Sa Wakas ay Nauunawaan Ko na ang Kahulugan ng Pagtupad sa Aking Tungkulin

Pebrero 4, 2021

Ni Xunqiu, South Korea

Sabi ng Makapangyarihang Diyos, “Ang pagganap ng tao sa kanyang tungkulin ay, sa totoo lang, ang pagsasakatuparan ng lahat ng likas sa kalooban ng tao, na ibig sabihin ay, yaong posible para sa tao. Noon lamang natutupad ang kanyang tungkulin. Ang mga depekto ng tao sa kanyang paglilingkod ay unti-unting nababawasan sa pamamagitan ng umuunlad na karanasan at ng proseso ng pagpapailalim niya sa paghatol; hindi ito nakapipigil o nakakaapekto sa tungkulin ng tao. Yaong mga tumitigil sa paglilingkod o sumusuko at umuurong dahil sa takot na maaaring may mga sagabal sa kanilang paglilingkod ang pinakamatinding karuwagan sa lahat. Kung hindi kayang ipahayag ng mga tao ang nararapat nilang ipahayag habang naglilingkod o makamit kung ano ang likas na posible para sa kanila, at sa halip ay nagbibiru-biruan at gumagawa lamang para matapos na, naiwala na nila ang tungkuling dapat taglayin ng isang nilalang. Ang gayong mga tao ay kilala bilang ‘mga walang-kabuluhan’; sila ay mga walang-silbing yagit. Paano matatawag nang wasto na mga nilalang ang gayong mga tao? Hindi ba mga tiwali silang nilalang na maningning sa labas ngunit bulok sa loob?(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Pagkakaiba sa Pagitan ng Ministeryo ng Diyos na Nagkatawang-tao at ng Tungkulin ng Tao). Natulungan ako ng mga salita ng Diyos na maunawaan ang tunay na kahulugan ng paggawa ng ating tungkulin. Ibig sabihin ay gaano man tayo katalino o kagaling, dapat nating isabuhay nang lubusan ang lahat ng ating nauunawaan. Hindi tayo puwedeng magmadali o basta gumawa nang hindi nag-iisip. Kailangan tayong patuloy na magsikap batay sa hinihingi ng Diyos. Sa gayong paraan, mapupunan natin ang anumang kahinaan o kakulangan sa pagganap sa ating mga tungkulin at mas lalong gaganda ang makukuha nating mga resulta.

Kamakailan, gustong kunan ng iglesia ng ilang video ang mga solong himno ng mga salita ng Diyos. Gusto ng team leader namin na kantahin at gitarahin ko nang solo ang isa sa mga kanta. Nang sabihin niya ito sa akin, medyo kinabahan ako. Mas mahirap kumanta at maggitara kaysa sa kumanta lang. At saka, nasubukan ko nang magsolo nang ganoon dati, pero habang kumakanta nagtuon ako sa pagkanta at nagkamali ako sa chords, pero nang magtuon ako sa chords, walang buhay ang pagkanta ko. Sa bandang huli, hindi nila magamit ang bahagi ko sa video. Nang ipagawa ito ulit sa akin, ginusto kong humindi, pero inisip ko na hindi iyon aayon sa kalooban ng Diyos. Inisip ng lahat ng aking kapatid na bagay na bagay sa akin ang kanta, kaya naisip ko na sakyan na lang ito at gawin ang tungkulin ko. Kaya, tinanggap ko ang papel. Pagkaraan ng dalawang araw ng pag-eensayo, medyo nagamayan ko na ang mga bahaging kakantahin at gagampanan ko. Pero medyo kumplikado at mahirap tandaan ang chords sa gitara. Nang isang araw na lang bago kunan ang video, talagang kinakabahan na ako. Natakot ako na kahit panay ang praktis ko, baka huli na ang lahat para baguhin ang anuman, at kung panay nga ang praktis ko, hindi kaya mamaga ang mga kamay ko? Sa kabila ng paghihirap ko, baka nga ni hindi ko matandaan iyon. Nang maisip ko iyon, hindi ko ginustong magsakripisyo, kaya patuloy akong nag-isip ng perpektong solusyon sa mahirap na problemang ito. Noon ako nagkaideya: Puwede kong hilingin sa cameraman na huwag kunan masyado ang mga kamay ko, para hindi ko na kailanganing praktisin pang mabuti ang nakakainis na chords. At makukunan pa rin kami ng video. Mukhang magandang ideya iyon. Ang totoo, medyo asiwa ako nang maisip ko ang ideyang ito. Pakiramdam ko iresponsable akong tao. Paano kung nagkaproblema sa chords, at kinailangan naming i-reshoot ang video? Pero naisip ko sa sarili ko: “Kapos na sa oras at napakahirap na kanta niyan. Nakakapagod at nakaka-stress na tugtugin nang maayos ang kanta. Hindi ko kayang magtanghal nang higit sa kaya ko. Bukod pa riyan, kailangan naming mailabas ang video sa lalong madaling panahon. Dapat maintindihan iyan ng lahat.” Pagkatapos noon, nagtuon ako sa aking pagkanta at pagganap, nang hindi na gaanong nag-aalala tungkol sa chords. Naisip ko na maganda na iyon.

Nang oras na para mag-shoot, pinakiusapan ko ang brother na nagsu-shoot na huwag kunan ng maraming close-up ang mga kamay ko. Hindi ko inisip na magkakaproblema. Pero kinabukasan, sinabi ng direktor na mali ang tinipa kong ilan sa chords at tinanong ako kung ano ang nangyari. Nakonsiyensya ako at namula nang husto ang mukha ko. Naisip ko, “Naku, kailangan ba naming mag-reshoot?” Kinausap ko kaagad ang direktor kung may iba pang soulusyon. Umiling lang siya at sinabi, “Sinubukan ko, pero hindi maganda.” Sa sagot niyang ito, alam ko nang kailangan naming mag-reshooot. Nakonsiyensya ako dahil ako ang naging dahilan ng problema. Kalaunan, nang pag-usapan namin ang nangyari, sinabi ko sa lahat ang mga dahilan kaya ko ginawa ang ginawa ko. Sinisi ako ng isang sister, at sinabi, “Bakit hindi mo sinabi sa amin na hindi mo natutuhan ang chords? Ngayon tuloy kailangan nating mag-reshoot mula sa simula at naantala ang buong proyekto. Pabaya ka at iresponsable!” Hindi ko matanggap ang sinabi niya. Naisip ko, “Hindi ko ba ginawa ang lahat ng kaya ko? Ang totoo ay hindi ko kayang tipahin ang chords, at ginawa ko iyon para siguruhing matapos kaagad ang video. Hindi lang nila dapat kinunan ang mga kamay ko, hindi ba?” Nangatwiran lang ako, nang hindi nagmumuni-muni sa sarili ko. Pero sabi sa akin ng isa pang sister, “Kung nahihirapan ka, sana nagpraktis ka pa, kahit maantala nang ilang araw ang shooting. Pero hindi maaaring hindi ka magseryoso nang ganoon. Ikaw ang bokalista—ano ang magiging hitsura kung hindi ka namin ipapakitang naggigitara? Napaka-iresponsable at pabaya mo naman!” Nang marinig kong sabihin niyang “napaka,” naapektuhan talaga ako. Hindi ko mapigil na isiping, “Kung iniisip ng lahat ng aking kapatid na pabaya ako sa mga tungkulin ko, baka nga talagang mali ako? Gusto ko ring maging maayos ang shooting. Pero naantala ang proyekto at kailangan naming mag-reshoot dahil mali ang chords na tinipa ko. Ako talaga ang dapat sisihin.” Nakonsiyensya ako sa ideyang iyon. Tumigil ako sa pagprotesta at nagsimulang magmuni-muni.

Kalaunan natagpuan ko ang isang sipi ng salita ng Diyos na talagang umantig sa akin. Ganito ang sabi roon: “Ano ang bunga ng pagganap ng iyong tungkulin sa paraang pabaya at walang interes, at itinuturing ito na tila walang halaga? Ito ang hindi magandang pagganap ng iyong tungkulin, bagama’t may kakayahan kang gampanan ito nang maayos—ang iyong pagganap ay hindi aabot sa pamantayan, at ang Diyos ay hindi masisiyahan sa iyong pag-uugali sa iyong tungkulin. Kung, sa una, nagsikap at nakipagtulungan ka nang normal; kung inilaan mo dito ang lahat ng iyong iniisip; kung iniukol mo ang iyong puso at kaluluwa sa paggawa nito, at iniukol ang lahat ng iyong pagsisikap dito, at naglaan ng panahon ng iyong paggawa, iyong pagsusumikap, at iyong mga saloobin dito, o naglaan ng ilang oras sa mga sanggunian, at itinuon ang buo mong pag-iisip at katawan dito; kung ikaw ay nagkaroon ng kakayahang makipagtulungan nang gayon, ang Diyos ay mauuna, gumagabay sa iyo. Hindi mo kailangan magpilit nang labis; kapag nakikipagtulungan ka nang mabuti, inaayos na ng Diyos ang lahat para sa iyo. Kung ikaw ay tuso at madaya, at, sa kalagitnaan ng gawain, nagbabago ang iyong isip at naliligaw, ang Diyos ay hindi magpapakita ng interes sa iyo; mawawala sa iyo ang pagkakataong ito, at sasabihin ng Diyos, ‘Ikaw ay hindi sapat, ikaw ay walang silbi. Tumayo ka sa tabi. Gusto mo ng pagiging tamad, ano? Gusto mo ang pagiging mapanlinlang at tuso, hindi ba? Gusto mong namamahinga? Kung gayon, magpahinga ka.’ Ibibigay ng Diyos ang biyaya at pagkakataon sa kasunod na tao. Ano ang sasabihin ninyo: Ito ba ay isang pagkatalo o isang panalo? Ito ay isang napakalaking kalugihan!(“Paano Lulutasin ang Suliranin ng Pagiging Pabaya at Kawalang ng Sigla Habang Gumaganap sa Iyong Tungkulin” sa Mga Talaan ng mga Pananalita ni Cristo ng mga Huling Araw). Inilantad ng mga salita ng Diyos ang sarili kong kalagayan. Pumayag akong magpraktis para sa papel ng bida, pero hindi ko talaga ginawa ang ipinangako ko. Hindi ko pinansin ang mga kahinaan ko o hindi ako naghanap ng impormasyon kung paano mapaghuhusay ang pagtipa ko. Tinamad akong magpraktis dahil inisip kong mahihirapan ako nang husto. Idinahilan ko na wala akong oras at pinakiusapan ko ang cameraman na iwasang mag-close-up sa mga kamay ko. Akala ko malulusutan ko iyon, pero nakaantala lang iyon sa proyekto. Talagang iresponsable at pabaya ako! Nang bigyan ako ng tungkulin, hindi ko sinikap na tugtugin nang maayos ang kanta at magpatotoo sa Diyos. Sa halip, pinili kong huwag mahirapan, at ngayon ay kinailangan naming ulitin ang lahat. Bakit naging napaka-iresponsable ko? Kaunting praktis na lang, kaunting pagsisikap na lang, hindi ko sana naipahamak ang gawain ng bahay ng Diyos. Napoot ako sa sarili ko sa puntong iyon. Naisip ko, “Kung bibigyan ako ng isa pang pagkakataon, hindi na ako mawawalan ulit ng sigla. Kahit mapagod ako sa kapapraktis sa chords na iyon, gagawin ko ang kailangang gawin.”

Ipinasiya ng iba na bigyan ako ng dalawang araw pa para magpraktis. Talagang nakaantig iyon sa akin at nagpasalamat ako sa Diyos sa pagbibigay sa akin ng pagkakataong makabawi sa kasalanan ko. Mula noon pinagbutihan ko na ang pagsasaulo sa lahat ng chord, pero hirap na hirap talaga ako. Natakot ako na hindi pa rin sapat ang alam ko at na kukulangin ang dalawang araw para humusay ako. Nagsimula na naman akong mabalisa. Pero habang mas nababalisa ako, mas nakakalimot ako, at habang mas nakakalimot ako, mas nababalisa ako. Mabilis na lumipas ang umagang iyon. Hindi ko pa rin matugtog nang maayos ang kanta, at masakit na ang mga kamay ko. Karaniwan ay nagpapahinga ako mula sa pagpapraktis pagkatapos ng tanghalian, pero sa pagkakataong ito, alam kong kinailangan kong magpatuloy. Alam kong hindi ako maaaring magpahinga, kundi kailangan kong gamitin ang bawat sandaling mayroon ako para matipa ko nang tama ang chords. Nang isapuso ko ang ginagawa ko, ginabayan ako ng Diyos. Noong hapong iyon, hindi ko namalayan, naintindihan ko na kung paano isaulo nang paunti-unti ang chords! Humusay ako nang humusay. Pero dahil matagal na akong nagpaparaktis, nagsimulang mamaga ang mga kamay ko at natukso na naman akong tamarin. Nang mahuli kong bumabalik na naman ako sa ganitong pag-iisip, naisip ko ang isang bagay na sinabi ng Diyos, at agad kong binasa iyon: “Kapag nahaharap ka sa isang tungkuling nangangailangan ng iyong pagsisikap at paggastos, at kinakailangan mong ilaan ang iyong katawan, isipan, at panahon, hindi ka dapat magkait ng anuman, magkimkim ng anumang katusuhan, o magpalusot. Kung ikaw ay nagpapalusot, tuso, o madaya at traydor, malamang na hindi maging maganda ang trabaho mo. Maaari mong sabihing, ‘Walang nakakita na nandaya ako. Ang galing!’ Anong klaseng pag-iisip ito? Akala mo nalinlang ang mga tao sa mga kasinungalingan mo, at pati na ang Diyos. Ngunit sa totoo lang, alam ba ng Diyos kung ano ang nagawa mo o hindi? (Alam Niya.) Karaniwan, malalaman din ito ng mga taong nakakaugnayan mo sa loob ng mahabang panahon at sasabihin nila na isa kang taong palaging madaya, hindi masipag, at singkuwenta o sisenta porsiyento lamang ang ibinubuhos na pagsisikap, o otsenta ang pinakamalaki. Sasabihin nila na ginagawa mo ang lahat sa lubhang nakalilitong paraan, na ipinipikit ang iyong mga mata sa anumang ginagawa mo; ni hindi ka man lang seryoso sa iyong gawain. Kung may ipinagagawa sa iyo, saka ka lamang nagbibigay ng kaunting pagsisikap; kung may tumitingin kung ginagawa mo ang inaasahan sa iyo, medyo ginagandahan mo ang trabaho mo—ngunit kung walang nakatingin, medyo nagiging tamad ka na. Kung pinakikitunguhan ka, nagsusumikap kang gawin ito; kung hindi naman, palagi kang natutulog sa trabaho at sinusubukan mong makalusot kung kaya mo, na ipinapalagay na walang makakapansin. Lumilipas ang panahon, at napapansin ito ng mga tao. Sinasabi nila, ‘Hindi maaasahan at hindi mapagkakatiwalaan ang taong ito; kung bibigyan mo siya ng mahalagang tungkuling gagampanan, kakailanganin siyang pamahalaan. Magagawa niya ang mga karaniwang gawain at trabaho na hindi kinasasangkutan ng mga prinsipyo, ngunit kung bibigyan mo siya ng anumang mahalagang tungkuling gagampanan, malamang na guluhin lang niya iyon, at pagkatapos ay nalinlang ka na.’ Makikita ng mga tao ang tunay na ugali niya, at lahat ng kanyang dignidad at integridad ay ganap na mawawala. Kung walang maaaring magtiwala sa kanya, paano pa ang Diyos? Ipagkakatiwala ba sa kanya ng Diyos ang anumang mahahalagang gawain? Ang gayong tao ay hindi mapagkakatiwalaan(“Ang Pagpasok sa Buhay ay Dapat Magsimula sa Karanasan ng Pagganap sa Tungkulin ng Isa” sa Mga Talaan ng mga Pananalita ni Cristo ng mga Huling Araw).

Ipinatanto sa akin ng mga salita ng Diyos kung gaano ako kawalang-sigla sa tungkulin ko. Kampante lang ako sa pagpapraktis ng chords, at hindi ko hinangad na maabot ang pinakamataas na pamantayan. Hindi ako lubos na nagsikap. Nilalaro at hindi ko sineseryoso ang tungkulin ko. Wala akong integridad. Hindi ako mapagkakatiwalaan. Iniisip ko noon pa man na marubdob at masipag ako sa mga tungkulin ko, na walang-maliw ang katapatan ko. Pero ngayon, nakita ko na hindi ako nakatuon sa mga resulta, kundi hindi ako naging seryoso. Paano iyan naging paggawa ng tungkulin ko? Kung patuloy akong naging ganyan, sino ang mangangahas na magtiwalang muli sa akin? Hindi ba ako mawawalan ng aking integridad at karangalan? Nakagawa ako ng kasalanan noong huli. Ayaw ko nang maulit iyon. Hindi na baleng mamaga ang mga kamay ko o mapagod ako, mas mahalaga ang aking integridad at dignidad. Kaya, ipinasiya kong patuloy na praktisin ang chords, gaano man iyon nakakapagod o kahirap. Nang ipasiya kong tunay na magsisi, nakita ko ang mga pagpapala at patnubay ng Diyos. Noong araw na iyon mismo, nagpraktis ako hanggang madaling-araw, at nagawa kong isaulo ang lahat ng chords. Maghapon akong nagpraktis kinabukasan hanggang sa maging pamilyar ako sa buong kanta. Sa oras ng shooting, nakatuon ako nang husto sa bawat hakbang at nagdasal ako nang taimtim, na umaasa sa Diyos. Nagulat ako nang mai-shoot namin ang buong video sa isang take! Nang makita kong ganito ang kinalabasan noon, napayapa ako. Nalasap ko ang tamis ng pagsasagawa ng katotohanan.

Kalaunan ay binigyan ako ng tungkuling kumatha ng musika. Matagal na akong hindi nakakatha ng kanta, kaya medyo kulang ako sa praktis. Lalo na, mga rock song ang ginagawa namin nitong huli, na hindi ko pa nagawa dati, kaya medyo nag-alala ko. Pero alam ko na isang tungkulin itong kailangan kong tuparin at gawin ang lahat. Kaya, nagplano akong kumumpleto ng dalawang kanta pagsapit ng katapusan ng buwan. Maghapo’t magdamag kong kinatha ang mga kanta, at nang mapagod na ako, hiniling ko sa Diyos na tulungan akong talikdan ang laman. May naisip akong melody at agad kong binuo ang kanta. Nang matapos ito, ipinarinig ko ito sa aking mga kapatid. Sabi nila okey iyon at na tama ang estilo para sa rock music. Pero sa loob-loob ko, naisip ko: “Kung nagsikap pa akong kinisin ang chorus melody, mas gaganda pa ang kanta.” Pero nagdalawang-isip ako. Wala pa akong malinaw na direksyon noon at ayaw kong paguring masyado ang sarili ko. Bukod pa rito, wala namang problema ang mga kapatid doon. Puwede na iyon. At saka, noon pa lang ako natutong kumatha ng ganitong klaseng kanta, kaya normal lang na may kaunting mali. Isinumite ko iyon sa team leader.

Makalipas ang ilang araw, sinabi niya sa akin na tama ang ginawa ko, pero medyo magaspang ang melody. Iminungkahi niya na pag-isipan ko pa nang kaunti ang lyrics. Medyo tutol ako rito at naisip ko, “Ngayon pa lang ako natutong kumatha ng ganitong klaseng kanta. Ang dami mo namang hinihiling sa akin!” Maraming oras na ang nagugol ko riyan at ilang araw pa ako naghintay sa feedback niya. Kalahating buwan na ang lumipas. Nang makita kong walang progreso, medyo nag-alala na ako. Ang pagbabago sa katha ay mangangailangan talaga ng malaking pagsisikap at hindi ko alam kung ano ang kalalabasan nito. Kaya, isinulat kong muli ang tono. Sabi ng team leader hindi raw iyon maganda at parang kantang pambata ang tono. Nalungkot talaga ako. Naisip ko, “Ibinibigay ko ang lahat ng kaya ko pero wala pa ni isang kantang naaprubahan. Ano ang dapat kong gawin?” Kalaunan, sumulat pa ako ng ilang melody, pero wala ni isa sa mga ito ang tinanggap. Nabagabag ako nang husto. Inisip ko kung paano ko ipinasiyang kumatha ng dalawang kanta pagsapit ng katapusan ng buwan, pero wala akong natapos ni isa. Nabigo ako sa mga tungkulin ko. Wala ba akong kuwenta?

Sa isang pagtitipon kalaunan, ipinaalala sa akin ng team leader, “Orihinal ang mga katha mo at maganda ang estilo, pero bakit wala pang naaaprubahan? Hindi nakatuon ang pansin mo sa lyrics, kaya hindi akma ang lyrics sa melody. Tuwing babaguhin mo ito, lalong pumapangit. Nakakaantala ito sa gawain ng bahay ng Diyos.” Pagkatapos, idinagdag pa ng isang brother: “Hindi maganda ang pagkanta mo sa mga recording. Ni hindi tugma ang ilan sa mga iyon sa sheet music. Nagpapabaya ka!” Nakakahiyang mapakitunguhan at mapagalitan ng mga brother. Gusto kong magtago. Pagdating ko ng bahay, nagdasal ako sa Diyos: “Diyos ko, nawalan ako ng sigla sa tungkulin ko. Hindi ako naging deboto, pero hindi ko alam kung paano lutasin ang problemang ito. Tulungan Mo sana ako at gabayan.”

Kalaunan, binasa ko ito sa mga salita ng Diyos: “Hindi ba isang bagay sa loob ng isang tiwaling disposisyon na pamahalaan nang walang galang at iresponsable ang mga bagay-bagay? Anong bagay? Kabastusan iyan; sa lahat ng usapin, sinasabi nilang ‘tama lang iyan’ at ‘puwede na’; ito ay isang saloobin ng ‘siguro,’ ‘posible,’ at ‘malamang’; ginagawa nila ang mga bagay-bagay nang hindi pinag-iisipan, nasisiyahan na silang gumawa sa pinakamababang paraan, at nasisiyahang gumawa nang walang kaplanu-plano hangga’t kaya nila; wala silang nakikitang dahilan para seryosohin ang mga bagay-bagay o magpunyaging gumawa nang may katumpakan, at lalong wala silang nakikitang dahilan para maghangad ng mga prinsipyo. Hindi ba ito isang bagay na nasa loob ng isang tiwaling disposisyon? Pagpapakita ba ito ng normal na pagkatao? Tama lamang na tawagin itong kayabangan, at angkop na angkop ding tawagin itong bulok—ngunit para maunawaan ito nang malinaw, ang tanging salitang puwede na ay ‘bastos.’ Ang gayong kabastusan ay nasa pagkatao ng karamihan sa mga tao; sa lahat ng bagay, nais nilang gawin ang pinakamaliit na posibleng gawin, upang makita kung makakalusot sila, at may bakas ng panlilinlang sa lahat ng ginagawa nila. Dinadaya nila ang iba tuwing may pagkakataon sila, nilalaktawan ang ilang hakbang hangga’t kaya nila, at ayaw na ayaw nilang gumugol ng napakaraming oras o pag-iisip tungkol sa isang bagay. Hangga’t maiiwasan nilang mabunyag sila, at wala silang idinudulot na problema, at hindi sila pinananagot, akala nila ay maayos ang lahat, at sa gayon ay patuloy silang gumagawa nang hindi nag-iisip. Para sa kanila, hindi talaga sulit na gawin ang isang trabaho nang maayos. Ang gayong mga tao ay walang natututuhang kasanayan, at hindi nila ginagamit ang kanilang pinag-aralan. Gusto lang nilang makuha ang malawakang balangkas ng isang paksa at pagkatapos ay tinatawag ang sarili nila na bihasa roon, at pagkatapos ay umaasa silang matapos ito kahit hindi nila alam ang gagawin. Hindi ba ganito ang pag-uugali ng mga tao sa mga bagay-bagay? Maganda ba ang ganitong pag-uugali? Ang ganitong uri ng pag-uugali na ginagamit ng mga taong ito sa mga tao, kaganapan, at bagay-bagay, sa maikling salita, ay ang ‘mangapa,’ at ang gayong kabastusan ay umiiral sa lahat ng tiwaling sangkatauhan(“Para sa mga Lider at Manggagawa, ang Pagpili ng Isang Landas ang Pinakamahalaga (9)” sa Mga Talaan ng mga Pananalita ni Cristo ng mga Huling Araw). “Paano masasabi ng isang tao ang kaibhan sa pagitan ng marangal at hamak na mga tao? Tingnan lamang ninyo ang kanilang pag-uugali at asal sa pagtrato nila sa mga tao, kaganapan, at bagay-bagay—tingnan ninyo kung paano sila kumilos, paano nila pinamamahalaan ang mga bagay-bagay, at paano sila kumikilos kapag nagkakaroon ng mga problema. Ang mga taong may magandang asal at dignidad ay maselan, seryoso at masipag sa kanilang mga kilos, at handang magsakripisyo. Ang mga taong hindi maganda ang asal at dignidad ay magulo at padaskol kumilos, laging nanloloko, laging gustong magtrabaho lamang nang hindi nag-iisip. Hindi sila natututo ng anumang kasanayan, at, gaano katagal man sila mag-aral, nananatili silang nalilito dahil sa kamangmangan sa mga bagay na nangangailangan ng kasanayan o propesyon. Kung hindi mo sila pipiliting sumagot, parang maayos ang lahat, ngunit, sa sandaling gawin mo iyon, nagugulumihanan sila—tumutulo ang pawis sa kanilang mga kilay, at hindi sila makasagot. Hamak ang pagkatao ng mga taong iyon(“Para sa mga Lider at Manggagawa, ang Pagpili ng Isang Landas ang Pinakamahalaga (9)” sa Mga Talaan ng mga Pananalita ni Cristo ng mga Huling Araw). Nang mabasa ko ito ay saka ko lang natanto na naging pabaya ako sa tungkulin ko, dahil may kasamaan sa kalooban ko. Gusto ko madali lang ang gawin ko, wala akong pakialam sa kalidad ng trabaho ko. Ayaw kong hangarin ang mga prinsipyo ng katotohanan at gawin ang tungkulin ko ayon sa mga hinihiling ng Diyos. Kapag iniisip ko ang tungkol sa panahong ito, kumukuha man ako ng video o kumakatha ng kanta, tuwing nahaharap ako sa problemang kailangan ng pagsisikap, tuwing kailangan kong magsakripisyo, hindi ako gaanong nagsisikap. Hindi ko sinikap na magpakahusay o magpakasipag. Sa katunayan, alam ko naman na kung naging mas masipag at mas nakatuon ako, magagawa ko nang mas maayos ang tungkulin ko. Pero hindi ko ibinigay ang lahat ng kaya ko, lagi kong pinagusto ang sarili ko. Kaya hindi ako makasulong sa gawain ko o makapagpatotoo para sa Diyos sa pamamagitan ng tungkulin ko, at dahil diyan ay palagi kong naaantala ang gawain ng iglesia. Paano ko masasabing nagawa ko ang tungkulin ko? Malinaw na naaantala ko ang gawain ng bahay ng Diyos. Noon ko nakita kung gaano kaseryoso ang kasamaan ko. Hindi ako naging seryoso, wala sa loob ko ang ginagawa ko, tinangka kong lokohin ang Diyos. Wala akong karangalan at dignidad. Gusto ng Diyos yaong mga taong ginagawa nang matapat at masigasig ang kanilang tungkulin, hinahangad ang mga prinsipyo ng katotohanan sa harap ng mga paghihirap at ginagampanan ang kanilang tungkulin ayon sa kinakailangan ng Diyos. Mayroon silang dangal at integridad, at pinahahalagahan sa mga mata ng Diyos. Kumpara sa kanila, hindi ako nararapat matawag na tao. Nahihiya ako. Sa sandaling iyon, naunawaan ko: Inililigtas ako ng Diyos sa pamamagitan ng mga brother na tinatabasan at pinakikitunguhan ako. Kung hindi, lagi akong hindi magseseryoso nang ganito. Hindi ko gagawin nang maayos ang tungkulin ko kahit kailan. Magagambala ko ang gawain ng bahay ng Diyos at itatakwil ako ng Diyos.

Binasa ko ang iba pa sa mga salita ng Diyos: “Ang gawain ng Diyos ay ginagawa para sa kapakanan ng sangkatauhan, at ang pakikipagtulungan ng tao ay ibinibigay para sa kapakanan ng pamamahala ng Diyos. Pagkatapos na nagawa ng Diyos ang lahat ng nararapat Niyang gawin, ang tao ay kinakailangang maging pursigido sa kanyang pagsasagawa, at makipagtulungan sa Diyos. Sa gawain ng Diyos, ang tao ay hindi dapat magkulang sa pagsisikap, nararapat mag-alay ng kanyang katapatan, at hindi dapat magpasasa sa napakaraming kuru-kuro, o maupo nang walang-kibo at maghintay ng kamatayan. Kayang isakripisyo ng Diyos ang Kanyang Sarili para sa tao, kaya bakit hindi maibigay ng tao ang kanyang katapatan sa Diyos? May iisang puso at isip ang Diyos tungo sa tao, kaya bakit hindi makapag-alok ng kaunting pakikipagtulungan ang tao? Gumagawa ang Diyos para sa sangkatauhan, kaya bakit hindi magampanan ng tao ang ilan sa mga tungkulin niya para sa kapakanan ng pamamahala ng Diyos? Nakarating na ang gawain ng Diyos nang ganito kalayo, gayunman kayo ay nakakakita pa rin ngunit hindi kumikilos, kayo ay nakakarinig ngunit hindi gumagalaw. Hindi ba’t ang mga taong ganyan ay ang mga layon ng kapahamakan? Nailaan na ng Diyos ang Kanyang lahat para sa tao, kaya bakit, ngayon, hindi pa rin magampanan ng tao nang masigasig ang kanyang tungkulin? Para sa Diyos, ang Kanyang gawain ay ang Kanyang uunahin, at ang gawain ng Kanyang pamamahala ay ang pinakamahalaga. Para sa tao, ang pagsasagawa ng mga salita ng Diyos at pagtupad sa mga kinakailangan Niya ay kanyang unang prayoridad. Ito ay dapat maunawaan ninyong lahat(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Gawain ng Diyos at ang Pagsasagawa ng Tao). Antig na antig ako nang maisip ko ang mga salita ng Diyos. Ang Diyos ay may isang puso at isang isipan sa tao. Dalawang beses Siya naging tao para iligtas ang sangkatauhan, na ginawang tiwali ni Satanas. Siya ay nakutya, natanggihan ng maraming henerasyon, at labis na nagdusa. Sa kabila ng ating matinding katiwalian at kawalang-malasakit, hindi tayo pinabayaan ng Diyos kailanman. Ipinapahayag pa rin Niya ang katotohanan para iligtas tayo. Kulang tayo sa kakayahan at mabagal tayong tumanggap ng katotohanan, pero nakikisalamuha sa atin ang Diyos nang napakatapat, at marubdob. Kung minsan gumagamit Siya ng mga talinghaga at halimbawa, at nagkukuwento para gabayan tayo sa bawat anggulo, at sa bawat paraan. Ito ay upang maunawaan natin ang katotohanan at makapasok dito. Inaangkin ng Diyos ang responsibilidad para sa ating buhay at hindi Siya magpapahinga hangga’t hindi Niya tayo nagagawang ganap. Ang makita ang disposisyon ng Diyos at ang Kanyang taimtim na mga layon ay talagang nagbibigay-inspirasyon. Pero nang maisip ko kung paano ko natrato ang Diyos at kung paano ko ginampanan ang mga tungkulin ko, punung-puno ako ng panghihinayang. Seseryosohin ko na ang pagganap sa tungkulin ko. Lumapit ako sa Diyos at nagdasal, na tinatanong Siya kung paano ko talaga matitigilan ang pagiging pabaya at magagawa nang maayos ang tungkulin ko.

Pagkatapos ay binasa ko ang mga salita ng Diyos, na nagsabing: “Ano ang tungkulin? Ito ay isang tagubiling ipinagkatiwala ng Diyos sa mga tao. Kaya paano mo dapat tuparin ang iyong tungkulin? Sa pagkilos alinsunod sa mga hinihiling at pamantayan ng Diyos, at sa pagbatay ng iyong pag-uugali sa mga katotohanang prinsipyo sa halip na sa mga pansariling hangarin ng tao. Sa ganitong paraan, aayon sa pamantayan ang pagtupad mo sa iyong mga tungkulin(“Tanging sa Paghahanap ng Mga Prinsipyo ng Katotohanan Nagagampanan nang Maigi ng Isa ang Kanyang Tungkulin” sa Mga Talaan ng mga Pananalita ni Cristo ng mga Huling Araw). “Ano ang ibig sabihin ng taimtim itong ituring? Ang taimtim na pagtuturing ay hindi nangangahulugan ng pagbibigay ng kaunting pagsisikap o pagdaranas ng kaunting pisikal na pagpapahirap. Ang mahalaga ay may Diyos sa iyong puso, at isang pasanin. Sa iyong puso, dapat mong timbangin ang kahalagahan ng iyong tungkulin, at pagkaraan ay pasanin ang bigat at pananagutang ito sa lahat ng ginagawa mo at isapuso ito. Dapat mong gawing karapat-dapat ang iyong sarili sa misyon na ibinigay sa iyo ng Diyos, gayundin sa lahat ng nagawa ng Diyos para sa iyo, at sa Kanyang mga inaasam para sa iyo. Tanging sa paggawa niyon ang magiging taimtim na pagtuturing. Walang silbi ang paggawa ng mga bagay-bagay nang walang kahirap-hirap; maaari mong mapaglalangan ang mga tao, ngunit hindi mo malilinlang ang Diyos. Kung walang tunay na kabayaran at walang katapatan kapag ginagampanan mo ang iyong tungkulin, kung gayon ay hindi ito umaabot sa pamantayan(“Ang Mahusay na Pagganap ng Tungkulin ay Nangangailangan ng Kahit Man Lamang Isang Budhi” sa Mga Talaan ng mga Pananalita ni Cristo ng mga Huling Araw). Nagbigay ito ng kalinawan sa puso ko. Ang tungkulin natin ay ipinagkatiwala sa atin ng Diyos. Kailangan nating gawin ang hinihingi Niya at kumilos tayo ayon sa katotohanan. Hindi natin mapipili o pikit-matang masusunod ang sarili nating mga kagustuhan. Kailangan nating matugunan ang isang tiyak na pamantayan sa ating tungkulin—ang pakunwaring kasipagan ay walang kapupuntahan. Ang pinakamahalaga ay maging responsable, masigasig at tapat, maghangad, magnilay-nilay, at maghanap ng mga paraan para magpakahusay. Pagkatapos ay magagawa na natin ang ating tungkulin at mapapalugod ang Diyos. Kalaunan, nang kumakatha ako ng isang kanta, pinag-aralan kong mabuti ang lyrics, at nakakita ako ng ilang kanta na nagpahayag ng damdamin nito. Pinag-isipan kong mabuti kung paano ginamit ng ibang mga tao ang melody para ipahayag ang klase ng damdaming ito. Matapos maintindihan ang kahulugan ng lyrics, mood, at direksyon ng melody, nagsimula na akong kumatha. Hiningan ko ng payo ang mga kapatid kalaunan, dalawang beses ko binago ang katha, at pagkatapos ay handa na iyon. Isang linggo lang ang inabot para matapos iyon. Tinanggap din ang isa pang kathang binago ko. Nang makita ko kung gaano kadaling natapos ang mga kathang iyon, lalo akong nagsisi at nanghinayang sa hindi pagiging seryoso sa tungkulin ko noon. Nakita ko kung gaano kasama ako nagawang tiwali ni Satanas, gaano kaseryoso ng kasamaan ko, at gaano ako kapabaya sa trabaho ko. Salamat sa mga plano ng Diyos, nang pakitunguhan ako ng aking mga kapatid, nahanap ko na rin sa wakas ang katotohanan para malutas ko ang aking mga tiwaling disposisyon at magampanan ko ang tungkulin ko nang may katapatan. Salamat sa Diyos!

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

Nahanap ko ang Lugar Ko

Ni Rosalie, Timog KoreaMatapos kong maniwala sa Diyos, sobrang masigasig akong naghanap. Anuman ang tungkulin na isaayos ng iglesia para sa...