Paglaya Mula sa Bitag ng Usap-usapan

Mayo 29, 2019

Ni Xiaoyun, Tsina

Ako ay isang dating opisyal ng hukbong-sandatahan. Isang araw noong 1999, ipinangaral ng isang Koreanong pastor ang ebanghelyo ng Panginoong Jesus sa akin. Dahil sa aking taimtim na pagsisikap, di-nagtagal ay ako ang naging tuon sa pagsasanay ng pastor at ng kanyang pangunahing katulong. Noong tag-araw ng 2000, nagpunta ang pastor sa Yunnan para sa isang maikling pagmimisyon sa tag-araw kasama ang mahigit sa isang dosenang estudyante sa kolehiyo mula sa Korean Gospel Church. Hindi inaasahan, natakot dito ang gobyernong CCP. Inaresto kami habang nagdaraos ng pagpupulong sa tahanan ng pastor at pagkatapos ay dinala kami sa Yunnan Province Public Security Department para tanungin. Pinabalik ang mga Koreanong estudyante sa unibersidad sa kanilang bansa nang gabi ring iyon at pinaalis din ang Koreanong pastor sa bansa. Nagdanas ang iglesia ng pag-uusig ng gobyernong CCP, at maraming mananampalataya ang natakot at hindi nangahas na manampalataya. Napilitan ding magpunta ang isang bahagi ng mga mananampalataya sa Three-Self Church, at ganito pinagwatak-watak ng gobyernong CCP ang iglesia. Ako ang pangunahing kapwa-manggagawa sa iglesia at ang pag-uusig ng gobyernong CCP sa panahong ito ay naging sanhi rin upang mawalan ako ng trabaho.

Noong Marso 2005, napakinggan ko ang ebanghelyo ng kaharian ng Makapangyarihang Diyos. Nang malaman ko na nagbalik na ang Panginoong Jesus, sa labis na katuwaan ay napuno ng luha ng kagalakan ang aking mga mata at nakadama ako ng di-maipaliwanag na pasasalamat. Gusto ko lamang dalhin ang aking mga kapatid sa harap ng Diyos sa lalong madaling panahon. Sa ilalim ng patnubay ng Diyos, isa-isang tinanggap ng mga kapatid ang gawain ng Diyos sa mga huling araw. Ngunit hindi inaasahan, ipinahayag ng isa sa pinakamahuhusay na kapwa-manggagawa ng iglesia, pagkatapos marinig ang patotoo tungkol sa gawain ng Makapangyarihang Diyos sa mga huling araw: “Mukhang tama ang doktrinang ito, ngunit kailangan muna nating tanungin ang pastor at tingnan natin kung ano ang sasabihin niya.” Hindi nagtagal, tinawagan ako ng pastor at sinabing, “Masyadong magulo sa labas ngayon. Hindi ka pa naniniwala sa Diyos sa mahabang panahon at maliit ang iyong katayuan. Anuman ang gawin mo, huwag kang basta-basta makinig sa mga sermon sa labas ng iglesia, at sa gayon ay hindi ka maliligaw. Maaari lamang nating tanggapin ang paggabay ng iglesiang ito. Huwag kang makikinig sa mga paraan na ipinangaral ng ibang mga iglesia.” Pagkatapos makinig, mahinahon kong sinabi, “Sa loob ng panahong ito ng pag-aaral sa gawain ng Makapangyarihang Diyos sa mga huling araw, nakita ko na lahat ng kanilang ipinangangaral ay naaayon sa Biblia, taglay ang pagliliwanag at pagpapalinaw ng Banal na Espiritu at ito ang tunay na daan.” Sinabi ng aking pastor, “Gaano man sila kahusay mangaral, dapat nating maunawaan na tanging ang Panginoong Jesus ang tunay na Diyos. Hindi natin dapat talikuran ang Panginoon!” Mariin kong sinabi, “Hindi ko pa tinatalikuran ang Panginoon, bagkus ay sinusundan ko ang mga yapak ng Cordero. Nagbalik na ang Panginoong Jesus. Tama lamang na dapat nating salubungin ang Panginoon kagaya lamang ng matatalinong dalaga.” Mabagsik na sinabi ng pastor, “Paanong hindi alam ng Korean Gospel Church na nagbalik na ang Panginoon?” Sabi ko, “Hindi ito isang bagay na maipapaliwanag sa ilang salita.” Mahusay na iginiit ng pastor, “Ang pinaniniwalaan nila ay ang Kidlat ng Silanganan, na siyang pakay ng pagtugis ng gobyernong CCP. Ipinaliwanag itong mabuti sa Internet. Mag-online ka, at makikita mo. Kailangan mong mag-online para tingnan iyon….” Pagkababa ng telepono, matagal na hindi mapakali ang puso ko. Patuloy kong narinig ang mga salita ng pastor. Gusto kong malaman partikular na kung ano talaga ang sinasabi online.

Upang malaman ito, agad akong nagpunta sa isang Internet café. Sa sandaling nabuksan ko ang mga website, natulala ako. Naroroon sa mga website ang napakaraming paglapastangan at pagtuligsa ng gobyernong CCP sa Diyos, gayundin ang paninirang-puri at paglapastangan mula sa mga kilalang taong relihiyoso na may awtoridad. Nagkaroon ako ng mga pagdududa: hindi maaaring sambitin ng kung sino lang ang mga salita ng Makapangyarihang Diyos. Ang mga ito ay pagpapahayag ng Espiritu ng katotohanan. Ito ay isang katunayan na kinikilala ng maraming tao mula sa maraming iba’t ibang denominasyon na tapat na naniniwala sa Panginoon at nasasabik sa katotohanan. Ngunit bakit nagpapasimula ng mga tsismis ang mga website upang tanggihan ng mga tao ang Makapangyarihang Diyos? Marami ring tanyag na mga pastor ang tumutuligsa at lumalapastangan sa Diyos na kasama ng gobyernong CCP. Ano ang nangyayari dito? Nakikita ang lahat ng negatibong propagandang ito, nahirapan akong magdesisyon. Pagkatapos noon, nakita ko ang pag-atake sa lalaking ginagamit ng Banal na Espiritu online. Muli na namang nanlumo ang puso ko. Naniwala ba talaga ako sa isang tao? Nang patuloy kong pasadahan ang mga impormasyon sa Internet, lalo akong nalito at masyadong naguluhan at nagulumihanan kaya’t, sa bandang huli, wala akong ideya kung paano ako nakaalis sa Internet café.

Habang papauwi, naalala ko ang lahat ng sandali na ginugol ko sa paghahanap at pagsisiyasat sa gawain ng Makapangyarihang Diyos sa mga huling araw. Sa bawat pagkakataong ako ay nagtanong, binasa sa akin ng mga kapatid mula sa Ang Iglesia ng Makapangyarihang Diyos ang mga salita ng Diyos. Bawat usapin ay nalutas nang sunud-sunod, at ganap akong nakumbinsi. Inabot ng buong labing-isang araw ng debate at pagsisiyasat bago ako talagang naniwala na ang Makapangyarihang Diyos ay ang nagbalik na Panginoong Jesus. Nagbasa rin ako ng ilang salita ng Diyos. Inihayag na ng Diyos ang lahat ng hiwaga ng tatlong yugto ng gawain at ang anim-na-libong-taong plano ng pamamahala, at nilinaw na rin Niya ang mga katotohanan kagaya ng kuwentong nakapaloob sa Biblia at ang pinakadiwa nito, alin ang mga salita ng Diyos at alin ang mga salita ng mga tao sa Biblia, at paano dapat tratuhin ng mga tao ang Biblia. Nang mabasa ko ang mga bagay na ito, lahat ay naging malinaw at malaki ang nakamit kong pakinabang. Mula sa mga salitang ito ng Diyos, nakita ko na dapat ay ang Makapangyarihang Diyos ang nagbalik na Panginoong Jesus. Ngunit bakit puro negatibo ang propaganda sa Internet? Nang lalo kong isipin ang mga tsismis na iyon, lalong nanlumo at bumigat ang puso ko, at muntik na akong masagasaan ng kotse nang tumawid ako ng kalsada.

Pagkabalik sa bahay, hindi talaga kumalma ang puso ko at nagsumiksik sa isipan ko ang mga tsismis sa Internet paminsan-minsan at nanatili roon. Nalungkot ang puso ko habang iniisip ko ang isang bagay at pagkatapos ay ang isa pa. Hindi ako makatulog nang gabing iyon, at naisip ko: “Kung tatahakin ko ang maling landas, hindi ba mawawalan ng kabuluhan ang aking pananampalataya? Hindi, kailangan kong bumalik kaagad. Ngunit paano kung ang Makapangyarihang Diyos ang nagbalik na Panginoong Jesus? Hindi ba ako mawawalan ng pagkakataong salubungin ang Panginoon at mawawalan ng pagkakataong maligtas?” Nang hindi ko matiyak kung ano ang iisipin, lumapit ako sa harap ng Diyos sa panalangin: “Diyos ko! Buhat nang tanggapin ko ang hakbang na ito ng gawain, napayapa na ang puso ko, kinagiliwan ko nang magbasa ng mga salita ng Diyos at nabusog nang husto ang aking kaluluwa. Ngunit matapos kong makita ang ilang negatibong propaganda sa Internet, hindi ako mapakali. Bantayan Mo sana ang puso ko. Diyos ko! Maliit ang katayuan ko at hindi ko alam kung paano mahiwatigan ang mga bagay na ito. Kung talagang Ikaw ang Makapangyarihang Diyos na nagbalik, hinihiling ko sa Iyo na gabayan Mo ako na makatiyak sa Iyong gawain nang hindi nagagambala ng sinuman o ng anuman. Kung hindi naman, hinihiling ko na gabayan Mo ako na makahiwatig….” Pagkatapos manalangin, may pumasok na ideya sa puso ko: Ang tapusin kaagad ang pagbabasa sa mga salita ng Makapangyarihang Diyos upang matukoy ko kung ito ay tinig ng Diyos o hindi. Nang gabing iyon, magdamag akong nagbasa ng mga salita ng Diyos at hindi ko alam kung anong oras na ako nakatulog sa mesa.

Maaga pa kinabukasan, nagising ako sa isang katok sa pinto at pupungas-pungas kong binuksan ito. Si Sister Wu pala na nagdilig sa akin. Nakita niya na parang inaantok ako at nag-aalalang tinanong ako kung ano ang nangyari. Sabi ko, “Nag-online ako kahapon at marami akong nakita na ayaw ko at lumalapastangan sa Diyos, at ngayon ay naguguluhan ako nang husto….” Pagkarinig nito, nagbahagi sa akin si Sister Wu: “Sister, alam na alam mo ang saloobin ng gobyernong CCP sa mga Kristiyano. Inaresto at inusig nila ang napakaraming Kristiyano. Masakit na katotohanan ito. Ang mga tsismis online ay gawa-gawang lahat ng gobyernong CCP upang usigin ang Ang Iglesia ng Makapangyarihang Diyos. Ang kanilang layunin ay sugpuin ang gawain ng Diyos at gawing ateistikong lugar ang China at huwag hayaang sumunod o sumamba ang mga tao sa Diyos. Sister, ang CCP ay isang ateistikong gobyerno. Mapapaniwalaan ba natin ang sinasabi nila?” Napapanahon ang paalala ng sister. Tama! Ang CCP ay ateista. Sila yaong pinaka-napopoot at lumalaban sa Diyos. Paano mapapaniwalaan ninuman ang sinasabi nila? Ang gobyernong CCP ay nagtatago sa ilalim ng bandilang “kalayaang pangrelihiyon,” ngunit sa likod ng mga pangyayari, walang-pakundangan nilang pinipilit at inaaresto ang mga taong naniniwala sa Diyos. Naisip ko kung paanong napilit at naaresto ng gobyernong CCP ang mga nasa iglesia namin noon at kung ilang kapatid ang nawalan ng pananampalataya at hindi nangahas na maniwala, at naisip ko kung paano ako nawalan ng trabaho dahil dito—hindi ba ito ang saloobin ng gobyernong CCP sa mga taong naniniwala sa Diyos? Upang higpitan ang paniniwalang pangrelihiyon, itinatag ng gobyernong CCP ang Three-Self Church at hiniling sa mga tao na unahing “mahalin ang estado” at pagkatapos ay “mahalin ang relihiyon.” Ang kanilang layunin ay gapusin nang husto ang mga tao sa kanilang mga kamay at higpitan ang kanilang kalayaang maniwala. Nang maisip ko ito, natalos ko nang kaunti ang kasuklam-suklam na mga layunin ng gobyernong CCP. Noon pa man ay inuusig na ng gobyernong CCP ang mga paniniwalang pangrelihiyon at tinutuligsa ang tunay na daan. Kaya hindi ba malaking pagbubunyag ng kanilang likas na napakasamang pagkamuhi at paglaban sa Diyos ang paggawa-gawa nila ng mga tsismis at pagtuligsa sa gawain ng Makapangyarihang Diyos sa mga huling araw?

Patuloy na nagbahagi sa akin si Sister Wu: “Ang gobyernong CCP ay isang ateista at napakasamang rehimen at kaaway ng Diyos. Upang makamit ang marahas nitong ambisyon na permanenteng makontrol ang mga tao, buong-sama nitong ginagawang puti ang itim upang tuligsain at siraan ang Ang Iglesia ng Makapangyarihang Diyos. Nagagawa nating matukoy ito nang husto. Ngunit paano nasusunod ng mga relihiyosong pastor at elder ang ateistang rehimen sa paglaban, pagtuligsa at paglapastangan sa Diyos? Hindi maintindihan ng karamihan sa mga tao ang suliraning ito. Ang totoo, may kinalaman ito sa likas na pagkatao at pinakadiwa ng paglaban ng mga lider ng mga relihiyon sa Diyos at pagkapoot sa katotohanan. Sa pagbabalik-tanaw sa nakaaang dalawang libong taon, nang gawin ng Panginoong Jesus ang gawain upang tubusin ang sangkatauhan, nakasagupa Niya ang pinakamatinding oposisyon at pag-uusig mula sa mga punong saserdote, eskriba at Fariseo. Ito ay dahil ang paraan ng pangangaral ng Panginoong Jesus at ang mga himalang Kanyang ginawa nang panahong iyon ay nagsanhi ng kaguluhan sa buong Judea. Maraming karaniwang tao ang naakit sa mga salita ng Panginoon at isa-isa silang bumaling sa Panginoong Jesus. Itinuring ito ng mga punong saserdote, eskriba, at Fariseo na isang banta sa kanilang katayuan at mga kabuhayan, at nakipagsabwatan sila sa gobyernong Romano upang labanan at tuligsain ang Panginoong Jesus. Nagpakalat sila ng mga tsismis, siniraan ang gawain ng Panginoon at ipinako sa krus ang Panginoong Jesus. Ngayon ang kasaysayan ng nakaraang dalawang libong taon ay nauulit na naman. Nakikita ng mga lider ng relihiyon na tinatanggap ng dumaraming mga tao ang gawain ng Makapangyarihang Diyos sa mga huling araw at agad silang nagseselos at nakikiisa sa gobyernong CCP sa paglaban at pagtuligsa sa gawain ng Diyos sa mga huling araw. Ganap nitong ipinakikita na karamihan sa mga lider ng relihiyon ay mga anticristo na hindi nagmamahal sa katotohanan at nagmamahal lamang sa katayuan. ‘Mula pa noong sinaunang panahon, palagi nang sinusugpo ang tunay na daan.’ Sa gayon ay hindi nakapagtataka na ang gawain ng Makapangyarihang Diyos sa mga huling araw ay matinding tinututulan at tinutuligsa ng masasamang puwersa ng gobyernong CCP at ng relihiyosong komunidad.” Oo, ang mga Fariseo, punong saserdote at eskriba ay pawang mga kilalang tao na may awtoridad sa relihiyosong komunidad, ngunit hindi sila tunay na mga mananampalataya sa Diyos at hindi nagmamahal sa katotohanan. Alam nila na ang mga salita ng Panginoong Jesus ay may awtoridad at kapangyarihan, ngunit hindi nila hinangad o siniyasat ang anupaman. Bagkus, upang mapanatili ang kanilang katayuan at mga kabuhayan, tinuligsa at nilapastangan nila ang Panginoon. Tunay ngang ang kanilang likas na pagkatao ay upang tuligsain ang Diyos at maging mga kaaway ng Diyos. Sa mga panahong ito, ang pagkilos ng mga pastor at elder sa relihiyosong komunidad pagdating sa ikalawang pagparito ng Panginoon ay kagaya ng ginawa ng mga Fariseo. Lumilitaw na sila ay mga anticristong napopoot sa Diyos at sa katotohanan! Nang ipropesiya ang pagbabalik ng Panginoong Jesus sa Biblia, sinasabi roon, “Datapuwa’t kailangan muna Siyang magbata ng maraming bagay at itakwil ng lahing ito(Lucas 17:25). Ngayon naparito na ang Makapangyarihang Diyos upang gampanan ang Kanyang gawain, gayunma’y nilalabanan at tinutuligsa Siya ng relihiyosong komunidad at ng ateistang rehimen ng CCP. Hindi ba ito ang katuparan ng propesiya ng Panginoon? Sa sandaling iyon, napaliwanagan ang puso ko. Patuloy na nagbahagi si Sister Wu: “Ang negatibong propaganda na ipinakalat ng gobyernong CCP at ng relihiyosong komunidad sa Internet ay talagang sadyang upang wasakin at gambalain ang gawain ng Diyos. Noon pa man ay gumagamit na ng mga kasinungalingan si Satanas upang linlangin at lituhin ang mga tao at hikayatin silang pagdudahan, tanggihan, at pagtaksilan ang Diyos. Sa bandang huli, sila ay parurusahan ng Diyos at ipadadala sa impiyerno, at mawawalan sila ng pagkakataon na mailigtas ng Diyos magpakailanman. Kailangan nating mahiwatigan ang kanilang mga tsismis at matanto ang kanilang masasamang hangarin at kasuklam-suklam na layunin sa pagpapakalat ng mga tsismis. Kung hindi, malilinlang tayo at mawawalan ng pagkakataong mailigtas ng Diyos.” Tumango ako sa pagsang-ayon at pakiramdam ko ay tamang-tama ang dating ng pagbabahagi at tulong ng sister. Nasasabik akong magpatuloy sa pakikinig …

Inilabas ni Sister Wu ang aklat ng mga salita ng Diyos at sinabi sa akin: “Sister, magbasa tayo ng isang sipi ng mga salita ng Makapangyarihang Diyos! Sabi ng Makapangyarihang Diyos: ‘Sa Aking plano, palagiang nakasunod si Satanas sa bawat hakbang at, bilang hambingan ng Aking karunungan, ay laging sinusubukang makahanap ng mga paraan upang gambalain ang Aking orihinal na plano. Subalit maaari ba Akong sumuko sa mapanlinlang na mga pakana nito? Lahat ng nasa langit at nasa lupa ay naglilingkod sa Akin; maaari pa bang maiba ang mapanlinlang na mga pakana ni Satanas? Dito mismo nagsasalikop ang Aking karunungan; ito mismo ang kamangha-mangha sa Aking mga gawa, at ito ang prinsipyo ng pagpapatakbo para sa Aking buong plano ng pamamahala. Sa panahon ng pagtatayo ng kaharian, hindi Ko pa rin iniiwasan ang mapanlinlang na mga pakana ni Satanas, kundi patuloy Kong ginagawa ang gawaing kailangan Kong gawin. Sa sansinukob at sa lahat ng bagay, napili Ko na ang mga gawa ni Satanas bilang Aking hambingan. Hindi ba ito pagpapakita ng Aking karunungan? Hindi ba ito mismo ang kamangha-mangha tungkol sa Aking gawain?(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Salita ng Diyos sa Buong Sansinukob, Kabanata 8).”

Matapos basahin ang mga salita ng Diyos, ibinahagi ni Sister Wu: “Nakikita natin sa mga salita ng Makapangyarihang Diyos na bawat hakbang ng gawain ng Diyos ay kumakatawan sa kalooban, karunungan at pagiging kamangha-mangha ng Diyos. Mula simula hanggang katapusan, hindi lumalayo ang gawain ng Diyos sa panlilinlang ni Satanas, kundi ginagamit ang panlilinlang ni Satanas para sa kapakanan ng gawain ng Diyos, upang gawing perpekto ang mga tunay na naniniwala sa Diyos at gawin nang lubusan ang plano ng pamamahala ng Diyos na iligtas ang sangkatauhan. Sa tingin, mukhang puno ng kayabangan si Satanas sa paglaban nito sa Diyos ngunit ang karunungan ng Diyos ay ginagamit batay sa panlilinlang ni Satanas. Noong una, ginawang tiwali ni Satanas ang sangkatauhan, ngunit hindi ito tuluyang winasak ng Diyos. Sa halip, ginagamit ng Diyos ang tatlong yugto ng Kanyang gawain upang iligtas ang sangkatauhan at, habang inililigtas ang sangkatauhan, hinahayaan ng Diyos si Satanas na lumikha ng mga kaguluhan at paggambala, dahil ang Kanyang layunin ay ipakita ang tunay na mukha ng diyablong si Satanas na ginagawang tiwali at nililito ang sangkatauhan, na galit na galit na lumalaban sa Diyos at sa pagiging kaaway ng Diyos, kaya nga nakikita talaga ng sangkatauhan ang pangit na mukha at masamang diwa ni Satanas. Sa paggawa nito, maaaring itakwil at talikuran kaagad ng mga tao si Satanas at magbalik sa Diyos, at lubos na mapapahiya at mabibigo si Satanas. Ito ang pinakamakapangyarihang patotoo laban kay Satanas, at inihahayag nito ang karunungan at pagiging makapangyarihan ng Diyos sa lahat. Kung paanong si Job ay isang taong may takot sa Diyos na umiwas sa kasamaan, gayunma’y tinulutan ng Diyos si Satanas na pahirapan si Job at sa bandang huli ay ginamit Niya ang patotoo ni Job sa mga pagsubok upang hiyain si Satanas at patunayan na ang paghusga ng Diyos kay Job ay lubos na tama. Ito ang karunungan ng Diyos. Dagdag pa rito, ang ginagawa ng Diyos sa mga huling araw ay ang gawain ng pagliligtas at pagpeperpekto sa mga tao. Ito rin ang gawain ng pagbubukud-bukod sa mga tao ayon sa kanilang uri at pagwawakas ng kapanahunan. Ginagamit ng Diyos ang pag-uusig ng gobyernong CCP at ng relihiyosong komunidad upang maiparanas sa mga tao ang iba’t ibang pagsubok at kapighatian. Nauunawaan ng mga tunay na naniniwala sa Diyos ang katotohanan at nagkakaroon sila ng paghiwatig sa pamamagitan ng pagdaranas ng mga kapighatian, nalalaman nila ang pagiging makapangyarihan sa lahat at karunungan ng Diyos, nakikita ang kasamaan ni Satanas, at sa bandang huli ay ganap na tinatanggihan si Satanas at nakakamit ang pagliligtas ng Diyos. Ngunit ang mga mahiyain, ang mga walang tunay na paniniwala, ang mga nababagot sa katotohanan at ang masasama na napopoot sa katotohanan ay nalalantad lahat sa pamamagitan ng mga pagsubok at kapighatian, at nagiging mga pakay na aalisin. Sa gayon ang mga kambing ay inihihiwalay sa mga tupa, ang mga panirang-damo sa trigo, ang masasamang alipin sa mabubuting alipin, at ang mga dalagang mangmang sa matatalinong dalaga, dahil lahat ay pinagbubukud-bukod ayon sa kanilang uri. Ito ang karunungan at pagiging makapangyarihan ng Diyos sa lahat.” Pagkatapos makinig sa pagbabahagi ni Sister Wu, hindi ko maiwasang muling isipin ang nakaraang dalawang libong taon nang ang Panginoong Jesus ay ipako sa krus ng mga Fariseong Judio at ng gobyernong Romano. Sa pananaw ng tao, ang gawain ng Panginoong Jesus ay nabigo, ngunit sinabi ng Panginoong Jesus, “Naganap na.” Sa pamamagitan talaga ng pag-uusig ni Satanas at pagpapako sa krus natapos ng Diyos ang gawain ng pagtubos sa sangkatauhan. Ngayong mga huling araw, ang pagtuligsa at paninira ng gobyernong CCP at ng relihiyosong komunidad ay nakatulong sa pagperpekto ng Diyos sa mga tunay na naniniwala sa Kanya, at naging patunay din ng Diyos ang mga ito upang hatulan sila. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Aking karunungan ay ginagamit batay sa mga pakana ni Satanas(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Katotohanang Nakapaloob sa Gawain ng Paglupig 1). Nakatala sa Biblia: “Oh kalaliman ng mga kayamanan ng karunungan at ng kaalaman ng Dios! oh di matingkalang mga hatol niya, at hindi malirip na kaniyang mga daan!” (Roma 11:33). Habang iniisip ito, nakita ko na napakatalino at napakaganda ng gawain ng Diyos, at pinuri ko ang Diyos sa kaibuturan ng puso ko.

Sa pamamagitan ng pagbabahagi ni Sister Wu, nagkaroon ako ng kaunting pagkaunawa sa gawain ng Diyos at kaya ko ring tukuyin kahit paano ang pinakadiwa ng paglaban ng gobyernong CCP at ng relihiyosong komunidad sa Diyos, ngunit hindi ko pa rin naintindihan ang sinabi nito sa Internet tungkol sa paniniwala natin sa isang tao, ibig sabihin, paniniwala sa taong ginagamit ng Banal na Espiritu. Tinanong ko si Sister Wu: “Sinasabi sa Internet na naniniwala tayo sa isang tao. Totoo ba iyon?” Ibinahagi ni Sister Wu ang katanungang ito: “Ang suliranin mo ay na hindi malinaw sa iyo ang katotohanan na may kaugnayan sa pagkakaiba sa pagitan ng gawain ng Diyos at ng gawain ng tao. Basahin muna natin ang dalawang sipi ng mga salita ng Makapangyarihang Diyos. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: ‘Ang gawain ng Diyos Mismo ay kinapapalooban ng gawain ng buong sangkatauhan, at kumakatawan din sa gawain ng buong kapanahunan, na ibig sabihin ay na ang sariling gawain ng Diyos ay kumakatawan sa bawat galaw at kalakaran ng gawain ng Banal na Espiritu, samantalang dumarating ang gawain ng mga apostol matapos ang sariling gawain ng Diyos at kasunod nito, at hindi ito ang namumuno sa kapanahunan, ni kumakatawan sa mga kalakaran ng gawain ng Banal na Espiritu sa isang buong kapanahunan. Ginagawa lamang nila ang gawaing kailangang gawin ng tao, na walang anumang kinalaman sa gawaing pamamahala(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Gawain ng Diyos at Gawain ng Tao). ‘Ang gawaing ginagawa ng Diyos ay hindi kumakatawan sa karanasan ng Kanyang katawang-tao; ang gawaing ginagawa ng tao ay kumakatawan sa kanyang karanasan. Pinag-uusapan ng lahat ang kanilang personal na karanasan. Maipapahayag ng Diyos nang tuwiran ang katotohanan, samantalang maipapahayag lamang ng tao ang karanasang tumutugma sa kanyang pagdanas sa katotohanan. … Para masabi kung ang isang bagay ay sariling gawain ng Diyos o gawain ng tao, kailangan mo lamang ikumpara ang mga pagkakaiba sa pagitan ng dalawa(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Gawain ng Diyos at Gawain ng Tao). Tinutulutan ng mga salita ng Makapangyarihang Diyos na maunawaan natin na ang gawain ng Diyos ay ang gawain ng pagpapasimula sa isang bagong panahon. Ito ang gawain na nagliligtas sa buong sangkatauhan. Hindi maaaring pasimulan ng tao ang anumang kapanahunan, ni hindi niya magagampanan ang gawain ng pagliligtas sa sangkatauhan. Ang gawain ng tao ay ang gampanan lamang ang tungkulin ng tao sa saligan ng gawain ng Diyos. Paggawa ito ng kaunting gawain ng pagdidilig, pagtustos at paggabay sa mga tao na pumasok sa realidad ng mga salita ng Diyos at ginagawa sa pakikipagtulungan sa Diyos, ngunit hindi mapapalitan ng gawain ng tao ang gawain ng Diyos Mismo sa anumang paraan, ni hindi ito maibibilang sa kaparehong kategorya ng gawain ng Diyos. Gaya ng Kapanahunan ng Biyaya, halimbawa, nang simulan ng Panginoong Jesus ang Kapanahunan ng Biyaya at wakasan ang Kapanahunan ng Kautusan, na pinamumunuan ang mga tao sa isang bagong panahon. Nang matapos ng Panginoong Jesus ang Kanyang gawain, sinimulan ng apostol na si Pedro at ng iba pa na ituloy ang gawain ng Panginoong Jesus, na pinamumunuan at ginagabayan ang iglesia at inaakay ang mga kapatid na sundan ang daan ng Panginoon. Ito ay lubos na pakikipagtulungan sa gawain ng Panginoong Jesus. Sa panahong iyon, tinanggap ng mga tao ng iglesia ang paggabay at pamumuno ni Pedro, ngunit walang nagsabi na naniniwala sila kay Pedro o sa iba pang apostol. Totoo ito. Gayundin, naparito ang Makapangyarihang Diyos ng mga huling araw at natapos ang Kapanahunan ng Biyaya at napasimulan ang Kapanahunan ng Kaharian; ginagampanan Niya ang gawain ng paghatol simula sa bahay ng Diyos at ipinapahayag ang lahat ng katotohanan upang dalisayin at iligtas ang sangkatauhan. Kung maunawaan, maisagawa, at mapasok natin ang mga katotohanang ito, tayo ang magtatamo ng tunay na kaligtasan at mapeperpekto. Gayunman, dahil sa kulang tayo sa kakayahan, sa pamamagitan ng pagbabasa natin mismo sa mga salita ng Diyos at pagdanas sa mga salita ng Diyos, napakahirap at napakabagal na proseso ang pagtatamo ng tunay na kaligtasan. Samakatwid, itinalaga ng Diyos ang taong ginagamit ng Banal na Espiritu upang pamunuan tayo. Ang taong ginagamit ng Banal na Espiritu ay naihanda at nagawang perpekto ng Diyos nang maaga. Mayroon siyang karanasan sa pagtatamo ng kaligtasan at pagiging perpekto sa pamamagitan ng pagdanas ng gawain ng Diyos. Ginagamit niya ang kanyang karanasan sa mga salita ng Diyos upang gabayan tayo sa pag-alam sa mga salita ng Diyos at sa pagpasok sa mga salita ng Diyos. Tinutulungan tayo nito na hindi gaanong malihis sa katotohanan. Basta’t tinatanggap at sinusunod natin ang pamumuno at pagdidilig ng taong ginagamit ng Banal na Espiritu, maaari nating tahakin ang tamang landas ng paniniwala sa Diyos at pagtatamo ng tunay na kaligtasan. Lahat ng ito ay kabaitan at pagpapala ng Diyos sa atin. Ang gawaing ginagawa ng taong ginagamit ng Banal na Espiritu ay ang purihin at saksihan ang Diyos at gabayan tayo sa pagsunod at pagsamba sa Diyos. Hindi niya tayo kailanman hinilingan na ituring siyang Diyos, ni hindi niya hiniling na maniwala tayo sa kanya. Napakalinaw nito sa lahat ng taong hinirang ng Diyos: Ang taong ginagamit ng Banal na Espiritu ay kapatid at lider lamang natin, at naniniwala tayo sa Cristo ng mga huling araw, ang Makapangyarihang Diyos, hindi sa tao na ginagamit ng Banal na Espiritu. Natsismis sa Internet na naniniwala tayo sa taong ginagamit ng Banal na Espiritu. Purong pagbabaluktot ito ng mga katotohanan at pagkalito tungkol sa tama at mali. Ito ay maling paniniwala ni Satanas at isang kasinungalingan upang dayain ang mga tao. Mabuti pang pumunta ka sa Ang Iglesia ng Makapangyarihang Diyos upang makita mo mismo, makisama sa mga kapatid, makinig sa kanila at tunay na umunawa. Sa gayon ay makikita mo na binabasa namin ang mga salita ng Makapangyarihang Diyos, nananalangin kami sa pangalan ng Makapangyarihang Diyos at naniniwala kami sa Diyos Mismo na nagkatawang-tao, ibig sabihin, ang Makapangyarihang Diyos, ang Cristo ng mga huling araw. Si Cristo ang may hawak ng kapangyarihan sa buong Ang Iglesia ng Makapangyarihang Diyos. Ang mga salita ng Diyos ang may hawak ng kapangyarihan. Kaya sabihin mo sa akin, naniniwala ba kami sa isang tao o sa Diyos? Hindi ba maliwanag?” Pagkatapos makinig sa pagbabahagi ng sister, nakaalam ako nang kaunti tungkol sa gawain ng Diyos at sa gawain ng tao at naunawaan ko rin nang bahagya ang hangarin ng Diyos sa pagtatalaga sa taong ginagamit ng Banal na Espiritu. Nalaman ko rin na naniwala kami sa Makapangyarihang Diyos na nagkatawang-tao, hindi sa isang tao. Hindi ko maiwasang isipin sa sarili ko: Ang natanggap namin ay ang gawain ng Diyos at ang panustos ng mga salita ng Diyos. Naniniwala kami sa Makapangyarihang Diyos; hindi kami sumusunod at naniniwala sa isang tao. Tila ang mga tsismis na iyon online ay talagang mga kasinungalingan ni Satanas, mga kabulaanan upang linlangin ang mga tao. Sa simula, ang ating mga unang ninuno, sina Adan at Eva, ay natangay ng mga panlilinlang ni Satanas; sila ay nagkasala at pinalayas sa Halamanan ng Eden dahil nakinig sila sa mga kasinungalingan ni Satanas. Nakinig din ang mga taong Judio na sumama sa mga Fariseo sa pagpapako sa krus sa Panginoong Jesus sa mga tsismis at natangay ng panlilinlang ni Satanas at naging walang-hanggang mga makasalanan laban sa Diyos. Kailangan kong matuto mula sa mga aral ng nakaraang mga kabiguan. Hindi na ako dapat matangay ni Satanas!

Nang umalis si Sister Wu, sinabihan niya ako na magbasa pa ng mga salita ng Diyos at iniwan din ang pagbabahagi tungkol sa taong ginagamit ng Banal na Espiritu para mabasa ko. Isang araw nakita ko ang isang sipi ng pagbabahagi: “Sa mahalagang huling sandaling ito, ang mga tao sa kanilang mga pagsasagawa ay dapat gawing unang prayoridad ang: pagkain at pag-inom ng mga salita ng Diyos, anuman ang ipagkatiwala ng Diyos na gawin nila, pagsasakatuparan ng kanilang mga tungkulin, habang pinasasaya ang Diyos at ang kaluwalhatian ng Diyos. Ang mga ito ang tanging mga paraan upang maging tapat sa Diyos. Madalas sabihin ng mga naunang banal, ‘Hindi mahalaga ang ating mga pakinabang at kawalan; dapat nating isaisip ang kalooban ng Diyos.’ Ito ang dapat maging salawikain ng lahat ng tao. Ang mga partikular na gawi ay ang mga sumusunod: Kapag dumating ang panghihimasok ni Satanas, ang unang dapat gawin ay protektahan ang patotoo ng Diyos at gawain ng Diyos at gamitin ang katotohanan upang talunin si Satanas; kapag naharap ang isang tao sa kasalanan o tukso, dapat unahin ang pagluwalhati sa Diyos, at hindi maaaring magkasala ang isang tao laban sa Diyos at pahiyain ang Diyos; kung may mga tao, isyu, o bagay na pumipigil sa pagtupad ng kanilang mga tungkulin, mauuna ang mga bagay na ipinagkakatiwala ng Diyos sa kanila at kailangan nilang kumawala sa lahat ng gusot at maging matapat sa Diyos; kung at kapag may lumitaw na mga bagay na mahalaga sa personal na interes ng isang tao, nauuna ang mga interes ng pamilya ng Diyos. Mahalagang talikuran ng isang tao ang mga personal na interes at bigyan ng konsiderasyon ang puso ng Diyos. Kapag nasasangkot at nalilimitahan ng mga makamundong pangyayari ang isang tao, kailangang unahin ang pagtupad nila sa kanilang tungkulin at pagpapasaya sa Diyos at isantabi ang lahat ng iba pang bagay at gumugol para sa Diyos” (Ang Pagbabahagi mula sa Itaas). Nalinawan ko nang husto mula sa pagbabahagi ng taong ginagamit ng Banal na Espiritu kung paano ako dapat mamuhay upang bigyang-kasiyahan ang kalooban ng Diyos at kung ano ang gagawin upang maging matapat sa Diyos. Nadama ko na talagang inaakay tayo ng taong ginagamit ng Banal na Espiritu na sundin ang Diyos, upang pumasok sa katotohanan at tuparin ang kalooban ng Diyos. Nagawa kong pahalagahan na ang “interpreter” na naiplano ng Diyos para sa atin ay talagang magaling! Lalo pa akong nalinawan na maagang naihanda ng Diyos ang isang taong ginagamit ng Banal na Espiritu upang gabayan tayong maunawaan ang katotohanan nang mas mabilis at makilala ang Diyos. Ito ang tapat na pag-ibig ng Diyos sa atin. Sa puntong ito, ganap kong nakita at iwinaksi ang mga tsismis na iyon na nakakalat online na tumuligsa sa gawain ng Diyos sa mga huling araw at umatake sa taong ginagamit ng Banal na Espiritu. Mula sa pagiging kabado, sa wakas ay mapapanatag na ako. Naniwala na ako talaga na ang Makapangyarihang Diyos ang nagbalik na Panginoong Jesus. Sa pagtanggap sa gawain ng Makapangyarihang Diyos sa mga huling araw, sinusundan ko ang mga yapak ng Cordero, dumadalo sa piging ng kasal ng Cordero at itinataas ako sa harap ng luklukan ng Diyos!

Matapos pagdaanan ang paggambalang ito ni Satanas, lalo pa akong naging kumbinsido tungkol sa gawain ng Makapangyarihang Diyos sa mga huling araw. Ngayon ay nasusunod ko na ang Makapangyarihang Diyos sa loob ng mahigit na isang dekada. Naiisip ko ang lahat ng pagkaunawa na mayroon ako nang katatanggap ko pa lamang sa gawain ng Diyos sa mga huling araw, hanggang sa pagkaunawa sa ilang katotohanan at pagkaaninag nang malinaw sa mga tsismis ng CCP at ng relihiyosong komunidad, pagtatakwil sa aking mga pagkaunawa at hindi na nalilinlang, hanggang sa pagsisikap na matamo ang katotohanan at matupad ang aking tungkulin bilang isang nilikha at suklian ang pag-big ng Diyos, at pagsunod nang may paninindigan sa Makapangyarihang Diyos. Ang lahat ng ito ang nagtulak talaga sa akin upang pahalagahan ko ang katotohananan ng mga salitang ito ng Diyos: “Sa kanyang kaugnayan sa Diyos sa katawang-tao, umuusad ang tao mula sa pagsalungat patungo sa pagsunod, mula sa pag-uusig patungo sa pagtanggap, mula sa mga kuru-kuro patungo sa kaalaman, at mula sa pagtanggi patungo sa pagmamahal—ito ang mga epekto ng gawain ng Diyos na nagkatawang-tao(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mas Kinakailangan ng Tiwaling Sangkatauhan ang Pagliligtas ng Diyos na Nagkatawang-tao). Salamat sa Diyos!

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

Pagtakas sa mga Usap-usapan

Ni William, USANoong Oktubre ng 2016, dumating ako sa New York, at kalaunan ay bininyagan sa ngalan ng Panginoong Jesus sa isang simbahang...