Ang Nakamit Ko sa Pagsusulat ng Aking Patotoo

Enero 25, 2023

Ni Chengxin, Timog Korea

Kamakailan ay napansin kong maraming kapatid na nagsusulat ng mga patotoo tungkol sa kanilang mga karanasan at gusto kong isagawa na magsulat din ng isa. Ilang taon na akong mananampalataya, natamasa nang husto ang panustos ng Diyos at nagkaroon ng ilang karanasan. Gusto kong gamitin ang ilan kong oras sa mga debosyonal para magsulat ng isang artikulo, pero sa tuwing nagsusulat ako ng panimula, hindi ko na alam ang susunod kong sasabihin. Naisip kong dumaan na ako sa ilang pagkakatanggal, pagkabigo, at pagkakamali, at maraming beses nang naiwasto. Kahit papa’no, may mga karanasan na ‘ko. Bakit ba nabablangko ang isip ko kapag magsusulat na ako? Lumipas ang isa o dalawang buwan sa ganitong paraan, at sa huli, wala talaga akong naisulat na artikulo. Pakiramdam ko ay parang napakahirap nito. Alam din ng lider na kulang ako sa kakayahan at mga ideya. Hindi ko dapat pinahihirapan ang sarili ko. Maraming bagay ang kailangan kong harapin araw-araw, at hindi ko mapakalma ang aking sarili para pagnilayan ang mga salita ng Diyos. ‘Tsaka, nakakapagsulat naman ang ilang kapatid na may mahusay na kakayahan at may mga karanasan. Ayos lang na sila ang magsulat ng mga artikulo—hindi ko na kailangang magsulat. Kaya tuluyan na akong sumuko sa ideyang magsulat ng artikulo. Minsan ipinapaalala sa akin ng mga kapatid na puwede akong magsulat ng isa, pero naiinis ako at ni ayokong tumugon sa mga mensahe nila. Paglipas ng ilang panahon, hindi naging maayos ang lagay ng mga debosyonal ko. Binasa ko ang mga salita ng Diyos pero wala akong kaliwanagan ng Banal na Espiritu, at hindi ko maramdaman ang Diyos. Maraming problema sa gawain na hindi ko maintindihan o malutas, at sunod-sunod na lumilitaw. Nakaramdam ako ng matinding kagipitan, at talagang nasa pasakit ako. Nanalangin ako sa Diyos, humihiling sa Kanya na bigyang-liwanag at gabayan ako, na tulutan akong maunawaan ang aking mga isyu.

Isang araw sa aking mga debosyonal, nabasa ko ito sa mga salita ng Diyos: “Boluntaryo ang paghahangad sa katotohanan; kapag minamahal mo ang katotohanan, gumagawa ang Banal na Espiritu. Kapag, sa puso mo, minamahal mo ang katotohanan—kapag, anumang pag-uusig o pagdurusa ang sumasapit sa iyo, nagdarasal ka sa Diyos at umaasa sa Diyos, at nagninilay sa iyong sarili, at nagsisikap na kilalanin ang iyong sarili—kapag, kung may natutuklasan kang problema, aktibo mong hinahanap ang katotohanan para sa solusyon—magagawa mong panindigan ang iyong patotoo. Ang mga pagpapamalas na ito ay pawang likas na produkto ng pagmamahal ng mga tao sa katotohanan, at nangyayari ang lahat ng ito nang boluntaryo, masaya, at walang pamimilit, kaya nga, lubos ding walang kondisyon ang mga ito. Kung makakasunod sa Diyos ang mga tao sa ganitong paraan, ang makakamit nila sa huli ay ang katotohanan at ang buhay, ang papasukin nila ay ang realidad ng katotohanan, at ang isasabuhay nila ay ang wangis ng tao. … Kung hindi mo pa nakakamit ang katotohanan, wala sa mga dahilan o palusot na naiisip mo ang magiging makatwiran. Subukan mong mangatwiran ayon sa gusto mo; balisain mo ang sarili mo kung gusto mo—may pakialam ba ang Diyos? Kakausapin ka ba ng Diyos? Makikipagtalo at makikipagtalakayan ba Siya sa iyo? Kokonsultahin ka ba Niya? Ano ang sagot? Hindi. Talagang hindi Niya gagawin iyon. Walang bisa ang iyong dahilan, gaano man iyon kamakatwiran. Hindi ka dapat magkamali ng pag-unawa sa kalooban ng Diyos, na iniisip na puwede kang magbigay ng lahat ng uri ng dahilan at palusot sa hindi paghahangad ng katotohanan. Ipahahanap sa iyo ng Diyos ang katotohanan sa lahat ng sitwasyon at sa bawat bagay na dumarating sa iyo, at sa huli ay makakapasok ka sa realidad ng katotohanan at makakamit ang katotohanan. Anuman ang sitwasyon na isinaayos ng Diyos para sa iyo, sinumang tao at anumang pangyayari ang nakakaharap mo, at anumang sitwasyong kinalalagyan mo, dapat kang magdasal sa Diyos at hanapin ang katotohanan para makaya mong harapin ang mga ito. Ang mga ito mismo ang mga aral na dapat mong matutuhan sa paghahangad ng katotohanan. Kung lagi kang nagpapalusot, umiiwas, tumatanggi, at lumalaban, pababayaan ka ng Diyos. Mawawalan ng silbi ang iyong pagiging mailap, o mahirap pakisamahan, o ang iyong pagdadahilan. Kung walang pakialam ang Diyos sa iyo, mawawalan ka ng pagkakataong maligtas. Para sa Diyos, walang problemang hindi malulutas; gumawa na Siya ng mga pagsasaayos para sa bawat isang tao, at may paraan ng pagharap sa kanila. Hindi tatalakayin sa iyo ng Diyos kung ang mga dahilan at palusot mo ba ay makatwiran o pakikinggan kung may katuturan ba ang depensa mo. Ang tanging itinatanong Niya sa iyo ay, ‘Katotohanan ba ang mga salita ng Diyos? Mayroon ka bang tiwaling disposisyon? Dapat mo bang hangarin ang katotohanan?’ Kailangan maging malinaw lamang sa iyo ang isang katunayan: Ang Diyos ang katotohanan, isa ka sa tiwaling sangkatauhan, kaya nga dapat magkusa kang hanapin ang katotohanan. Walang problema o paghihirap, o dahilan o palusot, ang makatwiran; kung hindi mo tatanggapin ang katotohanan, ikaw ay masasawi(Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Ano ba ang Paghahangad ng Katotohanan 1). Agad pumukaw sa akin ang mga salita ng Diyos. Ang paghahangad sa katotohanan ay isang bagay na personal at boluntaryo. Hindi ako dapat maghanap ng bawat katwiran, bawat dahilan para hindi magsulat ng artikulo o maghangad sa katotohanan. Walang pakialam ang Diyos kung gaano katama ang mga katwiran. Gusto ng Diyos na makinig tayo sa Kanyang mga salita at magpasakop sa Kanyang mga hinihingi sa bawat sitwasyon, para sa lahat ng nangyayari. ‘Yon ang dapat kong gawin. Sinabi rin ng Diyos, “Ang tungkulin ng iyong pananampalataya sa Akin ay ang magpatotoo sa Akin, maging tapat sa Akin lamang, at maging masunurin hanggang sa huli(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ano ang Alam Mo sa Pananampalataya?). Ang pagpapatotoo sa Diyos ang hinihingi Niya, at tungkulin natin ito, Gaano man kalalim o kababaw ang pagkaunawa ko sa katotohanan, hindi ko puwedeng itago ang gawaing nagawa Niya sa akin, bagkus dapat kong isulat kung ano ang nakamit ko mula sa aking pananampalataya para magpatotoo sa Diyos. Dumaan ako sa maraming paghihirap habang isinusulat ang artikulo, pero ang mga isyung iyon ay mismong katiwalian at mga kapintasan ko na hindi ko naunawaan, kung saan kailangan kong pakalmahin ang aking sarili, pagnilayan ang mga salita ng Diyos, at hanapin ang katotohanan. Pero sa halip, hindi ko sinubukang hanapin ang katotohanan o nagsikap na pagnilayan ang mga salita ng Diyos. Nakahanap ako ng lahat ng uri ng mga dahilan para tanggihan at pigilan ang pagsusulat ng isang artikulo. Patuloy kong sinasabing wala akong kakayahan, at wala akong oras dahil masyado akong abala sa trabaho. Naisip ko na normal ang hindi pagsusulat ng artikulo. Minsan kapag sinasabi sa akin ng iba na magsulat ako ng isa, naiinis ako at nagdadahilan. Ni ayaw kong sumagot sa mga mensahe nila. Pero ngayon na tahimik ko itong pinag-iisipan, bagamat kailangan kong sumabay sa bawat aspeto ng gawain ko bilang lider, hindi naman lahat ng isyu ay kailangang tugunan agad—puwede akong maglaan ng oras para sa maraming bagay. ‘Tsaka, ang ilan sa mga karaniwang gampanin ay hindi kailangan ng gano’n karaming oras para matapos. Hindi naman ako masyadong abala na wala na akong anumang oras para magsulat ng artikulo. Nahanap ko lang ang mga dahilang ‘yon. Pakiramdam ko, mabilis at madaling gawin ang mga karaniwang gampaning ‘yon, at hindi nangangailangan ng napakabigat na pag-iisip, pero hindi ko talento ang pagsusulat, kaya gusto ko itong iwasan. Ginamit ko pa ngang katwiran na alam ng lider na wala akong kakayahan at mga ideya. Nagawa ko talagang baluktutin ang mga bagay-bagay at mag-imbento ng mga maling paniniwala. Sa katunayan, ang pagsusulat ng artikulong nagpapatotoo ay puwedeng mag-udyok sa atin na magsikap sa paghahangad sa katotohanan. Sa pamamagitan ng pagninilay sa mga salita ng Diyos at paghahanap sa katotohanan, malulutas natin ang ating katiwalian, magagawa ang mga bagay nang may mga prinsipyo, at magagampanan ang ating tungkulin nang mas mahusay. Tungkulin natin ang pagsusulat ng mga artikulong nagpapatotoo sa Diyos, at walang dahilan para hindi ‘to gawin. Sabi ng Diyos, “Ang Diyos ang katotohanan, isa ka sa tiwaling sangkatauhan, kaya nga dapat magkusa kang hanapin ang katotohanan. Walang problema o paghihirap, o dahilan o palusot, ang makatwiran; kung hindi mo tatanggapin ang katotohanan, ikaw ay masasawi.” Pagkatapos ay napagtanto ko na ang pagkakaipit ko sa mga dahilan ko, nang hindi hinahanap o tinatanggap ang katotohanan ay lubos na sisira sa akin, at ang kahihinatnan ko sa huli ay pagkawasak. Sobrang nakatatakot na kalagayan! Kaya nagmadali akong magdasal: “Diyos ko! Ngayon ko lang napagtanto na hindi ako isang taong tumatanggap ng katotohanan. Nabasa ko ang napakaraming salita Mo, nakinig sa napakaraming sermon, pero wala sa akin ang realidad ng katotohanan at hindi ako handang magsagawa ng pagsusulat ng artikulong nagpapatotoo. Kahiya-hiya talaga ‘to. Ngayon ay nakikita ko na ang mga pagkukulang ko, ang mga kapintasan ko. Gusto kong baguhin ang maling kalagayang ito at magsikap na gawin ang sinasabi Mo.”

Kalaunan, nanalangin ako sa Diyos, naghahanap: Ano ba ang tunay na dahilan kung bakit hindi ko hinahangad ang katotohanan at ayokong isulat ang aking patotoo? Sa aking pagninilay-nilay, may nabasa ako sa mga salita ng Diyos. Sabi ng Makapangyarihang Diyos, “Sa kanilang pananampalataya sa Diyos, maraming tao ang nakatuon lamang sa paggawa para sa Diyos, at kontento na sa pagdurusa at pagbabayad ng halaga. Gayunman, hindi man lamang nila hinahangad ang katotohanan. At ang resulta? Matapos manalig sa Diyos sa loob ng sampung taon, dalawampung taon, tatlumpung taon, wala pa rin silang tunay na kaalaman tungkol sa gawain ng Diyos, at walang masabing anumang mga karanasan o kaalaman tungkol sa katotohanan o sa mga salita ng Diyos. Sa pagtitipon, kapag sinusubukan nilang magbigay ng kaunting patotoo, wala silang masabi; hindi talaga nila alam kung maililigtas ba sila o hindi. Ano ang problema rito? Ganito ang mga taong hindi hinahangad ang katotohanan. Ilang taon man silang naging mananampalataya, hindi nila kayang unawain ang katotohanan, lalo nang hindi nila kayang isagawa ang katotohanan. Paano makakapasok sa realidad ng katotohanan ang isang taong lubos na hindi tumatanggap sa katotohanan? May mga tao na hindi nakikita ang problemang ito, na naniniwala na kung isinasagawa ng mga nag-uulit sa mga salita ng mga doktrina ang katotohanan, makakapasok sila sa realidad ng katotohanan. Tama ba ito? Ang mga taong nag-uulit sa mga salita ng mga doktrina ay likas na hindi kayang unawain ang katotohanan—kaya paano nila maisasagawa ang katotohanan? Bagama’t ang kanilang isinasagawa ay mukhang hindi labag sa katotohanan, at isang mabuting gawa, mabuting pag-uugali, angkop bang tawagin na realidad ng katotohanan ang gayong mabubuting gawa at mabuting pag-uugali? Ang mga taong hindi nauunawaan ang katotohanan ay hindi nauunawaan kung ano ang realidad ng katotohanan; itinuturing nila ang mabubuting gawa at mabuting pag-uugali ng mga tao na pagsasagawa nila ng katotohanan. Kakatwa ito, hindi ba? Paano ito naiba sa mga pananaw sa ideolohiya ng mga taong relihiyoso? At paano malulutas ang gayong mga problema ng baluktot na pagkaunawa? Dapat munang maunawaan ng mga tao ang kalooban ng Diyos mula sa mga salita ng Diyos, at mabatid kung ano ang pag-unawa sa katotohanan, at kung ano ang pagsasagawa ng katotohanan, para magawang tingnan ang mga tao at matukoy ang tunay nilang pagkatao, at matukoy kung taglay ba nila o hindi ang realidad ng katotohanan. Ang ibig sabihin ng gawain ng Diyos na iligtas ang tao ay ipaunawa at ipasagawa sa mga tao ang katotohanan; saka lamang maiwawaksi ng mga tao ang kanilang mga tiwaling disposisyon, at magagawang kumilos ayon sa prinsipyo, at pumasok sa realidad ng katotohanan. Kung hindi mo hinahangad ang katotohanan, at kontento ka na sa paggugol, pagdurusa, at pagbabayad ng halaga para sa Diyos ayon sa sarili mong mga kuru-kuro at imahinasyon, kumakatawan ba ang lahat ng ginagawa mo sa pagsasagawa mo ng katotohanan at pagpapasakop sa Diyos? Mapapatunayan ba nito na may mga pagbabago na sa iyong disposisyon sa buhay? Maaari ba nitong maipakita na mayroon ka nang tunay na kaalaman tungkol sa Diyos? Hindi. Kung gayon ano ang kinakatawan ng lahat ng ginagawa mo? Maaari lang nitong katawanin ang iyong sariling personal na mga hilig, pag-unawa, at pangangarap nang gising, ito ang mga bagay na gusto mong gawin at handa kang gawin; lahat ng ginagawa mo ay para lamang matugunan ang iyong sariling mga pagnanasa, pagnanais, at minimithi. Malinaw na hindi ito paghahangad ng katotohanan. Wala kang ginagawang may anumang kaugnayan sa katotohanan, ni sa hinihingi ng Diyos. Lahat ng ginagawa mo ay para sa iyong sarili; nagtatrabaho ka lang, nakikibaka, at nagpaparoo’t parito para sa kapakanan ng sarili mong mga mithiin, reputasyon at katayuan—na walang ipinagkaiba kay Pablo(Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Ano ba ang Paghahangad ng Katotohanan 2). Ang mga salita ng paghatol at paghahayag ng Diyos ay iniwan akong walang mapagtataguan. Mananampalataya na ako sa lahat ng taong iyon, nakabasa na ng napakaraming salita ng Diyos, at nagkaroon ng ilang pagkabigo at pagkakadapa, natabasan at naiwasto, pero hindi pa ako nakapagsulat ng anumang patotoo. Hindi ko rin maipahayag ang mga karanasan ko at ang pagkaunawa ko sa katotohanan, dahil hindi ko hinangad ang katotohanan. Kontento na lang akong magmukhang kaya kong magdusa at magbayad ng halaga, para gawin ang gawaing responsibilidad ko nang walang anumang pagkakamali o pagkalingat. Ang totoo, hindi naman apurahan ang ilang karaniwang gawain, pero natatakot akong sasabihin ng iba na hindi ako gumagawa ng praktikal na gawain o lumulutas ng mga totoong isyu. ‘Tapos, pa’no kung malaman ng lider at tanggalin ako? Sa isiping iyon, sumuko ako sa pagsulat ng isang artikulo at sa pagninilay-nilay sa mga salita ng Diyos, at sumuko pa nga sa mga pang-umaga kong debosyonal. Pakiramdam ko, ang pagsusulat ng isang artikulo ay makakaantala sa pag-usad ko sa trabaho. Minsan babangon ako at gustong gumawa ng pang-umagang debosyonal, pero kapag binuksan ko na ang computer ko at nakita ang lahat ng uri ng mga mensahe na nangangailangan ng sagot, isinusuko ko ang mga debosyonal at nagsisimulang sumagot, inaasikaso ang lahat ng isyu. Pero sa totoo lang, hindi lahat ng bagay ay kailangang asikasuhin agad. Kung sasagot ako kapag nagkaoras ako, walang maaantala. Pero dahil abala ako sa bagay na ‘yon, isinusuko ko ang oras ko na kumain at uminom at pagnilayan ang mga salita ng Diyos. Naisip ko pa ngang nagpapakaresponsable ako sa tungkulin ko, nagdadala ng pasanin, at kaya kong gumawa ng totoong gawain, pero sa totoo lang, gusto kong gamitin ang paimbabaw kong paghihirap at pagsisikap para makakuha ng paghanga. Pa’no ‘yon naging paggawa ng tungkulin? Gusto kong gamitin ang tungkulin ko para protektahan ang karangalan at katayuan ko, para tuparin ang mga personal kong ambisyon. Nasa isang landas ako na laban sa Diyos. Alam kong ang proseso ng pagsusulat ng isang artikulo ay ang proseso ng paghahanap ng katotohanan, pero hindi ko hinahangad ang katotohanan at hindi ko gustong magsulat ng isang artikulo para magpatotoo. Abala ako sa mga bagay-bagay araw-araw, at kahit na magkaroon ako ng oras, nakahahanap ako ng lahat ng uri ng dahilan para hindi magsulat. Hindi ba’t nagseserbisyo lang ako? Hindi ako nagsisikap sa paghahangad sa katotohanan, kundi nakatutok lang sa gawain, na ibig sabihin ay hindi nakatutok ang mga kapatid sa pagpasok sa buhay sa kanilang mga tungkulin. Hindi sila nagninilay-nilay kapag nahaharap sa mga problema, o natututo tungkol sa kanilang sarili sa pamamagitan ng mga salita ng Diyos. Inaakay ko ang iba palayo sa kalooban ng Diyos. Naisip ko ang mga salita ng Diyos: “Wala kang ginagawang may anumang kaugnayan sa katotohanan, ni sa hinihingi ng Diyos. Lahat ng ginagawa mo ay para sa iyong sarili; nagtatrabaho ka lang, nakikibaka, at nagpaparoo’t parito para sa kapakanan ng sarili mong mga mithiin, reputasyon at katayuan—na walang ipinagkaiba kay Pablo.” Napagnilayan kong tinatahak ko ang landas ni Pablo. Palagi kong inaalala ang paggawa ng mga bagay-bagay, paggawa ng gusto ko, kung ano ang madali sa akin, pero kapag tungkol sa gawaing hinihingi ng Diyos na may kinalaman sa katotohanan, hindi lang sa hindi ko hinahanap ang katotohanan, kundi nayayamot at iniiwasan ko pa ito. Gumagawa lang ako para mapagbigyan ang pagnanais ko sa katayuan. Nasa landas ako ng pagiging kaaway ng Diyos. Kung magpapatuloy ‘yon, kahit gaano pa karaming gawain ang gawin ko, palalayasin ako ng Diyos sa huli. Natakot ako nang mapagtanto ko ito, at gusto kong baguhin agad ang sitwasyong ito.

Isang araw ay nabasa ko ang ilan sa mga salita ng Diyos sa aking mga debosyonal. “Ang pinakahalatang kalagayan para sa mga taong sawa na sa katotohanan ay na hindi sila interesado sa katotohanan at sa mga positibong bagay, nasusuklam at namumuhi pa nga sila sa mga ito, at gustong-gusto nilang sumusunod sa mga makamundong kalakaran. Hindi tinatanggap ng kanilang mga puso ang mga bagay na minamahal ng Diyos at ang mga hinihingi ng Diyos na gawin ng mga tao. Sa halip, wala silang pakialam at walang interes, at kadalasan ay inaalipusta pa ng ilang tao ang mga pamantayan at prinsipyong hinihingi ng Diyos sa mga tao. Nasusuya sila sa mga positibong bagay, at palagi silang nakadarama ng paglaban, pagkumpronta, at paghamak sa mga ito. Ito ang pangunahing pagpapamalas ng pagiging sawa na sa katotohanan. Sa buhay-iglesia, ang pagbabasa ng salita ng Diyos, pagdarasal, pagbabahagi tungkol sa katotohanan, pagganap sa mga tungkulin, at paglutas ng mga problema gamit ang katotohanan ay pawang mga positibong bagay. Kasiya-siya ang mga ito para sa Diyos, pero ang ilang tao ay nasusuklam sa mga positibong bagay na ito, walang pakialam sa mga ito, at walang interes sa mga ito. … Hindi ba’t pagiging sawa na sa katotohanan ang disposisyong ito? Hindi ba paglalantad ito ng isang tiwaling disposisyon? Maraming tao na naniniwala sa Diyos ang gustong gumawa ng gawain para sa Diyos at masiglang nagpapakaabala. Sa paggamit ng kanilang mga kaloob at kalakasan, sa pagpapakitang-gilas, sa pagpapakasasa sa kanilang mga hilig, hindi sila nauubusan ng enerhiya—pero kung hihilingin mo sa kanila na isagawa ang katotohanan at kumilos nang ayon sa mga prinsipyo nito, nawawalan sila ng enerhiya, at nawawalan sila ng sigla. Kung hindi sila pinapayagang magpakitang-gilas, nawawalan sila ng gana at nasisiraan ng loob. Paanong may enerhiya sila para magpakitang-gilas? At paanong wala silang enerhiya para sa pagsasagawa ng katotohanan? Ano ang problema rito? Gusto ng lahat ng tao na maitangi ang kanilang sarili; nagnanasa silang lahat ng labis na pagpapahalaga sa sarili. Ang lahat ay may di-maubos-ubos na enerhiya kapag nananalig sa Diyos alang-alang sa mga pagpapala at gantimpala, kaya bakit sila nawawalan ng gana, bakit sila nasisiraan ng loob kapag isinasagawa ang katotohanan at tinatalikdan ang laman? Bakit nangyayari ito? Ipinapakita lamang nito na may karumihan ang puso ng mga tao. Nananalig sila sa Diyos para lang sa mga pagpapala—sa madaling salita, gagawin nila ang lahat makapasok lang sa kaharian ng langit. Kapag walang hahangaring mga pagpapala o pakinabang, nawawalan ng gana at nasisiraan ng loob ang mga tao, at wala silang kasigla-sigla. Ang mga bagay na ito ay pawang bunga ng tiwaling disposisyon na sawa na sa katotohanan(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi). Ang mga salita ng Diyos ay nagbigay-liwanag sa ‘kin. Iniiwasan kong magsulat ng isang artikulo at ayokong magsikap hangarin ang katotohanan na lahat ay dahil sa aking satanikong disposisyon ng pagkayamot sa katotohanan. Alam na alam kong hinihingi ng Diyos na magsulat tayo ng mga artikulong nagpapatotoo, at kung hindi man isang bagay na malalim, puwede naman akong magsulat ng mas simple. Basta’t praktikal ito, may karanasan at pagkaunawa, at nakapagpapakita ng magandang halimbawa, ayos lang ‘yon. Ang pagsusulat ng isang artikulo ay pagpapatotoo sa kung ano ang nakamit ng gawain ng Diyos sa atin, kung paanong nililinis at inililigtas ng Diyos ang mga tao sa pamamagitan ng Kanyang mga salita, at kung paanong nilulutas ng mga salitang ito ang iba’t ibang paghihirap at katiwalian ng mga tao. Talagang pinahahalagahan ng Diyos ang patotoo ng mga tao, at ang isang magandang patotoo ay higit na umaaliw sa puso Niya. Kaya, umaasa ang Diyos na isusulat natin ang ating mga karanasan at mga nakamit bilang mga artikulo na magpapatotoo sa Kanya. Pero sa halip na magsikap sa kung ano ang hinihingi ng Diyos, naghanap ako ng mga dahilan para iwasan ‘yon, para tumanggi. Ipinapakita ko ang isang satanikong disposisyon ng pagkayamot sa katotohanan.

Kung gayon, ano ang tingin ng Diyos sa disposisyong nayayamot sa katotohanan? Nabasa ko ang siping ito ng mga salita ng Diyos sa aking mga debosyonal: “Anong uri ng mga tao ang mga nayayamot sa katotohanan? Sila ba iyong mga lumalaban at sumasalungat sa Diyos? Maaaring hindi sila hayagang lumalaban sa Diyos, subalit ang kanilang kalikasan at diwa ay ang itatwa at labanan ang Diyos, na katumbas ng hayagang pagsasabi sa Diyos na, ‘Ayaw kong naririnig ang mga sinasabi Mo, hindi ko ito tinatanggap, at dahil hindi ko tinatanggap na katotohanan ang Iyong mga salita, hindi ako naniniwala sa Iyo. Naniniwala ako sa sinumang kapaki-pakinabang at makabubuti sa akin.’ Ganito ba ang saloobin ng mga hindi mananampalataya? Kung ganito ang saloobin mo patungkol sa katotohanan, hindi ka ba hayagang napopoot sa Diyos? At kung hayagan kang napopoot sa Diyos, ililigtas ka ba ng Diyos? Hindi ka Niya ililigtas. Iyan ang dahilan ng matinding galit ng Diyos sa mga nagtatatwa at lumalaban sa Diyos. … Ang pagkasawa ng isang tao sa katotohanan ay mapanganib para sa pagtatamo niya ng kaligtasan; hindi ito isang bagay na maaari o hindi maaaring mapatawad, hindi ito isang anyo ng pag-uugali, o isang bagay na panandaliang nabubunyag sa kanya; ito ang kalikasan at diwa ng isang tao, at pinakanayayamot ang Diyos sa gayong mga tao. Kung mayroon kang paminsan-minsang pagbuhos ng katiwalian, dapat mong pagnilayan, batay sa mga salita ng Diyos, kung ang mga pagbuhos na ito ay nagmumula sa pag-ayaw sa katotohanan o sa kawalan ng pagkaunawa sa katotohanan. Nangangailangan ito ng paghahanap, at nangangailangan ito ng kaliwanagan at tulong ng Diyos. Kung mayroon kang uri ng likas na pagkatao at diwa na sawa na sa katotohanan, at hindi mo kailanman tinatanggap ang katotohanan, at partikular mong inaayawan at kinasusuklaman ito, may problema kung gayon. Tiyak na masamang tao ka nga, at hindi ka ililigtas ng Diyos(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Upang Matupad Nang Maayos ang Tungkulin ng Isang Tao, Pag-unawa sa Katotohanan ang Pinakamahalaga). Tumagos sa puso ko ang mga salita ng Diyos. Ang pagkayamot sa katotohanan ay lantarang paglaban sa Diyos, hayagang pagiging kaaway Niya. Sinasabi ko na nananalig ako sa Makapangyarihang Diyos, nagdarasal ako sa pangalan Niya, kumakain at umiinom ng mga katotohanang ipinahayag Niya, sa bawat pagtitipon ay nagbabahagi tungkol sa mga salita ng Diyos, at ipinangangaral ang mga ito sa mga kapatid. Pero ang paraan ng pag-asal ko, ang paraan ng pamumuhay ko ay hindi naaayon sa mga salita ng Diyos, at hindi ko sinusunod ang mga hinihingi ng Diyos. Sa halip ay nayayamot ako sa katotohanan. Paano ko matatanggap at maisasagawa ang katotohanan nang ganoon? Ang tanging paraan para mailigtas bilang isang mananampalataya ay ang tanggapin ang katotohanan. Pero hindi ko mahal ang mga katotohanang ipinahayag ng Diyos. Sa kaibuturan ng aking puso, lumalaban ako sa Diyos. Kahit ang satanikong disposisyong iyon lang ng pagkayamot sa katotohanan ay puwede nang sumira sa ‘kin. Sa puntong iyon, nakita kong talagang nakatatakot ang isang disposisyong nayayamot sa katotohanan, isa itong nakapagpapabagsak na kahinaan para sa kaligtasan. Pagkatapos ay lumapit ako sa Diyos para magsisi: “O Diyos ko! Nayayamot ako sa katotohanan, Hindi ako nakatutok sa pagsusulat ng artikulo o sa pagsubok na hangarin ang katotohanan, at ngayon nakikita ko nang ang disposisyon ng pagkayamot sa katotohanan ay kinasusuklaman Mo. Gusto kong magsisi at hangaring mabuti ang katotohanan—pakiusap, gabayan Mo po ako.”

Nagbasa pa ako ng mga salita ng Diyos pagkatapos nun. “Kung talagang mahal mo ang katotohanan sa puso mo, subalit medyo mahina ang kakayahan mo at wala kang kabatiran, at medyo hangal; kung paminsan-minsan ay nagkakamali ka, ngunit hindi mo intensiyong gumawa ng masama, at nakagawa ka lamang ng ilang kahangalan; kung taos-puso kang handang makinig sa pagbabahagi ng Diyos tungkol sa katotohanan, at taos-puso kang nasasabik sa katotohanan; kung ang iyong saloobin sa pagtrato mo sa katotohanan at mga salita ng Diyos ay may sinseridad at pananabik, at kaya mong pahalagahan at itangi ang mga salita ng Diyos—sapat na ito. Gusto ng Diyos ang gayong mga tao. Kahit na medyo hangal ka kung minsan, gusto ka pa rin ng Diyos. Mahal ng Diyos ang puso mo na nananabik sa katotohanan, at mahal Niya ang iyong sinserong saloobin sa katotohanan. Kaya, may awa ang Diyos sa iyo at lagi kang pinapaboran. Hindi Niya iniisip ang iyong mahinang kakayahan o ang iyong kahangalan, ni hindi Niya iniisip ang iyong mga paglabag. Dahil sinsero at masigasig ang iyong saloobin sa katotohanan, at tapat ang iyong puso, kung gayon, dahil ang iyong puso at saloobin ay ang pinahahalagahan ng Diyos, lagi Siyang magiging maawain sa iyo, at gagawa sa iyo ang Banal na Espiritu, at magkakaroon ka ng pag-asang maligtas(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Upang Matupad Nang Maayos ang Tungkulin ng Isang Tao, Pag-unawa sa Katotohanan ang Pinakamahalaga). Iminulat ako ng mga salita ng Diyos at binigyan ako ng landas ng pagsasagawa. Lumiwanag ang puso ko at nakaramdam ako ng paglaya. Walang kaso sa Diyos ang mahinang kakayahan o ang kamangmangan ng mga tao. Hangga’t nauuhaw sila sa katotohanan at tinatrato ang katotohanan nang may saloobin ng katapatan, kakaawaan sila ng Diyos. Napansin kong may ibang mga kapatid na katamtaman ang kakayahan na nauuhaw sa mga salita ng Diyos, at masinsinang nagninilay-nilay, at naghahanap sa katotohanan kapag nangyayari ang mga bagay-bagay. Dahil sa tapat na saloobin sa mga salita ng Diyos, natamo nila ang awa at patnubay ng Diyos. Sa huli ay nagawa nilang magsulat ng talagang nakaaantig na mga sanaysay tungkol sa kanilang mga karanasan para magpatotoo sa Diyos. At ang ilang sumapi sa pananampalataya kailan lang ay hindi tumatakas kahit ano pang hirap ang kinakaharap nila sa kanilang tungkulin, bagkus nagpapasakop sila sa pamumuno at mga pagsasaayos ng Diyos, at sumasandal sa Diyos para hanapin ang katotohanan at malampasan ang paghihirap. Sa bandang huli ay nagbibigay sila ng nakaaantig na patotoo. At ang ilang bagong mananampalataya ay nagsisikap na hanapin ang katotohanan kapag naghahayag sila ng katiwalian. Binabasa nila ang mga salita ng Diyos at nagninilay-nilay sa sarili. Ang pagkaunawang ibinabahagi nila ay talagang tunay at praktikal. Walang pakialam ang Diyos kung gaano katagal nang may pananampalataya ang isang tao, kung siya ay mangmang o may mahinang kakayahan, bagkus kung hinahanap niya ang katotohanan, minamahal ang katotohanan, nauuhaw sa katotohanan, at kung lumalapit siya sa mga salita ng Diyos nang may tapat na puso o wala. Ang mahinang kakayahan ay hindi nakamamatay. Ang susi ay kung mayroon tayong pusong nagmamahal sa katotohanan, kung kaya nating tanggapin at isagawa ang katotohanan. Ang Diyos ay tapat at makatarungan, at wala Siyang pakialam kung ang kakayahan ng isang tao ay mahusay o mahina. Hangga’t tayo ay nauuhaw at nagsusumikap para sa katotohanan, at ipinapatupad natin ang ating nalalaman, makakamit natin ang kaliwanagan ng Banal na Espiritu, at ang ating pagkaunawa at kabatiran ay bubuti. Hindi ako dapat mapigilan ng pagkakaroon ng mahinang kakayahan o maghanap ng mga dahilan para maiwasan ang pagsusulat ng artikulo. Gusto kong tunay na makain, mainom, at maranasan ang mga salita ng Diyos, na mailagay ang aking mga karanasan sa isang artikulo para magpatotoo sa Diyos.

Kalaunan, nabasa ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos na nagbigay-linaw sa akin sa kalooban ng Diyos. “Walang landas sa pagkakamit ng kaligtasan ang mas totoo o praktikal kaysa sa pagtanggap at paghahangad ng katotohanan. Kung hindi mo makakamit ang katotohanan, walang kabuluhan ang paniniwala mo sa Diyos. Ang mga laging nagsasalita ng mga walang kabuluhang salita ng doktrina, nag-uulit ng mga salawikain, nagsasabi ng matatayog na bagay, sumusunod sa mga tuntunin, at hindi kailanman tumututok sa pagsasagawa ng katotohanan ay walang nakakamit, kahit ilang taon na silang naniniwala. Sino ang mga taong may nakakamit? Ang mga taos-pusong gumaganap ng kanilang tungkulin at handang isagawa ang katotohanan, na itinuturing na kanilang misyon ang ipinagkatiwala sa kanila ng Diyos, na masayang ginugugol ang kanilang buong buhay para sa Diyos at hindi nagpapakana para sa sarili nilang mga kapakanan, na ang mga paa ay matatag na nakatapak sa lupa at sinusunod ang mga pangangasiwa ng Diyos. Nagagawa nilang maintindihan ang mga prinsipyo ng katotohanan habang ginagampanan ang kanilang tungkulin at pinagsisikapan nilang gawin nang maayos ang lahat, na nagbibigay-daan para makamit nila ang epekto ng pagpapatotoo sa Diyos, at matupad ang kalooban ng Diyos. Kapag may nakakaharap silang mga paghihirap habang ginagampanan ang kanilang tungkulin, nananalangin sila sa Diyos at sinusubukang arukin ang kalooban ng Diyos, nagagawa nilang sundin ang mga pangangasiwa at pagsasaayos na mula sa Diyos, at sa lahat ng ginagawa nila, hinahanap at isinasagawa nila ang katotohanan. Hindi sila nag-uulit ng mga salawikain o nagsasabi ng matatayog na bagay, kundi tumututok lang sila sa paggawa ng mga bagay-bagay nang matatag na nakaapak ang mga paa sa lupa, at sa metikulosong pagsunod sa prinsipyo. Nagsisikap sila sa lahat ng ginagawa nila, at pinagsisikapan nilang maunawaan ang lahat, at sa maraming bagay, nagagawa nilang isagawa ang katotohanan, pagkatapos ay nagkakaroon sila ng kaalaman at pagkaunawa, at nagagawa nilang matutuhan ang mga aral at talagang may nakakamit. At kapag may mga mali silang saloobin o mga maling kalagayan, nananalangin sila sa Diyos at hinahanap ang katotohanan para malutas ang mga ito; kahit ano pang mga katotohanan ang nauunawaan nila, pinapahalagahan nila ang mga ito sa kanilang puso, at nakapagsasalita tungkol sa kanilang mga karanasan at patotoo. Nakakamit ng gayong mga tao ang katotohanan sa huli. Iyong mga walang-pusong tao ay hindi kailanman iniisip kung paano isasagawa ang katotohanan. Nakatutok lang sila sa pagsisikap at paggawa ng mga bagay-bagay, at sa pagtatanghal ng kanilang sarili at pagpapakitang-gilas, pero hindi nila kailanman hinahanap kung paano isagawa ang katotohanan, dahilan kaya nahihirapan silang matamo ang katotohanan. Pag-isipan ninyo, anong uri ng mga tao ang makakapasok sa mga realidad ng katotohanan? (Iyong mga praktikal, na mga makatotohanan at nagsusumikap.) Mga taong praktikal, na nagsusumikap, at may puso: mas pinagtutuunan ng gayong mga tao ang realidad at ang paggamit ng mga prinsipyo ng katotohanan kapag kumikilos sila. Pinagtutuunan din nila ang mga praktikalidad sa lahat ng bagay, makatwiran sila, at gusto nila ang mga positibong bagay, ang katotohanan, at mga praktikal na bagay. Ang mga taong gaya nito ang siyang nakauunawa at nagtatamo ng katotohanan sa huli(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Sa Pananalig sa Diyos, ang Pinakamahalaga ay Isagawa at Danasin ang Kanyang mga Salita). Natutunan ko mula sa mga salita ng Diyos na ang mga naghahangad sa katotohanan ay nakatuon sa mga salita ng Diyos, madalas magnilay-nilay sa mga salita ng Diyos at isinasagawa ang mga ito. Kaya nilang hanapin ang katotohanan at matuto ng mga aral mula sa mga tao, bagay, at pangyayari sa paligid nila, at umani ng mga gantimpala mula sa kanilang mga karanasan. Ang pagsusulat ng artikulo ay isa sa magagandang paraan para hikayatin tayong lumapit sa Diyos, pagnilayan ang Kanyang mga salita, at hanapin ang katotohanan, na siyang kalooban ng Diyos. Nang maunawaan ko na ang kalooban ng Diyos, nakaramdam ako ng pasanin, at nakaramdam ako ng motibasyon na magsulat ng isang artikulo. Pakiramdam ko, dapat kong gawin ang tungkuling ‘yon para aliwin ang puso ng Diyos. Ang pagsusulat ng isang artikulo ng pagpapatotoo ay puwedeng mapakinabangan ng mas marami pang tao. Ito ay isang makabuluhan at mahalagang bagay, at isa ko ring responsibilidad.

Pagkatapos nun ay sinimulan kong planuhin ang araw-araw na gawain, at tukuyin kung anong oras ang gagamitin ko para sa kung aling isyu, ayon sa pinakadapat unahin. Sa tuwing may oras ako, kakain at iinom ako ng mga salita ng Diyos at pagtatrabahuhan ang isang artikulo. No’ng una akong nagsimulang magsulat, isinusulat ko lang ang buong pangyayari ng isang bagay. Hindi ko malinaw na maisulat ang pagkaunawa ko sa mga salita ng Diyos at medyo mababaw ito. Gusto kong sumuko at tumigil na sa pagsusulat sa puntong ‘yon, at ayoko nang pagnilayan pa ang mga salita ng Diyos. Kaya’t nanalangin ako sa Diyos, “Diyos ko! Ayokong sumuko. Gusto kong pag-isipang mabuti ang mga salita Mo, isulat ang lahat ng aking nalalaman sa ngayon, at pagkatapos ay magpatuloy na magsulat habang dumarami ang karanasan ko. Ayoko nang mamuhay ayon sa aking tiwaling disposisyon. Gusto kong isulat ang tungkol sa mga gawain Mo sa akin para magpatotoo sa Iyo.” Mas kumalma ang pakiramdam ko pagkatapos ng panalanging ‘yon. Nang kumalma ako at mapag-isipan ang sarili kong kalagayan at ang mga salita ng Diyos, nagawa ko nang itala ang anumang kaliwanagang mayroon ako. Kaya, pinagninilayan ko ang mga salita ng Diyos at isinusulat ang nauunawaan ko kapag may oras ako. Kapag tapos na ako, at nakita kong may ilang parte na hindi masyadong malinaw, ginagawa ko ang makakaya ko para i-edit ang mga ito. Habang mas nagsusulat ako, mas nalilinawan ako, at mas nakikita kong mabuti ang sarili kong kalagayan. Nagkaroon din ako ng higit pang praktikal na pagkaunawa sa katotohanan. Talagang nakaramdam ako ng kasiyahan sa ganitong uri ng pagsasagawa. Ipinakita sa akin ng karanasang ito ang kahalagahan ng paghahangad sa katotohanan. Sa lahat ng bagay, kailangan nating seryosong hanapin ang katotohanan, pagnilayan at kilalanin ang ating sarili, at isagawa ang mga salita ng Diyos, pagkatapos ay maaari tayong umani ng mga gantimpala. Ang pagsusulat ng personal na patotoo, paghahanap sa katotohanan at paghahangad ng pagbabago sa disposisyon sa buhay ay napakahalaga, ito ay napakaimportante.

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

Pamumuhay sa Harap ng Diyos

Ni Yongsui, South KoreaSabi ng Makapangyarihang Diyos, “Upang makapasok sa realidad, kailangang ibaling ng isang tao ang lahat sa tunay na...