinimulang pagbubuntalin at sipain—na para bang gusto nila akong patayin. Duguan at maga ang mukha ko, sobrang sakit ng buong katawan ko, hinimatay ako sa sahig. Galit na galit ako. Gusto kong mangatwiran sa kanila, ipagtanggol ang kaso ko: Ano ang nagawa kong mali? Bakit ninyo ako binugbog nang ganoon? Pero wala akong paraan para makausap ko sila nang matino, dahil hindi matinong kausap ang pamahalaang CCP. Naguluhan ako, pero ayaw kong bumigay sa mga pambubugbog nila. Nang nalilito na ako, bigla kong naisip kung paano, dahil masyadong wala sa katwiran ang masasamang opisyal na ito ng pamahalaang CCP, dahil ayaw nila akong makapangatwiran, hindi ko kailangang sabihin sa kanila ang anuman. Mas mabuti pang manahimik na lang ako—sa gayon ay mawawalan ako ng silbi sa kanila. Nang maisip ko ito, hindi ko na pinakinggan ang sinasabi nila. Nang makita nilang walang epekto sa akin ang pamamaraang ito, nagwala ang masasamang pulis at lalong naging mabangis: Pinahirapan nila ako nang husto para magtapat ako. Ipinosas nila ako sa isang silyang bakal na nakaturnilyo sa sahig sa isang posisyon na hindi ako makaiskuwat ni makatayo. Inilagay ng isa sa kanila sa silya ang kamay kong hindi nakaposas at pinagpapalo ito ng sapatos, at tumigil lang nang mangitim na ang kamay ko samantalang tinapakan naman ng isa pa ng kanyang sapatos na balat ang mga paa ko, at inikut-ikot pa ang kanyang sapatos sa mga daliri ng mga paa ko para durugin ang mga ito, kung kailan ko naranasan ang pambihira at gumuguhit na sakit na direktang patungo sa puso ko. Pagkatapos niyon, pinaghalinhinan ako ng anim o pitong pulis. Isa sa kanila ang nagtuon sa mga kasu-kasuan ko, at inipit nang husto ang mga ito kaya isang buwan pagkaraan ay hindi ko pa rin maibaluktot ang braso ko. Ang isa naman ay sinabunutan ako at ipinagwagwagan ang ulo ko, pagkatapos ay hinila ito patalikod kaya nakatingala ako. “Tumingin ka sa langit at tingnan mo kung mayroong Diyos!” mabangis na sabi niya. Nagpatuloy sila hanggang gumabi. Nang makitang wala silang makukuhang anuman sa akin, at dahil Chinese New Year, itinuloy nila ako sa detention house.

Pagdating ko sa detention house, inilagay ako ng mga guwardiya sa isang selda at pagkatapos ay gumawa ng maraming tsismis tungkol sa akin at inudyukan ang mga preso na pahirapan ako. Araw-araw akong pinaglaruan ng mga preso: Noong 8 o 9 degrees below zero ang lamig, ibinabad nila ang sapatos ko; lihim nilang binuhusan ng tubig na hindi pinakuluan ang pagkain ko; sa gabi, habang tulog ako, binasa nila nang husto ang cotton-padded jacket ko; pinatulog nila ako sa tabi ng kubeta, madalas nila akong alisan ng kumot sa gabi at sabunutan para hindi ako makatulog; inagaw nila ang tinapay ko; pinilit nila akong linisin ang kubeta, at pilit nilang isinubo ang tira-tira nilang gamot sa bibig ko, hindi nila ako hinayaang makaihi at makatae; at iba pa. Kung hindi ko ginawa ang anumang sinabi nila, pagkakaisahan nila ako at bubugbugin—at madalas sa gayong mga pagkakataon nagpupulasan ang mga guwardiya sa bilangguan o umiikot na mga bantay o nagkukunwaring wala silang nakita; kung minsan nagtatago pa sila sa di-kalayuan at nanonood. Kung palipasin ng mga bilanggo ang ilang araw na hindi ako pinahihirapan, inuudyukan sila ng mga guwardiya sa bilangguan na bugbugin ako. Napuno ako ng pagkamuhi sa mga guwardiya dahil sa malupit na pagpapahirap nila sa akin. Kung hindi pa ito nakita ng sarili kong mga mata at personal itong naranasan, hinding-hindi ako maniniwala na ang pamahalaang CCP, na dapat ay puno ng kabaitan at moralidad, ay kayang maging napakasama, nakakatakot, at kasuklam-suklam—hinding-hindi ko sana nakita ang tunay na mukha nito, isang mukhang mapanlinlang at traidor. Lahat ng sinasabi nitong “naglilingkod sa mga tao, bumubuo ng sibilisado at nagkakasundong lipunan”—mga kasinungalingan ito na nilayon para linlangin at dayain ang mga tao, ito ay isang paraan, isang pakana, ng pagpapaganda sa sarili nito at pagtatamo ng papuri na hindi nararapat dito. Noong panahong iyon, naisip ko ang mga salita ng Diyos: “Hindi na gaanong nakapagtataka, kung gayon, na nananatiling ganap na nakatago ang Diyos na nagkatawang-tao: Sa isang madilim na lipunang tulad nito, kung saan ang mga demonyo ay walang puso at hindi makatao, paanong matitiis ng hari ng mga diyablo, na pumapatay ng mga tao nang walang pakundangan, ang pag-iral ng isang Diyos na kaibig-ibig, mabait, at banal din? Paano nito maaaring papurihan at ipagsaya ang pagdating ng Diyos? Ang mga sunud-sunurang ito! Sinusuklian nila ng poot ang kabaitan, matagal na nilang hinamak ang Diyos, inaabuso nila ang Diyos, sukdulan ang kanilang kalupitan, wala sila ni bahagyang pagsasaalang-alang para sa Diyos, nandarambong sila at nanloloob, nawalan na silang lubusan ng budhi, wala silang konsensya, at tinutukso nila ang mga walang-muwang upang mawalan ng katwiran. Mga ninuno ng sinauna? Minamahal na mga lider? Tinutulan nilang lahat ang Diyos! Iniwan ng kanilang panghihimasok ang lahat sa silong ng langit sa isang kalagayan ng kadiliman at ganap na kaguluhan! Kalayaang pangrelihiyon? Lehitimong mga karapatan at mga interes ng mga mamamayan? Ang mga iyon ay mga pandarayang lahat para pagtakpan ang kasalanan!(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Gawain at Pagpasok 8). Para pilitin akong itanggi at ipagkanulo ang Diyos, hindi tumigil ang CCP sa pagpapahirap at pamiminsala sa akin—subalit hindi nito alam na nang lalo akong pahirapan nito, lalo kong nakita nang mas malinaw na mukhang demonyo ito, at lalo ko itong kinamuhian at tinanggihan sa kaibuturan ng puso ko. Lalo akong naging matatag sa pagsunod sa Diyos.

Nakikita na hindi nila ako mapipilit na sabihin ang anumang gusto nila, ginawa nila ang lahat—sa mga tao man, o sa mga materyal o pinansyal na paraan—na mamanhik-manaog sa pagtatanong ng katibayan na isa akong mananampalataya sa Diyos. Tatlong buwan pagkaraan, lahat ng pagmamadali nila ay nawalan ng saysay. Sa huli, inilahad na nila ang huli nilang baraha: Nakakita sila ng dalubhasang interogador. Ang sabi ay lahat ng dinala sa kanya ay sumailalim sa kanyang tatlong uri ng pagpapahirap, at walang sinumang hindi nagtapat kailanman. Isang araw, dumating ang apat na opisyal na pulis at sinabi sa akin: “Dadalhin ka namin ngayon sa isang bagong tahanan.” Sumunod, itinulak nila ako sa isang sasakyang naghahatid sa mga bilanggo, ipinosas ang mga kamay ko sa aking likuran, at tinalukbungan ang ulo ko. Hindi ko alam kung paano nila ako planong pahirapan, kaya medyo kinabahan ako. Noon din, naisip ko ang mga salita ng Panginoon, “Sapagka’t ang sinumang mag-ibig iligtas ang kanyang buhay ay mawawalan nito: at ang sinumang mawalan ng kanyang buhay dahil sa Akin ay makakasumpong niyaon(Mateo 16:25). Ang mga salita ng Panginoon ay nagbigay sa akin ng pananampalataya at lakas. Kung nais nating maniwala at sumunod sa Diyos sa abandonadong lugar ng China, kailangang magkaroon tayo ng lakas ng loob na ihandog ang ating buhay. Handa akong mamatay noon para sa Diyos. Sa gulat ko, matapos pumasok sa sasakyan, di-sinasadyang naulinigan ko ang pag-uusap ng masasamang pulis. Tila dadalhin nila ako sa isang lugar para interogahin. Ah! Hindi nila ako dadalhin para patayin—at naghahanda pa naman akong mamatay na isang martir para sa Diyos! Habang iniisip ko ito, sa kung anong dahilan ay sinikipan ng isa sa mga pulis ang mga tali ng talukbong sa ulo ko. Hindi nagtagal, nagsimula akong maasiwa—pakiramdam ko ay para akong sinasakal. Nagsimulang bumula ang bibig ko, pagkatapos ay panay ang suka ko. Pakiramdam ko isusuka ko ang bituka ko. Nahilo ako, naliyo, at hindi ko maimulat ang mga mata ko. Walang lakas ang anumang bahagi ng katawan ko, na para bang paralisado ako. Pakiramdam ko may malagkit na bagay sa bibig ko na hindi ko kayang ilabas. Noon pa man ay mahina na ako, at matapos abusuhin nang ganito nadama ko na nasa panganib ako, at na baka tumigil ang paghinga ko anumang oras. Sa gitna ng sakit, nagdasal ako sa Diyos: “Diyos ko! Hinihiling kong protektahan Mo ang puso ko. Mabuhay man ako o mamatay, hindi Kita ipagkakanulo.” Kalaunan, dumating ang sasakyan sa isang hotel. Dinala nila ako sa isang saradong silid. Hindi naglaon, dumating ang “eksperto sa interogasyon” na nabanggit ng pulis. Lumakad siya sa harap ko at sinunggaban ako. Matapos akong sampalin nang maraming beses sa mukha, pinagsusuntok niya ako nang ilang beses sa dibdib at likod, pagkatapos ay tinanggal niya ang isa sa kanyang sapatos na balat at inihampas iyon sa mukha ko. Matapos niya akong bugbugin nang ganito, naglaho ang pakiramdam ko na mayroon akong hindi mailuwa o maisuka. Hindi na ako masyadong hilo at kaya ko nang imulat ang mga mata ko. Unti-unting bumalik ang pakiramdam sa mga kamay at paa ko, at nagsimulang bumalik ang lakas sa katawan ko. Sumunod, marahas niyang sinunggaban ang mga balikat ko at itinulak ako sa pader, na inuutusan akong tumingin sa kanya at sagutin ang kanyang mga tanong. Nagalit siya nang makita niyang hindi ko siya pinapansin, at sinubukan niyang kunin ang reaksyon ko sa pamamagitan ng panlalait, paninirang-puri at paglapastangan sa Diyos. Ginamit niya ang pinaka-nakamumuhi at kasuklam-suklam na paraan para bitagin ako, at nagbabantang sinabi: “Sinasadya kong pahirapan ka sa paraang hindi makakayanan ng katawan mo’t kaluluwa, para maranasan mo ang sakit na hindi kayang danasin ng normal na tao—nanaisin mo nang mamatay. Sa huli, magmamakaawa ka sa akin na pakawalan na kita, at doon magkakaroon ng katuturan ang sasabihin mo, at sasabihin mo na hindi hawak ng Diyos ang kapalaran mo—ako ang mayhawak niyon. Kung gusto kong mamatay ka, mangyayari iyon kaagad. Kung gusto kong mabuhay ka, mabubuhay ka, at anumang paghihirap ang gusto kong danasin mo, daranasin mo iyon. Hindi ka maililigtas ng iyong Makapangyarihang Diyos—mabubuhay ka lang kung magmamakaawa ka sa amin na iligtas ka.” Nahaharap sa kasuklam-suklam, walanghiya, nakamumuhing masasamang-loob na ito, sa mababangis na hayop na ito, sa masasamang demonyong ito, talagang gusto kong labanan sila. “Lahat ng bagay sa langit at sa lupa ay nililikha ng Diyos at kontrolado Niya,” naisip ko. “Ang kapalaran ko ay sumasailalim din sa dakilang kapangyarihan at mga plano ng Diyos. Ang Diyos ang Tagapamagitan ng buhay at kamatayan; sa palagay mo ba mamamatay ako dahil gusto mo?” Sa sandaling iyon, punung-puno ng galit ang puso ko. Lahat ng kasuklam-suklam na mga kilos na ginawa ng mga pulis sa akin at lahat ng paglapastangan at paglaban sa Diyos na nasabi nila ngayon ay malinaw na naglantad sa kanilang kademonyohan bilang mga napopoot sa katotohanan at lumalaban sa Diyos, at ito ang magiging katibayang kailangan para matiyak ang pagsumpa, pagpaparusa at pagwasak ng Diyos.

Nang ayaw kong magtapat, napahiya nang husto ang dapat na eksperto. Pagalit niyang pinilipit ang isang braso ko sa likod ko at hinila ang isa pa sa likod ng balikat ko, pagkatapos ay magkasamang ipinosas nang mahigpit ang mga kamay ko. Wala pang isang oras pagkaraan, tumulo ang malalaking butil ng pawis sa mukha ko at sa mga mata ko, kaya hindi ko maimulat ang mga iyon. Nakikitang hindi ko pa rin sasagutin ang kanyang mga tanong, inihagis niya ako sa sahig, pagkatapos ay iniangat ako na nakahawak sa mga posas sa likod ko. Agad kong naramdaman na parang pinupunit sa sakit ang mga braso ko, na para bang nabali ang mga iyon. Napakasakit niyon kaya halos hindi ako makahinga. Sumunod, inihagis niya ako sa pader at pinatayo ako nang pasandal dito. Nanlabo ang mga mata ko sa pawis. Napakasakit kaya punung-puno ng pawis ang buong katawan ko—pati sapatos ko, basang-basa. Noon pa man ay mahina na ako, at sa sandaling ito ay hinimatay ako. Tila nawala ang kakayahan kong huminga sa ilong. Ang nagawa ko lang ay maghabol ng hininga nang nakabuka ang bibig ko. Minsan ko pang nadama na malapit na akong mamatay—siguro sa pagkakataong ito ay talagang mamamatay na ako. Pero sa sandaling iyon, naisip ko si Lucas, isa sa mga disipulo ni Jesus, at ang karanasan niyang ibitin hanggang sa mamatay. Sa puso ko, kusang nagbalik ang aking lakas, at paulit-ulit kong sinabi para ipaalala sa sarili ko: “Namatay si Lucas nang ibitin siya. Kailangan ko ring maging si Lucas, kailangan kong maging si Lucas, maging si Lucas. Kusa kong sinusunod ang mga pagsasaayos at plano ng Diyos, at nais kong maging tapat sa Diyos hanggang kamatayan gaya ni Lucas.” Nang hindi ko na makayanan ang sakit at nasa bingit na ako ng kamatayan, bigla kong narinig na sinabi ng isa sa masasamang pulis na may naaresto silang ilang mananampalataya sa Makapangyarihang Diyos. Sa puso ko, nabigla ako: Ilang kapatid pa ang pahihirapan. Malamang na pahirapan nila nang husto sina brother. Punung-puno ng pag-alala ang puso ko. Panay ang pagdarasal ko nang tahimik para sa kanila. Siguro inantig ako ng Banal na Espiritu; nang lalo akong magdasal, lalo akong nagkaroon ng inspirasyon. Hindi ko namalayan na nalimutan ko ang aking pasakit. Alam na alam ko na ang mga ito ay matalinong mga plano ng Diyos; inalala ng Diyos ang aking kahinaan at inakay ako sa aking pinakamasakit na sandali. Noong gabing iyon, wala na akong pakialam kung paano ako tinrato ng masasamang pulis, at hindi ko man lang pinansin ang kanilang mga tanong. Nakikita ang nangyayari, ginamit ng masasamang pulis ang kanilang mga kamao para malupit akong pagsusuntukin sa mukha, pagkatapos ay inikit sa mga daliri nila ang buhok ko sa sentido at pinilipit ito. Namaga ang mga tainga ko dahil sa pagpilipit, hindi makilala ang mukha ko, pasa-pasa at sugat-sugat ang puwit at mga hita ko nang hambalusin nila ako ng makapal na pirasong kahoy, at pati mga daliri ko sa paa ay nangitim din matapos hampasin ng isang pirasong kahoy. Matapos akong ibitin sa mga posas nang anim na oras, nang tanggalin ng masasamang pulis ang mga posas, nakuskos ang laman sa ilalim ng kaliwa kong hinlalaki—halos buto na lang ang natira. Nag-iwan din ng dilaw na mga paltos ang mga posas sa mga pulsuhan ko, at walang paraan para maibalik na muli ang mga iyon. Sa sandaling iyon, pumasok ang isang mukhang importanteng babaeng opisyal na pulis. Tiningnan niya ako mula ulo hanggang paa, pagkatapos ay sinabi sa kanila: “Hindi na ninyo puwedeng bugbugin ang isang ito—mukhang malapit na siyang mamatay.” Kinandaduhan ako ng mga pulis sa isa sa mga silid ng hotel. Saradung-sarado ang mga kurtina roon nang dalawampu’t apat na oras bawat araw. May nakatalagang magbantay sa pintuan, at walang sinuman sa mga tagasilbi ang pinayagang makapasok, ni walang sinumang pinayagang makakita sa mga tagpo na pinahihirapan at pinagmamalupitan nila ako sa loob. Naghalinhinan sila sa walang tigil na interogasyon sa akin. Sa loob ng limang araw at gabi, hindi nila ako pinatulog, hindi nila ako pinaupo o pina-iskuwat, ni hindi nila ako pinayagang kainin ang rasyon kong pagkain. Pinayagan lang akong tumayo nang nakasandal sa pader. Isang araw, dumating ang isang opisyal para interogahin ako. Nakikitang hindi ko siya pinapansin, nagwala siya at sinipa ako pailalim sa mesa. Sumunod, hinatak niya ako mula sa ilalim at sinuntok, kaya tumulo ang dugo sa sulok ng bibig ko. Para mapagtakpan ang kanyang kalupitan, agad niyang isinara ang pinto para walang makapasok. Pagkatapos ay kumuha siya ng sandakot na tisyu at pinunasan ang dugo ko, hinugasan ng tubig ang dugo sa mukha ko at nilinis ang dugo sa sahig. Sadya akong nag-iwan ng kaunting dugo sa puting pangginaw ko. Gayunman, pagbalik ko sa detention house, sinabi ng masamang pulis sa iba pang mga bilanggo na ang dugo sa damit ko ay nagmula sa noong pagtibayin ako sa mental hospital at sinabi na doon ako nanggaling sa huling ilang araw. Ang mga sugat at dugo sa aking katawan ay dulot ng mga pasyente—sila, ang mga pulis, ay hindi pa ako nahawakan. Ang malulupit na katotohanang ito ay nagpakita sa akin ng walang-awa at mapanirang katusuhan, at pagiging hindi makatao ng People’s Police, at kasabay nito, tunay kong nadama ang proteksyon at pangangalaga ng Diyos sa akin. Tuwing labis-labis ang sakit na nadarama ko, nililiwanagan at ginagabayan ako ng Diyos, pinag-iibayo ang aking pananampalataya at lakas, binibigyan ako ng tapang na tumayong saksi para sa Kanya. Nang iwanan ako ng kalupitan ng masasamang pulis na halos patay na, tinulutan ako ng Diyos na mabalitaan ang pag-aresto sa iba pang mga kapatid, at higit akong inantig nito na ipagdasal sila, kaya nalimutan ko ang sarili kong pasakit at di-sinasadyang nadaig ko ang mga limitasyong idudulot ng kamatayan. Dahil sa pagiging masamang hambingan ni Satanas, nakita ko na ang Diyos lamang ang katotohanan, ang daan, at ang buhay, at na ang disposisyon ng Diyos lamang ang simbolo ng katuwiran at kabutihan. Diyos lamang ang namumuno sa lahat at nagpaplano ng lahat, at ginagamit Niya ang Kanyang dakilang kapangyarihan at karunungan upang akayin ako sa bawat hakbang sa paglaban sa pagkubkob ng napakaraming demonyo, sa pagdaig sa kahinaan ng laman at mga limitasyon ng kamatayan, kaya matibay kong nalagpasan ang madilim na lunggang ito. Nang maisip ko ang pagmamahal at pagliligtas ng Diyos, labis akong nagkainspirasyon, at nagpasiya akong labanan si Satanas hanggang sa pinakahuli. Kahit mabulok ako sa bilangguan, matibay kong paninindigan ang aking patotoo at palulugurin ang Diyos.

Matapos subukan ang lahat ng kaya nilang gawin, walang nakuha sa akin ang masasamang pulis. Sa huli, kumbinsido nilang sinabi: “Yari sa bakal ang CCP, pero yari sa diyamante ang mga naniniwala sa Makapangyarihang Diyos—nakahihigit sila kaysa sa CCP sa lahat ng aspeto.” Matapos marinig ang mga salitang ito, sa puso ko’y hindi ko maiwasang magbunyi at purihin ang Diyos: “Diyos ko, pinasasalamatan at pinupuri Kita! Sa Iyong pagiging makapangyarihan sa lahat at karunungan, nagapi Mo si Satanas at natalo ang Iyong mga kaaway. Ikaw ang pinakamataas na awtoridad at nawa’y mapasa-Iyo ang kaluwalhatian!” Sa sandaling ito ko lamang nakita na gaano man kalupit ang pamahalaang CCP, kontrolado at isinasaayos ito ng mga kamay ng Diyos. Gaya ng sinasabi sa mga salita ng Diyos: “Lahat ng bagay sa kalangitan at sa lupa ay kailangang sumailalim sa Kanyang kapamahalaan. Hindi sila maaaring magkaroon ng anumang pagpipilian at kailangang magpasakop ang lahat sa Kanyang mga pagsasaayos. Ito ay iniutos ng Diyos, at ito ang awtoridad ng Diyos(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Tagumpay o Kabiguan ay Depende sa Landas na Tinatahak ng Tao).

Isang araw, dumating ang masasamang pulis para minsan pa akong interogahin. Sa pagkakataong ito tila medyo kakatwa silang lahat. Nakatingin sila sa akin nang magsalita sila, pero parang hindi nila ako kinakausap. Mukhang may pinag-uusapan sila. Gaya ng nakaraang mga pagkakataon, natapos ang interogasyong ito na wala silang napala. Kalaunan, ibinalik ako ng masasamang pulis sa aking selda. Habang daan, bigla kong narinig na sinasabi nila na mukhang pakakawalan na ako sa unang araw ng susunod na buwan. Nang marinig ko ito, halos sumabog ang puso ko sa tuwa: “Ibig sabihin makakalabas na ako sa loob ng tatlong araw!” naisip ko. “Sa wakas ay maaari ko nang layasan ang impiyernong ito!” Habang pinipigil ang katuwaan sa puso ko, umasa at naghintay akong lumipas ang bawat segundo. Parang tatlong taon ang tatlong araw. Sa huli, sumapit ang unang araw ng buwan! Noong araw na iyon, nakatitig lang ako sa sahig, naghihintay na may tumawag sa pangalan ko. Lumipas ang umaga, at walang nangyari. Umasa na lang ako na aalis ako sa hapong iyon—pero pagsapit ng gabi, wala pa ring nangyari. Nang oras na para maghapunan, wala akong ganang kumain. Sa puso ko, nakadama ako ng kawalan; sa sandaling iyon, parang nalaglag ang puso ko mula sa langit patungong impiyerno. “Bakit hindi siya kumakain?” tanong ng guwardiya sa bilangguan sa iba pang mga bilanggo. “Wala pa siyang nakakain mula nang bumalik siya mula sa interogasyon noong araw na iyon,” sagot ng isa sa mga bilanggo. “Hipuin mo nga ang noo niya; maysakit ba siya?” sabi ng guwardiya sa bilangguan. Lumapit ang isang bilanggo at hinipo ang noo ko. Sabi niya napakainit niyon, na nilalagnat ako. Totoo naman. Biglang-bigla akong nagkasakit, at napakalubha niyon. Sa sandaling iyon, hinimatay ako. Sa nagdaang dalawang oras, tumaas nang tumaas ang lagnat ko. Umiyak ako! Lahat sila, pati na ang guwardiya ng bilangguan, ay pinanood akong umiiyak. Nataranta silang lahat: Ang tingin nila sa akin ay isang taong hindi natukso sa pagkain ni nasindak sa hambalos, na hindi nagpatulo ni isang luha tuwing nahaharap siya sa matinding pagpapahirap, at naibitin sa mga posas nang anim na oras nang hindi dumaraing. Subalit ngayon, kahit hindi ako pinahirapan, umiyak ako. Hindi nila alam kung saan nagmula ang mga luha ko—inisip lang nila na malubha ang sakit ko. Sa katunayan, kami lang ng Diyos ang nakakaalam sa dahilan. Lahat iyon ay dahil sa aking paghihimagsik at pagsuway. Tumulo ang mga luhang ito dahil nawalan ako ng pag-asa nang hindi matupad ang mga inaasahan ko at mawalan ng saysay ang mga inaasam ko. Mga luha ito ng paghihimagsik at hinaing. Sa sandaling iyon, hindi ko na ninais na magpasiyang magpatotoo sa Diyos. Ni wala akong lakas ng loob na masubukang muli nang ganito. Noong gabing iyon, naglabas ako ng mga luha ng kalungkutan, dahil sawa na ako sa buhay sa bilangguan at kinasuklaman ko ang mga demonyong ito—at higit pa riyan, kinamuhian kong mapunta sa grabeng lugar na ito. Ayaw ko nang gumugol ng isa pang segundo roon. Nang lalo kong isipin ito, lalo akong nalungkot, at lalo akong nakadama ng matinding hinaing, awa sa sarili, at lumbay. Pakiramdam ko para akong nag-iisang bangkang nakalutang sa dagat, yaong maaaring lamunin ng tubig anumang oras; bukod pa riyan, pakiramdam ko labis akong sinisiraan nang lihim ng mga tao sa paligid ko at nakakatakot na baka ilabas nila ang galit nila sa akin anumang oras. Paulit-ulit akong nagdasal sa Diyos, at sumagi sa isipan ko ang mga salitang ito mula sa Kanya: “Para sa bawat isa na naghahangad na ibigin ang Diyos, walang katotohanang hindi matatamo at walang katarungan na hindi nila mapaninindigan. Paano ka ba dapat mamuhay? Paano mo ba dapat ibigin ang Diyos, at gamitin ang pag-ibig na ito para bigyang-kasiyahan ang Kanyang kagustuhan? Walang bagay na hihigit pa sa iyong buhay. Higit sa lahat, ikaw ay dapat magkaroon ng ganitong mga hangarin at pagtitiyaga, at hindi dapat maging tulad ng mga walang gulugod, mga mahihinang nilalang. Dapat mong matutunan kung paano maranasan ang isang makahulugang buhay, at maranasan ang makahulugang mga katotohanan, at hindi dapat ituring ang iyong sarili na walang sigla sa ganitong paraan(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang mga Karanasan ni Pedro: Ang Kanyang Kaalaman sa Pagkastigo at Paghatol). Ang mga salita ng Diyos ay nagbigay sa akin ng pananampalataya. Naisip ko kung paano ako taimtim na sumumpa sa harap ng Diyos na gaano man ako magdusa, tatayo akong saksi at pahihiyain ko si Satanas. Pero nang haharap na ako sa pagpapahirap ng mga pulis sa loob ng mahabang panahon, nawala ang paninindigan ko at inasam ko lang ang araw na makatakas ako sa napakasamang lugar na iyon. Anong klaseng pagpapasakop iyon? Anong klaseng patotoo iyon? Sa isang panalangin sa Diyos, sumumpa ako na kahit mangahulugan ito ng paggugol ng buong buhay ko sa bilangguan, hinding-hindi ako susuko kay Satanas. Tatayo akong saksi at pahihiyain ko si Satanas. Pagkatapos noong Disyembre 6, 2005, pinakawalan ako, na tumapos sa impiyernong buhay na iyon sa bilangguan.

Matapos danasin ang pag-aresto at pag-uusig na ito, bagama’t natiis ng aking katawan ang kaunting hirap, nagkaroon ako ng kabatiran at paghiwatig, at talagang nakita ko na ang pamahalaang CCP ang sagisag ng diyablong si Satanas, isang grupo ng mga mamamatay-tao na papatay ng mga tao sa isang kisap-mata, pero naunawaan ko rin ang kapangyarihang walang hanggan at karunungan ng Diyos, gayundin ang Kanyang katuwiran at kabanalan; napahalagahan ko ang mabubuting layunin ng Diyos sa pagliligtas sa akin, at ang Kanyang pagmamalasakit at proteksyon sa akin, na nagtulot sa akin, noong pagmalupitan ako ni Satanas, na madaig si Satanas sa paisa-isang hakbang, at matibay na manindigan sa aking patotoo. Mula sa araw na ito, nais kong ibigay nang lubusan ang kabuuan ko sa Diyos, at tapat kong susundin ang Diyos, upang maangkin Niya ako nang mas maaga.

Sinundan: 85. Isang Panahon ng Brutal na Pagpapahirap

Sumunod: 87. Pinatibay ng Brutal na Pagpapahirap ang Pananampalataya Ko

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

70. Hindi Na Isang Pasikat

Ni Mo Wen, SpainNaalala ko noong taong 2018, nasa tungkuling ebanghelyo ako sa iglesia, at pagkatapos ay ginawang tagapamahala ng gawaing...

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito