Ang Nasa Likod ng Pagkabigong Magsalita

Enero 25, 2023

Ni Song Yu, Nederland

Noong 2021, nahalal si Katie bilang isang lider, at magkasama naming pinangasiwaan ang gawain ng iglesia. Pagtagal-tagal, natuklasan kong gusto ni Katie na gumagawa ng mga bagay-bagay nang mag-isa. Bukod sa oras na abala siya sa gawaing tekstuwal, na pangunahin niyang responsibilidad, bihira siyang makipagtalakayan o makipag-usap sa amin tungkol sa gawain, kaya halos walang pagtutulungan sa pagitan namin. Hindi siya nakikisali sa mga proyektong itinatalaga ng nakatataas na pamunuan para gawin namin nang magkakasama. Pinadadalhan niya lang kami ng mensahe para hilinging gawin namin ang mga iyon. Kalaunan, natuklasan kong may mga problema sa gawaing tekstuwal na pinangangasiwaan niya na hindi niya kinukumusta sa oras. Ako at ang katuwang kong si Joyce ay nakipagbahaginan kay Katie, at sinabi namin sa kanya na ang pagiging lider ay nangangahulugan ng pangungumusta at pakikilahok sa lahat ng mga proyekto sa buong iglesia. Sumagot siya na hindi siya pamilyar sa mga proyekto ng iglesia, at hindi niya naiintindihan ang mga prinsipyo ng gawain o kung paano mangumusta. Sinabi niyang maaari namang kami na lang ang mag-asikaso ng mga gayong bagay, na abalang-abala na siya sa gawaing tekstuwal at wala na siyang sobrang oras o lakas.

Isang beses, nakatanggap ng liham si Katie na nag-uulat sa isang lider ng iglesia at diyakono ng ebanghelyo dahil hindi sila sumusunod sa mga prinsipyo sa kanilang mga tungkulin. Ipinadala lang ni Katie ang liham sa nakatataas na pamunuan, na sinabihan kaming dalawa na magtulungan para asikasuhin ang isyu. Ngunit pagkatapos niyon, isinali ako ni Katie sa isang group chat, at sinabihan ang mga kapatid na nagsulat ng liham na iulat nang direkta sa akin ang anumang isyu. Pagkatapos ay pinadalhan niya ako ng mensahe para sabihing wala siyang oras para sa mga bagay na iyon, kaya hindi na niya binasa ang nilalaman ng liham bagkus basta na lang iyong ipinasa sa nakatataas na pamunuan. Gusto niyang siyasatin ko iyon at asikasuhin. Pagkatapos mabasa ang mensahe ni Katie, pakiramdam ko ay may mali. Inutusan kami ng nakatataas na pamunuan na asikasuhin ang problema nang magkasama. Paano niya nagawang basta tumalikod at ipapasan sa akin ang mga problemang ito at pagkatapos ay wala na siyang pakialam? Hindi iyon ang saloobing dapat na taglayin ng mga lider at manggagawa sa kanilang gawain. Nang kausapin namin siya ni Joyce kamakailan tungkol sa kung paano lutasin ang mga isyu sa gawain ng iglesia, sinabi niyang abala siya, hindi niya naiintindihan iyon, at hindi niya kayang gawin. Ngayon, partikular na iniutos ng nakatataas na pamunuan na asikasuhin naming dalawa nang magkasama ang ulat na ito, at nagbigay lang siya ng parehong dahilan. Ilang buwan na siyang lider, pero hindi siya nakikibahagi sa pangungumusta sa gawain o sa paglutas sa mga problema. Kumikilos siya na parang isang huwad na lider na hindi gumagawa ng praktikal na gawain. Detalyadong ipinahayag ng Diyos ang mga responsibilidad ng mga lider at naging napakapartikular sa Kanyang pagbabahagi sa kung paano nila dapat isakatuparan ang kanilang gawain. Kahit pa kasisimula pa lang niyang magsagawa bilang isang lider, ayon sa salita ng Diyos, may mga bagay pa rin siyang maaaring gawin. Kahit na hindi niya nauunawaan ang trabaho o ang mga prinsipyo, kahit papaano ay nangumusta sana siya sa lagay ng gawain. Pero laging nagdadahilan si Katie na abala siya, walang kakayahan, o walang ideya. Hindi siya kumikilos ayon sa salita ng Diyos, at kahit na bigyan siya ng payo, hindi siya nakikinig. Wala siyang saloobin ng pagtanggap sa katotohanan. Inisip ko kung dapat ko bang iulat ang pag-uugali niya sa nakatataas na pamunuan. Walang tigil kong pinag-iisipan ang tungkol sa isyung ito sa loob ng ilang panahon, at ilang beses ko nang gustong sabihin sa nakatataas na pamunuan. Ngunit naalala ko ang isang pagkakataon dati, nang mag-ulat ng isyu ng isang lider si Katie. Dahil hindi ko lubos na nauunawaan ang pinanggalingan ng usapin, ipinagpalagay kong basta niyang hinuhusgahan ang lider, kaya malupit ko siyang siniyasat at inilantad. Kalaunan, nang malaman iyon ng nakatataas na pamunuan, iwinasto nila ako sa pagiging mapanghusga, mapang-api at hindi patas, at inilantad at siniyasat pa nga nila ang pag-uugali ko sa isang pagtitipon. Kung iuulat ko siya sa nakatataas na pamunuan, iisipin ba nilang inaapi at ibinubukod ko siya, at sinusubukan kong maghanap ng kung anong laban sa kanya? Hindi ko puwedeng bigyan ng gayong uri ng impresyon ang nakatataas na pamunuan. Kung matatanggal ako dahil sa liham na ito, hindi ba’t mas malaki ang kapalit kaysa pakinabang? Kaya, napagpasyahan kong pansamantala ay hindi ko muna babanggitin ang kanyang mga isyu.

Nitong Hunyo ng taong ito, dahil hindi maganda ang takbo ng gawain ng ebanghelyo sa iglesia nina Katie, inutusan ng nakatataas na pamunuan si Brother Jerry na pangasiwaan ang gawain ng ebanghelyo. Nagkaroon ng ilang paglilipat ng tauhan, at si Jerry at ang ilan pang superbisor ng gawain ng ebanghelyo ay nagtalakayan at gumawa ng ilang pagsasaayos batay sa mga prinsipyo, nang hindi humihingi ng pahintulot kay Katie. Nang malaman ito ni Katie, pakiramdam niya ay hindi siya sineseryoso ni Jerry at hinusgahan niya ito nang patalikod. Sinabi niyang si Jerry ay parang isang anticristo na gusto ng sarili nitong munting kaharian, at kung sakali mang hindi ito isang anticristo, ito ay isang huwad na lider na hindi gumagawa ng praktikal na gawain. Sinisira ni Katie ang pagsasamahan ng mga kapatid, at mga superbisor. Inudyukan niya ang ilang katrabaho at superbisor na makisali sa awayan dala ng inggit, kaya naging mahirap na isakatuparan ang gawain ng ebanghelyo roon. Isinaayos niya rin na lumahok ang isang sister sa gawain ng ebanghelyo para lang mamanmanan niya kung ano na ang lagay ng gawain ni Jerry, para magkaroon ng bentahe laban dito at makakita ng pagkakataon na makapaghiganti. Kalaunan, sinamantala niya ang ilang maliliit na isyu sa mga tungkulin ni Jerry, pinalaki ito, at hinikayat ang isang sister na iulat si Jerry sa nakatataas na pamunuan. Sinusubukan niyang gamitin ang nakatataas na pamunuan para lubusang durugin si Jerry. Nabigla ako nang malaman ito. Walang nakapipigil kay Katie sa pag-atake at pagbubukod sa mga katrabaho para sa kanyang sariling reputasyon at katayuan. Gusto niyang pabagsakin ang mga kapatid na responsable sa pangunahing gawain ng iglesia. Hindi niya man lang pinoprotektahan ang gawain ng iglesia. Katulad ito ng inihahayag ng salita ng Diyos: “Ang lantarang panunupil ng mga anticristo sa mga tao, pagbukod sa mga tao, pag-atake sa mga tao, at paglantad sa mga problema ng mga tao ay may puntirya lahat. Walang duda, ginagamit nila ang mga kaparaanang tulad nito para puntiryahin ang mga naghahangad ng katotohanan at nakakakilala sa mga anticristo, na may mithiing talunin sila, at sa gayong paraan ay pinapatatag ng mga anticristo ang sarili nilang posisyon. Ang pag-atake at pagbukod sa mga tao nang ganito ay sadyang malisyoso. May kalupitan ang kanilang pananalita at paraan ng pagsasalita: paglalantad, pagkondena, paninirang-puri, at panlalapastangan. Binabaluktot pa nila ang mga katunayan, nagsasabi ng mga positibong bagay na para bang negatibo ang mga iyon at ng negatibo na para bang positibo ang mga iyon. Ang pagbabaligtad ng itim at puti at paghahalu-halo ng tama at mali nang ganito ay isinasakatuparan ang mithiin ng mga anticristo na talunin ang mga tao at sirain ang kanilang pangalan. Anong pag-iisip ang nag-uudyok sa pag-atake at pagbubukod na ito sa mga sumasalungat? Kadalasan, nagmumula ito sa inggit. Sa isang masamang disposisyon, ang inggit ay may kasamang matinding pagkamuhi; at dahil sa inggit nila, inaatake at ibinubukod ng mga anticristo ang mga tao. Sa sitwasyong katulad nito, kung malalantad, masusumbong, at mawawalan ng katayuan ang mga anticristo, mahihirapan ang kanilang isipan; hindi sila magpapasakop ni matutuwa roon, na lalong mas nagpapadali pa para magkaroon ng isang matibay na pag-iisip ng paghihiganti. Ang paghihiganti ay isang uri ng pag-iisip, at isang uri din ito ng tiwaling disposisyon. Kapag nakikita ng mga anticristo na nakasisira sa kanila ang ginawa ng isang tao, na mas may kakayahan ang iba kaysa sa kanila, o na mas maganda o mas marangal ang mga pahayag at mungkahi ng isang tao kaysa sa kanila, at sumasang-ayon ang lahat sa mga pahayag at mungkahi ng taong iyon, nadarama ng mga anticristo na nangangaib ang kanilang posisyon, umuusbong ang inggit at pagkamuhi sa kanilang puso, at umaatake at naghihiganti sila. Kapag naghihiganti, karaniwan ay may pang-una ng atake ang mga tao sa kanilang pinupuntirya. Maagap sila sa pag-atake at pagpapabagsak sa mga tao, hanggang sa magpasakop ang mga ito. Saka lamang nila madarama na nakapaglabas na sila ng galit. Ano ang iba pang mga pagpapahayag ng pag-atake at pagbubukod sa mga tao? (Paghamak sa iba.) Ang paghamak sa iba ay isa sa mga paraan ng pagpapahayag nito; gaano ka man kahusay sa paggawa ng iyong trabaho, hahamakin ka pa rin nila o kokondenahin, hanggang sa ikaw ay maging pasibo at mahina at hindi na makatayo. Pagkatapos ay matutuwa sila, dahil naisakatuparan na nila ang kanilang mithiin. Bahagi ba ng kahulugan ng paghamak sa iba ang pagkondena? (Oo.) Paano kinokondena ng mga anticristo ang mga tao? Pinalalaki nila ang maliliit na bagay. Halimbawa, may ginawa kang isang bagay na hindi naman problema, ngunit pinagmumukha nila itong malaki para atakihin ka. Nag-iisip sila ng lahat ng uri ng paraan para dungisan ka, at kondenahin ka sa pamamagitan ng pagpapalaki sa isang maliit na bagay, nang sa gayon ay isipin ng ibang nakikinig na may katuturan ang sinasabi ng mga anticristo at na may ginawa kang mali. Dahil dito, naisakatuparan na ng mga anticristo ang kanilang mithiin. Ito ang pagkondena, pag-atake, at pagbukod sa mga sumasalungat. Ano ang ibig sabihin ng pagbukod? Ang ibig sabihin nito ay na gaano ka man katama sa iyong mga kilos—at ang totoo, alam din ng mga anticristo na tama ka—dahil naiinggit at namumuhi sila sa iyo, at sadyang sinisikap na atakihin ka, sasabihin ng mga anticristo na mali ang ginawa mo. Pagkatapos ay gagamitin nila ang sarili nilang mga pananaw at kamalian para talunin ka sa debate, nagsasalita sa kaaya-ayang paraan para madama ng lahat ng nakikinig na tama at maganda ang sinasabi nila; pagkatapos, papanig ang lahat ng taong iyon sa mga anticristo laban sa iyo. Ginagamit ito ng mga anticristo para atakihin ka, para gawin kang pasibo at mahina, at makamit ang pagsang-ayon ng lahat. Dahil dito, nakamtan na nila ang kanilang mithiing atakihin at ibukod ang mga sumasalungat. Ang pagbubukod sa mga sumasalungat ay maaaring mangyari kung minsan sa harapang debate, o kung minsan ay sa paghusga sa isang tao, paglikha ng gulo, paninira sa kanya, at pag-imbento ng mga kwento tungkol sa kanya habang nakatalikod siya. Halimbawa, kung gustong ibukod ng mga anticristo ang isang sumasalungat, ipagkakalat nila ang mga pagkakamali ng taong iyon, para masira ang relasyon ng sumasalungat sa ibang mga tao, kaya lumalayo ang mga tao sa sumasalungat, at isinasakatuparan ang mithiin ng mga anticristo na ihiwalay ang sumasalungat. Pagkatapos, hahanap sila ng pagkakataon na magamit ang nakakasirang impormasyon laban sa sumasalungat, hanggang sa matalo siya at masira ang kanyang reputasyon. Sa isipan ng mga anticristo, ito ay pagpapabagsak sa isang katunggali, upang hindi nito malagay sa panganib ang posisyon ng mga anticristo(Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikalawang Aytem). Inihahayag ng Diyos na ang mga anticristo ay labis na nagsisikap na protektahan ang kanilang sariling reputasyon at katayuan. Para mamayani sa iglesia na tulad ng isang hari, inaatake at tinatanggihan nila iyong mga naghahangad ng katotohanan, at napopoot pa nga sila sa mga ito. Tinik sa tagiliran nila ang mga naghahanap ng katotohanan, kaya pinalalaki nila ang maliliit na problema ng mga ito, at sadyang hinuhusgahan at inaatake ang mga ito para parusahan iyong mga naghahangad ng katotohanan. Sinisira nila ang mga naghahanap ng katotohanan para makagamit sila ng kapangyarihan sa iglesia. Naghasik ng hidwaan sa iglesia si Katie. Inatake at kinondena niya si Jerry, na nangangasiwa sa gawain ng ebanghelyo, at gusto pang gamitin ang nakatataas na pamunuan para parusahan ito. Ang pinakamasama pa, hindi siya nakikipagtulungan sa kanyang mga katrabaho, at laging gumagawa ng mga bagay-bagay nang mag-isa. Ngunit gumawa siya ng mga sabi-sabi, hinusgahan na hindi nagtutulungan nang maayos ang nakatataas na pamunuan, na nagdulot para magkaroon ng masamang palagay ang mga kapatid laban sa pamunuan. Ginawa niya ito upang makamit ang mithiin niyang mamayani na parang hari sa iglesia. Sinasadya niyang parusahan ang mga tao at sinisira ang gawain ng ebanghelyo. Nang malaman ng nakatataas na pamunuan ang ginagawa ni Katie, nakita nilang siya ay isang huwad na lider na nasa landas ng isang anticristo at agaran siyang tinanggal sa posisyon ng pagkalider.

Pagkatapos, ako at ang katuwang ko ay nakipagbahaginan kay Katie at sinuri ang kanyang pag-uugali. Sinabi naming ang pag-uudyok sa isang tao na iulat si Jerry ay pagsasabotahe at panggagambala sa gawain ng iglesia, at siya ay nasa landas ng isang anticristo. Hindi lang siya tumangging tanggapin ito, kundi ipinagtanggol pa niya ang kanyang sarili, sinasabing wala siyang masasamang motibo, na iniuulat lang niya ang problema sa normal na paraan, kaya paano iyon nakagagambala sa gawain ng iglesia? Nakita kong ayaw talaga niyang aminin ang kanyang mga pagkakamali kahit nahaharap na sa mga katunayan, na ipinagtatanggol niya ang sarili at nakikipagtalo. Naisip ko ang mga salita ng Diyos, “Kapag walang nangyayari, hindi mo makikita ang tunay na saloobin ng isang tao sa katotohanan. Kapag ang mga tao ay pinungusan, iwinasto, at pinaalis, nahahayag ang tunay na saloobin nila sa katotohanan. Yaong mga tumatanggap sa katotohanan ay nagagawang tanggapin ito sa anumang sitwasyon; kung mali sila, nagagawa nilang aminin ang kanilang pagkakamali, harapin ang realidad, at tanggapin ang katotohanan. Para naman sa mga hindi nagmamahal sa katotohanan, kahit nakikita na ang pagkakamali nila, hindi nila aaminin na mali sila, bukod pa sa hindi nila tinatanggap na pamahalaan sila ng sambahayan ng Diyos. At ano ang mga dahilan ng ilang tao? ‘Ang intensiyon ko ay gawin ito nang maayos, ngunit hindi ko lang ito nagawa nang maayos, kaya hindi mo ako masisisi sa paggawa ng hindi magandang trabaho. Mabuti ang intensiyon ko at nagdusa ako, nagbayad ng halaga at ginugol ang sarili ko. Hindi ito paggawa ng masama!’ Ginagamit nila itong dahilan at katwiran para tumangging pamahalaan sila ng sambahayan ng Diyos. Angkop ba ito? Anumang dahilan o katwiran ang ginagamit ng isang tao, hindi nito mapagtatakpan ang saloobin nila sa katotohanan, at ang saloobin nila sa Diyos. Ito ay isang isyung pumapatungkol sa likas na pagkatao at diwa ng isang tao, at pinakahigit na nagpapatunay sa problema. Kumaharap ka man sa isang isyu, ang iyong saloobin sa katotohanan ay kumakatawan sa iyong likas na pagkatao at diwa—ito ang iyong saloobin sa Diyos. Ang paraan ng pagtrato mo sa Diyos ay malalaman sa paraan ng pagtrato mo sa katotohanan(Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikawalong Aytem (Unang Bahagi)). Iyon lang talaga iyon. Iyong mga hindi tinatanggap ang katotohanan ay hinding-hindi aaminin ang kanilang mga pagkakamali. Kahit na gumawa sila ng kasamaan at gambalain ang gawain ng iglesia, sasabihin pa rin nilang tama ang kanilang mga layunin, gustong iabsuwelto ang kanilang sarili sa kanilang mga paglabag at masasamang gawa, na para bang wala silang masasamang motibo, at kahit na magambala nila ang gawain ng iglesia, hindi mo sila dapat na papanagutin. Napagtanto kong ganitong-ganito si Katie. Halatang palihim siyang nananabotahe, nanggagambala, at nagpaparusa ng mga tao, habang pinangangatwiranan pa rin ang kanyang sarili, sinasabing wala siyang layunin na gumawa ng masama. Tumatanggi siyang aminin ang kanyang mga pagkakamali kahit sa harap ng mga katunayan. Lubos niyang tinatanggihan ang katotohanan. Madalas ding sinasabi ni Katie na hindi pa siya nagtatagal sa pagiging lider, at na hindi niya nauunawaan at hindi niya kayang gawin ang maraming gawain. Pinatutunayan nito na kahit na nababatid niya ang mga responsibilidad at hinihingi ng Diyos sa mga lider, hindi pa rin niya sinusunod ang salita ng Diyos. Nagbahagi ang nakatataas na pamunuan na ang lahat ay dapat magtulungan nang maayos, pero hindi siya nakinig at patuloy na gumawa ng mga bagay-bagay nang mag-isa, paano man niya gusto. Malinaw sa kanyang pag-uugali na hindi siya tumatanggap o nagpapasakop sa salita ng Diyos o sa anumang positibong bagay. Sa bandang huli, gusto pa nga niyang parusahan si Brother Jerry para sirain ang gawain ng ebanghelyo alang-alang sa kanyang sariling reputasyon at katayuan. Ito ay sapat na patunay na wala siya ni katiting na pagtataguyod sa gawain ng iglesia, na sa kanyang kalikasan, hindi niya minamahal o tinatanggap ang katotohanan, at na ang pagkakatanggal sa kanya ay ganap na pagiging matuwid ng Diyos. Ang pagkatantong ito ay nagbigay sa akin ng higit na pagkakilala sa kanya. Nagnilay rin ako sa aking sarili. Dati, pakiramdam ko, si Katie ay isang huwad na lider na hindi gumagawa ng praktikal na gawain, at gusto kong iulat ang kanyang mga problema sa nakatataas na pamunuan, kaya bakit sa huli ay sumuko akong gawin iyon? Idinulog ko ang aking kalagayan sa harap ng Diyos sa isang panalangin, hinihiling sa Kanyang gabayan ako na maunawaan ang aking problema.

Nabasa ko ito sa mga salita ng Diyos. “Sinusunod ng ilang tao ang sarili nilang kagustuhan kapag kumikilos sila. Nilalabag nila ang mga prinsipyo, at pagkatapos matabasan at maiwasto, sa salita lamang nila inaamin na sila ay mayabang, at na nakagawa sila ng pagkakamali dahil lamang sa wala sa kanila ang katotohanan. Pero sa kanilang puso, nagrereklamo pa rin sila na, ‘Walang ibang nangangahas na magsalita o kumilos, ako lamang—at sa huli, kapag may nangyaring mali, ipinapasa nila sa akin ang lahat ng responsibilidad. Hindi ba’t ang hangal ko naman? Hindi ko na pwedeng ulitin iyon sa susunod, na mangahas na magsalita o kumilos nang ganoon. Napupukpok ang mga pakong nakausli!’ Ano ang tingin mo sa ganitong saloobin? Saloobin ba ito ng pagsisisi? (Hindi.) Anong saloobin ito? Hindi ba’t naging madaya at mapanlinlang na sila? Sa kanilang mga puso, iniisip nila na, ‘Mapalad ako na sa pagkakataong ito ay hindi ito humantong sa isang sakuna. Isang pagkahulog sa bitag, isang dagdag-katalinuhan, sabi nga. Kailangan kong maging mas maingat sa hinaharap.’ Hindi nila hinahanap ang katotohanan, gamit ang kanilang walang-kuwenta at tusong mga pakana sa pag-aasikaso at pagharap sa usapin. Kaya ba nilang tamuhin ang katotohanan sa ganitong paraan? Hindi nila kaya, dahil hindi sila nagsisi. Ang unang dapat gawin kapag nagsisisi ay ang kilalanin kung ano ang nagawa mong mali: makita kung saan ka nagkamali, ang diwa ng problema, at ang disposisyon na nalantad mo; dapat mong pagnilayan ang mga bagay na ito at tanggapin ang katotohanan, pagkatapos ay magsagawa ayon sa katotohanan. Ito lamang ang saloobin ng pagsisisi. Sa kabilang banda, kung lubos kang nag-iisip ng mga tusong paraan, nagiging mas madaya kaysa dati, nagiging mas mautak at mas tago ang mga diskarte mo, at nagkakaroon ka ng mas maraming pamamaraan sa pagharap sa mga bagay-bagay, kung gayon, ang problema ay hindi kasingsimple ng pagiging mapanlinlang lang. Gumagamit ka ng pailalim na kaparaanan at mayroon kang mga lihim na hindi mo maisiwalat. Masama ito. Hindi ka lamang hindi nagsisi, kundi naging mas madaya at mapanlinlang ka pa. Nakikita ng Diyos na masyado kang mapagmatigas at masama, isang taong sa panlabas ay umaamin na nagkamali siya, at tinatanggap ang pagwawasto at pagpupungos, ngunit sa totoo lang ay walang saloobing nagsisisi kahit katiting. Bakit natin sinasabi ito? Dahil habang ang kaganapang ito ay nangyayari o nang matapos na ito, hindi mo hinanap ang katotohanan, at hindi ka nagsagawa ayon sa katotohanan. Ang iyong saloobin ay gamitin ang mga pilosopiya, lohika, at pamamaraan ni Satanas upang lutasin ang problema. Sa totoo lang, iniiwasan mo ang problema, at binabalot ito sa isang malinis na pakete para walang makitang bakas nito ang ibang tao, wala kang hinahayaang makalusot. Sa huli, pakiramdam mo ay medyo matalino ka. Ito ang mga bagay na nakikita ng Diyos, sa halip na ang tunay mong pagninilay-nilay, pagtatapat, at pagsisisi sa iyong kasalanan sa harap ng usaping sumapit sa iyo, at pagkatapos ay patuloy kang naghahanap sa katotohanan at nagsasagawa ayon sa katotohanan. Ang saloobin mo ay hindi saloobin na hanapin ang katotohanan o isagawa ang katotohanan, ni hindi ang magpasakop sa kataas-taasang kapangyarihan at mga plano ng Diyos, kundi ang saloobin na gumagamit ng mga diskarte at pamamaraan ni Satanas upang lutasin ang iyong problema. Binibigyan mo ng maling impresyon ang iba at ayaw mong mailantad ka ng Diyos, at ipinagtatanggol mo ang sarili mo at nakikipagtalo hinggil sa mga sitwasyong isinaayos ng Diyos para sa iyo. Ang iyong puso ay mas sarado kaysa dati at nakahiwalay sa Diyos. Kung gayon, maaari bang may anumang magandang resulta na magmula rito? Maaari ka pa rin bang mamuhay sa liwanag, nang tinatamasa ang kapayapaan at kagalakan? Hindi na maaari. Kung lalayuan mo ang katotohanan at ang Diyos, tiyak na mahuhulog ka sa kadiliman, tatangis, at magngangalit ng iyong mga ngipin. Laganap ba ang gayong kalagayan sa mga tao? (Oo.) Madalas na pinapaalalahanan ng ilang tao ang kanilang mga sarili, sinasabing, ‘Naiwasto ako sa pagkakataong ito. Sa susunod, kailangan kong maging mas matalino at mas maingat. Pagiging matalino ang pundasyon ng buhay—at ang mga taong hindi matalino ay mga tanga.’ Kung ganito mo palaging ginagabayan at pinapaalalahanan ang iyong sarili, may mararating ka kaya? Magagawa mo kayang matamo ang katotohanan? Kung may isang isyung sumapit sa iyo, dapat mong hanapin at unawain ang isang aspeto ng katotohanan, at tamuhin ang aspetong iyon ng katotohanan. Ano ang maaaring matamo sa pag-unawa sa katotohanan? Kapag nauunawaan mo ang isang aspeto ng katotohanan, nauunawaan mo ang isang aspeto ng kalooban ng Diyos; nauunawaan mo kung bakit ginawa sa iyo ng Diyos ang bagay na ito, kung bakit gayon ang ipinagagawa Niya sa iyo, kung bakit isasaayos Niya ang mga sitwasyon upang ituwid at disiplinahin ka nang gayon, kung bakit gagamitin Niya ang usaping ito upang pungusan at iwasto ka, at kung bakit ka bumagsak, nabigo, at nalantad sa usaping ito. Kung nauunawaan mo ang mga bagay na ito, magagawa mong hanapin ang katotohanan at makakamit ang pagpasok sa buhay. Kung hindi mo nauunawaan ang mga bagay na ito at hindi mo tinatanggap ang mga katunayang ito, kundi ipinipilit mong salungatin at labanan ang mga ito, na gamitin ang sarili mong mga diskarte upang magpanggap, at na harapin ang lahat ng iba pa at ang Diyos nang may huwad na pagmumukha, hindi mo magagawang matamo ang katotohanan magpakailanman(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Sa Paghahanap Lamang sa Katotohanan Malulutas ng Tao ang Kanilang mga Kuru-kuro at Maling Pagkaunawa sa Diyos). Inihahayag ng mga salita ng Diyos na kung yung mga nagkakamali ay hindi pinagninilayan ang ugat ng kanilang kabiguan o hinahanap ang katotohanan para lutasin ang kanilang problema, bagkus ay nag-aalala na iwawasto sila kung makagagawa sila ng isa pang pagkakamali, at kaya nagsisimula silang manlinlang at mapagbantay laban sa Diyos kapag muling nagkakaroon ng mga isyu, kung gayon ang ganitong uri ng tao ay mayroong mapanlinlang at mapagmatigas na disposisyon. Ganoon ang pag-uugali ko. Dati, nang walang pagkaunawa sa sitwasyon ni Katie, inakusahan ko siyang mapanghusga at sinupil siya. Inilantad at siniyasat ako ng lider dahil doon. Napagtanto ko kalaunan ang aking mapagmataas na disposisyon, binalaan ang aking sarili na ang pagkabigong ito ay isang paglabag sa aking buhay bilang isang mananampalataya, at alam kong kailangan kong matuto ng aral at hindi na ulitin ang parehong pagkakamali. Ngunit kasabay nito, nagkaroon ako ng kaunting pag-iingat laban sa Diyos. Alalang-alala ako na kung makapang-aapi na naman ako ng isang tao tulad niyon, at matukoy na tinatahak ko ang landas ng isang anticristo, magiging katapusan na ng gawain ko bilang lider at mawawala ang lahat ng aking dignidad. Kaya sa pagkakataong ito, nang malaman kong si Katie ay isang huwad na lider na hindi gumagawa ng tunay na gawain, hindi ako nangahas na iulat siya at napuno ako ng pag-aalinlangan. Nag-alala ako na iisipin ng lider na masyado akong malupit kay Katie, at na sa paghahanap ng mali at hindi pagpapalampas ng mga bagay-bagay, inaapi at ibinubukod ko siya. Para protektahan ang sarili kong reputasyon at katayuan, pinili kong huwag magsalita. Natakot akong ang paggawa ng ulat ay bumalik sa akin at maglagay sa aking katayuan sa panganib. Normal lang na iulat ang problema ni Katie, ngunit napuno ako ng pangamba, at naghinuha sa kung anong iisipin ng nakatataas na pamunuan. Naging depensibo ako laban sa kanila at sa Diyos, at nakipaglokohan ako sa Diyos. Napakamapanlinlang ko! Naghahasik ng hidwaan si Katie, ginugulo at sinasabotahe ang gawain ng ebanghelyo. Paglalantad ito ng Diyos kay Katie at pagprotekta sa Kanyang sariling gawain. Nakita kong walang kaninumang kaisipan, layunin, o kilos ang makakatakas sa pagsisiyasat ng Diyos. Kaya bakit hindi ako nananalig na nakikita ng Diyos ang lahat ng bagay? Bakit ako laging nag-aalala na tatanggalin ako ng lider kung iuulat ko lang naman nang obhektibo ang pag-uugali ni Katie ayon sa kung ano ang talagang nakita ko, nang walang anumang layunin na supilin siya?

Sa aking mga debosyonal, nabasa ko ang isang sipi ng salita ng Diyos na nagbigay sa akin ng higit na pagkaunawa sa aking problema. Sinasabi sa mga salita ng Diyos, “Kung wala kang tunay na pananampalataya sa Diyos, at hindi ka naniniwala na naghahari ang katotohanan sa sambahayan ng Diyos, kung gayon ay hindi mo maisasakatuparan ang anumang bagay. Maraming tao ang hindi nauunawaan ang katotohanan; hindi sila naniniwalang naghahari ang katotohanan sa sambahayan ng Diyos, at wala silang pusong may takot sa Diyos. Laging nilang iniisip na lahat ng mga opisyal sa mundo ay pinoprotektahan ang interes ng isa’t isa, at na dapat ganoon din ang sambahayan ng Diyos. Tiyak na hindi sila naniniwala na ang Diyos ang katotohanan at ang katuwiran. Kaya, ang ganitong tao ay maaaring tawagin na walang pananampalataya. Gayunpaman, may isang minorya ng mga tao na nakapag-uulat ng mga praktikal na problema. Ang mga ganitong tao ay maaaring tawagin na mga taong nagpoprotekta sa mga interes ng sambahayan ng Diyos; sila ay mga responsableng tao. Maraming tao ang hindi lumulutas ng mga malalalang problema kapag nakikita nila ang mga ito, ni hindi nila iniuulat ang mga ito sa Itaas. Magsisimula lamang silang iulat ang isyu at maramdaman ang kalubhaan nito kapag direkta na itong inimbestigahan ng Itaas. Inaantala nito ang mga bagay-bagay. Samakatuwid, hindi mahalaga kung ikaw ba ay isang ordinaryong kapatid, o isang lider o isang manggagawa, sa tuwing may kinakaharap kang isang isyu na hindi mo malutas at tumutukoy sa mas malalaking prinsipyo ng gawain, dapat mo itong palaging iulat sa Itaas at napapanahon na humiling ng paggabay mula sa Kanya. Kung nahaharap ka sa mga nakalilitong problema o paghihirap subalit hindi nilulutas ang mga ito, hindi makakausad ang ilang gawain; kakailanganin itong isantabi at itigil. Maaapektuhan nito ang pag-usad ng gawain ng iglesia. Samakatuwid, kapag lumitaw ang gayong mga problema na direktang makakaapekto sa pag-usad ng gawain, dapat tuklasin ang mga ito at lutasin nang napapanahon. Kung hindi madaling lutasin ang isang problema, dapat kang humanap ng mga tao na nakakaunawa sa katotohanan at mga taong may kadalubhasaan sa larangan, makipagtalakayan ka sa kanila at imbestigahan at lutasin ang problema nang magkakasama. Ang ganitong uri ng mga problema ay hindi maaaring patagalin. Bawat araw na pinapatagal mo sa paglutas ng mga ito ay isang araw na pagkaantala sa pag-usad ng gawain. Hindi ito usapin ng paghadlang sa isang tao; naaapektuhan nito ang gawain ng iglesia, gayundin kung paano nagagampanan ng mga taong hinirang ng Diyos ang kanilang mga tungkulin. Kaya, kapag mahaharap ka sa ganitong uri ng nakalilitong problema o paghihirap, dapat itong malutas. Kung talagang hindi mo ito malutas, agad mo itong iulat sa Itaas. Direkta Niya itong lulutasin, o sasabihin Niya sa iyo ang landas. Kung hindi kayang pangasiwaan ng isang lider ang ganitong uri ng mga problema, at hindi aaksyunan ang problema sa halip na iulat ito sa Itaas at hilingin ang gabay mula sa Kanya, kung gayon ang lider na iyon ay bulag; siya ay talagang mangmang, at wala siyang silbi. Dapat siyang tanggalin at alisin mula sa kanyang posisyon. Kung hindi maaalis sa kanyang posisyon ang ganitong walang silbing tao, hindi makasusulong ang gawain ng sambahayan ng Diyos; mawawasak ito sa kanyang mga kamay. Dapat agad itong mapangasiwaan(Ang Salita, Vol. V. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa). “Anumang nakalilitong problema o paghihirap na kakaharapin mo sa oras ng iyong gawain, hangga’t nakakaapekto ito sa kung paano nagagampanan ng mga taong hinirang ng Diyos ang kanilang tungkulin, o nakahahadlang sa normal na pag-usad ng gawain ng iglesia, dapat itong malutas nang napapanahon. Kung hindi mo ito malutas nang sarili mo lang, dapat kang humanap ng ilang tao na nauunawaan ang katotohanan upang sumama sa iyo sa paglutas nito. Kung hindi pa rin malulutas ang problema sa ganitong paraan, kung gayon ay dapat mong iulat ang problema sa Itaas at hilingin ang Kanyang paggabay. Ito ang responsabilidad at obligasyon ng mga lider at mga manggagawa(Ang Salita, Vol. V. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa). Mula sa pagbabasa ng salita ng Diyos, nakita ko na kahit maraming taon na akong mananampalataya at marami nang nabasang salita ng Diyos, napakaliit pa rin ng pananampalataya ko sa Diyos at hindi ko nauunawaan ang Kanyang matuwid na disposisyon. Hindi ako tunay na naniniwala na ang katotohanan ang naghahari sa sambahayan ng Diyos, at iyon ang dahilan kaya nananahan pa rin sa aking puso ang pag-aalinlangan at pag-aalala. Sa realidad, sinusuri at tinatanggal ng iglesia ang mga tao batay sa mga prinsipyo ng katotohanan. Kahit na ang isang tao ay isang lider, kung sa ilang panahon ay hindi siya gumagawa ng tunay na gawain, nanggugulo sa kanyang tungkulin, gumagawa ng anumang maibigan, o hindi gumagawa ng pagbabago kahit pagkatapos mabahaginan at maiwasto nang paulit-ulit, kung gayon ay ililipat siya o tatanggalin, at hindi pagtatakpan o kukunsintihin. Kapag nagtatanggal o nag-aalis ng tao ang sambahayan ng Diyos, batay ito sa kanyang palagiang pag-uugali sa kanyang tungkulin at isinasaalang-alang din kung paano niya hinaharap ang Diyos at ang katotohanan. Ang mga bagay na ito ay hindi kailanman ginagawa nang basta-basta. Sa pagbabalik-tanaw sa huling humigit-kumulang dalawang taon bilang isang lider, kapag may problemang lumilitaw sa aking tungkulin, kapag nalalaman ito ng mga lider ko, lagi nila akong binabahaginan ng katotohanan, tinutulungan ako, at binibigyan ako ng payo. Kapag malubha ito, iwinawasto nila ako, inilalantad at sinusuri ako, at tinutulungan akong maunawaan ang aking sarili. Kagaya na lang noong apihin ko si Katie dahil hindi ko naunawaan ang katotohanan at umasa ako sa aking mapagmataas na disposisyon, hindi ako tinanggal ng lider dahil doon, sa halip, tinukoy niya ang aking mga problema at binigyan ako ng pagkakataon na magsisi. Isa pa, nahalal si Katie bilang isang lider ng iglesia, ngunit hindi siya kailanman gumawa ng anumang praktikal na gawain at gumawa siya ng kasamaan, na gumambala at sumira sa gawain ng ebanghelyo, tinatahak niya ang landas ng isang anticristo. Nang malaman ito ng nakatataas na pamunuan, agad nila siyang tinanggal. Ang mga bagay na personal kong nasaksihan at naranasan ay patunay na ang katotohanan at pagiging matuwid ang naghahari sa sambahayan ng Diyos. Ngunit inisip kong sa pag-uulat sa mga problema ni Katie, ituturing akong nanunupil at nagbubukod ng isang taong may talento, at na matatanggal ako. Maling-mali ang ganitong paraan ng pag-iisip, napakamapanlinlang ko at walang tunay na pananampalataya sa Diyos. Nakita ko rin na hindi malinaw sa akin kung ano ang pagtataguyod sa gawain ng iglesia at ano ang panunupil sa mga tao. Sa katunayan, kung ang isang tao ay natukoy ng mga prinsipyo na isang huwad na lider na hindi gumagawa ng tunay na gawain, at kung ang pag-uulat sa kanya ay ginawa para protektahan ang gawain ng iglesia, at ito ay ginawa batay sa mga katunayan, hindi gawa-gawa o basta-bastang imbento, kung gayon ito ay pagtataguyod sa mga prinsipyo at pagprotekta sa gawain ng iglesia, hindi pang-aapi. Kung ang mga layunin mo ay paghigantihan o parusahan ang isang tao, kung hinuhusgahan o kinokondena mo ang isang tao dahil hindi niya ginagawa ang gusto mo o nagiging banta siya o tumatanggi siyang magpasakop sa iyong katayuan, at binabaluktot mo pa nga ang mga katunayan para idiin o parusahan siya, kung gayon ay pang-aapi ito. Ang pag-uugali ni Katie na gusto kong iulat ay mga bagay na nasaksihan ko sa pakikipag-ugnayan sa kanya. May pinanggagalingan ang ulat ko at hindi isang akto ng sadyang paghihiganti. Iyon ay dahil gusto kong mag-ulat ng mga problema at maiwasang sumapit ang pinsala sa gawain ng iglesia. Pagprotekta ito sa gawain ng iglesia, at hindi pagsupil o pagparusa sa kanya. Higit pa rito, isa sa mga responsibilidad ng isang lider ay ang “kaagad na iulat at humingi ng patnubay patungkol sa kalituhan at mga suliraning nasasagupa sa gawain(Ang Salita, Vol. V. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa). Sa ngayon, wala sa atin ang nakauunawa sa katotohanan, kaya kapag nahaharap tayo sa maraming pagkalito at paghihirap sa ating gawain, mga bagay na hindi natin lubos na maunawaan o mga taong hindi natin lubos na makilatis, dapat natin itong iulat agad sa nakatataas na pamunuan. Ito ay partikular na totoo para sa mga nagpapasan ng importanteng gawain sa iglesia. Hindi dahil ang isang tao ay isang lider o nangangasiwa sa isang proyekto ay nangangahulugan nang nararapat na siyang gamitin, dahil bago magkamit ng katotohanan ang isang tao, maaaring sundin niya ang kanyang tiwaling disposisyon at gambalain ang gawain ng iglesia kahit anong oras. Hindi mo alam kung kailan siya maliligaw at lalaban sa Diyos. Ang pag-uulat ng isang tao ay hindi pangtsi-tsismis sa kanya. Hindi ito walang humpay na pagtuon sa kanyang mga pagkukulang, o paghahanap ng mga mali sa kanya, bagkus ito ay paghahanap ng mga prinsipyo kung paano kilatisin at tratuhin ang iba. Ginagawa ito para itaguyod ang gawain ng iglesia. Kung matuklasan na ang taong ito ay maayos at ang problema ay nasa iyong sariling pagtukoy, kung gayon, sa paggawa ng ulat sa nakatataas na pamunuan at pakikipagbahaginan, magagawa mong matutunan ang mga prinsipyo at tratuhin ang mga tao nang patas. Kung sa pamamagitan ng paghahanap, natukoy na ang gawain ng taong ito ay talagang may mga problema, maaari ka ring maagap na makipagbahaginan sa kanya, at tulungan siyang matukoy ang kanyang isyu at magawa ang kanyang tungkulin ayon sa mga prinsipyo. Kapaki-pakinabang ito sa gawain ng iglesia at sa mga kapatid. Siyempre, iyong mga masama ang pagkatao at hindi talaga itinataguyod ang gawain ng iglesia ay dapat na agad mailipat o matanggal para maiwasan ang anumang epekto sa pag-usad ng gawain. Samakatuwid, tungkulin at responsibilidad ng mga lider ang mag-ulat agad ng mga problema. Nang maunawaan ko na ang kalooban ng Diyos, nagpasya akong kung may matuklasan akong mga isyu sa isa pang lider ng iglesia o superbisor, agad kong tatalakayin sa mga katrabaho ko ang anumang hindi ko lubos na maunawaan, at kung walang sinuman ang malinaw na makaunawa sa bagay na iyon, agad ko iyong iuulat sa nakatataas na pamunuan at maghahanap ng mga prinsipyo. Hindi ko na maaaring isaalang-alang lang ang aking sariling mga interes at maging lubos na makasarili at mapanlinlang. Hindi nagtagal, nalaman ko na ang katuwang kong si Sister Janie ay walang pagkaunawa sa mga prinsipyo sa kanyang tungkulin, na lagi siyang nakatuon sa hindi mahahalagang isyu, at inaantala ang pag-usad ng paggawa ng video. Nang magtanong ang nakatataas na pamunuan kung bakit bumagal ang pag-usad ng paggawa ng video, matapat kong iniulat ang mga problema ni Janie. Pagkatapos ay nagbahagi sila ng ilang prinsipyo kung paano gawin ang tungkuling iyon, binibigyan kami ng mas malinaw na landas at kapansin-pansing bumuti ang pag-usad ng paggawa ng video. Napuno ako ng matinding kapayapaan nang makita ko ang resultang ito at naramdaman ko ang kagalakan ng pagsasagawa ng katotohanan.

Sa pamamagitan ng karanasang ito, nagkaroon ako ng kaunting pagkaunawa sa aking tiwaling disposisyon at kung bakit hindi ako nangahas na gumawa ng ulat. Nakita kong lubos akong makasarili at mapanlinlang, na masyado kong pinahahalagahan ang katayuan ko. Para lang protektahan ang aking sariling mga interes, natakot akong mag-ulat ng problema at maakusahan na nang-aapi ng isang taong may talento. Ang paggabay ng salita ng Diyos ang nagbigay-daan sa akin na malaman ang aking tiwaling disposisyon, maitama ang mali kong pag-iisip at pananaw, at magkaroon ng landas ng pagsasagawa. Salamat sa Diyos!

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

Pagsaksi sa isang Himala sa Gitna ng Kawalan ng Pag-asa

Sa mga pangyayaring kaugnay sa sakunang ito, nananalangin siya sa Diyos at umaasa sa Diyos, at sa ilalim ng patnubay ng mga salita ng Diyos, nakakatagpo siya ng pananampalataya at lakas, at nakakasaksi ng isang himala sa gitna ng kawalan ng pag-asa.

Pamumuhay sa Harap ng Diyos

Ni Yongsui, South KoreaSabi ng Makapangyarihang Diyos, “Upang makapasok sa realidad, kailangang ibaling ng isang tao ang lahat sa tunay na...