Kung Bakit Hindi Ko Nais Magbayad ng Halaga sa Aking Tungkulin

Disyembre 8, 2022

Ni Chang Jing, Timog Korea

Nagtatrabaho ako sa graphic design, at itinalaga ako ng lider ng grupo na lumikha ng bagong uri ng larawan. Wala pa akong masyadong karanasan nang panahong iyon, kaya hindi ko alam ang mga prinsipyo o ang mga kailangan sa gawain. Pinagsikapan ko ito nang mabuti, ngunit hindi gaanong maganda ang nagawa ko. Ilang beses ko itong in-edit nang walang masyadong nakikitang pagbabago. Nadama kong mahirap talaga ang magdisenyo sa bagong istilo na ito. Nang sabihin sa akin ng lider ng grupo na gumawa ng isa pang katulad na larawan, medyo tutol ako. Nag-isip ako nang nag-isip ng mga paraan upang maipasa ito sa iba, at sadya ko pang sinabi, sa harap ng lider ng grupo, na hindi ako magaling sa mga ganoong uri ng disenyo. Nahalata niya kung ano ang iniisip ko at tinigilan ang pagtatalaga ng mga ganoong trabaho sa akin. Kalaunan, hiniling sa akin ng lider ng iglesia na i-edit ang isang larawan sa huling sandali at sinabihan ang lider ng grupo na bigyan ako ng ilang detalyadong tagubilin. Medyo madalian ito, at kailangan kong i-edit ang anyo nito base sa orihinal na komposisyon nang mabilisan, at linisin ang mas detalyadong mga bahagi. Parang simple lang ito sa akin. Dahil mayroon na itong pangunahing hugis, sapat na siguro ang ilang maliliit na pagsasaayos. Ngunit hindi nasiyahan ang lider ng grupo sa aking mga edit at binigyan ako ng ilang mungkahi kung paano ito aayusin. Parang isang abala iyon at ayoko itong gawin. Pakiramdam ko ay maayos naman ang larawan—kung magagamit naman ito, sapat na iyon. Kailangan ba talagang maging sobrang mabusisi sa pag-aayos nito? Magsasayang lang ito ng maraming oras at lakas. Kaya napagpasyahan kong ibahagi ang mga nasa isip ko. Pero sa gulat ko, ipinadala sa akin ng lider ng grupo ang mensaheng ito: “Hindi mo isinasapuso ang iyong tungkulin o sinusubukang magkamit ng kahit ano. Palagi mong sinusubukang makaiwas sa abala at nagiging pabasta-basta ka. Paano mo magagawa nang maayos ang isang tungkulin sa ganyang klase ng pag-uugali?” Nang makita ang sunod-sunod na kritisismong ito, naguluhan ako at pakiramdam ko ay hindi naging maganda ang trato sa akin. Ganoon ba talaga ako kalala? Makalipas ang ilang araw, iwinasto ako ng lider ng iglesia dahil sa pagnanasa sa kaginhawahan ng laman at pag-iwas sa anumang mahirap. Sinabi niya na gusto kong iwasan ang abala ng mahihirap na disenyo, at hindi nagsumikap na gawin ang mga ito, na palagi kong iniraraos lang ang aking tungkulin, at hindi ako maaasahan. Talagang tinamaan ako nang marinig ko ang sinabi niya. Kahit ang isang sister na kilalang-kilala ako ay tahasang sinabi na, “Kung taga-disenyo ka na hindi pinag-iisipang mabuti ang paggawa ng magagandang disenyo, paano iyan naging paggawa ng iyong tungkulin?” Para akong binuhusan ng malamig na tubig nang marinig iyon, nanlamig ako hanggang sa kaloob-looban. Pakiramdam ko ay malamang tapos na ang panahon kong gawin ang aking tungkulin—alam na ng lahat kung anong klaseng tao ako, kaya wala nang magtitiwala sa akin mula noon.

Nang gabing iyon, nagbalik-tanaw ako sa lahat ng nangyari kamakailan at sa mga pagsusuri ng iba sa akin. Nainis talaga ako at nagalit sa aking sarili dahil binigo ko ang lahat. Bakit ganoon ko ginawa ang aking tungkulin? Umiyak ako nang umiyak. Sa pagdurusa ko, nabasa ko ito sa mga salita ng Diyos: “Kapag gumaganap ng tungkulin, laging pinipili ng mga tao ang magaan na trabaho, na hindi sila mapapagod, na hindi nila kailangang suungin ang pabagu-bagong panahon sa labas. Pagpili sa madadaling trabaho at pag-iwas sa mahihirap ang tawag dito, at pagpapamalas ito ng pagnanasa sa mga kaginhawahan ng laman. Ano pa? (Palaging pagrereklamo kapag ang kanilang tungkulin ay medyo mahirap, medyo nakakapagod, kapag may kaakibat itong pagbabayad ng halaga.) (Pagkahumaling sa pagkain at pananamit, at sa mga kalayawan ng laman.) Mga pagpapamalas lahat ito ng pagnanasa sa mga kaginhawahan ng laman. Kapag nakikita ng gayong tao na matrabaho o delikado ang isang gampanin, ipinapasa niya ito sa iba; magaan na trabaho lang ang mismong ginagawa niya, at nagdadahilan kung bakit hindi niya kayang gawin ang isang ito, sinasabing mahina ang kakayahan niya at wala siya ng mga pangunahing kasanayang kailangan, na ito ay masyadong mahirap para sa kanya—pero ang totoo, ito ay dahil nagnanasa siya ng mga kaginhawahan ng laman. … May pagkakataon ding laging nagrereklamo ang mga tao habang gumaganap sila ng kanilang tungkulin, na ayaw nilang magsikap, na sa sandaling may bakanteng oras sila, nagpapahinga sila, inaaksaya ang oras sa pagkukuwentuhan, at pagtsitsismisan. At kapag dumarami ang trabaho at naiistorbo nito ang nakagawian nilang gawin sa kanilang mga buhay, hindi nila ito ikinatutuwa. Nagmamaktol at nagrereklamo sila, at hindi sila nasisiyahan, at sila ay nagiging pabaya at pabasta-basta sa pagganap sa kanilang tungkulin. Ito ay pagnanasa sa mga kaginhawahan ng laman, hindi ba? … Angkop bang gumanap ng tungkulin ang mga taong nagnanasa ng mga kaginhawahan ng laman? Banggitin mo ang tungkol sa pagtupad ng kanilang tungkulin, pag-usapan ang tungkol sa pagsasakripisyo at pagdanas ng paghihirap, at iling sila nang iling: Magkakaroon sila ng napakaraming problema, ang dami nilang mga reklamo, negatibo sila tungkol sa lahat ng bagay. Walang silbi ang gayong mga tao, wala silang karapatang gampanan ang kanilang tungkulin at dapat silang palayasin(Ang Salita, Vol. V. Ang mga Responsibilidad ng mga Lider at Manggagawa). Nakita ko mula sa mga salita ng Diyos na ang pagpili lamang ng simple at madadaling gawain sa tungkulin, at palaging pagpapagawa sa iba ng mas komplikado at mahirap na mga bagay ay hindi tungkol sa talino o kakayahan. Ito ay pagiging gahaman sa kaginhawahan, at pag-ayaw na magbayad ng halaga. Sa pagbabalik-tanaw, nang ipinagawa sa akin ng lider ng grupo ang isang bagong uri ng disenyo, pakiramdam ko ay mahirap ito dahil natututo pa lamang ako. Kinailangan kong magdusa, magbayad ng halaga, pag-isipan ito nang mabuti at paulit-ulit na baguhin para makagawa ng maayos na trabaho. Dahil ayaw kong maabala, umatras ako mula rito, at humanap ng dahilan para ipasa ito sa iba. Ang gusto ko lamang ay gawain na simple at madali. Nang hilingin sa akin ng lider ng iglesia na i-edit ang isang larawan, binigyan ako ng lider ng grupo ng mga detalyadong tagubilin, umaasa na makagawa ako ng mas mahusay na trabaho. Kahit na pumayag ako, inisip kong abala ito, kaya hindi ko ito tunay na pinag-isipan o pinagsikapan, sinubukan ko lang na gawing madali ito para sa akin. Dahil doon ay hindi naging maganda ang kinalabasan ng larawan, at kinailangan itong ayusin muli nang ilang beses. Kahit ano pa ito, nag-aatubili akong gumawa ng kahit anong bagay na nangangailangan ng maraming pag-iisip o pagsisikap. Gusto kong gawin ang mga bagay sa pinakasimple at pinakamadaling paraan, naging abala ako sa pag-iisip sa laman. Nabasa ko sa mga salita ng Diyos, “Walang silbi ang gayong mga tao, wala silang karapatang gampanan ang kanilang tungkulin at dapat silang palayasin.” Medyo natakot ako dahil dito. Palagi kong sinusunod ang laman at ninanasa ang ginhawa kapag ginagawa ang aking tungkulin, at hindi handang magdusa at magbayad ng halaga. Inisip ko lamang na iligtas ang aking sarili sa pisikal na pagsisikap at huwag pagurin ang aking puso o isip. Ang paraan ng paggawa ko sa aking tungkulin ay walang sinseridad o debosyon sa Diyos. Naisip kong sapat nang mairaos ko ang mga gawain ko at matapos ko ang mga ito. Hindi positibo ang papel na ginagampanan ko. Bukod dito, naapektuhan ko ang pag-usad ng gawain. Kung magpapatuloy ako sa ganoong paraan nang hindi nagbabago, hindi maglalaon ay palalayasin ako ng Diyos.

Kalaunan nakabasa ako ng marami pang salita ng Diyos. “Sa panlabas, tila walang anumang mga seryosong problema ang ilang tao sa buong panahon na ginagampanan nila ang kanilang tungkulin. Wala silang ginagawang lantarang kasamaan; hindi sila nagdudulot ng mga pagkagambala o pagkakagulo, o tumatahak sa landas ng mga anticristo. Sa pagganap ng kanilang tungkulin, wala silang anumang malalaking pagkakamali o problema ng prinsipyo na dumarating, gayunman, nang hindi nila namamalayan, sa loob ng ilang maiikling taon ay nailalantad sila bilang mga hindi talaga tumatanggap ng katotohanan, bilang isa sa mga walang pananampalataya. Bakit ganito? Hindi makakita ng isyu ang iba, subalit sinusuri ng Diyos ang kaloob-looban ng puso ng mga taong ito, at nakikita Niya ang problema. Noon pa man ay pabasta-basta na sila at walang pagsisisi sa pagganap nila sa kanilang tungkulin. Habang lumilipas ang panahon, natural silang nalalantad. Ano ang ibig sabihin ng manatiling hindi nagsisisi? Nangangahulugan ito na kahit na nagampanan nila ang tungkulin nila hanggang sa matapos, palagi silang may maling saloobin dito, isang pag-uugali ng pagiging pabaya at kawalang sigla, isang kaswal na pag-uugali, at hindi sila kailanman matapat, lalong hindi maalalahanin. Maaari silang magsikap nang kaunti, ngunit gumagawa lamang sila nang wala sa loob. Hindi nila ibinibigay ang lahat nila, at walang katapusan ang kanilang mga paglabag. Mula sa magandang posisyon ng Diyos, hindi sila kailanman nagsisi; noon pa man ay mapagwalang-bahala na sila, at kailanman ay walang anumang pagbabago sa kanila—ibig sabihin, hindi sila tumatalikod sa kasamaang nasa kanilang mga kamay at nagsisisi sa Kanya. Hindi nakikita ng Diyos sa kanila ang saloobing nagsisisi, at hindi Niya nakikita ang pagbaligtad sa kanilang pag-uugali. Patuloy sila sa pagturing sa kanilang tungkulin at sa atas ng Diyos nang may gayong pag-uugali at gayong pamamaraan. Sa buong panahong ito, walang pagbabago sa sutil at hindi mabaling disposisyon na ito, at, higit pa rito, hindi nila kailanman nadama na may pagkakautang sila sa Diyos, hindi kailanman nadama na ang kanilang pagiging pabaya at kawalang sigla ay isang paglabag, isang masamang gawain. Sa kanilang puso, walang pagkakautang, walang pagkakonsensya, walang panunumbat sa sarili, at mas lalong walang pagbibintang sa sarili. At, sa pagdaan ng panahon, nakikita ng Diyos na wala nang lunas ang taong ito. Anuman ang sabihin ng Diyos, at gaano man karaming pangaral ang marinig niya o gaano karaming katotohanan ang maunawaan niya, hindi naantig ang kanyang puso at hindi nabago o nabaligtad ang kanyang pag-uugali. Nakita ito ng Diyos at sinabing: ‘Walang pag-asa para sa taong ito. Wala sa sinasabi Ko ang nakakaantig sa kanyang puso, at wala sa sinasabi Ko ang makakapagpabago sa kanya. Walang paraan upang baguhin siya. Hindi nababagay ang taong ito na gampanan ang kanyang tungkulin, at hindi siya nababagay na gumawa ng serbisyo sa Aking sambahayan.’ Bakit ito sinasabi ng Diyos? Ito ay dahil kapag ginagampanan niya ang kanyang tungkulin at nagtatrabaho palagi na lang siyang pabaya at walang-malasakit. Kahit gaano pa siya tabasin at iwasto, at gaano man karaming pagtitimpi at pasensiya ang igawad sa kanya, wala itong epekto at hindi siya nito tunay na mapagsisi o mapagbago. Hindi siya nito magawang gawin nang mabuti ang tungkulin niya, hindi siya matulutan nito na pumasok sa landas ng paghahangad sa katotohanan. Kaya ang taong ito ay wala nang lunas. Kapag nagpasya ang Diyos na ang isang tao ay wala nang lunas, pananatilihin pa rin ba Niya ang mahigpit na pagkakahawak sa taong ito? Hindi Niya ito gagawin. Bibitiwan siya ng Diyos(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi). “Ano ang pamantayan kung paano hinahatulan ang mga gawa ng isang tao bilang mabuti o masama? Depende ito sa kung taglay ba nila o hindi, sa kanilang mga iniisip, pagpapahayag, at kilos, ang patotoo tungkol sa pagsasagawa ng katotohanan at pagsasabuhay ng realidad ng katotohanan. Kung wala ka ng realidad na ito o hindi mo ito isinasabuhay, walang duda, isa kang masamang tao. Ano ang tingin ng Diyos sa masasamang tao? Ang mga iniisip at ipinapakita mong mga kilos ay hindi nagpapatotoo sa Diyos, ni ipinapahiya si Satanas o tinatalo ito; sa halip, pinapahiya ng mga ito ang Diyos, at puno ng mga markang nagpapahiya sa Diyos. Hindi ka nagpapatotoo para sa Diyos, hindi mo ginugugol ang sarili mo para sa Diyos, ni hindi mo ginagampanan ang responsibilidad at mga obligasyon mo sa Diyos; sa halip, kumikilos ka para sa iyong sariling kapakanan. Ano ang kahulugan ng ‘para sa iyong sariling kapakanan’? Ang eksaktong ibig sabihin nito ay para sa kapakanan ni Satanas. Samakatuwid, sa bandang huli, sasabihin ng Diyos, ‘Magsilayo kayo sa Akin, kayong manggagawa ng katampalasanan.’ Sa mga mata ng Diyos, hindi ka nakagawa ng mabubuting gawa, sa halip ay naging masama ang iyong asal. Hindi lamang nito mabibigong makamit ang pagsang-ayon ng Diyos—kokondenahin din ito. Ano ang hinahangad na makamit ng isang taong may gayong paniniwala sa Diyos? Hindi ba mabibigo sa huli ang gayong paniniwala?(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Makakamit Lamang ang Kalayaan at Pagpapalaya sa Pamamagitan ng Pagwawaksi sa Sariling Tiwaling Disposisyon). Akala ko dati na kahit hindi ko kunin ang mas mahirap at mas komplikadong mga proyekto, hindi ako nawalan ng ginagawa at minsan ay gumagawa ako hanggang sa gabi para sa isang disenyo. Pakiramdam ko ay sapat nang ginagawa ko ang aking tungkulin sa ganitong paraan. Ngunit nakita ko mula sa mga salita ng Diyos na hindi Niya tinitingnan kung gaano karaming gawain ang ating natapos o pagsisikap ang ating ginugol, bagkus kung paano natin tinatrato ang ating tungkulin, kung isinasaalang-alang ba natin ang kalooban ng Diyos at kung taglay natin ang patotoo ng pagsasagawa ng katotohanan. Ganoon Niya pinagpapasyahan kung ang tungkulin ng isang tao ay makakamit ang Kanyang pagsang-ayon. Kahit mukhang buong panahon kong ginagawa ang aking tungkulin, mayroon akong kaswal at walang-ingat na saloobin patungkol dito, nakikinig lamang sa laman at binibigyang-layaw ang aking sarili. Ginawa ko kung ano ang madali para sa akin at ipinagwalang-bahala kung anuman ang mahirap, nang walang kahit kaunting debosyon o pagsunod. Ang ganitong paggawa ng serbisyo ay hindi sapat, ito ay pagtatangkang linlangin ang Diyos. Naisip ko kung paanong itinalaga sa akin ng lider ng grupo ang ilang mahahalagang gawain noong nagsisimula pa lamang ako, pero dahil palagi kong iniraraos lang ang aking tungkulin, ginugusto ang mas madadaling bagay, at hindi isinasaalang-alang ang gawain ng iglesia, bagkus ay sarili ko lamang, tumigil siya sa pagbibigay sa akin ng mga importanteng proyekto. Naging isa akong tao na hindi maaasahan ng Diyos o ng ibang tao, gumagawa lamang ng serbisyo sa madadaling gawain. Sa ganoong paraan ng pagtrato sa aking tungkulin, hindi lamang ako hindi gumagawa ng mabubuting gawa, nag-iipon din ako ng mga paglabag. Kung hindi ko bibitiwan ang kasamaang ito at magsisisi sa Diyos, kasusuklaman at itatakwil Niya ako habang dumarami ang aking mga paglabag, pagkatapos ay tuluyan Niya akong malalantad at mapapalayas. Sa puntong iyon ay napagtanto ko kung gaano kamapanganib ang aking saloobin sa aking tungkulin at nakaramdam ako ng kaunting takot dahil dito. Napagtanto ko rin na ang mapungusan at maiwasto sa pagkakataong ito ay paalala at babala ng Diyos para sa akin. Masyado akong manhid, masyadong mabagal makaunawa. Kung hindi dahil sa iba na talagang ipinaalala ito sa akin, hindi ko sana makikita na kinasusuklaman ng Diyos ang saloobin ko sa aking tungkulin. Alam ko na kailangan kong baguhin kaagad ang mali kong kalagayan at magsisi sa Diyos, at tigilan ang pagiging matigas ang ulo at mapaghimagsik.

Nagbasa pa ako ng mas maraming salita ng Diyos tungkol sa aking kalagayan ng pagpapalayaw sa laman at paghahangad ng ginhawa, kasama ang sipi na ito: “Anumang gawain ang ginagawa ng ilang tao o anumang tungkulin ang ginagampanan nila, hindi nila kayang magtagumpay roon, napakabigat niyon para sa kanila, hindi nila kayang tuparin ang anuman sa mga obligasyon o responsibilidad na nararapat tuparin ng mga tao. Hindi ba basura sila? Karapat-dapat pa rin ba silang tawaging mga tao? Maliban sa mga utu-uto, may kapansanan sa pag-iisip, at may mga pisikal na kapansanan, mayroon bang nabubuhay na hindi nararapat gampanan ang kanilang mga tungkulin at tuparin ang kanilang mga responsibilidad? Ngunit ang ganitong uri ng tao ay palaging nakikipagsabwatan at nandaraya, at ayaw tuparin ang kanilang mga responsibilidad; ang implikasyon ay na ayaw nilang umasal na tulad ng isang mabuting tao. Binigyan sila ng Diyos ng kakayahan at mga kaloob, binigyan Niya sila ng oportunidad na maging tao, subalit hindi nila magamit ang mga ito sa pagganap sa kanilang tungkulin. Wala silang ginagawa, ngunit nais nilang tamasahin ang lahat. Angkop bang tawaging tao ang gayong tao? Anumang gawain ang ibigay sa kanila—mahalaga man iyon o pangkaraniwan, mahirap o simple—lagi silang walang ingat at pabasta-basta, laging tamad at tuso. Kapag nagkakaroon ng mga problema, sinisikap nilang ipasa ang kanilang responsibilidad sa ibang mga tao; ayaw nilang managot, na ninanais na patuloy na mabuhay na parang mga linta. Hindi ba mga walang-silbing basura sila?(Ang Salita, Vol. V. Ang mga Responsibilidad ng mga Lider at Manggagawa). “Anong uri ng mga tao ang mga taong walang silbi? Ang mga taong walang silbi ay magugulo ang isip, mga taong sumasabay lang sa agos ng buhay. Ang mga ganitong uri ng tao ay iresponsable sa anumang ginagawa nila, ni hindi sila matapat; ginugulo nila ang lahat ng bagay. Hindi nila pinapakinggan ang iyong mga salita kahit gaano ka pa magbagi ng katotohanan sa kanila. Iniisip nilang, ‘Sasabay lang ako sa agos ng buhay kung gusto ko. Ano ang problema roon? Ginagampanan ko naman ang aking tungkulin at may pagkain akong makakain, sapat na iyon. Kahit papaano ay hindi ko kailangang mamalimos. Kung balang araw ay wala na akong makain, saka ko na iisipin. Laging magbubukas ng pinto ang langit. Kaya ano naman kung sabihin mong wala akong konsiyensiya o katinuan, o na magulo ang aking isip? Wala akong nilabag na batas, wala akong pinatay na kahit sino o sinunog na kahit ano. Ang pinakamalala na ay na hindi maganda ang aking karakter, pero hindi iyon malaking kawalan sa akin. Hangga’t may pagkain akong makakain, ayos na.’ Ano ang palagay mo sa ganitong perspektibo? Sinasabi Ko sa iyo, ang mga taong magugulo ang isip kagaya nito na sumasabay lang sa agos ng buhay ay nakatadhanang lahat na palayasin. Walang paraan para makamit nila ang kaligtasan. Ang mga nananalig sa Diyos sa loob ng ilang taon pero halos hindi naman tinanggap ang katotohanan ay palalayasin. Walang makakaligtas. Ang mga basura at ang mga walang kuwenta ay mga mapagsamantala lahat at nakatadhana silang palayasin. Kung ang hanap lamang ng mga lider at manggagawa ay mapakain, mas lalo silang dapat na tanggalin at palayasin. Ang mga taong magugulo ang isip na kagaya nito ay gusto pa ring maging mga lider at manggagawa, pero hindi sila karapat-dapat. Hindi sila gumagawa ng anumang tunay na gawain, pero gusto nilang mamuno. Tunay ngang wala silang kahihiyan(Ang Salita, Vol. V. Ang mga Responsibilidad ng mga Lider at Manggagawa). Pinatanto sa akin ng malupit na paghahayag ng Diyos na ang palaging pagpapabaya sa isang tungkulin, hindi kailanman pag-ako ng responsibilidad, ay katumbas ng pagiging isang basura. Kung hindi mo isinasapuso ang anumang bagay, kung palagi kang nagpapakatamad, hindi ginagawa ang iyong mga nararapat na tungkulin o nag-aaral ng mga bagong kasanayan, basura ka. Nagnilay-nilay ako at nakita kong ganoon ako sa aking tungkulin. Anumang trabaho ang ibigay sa akin, ayaw kong pag-isipan ito nang mabuti, magdusa, o magsikap para sa mga tagumpay. Kontento na akong magmukhang abala at hindi mawalan ng ginagawa. Hindi ba nanggugulo lamang ako sa ganoong paraan ng paggawa ko sa aking tungkulin? Sumagi rin sa isip ko na simula pa noong bata ako, palagi akong naiinggit sa mayayamang pamilya na walang pakialam sa mundo, na kayang mamasyal at mayroong komportable at madaling buhay. Gustong-gusto kong magkaroon ng ganoong uri ng buhay para sa aking sarili. Pakiramdam ko na dahil tayong mga tao ay nabubuhay lamang ng ilang dekada, kung hindi tayo magpapakasaya, hindi ba isa iyong buhay na walang kabuluhan? Nang tumanda na ako, nakita ko na ang lahat ay nagsisikap upang kumita ng pera, kaya nagsimula ako ng isang negosyo. Pero ayaw ko pa ring gumugol ng labis na lakas, at palagi akong nakatutok sa mga palabas sa TV at mga nobela. Hindi ko masyadong pinag-isipan ang aking negosyo at wala akong pakialam kung kumita ako o hindi. Sa pagtatapos ng taon, hindi lamang ako nabigong kumita ng anuman, kundi nawalan din ako ng pera. Pero hindi ko pa rin ito masyadong ikinasama ng loob, inalo ko na lamang ang aking sarili, inisip kong hindi mahalaga ang ilang pagkalugi hangga’t may pagkain sa mesa. Ang pananaw ko noon sa buhay ay “Magpakasaya ka na ngayon, bukas ka na mag-alala,” at “Maigsi ang buhay, kaya magpakasaya habang kaya.” Dahil ako ay naimpluwensyahan ng mga satanikong ideya na ito, hindi ko kailanman inasikaso ang aking mga nararapat na tungkulin, at hindi nagsikap na umusad; wala akong mithiin sa buhay. Namumuhay pa rin ako ayon sa mga ideyang ito pagkatapos kong maging mananampalataya. Pakiramdam ko na ang palaging hindi pagsisikap sa tungkulin ko, hindi pagpapagod sa aking sarili, pag-iisip nang husto, o pagiging stress ay isang magandang paraan para mabuhay. Pero ang totoo, hindi ko kayang pasanin ang anumang uri ng gawain. Hindi ako kapaki-pakinabang sa anumang bagay, para lang akong basura. Habang mas nagninilay ako sa aking pag-uugali, mas lalo akong nagugulat. Hindi ba ako mismo ang uri ng parasito na ibinubunyag ng Diyos? Upang iligtas ang sangkatauhan, hindi lamang ipinahayag ng Diyos ang Kanyang mga salita at ibinigay sa atin ang katotohanan at buhay, pinagkalooban din Niya tayo ng lahat ng ating kinakailangan upang mabuhay at hinayaan tayong tamasahin ito nang masagana. Binabantayan at pinoprotektahan Niya tayo, inilalayo tayo mula sa pagkahulog sa mga bitag ni Satanas. Ngunit wala akong puso. Hindi ko alam na dapat kong suklian ang pagmamahal ng Diyos sa aking tungkulin, at bagkus ay naging isang tamad na parasito. Nilason ako at nanuot sa akin ang satanikong pag-iisip na ito. Mga kasiyahan at layaw ng laman ang tanging alam ko. Hindi ko kailanman seryosong isinaalang-alang ang aking mga tungkulin, o kung paano gawin nang maayos ang aking tungkulin upang mapalugod ang Diyos. Sa puntong iyon ng aking pagninilay, nasuka at nasuklam ako sa aking sarili, at namuhi rin. Nadama ko na talagang labis akong nagawang tiwali ni Satanas. Nawala ko ang lahat ng konsensya at katwiran, at naging napakamanhid. Nakita ko rin kung paano ginagamit ni Satanas ang mga pag-iisip na ito upang paralisahin ang mga tao at gawin tayong mas masama. Sa huli, nagiging basura tayo, parang mga naglalakad na bangkay na walang kaluluwa. Sobra akong nagsisisi na hindi ko ginawa nang maayos ang aking tungkulin, na wala akong ginawang kahit isang bagay upang mapaginhawa ang Diyos. Pakiramdam ko talaga may pagkakautang ako sa Diyos, at nagdasal ako, “Diyos ko, lubos akong nagawang tiwali ni Satanas. Kung wala ang Iyong paghahayag, hinding-hindi ko makikita kung gaano kaseryoso ang aking problema. Naging iresponsable ako at nawalan ng pagkatao sa aking tungkulin, lubos na tinatamasa ang Iyong biyaya ngunit hindi nalalaman kung paano suklian ang Iyong pagmamahal. Naging parasito ako. Nakikita ko na ang laman ang pinakamalaking hadlang sa pagsasagawa ng katotohanan. Nais ko itong talikdan at magsisi sa Iyo, magawang sadyang hanapin ang katotohanan, at gawin ang aking tungkulin ayon sa Iyong mga hinihingi.”

Nagbasa ako ng ilan pang salita ng Diyos kalaunan. Sabi ng Makapangyarihang Diyos, “Dahil isa kang tao, dapat mong pagnilayan kung ano ang mga responsabilidad ng isang tao. Ang mga responsabilidad na labis na pinahahalagahan ng mga hindi mananampalataya, gaya ng paggalang sa magulang, pagtustos sa mga magulang, at pagbibigay-karangalan para sa iyong pamilya ay hindi na kailangang banggitin pa. Ang lahat ng ito ay walang kabuluhan at walang anumang totoong kahulugan. Ano ang pinakamababang responsabilidad na dapat man lang tuparin ng isang tao? Ang pinakapraktikal ay kung paano mo gampanan nang mabuti ang iyong tungkulin ngayon. Hindi mo tinutupad ang iyong mga responsabilidad kung kontento ka nang iniraraos lang ang tungkulin, at hindi mo tinutupad ang iyong mga responsabilidad kung ang nagagawa mo lang ay ulit-ulitin ang mga salita ng mga doktrina. Tanging ang pagsasagawa ng katotohanan at paggawa sa mga bagay-bagay nang ayon sa prinsipyo ang pagtupad sa iyong mga responsabilidad, at kapag epektibo na ang pagsasagawa mo ng katotohanan, at kapaki-pakinabang na ito sa mga tao, saka mo lamang tunay na matutupad ang iyong responsabilidad. Anumang tungkulin ang iyong ginagampanan, kapag iginigiit mong kumilos ayon sa mga prinsipyo ng katotohanan, saka mo lamang tunay na matutupad ang iyong responsibilidad. Ang paggawa nang wala sa loob ayon sa paraan ng tao sa paggawa ng mga bagay-bagay ay ang pagiging walang interes at walang ingat; ang pagsunod lamang sa mga prinsipyo ng katotohanan ang maayos na pagganap sa iyong tungkulin at pagtupad sa iyong responsibilidad. At kapag tinutupad mo ang iyong responsibilidad, hindi ba ito pagpapamalas ng katapatan? Ito ang pagpapamalas ng katapatan sa iyong tungkulin. Kapag mayroon ka ng ganitong pakiramdam ng responsibilidad, at ganitong kagustuhan at hangarin, kapag nasumpungan sa iyo ang pagpapamalas ng katapatan sa iyong tungkulin, saka ka lamang papaboran ng Diyos, at titingnan ka nang may pagsang-ayon. Kung ni hindi mo taglay ang ganitong pakiramdam ng responsibilidad, ituturing ka ng Diyos na isang batugan, isang hangal, at kasusuklaman ka. … Ano ang inaasahan ng Diyos sa isang taong inatasan Niya ng partikular na gampanin sa iglesia? Unang-una, umaasa ang Diyos na responsable at masipag siya, na tatratuhin niya ang gampanin nang may mataas na pagpapahalaga, at gagawin ito nang mabuti. Pangalawa, umaasa ang Diyos na siya ay isang taong mapagkakatiwalaan, na kahit gaano pa katagal ang abutin niya, at kahit gaano pa magbago ang kapaligiran niya, hindi magbabago ang pagpapahalaga niya sa responsabilidad, at masusubok na matibay ang kanyang karakter. Kung isa siyang mapagkakatiwalaang tao, panatag ang Diyos. Hindi na Niya susubaybayan o kukumustahin ang bagay na ito dahil sa kaibuturan Niya, may tiwala ang Diyos sa kanya. Kapag ibinibigay ng Diyos ang gampaning ito sa kanya, siguradong makukumpleto niya ito nang walang anumang pagkakamali. Kapag ipinagkakatiwala ng Diyos sa mga tao ang isang gampanin, hindi ba ito ang nais Niya? (Ito nga ang nais Niya.) Kaya sa sandaling maunawaan mo ang kalooban ng Diyos, ano ang dapat mong gawin para pagkatiwalaan ka ng Diyos o paboran ka Niya? Maraming pagkakataon kung kailan ang pagganap at pag-uugali ng mga tao, at ang saloobin kung paano nila hinaharap ang kanilang tungkulin ay nagiging dahilan para sila mismo ay kamuhian ang kanilang sarili. Kaya paano mo nagagawang hingin na paboran ka ng Diyos at biyayaan ka, o bigyan ka ng espesyal na pagtrato? Hindi ba’t wala ito sa katwiran? (Oo, wala nga.) Kahit nga ikaw ay mababa ang tingin mo sa iyong sarili, kahit nga ikaw ay namumuhi sa iyong sarili, kaya kahibangan naman na hingin mo na paboran ka ng Diyos. Kaya, kung gusto mong paboran ka ng Diyos, dapat kahit papaano ay magawa kang pagkatiwalaan ng ibang tao. Kung gusto mong pagkatiwalaan ka ng iba, paboran ka, maging maganda ang tingin nila sa iyo, dapat maging kagalang-galang ka man lang, responsable, totoo sa iyong salita, at mapagkakatiwalaan. Paano naman kapag nasa harapan ng Diyos? Kung responsable, masipag, at matapat ka rin sa pagganap mo sa iyong tungkulin, halos natupad mo na ang mga hinihingi ng Diyos sa iyo. Kung magkagayon ay may pag-asang makamit mo ang pagsang-ayon ng Diyos, hindi ba?(Ang Salita, Vol. V. Ang mga Responsibilidad ng mga Lider at Manggagawa). Natutunan ko mula sa mga salita ng Diyos na ang bawat tao ay may sari-sariling mga responsibilidad at tungkulin, at para mabuhay nang may dignidad at kahalagahan, ang susi ay kung nagagawa nating isakatuparan ang ating responsibilidad at tratuhin nang seryoso at alisto ang ating tungkulin. Hindi natin dapat na kailanganin ang ibang tao upang palagi tayong hikayatin, dapat ay mayroon tayong pagpapahalaga sa responsibilidad. Anuman ang maging kahihinatnan ng mga bagay-bagay, ang importante ay kung isinasapuso ng isang tao ang kanyang ginagawa. Tanging ang mga taong may ganitong saloobin ang may karakter at dignidad, at maaasahan, at maaalala ng Diyos ang kanilang mga kilos. Ang pag-unawa sa kalooban ng Diyos ay nagbigay sa akin ng kaliwanagan at ng landas ng pagsasagawa. Sa tungkulin ko pagkatapos noon, palagi kong pinaaalalahanan ang aking sarili na mas maging alisto, na hanapin ang mga prinsipyo ng katotohanan, at pagsikapang gawin ang makakaya ko.

Isang beses, nang nag-uusap kami ng isang sister tungkol sa disenyo ng isang larawan, nabanggit niyang kailangan naming gumamit ng istilong Kanluranin bilang sanggunian, at gawin itong kahanga-hanga. Nang sabihin niyang “kahanga-hanga” ay nadama kong magiging mahirap ito, at kahit alam kong magandang tingnan ang istilong Kanluranin, magiging kumplikado ang paggawa ng iba’t ibang uri ng pampagandang effects. Noon pa man ay gumagawa na ng ganitong uri ng mga disenyo ang ibang mga sister, at hindi ako masyadong bihasa rito. Magiging mahirap sa akin na gawin ito nang mabuti, at uubos ito ng maraming oras at lakas. Nakaramdam ako ng pag-aalinlangan at gusto ko itong tanggihan, na ipagawa ito sa ibang sister, pero naisip ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos na nabasa ko noon: “Ipagpalagay nang binigyan ka ng sambahayan ng Diyos ng gagawing trabaho, at sinabi mong, ‘… Anumang trabaho ang iatas sa akin ng iglesia, tatanggapin ko iyon nang buong puso at lakas, at kung mayroon akong hindi maunawaan o magkaroon ng problema, hahanapin ko ang katotohanan, mananalangin ako sa Diyos, uunawain ko ang mga prinsipyo ng katotohanan, at gagawin ko nang maayos ang bagay na iyon. Anuman ang tungkulin ko, gagamitin ko ang lahat ng mayroon ako para magampanan iyon nang maayos at mapalugod ko ang Diyos. Dahil anuman ang aking makamit, gagawin ko ang makakaya ko para akuin ang lahat ng responsabilidad na dapat kong pasanin, at kahit paano, hindi ako sasalungat sa konsiyensya at katwiran ko, o magiging pabaya at pabasta-basta, o magiging tuso at batugan, o tatamasahin ang mga bunga ng pagsisikap ng iba. Wala akong gagawin na hindi aabot sa mga pamantayan ng konsiyensya.’ Ito ang pinakamababang pamantayan ng asal ng tao, at ang taong gumaganap sa kanyang tungkulin sa gayong paraan ay maaaring maituring na isang taong matapat at makatwiran. Dapat kahit papaano ay malinis ang konsiyensya mo sa pagganap sa iyong tungkulin, at dapat kahit papaano ay madama mong karapat-dapat ka sa kinakain mo tatlong beses sa isang araw at hindi mo hinihingi ang mga iyon. Ang tawag dito ay pagpapahalaga sa responsabilidad. Mataas man o mababa ang iyong kakayahan, at nauunawaan mo man ang katotohanan o hindi, dapat mong taglayin ang saloobing ito: ‘Dahil ipinagagawa sa akin ang gawaing ito, dapat ko itong seryosohin; dapat kong alalahanin ito at gawin ito nang maayos, nang buong puso at lakas ko. Tungkol sa kung magagawa ko ba ito nang napakaayos, hindi ko maaaring ipagpalagay na garantisado iyon, ngunit ang saloobin ko ay na gagawin ko ang makakaya ko para matiyak na magawa iyon nang maayos, at tiyak na hindi ako magpapabaya at magpapabasta-basta tungkol dito. Kung magkaroon ng problema, dapat kong tanggapin ang responsabilidad, at tiyakin na matuto ako ng aral mula rito at gampanan nang maayos ang aking tungkulin.’ Ito ang tamang saloobin(Ang Salita, Vol. V. Ang mga Responsibilidad ng mga Lider at Manggagawa). Naisip ko kung gaano ako naging iresponsable sa aking tungkulin noon. Palagi ko lang iniraraos iyon at marami akong ginawa na kinasuklaman ng Diyos. Sa pagkakataong ito ay hindi ko puwedeng palayawin ang laman at hangarin ang ginhawa, kailangan kong isaalang-alang ang kalooban ng Diyos at akuin ang responsibilidad sa aking tungkulin. Tahimik akong nagpasya na gaano man karami ang kaya kong abutin, dapat muna akong magpasakop at magsumikap. Ang pinakamahalaga ay gawin ko ang aking makakaya. Sa mga isiping ito, nadama kong nagkaroon ako ng direksyon. Pinag-isipan ko ang mga prinsipyo ng aming gawain at pinagsama-sama ang ilang sangguniang materyal, tapos ay gumawa ako ng ilang bersyon at ipinadala ang mga ito sa ibang mga sister para sa mga mungkahi. Matapos ang ilang pagbabago, sa wakas ay natapos ito. Nakadama ako ng kapayapaan sa aking puso nang gawin ko ang mga bagay sa ganoong paraan at nadama kong mas naging praktikal ako kumpara sa dati.

Pagkatapos noon, pinagtuunan ko ang pagninilay sa sarili at pagtalikod sa laman sa aking tungkulin. Siniguro ko na mas pag-isipang mabuti ang maliliit na bagay sa pang-araw-araw kong buhay at ang mga gawain na itinalaga sa akin ng iglesia, at pag-isipan kung paano ko magagawa nang mas mabuti ang tungkulin ko. Sa katunayan, hindi talaga ako napagod dito, ngunit sa halip ay nasiyahan ako. Kahanga-hanga ang maging ganoong uri ng tao. Kahit na minsan ay gusto ko pa ring sundin ang laman at palayawin ang aking sarili, mas may kamalayan na ako sa aking katiwalian kaysa dati. Alam ko na kailangan kong magdasal kaagad at humiling sa Diyos na tulungan akong talikdan ang laman, at hilingin na disiplinahin Niya ako kung ako ay muling maging pabasta-basta, mapanlinlang, at iresponsable. Sa paglipas ng panahon, nakaya kong magdala ng pasanin sa aking tungkulin, at naging handang balikatin ang aking mga responsibilidad at gampanan ang aking tungkulin. Ito lamang ang paraan upang mabuhay nang may integridad, dignidad, at mapayapang kalooban!

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

Desidido Ako sa Landas na Ito

Ni Han Chen, TsinaIlang taon na ang nakararaan, inaresto ako ng mga pulis dahil sa pangangaral ng ebanghelyo. Sinentensyahan ako ng Partido...

Matapos Gumuho ang Pangarap Ko

Ni Lin You, Tsina Mula pa sa murang edad, gustung-gusto ko na talagang sumayaw. Sinabi ng nanay ko sa akin na noong ako ay napakabata pa,...