Ang Pasakit Ng Pagsisinungaling

Nobyembre 28, 2022

Ni Ni Qiang, Myanmar

No’ng Oktubre 2019, tinanggap ko ang gawain ng Makapangyarihang Diyos sa mga huling araw. Sa mga pagtitipon, nakita kong nakapagbabahagi ang mga kapatid tungkol sa kanilang mga karanasan at pag-unawa. Nakapagtatapat sila tungkol sa lahat ng kanilang katiwalian at mga pagkukulang nang walang anumang pag-aalinlangan, at inggit na inggit ako. Gusto ko ring maging matapat na tao at madaling magtapat gaya ng ginagawa nila, pero kapag nandyan na talaga, hindi ko talaga magawang magsalita nang matapat. Isang beses, tinanong ako ng aking mga kapatid, “Bata ka pa, estudyante ka pa ba?” Ang totoo’y matagal-tagal na rin akong hindi nag-aaral, at nagluluto’t naglilinis na lang sa isang restawran, pero natakot akong hahamakin ako ng iba kapag nalaman nila ito, kaya sinabi ko sa kanila na estudyante pa rin ako. Hindi ko na masyadong inisip ‘yon nang masabi ko na, at hinayaan ko na lang. Isang araw, nakita ko ang isang sipi ng salita ng Diyos sa isang video ng patotoo na nag-udyok sa aking pagnilayan ang aking sarili. “Dapat ninyong malamang gusto ng Diyos ang mga tapat. Sa diwa, matapat ang Diyos, kaya naman palaging mapagkakatiwalaan ang mga salita Niya; higit pa rito, walang mali at hindi mapag-aalinlanganan ang mga kilos Niya, kung kaya gusto ng Diyos ang mga lubos na tapat sa Kanya. Ang katapatan ay nangangahulugang pagbibigay ng puso ninyo sa Diyos, pagiging totoo sa Diyos sa lahat ng bagay, pagiging bukas sa Kanya sa lahat ng bagay, hindi pagtatago kailanman ng mga totoong impormasyon, hindi pagtatangkang manlinlang ng mga nasa itaas at nasa ibaba ninyo, at hindi paggawa ng mga bagay para lamang magpalakas sa Diyos. Sa madaling salita, ang pagiging tapat ay pagiging dalisay sa inyong mga kilos at salita, at hindi panlilinlang sa Diyos o sa tao(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tatlong Paalaala). Matapos basahin ang mga salita ng Diyos, naunawaan ko na gusto ng Diyos ang matatapat na tao, na ang matatapat na tao ay madaling makapagtatapat sa Diyos, na malinaw ang mga bagay na ginagawa at sinasabi nila, at hindi nila sinusubukang linlangin ang Diyos o ang ibang tao. Samantalang ako, nang tanungin ako ng iba, “Estudyante ka pa ba?” ni hindi ko magawang magsabi ng totoo sa takot na maliitin ako, lalo pa ang maging matapat na tao sa harap ng Diyos. Hindi talaga ako matapat. Kaya’t gusto kong umamin sa iba, pero natakot akong kukutyain nila ako, gayunman, kasabay nito, labis akong nabalisa sa hindi pagsasabi. Kaya nanalangin ako sa Diyos, hinihiling sa Kanya na tulungan akong isagawa ang pagsasabi ng totoo at ang pagiging matapat. Sa isang pagtitipon kalaunan, ipinagtapat ko ang tungkol sa aking katiwalian at ibinunyag ang aking mga kasinungalingan at panlilinlang. Bukod sa hindi ako hinamak ng iba, nagpadala pa sila ng mensahe sa akin na nagsasabing maganda ang aking karanasan. Binigyan ako nito ng higit na kumpiyansa na maging matapat na tao. Sa kabila ng pagsasagawa ng pagiging matapat at pagsasabi ng totoo sa pagkakataong ito, wala pa rin akong kamalayan sa aking satanikong disposisyon, at pagdating sa mga bagay na may kinalaman sa reputasyon at mga interes ko, hindi ko pa rin mapigilang ihayag ang mapanlinlang kong disposisyon para magpanggap.

Kalaunan ay napili akong maging isang mangangaral at responsable ako sa gawain ng tatlong iglesia. Sa isang pagtitipon ng magkakatrabaho, may isang lider na gustong malaman ang mga detalye kung paano dinidiligan ang mga baguhan sa bawat iglesia at kung bakit ang ilang baguhan ay hindi nasuportahan nang maayos. Medyo nataranta ako, dahil alam ko lang ang nangyayari sa isa sa mga iglesia at hindi sa dalawa pa. Kaya ano ang sasabihin ko? Kung sasabihin ko ang totoo, ano ang iisipin sa’kin ng lahat? Pagtatakhan kaya nila kung pwede akong maging isang mangangaral kung hindi ko man lang ito maunawaan nang malinaw? O sasabihin kaya nilang hindi ako gumawa ng tunay na gawain at hindi ko kaya ang tungkuling ito? Sobrang kahiya-hiya kung ililipat ako o tatanggalin. Gusto ko na lang tumakas, pero kung maaga akong aalis, mapagtatanto ng lahat na natatakot akong malaman nilang hindi ako gumawa ng tunay na gawain. Kaya wala akong magawa kundi manatili at makinig habang tinatalakay ng ibang mangangaral ang tungkol sa gawaing pinamamahalaan nila. Parang dinadaga ang dibdib ko at hindi ko alam kung ano ang gagawin ko. Nang tawagin ng lider ang pangalan ko, kabadong-kabado ako, at nagkunwari akong hindi ko siya narinig. “Ano’ng sinabi mo?” Ang sabi ng lider, “Pinag-uusapan lang namin ang tungkol sa pagdidilig sa mga baguhan, gusto mo bang sabihin sa amin ang tungkol sa mga baguhan mo?” Parang sasabog ang puso ko. Wala akong magawa kundi unang talakayin ang tungkol sa iglesia na may alam ako, pero ayokong talakayin ang tungkol sa dalawa pa. Gayunman, natakot akong malalaman ng lahat na hindi ko kinumusta ang gawain, kaya’t pinagtagis ko ang aking mga ngipin at nagsinungaling, “Marami sa mga baguhan sa ikalawang iglesia ang hindi nasusuportahan nang maayos, at dahil sa pandemya, hindi namin sila makausap. Hindi ako masyadong sigurado sa sitwasyon sa ikatlong iglesia dahil sa buong panahon ay kinukumusta ko ang gawain sa dalawa pang iglesia.” Balisang-balisa ako sa pagsasabi nito, at takot na takot akong mabuko ng lahat ang kasinungalingan ko, na lalo pang magiging kahiya-hiya. Kabado ako sa buong pagtitipon at nakahinga lang nang maluwag nang matapos na ito. Sa gulat ko, tinawagan ako ng lider at tinanong, “Tungkol do’n sa mga baguhan na hindi nasusuportahan nang maayos dahil sa pandemya, sinabihan mo na ba ang mga tauhan ng pagdidilig na tawagan at kumustahin sila?”” Natigilan ako sa tanong ng lider. Hindi ko alam ang mga detalye ng sitwasyon. Kung sasabihin ko ang totoo, hindi ba mapagtatanto ng lider na nagsinungaling ako? Hindi ko pwedeng sabihin na hindi ko alam. Kaya nagpatuloy lang ako sa pagsisinungaling, “Nakausap ko na sila tungkol do’n, pero ang ilang baguhan ay hindi sinasagot ang kanilang mga telepono.” Pagkatapos ay nagtanong ang lider, “Sinong mga baguhan?” Naisip ko, “Kaya ba tanong nang tanong ang lider dahil natuklasan na niyang nagsinungaling ako?” Mabilis akong sumagot, “Sa tingin ko, ‘yong ilan na katatanggap pa lang sa gawain ng Diyos.” Nang makitang hindi ko iyon maipaliwanag nang malinaw, sinabi ng lider, “Kung gano’n, ‘pag alam mo na, ipaalam mo sa akin.” Pagkababa ko sa tawag, labis akong nakonsensya. Nagsinungaling at nanlinlang na naman ako. Kinailangan kong gumawa ng patong-patong na kasinungalingan para pagtakpan ang unang kasinungalingan. Ang laking abala ng pagsisinungaling para pagtakpan ang iba pang mga kasinungalingan. Sa pagbabalik-tanaw sa pagtitipon, sinabi ng isang mangangaral na sa tatlong iglesia na responsibilidad niya, hindi niya nasiyasat ang isa sa mga ito. Nagawa niyang magsabi ng totoo, kaya bakit hindi ako makapagsabi ng kahit isang matapat na salita? Hindi mapagtatakpan ng ganitong pagsisinungaling, panlilinlang, at pagkukunwari ang totoo. Sinisiyasat ng Diyos ang lahat, at hindi magtatagal ay mabubunyag at mahahayag ako, kaya’t nanalangin ako sa Diyos, “Diyos ko, sa pagtitipon ngayong araw, nang magtanong ang lider tungkol sa gawain, hindi ako nagsabi ng totoo at bagkus ay nagsinungaling. Natakot akong hahamakin ako ng lahat kung malalaman nilang hindi ako gumawa ng tunay na gawain. Diyos ko, pakiusap, patnubayan Mo po ako na makilala ang aking sarili at maiwaksi ang aking tiwaling disposisyon.”

Kalaunan ay nabasa ko ang isang sipi ng salita ng Diyos. Sabi ng Makapangyarihang Diyos, “Sa pang-araw-araw nilang buhay, maraming sinasabi ang mga tao na walang katuturan, hindi totoo, kamangmangan, kahangalan, at pangangatwiran. Sa ugat nito, sinasabi nila ang mga bagay na ito alang-alang sa sarili nilang pagpapahalaga sa sarili, upang matugunan ang sarili nilang banidad. Ang pagbigkas nila ng mga kabulaanang ito ay ang pag-apaw ng kanilang mga tiwaling disposisyon. Malilinis ang puso mo kapag nalutas ang katiwaliang ito, kaya’t lalo ka nitong gagawing dalisay at lalo pang tapat. Sa katunayan, alam ng lahat ng tao kung bakit sila nagsisinungaling: Para ito sa kapakanan ng kanilang mga interes, karangalan, banidad, at katayuan. At sa pagkukumpara ng kanilang sarili sa iba, pinalalabis nila ang kanilang kakayahan. Bunga nito, nalalantad at nahahalata ng iba ang kanilang mga kasinungalingan, na nagreresulta sa pagkapahiya, pagkawala ng pagkatao, at pagkawala ng dignidad. Ito ang bunga ng napakaraming kasinungalingan. Kapag masyado kang nagsisinungaling, bawat salitang sinasabi mo ay may halong dumi. Lahat ng iyon ay kabulaanan, at walang isa man doon ang maaaring totoo o makatotohanan. Bagama’t maaaring hindi ka napapahiya kapag nagsisinungaling ka, sa loob-loob mo ay nadarama mo nang nakakahiya ka. Madarama mo na inuusig ka ng iyong konsensya, at kamumuhian at hahamakin mo ang iyong sarili. ‘Bakit labis na kaawa-awa ang pamumuhay ko? Talaga bang napakahirap magsabi ng isang matapat na bagay? Kailangan ko bang sabihin ang mga kasinungalingang ito para lang sa karangalan? Bakit nakakapagod mamuhay nang ganito?’ Maaari kang mamuhay sa isang paraang hindi nakakapagod. Kung magsasanay kang maging matapat na tao, maaari kang mamuhay nang madali at malaya, ngunit kapag pinipili mong magsinungaling para maprotektahan ang karangalan at banidad mo, masyadong nakakapagod at masakit ang buhay mo, na ibig sabihin ay sinasaktan mo ang sarili mo. Ano ba ang karangalang napapala mo sa pagsasabi ng mga kasinungalingan? Isa itong hungkag na bagay, isang bagay na ganap na walang kabuluhan. Kapag nagsisinungaling ka, ipinagkakanulo mo ang sarili mong pagkatao at dignidad. Ang kapalit ng mga kasinungalingang ito ay ang dignidad ng mga tao, ang kanilang pagkatao, at namumuhi at hindi nalulugod ang Diyos sa mga ito. Sulit ba ang mga iyon? Hindi talaga. Ito ba ang tamang landas? Hindi. Ang mga madalas magsinungaling ay namumuhay na nakakulong sa kanilang mga satanikong disposisyon at nasa ilalim ng kapamahalaan ni Satanas, hindi sa liwanag o sa harap ng Diyos. Kadalasan ay kailangan mong pag-isipan kung paano magsinungaling, at pagkatapos mong magsinungaling, kailangan mong pag-isipan kung paano iyon pagtatakpan, at kung hindi mo ito maayos na mapagtatakpan ay lalabas ang kasinungalingan, kaya kailangan mong mag-isip nang husto kung paano mo iyon pagtatakpan. Hindi ba nakakapagod ang ganitong pamumuhay? Lubhang nakakapagod. Sulit ba ito? Hindi talaga. Bakit pa magpapakahirap sa pag-iisip para magsinungaling at pagtakpan ito para lamang sa banidad at katayuan? Sa huli, iisipin mo ito at sasabihin sa sarili mo, ‘Bakit ko ba inilagay ang sarili ko sa sitwasyong ito? Masyadong nakakapagod magsinungaling at pagtakpan ito. Hindi uubra ang paggawa ng mga bagay-bagay sa ganitong paraan. Mas madaling maging matapat na tao.’ Gusto mong maging matapat na tao, ngunit hindi mo mabitiwan ang iyong reputasyon, banidad, at mga interes. Kaya mo lamang magsinungaling at gumamit ng mga kasinungalingan para ipagtanggol ang mga bagay na ito. … Maaaring iniisip mo na mapoprotektahan ng paggamit ng mga kasinungalingan ang iyong hinahangad na reputasyon, katayuan, at banidad, ngunit malaking pagkakamali ito. Ang mga kasinungalingan ay hindi lamang nabibigong protektahan ang iyong banidad at personal na dignidad, kundi, mas malala pa, nagiging dahilan din para mapalampas mo ang mga pagkakataong isagawa ang katotohanan at maging matapat na tao. Kahit na ipagtanggol mo ang iyong reputasyon at banidad sa oras na iyon, ang nawawala sa iyo ay ang katotohanan, at pinagtataksilan mo ang Diyos, na nangangahulugan na lubos na nawawala sa iyo ang pagkakataong mailigtas at magawang perpekto ng Diyos. Ito ang pinakamalaking kawalan at walang-hanggang pagsisisihan. Hindi ito malinaw na nakikita ng mga mapanlinlang na tao kahit kailan(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Sa Pagiging Matapat Lamang Makakapamuhay ang Isang Tao Bilang Isang Tunay na Tao). Inihayag ng salita ng Diyos ang kalagayan ko. Gustong malaman ng lider ang tungkol sa sitwasyon ng pagdidilig sa bawat iglesia, na malinaw na isang simpleng bagay, at ayos lang naman sana na magsabi ng totoo, pero para sa’kin wala nang mas mahirap pa. Napuno ako ng mga pag-aalinlangan, at natakot na matapos malaman ng lider at ibang mga mangangaral ang totoo, hahamakin nila ako, sasabihing hindi ako gumawa ng tunay na gawain, at ni hindi maisaayos ang maliit na bagay na ito. At kung matanggal ako, kahiya-hiya ‘yon. Para protektahan ang aking reputasyon, katayuan, at ang magandang impresyon ng iba sa akin, nagsinungaling ako tungkol sa pagsisiyasat sa dalawang iglesia, kahit na sa isa lang ako may malinaw na pagkaunawa. Nagdetalye pa nga ako sa ikalawang iglesia, nagsabing ang mga baguhan do’n ay hindi nasusuportahan dahil sa pandemya. Hindi ba’t isa talaga itong malinaw na kasinungalingan? Nang tanungin ako ng lider kung sinabihan ko ang mga tauhan ng pagdidilig na tawagan ang mga baguhan, natakot akong malaman ng lider ang kasinungalingan ko, kaya’t gumawa ako ng pangalawang kasinungalingan para pagtakpan ang nauna, at nagdahilan para lansihin siya. Para protektahan ang karangalan at katayuan ko, gumamit ako ng isang kasinungalingan para pagtakpan ang isa pa. Mapanlinlang talaga ako! Naisip ko ang isang pag-uusap sa pagitan ng Diyos at ni Satanas na nakatala sa Bibliya. Tinanong ng Diyos si Satanas kung saan ito nanggaling, na sinagot ni Satanas ng, “Sa pagpaparoo’t parito sa lupa, at sa pagmamanhik manaog doon” (Job 1:7). Napakatuso ni Satanas. Hindi nito direktang sinagot ang tanong ng Diyos at nagpaligoy-ligoy. Imposibleng masabi kung saan nanggaling si Satanas. Ang bibig nito ay puno lamang ng mga kasinungalingan, hindi ito nagsasalita nang matapat, at nagsasalita lamang nang walang linaw at walang katiyakan. Sa pagsisinungaling at panlilinlang ko, hindi ba’t katulad ako ng demonyong si Satanas? Kahit na sumagot ako tungkol sa gawaing gustong malaman ng lider, puro mga kasinungalingan at panlilinlang iyon. Nang marinig ang sagot ko, hindi pa rin malinaw sa lider ang eksaktong kalagayan ng gawain ng pagdidilig na responsibilidad ko, at hindi niya mahusgahan kung maayos akong nangungumusta. Sa katunayan, pansamantala lang naingatan ng ganitong pagsisinungaling at panlilinlang ko ang reputasyon at katayuan ko, pero ang talagang nawala sa akin ay ang aking karakter, dignidad, at ang tiwala ng iba. Kung magpapatuloy ako nang ganito, hindi magtatagal, makikita ng lahat na hindi ako matapat na tao at hindi mapagkakatiwalaan. Walang maniniwala sa akin, at saka, hindi magtitiwala ang Diyos sa akin. Hindi ba’t ganap akong mawawalan ng karakter at dignidad no’n? Hindi ba’t kahangalan ko ito?

Kalaunan, nabasa ko ang isang sipi ng salita ng Diyos: “Ang hinihingi ng Diyos sa mga tao na maging matapat ang nagpapatunay na tunay na kinamumuhian Niya ang mga mapanlinlang, na hindi Niya gusto ang mga taong mapanlinlang. Ang pag-ayaw ng Diyos sa mga taong mapanlinlang ay pag-ayaw sa kanilang paraan ng paggawa ng mga bagay-bagay, kanilang mga disposisyon, kanilang mga motibo, at kanilang mga pamamaraan ng panlilinlang; ayaw ng Diyos ang lahat ng bagay na ito. Kung ang mga taong mapanlinlang ay nagagawang tanggapin ang katotohanan, kilalanin ang kanilang mga mapanlinlang na disposisyon, at handa silang tanggapin ang pagliligtas ng Diyos, sila man ay may pag-asang maligtas, sapagkat pantay-pantay ang pagtrato ng Diyos sa lahat ng tao, at pantay-pantay ang pagtrato ng katotohanan sa lahat ng tao. Kaya nga, kung nais nating maging mga pinakamamahal ng Diyos, ang unang bagay na kailangan nating gawin ay baguhin ang mga prinsipyo ng ating pagkatao: Hindi na tayo maaaring mamuhay pa ayon sa mga pilosopiya ni Satanas, hindi na tayo raraos sa pamamagitan lang ng mga pagsisinungaling at panlilinlang, kailangan nating talikdan ang lahat ng kasinungalingan at maging matapat, at sa ganitong paraan ay magbabago ang pagtingin sa atin ng Diyos. Dati-rati, laging umaasa ang mga tao sa mga pagsisinungaling, pagkukunwari, at panloloko para mamuhay sa piling ng mga tao, at gumagamit ng mga satanikong pilosopiya bilang batayan ng pag-iral, buhay at pundasyon ng kanilang pag-uugali. Isang bagay ito na kinasusuklaman ng Diyos. Sa mga hindi nananalig, kung prangka kang magsalita, sinasabi mo ang katotohanan, at isa kang matapat na tao, sisiraan ka, huhusgahan, at tatanggihan, kaya sumusunod ka sa mga makamundong kalakaran, namumuhay ayon sa mga satanikong pilosopiya, mas lalong humuhusay sa pagsisinungaling, at mas lalong nagiging mapanlinlang. Natututo ka ring gumamit ng mga tusong kaparaanan para makamtan ang iyong mga mithiin at protektahan ang iyong sarili. Mas lalo kang nagiging maunlad sa mundo ni Satanas, at dahil dito, mas lalo kang lumulubog sa kasalanan hanggang sa hindi mo na mapalaya ang iyong sarili. Kabaligtaran mismo nito ang mga bagay-bagay sa sambahayan ng Diyos. Kapag mas nagsisinungaling at nanloloko ka, mas manghihinawa sa iyo ang mga taong hinirang ng Diyos at itatakwil ka. Kung ayaw mong magsisi at nakakapit ka pa rin sa mga satanikong pilosopiya at lohika, at nakikipagsabwatan ka at gumagamit ng mga detalyadong pakana para magbalatkayo at magkunwari, malamang na ilantad ka at palayasin. Ito ay dahil kinamumuhian ng Diyos ang mga taong mapanlinlang, tanging matatapat na tao ang maaaring umunlad sa sambahayan ng Diyos, at ang mga taong mapanlinlang ay itatakwil at palalayasin sa huli. Lahat ng ito ay pauna nang itinalaga ng Diyos. Matatapat na tao lang ang maaaring magkaroon ng bahagi sa kaharian ng langit, kaya kung hindi ka magsisikap na maging matapat na tao, at kung hindi ka dumaranas at nagsasagawa sa direksyon ng paghahanap sa katotohanan, kung hindi mo ilalantad ang sarili mong kapangitan, at hindi mo ipapakita ang tunay mong mukha, hinding-hindi mo matatanggap ang gawain ng Banal na Espiritu at matatamo ang pagsang-ayon ng Diyos(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Pinakasaligang Pagsasagawa ng Pagiging Isang Taong Tapat). Sa pag-iisip-isip sa mga salita ng Diyos, napagtanto ko na hindi gusto ng Diyos ang mga taong mapanlinlang, at hindi Niya sila inililigtas. Ito ay dahil sila ay kay Satanas. Ang mga mapanlinlang na tao ay gumagamit ng mga kataksilan at panlilinlang sa lahat ng kanilang ginagawa, at nagsasalita nang walang katapatan para lamang protektahan ang kanilang reputasyon, katayuan, at mga interes. Ang mga intensyon at pamamaraang ginagamit ng mga taong ito ay kapoot-poot at kasuklam-suklam sa Diyos. Kahit na nananalig ako sa Diyos, hindi ako nagkamit ng anumang katotohanan at namuhay pa rin sa mga satanikong pilosopiya tulad ng, “Ang bawat tao para sa kanyang sarili, bahala na ang iba” at “Habang nabubuhay ang puno para sa balat nito, nabubuhay naman ang tao para sa kanyang mukha.” Ang mga satanikong pilosopiyang ito ay nag-ugat na sa aking puso, inililigaw ako, ginagawa akong tiwali, at pinalalakad ako sa landas ng paghahangad sa reputasyon at katayuan. Inakala kong dapat na mabuhay ang isang tao para sa kanyang sarili, mamukod-tangi sa iba, at magkaro’n ng katanyagan at kita, at na do’n lang hindi mamaliitin ang isang tao. Inakala ko na kung ang isang tao ay puro totoo lang ang sinasabi at hindi nagsisinungaling, hangal at walang silbi ang taong ‘yon. Dahil dito, palagi akong nanlilinlang, at gumagawa ng masalimuot na mga kasinungalingan alang-alang sa sarili kong mga interes, lalo pang nagiging mapanlinlang, huwad, at walang normal na wangis ng tao. Itinuring kong mas importante kaysa sa katotohanan ang reputasyon at katayuan, at handa akong magsinungaling at sumalungat sa katotohanan para protektahan ang reputasyon at katayuan ko. Sinungaling si Satanas, at kapag nagsisinungaling at nanlilinlang ako nang ganito, hindi ba’t gano’n din ako? Sa masamang mundong ito, hindi sasapat ang pagiging isang matapat, prangkang tao. Pero ganap na kabaligtaran ‘yon sa sambahayan ng Diyos. Sa sambahayan ng Diyos, sukdulang naghahari ang pagiging matuwid at ang katotohanan, at kapag mas nanlilinlang ang isang tao, mas malamang na siya ay babagsak, at sa huli, lahat ng nanlilinlang ay mailalantad at mapalalayas ng Diyos. Sabi ng Diyos, “Kung nais ng mga tao na maligtas, dapat silang magsimula sa pagiging matapat(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Anim na Pahiwatig ng Paglago sa Buhay). “Matatapat na tao lang ang maaaring magkaroon ng bahagi sa kaharian ng langit….(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Pinakasaligang Pagsasagawa ng Pagiging Isang Taong Tapat). Ang Diyos ay banal, at ang maruruming tao ay hindi pinahihintulutang makapasok sa kaharian ng langit. Nang mapagtanto ko ito, naramdaman kong ang banal at matuwid na disposisyon ng Diyos ay hindi nalalabag, at tunay kong pinagsisisihan ang pagsisinungaling sa aking mga kapatid. Talagang kinapootan ko ang aking sarili at ayaw ko nang magsinungaling o manlinlang pang muli. Gusto kong isagawa ang katotohanan, maging matapat na tao, at makipag-usap sa lahat nang may katapatan. Gusto kong alisin ang mga kasinungalingan sa aking bibig at ang panlilinlang sa aking puso, at nang sa gayon ay maging karapat-dapat ako sa pagsang-ayon ng Diyos at sa pagpasok sa kaharian ng langit.

Sa isa sa aking mga debosyonal, nabasa ko ang isang sipi ng salita ng Diyos: “Maraming aspeto ang saklaw ng pagsasagawa ng katapatan. Sa madaling salita, ang pamantayan para sa pagiging matapat ay hindi lamang nakakamit sa pamamagitan ng iisang aspeto; dapat makaabot ka sa pamantayan sa maraming aspeto bago ka maging matapat. Iniisip lagi ng ilang tao na kailangan lang nilang huwag magsinungaling upang maging matapat. Tama ba ang pananaw na ito? Ang hindi pagsisinungaling lamang ba ang napapaloob sa pagiging matapat? Hindi—may kaugnayan din ito sa ilan pang aspeto. Una, anuman ang kinakaharap mo, isang bagay man ito na nakita mismo ng sarili mong mga mata o isang bagay na sinabi sa iyo ng ibang tao, pakikisalamuha man ito sa mga tao o pag-aayos ng problema, tungkulin man ito na nararapat mong gampanan o isang bagay na ipinagkatiwala sa iyo ng Diyos, dapat mong harapin ito palagi nang may matapat na puso. Paano ba dapat isagawa ng isang tao ang pagharap sa mga bagay-bagay nang may matapat na puso? Sabihin mo kung ano ang iniisip mo at magsalita nang matapat; huwag mangusap ng mga walang kabuluhang salita, opisyal na jargon, o mga salitang masarap pakinggan, huwag mambola o magsalita ng mga bagay na mapagpaimbabaw at huwad, bagkus sabihin ang mga salitang nasa iyong puso. Ito ang pagiging isang taong matapat. Ang pagpapahayag ng tunay na mga saloobin at pananaw na nasa iyong puso—ito ang dapat gawin ng mga taong matapat. Kung hindi mo kailanman sinasabi ang iniisip mo, at nabubulok na lang ang mga salita sa puso mo, at laging salungat ang sinasabi mo sa iniisip mo, hindi iyan ang ginagawa ng isang matapat na tao(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Sa Pagiging Matapat Lamang Makakapamuhay ang Isang Tao Bilang Isang Tunay na Tao). Binigyan ako ng salita ng Diyos ng landas ng pagsasagawa. Sa pakikipag-ugnayan man sa iba o sa paghawak sa aking tungkulin, dapat akong magkaroon ng matapat na puso sa aking pamamaraan. Dahil hindi ko kinumusta ang gawain, dapat akong maging matapat tungkol dito. Hindi ko dapat iniisip kung masisira ang reputasyon ko. Ang susi ay ang pagsasagawa ng pagiging isang matapat na tao.

Sa sumunod na pagtitipon ng mga katrabaho, gusto kong magkusa at ihayag ang aking katiwalian, pero nag-alala ako sa kung ano ang iisipin ng lahat sa akin. Napagtanto ko na gusto ko na namang pangalagaan ang aking reputasyon at katayuan, kaya’t tahimik akong nanalangin sa Diyos, hinihiling sa Kanyang gabayan ako, bigyan ng lakas, at pagkalooban ng lakas ng loob na ihayag ang aking katiwalian. Naalala ko ang isang sipi ng salita ng Diyos na nabasa ko noon: “Kung hindi ka nagsasagawa ayon sa mga salita ng Diyos, at hindi mo kailanman sinusuri ang iyong mga lihim at iyong mga hamon, at hindi ka kailanman nagiging bukas sa pagbabahaginan sa iba, hindi ibinabahagi ni sinisiyasat ni inilalantad ang iyong katiwalian at matinding kapintasan sa kanila, ikaw ay hindi maililigtas(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Pinakasaligang Pagsasagawa ng Pagiging Isang Taong Tapat). Napagtanto ko na kung hindi ako isang matapat na tao, patuloy na pinagtatakpan ang aking katiwalian at mga pagkukulang, hindi nagtatapat, naghahayag, o nagsusuri ng aking sarili, hinding-hindi ko maiwawaksi ang aking tiwaling disposisyon, at hinding-hindi ako maliligtas. Muli akong nanalangin sa Diyos, “Diyos ko! Pakiusap, bigyan Mo po ako ng lakas para madali akong makapagtapat at maging isang matapat na tao.” Pagkatapos ng aking panalangin, nagkusa akong umamin sa iba: “Nagsinungaling ako sa huling pagtitipon nang magtanong ang lider tungkol sa pagdidilig ng mga baguhan. Ang totoo ay may alam lang ako tungkol sa isa sa mga iglesia, at wala sa dalawa pa. Natakot akong kung sasabihin ko ang totoo, hahamakin ninyo ako, kaya nagsinungaling ako at sinabi ko na may alam ako tungkol sa dalawa sa mga iglesia. Nilinlang ko kayong lahat.” Pagkasabi nito, hindi ako kinondena ni hinamak ng iba. Sa kabaligtaran, sinabi nila na mabuti na madali akong nakapagtapat at naging isang matapat na tao. Nang makapagsagawa nang ganito, higit akong napanatag at napayapa. Kung patuloy kong itinago ang aking sarili, hindi sana ako magkakaroon ng mga realisasyon at pakinabang na ito.

Hindi nagtagal, tinanong ako ng isang nakatataas na lider, “Meron ka bang kasalukuyang pag-unawa sa mga kalagayan ng mga lider ng iglesia?” Hindi ako gano’n kakumpiyansa sa tanong na ito, dahil ang alam ko lang ay ang kalagayan ng isang lider ng iglesia, pero hindi ang kalagayan ng dalawa pa. Naisip ko, “Kung sasabihin ko ang totoo, sasabihin kaya ng lider na hindi ako gumawa ng tunay na gawain?” kung kaya gusto kong sabihin na may pagkaunawa ako. Tapos ay napagtanto ko na gusto ko na namang magsinungaling, kaya nanalangin ako sa Diyos at nagsabi ng totoo, “Alam ko lang ang kalagayan ng isang lider ng iglesia, at hindi ang kalagayan ng dalawa pa.” Dito, hindi ako pinuna ng lider, at sa halip ay binigyan ako ng ilang mungkahi, nagsabing dapat akong tumawag nang mas regular tungkol sa kalagayan ng mga lider ng iglesia, at tumulong na malutas agad ang kanilang mga paghihirap, at binigyan niya rin ako ng ilang landas na susundin. Natutuhan kong kapag mas nagsabi ako ng totoo, naging matapat na tao, at naglakas-loob na ihayag ang katiwalian at mga pagkukulang ko, mas natutulungan ako ng mga kapatid ko at nagkakamit ako ng mga pakinabang. Dati, nagsinungaling at nanlinlang ako para pangalagaan ang aking reputasyon at katayuan, pero pagkatapos ng bawat kasinungalingan, bumibigat ang puso ko at parang inaakusahan ang konsensya ko, at higit sa lahat, nawawala ang aking karakter at dignidad. Sa pamamagitan ng karanasang ito, naunawaan ko na ang matatapat na tao ay nagugustuhan kapwa ng Diyos at tao, at na mas matapat ka, mas magiging maayos ang relasyon mo sa iba, at mas magiging panatag at payapa ka. Hindi ka lang hindi hahamakin ng iba, kundi tutulungan ka pa ng iyong mga kapatid. Talagang mabuti ang pagiging isang matapat na tao. Makatatanggap lang tayo ng pagpapala at kaligtasan ng Diyos at makapapasok sa kaharian ng langit sa pamamagitan ng pagiging matatapat na tao!

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

Nakagapos

Ni Li Mo, TsinaNoong 2004, tinanggap ko ang gawain ng Makapangyarihang Diyos sa mga huling araw, at hindi nagtagal, isinumbong ako dahil sa...