Huwag Hayaang Pangunahan Ka ng Inggit

Agosto 3, 2022

Ni Li Fang, Tsina

Naglingkod ako bilang isang lider ng iglesia noong tag-init ng 2017. Para tugunan ang mga pangangailangan sa gawain, isinaayos ng nakatataas na lider na kasama kong gumawa sina Sister Yang at Sister Wang, at sinabihan niya ako na tulungan ko sila. Pagkalipas ng ilang panahon, nakita kong ang dalawang sister na ito ay may pasanin sa kanilang tungkulin at nakagawa ng mabilis na pag-usad. Hindi ko na kailangang mag-alala tungkol sa ilang bagay—kaya nang talakayin at pangasiwaan ng dalawang sister na ‘yon ang mga ito. Nung una, talagang masaya ako tungkol dito, pero kalaunan, ‘di ko na ito nagugustuhan. Ako ang lider, kaya ang mga bagay tungkol sa iglesia, malaki man o maliit, ay dapat talagang talakayin muna sa akin. Pero ngayon, gumawa sila ng ilang pagsasaayos nang hindi ako kinakausap. Hindi na nila ako sineseryoso! Kapag nagpatuloy ‘yon, magiging isang lider na lang ako sa pangalan.

Sa isang pagtitipon, binanggit ng isang superbisor ang dalawang sister na kasama kong gumagawa. Sabi niya, “Talagang nagdadala sila ng pasanin sa kanilang tungkulin. Dati, palagi tayong kulang sa mga tagapagdilig, pero simula nung dumating sila, mabilis na nagawa ang mga pag-aakma at medyo epektibo ang grupo.” Nagpasalamat ako sa Diyos sa salita, pero sa puso ko, hindi ako masyadong nasiyahan. Nararamdaman kong nag-iinit ang mukha ko. Mukhang mas naiisip talaga sila ng iba kaysa sa akin. Ilang taon na akong lider, samantalang ilang araw pa lang sila sa tungkulin. Mas magaling ba sila kaysa sa akin? Ayokong tanggapin ito. Wala na akong narinig na anumang sinabi ng superbisor pagkatapos nun. Nanlulumo akong umuwi pagkatapos ng pagtitipon. Nung gabing iyon, humiga ako sa kama, pabiling-biling, hindi makatulog. Talagang sumasama ang loob ko sa tuwing naiisip ko ang sinabi ng superbisor. Matapos maging lider sa loob ng ilang taon, hindi ko pa rin napantayan ang mga sister na iyon na kakasimula pa lang na magsanay. Ano na lang ang iisipin ng nakatataas na lider kapag nalaman niya ito? Sasabihin kaya niyang wala akong kakayahan at hindi akma bilang isang lider? Tinitingala ako ng iba dati, pero ngayon, iniisip ng lahat na mas magaling ang dalawang sister na ‘yon. Pagkatapos nun, susuportahan ba nila ang dalawang ‘yon sa halip na ako? Pakiramdam ko, inagawan ako ng atensyon nina Sister Yang at Sister Wang, at napuno ako ng inggit at sama ng loob sa kanila. Gulong-gulo ang isip ko nung panahong iyon, at natatakot ako na hindi ligtas ang posisyon ko. Tahimik kong hinimok ang sarili ko na kailangan kong galingan sa gawain at magsumikap na gawin nang maayos ang lahat ng aming proyekto para makita ng lahat na hindi naman talaga ako pangalawa sa kanila. Pagkatapos nun, gumigising ako nang maaga at nagpupuyat araw-araw. Nangunguna ako sa kahit anong mahalagang gawain at mabilis na nilulutas ang anumang problemang dumarating, takot na baka mauna ang aking mga sister. Minsan, umaasa pa nga akong magkakamali sila at mapapahiya. Isang araw, habang sinusuri ang mga libro ng iglesia, nakakita kami ng mga hindi pagkakapare-pareho sa bilang ng mga ipinadala at natanggap. Sila ang nangangasiwa sa pamamahagi at pagtanggap ng mga libro, at nang makitang sobra silang nababalisa sa paghahanap ng dahilan, hindi lang sa hindi ko sila tinutulungan, kundi nagsasaya pa ako sa kanilang kasawian, iniisip na, “Akala ko ba napakagaling n’yo—ano nang gagawin n’yo ngayon?” Sa tonong nangangaral, sinabi kong, “Malaking bagay ang problema sa mga libro ng iglesia.” Talagang nakaka-stress para sa kanila na marinig ang bagay na ito at nagkaroon ito ng epekto sa kanilang mga kalagayan. Palihim akong nasisiyahan, “Tingnan natin kung iisipin ng lider na mas magaling sila matapos nilang makagawa ng gano’ng kalaking pagkakamali! Kung mananatili sila sa isang negatibong kalagayan, hindi ko na kakailanganing mag-alala tungkol sa anumang banta sa aking posisyon.” Nung panahong iyon, medyo nakonsensya ako at napagtanto ko na sumosobra na ako, pero hindi ko talaga ito pinagnilayan.

Kalaunan, binago ang tungkulin ni Sister Wang sa ilang kadahilanan, kaya kami na lang ni Sister Yang ang magkasamang gumagawa. Isang araw sa isang talakayan tungkol sa gawain, napansin ko na palaging hinihingi ng nakatataas na lider ang opinyon ni Sister Yang habang nakaupo lang ako sa isang tabi, parang hindi pinapansin. Hindi ko maiwasang magkaroon ng palagay na baka iniisip ng lider na mas bata siya at mas may kakayahan, kaya gusto niya siyang sanayin. Para akong nadurog sa isiping iyon. Dati-rati, palaging tinatalakay ng lider ang mga bagay-bagay sa akin, pero ngayon, pinapahalagahan na niya si Sister Yang. Hindi ba’t nagmukha siyang mas magaling kaysa sa akin dahil do’n? Lumitaw na naman ang inggit ko. Nung panahong iyon, pinapagalitan ko siya sa tuwing may napapansin akong mga mali sa kanyang gawain at minsan, ‘di ko na lang siya kinikibo. At sa bawat pagtitipon, ipinipilit ko na ako ang mamuno para malutas ko ang mga problema ng lahat, hindi ko siya binibigyan ng pagkakataon na magbahagi. Lumala nang lumala ang kalagayan niya at wala na siyang pasanin para sa gawain ng iglesia. May ilang bagay na hindi naasikaso sa tamang oras na nakapinsala sa gawain ng iglesia. Nung panahong iyon, medyo nakonsensya ako. Pakiramdam ko, malaki ang kinalaman ko sa negatibo niyang kalagayan, pero hindi ko pinagnilayan ang sarili ko. Wala akong anumang pagkaunawa sa sarili kong kalagayan hanggang sa dumating ang disiplina ng Diyos sa akin.

Isang araw, bigla na lang sumama ang pakiramdam ko at nilagnat ako, pagkatapos ay inubo. Akala ko, umaatake na naman ang hika ko, pero binalaan ako ng isang sister, “Nitong nakaraan, napansin ko na ikaw lang ang nagbabahagi sa mga pagtitipon. Walang masabing kahit isang salita si Sister Yang. Talagang dapat mong pagnilayan ang iyong sarili. Ang magpatuloy nang ganito ay mapanganib!” Hindi ko lang ito ayaw tanggapin, kundi ginawa ko pa ang lahat para ipagtanggol ang sarili ko: “Hindi mo siya kilala, hindi siya magaling magsalita. Minsan, katahimikan lang ang mayroon sa pagtitipon kapag hindi ako nagbabahagi.” Wala na siyang sinabi pa. Mayamaya, lumala nang lumala ang ubo ko at walang nakakatulong na gamot. Kahit gaano ko pa man kagusto, hindi ako makapagbahagi sa mga pagtitipon. Pumunta ako sa doktor para patingnan ito. Sinabi ng doktor na may malala akong bronchiectasis at tuberkulosis, at sinabi niyang malulubhang sakit ang mga iyon, na inaabot ng isang taon na gamutan para makontrol ito. Nung marinig ko ‘yon, napaupo na lang ako sa gulat, talagang miserableng-miserable. Nagkaroon na ako ng tuberkulosis dati at talagang mahirap itong gamutin. Hindi ko alam kung paano ako nagkaroon ulit nito, at napakalala pa. Dahil nakakahawa ang tuberkulosis, hindi ako pwedeng magkaroon ng ugnayan sa mga kapatid. Nangangahulugan iyon na hindi ko magagawa ang tungkulin ko. Gumagawa ako ng tungkulin sa buong panahon ko ng pananampalataya, at iniwan ko pa nga ang pamilya at trabaho ko para gugulin ang aking sarili. Lalo na’t nung panahong iyon, talagang maraming gawain at ako ang namumuno sa lahat ng ito. Bakit ako nagkaroon ng gano’ng kalalang sakit? Ano ang kalooban ng Diyos? Lalong sumasama ang pakiramdam ko habang lalo ko itong iniisip, at laging nagtatago sa ilalim ng aking kumot para umiyak. Minsan, umiiyak akong nagdasal sa Diyos, “Diyos ko! Sobrang sakit ng nararamdaman ko. Hindi ko alam kung paano malalagpasan ito. Pakiusap, bigyan Mo ako ng kaliwanagan para maunawaan ko ang Iyong kalooban, para matuto ako ng aral sa sakit na ito.”

Isang araw, nabasa ko ang mga salitang ito ng Diyos sa aking mga debosyonal. Sabi ng Diyos, “Kadalasan, kapag naghihirap ka sa malalang sakit o ilang kakaibang karamdaman, at nagdudulot ito ng matinding pasakit sa iyo, ang mga bagay na ito ay hindi aksidenteng nangyayari; ikaw man ay may sakit o malusog, ang kalooban ng Diyos ang nasa likod ng lahat ng ito(“Sa Pananampalataya sa Diyos, Pinakamahalaga ang Pagkakamit ng Katotohanan” sa Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw). Habang pinagninilayan ito, napagtanto ko na hindi basta-basta lang ang pagpayag ng Diyos na malubha akong magkasakit, kundi tiyak na naglalaman ito ng kalooban ng Diyos. Kailangan kong lubos na pagnilayan ang sarili ko. Nagdasal ako at paulit-ulit na naghanap. Sa aking mga pagninilay, bigla kong napagtanto na ang palagi kong pagkainggit kay Sister Yang, pamumuhay sa isang kalagayan ng pakikipaglaban para sa reputasyon at pakinabang nang hindi nagbabago ay naging dahilan para mapigilan siya, na nakaapekto sa gawain ng iglesia. Nakonsensya ako at napuno ng pagsisisi. Nabasa ko ito sa mga salita ng Diyos: “Malupit na sangkatauhan! Ang pakikipagsabwatan at intriga, ang pag-aagawan at paghahablutan sa isa’t isa, ang pagkukumahog para sa reputasyon at kayamanan, ang pagpapatayan—kailan ba ito matatapos? Bagama’t nakapagsalita na ang Diyos ng daang-libong mga salita, walang isa man ang natatauhan. Ang mga tao ay kumikilos para sa kapakanan ng kanilang mga pamilya, mga anak na lalaki at babae, para sa kanilang mga propesyon, inaasahan, katayuan, karangyaan, at kayamanan, para sa pagkain, damit, at sa laman. Ngunit mayroon bang sinuman na ang mga pagkilos ay talagang para sa kapakanan ng Diyos? Kahit sa gitna ng mga kumikilos para sa Diyos, kaunti lamang ang nakakakilala sa Diyos. Ilan ang hindi kumikilos para sa kapakanan ng kanilang sariling mga interes? Ilan ang hindi nang-aapi at nagtatakwil ng iba para sa pagpapanatili ng kanilang sariling katayuan?(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Masama ay Tiyak na Parurusahan). “Mayroong ilan na palaging natatakot na ang iba ay mas mahusay at mas mataas kaysa sa kanila, na ang iba ay pahahalagahan habang sila ay pinababayaan. Dahil dito, inaatake at ibinubukod nila ang iba. Hindi ba ito isang kaso ng pagkainggit sa mga taong mas may kakayahan kaysa sa kanila? Hindi ba makasarili at nakasusuklam ang ganitong pag-uugali? Anong klaseng disposisyon ito? Malisyoso ito! Iniisip lamang ang sariling mga interes, binibigyang-kasiyahan lamang ang sariling mga hangarin, hindi nagpapakita ng konsiderasyon sa iba o sa mga interes ng sambahayan ng Diyos—ang ganitong klase ng mga tao ay may masamang disposisyon, at walang pagmamahal ang Diyos sa kanila(“Ipagkaloob ang Iyong Tunay na Puso sa Diyos, at Makakamit Mo ang Katotohanan” sa Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw). Ang pagbabasa ng mga salita ng Diyos ay talagang nakakaantig para sa akin. Ibinubunyag Niya ang mismong kalagayan ko. Dahil nakita kong mahusay na ginagawa ng dalawang sister na iyon ang kanilang tungkulin at mabilis silang matuto, at inasikaso nila ang mga bagay nang hindi tinatalakay sa akin ang mga ito, nabalisa ako at inisip ko na binalewala nila ako. Nung pinuri sila ng superbisor sa pagiging epektibo sa kanilang tungkulin, mas lalo kong naramdaman na isa silang banta sa posisyon ko at gusto nilang agawan ako ng atensyon. Para patunayan na mas magaling ako sa kanila at para protektahan ang posisyon ko, sinusunggaban ko ang pagiging sentro ng atensyon kapag nagbabahagi at lumulutas ng mga problema ng iba sa mga pagtitipon at hindi sila binigyan ng pagkakataon na magbahagi. Nung may hindi malinaw habang nagbibilang ng mga libro, sa halip na tulungan silang hanapin ang dahilan, nasiyahan ako sa kanilang paghihirap at nanuya ako, dahilan para ma-pressure sila at mamuhay sa pagiging negatibo. Napakamalisyosa ko. Sa isiping ito, nakonsensya ako at nagsisi, at umiiyak akong nagdasal sa Diyos, “O Diyos, itinaas Mo ako para gumawa ng isang tungkulin. Hindi lang ako nabigong gawin ito nang maayos at suklian ang Iyong pagmamahal, kundi nainggit pa ako do’n sa mga may abilidad, at nakipaglaban para sa reputasyon at pakinabang. Nakakasuka ang pag-uugali ko, nakakasuklam para sa Iyo. Diyos ko, gusto kong magsisi at magbago.” Nabasa ko ang mga salitang ito mula sa Diyos. “Kapag nahaharap sa isang problema, totoong naghahanap ng sagot ang ilang tao mula sa iba, pero kapag nagsasalita ang ibang tao ayon sa katotohanan, hindi nila iyon tinatanggap, hindi sila makasunod, at sa puso nila, iniisip nilang, ‘Di hamak na mas magaling ako kaysa sa kanya. Kung makikinig ako sa mungkahi niya sa pagkakataong ito, hindi ba magmumukhang mas magaling siya sa akin? Hindi, hindi ako maaaring makinig sa kanya sa bagay na ito. Gagawin ko na lang ito sa aking paraan.’ Pagkatapos ay nakakahanap sila ng dahilan at palusot para kontrahin ang pananaw ng ibang tao. Anong uri ng disposisyon ito kapag may nakita ang isang tao na mas mahusay kaysa sa kanya at sinusubukan niya siyang pabagsakin, nagkakalat ng mga tsismis tungkol sa kanya, o gumagamit ng mga kasuklam-suklam na paraan para siraan siya at isabotahe ang kanyang reputasyon—inaapakan pa ang kanyang pagkatao—para maprotektahan ng taong ito ang sarili niyang puwang sa isip ng mga tao? Hindi lang ito kayabangan o pagiging palalo, ito ay disposisyon ni Satanas, ito ay isang malisyosong disposisyon. Mapaminsala at masama na nagagawa ng taong ito na batikusin at ihiwalay ang mga taong mas mahusay at mas malakas kaysa sa kanya. At ipinapakita ng hindi niya pagtigil hanggang sa mapabagsak ang mga tao kung gaano siya kademonyo! Dahil namumuhay siya ayon sa disposisyon ni Satanas, malamang na maliitin niya ang mga tao, subukang isangkalan sila, at pahirapan sila. Hindi ba ito paggawa ng masama? At habang namumuhay nang ganito, iniisip pa rin niyang maayos ang lagay niya, na mabuti siyang tao—subalit kapag may nakita siya na taong mas malakas kaysa sa kanya, malamang na pahirapan niya ito, na tapak-tapakan niya ito. Ano ang isyu rito? Hindi ba’t ang mga taong kayang gumawa ng ganoong masasamang gawa ay mga imoral at matitigas ang ulo? Ang mga gayong tao ay iniisip lamang ang sarili nilang mga interes, isinasaalang-alang lamang nila ang sarili nilang damdamin, ang tanging nais nila ay matupad ang sarili nilang mga pagnanasa, ambisyon, at mithiin. Wala silang pakialam kung gaano kalaking pinsala ang idinudulot nila sa gawain ng iglesia, at mas gugustuhin nilang isakripisyo ang mga interes ng sambahayan ng Diyos para maprotektahan ang kanilang katayuan sa isipan ng mga tao at ang sarili nilang reputasyon. Hindi ba’t ang mga taong gaya nito ay mayayabang at nag-aakalang mas matuwid sila kaysa sa iba, mga makasarili at ubod ng sama? Ang gayong mga tao ay hindi lamang mayayabang at nag-aakalang mas matuwid sila kaysa sa iba, labis din silang makasarili at ubod ng sama. Hinding-hindi nila iniintindi ang kalooban ng Diyos. May takot ba sa Diyos ang gayong mga tao? Wala silang ni bahagya mang takot sa Diyos. Ito ang dahilan kung bakit wala silang pakundangan kung kumilos at ginagawa nila ang anumang gusto nila, nang walang nadaramang anumang pagsisisi, walang anumang pangamba, walang anumang pagkabalisa o pag-aalala, at hindi iniisip ang mga ibubunga nito. Ito ang madalas nilang ginagawa, at kung paano sila palaging kumikilos. Ano ang kalikasan ng ganoong pag-uugali? Sa mas magaang na salita, ang mga gayong tao ay napakamainggitin at may napakalakas na paghahangad para sa pansariling kasikatan at katayuan; sila ay napakamapanlinlang at taksil. Sa mas masakit na pananalita, ang diwa ng problema ay ang mga puso ng gayong mga tao ay wala ni katiting na takot sa Diyos. Hindi sila takot sa Diyos, naniniwala sila na sila ang pinakamahalaga, at itinuturing nila na bawat aspeto ng kanilang sarili ay mas mataas kaysa sa Diyos at mas mataas kaysa sa katotohanan. Sa kanilang puso, ang Diyos ay hindi karapat-dapat banggitin at hindi mahalaga, at wala man lang anumang mataas na katayuan ang Diyos sa kanilang puso. Maisasagawa ba ang katotohanan ng mga walang puwang ang Diyos sa puso nila, at hindi nagpipitagan sa Diyos? Hinding-hindi. Kaya, kapag karaniwan ay masaya silang kumikilos at pinananatiling abala ang kanilang sarili at gumugugol ng matinding lakas, ano ang ginagawa nila? Sinasabi pa ng mga taong ito na tinalikuran na nila ang lahat upang gumugol para sa Diyos at nagdusa na sila nang malaki, ngunit ang totoo, ang motibo, prinsipyo, at layon ng lahat ng kilos nila ay para sa sarili nilang katayuan at reputasyon, para maprotektahan ang lahat ng interes nila. Masasabi ba ninyo o hindi ninyo masasabing masama ang ganitong uri ng tao? Anong uri ng mga tao ang naniniwala sa Diyos sa loob ng maraming taon, subalit wala namang takot sa Diyos? Hindi ba’t mapagmataas sila? Hindi ba’t si Satanas sila? At anong mga bagay ang pinakawalang takot sa Diyos? Bukod sa mga hayop, ito ay ang masasama at ang mga anticristo, ang kauri ng mga diyablo at ni Satanas. Hindi talaga nila tinatanggap ang katotohanan; wala silang anumang takot sa Diyos. Kaya nilang gumawa ng anumang kasamaan; sila ang mga kaaway ng Diyos, at ang mga kaaway ng Kanyang mga hinirang(“Ang Limang Kinakailangang Kalagayan Upang Mapunta sa Tamang Landas ng Pananampalataya ng Isang Tao” sa Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw). Ang pagbabasa ng mga salita ng Diyos ay para bang kaharap ko ang Diyos, hinahatulan ako. Naisip ko na bilang ilang taon nang lider, dapat mas magaling ako sa iba, mas mataas ang antas, kaya naiinggit ako at ibinubukod ang sinumang mas magaling kaysa sa akin. Alam kong may kakayahan at may pasanin ang dalawang sister na iyon para sa kanilang tungkulin, at nagkaroon sila ng mga resulta. Maganda iyon para sa gawain ng iglesia at para sa pagpasok sa buhay ng mga kapatid. Pero hindi ko isinaalang-alang ang alinman sa mga ito—ang inalala ko lang ay ang sarili kong reputasyon at katayuan. Tahimik akong nakipaglaban sa kanila, naghahanap ng mga mali at pagkalingat sa kanilang gawain, binabalisa sila, pinagmumukha silang masama, dahilan para maging masama ang kalagayan nila at mawalan na ng pasanin sa kanilang tungkulin. Napinsala rin ang gawain ng iglesia. Para mapanatili ang sarili kong katayuan, nainggit ako sa mga mas may talento at ginawang nanlulumo ang mga sister na kayang gumawa ng tunay na gawain. Ginagambala nito ang gawain ng iglesia at pinipinsala ang mga interes ng sambahayan ng Diyos. Wala akong anumang pagkatao at nagbubunyag ako ng isang satanikong disposisyon. Hindi kayang makita ni Satanas na gumagawa nang maayos ang mga tao, sa halip, gustong-gusto nitong makita na nanlulumo ang mga ito at pinagtataksilan ang Diyos. Ganap akong kumikilos bilang alagad ni Satanas, gumagawa ng masama at nilalabanan ang Diyos. Bilang isang lider ng iglesia, dapat kong isaalang-alang ang kalooban ng Diyos at linangin ang mas marami pang taong may talento para sa iglesia. Sa halip, hindi lang ako nabigong maglinang ng mga taong may talento, kundi nainggit pa ako at naniil. Paanong naging paggawa ‘yon ng tungkulin? Gumagawa lang ako ng masama at lumalaban sa Diyos! Talagang kinamuhian ko ang sarili ko—pakiramdam ko nga hindi ako tao at hindi ako karapat-dapat na mabuhay.

Isang araw, nagtapat ako sa isang sister at nagbahagi tungkol sa pagkainggit ko. Pinakinggan niya ako, pagkatapos ay ibinahagi sa akin ang halimbawa ng pagkainggit ni Saul kay David. Sabi niya, “Nung nakita ni Saul na ginamit ng Diyos si David para ipanalo ang mga digmaan at sinuportahan ito ng lahat ng Israelita, nainggit siya kay David at tinugis niya ito para patayin. Sa huli, pinukaw niya ang galit ng Diyos at winasak siya ng Diyos.” Kinilabutan ako nang marinig ito. Naisip ko ang lahat ng naging pag-uugali ko kamakailan. Nang makita na nakakakuha ng mga resulta ang dalawang sister na iyon sa kanilang tungkulin, nainggit ako sa kanila at palagi silang pinipigilan. Hindi ‘yon sa hindi ako nakikisama nang maayos sa mga tao, kundi paglaban iyon sa Diyos. Hindi ba’t tulad lang din ako ni Saul? Talagang nakakatakot na makita ito sa ganitong paraan, at napagtanto ko na ang napapanahong pagdidisiplina ng Diyos ang pumigil sa akin sa masasamang landas ko. Kapag nagpatuloy ako nang ganito, magiging matindi ang mga kahihinatnan. Mayamaya, paulit-ulit kong pinag-isipan ‘yon. Bakit ba kahit alam na alam ko namang ayaw ng Diyos sa pagkainggit, hindi ko pa rin mapigilan ang sarili ko na mambukod ng iba? May nabasa akong isang sipi ng mga salita ng Diyos. “Isa sa mga pinakahalatang katangian ng diwa ng isang anticristo ay para siyang malupit na pinunong nagpapatakbo ng sarili nitong diktadurya: Wala siyang pinakikinggan, mababa ang tingin niya sa lahat, at anuman ang mga kalakasan ng mga tao, o anuman ang kanilang sinasabi at ginagawa, o anuman ang mga kabatiran at opinyon nila, hindi niya iyon pinapansin; para bang walang sinumang kuwalipikadong makatrabaho niya, o makibahagi sa anumang ginagawa niya. Iyan ang uri ng disposisyon ng isang anticristo. Sinasabi ng iba na mababang uri ito ng pagkatao—paanong ito ay pangkaraniwang mababang uri ng pagkatao? Ito ay lubos na isang satanikong disposisyon; ang ganitong uri ng disposisyon ay lubhang mabalasik. Bakit Ko sinasabing ang kanilang disposisyon ay lubhang mabalasik? Itinuturing ng mga anticristo ang mga interes ng sambahayan ng Diyos at ng iglesia bilang kanila lamang, bilang personal na pag-aari na dapat ay lubusan nilang pamahalaan, nang hindi pinakikialaman ng iba. Ang mga iniisip lamang nila kapag ginagawa ang gawain ng iglesia ay ang kanilang sariling mga interes, kanilang sariling katayuan, at kanilang sariling reputasyon. Hindi nila tinutulutan ang sinuman na pinsalain ang kanilang mga interes, lalo nang hindi nila tinutulutan ang sinumang may kakayahan at nagagawang magsalita tungkol sa kanyang mga karanasan at patotoo na maging banta sa kanilang katayuan at katanyagan. … Kapag napapangibabaw ng isang tao ang kanyang sarili sa isang maliit na gawain, o kapag nagagawa ng isang tao na magsalita tungkol sa mga tunay na karanasan at patotoo upang makinabang, mapagyaman, at masuportahan ang mga hinirang, at magkamit ng malaking papuri mula sa lahat, nabubuo ang inggit at poot sa puso ng mga anticristo, sinusubukan nilang layuan at siraan siya. Isa pa, sa anumang sitwasyon ay hindi nila tinutulutan ang gayong mga tao na gumawa ng anumang gawain, upang hindi sila maging banta sa kanilang katayuan. … Iniisip ng mga anticristo sa kanilang sarili, ‘Hindi ko talaga matitiis ang ganito. Nais mong magkaroon ng gampanin sa aking nasasakupan, upang makipagpaligsahan sa akin. Imposible iyon, ni huwag mong isipin ito. Mas may kakayahan ka kaysa sa akin, mas matatas kang magsalita kaysa sa akin, mas may pinag-aralan kaysa sa akin, at mas sikat kaysa sa akin. Gusto mong magkasama tayong gumawa? Ano ang gagawin ko kung agawin mo ang atensyon mula sa akin?’ Iniisip ba nila ang mga interes ng sambahayan ng Diyos? Hindi. Ano ang iniisip nila? Iniisip lamang nila kung paano kakapit sa sarili nilang katayuan. Kahit alam nila mismo na hindi nila kayang gumawa ng totoong gawain, hindi nila nililinang o itinataas ng ranggo ang mga taong mahusay ang kakayahan na naghahangad ng katotohanan; ang tanging itinataas nila ng ranggo ay ang mga taong nambobola sa kanila, mga taong mahilig sumamba sa iba, na pumupuri at humahanga sa kanila sa kanilang puso, mga taong mahusay magtrabaho, na walang pagkaunawa sa katotohanan at hindi kayang kumilala ng pagkakaiba(“Sa Kanila Lamang Nila Pinasusunod ang Iba, Hindi sa Katotohanan o sa Diyos (Unang Bahagi)” sa Paglalantad sa mga Anticristo). Inilalantad ng Diyos ang mga anticristo bilang mga hindi nagsasaalang-alang ni bahagya sa gawain ng sambahayan ng Diyos at nagnanais ng lahat ng kapangyarihan. Isinasailalim nila ang iglesia sa kanilang pamamahala at hindi hinahayaang makasali ang sinuman. Ibinubukod at sinisiil nila ang sinumang nagbabanta sa kanilang katayuan, at talagang gumagawa para takpan ang mga kalakasan at kapakinabangan ng iba. Kumikilos ako na tulad ng isang anticristo. Para patatagin ang katayuan ko, ginusto kong solohin ang kapangyarihan at ako lang ang magkaroon ng huling salita sa iglesia, pinaninindigan ang, “Isa lang ang lalaking maaaring manguna,” at “Ako ang sarili kong panginoon sa buong langit at lupa.” Hindi ko hinahayaang mahigitan ako ng iba. Itinuring ko ang mga sister na iyon na parang mga katunggali, sinasamantala ang mga pagkakataon para atakehin sila, nagpapakasaya sa kanilang mga pagkakamali. Mayroon akong napakalupit na disposisyon at ako’y nasa landas ng anticristo. Kapag hindi ako nagsisi at nagbago, hindi ba’t magiging katulad nila ako sa huli? Sa puntong ‘yon, nakita ko na kung wala ang disiplina ng Diyos, at ang paghatol at paghahayag ng Kanyang mga salita, hindi ko kailanman makikita kung gaano kalala ang kalikasan ng mga ginawa ko. Sa loob ng ilang sandali, nakaramdam ako ng labis na pagsisisi at pagkakonsensya, at talagang kinamuhian ko ang sarili ko. Pinagsisihan kong hindi ko pinahalagahan ang pagkakataong gawin ang tungkulin ko noon, at talagang pakiramdam ko, may utang ako sa Diyos.

Nagbasa pa ako ng mga salita ng Diyos pagkatapos nun. “Ang pagiging isang lider ng iglesia ay hindi lamang pag-aaral na gamitin ang katotohanan upang malutas ang mga problema, kundi pagtuklas at paglinang din ng mga taong may talento, na talagang hindi ninyo dapat kainggitan o pigilan. Ang pagsasagawa sa ganitong paraan ay kapaki-pakinabang sa gawain ng iglesia. Kung makakapaglinang ka ng ilang nagsisihangad ng katotohanan upang makipagtulungan sa iyo nang maayos sa lahat ng gawaing ginagawa mo, at sa huli, lahat kayo ay may patotoong batay sa karanasan, magiging kuwalipikado kang lider. Kung nagagawa mong kumilos sa lahat ng bagay ayon sa mga prinsipyo, ipinamumuhay mo ang iyong katapatan. … Kung talagang kaya mong bigyan ng konsiderasyon ang kalooban ng Diyos, magagawa mong tratuhin nang patas ang ibang mga tao. Kung nagrerekomenda ka ng isang mabuting tao at hinahayaan siyang sumailalim sa pagsasanay at gumanap ng tungkulin, sa gayon ay nagdaragdag ng taong may talento sa sambahayan ng Diyos, hindi ba’t magiging mas madaling gawin ang iyong gawain? Kung gayon, hindi mo ba maipapamuhay ang iyong katapatan sa tungkuling ito? Isa itong mabuting gawa sa harap ng Diyos; ito ang pinakamababang antas ng konsensya at katinuan na dapat taglayin ng isang lider(“Ipagkaloob ang Iyong Tunay na Puso sa Diyos, at Makakamit Mo ang Katotohanan” sa Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw). Mula sa mga salita ng Diyos, natutuhan ko na ang mga lider at manggagawa ay kailangang magtuon sa pagtuklas at pagsasanay ng mga taong may talento. Ang pagsupil at pagkainggit sa mga ito alang-alang sa mga sarili nilang interes ay nakakasuklam sa Diyos. Nang may pagsisisi sa dati kong pakikipagtulungan sa mga sister na iyon, napagpasyahan ko na sino man ang makatrabaho ko sa hinaharap, uunahin ko ang mga interes ng sambahayan ng Diyos at agad na irerekomenda ang sinumang talento na madiskubre ko, isasakatuparan ang responsibilidad ko sa atas na ibinigay sa akin ng Diyos. Sa sumunod na pagtitipon, ibinunyag at hinimay ko ang aking katiwalian sa iba, at palagi kong pinapaalalahanan ang sarili ko kapag gumagawa ako kasama ang iba na huwag gumawa ng kahit anong makakasagabal sa gawain ng iglesia. Makalipas ang ilang panahon, bumuti ang kalusugan ko at nagsimula akong gumawa ng video sa iglesia.

Di nagtagal, isinaayos ng iglesia na bigyan ko ng ilang pagsasanay sa kasanayan ang isa pang sister. May mahusay siyang kakayahan at madaling matuto. Naisip ko, “Kapag naging magaling siya rito, papalitan niya ba ako? Mamaliitin ba ako ng lider kapag nakita niyang mas mabagal akong matuto kaysa sa sister na iyon?” Dahil sa mga isiping iyon, ayoko nang ilagay ang puso ko sa pagsasanay sa kanya. Tapos napagtanto ko na wala ako sa tamang kalagayan, kaya nagmamadali akong umusal ng dasal, hinihiling sa Diyos na bantayan ang puso ko. Naalala ko ang isang bagay na sinasabi ng Diyos: “Dapat mo munang isaalang-alang ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, isaalang-alang ang kalooban ng Diyos, at isaalang-alang ang gawain ng iglesia, at unahin ang mga bagay na ito; pagkatapos niyan, saka mo lamang maaaring isipin ang katatagan ng iyong katayuan o kung ano ang tingin sa iyo ng iba(“Ipagkaloob ang Iyong Tunay na Puso sa Diyos, at Makakamit Mo ang Katotohanan” sa Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw). Sa isiping ito, tinalikdan ko ang mali kong pag-iisip at nagsumikap na sanayin siya, at makalipas ang ilang araw, kaya na niyang gawin ang kanyang tungkulin nang mag-isa. Sa pagtutulungan, medyo bumuti rin ang aming pagiging epektibo sa aming tungkulin. Personal kong naranasan na ang maayos na pakikipagtulungan ay nagdudulot ng labis na kalayaan at kapayapaan. Nagdadala ito ng mga pagpapala ng Diyos. Ang pagbabagong ito sa akin ay ganap na nakamit ng gawain ng Diyos. Salamat sa Diyos!

Ngayon nagsimula na ang malalaking sakuna. Paano natin masasalubong ang pagbabalik ng Panginoon at magkaroon ng pagkakataong matamo ang proteksyon ng Diyos? Makipag-ugnayan sa amin ngayon upang mahanap ang paraan.

Kaugnay na Nilalaman

Isang Kapaki-pakinabang Na Ulat

Ni Ding Li, Estados Unidos Tag-init noon, dalawang taon na ang nakalilipas. Narinig ko na si Sister Zhou, isang lider, ay itinalaga si...

Kontakin Kami Gamit ang Messenger