Nilulutas ng Salita ng Diyos ang Lahat ng Kasinungalingan

Pebrero 13, 2023

Ni Ye Qiu, Tsina

Noong Hunyo ng 2022, nahalal ako na maging diyakono ng pagdidilig at nagdidilig ako sa mga baguhan kasama si Sister Cheng Lin. Dahil kakatanggap lang sa gawain ng Diyos sa mga huling araw, marami pa ring kuru-kurong panrelihiyon ang mga bagong mananampalataya. Natakot ako na hindi magiging malinaw ang pagbabahagi ko at hindi malulutas ang kanilang mga problema, kaya hiniling ko muna sa lider na samahan akong maghanap ng ilang sipi ng mga salita ng Diyos tungkol sa kanilang mga kuru-kuro. Sa araw ng pagtitipon, habang nagbabahagi ako sa mga salita ng Diyos na maaga kong naihanda tungkol sa mga kuru-kuro ng mga bagong mananampalataya, nalutas ang kanilang mga kuru-kuro. Nang patapos na kami, tinanong ako ni Cheng Lin, “Talagang detalyado ngayon ang mga tugon mo sa mga katanungan ng mga baguhan. Nakipagbahaginan ka ba muna sa lider?” Nang marinig ko ito, nagsimula akong mag-isip nang kung anu-ano. Dahil bago ako sa tungkuling iyon, naghinala ba siya na hindi sumasalamin sa tunay kong antas ang paggampan ko ngayong araw? Kung sinabi ko sa kanya na nakuha ko mula sa lider ang karamihan sa aking pagbabahagi, titingalain pa ba niya ako? Hindi ba niya iisipin na may mahina akong kapabilidad sa gawain? Naisip ko na hindi ko puwedeng sabihin sa kanya ang totoo. Kaya, sinabi ko, “Hindi.” Sa sandaling sinabi ko iyon, pakiramdam ko ay nilabag ko ang konsensiya ko. Malinaw na nakapagbahaginan na kami ng lider tungkol dito, pero tiningnan ko siya sa mata at sinabing hindi. Hindi ba’t sadya akong nagsisinungaling? Kung darating ang lider balang araw at magtatanong si Cheng Lin tungkol dito, malalantad ang kasinungalingan ko—nakakahiya! Sasabihin sa akin ng lahat na mapanlinlang talaga ako. Lalo akong hindi mapalagay habang mas iniisip ko iyon. Nang gabing iyon ay nakahiga ako sa kama, putol-putol ang tulog. Kinabukasan, pinuntahan ko si Cheng Lin, handang magtapat sa kanya at ilantad ang sarili ko sa kanya, pero umurong ang dila ko, at basta hindi ako makapagsalita. Natakot ako na baka maliitin ako ni Cheng Lin kung sasabihin ko sa kanya, at iisipin niya na may mahina akong kapabilidad sa gawain, na masyado akong nakatuon sa reputasyon at katayuan. Baka sabihin niyang talagang mapanlinlang ako para magsinungaling sa gayon kaliit na bagay. Hindi na ako nagsalita matapos pag-isipan ang lahat ng iyon. Naisip ko ang mga salita ng Diyos habang pauwi: “Dapat ninyong malamang gusto ng Diyos ang mga matapat(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tatlong Paalaala). Lalo akong nakonsensiya. Hindi ko masabi ang ni isang matapat na bagay. Paano ako magiging isang matapat na tao na gusto ng Diyos? Pakiramdam ko ay parang may napakabigat na bagay na dumudurog sa aking puso—napakasama ng pakiramdam ko. Tinanong ko ang sarili ko, “Alam na alam ko na napopoot ang Diyos sa mga mapanlinlang na sinungaling, kaya bakit napakahirap sabihin ang totoo?”

Habang nagninilay-nilay, sumagi sa isip ko na hindi lang ako nagsinungaling sa isang bagay. Madalas ganoon din ako sa ibang mga bagay. Minsan, tinanong kami ng lider kung ilang baguhan ang kaya naming diligan kada buwan. Bago lang ako sa tungkulin at hindi ko pa lubos na nauunawaan ang mga prinsipyo para dito, kaya hindi ko kayang pangasiwaan ang napakarami. Pero kung sasabihin ko ang totoo, natatakot ako na sasabihin ng lider na nagkukulang ako, at hindi ko kaya ang trabaho. Kaya, pinalaki ko nang kaunti ang bilang ko. Mataas naman na ang bilang ko, pero hindi pa rin ako mapalagay. Natatakot ako na baka kalaunan, magiging nakakahiya kung hindi ko madiligan ang ganoon karaming baguhan, maaantala ang kanilang buhay pagpasok. Pero nasabi ko na ito, at nahihiya akong maging tapat sa lider. Kinailangan kong panindigan ito at magpatuloy. At ilang araw bago iyon, tinanong ako ng lider kung gaano katagal bago ko malutas ang problema ng isang baguhan. Hindi ko lubusang naunawaan ang kuru-kuro ng baguhang iyon sa simula, kaya ilang beses akong nagbahagi. Nang tanungin ng lider ang tungkol dito, natakot ako na kung sasabihin ko ang totoo, sasabihin ng lider na wala akong kakayahan, at na may mahina akong kapabilidad sa gawain dahil inabot ng ilang pagbabahaginan para malutas ang gayong kaliit na isyu. Para protektahan ang imahe ko, nagsinungaling ako at sinabing nalutas ito ng isang pagbabahagi. Hindi ako mapakali pagkatapos, natatakot na isang araw ay mabubunyag ako. Sa pagbabalik-tanaw sa pag-uugali ko, nakita kong nagsinungaling ako nang husto sa pagsisikap kong protektahan ang imahe ko at bigyan ang mga tao ng magandang impresyon. Namumuhay ako sa kadiliman at pasakit, napakalayo sa mga pamantayan ng Diyos ng pagiging matapat na tao. Naisip ko kung paanong ang mga kapatid ay nagsasanay lahat na maging matapat na mga tao at nilulutas ang kanilang mga mapanlinlang na kalikasan. Nagsulat pa nga ang ilan ng mga artikulo ng patotoong batay sa karanasan. Pero pagkatapos ng maraming taon sa pananalig, labis pa rin akong nagsisinungaling, lubos na walang katapatan. Kung mananatili akong ganoon sa aking pananalig, siguradong ititiwalag ako ng Diyos. Mabilis akong nagdasal, “O Diyos, maraming taon na akong nananampalataya sa Iyo. Hanggang ngayon, nagsisinungaling at nanloloko pa rin ako kapag nasasangkot ang mga interes ko, na kinasusuklaman Mo. Ayaw kong magpatuloy nang ganito. Pakiusap, gabayan Mo ako para malutas ang problema ko sa pagsisinungaling.”

May isang sipi akong nabasa sa aking mga espirituwal na debosyonal: “Sa kanilang pang-araw-araw na buhay, ang mga tao ay madalas na nagsasabi ng mga walang saysay na bagay, mga kasinungalingan, at mga bagay na mangmang, hangal, at depensibo. Sinasabi nila ang karamihan sa mga bagay na ito dahil sa banidad at pride, upang bigyang-kasiyahan ang mga sarili nilang ego. Ang pagsasabi ng gayong mga kasinungalingan ay isang pagbubunyag ng mga tiwaling disposisyon. Kung lulutasin mo ang mga tiwaling elementong ito, madadalisay ang puso mo, at unti-unti kang magiging mas dalisay at matapat. Ang totoo, alam ng lahat ng tao kung bakit sila nagsisinungaling. Lahat ng ito ay alang-alang sa pansariling pakinabang, para sa banidad at pride, at para sa reputasyon at katayuan, na sinusubukan nilang makipagkompetensiya sa iba at magpanggap. Gayunman, sa huli, ang kasinungalingan nila ay ibinubunyag at inilalantad ng iba, at napapahiya sila, at nasisira din ang dignidad at integridad nila. Ang lahat ng ito ay dulot ng sobra-sobrang kasinungalingan. Masyadong marami ang mga kasinungalingan mo. Ang bawat salitang sinasabi mo ay may halo na at huwad, at ni isa ay hindi maituturing na totoo o matapat. Kahit na nararamdaman mong naiwasan mong mapahiya kapag nagsisinungaling ka, sa kaibuturan, nakakaramdam ka ng kahihiyan. Inuusig ka ng konsensiya mo, at sa loob-loob, nakakaramdam ka ng paghamak at pangmamata sa sarili mo, iniisip na, ‘Bakit nabubuhay ako nang kahabag-habag? Ganoon ba kahirap ang magsalita ng katotohanan? Kailangan bang magsinungaling ako para sa pride ko? Bakit sobrang nakakapagod ang buhay ko?’ Hindi mo kailangang mamuhay nang ganoong sobrang nakakapagod na buhay. Kung makakapagsagawa ka bilang isang matapat na tao, magagawa mong mamuhay nang magaan, malaya, at maalwan. Gayunman, pinili mo ang landas na panatilihin ang iyong pride at banidad sa pamamagitan ng pagsisinungaling. Bunga nito, namumuhay ka ng isang sobrang nakakapagod at miserableng pag-iral. Lahat ng ito ay ikaw mismo ang may gawa. Maaaring mapanatili ng isang tao ang kanyang pride sa pamamagitan ng pagsisinungaling, ngunit ano ang pride na iyon? Ito ay isang bagay lang na walang kabuluhan, at ganap na walang halaga. Ang pagsisinungaling ay nangangahulugang pagkakanulo ng integridad at dignidad ng isang tao. Ginagawa nitong mawalan ng dignidad at integridad ang isang tao. Hindi ito nakalulugod at kasuklam-suklam ito para sa Diyos. Sulit ba ito? Hindi. Ito ba ang tamang landas? (Hindi.) Ang mga taong madalas na nagsisinungaling ay namumuhay alinsunod sa mga satanikong disposisyon nila; namumuhay sila sa ilalim ng kapangyarihan ni Satanas. Hindi sila namumuhay sa liwanag, ni hindi rin sila namumuhay sa presensya ng Diyos. Palagi mong iniisip kung paano magsisinungaling at pagkatapos mong magsinungaling, kailangan mong mag-isip kung paano pagtatakpan ang kasinungalingang iyon. At kapag hindi mo napagtakpan nang sapat na maayos ang kasinungalingan, malalantad ito, at kakailanganin mong pigain ang iyong utak para mag-imbento pa ng mga kasinungalingan para ayusin ito. Hindi ba’t nakakapagod ang mabuhay nang ganito? Sobrang nakakapagod ang lahat ng ito. At sulit ba ito? Hindi, talagang hindi ito sulit. Ang pagpiga sa utak upang magsabi ng mga kasinungalingan at pagkatapos ay pagtakpan ang mga ito, lahat para sa kapakanan ng pride, banidad, at katayuan—anong kabuluhan nito? Sa wakas, nagninilay-nilay ka at iniisip mo, ‘Ano ang punto? Masyadong nakakapagod ang pagsisinungaling at ang pangangailangang pagtakpan ang mga ito. Hindi uubra na kumikilos ako sa ganitong paraan; mas magiging madali kung magiging matapat na tao na lang ako.’ Gusto mong maging isang matapat na tao, ngunit hindi mo mabitiwan ang pride, banidad, at mga personal na interes mo. Maaari ka lang magsinungaling, gumamit ng mga kabulaanan para mapanatili ang mga bagay na ito. … Kung iniisip mong mapapanatili ng mga kasinungalingan ang reputasyon, katayuan, banidad, at pride na ninanais mo, lubos kang nagkakamali. Ang totoo, sa pamamagitan ng pagsisinungaling, hindi ka lang bigong mapanatili ang banidad at pride mo, at ang dignidad at integridad mo, pero ang mas malala pa ay napapalagpas mo ang pagkakataong isagawa ang katotohanan at maging isang matapat na tao. Kahit na magawa mong panatilihin ang iyong reputasyon, katayuan, banidad, at pride sa sandaling iyon, naiwaksi mo ang katotohanan at naipagkanulo ang Diyos. Ibig sabihin nito ay ganap nang nawala sa iyo ang pagkakataon na mailigtas at maperpekto Niya, na siyang pinakamalaking kawalan at isang walang hanggang pagsisisihan(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Sa Pamamagitan Lang ng Pagiging Isang Matapat na Tao Makapagsasabuhay ng Tunay na Wangis ng Tao ang Isang Tao). Inilarawan ng lahat ng salita ng Diyos ang aking aktuwal na kalagayan. Palagi akong nagsisinungaling at nanlilinlang para protektahan ang aking banidad at pride. Nagpapanggap ako, na isang nakakapagod na paraan ng pamumuhay na nagsanhi sa akin na maging miserable. Noong una kong sinimulan ang pagdidilig sa mga baguhan, nakita ni Cheng Lin na ayos naman ang pagbabahagi ko at tinanong niya ako kung nakipagbahaginan na ba ako sa lider nang mas maaga. Talagang normal lang na tanong iyon. Puwede ko sana itong sagutin ng simpleng “Oo.” Pero natakot ako na baka maliitin niya ako kapag sinabi ko ang totoo. Habang inaalala ko ang reputasyon ko, sadya akong nagsinungaling. At saka, nang tanungin kami ng lider kung gaano karaming baguhan ang kaya naming diligan, hindi ako sumagot batay sa aking aktuwal na tayog. Natakot akong sasabihin ng lider na kapos ang aking kapabilidad sa gawain kung magbibigay ako ng mababang bilang, kaya sinadya kong pataasin ito. Pagkatapos ay nag-alala ako na hindi ko ito kakayanin—ang paggawa ng tungkulin ko nang ganito ay sobrang nakaka-stress at nakakapagod. Ganoon din ako sa pagdidilig ng mga bagong mananampalataya. Dahil sa mababaw kong pagkaunawa sa katotohanan, kinailangan kong magbahagi nang maraming beses para malutas ang isyu ng baguhan. Pero inaalala ko kung ano ang iisipin ng lider sa akin, kaya sinabi kong isang pakikipagbahaginan lang ang kinailangan ko. Paulit-ulit akong nagsinungaling at nanlinlang para protektahan ang aking banidad at pride, para sang-ayunan ako ng iba. Masyado akong mapanlinlang at mapagpaimbabaw! Inakala ko na kung hindi ko sasabihin ang totoo, hindi malalaman ng iba at ng lider ang tunay na antas ng kasanayan ko, at mapoprotektahan ko ang imahe ko. Pero sinisiyasat ng Diyos ang lahat. Kaya kong lokohin ang ibang tao, pero hinding-hindi ang Diyos. Pagtagal-tagal, makikilatis ako ng lahat. Makikita nila na isa akong taong walang katotohanang realidad at palagiang nagsisinungaling. Sa totoo lang, nahihirapan ang loob ko pagkatapos magsinungaling. Natatakot ako sa araw na malalantad ang aking kasinungalingan at mabubunyag kung ano ako. Hindi lang ako mapapahiya, kundi hindi na rin ako pagkakatiwalaan ng iba. Sa mahabang panahon, pinahirapan ako ng pag-aalala at pagkabalisa. Nakakapagod ito nang husto. Nasa kadiliman ako at nasasaktan. Sa patuloy na pagsisinungaling at panloloko, hindi pagsasagawa sa katotohanan o hindi pagiging matapat na tao, hindi lang nagdusa ng mga kawalan ang sarili kong buhay, kundi namumuhay rin ako nang walang anumang karakter o dignidad, na kinasusuklaman at kinamumuhian ng Diyos. Naisip ko ang sinabi ng Panginoong Jesus: “Ang magiging pananalita ninyo ay, ‘Oo, oo; Hindi, hindi’: sapagkat ang humigit pa rito ay buhat sa masama(Mateo 5:37). “Kayo ay sa inyong amang diyablo, at ang mga nasa ng inyong ama ay inyong gagawin. Siya ay isang mamamatay-tao buhat pa noong una, at hindi nananatili sa katotohanan, sapagkat walang katotohanan sa kanya. Kapag nagsasalita siya ng kasinungalingan, ay nagsasalita siya ng sa sarili niya: sapagkat siya ay isang sinungaling, at ama nito(Juan 8:44). Gusto ng Diyos ang matatapat na tao at kinapopootan ang mga mapanlinlang. Dapat ay nagsalita at kumilos ako ayon sa mga salita ng Diyos, sinasabi kung ano ang totoo. Ang oo ay oo, at ang hindi ay hindi. Pero paulit-ulit akong nagsinungaling para protektahan ang sarili kong imahe. Paano ito naiiba sa diyablong si Satanas? Palaging nagsisinungaling ang diyablo—wala itong anumang sinasabing totoo. Kahit hanggang ngayon, nakapagsinungaling din ako nang maraming beses. Kung hindi ako magsisisi, siguradong ititiwalag ako ng Diyos. Pinag-isipan ko nang husto ang mga kasinungalingan at pagpapanggap ko para protektahan ang imahe ko at tamasahin ang ilang agarang pakinabang. Pero bilang resulta, nasuklam ang Diyos, nayamot ang mga tao, at nagdusa ako. Naging hangal ako.

Nagpatuloy ako sa pagninilay-nilay sa sarili, at isang araw, may nabasa ako sa mga salita ng Diyos: “Kapag nanlilinlang ang mga tao, ano ang kanilang pinagbabatayang motibo? Anong mithiin ang sinusubukan nilang makamit? Walang pasubali, ito ay para magkamit ng katanyagan, pakinabang at katayuan; sa madaling sabi, ito ay alang-alang sa sarili nilang mga interes. At ano ang pinakaugat ng paghahangad sa mga pansariling interes? Ito ay dahil nakikita ng mga tao ang mga pansarili nilang interes bilang mas mahalaga kaysa sa lahat ng iba pa. Nanlilinlang sila upang makinabang, ibinubunyag ang kanilang mapanlinlang na disposisyon. Paano dapat lutasin ang problemang ito? Una, kailangan mong kilatisin at alamin kung ano ang mga personal na interes, kung ano ba mismo ang maidudulot ng mga ito sa mga tao, at kung ano ba ang mga kahihinatnan ng paghahangad sa mga ito. Kung hindi mo ito nakikita nang malinaw, madaling sabihin na tatalikuran mo ang mga ito pero mahirap itong gawin. Kung hindi nauunawaan ng mga tao ang katotohanan, wala nang iba pang mas mahirap talikuran para sa kanila kaysa sa sarili nilang mga interes. Iyon ay dahil ang mga pilosopiya nila sa buhay ay ‘Ang bawat tao para sa kanyang sarili at bahala na ang iba’ at ‘Ang tao ay namamatay para sa kayamanan, gaya ng mga ibon para sa pagkain.’ Malinaw na nabubuhay lamang sila para sa kanilang sariling mga interes. Iniisip ng mga tao na kung wala silang sariling mga interes o kung mawawala ang mga ito, hindi sila mananatiling buhay, na para bang ang kanilang pananatiling buhay ay nakasalalay sa kanilang sariling mga interes. Kaya karamihan sa mga tao ay bulag sa lahat maliban sa kanilang sariling mga interes. Nakikita nila ang kanilang mga interes bilang nakahihigit sa lahat ng iba pa, at nabubuhay sila para lamang sa kanilang sariling mga interes. Hindi sila kikilos maliban sa kung may mapapala sila sa isang bagay, at ang paghiling sa kanila na isuko ang kanilang sariling mga interes ay parang paghiling sa kanila na isuko ang sarili nilang buhay(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Pag-unawa sa Disposisyon ng Isang Tao ang Pundasyon ng Pagbabago Nito). “Sabihin nang alam ng isang taong mapanlinlang na siya ay mapanlinlang, na mahilig siyang magsinungaling at ayaw niyang sabihin ang katotohanan, at na palagi siyang may ikinukubli habang nakikipagtulungan sa iba, ngunit ikinatutuwa niya ito, na iniisip sa kanyang sarili, ‘Masarap mabuhay nang ganito. Palagi kong pinaglalaruan ang mga tao, ngunit hindi nila magagawa iyon sa akin. Palagi akong nasisiyahan pagdating sa sarili kong mga interes, pride, banidad, at katayuan. Umaayon ang mga bagay-bagay sa mga plano ko, nang walang mga kamalian, walang mga gusot, at walang sinumang nakakakilatis sa mga ito.’ Handa ba ang gayong uri ng tao na maging matapat? Hindi. Naniniwala ang gayong tao na ang panlilinlang at pagiging baliko ay katalinuhan at karunungan, na mga positibong bagay ang mga ito. Partikular niyang pinahahalagahan ang mga bagay na ito at hindi niya maatim na bitiwan ang mga ito. ‘Ito ang perpektong paraan ng pag-asal, at ang tanging nakasisiyang paraan para mabuhay,’ iniisip niya. ‘Ito lamang ang pamumuhay na may halaga, ang tanging pamumuhay para kainggitan at tingalain ako ng iba. Kahangalan at kamangmangan ang hindi ako mamuhay ayon sa mga pilosopiya ni Satanas. Palagi akong mawawalan ng pakinabang—maaapi, mamaliitin, at kikilos bilang alipin ng iba. Walang halaga ang gayong klaseng pamumuhay. Hinding-hindi ako magiging matapat na tao!’ Ipagkakanulo ba ng ganitong klaseng tao ang kanyang mapanlinlang na disposisyon at magsasagawa na maging matapat? Siguradong hindi. … Wala silang pagmamahal para sa mga positibong bagay, hindi nila pinananabikan ang liwanag, at hindi nila minamahal ang Salita ng Diyos o ang katotohanan. Gusto nilang sumunod sa mga makamundong kalakaran, mahal nila ang kasikatan, pakinabang, at katayuan, at gustong-gusto nilang namumukod-tangi sila sa mga tao. Sinasamba nila ang kasikatan, pakinabang, at katayuan, pati na ang mga sikat na tao at ang malalaking personalidad, pero ang totoo, ang sinasamba nila ay mga demonyo at mga Satanas. Sa kanilang puso, hindi ang katotohanan ang hinahangad nila, o ang mga positibong bagay; sa halip, pinagpipitaganan nila ang masamang kaalaman. Sa puso nila, hindi sila sang-ayon sa mga taong naghahangad sa katotohanan o ang mga nagpapatotoo sa Diyos; sa halip, sinasang-ayunan at iniidolo nila ang mga taong may espesyal na mga talento at ang mga may espesyal na kaloob. Hindi nila tinatahak ang landas ng pananampalataya sa Diyos at paghahangad sa katotohanan; sa halip, hinahangad nila ang kasikatan, pakinabang, katayuan, at kapangyarihan; hinahangad nilang maging isang tao na labis na tuso na nagagawang manalo gamit ang mga tusong pakana, nilalayon nilang pasukin ang mas mataas na antas ng lipunan para maging dakila at kilala. Hinahangad nilang idolohin at malugod na tanggapin sa lahat ng okasyon na kanilang pupuntahan; hinahangad nilang maging isang idolo. Iyan ang klase ng taong nais nilang maging. Anong uri ng landas ito? Ito ang landas ng mga demonyo, ang landas ng masama. Hindi ito ang landas na tinatahak ng isang mananampalataya sa Diyos. Ginagamit nila ang mga pilosopiya ni Satanas, ang lohika nito, ginagamit nila ang bawat pakana nito, bawat panlalansi, sa bawat sitwasyon, upang linlangin ang mga tao para makuha ang kanilang tiwala, na idinudulot na sambahin at sundin sila ng mga tao. Hindi ito ang landas na dapat tahakin ng mga taong nananampalataya sa Diyos, kundi ang landas na tinatahak ng mga Satanas at diyablo. Hindi lang hindi maliligtas ang ganitong uri ng tao, kundi haharap din siya sa pagpaparusa ng Diyos—wala itong kaduda-duda(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Hindi Maliligtas ang Isang Tao sa Pamamagitan ng Paniniwala sa Relihiyon o Pagsali sa mga Ritwal na Panrelihiyon). Ipinakita sa akin ng mga salita ng Diyos kung bakit nagawa kong magsinungaling at umakto nang mapanlinlang nang paulit-ulit, at kung bakit hindi ako kailanman naglakas-loob na maging bukas at matapat na tao. Ito ay dahil mayroon akong mapanlinlang na kalikasan. Tumututol ako sa katotohanan at hindi ko mahal ang mga positibong bagay. Hindi ko ginawang prayoridad ang paghahanap sa katotohanan, ang pagiging isang taong nagpapalugod sa Diyos. Sa halip, pinahalagahan ko ang mga satanikong pilosopiya tulad ng “Ang bawat tao para sa kanyang sarili at bahala na ang iba,” “Kailangan ng mga tao ang kanilang pride, tulad ng pangangailangan ng puno sa balakbak nito,” at “Na hindi magagawang kamtin ang malalaking tagumpay nang hindi nagsasabi ng mga kasinungalingan,” pati na rin ang sarili kong imahe at mga interes. Noong maliit pa ako, may kamag-anak ako na hanggang hayskul lang ang natapos, pero sinabi niyang nagtapos siya ng kolehiyo. Kapag malinaw na wala siyang kasanayan, itinataas niya ang kanyang sarili, sinasabing pinag-aralan niya ito sa kung saang prestihiyosong unibersidad. Nang magsinungaling siya at magpanggap nang ganoon, hindi lang siya hindi minaliit ng mga tao, kundi tiningala at hinangaan pa nila siya. Nakita ko ang maraming katulad na pagkakataon habang lumalaki ako, at naimpluwensiyahan ako ng mga iyon. Nang hindi ko namamalayan, sinang-ayunan ko sa puso ko ang mga satanikong pamamaraang iyon. Pakiramdam ko, minsan ay talagang nalulutas ng kasinungalingan ang isang isyu. Hindi ka lang makakakuha ng paghanga, kundi maaari mo ring makuha ang gusto mo. Kaya’t nagpatuloy akong mamuhay ayon sa pananaw na ito pagkarating ko sa sambahayan ng Diyos. Kung may kinalaman sa aking imahe o mga interes, hindi ko maiwasang magsinungaling, manloko, at magpanggap. Kahit na nakokonsensiya ako pagkatapos magsinungaling, hindi pa rin ako naglalakas-loob na magtapat sa lahat, natatakot na kung magiging prangka ako, makikita nila kung ano talaga ako at bababa ang tingin sa akin. Ang isiping mapapahiya ako nang ganoon—mas mabuti pang patayin mo na lang ako! Mas pinili kong mamuhay sa kadiliman at paghihirap kaysa magbigkas ng matapat na salita, lalong nagiging mapagpaimbabaw at mapanlinlang. Ganoong-ganoon din ang Partido Komunista ng Tsina. Gaano man karaming kahiya-hiya, masasamang bagay ang gawin nito, hinding-hindi nito isisiwalat ang mga iyon, bagkus lolokohin ang mundo sa mga kasinungalingan nito. Nagkukunwari itong dakila, maluwalhati, at tama para linlangin ang mga tao, para lokohin ang mga karaniwang tao. Napakakasuklam-suklam at napakasama nito. Hindi ba’t ang pagsisinungaling at panlilinlang ko ay kapareho ng sa Partido Komunista ng Tsina sa diwa? Ipinaalala nito sa akin ang mga salita ng Diyos: “Anong uri ng landas ito? Ito ang landas ng mga demonyo, ang landas ng masama. Hindi ito ang landas na tinatahak ng isang mananampalataya sa Diyos. Ginagamit nila ang mga pilosopiya ni Satanas, ang lohika nito, ginagamit nila ang bawat pakana nito, bawat panlalansi, sa bawat sitwasyon, upang linlangin ang mga tao para makuha ang kanilang tiwala, na idinudulot na sambahin at sundin sila ng mga tao. Hindi ito ang landas na dapat tahakin ng mga taong nananampalataya sa Diyos, kundi ang landas na tinatahak ng mga Satanas at diyablo. Hindi lang hindi maliligtas ang ganitong uri ng tao, kundi haharap din siya sa pagpaparusa ng Diyos—wala itong kaduda-duda(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Hindi Maliligtas ang Isang Tao sa Pamamagitan ng Paniniwala sa Relihiyon o Pagsali sa mga Ritwal na Panrelihiyon). Ang Diyos ay tapat. Hinihingi ng Diyos na maging matatapat tayo para makamit ang Kanyang pagliligtas sa huli. Pero ginagamit ni Satanas ang lahat ng uri ng pilosopiya at maling paniniwala para iligaw at gawing tiwali ang mga tao, hinihimok tayong palagiang magsinungaling at manloko para sa sarili nating kasikatan, pakinabang at katayuan, lalong nagiging mapagpaimbabaw at mapanlinlang. Sa huli, bababa tayo sa impiyerno at paparusahan kasama ni Satanas. Sa puntong iyon, malinaw kong nakita ang tuso at masamang motibo ni Satanas. Kinamumuhian ko ito mula sa kaibuturan ng puso ko at handa akong hangaring maging isang matapat na tao.

May iba pa akong nabasa sa mga salita ng Diyos kalaunan: “Na hinihingi ng Diyos sa mga tao na maging matapat ay nagpapatunay na talagang kinasusuklaman Niya ang mga taong mapanlinlang at hindi Niya gusto ang mga ito. Ang pag-ayaw ng Diyos sa mga taong mapanlinlang ay pag-ayaw sa kanilang paraan ng paggawa ng mga bagay-bagay, sa kanilang mga disposisyon, at pati sa kanilang mga intensyon, at kanilang mga pamamaraan ng panlilinlang; ayaw ng Diyos ang lahat ng bagay na ito. Kung ang mga taong mapanlinlang ay nagagawang tanggapin ang katotohanan, aminin ang kanilang mapanlinlang na disposisyon, at handa silang tanggapin ang pagliligtas ng Diyos at isagawa ang katotohanan para maging matatapat na tao, sila man ay may pag-asang maligtas, sapagkat hindi nagpapakita ang Diyos ng pagkiling sa sinuman, at gayundin ang katotohanan. Kaya nga, kung nais nating maging mga taong kalugod-lugod sa Diyos, una ay dapat nating baguhin ang ating mga prinsipyo ng sariling asal, tumigil sa pamumuhay nang ayon sa mga satanikong pilosopiya, tumigil sa pag-asa sa pagsisinungaling at panlilinlang para maipamuhay ang ating buhay, at iwaksi ang lahat ng ating kasinungalingan at subukang maging matatapat na tao. Sa gayon ay magbabago ang pagtingin sa atin ng Diyos. Dati-rati, laging umaasa ang mga tao sa pagsisinungaling, panlilinlang, at pagkukunwari habang namumuhay kasama ang iba, at umaasal sila sa pamamagitan ng paggamit ng mga satanikong pilosopiya bilang batayan ng kanilang pag-iral, bilang kanilang buhay, at bilang saligan. Isang bagay ito na kinasusuklaman ng Diyos. Sa mga walang pananampalataya, kung sinusubukan mong maging isang matapat na tao at sabihin ang totoo, sisiraan ka, huhusgahan, at itatakwil. Kaya sumusunod ka sa mga makamundong kalakaran at namumuhay ayon sa mga satanikong pilosopiya; lalo ka pang humuhusay sa pagsisinungaling, at mas lalong nagiging mapanlinlang. Gumagamit ka rin ng mga lihim na mapanirang kaparaanan para makamtan ang iyong mga layon at sa gayon ay protektahan ang iyong sarili. Mas lalo kang nagiging maunlad sa mundo ni Satanas, at dahil dito, palalim nang palalim ang pagkahulog mo sa kasalanan at hindi mo na mapalaya ang iyong sarili. Sa sambahayan ng Diyos, eksaktong kabaligtaran niyon ang mga bagay-bagay. Kapag mas may kasanayan ka sa pagsisinungaling at pagiging mapanlinlang, mas magiging tutol sa iyo ang mga taong hinirang ng Diyos at itatakwil ka. Kung ayaw mong magsisi at nakakapit ka pa rin sa mga satanikong pilosopiya at lohika, at gumagamit ka rin ng mga pakana at pandaraya at mga sopistikadong taktika para magbalatkayo at magpanggap, malamang na mabubunyag at matitiwalag ka. Ito ay dahil kinasusuklaman ng Diyos ang mga taong mapanlinlang. Tanging matatapat na tao ang maaaring umunlad sa sambahayan ng Diyos, at lahat ng mga taong mapanlinlang ay itatakwil at ititiwalag sa huli. Matagal na itong paunang inorden ng Diyos(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Pinakasaligang Pagsasagawa ng Pagiging Isang Taong Matapat). “Ang pagtanggap sa katotohanan at pagkilala sa iyong sarili ang landas tungo sa pag-unlad sa buhay at pagtatamo ng kaligtasan; ito ang pagkakataon para sa iyo na lumapit sa harapan ng Diyos at matanggap ang Kanyang masusing pagsisiyasat, paghatol, at pagkastigo, at matamo ang katotohanan at ang buhay. Kung susukuan mo ang paghahangad sa katotohanan alang-alang sa paghahangad ng reputasyon, katayuan, at sarili mong mga interes, katumbas lang ito ng pagsuko sa oportunidad na matanggap ang paghatol at pagkastigo ng Diyos at na matamo ang kaligtasan. Pinipili mo ang katanyagan, pakinabang, at katayuan at ang sarili mong mga interes, pero ang isinusuko mo naman ay ang katotohanan, at ang nawawala sa iyo ay ang buhay, at ang pagkakataong maligtas. Ano ang mas mahalaga? Kung pipiliin mo ang sarili mong mga interes at isusuko mo ang katotohanan, hindi ba’t kahangalan ito? Sa payak na pananalita, isa itong malaking kawalan para sa isang maliit na pakinabang. Ang kasikatan, pakinabang, katayuan, pera, at pansariling interes ay pawang pansamantala lamang, nawawala ang mga ito tulad ng usok, samantalang ang katotohanan at ang buhay ay walang hanggan at hindi nagbabago. Kung lulutasin ng mga tao ang kanilang mga tiwaling disposisyon na nagsasanhi na hangarin nila ang katanyagan, pakinabang, at katayuan, may pag-asa silang magtamo ng kaligtasan. Bukod dito, ang mga katotohanang nakakamit ng mga tao ay walang hanggan; hindi makukuha ni Satanas mula sa mga tao ang mga katotohanang ito, o ng kahit sino pang iba. Tinatalikuran mo ang iyong mga interes ngunit ang nakakamit mo ay ang katotohanan at kaligtasan; ang mga resultang ito ay pagmamay-ari mo, at nakakamit mo ang mga ito para sa iyong sarili. Kung pipiliin ng isang tao na isagawa ang katotohanan, kahit na nawala na ang kanilang mga interes, natatamo nila ang pagliligtas ng Diyos at ang buhay na walang hanggan; ang gayong mga tao ang pinakamatatalino. Kung isusuko ng isang tao ang katotohanan alang-alang sa kanilang mga interes, mawawala sa kanya ang buhay at ang pagliligtas ng Diyos; ang gayong tao ang pinakahangal(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Pag-unawa sa Disposisyon ng Isang Tao ang Pundasyon ng Pagbabago Nito). Ipinaalala sa akin ng mga salita ng Diyos na tanging isang matapat na tao ang maliligtas at makakapasok sa kaharian ng langit. Ang mga mapanlinlang ay ibubunyag at ititiwalag lang ng Diyos sa huli. Ang landas na pipiliin ng isang tao at kung anong uri siya ng tao ay direktang nakakaapekto sa kanyang kalalabasan at hantungan. Pero dati akong sobrang bulag. Sa halip na mahalin ang katotohanan, nakatuon lang ako sa pagpapanatili ng imahe ko, hanggang sa paulit-ulit na ako sa pagsisinungaling at pagpapanggap. Pagkatapos ng nangyari, wala akong lakas ng loob na magtapat, at hindi ko pa rin natugunan kahit ang mga pinakapangunahing kasinungalingan. Hindi ko talaga nabago ang buhay disposisyon ko. Kung mananatili ako sa pananalig ko nang ganito, paano ako maliligtas ng Diyos? Nakita ko na walang halaga ang pagmamalasakit sa reputasyon at paghahangad ng personal na pakinabang. Maaaring makuha ko ang paghanga at suporta ng iba sa ganoong paraan, ngunit ang pagkasuklam ng Diyos sa patuloy na pagsisinungaling at ang pagkawala ng pagkakataon kong mailigtas ay hindi sulit.

Sa paghahanap ko ng landas para maging matapat na tao, nakita ko ito sa mga salita ng Diyos: “Anuman ang mga problemang kinakaharap mo, dapat mong hanapin ang katotohanan para lutasin ang mga ito, hinding-hindi ka dapat magbalatkayo o magpakita ng huwad na imahe sa iba. Maging ito man ay ang mga pagkukulang mo, mga kakapusan mo, mga kapintasan mo, o mga tiwaling disposisyon mo, dapat kang maging bukas at makipagbahaginan tungkol sa lahat ng bagay na ito. Huwag mong itago ang mga ito. Ang pagkatutong magbukas-loob ay ang unang hakbang tungo sa buhay pagpasok, at ito ang unang hadlang, na pinakamahirap malampasan. Kapag nalampasan mo na ang hadlang na ito, magiging madali nang pumasok sa katotohanan. Kapag ginawa mo ang hakbang na ito, ano ang ipahihiwatig nito? Ipahihiwatig nito na binubuksan mo ang iyong puso, at inilalantad at binubuksan ang tungkol sa bawat bahagi mo—mabuti man o masama, positibo o negatibo—at hinahayaan itong makita ng ibang tao at ng Diyos, hindi nagtatago o naglilihim ng anumang bagay mula sa Diyos, hindi gumagamit ng anumang pagbabalatkayo, panlilinlang, o pandaraya sa Diyos, at gayundin ay nagiging matapat ka sa ibang tao. Sa ganitong paraan, mamumuhay ka sa liwanag; hindi ka lang sisiyasatin ng Diyos, kundi makikita rin ng ibang tao na may mga prinsipyo at pagiging hayag sa iyong mga kilos. Hindi mo kailangang gumamit ng anumang pamamaraan para protektahan ang iyong reputasyon, imahe, at katayuan, ni kailangan mong magsagawa ng anumang pagtatago o pagtatakip sa mga pagkakamali mo. Hindi mo kailangang makibahagi sa mga walang silbing pagsisikap na ito. Kung kaya mong bitiwan ang mga bagay na ito, magiging napakagaan ng buhay mo, malaya sa mga paglilimita at pasakit, at ganap kang mamumuhay sa liwanag(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi). Mula sa mga salita ng Diyos, natutunan ko na upang maging isang matapat na tao at magsalita ng totoo, kapag may kinalaman ang isang bagay sa aking pride o mga interes, dapat muna akong magdasal at tanggapin ang pagsisiyasat ng Diyos. Anumang mga kapintasan o pagkukulang ang mayroon ako, o anumang katiwalian ang ibinubunyag ko, hindi ko ito puwedeng itago o ikubli. Tanging ang pagpapakita ng totoong ako at paghahanap sa katotohanan ang unti-unting makakalutas sa problemang ito ng pagsisinungaling. Anumang katiwalian ang ibinubunyag ko, at anumang mga kapintasan at pagkukulang ang mayroon ako, aktuwal na nasisiyasat nang malinaw ng Diyos, kaya hindi ko puwedeng pagtakpan ang mga ito ng mga kasinungalingan at pagkukunwari. Hindi man ako kilala ng ibang tao sa simula, sa paglipas ng panahon, malinaw akong makikita ng lahat. At bagama’t responsable ako sa gawain ng pagdidilig, bago pa lang ako sa tungkuling iyon at marami pa akong kapintasan at mga pagkukulang. Kapag hindi ko nauunawaang mabuti ang mga kuru-kuro o isyu ng isang baguhan, o kung mababaw ang pagkaunawa ko sa katotohanan at hindi ako nakakapagbahagi nang malinaw, ang paghingi ng tulong sa isang lider ay isang normal na pamamaraan, hindi ito nakakahiya. Kailangan kong hayagang harapin ang mga pagkukulang ko at maging matapang na sabihin ang totoo, isagawa ang katotohanan, at maging matapat na tao. Iyon ang tamang daan pasulong. Sumigla ang puso ko nang maisip ko ito. Nagdasal at nagsisi ako sa Diyos. Titigil na ako sa pagsasalita at pagkilos para sa aking reputasyon at mga interes, at sa halip ay magsasagawa ako ayon sa mga salita ng Diyos. Nakita ko si Sister Cheng Lin kalaunan at sinabi ko sa kanya ang lahat ng mga isyu ko sa pagsisinungaling. Talagang naging magaan at malaya ang pakiramdam ko. Alam ko na masyado kong inaalala ang imahe ko at kung ano ang iniisip ng mga tao sa akin. Kapag nangyayari ang mga bagay-bagay, nakagawian kong protektahan ang reputasyon at mga interes ko, at hindi ko maiwasang magsinungaling. Patuloy akong nagdarasal sa Diyos, hinihiling sa Kanya na bantayan ang puso ko, para maging mulat ako kapag malapit na akong magsinungaling, at mabilis na makapagbago ng direksyon, nagiging bukas at isang matapat na tao.

Minsan sa isang pagtitipon kasama ang isang lider, hiniling niya sa lahat na ibahagi ang kanilang opinyon sa isyu ng isang bagong mananampalataya. Kinabahan ako nang husto. Mas nauunawaan ng lider ang mga prinsipyo kaysa sa akin. Magiging malinaw sa isang iglap kung kaya kong tukuyin ang problema, kung tama ako o mali, at kung may mga paglihis. Kung hindi ko makita ang ugat ng isyu o malutas ito, ano na lang ang iisipin ng lider sa akin? Mas lalo akong kinakabahan habang iniisip ko ito, at hindi ako mapakali at hindi ko mapagnilayan ang isyu ng bagong mananampalataya. Pagkatapos ay naisip ko ang mga salita ng Diyos: “Hindi mo kailangang gumamit ng anumang pamamaraan para protektahan ang iyong reputasyon, imahe, at katayuan, ni kailangan mong magsagawa ng anumang pagtatago o pagtatakip sa mga pagkakamali mo. Hindi mo kailangang makibahagi sa mga walang silbing pagsisikap na ito. Kung kaya mong bitiwan ang mga bagay na ito, magiging napakagaan ng buhay mo, malaya sa mga paglilimita at pasakit, at ganap kang mamumuhay sa liwanag(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi). Sa pagninilay-nilay sa mga salita ng Diyos, naunawaan ko na dapat akong maging matapat na tao, at sabihin ang totoo. Gaano man karami ang mga problemang nakikita ko o anumang paglihis ang mayroon ako, dapat magsalita pa rin ako nang matapat, hindi nagkukubli, nagbabalatkayo o nagkukunwari, o iniisip ang opinyon ng lider sa akin. Ang mahalaga lamang ay ang pagsasagawa ng katotohanan at pagiging matapat na tao sa harap ng Diyos. Napakalma ako ng mga isiping ito. Pagkatapos, naibahagi ko na ang aking opinyon. Pagkatapos makinig, nag-alok ang lider ng karagdagang pagbabahagi tungkol sa aming mga kakulangan. Sa pamamagitan ng ganitong uri ng komunikasyon, nagkamit ako ng mas malinaw na pagkaunawa kung paano ko dapat lutasin ang mga problema ng mga baguhan. Sa pamamagitan ng karanasang ito, naramdaman ko kung gaano kasarap magsabi ng totoo, gaya ng sinasabi sa atin ng Diyos. Labis na nakakaginhawa at nakakapagpalaya ito. Hindi na ako namumuhay sa pagkabalisa at pasakit dulot ng pagsisinungaling. Lubos akong nagpapasalamat sa Diyos! Kung hindi ako naibunyag sa mga sitwasyong ito, o nahatulan at nailantad ng mga salita ng Diyos, hinding-hindi ako magkakaroon ng gayong pagkaunawa at pagbabago.

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman