Ang Tamang Desisyon

Setyembre 5, 2022

Ni Shunyi, Tsina

Ipinanganak ako sa isang liblib na nayon sa bundok, sa isang pamilya ng ilang henerasyon ng mga magsasaka. Noong nag-aaral ako, madalas akong payuhan ng nanay ko, “Walang maaasahan ang ating pamilya. Kung gusto mong baguhin ang kapalaran mo, sarili mo lang ang maaasahan mo. Ang tanging pag-asa mo ay maging magaling sa paaralan.” Isinapuso ko ang mga salita niyang ito, tunay na umaasa na isang araw ay “mamumukod-tangi ako sa lahat at magdadala ng karangalan sa aking mga ninuno.” Pero nang makapagtapos, hindi lang ako hindi makahanap ng matatag na trabaho, nagkaroon pa ng malubhang karamdaman ang mga magulang ko. Nagastos namin ang lahat ng ipon ng aming pamilya at pagkatapos ay nangutang ng pera sa nga kamag-anak. Yamang hindi ko sila nabayaran sa tamang oras, tinawag akong bampira ng sarili kong tiyahin sa aking likuran. Isinubsob ko ang sarili ko sa pagkita ng pera para hindi nila ako maliitin, pero iniwanan akong lumbay na lumbay ng naghihikahos na kalagayan ng aming pamilya pati na ng panghahamak ng aming mga kamag-anak, at madalas akong umiiyak nang palihim. Noong miserable ako at pakiramdam ko ay wala akong magawa, noong Hunyo ng 2013, ibinahagi sa akin ng isang kaibigan ang ebanghelyo ng Makapangyarihang Diyos ng mga huling araw. Sa pamamagitan ng pagbabasa ng mga salita ng Diyos at pakikipagtipon sa mga kapatid, nalaman ko na ang tao ay nilikha ng Diyos, at ang ating buhay ay nasa Kanyang mga kamay. Nalaman ko rin na napakahirap ng buhay dahil nawala sa mga tao ang proteksyon ng Diyos matapos silang magawang tiwali ni Satanas, at ang Diyos ay naging tao at nagpapahayag ng mga katotohanan sa mga huling araw para iligtas ang sangkatauhan sa pagtitiwali at pamiminsala ni Satanas. Matapos malaman ang kalooban ng Diyos na iligtas ang sangkatauhan, labis akong naging interesado sa mga pagtitipon at madalas akong magbasa ng mga salita ng Diyos. Napakabilis ko ring nagsimulang gumawa ng tungkulin sa iglesia.

Makalipas ang ilang buwan, dahil nakikitang masigasig ako at gusto kong hanapin ang katotohanan, inirekomenda ng mga kapatid na magsanay ako para maging lider ng grupo. Nakipagpareha ako kay Brother Li, na namumuno sa ilang grupo ng mga pagtitipon. May trabaho ako noong panahong iyon, kaya si Brother Li ang pumupunta sa mga pang-araw na pagtitipon na medyo mas malayo, at ako ang pumupunta sa mga panggabing pagtitipon. Sa ganoong paraan ay maisasaayos namin nang mabuti ang aming nga oras. Pagdating ng pagtatapos ng taon ay kulang na kami sa manggagawang nag-aasikaso ng mga pangkalahatang gawain, kaya inatasan si Brother Li na gawin ang trabahong iyon at pansamantala akong inatasang mangasiwa sa mga grupong iyon. Alam kong kailangan ko talagang sumandig sa Diyos para doon. Pero kasabay niyon, pakiramdam ko ay mahirap ang kalagayan ko. Kung igugugol ko ang lahat ng panahon at lakas ko sa aking tungkulin, hindi ako magkakaroon ng sapat na oras para sa trabaho. Itinakdang target ng kompanya ko na makabenta ako ng halagang isang milyong yuan bago matapos ang taon, at kung mahihigitan ko iyon ay makakukuha ako ng mas malaking bonus sa pagtatapos ng taon. Iniisip ko, kung maaabot ko ang target na iyon, hindi ko lang mababayaran ang mga utang ko, kundi makaiipon pa ako ng kaunting pera, at hindi na ako mamaliitin ng mga kaibigan at kamag-anak ko. Naisip ko na kailangang mapasakamay ko muna ang perang iyon, tapos ay mas magsumikap sa tungkulin ko. Gusto ng superbisor ko sa trabaho na mag-overtime ako tuwing gabi para maabot ang target na iyon, kaya magtatrabaho ako nang sobra ng isang oras at magpapaalam na liliban para sa mga pagtitipon, pero itinigil ng superbisor ko ang pagpapahintulot sa pagliban ko, at gusto niyang mas mag-overtime ako. Dahil doon ay madalas akong nahuhuli sa mga pagtitipon. Pinaalalahanan ako ng iba na kailangan kong pumunta nang mas maaga, at nag-aatubili ko lang silang tinanguan. Hindi nagtagal, nakapagpapirma ako ng order para sa mahigit 500,000 yuan at noong buwan na iyon ay nabayaran ako ng mahigit 7,000 yuan, na nagpatindi lang sa pagnanasa ko sa mas marami pang pera. Iniisip ko na ang bilis-bilis kong nakuha ang perang iyon at naabot ko na ang mahigit sa kalahati ng target ko. Kung lima sa sampung kliyente ko ang pipirma sa isang order, malaki-laki ang kikitain ko roon. At kung makakukuha pa ako ng ilang malalaking kliyente, baka makabili pa ako ng bahay at sasakyasan sa loob ng ilang taon, tapos ay makauuwi ako nang may dignidad at titingalain ako ng mga taganayon. Kung kaya, basta-basta kong isinabak ang sarili ko sa aking pangarap na kumita ng maraming pera. Madalas akong mag-overtime sa gabi. Minsan ay naiisip ko ang mga kapatid na naghihintay sa akin sa mga pagtitipon at medyo nakokonsensya ako, pero masyado nang gabi paglabas ko sa trabaho—kailangan ko nang umuwi. Pagdating ko sa bahay ay pagod na pagod na ako, at wala na akong lakas para magbasa ng mga salita ng Diyos, kaya diretso na ako sa pagtulog. May ilang umaga na tanghaling-tanghali na ako nagigising, kaya bubuklat-buklatin ko lang nang kaunti ang mga salita ng Diyos, tapos ay papasok na ako sa trabaho. Hindi ko alam kung ano ang dapat sabihin kapag nagdarasal ako. Sa pamumuhay sa ganoong klase ng kalagayan, palala nang palala ang pagiging pabaya ko sa aking tungkulin. Ilan sa mga baguhan na saklaw ng mga responsibilidad ko ang agad na nangangailangan ng pagdidilig, at pinapunta ko ang ibang mga kapatid sa mga pagtitipon ng mga baguhan para humalili sa akin. Gayunpaman, lahat sila ay may kanya-kanyang tungkulin at minsan ay hindi rin nila iyon maaasikaso, na nakaapekto sa pagiging epektibo ng pagdidilig. Kalaunan, ang lider at ang iba ay nagbahaging lahat sa akin na kailangan kong unahin ang tungkulin ko, at pinaalalahanan ako na makahahadlang sa pag-usad sa buhay ng mga baguhan ang paggawa ko nang wala sa loob sa mga pagtitipon at pagiging iresponsable sa aking tungkulin. Medyo natakot ako nang marinig kong sabihin nila iyon. Kung hindi madidiligan sa tamang panahon ang mga bagong mananampalataya, maaari silang mailigaw ng mga kasinungalingan at tumigil, kung ganoon ay makagagawa ako ng masama. Alam kong hindi ako pwedeng magpatuloy nang ganoon, bagkus ay kailangan kong magdasal at magsisi agad-agad.

Pagkatapos niyon, kinumusta ko ang mga grupong iyon, nakita ko na bilang resulta ng hindi ko paggawa ng praktikal na gawain, hindi nalutas sa tamang panahon ang mga problema at paghihirap ng mga baguhan, na iniwan sila sa isang masamang kalagayan, at ang ilan sa kanila ay ni hindi dumadalo nang regular sa mga pagtitipon. Talagang nakonsensya ako nang makita ko ang mga bagay-bagay sa ganoong kalagayan. Parami nang paraming bagong mananampalataya ang umaanib sa pananampalataya na agarang nangangailangan ng pagdidilig at suporta, at tulong sa paglalatag ng pundasyon sa tunay na daan. Pakiramdam ko ay dapat na akong magbitiw sa trabaho ko at italaga nang buong-panahon ang sarili ko sa aking tungkulin. Pero inaatasan ako ng ilang magagandang proyekto ng boss ko sa trabaho, at sinabi ng superbisor ko na gusto niya akong tulungang makahanap ng mas marami pang kliyente. Nang sabihin ko sa mga katrabaho ko na pinag-iisipan kong magbitiw, sinabi nila, “Lagpas ka na sa kalahati ng target mo ng benta, kaya mahihigitan mo pa iyon pagdating ng pagtatapos ng taon. Sayang naman kung susuko ka na ngayon.” Nang marinig kong sabihin nila iyon, pakiramdam ko rin ay sayang iyon at gusto kong magpatuloy hanggang sa pagtatapos ng taon, tapos ay magbibitiw ako. Pero ang gawain ng iglesia ay agarang nangangailangan ng mga taong gagawa, kaya kung tutuon lang ako sa trabaho ko at sa pagkita ng pera, at hindi ilalagay ang puso ko sa gawain ng iglesia, magiging napakamakasarili niyon. Isa iyong tunay na problema para sa akin. Talagang litung-lito ako noong panahong iyon. Nagdasal ako sa Diyos, hinihiling sa Kanya na bigyang-liwanag at patnubayan Niya ako.

Tapos, isang araw habang nakikinig ako sa mga himno ng mga salita ng Diyos, narinig ko ito: “Ngayon mismo, bawat araw na pinagdaraanan ninyo ay lubhang mahalaga, at pinakamahalaga sa inyong kahahantungan at kapalaran, kaya’t dapat ninyong itangi ang lahat ng mayroon kayo ngayon, at pahalagahan ang bawat minutong lumilipas. Kailangan ninyong bigyan ng oras ang inyong sarili na matuto nang husto upang hindi mawalan ng saysay ang buhay ninyo(Sundan ang Cordero at Kumanta ng mga Bagong Awitin, Araw-araw na Nabubuhay Ka Ngayon ay Lubhang Mahalaga). “Gising, mga lalaking kapatid! Gising, mga babaeng kapatid! Hindi maaantala ang Aking araw; ang oras ay buhay, at ang samantalahin ang panahon ay nakapagliligtas ng buhay! Hindi na malayo ang oras! Kung hindi kayo makapasa sa pagsusulit sa pagpasok sa kolehiyo, maaari kayong mag-aral at kumuha muli ng pagsusulit kahit ilang ulit ninyo naisin. Gayunman, ang Aking araw ay hindi na maaantala. Tandaan! Tandaan! Hinihimok Ko kayo sa pamamagitan ng mabubuting salitang ito. Nagaganap ang katapusan ng mundo sa harap mismo ng inyong mga mata, at matuling nagsisilapit ang malalaking sakuna. Ano ang mas mahalaga: ang buhay ninyo, o ang inyong pagtulog, ang pagkain, inumin, at kasuotan? Dumating na ang oras para timbangin ninyo ang mga bagay na ito(Sundan ang Cordero at Kumanta ng mga Bagong Awitin, Ang Panahong Nawala ay Hindi na Kailanman Darating Muli). Talagang nagkaroon ng impresyon sa akin ang mga himnong ito ng mga salita ng Diyos. Ang gawain ng Diyos sa mga huling araw ay ang gawain ng pagtatapos sa kapanahunan. Tinutukoy ng Diyos ang kalalabasan ng bawat tao, at sinusunod ng lahat ang sarili nilang uri. Kalaunan, ang lahat ay maaaring maligtas at mapanatili, o malugmok sa pagkawasak. Natutukoy iyon sa kung paano natin hinahanap ang katotohanan ngayon. Ito ang napakahalagang panahon na nagpapasya ng ating kalalabasan at kapalaran. Nagaganap ngayon ang sunud-sunod na sakuna. Parami nang parami ang mga lindol, baha, at tagtuyot. Hindi natin alam kung kailan ganap na magtatapos ang gawain ng Diyos. Alam kong kung hindi ko talaga gagamitin ang oras ko para hanapin nang mabuti ang katotohanan, bagkus ay patuloy na maghahangad ng pera at isang maginhawang buhay tulad ng mga hindi mananampalataya, masisira niyon ang pagkakataon kong matamo ang katotohanan at maligtas. Naisip ko ang asawa ni Lot. Hinangad niya ang mga pag-aari ng kanilang pamilya. Pinatnubayan sila ng mga anghel palabas ng siyudad at sinabihan na huwag lumingon sa likuran, pero lumingon siya, at pagkatapos ay naging haliging asin, isang tanda ng kahihiyan. Katulad ko lang ang asawa ni Lot. Nagnasa ako ng kayamanan at naghangad ng mga makamundong kasiyahan, humahawak sa araro at lumilingon sa likod. Napakahangal at bulag ko! Naisip ko kung paano ako unti-unting naglalakbay sa mundo noon, maraming utang at walang daan palabas. Dumating sa akin ang pagliligtas ng Diyos at inilabas ako mula sa aking pagdurusa, binibigyan ako ng pagkakataong hanapin ang katotohanan at kaligtasan. Nagpakasaya ako sa pagmamahal ng Diyos pero hindi nagkaroon ng kagustuhang suklian iyon. Pabaya ako sa aking tungkulin, iresponsable roon. Talagang wala akong konsensya at kasuklam-suklam iyon sa Diyos. Hindi ako pwedeng magmatigas na manatili sa maling landas, bagkus ay kailangan kong bitiwan ang aking mga personal na interes, hanapin ang katotohanan, at gawin nang mabuti ang aking tungkulin.

Pagkatapos niyon, sinimulan kong isipin kung bakit hindi ko kailanman nagawang bitiwan ang trabaho at pera—ano ang ugat niyon? Tapos isang araw, nabasa ko ang ilan sa mga salita ng Diyos. “Ginagamit ni Satanas ang katanyagan at pakinabang upang kontrolin ang mga iniisip ng tao, hanggang sa ang tanging maisip ng mga tao ay katanyagan at pakinabang. Nagsusumikap sila para sa katanyagan at pakinabang, nagdaranas ng mga paghihirap para sa katanyagan at pakinabang, nagtitiis ng kahihiyan para sa katanyagan at pakinabang, nagsasakripisyo ng lahat ng mayroon sila para sa katanyagan at pakinabang, at maghuhusga o magpapasiya para sa katanyagan at pakinabang. Sa ganitong paraan, iginagapos ni Satanas ang mga tao gamit ang kadenang hindi nakikita, at wala silang lakas ni tapang na iwaksi ang mga ito. Dala nila ang mga kadenang ito nang hindi nila nalalaman at hirap na hirap silang sumulong. Alang-alang sa katanyagan at pakinabang na ito, lumalayo ang sangkatauhan sa Diyos at nagtataksil sa Kanya at lalo silang nagiging masama. Sa ganitong paraan, samakatuwid, sunud-sunod na nawawasak ang mga henerasyon sa gitna ng katanyagan at pakinabang ni Satanas(Ang Salita, Vol. I, Ang Gawain ng Diyos at Pagkilala sa Diyos, Ang Diyos Mismo, ang Natatangi VI). “Pilosopiya ni Satanas ang ‘Pera ang nagpapaikot sa mundo,’ at nangingibabaw sa buong sangkatauhan, sa bawat lipunan ng mga tao. Maaari ninyong sabihin na ito ay isang kalakaran dahil ikinintal ito sa puso ng bawat isang tao. Mula pa sa panimula, hindi tinanggap ng mga tao ang kasabihang ito, ngunit binigyan nila ito ng hayagang pagtanggap noong maranasan na nila ang tunay na buhay, at nagsimula nilang maramdaman na totoo nga ang mga salitang ito. Hindi ba ito proseso ni Satanas na ginagawang tiwali ang mga tao? Marahil hindi nauunawaan ng mga tao ang kasabihang ito sa parehas na antas, ngunit ang lahat ay mayroong magkakaibang mga antas ng interpretasyon at pagkilala sa kasabihang ito batay sa mga bagay na nangyari sa kanilang paligid at sa kanilang mga sariling karanasan. Hindi ba’t ganito ang sitwasyon? Gaano man karami ang karanasan ng isang tao sa kasabihang ito, ano ang negatibong epekto na maaaring maidulot nito sa puso ng isang tao? Nabubunyag ang isang bagay sa pamamagitan ng disposisyon ng mga tao sa mundong ito, kasama na ang bawat isa sa inyo. Ano ito? Ito ay pagsamba sa salapi. Mahirap bang alisin ito mula sa puso ng isang tao? Napakahirap nito! Tila sadyang napakalalim ng pagtitiwali ni Satanas sa mga tao! Ginagamit ni Satanas ang salapi upang tuksuhin ang mga tao, at tiwaliin silang sumamba sa salapi at ipagpitagan ang mga materyal na bagay. At paano naipapamalas sa mga tao ang pagsambang ito sa salapi? Inaakala ba ninyo na hindi niyo kayang manatiling buhay sa mundong ito nang walang salapi, na ang kahit isang araw na walang salapi ay imposible? Ang katayuan ng mga tao ay base sa kung gaano karaming salapi ang mayroon sila, gayundin ang paggalang na karapat-dapat sa kanila. Ang mga likod ng mahihirap ay nakayuko sa hiya, habang nagpapakasasa ang mayayaman sa kanilang mataas na katayuan. Nakatayo sila nang tuwid at nagmamalaki, nagsasalita nang malakas at namumuhay nang may pagmamataas. Ano ba ang dinadala ng kasabihan at kalakarang ito sa mga tao? Hindi ba totoo na gagawin ng marami ang anumang sakripisyo para sa salapi? Hindi ba isinasakripisyo ng maraming tao ang kanilang dignidad at integridad sa paghahanap ng mas maraming salapi? Hindi ba marami ang mga taong nawawalan ng pagkakataon na gampanan ang kanilang tungkulin at sundin ang Diyos para lamang sa salapi? Hindi ba ang pagkawala ng pagkakataong matamo ang katotohanan at maligtas ang pinakamalaki sa lahat ng nawala sa mga tao? Hindi ba’t masama si Satanas sa paggamit sa pamamaraang ito at sa kasabihang ito upang gawing tiwali ang tao hanggang sa ganitong antas? Hindi ba ito malisyosong pandaraya?(Ang Salita, Vol. I, Ang Gawain ng Diyos at Pagkilala sa Diyos, Ang Diyos Mismo, ang Natatangi V). Inihahayag ng mga salita ng Diyos ang ugat ng paghahangad sa pera at katanyagan. Mula pa noong bata ako, inisip ko nang ang mga satanikong pilosopiyang tulad ng “Pera ang nagpapaikot sa mundo” at “Mamukod-tangi at magdala ng parangal sa kanyang mga ninuno” ay mga salitang dapat ipamuhay. Inakala ko na kapag may pera, makapagsasalita ang mga tao nang may kumpiyansa at dignidad, na makakikilos sila nang may lakas ng loob, magkakaroon ng mataas na katayuan, at marerespeto. Akala ko ay iyon lang ang paraan para magkaroon ng makabuluhan at marangal na buhay. Lalo na nang balewalain ako ng pamilya ko, lalo akong nag-overtime para kumita nang mas malaki, umaasa na isang araw ay aasta akong mataas sa kanila. Matapos kong magsimulang manampalataya, alam kong kailangan kong dumalo sa mas maraming pagtitipon at gawin ang aking tungkulin para matutuhan ang katotohanan at umusad sa buhay. Pero hindi ko mabitiwan ang paghahangad ko ng pera at katayuan. Kapag may laban sa pagitan ng tungkulin at trabaho ko, inuuna ko ang pagkita ng pera, ipinagwawalang-bahala ang tungkulin ko. Lalo na nung maganda ang takbo ng trabaho ko at kumikita ako ng kaunting pera, tumindi nang tumindi ang pagnanasang iyon. Lubos akong nakatuon kung paano makakuha ng mas maraming kliyente at makapagpapirma ng mas maraming order para kumita ng mas maraming pera, ganap na ipinagwawalang-bahala ang gawain ng iglesia. Ibig sabihin niyon ay hindi nadidiligan sa tamang panahon ang ilang baguhan at muntik nang tumigil, at malubhang naantala ang gawain ng pagdidilig. Sa puntong iyon ay nakita ko na palala nang palala ang pagiging makasarili at sakim ko dahil sa pamumuhay ko ayon sa mga satanikong pilosopiyang ito, at sariling mga interes ko lang ang iniisip ko. Nagtatamasa ako ng napakarami sa pagdidilig at pagtustos ng Diyos pero hindi ko Siya sinusuklian sa pamamagitan ng aking tungkulin. Wala akong katwiran o konsensya! Ang reputasyon at katayuan ang mga paraan ni Satanas para hilahin ang mga tao papunta sa impiyerno, ang mga iyon ang panlilinlang nito. Nahila nito ang puso ko palayo nang palayo sa Diyos, hanggang sa puntong gumagawa lang ako nang wala sa loob kahit sa pagdarasal at pagbabasa ng mga salita ng Diyos. Kung magpapatuloy iyon, hindi ko matatamo ang katotohanan, at mawawala sa akin ang pagkakataong maligtas ng Diyos.

Kalaunan ay nakarinig ako ng isa pang himno ng mga salita ng Diyos: “Mawalan ng Pagkakataon at Pagsisisihan Mo Iyon Magpakailanman.” “Dapat ninyong isaisip ang pasanin ng Diyos, ngayon mismo; hindi ninyo dapat hintaying ihayag ng Diyos ang Kanyang matuwid na disposisyon sa buong sangkatauhan bago ninyo isaisip ang pasanin ng Diyos. Hindi ba magiging huli na ang lahat sa oras na iyon? Ngayon ang magandang pagkakataon upang maperpekto ng Diyos. Kung hahayaan mong makalagpas ang pagkakataong ito, pagsisisihan mo iyon habambuhay, gaya noong hindi nagawang pumasok ni Moises sa magandang lupain ng Canaan at pinagsisihan niya ito habambuhay, at namatay nang may taos na pagsisisi. Kapag naihayag na ng Diyos ang Kanyang matuwid na disposisyon sa lahat ng bayan, mapupuspos ka ng pagsisisi. Kahit hindi ka kastiguhin ng Diyos, kakastiguhin mo ang iyong sarili dahil sa sarili mong taos na pagsisisi. Ngayon ang pinakamainam na pagkakataong maperpekto; ngayon ay napakagandang panahon. Kung hindi mo marubdob na hinahangad na maperpekto ng Diyos, kapag nagwakas na ang Kanyang gawain, magiging huli na ang lahat—nalagpasan ka na ng pagkakataon. Gaano man kadakila ang iyong mga hangarin, kung hindi na gumaganap ng gawain ang Diyos, anuman ang gawin mo, hindi ka na kailanman mapeperpekto(Sundan ang Cordero at Kumanta ng mga Bagong Awitin). Nadarama ko ang mga inaasahan ng Diyos sa atin sa Kanyang mga salita. Umaasa Siya na magagawa nating pahalagahan ang mahalagang panahong ito, hanapin ang katotohanan, gawin ang ating tungkulin, at tamuhin ang Kanyang pagliligtas. Isa itong hindi matutumbasang pagkakataon na hangarin na magawang perpekto ng Diyos, at isang napakahalagang panahon na gumawa ng isang tungkulin. Sa paggawa ng tungkulin, sa pamamagitan ng pagsasagawa ng paghahanap sa katotohanan para lutasin ang iba’t ibang problema, pwede tayong matuto ng mas maraming katotohanan at umusad sa buhay nang mas mabilis. Kung hindi ko sasamantalahin ang pagkakataong iyon na magsanay nang mabuti, bagkus ay patuloy na maghahabol sa pera, kapag nagtapos na ang gawain ng Diyos ay wala akong matatamo sa huli, at walang tindi ng pagsisisi ang magkakaroon ng saysay. Sa katunayan, dapat kang makuntento sa buhay na may pagkain at tirahan. Kung pababayaan mo ang tungkulin mo para kumita ng maraming pera, sa huli ay makapipinsala iyon sa buhay mo, mawawala sa iyo ang pambihira mong pagkakataon na matamo ang katotohanan at magawang perpekto ng Diyos. Kahangalan iyon!

Nakabasa ako ng isa pang sipi ng mga salita ng Diyos “Bilang isang normal na tao, na naghahangad ng pag-ibig sa Diyos, ang pagpasok sa kaharian upang maging isa sa mga tao ng Diyos ang inyong tunay na hinaharap, at isang buhay na siyang pinakamahalaga at pinakamakabuluhan; walang sinuman ang higit na pinagpala kaysa sa inyo. Bakit Ko sinasabi ito? Sapagkat yaong mga hindi naniniwala sa Diyos ay nabubuhay para sa laman, at sila ay nabubuhay para kay Satanas, ngunit sa kasalukuyan kayo ay nabubuhay para sa Diyos, at nabubuhay upang gawin ang kalooban ng Diyos. Kaya sinasabi Ko na ang inyong mga buhay ang pinakamakabuluhan. Ang grupo lamang ng mga taong ito, na pinili ng Diyos, ang magagawang isabuhay ang isang buhay na pinakamakabuluhan: Walang sino pa man sa lupa ang magagawang isabuhay ang isang buhay na may gayong halaga at kahulugan(Ang Salita, Vol. I, Ang Gawain ng Diyos at Pagkilala sa Diyos, Alamin ang Pinakabagong Gawain ng Diyos at Sumunod sa Kanyang mga Yapak). Medyo kapana-panabik para sa akin ang pagbabasa sa mga salitang ito mula sa Diyos. Ang paghahanap sa katotohanan at pagkilala sa Diyos ang tanging paraan para magkaroon ng tunay na makabuluhang buhay. Dati ay palagi akong namumuhay alinsunod sa mga satanikong pilosopiya, iniisip na kapag mayroong pera at katayuan, hahangaan ako ng lahat, at magiging isa iyong makabuluhang buhay. Pero mali ang lahat ng iyon. Kung walang pananampalataya, kung hindi nagtatamo ng katotohanan at buhay, hindi kaya ng mga tao na tunay na maunawaan ang kahit na ano. Ni hindi nila alam kung saan sila mismo nanggaling, at hindi talaga nila alam na ang Diyos ang namamahala sa mga kapalaran ng sangkatauhan. Nagpapakapagod lang sila para sa katayuan at pera, hindi iniisp na bumalik gaano man sila katinding magdusa, at tiyak na mamamatay sila sa mga sakuna pagdating ng mga iyon—at sa gayon ay mawawalan ng saysay ang pera nila! Talagang nakalulungkot na mapaglaruan at masaktan ni Satanas sa buong buhay mo. Pero iba ang pagkakaroon ng pananampalataya at paghahanap sa katotohanan. Wala tayo masyadong materyal na kasiyahan, pero sa pamamagitan ng pagkatuto ng mga katotohanan, pagtatamo ng kabatiran sa ilang bagay, at hindi na pagkatukso at hindi na pagiging alipin ng pera, makapagtatamo tayo ng kaunting kapayapaan at kaliwanagan. Napakaraming pag-aari ng pamilya ni Job, pero hindi siya roon nalugod. Nakatuon siya sa pag-alam sa panuntunan ng Diyos sa lahat ng bagay, sa pagkakaroon ng takot sa Diyos at pag-iwas sa masama. Nang dumating sa kanya ang mga pagsubok, nagawa niyang hindi magreklamo, at nagawa niyang manindigan sa patotoo. Natamo niya ang pagsang-ayon ng Diyos at sa huli ay nagpakita sa kanya ang Diyos. Nagkaroon ng kabuluhan at halaga ang buhay ni Job. Iniisip iyon nang ganoon, isinulat ko ang liham ko ng pagbibitiw. Dahil nakikitang nakapagpasya na ako, hindi na ako sinubukang pilitin na manatili ng boss ko. Naging madali ang proseso ng aking pagbibitiw. Sa sandali ng pag-alis ko sa kompanya ay panatag na panatag ang pakiramdam ko, malayang-malaya.

Pagkatapos niyon ay talagang isinubsob ko ang sarili ko sa aking tungkulin at maayos na nakipagtulungan sa ibang kapatid sa pagdidilig sa mga baguhan. Hindi nagtagal, masigasig nang pumupunta ang mga bagong mananampalataya sa mga pagtitipon, at bumubuti na ang buhay-iglesia. Nagkaroon ako ng matinding kapayapaan! Salamat sa Diyos!

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

Ang Pagsisisi ng Isang Opisyal

Ni Zhenxin, TsinaSabi ng Makapangyarihang Diyos, “Mula nang likhain ang mundo hanggang ngayon, lahat ng nagawa ng Diyos sa Kanyang gawain...