Paggugol ng Kalakasan ng Kabataan sa Loob ng Bilangguan

Pebrero 2, 2021

Ni Chenxi, Tsina

Sinasabi ng lahat na ang kalakasan ng ating kabataan ang pinakamaganda at pinakadalisay na panahon ng buhay. Marahil para sa marami, ang mga taong iyon ay puno ng magagandang alaala, pero ang hindi ko kailanman inasahan ay na ginugol ko ang kalakasan ng sarili kong kabataan sa labor camp. Maaaring isipin ninyo na kakaiba ako dahil dito, pero hindi ko iyon pinagsisisihan. Kahit puno ng kapaitan at mga luha ang panahong iyon sa likod ng rehas na bakal, iyon ang pinakamahalagang kaloob sa buhay ko, at marami akong natutuhan mula roon.

Isang araw noong Abril ng 2002, nasa bahay ako ng isang sister nang mangyari ang pag-aresto. Ala-una ng madaling-araw, bigla kaming ginising ng ilang malakas at nagpupumilit na kalampag sa pinto. Narinig naming may sumisigaw sa labas, “Buksan ang pinto! Buksan ang pinto!” Kabubukas pa lang ng sister sa pinto nang biglaang itulak ng ilang opisyal na pulis ang pinto at nagkuyugan sa loob, na agresibong sinasabi, “Taga-Public Security Bureau kami.” Nang marinig ko ang tatlong salitang ito, “Public Security Bureau,” agad akong kinabahan. Narito ba sila para arestuhin kami dahil sa paniniwala namin sa Diyos? Narinig ko na ang tungkol sa ilang kapatid na inaresto at pinahirapan dahil sa kanilang pananampalataya; maaari bang ito ang nangyayari sa akin ngayon? Noon din ay nagsimulang bumilis nang husto ang tibok ng puso ko, at sa katarantahan ko, hindi ko alam kung ano ang gagawin. Kaya dali-dali akong nagdasal sa Diyos: “Diyos ko, nagmamakaawa ako na samahan Mo ako. Bigyan Mo ako ng pananampalataya at tapang. Anuman ang mangyari, lagi akong handang tumayong saksi para sa Iyo. Nagsusumamo rin ako na ibigay Mo sa akin ang Iyong karunungan at ipagkaloob sa akin ang mga salitang dapat kong sabihin, at huwag Mo sana akong hayaang ipagkanulo Ka at pagtaksilan ko ang aking mga kapatid.” Matapos magdasal, unti-unting pumanatag ang puso ko. Nakita ko ang apat o limang masasamang pulis na hinahalughog ang lugar na parang mga bandido, naghahanap sa kumot, bawat aparador at kahon, at kahit sa ilalim ng kama hanggang sa wakas ay nakakita sila ng ilang aklat ng mga salita ng Diyos gayon din ng mga CD ng mga himno. Pagkatapos ay dinala nila kami sa istasyon ng pulis. Pagdating namin sa opisina, pumasok ang ilang matipunong opisyal kasunod namin at tumayo sa kaliwa’t kanan ko. Sinigawan ako ng hepe ng grupo ng masasamang pulis, “Ano ang tawag sa iyo? Tagasaan ka? Ilan kayong lahat na nariyan?” Kabubukas ko pa lamang ng bibig ko at nasa gitna ng pagsagot nang sugurin niya ako at sampalin nang dalawang beses sa mukha. Natigilan ako. Inisip ko sa sarili ko, “Bakit mo ako sinampal? Ni hindi pa ako tapos sumagot. Bakit napakasama at napakabastos mo, ganap kang kakaiba sa naisip kong hitsura ng Pulis ng mga Tao?” Sumunod, tinanong niya ako kung ilang taon na ako, at nang tapatan akong sumagot na labimpito, dalawang beses niya akong sinampal na muli sa mukha at kinagalitan sa pagsisinungaling. Pagkatapos niyon, anuman ang sabihin ko, walang-tigil niya akong pinagsasampal sa mukha hanggang sa mag-init sa sakit ang aking mukha. Naalala ko na narinig kong sinabi ng aking mga kapatid na hind uubra ang pagsubok na mangatwiran sa masasamang pulis na ito. Ngayong naranasan ko na ito mismo, mula noon ay hindi na ako nagbitiw ng isang salita anuman ang itanong nila. Nang makita nila na hindi ako nagsasalita, sinigawan nila ako, “Bastarda ka! Bibigyan kita ng pag-iisipan, kung hindi ay hindi ka magbibigay sa amin ng tapat na salaysay!” Nang sabihin nila ito, sinuntok ako nang malakas ng isa sa kanila nang dalawang beses sa dibdib, kaya natimbuwang ako at bumagsak sa sahig. Pagkatapos ay sinipa niya ako nang malakas nang dalawang beses, hinila akong muli patayo mula sa sahig, at binulyawan akong lumuhod. Hindi ako sumunod, kaya sinipa niya ako nang ilang beses sa mga tuhod. Sa matinding sakit na bumalot sa akin, napilitan akong lumuhod sa sahig nang pakalabog. Dinaklot niya ako sa buhok at puwersahang hinila pababa, at pagkatapos ay biglang binaltak ang ulo ko patalikod, kaya napilitan akong tumingala. Minura niya ako habang sinasampal ang mukha ko nang ilang beses pa, at ang tanging naramdaman ko ay umiikot ang mundo. Maya-maya, tumumba ako sa sahig. Noon mismo, biglang napansin ng hepe ng masasamang pulis ang relong suot ko. Habang mapag-imbot itong tinititigan, sumigaw siya, “Ano ang suot mong iyan?” Agad-agad, sinunggaban ng isa sa mga pulis ang kamay ko at puwersahang hinatak ang relo mula rito, pagkatapos ay ibinigay iyon sa kanyang “amo.” Pinitserahan ako ng isa sa masasamang pulis na para bang dumadampot siya ng sisiw, at itinayo ako mula sa sahig para angilan ako, “Matigas ka, ha! Ito ang mapapala mo sa hindi pagsasalita!” Nang sabihin niya iyon, ilang beses pa niya ako pinalo nang malakas, at muli akong natumba sa sahig. Sa oras na iyon napakasakit na ng buong katawan ko, at wala na akong lakas para lumaban. Nakahiga lang ako sa sahig na nakapikit ang mga mata, hindi gumagalaw. Sa puso ko, agad akong nagmakaawa sa Diyos: “Diyos ko, hindi ko alam kung ano pang mga kalupitan ang gagawin sa akin ng grupong ito ng masasamang pulis. Alam Mo na maliit lang ako, at mahina ang katawan ko. Nagmamakaawa ako sa Iyo na protektahan ako. Mas gusto ko pang mamatay kaysa magsa-Judas at ipagkanulo Ka.” Pagkatapos kong magdasal, pinagkalooban ako ng Diyos ng pananampalataya at lakas. Mamamatay na lang ako nang mas maaga kaysa magsa-Judas sa pamamagitan ng pagkakanulo sa Diyos at pagtataksil sa aking mga kapatid. Matatag akong tatayong saksi para sa Diyos. Noon mismo, narinig ko ang isang tao sa tabi ko na nagsabi, “Bakit hindi na siya gumagalaw? Patay na ba siya?” Pagkatapos niyon, sadyang tinapakan ng isang tao ang kamay ko at diniinan itong mabuti ng kanyang paa habang sumisigaw nang napakalakas, “Tumayo ka! Dadalhin ka namin sa ibang lugar.”

Kalaunan, inihatid ako sa Country Public Security Bureau. Pagdating namin sa interrogation room, pinaligiran at tinanong ako nang paulit-ulit ng hepe ng masasamang pulis na iyon at ng dalawang iba pa, na pabalik-balik na lumalakad sa harapan ko at sinusubukang puwersahin akong pagtaksilan ang mga lider ng aking iglesia at ang aking mga kapatid. Nang makita nila na hindi ko pa rin ibibigay sa kanila ang mga sagot na gusto nilang marinig, nagsalitan silang tatlo sa pagsampal sa mukha ko nang paulit-ulit. Hindi ko alam kung ilang beses ako tinamaan; ang narinig ko lang ay tunog ng pagsampal nila sa mukha ko, isang tunog na parang umuugong sa katahimikan ng gabi. Dahil masakit na ang kanilang mga kamay, sinimulan akong hampasin ng masasamang pulis ng mga aklat. Binugbog nila ako hanggang sa huli ay ni wala na akong maramdamang sakit; naramdaman ko lang na namamaga at namamanhid ang mukha ko. Sa huli, nakikita na wala silang makukuhang anumang mahalagang impormasyon mula sa akin, naglabas ng isang contact book ang masasamang pulis at sinabi, na nasisiyahan sa kanilang sarili, “Nakita namin ito sa bag mo. Kahit wala kang anumang sabihin sa amin, may isa pa kaming makukunan ng impormasyon!” Bigla, labis akong nabahala: Kung sumagot ang sinuman sa aking mga kapatid sa telepono, maaari itong humantong sa kanilang pagkaaresto. Maaari ding madamay ang iglesia, at maaaring makapinsala ang mga bunga nito. Noon din, naalala ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos: “Sa lahat ng bagay na nagaganap sa sansinukob, walang anuman na hindi Ako ang may huling kapasyahan. Mayroon bang anumang wala sa Aking mga kamay?(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Salita ng Diyos sa Buong Sansinukob, Kabanata 1). “Tama iyan,” naisip ko sa sarili ko. “Lahat ng bagay at pangyayari ay isinaayos at ipinlano ng mga kamay ng Diyos. Kahit makapasok man o hindi ang isang tawag sa telepono ay Diyos na ang magpapasiya. Handa akong umasa at manalig sa Diyos at magpasakop sa Kanyang mga pagsasaayos.” Kaya paulit-ulit akong nagdasal sa Diyos, na nagmamakaawa sa Kanya na protektahan ang mga kapatid na ito. Dahil dito, tinawagan nila ang mga numerong iyon ng telepono, at tumunog ang ilan sa mga tawag nang walang sinumang sumasagot samantalang ang iba ay hindi man lang nakapasok. Sa huli, pagalit na nagmumura sa kabiguan, ibinato ng masasamang pulis ang contact book sa mesa at tumigil sa pagsubok. Hindi ko naiwasang pasalamatan at papurihan ang Diyos.

Magkagayunman, hindi pa sila sumuko, at patuloy akong pinagtatanong tungkol sa mga gawain ng iglesia. Hindi ako sumagot. Natataranta at naiinis, nakaisip sila ng mas kasuklam-suklam na hakbang para subukang pahirapan ako: Pinuwersa ako ng isa sa masasamang pulis na tumingkayad nang nakaupo, at kinailangan kong idipa ang mga bisig ko na kapantay ng mga balikat ko at hindi man lang ako pinayagang gumalaw. Hindi nagtagal, nagsimulang manginig ang mga binti ko at hindi ko na nakaya pang idipa ang mga bisig ko, at natural na nagsimulang tumayong muli ang katawan ko. Kumuha ng isang bareta ang pulis at pinandilatan ako na parang isang tigreng nakamata sa kanyang biktima. Hindi pa nagtatagal ang pagkakatayo ko nang marahas niya akong hatawin sa mga binti, na nagdulot ng labis na sakit kaya halos napaluhod ako. Sa sumunod na kalahating oras, tuwing gagalaw ang mga binti o bisig ko kahit kaunti, agad niya akong hahatawin ng bareta. Hindi ko alam kung ilang beses niya akong hinataw. Dahil sa pagkakatingkayad nang napakatagal habang nakaupo, namaga nang husto ang dalawang binti ko, at napakasakit na para bang nabalian ang mga ito. Sa paglipas ng oras, lalo pang nanginig ang mga binti ko at patuloy na nangatal ang mga ngipin ko. Noon din, pakiramdam ko ay parang bibigay na ang aking lakas. Gayunman, nilibak at kinutya lang ako ng masasamang pulis, na palagi akong tinutuya at pinagtatawanan nang husto, gaya ng mga taong malupit na sinusubukang gumawa ng mga salamangka ang isang unggoy. Nang lalo kong pagmasdan ang kanilang pangit at kasuklam-suklam na mga mukha, lalo kong kinapootan ang masasamang pulis na ito. Inalala ko ang mga salita ng Diyos, “Kapag handang isakripisyo ng mga tao ang kanilang mga buhay, ang lahat ng bagay ay nagiging walang halaga, at walang makagagapi sa kanila. Ano ang maaaring maging higit na mahalaga kaysa buhay? Sa ganitong paraan nawawalan si Satanas ng kakayahang gumawa pa sa mga tao, walang anumang magagawa ito sa tao(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pakahulugan sa mga Hiwaga ng “Mga Salita ng Diyos sa Buong Sansinukob”, Kabanata 36). Kaya bigla akong tumayo at sinabi ko sa kanila nang malakas, “Hindi na ako titingkayad nang paupo. Sige lang, sentensyahan na ninyo ako ng kamatayan! Ngayon wala nang mawawala sa akin! Ni hindi ako natatakot na mamatay, kaya paano ako matatakot sa inyo? Malalaking lalaki kayo, pero parang ang alam lang ninyong gawin ay apihin ang isang maliit na babaeng tulad ko!” Sa gulat ko, matapos kong sabihin ito, sumigaw ng iba pang mga pagmumura ang grupo ng masasamang pulis at pagkatapos ay tumigil na sa pagtatanong sa akin.

Halos magdamag akong pinahirapan ng pangkat ng ito ng masasamang pulis; nang tumigil sila, madaling araw na. Pinapirma nila ako sa pangalan ko at sinabing ikukulong nila ako. Pagkatapos noon, isang matandang pulis, na nagkukunwaring mabait, ang nagsabi sa akin, “Binibini, tingnan mo, napakabata mo pa—nasa kasibulan ng iyong kabataan—kaya pinakamabuti kung bibilisan mo at sasabihin sa amin ang lahat ng alam mo. Ginagarantiyahan kong pakakawalan ka nila. Kung may problema ka, huwag kang mag-atubiling sabihin sa akin. Tingnan mo, namaga na ang mukha mo na parang tinapay. Hindi pa ba sapat ang pagdurusa mo?” Nang marinig ko siyang magsalita nang ganito, alam kong sinusubukan lang niyang akitin akong mangumpisal sa anumang paraan. Naalala ko rin ang isang bagay na nasabi ng aking mga kapatid sa oras ng mga miting: Upang makuha ang gusto nila, gagamit ang masasamang pulis kapwa ng gantimpala at parusa at ng lahat ng paraan ng panloloko para linlangin ang mga tao. Nasasaisip ito, sumagot ako sa matandang pulis, “Huwag kang umakto na parang mabuti kang tao; bahagi kayong lahat ng iisang grupo. Ano ang gusto mong ikumpisal ko? Ang tawag sa ginagawa ninyo ay pagkuha ng isang pagtatapat nang may pagbabanta. Ilegal na pagpaparusa ito!” Nang marinig ito, nagkunwari pa siyang inosente at nangatwiran, “Pero hindi pa kita hinampas ni minsan. Sila ang mga humampas sa iyo.” Nagpasalamat ako sa patnubay at proteksyon ng Diyos, na tinulutan akong minsan pang manaig sa tukso ni Satanas.

Matapos lisanin ang County Public Security Bureau, ikinulong nila ako kaagad sa detention house. Pagpasok na pagpasok namin sa tarangkahan sa harapan, nakita ko na ang lugar ay napapaligiran ng napakatataas na bakod na may-kuryenteng kawad na concertina sa ibabaw ng mga ito, at sa bawat isa sa apat na sulok ay mayroong mukhang tore ng bantay, kung saan sa loob ay may nakabantay na mga armadong pulis. Napakasama at nakakatakot ng pakiramdam ng lahat ng ito. Paglagpas sa sunud-sunod na tarangkahang bakal, nakarating ako sa selda. Nang makita ko ang mga kobrekamang sira-sira at natatakpan ng tela sa ibabaw ng napakalamig na kamang kang, na kapwa maitim at marumi, at maamoy ko ang panghi at bahong nagmumula sa mga iyon, hindi ko maiwasang makaramdam ng silakbo ng pagkasuklam. Sa oras ng pagkain, bawat bilanggo ay binigyan lamang ng isang maliit na pinasingawang tinapay na maasim at medyo hilaw. Kahit napahirapan ako ng mga pulis hanggang hatinggabi at wala akong anumang nakain, talagang nawala ang gana ko nang makita ko ang pagkaing ito. Bukod pa rito, magang-maga ang mukha ko dahil sa pambubugbog ng mga pulis, at pakiramdam ko ay banat ang balat ko na parang ibinalot sa teyp. Masakit iyon kahit ibuka ko lang ang bibig ko para magsalita, at lalo na para kumain. Sa mga sitwasyong ito, lungkot na lungkot ako at pakiramdam ko ay maling-mali ang ginawa sa akin. Ang isipin na kailangan ko talagang manatili rito at pagtiisan ang gayong di-makataong pag-iral ay masyadong madamdamin para sa akin kaya hindi sinasadyang napaiyak ako nang kaunti. Ang sister na kasama kong naaresto ay nagbahagi sa akin ng mga salita ng Diyos, at naunawaan ko na natulutan ng Diyos na sapitin ko ang sitwasyong ito, at Siya ang sumusubok at nagpapatunay sa akin para makita kung maaari akong tumayong saksi. Ginagamit din Niya ang pagkakataong ito para maperpekto ang aking pananampalataya. Nang matanto ko ito, nawala ang pakiramdam na mali ang ginawa sa akin, at sa aking kalooban ay naipasiya kong tiisin ang aking pagdurusa.

Lumipas ang dalawang linggo, at dumating na muli ang hepe ng masasamang pulis na iyon para pagtatanungin ako. Nakikitang nananatili akong kalmado at mahinahon, at walang anumang takot man lang, malakas niyang isinigaw ang pangalan ko at bumulyaw, “Sabihin mo sa akin ang totoo: Saan ka pa naaresto dati? Tiyak na hindi ito ang unang pagkakataon mo sa loob; kung hindi, paano ka nakakakilos nang napaka-kalmado at sanay, na para bang hindi ka man lang natatakot?” Nang marinig ko siyang sabihin ito, hindi ko naiwasang pasalamatan at purihin ang Diyos sa puso ko. Naprotektahan ako ng Diyos at nabigyan ako ng tapang, sa gayon ay naharap ko ang masasamang pulis na ito nang ganap na walang takot. Noon din, nag-umapaw ang galit mula sa kaibuturan ng puso ko: Inaabuso ninyo ang kapangyarihan ninyo sa pag-uusig sa mga tao dahil sa kanilang mga paniniwala sa relihiyon, at inaaresto, tinatakot, at sinasaktan ninyo nang walang dahilan yaong mga naniniwala sa Diyos. Wala kayong sinusunod na batas, sa lupa man o sa langit. Naniniwala ako sa Diyos at tumatahak ako sa tamang landas, at wala akong nalabag na batas. Bakit ako matatakot sa inyo? Hindi ako susuko sa masasamang puwersa ng inyong grupo! Pagkatapos ay matalasik akong sumagot, “Palagay ba ninyo lubhang nakakainip sa iba pang lugar kaya ginusto ko talagang mapunta rito? Mali ang nagawa ninyo sa akin at ipinagtulakan ninyo ako! Anumang karagdagang mga pagsisikap ninyo na puwersahang ipakumpisal o ipaamin sa akin ay mawawalan ng kabuluhan!” Nang marinig ito, nagalit siya nang husto na tila may lumalabas na usok sa mga tainga niya. Sumigaw siya, “Napakatigas ng ulo mo para magsabi sa amin ng anuman. Hindi ka ba magsasalita? Bibigyan kita ng tatlong taong sentensya, at pagkatapos ay titingnan natin kung magsisimula ka nang bumait. Hinahamon kitang manatiling matigas ang ulo!” Sa oras na iyon galit na galit ako. Malakas akong tumugon, “Bata pa ako, ano naman ang tatlong taon sa akin? Makakalabas ako ng bilangguan sa isang kisapmata.” Sa galit niya, biglang tumayo ang masamang pulis at umangil sa kanyang mga tauhan, “Suko na ako. Sumige kayo at pagtatanungin ninyo siya.” Sa gayon ay umalis siya, at ibinarandal ang pinto. Nang makita ang nangyari, hindi na ako tinanong ng dalawang pulis; tinapos na lang nila ang pagsulat ng isang pahayag na pipirmahan ko at pagkatapos ay lumabas na. Ang makitang talung-talo na ang masasamang pulis ay lubhang nagpasaya sa akin, at pinuri ko sa puso ko ang tagumpay ng Diyos laban kay Satanas. Sa pangalawang serye ng pagtatanong, nagpalit sila ng taktika. Pagpasok na pagpasok nila sa pinto, nagkunwari silang nag-aalala sa akin: “Napakatagal mo na rito. Bakit walang isa man sa mga kapamilya mo ang nagpunta rito para makita ka? Isinuko ka na siguro nila. Bakit hindi mo sila tawagan mismo at hilingan silang bisitahin ka?” Nang marinig ko ito, sumama ang loob ko at nainis ako. Nalungkot ako at walang magawa. Nasabik akong makauwi at nangulila ako sa mga magulang ko, at ang hangarin kong lumaya ay lalo pang tumindi nang tumindi. Hindi sinasadya, napuno ng luha ang aking mga mata, pero ayaw kong umiyak sa harap ng grupong ito ng masasamang pulis. Tahimik akong nagdasal sa Diyos: “Diyos ko, ngayon mismo ay ramdam ko ang labis na kalungkutan at sakit, at wala akong magawa. Tulungan Mo ako. Ayaw kong makita ni Satanas ang aking kahinaan. Gayunman, sa ngayon ay hindi ko maunawaan ang Iyong kalooban. Nagmamakaawa ako na liwanagan at gabayan Mo ako.” Pagkatapos magdasal, isang ideya ang biglang pumasok sa isipan ko: Ito ang tusong panlilinlang ni Satanas; ang pagsubok nilang ipakontak sa akin ang pamilya ko ay isang pakana para magdala sila ng perang pantubos, sa gayon ay makamtan ang mithiin nilang humakot ng kaunting pera; o marahil ay maaaring alam na nila na naniniwala ang lahat ng kapamilya ko sa Diyos at gusto nilang gamitin ang pagkakataong ito para arestuhin sila. Puno ng mga pakana ang masasamang pulis na ito. Kung hindi sa kaliwanagan ng Diyos, tumawag na sana ako sa bahay. Hindi ba ako magsasa-Judas nang hindi sinasadya? Kaya, lihim kong ipinahayag kay Satanas: “Masamang diyablo, hindi talaga kita hahayaang magtagumpay sa iyong panlilinlang.” Pagkatapos ay mahinahon kong sinabi, “Hindi ko alam kung bakit hindi dumarating ang mga kapamilya ko para bisitahin ako. Wala akong pakialam kahit ano pa ang gawin ninyo sa akin!” Wala nang ibang magawa ang masasamang pulis. Pagkatapos niyon, hindi na nila ako pinagtatanong na muli.

Lumipas ang isang buwan. Isang araw, biglang dumating ang tito ko para bisitahin ako, na sinasabing sinisikap niyang ilabas ako roon, at na dapat akong mapalaya pagkaraaan ng ilang araw. Nang lumabas ako ng visitation room, tuwang-tuwa ako. Akala ko makikita ko nang muli sa wakas ang liwanag ng araw, gayundin ang aking mga kapatid at mahal sa buhay. Kaya nagsimula akong mangarap nang gising at inasam kong dumating na ang tito ko para kunin ako. Araw-araw, palaging bukas ang mga tainga ko para sa pagtawag ng mga guwardiya sa akin na panahon na para umalis. Totoo nga, pagkaraan ng isang linggo, tinawag nga ako ng guwardiya, at muntik nang tumibok ang puso ko sa labas ng dibdib ko. Masaya akong pumunta sa visitation room. Gayunman, nang makita ko ang tito ko, yuko ang ulo niya. Matagal bago niya sinabi nang may kalungkutan, “Natapos na nila ang kaso mo. Nasentensyahan ka na ng tatlong taon.” Nang marinig ko ito, nasindak ako at ganap na naging blangko ang isip ko. Pinigilan ko ang mga luha, at nagawa kong hindi umiyak. Parang wala akong marinig na anuman sa sinabi ng tito ko pagkatapos niyon. Lumabas ako ng visitation room na parang walang ulirat, napakabigat ng mga paa ko na parang puno ng tingga, na bawat hakbang ay mas mabigat kaysa sa nauna. Wala akong maalala kung paano ako nakabalik sa aking selda. Pagdating ko roon, napahandusay ako sa sahig. Naisip ko sa sarili ko, “Pakiramdam ko bawat araw ng nakaraang buwan o mahigit pa ng di-makataong pag-iral na ito ay parang isang taon; paano ako makakaraos sa loob ng tatlong mahahabang taon nito?” Nang lalo ko itong isipin, lalong tumindi ang lungkot ko, at lalong nagmukhang malabo at di-maarok ang aking kinabukasan. Nang hindi ko na mapigilan, napaiyak na ako. Inakala ko na bilang isang menor-de-edad ay hindi ako masesentensyahan kailanman, o ang pinakamalala ay makukulong lang ako nang ilang buwan. Inakala ko na kakailanganin ko lang magtiis ng kaunti pang pasakit at hirap at magtiis pa nang matagal-tagal, at matatapos din ito; hindi ko naisip kailanman na baka talagang kailanganin kong gumugol ng tatlong taon sa bilangguan. Sa aking dalamhati, muli akong humarap sa Diyos. Nagtapat ako sa Kanya, na sinasabing, “Diyos ko, alam ko na lahat ng bagay at lahat ng kaganapan ay nasa Iyong mga kamay, pero ngayon mismo ay ganap na hungkag ang puso ko. Pakiramdam ko malapit na akong gumuho; palagay ko magiging napakahirap para sa akin na tiisin ang tatlong taon ng pagdurusa sa bilangguan. Diyos ko, nagmamakaawa ako sa Iyo na ihayag Mo sa akin ang Iyong kalooban, at nagsusumamo ako na pagkalooban Mo ako ng pananampalataya at lakas upang ganap akong magpasakop sa Iyo at matapang kong tanggapin ang sinapit ko.” Pagkatapos ng panalanging ito, naisip ko ang mga salita ng Diyos: “Sa mga huling araw na ito ay kailangan ninyong magpatotoo sa Diyos. Gaano man kalaki ang inyong pagdurusa, dapat kayong magpatuloy hanggang sa kahuli-hulihan, at maging sa inyong huling hininga, kailangan pa rin kayong maging tapat sa Diyos at magpasakop sa pagsasaayos ng Diyos; ito lamang ang tunay na pagmamahal sa Diyos, at ito lamang ang malakas at matunog na patotoo(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Sa Pagdanas Lamang ng Masasakit na Pagsubok Mo Malalaman ang Pagiging Kaibig-ibig ng Diyos). Binigyan ako ng mga salita ng Diyos ng pananampalataya at lakas at naging handa akong magpasakop. Ano man ang sumapit sa akin o gaano mang pagdurusa ang maaari kong pagdaanan, hindi ko man lang sisisihin ang Diyos; tatayo akong saksi para sa Kanya. Pagkaraan ng dalawang buwan, inilipat ako sa isang labor camp. Nang matanggap ko ang mga papeles ng hatol sa akin at pirmahan ko ang mga iyon, natuklasan ko na ang tatlong taong sentensya ay napaikli sa isang taon. Sa puso ko pinasalamatan at pinuri ko ang Diyos nang paulit-ulit. Isinaayos ng Diyos ang lahat ng ito, at sa loob nito ay nakikita ko ang napakalawak na pagmamahal at proteksyon Niya sa akin.

Sa labor camp, nakita ko ang mas masama at mas malupit pang panig ng masasamang pulis. Gigising kami nang napakaaga at magtatrabaho, at napakarami ng mga gawaing ipinagagawa sa amin bawat araw. Kinailangan naming magtrabaho nang napakaraming oras araw-araw, at kung minsan ay magtatrabaho kami nang maghapon at magdamag nang ilang araw at gabi na magkakasunod. Nagkasakit ang ilan sa mga bilanggo at kinailangan silang kabitan ng suwero, at pinabilis nang napakabilis ang pagtulo noon para, sa sandaling matapos ito, agad silang makabalik sa pagawaan at magtrabahong muli. Humantong ito kalaunan sa pagkakaroon ng ilang sakit ng karamihan ng mga preso na sa dakong huli ay nagkaroon ng ilang karamdaman na napakahirap gamutin. Dahil mabagal silang magtrabaho, madalas pagsalitaan ng masama ng mga guwardiya ang ilang tao, ang kanilang masamang pananalita ay masakit sa tainga. Lumabag ang ilang tao sa mga panuntunan habang nagtatrabaho, kaya pinarusahan sila. Halimbawa, “tinalian” sila, na nangahulugan na kinailangan nilang lumuhod sa lupa at itali ang kanilang mga kamay sa kanilang likod, puwersahang itinaas ang kanilang mga braso nang masakit hanggang pumantay sa leeg. Itinali ang iba sa mga puno na may mga kadenang bakal na parang mga aso at walang-awang hinagupit ng latigo. Ang ilang tao, na hindi natagalan ang di-makataong pahirap na ito, ay susubukang gutumin ang sarili hanggang sa mamatay sila, para lang lagyan ng masasamang guwardiya ng mga posas ang parehong mga bukung-bukong at pulso nila at pagkatapos ay diinan nang mahigpit ang kanilang katawan, at puwersahan silang pasukan ng mga feeding tube at likido. Natakot sila na baka mamatay ang mga presong ito, hindi dahil mahal nila ang buhay, kundi dahil nag-alala sila tungkol sa pagkawala ng murang trabahong ibinibigay nila. Talagang napakarami at di-mabilang ang mga kasamaang ginawa ng mga guwardiyang ito sa bilangguan, tulad ng nakapangingilabot na mararahas at madudugong insidenteng nangyari. Dahil dito ay malinaw kong nakita na ang gobyernong Chinese Communist Party ang sagisag sa lupa ni Satanas na naninirahan sa espirituwal na mundo; ito ang pinakamasama sa lahat ng diyablo at ang mga bilangguan sa ilalim ng rehimen nito ay impiyerno sa lupa—hindi lang sa pangalan, kundi sa realidad. Naaalala ko ang mga salitang nasa dingding ng opisina kung saan ako pinagtatanong: “Bawal bugbugin nang walang katwiran ang mga tao o isailalim sila sa ilegal na parusa, at bawal lalo na ang pagkumpisalin ang sinuman sa pamamagitan ng pagpapahirap.” Magkagayunman, sa realidad, ang kanilang mga kilos ay hayagang pagsalungat sa mga panuntunang ito. Walang taros nila akong binugbog, isang babaeng ni wala pa sa hustong gulang, at isinailalim ako sa ilegal na pagpaparusa; bukod pa rito, sinentensyahan nila ako dahil lang sa paniniwala ko sa Diyos. Dahil dito, malinaw kong nakita ang mga pandarayang ginamit ng gobyernong CCP para linlangin ang mga tao habang nagkukunwari na lahat ay payapa at maunlad. Ito mismo ang sinabi ng Diyos: “Mahigpit na ginagapos ng demonyo ang buong katawan ng tao, binubulag nito ang pareho niyang mga mata, at siniselyuhan nang mahigpit ang kanyang mga labi. Nagwala na ang hari ng mga diyablo sa loob ng ilang libong taon, magpahanggang sa ngayon, kung kailan patuloy pa rin nitong mahigpit na binabantayan ang bayan ng mga multo, na para bang ito ay di-mapapasok na palasyo ng mga demonyo; samantala, ang pangkat na ito ng mga asong-tagapagbantay ay nakatitig nang nanlilisik ang mga mata, takot na takot na mahuhuli sila ng Diyos nang hindi nila namamalayan at lilipulin silang lahat, at iiwan sila na walang lugar ng kapayapaan at kaligayahan. Paano kaya nakita kailanman ng mga taong nakatira sa ganitong bayan ng mga multo ang Diyos? Natamasa na ba nila kahit kailan ang pagiging kagiliw-giliw at ang pagiging kaibig-ibig ng Diyos? Anong pagpapahalaga ang mayroon sila para sa mga bagay sa mundo ng tao? Sino sa kanila ang maaaring makaunawa sa sabik na kalooban ng Diyos? Hindi na gaanong nakapagtataka, kung gayon, na nananatiling ganap na nakatago ang Diyos na nagkatawang-tao: Sa isang madilim na lipunang tulad nito, kung saan ang mga demonyo ay walang puso at hindi makatao, paanong matitiis ng hari ng mga diyablo, na pumapatay ng mga tao nang walang pakundangan, ang pag-iral ng isang Diyos na kaibig-ibig, mabait, at banal din? Paano nito maaaring papurihan at ipagsaya ang pagdating ng Diyos? Ang mga sunud-sunurang ito! Sinusuklian nila ng poot ang kabaitan, matagal na nilang hinamak ang Diyos, inaabuso nila ang Diyos, sukdulan ang kanilang kalupitan, wala sila ni bahagyang pagsasaalang-alang para sa Diyos, nandarambong sila at nanloloob, nawalan na silang lubusan ng budhi, wala silang konsensya, at tinutukso nila ang mga walang-muwang upang mawalan ng katwiran. Mga ninuno ng sinauna? Minamahal na mga lider? Tinututulan nilang lahat ang Diyos! Iniwan ng kanilang panghihimasok ang lahat sa silong ng langit sa isang kalagayan ng kadiliman at ganap na kaguluhan! Kalayaang pangrelihiyon? Lehitimong mga karapatan at mga interes ng mga mamamayan? Ang mga iyon ay mga panlalansing lahat para pagtakpan ang kasalanan!(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Gawain at Pagpasok 8).

Matapos maranasan ang pag-uusig ng masasamang pulis, lubos akong nakumbinsi ng siping ito ng mga salitang sinambit ng Diyos, at ngayon ay may kaunting tunay na kaalaman at karanasan na ako rito: Ang gobyernong CCP ay tunay na isang hukbo ng mga demonyo na namumuhi at lumalaban sa Diyos, at na nagtatanggol sa kasamaan at karahasan, at ang mabuhay sa ilalim ng panunupil ng napakasamang rehimen ay walang ipinagkaiba sa pamumuhay sa isang impiyerno ng tao. Kasabay nito, sa labor camp, nakita ng sarili kong mga mata ang kapangitan ng lahat ng klaseng tao: ang kasuklam-suklam na mga mukha ng mapanghikayat na mapagsamantalang mga ahas na nanuyo sa mga punong guwardiya, ang malademonyong pagmumukha ng mababangis at mararahas na tao na naghuhuramentado at tinatakot ang mahihina, at iba pa. Para sa akin, na ni hindi pa nakapagsimula ng buhay bilang isang nasa hustong gulang, sa taon na ito ng buhay sa bilangguan, sa wakas ay nakita ko nang malinaw ang katiwalian ng sangkatauhan. Nasaksihan ko ang kataksilan sa puso ng mga tao, at napagtanto ko kung gaano kasama ang mundo ng tao. Natutuhan ko ring matukoy ang pagkakaiba sa pagitan ng positibo at negatibo, itim at puti, tama at mali, mabuti at masama, at sa pagitan ng dakila at ng kasuklam-suklam; malinaw kong nakita na si Satanas ay pangit, masama, malupit, at Diyos lang ang sagisag ng kabanalan at katuwiran. Diyos lang ang sumasagisag sa kagandahan at kabutihan; Diyos lang ang pagmamahal at kaligtasan. Binantayan at iningatan ng Diyos, lumipas nang napakabilis ang di-malilimutang taon na iyon para sa akin. Ngayon, sa paggunita rito, nakikita ko na bagama’t nagdaan ako sa ilang pisikal na pagdurusa sa taon na iyon ng buhay sa bilangguan, ginamit ng Diyos ang Kanyang mga salita upang akayin at gabayan ako, sa gayon ay lumago ang buhay ko. Ang pagdurusa at pagsubok na ito ay espesyal na pagpapala ng Diyos para sa akin. Salamat sa Makapangyarihang Diyos!

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

Dalawang Dekada ng Paghihirap

Ni Wang Qiang, TsinaNaging Kristiyano ako noong 1991, at pagkatapos ng ilang taon, naging mangangaral ako ng iglesia. Noong 1995, dinakip...

Leave a Reply