Nakagapos

Marso 28, 2022

Ni Li Mo, Tsina

Noong 2004, tinanggap ko ang gawain ng Makapangyarihang Diyos sa mga huling araw, at hindi nagtagal, isinumbong ako dahil sa pagpapalaganap ng ebanghelyo. Noong araw na iyon, nagtatrabaho ako sa ospital, at sinabi sa akin ng kasamahan ko na hinahanap ako ng direktor ng ospital. Pumunta ako sa opisina ng direktor at may nakita akong dalawang matangkad na unipormadong pulis na nakatayo roon. Sinabi nila sa akin, “May nagsumbong na nananalig ka sa Kidlat ng Silanganan at naglilibot sa pagpapangaral ng ebanghelyo. Pangunahing puntirya ng pambansang pagsugpo ang Kidlat ng Silanganan, at lahat ng mananampalataya nito ay mga kriminal na politikal na sesentensyahang makulong!” Pinagbantaan din nila ako, sinasabing kapag ipinagpatuloy ko ang pananalig sa Diyos, puwede nila akong ipatanggal sa trabaho ko kahit kailan nila gustuhin, at baka hindi ako sumweldo kahit na pumasok ako sa trabaho. Maging ang trabaho ng asawa ko, at ang pagiging kwalipikado ng anak ko na makapasok sa unibersidad, makasapi sa hukbo o makapunta sa ibang bansa ay maaapektuhan. Sinabi nila na ipapadala ako sa bilangguan kung sakaling mahuli nila akong nangangaral. Nag-alala ako dahil dito, at naisip ko, “Hindi ito ititigil ng pulisya kung hindi ko isusuko ang pananampalataya ko. Kung mawawalan ako ng trabaho at maghihirap ang negosyo ng asawa ko, paano kami makakaraos? Sino ang mag-aalaga sa bata kong anak kung maaaresto ako at mapapadala sa bilangguan? Gaano ako magiging kasuklam-suklam na ina, kung ang kanyang mga inaasam-asam ay kailangang magdusa dahil sa pananampalataya ko.” Habang lalo ko iyong iniisip, mas lalo akong nabalisa. Agad akong tumawag sa Diyos na protektahan ang puso ko. Noong sandaling iyon, naisip ko ang isang sipi ng salita ng Diyos: “Sa sandaling isilang kang umiiyak sa mundong ito, sinisimulan mong gampanan ang iyong tungkulin. Para sa plano ng Diyos at sa Kanyang ordinasyon, ginagampanan mo ang iyong papel at sinisimulan ang iyong paglalakbay sa buhay. Anuman ang iyong pinagmulan, at anumang paglalakbay ang nasa iyong harapan, walang makakaiwas sa mga pangangasiwa at pagsasaayos ng Langit, at walang sinumang may kontrol sa sarili nilang tadhana, dahil Siya lamang na namumuno sa lahat ng bagay ang may kakayahang gawin iyon(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Diyos ang Pinagmulan ng Buhay ng Tao). Pinagnilayan ko ang salita ng Diyos, at saka ko naunawaan: Sa ilalim ng paghahari ng Diyos nagmumula ang kapalaran ng lahat. Nasa mga kamay ng Diyos ang anumang mangyari sa pamilya namin, at wala sa kahit na sinong tao ang pagpapasya rito. Ang Diyos ang Lumikha, at natural at tama na manalig ang mga tao sa Diyos at sumamba sa Diyos. Pero ngayon ay ginagamit ng mga pulis ang mga trabaho namin ng asawa ko at ang kinabukasan ng anak ko, para pagbantaan ako at pilitin ako na talikuran ang tunay na daan at ipagkanulo ang Diyos. Sobrang kasuklam-suklam! Noon din, nagdesisyon ako na anuman ang mangyari sa buhay ko, hindi ako kailanman makikipagkompromiso kay Satanas. Pagkatapos ay iginiit ng mga pulis na isumbong ko ang mga kapatid ko, pero binalewala ko ito, at sa huli ay umalis na sila.

Pagkatapos niyon, madalas silang pumunta sa ospital para itanong kung nananalig pa rin ako sa Diyos at nagpapalaganap ng ebanghelyo. Minsan kailangan kong huminto sa gitna ng isang operasyon, gaano man ito kaapura. Nagsisimula na akong magalit dahil dito. Naisip ko, wala akong ginawang masama, nananalig lang ako sa Diyos at tumatahak sa tamang landas, kaya bakit ako nililigalig ng mga pulis at pinipigilan akong gawin ang trabaho ko nang mapayapa? Ang katunayan na palagian akong nasa ilalim ng pagsisiyasat ay nagdulot ng kaguluhan sa ospital. Nakita ako ng mga kasamahan ko bilang isang mapanganib na tao. May ilang pinag-usapan ako habang nakatalikod ako, at may ilang direktang nagtanong sa akin, “Bakit ka nananalig sa Diyos? Bakit ka iniimbestigahan ng mga pulis? Ang pananampalataya mo sa Diyos ang nagdala sa mga pulis dito sa atin. Seryoso talaga ito.” Nagbago rin ang pakikitungo sa akin ng direktor. Palaging malaki ang respeto niya sa akin dati, pero matapos ang insidenteng iyon, tuwing makikita niya ako, tatanungin niya ako, “Hindi ka naman lumabas para mangaral, hindi ba?” Sinabi niya rin sa akin na panatalihin kong bukas ang telepono ko 24/7, para palagi akong matatawagan. Minsan, sinabi sa akin ng direktor, “Ilang beses nang naparito ang mga pulis dahil sa iyong pananalig sa Diyos. Kailangan mong itigil na ang pananalig. Palagi mong ginagawa nang maayos ang trabaho mo, at lahat ay may mataas na pagtingin sa iyo. Huwag mong hayaang sirain ng pananampalataya ang kinabukasan mo. Hindi ito sulit. Magiging malaking problema rin ito para sa akin, bilang iyong boss, kung maaresto ka o mas malala pa.” Nakaramdam ako ng pagkamiserable at panlulumo sa buong panahong iyon, patuloy na sinusubaybayan ng aking direktor at nakakatanggap ng mapagbantay na tingin mula sa aking mga kasamahan. Nanalangin ako sa Diyos para sa pananampalataya at lakas, at hiniling sa Kanya na tulungan akong maging matatag sa ilalim ng mahihirap na sitwasyong ito. Tapos, nabasa ko ang isang sipi ng salita ng Diyos: “Ang malaking pulang dragon ay inuusig ang Diyos at kaaway ng Diyos, kaya nga, sa lupaing ito, yaong mga naniniwala sa Diyos ay isinasailalim sa panghihiya at pang-aapi…. Dahil ito ay sinimulan sa isang lupain na lumalaban sa Diyos, lahat ng gawain ng Diyos ay nahaharap sa malalaking balakid, at nangangailangan ng mahaba-habang panahon ang pagsasakatuparan sa marami sa Kanyang mga salita; sa gayon, ang mga tao ay pinipino dahil sa mga salita ng Diyos, na bahagi rin ng pagdurusa. Napakahirap para sa Diyos na isakatuparan ang Kanyang gawain sa lupain ng malaking pulang dragon—ngunit sa pamamagitan ng hirap na ito na ginagawa ng Diyos ang isang yugto ng gawain Niya, na nagpapamalas ng Kanyang karunungan at kamangha-manghang mga gawa, at ginagamit ang pagkakataong ito upang gawing ganap ang grupong ito ng mga tao(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Simple ba ang Gawain ng Diyos na Tulad ng Inaakala ng Tao?). Mula sa salita ng Diyos, naunawaan ko ang layunin Niya. Ang Tsina ay pinamumunuan ng Partido Komunista at kung saan ang Diyos ay lubos na nilalabanan. Ang mga taong may pananampalataya, sa China, ay hindi maiiwasang mausig at mapahiya, ngunit ginagamit ng Diyos ang pang-uusig ng Partido Komunista bilang isang paraan ng pagpeperpekto sa ating pananampalataya, at sa gayon ay lumilikha ng isang grupo ng mga mananagumpay. Gayon ang karunungan ng Diyos. Dahil sa pananampalataya ko sa Diyos at sa pagtahak ko sa tamang landas, ako ay sumasailalim sa panliligalig at pagsusubaybay ng mga pulis kasama ng panghihiya at pamumuna mula sa mga kasamahan at kaibigan. At sa likod ng lahat ng ito ay may layon. Hindi na gaanong sumama ang loob ko, sa sandaling naunawaan ko ito. Ipinangako ko sa sarili ko na kahit gaano ako subukang usigin at hadlangan ng Partido Komunista, susundan ko ang Diyos hanggang wakas.

Ang aking asawa ay wala noong panahong iyon dahil sa negosyo, at hindi ko sinabi sa kanya ang tungkol sa imbestigasyon ng pulisya dahil ayaw kong mag-alala siya. Bumalik siya mula sa kanyang byahe noong Enero 2005, at naalarma nang malaman niya ang nangyari. Nang napakahigpit, sinabi niya sa akin na nalaman niya na ang mga mananampalataya sa Makapangyarihang Diyos ay mga pulitikal na kriminal na maaaring arestuhin at ikulong anumang oras, at maaaring bugbugin hanggang halos mamatay sa detensiyon. Sinabi niya na maaapektuhan ang kinabukasan ng aming anak at ang mga trabaho ng aming mga kamag-anak, at hiniling niya sa akin na huminto sa pananalig sa Makapangyarihang Diyos. Naisip ko, “Sa pangalan lang ang paniniwala ng asawa ko sa Panginoon. Wala talaga siyang anumang nauunawaan. Normal lang na mayroong ganitong mga alalahanin. Kaming mga manananampalataya ay labis na inuusig ng Partido Komunista, at tinutugis pa nila ang mga kapamilya namin. Sino ang hindi matatakot?” Naisip ko rin kung paanong malayo siya para sa isang business trip noong buong panahong iyon, na nangangahulugang hindi pa ako nagkakaroon ng pagkakataon para ipatotoo sa kanya ang gawain ng Makapangyarihang Diyos sa mga huling araw. Kailangan namin ang pagkakataong ito para makapag-usap nang maayos, kaya marami akong ibinahagi sa kanya pero hindi man lang siya nakinig. Binalewala niya lang ito, sinasabing maayos ang buhay namin at na dapat tamasahin na lang namin ang biyaya ng Panginoong Jesus at hindi na kailangan pang tanggapin ang gawain ng paghatol. Natatakot siyang madamay ang pamilya namin kung maaaresto ako, kaya nagsimula siyang subuking pigilan ako sa pananalig sa Diyos. Matapos iyon, nagsimula siyang bantayan ako nang mabuti. Kapag hindi ako nakauwi sa tamang oras pagkagaling sa trabaho, tumatawag siya para tanungin kung nasaan ako at hinihimok akong umuwi, at itinigil niya na ang paglabas para makipagkita sa mga kaibigan niya sa gabi, na hindi pangkaraniwan sa kanya. Sa halip, nauupo lang siya sa bahay at binabantayan ako. Kapag oras na para dumalo ako sa pagtitipon, hahanap siya ng ibang mga bagay na ipapagawa niya sa akin. Sinasadya niyang humingi sa akin ng tulong sa mga bagay-bagay. Sa diwa, sinubukan niya ang lahat ng paraan para pigilin ako sa pananalig sa Diyos o pagganap sa aking mga tungkulin. Noong umpisa, ramdam kong talagang napipigilan ako, pero kalaunan, naalala ko ang isang sipi ng salita ng Diyos: “Kailangan mong taglayin ang Aking katapangan sa iyong kalooban at kailangan mong magkaroon ng mga prinsipyo kapag humaharap ka sa mga kamag-anak na hindi naniniwala. Gayunman, para sa Aking kapakanan, hindi ka rin dapat na sumuko sa kahit anong mga puwersa ng kadiliman. Manalig ka sa Aking karunungan upang makalakad sa perpektong daan; huwag hayaan ang mga pakikipagsabwatan ni Satanas na makapangyari(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pagbigkas ni Cristo sa Pasimula, Kabanata 10). Habang pinagninilayan ko ang salita ng Diyos, naunawaan ko na kung pagmamasdan ay sinusubukan ng aking asawa na hadlangan ang aking pananalig sa Diyos, ngunit sa likod nito ay minamanipula at ginugulo ni Satanas ang mga bagay-bagay, gumagamit ng mga panlilinlang upang ipagkanulo at itanggi ko ang Diyos. Hindi ako maaaring sumuko kay Satanas. Nang maglaon, nakahanap ako ng mga dahilan para maiwasan ang pagmamanman ng asawa ko, at pumunta ako sa mga pagtitipon at ginawa ang aking mga tungkulin nang palihim. Naghahanap din ako ng mga pagkakataong makausap ang asawa ko, umaasa na hindi siya matatakot sa pang-uusig ng Partido Komunista at sisikaping suriin ang gawain ng Makapangyarihang Diyos. Ngunit palaging nagdadahilan ang asawa ko, sinasabing mananalig siya kapag nagsimulang manalig ang mga pari at madre. Hiniling niya rin sa akin na huwag pumunta sa mga pagtitipon o magpalaganap ng ebanghelyo, para hindi maaresto at madala sa kulungan. Nakita kong hindi man lang interesado ang asawa ko sa katotohanan o sa pagtanggap sa pagdating ng Panginoon, kaya itinigil ko ang pakikipag-usap sa kanya tungkol dito. Naisip ko, “Anuman ang mangyari, kailangan kong manalig sa Diyos at tuparin ang tungkulin ko. Hindi ako puwedeng magpapigil sa kanya.”

Pagkatapos ang Pista ng Tagsibol sa taong iyon, nanatili sa bahay ang asawa ko upang bantayan ako sa halip na magbyahe para sa negosyo. Isang araw, lumuhod siya nang umiiyak at nakiusap sa akin, “Palagi kang lumalabas para sa mga pagtitipon at para mangaral ng ebanghelyo. Paano tayo mabubuhay sa hinaharap kung maaresto ka at mabilanggo? Ano ang mangyayari sa pamilyang ito, anong mangyayari sa anak natin? Kailangan mong isipin ang pamilya natin, at ang kinabukasan ng anak natin.” Ang totoo, sa lahat ng taon ng pagsasama namin ay hindi ko pa kailanman nakita ang asawa ko na umiyak. Sobrang sama sa pakiramdam na makita siyang nakaluhod nang ganito, at nagsimula rin akong umiyak. Para aluin siya, sinabi kong, “Nasa mga kamay ng Diyos ang lahat. Kung maaaresto man ako, at ano ang mangyayari sa anak natin sa hinaharap—lahat ito ay inorden ng Diyos. Ang atin ay umasa sa Diyos at mamuhay sa karanasan. Hindi natin kailangang alalahin ang mga bagay na ito.” Umiling ang asawa ko nang may luha sa kanyang mga mata at sinabing, “Kilala ka na ng mga pulis. Maaaresto ka sa malao’t madali kung patuloy kang mananalig nang ganito, at pagkatapos ay masisira ang lahat.” Labis akong nalungkot nang makita ko ang asawa ko sa ganoong pagdurusa. Kagagawan ang lahat ng ito ng Partido Komunista! Nananalig kami sa Diyos at ipinapalaganap ang ebanghelyo para matanggap ng mga tao ang pagliligtas ng Diyos ng mga huling araw at makaligtas sa sakuna. Pagliligtas ito sa mga tao, at wala nang mas tama pa roon, pero desperadong sinusubok na hadlangan at guluhin tayo ng Partido Komunista. Sila ay walang iba kundi mga Satanas at demonyo na lumalaban sa Diyos! Sinasabi ng mga salita ng Diyos: “Mga ninuno ng sinauna? Minamahal na mga lider? Tinututulan nilang lahat ang Diyos! Iniwan ng kanilang panghihimasok ang lahat sa silong ng langit sa isang kalagayan ng kadiliman at ganap na kaguluhan! Kalayaang pangrelihiyon? Lehitimong mga karapatan at mga interes ng mga mamamayan? Ang mga iyon ay mga panlalansing lahat para pagtakpan ang kasalanan! … Bakit naglalagay ng isang di-mapapasok na balakid sa gawain ng Diyos? Bakit gumagamit ng iba’t ibang pandaraya upang linlangin ang mga tao ng Diyos? Nasaan ang tunay na kalayaan at lehitimong mga karapatan at mga interes? Nasaan ang katarungan? Nasaan ang kaaliwan? Nasaan ang init? Bakit gumagamit ng madayang mga pakana upang linlangin ang mga tao ng Diyos?(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Gawain at Pagpasok 8). Sa tingin, ang Partido Komunista ay nagtataguyod ng kalayaan sa relihiyon, ngunit ang totoo ay pinipigilan at inaaresto nila ang mga mananampalataya, at ginagamit nila ang mga trabaho at pamilya ng mga tao para pilitin silang tanggihan at ipagkanulo ang Diyos. Talagang kasuklam-suklam! Kung hindi dahil sa pang-uusig ng Partido Komunista, hindi sana kami magkakaganito ng asawa ko, at hindi sana matatakot nang sobra ang asawa ko. Saanman umaabot ang maitim na kamay ng Partido Komunista, nagdadala ito ng sakuna. Natakot ang asawa ko, at gustong protektahan ang trabaho niya at ang pamilya namin, at sa kadahilanang iyon ay nakikiayon siya sa Partido Komunista sa pagtulak sa akin na talikuran ang pananampalataya ko. Pero hindi ko gagawin ang sinabi niya. Kailangan kong patibayin ang aking pananampalataya at pumanig sa Diyos.

Matapos iyon, nagbasa ang asawa ko online ng napakaraming paninira ng Partido Komunista laban sa Ang Iglesia ng Makapangyarihang Diyos, at nanatili lang siya sa bahay at binabantayan ako. Nagtanung-tanong din siya para malaman kung kanino ako nakipag-ugnayan dulot ng pananampalataya ko at sino ang tinawagan ko. Pumunta pa nga siya sa telecom company para ipa-print ang anim na buwan kong call log, at pagkatapos ay tinanong niya sa akin isa-isa ang tungkol sa mga numero. Para masubaybayan ako, araw-araw niya akong hinahatid-sundo sa trabaho. Sinundan niya ako saanman ako magpunta at hindi niya ako hinayaang lumabas ng bahay nang mag-isa. Wala man lang akong kalayaan—para akong nakagapos. Hindi ko maipamuhay ang buhay-iglesia at hindi ko magampanan ang tungkulin ko, na talagang nagpasama ng loob ko, kaya sinamantala ko ang kaluwagan ng asawa ko para tumakas at ipangaral ang ebanghelyo. Minsan, galit niyang sinabi, “Kung lumalabas ka pa rin at nangangaral, kahit na palagi kitang binabantayan, wala na talaga akong magagawa. Ang Partido Komunista ang namumuno ngayon, at hindi ka nito papayagan na sundin ang iyong pananampalataya. Kung magpapatuloy ka nang ganito, sa malao’t madali ay maaaresto ka at masisira ang pamilya. Kaya magdiborsyo na tayo. Kapag nagdiborsyo na tayo, maaari mo nang paniwalaan ang gusto mo, nang walang magiging epekto sa ating anak o kaninuman.” Hindi ako makapaniwala nang marinig kong gusto niya ng diborsyo. Ang ginagawa ko lang ay ang manampalataya sa Diyos. Paano ito humantong sa ganito? Wala bang halaga ang lahat ng taon na pinagsamahan namin? Lubhang nakakabalisa ang isipin na sinisira ng Partido Komunista ang maayos kong pamilya. Ito ang bagay na hindi ko magawang tanggapin. Nanalangin ako sa Diyos, “Diyos ko, bigyan Mo po ako ng pananalig at lakas, para makapanindigan ako nang matatag sa mahihirap na sitwasyong ito.” Matapos manalangin, naalala ko ang siping ito ng salita ng Diyos: “Sa yugtong ito ng gawain ay hinihingi sa atin ang lubusang pananampalataya at pag-ibig. Maaari tayong matisod mula sa pinakamaliit na kapabayaan, dahil ang yugtong ito ng gawain ay iba mula sa lahat ng mga nakaraan: Ang pineperpekto ng Diyos ay ang pananampalataya ng mga tao, na kapwa di-nakikita at di-nahahawakan. Ang ginagawa ng Diyos ay na maging pananampalataya, pag-ibig, at buhay ang mga salita. Dapat makarating ang mga tao sa isang punto kung saan sila ay nakapagtiis na ng daan-daang pagpipino at nagtataglay ng pananampalatayang mas dakila kaysa sa pananampalataya ni Job. Dapat silang magtiis ng di-kapani-paniwalang pagdurusa at ng lahat ng uri ng pagpapahirap nang hindi humihiwalay sa Diyos magpakailanman. Kapag sila ay mapagpasakop hanggang sa kamatayan, at may dakilang pananampalataya sa Diyos, sa gayon ang yugtong ito ng gawain ng Diyos ay kumpleto na(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Landas … 8). Pinagnilayan ko ang salita ng Diyos, at naunawaan ko na sa gawain Niya sa mga huling araw, ginagamit ng Diyos ang Kanyang mga salita at iba’t ibang mga pagsubok at mga pagpipino para gawing perpekto ang pananalig at pagmamahal ng mga tao. Naisip ko ang mga panunukso ni Satanas kay Job. Nawalan siya ng mga anak at kayamanan sa isang iglap, at nabalot ng matitinding pigsa. Sa gitna ng gayong malalaking pagsubok, hindi kailanman nagreklamo si Job, kundi patuloy na pinagpurihan ang pangalan ng Diyos. Sa kabila ng lahat ng kanyang pagsubok, nanindigan siya sa kanyang pagpapatotoo para sa Diyos. Tapos naisip ko ang sarili ko. Nasisira ang pamilya ko dahil sa pang-uusig ng Partido Komunista, at nagrereklamo na ako. Nakita ko na maliit talaga ang tayog ko, at wala man lang patotoo. Talagang nakaramdam ako ng pagsisisi, kaya nanalangin ako sa Diyos, nangangako na kahit idiborsyo ako ng asawa ko, hindi ko tatalikdan ang katotohanan para sa kapakanan ng laman at pamilya.

Matapos ang ilang araw, hindi inaasahang humingi ng tawad sa akin ang asawa ko at sinabing nagkamali siya. Sinabi niyang hindi niya na dapat binanggit ang diborsyo, at nagawa niya lang ito dahil sa marahas na panggigipit ng Partido Komunista. Maya-maya pa, bigla niyang sinabi sa akin, “Kung hindi kita mahihimok, sasamahan kita sa pananalig sa Makapangyarihang Diyos.” Sobra akong nagulat sa biglaang pagbabago niya ng isip pero naramdaman kong siguradong pinag-isipan niya ito, kaya sabay kaming dalawa na nagbasa ng salita ng Diyos sa bahay. Matapos ang isang linggo, hiniling niyang dalhin ko siya sa isang pagtitipon. Naisip kong medyo kakaiba ang kinikilos niya, kaya hindi ako pumayag. Nagulat ako nang humarap siya sa akin at sinabing, “Kung hindi mo ako dadalhin sa pagtitipon, hindi na ako maniniwala.” Sinabi niya rin na ginawa niya ito para himukin ako na magbago ng isip. Doon ko lang napagtanto na nagpapanggap lang ang asawa ko na naniniwala sa Makapangyarihang Diyos, at ang layunin niya ay ang mahanap kung saan namin ginaganap ang mga pagtitipon para masubaybayan at makontrol niya ako. Hindi ko inaasahan na gagawa siya ng anumang bagay na katawa-tawa. Simula noon, hindi na naging maganda ang relasyon namin. Isang araw, nagbabasa ako ng salita ng Diyos sa bahay, nang kinabog ng asawa ko ang pinto, sumisigaw, “Hindi tayo maaaring magpatuloy nang ganito.” Pagbukas ko ng pinto ay pumasok siya na parang baliw at sinakal ako sa leeg, sumisigaw, “Bakit kailangan mong maniwala sa Makapangyarihang Diyos? Talaga bang mas mahalaga Siya sa iyo kaysa sa pamilya at anak?” Napakahigpit ng pagkakasakal niya na ang sakit na at hindi ako makahinga, kaya desperado akong tumawag sa Diyos na iligtas ako. Nagpumiglas ako, at bumitiw siya. Labis na sumama ang loob ko sa nangyari, at labis akong nalungkot. Kalaunan, nabasa ko ang isang sipi ng salita ng Diyos: “Bakit minamahal ng isang lalaki ang kanyang asawa? Bakit minamahal ng isang babae ang kanyang asawa? Bakit masunurin ang mga anak sa kanilang mga magulang? Bakit mahal na mahal ng mga magulang ang kanilang mga anak? Anong uring mga layon ang tunay na kinikimkim ng mga tao? Ang layon ba nila ay hindi upang matugunan ang sarili nilang mga plano at mga makasariling pagnanasa?(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Papasok sa Pahinga ang Diyos at ang Tao Nang Magkasama). Habang pinagninilayan ko ang salita ng Diyos, tinanong ko ang sarili ko kung talaga bang minahal ako ng asawa ko. Binalikan ko ang lahat ng mga taon ng pagsasama namin. Ang asawa ko ang pinakanakakaalam sa mga isinakripisyo ko para sa pamilya namin, at alam niyang naniniwala na ako sa Panginoon simula pagkabata ko at inaasam ko ang pagdating ng Panginoon. Pero nang salubungin ko ang Panginoon, hindi niya ako sinuportahan. Sa katunayan, pumanig siya sa Partido Komunista laban sa akin, nagbanta ng pakikipagdiborsyo at sinubukan pa nga akong sakalin. Lahat ng ito ay para protektahan ang sarili niyang mga interes. Wala ni katiting na paggalang na dapat sana ay nagbibigkis sa mag-asawa. Papaano ito matatawag na pagmamahal? Naisip ko rin kung papaanong, bagaman nananalig ang asawa ko sa Panginoong Jesus, nananalig lang siya para makapagtamo ng biyaya. Hindi man lang niya inasam ang pagparito ng Panginoon. Gayon na lamang ang kanyang takot na maaresto ng Partido Komunista, at sa rehimen ni Satanas, na hindi niya tinanggap ang gawain ng Diyos sa mga huling araw nang dumating ang Diyos upang ipahayag ang katotohanan at gawin ang gawain ng pagliligtas. At nakisabay siya sa Partido Komunista sa pagsisikap na pilitin akong ilayo sa aking pananampalataya. Nakita kong hindi talaga isang tunay na mananampalataya ng Diyos ang asawa ko. Isa siyang hindi mananampalataya. Sabi ng mga salita ng Diyos: “Hindi magkatugma ang mga mananampalataya at ang mga walang pananampalataya; bagkus ay magkasalungat sila sa isa’t isa(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Papasok sa Pahinga ang Diyos at ang Tao Nang Magkasama). Hindi kami nasa iisang landas ng asawa ko, kaya hindi ko siya puwedeng hayaan na pigilin ako. Kasunod niyon, maraming beses akong pinagbantaan ng asawa ko na ididiborsyo nang makita niyang hindi ko tatalikdan ang pananampalataya ko. Hindi ko makayanan ang isipin na mawawalan talaga ako ng pamilya, kaya araw-araw akong nanalangin sa Diyos, hinihiling sa Kanya na gabayan ako.

Isang araw, nakakita ako ng isang sipi ng salita ng Diyos: “Bilang isang normal na tao, na naghahangad na mahalin ang Diyos, ang pagpasok sa kaharian upang maging isa sa mga tao ng Diyos ang inyong tunay na hinaharap, at isang buhay na siyang pinakamahalaga at pinakamakabuluhan; walang sinuman ang higit na pinagpala kaysa sa inyo. Bakit Ko sinasabi ito? Sapagkat yaong mga hindi naniniwala sa Diyos ay nabubuhay para sa laman, at sila ay nabubuhay para kay Satanas, ngunit sa kasalukuyan kayo ay nabubuhay para sa Diyos, at nabubuhay upang sumunod sa kalooban ng Diyos. Kaya sinasabi Ko na ang inyong mga buhay ang pinakamakabuluhan. Ang grupo lamang ng mga taong ito, na pinili ng Diyos, ang magagawang isabuhay ang isang buhay na pinakamakabuluhan: Walang sino pa man sa lupa ang magagawang isabuhay ang isang buhay na may gayong halaga at kahulugan(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Alamin ang Pinakabagong Gawain ng Diyos at Sumunod sa Kanyang mga Yapak). Akala ko dati na ang pagkakaroon ng isang masayang pamilya, na ang pagkakaroon ng magandang relasyon sa asawa ko at pagkakatupad sa mga materyal kong pangangailangan, ang depinisyon ng kaligayahan, at na makahulugan ang pamumuhay sa ganitong paraan. Pero ngayon, malinaw kong nakita na marupok ang pagmamahalan ng mag-asawa. Gaya ng sinasabi nila: Ang mag-asawa ay mga ibong nagmamahalan hanggang sa pilitin sila ng paghihirap na lumipad nang kanya-kanya. Dati, noong ako ay nagsumikap para sa pamilya at asawa ko, lubos siyang nagmalasakit sa akin, ngunit ngayon na ako ay may pananampalataya na, nadama niya na ang pang-uusig ng Partido Komunista sa mga mananampalataya ay isang banta sa kanyang sariling mga interes, kaya bumaling siya sa pang-uusig sa akin at panggigiit ng diborsyo. Sa makatuwid, ang aming “pag-ibig,” bilang mag-asawa, ay dalawang tao lamang na ginagamit ang isa’t isa. Nasaan ang kaligayahan sa gayong buhay? Naisip ko kung paano niya ako sinusubaybayan nitong mga nakaraang buwan, at pinagbawalan akong pumunta sa mga pagtitipon at gumawa ng mga tungkulin ko. Hindi ko magawang makipagkita sa mga kapatid ko para makipagbahaginan ng katotohanan, hindi payapa ang puso ko habang binabasa ko sa bahay ang salita ng Diyos, at kinailangan kong mag-isip ng mga paraan para manipulahin ang asawa ko kapag lumalabas ako para ipangaral ang ebanghelyo. Wala akong anumang kalayaan ng pananampalataya, na para bang nakagapos sa isang hindi nakikitang lubid na pinipiga ang buhay mula sa akin. Kung nagpatuloy ito, magdurusa ang buhay ko, at mawawalan din ako ng pagkakataong makamit ang katotohanan at matanggap ang pagliligtas. Hindi sulit ito. Dito ko napagtanto, nang mas malinaw, na ang buhay-pamilya na may kasamang pagmamahalan ng mag-asawa ay hindi ang tunay na kaligayahan. Makakapamuhay lang ako ng isang makabuluhang buhay sa pamamagitan ng paghahanap ng katotohanan at paggawa ng mga tungkulin ng isang nilalang. Naalala ko rin ang mga salita ng Panginoong Jesus: “Ang umiibig sa ama o sa ina nang higit kaysa sa Akin ay hindi karapat-dapat sa Akin; at ang umiibig sa anak na lalaki o anak na babae nang higit kaysa sa Akin ay hindi karapat-dapat sa Akin. At ang hindi nagpapasan ng kanyang krus at sumusunod sa Akin, ay hindi karapat-dapat sa Akin(Mateo 10:37–38). Naisip ko ang mga banal sa lahat ng kapanahunan, at paanong, para magawa ang atas ng Diyos, tinalikdan nila ang kanilang mga tahanan at kabuhayan at tumawid ng mga karagatan para ipangaral ang ebanghelyo at magpatotoo sa Diyos, nagtiis ng paghihirap, at ibinigay pa ang kanilang mga buhay. Nakamit ng kanilang patotoo ang pagsang-ayon ng Diyos. At ngayon ang Diyos ay nagiging mapagbiyaya sa akin, dinadala ako sa harapan Niya upang tumanggap ng kaligtasan ng mga huling araw. Bibihira ang pagkakataong ito. Kung hindi ko magagampanan nang maayos ang mga tungkulin ko dahil sa mga paghihigpit ng asawa ko, magiging isang hamak na walang puso ako, hindi karapat-dapat sa harap ng Diyos! Nang mapagtanto iyon, nanumpa ako na gagawin ko ang tulad sa mga banal noong unang panahon, tatalikuran ang lahat, susunod sa Diyos, at gagawin ang mga tungkulin ng isang nilikha. Ganito ako mamumuhay nang may kabuluhan.

Isang gabi umuwi ako mula sa isang pagtitipon at natigilan ako nang buksan ko ang pinto. Puno ng tao ang bahay. Andoon ang mga kasamahan ko, kasama ang mga kaibigan at kamag-anak ng asawa ko, at sa sandaling nakita nila ako, sabay-sabay silang nagsalita lahat, sinusubukan akong hikayatin na talikuran ang pananampalataya ko. Sinabi ng ilan na nakita nila sa balita na maraming mananampalataya sa Makapangyarihang Diyos ang kamakailan ay inaresto ng Partido Komunista, at ang ilan ay nasentensiyahan ng hindi bababa sa 10 taon. Sinabi ng iba nahindi lamang ito usapin ng pagkaaresto at pagkabilanggo; maraming mananampalataya ng Makapangyarihang Diyos ang napilayan o napatay sa kustodiya, at ang kanilang mga pamilya ay nadamay rin dito. Inulit din ng ilan ang mapanirang-puring maling paniniwala at sabi-sabi ng Partido Komunista tungkol sa iglesia, na sinasabing inaabandona ng mga mananampalataya ng Diyos ang kanilang mga pamilya. Galit na galit ako nang marinig ang lahat ng ito. “Kung hindi dahil sa pang-uusig ng Partido Komunista,” naisip ko, “hindi ako sasalungatin at aatakihin nang ganito ng pamilya at mga kaibigan ko. Binabaluktot ng Partido Komunista ang mga katunayan at nagpapakalat ng mga sabi-sabi para ang mga taong hindi nakakaalam ng katotohanan ay sumama sa paglaban sa Diyos. Kasama nito sila ay kinokondena ng Diyos, at kasama nito sila ay mawawasak sa huli. Ito ay ganap na kasamaan!” Pinabulaanan ko ang sinabi nila, sinabi ko sa kanila, “Huwag kayong magsalita nang walang kapararakan kung hindi ninyo naiintindihan kung ano ang pagkakaroon ng pananampalataya. Bakit ako nagpupumilit na manalig sa Diyos sa kabila ng mga panganib na ito? Ito ay dahil pumarito na ang Tagapagligtas at nagpahayag ng maraming katotohanan, upang iligtas ang sangkatauhan mula sa impluwensya ni Satanas at palayain tayo mula sa kapahamakan. Ito ay isang bibihirang pagkakataon! Ngunit hindi pinahihintulutan ng Partido Komunista ang pananampalataya sa Diyos. Galit na galit nitong inaapi at inuusig ang mga taong nananalig sa Diyos, dinadakip at ikinukulong ang napakarami sa kanila. Kaya napakaraming tao ang hindi makauwi, napakaraming nabaldado at pinatay sa bugbog, at napakaraming Kristiyanong pamilya ang nasira. Hindi ba kagagawan ng Partido Komunista ang lahat ng iyon? Walang duda na ang Partido Komunista ang umuusig sa mga taong may pananampalataya at sumisira sa mga pamilyang Kristiyano, pero binabaligtad nila ang mga bagay-bagay at sinasabing tinatalikuran ng mga mananampalataya sa Diyos ang mga pamilya nila. Hindi ba pagbabaliktad iyon sa katotohanan? Hindi kayo namumuhi sa CCP, pero gusto niyong pigilan ako mula sa pananampalataya sa Diyos. Hindi niyo ba mapag-iba ang tama sa mali? Sarili kong desisyon ang landas ng pananampalataya. Kahit makulong ako, determinado ako na sumunod sa Makapangyarihang Diyos.” Nakita nilang hindi nila ako mahihimok, at sa huli ay umalis din silang lahat. Mahigpit na sinabi ng asawa ko, “Mukhang walang makakapagpabago sa isip mo, kaya magdiborsyo na tayo. Nananalig ka sa Makapangyarihang Diyos, na nangangahulugang aatakihin at aarestuhin ka ng estado. Kapag nangyari iyon, mawawala sayo ang trabaho mo, ang pamilya natin, baka pati na ang buhay mo. Pero kami, gusto naming manatiling buhay, kaya pagdidiborsiyo ang tanging paraan. Nilalagay ng Partido Komunista ang mga tao sa mahihirap na sitwasyon.” Nasaktan ang puso ko rito, pero sigurado ako na dumating na ang panahon para mamili. Pinili kong manalig sa at sumunod sa Diyos, at hangarin ang katotohanan at buhay, habang pinili ng asawa kong sumunod sa Partido Komunista, para sa trabaho at kinabukasan niya. Kaya kinailangan naming maghiwalay. Noong oras na iyon, nanalangin ako sa Diyos, “Diyos ko, anuman ang mangyari, susundin Kita hanggang sa katapusan.” Noong sumunod na umaga, pumunta kami ng asawa ko sa Civil Affairs Bureau para asikasuhin ang pagdidiborsyo, na tumatapos sa labindalawang taon ng buhay may asawa. Simula noon, nagagawa ko nang pumunta sa mga pagtitipon at gumanap sa mga tungkulin ko nang normal, at labis akong napayapa. Sa tingin ko, ang tanging paraan upang makapamuhay nang makabuluhan ay ang gumanap sa mga tungkulin ng isang nilikha.

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

Kung Bakit Napakayabang Ko Noon

Ni Joanne, Timog KoreaIsang araw, binanggit sa akin ng dalawang lider ng iglesia ang isang isyu. Sinabi nila na si Isabella, na siyang...