Bakit Ako Natatakot na Mahigitan?

Agosto 3, 2022

Ni Rena, Pilipinas

Noong Hunyo 2019, tinanggap ko ang bagong gawain ng Diyos, at pagkatapos ay nagsimula kong diligan ang mga baguhan. Ang ilang baguhan ay labis na nagpapasalamat pagkatapos kong matulungan, kaya labis akong nakaramdam ng pagmamalaki, at naramdaman kong angkop ako para sa tungkuling ito. Kalaunan, tinanggap ko ang isang baguhan, at sa simula, masipag ko siyang dinidiligan, pero kalaunan, nalaman ko na naiintindihan niya nang maayos ang mga bagay-bagay at mabilis na umuusad, at sa tuwina sa mga pagtitipon, pakiramdam ko ay maganda ang pagkaunawa na ibinabahagi niya. Naramdaman kong mabilis niya akong mahihigitan, at kapag nangyari iyon, hihilingin sa kanya ng lider na diligan ang lahat, at hindi na ako kakailanganin. Sa pag-iisip nito, ayaw ko nang diligan siya nang maayos, kaya tinalakay ko lang ang ilang panlabas na usapin sa kanya. Minsan, tinanong ako ng lider tungkol sa baguhang ito, sinasabing, “Kailangan natin ng tauhan sa pagdidilig ngayon. Angkop ba siya para sa paglilinang?” Ayaw ko talagang linangin siya, dahil nauunawaan niya nang mabuti ang mga bagay-bagay, at natakot ako na siya ay magiging lider sa hinaharap at magiging nasa itaas ko. Kaya sinabi ko sa lider, “Kulang ako sa pagkakilala. Siguro pwede kang mas magsiyasat pa sa iba.” Nang mabalitaan ko na pumunta ang lider para makipag-usap sa kanya, inggit na inggit ako at natatakot, at madalas ko ring naiisip, “Baka lilinangin at itataas siya ng ranggo, o papalitan pa ako.” Kalaunan, nahati ang iglesia, at napunta siya sa ibang iglesia. Pagkalipas ng ilang buwan, nalaman ko na naging lider siya ng iglesia. Nabigla ako sa bilis ng kanyang pag-usad! Binati ko siya at sinabing masaya ako para sa kanya, pero sa loob-loob ko, naiinggit ako sa kanya. Bakit siya naging lider nang napakabilis, habang isa pa rin akong tauhan ng pagdidilig? Lubha akong hindi nasiyahan, kaya nagsimula akong magsikap na subaybayan ang mga baguhang diniligan ko, dahil gusto kong patunayan sa lider na angkop din akong maging lider ng iglesia.

Kalaunan, nahalal din ako bilang lider ng iglesia, pero naiinggit pa rin ako kapag nakikita ko kung sino ang mas mahusay kaysa sa akin. Minsan, tinalakay ko sa mga lider at diyakono kung paano suportahan at tulungan ang mga baguhan, at ibinahagi ng diyakono ng ebanghelyo ang kanyang mga saloobin. Sinabi ng nakatataas na lider na maganda ang mga mungkahi niya, at gayundin ng mga lider ng grupo. Sinubukan naming suportahan at diligan ang mga baguhan ayon sa mga mungkahi ng diyakono ng ebanghelyo. Totoo ngang napaka-epektibo ng mga ito. Pumupunta sa mga pagtitipon ang mga baguhan at umaako ng mga tungkulin. Epektibo ring ipinangangaral ng diyakono ang ebanghelyo. Medyo naiinggit ako dahil dito. Naisip ko, “Mas magaling mangaral ang diyakono ng ebanghelyo kaysa sa akin. Kailangan kong pagbutihin ang sarili ko at mas matuto pa.” Kalaunan, tinanong ko ang diyakono ng ebanghelyo kung ilang taon na niyang ginagawa ang kanyang tungkulin, at sinabi niya sa akin, “Anim na buwan.” Nagulat ako: Anim na buwan lang? Napahiya ako, dahil tinanggap ko ang gawain ng Makapangyarihang Diyos dalawang taon na ang nakalilipas, ang pinakamatagal sa lahat ng nasa grupo, pero para akong isang baguhan na walang mga ideya. Pagkatapos niyon, lagi kong inihahambing ang sarili ko sa kanya. Nang makita kong isa siyang bihasang manggagawa at palaging may magagandang pamamaraan at gawi sa pagsusubaybay sa gawain, lalo pa akong nainggit sa kanya. Naisip ko, “Kung palagi siyang may magagandang ideya habang tinatalakay ang gawain, makikita ng nakatataas na lider na mahusay ang kakayahan niya, at tapos ay sasanayin siyang maging lider. Hindi ba ibig sabihin niyon ay papalitan niya ako?” Minsan, hindi pumunta sa isang pulong ang diyakono ng ebanghelyo dahil abala siya sa ibang gawain. Pagkatapos, tinanong niya ako kung ano ang natutuhan namin sa pulong. Ayaw ko talagang sabihin sa kanya, kaya sinabi ko na lang na nakalimutan ko. Kalaunan, nakita ko na madalas na nakikipagbahaginan sa kanya ang nakatataas na lider, pero bihirang ginawa ito sa akin, at nagalit talaga ako dahil dito. Naisip ko, “Kung hindi mo ako kakausapin, hindi ko gagawin ang tungkulin ko.” Sa panahong iyon, ang gusto ko lang ay mailipat sa isang tungkulin kung saan pwede akong tingalain ng iba. Naisip ko na kung maipapangaral ko nang epektibo ang ebanghelyo, baka tumaas ang tingin ng mga kapatid sa akin, kaya sinimulan kong ipangaral ang ebanghelyo at isinantabi ang gawain ng pagdidilig ng mga baguhan. Pinadalhan ako ng nakatataas na lider ng isang paalala na unawain at lutasin agad ang mga suliranin ng mga baguhan, at sumagot ako, “Sige, pupuntahan ko sila kaagad.” Pero inalala ko lang na makapangaral ng ebanghelyo, at hindi ko sila pinuntahan. Sa panahong iyon, hindi nalutas sa oras ang mga problema ng mga baguhan, at naging hindi regular ang mga pagtitipon. Hindi nagtagal, nagpadala ng mensahe ang nakatataas na lider para tanungin ako kung bakit hindi dumadalo ang mga baguhan at kung nahihirapan ba ako, at sinabi ko sa lider ang tungkol sa kalagayan ko. Nakipagbahaginan sa akin ang lider, “Ikaw ang lider, at responsable ka sa lahat ng gawain ng iglesia, lalo na sa pagdidilig ng mga baguhan, na napakahalaga. Hindi ka pwedeng pabasta-basta lang sa mga bagay-bagay o iniraraos lang ang gawain.” Napaiyak ako matapos marinig ang sinabi ng lider. Napakalupit para sa akin ng mga salita niya. Hindi man lang niya napansin ang pagsisikap ko na maipangaral ang ebanghelyo.

Kalaunan, sinimulan kong pag-isipan ang tungkol sa saloobin ko sa aking tungkulin. Sa kaytagal, nag-aalala ako na magiging mas mahusay kaysa sa akin ang mga baguhan, at ayaw kong hayaan silang mahigitan ako. Para mapanatili ang aking posisyon at makuha ang paggalang ng mga kapatid, hindi ko sila diniligan nang maayos, at lalo na sa mga baguhang may mahusay na kakayahan, hindi ko rin sila hinikayat na gawin ang kanilang tungkulin. Hindi ko talaga tinutupad ang aking responsibilidad. Naisip ko ang mga salita ng Diyos, “Mayroong ilan na palaging natatakot na ang iba ay mas mahusay at mas mataas kaysa sa kanila, na ang iba ay pahahalagahan habang sila ay pinababayaan. Dahil dito, inaatake at ibinubukod nila ang iba. Hindi ba ito isang kaso ng pagkainggit sa mga taong mas may kakayahan kaysa sa kanila? Hindi ba makasarili at nakasusuklam ang ganitong pag-uugali? Anong klaseng disposisyon ito? Malisyoso ito! Iniisip lamang ang sariling mga interes, binibigyang-kasiyahan lamang ang sariling mga hangarin, hindi nagpapakita ng konsiderasyon sa iba o sa mga interes ng sambahayan ng Diyos—ang ganitong klase ng mga tao ay may masamang disposisyon, at walang pagmamahal ang Diyos sa kanila(“Makakamit Lamang ang Kalayaan at Pagpapalaya sa Pamamagitan ng Pagwawaksi sa Sariling Tiwaling Disposisyon” sa Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw). “Ngayon, kayong lahat ay mga regular nang gumaganap ng inyong mga tungkulin. Hindi kayo napipigilan o natatalian ng pamilya, pag-aasawa, o kayamanan. Nakaahon na kayo mula roon. Subalit, ang mga kuru-kuro, imahinasyon, kaalaman, at pansariling intensyon at mga hangarin na laging laman ng inyong isipan ay nananatiling hindi nagbabago mula sa orihinal na anyo ng mga ito. Kaya, sa anumang may kinalaman sa reputasyon, katayuan, o sa maaaring magbigay sa kanila ng exposure—halimbawa, kapag naririnig ng mga tao na ang sambahayan ng Diyos ay nagpaplanong maglinang ng sari-saring talento—lumulukso sa pag-asam ang puso ng lahat, at gusto palagi ng bawat isa sa inyo na maging tanyag at makilala. Lahat ng tao ay nais na lumaban para sa katayuan at reputasyon; at ikinahihiya nila ito, pero masama rin ang pakiramdam nila kung hindi nila gagawin. Naiinggit at namumuhi sila kapag may nakikita silang taong namumukod-tangi, at nasusuklam sila, at nadaramang hindi ito patas, iniisip na, ‘Bakit hindi ako namumukod-tangi? Bakit palagi na lang ibang tao ang nakakakuha ng karangalan? Bakit hindi ako kahit kailan?’ At pagkatapos nilang makaramdam ng pagkasuklam, sinusubukan nila itong pigilin, ngunit hindi nila magawa. Nagdarasal sila sa Diyos at gumaganda ang pakiramdam sandali, ngunit kapag naharap silang muli sa ganitong sitwasyon, hindi pa rin nila ito madaig. Hindi ba iyan nagpapakita ng tayog na kulang pa sa gulang? Kapag nalulubog sa gayong mga kalagayan ang mga tao, hindi ba’t nahulog na sila sa patibong ni Satanas? Ito ang mga kadena ng tiwaling kalikasan ni Satanas na gumagapos sa mga tao(“Makakamit Lamang ang Kalayaan at Pagpapalaya sa Pamamagitan ng Pagwawaksi sa Sariling Tiwaling Disposisyon” sa Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw). Tumpak na ibinunyag ng salita ng Diyos ang kalagayan ko. Namumuhi ako kapag mas mahusay kaysa sa akin ang iba o nahihigitan ako. Kapag nakakatagpo ako ng mga baguhan na nakakaunawa nang mabuti sa mga bagay-bagay at may mahusay na kakayahan, natatakot ako na mahihigitan at mapapalitan nila ako, kaya ayaw ko silang diligan nang maayos, at ayaw kong linangin sila ng lider. Lalo na nang makatrabaho ko ang diyakono ng ebanghelyo, nang makita kong epektibo ang pangangaral niya, na palagi siyang nakakagawa ng magagandang mungkahi, at palagi siyang pinupuntahan ng nakatataas na lider para talakayin ang gawain, nainggit ako sa kanya, at inihambing ko ang sarili sa kanya, at ginustong mapansin ako ng nakatataas na lider sa pamamagitan ng pangangaral ng ebanghelyo. Ang iniisip ko lang ay ang sarili kong katayuan at mataas na opinyon ng iba. Hindi ko tinutupad ang aking responsibilidad bilang lider. Napahiya ako nang sobra. Ang layunin ng Diyos ay madiligan ko ang mga baguhang ito para makapagtatag sila ng mga pundasyon sa tunay na daan, pero hindi ko isinaalang-alang ang kalooban ng Diyos. Isinaalang-alang ko lang ang aking sariling reputasyon at katayuan, at hindi ko masipag na diniligan at sinuportahan ang mga baguhan, na naging dahilan sa hindi nila pagdalo nang regular sa mga pagtitipon. Gumagawa ako ng kasamaan! Nagsimula akong magnilay tungkol sa mga mithiin ko sa aking tungkulin. Ginagawa ko ba ito para sa kapakanan ng Diyos o para sa aking sariling mga interes? Kung sinusubukan kong palugurin ang Diyos at isinasaalang-alang ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, gugustuhin kong magsanay ng mas maraming tao para gawin ang kanilang mga tungkulin sa sambahayan ng Diyos. Pero hindi ko ginawa iyon. Sa halip, nainggit ako at sinupil ang may talento, umaasang hindi mapapansin ng lider ang mga taong ito. Nakita ko na ginawa ko ang tungkulin ko para lamang sa sarili kong posisyon at mga interes. Napakamakasarili ko!

Kalaunan, matapos malaman ng isang sister ang kalagayan ko, nagpadala siya sa akin ng isang sipi ng salita ng Diyos. “Ang ilang tao ay naniniwala sa Diyos ngunit hindi hinahangad ang katotohanan. Lagi silang namumuhay ayon sa laman, laging kumakapit sa mga kasiyahang pangkatawan, laging pinagpapakasasa ang kanilang mga makasariling paghahangad. Ilang taon mang naniniwala sa Diyos ang gayong mga tao, hindi sila kailanman makakapasok sa realidad ng katotohanan. Ito ang tatak ng nakapagdala ng kahihiyan sa Diyos. Sinasabi mo, ‘Wala naman akong anumang ginagawa para labanan ang Diyos; paano ko nadadalhan ng kahihiyan ang Diyos?’ Lahat ng mga ideya at saloobin mo ay masasama. Sa mga layunin, mithiin at motibo sa likod ng iyong mga pagkilos, at sa mga kinahihinatnan ng mga ginagawa mo—sa bawat paraan na binibigyang-kasiyahan mo si Satanas, pagiging katatawanan nito, at hinahayaan itong may panghawakan sa iyo. Wala kang pinatotohanan na dapat ginawa ng isang Kristiyano. Isa kang taong nabibilang kay Satanas. Dinudungisan mo ang pangalan ng Diyos sa lahat ng bagay at hindi ka nagtataglay ng tunay na patotoo. Maaalala ba ng Diyos ang mga bagay na nagawa mo na? Sa huli, anong konklusyon ang mabubuo ng Diyos tungkol sa iyong mga kilos at sa tungkulin na iyong ginampanan? Wala bang kinalabasan iyan, isang uri ng pahayag? Sa Bibliya, sinasabi ng Panginoong Jesus, ‘Marami ang mangagsasabi sa Akin sa araw na yaon, “Panginoon, Panginoon, hindi baga nagsipanghula kami sa Iyong pangalan, at sa pangalan Mo ay nangagpalayas kami ng mga demonyo, at sa pangalan Mo ay nagsigawa kami ng maraming gawang kamangha-mangha?” At kung magkagayon ay ipahahayag Ko sa kanila, “Kailanman ay hindi Ko kayo nangakilala: magsilayo kayo sa Akin, kayong manggagawa ng katampalasanan”’ (Mateo 7:22–23). Bakit ito sinabi ng Panginoong Jesus? Bakit nagiging masasamang tao ang napakarami sa mga nangaral, nagpalayas ng mga demonyo, at nagsagawa ng maraming himala sa pangalan ng Panginoon? Ito ay dahil hindi nila tinanggap ang katotohanang ipinahayag ng Panginoong Jesus, hindi sinunod ang mga utos ng Panginoong Jesus, at hindi minahal ang katotohanan sa kanilang puso. Ginusto lang nilang ipalit ang kanilang gawain, pagdurusa, at mga sakripisyo sa Panginoon para sa mga pagpapala ng kaharian ng langit. Ito ay pakikipagtransaksyon sa Diyos, at ito ay paggamit sa Diyos at panlilinlang sa Diyos, kaya kinasuklaman, kinamuhian, at kinondena sila ng Panginoong Jesus bilang masasamang tao. Ngayon, tinatanggap ng mga tao ang paghatol at pagkastigo ng mga salita ng Diyos, pero naghahangad pa rin ng reputasyon at katayuan ang ilan, lagi nilang gustong mamukod-tangi, laging gustong maging mga lider at manggagawa at magtamo ng reputasyon at katayuan. Bagama’t sinasabi nilang lahat na naniniwala sila at sumusunod sa Diyos, at tumatalikod at gumugugol sila para sa Diyos, isinasagawa nila ang kanilang mga tungkulin para magtamo ng katanyagan, mga pakinabang, at katayuan, at lagi silang may mga personal na balak. Hindi sila masunurin o tapat sa Diyos, kumikilos sila nang basta-basta nang hindi talaga pinagninilayan ang kanilang sarili, kaya nga naging masasamang tao sila. Kinamumuhian ng Diyos ang gayong masasamang tao, at hindi sila inililigtas ng Diyos(“Makakamit Lamang ang Kalayaan at Pagpapalaya sa Pamamagitan ng Pagwawaksi sa Sariling Tiwaling Disposisyon” sa Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw). Napukaw ang puso ko nang mabasa ang siping ito ng salita ng Diyos. Ang mga gumagawa ng masama na tinutukoy ng Diyos ay hindi mga hindi mananampalataya, sila ay mga taong nananalig sa Diyos. Sinusundan nila ang Diyos, gumugugol para sa Diyos, nangangaral ng ebanghelyo at nagtatrabaho sa iba’t ibang lugar, at dumaranas ng paghihirap, pero ginagawa nila ang tungkulin nila alang-alang sa kanilang sariling katanyagan at katayuan, para tingalain ng iba, o para magkamit ng mga gantimpala at korona. Hindi nila kayang maging tapat sa Diyos, at hindi kayang isagawa ang katotohanan at sundin ang Diyos, kaya sinabi ng Panginoong Jesus, “Magsilayo kayo sa Akin, kayong manggagawa ng katampalasanan(Mateo 7:23). Katulad lang ako ng mga nangaral at gumawa para sa Panginoon. Nananalig ako sa Diyos sa loob ng dalawang taon, binitawan ang pag-aaral ko para gawin ang aking tungkulin sa sambahayan ng Diyos, at nagdusa at nagbayad ng halaga, pero ang layunin ko ay hindi para palugurin ang Diyos. Gusto kong maging pinakamahusay sa iglesia, para tumaas ang tingin sa akin ng mga kapatid at ng lider, na dahilan kung bakit nagsikap ako nang husto na mapansin ako. Lahat ng ginawa ko ay para bigyang-kasiyahan si Satanas. Ang mga gawa ko ay hindi mabubuting gawa, ito ay masasamang gawa. Ginawa ko ang tungkulin ko sa maling layuning ito, na kasusuklaman lang ng Diyos, at kung nagpatuloy ako nang ganito, maaari lang akong parusahan, dahil hindi sinasang-ayunan ng Diyos ang ganoong pananampalataya. Sasabihin ng Diyos, “Lumayo ka sa Akin, hindi kita kilala!” Nang matanto ko ito, natakot ako. Gusto kong magsisi, at hindi na mainggit sa mga kapatid, kaya nanalangin ako sa Diyos para hilingin ang patnubay Niya.

Kalaunan, nakaipon ako ng lakas ng loob na magtapat sa nakatataas na lider tungkol sa katiwalian ko. Sa halip na akusahan ako, ibinahagi ng lider ang karanasan niya para tulungan ako. Sa oras na iyon, pinadalhan din niya ako ng isang sipi ng mga salita ng Diyos. “Ang pagiging isang lider ng iglesia ay hindi lamang pag-aaral na gamitin ang katotohanan upang malutas ang mga problema, kundi pagtuklas at paglinang din ng mga taong may talento, na talagang hindi ninyo dapat kainggitan o pigilan. Ang pagsasagawa sa ganitong paraan ay kapaki-pakinabang sa gawain ng iglesia. Kung makakapaglinang ka ng ilang nagsisihangad ng katotohanan upang makipagtulungan sa iyo nang maayos sa lahat ng gawaing ginagawa mo, at sa huli, lahat kayo ay may patotoong batay sa karanasan, magiging kuwalipikado kang lider. Kung nagagawa mong kumilos sa lahat ng bagay ayon sa mga prinsipyo, ipinamumuhay mo ang iyong katapatan. … Kung talagang kaya mong bigyan ng konsiderasyon ang kalooban ng Diyos, magagawa mong tratuhin nang patas ang ibang mga tao. Kung nagrerekomenda ka ng isang mabuting tao at hinahayaan siyang sumailalim sa pagsasanay at gumanap ng tungkulin, sa gayon ay nagdaragdag ng taong may talento sa sambahayan ng Diyos, hindi ba’t magiging mas madaling gawin ang iyong gawain? Kung gayon, hindi mo ba maipapamuhay ang iyong katapatan sa tungkuling ito? Isa itong mabuting gawa sa harap ng Diyos; ito ang pinakamababang antas ng konsensya at katinuan na dapat taglayin ng isang lider. Yaong mga may kakayahang magsagawa ng katotohanan ay makakayang tanggapin ang pagsisiyasat ng Diyos sa paggawa ng mga bagay. Kapag tinatanggap mo ang pagsisiyasat ng Diyos, naitutuwid ang puso mo. Kung gumagawa ka lamang ng mga bagay para makita ng iba, laging nais makuha ang papuri at paghanga ng iba, ngunit hindi mo tinatanggap ang pagsisiyasat ng Diyos, kung gayon, nasa puso mo pa ba ang Diyos? Ang gayong mga tao ay walang paggalang sa Diyos. Huwag kang laging gumawa ng mga bagay para sa sarili mong kapakanan at huwag mong palagiang isaalang-alang ang iyong mga sariling interes; huwag mong isaalang-alang ang mga interes ng tao, at huwag isipin ang iyong sariling pagpapahalaga sa sarili, reputasyon, o katayuan. Kailangan mo munang isipin ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, at unahin ang mga iyon. Dapat mong isaalang-alang ang kalooban ng Diyos at magsimula sa pagkonsidera kung ikaw ba ay naging hindi dalisay sa iyong tungkulin, kung ikaw ba ay naging matapat, natupad ang iyong mga pananagutan, at naibigay ang lahat mo, gayundin kung buong-puso mo nang naisaisip o hindi ang iyong tungkulin at ang gawain ng iglesia. Kailangan mong isaalang-alang ang mga bagay na ito. Isipin mong madalas ang mga ito at intindihin ang mga ito, at magiging mas madali sa iyong gampanan nang maayos ang iyong tungkulin. Kung mahina ang iyong kakayahan, kung mababaw ang iyong karanasan, o kung hindi ka bihasa sa iyong mga propesyunal na gawain, kung gayon ay maaaring may ilang pagkakamali o kakulangan sa iyong gawain, at maaaring hindi maging napakaganda ng mga resulta—ngunit naibuhos mo na ang iyong buong pagsisikap. Sa lahat ng ginagawa mo, hindi mo binibigyang-kasiyahan ang iyong mga makasariling paghahangad o kagustuhan. Sa halip, binibigyan mo ng palagiang pagsasaalang-alang ang gawain ng iglesia at ang mga interes ng sambahayan ng Diyos. Bagama’t maaaring hindi mo ginagampanan nang mahusay ang iyong tungkulin, naiwasto naman ang puso mo; kung, dagdag pa rito, kaya mong hanapin ang katotohanan upang malutas ang mga problema sa iyong tungkulin, magiging pasado sa pamantayan ang tungkulin mo at magagawa mong pumasok sa realidad ng katotohanan. Ito ang pagpapatotoo(“Makakamit Lamang ang Kalayaan at Pagpapalaya sa Pamamagitan ng Pagwawaksi sa Sariling Tiwaling Disposisyon” sa Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw). Malinaw na inilalahad ng salita ng Diyos ang mga prinsipyo ng pagsasagawa. Ang pinakamahalaga ay isaalang-alang muna ang mga interes ng sambahayan ng Diyos at unahin ang gawain ng Diyos. Kapag mayroon kang tamang saloobin, mas madaling gawin nang maayos ang tungkulin mo. Napagtanto ko rin na nananalig at sumusunod tayo sa Diyos, hindi sumusunod sa sinumang tao. Kaya dapat nating isaalang-alang ang kalooban ng Diyos sa lahat ng bagay, hindi ang iniisip ng ibang tao. Kung nais kong mabigyang-kasiyahan ang Diyos at maging isang kwalipikadong lider, kailangan kong isuko ang katayuan at mga interes at maghanap ng mga baguhang may talento na nararapat linangin, para masimulan nila ang kanilang mga tungkulin at makaipon ng mabubuting gawa. Sa ganitong paraan ko lang matutupad ang tungkulin ko. Ang Diyos ay patas sa bawat isa sa atin. Hindi tinitingnan ng Diyos ang ating kakayahan o katayuan, tinitingnan Niya kung kaya nating isagawa ang katotohanan. Kung ginagawa ko ang tungkulin ko ayon sa mga hinihingi ng Diyos at sa mga prinsipyo ng katotohanan, at palaging isinasaalang-alang kung paano gawin ang aking gawain para makinabang dito ang gawain ng iglesia, kahit mahina ang kakayahan ko, bibigyang-liwanag at gagabayan ako ng Diyos para magampanan nang maayos ang aking tungkulin. Matapos kong maunawaan ang kalooban ng Diyos, nanalangin ako sa Diyos para magsisi at sinabi kong handa akong talikdan ang laman at gampanan ang tungkulin ko para palugurin ang Diyos.

Kalaunan, habang parami nang parami ang tinatanggap naming baguhan, hiniling sa akin ng lider na magsanay ng mas maraming tauhan sa pagdidilig. Nagsimula na naman akong mag-alala na mapapalitan ako ng mga baguhan na nililinang ko, at pagkatapos, hindi na ako lilinangin ng lider. Nang mag-isip ako nang ganito, napagtanto ko na hindi ko na dapat isaalang-alang ang aking reputasyon at katayuan, at kailangan kong isaalang-alang ang mga interes ng sambahayan ng Diyos. Nanalangin ako sa Diyos at naalala ko ang mga salita ng Diyos, “Ang pagiging isang lider ng iglesia ay hindi lamang pag-aaral na gamitin ang katotohanan upang malutas ang mga problema, kundi pagtuklas at paglinang din ng mga taong may talento, na talagang hindi ninyo dapat kainggitan o pigilan. Ang pagsasagawa sa ganitong paraan ay kapaki-pakinabang sa gawain ng iglesia. Kung makakapaglinang ka ng ilang nagsisihangad ng katotohanan upang makipagtulungan sa iyo nang maayos sa lahat ng gawaing ginagawa mo, at sa huli, lahat kayo ay may patotoong batay sa karanasan, magiging kuwalipikado kang lider. Kung nagagawa mong kumilos sa lahat ng bagay ayon sa mga prinsipyo, ipinamumuhay mo ang iyong katapatan(“Makakamit Lamang ang Kalayaan at Pagpapalaya sa Pamamagitan ng Pagwawaksi sa Sariling Tiwaling Disposisyon” sa Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw). Bilang isang lider ng iglesia, ang responsibilidad ko ay sanayin ang mga baguhan na gampanan ang kanilang mga tungkulin. Bukod dito, ang pagtupad sa ating tungkulin ay ang responsibilidad ng bawat mananampalataya sa Diyos. Kung kakaunti lang ang mga taong nagtutulungan, para itong isang kotse na walang gulong, at naaantala ang gawain ng iglesia. Kung hindi ko sasanayin ang mga tao, sa napakaraming tao na tumatanggap sa gawain ng Diyos ngayon, hindi sila madidiligan sa oras, maaapektuhan ang kanilang pagpasok sa buhay, at maaapektuhan din ang gawain ng sambahayan ng Diyos. Pagkatapos, pumili ako ng apat na baguhang nakakaunawa nang mabuti sa mga bagay-bagay, sinanay sila para maging mga lider ng grupo, at hinayaan silang magsalitan sa paghohost sa mga pagtitipon. Pinaalalahanan at tinulungan ko rin sila sa pagdidilig ng iba pang mga baguhan. Sa pakikipagtulungan sa kanila, mas nagkaroon ako ng maraming oras na tumuon sa pangkalahatang gawain, at unti-unting bumuti ang pagiging epektibo ng aming gawain. Masayang-masaya akong makita ang mga baguhan na umuusad at gumaganap sa kanilang mga tungkulin. Lumuwag ang pakiramdam ko, at nagkamit ako ng kaunti pang pagkaunawa sa mga salita ng Diyos. Sabi ng mga salita ng Diyos, “Kung nagrerekomenda ka ng isang mabuting tao at hinahayaan siyang sumailalim sa pagsasanay at gumanap ng tungkulin, sa gayon ay nagdaragdag ng taong may talento sa sambahayan ng Diyos, hindi ba’t magiging mas madaling gawin ang iyong gawain? Kung gayon, hindi mo ba maipapamuhay ang iyong katapatan sa tungkuling ito? Isa itong mabuting gawa sa harap ng Diyos; ito ang pinakamababang antas ng konsensya at katinuan na dapat taglayin ng isang lider(“Makakamit Lamang ang Kalayaan at Pagpapalaya sa Pamamagitan ng Pagwawaksi sa Sariling Tiwaling Disposisyon” sa Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw). Ang pagkakaroon ko ng pagkaunawang ito, at pagkakaroon ng pagpasok sa aking tungkulin ay ganap na epekto na natamo ng salita ng Diyos.

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

Pagbangon sa Harap ng Kabiguan

Ni Fenqi, South KoreaBago ako naniwala sa Diyos, pinaaral ako ng Partido Komunista ng Tsina, at wala akong inisip kundi ang kung paano...

Sa Likod ng Katahimikan

Ni Li Zhi, TsinaHindi ako masyadong palasalita, at hindi ako madalas nagsasabi at nagsasalita mula sa puso. Akala ko iyon ay dahil sa...