Matagumpay sa Gitna ng Mga Tukso ni Satanas

Oktubre 17, 2019

Ni Chen Lu, Tsina

Umaga noon ng Disyembre 21, 2012. Mahigit isang dosenang kapatid ang nagpupulong nang biglang may kumatok at sumigaw sa pintuan: “Buksan niyo ang pinto! Buksan niyo ang pinto! Inspeksiyon ng bahay!” Habang binubuksan ng isang sister ang pinto, pilit na pumasok ang anim o pitong pulis na may mga dalang batuta. Marahas nila kaming pinaghiwa-hiwalay at sinimulang halughugin ang mga drawer at maghanap sa paligid. Lumapit ang isang batang sister at tinanong sila: “Wala kaming nilabag na batas. Bakit ninyo hinahalughog ang bahay?” Mabangis na sumagot ang pulis: “Umayos ka! Kapag sinabi namin sa iyong tumayo ka roon, tumayo ka lang doon. Kapag hindi namin sinabing magsalita ka, itikom mo ang bibig mo!” Pagkatapos ay malupit nila siyang itinulak sa sahig at mabagsik na sumigaw: “Kung gusto mong manlaban bubugbugin ka namin!” Natuklap ang kuko niya at dumugo ang daliri niya. Habang nakikita ko ang mababagsik na mukha ng mga pulis, nakadama ako ng poot at takot, kaya’t tahimik akong nanalangin sa Diyos na bigyan ako ng lakas at lakas ng loob, na protektahan ako para tumayong saksi. Pagkatapos manalangin, lubhang napayapa ang puso ko. Kinumpiska ng mga pulis ang maraming babasahin na tungkol sa ebanghelyo at mga aklat ng mga salita ng Diyos, pagkatapos ay dinala nila kami sa mga sasakyan ng pulis.

Sa sandaling dumating kami sa himpilan, kinumpiska nila ang lahat ng dala namin at tinanong sa amin ang aming mga pangalan, tirahan, at kung sino ang mga lider ng iglesia namin. Hindi ako nagsalita; hindi rin nagsalita ang isa pang sister, kaya inisip ng mga pulis na kami ang mga pasimuno at binalak na kuwestyunin kami nang magkahiwalay. Takot na takot ako noon—narinig ko na mas malupit ang mga pulis sa mga mananampalataya ng Diyos, at itinuring na nila akong pangunahing pakay ng interogasyon. Tiyak na puno iyon ng malalagim na posibilidad. Habang ako ay nasa isang kahila-hilakbot na kalagayan at nabubuhay sa takot, narinig kong nananalangin ang aking sister na napakalapit sa akin: “O Diyos, Ikaw ang aming moog, ang aming kanlungan. Nasa ilalim ng Iyong mga paa si Satanas, at handa akong mamuhay ayon sa Iyong mga salita at tumayong saksi upang bigyang-kaluguran Ka!” Pagkarinig ko roon, gumaan ang kalooban ko. Naisip ko: Totoo iyon—ang Diyos ang ating moog, nasa ilalim ng Kanyang mga paa si Satanas, kaya’t anong ikinatatakot ko? Hangga’t nananalig ako sa Diyos, madadaig si Satanas! Biglang nawala ang takot ko, pero nakaramdam din ako ng kahihiyan. Naisip ko ang katotohanan na nang maranasan ito ng sister na iyon, nagdasal siya at nanalig sa Diyos at hindi nawalan ng tiwala sa Diyos, samantalang ako ay naging matatakutin at duwag. Wala akong kahit kaunting lakas ng loob ng isang taong sumasampalataya sa Diyos. Dahil sa pag-ibig ng Diyos at sa pamamagitan ng panalangin ng sister na iyon na nag-udyok at tumulong sa akin, hindi na ako natakot sa mapaniil na kapangyarihan ng mga pulis. Tahimik akong nagpasya: Ngayon na naaresto ako, determinado akong tumayong saksi upang bigyang-lugod ang Diyos. Talagang hindi ako magiging isang duwag na bumibigo sa Diyos!

Bandang alas diyes, pinosasan ako ng dalawa sa mga pulis at dinala sa isang silid para kuwestyunin nang mag-isa. Kinuwestyon ako ng isa sa mga pulis sa lokal na dialekto. Hindi ko naintindihan iyon, at nang tanungin ko siya kung ano ang sinabi niya, hindi inaasahang nagalit sila sa tanong na iyon. Isa sa mga pulis na nakatayo sa tabi ang tumakbo palapit sa akin at hinablot ang buhok ko, iwinawasiwas ako. Nahihilo ako at winawasiwas, at parang natutuklap ang anit ko at nabubunot ang buhok ko. Pagkatapos na pagkatapos nito, isa pang pulis ang tumakbo papalapit sa akin at sumigaw: “Kailangan ka pa ba naming pahirapan? Magsalita ka! Sinong nag-utos sa iyong mangaral ng ebanghelyo?” Napuno ako ng galit at sumagot: “Tungkulin ko ang mangaral ng ebanghelyo.” Sa sandaling sabihin ko iyon, hinablot niya ulit ang buhok ko at sinampal ako, hinahampas ako at sinisigaw ang: “Gusto kong makita kung magtatangka ka pang ipangaral ulit ang ebanghelyong iyan!” Sinampal niya ako hanggang sa pulang-pula at masakit na ang mukha ko, at nagsimula nang mamaga. Binitiwan lang niya ako nang mapagod na siya, tapos ay kinuha niya ang mobile phone at MP4 player na nakuha nila sa akin at humingi sa akin ng impormasyon tungkol sa iglesia. Umasa ako sa karunungan upang pakitunguhan sila. Bigla na lang, isang pulis ang nagtanong: “Hindi ka taga-rito. Napakahusay mong magsalita ng Mandarin—tiyak na hindi ka karaniwang tao. Umamin ka! Bakit ka pumunta rito? Sinong nagpapunta sa iyo rito? Sino ang lider mo?” Nang marinig ko ang mga tanong na iyon, natakot ako at tumawag sa Diyos para bigyan Niya ako ng tapang at lakas. Sa pamamagitan ng panalangin, unti-unting huminahon ang puso ko, at sumagot ako: “Wala akong alam.” Nang marinig nilang sabihin ko iyon, galit na hinampas ng isa sa kanila ang mesa at sumigaw: “Maghintay ka lang, tingnan natin kung ano ang mararamdaman mo maya-maya!” Pagkatapos ay kinuha niya ang MP4 player ko at pinatugtog ito. Takot na takot ako. Hindi ko alam kung anong mga pamamaraan ang gagamitin nila para pakitunguhan ako, kaya’t agad akong nagsumamo sa Diyos. Hindi ko naisip na ang mapapatugtog ay isang pagbasa ng isang sipi ng mga salita ng Diyos: “Tungo sa yaong mga hindi nagpakita sa Akin ni katiting na katapatan sa mga panahon ng kapighatian, hindi na Ako magiging maaawain, sapagkat natatakdaan ang abot ng habag Ko. Higit pa rito, wala Akong gugustuhin sa sinumang minsan na Akong ipinagkanulo, mas lalong hindi Ko gustong nakikipag-ugnayan sa yaong mga nagkakanulo sa mga kapakanan ng mga kaibigan nila. Ito ang disposisyon Ko, hindi alintana kung sino man ang taong iyan. Dapat Ko itong sabihin sa inyo: Sinumang babasag sa puso Ko ay hindi makatatanggap ng habag mula sa Akin sa ikalawang pagkakataon, at ang sinumang naging matapat sa Akin ay magpakailanmang mananatili sa puso Ko(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Maghanda ng Sapat na Mabubuting Gawa para sa Iyong Hantungan). Nang marinig ko ang mga salita ng Diyos, parang sinaksak ang puso ko. Hindi ko maiwasang isipin na noong gumagawa ang Panginoong Jesus, marami yaong mga sumusunod sa Kanya at nagtatamasa ng Kanyang biyaya, pero nang Siya ay ipako sa krus at kaliwa’t kanang inaaresto ng mga Romanong sundalo ang mga Kristiyano, maraming tao ang tumakas dahil sa takot. Nagdala ito ng matinding sakit sa Diyos! Kung gayon, anong pinagkaiba ko sa mga walang utang na loob na taong iyon? Noong tinatamasa ko ang biyaya at mga pagpapala ng Diyos, puno ako ng lakas ng loob sa pagsunod sa Diyos, ngunit nang maharap ako sa mga paghihirap kung saan kinailangan kong magdusa at magbayad, humina ang loob ko at natakot. Paano noon mapapanatag ang puso ng Diyos? Naisip ko ang katotohanan na para mailigtas tayo na mga tiwaling tao, naging tao ang kataas-taasang Diyos—mababang-loob at palihim na pumunta sa Tsina, isang bansang pinamumunuan ng ateistikong partidong politikal, tiniis ang pagtugis at pagkondena ng mga demonyong ito, at personal kaming inakay sa landas ng paghahanap sa katotohanan. Ginawa ng Diyos ang lahat para iligtas tayo, kaya’t bakit ako, na isang taong nagtamasa ng biyaya ng Kanyang pagliligtas, ay hindi makapagsakripisyo nang kaunti para magpatotoo sa Kanya? Nadama ko ang pagsaway sa aking konsensya at nasuklam ako dahil masyado akong makasarili, tunay na walang kuwenta. Lubos kong nadama na ang Diyos ay puno ng pag-asa at malasakit sa akin. Nadama ko na alam na alam Niya na kulang pa sa gulang ang tayog ko at natatakot ako sa harap ng pagmamalupit ni Satanas; ipinahintulot Niya na marinig ko ito sa pamamagitan ng pagpapatugtog ng mga pulis sa pagbasa ng mga salita ng Diyos na iyon, na nagbigay-daan sa akin na maunawaan ang Kanyang kalooban, nang sa gitna ng paghihirap at pang-aapi ay makatayo akong saksi para sa Diyos at makapagbigay-lugod sa Kanya. Sa isang sandali, labis akong naantig ng pag-ibig ng Diyos na tumulo ang mga luha sa aking mukha, at tahimik kong sinabi sa Diyos: “O Diyos! Ayaw kong ipagkanulo Ka. Paano man ako pahirapan ni Satanas, determinado akong tumayong saksi at aliwin ang Iyong puso.”

Pagkatapos ay biglang may kumalabog habang pinapatay ng pulis ang player, tapos ay sinugod niya ako at galit na sinabi: “Kung hindi mo sasabihin sa amin, pahihirapan kita!” Pagkatapos ay inutusan niya akong tumayo sa sahig nang nakayapak at ipinosas ang kanan kong kamay sa isang bilog na bakal sa gitna ng isang kongkretong bloke na mababang-mababa sa sahig. Pinatayo nila ako nang nakabaluktot at hindi nila ako pinayagang yumuko, ni hindi rin nila ako pinayagang gamitin ang kaliwa kong kamay para suportahan ang mga binti ko. Makalipas ang ilang sandali ay hindi ko na kayang ipagpatuloy ang pagtayo at gusto ko nang yumuko, pero sumigaw ang mga pulis: “Bawal yumuko! Kung ayaw mong masyadong mahirapan, bilisan mo na at umamin ka na!” Ang tangi kong nagawa ay magngalit ng ngipin at tiisin iyon. Hindi ko alam kung gaano na kahabang oras ang lumipas. Parang nagyeyelo na ang mga paa ko, masakit at manhid na ang mga binti ko, at nang hindi ko na talaga kayang manatiling nakatayo, yumuko na ako. Dinampot ako ng mga pulis, nagdala sila ng isang tasa ng malamig na tubig, at ibinuhos iyon sa leeg ko. Sa sobrang ginaw ko ay nagsimula na akong manginig. Pagkatapos ay inalis nila ang mga posas ko, itinulak ako sa isang upuang kahoy, ipinosas ang mga kamay ko sa likod ko sa magkabilang gilid ng upuan, at binuksan ang bintana at ang air conditioning. May biglang bugso ng malamig na hangin na tumama sa akin at nangatog ako sa lamig. Hindi ko maiwasang makaramdam ng kaunting panghihina ng loob, pero sa gitna ng paghihirap na ito ay walang-tigil akong nananalangin, nagmamakaawa sa Diyos na bigyan ako ng paninindigan at lakas para tiisin ang sakit na ito, na pahintulutan akong mapagtagumpayan ang kahinaan ng laman. Nang sandali ring iyon, ginabayan ako ng mga salita ng Diyos mula sa kaibuturan ko: “Bagama’t maaaring medyo nahihirapan ang iyong katawan, huwag kang tumanggap ng mga ideya mula kay Satanas. … Ang pananampalataya ay parang isang trosong tulay: Yaong mga nakakapit nang mahigpit sa buhay ay mahihirapang tumawid dito, ngunit yaong mga handang isakripisyo ang kanilang sarili ay makakatawid, nang hindi nahuhulog at walang pangamba(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pagbigkas ni Cristo sa Pasimula, Kabanata 6). Ipinaunawa sa akin ng mga salita ng Diyos na gusto ni Satanas na pahirapan ang laman ko para ipagkanulo ko ang Diyos, at kapag pinagtuunan ko ng pansin ang laman ay mabibiktima ako ng panlilinlang nito. Patuloy kong binabalik-balikan sa isip ko itong dalawang pangungusap ng mga salita ng Diyos, sinasabi sa sarili ko na kailangan kong magmatyag laban sa panlilinlang ni Satanas at tanggihan ang mga ideya nito. Nang maglaon, kumuha ang mga pulis ng isang malaking kaldero ng malamig na tubig at ibinuhos iyong lahat sa leeg ko. Basang-basa ang mga damit ko. Sa sandaling iyon, pakiramdam ko ay ipinasok ako sa pagawaan ng yelo. Nang makitang sobra na ang panginginig ko, hinablot ng isa sa masasamang pulis ang buhok ko at puwersahang iniangat ang ulo ko para tumingin sa langit sa labas ng bintana, tapos ay nanunuyang sinabi: “Hindi ka ba giniginaw? Kung gayo’y papuntahin mo rito ang Diyos mo para iligtas ka!” Nakita niyang wala akong reaksyon, kaya’t muli niya akong binuhusan ng isang malaking kaldero ng malamig na tubig at inilagay ang air conditioner sa pinakamalamig na setting, pagkatapos ay itinutok iyon sa akin. Muli akong nabalot ng napakalamig na hangin at ng malamig na hangin mula sa labas. Ginaw na ginaw ako kaya bumaluktot ako na parang isang bola at halos mag-yelo na. Pakiramdam ko’y namuo na ang dugo sa mga ugat ko. Hindi ko mapigilang mag-isip ng mga kahibangan: “Napakalamig ng araw na ito, pero binasa nila ako nang husto ng malamig na tubig at binuksan ang air conditioning. Gusto ba nila akong patayin sa pagyeyelo? Kapag namatay ako rito, hindi man lang malalaman ng pamilya ko ang tungkol dito.” Habang nasasadlak ako sa kadiliman at kapighatian, bigla kong naisip ang pagdurusang tiniis ng Panginoong Jesus habang ipinapako Siya sa krus upang tubusin ang sangkatauhan. At naisip ko rin ang mga salita ng Diyos, “Ang pag-ibig na nakaranas na ng pagpipino ay matatag, hindi mahina. Kailan man o paano ka man isinasailalim ng Diyos sa Kanyang mga pagsubok, nagagawa mong ilatag ang iyong mga pag-aalala kung mabubuhay ka ba o mamamatay, isantabi ang lahat nang may kagalakan para sa Diyos, at masayang tiisin ang anuman para sa Diyos—samakatuwid ang iyong pag-ibig ay magiging dalisay, at ang iyong pananampalataya ay magiging totoo. Sa gayon ka lamang magiging isang tunay na iniibig ng Diyos, at isang tunay na nagawang perpekto na ng Diyos(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Sa Pamamagitan Lamang ng Pagdanas ng Pagpipino Maaaring Magtaglay ang Tao ng Tunay na Pag-ibig). Talagang pinalakas ng mga salitang ito mula sa Diyos ang loob ko. Ang magawang magpatotoo sa Diyos ay Kanyang pagtataas sa akin—paano ko pa mapagtutuunan ng pansin ang laman? Kahit pa nangangahulugan iyong ikamamatay ko iyon, determinado akong maging tapat sa Diyos. Unti-unti, hindi na ako masyadong giniginaw. Mula tanghali hanggang sa halos ika-pito ng gabi, tuluy-tuloy akong kinuwestiyon ng mga pulis. Nakita nilang hindi talaga ako magsasalita, kaya’t kinulong nila ako sa kwarto ng interogasyon at tinutukan ng malamig na hangin.

Pagkatapos ng hapunan, pinatindi ng mga pulis ang interogasyon. Mabagsik nila akong pinagbantaan, sinasabing: “Sabihin mo sa amin! Sino ang lider ng iyong iglesia? Kapag hindi mo sinabi sa amin, may iba pa kaming mga pamamaraan; pwede ka naming painumin ng katas ng maaanghang na sili, tubig na may sabon, pakainin ng dumi, hubaran, itapon sa silong, at patayin sa sobrang lamig!” Nang sabihin ito ng masasamang pulis, nakita ko talaga na hindi sila mga tao, kundi isang grupo ng mga demonyo na nasa katawang tao. Habang lalo nila akong pinagbabantaan nang ganoon, mas kinapopootan ko sila sa aking puso, at lalo akong nagiging determinado na huwag kailanman sumuko sa kanila. Nang makita nilang hindi ako sumusuko, nakakita sila ng isang bag na tela, binasa nila iyon ng tubig, at isinaklob sa ulo ko. Hinawakan nila ang ulo ko para hindi ko iyon maigalaw, at sinimulang higpitan ang bukasan ng bag. Hindi talaga ako makagalaw dahil nakaposas ang mga kamay ko sa upuan. Hindi nagtagal, hindi na halos ako makahinga; nadama ko ang paninigas ng aking buong katawan. Pero hindi pa rin iyon sapat para mapawi ang poot nila. Kumuha sila ng isang kaldero ng malamig na tubig at ibinuhos iyon sa ilong ko, pinagbabantaan ako, sinasabing kung hindi ako magsasalita, hindi ako makakahinga. Hindi tumatagos ang hangin sa basang bag, dagdag pa roon, binubuhusan nila ng tubig ang ilong ko. Napakahirap huminga, at parang palapit na nang palapit sa akin ang kamatayan. Tahimik akong nanalangin sa Diyos: “Diyos ko, ibinigay Mo sa akin ang hininga kong ito, at ngayon, dapat ay mabuhay ako para sa Iyo. Paano man ako pahirapan ng masasamang pulis, hindi Kita ipagkakanulo. Kung hinihingi Mo sa akin na isakripisyo ko ang buhay ko, handa akong sundin ang Iyong mga layunin at pagsasaayos nang walang kahit kaunting reklamo….” Nang magsimula na akong mawalan ng malay at hihinto na ang aking paghinga, bigla nila akong binitiwan. Hindi ko mapigilang patuloy na magpasalamat sa Diyos sa aking puso. Kahit na napasakamay ako ng masasamang pulis, pinahintulutan lang sila ng Diyos na pahirapan ang aking laman pero hindi Niya sila pinahintulutang patayin ako. Pagkatapos noon, lumakas ang loob ko.

Bandang tanghali kinabukasan, ilan sa mga pulis ang nagdala sa akin at sa isa pang sister sa sasakyan ng mga pulis at dinala kami sa detention center. Isa sa kanila ang naninindak na nagsabi sa akin: “Hindi ka taga-rito. Ikukulong ka namin nang anim na buwan, pagkatapos ay sesentensiyahan ka namin ng 3-5 taon, anu’t ano man ay walang sinumang makakaalam.” “Sentensiya?” Sa sandaling marinig ko na masesentensiyahan ako, hindi ko maiwasang manghina. Naisip ko kung anong mukha ang ipapakita ko kapag nasentensiyahan talaga ako na makulong at kung ano ang magiging tingin sa akin ng mga tao. Ang ibang tao sa selda na pinaglagyan sa akin ay puro mga sister na sumasampalataya sa Makapangyarihang Diyos. Bagama’t sila ay nasa yungib na iyon ng mga demonyo, hindi sila nagpakita ng kahit kaunting takot. Pinapalakas nila ang loob at sinusuportahan ang isa’t-isa, at nang makita nilang ako ay negatibo at mahina, kinausap nila ako tungkol sa mga personal nilang karanasan at nagpatotoo sila, binibigyan ako ng tiwala sa Diyos. Umawit din sila ng himno para palakasin ang loob ko: “Mapakumbabang naging tao ang Diyos upang iligtas ang sangkatauhan, naglalakad sa mga iglesia, nagpapahayag ng katotohanan, napakaingat na dinidiligan tayo, ginagabayan tayo sa bawat hakbang. Nagawa Niya ito araw-araw sa loob ng mga dekada, lahat ng iyon upang dalisayin at gawing perpekto ang tao. Marami na Siyang nakitang tagsibol, tag-init, taglagas, taglamig, masaya Niyang tiniis ang pait kasabay ng tamis. Isinakripisyo Niya ang lahat nang hindi iniisip ang Kanyang sarili at walang anumang panghihinayang, ibinigay na Niya ang Kanyang buong pagmamahal sa sangkatauhan. Sumailalim na ako sa paghatol ng Diyos at nakatikim ng pait ng mga pagsubok. Ang tamis ay kasunod ng pait, ang aking katiwalian ay nalinis na, inihahandog ko ang aking puso at katawan upang suklian ang pagmamahal ng Diyos. Nagtutungo ako sa iba’t ibang lugar na nagpapakahirap, ginugugol ang aking sarili para sa Diyos. Itinatakwil ako ng mga mahal ko sa buhay, sinisiraan ako ng iba, ngunit hindi matitinag ang pagmamahal ko sa Diyos hanggang wakas. Lubos akong tapat sa pagsunod sa kalooban ng Diyos. Tinitiis ko ang pag-uusig at mga pagdurusa, nagdaranas ako ng mga tagumpay at kabiguan sa buhay. Kahit magtiis ako ng kapaitan sa buhay, kailangan kong sumunod sa Diyos at sumaksi sa Kanya” (“Pagsusukli sa Pag-ibig ng Diyos at Pagiging Kanyang Saksi” sa Sundan ang Cordero at Kumanta ng mga Bagong Awitin). Habang iniisip ang awiting ito, labis na lumakas ang loob ko. Totoo, sinusunod namin ang tunay na Diyos at tinatahak ang tamang landas ng buhay sa isang bansang nasa ilalim ng paghahari ng isang ateistang partidong kaaway ang tingin sa Diyos. Nakatakda kaming magdanas ng maraming paghihirap, pero ang lahat ng ito ay may kabuluhan, at kahit ang pamamalagi sa bilangguan ay isang maluwalhating bagay dahil kami ay inuusig alang-alang sa paghahanap sa katotohanan at pagsunod sa daan ng Diyos. Ibang-iba iyon sa pagkakabilanggo ng mga makamundong tao dahil sa paggawa ng mga kahila-hilakbot na krimen. Naisip ko noon ang maraming henerasyon ng napakaraming banal na nagdanas ng pag-uusig at kahihiyan alang-alang sa pagtataguyod sa tunay na landas. Malaya akong nabigyan ng napakaraming salita ng Diyos—naunawaan ko ang katotohanan na hindi naunawaan ng maraming henerasyon ng mga tao, nalaman ko ang mga hiwaga na hindi nalaman ng maraming henerasyon, kaya’t bakit hindi ko matiis ang kaunting pagdurusa para magpatotoo sa Diyos? Nang maisip ko ito, muli akong umahon mula sa aking estado ng kahinaan, napuno ang puso ko ng tiwala at lakas, at ipinasya kong manalig sa Diyos at taas-noong harapin ang pagpapahirap at mga pagpapa-amin ng kinabukasan.

Pagkalipas ng sampung araw, mag-isa akong ipinadala ng mga pulis sa detention house. Nakita kong ang lahat ng ibang taong nandoon ay nakakulong dahil sa pandaraya, pagnanakaw, at ilegal na mga negosyo. Pagdating na pagdating ko, sinabi nila sa akin: “Sinumang pumapasok dito ay karaniwang hindi na nakakalabas. Lahat kami ay naghihintay para sa mga hatol namin, at ang ilan sa amin ay ilang buwan nang naghihintay.” Habang tinitingnan ko ang mga taong ito, kabadong-kabado ako na halos sumabog na ang puso ko. Natakot ako na hindi nila ako pakikitunguhan nang mabuti. At pagkatapos ay naisip ko na yamang ikinulong ako ng mga pulis kasama ng mga taong ito, malamang ay bibigyan nila ako ng sentensiya ng isang kriminal. Narinig ko na ang ilan sa mga kapatid ay nakulong nang hanggang walong taon. Hindi ko alam kung gaano katagal ang magiging sentensiya ko, at 29 na taong gulang lang ako! Igugugol ko ba ang kabataan ko sa loob ng madilim na seldang ito? Paano ko malalampasan ang mahahabang araw na darating? Sa sandaling iyon, tila biglang naging napakalayo sa akin ng aking bayang kinalakhan, mga magulang, asawa, at anak. Parang may kutsilyong pumipilipit sa puso ko, at napuno ng luha ang aking mga mata. Alam ko na nahulog ako sa panlilinlang ni Satanas, kaya’t taimtim akong tumawag sa Diyos, umaasang gagabayan Niya ako para makatakas sa pagdurusang ito. Sa kalagitnaan ng aking panalangin, nakadama ako ng malinaw na paggabay sa kaibuturan ko: Pinahihintulutan itong mangyari ng Diyos, tulad ng pagsubok kay Job, hindi ako puwedeng magreklamo. Pagkatapos ay naisip ko ang mga salita ng Diyos: “Ang patotoo ng Aking paggapi kay Satanas ay nakasalalay sa katapatan at pagkamasunurin ng tao, gayundin ang patotoo sa Aking ganap na paglupig sa tao. … Mas nanaisin mo bang magpasakop sa bawat pagsasaayos Ko (maging ito man ay kamatayan o pagkawasak), o tumakas sa kalagitnaan upang maiwasan ang Aking pagkastigo?(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ano ang Alam Mo sa Pananampalataya?). Nahiya ako dahil sa paghatol at pagkastigo sa mga salita ng Diyos. Nakita ko na hindi talaga ako tapat sa Diyos. Sinabi kong gusto kong maging isang mabuting saksi para sa Kanya, pero nang harapin ko na ang panganib ng pagkakabilanggo, ninais ko lang na makatakas. Hindi ko talaga kayang magdusa alang-alang sa katotohanan. Nang alalahanin ko ang oras mula nang maaresto ako, nasa tabi ko ang Diyos sa lahat ng oras. Hindi Niya ako iniwan sa kahit isang hakbang sa takot na maligaw ako o madapa ako sa landas. Tapat at hindi hungkag ang pag-ibig ng Diyos para sa akin. Pero sakim at makasarili ako, at iniisip ko lang ang pansarili kong makamundong pakinabang at kalugihan. Hindi ako handang magbayad para sa Diyos—paano ako magkakaroon ng anumang pagkatao? Ng anumang konsensiya? Nang maisip ko iyon, napuno ako ng pagsisisi at utang na loob. Tahimik akong nanalangin sa Diyos at nagsisi: “O Diyos! Nagkamali ako. Hindi na Kita maaaring suportahan nang hanggang sa salita lang at dayain. Handa akong isabuhay ang realidad upang bigyang-kaluguran Ka. Anuman ang maging sentensiya ko, talagang tatayo akong saksi para sa Iyo.” Noong oras na iyon, napakalamig ng panahon. Hindi lang ako hindi ginulo ng iba pang mga preso, kundi talagang inalagaan pa nila ako, binigyan ako ng damit, at tinulungan din ako sa pang-araw-araw kong trabaho. Alam ko na ang lahat ng iyon ay disenyo at pagsasaayos ng Diyos. Talagang nagpapasalamat ako sa Diyos!

Sa detention house, kinukuwestyon ako ng mga pulis minsan kada ilang araw. Nang mapagtanto nilang hindi ako makukuha sa mahigpit na paraan, naging maamo sila. Sinadya ng mga pulis na nagtatanong sa akin na maging kaswal at makipagkuwentuhan sa akin, binigyan nila ako ng makakain, at sinabing matutulungan nila akong makahanap ng magandang trabaho. Alam kong panlilinlang ito ni Satanas, kaya’t sa tuwing kukuwestyunin nila ako ay nananalangin na lang ako sa Diyos, hinihiling sa Kanya na protektahan ako at huwag akong pahintulutang mahulog sa mga panlilinlang na ito. Minsan habang kinukuwestyon ako ng isang pulis, sa wakas ay isiniwalat niya ang masama nilang hangarin: “Wala kaming problema sa iyo, gusto lang naming sugpuin ang Ang Iglesia ng Makapangyarihang Diyos. Umaasa kaming makakasama ka namin.” Nang marinig ko ang masasamang salitang ito, labis akong nagalit. Naisip ko: “Nilikha ng Diyos ang tao at patuloy tayong tinutustusan at ginagabayan hanggang ngayon. At ngayon, Siya ay naparito para iligtas ang Kanyang mga nilikha at tulungan tayong makatakas sa kalaliman ng pagdurusa natin. Ano ba ang mali roon? Bakit iyon masyadong kinasusuklaman, masyadong sinisiraan ng mga demonyong ito? Tayo ay mga nilalang ng Diyos. Tama at wasto ang pagsunod sa Diyos at pagsamba sa Kanya, kung kaya’t bakit tayo pinipigilan nang ganito ni Satanas, at sinusubukang alisin ang kalayaan nating sumunod sa Diyos? Ngayon, sinusubukan nila akong gawing isang tau-tauhan sa hangarin nilang pabagsakin ang Diyos. Ang Partido Komunista ng Tsina ay isa talagang grupo ng mga demonyong determinadong labanan ang Diyos. Napakasama nila!” Punung-puno ako ng galit at lalo pa akong napoot sa CCP, at gusto ko lang na tumayong saksi para sa Diyos at aliwin ang Kanyang puso. Nang makita ng mga pulis na hindi pa rin ako magsasalita, nagsimula silang gumamit ng mga sikolohikal na pamamaraan laban sa akin. Nahanap nila ang asawa ko sa pamamagitan ng China Mobile at pinapunta nila siya at ang anak ko para hikayatin ako. Noong una ay sang-ayon ang asawa ko sa pananampalataya ko sa Diyos, pero pagkatapos malinlang ng mga pulis, paulit-ulit niyang sinabi sa akin: “Nakikiusap ako sa iyo na isuko mo na ang pananampalataya mo. Isipin mo na lang ang anak natin kahit hindi na ako. Magkakaroon ng napakasamang epekto sa kanya ang pagkakaroon ng isang inang nasa bilangguan. …” Nang makita ng asawa kong hindi mababago ng mga salita niya ang isip ko, binitiwan niya ang malulupit na salitang ito: “Napakatigas ng ulo mo at ayaw mong makinig—ididiborsiyo na lang kita!” Ang salitang iyon, “diborsiyo,” ay malalim na tumarak sa aking puso. Dahil doon ay mas matindi akong napoot sa pamahalaan ng CCP. Ang paninira nito at paghahasik ng alitan ang nagdulot sa asawa kong masuklam nang ganoon sa gawain ng Diyos at magbitiw ng malulupit na salita sa akin. Ang pamahalaan ng CCP ang tunay na salarin na tumatawag sa mga karaniwang tao upang magkasala sa Langit! Ito rin ang salarin na nagpahina sa mga damdamin namin bilang mag-asawa! Sa isiping ito, wala na akong nais pang sabihin sa asawa ko. Mahinahon ko lang na sinabi: “Bilisan mo at iuwi mo na ang anak natin sa bahay.” Nang makita ng mga pulis na hindi gumana ang taktikang ito, sa sobrang galit nila ay nagpalakad-lakad sila sa harapan ng mga mesa nila at sinigawan ako, sinasabing: “Nagpakahirap kami nang husto pero wala man lang kaming nakuhang sagot mula sa iyo! Kung patuloy kang tatangging magsalita, ituturing ka naming pinuno ng rehiyong ito, bilang isang bilanggong pulitikal! Kung hindi ka magsasalita ngayong araw, hindi ka na magkakaroon ng iba pang pagkakataon!” Pero kahit gaano pa sila magdadakdak at magsisigaw, nanalangin na lang ako sa Diyos sa aking puso, hinihiling sa Kanya na palakasin ang pananampalataya ko.

Sa panahon ng interogasyon sa akin, may isang himno ng salita ng Diyos na patuloy na pumatnubay sa akin mula sa kaibuturan ko: “Sa gawain ng mga huling araw, malakas na pananampalataya at malaking pagmamahal ang hinihingi sa atin. Maaari tayong matisod mula sa pinakamaliit na kapabayaan, dahil ang yugtong ito ng gawain ay iba mula sa lahat ng mga nakaraan: Ang pineperpekto ng Diyos ay ang pananampalataya ng sangkatauhan, na kapwa di-nakikita at di-nahahawakan. Ang ginagawa ng Diyos ay na maging pananampalataya, pag-ibig, at buhay ang mga salita. Dapat makarating ang mga tao sa isang punto kung saan sila ay nakapagtiis na ng daan-daang pagpipino at nagtataglay ng pananampalatayang mas dakila kaysa sa pananampalataya ni Job. Dapat silang magtiis ng di-kapani-paniwalang pagdurusa at ng lahat ng uri ng pagpapahirap nang hindi humihiwalay sa Diyos magpakailanman. Kapag sila ay masunurin hanggang sa kamatayan, at may dakilang pananampalataya sa Diyos, sa gayon ang yugtong ito ng gawain ng Diyos ay kumpleto na(“Ang Ginagawang Perpekto ng Diyos ay ang Pananampalataya” sa Sundan ang Cordero at Kumanta ng mga Bagong Awitin). Dahil sa pananampalataya at lakas na natanggap ko mula sa mga salita ng Diyos, mukhang napakatatag ko habang tinatanong ako. Pero nang bumalik na ako sa selda ko, hindi ko mapigilang medyo manghina at masaktan. Mukhang didiborsyohin talaga ako ng asawa ko at mawawalan na ako ng tahanan. Hindi ko rin alam kung gaano katagal ang magiging sentensiya ko. Sa gitna ng sakit na ito, naisip ko ang mga salitang ito mula sa Diyos: “Ngayon ay dapat mo nang makita nang malinaw ang eksaktong landas na tinahak ni Pedro. Kung malinaw mong nakikita ang landas ni Pedro, makatitiyak ka sa gawaing ginagawa ngayon, para hindi ka magreklamo o magsawalang-kibo, o manabik sa anuman. Dapat mong maranasan ang pakiramdam ni Pedro sa panahong iyon: Labis siyang nalungkot; hindi na siya humiling ng kinabukasan o anumang mga pagpapala. Hindi siya naghangad na kumita, lumigaya, sumikat, o yumaman sa mundo; hinangad lamang niyang mamuhay ng pinaka-makabuluhang buhay, yaong masuklian ang pagmamahal ng Diyos at mailaan ang itinuring niyang pinakamahalaga sa Diyos. Sa gayon ay malulugod siya sa kanyang puso(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Paano Nakilala ni Pedro si Jesus). Lubos akong naantig sa mga gawa ni Pedro, at ito rin ang gumising sa paninindigan ko na isuko ang lahat para bigyang-lugod ang Diyos. Totoo iyon. Nang sapitin ni Pedro ang pinakamalungkot niyang sandali, nakayanan pa rin niya iyon at nabigyang-lugod ang Diyos. Hindi niya kinonsidera ang sarili niyang kinabukasan o tadhana, o ang sarili niyang pakinabang, at sa huli, nang siya ay ipako nang patiwarik sa isang krus, nakapagbigay siya ng maganda at matibay na patotoo para sa Diyos. Pinalad akong makasunod sa Diyos na nagkatawang-tao, at tamasahin ang walang katapusang pagtustos ng Diyos sa buhay ko pati na rin ang Kanyang biyaya at mga pagpapala, pero hindi ako kailanman nakapagbigay ng anumang tunay na kabayaran para sa Diyos. Dumating na ang panahon na kailangan Niya akong tumayong saksi para sa Kanya, hindi ko ba Siya puwedeng bigyang-lugod kahit ngayon lang? Habambuhay ko bang pagsisisihan ang pagpapalagpas sa pagkakataong ito? Nang maisip ko iyon, ipinasya ko sa harap ng Diyos: “O Diyos, handa akong sumunod sa halimbawa ni Pedro. Anuman ang kahantungan ko, kahit na kailangan kong madiborsiyo o makulong, hindi Kita ipagkakanulo!” Pagkatapos manalangin, nakadama ako ng bugso ng lakas na umahon sa kaibuturan ko. Hindi ko na iisipin kung masesentensiyahan ba ako o hindi at kung gaano katagal ang magiging sentensiya ko, at hindi ko na iisipin kung makakauwi pa ako at muling makakasama ang pamilya ko o hindi. Iisipin ko na lang na ang isa pang araw sa loob ng yungib ng mga demonyo ay isa pang araw ng pagtayong saksi para sa Diyos, at kahit pa makulong ako hanggang sa huli, hindi ako susuko kay Satanas. Nang ialay ko ang lahat, tunay kong naranasan ang pag-ibig at malasakit ng Diyos. Isang hapon makalipas ang ilang araw, biglang sinabi sa akin ng isang guwardya: “Kunin mo ang mga gamit mo, makakauwi ka na.” Sadyang hindi ako makapaniwala sa narinig ko! Labis akong nasabik. Natalo si Satanas sa laban na ito sa espirituwal na mundo at sa huli ay naluwalhati ang Diyos!

Pagkatapos sumailalim sa 36 na araw ng pagkakakulong at pag-uusig ng mga pulis ng CCP, nagkaroon ako ng tunay na pag-unawa sa malupit na paniniil, at sa mapaghimagsik at reaksiyonaryong diwa ng pamahalaan ng CCP. Mula noon ay nagkaroon ako ng malalim na pagkapoot dito. Alam ko na sa panahon ng mga paghihirap na iyon, palagi kong kasama ang Diyos, nagbibigay-liwanag sa akin, pinapatnubayan ako, at pinahihintulutan akong madaig ang kalupitan at mga pagsubok ni Satanas sa bawat hakbang. Binigyan ako nito ng isang tunay na karanasan sa katotohanan na ang mga salita ng Diyos ang tunay na buhay ng sangkatauhan at ang ating lakas. Dahil dito ay lubos ko ring napagtanto na ang Diyos ang ating Panginoon at Siya ang namamahala sa lahat ng bagay, at gaano man karami ang panlilinlang ni Satanas, palagi iyong madadaig ng Diyos. Tinangka ng CCP na pahirapan ang aking laman para pilitin ako na ipagkanulo ang Diyos, na talikuran Siya, pero hindi lang ako hindi napabagsak ng malupit na pagpapahirap nito, bagkus ay pinaigting nito ang determinasyon ko at pinahintulutan akong lubusang makita ang masama nitong mukha, para madama ang pag-ibig at pagliligtas ng Diyos. Nagpapasalamat ako sa Diyos mula sa kaibuturan ng aking puso!

Ngayon nagsimula na ang malalaking sakuna. Paano natin masasalubong ang pagbabalik ng Panginoon at magkaroon ng pagkakataong matamo ang proteksyon ng Diyos? Makipag-ugnayan sa amin ngayon upang mahanap ang paraan.

Kaugnay na Nilalaman

Mahabang mga Taon sa Bilangguan

Ni Anning, Tsina Isang araw noong Disyembre, 2012, halos isang taon na akong mananampalataya, at nasa daan kami ng isang nakababatang...

Para lang sa 300,000 Yuan

Ni Li Ming, TsinaBandang alas nuwebe ng gabi noong Oktubre 9, 2009, habang kami ay nagtitipon ng asawa ko at ng anak ko, bigla kaming...

Kontakin Kami Gamit ang Messenger