Anong Disposisyon ang Nasa Likod ng Iyong Pagkahilig na Makipagtalo?

Oktubre 30, 2022

Ni Chen’mo, Timog Korea

Makalipas ang ilang taon ng pananampalataya sa Diyos, alam ko sa prinsipyo na gusto ng Diyos ang mga taong tumatanggap sa katotohanan. Kung sumasampalataya ang mga tao sa Diyos nang hindi tinatanggap ang katotohanan, gaano man sila magdusa, kailanman ay hindi magbabago ang kanilang disposisyon sa buhay. Gusto kong maging isang taong tumatanggap sa katotohanan, pero kapag tinatabasan at iwinawasto ako, awtomatiko akong nakikipagtalo at ipinagtatanggol ang aking sarili, at minsan ay pinabubulaanan ko ang ibang tao. Nung tumagal-tagal, pinagsisihan ko iyon, at napaisip ako: Bakit ba ako nakipagtalo? Bakit ko ba naramdaman na kailangan kong magsalita nang magsalita? Pero may hangganan ang pagsisisi, at dahil kailanman ay hindi ko nakita nang malinaw ang diwa ng problema, kailanman ay hindi ako nagtamo ng anumang tunay na pagpasok. Kamakailan, matapos ang ilang karanasan, sa wakas ay sinimulan kong pagnilayan ang aking sarili, hanapin ang katotohanan, makita na ang palaging pakikipagtalo ay, sa totoo lang, ang satanikong disposisyon ng pagiging pagod na sa katotohanan, at malaman na kung hindi ako magsisisi at magbabago ay manganganib ako.

Pinangangasiwaan ko ang gawain ng ebanghelyo sa aking iglesia. Minsan, sa isang pulong ng pagbubuod ng gawain, iniulat ng tagapangasiwa ng pagdidilig na si Juliana, ang isang problema sa gawain ng ebanghelyo, sinasabi na, “Kamakailan, hindi agad sinasabi sa amin ng mga manggagawa ng ebanghelyo ang kalagayan ng mga baguhan na nangangailangan ng pagdidilig, na nangangahulugang hindi kami makapagbibigay ng pagdidilig na pumupuntirya sa mga kuru-kuro at problema ng mga baguhan.” Nang marinig kong banggitin ni Juliana ang problema sa gawain ko sa harap ng napakaraming tao, naramdaman kong umuusbong ang hiya sa dibdib ko. “Hindi ba’t ang ibig mo lang sabihin ay hindi ako gumagawa ng praktikal na gawain? Hindi sa hindi ako nagbahagi sa mga kapatid tungkol sa mga problemang ito. Matagal ko nang sinabi sa kanila ang tungkol dito, pero hindi agad mababago ang mga bagay-bagay, hindi ba? Marami sa kanila ay nagsisimula pa lang gumawa ng gawain ng ebanghelyo. Bakit napakarami mong hinihingi sa kanila?” Hindi ko talaga matanggap ang sinabi niya, at pakiramdam ko ay wala siyang konsiderasyon sa mga paghihirap ng mga tao. Nung panahong iyon, gusto kong sabay-sabay na ipahayag ang mga saloobin ko, pero nag-alala ako na sasabihin ng lahat na hindi ako tumatanggap ng mga mungkahi, na magpapasama sa imahe ko, kaya atubili kong tinanggap ang mungkahi niya at sumunod. Pagkatapos, binigyang-diin ko sa aking mga kapatid na kailangan nilang pagsikapang magbigay ng maagap na feedback sa mga baguhan na nangangailangan ng pagdidilig. Pagkalipas ng ilang panahon, bahagyang bumuti ang mga bagay-bagay, at hindi ko masyadong pinagnilayan ang tungkol doon pagkatapos niyon. Iyon ay hanggang sa isang araw, nang malaman kong may ilang tagadilig na hindi nakikipagtulungan nang maayos sa mga manggagawa ng ebanghelyo, at na may ilan silang masamang palagay sa mga manggagawa ng ebanghelyo. Hindi ko maiwasang magpalagay, “Malamang ito ay dahil palaging nagsasalita si Juliana tungkol sa mga problema ng mga manggagawa ng ebanghelyo.” Nagsimula akong magreklamo tungkol sa kanya sa isip ko, “Masyado siyang nakayayamot. Kahit kailan ay hindi niya iniisip kung ano ang dapat niyang sabihin sa kung anong sitwasyon. Sa tuwing susuriin namin ang gawain, kailangan niya laging banggitin na hindi nagbibigay ang mga manggagawa ng ebanghelyo ng maagap na feedback tungkol sa mga baguhan. Naririnig iyon ng lahat at nagkakaroon sila ng mga ideya tungkol sa amin. Kung magpapatuloy ito, paano kami magtutulungan sa aming tungkulin sa hinaharap?” Habang iniisip ko ito, nanaig sa akin ang isang hindi maipaliwanag na matinding galit. Iniulat ko ang sitwasyong ito sa aming lider, at sinabi kong palaging nagpapakalat si Juliana sa grupo niya ng pagkadismaya sa mga manggagawa ng ebanghelyo, kaya naging imposible para sa amin na makipagtulungan. Habang isinusulat ko ang mensahe, nagkaroon ako ng ilang pag-aalala roon. “Nararapat ba itong iulat bilang isang problema? ‘Nagpapakalat’ ba ang pinakamainam na terminong gamitin dito?” Pero naisip ko, “Katunayan ang sinasabi ko. Sa tuwing magsasalita si Juliana tungkol sa mga problema ng mga manggagawa ng ebanghelyo, bumubuntong-hininga siya. Sa buntong-hininga pa lang niya ay nagmumukha nang walang pag-asa ang sitwasyon. Hindi ba’t nagpapakalat lang siya ng pagkadismaya? Patas naman ang sinasabi ko tungkol sa kanya.” Gano’n-gano’n lang, ipinadala ko na ang mensahe nang hindi na iyon pinag-iisipan pa. Kinabukasan, pinadalhan ako ng mensahe ni Juliana: “Kung hindi nararapat ang sinabi ko, pwede mong sabihin sa akin. Paano naging katumbas ng ‘pagpapakalat ng pagkadismaya’ ang mga sinabi ko?” Nang makita ko ang mensahe niya, alam ko nang nagbahagi sa kanya ang lider. Nang makita kong ang saloobin niya ay pagtangging tumanggap o magnilay sa kanyang sarili, galit na galit ako. “Gaano ka ba talaga kamanhid? Ni hindi mo napagtatanto kung ano ang iniisip at sinasabi mo, ‘no? Nagiging malinaw sa mga buntong-hininga mo kung gaano ka kadismayado sa mga manggagawa ng ebanghelyo. Nakaaapekto sa ibang tao ang mapanghamak mong pag-uugali. Paano ito hindi naging pagpapakalat ng pagkadismaya?” Gusto ko pa nga siyang tawagan at pangatwiranan ang puntong ‘yon sa kanya, pero naisip ko, “Kung tatawagan ko siya ngayon din, hindi ba’t magsisimula lang kaming mag-away? Kung mababalitaan ng lahat ang away namin, magiging kahiya-hiya lang iyon. Magiging asiwa ang relasyon namin, tapos ay paano na kami magtutulungan? Hindi ito pagsasanggalang sa gawain ng iglesia. Napakatagal ko nang sumasampalataya sa Diyos, kaya bakit masyado pa rin akong padalus-dalos kapag may mga ganitong nangyayari?” Sa sandaling ito, naalala ko ang salita ng Diyos. “Para sa lahat ng tumutupad ng kanilang tungkulin, gaano man kalalim o kababaw ang kanilang pagkaunawa sa katotohanan, ang pinakasimpleng paraan ng pagsasagawa upang makapasok sa realidad ng katotohanan ay ang isipin ang mga interes ng sambahayan ng Diyos sa lahat ng bagay, at bitiwan ang mga makasariling pagnanasa, mga personal na layunin, mga motibo, pagmamalaki, at katayuan. Unahin ang mga interes ng sambahayan ng Diyos—ito man lang ay dapat gawin ng isang tao(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Makakamit Lamang ang Kalayaan at Pagpapalaya sa Pamamagitan ng Pagwawaksi sa Sariling Tiwaling Disposisyon). Sa wakas ay napatahimik ng mga salitang “ang mga interes ng sambahayan ng Diyos” ang aking isip at pinagnilay ako nito sa aking sarili. Ang mga interes ng sambahayan ng Diyos ang pinakamahalaga. Ang pagtatalo namin ng aking sister ay isa lang away tungkol sa kung sino ang mali, hindi ba? Pareho kaming tagapangasiwa. Kung magsisimula kaming mag-away tungkol dito at magkakalayo ang loob namin at magkakaroon kami ng masasamang palagay, maaapektuhan niyon ang gawain. Masisira nito ang mas dakilang layunin. Isa pa, inilarawan ko ang pag-uulat ni Juliana sa problema bilang pagpapakalat ng pagkadismaya, pero maaaring hindi tumpak ang paglalarawang ito. Ang pagpapakalat ng pagkadismaya ay pagbabaluktot sa katotohanan, pagkalito sa kung alin ang tama at mali, at pagsasabi na negatibo ang isang positibong bagay. Ang ibig sabihin niyon ay pagkakaroon ng mga hindi tamang layunin at pagsasabi ng isang bagay para atakihin at kondenahin ang iba para makamit ang sarili mong mga layunin. Pero, tumpak ang problemang inilarawan ni Juliana sa aming gawain. Sinasabi niya ang problema nang walang kinikilingan. May mga pagpapamalas ng paggawa nang kahit papaano lang at pagiging iresponsable sa paraan ng paggawa ng mga manggagawa ng ebanghelyo sa kanilang tungkulin, kaya sinasabi niya ito para maayos ang mga paglihis at kasiraan sa aming gawain. Kapaki-pakinabang ito sa gawain ng ebanghelyo, at walang mga di-tamang personal na layunin doon. Kahit pa mali ang tono niya, iyon ay para mapabuti ang gawain. Pero inilarawan ko ang kanyang kilos bilang pagpapakalat ng pagkadismaya sa mga manggagawa ng ebanghelyo. Inaatake at binabansagan ko siya. Nang maisip ko ito, medyo nakonsensya ako, kaya tumugon ako sa kanya, “Nagsalita ako nang hindi nararapat. Ipagpaumanhin mo.” Tinanggap niya ang paghingi ko ng paumanhin, at sinabi niyang dapat ay mas mag-usap at magtulungan kami, at magkasamang magtrabaho para magawa nang mabuti ang aming mga tungkulin. Nang makita ko ang tugon niya, nahiya ako. Pero masaya rin ako na kumalma na ako. Kung hindi, magkakaroon kami ng hidwaan, at tiyak na maaapektuhan ang gawain. Nung panahong iyon, doon ko na itinigil ang pag-iisip sa bagay na iyon, pero pakiramdam ko ay hindi ako masyadong nagkaroon ng sariling kaalaman sa katiwalian ko, kaya nagdasal ako sa Diyos, hinihiling sa Kanya na bigyan ako ng kaliwanagan para makilala ko ang sarili ko.

Tapos isang araw, habang nagsusulat ako ng isang artikulo, nakakita ako ng ilan sa mga salita ng Diyos. Sabi ng Makapangyarihang Diyos, “Ano ang pinakamahalagang saloobing dapat taglayin ukol dito? Una, dapat mong tanggapin ito, sinuman ang nagwawasto sa iyo, anuman ang dahilan, malupit man ito, o anuman ang tono at pananalitang ginagamit, dapat mong tanggapin ito. Pagkatapos, dapat mong aminin ang nagawa mong mali, ang tiwaling disposisyon na nailantad mo, at kung kumilos ka ba alinsunod sa mga prinsipyo ng katotohanan. Kapag ikaw ay pinupungusan at iwinawasto, unang-una sa lahat, ito ang saloobing dapat mong taglayin. At taglay ba ng mga anticristo ang gayong saloobin? Hindi; mula simula hanggang katapusan, ang saloobing inilalabas nila ay paglaban at pag-ayaw. Sa ganoong saloobin, maaari ba silang manahimik sa harap ng Diyos at mapagpakumbabang tanggapin ang pagpupungos at pagwawasto? Hindi maaari iyon. Ano ang gagawin nila, kung gayon? Una sa lahat, pilit silang makikipagtalo at mangangatwiran, na ipinagtatanggol at ipinaliliwanag ang mga maling nagawa nila at ang tiwaling disposisyong nailantad nila, sa pag-asang makuha ang pag-unawa at pagpapatawad ng mga tao, upang hindi na nila kailangang managot o tumanggap ng mga salitang nagwawasto at nagpupungos sa kanila. … Nagbubulag-bulagan sila sa sarili nilang mga pagkakamali, gaano man kalinaw ang mga iyon at gaano man kalaking kawalan ang naidulot ng mga iyon. Hindi sila nakadarama ng kahit katiting na kalungkutan o konsensya, at hindi sila talaga binabagabag ng kanilang konsensya. Sa halip, pinangangatwiranan nila ang kanilang sarili nang buong lakas nila at nakikipagsagutan, na iniisip na, ‘Kanya-kanya rito. Ang bawat tao ay may kanya-kanyang mga dahilan; ang pinakamahalaga ay kung sino ang mas mahusay magsalita. Kung maipapasa ko ang pangangatwiran at paliwanag ko sa karamihan, ako ang panalo, at ang mga katotohanang sinasabi mo ay hindi mga katotohanan, at walang bisa ang mga katunayan mo. Gusto mo akong kondenahin? Imposible!’ Kapag ang isang anticristo ay iwinawasto at pinupungusan, sa kaibuturan ng kanyang puso at kaluluwa, ganap at matigas siyang lumalaban at tumututol, at tinatanggihan niya iyon. Ang kanyang saloobin ay, ‘Anuman ang sasabihin mo, gaano ka man katama, hindi ko tatanggapin iyon, at hindi ko aaminin iyon. Hindi ako ang may kasalanan.’ Paano man inilalantad ng mga katunayan ang kanyang tiwaling disposisyon, hindi niya iyon kinikilala o tinatanggap, kundi patuloy siya sa kanyang pagsuway at paglaban. Anuman ang sabihin ng iba, hindi niya tinatanggap o kinikilala iyon, kundi iniisip niya na, ‘Tingnan natin kung sino ang mas magaling magsalita; tingnan natin kung sino ang mas mabilis magsalita.’ Ito ay isang uri ng saloobin na ipinantuturing ng mga anticristo sa pagwawasto at pagpupungos(Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikasiyam na Aytem: Ginagawa Nila ang Kanilang Tungkulin para Lamang Maging Tanyag Sila at Maisakatuparan ang Kanilang Sariling mga Interes at Ambisyon; Hindi Nila Iniisip Kailanman ang mga Interes ng Sambahayan ng Diyos, at Ipinagpapalit pa ang mga Interes na Iyon para sa Kanilang Personal na Kaluwalhatian (Ikawalong Bahagi)). “Kapag iwinawasto at pinupungusan ang isang anticristo, itanong muna: Kaya ba niyang ipagtapat ang masasama niyang gawa? Sunod na itanong: Kaya ba niyang pagnilayan at kilalanin ang kanyang sarili? At ikatlong itanong: Kaya ba niyang tumanggap mula sa Diyos kapag nahaharap siya sa pagwawasto at pagpupungos? Sa tatlong sukatang ito, makikita ng isang tao ang kalikasan at diwa ng isang anticristo. Kung kayang magpasakop ng isang tao kapag iwinawasto at pinupungusan siya, at kaya niyang pagnilayan ang kanyang sarili, at sa gayon ay makita niya ang sarili niyang tiwaling ginagawa at diwa, iyon ay isang taong kayang tumanggap ng katotohanan. Hindi siya isang anticristo. Ang tatlong sukatang ito ang mismong wala sa isang anticristo. Kapag ang isang anticristo ay pinupungusan at iwinawasto, ibang bagay ang ginagawa niya, isang bagay na hindi inasahan ninuman—iyon ay, kapag siya ay pinupungusan at iwinawasto, bilang ganti ay nagpaparatang siya nang walang batayan. Sa halip na ipagtapat ang ginawa niyang mali at aminin ang kanyang tiwaling disposisyon, kinokondena niya ang taong nagwawasto at nagpupungos sa kanya. Paano niya ginagawa iyon? Sinasabi niya, ‘Hindi naman laging tama ang lahat ng pagwawasto at pagpupungos. Ang pagwawasto at pagpupungos ay tungkol lahat sa pagkondena ng tao, sa paghatol ng tao; hindi iyon ginagawa para sa Diyos. Ang Diyos lamang ang matuwid. Sinumang hahatol sa iba ay hahatulan.’ Hindi ba’t isa itong ganting paratang na walang batayan? Anong klaseng tao ang gagawa ng gayong mga ganting paratang na walang batayan? Isang walang tigil na salot lamang na hindi tinatablan ng katwiran ang gagawa niyan, at isang tao lamang na kauri ng diyablong si Satanas ang gagawa niyan. Hindi gagawin ng isang taong may konsensya at katinuan ang gayong bagay(Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikasiyam na Aytem: Ginagawa Nila ang Kanilang Tungkulin para Lamang Maging Tanyag Sila at Maisakatuparan ang Kanilang Sariling mga Interes at Ambisyon; Hindi Nila Iniisip Kailanman ang mga Interes ng Sambahayan ng Diyos, at Ipinagpapalit pa ang mga Interes na Iyon para sa Kanilang Personal na Kaluwalhatian (Ikawalong Bahagi)). Inihayag ng salita ng Diyos na ang saloobin ng mga anticristo sa pagtatabas at pagwawasto ay pagkapagod at paglaban. Kahit pa iharap sa kanila ang mga katunayan, hindi nila inaamin ang kanilang mga pagkakamali. Para mapanatili ang kanilang dignidad at katayuan, sinusubukan nilang pangatwiranan ang kanilang mga sarili, at makipagtalo sa iba, hanggang sa puntong kaya na nilang baluktutin ang katotohanan at kondenahin ang mga nagwawasto sa kanila. Napagtanto kong pareho ang pag-uugali ko sa pag-uugali ng mga anticristong inihayag ng salita ng Diyos. Ako ang tagapangasiwa ng gawain ng ebanghelyo. Ang problemang binanggit ni Juliana tungkol sa paraan ng pagganap ng mga manggagawa ng ebanghelyo sa kanilang mga tungkulin ay isang kasiraan sa sarili kong gawain, pero hindi lang ako tumangging tanggapin iyon, nakipagtalo pa ako at ipinagtanggol ko ang sarili ko sa aking puso. Pakiramdam ko ay walang mali sa akin, at sadya akong sinusubukang ipahiya ng sister ko, kaya nagkaroon ako ng masamang palagay sa kanya. Pagkatapos ay nakahanap ako ng magagamit laban sa kanya, binaluktot ko ang katotohanan para husgahan siya, binaliktad ang sisi, at maling nagreklamo sa lider. Wala talaga akong pagkatao. Ginamit ko ang dahilan na pagsasaalang-alang kuno sa mga paghihirap ng mga manggagawa ng ebanghelyo para pigilan ang iba na pumuna ng mga problema. Sa panlabas, nakikisimpatya ako sa aking mga kapatid, pero ang totoo, nakikipagtalo ako at ipinagtatanggol ko ang aking sarili. Kung tunay akong umaako ng responsibilidad para sa buhay ng aking mga kapatid, nagbigay sana ako ng mas maraming payo at tulong para malutas ang mga problema at maayos ang mga paglihis. Talagang naging kapaki-pakinabang sana iyon sa kanila. Sa halip, ginawa ko ang kabaliktaran. Pagdating sa mga problema sa kanilang gawain, hindi lang ako hindi tumulong o lumutas ng mga iyon sa pamamagitan ng pagbabahagi ng katotohanan, paulit-ulit ko pang pinagtakpan ang mga iyon. Paano ako umaako ng responsibilidad para sa buhay ng aking mga kapatid? Malinaw na pinananatili ko lang ang sarili kong reputasyon at katayuan. Naging dahilan at palusot ang mga paghihirap na iyon para hindi ko tanggapin ang katotohanan o ang pagtatabas at pagwawasto. Napakamapanlinlang at napakasama ko.

Kalaunan, naisip ko, malinaw na may mga problema sa paraan ng paggawa ko sa aking tungkulin, kaya bakit napakalakas ng loob kong manisi ng iba para sa mga problema ko? Bakit hindi ako nahihiya o nababalisa? Ano ang pinakaugat ng problemang ito? Ipinagpatuloy ko ang paghahanap, at nakabasa ako ng isa pang sipi ng salita ng Diyos. Sabi ng Makapangyarihang Diyos, “Kapag ang isang anticristo ay pinupungusan at iwinawasto, ang unang ginagawa niya ay labanan at tanggihan ito sa kaibuturan ng kanyang puso. Nilalabanan niya iyon. At bakit ganoon? Ito ay dahil ang mga anticristo, sa kanilang kalikasan at diwa, ay nayayamot at namumuhi sa katotohanan, at hindi nila talaga tinatanggap ang katotohanan. Natural, ang diwa at disposisyon ng isang anticristo ay humahadlang sa kanya na kilalanin ang sarili niyang mga pagkakamali o kilalanin ang sarili niyang tiwaling disposisyon. Batay sa dalawang katunayang ito, ang saloobin ng isang anticristo kapag pinupungusan at iwinawasto ay ang tanggihan at labanan ito, nang ganap at lubusan. Kinasusuklaman at nilalabanan niya iyon sa kaibuturan ng kanyang puso, at wala siya ni katiting na bahid ng pagtanggap o pagpapasakop, lalo nang walang anumang tunay na pagninilay o pagsisisi. Kapag ang isang anticristo ay pinupungusan at iwinawasto, sinuman ang gumagawa niyon, tungkol saan man iyon, gaano man katindi ang dahilan kaya siya ang sinisisi sa bagay na iyon, gaano kalantad ang pagkakamali, gaano kalaki ang kasamaang nagawa niya, o ano ang ibinubunga ng kanyang kasamaan para sa iglesia—hindi isinasaalang-alang ng anticristo ang alinman dito. Para sa isang anticristo, pinupuntirya siya ng nagpupungos at nagwawasto sa kanya, o sadyang hinahanapan siya ng mali para parusahan siya. Maaari pa ngang sabihin ng anticristo na inaapi siya at ipinapahiya, na hindi makatao ang pakikitungo sa kanya, at na hinahamak siya at kinukutya. Matapos pungusan at iwasto ang isang anticristo, hindi niya pinagninilayan kailanman kung ano talaga ang nagawa niyang mali, anong uri ng tiwaling disposisyon ang nabunyag niya, kung hinanap ba niya ang mga prinsipyo sa bagay na iyon, o kung kumilos ba siya alinsunod sa mga prinsipyo ng katotohanan o tinupad ang kanyang mga responsibilidad. Hindi niya sinusuri ang kanyang sarili o pinagninilayan ang alinman dito, ni hindi niya pinag-iisipan ang mga isyung ito. Sa halip, hinaharap niya ang pagwawasto at pagpupungos ayon sa sarili niyang kagustuhan at may init ng ulo(Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikalabindalawang Aytem: Gusto Nilang Umatras Kapag Walang Katungkulan o Walang Pag-asang Magtamo ng mga Pagpapala). Mula sa salita ng Diyos ay naunawaan ko na hindi kayang tanggapin ng mga anticristo ang pagtatabas at pagwawasto dahil sa kanilang kalikasan ng pagiging pagod na sa katotohanan at pagkapoot sa katotohanan. Hindi nila magawang tanggapin ang lahat ng positibong bagay na mula sa Diyos at nasusuklam sila sa payo na umaayon sa katotohanan. Pinagnilayan ko ang aking sarili at nakita kong mula simula hanggang dulo, ang saloobin ko sa payo ng aking sister ay pagtangging tumanggap, dahil sa isip ko, nakapagpasya na ako na, “Walang sinuman sa inyo ang direktang gumagawa kasama namin, pero nagpapayo kayo nang hindi nauunawaan ang sitwasyon, na nangangahulugang wala kayo sa katwiran at pinahihirap ninyo ang mga bagay-bagay.” Kahit na wala akong sinabi nang malakas, at tila ba sumusunod ako, sa isip ko, maayos nang nakalatag ang mga dahilan, handang gamitin para itanggi ang mga pananaw ng iba at tanggihan ang payo. Paulit-ulit ko ring binigyang-diin na nasabi ko na ang pinasasabi sa akin at nagawa ko na ang ipinag-uutos sa akin, kung saan ipinahihiwatig ko, “Ano pa ba ang gusto mong gawin ko? Ginawa ko ang iniuutos sa akin, kaya isinasagawa ko ang katotohanan. Hindi mo ako pwedeng paratangan. Kung pararatangan mo pa ako ulit, ikaw ang mali.” Sa pagtanggi kong tumanggap ng kanilang mga payo at tulong, ang naihayag ko ay ang satanikong disposisyon ng pagiging pagod na sa katotohanan. Sa panahong ito, naisip ko ang isang sipi ng salita ng Diyos na nakapukaw sa akin. Sabi ng Diyos, “Marami ang naniniwala na ang mga katotohanan na hindi katanggap-tanggap sa kanila o hindi nila kayang isagawa ay hindi mga katotohanan. Sa ganitong uri ng mga tao, ang Aking mga katotohanan ay nagiging bagay na pinasisinungalingan at isinasaisang-tabi(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Dapat Ninyong Isaalang-alang ang Inyong mga Gawa). Sinabi kong inaamin ko na ang salita ng Diyos ang katotohanan, na kapaki-pakinabang sa pagpasok sa buhay ng mga tao ang pagtatabas at pagwawasto, at na nakatutulong ito sa mga tao na pagnilayan ang kanilang mga sarili, pero ang totoo, kapag totoong nahaharap ako sa pagtatabas at pagwawasto, o kapag pinupuna ako ng iba, nakararamdam ako ng paglaban at hinanakit. Kung may sinumang magpaparatang o magpapayo sa akin, hindi ko iyon tinatanggap, nagdadahilan ako para pangatwiranan ang panig ko at ipagtanggol ang sarili ko, at hindi ko man lang hinahanap ang mga prinsipyo ng katotohanan. Ginagawa ko lang ang anumang naisin ko at kumikilos ako kung paano ko gustuhin. Matapos ang detalyadong pagsusuri, nakita kong ang pakikipagtalo ko ay panlabas na pagtatanggol sa mga manggagawa ng ebanghelyo, pero sa totoo ay pagsasanggalang iyon sa sarili kong reputasyon at katayuan, na para bang habang lalo akong nakikipagtalo, mas marami akong makukuhang pag-unawa at simpatya sa aking mga kapatid. Sa ganitong paraan, gaano man kalaki ang problema sa gawain ng ebanghelyo, kailanman ay hindi ko kakailanganing umako ng pananagutan, walang makapagpaparatang sa akin, at hindi kailanman masisira ang aking reputasyon. Napakamapanlinlang ko! Sa panlabas, pinrotektahan ng pakikipagtalong ito ang sarili kong reputasyon, pero dahil hindi ko hinanap o tinanggap ang katotohanan, ang tanging inihayag ko ay isang satanikong disposisyon, at nawala ang aking pagkatao at dignidad. Nang mapagtanto ito, nagsimula kong pagsisihan ang pananampalataya sa Diyos nang napakaraming taon nang hindi hinahanap nang tama ang katotohanan. Sa tuwing tinatabasan at iwinawasto ako, kahit na hindi ako nagsasalita, ang isip ko ay puno ng pakikipagtalo, at hindi ko kayang kumalma at pagnilayan nang tama ang aking sarili. Ang naging resulta ay dumanas ako ng mga bagay nang walang anumang nakakamit. Habang iniisip ito, sinabi ko sa aking sarili na hindi na ako makikipagtalo kung may mga mangyayari na hindi nakaayon sa aking mga kuru-kuro. Sa halip, pakakalmahin ko ang aking sarili, magdarasal ako sa Diyos, at matututo ng mga aral nang tama. Ito ang pinakamahalagang bagay.

Hindi nagtagal, tumanggap ako ng kaunting part-time na paggawa ng pelikula. Isang araw, nakatanggap ako ng isang mensahe na may isang baguhang naniwala sa ilang sabi-sabi at nagkalat ng ilang maling paniniwala sa grupo. Para maiwasang malinlang ang mas maraming baguhan, kailangan ay agad kaming magbahagi sa kanila tungkol sa katotohanan. Pero nung panahong iyon, nangangailangan din ng atensyon ko ang isang problema sa paggawa ng pelikula. Nagtalo ang loob ko, dahil agaran ang parehong bagay, pero naipasa ko na sa iba ‘yung tungkol sa mga baguhan, kaya nagdesisyon akong pumunta na muna sa shoot ng pelikula. Pagdating ko sa shoot ng pelikula, natagalan ako roon dahil sa isang bagay. Tapos, tinawagan ako ng lider at sinabi, “Bakit hindi mo alam kung paano unahin ang mga bagay na dapat unahin? Ang pagkakalinlang ng mga baguhan ay mas mahalaga sa kahit na ano. Ano pa ba ang pwedeng maging mas mahalaga roon? Pwede kang magkaroon ng part-time na trabaho sa pelikula, pero hindi mo pwedeng hayaang makahadlang iyon sa pangunahin mong trabaho, hindi ba? Kailangan mong suriin ang iyong sarili at tingnan kung mayroon kang anumang motibo sa pagtrato mo nang ganito sa gawain mo. Baka masyado mong pinahahalagahan ang pagkakataong maipakita ang mukha mo sa kamera.” Nahaharap sa ganitong klase ng pagtatabas at pagwawasto, hindi ko mapigilang muling naising makipagtalo. “Hindi ba’t may inutusan na akong mag-asikaso sa pagkakalinlang ng mga baguhan? Ang pinakamasamang nangyari, naantala ko lang nang kaunti ang paglutas sa problema, ‘di ba? Sa palagay ko ay matatanggap ko ang pagsasabi mo na hindi ko alam kung paano unahin kung ano ang mahalaga, pero lubos na hindi katanggap-tanggap na sabihing gusto kong magpasikat! Una sa lahat, hindi ko ginagawa ang part-time na gawain sa pelikula bilang isang artista, at pangalawa, wala akong pagnanais na ipakita ang mukha ko sa kamera, kaya bakit mo ito sinasabi tungkol sa akin? Dahil ba nag-aalala ka na mababaling ang atensyon ko at mababawasan ang pagiging epektibo ko sa aking gawain, na magpapapangit sa mga resulta ng gawain mo?” Habang iniisip ko ang mga bagay na ito, bigla kong napagtanto na mali ako. Paano ko naisip na kasalanan ito ng iba? Bakit iniisip ko na namang mang-atake ng iba? Hindi ba’t nagsisimula na naman akong maging mahilig makipagtalo? Sa sandaling ito, naisip ko ang isang sipi ng salita ng Diyos, “Anuman ang dahilan—bagama’t maaaring malaki ang hinaing mo—kung hindi mo tinatanggap ang katotohanan, wala ka nang pag-asa. Tinitingnan ng Diyos ang iyong saloobin, lalo na pagdating sa mga bagay na patungkol sa pagsasagawa ng katotohanan. Makatutulong ba sa iyo ang pagrereklamo? Malulutas ba ng pagrereklamo mo ang mga problema ng isang tiwaling disposisyon? At kahit pa makatwiran ang iyong reklamo, ano ngayon? Natamo mo na ba ang katotohanan? Sasang-ayunan ka ba ng Diyos sa Kanyang harapan? Kapag sinabi ng Diyos na, ‘Hindi ka isang taong nagsasagawa ng katotohanan. Diyan ka sa isang tabi; nayayamot Ako sa iyo,’ hindi ba’t wala ka nang pag-asa? Sa isang pariralang iyon—‘Nayayamot Ako sa iyo’—naihayag at naipakita na ng Diyos kung anong klaseng tao ka(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Pagpapasakop sa Diyos ay Isang Pangunahing Aralin sa Pagkakamit ng Katotohanan). Naunawaan ko mula sa salita ng Diyos na kapag tinatabasan at iwinawasto ako ay gustong makita ng Diyos ang aking saloobin. Kung palagi akong nakikipagtalo, pinupuna ang mga pagkakamali ng ibang tao, hindi hinahanap ang katotohanan, at hindi nalulutas ang mga problema, hindi ko pa natututuhan ang aral ko. Gaano man kahusay o kagandang pakinggan ang aking pangangatwiran, kahit pa maunawaan at sang-ayunan iyon ng lahat, ano ang saysay niyon? Kung hindi ko tatanggapin ang katotohanan, hinding-hindi magbabago ang disposisyon ko sa buhay. Iniisip ito, lumapit ako sa Diyos para magdasal, at hiniling sa Kanya na bigyan ako ng kaliwanagan para makilala ko ang sarili ko. Sa mga sumunod na ilang araw, madalas kong tanungin ang sarili ko, “Ano bang mga maling layunin ang mayroon ako?” Habang nagninilay ako, bigla akong may naisip. Sa part-time kong gawain sa pelikula, alam kong mga nakatataas na lider ang nagbigay sa akin ng trabaho, kaya agad akong naging maagap. Napakahalaga ng pelikula sa mga nakatataas na lider, kaya alam kong dapat kong gawin ang aking makakaya. Kahit na part-time iyon, gusto kong pag-isipan nang mabuti ang lahat at maging masusi sa aking pagpapayo. Ayokong magkaroon ng anumang problema. Kung magkakaroon ng problema, ano ang magiging tingin sa akin ng mga lider? Kaya sa panahong ito, napakasigasig at napakaagap ko. Ang hindi ko pagnanais na magpakita sa kamera ay hindi nangangahulugang wala akong personal na mga layunin. Ang totoo, ginagawa ko iyon para makuha ang mataas na pagtingin ng mga lider at para mapahanga ang iba. Ginagawa ko iyon para mapanatili ang aking reputasyon at katayuan. Sa isang bagay na kasinghalaga ng pagkakalinlang ng mga baguhan, dapat ay tinalakay ko ang aking iskedyul at nakipag-ugnayan sa mga kapatid na gumagawa ng pelikula. Madali ko naman sanang naunang asikasuhin ang problema ng mga baguhan. Pero nang maisip ko kung gaano binibigyan ng atensyon ng mga nakatataas na lider ang pelikula, nabigo akong unahin ang mahalagang bagay, isinantabi ko ang mga baguhan, at nauna akong pumunta sa shoot ng pelikula. Wala akong konsiderasyon sa kalooban ng Diyos sa aking tungkulin, pinananatili ko ang aking katayuan at reputasyon. Napakamakasarili at kasuklam-suklam ko! Kung hindi ako tinabasan at iwinasto ng aking sister, hindi ko pagninilayan ang sarili ko, at hindi ko makikita ang mga personal na layuning dumudungis sa aking tungkulin. Sa sandaling mapagtanto ko ito, naglaho ang mga reklamo sa aking puso. Nadama ko na tiwali ako at na hindi maganda ang mga layunin ko. Hindi gumamit ang Diyos ng mga tao at mga bagay para tabasan at iwasto ako bilang paraan para hamakin o pahiyain ako, kundi para dalisayin ako, para patnubayan ako na gawin ang aking tungkulin nang naaayon sa mga prinsipyo, at tulungan akong pumasok sa mga realidad ng katotohanan. Naunawaan ko rin na kapag hindi ako nakipagtalo para sa aking sarili, at nagawa kong sumunod at maghanap, bibigyang-liwanag ako ng Diyos para mapagtanto ko ang aking mga pagkukulang at kapintasan para maiwasan kong gawin ang mga bagay-bagay alinsunod sa aking mga ideya at pinsalain ang gawain ng iglesia. Sa mga realisasyon at pakinabang na ito, hindi lang ako hindi nakadama ng hirap sa aking puso, talagang masayang-masaya ang pakiramdam ko. Napakaganda ng mga karanasang ito.

Kalaunan, nakahanap ako ng ilang landas ng pagsasagawa sa salita ng Diyos. Sabi ng Diyos, “Aling tiwaling disposisyon ang dapat malutas upang matutuhan ang aral ng pagsunod? Ang disposisyon ng kayabangan at pagmamagaling, na siyang pinakamatinding hadlang sa mga taong nagsasagawa ng katotohanan at sumusunod sa Diyos. Ang mga taong may mapagmataas at mapagmagaling na disposisyon ang pinakamalamang na mangatwiran at sumuway, lagi nilang iniisip na tama sila, kaya naman wala nang mas apurahan pa kaysa sa paglutas at pagharap sa mapagmataas at mapagmagaling na disposisyon ng isang tao. Sa sandaling maging mapagpasakop ang mga tao at tumigil na sa sarili nilang pangangatwiran, malulutas ang problema ng paghihimagsik, at magkakaroon sila ng kakayahang sumunod. At para magawa ng mga taong makamit ang pagsunod, kailangan bang taglay nila ang isang partikular na antas ng pagkamakatwiran? Dapat taglay nila ang katinuan ng isang normal na tao. Halimbawa, sa ilang bagay: Kung ginawa man natin ang tamang bagay o hindi, kung hindi nasisiyahan ang Diyos, dapat nating gawin kung ano ang sinasabi ng Diyos, ang mga salita ng Diyos ang pamantayan para sa lahat ng bagay. Makatwiran ba ito? Gayon ang katinuan na dapat masumpungan sa mga tao bago ang anupaman. Kahit gaano pa tayo magdusa, at kahit ano pa ang ating mga layunin, pakay, at dahilan, kung hindi nasisiyahan ang Diyos—kung hindi natugunan ang mga hinihingi ng Diyos—kung gayon walang pag-aalinlangang hindi nakaayon ang ating mga kilos sa katotohanan, kaya dapat tayong makinig at sumunod sa Diyos, at huwag subukang magpalusot o mangatwiran sa Diyos. Kapag nagtataglay ka ng gayong pagkamakatwiran, kapag nagtataglay ka ng katinuan ng isang normal na tao, madaling lutasin ang iyong mga problema, at magiging tunay kang masunurin. Kahit ano pa ang sitwasyong kinalalagyan mo, hindi ka magiging suwail, at hindi mo sasalungatin ang mga hinihingi ng Diyos, hindi mo susuriin kung tama ba o mali, mabuti ba o masama ang mga hinihingi ng Diyos, magagawa mong sumunod—at dahil dito ay malulutas ang iyong kalagayan ng pangangatwiran, pagmamatigas, at pagrerebelde. May ganito bang mga mapaghimagsik na kalagayan ang lahat ng tao sa loob nila? Madalas lumilitaw ang mga kalagayang ito sa mga tao, at iniisip nila sa kanilang sarili, ‘Hangga’t makatwiran ang aking diskarte, mga panukala, at mga mungkahi, kahit labagin ko pa ang mga prinsipyo ng katotohanan, hindi ako dapat tabasan o iwasto, dahil hindi naman ako gumawa ng masama.’ Isang pangkaraniwang kalagayan ito sa mga tao. Ang pananaw nila ay na kung hindi sila nakagawa ng masama, hindi sila dapat tabasan at iwasto; ang mga taong nakagawa lamang ng masama ang dapat tabasan at iwasto. Tama ba ang pananaw na ito? Siyempre hindi. Pangunahing pinupuntirya ng pagtatabas at pagwawasto ang mga tiwaling disposisyon ng mga tao. Kung may tiwaling disposisyon ang mga tao, dapat silang tabasan at iwasto. Kung natabasan at naiwasto lang sila matapos makagawa ng masama, huli na ito masyado, dahil nakagawa na sila ng pinsala. At kung nalabag ang disposisyon ng Diyos, mapaparusahan ka, maaaring hindi na gumawa pa sa iyo ang Diyos—kung magkagayon, ano pa ang silbi na iwasto ka? Wala nang ibang magagawa pa kundi ilantad ka at palayasin ka. Ang pangunahing problema na pumipigil sa mga tao na makasunod sa Diyos ay ang kanilang mapagmataas na disposisyon. Kung tunay na nagagawa ng mga taong tanggapin ang paghatol at pagkastigo, magagawa nilang epektibong lutasin ang sarili nilang mapagmataas na disposisyon. Kahit sa ano pang antas nila ito nagagawang lutasin, kapaki-pakinabang ito sa pagsasagawa ng katotohanan at pagsunod sa Diyos(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Limang Kondisyong Dapat Matugunan para Makapagsimula sa Tamang Landas ng Pananalig sa Diyos). Matapos pag-isipan ang salita ng Diyos, naunawaan ko na para malutas ang isang mahilig makipagtalo at rebeldeng disposisyon, ang susi ay ang magkaroon ng saloobin ng pagsunod. Gaano man kahusay ang iyong mga argumento, kung hindi nakaayon ang mga iyon sa katotohanan, o kung may taong magpapahayag ng pagtutol, dapat mo munang tanggapin iyon, hanapin ang katotohanan, pagnilayan ang iyong sarili, at unawain ang iyong sarili. Ito ang katwirang dapat mong taglayin, pati na rin ang landas ng pagsasagawa. Ang mga taong mahilig makipagtalo ay hindi naghahanap o tumatanggap ng katotohanan, at wala silang saloobin ng pagsunod, kaya gaano man karami ang kanilang maranasan, kailanman ay hindi sila uunlad sa buhay. Magbabago lang ang ating mga tiwaling disposisyon sa pamamagitan ng pagsunod sa Diyos, pagtanggap sa katotohanan, at pagninilay sa ating sarili gamit ang mga salita ng Diyos. Sa lahat ng taong sumampalataya ako sa Diyos, sa tuwing tinatabasan at iwinawasto ako, madalas ay nakararamdam ako ng paglaban sa aking puso at gusto ko palaging makipagtalo. Maraming nawala sa aking pagkakataon para magtamo ng katotohanan. Sa pagsampalataya nang ganito, maaari akong sumampalataya nang dalawampung taon pa, pero ano ang matatamo ko? Nang mapagtanto ito, sinabi ko sa sarili ko, mula ngayon, kapag tinatabasan at iwinawasto ako, gaano man iyon kasakit, susunod ako at matututo ng mga aral. Ang mga ito ay mga pagkakataon para magtamo ng katotohanan at magbago, kaya dapat kong pahalagahan ang mga ito at magsikap na maging isang taong tumatanggap sa katotohanan at sumusunod sa Diyos.

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

Ang Mga Gapos ng Katiwalian

Ni Wushi, Tsina Marso 2020 nagpunta ako para magsagawa ng halalan sa isang iglesia na pinamamahalaan ko, at si Sister Chen ay nahalal...

Leave a Reply