Ang Pinili ng Isang Opisyal ng Pamahalaan

Pebrero 24, 2024

Ni Xin Zheng, Tsina

Nilabag ng tatay ko ang batas at inaresto siya bago pa ako isinilang. Ang ganoong uri ng bagay ay talagang kahiya-hiya sa kanayunan ng Tsina noong 1970s, kaya hinamak ng lahat ang aking pamilya. Lumaki ako sa gitna ng mga pangungutya ng lahat ng nasa paligid ko. Palaging sinasabi sa akin ng nanay ko, “Kailangan mong magsipag para manguna. Hindi maaaring hamakin ng ibang tao ang pamilya natin.” Malalim na natanim sa loob ko ang mga salitang iyon. Isinumpa ko na sa hinaharap, mangingibabaw ako sa lahat at babaguhin ko ang pagtrato sa amin ng lahat. Talagang isinubsob ko ang aking sarili sa aking pag-aaral at naging isa akong guro nang magtapos sa kolehiyo. Isa iyong garantisadong pamumuhay, ngunit malayo pa rin sa layunin kong tunay na manguna. Kaya umasa ako sa aking mga koneksyon at nagpadala ng mga regalo sa mga lider ng probinsya, umaasang maililipat ako sa isang posisyon sa gobyerno.

Gaya ng inasahan ko, pagkaraan ng tatlong taon ay nakakuha ako ng posisyon bilang isang sekretarya sa opisina ng pamahalaang bayan, dahilan para samahan ko ang mga lider para sa iba’t ibang okasyon. Tila napakadakila niyon. Lalo na noong bumalik ako sa aking bayan, ang pinuno ng nayon at lahat ng tao roon ay talagang mainit ang pagtanggap sa akin at maraming tao ang nambobola sa akin—nakikinabang din doon ang aking pamilya, at talagang naiinggit ang mga tao mula sa buong lugar na iyon. Masayang sinabi sa akin ng nanay ko, “Dahil nagkaroon ka ng trabaho sa gobyerno, saanman magpunta ang kapatid mo, sinasabi niya sa lahat kung sino ang kapatid niya, kung saan ito nagtatrabaho. Pagkalipas ng maraming taon, sa wakas ay maaari na nating itaas ang ating noo at magmalaki!” Labis akong naantig nang marinig kong sabihin niya ito. Naging mahirap ang mga bagay-bagay para sa aming pamilya sa loob ng napakaraming taon. Hindi ba’t ito na ang araw na aming hinihintay? Tapos, sinimulan kong lalo pang magsipag, palaging nagtatrabaho hanggang sa paglalim ng gabi at ni hindi nagpapahinga kahit tuwing Sabado at Linggo. Mas nabawasan pa ang panahon ko para sa aking asawa at anak. Tapos noong 2008, tinanggap ko ang gawain ng Makapangyarihang Diyos sa mga huling araw, pero iginugugol ko pa rin sa trabaho ang karamihan sa oras ko. Paminsan-minsan lang ako kung dumalo sa mga pagtitipon, at hindi gaanong nagbabasa ng mga salita ng Diyos. Napakaganda ng takbo ng aking trabaho—nakuha ko ang paghanga ng mga lider at ang pagpapahalaga ng mga katrabaho ko, at sinasabi ng lahat na sa sandaling magkaroon ng bukas na posisyon para sa promosyon, siguradong magiging akin iyon. Pakiramdam ko’y iyon na ang magiging pagkakataon kong makuha ang talagang gusto ko sa buhay, ang tunay na mangibabaw, kaya nagsimula akong lalo pang magsipag at magpalakas sa mga lider. Gayunpaman, natalo pa rin ako ng anak ng isang lider, at pagkatapos ay inilipat ako sa isang hindi importanteng kagawaran.

Talagang nakasasama ng loob para sa akin ang paglilipat na iyon, at inisip kong siguradong pag-uusapan at hahamakin ako ng mga katrabaho ko. Hindi ko magawang magsaya at ayokong makita ang sinuman. Sa gitna lang ng miserableng panahong iyon, sinabi sa akin ng isang brother sa iglesia, “Hindi mo nakuha ang promosyong ito, at sa halip ay inilipat ka sa isang hindi importanteng kagawaran. Para itong isang masamang bagay, pero ang totoo, isa itong mabuting bagay! Kung itinaas ang ranggo mo kagaya ng gusto mo at nakakuha ka ng mas mataas na posisyon, mas maghahangad ka lang. Mahaharap ka sa mas maraming tukso, araw-gabi kang magsusumikap para sa reputasyon at katayuan. Paano ka magkakaroon ng panahon at kagustuhan na hanapin ang katotohanan? Isa itong mahalagang panahon para mailigtas at gawing perpekto ng gawain ng Diyos ang sangkatauhan. Kung aaksayahin mo ang mahahalagang araw na ito, paano ka maliligtas? Ang hindi mo pagkakuha sa promosyong ito ang mabuting kalooban ng Diyos—hindi kaya ng Diyos na makita tayong patuloy na pinaglalaruan at sinasaktan ni Satanas, nabubuhay sa pakikipagbuno para sa reputasyon at pakinabang, lumalaban at nagpaplano, at pagkatapos ay mawala ang pagkakataon natin sa pagliligtas ng Diyos.” Isang pampagising para sa akin ang kanyang mga salita; naisip kong tama siya. Dati, lubos akong nakatuon sa kung paano ako mangingibabaw, kaya hindi ko kailanman nagawang payapain ang aking puso at talagang basahin ang mga salita ng Diyos o hanapin ang katotohanan. Marahil ang pagkabigong iyon ay magdudulot ng pagbabago sa aking landas ng pananampalataya.

Pagkatapos niyon ay nabasa ko ito sa mga salita ng Diyos: “Bilang isang normal na tao, na naghahangad na mahalin ang Diyos, ang pagpasok sa kaharian upang maging isa sa mga tao ng Diyos ang inyong tunay na hinaharap, at isang buhay na siyang pinakamahalaga at pinakamakabuluhan; walang sinuman ang higit na pinagpala kaysa sa inyo. Bakit Ko sinasabi ito? Sapagkat yaong mga hindi naniniwala sa Diyos ay nabubuhay para sa laman, at sila ay nabubuhay para kay Satanas, ngunit sa kasalukuyan kayo ay nabubuhay para sa Diyos, at nabubuhay upang gawin ang kalooban ng Diyos. Kaya sinasabi Ko na ang inyong mga buhay ang pinakamakabuluhan. Ang grupo lamang ng mga taong ito, na pinili ng Diyos, ang magagawang isabuhay ang isang buhay na pinakamakabuluhan: Walang sino pa man sa lupa ang magagawang isabuhay ang isang buhay na may gayong halaga at kahulugan(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Alamin ang Pinakabagong Gawain ng Diyos at Sumunod sa Kanyang mga Yapak). Napakalinaw ng mga salita ng Diyos tungkol sa kung ano ang bumubuo ng isang makabuluhang buhay. Nagbalik-tanaw ako sa mga taon ko ng pakikipaglaban para sa reputasyon at pakinabang—kahit ngayon na may kaunting katayuan at katanyagan, hungkag na hungkag pa rin ang pakiramdam ko. Palagi akong nagkukunwari kapag may kasamang mga opisyal. Alang-alang sa katayuan, hindi ko lang kailangang magpalakas sa mga lider, kundi kailangan ko pang pangasiwaan ang aking mga katrabaho, pinahihirapan ang sarili ko para lang makipagkompetensya at lumaban sa iba, habang natatakot na nagpaplano ang iba laban sa akin. Talagang naunawaan ko ang paghihirap at tensyon ng mundong iyon. Tinanong ko ang sarili ko: Ano ang kahulugan, ang halaga sa likod ng pagsisikap sa buong buhay ko para makipaglaban para sa katayuan at katanyagan? Ang buong punto ba ng buhay ko ay magmukhang may sinasabi lang, para magbigay-karangalan sa aking pamilya? Sa loob ng libu-libong taon, hindi ba’t napakaraming dakilang tao na may mataas na katayuan ang namatay pa rin nang walang napala? Nilikha ng Diyos ang tao, hindi para mapanatiling buhay ang ating mga pangalan sa lahat ng kapanahunan o makipaglaban para sa reputasyon at katayuan, kundi para matutuhan natin ang katotohanan at makilala ang Diyos, gawin ang tungkulin ng isang nilikha, at isabuhay ang isang tunay na wangis ng tao. Iyon lang ang uri ng buhay na may kahulugan at halaga, at iyon lang ang magkakamit ng pagsang-ayon ng Diyos. Nagdasal ako sa Diyos nang mapagtanto ko ito, handa nang pakawalan ang aking paghahangad sa reputasyon at katayuan at tahakin ang wastong landas sa buhay.

Sa departamentong pinaglipatan sa akin, walang kahit isang abalang panahon sa buong taon. Sinamantala ko ang pagkakataong iyon para mas magbasa ng mga salita ng Diyos at sangkapan ang aking sarili ng katotohanan, at kapag dumarating ang Sabado at Linggo, dumadalo ako sa mga pagtitipon at nangangaral ng ebanghelyo kasama ng mga kapatid. Talagang napayapa ako, at hindi na ako nakikihalubilo sa mga katrabaho ko. Nawalan na ako ng interes sa lahat ng magugulong bagay na iyon gaya ng pagbuo ng mga ugnayan at pagsasamantala sa hindi opisyal na mga pamamaraan. Mas malaya at mas kampante na ang pakiramdam ko. Pero sa huli ay inilipat akong muli, sa departamento para sa mga demolisyon na iniutos ng gobyerno, kung saan personal kong nasaksihan ang lahat ng masasamang paraan ng pananakot at pamiminsala ng Partido Komunista sa mga karaniwang tao. Dahil doon, lalo pa akong nawalan ng gana sa landas ng karera na aking tinatahak. Palaging pinipilit ng gobyerno ang mga tao na umalis sa kanilang mga tahanan, sinasabing kailangan nila ng espasyo para sa pagtatayo ng lungsod, at ang kompensasyon sa pangkalahatan ay napakababa. Hindi masaya ang mga tao tungkol doon at magpoprotesta sila. Malinaw na palihim na nakikipagsabwatan ang gobyerno sa mga developer, tumutubo nang malaki mula sa mga kasunduan at panggigipit sa mga karaniwang tao. Pero palagi nilang binabaluktot ang mga katotohanan, sinasabing ayaw lang ng mga taong umalis at nakahahadlang iyon sa pagtatayo ng lungsod. Sa araw, pinagagawa nila kami ng gawaing ideolohikal para kumbinsihin ang mga tao, tapos sa gabi magpapadala sila ng mga tao para guluhin sila, para puwersahin sila na pumirma sa kasunduang umalis. Walang sinuman sa mga residente ang nakakakuha ng kapayapaan. Kung may sinumang matindi ang pagtangging umalis, puwersahan silang ikukulong at bubugbugin, na may mga kaso ng paghadlang sa muling pagpapaunlad ng lungsod. Hindi titigil ang mga lider hanggang sa pumirma na ang tao. Ilang tao ang umapila sa mas matataas na awtoridad, pero inaresto sila at binugbog. May isang tao pa nga na binugbog hanggang sa mabaldado, at sa huli ay namatay. Isang lider pa nga ang minsang nakangiting nagsabi sa harap ng lahat sa isang panloob na pulong, “Ngayong patay na ang taong ito, nabawasan na ng isa ang mga apelang kailangan nating alalahanin. Mas kaunti na rin ang mga punto ng pagdidisiplina laban sa atin!” Nakangiti rin ang lahat ng nandoon. Nang makita ko ang pananakot at pananamantala ng mga opisyal ng gobyerno sa mga karaniwang tao nang wala talagang pagsasaalang-alang sa buhay ng tao, nalaman kong walang mabuting idudulot kailanman ang pananatili sa loob ng sistema ng Partido Komunista at patuloy na pakikisalamuha sa mga taong iyon. Sinimulan kong gawin ang lahat para maiwasan silang lahat, para hindi makihalubilo sa kanila. Kung inutusan ako na makipagnegosasyon sa isang taong kailangang umalis, na bugbugin siya, gagawin ko ang lahat ng aking makakaya para maiwasan iyon, o tutulong akong magpanatili ng kaayusan. Kapag malapitan akong nakakikita ng isang taong sumisigaw habang binubugbog, ang kaaawa-awa niyang tingin ay nag-iiwan ng matinding pang-uusig sa aking konsiyensya. Minsan ay nagigising pa ako sa mga bangungot sa gitna ng gabi. Isang uri ng pagdurusa ang araw-araw na pamumuhay sa ganoong kapaligiran. Pakiramdam ko’y kung patuloy kong gagawin ang ganoong uri ng napakasamang gawain, hindi magtatagal ay maparurusahan ako, at gusto ko nang iwanan ang lugar na iyon sa lalong madaling panahon. Bagaman pahapyaw na nagkokomento ang mga lider na nanghihikayat sa aking ituloy ang aking karera, nanatili akong walang motibasyon at hindi na sumusubok na magpalakas sa kanila para tumaas ang ranggo. Pero laking gulat ko, itinaas nga ang ranggo ko noong panahong iyon, para tumayong direktor ng tanggapan ng pagdidisiplina sa bayan.

Matapos ang muling pagtatalagang iyon, madalas akong magpakita sa lahat ng uri ng pulong kasama ang mga importanteng opisyal ng pamahalaang bayan. Labis na mabait sa akin ang aking mga katrabaho at mga kapwa taga-nayon at sinikap nilang pasayahin ako sa lahat ng bagay. Nagustuhan ko ang pakiramdam niyon. Hindi ko namamalayan, hindi na ako mapakali, at gusto ko nang mapahalagahan at makilala ng mga lider. Pero kapag kailangan kong maglakbay para sa trabaho o dumalo sa isang pulong kapalit ng isang lider, nakaaapekto iyon sa kakayahan kong dumalo sa mga pagtitipon at gawin ang aking tungkulin. Talagang naguluhan ako, dahil alam kong ang tungkulin ay isang responsibilidad na hindi maaaring pabayaan ng isang tao. Hindi ko maaaring bitawan ang tungkulin ko dahil sa mga personal kong gawain, pero kapag isinasaayos ng isang lider na gawin ko ang ganoong bagay, nangangahulugan iyon na mataas ang tingin nila sa akin. Kung magdadahilan ako para hindi iyon gawin para sa aking tungkulin, sasabihin kaya nilang inilalaglag ko sila sa isang kritikal na panahon, at pagkatapos ay titigil na sila sa pagtatalaga ng mga importanteng gawain para sa akin? Talagang mahirap para sa akin na magdesisyon noong sandaling iyon, kaya inilapit ko iyon sa Diyos sa panalangin, hinihiling sa Kanya na patnubayan akong unawain ang Kanyang kalooban at tulungan akong mahanap ang landas ng pagsasagawa. Pagkatapos niyon, nabasa ko ang siping ito sa Kanyang mga salita: “Sa likod ng lahat ng bagay na nangyayari ay isang labanan: Tuwing isinasagawa ng mga tao ang katotohanan, o isinasagawa ang pagmamahal sa Diyos, mayroong isang malaking labanan, at bagama’t maaaring mukhang maayos ang lahat sa kanilang laman, sa kaibuturan ng kanilang mga puso, sa katunayan ay nagpapatuloy ang isang labanan sa pagitan ng buhay at kamatayan—at matapos lamang ng matinding labanang ito, matapos ang napakaraming pagmumuni-muni, saka mapagpapasyahan ang tagumpay o pagkatalo. Hindi alam ng isang tao kung tatawa o hihikbi. Dahil marami sa mga intensyon na nasa kalooban ng mga tao ang mali, o kaya’y dahil marami sa gawain ng Diyos ang taliwas sa kanilang mga kuru-kuro, kapag isinagawa ng mga tao ang katotohanan, isang malaking labanan ang nagaganap sa likod ng mga eksena. Matapos maisagawa ang katotohanang ito, sa likod ng mga eksena, hindi na mabilang ang mga patak ng luhang ibinuhos ng mga tao dahil sa kalungkutan bago nila tuluyang napagpasyahan na bigyang-kasiyahan ang Diyos. Dahil sa labanang ito kung kaya’t dumaranas ang mga tao ng paghihirap at pagdadalisay; ito ay totoong pagdurusa. Kapag nangyari sa iyo ang labanan, kung magagawa mong tunay na pumanig sa Diyos, magagawa mong bigyan ng kasiyahan ang Diyos(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Pagmamahal Lamang sa Diyos ang Tunay na Pananampalataya sa Diyos). Habang pinag-iisipan ko ito, nakita kong isa itong labanan sa pagitan ng pagbibigay-lugod sa Diyos o pagbibigay-lugod kay Satanas, para makita kung alin ang pipiliin ko. Napagtanto ko na kapag may mga bagay akong nakakaharap, ang una kong isinasaalang-alang ay ang saloobin ng mga lider at ang sarili kong karera—napakaimportante pa rin sa akin ng reputasyon at katayuan. Inisip ko kung paanong, upang mailigtas ang sangkatauhan, sumugal nang napakalaki ang Diyos para maging tao sa bansa ng malaking pulang dragon at magpahayag ng katotohanan. Ibinigay ng Diyos ang lahat sa atin nang walang mga reklamo o panghihinayang, pero hindi ko magawa ang katiting na sakripisyong iyon alang-alang sa aking tungkulin. Nasaan ang konsensya ko? Nakaramdam ako ng matinding hiya nang matanto ko ito. Nagdasal ako, gustong bitiwan ang aking mga personal na interes at gampanan ang aking tungkulin. Pagkatapos niyon, naharap ako sa pagpili sa pagitan ng tungkulin ko at ng trabaho ko nang ilan pang beses, at kung minsan ay naghihina at nahihirapan ako dahil dito. Pero kapag nakahanda akong bigyang-lugod ang Diyos, nakita kong palagi Siyang nagbubukas ng landas para sa akin, at ibinabahagi ko ang ebanghelyo at ginagawa ang aking tungkulin sa harap mismo ng lider nang hindi nadidiskubre kailanman. Patuloy na lumago ang motibasyon ko na gawin ang aking tungkulin. Hindi nagtagal, nalaman ng buong pamilya ko na isa akong mananampalataya at nagpapalaganap ako ng ebanghelyo. Nagsimula silang lahat na tutulan ang aking pananampalataya.

Isang guro ang asawa ko, kaya galing din sa gobyerno ang suweldo niya. Sinabi niya sa akin, “Maraming taon ka nang nasa Partido, kaya alam mo kung ano ang saloobin nila ukol sa relihiyon. Kaliwa’t kanan nilang inaaresto ang mga mananampalataya. Sa pagkakaroon ng pananalig at pagbabahagi ng ebanghelyo, hindi ba’t parang nag-iimbita ka ng isang masamang pangyayari? Kung ipagpapatuloy mo ito, katapusan na iyon ng pamumuhay natin, katapusan ng buong pamilya natin!” Nagbahagi ako sa kanya ng patotoo tungkol sa pagpapakita at gawain ng Diyos at nagsalita tungkol sa kahalagahan ng pagkakaroon ng pananampalataya. Sabi ko, “Bumaba na ngayon ang Tagapagligtas, nagpapahayag ng mga katotohanan para iligtas ang sangkatauhan. Minsan lang sa buhay ang pagkakataong mailigtas. Ang mga pakinabang at katayuang nakikita natin sa harap natin ay pansamantalang lahat. Kung susundin lang natin ang Partido Komunista, palaging naghahangad na yumaman, maliligtas ba tayo noon sa mga sakuna? Kapag nahulog tayo roon, walang halaga ng salapi ang magdudulot sa atin ng mabuti! Tingnan mo na lang ang apostol ng Panginoong Jesus na si Mateo—isa siyang kolektor ng buwis, isang magandang karera. Pero nang makita niya ang Tagapagligtas, na dumating na ang Panginoong Jesus, nagmadali siyang sumunod sa Kanya. Bukod doon, kung palagi nating sinusunod ang Partido sa paggawa ng masama, siguradong kakastiguhin tayo, paparusahan. Ang pagsunod lang sa Cristo ng mga huling araw ang paraan para maligtas.” Hindi interesado ang asawa ko tungkol sa anumang tungkol sa Diyos at ayaw niyang makinig sa anumang kailangan kong sabihin tungkol doon. Pero pagkatapos niyon, napansin niyang mula nang magkaroon ako ng pananampalataya, hindi na ako lumalabas para kumain at uminom kasama ang mga kasamahan ko at hindi na ako nagpapabaya sa mga bagay-bagay sa bahay, pero mas naging maayos ako sa buhay at may oras na para sa kanya at sa anak namin. Minsan nagsasalita ako tungkol sa mga bagay na may kinalaman sa buhay sa pangkalahatan. Unti-unti, tumigil siya sa pagtatangkang humadlang sa akin. Pero sa panig ng pamilya niya, ang lahat ay tutol sa aking pananampalataya. Pinayuhan ako ng isa sa kanila na may trabaho sa gobyerno, “Habang bata ka pa, ang iniisip mo dapat ay kung paano tataas ang ranggo mo at magkakapera. Tapos matatamasa ang lahat ng iyon ng mga magulang at anak mo nang kasama ka—iyon lang ang praktikal na bagay na dapat gawin. Ang mga bagay-bagay na hinahangad mo para sa relihiyon mo ay malabong lahat at hindi praktikal!” Sabi ko sa kanya, “Hindi ka isang mananampalataya, kaya hindi mo nauunawaan ang kahulugan at halaga ng pagkakaroon ng pananampalataya at paghahanap ng katotohanan. Napakahalaga ng katotohanan, at kaya nitong ituro ang landas ng buhay para sa atin, linisin ang ating katiwalian, at iligtas tayo. Hindi masusukat ang mga bagay na ito gamit ang pera. Isa ka ring kasapi ng Partido, kaya sabihin mo sa akin, sa mga taong nagkamit ka ng katayuan at materyal na kasiyahan, naging masaya ka ba talaga? May tunay na kapayapaan ka ba sa iyong puso?” Wala siyang nasabi tungkol doon. At nang hindi ako mapasuko ng bayaw ko, galit niyang sinabi, “Kung hindi mo susundin ang payo namin, kapag nalaman ng liderato ang tungkol sa iyong mga bagay-bagay na pangrelihiyon, hindi lang pagkawala ng matatag na pamumuhay ang magiging problema mo. Maaari kang maaresto, tapos ay mawawala sa iyo ang buhay mo at ang mga pagmamay-ari mo, at madadamay ang buong pamilya mo!” May iba ring sumubok na pilitin akong bitawan ang aking pananampalataya.

Naging napakalinaw ko sa kanila na determinado akong patuloy na sumunod sa Diyos, pero nagsimula akong kabahan matapos akong makauwi sa bahay. Kapag nalaman ng mga lider ko, hindi lang ako parurusahan o mawawalan ng trabaho, kundi maaari akong maaresto at makulong, tapos ay walang matitira sa akin, at tiyak na aayawan at lalayuan ako ng lahat ng nasa paligid ko. Magiging isa iyong lubos na kawalan ng karangalan. Hindi ba’t wala nang matitira sa akin? Nakaramdam uli ako na nagtatalo ang loob ko at hindi ako makatulog dahil sa sobrang stress. Sa pag-iisip na hindi magtatagal ay mawawalan ako ng komportableng buhay at kinaiinggitan na posisyon, talagang nakaramdam ako ng kawalan ng kabuluhan, at talagang nabalisa ako. Sa aking pasakit at paghihirap, nagdasal ako sa Diyos, hinihiling sa Kanya na patnubayan akong maunawaan ang Kanyang kalooban. Nabasa ko ang siping ito sa mga salita ng Diyos pagkatapos niyon: “Isinilang sa gayong napakaruming lupain, labis nang naimpluwensiyahan ng lipunan ang tao, naimpluwensiyahan na siya ng mga etikang pyudal, at naturuan na siya sa ‘mga institusyon ng mas mataas na pag-aaral.’ Ang kaisipang paurong, tiwaling moralidad, masamang pananaw sa buhay, kasuklam-suklam na pilosopiya sa pamumuhay, lubos na hungkag na pag-iral, at napakabuktot na uri ng pamumuhay at mga kaugalian—lubhang nanghimasok na sa puso ng tao ang lahat ng mga bagay na ito, at lubhang nagpahina at sumalakay sa kanyang konsensiya. Bilang resulta, mas lalong lumayo ang tao mula sa Diyos, at mas lalong naging tutol sa Kanya. Lalong nagiging mas mabangis ang disposisyon ng tao sa bawat araw, at wala ni isang tao ang magkukusang isuko ang anumang bagay para sa Diyos, wala ni isang tao ang magkukusang sumunod sa Diyos, ni, higit pa rito, isang taong magkukusang hanapin ang pagpapakita ng Diyos. Sa halip, sa ilalim ng kapangyarihan ni Satanas, walang ginawa ang tao kundi maghangad ng kalayawan, ibinibigay ang sarili sa katiwalian ng laman sa lupain ng putik. Marinig man nila ang katotohanan, hindi nag-iisip ang mga nananahan sa kadiliman na isagawa ito, ni nakahandang hanapin ang Diyos kahit na nasaksihan na nila ang Kanyang pagpapakita. Paano magkakaroon ng pagkakataon sa kaligtasan ang isang sangkatauhang napakasama? Paano mabubuhay sa liwanag ang isang sangkatauhang labis nang namumulok?(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Hindi Pagbabago ng Disposisyon ay Pakikipag-alitan sa Diyos). Inihayag ng mga salita ng Diyos ang pinagmumulan ng aking pasakit. Bakit napakamiserable ko ngayong nahaharap ako sa isang pagpili? Ito ay dahil labis akong ginawang tiwali ni Satanas, at simula noong bata ako ay naniwala ako sa mga satanikong pilosopiya gaya ng “Mamukod-tangi at magdala ng parangal sa kanyang mga ninuno,” tinatanggap iyon bilang mga layunin sa buhay. Hinangad ko ang pagkamit sa pagpapahalaga at paghanga ng iba, at pakiramdam ko ay para iyong pagkakaroon ng hangarin. Sa pagnanais kong makamit ito, naging isa akong masipag na estudyante, at pagkatapos kong maging isa sa mga manggagawa, palagi kong sinusubukang alamin ang opinyon ng iba, sumisipsip, at magpaalipin para makuha ang pabor ng mga lider at ma-promote. Kahit alam na alam kong ang anumang bagay na ginawa kasama ang Partido Komunista ay isang nakapangingilabot na kasamaan, pinatatag ko ang sikmura ko at nakisama ako, gumagawa ng serbisyo para kay Satanas at nabubuhay sa paghihirap nang walang kapayapaan. Ang mga salita ng Makapangyarihang Diyos ang nagpakita sa akin ng halaga at kahulugan ng ating mga buhay, at ito ang mas lalong nagpaparamdam sa akin ng kasiyahan. Pero nang maharap sa pagpili sa posibleng pagkawala ng trabaho at kinabukasan ko kung ipagpapatuloy ko ang aking pananampalataya, at sa pagtakwil ng iba, nakita kong ang satanikong pilosopiya na “Mamukod-tangi at magdala ng parangal sa kanyang mga ninuno” ay malalim pa ring nakatanim sa loob ko. Napakahirap ng pagdedesisyong iyon, napakasakit, na para bang ang hindi paghahanap ng pangalan at pakinabang ay pagpapabaya sa mga aktwal na responsibilidad ko o isa pa ngang napakalaking kabuktutan. Hindi ako handang mawalan ng reputasyon at katayuan, na para bang ang mawalan ng mga bagay na iyon ay katulad ng pagkawala ng buhay mismo. Nang mabasa ko ang mga salita ng pagpapahayag ng Diyos ay saka ko nakita kung paano iyon ginagamit ni Satanas para igapos ang mga tao, para saktan tayo at udyukan tayong ilayo ang ating mga sarili sa Diyos at ipagkanulo Siya. Ipinaalala nito sa akin ang isang himno ng mga salita ng Diyos na pinamagatang “Dapat Mong Pagsikapang Magkaroon ng Positibong Pag-unlad”: “Ang buong buhay ng mga tao ay nasa mga kamay ng Diyos, at kung hindi sa kanilang paninindigan sa harap ng Diyos, sino ang magiging handang mamuhay nang walang saysay sa hungkag na mundong ito ng tao? Bakit pa mag-aabala? Nagmamadali papasok at palabas sa mundo, kung hindi sila gagawa ng anuman para sa Diyos, masasayang ba ang kanilang buong buhay? Kahit na hindi itinuturing ng Diyos ang iyong mga kilos na karapat-dapat mabanggit, hindi ka ba ngingiti nang dahil sa kasiyahan sa sandali ng iyong kamatayan?(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pakahulugan sa mga Hiwaga ng “Mga Salita ng Diyos sa Buong Sansinukob”, Kabanata 39). Talagang nakakapagbigay-inspirasyon para sa akin ang himnong ito. Mayroon lang tayong ilang dekada sa buhay na ito, kaya kailangan nating sunggaban ang pagkakataong ito para danasin ang gawain ng Diyos at maligtas, gawin ang tungkulin ng isang nilikha, at kamtin ang katotohanan at buhay, kung hindi, mawawala ang pagkakataong ito na maligtas ng Diyos. Tapos hindi ba mauuwi lang sa wala ang mga buhay natin? Kung inaresto ako ng Partido Komunista, ikinulong, at pinahirapan ako dahil sa aking pananampalataya, kung gayon kahit humantong ako sa pagkamatay, alam kong wala akong magiging reklamo. Ibinigay ng Diyos sa akin ang pagkakataong ito na mabuhay, kaya dapat ko itong ilaan sa Diyos. Nang mapagtanto ko ito, nagdasal ako, “Diyos ko! Gusto ko pong makalaya sa mga hadlang, sa mga tanikala ng malaking pulang dragon at ibigay sa Iyo ang aking buong sarili. Patnubayan Mo po ako at bigyan ng pananalig, at tulungan Mo po akong malagpasan ang susunod na hadlang na ito.”

May nangyari pagkatapos niyon na nag-udyok sa akin na umalis sa Partido Komunista sa lalong madaling panahon. Natuklasan ng isang lider na relihiyoso ang isa sa mga miyembro ng Partido at, nagngangalit ang ngipin sa galit, sinabi niya na kailangan namin siyang dalhin sa istasyon ng pulis para bigyan siya ng kaunting magaspang na pagtrato. Natatakot ako sa tuwing naiisip ko ang tungkol sa ugali ng Partido Komunista ukol sa relihiyon. Naisip kong napakakontra nito sa mga paniniwala pangrelihiyon at labis na kinamumuhian ang mga Kristiyano, na hindi magtatagal ay siguradong pupuntiryahin ako nito dahil dito. Isa itong mapanganib na lugar na dapat kong iwan sa lalong madaling panahon. At saka, maraming taon kong inawit ang mga papuri sa Partido Komunista at nakiayon dito sa napakaraming kasamaan. Kung nanatili ako sa loob ng sistemang iyon, mas lalo lang akong masasabit doon at hindi na maliligtas. Kailangan kong lumayo agad sa satanikong organisasyong iyon, at tapusin agad ang ugnayan namin sa isa’t isa.

Nang sinabi ko sa asawa ko ang iniisip ko, agad siyang nabalisa. Sabi niya, maaari niya akong suportahan sa aking pananampalataya, pero hindi niya ako papayagang iwan ang trabaho ko. Tinawagan niya pa nga ang mga kapatid ko para pigilin ako. Karamihan sa kanila ay nagtatrabaho sa mga negosyong pinamamahalaan ng estado at nag-aalalang maaaring maapektuhan ang kanilang mga karera kung maaresto ako. Lumuhod pa sa harap ko ang pinakamatanda kong kapatid na babae, umiiyak at hinihila ang aking mga kamay, at sinabing, “Napakaganda ng trabaho mo na may mataas na suweldo na hindi kikitain kahit ng mga taong may doctorate at master’s. Paano mo magagawang iwan ang ganoon kagandang trabaho para sumunod sa Diyos?” Sinabi niya rin na mananatili siyang nakaluhod doon hangga’t ipinipilit ko ang pananatili sa aking pananampalataya. Talagang galit din ang isa ko pang kapatid na babae, at sinabi ang tungkol sa kung paano siya naghirap para makatulong sa pagbabayad para sa aking pag-aaral at na hindi niya nagawang makapag-asawa hanggang siya ay 30. Ngayong maayos na kami sa wakas matapos ang lahat ng pagtatrabahong iyon at nakikinabang doon ang buong pamilya. Kung magbibitiw ako, bibiguin ko siya matapos ang lahat ng taon ng pagsisikap niya. Nagreklamo din ang pinakamatanda kong kapatid na babae na kung magbibitiw ako sa trabaho ko, hindi na siya makakatanggap ng espesyal at bayad na sick leave sa eskwelahan niya, at umaasa ang anak niyang lalake na matutulungan ko siyang maghanap ng trabaho. Sinabi niyang hindi lang ang sarili ko ang dapat kong isaalang-alang sa pananampalataya ko, kundi dapat ko ring isipin ang pamilya ko. Nahihirapan akong pumili noong sandaling iyon. Napakarami naming dinanas ng mga kapatid ko simula noong bata ako, at naging motibasyon ko mula sa umpisa ang pag-asang magkakaroon sila ng magandang buhay at magkakaroon sila ng kumpiyansa. Tiyak na magiging masaya sila kung sasang-ayon ako sa kanila, pero dahil isa akong mananampalataya at sumusunod na sa Diyos ngayon, kailangan kong gawin ang tungkulin ng isang nilikha upang hindi biguin ang biyaya at pagmamahal ng Diyos. Kung ipapangako ko sa aking pamilya na isusuko ko ang aking pananampalataya, hindi ba’t pagtataksil iyon sa Diyos? Ang pagtataksil sa Diyos ay isang napakatinding paglabag, at isang bagay na hindi ko talaga maaaring gawin. Nagpahayag na ang Diyos ng napakaraming katotohanan upang iligtas ang sangkatauhan, at nagbayad na Siya ng napakalaking halaga. Kung wala akong intensiyong suklian Siya, at nakipagkompromiso pa nga sa diyablong si Satanas, lumuluhod dito, iyon ay pagiging wala sa katwiran. Nakaramdam ako ng kaunting sakit at kahinaan, pero alam kong kailangan kong pumili. Sinabi ko sa kanila, “Kahit gaano pa karaming pera o gaano pa kaganda ang trabaho na makuha mo, maaayos ba noon ang sakit ng kawalang-kabuluhan? Mabibili ba noon ang buhay mismo? Hindi ba’t maraming mayayaman at makapangyarihang tao ang nabubuhay pa rin sa pasakit? Ang pagkakaroon ng pananampalataya at paghahanap ng katotohanan lang ang paraan para malutas ang mga problemang ito. Bumaba na ang Tagapagligtas, nagpapahayag ng mga katotohanan para iligtas ang sangkatauhan. Isa itong pagkakataong hindi na muling darating kailanman, at napakapanandalian lang nito. Darating sa atin ang malalaking sakuna sa isang kisap-mata. Kung hindi tayo susunod sa Diyos at magsisisi sa Kanya ngayon, sa oras ng pagdating ng mga sakuna, huli na para sa mga pagsisisi! Medyo ibinahagi ko na sa inyong lahat ang ebanghelyo noon, pero takot kayong sumali, takot na maaresto ng Partido Komunista. Ipinipilit ninyo ang pagsunod sa Partido, na isang landas na diretso sa impiyerno. Sa pamimilit ninyo sa akin na patuloy itong sundin, hindi ba ipinapahamak ninyo ako? Alam niyo ba kung anong klaseng mga tao ang nasa sistemang iyon? Silang lahat ay mga demonyong laban sa Diyos na kayang gumawa ng anumang uri ng kakila-kilabot na bagay. Sila ay tiyak na susumpain, na parurusahan. Dumarami ang mga sakuna sa lahat ng oras. Kung hindi pa rin kayo naniniwala sa Diyos at nagsisisi sa Kanya, tiyak na babagsak kayo sa mga sakuna at parurusahan. Natuto ako ng ilang katotohanan sa mga taon ko ng pananampalataya, at malinaw kong nakita na ang pagkakaroon ng pananampalataya ang tanging tamang landas sa buhay. Pamilya ko kayo—hindi ba ninyo gusto ang pinakamainam para sa akin? Bakit ninyo ipinipilit ang pananatili ko sa masamang landas na ito kasama ang Partido Komunista? Hindi ako makikialam sa mga personal ninyong pagpili, pero ang pinili ko ay ang magkaroon ng pananalig at sundin ang Diyos. Kahit pa maaresto ako at usigin, tatahakin ko ang landas na ito hanggang sa katapusan.” Nalungkot ang asawa ko at lumabas, at hindi na ako kinausap pa ng iba. Kalaunan, sa pagtatangkang pigilan ako sa pagdalo sa mga pagtitipon at gumawa ng tungkulin, ikinulong ako sa bahay ng asawa ko, at buong araw akong pinabantayan doon sa bayaw ko, at hindi ako hinayaan nitong mawala sa paningin niya. Hindi ako makapunta kahit saan sa loob ng sumunod na tatlong araw. Naantala noon ang mga bagay-bagay sa aking tungkulin at talagang nabalisa ako. Nang hindi nalalaman ang gagawin, nagdasal ako sa Diyos at hiniling ang Kanyang patnubay, na bigyan Niya ako ng daan palabas. Tapos noong gabi ng ikatlong araw, tumawag ang tatay ko at sinabing nawawala ang nanay ko, kaya nagkaroon din ako sa wakas ng pagkakataong lumabas para hanapin siya kasama ang bayaw ko. Sa daan, binalaan niya ako, “Kailangan mong bitawan ang pananampalataya mo! Darating dito ang kapatid mong lalake bukas, at sinabi niyang babalian ka niya ng binti kung ipagpapatuloy mo ang relihiyon mo, na anuman ang mangyari, maghahanap siya ng paraan para makabitaw ka rito!” Talagang nakakabalisa para sa akin na marinig ito. Alam kong kung hindi ako tatakas sa kanila sa pagkakataong ito, hindi na ako magkakaroon ng isa pang pagkakataon. Pero nang paalis na talaga ako, talagang nahirapan akong lampasan ang mga naiisip kong pumipigil sa akin. Habang tinitingnan ang mga mahal ko sa buhay at ang pamilyar na lugar na iyon, habang iniisip ang komportableng buhay na iyon at ang kinaiinggitang trabaho—nakaramdam ako ng napakaraming kirot sa puso ko, nalalamang mawawala sa akin ang lahat ng iyon sa isang saglit. Tapos naisip ko ang isang himno ng mga salita ng Diyos na pinamagatang “Ano na ang Nailaan Ninyo sa Diyos?” na palagi naming kinakanta sa mga pagtitipon: “Inialay ni Abraham si Isaac—ano na ang naialay ninyo? Inialay ni Job ang lahat-lahat—ano na ang naialay ninyo? Napakarami nang taong nag-alay ng kanilang buhay, nagyuko ng kanilang ulo, nagpadanak ng kanilang dugo upang hanapin ang tunay na daan. Nagawa na ba ninyo ang sakripisyong iyan?(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Kabuluhan ng Pagliligtas sa mga Inapo ni Moab). Pakiramdam ko’y naroon ang Diyos, kaharap ko at tinatanong sa akin ang mga tanong na ito. Noong si Abraham ay isandaang taong gulang, binigyan siya ng Diyos ng isang anak na lalaki, pero nagawa niya pa rin itong ihandog sa Diyos. Napakaraming apostol ang naghandog ng kanilang kabataan at nagpadanak ng kanilang dugo para sa gawaing pang-ebanghelyo ng Diyos, pero ano ang inihandog ko? Naghihirap ako dahil sa pangalan at katayuan, sa mga walang kabuluhang bagay na ito. Lubos akong makasarili at kasuklam-suklam. Paano ako naging karapat-dapat sa mga sakripisyong ginawa ng Diyos upang alagaan at tustusan ako sa lahat ng mga taong iyon? At saka, may kahulugan ang pagpiling iyon na ginagawa ko. Para iyon sa aking pananampalataya at upang magawa ang aking tungkulin bilang isang nilikha. Kung hindi ko pinili ang aking tungkulin, habambuhay ko iyong pagsisisihan. Ang pag-iisip dito sa ganitong paraan ang bumuo sa aking pasya. Nang paakyat ang bayaw ko, ginamit ko ang pagkakataon para tumakas. Simula noon, full time ko nang ginagawa ang aking tungkulin sa simbahan.

Narinig ko simula noon na may ilang lider at mga kasamahan sa departamento ko ang nagbibigay at tumatanggap ng suhol sa kanilang paghahanap ng katayuan at kayamanan, at nang matuklasan ang mga bagay na iyon, ikinulong sila. Talagang nagagalak ako dahil natanggap ko ang proteksyon ng Diyos. Noon, nang sinusubukan kong mangibabaw, nagpapadala ako ng mga regalo gaya ng ginawa ng iba, at kinuha ko ang mga suhol ng ibang tao. Kung nanatili ako sa ganoong uri ng kapaligiran matutulad ako sa kanila. At ngayon, bagaman wala ako ng lahat ng benepisyong iyon o ng paghanga at inggit ng iba, nakagagawa ako ng tungkulin sa iglesia, nagagawa kong hanapin ang katotohanan, at maging isang matapat na tao. Nakakaramdam ako ng labis na kasiyahan at kaligayahan. Tunay na ito ang pinakamakahulugan at mahalagang uri ng buhay. Gaya ng sinasabi sa isang himno ng mga salita ng Diyos na pinamagatang “Ang Pinakamakabuluhang Buhay”: “Isa kang nilalang—mangyari pa ay dapat mong sambahin ang Diyos at mamuhay nang makahulugan. Dahil isa kang tao, dapat mong gugulin ang sarili mo para sa Diyos at tiisin ang lahat ng pagdurusa! Dapat mong tanggapin nang masaya at may katiyakan ang kaunting pagdurusang pinagdaraanan mo ngayon at mamuhay ka nang makahulugan, kagaya nina Job at Pedro. Kayo ay mga taong patuloy na naghahanap sa tamang landas, yaong mga naghahangad ng paglago. Kayo ay mga taong naninindigan sa bansa ng malaking pulang dragon, yaong mga tinatawag na matuwid ng Diyos. Hindi ba iyon ang pinakamakahulugang buhay?(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Pagsasagawa 2). Ang Makapangyarihang Diyos ang Siyang nagligtas sa akin, tinutulutan akong makatakas sa mga pagwasak ni Satanas at makamit ang kaligtasan ng Diyos.

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

Ang Tamang Desisyon

Ni Shunyi, TsinaIpinanganak ako sa isang liblib na nayon sa bundok, sa isang pamilya ng ilang henerasyon na mga magsasaka. Noong nag-aaral...