“Paghahanda” Para sa Isang Pagtitipon
Noong Pebrero 2023, napili ako bilang isang lider ng iglesia, na pangunahing responsable para sa gawain ng pagdidilig. Noong una, nagagawa ko ring asikasuhin ang ilang gawaing responsabilidad ng sister na kasama kong gumagawa. Kalaunan, bumaba nang husto ang mga resulta ng gawain ng pagdidilig, at nabahala ako nang kaunti. Naisip ko, “Responsabilidad ko ang gawain ng pagdidilig. Ang mabababang resulta ay direktang may kinalaman sa akin. Iisipin kaya ng mga nakatataas na lider na wala akong kakayahan para sa gawain, hindi ko magawa nang maayos ang anumang bagay, at hindi ko kayang isagawa ang gawain?” Upang hindi ako hamakin ng mga lider, inilaan ko ang lahat ng pag-iisip at lakas ko sa gawain ng pagdidilig, at hindi ako masyadong tumulong sa gawain na responsabilidad ng sister na kasama ko. Napagtanto ko rin na sa pagkilos sa ganitong paraan, mag-isa akong gumagawa, nang hindi maayos na nakikipagtulungan sa iba. Ngunit nang maisip kong ako ang pangunahing responsable para sa gawain ng pagdidilig, at kung paanong makaaapekto sa reputasyon at katayuan ko ang mabababang resulta, nawalan na ako ng pakialam sa iba pang bagay.
Isang araw, bigla akong nakatanggap ng liham mula sa mga nakatataas na lider at hinihiling nila sa aking dumalo sa isang pagtitipon kinabukasan. Nabahala ako, iniisip ko na, “Masama ito. Tiyak na tatanungin ako ng mga lider tungkol sa iba’t ibang gawain ng iglesia. Ngayong buwan, maliban sa pagsubaybay sa gawain ng pagdidilig, wala na talaga akong inasikasong iba pang gawain. Wala akong ideya kung anong mga isyu ang mayroon sa iba’t ibang gampanin o kung paano umuusad ang mga ito. Kung magtatanong ang mga lider at wala akong anumang maisagot, ano na lamang ang iisipin nila sa akin? Iisipin ba nilang wala akong pagpapahalaga sa pasanin sa aking mga tungkulin at makabubuo sila ng masamang impresyon sa akin? Kung matutuklasan nilang sinubaybayan ko lang ang sarili kong gawain ng pagdidilig at binalewala ang iba pang gampanin, tiyak na sasabihin nilang lubos akong makasarili at kasuklam-suklam, at na mga personal na interes ko lamang ang mahalaga sa akin at hindi ang kabuuang gawain ng iglesia, at na reputasyon at katayuan lamang ang hinahangad ko. Kung mauuwi ito sa pagpupungos o pagtatanggal nila sa akin, gaano magiging kahiya-hiya iyon?” Naisip kong sa pagtitipon kinabukasan, tiyak na magsisimula ang mga lider sa pagtatanong tungkol sa gawain ng ebanghelyo, kaya mabilis akong nagpunta sa kapatid na nakasama kong gumawa para alamin ang tungkol sa pag-usad ng gawain ng ebanghelyo nang sa gayon ay may alam naman ako kahit papaano kapag nagtanong ang mga lider kinabukasan tungkol dito. Ngunit maraming detalye ang nakapaloob sa gawain ng ebanghelyo, at hindi malinaw na maipaliliwanag ang mga ito sa ilang salita lamang, at dahil kapos sa oras, hindi gayon karami ang nalaman ko. Nabahala ako, at napakatagal kong humilata sa higaan, hindi makatulog, ang isip ko ay puno ng mga alalahanin tungkol sa pagtitipon kinabukasan. Sa araw ng pagtitipon, dumating ako nang maaga at natuwa ako nang malaman kong hindi pa dumarating ang mga lider dahil sa iba pang usapin, at naisip kong maaari kong gamitin ang oras na ito para tingnan ang mga ulat mula sa bawat grupo upang maunawaan kung kumusta ang bawat gampanin at malaman kung nasaan ba ang mga problema, nang sa gayon ay masagot ko ang ilan sa mga posibleng itanong ng mga lider. Kaya naman madali kong pinasadahan ang mga ulat sa gawain mula sa bawat grupo, at bagama’t medyo nagkaroon ako ng ideya kung kumusta ang gawain, marami pa ring detalye ang hindi ko naarok. Naisip ko rin na sa pagtitipon, hindi lang magtatanong ang mga lider tungkol sa gawain, kundi tiyak na magtatanong din sila tungkol sa aming mga kamakailang karanasan at mga nakamit, at ang kaalamang natamo namin tungkol sa aming sarili. Hindi na nga ako gaanong nakapagsasalita tungkol sa mga detalye ng gawain, at kung hindi ko pa maayos na matatalakay ang tungkol sa aking buhay pagpasok o makapagbabahagi ng anumang bagay, tiyak na iisipin ng mga lider na hindi ako naging maayos sa gawain at buhay pagpasok, at may sasabihin silang gaya ng: “Hindi mo magawa nang maayos ang kahit ano; paano naging lider ng iglesia ang isang taong katulad mo?” at hahamakin nila ako. Kaya, mabilis akong nagbasa ng mga salita ng Diyos at pinag-isipang mabuti ang aking kalagayan, naghahanap ng mga siping kakainin at iinumin upang lutasin ang aking tiwaling disposisyon, natatakot na kapag dumating na ang oras, kung hindi ako makapagbabahagi nang maayos, makikita ng mga lider kung sino talaga ako. Ngunit hindi ko lang talaga mapakalma ang aking puso, o makatuon sa mga salita ng Diyos. Habang lalo kong sinusubukang magnilay-nilay at kilalanin ang sarili ko, lalong gumugulo ang isip ko, at hindi ko madama ang kaliwanagan o gabay ng Banal na Espiritu. Napagtanto kong mali ang kalagayan ko. Hindi ba’t nagiging mapanlinlang ako? Pagkatapos nito, kinalma ko ang aking sarili at nanalangin ako sa Diyos, “O Diyos ko, napakasama ng kalagayan ko. Nababahala ako at hindi mapakali, at talagang malabo ang mga iniisip ko. Alam kong nasa maling kalagayan ako. Gusto kong patahimikin ang puso ko sa harapan Mo, hanapin ang Iyong layunin, at makawala sa maling kalagayang ito.”
Sa sandaling iyon, naalala ko ang ilan sa mga salita ng Diyos: “Ginagawa mo ba ang mga layon at intensiyon mo na Ako ang nasa isip? Ang iyo bang mga salita at pagkilos ay sinasabi at ginagawa sa Aking presensiya? Sinusuri Ko ang lahat ng iyong mga iniisip at palagay. Hindi ka ba nakokonsensiya? Ang ipinapakita mo sa iba ay balatkayo at mahinahon kang umaasta nang may pagmamagaling; ginagawa mo ito para ipagsanggalang ang sarili mo. Ginagawa mo ito para ikubli ang iyong kasamaan, at naghahanap ka pa nga ng mga paraan upang itulak ang kasamaang iyan sa iba. Anong panlilinlang ang nananahan sa puso mo!” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pagbigkas ni Cristo sa Pasimula, Kabanata 13). Pagkatapos, nabasa ko rin ang mga salitang ito ng Diyos: “Ang mga anticristo ay talagang taksil at tuso. Lahat ng sabihin niya ay pinag-isipang mabuti; wala nang mas huhusay pa sa kanya sa pagkukunwari. Ngunit sa sandaling lumabas na ang totoo, sa sandaling makita na ng mga tao kung ano talaga sila, ginagawa nila ang lahat para ipagtanggol ang kanilang sarili, at nag-iisip sila ng mga paraan para ayusin ang sitwasyon at magpanggap bilang isang paraan para maisalba ang kanilang imahe at reputasyon. Ang mga anticristo ay namumuhay bawat araw para lamang sa reputasyon at katayuan, namumuhay lamang sila para magpakasasa sa mga pakinabang ng katayuan, ito lamang ang iniisip nila. Kahit kapag dumaranas nga sila ng kaunting paghihirap paminsan-minsan o nagbabayad ng kaunting halaga, para ito sa pagtatamo ng katayuan at reputasyon. Ang paghahangad ng katayuan, paghawak ng kapangyarihan, at pagkakaroon ng maginhawang buhay ang mga pangunahing bagay na laging binabalak na matamo ng mga anticristo sa sandaling manampalataya sila sa Diyos, at hindi sila sumusuko hanggang sa makamtan nila ang kanilang mga layon. Kung sakaling nalantad ang kanilang masasamang gawa, natataranta sila, na para bang pagsusukluban sila ng langit. Hindi sila makakain o makatulog, at para silang wala sa ulirat, para silang dumaranas ng depresyon. Kapag tinatanong sila ng mga tao kung ano ang problema, nagsisinungaling sila at sinasabing, ‘Abalang-abala ako kahapon kaya hindi ako nakatulog buong magdamag, pagod na pagod ako.’ Ngunit hindi talaga totoo ang lahat ng ito, lahat ito ay panlilinlang. Ganito ang pakiramdam nila dahil palagi nilang iniisip, ‘Nalantad na ang masasamang bagay na ginawa ko, kaya paano ko maipanunumbalik ang reputasyon at katayuan ko? Anong mga pamamaraan ang maaari kong gamitin para tubusin ang sarili ko? Anong tono ang maaari kong gamitin sa lahat para ipaliwanag ito? Ano ang maaari kong sabihin para hindi ako mahalata ng mga tao?’ Sa loob ng matagal na panahon, hindi nila maisip kung ano ang gagawin, kung kaya’t nalulumbay sila. Kung minsan ay nakatitig sila sa iisang lugar nang wala namang nakikita, at walang nakakaalam kung ano ang tinitingnan nila. Dahil sa isyu ay nag-iisip sila nang husto, napapagod sa kakaisip, at ayaw nilang kumain o uminom. Sa kabila nito, nagkukunwari pa rin sila na nagmamalasakit sa gawain ng iglesia, at nagtatanong sa mga tao, ‘Kumusta na ang gawain ng ebanghelyo? Gaano kabisa ang pangangaral nito? Nagkamit na ba ng anumang buhay pagpasok ang mga kapatid kamakailan? Mayroon bang nanggagambala at nanggugulo?’ Ang mga tanong nilang ito tungkol sa gawain ng iglesia ay para magpakitang-tao sa iba. Kung malaman man nila ang mga problema, wala silang paraan para lutasin ang mga iyon, kaya ang kanilang mga tanong ay pormalidad lamang na malamang na ituring ng iba na pagmamalasakit sa gawain ng iglesia” (Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikasiyam na Aytem (Ikalawang Bahagi)). Nabagabag at nabalisa ako dahil sa paghatol ng mga salita ng Diyos. Nakita ko kung gaano ako naging mapanlinlang. Talagang naging makasarili ako sa aking tungkulin, tumuon lamang sa sarili kong gawain sa ngalan ng reputasyon at katayuan, habang halos hindi nagtatanong tungkol sa ibang gawain. Wala talaga akong nagawang anumang aktuwal na gawain. Alam kong hindi naaayon sa mga layunin ng Diyos ang aking mga kilos, at na hindi ako nakipagtulungan sa pangkat, ngunit hindi ko hinanap ang mga katotohanang prinsipyo upang lutasin ang mga isyung ito. Dagdag pa rito, alam kong hindi ko karaniwang pinagtutuunan ng pansin ang aking buhay pagpasok, ni hindi ako masyadong makapagbahagi ng aktuwal na kaalamang batay sa karanasan. Noong hindi pa hinihiling sa akin ng mga lider na dumalo sa isang pagtitipon, hindi ko iyon masyadong inisip, nag-aakala na kahit pa mayroon akong mga problema, hindi iyon malalaman ng mga lider, kaya hindi ako nagmamadaling lutasin ang mga iyon. Ngunit nang sandaling malaman kong hihilingin sa akin ng mga lider na dumalo sa isang pagtitipon, agad akong kinabahan, natatakot na masiwalat ang mga problema ko sa pagtitipon, at sa sandaling malaman ng mga lider ang tungkol sa mga ito, tiyak na iisipin nilang wala akong pagpapahalaga sa pasanin sa aking mga tungkulin, na wala akong ginawang aktuwal na gawain, at na mahina ang aking kakayahan at buhay pagpasok. Dahil kasisimula ko lang sa aking tungkulin bilang isang lider, at hindi ako masyadong kilala ng mga nakatataas na lider, kung makapag-iwan ako ng hindi magandang impresyon sa kanila sa aming unang pagkikita, tiyak na hindi nila ako pahahalagahan sa hinaharap at baka nga tanggalin pa nila ako. Upang protektahan ang aking reputasyon at katayuan, sinubukan ko ang bawat posibleng paraan upang pagtakpan ang aking mga isyu. Bago ang pagtitipon, nagmadali akong hanapin ang sister na kasama kong gumawa upang tingnan ang mga detalye ng gawain, at ninais ko ring ikubli ang aking sarili at linlangin ang mga lider sa pamamagitan ng paspasang pagtingin sa mga ulat nang maaga upang mapamilyar ako sa gawain. Gusto kong lumikha ng huwad na impresyon na mayroon akong mahuhusay na kakayahan para sa gawain at pinagtuunan ko nang maigi ang aking buhay pagpasok, nang sa gayon ay bigyan ako ng magandang ebalwasyon ng iba. Wala na nga akong pagpapahalaga sa pasanin para sa aking tungkulin at hindi ko na nga hinangad ang katotohanan, ngunit palagi pa rin akong natatakot na baka makita ng iba kung sino talaga ako, kaya lumikha ako ng huwad na imahe at ikinubli ang aking sarili. Hindi ba’t lantaran at garapal itong panlilinlang? Nakita kong tunay nga akong naging mapanlinlang. Kumikilos ako na para talagang isang anticristo. Partikular na tuso ang mga anticristo, at ginagamit nila ang lahat ng mayroon sila upang protektahan ang kanilang reputasyon at katayuan kapag nakita nilang napipinsala ang mga ito. Hindi ba’t ito ang ginagawa ko? Kapag hindi nanghihimasok ang mga bagay sa aking reputasyon o katayuan, binabalewala ko ang ibang gawain ng iglesia at hindi binibigyang-pansin ang aking buhay pagpasok. Pero kapag nasagi ng isang bagay ang aking katayuan at reputasyon, nagiging balisang-balisa ako, nagbabasa ng mga salita ng Diyos at sinusubukang unawain ang gawain, nagmumukha na para bang matiyaga ako sa aking paghahanap. Tunay na tuso at mapanlinlang ako. Hindi ba’t disposisyon ng isang anticristo ang ibinunyag ko?
Kalaunan, nabasa ko ang mga salitang ito ng Diyos: “Dapat ninyong tahakin ang tamang landas habang nananampalataya kayo sa Diyos at umaasal, at huwag kayong makisangkot sa mga baliko at masasamang paraan. Ano ang mga baliko at masasamang paraan? Laging gusto ng mga mananampalataya sa Diyos na umasa sa mga munting pakana, sa mga mapanlinlang at tusong laro, at sa panlalansi, para pagtakpan ang sarili nilang katiwalian, mga depekto at kapintasan, at mga problema tulad ng sarili nilang mahinang kakayahan; palagi nilang hinaharap ang mga bagay-bagay ayon sa mga satanikong pilosopiya, iniisip nilang hindi naman ito masyadong masama. Sa mga mabababaw na bagay, binobola nila ang Diyos at ang kanilang mga lider, pero hindi nila isinasagawa ang katotohanan, ni hindi sila kumikilos alinsunod sa mga prinsipyo. Maingat nilang tinitimbang ang mga salita at pagpapahayag ng iba, palaging nag-iisip nang malalim: ‘Kumusta ang naging pagganap ko nitong mga nakaraan? Sinusuportahan ba ako ng lahat? Alam ba ng Diyos ang lahat ng mabubuting bagay na ginagawa ko? Kung alam Niya, pupurihin ba Niya ako? Ano ang posisyon ko sa puso ng Diyos? Mahalaga ba ako roon?’ Ipinapahiwatig nito na, bilang isang taong nananampalataya sa Diyos, magtatamo ba siya ng mga pagpapala, o matitiwalag ba siya? Hindi ba’t baliko at masamang paraan ang laging pagbulayan ang mga bagay na ito? Isa nga itong baliko at masamang paraan, hindi ito ang tamang paraan. Ano kung gayon ang tamang paraan? (Ang hangarin ang katotohanan at maghangad ng pagbabago sa disposisyon.) Tama iyan. Para sa mga nananampalataya sa Diyos, ang tanging tamang paraan ay ang hangarin ang katotohanan, kamtin ang katotohanan, at tamuhin ang isang pagbabago sa disposisyon. Tanging ang daan kung saan inaakay ng Diyos ang mga tao para maligtas ang tunay na daan, at ang tamang paraan” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Anim na Pahiwatig ng Paglago sa Buhay). Matapos magbasa ng mga salita ng Diyos, para akong lubusang hinusgahan. Nakita kong palagi kong sinusubukang gumamit ng mga pandaraya upang pagtakpan ang mga problema ko sa aking mga tungkulin. Isa itong baliko at masamang paraan ng paggawa ng mga bagay at hindi ko tinatahak ang tamang landas. Ang totoo, normal naman talaga na imbitahan ako ng mga lider sa isang pagtitipon upang suriin ang gawain. Dapat ko lang sabihin kung paano ako karaniwang kumikilos. Kung tutukuyin nila kung paano ako nagkukulang o kinakapos sa ilang bahagi, dapat akong bumawi sa mga bagay na ito sa aking mga tungkulin sa hinaharap, at kahit na pungusan pa ako, matutulungan ako nitong magnilay-nilay at makapasok nang sa gayon ay magawa ko nang mas mahusay ang aking tungkulin. Gayumpaman, nauwi ako sa panlilinlang, at ginawa ko kung anuman ang maaari kong gawin upang pagtakpan ang aking mga problema at lokohin at linlangin ang mga lider. Ayaw kong ipakita sa kanila ang aking katiwalian at mga pagkukulang. Hindi ba’t nakikisali ako sa mga baliko at masasamang gawain sa pamamagitan ng paggawa nito? Kapag napagtanto ng isang taong tunay na naghahangad ng katotohanan na nagiging makasarili at kamuhi-muhi siya at mga sariling gampanin lang niya ang inaalala niya sa kanyang tungkulin, nagagawa niyang agad na hanapin ang katotohanan upang lutasin ang kanyang mga kalagayan. Kapag nagtanong ang mga lider tungkol sa kanyang gawain, kaya niya itong harapin nang kalmado at iwasto ang kanyang mga pagkakalihis. Higit pa rito, ang mga taong tunay na nakatuon sa buhay pagpasok ay dapat bigyang-pansin ang kanilang mga iniisip at ideya sa pang-araw-araw na buhay, at hanapin ang katotohanan upang maresolba ang mga ito sa tamang oras, sa halip na magsangkapan lang ng mga salita ng Diyos sa kanilang mga sarili kapag nalalapit na ang isang pagtitipon kasama ang mga lider. Ngunit sinubukan kong gumawa ng palabas upang linlangin ang mga lider. Nanlilinlang at nanloloko ako sa paggawa nito. Hindi ba’t sinusubukan kong linlangin ang Diyos at magpabango sa mga lider? Nakita kong hindi ako isang taong talagang nagsasagawa o naghahangad ng katotohanan.
Kalaunan, napagnilay-nilayan ko rin kung bakit kaya kong manlinlang nang walang pakundangan, at kung bakit hindi ko matanggap ang pagsisiyasat ng Diyos. Maraming beses, alam ko rin naman na dapat matapat ako at mamuhay sa harapan ng Diyos, at tanggapin ang pagsisiyasat ng Diyos, ngunit kapag nahaharap sa mga sitwasyon, nauuwi pa rin ako sa panlilinlang nang hindi ko namamalayan. Bakit gayon? Kalaunan, nabasa ko ang mga salitang ito ng Diyos: “Hindi ba’t nakapapagod ang buhay para sa mga mapanlinlang na tao? Iginugugol nila ang buong panahon nila sa pagsisinungaling, pagkatapos ay sa higit pang pagsisinungaling upang pagtakpan ang mga iyon, at sa pandaraya. Sila ang nagdudulot ng kapagurang ito sa kanilang mga sarili. Alam nila na nakakapagod mabuhay nang ganito—kaya bakit gusto pa rin nilang maging mapanlinlang, at ayaw maging matapat? Napag-isipan na ba ninyo ang tanong na ito? Isa itong kahihinatnan ng pagkakalinlang sa mga tao ng kanilang mga satanikong kalikasan; pinipigilan sila nitong talikdan ang ganitong uri ng buhay, ang ganitong uri ng disposisyon. Payag ang mga taong tanggapin ang maloko nang ganito at mamuhay rito; ayaw nilang isagawa ang katotohanan at tahakin ang landas ng liwanag. Sa palagay mo ay nakakapagod ang mamuhay nang ganito at na hindi kinakailangang kumilos nang ganito—ngunit iniisip ng mga mapanlinlang na tao na kailangang-kailangan ito. Iniisip nilang ang hindi paggawa rito ay magdudulot sa kanila ng kahihiyan, na mapipinsala rin nito ang kanilang imahe, kanilang reputasyon, at kanilang mga interes, at na napakalaki ng mawawala sa kanila. Pinahahalagahan nila ang mga bagay na ito, pinahahalagahan nila ang sarili nilang imahe, sarili nilang reputasyon at katayuan. Ito ang tunay na mukha ng mga taong hindi nagmamahal sa katotohanan. Sa madaling salita, kapag ayaw ng mga taong maging matapat o isagawa ang katotohanan, ito ay dahil hindi nila minamahal ang katotohanan. Sa puso nila, pinahahalagahan nila ang mga bagay na tulad ng reputasyon at katayuan, mahilig silang sumunod sa mga makamundong kalakaran, at nabubuhay sila sa ilalim ng kapangyarihan ni Satanas. Isa itong problema sa kanilang kalikasan. Mayroong mga tao ngayon na maraming taon nang nananampalataya sa Diyos, na nakarinig na ng maraming sermon, at nakaaalam kung patungkol saan ang pananampalataya sa Diyos. Ngunit hindi pa rin nila isinasagawa ang katotohanan, at hindi pa sila nagbabago kahit kaunti—bakit ganito? Ito ay dahil hindi nila minamahal ang katotohanan. Kahit pa nauunawaan nga nila nang kaunti ang katotohanan, hindi pa rin nila ito naisasagawa. Para sa gayong mga tao, kahit pa gaano karaming taon na silang sumasampalataya sa Diyos, mawawalan ito ng kabuluhan” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Pinakasaligang Pagsasagawa ng Pagiging Isang Taong Tapat). Sa pamamagitan ng paglalantad ng mga salita ng Diyos, naunawaan kong ang hindi ko kagustuhang maging isang matapat na tao ay nagmumula sa aking kalikasan na hindi nagmamahal sa katotohanan at labis na nagpapahalaga sa reputasyon at katayuan. Kahit na alam kong nakapapagod na mamuhay sa mapanlinlang na paraan, kapag naiisip ko kung paanong makasisira sa aking reputasyon at katayuan ang pagiging isang matapat na tao, ayaw ko nang isagawa ang katotohanan, at walang malay na naloloko at napapahamak ako ni Satanas. Sa panahong ito, wala akong ginawang anumang tunay na gawain at hindi ako tumuon sa buhay pagpasok. Noong inimbitahan ako ng mga lider sa isang pagtitipon, dapat sana ay naging matapat na tao ako at kalmado itong hinarap, umamin sa katunayang wala akong ginagawang tunay na gawin, at tinanggap ang gabay at tulong ng mga lider. Ngunit natakot akong kapag ginawa ko iyon, iisipin ng mga lider na wala akong pagpapahalaga sa pasanin para sa aking mga tungkulin, at mabibigyan ko sila ng hindi magandang impresyon tungkol sa akin at hindi nila ako pahahalagahan, o baka palitan pa nila ako. Sa kaiisip ko sa mga bagay na ito, nawalan ako ng lakas ng loob na maging isang matapat na tao, dahil pakiramdam ko, masyadong maraming mawawala sa akin kung magiging matapat ako. Hindi ko isinagawa ang katotohanan o umasal bilang isang matapat na tao, at palagi kong sinusubukang protektahan ang aking reputasyon at katayuan, namumuhay sa mga satanikong lason tulad ng “Kailangan ng mga tao ang kanilang pagpapahalaga sa sarili, tulad ng pangangailangan ng puno sa balakbak nito,” at “Iniiwan ng tao ang kanyang pangalan saanman siya maglagi, tulad ng pagputak ng gansa saanman ito lumipad.” Ang mga lasong ito ay malalim nang nakaugat sa aking puso, at naging aking batas ng kaligtasan ng aking buhay. Upang maiwasang mag-iwan ng hindi magandang impresyon sa mga lider, gumawa ako ng palabas upang pagtakpan ang aking sarili. Alam kong nagiging pabasta-basta at mapanlinlang ako sa mga lider, at nabagabag ako, ngunit upang hindi mapahiya, hindi ko pa rin maiwasang mauwi sa panlilinlang. Ang mga satanikong lason na ito ay tila mga tanikala na mahigpit na gumagapos sa akin, pinahihirapan akong kumawala. Kahit na alam na alam ko ang katotohanan, hindi ko ito maisagawa. Nakita kong madalas akong magsagawa ng panlilinlang sa aking mga tungkulin sa ngalan ng reputasyon at katayuan. Kung minsan, kapag nagtatanong ang nakatataas na pamunuan tungkol sa gawain, kahit na hindi ko ginawa ang ilang partikular na gampanin, magsisinungaling ako na nagawa ko ang mga ito upang mapanatili ang magandang imahe ko sa kanilang mga puso, at pagkatapos ay magkukumahog ako upang mapunan ito. Sa ibang pagkakataon, kapag hindi ko naarok ang mga detalye ng gawain, mabilis kong babaguhin ang paksa kapag nagtanong ang mga lider, tinatalakay ang mga paparating na plano nang sa gayon ay mapagtakpan ang hindi ko paggawa ng aktuwal na gawain. Nakita kong kahit na maraming taon na akong nanampalataya sa Diyos at marami na ang nakain at nainom ko sa Kanyang mga salita, pinahalagahan ko pa rin ang reputasyon at katayuan nang higit sa lahat. Kahit na alam kong ang paghahangad sa mga bagay na ito ay kinasusuklaman ng Diyos, hindi ko pa rin maiwasang hangarin ang mga ito. Sa aking kalikasan, tunay na wala akong pagmamahal sa katotohanan at tutol ako sa katotohanan. Napagtanto ko ring upang maisagawa ang katotohanan at maging isang tapat na tao, dapat talikuran ng isang tao ang kanyang mga interes at iwanan ang paghahangad sa reputasyon at katayuan. Ang pamumuhay sa pamamagitan ng pagdepende sa isang mapanlinlang na disposisyon ay nangangahulugang ang isang tao ay hindi magawang mamuhay nang malaya o nang may integridad, at sa huli, mawawalan ng dignidad at integridad ang isang tao, at mauuwi sa pagkapoot at pagkasuklam ng Diyos. Dahil sa napagtanto kong ito, tunay akong namuhi sa aking sarili, at ayoko nang mabuhay pa para sa reputasyon o katayuan.
Kalaunan, nabasa ko ang mga salitang ito ng Diyos: “Sa panahong ito, karamihan sa mga tao ay masyadong takot na dalhin ang kanilang mga kilos sa harap ng Diyos; bagama’t maaari mong linlangin ang Kanyang katawang-tao, hindi mo malilinlang ang Kanyang Espiritu. Anumang bagay na hindi makayanan ang masusing pagsusuri ng Diyos ay hindi nakaayon sa katotohanan, at nararapat na isantabi; kung hindi ay nagkakasala ka sa Diyos. Kaya, kailangan mong ilatag ang iyong puso sa harap ng Diyos sa lahat ng oras, kapag nagdarasal ka, kapag nagsasalita at nagbabahagi ka sa iyong mga kapatid, at kapag ginagampanan mo ang iyong tungkulin at ginagawa ang iyong gawain. Kapag ginampanan mo ang iyong tungkulin, sumasaiyo ang Diyos, at hangga’t tama ang iyong intensyon at iyon ay para sa gawain ng sambahayan ng Diyos, tatanggapin Niya ang lahat ng ginagawa mo; dapat mong buong taimtim na ialay ang iyong sarili sa pagganap sa iyong tungkulin” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Pineperpekto ng Diyos Yaong mga Kaayon ng Kanyang Puso). Mula sa mga salita ng Diyos, naunawaan kong dapat tanggapin ng mga taong sumasampalataya sa Diyos ang pagsisiyasat ng Diyos at mamuhay sa Kanyang harapan. Ngunit sa aking pananalig at sa aking tungkulin, hindi ko nagawang tanggapin ang pagsisiyasat ng Diyos. Palagi kong gustong umasa sa mga pamamaraan ng tao upang dayain at linlangin ang mga lider, at inakala ko na hangga’t hindi nalalaman ng mga tao ang tungkol sa aking mga problema, magiging maayos ang lahat, na para bang ang panlilinlang sa mga tao ay nangangahulugang hindi malalaman ng Diyos, at na sa pamamagitan ng paggawa nito, magagawa kong protektahan ang aking katayuan at mga tungkulin. Hindi ba’t sinusubukan kong linlangin ang aking sarili at ang iba? Maaaring nagmistulang sinusubukan ko lang linlangin ang mga lider, ngunit sa kaibuturan, sinusubukan kong linlangin ang Diyos, at talagang walang puwang sa puso ko para sa Diyos. Ang katotohanan ay sinisiyasat ng Diyos ang lahat ng bagay. Sinisiyasat Niya ang aking bawat iniisip, ideya, at aksyon, at habang walang pakundangan kong sinusubukang linlangin ang Diyos at ang mga tao at gumagawa ako ng palihim na mga pailalim na aktibidad, malinaw na nakita ng Diyos ang lahat ng ito. Alam ng Diyos kung paano ko ginawa ang aking mga tungkulin at kung hinangad ko ba ang katotohanan. Kung mayroon lang akong puwang sa aking puso para sa Diyos, tumuon sana ako sa pamumuhay sa harapan ng Diyos at pagtanggap sa Kanyang pagsisiyasat sa lahat ng bagay. Saanman nagkulang ang aking gawain, dapat sana ay kaagad ko itong naiwasto at matapat na hinarap ang aking mga pagkukulang. Ngunit sa paggawa ng aking mga tungkulin gaya ng paggawa ko sa mga ito, pinababayaan ang iba’t ibang aspekto ng gawain at palaging sinusubukang pagtakpan ang mga bagay gamit ang mga panloloko, ano ang silbi ng magandang opinyon sa akin ng mga tao? Hindi pa rin naresolba ang mga isyu sa aking mga tungkulin, at hindi pa rin nagbago ang aking mapanlinlang na disposisyon. Nasuklam at hindi natuwa rito ang Diyos. Hindi ba’t isa itong napakalaking kawalan at ganap na kahibangan? Hindi ako gumagawa ng tunay na gawain sa aking mga tungkulin, mahina ang aking buhay pagpasok, at marami akong ibinunyag na tiwaling disposisyon. Dapat sana ay tumuon ako sa paghingi ng kapatawaran sa Diyos at sa kung paano magagawa nang mahusay ang aking mga tungkulin. Dapat sana ay ito ang naging saloobin ko!
Sa pagtagal, sinimulan kong hangarin kung paano kumilos nang ayon sa mga layunin ng Diyos. Nabasa ko ang mga salitang ito ng Diyos: “Dapat mong hanapin ang katotohanan upang malutas ang anumang problemang lumilitaw, anuman iyon, at huwag magbalatkayo o magkunwari para sa iba sa anumang paraan. Ang iyong mga kamalian, iyong mga kakulangan, iyong mga kasalanan, iyong mga tiwaling disposisyon—maging ganap na bukas tungkol sa lahat ng ito, at magbahagi tungkol sa lahat ng ito. Huwag mong itago ang mga ito. Ang pagkatutong buksan ang iyong sarili ang unang hakbang tungo sa buhay pagpasok, at ito ang unang sagabal, na siyang pinakamahirap daigin. Kapag nalampasan mo na ito, madali nang pumasok sa katotohanan. Ano ang ipinahihiwatig ng paggawa sa hakbang na ito? Nangangahulugan ito na binubuksan mo ang puso mo at ipinapakita ang lahat ng nasa loob mo, mabuti o masama, positibo o negatibo; inilalantad ang iyong sarili para makita ng iba at ng Diyos; walang itinatago sa Diyos, walang pinagtatakpan, walang ikinukubling anuman, walang panlilinlang at panloloko, at bukas at tapat din maging sa ibang mga tao. Sa ganitong paraan, nabubuhay ka sa liwanag, at hindi ka lamang susuriing mabuti ng Diyos, kundi makikita rin ng ibang mga tao na kumikilos ka nang may prinsipyo at may antas ng kalinawan. Hindi mo kailangang gumamit ng anumang mga pamamaraan para protektahan ang iyong reputasyon, imahe, at katayuan, ni hindi mo kailangang pagtakpan o ikubli ang iyong mga pagkakamali. Hindi mo kailangang makisangkot sa mga walang saysay na pagsisikap na ito. Kung mapapalagpas mo ang mga bagay na ito, labis kang mapapahinga, mamumuhay ka nang hindi napipigilan o walang pasakit, at mamumuhay ka nang lubusan sa liwanag” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi). Ang mga salita ng Diyos ay nagbigay sa akin ng landas sa pagsasagawa. Anumang problema ang dumating, kailangang hanapin ng isang tao ang katotohanan upang maresolba ang mga ito. Upang makapasok sa katotohanan, ang unang hakbang ay ang maging bukas, at anumang tiwaling disposisyon ang mabunyag, dapat ilahad ng isang tao ang lahat tungkol sa kanyang sarili at maging isang matapat na tao sa harapan ng Diyos at ng ibang tao. Walang anumang dapat itago ang isang tao upang mapanatili ang kanyang reputasyon o katayuan. Dapat nilang sabihin ang katotohanan nang walang panlilinlang o pandaraya. Sa pamamagitan lang nito sila makapamumuhay nang malaya at makakamtan ang pagsang-ayon ng Diyos. Napagtanto ko rin na ang pamumuhay sa isang sataniko at tiwaling disposisyon, palaging pag-iisip tungkol sa opinyon ng iba, at paulit-ulit na pagsisinungaling at panlilinlang ay nagdudulot ng pagkapagod at pagkawala ng dignidad sa buhay.. Hindi ko na gustong mabuhay para lang sa kasikatan, mga pakinabang, at katayuan. Naging handa akong tanggapin ang pagsisiyasat ng Diyos at mamuhay sa Kanyang harapan. Anuman ang tingin o opinyon ng iba tungkol sa akin, gusto ko lang gawin ang aking mga tungkulin upang bigyang-kasiyahan ang Diyos. Dahil ito ang nasa isip ko, naging napakaluwag ng aking pakiramdam, at hindi na ako nag-alala na baka siyasatin ng nakatataas na pamunuan ang aking gawain, ni hindi ko na gustong subukan na linlangin ang Diyos o ang ibang tao.
Sa araw ng pagtitipon, huling dumating ang mga lider at tinanong nila kung paano ko sinubaybayan ang gawain ng ebanghelyo. Kumalabog ang puso ko, at medyo nabahala pa rin ako, natatakot na baka pumangit ang tingin ng mga lider sa akin kung malalaman nila ang mga katunayan tungkol sa sitwasyon. Pagkatapos ay naalala ko ang mga salitang ito ng Diyos: “Hindi mo kailangang gumamit ng anumang mga pamamaraan para protektahan ang iyong reputasyon, imahe, at katayuan, ni hindi mo kailangang pagtakpan o ikubli ang iyong mga pagkakamali. Hindi mo kailangang makisangkot sa mga walang saysay na pagsisikap na ito” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi). Napuno ang aking puso ng matinding kagaanan, at hindi ko na gustong gawin pa ang mga bagay dahil lang sa reputasyon o katayuan. Kaya nagsalita ako nang matapat at bukas sa mga lider. Inamin kong naging makasarili at kamuhi-muhi ako, at nabigo akong subaybayan ang kabuuang gawain, at na kahit na hindi ko nasubaybayan ang gawain, sinubukan ko pa ring linlangin ang iba. Nang marinig nila ang sinabi ko, hindi ako pinungusan ng mga lider. Sa halip, ibinahagi nila sa akin kung paano mapayapang makipagtulungan upang magawa nang mahusay ang gawain ng iglesia. Sa pakikinig ko sa kanilang pagbabahagi, lumiwanag ang aking puso at nagkaroon ako ng landas ng pagsasagawa. Noong tinanong nila ang tungkol sa aking kalagayan kalaunan, bukas ko ring ibinahagi na gumagawa ako dati para sa reputasyon at katayuan, namumuhay sa isang makasarili at kamuhi-muhing kalagayan, ngunit handa akong hanapin ang katotohanan upang makabawi. Pagkatapos kong sabihin ito, napayapa at gumaan ang aking puso. Napagtanto kong kapag nakatuon ang aking mga iniisip sa tingin sa akin ng mga tao at sa aking katayuan sa kanilang mga puso, hindi ko maiiwasang maloko ni Satanas, mauwi sa panlilinlang at pandaraya, at mamuhay sa isang masakit at nakapapagod na paraan. Ngunit kapag hindi ko isinasaalang-alang ang opinyon ng mga tao at gusto ko lang kumilos ayon sa mga salita ng Diyos at maging matapat na tao, patuloy na bumubuti ang aking kalagayan, pakiramdam ko ay namumuhay ako sa harapan ng Diyos, at tunay na malaya ang pakiramdam ng aking puso.