Ang mga Kahihinatnan ng Pagiging Tuso sa Tungkulin
Noong Hulyo 2023, gumagawa ako ng mga video para sa iglesia. Ngunit dahil hindi ako nakapag-ensayo nang matagal, at ang mga teknikal kong kasanayan ay pangkaraniwan lamang, ang ilang mahihirap na video ay inako ng kapareha ko, si Sister Jiang Xin, habang gumawa lang ako ng mga video na simple at madaling gawin. Naisip ko, “Baguhan pa lamang ako, marami akong hindi alam na prinsipyo, at hindi pa ganoon kahusay ang mga kasanayan ko, ngunit dahil nandito naman si Jiang Xin, matututo na lang ako nang unti-unti sa paglipas ng panahon.” Pagkaraan ng ilang pag-aaral, may mga pag-unlad sa mga gawa ko, ngunit sa tuwing makakikita ako ng video na mahirap gawin, gumagawa ako ng dahilan para hindi ko ito gawin, iniisip na, “Magiging sobrang hirap ng paggawa ng ganitong klase ng video, kailangan nito ng maraming pagsisikap at kailangan kong magbayad ng ganoong halaga!” Dahil mga simpleng video lamang ang pinili kong gawin, magaan ang trabaho ko at wala akong naramdamang hirap. Nakita ko si Jiang Xin na patuloy na nagsasaliksik, naghahanap, at nagbubulay-bulay, at naisip ko, “Mas magaling si Jiang Xin kaysa sa akin at kahit siya ay kailangang magsaliksik paminsan-minsan, kung ako ang gagawa ng mga video na iyon, kakailanganin kong magbayad ng higit na halaga. Napakahirap at nakapapagod niyon! Mananatili na lamang ako sa paggawa ng mga simpleng video.” Sa ganitong paraan, nagampanan ko sandali ang tungkulin ko nang walang nararamdamang anumang presyur. Kalaunan, sa tuwing nahihirapan si Jiang Xin sa paggawa ng mga video, hihilingin niyang magsaliksik ako at talakayin namin ang mga suliranin. Talagang mahirap at nakaiinis ito para sa akin, kaya hindi na lamang ako tumutulong dito. Patuloy kong pinapasa ang lahat ng mahihirap na video kay Jiang Xin, at hindi ko talaga sinubukang hamunin ang sarili ko. Noong nakita ko na marami nang gawain ang naipon kay Sister Jiang Xin at ramdam na niya ang matinding presyur, hindi ko pa rin ninais na tulungan siya. Habang tumatagal, nagsimula na akong antukin sa aking tungkulin at matagal na wala akong nagawang pag-usad. Naramdaman kong hindi na tama ang aking kalagayan, at tinanong ko ang sarili ko, “Palagi kong ginagamit ang katwiran na baguhan ako at hindi pa malinaw sa akin ang trabahong ito, kaya patuloy kong pinagbibigyan ang sarili ko, ipinapasa ko kay Sister Jiang Xin ang lahat ng mahihirap na video, ayaw kong magbayad ng halaga o magsumikap. Hindi ba’t ito ay pagtakas ko sa mga paghihirap at pagtiklop sa harap ng pagsubok?”
Pagkatapos, naghanap ako ng kaugnay na mga salita ng Diyos. Sabi ng Diyos: “Kapag gumaganap ng tungkulin, laging pinipili ng mga tao ang magaan na trabaho, na hindi sila mapapagod, na hindi nila kailangang suungin ang pabagu-bagong panahon sa labas. Ito ay pagpili sa madadaling trabaho at pag-iwas sa mahihirap, at pagpapamalas ito ng pagnanasa sa mga kaginhawahan ng laman. Ano pa? (Palaging pagrereklamo kapag ang kanilang tungkulin ay medyo mahirap, medyo nakakapagod, kapag may kaakibat itong pagbabayad ng halaga.) (Pagiging abala sa pagkain at pananamit, at sa mga kalayawan ng laman.) Mga pagpapamalas ang lahat ng ito ng pagnanasa sa mga kaginhawahan ng laman. Kapag nakikita ng gayong tao na masyadong matrabaho o delikado ang isang gampanin, ipinapasa niya ito sa iba; magaan na trabaho lang ang mismong ginagawa niya, at nagdadahilan siya sinasabing mahina ang kakayahan niya, na wala siyang kakayanan sa gawain, at hindi niya kaya ang gampaning ito—pero ang totoo, ito ay dahil nagnanasa siya ng mga kaginhawahan ng laman. … Angkop bang gumanap ng tungkulin ang mga taong nagnanasa ng mga kaginhawahan ng laman? Sa sandaling may magbanggit ng tungkol sa pagtupad ng kanilang tungkulin, o pag-usapan ang tungkol sa pagbabayad ng halaga at pagdanas ng paghihirap, iling sila nang iling: Napakarami nilang problema, puno sila ng mga reklamo, at punong-puno sila ng pagkanegatibo. Walang silbi ang gayong mga tao, hindi sila kalipikadong gampanan ang kanilang tungkulin, at dapat silang itiwalag” (Ang Salita, Vol. V. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa (2)). Isinisiwalat ng Diyos na may mga tao na laging pinipili ang madadaling gawain at iniiwasan ang gawaing mahihirap sa pagtupad ng kanilang tungkulin, at sa tuwing makakikita sila ng mahihirap na gawain, ipinapasa nila ito sa iba, at pinipili lamang ang mga gawaing madali at simple para sa sarili nila. Ang mga ganitong tao ay nagpapasasa sa pisikal na kaginhawahan at hindi karapat-dapat na gumampan ng isang tungkulin. Habang pinagninilayan ang sarili ko, napagtanto ko na nagpakita ako ng parehong gawi. Noong pinagpareha ako at si Jiang Xin, nakita ko na ang paggawa ng mahihirap na video na iyon ay nangangailangan ng paghahanap, pagbubulay-bulay, pagsasaliksik, at pagbabayad ng halaga, at para sa akin ay nakaiinis ito at talagang sakit ng ulo, kaya ginamit kong dahilan ang kakulangan ko sa karanasan para ipasa kay Jiang Xin ang mga bagay na ito. Pinili ko lamang ang mga simple at madaling gawin na mga video, kaya wala akong naramdamang hirap at nagrelaks lang ako. Kalaunan, nang maharap si Jiang Xin sa mga paghihirap sa paggawa ng mga video, at kailanganin niya ang tulong ko para saliksikin at talakayin ang mga bagay-bagay, para sa akin ay nakaiinis ito at ayaw kong mag-abalang maglaan ng pagsisikap. Sa paggawa ko ng aking tungkulin, ipinasa ko sa iba ang mga gawaing nangangailangan ng pagsusumikap at sakripisyo, nagpapasasa ako sa kaginhawahan, at naging tuso at palaiwas. Ang ganitong gawi ay nagdulot sa akin ng pagkawala ng lahat ng aking integridad at dangal. Ang paggawa ko ng tungkulin sa ganitong paraan ay tiyak na hahantong sa pagtaboy at pagtiwalag sa akin ng Diyos. Sa puntong ito lamang ako nakaramdam ng kaunting takot. Hindi ako maaaring magpatuloy nang walang gana, pabaya, at abala sa laman.
Kalaunan, habang nanonood ako ng isang video ng patotoong batay sa karanasan, nakita ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos na angkop na angkop sa aking kalagayan. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Minsang sinabi ng Panginoong Jesus, ‘Sapagkat sinumang mayroon ay bibigyan, at siya ay magkakaroon ng mas sagana: ngunit sinumang wala, pati ang nasa kanya ay aalisin sa kanya’ (Mateo 13:12). Ano ang ibig sabihin ng mga salitang ito? Ibig sabihin nito ay kung ni hindi ka nagsasagawa o inilalaan ang sarili mo sa iyong sariling tungkulin o trabaho, babawiin ng Diyos ang mga dating sa iyo. Ano ang ibig sabihin ng ‘babawiin’? Ano ang mararamdaman ng mga tao roon? Maaaring nabibigo kang matamo kung ano sana ang itinutulot ng iyong kakayahan at mga kaloob na iyong matamo, at wala kang nararamdaman, at para ka lang isang walang pananampalataya. Ganoon ang pakiramdam na bawiin ng Diyos ang lahat. Kung, sa tungkulin mo, pabaya ka, at hindi nagbabayad ng halaga, at hindi ka sinsero, babawiin ng Diyos kung anong mayroon ka dati, babawiin Niya ang karapatan mong gampanan ang iyong tungkulin, hindi Niya ipagkakaloob sa iyo ang karapatang ito. Dahil binigyan ka ng Diyos ng mga kaloob at kakayahan, subalit hindi mo ginampanan nang maayos ang iyong tungkulin, hindi ginugol ang iyong sarili para sa Diyos, o nagbayad ng halaga, at hindi mo inilagay ang iyong puso rito, bukod sa hindi ka pagpapalain ng Diyos, babawiin din Niya kung ano ang dating mayroon ka. Nagbibigay ang Diyos ng mga kaloob sa mga tao, na nagbibigay sa kanila ng espesyal na mga kasanayan pati na ng talino at karunungan. Paano dapat gamitin ng mga tao ang mga bagay na ito? Kailangan mong ialay ang iyong espesyal na mga kasanayan, iyong mga kaloob, iyong talino at karunungan sa iyong tungkulin. Kailangan mong gamitin ang iyong puso at gamitin ang lahat ng nalalaman mo, lahat ng nauunawaan mo, at lahat ng makakamtan mo sa iyong tungkulin. Sa paggawa nito, pagpapalain ka. Ano ba ang ibig sabihin ng pagpalain ng Diyos? Ano ang ipinaparamdam nito sa mga tao? Na sila ay binigyang-liwanag at pinatnubayan ng Diyos, at na mayroon silang landas kapag ginagampanan nila ang kanilang tungkulin. Para sa ibang tao, maaaring magmistulang hindi mo magagawa ang mga bagay-bagay gamit ang iyong kakayahan at ang iyong mga natutunan—subalit kapag gumagawa ang Diyos at binibigyan ka ng kaliwanagan, hindi mo lamang mauunawaan at magagawa ang mga bagay na iyon, kundi magagawa mo pa ang mga iyon nang mabuti. Sa huli, mapapaisip ka pa sa sarili mo, ‘Hindi ako ganoon kahusay dati, pero ngayon ay mas higit na maraming magandang bagay sa loob ko—lahat ng ito ay positibo. Hindi ko kailanman inaral ang mga bagay na iyon, ngunit biglang naiintindihan ko na ang lahat ng ito ngayon. Paanong bigla na lang akong tumalino nang husto? Paanong napakarami ko nang kayang gawin ngayon?’ Hindi mo ito maipapaliwanag. Ito ang kaliwanagan at pagpapala ng Diyos; ganito pinagpapala ng Diyos ang mga tao. Kung hindi ninyo ito nararamdaman kapag ginagampanan ang inyong tungkulin o ginagawa ang inyong trabaho, hindi kayo pinagpala ng Diyos. Kung pakiramdam mo lagi ay walang kabuluhan ang paggawa mo ng iyong tungkulin, kung pakiramdam mo parang wala namang kailangang gawin, at hindi mo magawang mag-ambag, kung hindi ka kailanman nakatatanggap ng kaliwanagan, at pakiramdam mo ay wala kang anumang katalinuhan o karunungan na magagamit, kung gayon ay problema nga ito. Nagpapakita ito na wala kang tamang motibo o ng tamang landas sa pagganap sa iyong tungkulin, at hindi sang-ayon ang Diyos, at hindi normal ang iyong kalagayan” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Isang Matapat na Tao Lamang ang Makapagsasabuhay ng Tunay na Wangis ng Tao). Pagkatapos kong basahin ang mga salita ng Diyos, napagtanto ko na ang kamakailang kawalan ko ng pag-unlad sa paggawa ng mga video ay unang-unang dahil sa maling saloobin ko sa aking tungkulin. Natakot akong magkaroon ng alalahanin at mapagod, at ayaw kong maglaan ng pagsisikap sa aking tungkulin, kaya pinili ko lamang ang madadaling gampanin. Hindi ko ibinuhos ang aking isipan at lakas sa aking tungkulin, at palagi akong nagiging tuso at palaiwas. Kinasuklaman ng Diyos ang aking saloobin sa aking tungkulin at kinuha Niya ang mga bagay na dating nasa akin. Wala akong nagawang pag-unlad sa aking tungkulin, at hindi ko man lang magawa nang maayos ang mga simpleng video. Kung hindi ako magsisisi, maaaring mawala na nang tuluyan ang tungkulin ko. Habang pinagninilayan ko ang mga panahong nagsasanay ako ng pagdidilig sa mga baguhan, sa simula, marami ring mga prinsipyo ang hindi ko maarok, pero nakipagbahaginan at tinulungan ako ng sister na kapareha ko. Nagtatanong ako sa kanya sa tuwing nakahaharap ako ng mga paghihirap, at ibinubuod ko ang mga bagay-bagay, pinag-aralan, at madalas na nananalangin sa Diyos. Noong mga panahong iyon, mabilis akong umunlad at naging epektibo ako sa aking tungkulin. Kumpara sa ngayon, na bagaman matagal na akong hindi nagsasanay sa paggawa ng video, mayroong ilang pamamaraan na maaari kong matutuhan kung isasagawa ko mismo at pag-aaralan ang mga ito. Ngunit nagpasasa ako sa pisikal na kaginhawahan, walang pagnanais na umunlad, at ayaw magbayad ng halaga, kaya hindi umunlad ang aking mga propesyonal na kasanayan at hindi ko makita ang paggabay ng Diyos sa paggawa ko ng aking tungkulin. Ang Diyos ay makatarungan at matuwid sa mga tao. Kung magbabayad tayo ng halaga at ilalagay ang ating puso sa ating tungkulin, matatamo natin ang kaliwanagan at paggabay ng Diyos, at kapwa tayo uunlad sa ating buhay pagpasok at sa mga propesyonal na kasanayan. Ngunit kung hindi natin ilalagay ang ating puso sa ating tungkulin at tayo ay tuso at palaiwas, sa huli ay mabubunyag din tayo, at sa paglipas ng panahon, hindi natin makakamtan ang mga bagay na dapat sana ay ating nakamtan. Habang pinagninilayan ko ito, nakaramdam ako ng matinding pagkakonsensiya at pagsisisi. Ang layunin ng Diyos para sa akin ay ang magbayad ako ng halaga at isapuso ko ang aking tungkulin, upang matupad ang layunin ko sa aking tungkulin, at upang makalikha ng mas magagandang video para ipalaganap ang ebanghelyo at magpatotoo sa Diyos. Ngunit naging tamad ako at nagpasasa sa kaginhawaan, hindi ako tunay na nagbayad ng halaga sa aking tungkulin at hindi ko nagawa ang nararapat kong gawin. Binigo ko ang Diyos. Talagang wala akong pagkatao at hindi ko alam ang mabuti para sa akin! Nang mapagtanto ko ito, naiyak ako at nanalangin sa Diyos, “O Diyos, hindi ko dapat ginampanan ang aking tungkulin nang may ganoong saloobin. Talagang hindi ako mapagkakatiwalaan! O Diyos, handa akong magsisi para sa Iyo. Pakiusap, siyasatin Mo ang aking puso, at gabayan at tulungan Mo ako.”
Pagkatapos, muli akong nagsikap na maunawaan kung bakit palagi akong umuurong sa tuwing nahaharap sa mga paghihirap. Binasa ko ang mga salitang ito ng Diyos: “Ngayon, bagaman magsisimula pa lamang ang susunod na hakbang sa gawain ng Diyos, walang anumang karagdagan tungkol sa mga hinihingi sa iyo at sa kung ano ang ipinasasabuhay sa iyo. Napakarami ng gawain, at napakaraming katotohanan; ang mga yaon ba ay hindi karapat-dapat na malaman mo? Hindi ba kayang gisingin ng pagkastigo at paghatol ng Diyos ang iyong espiritu? Hindi ba kaya ng pagkastigo at paghatol ng Diyos na tulutan kang kamuhian ang iyong sarili? Sapat na ba sa iyo na mamuhay sa ilalim ng impluwensiya ni Satanas, may kapayapaan at kagalakan, at kaunting makalamang kaginhawahan? Hindi ba’t ikaw ang pinakamababa sa lahat ng tao? Wala nang mas hahangal pa kaysa sa mga yaong nakakita sa kaligtasan ngunit hindi hinangad na makamit ito; sila ay mga taong nagpapakasasa sa laman at nasisiyahan kay Satanas. Umaasa ka na ang iyong pananalig sa Diyos ay hindi magsasanhi ng anumang mga hamon o mga kapighatian, o ng kahit katiting na paghihirap. Lagi mong hinahangad ang mga bagay na walang-halaga, at hindi mo pinahahalagahan ang buhay, sa halip ay inuuna mo ang iyong sariling matataas na kaisipan bago ang katotohanan. Ikaw nga ay walang-halaga! Nabubuhay ka na parang isang baboy—ano nga ba ang pagkakaiba sa pagitan mo, at ng mga baboy at mga aso? Hindi ba’t lahat niyaong hindi naghahangad sa katotohanan, at sa halip ay iniibig ang laman, ay mga hayop? Ang mga patay ba na walang mga espiritu ay lumalakad na mga bangkay? Gaano na karaming salita ang nasambit sa gitna ninyo? Kaunting trabaho lamang ba ang nagawa sa gitna ninyo? Gaano na karami ang naipagkaloob Ko sa inyo? Kaya bakit hindi mo ito nakamit? Ano ang iyong mairereklamo? Hindi ba’t wala kang natamo dahil sa iyong labis na pag-ibig sa laman? At hindi ba’t dahil ito sa ang iyong mga kaisipan ay masyadong mataas? Hindi ba’t dahil ito sa ikaw ay napakahangal? … Ang duwag na kagaya mo, na palaging naghahangad sa laman—mayroon ka bang puso, mayroon ka bang espiritu? Hindi ka ba isang hayop? Ibinibigay Ko sa iyo ang tunay na daan nang hindi humihingi ng anumang kapalit, gayunman ay hindi ka nagsisikap. Isa ka ba sa mga naniniwala sa Diyos? Ipinagkakaloob Ko ang tunay na buhay ng tao sa iyo, gayunman ay hindi ka nagsisikap. Wala ka bang pagkakaiba sa isang baboy o isang aso? Ang mga baboy ay hindi naghahangad ng buhay ng tao, hindi nila hinahangad na maging malinis, at hindi nila nauunawaan kung ano ang buhay. Bawat araw, pagkatapos nilang kumain nang busog, natutulog na sila. Naibigay Ko na sa iyo ang tunay na daan, gayunman ay hindi mo ito nakamtan: Wala kang pag-aari. Handa ka bang magpatuloy sa ganitong buhay, ang buhay ng isang baboy? Ano nga ba ang kahalagahan ng mga gayong tao na nabubuhay? Ang iyong buhay ay kasumpa-sumpa at walang-dangal, nabubuhay ka sa gitna ng karumihan at kahalayan, at hindi ka naghahangad ng anumang layon; hindi ba’t ang iyong buhay ang pinakahamak sa lahat? Mayroon ka bang lakas ng loob na tumingin sa Diyos? Kung magpapatuloy ka sa pagdanas nang ganito, hindi ba’t wala kang matatamo? Ang tunay na daan ay naibigay na sa iyo, ngunit kung makakamit mo ito sa kasukdulan o hindi ay nakasalalay sa iyong pansariling paghahangad” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang mga Karanasan ni Pedro: Ang Kanyang Kaalaman sa Pagkastigo at Paghatol). Nang mabasa ko ang mga salitang tulad ng “duwag” at “hayop,” nakaramdam ako ng sakit sa aking puso. Ako pala mismo ang uri ng tao na inilalantad ng Diyos, isang tao na pinahahalagahan ang laman at hindi hinahangad ang katotohanan. Sa pagtupad ko sa aking tungkulin, nagpasasa ako sa pisikal na kaginhawaan, hindi nagnanais na magbayad ng halaga para sa anumang bagay. Palagi kong nais gawin ang mga madali at simpleng gawain, at naging pabaya na lang sa bawat araw. Para akong baboy, kumakain, umiinom, at natutulog lamang sa buong araw, walang anumang kaisipan o mga layong hinahangad. Wala akong pasanin o pagnanais na umunlad sa aking tungkulin, at palaging sumusuko sa aking laman. Ito ay dahil palagi kong ginagamit ang mga satanikong lason tulad ng “Ang bawat tao para sa kanyang sarili at bahala na ang iba,” at “Maigsi ang buhay; magpakasaya habang kaya,” bilang mga tuntunin na sinusunod sa buhay. Bago ako manampalataya sa Diyos, ako ay kontento sa dati kong kalagayan, naghanap ng kaginhawaan, at walang anumang ambisyon. Akala ko, dahil maikli ang buhay, dapat kong sulitin ang bawat araw sa mundong ito kaysa gawin kong nakapapagod o mahirap ang buhay para sa sarili ko. Pagkatapos manampalataya sa Diyos, dinala ko pa rin ang pananaw na ito sa pagtupad ko ng aking tungkulin. Kapag nakatatagpo ako ng mahihirap na video, ipinapasa ko ito kay Jiang Xin at naghahanap ako ng mga madaling gampanin para sa sarili ko. Nang maglaon, nang nagpatong-patong na ang trabaho ng sister at nahirapan na siya sa kanyang tungkulin, umiwas lamang ako at hindi ito sineryoso, hindi nais na makibahagi sa pasanin. Inisip ko lamang ang aking sariling laman, hindi ang mga paghihirap ng sister o ang gawain ng iglesia. Napakasakim ko at kasuklam-suklam! Habang pinagninilayan ko ito, napagtanto ko na ang mga lasong ito na ipinasok ni Satanas sa aking isipan ay nagpasama at nagpabulok sa akin, nang walang anumang pagnanais na umunlad, at namumuhay ng isang walang kabuluhang buhay. Tiyak na hindi ako magtatagal sa pagtupad ng aking tungkulin nang may ganitong saloobin, at sa huli, ibubunyag at ititiwalag ako ng Diyos.
Hindi naglaon, naunawaan ko ang mga hinihingi ng Diyos sa mga tao mula sa Kanyang mga salita. Nabasa ko ito sa mga salita ng Diyos: “Ipagpalagay nating nagsasaayos ang iglesia ng trabaho para sa iyo, at sinasabi mong, ‘… Anumang trabaho ang iatas sa akin ng iglesia, tatanggapin ko iyon nang buong puso at lakas. Kung mayroon akong hindi maunawaan o magkaroon ng problema, mananalangin ako sa Diyos, hahanapin ang katotohanan, lulutasin ang mga problema ayon sa mga katotohanang prinsipyo, at gagawin ko nang maayos ang trabahong iyon. Anuman ang tungkulin ko, gagamitin ko ang lahat ng mayroon ako para gawin iyon nang maayos at mapalugod ko ang Diyos. Dahil anuman ang aking makamit, gagawin ko ang makakaya ko para balikatin ang responsabilidad na dapat kong pasanin, at kahit paano, hindi ako sasalungat sa konsensiya at katwiran ko, o magiging pabaya, o magiging tuso at tamad, o magpakasasa sa mga bunga ng pagtatrabaho ng iba. Wala akong gagawin na hindi aabot sa pamantayan ng konsensiya.’ Ito ang pinakamababang pamantayan ng pag-asal ng sarili, at ang taong gumagawa sa kanyang tungkulin sa gayong paraan ay maaaring maituring na isang taong may konsensiya at katwiran. Dapat kahit papaano ay malinis ang konsensiya mo sa paggawa ng iyong tungkulin, at dapat kahit papaano ay karapat-dapat ka sa kinakain mo tatlong beses sa isang araw at hindi maging pabigat. Ang tawag dito ay pagkakaroon ng pagpapahalaga sa responsabilidad. Mataas man o mababa ang iyong kakayahan, at nauunawaan mo man ang katotohanan o hindi, sa anumang kaso, dapat mong taglayin ang saloobing ito: ‘Dahil ibinigay sa akin ang gawaing ito para gawin ko, dapat ko itong tratuhin nang seryoso, dapat kong alalahanin ito, at dapat kong gamitin ang buong puso at lakas ko para gawin ito nang maayos. Tungkol sa kung magagawa ko ba ito nang napakaayos, hindi ko maaaring ipagpalagay na garantisado iyon, ngunit ang saloobin ko ay na gagawin ko ang makakaya ko para gampanan iyon nang maayos, at tiyak na hindi ako magiging pabasta-basta tungkol dito. Kung magkaroon ng problema sa gawain, dapat kong tanggapin ang responsabilidad, at tiyakin na matuto ako ng aral mula rito at gawin nang maayos ang aking tungkulin.’ Ito ang tamang saloobin” (Ang Salita, Vol. V. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa (8)). Pagkatapos basahin ang mga salita ng Diyos, nagkaroon ako ng landas ng pagsasagawa. Itinaas ako ng Diyos upang gampanan ang tungkuling ito, kaya kailangan kong isapuso ang maayos na pagtupad nito. Kapag naharap sa mga paghihirap, hindi ako dapat maging tuso o umiwas. Kailangan kong magbayad ng halaga at gawin ang aking makakaya upang tuparin ang aking tungkulin. Nagsisimula pa lamang akong magsanay sa paggawa ng mga video at hindi pa ako bihasa rito, kaya sa mga susunod, kailangan kong magsikap upang paunlarin ang aking mga propesyonal na kasanayan. Kapag nakatagpo ako ng mahihirap na video, dapat ko itong tanggapin hangga’t kaya ko ang gampanin, o kaya ay makipagtulungan ako kay Jiang Xin sa paggawa nito, magbayad talaga ng halaga, itanong sa kanya ang mga bagay na hindi ko nauunawaan, at matuto nang paunti-unti. Sa ganitong paraan, magagamit ko sa aking tungkulin ang mga kasanayang natutuhan ko.
Minsan, nais kong ipasa na naman kay Jiang Xin ang isang mahirap na video na ginagawa ko, ngunit naalala ko ang aking naunang panalangin sa Diyos upang magsisi, at napagtanto ko na kapag nahaharap ako sa mga paghihirap sa paggawa ng video na ito, nais ko na namang iwasan ang responsabilidad. Hindi ba’t natatakot pa rin akong magbayad ng halaga at hindi naghahanap ng pag-unlad? Kaya nanalangin ako sa Diyos, humiling na gabayan Niya ako upang maghimagsik laban sa aking laman at tunay na magbayad ng halaga. Napagbulayan ko rin kung paanong umaasa ang Diyos na makapaghihimagsik ako laban sa aking laman at maisasagawa ko ang katotohanan kapag nahaharap sa paghihirap na ito, at sa pamamagitan ng paggawa ng mga video, mapapaunlad ang aking mga kasanayan. Nang nauunawaan ko na ang layunin ng Diyos, masigasig akong naghanap ng impormasyon at natutuhan ko ang ilang kaparaanan, at sa huli, matagumpay kong natapos ang video. Bagaman kinailangan ng oras at pagsisikap ang paggawa ng video, umunlad ang aking mga kasanayan. Salamat sa Diyos sa Kanyang paggabay!