Mga Pagninilay sa Paghahangad ng Suwerte
Sa pagtatapos ng 2022, sinimulan ko ang aking tungkulin bilang isang mangangaral at naging responsable sa pagsubaybay sa gawain ng ilang mga iglesia. Isang araw, nakatanggap ako ng liham mula sa lider sa mas mataas na antas, na nagsasabing hindi maayos ang kalagayan ng dalawang lider sa isang iglesia at naapektuhan na nito ang iba’t ibang parte sa gawain ng iglesia. Hiniling niya sa akin na agad pumunta roon upang maunawaan ang sitwasyon at lutasin ito sa pamamagitan ng pagbabahaginan. Naisip ko, “Kamakailan, nakaranas ang iglesia na ito ng kampanya ng pag-aresto ng Partido Komunista, maraming kapatid ang humarap sa mga banta sa seguridad at hindi nagampanan nang normal ang kanilang mga tungkulin. Madaling maunawaan na medyo negatibo ang dalawang lider dahil sa paghihirap na ito. Kung makakahanap lang ako ng ilang salita ng Diyos at makakapagbahagi sa kanila, magagawa kong lutasin ang problemang ito.” Noong makita ko ang dalawang lider, napakasama ng kanilang kalagayan. Sinabi nila na ang kawalan ng mga resulta sa iba’t ibang parte sa gawain ng iglesia ay dahil sa kanilang kabiguan sa paggampan sa aktuwal na gawain, at negatibong-negatibo na sila na gusto na nilang magbitiw. Agad akong nakipagbahaginan sa kanila, at sinabi ko, “Ang sitwasyong ito ay pinahintulutan ng Diyos. Hindi tayo maaaring manatili sa kalagayan ng pagiging negatibo. Ang pinakamahalagang bagay ngayon ay kung paano tayo magtutulungan upang pasanin ang ating mga tungkulin at huwag maantala ang gawain ng iglesia.” Ngunit kahit gaano ako magbahagi, nanatiling nakakulong sa kanilang negatibong kalagayan ang dalawang sister, sinabi nilang hindi mahusay ang kanilang kakayahan, na hindi nila hinangad ang katotohanan, at na hindi nila kayang gampanan ang gawaing pamumuno. Sa harap ng ganitong sitwasyon, naisip ko, “Bakit ang malas ko naman? Kakasimula ko pa lang bilang isang mangangaral, at naitalaga ako sa iglesia na ito kung saan napakanegatibo ng mga lider para umako ng responsabilidad. Hindi ba’t ang ibig sabihin nito ay maaatang sa akin ang lahat ng gawain?” Noong panahong iyon, magkasabay ang pakikipagbahaginan ko sa mga lider ng iglesia upang lutasin ang kanilang kalagayan at ang pagpunta ko sa iba’t ibang pagtitipon upang ipatupad ang ilang gawain. Naging abala ako na halos araw-araw akong pagod. Kinalaunan, tuluyang nagbitiw ang isa sa mga lider. Ang isa pang lider ay ipinagkanulo ng isang Hudas at kinailangang pansamantalang magtago upang maiwasang maaresto, kaya hindi siya makalabas upang gampanan ang kanyang tungkulin. Noong marinig ko ang balitang ito, wala akong magawa kundi ang malalim na bumuntonghininga, na naiisip ko na, “Napakaraming isyu sa iglesia na ito; hindi man lang magampanan ng dalawang lider ang kanilang mga tungkulin. Sa akin lang mag-isang bumagsak ang lahat ng mga gawain. Hanggang kailan ako magiging abala sa lahat ng ito?” Noong mga araw na iyon, para akong isang umiikot na trumpo, hindi makatigil sa paggalaw. Minsan, sa araw ay nakikipagkita ako sa mga kapatid upang magkaroon ng pagkaunawa sa gawain, at pagbalik ko sa gabi, may tambak nang mga liham na kailangang sagutin. Patuloy akong naging abala hanggang sa paglalim ng bawat gabi at hindi ko pa rin kayang tapusin ang lahat ng gampanin. Sa pagharap sa sunod-sunod na mga problema at mga paghihirap na ito, upos na upos ako, na pakiramdam ko ay ubos na ang lakas ng isipan at ng katawan ko. Para bang may nakadagan na bato sa dibdib ko, na pinahihirapan akong huminga. Naisip ko, “Simula nang maitalaga ako sa iglesia na ito, sunod-sunod ang hindi magagandang pangyayari na nararanasan ko. May mga bagong problemang lumilitaw bago pa man masolusyonan ang mga nauna. Ngayon kahit lider ng iglesia ay wala. Para akong nag-iisang komandante, na walang mapagsanggunian sa mga bagay-bagay, dahil mag-isa kong inaasikaso ang lahat ng gawain. Samantala, ang isa pang mangangaral ay responsable sa mga iglesia na may tatlong lider. Kahit na maraming gampanin, bawat isa ay gumagawa ng kaunti, kaya hindi siya kasimpagod ko. Bakit may gayon siyang suwerte? At bakit ako itinalaga sa isang iglesia na ganito? Ang malas ko naman!” Habang lalo ko itong iniisip, lalo kong nararamdamang agrabyado ako, palagi kong nararamdamang malas ako sa pagkakatalaga sa iglesia na iyon. Kahit na mukhang ginagawa ko nang normal ang tungkulin ko araw-araw, wala akong kagana-gana at gusto ko nang tumakas sa sitwasyong ito.
Habang namumuhay sa maling kalagayang ito ng pagkasira ng loob at paglaban, isang araw, nakapanood ako ng isang video ng patotoo na may isang sipi ng mga salita ng Diyos na labis na umantig sa akin. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Ano ang problema sa mga taong palaging iniisip na malas sila? Palagi nilang ginagamit ang pamantayan ng suwerte upang sukatin kung tama o mali ang kanilang mga ikinikilos, at upang timbangin kung aling landas ang dapat nilang tahakin, ang mga bagay na dapat nilang maranasan, at ang anumang problema na kanilang hinaharap. Tama ba iyon o mali? (Mali.) Nilalarawan nila ang masasamang bagay bilang malas at ang mabubuting bagay bilang suwerte o kapaki-pakinabang. Tama ba o mali ang perspektibang ito? (Mali.) Ang pagsukat ng mga bagay mula sa ganitong uri ng perspektiba ay mali. Ito ay isang sagad-sagaran at maling paraan at pamantayan ng pagsukat ng mga bagay-bagay. Dahil sa ganitong uri ng pamamaraan, madalas na nalulugmok ang mga tao sa depresyon, at madalas silang nababagabag, at pakiramdam nila ay hindi kailanman nangyayari ang mga gusto nila, at na kailanman ay hindi nila nakukuha ang gusto nila, at sa huli, dahil dito ay palagi silang nababalisa, iritable, at nababagabag. Kapag hindi nalulutas ang mga negatibong emosyon na ito, patuloy na nalulugmok sa depresyon ang mga taong ito at nararamdaman nilang hindi sila pinapaboran ng Diyos. Iniisip nila na mabait ang Diyos sa iba ngunit hindi sa kanila, at na inaalagaan ng Diyos ang iba ngunit sila ay hindi. ‘Bakit lagi akong nababahala at nababalisa? Bakit palaging nangyayari sa akin ang masasamang bagay? Bakit hindi kailanman nangyayari sa akin ang mabubuting bagay? Kahit isang beses lang, iyon lang ang hinihiling ko!’ Kapag tinitingnan mo ang mga bagay-bagay gamit ang ganitong maling paraan ng pag-iisip at perspektiba, ikaw ay mahuhulog sa bitag ng suwerte at malas. Kapag ikaw ay patuloy na nahuhulog sa bitag na ito, patuloy kang makadarama ng depresyon. Sa gitna ng depresyon na ito, lalo kang magiging sensitibo sa kung ang mga bagay na nagaganap sa iyo ay suwerte ba o malas. Kapag ito ay nangyari, pinapatunayan nito na kontrolado ka na ng perspektiba at ideya ng suwerte at malas. Kapag ikaw ay kontrolado ng ganitong uri ng perspektiba, ang iyong mga pananaw at saloobin sa mga tao, pangyayari, at bagay ay wala na sa saklaw ng konsensiya at katwiran ng normal na pagkatao, at sa halip ay naging sagad-sagaran na. Kapag ikaw ay naging sagad-sagaran na, hindi ka makakaahon sa iyong depresyon. Paulit-ulit kang malulugmok sa depresyon, at kahit na ikaw ay karaniwang hindi nakakaramdam ng depresyon, sa sandaling may mangyaring hindi kanais-nais, sa sandaling madama mo na may nangyaring kamalasan, agad kang malulugmok sa depresyon. Ang depresyong ito ay makakaapekto sa iyong normal na paghusga at pagpapasya, at maging sa iyong kaligayahan, galit, lungkot, at kasiyahan. Kapag ito ay nakaapekto sa iyong kaligayahan, galit, lungkot, at kasiyahan, guguluhin at sisirain nito ang pagganap mo sa iyong tungkulin, pati na rin ang iyong kagustuhan at pagnanais na sundin ang Diyos. Kapag ang mga positibong bagay na ito ay nasira, ang ilang katotohanan na iyong naunawaan ay mawawala na parang bula at hindi talaga makakatulong sa iyo” (Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan 2). Isiniwalat ng mga salita ng Diyos ang eksaktong kalagayan ko. Sa pananaw ko, ang paggampan sa aking tungkulin nang walang anumang mga paghihirap at ang maayos na takbo ng lahat ng bagay ay isang suwerte. Kapag nakakaranas ako ng kaunting mga paghihirap o mga problema sa aking tungkulin, pakiramdam ko ay kapos-palad ako at malas, at agad akong nahuhulog sa pagkasira ng kalooban. Halimbawa, pagdating ko sa iglesia na ito at nakita kong parehong masyadong negatibo ang dalawang lider na gusto na nilang magbitiw at na may sunod-sunod na mga paghihirap at mga problema sa gawain ng iglesia, hindi ko ito tinanggap na mula sa Diyos o hinanap ang Kanyang layunin o inisip kung paano ilagay ang lahat ng aking lakas sa pagpasan ng gawain. Sa halip, nahulog ako sa pagkasira ng loob, iniisip na malas para sa akin ang maranasan ang mga paghihirap na ito. Sa partikular, noong hindi na nagawang gampanan ng sinuman sa dalawang lider ang kanilang gawain, at noong naisip ko ang tungkol sa lugar na pinangangasiwaan ng isa pang mangangaral kung saan ang mga lider at mga manggagawa ay nasaayos at walang problema ang pag-usad ng gawain, talagang nainggit ako sa kanya at naisip ko na masuwerte siya, samantalang ako naman ay malas at nakaranas ng lahat ng masasamang bagay. Noong tiningnan ko ang mga bagay mula sa maling perspektibang ito, patuloy akong lumubog sa pagkasira ng loob at paglaban, nawalan ng sigla sa aking tungkulin at nais pa ngang tumakas mula sa sitwasyong ito. Ngunit sa realidad, lahat ng mga sitwasyong hinaharap ko ay inayos ng Diyos. Ang layunin ng Diyos ay ang hanapin ko ang katotohanan, umasa sa Kanya, at maranasan ang sitwasyong ito sa isang praktikal na paraan. Kahit na may mga paghihirap, dapat pa rin akong magdasal sa Diyos at hanapin ang katotohanan upang malutas ang mga ito, at pasanin ang mga tungkuling kaya kong asikasuhin. Pero hindi ko naisip kung paano mararanasan ang gawain ng Diyos at mauunawaan ang Kanyang kataas-taasang kapangyarihan at mga pamamatnugot sa ganitong sitwasyon. Kapag humaharap ako sa mga hindi kanais-nais na bagay, iniisip kong kapos-palad ako at may kamalasan, namumuhay ako na may sirang kalooban at nilalabanan ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos. Paano ako matututo ng mga aral sa ganitong paraan? Paano ko mauunawaan ang mga gawa ng Diyos? Hindi ko maiwasang isipin ang mga taong hindi nananampalataya sa Diyos. Kapag nakakaranas ng mga sitwasyon, hindi nila ito kailanman tinatanggap na mula sa Diyos, at hindi nagpapasakop sa kataas-taasang kapangyarihan at pagsasaayos ng Diyos, at sinisisi nila ang lahat maliban sa kanilang sarili kapag hindi nila gusto ang mga bagay. Buong buhay silang namumuhay nang hindi nakikilala ang Diyos. Sa akin naman, kahit na nanampalataya ako sa Diyos at sinabi ko na ang Diyos ang may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay, hinusgahan ko pa rin ang lahat ng bagay ayon sa mga pananaw ng mga walang pananampalataya. Hindi ba at ito ay pag-uugali ng isang tiyak na hindi mananampalataya?
Nabasa ko pa ang mga salita ng Diyos na nagsasabing: “Ang mga taong ito na laging nag-aalala kung sila ay suwerte o malas—tama ba ang paraan ng kanilang pagtingin sa mga bagay? Mayroon bang suwerte o malas? (Wala.) Ano ang batayan para sabihin na hindi umiiral ang mga ito? (Ang mga tao na ating nakakasalamuha at ang mga bagay na nangyayari sa atin araw-araw ay itinatakda ng kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos. Wala talagang suwerte o malas; lahat ng bagay ay nangyayari dahil sa pangangailangan at may kabuluhan sa likod nito.) Tama ba ito? (Oo, ito ay tama.) Ang pananaw na ito ay tama, at ito ang teoretikal na batayan para sabihing hindi umiiral ang suwerte. Anuman ang mangyari sa iyo, maging ito man ay maganda o masama, lahat ng ito ay normal lamang, tulad lang ng panahon sa apat na season—hindi puwedeng araw-araw ay maaraw. Hindi mo maaaring sabihing ang mga araw na masikat ang araw ay isinaayos ng Diyos, samantalang ang mga araw na maulap, ang ulan, hangin, at mga bagyo ay hindi. Ang lahat ay itinatakda ng kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos, at ito ay nagmumula sa natural na kalikasan. Ang natural na kalikasan na ito ay umuusbong ayon sa mga batas at tuntunin na isinaayos at itinakda ng Diyos. Lahat ng ito ay kinakailangan at mahalaga, kaya anuman ang lagay ng panahon, ito ay nagmula sa mga batas ng kalikasan at idinulot ng mga ito. Walang maganda o masama rito—ang mga damdamin lang ng mga tao tungkol dito ang maganda o masama. … Ang totoo, ang pagkagusto o hindi ng isang tao sa isang bagay ay batay sa kanyang sariling mga motibo, ninanais, at interes, sa halip na sa diwa ng bagay na iyon mismo. Kaya naman, ang batayan ng mga tao sa pagsukat kung ang isang bagay ay maganda ba o masama ay hindi tumpak. Dahil ang batayan ay hindi tumpak, ang pangwakas na mga kongklusyon na kanilang nabubuo ay hindi rin tumpak. Bumalik tayo sa paksa ng suwerte o malas, ngayon ay alam na ng lahat na ang kasabihang ito tungkol sa suwerte ay walang saysay, at na ito ay hindi maganda at hindi rin masama. Ang mga tao, pangyayari, at bagay na nakakaharap mo, maging ang mga ito man ay maganda o masama, ay pawang itinatakda ng kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos, kaya dapat harapin mo nang wasto ang mga ito. Tanggapin mo ang magandang bagay mula sa Diyos, at tanggapin mo rin ang masamang bagay mula sa Diyos. Huwag mong sabihing suwerte ka kapag mabubuting bagay ang nangyayari, at na malas ka kapag masasamang bagay ang nangyayari. Masasabi lamang na mayroong mga aral na dapat matutunan ang mga tao sa lahat ng bagay na ito, at hindi nila ito dapat tanggihan o iwasan. Pasalamatan ang Diyos para sa mabubuting bagay, ngunit pasalamatan din ang Diyos para sa masasamang bagay, sapagkat ang lahat ng ito ay isinaayos Niya. Ang mabubuting tao, mga pangyayari, bagay, at kapaligiran ay nagbibigay ng mga aral na dapat matutunan nila, ngunit may mas higit pa na matututunan sa masasamang tao, mga pangyayari, bagay, at kapaligiran. Lahat ng ito ay mga karanasan at senaryo na dapat maging bahagi ng buhay ng isang tao. Hindi dapat gamitin ng mga tao ang ideya ng suwerte para sukatin ang mga ito” (Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan 2). “Kung bibitiwan mo ang ideya ng kung gaano ka kasuwerte o kamalas, at tatratuhin mo ang mga bagay na ito nang kalmado at tama, makikita mong karamihan sa mga bagay ay hindi naman gaanong hindi paborable o mahirap harapin. Kapag tinalikuran mo ang iyong mga ambisyon at ninanais, kapag hindi mo na tinutulan o iniwasan ang anumang kapahamakan na iyong nararanasan, at hindi mo na sinukat ang gayong mga bagay batay sa kung gaano ka kasuwerte o kamalas, marami sa mga bagay na dati mong itinuturing na kapahamakan at masama, ay iisipin mo na ngayon na mabuti—ang masasamang bagay ay magiging mabubuti. Ang iyong mentalidad at kung paano mo tingnan ang mga bagay-bagay ay magbabago, na magbibigay-daan sa iyo na magbago ng damdamin tungkol sa iyong mga karanasan sa buhay, at kasabay nito ay magkakamit ka ng iba’t ibang gantimpala. Ito ay isang kakaibang karanasan, isang bagay na magdadala sa iyo ng mga di-inaasahang gantimpala. Ito ay isang mabuting bagay, hindi masama” (Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan 2). Naliwanagan ako sa mga salita ng Diyos. Sa totoo lang, wala naman talagang bagay na tinatawag na suwerte o malas. Lahat ng mga nangyayari sa akin, naaayon man ito sa mga kuru-kuro ko sa panlabas, ito ay pinamatnugutan ng Diyos at nakatakdang mangyari, at ito rin ay kinakailangang maranasan ko sa buhay. Isinasaayos ng Diyos ang mga bagay na ito upang turuan ako ng mga aral. Hangga’t nakatuon ako sa paghahanap sa katotohanan, may mapapala ako; ang masama sa paningin ng mga tao ay maaaring maging isang mabuting bagay. Halimbawa, noong hinarap ni Job ang mga tukso ni Satanas, nawala ang kanyang malaking kayamanan, nadaganan ang kanyang mga anak hanggang sa namatay, at napuno ng mga pigsa ang buo niyang katawan. Sa perspektiba ng tao, ang sunod-sunod na mga pangyayaring naranasan ni Job ay tila sobra-sobrang kasawian at kamalasan. Gayumpaman, sa perspektiba ng Diyos, pinahintulutan Niya na harapin ni Job ang gayong mga tukso upang bigyan si Job ng pagkakataong magpatotoo sa Diyos, pinatutunayan kay Satanas na si Job ay isang matuwid na tao na may takot sa Diyos at lumalayo sa masama, na pumigil kay Satanas na muli siyang akusahan o atakihin pa. Si Job, sa kanyang pananalig at takot sa Diyos, ay nanindigan sa kanyang patotoo sa gitna ng mga pagsubok na ito at nakamit ang pagsang-ayon ng Diyos. Napakamakabuluhan ng bagay na ito! Sa pamamagitan ng karanasan ni Job, makikita natin na walang bagay na matatawag na suwerte o malas, at na ang lahat ng nangyayari ay dahil sa kataas-taasang kapangyarihan at pamamatnugot ng Diyos, na sinadya upang turuan tayo ng iba’t ibang aral sa gitna ng iba’t ibang sitwasyon. Gayumpaman, hindi ko kinilala ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos at palaging sinusukat na ang lahat ng nangyayari sa akin ay batay sa suwerte. Ito ay dahil sa masyado kong isinasaalang-alang ang aking laman, laging nais na magampanan nang maayos ang aking mga tungkulin nang hindi nahihirapan ang aking katawan. Hangga’t nakabubuti ito sa katawan ko at hindi ko kailangang mahirapan, pakiramdam ko ay suwerte ako. Sa kabilang banda, kapag nakakaranas ako ng mga paghihirap at problema at kailangang magdusa at magbayad ng halaga, pakiramdam ko ay malas ako at madalas na nagrereklamo sa puso ko. Masyadong baluktot ang pananaw ko sa paghusga sa mga bagay! Ang sunod-sunod na mga paghihirap at problemang kinakaharap ko ngayon, kung titingnan ay tila nakapanghihina ng loob, ngunit ginamit ng Diyos ang mga paghihirap na ito upang turuan ako na umasa sa Kanya, hanapin ang katotohanan, maghimagsik laban sa aking laman, at matutuhan ang ilang mga aral. Noon, kapag ginagampanan ko ang aking tungkulin sa isang komportableng sitwasyon at sinusunod lang ang parehong gawain bawat araw, tila madali ito kung titingnan, ngunit kaunti lang ang aking natututuhan. Hindi ko naunawaan ang maraming prinsipyo ng katotohanan, at mabagal ang pag-unlad ng aking buhay, samantalang ngayon, kapaki-pakinabang sa buhay ko ang kasalukuyang sitwasyong ito. Nang naunawaan ko ang layunin ng Diyos, mas guminhawa ang pakiramdam ko, at hindi na nanatili sa pagkasira ng loob at paglaban. Handa akong magpasakop sa sitwasyong inilaan ng Diyos para sa akin at maranasan ang gawain ng Diyos sa isang praktikal na paraan. Pagkaraan, sinimulan kong gampanan nang taos-puso ang aking tungkulin, isinasagawa ang gawain ayon sa mga hinihingi ng sambahayan ng Diyos. Pagkaraan ng ilang panahon, unti-unting nanumbalik sa dati ang ilang gawain ng iglesia. Mas naging pamilyar ako sa mga tauhan at sa iba’t ibang parte ng gawain, at mas naunawaan ko na ang mga prinsipyo ng gawain kaysa dati, kaya nagkaroon ako ng kaunting kumpiyansa. Doon ko lang personal na naranasan ang pagkamaalalahanin ng Diyos sa paglalaan ng mga sitwasyong ito. Nakita ko na sa hindi panghuhusga sa mga tao, pangyayari, at sa mga bagay sa paligid mula sa perspektiba ng suwerte o malas at sa pagtanggap sa lahat ng bagay na mula sa Diyos at paghahanap ng katotohanan, hindi ako nakadarama ng kapaguran sa aking tungkulin. Sa halip, nakadarama ako ng kasiyahan at kapayapaan.
Pagkatapos ng isang pagtitipon, inatasan ako ng lider na asikasuhin ang isang bagay sa iglesia. Plano ko talagang tapusin ito sa loob ng isang araw at pagkatapos ay pumunta sa isa pang iglesia upang magpatupad ng gawain, ngunit sa hindi inaasahan, pagdating na pagdating ko sa iglesiang ito, kinakabahang sinabi sa akin ng tagapangasiwa ng iglesia na, “May nangyari. Maraming kapatid ang inaresto kahapon.” Pagkarinig ko sa kanyang salaysay, napagtanto kong halos lahat ng mga inaresto ay mga lider at manggagawa, na nangangahulugang halos imposible nang maisagawa nang normal ang anumang gawain ng iglesia sa ngayon. Kinailangan ding magtago ng mga lider ng iglesia dahil sa kanilang pakikipag-ugnayan sa mga taong iyon at hindi sila makakalabas para gampanan ang kanilang mga tungkulin. Pagkatapos noon, nakatanggap ako ng isang liham mula sa mas mataas na antas na lider na nag-uutos sa akin na pansamantalang manatili sa iglesiang ito upang asikasuhin ang mga kailangang ayusin matapos ang mga pag-aresto. Sa simula, nagawa kong tanggapin ito na mula sa Diyos at magpasakop. Noong panahong iyon, maraming banta sa seguridad para sa mga kapatid at sa iba’t ibang pamilya na nagpapatira sa kanilang bahay, at maraming gampanin sa iglesia ang kailangang asikasuhin. Abala ako buong araw, at pag-uwi ko sa bahay na tinutuluyan ko sa gabi, kailangan ko pang sagutin ang mga liham mula sa ibang mga iglesia. Halos gabi-gabi kong kinailangan na magpuyat. Mabigat din ang sitwasyon, at halos araw-araw, nakakatanggap ako ng mga liham na nagsasabing mas marami pang mga kapatid ang naaresto. Kinakabahan ako sa tuwing lumalabas ako, hindi ko alam kung ligtas akong makakababalik sa bawat pagkakataon. Lumipas ang ilang panahon, at naramdaman ko ang labis na pagod ng katawan at isipan ko. Nang nakikita ko na ang dalawang lider sa paligid ko ay tumutugon lang sa mga liham at gumagawa ng kaunting gawain sa bahay, samantalang ako naman ay palaging abala, ikot nang ikot na parang trumpo na mas marami ang kailangang gawin kaysa sa oras na mayroon ako, at labis akong nag-aalala at kinakabahan, naisip ko na, “Napakadali ng mga tungkuling ginagawa nila. Hindi nila kailangang mag-alala o magpaikot-ikot. Hindi tulad ko, ni hindi ako nagkakaroon ng anumang pagkakataong makapagpahinga. Bakit palagi na lang ako ang nasasangkot sa pag-aasikaso ng mga pag-aresto sa iglesia? Napakamalas ko! Bakit sunod-sunod na nangyayari sa akin ang mga ganitong bagay?” Bagaman hindi ko pinangahasang magreklamo nang lantaran, sa kaloob-looban ko, matindi ang paglaban ko, at palagi akong napipilitang sumunod at hindi bukal sa loob ko na gawin ang aking tungkulin. Habang nananatili ako sa maling kalagayang ito, hindi ko maiwasang balikan ang nagdaan kong mga karanasan, at medyo nababatid ko na ang sitwasyong ito ay inilaan ng Diyos para sa akin upang matutuhan ko ang isang aral. Nagdasal ako sa Diyos, “O Diyos ko, kapag may nangyayari sa akin, hindi ko pa rin maiwasang tingnan ang mga ito sa perspektiba ng suwerte o malas at nararamdaman ko pa rin na dahil sa kamalasan at kasawian ko kaya nangyayari ang mga ito. Hindi ko tunay na maunawaan ang Iyong layunin. O Diyos ko, pakiusap, gabayan Mo ako at bigyang-liwanag upang matutuhan kong maranasan ang Iyong layunin sa gitna ng sitwasyong ito.”
Pagkaraan, sinadya kong maghanap ng mga salita ng Diyos na babasahin, nagnanais maunawaan kung ano nga ba ang mali sa palaging paghahangad ng suwerte. Nabasa ko ang siping ito sa mga salita ng Diyos: “Ano ang mga iniisip at pananaw ng mga taong gumagamit ng suwerte para sukatin kung ang mga bagay ay mabuti ba o masama? Ano ang diwa ng gayong mga tao? Bakit masyado nilang binibigyang-pansin ang suwerte at malas? Ang mga tao bang masyadong nakatuon sa suwerte ay umaasa na suwerte sila, o umaasa ba silang malas sila? (Umaasa silang suwerte sila.) Tama iyan. Sa katunayan, hinahangad nila ang suwerte at na mangyari sa kanila ang mabubuting bagay, at sinasamantala lang nila ang mga ito at pinakikinabangan ang mga ito. Wala silang pakialam kung gaano man magdusa ang iba, o kung gaano karaming paghihirap o suliranin ang kailangang tiisin ng iba. Ayaw nilang mangyari sa kanila ang anumang bagay na sa tingin nila ay malas. Sa madaling salita, ayaw nilang mangyari sa kanila ang anumang masama: walang mga dagok, pagkabigo o pagkapahiya, walang pagpupungos, walang kawalan, pagkatalo, o pagkalinlang. Kapag nangyari ang anuman sa mga iyon, iniisip nilang malas ito. Sinuman ang nagsaayos nito, kung mangyari ang masasamang bagay, malas ito. Umaasa sila na ang lahat ng mabubuting bagay—ang maitaas ang ranggo, mamukod-tangi, at ang masamantala ang iba, ang makinabang mula sa ibang bagay, kumita nang malaki, o maging opisyal na mataas ang ranggo—ay mangyayari sa kanila, at iniisip nila na suwerte iyon. Palagi nilang sinusukat batay sa suwerte ang mga tao, pangyayari, at bagay na nakahaharap nila. Hinahangad nila ang suwerte, hindi ang malas. Sa sandaling magkaroon ng aberya sa kaliit-liitang bagay, sila ay nagagalit, nayayamot, at hindi nasisiyahan. Sa mas prangkang pananalita, makasarili ang ganitong uri ng mga tao. Hinahangad nilang masamantala ang iba, makinabang, manguna, at mamukod-tangi. Masisiyahan sila kung sa kanila lang mangyayari ang lahat ng mabubuting bagay. Ito ang kanilang kalikasang diwa; ito ang tunay nilang mukha” (Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan 2). Naipadama sa akin ng mga salita ng Diyos ang matinding kahihiyan. Lumitaw na ang palagi kong paghahangad ng suwerte at ang pag-iwas sa anumang mga paghihirap o kagipitan sa totoo lang ay dahil sa makasarili kong kalikasan. Sumunod ako sa isang pilosopiya ng makamundong pakikitungo na “Makakuha ng benepisyo nang walang pagdurusa o pagkalugi,” palaging inuuna ang pansarili kong mga interes. Palagi kong ninanais na mangyari sa akin ang lahat ng magagandang bagay, na maging maayos ang lahat nang hindi kailangang magtiis ng anumang hirap; iyon ang makakapagpasaya sa akin. Kapag nakaranas ako ng mga kabiguan o paghihirap na nakaapekto sa makalaman kong mga interes at hiningi sa akin na magdusa, nagsisimula akong magreklamo at mainis, na tuluyan akong naguguluhan. Bago ako manampalataya sa Diyos, kapag nakikita ko ang mga kasamahan ko na may magandang pinagmulan, may mga kapamilya na may matatatag na trabaho at magagandang bahay, habang ako naman ay namumuhay sa karalitaan na wala man lang sariling bahay, at may mga kapamilya sa bahay na walang trabaho at umaasa sa akin para suportahan sila, pakiramdam ko ay gulong-gulo ako. Naisip ko na ang malas ko sa pagkakaroon ng ganitong klase ng pamilya, at lalo akong naiinggit at nagseselos sa mga kasamahan ko. Palagi kong nararamdaman na ang magagandang bagay ay nangyayari lang sa iba, at na malas akong tao. Sa pagninilay sa kasalukuyang sitwasyon, nang ang dalawang iglesia na aking pinangangasiwaan ay naharap sa mga pag-aresto ng CCP, kinailangan kong magtiis at magbayad ng halaga at naapektuhan nito ang makalaman kong mga interes, kaya nagsimula akong magreklamo tungkol sa lahat ng bagay at sinisisi ang aking kamalasan at kasawian. Hindi ko na nga naisip na magkusang gawin nang maayos ang tungkulin ko, nasiraan pa ako ng loob at naging mapanlaban, nagrereklamo na palaging inilalagay ng Diyos ang ganitong mga sitwasyon para sa akin. Ang paghahangad ko ng suwerte ay talagang upang makatugon sa makalaman kong mga interes; gusto ko na ang lahat ng magagandang bagay ay mapunta sa akin at palagi kong hinahangad na makinabang kahit pa sa kasiraan ng iba. Pagdating sa mga gampanin na nangangailangan ng pagharap sa panganib at pagdurusa, naisip ko na ang lahat ng iyon ay dapat gawin ng iba. Basta magiging komportable ako at maaaaring makinabang ang aking laman, masisiyahan na ako. Napakamakasarili ko talaga! Sa unang tingin, tila ginagawa ko ang tungkulin ko sa sambahayan ng Diyos, pero ang isinasaalang-alang ng puso ko ay ang makalaman kong mga interes kaysa sa gawain ng iglesia at masigasig na layunin ng Diyos. Kasuklam-suklam at kamuhi-muhi ito sa Diyos, at sa paggampan sa aking tungkulin sa ganitong paraan, sa bandang huli ay hindi ko makakamtan ang Kanyang pagsang-ayon.
Kinalaunan, nagbasa pa ako ng mas maraming salita ng Diyos na nagsasabi: “Madali bang makaahon sa depresyon na ito? Sa katunayan, madali lamang ito. Iwanan mo lang ang iyong mga baluktot na pananaw, huwag mong asahan na palaging magiging maganda ang takbo ng lahat, o aayon sa mismong gusto mo, o magiging magaan. Huwag mong katakutan, kalabanin, o tanggihan ang mga bagay na hindi nagiging maayos. Sa halip, bitiwan mo ang iyong pagsalungat, maging kalmado ka, at lumapit ka sa Diyos nang may saloobin ng pagpapasakop, at tanggapin mo ang lahat ng isinasaayos ng Diyos. Huwag mong hangarin ang diumano’y ‘suwerte’ at huwag mong tanggihan ang diumano’y ‘malas.’ Ibigay mo ang iyong puso at buong pagkatao sa Diyos, hayaan mong Siya ang kumilos at mamatnugot, at magpasakop ka sa Kanyang mga pamamatnugot at pagsasaayos. Ibibigay sa iyo ng Diyos ang kailangan mo sa tamang sukat kapag kailangan mo na ito. Pamamatnugutan Niya ang mga kapaligiran, tao, pangyayari, at bagay na kinakailangan mo, ayon sa iyong mga pangangailangan at kakulangan, upang matuto ka ng mga aral na dapat mong matutunan mula sa mga tao, pangyayari, at bagay na iyong pagdaraanan. Siyempre, ang pangunahing kondisyon para sa lahat ng ito ay dapat may mentalidad ka ng pagpapasakop sa mga pamamatnugot at pagsasaayos ng Diyos. Kaya huwag mong hangarin ang pagiging perpekto; huwag mong tanggihan o katakutan ang mga pangyayaring hindi kanais-nais, nakakahiya, o hindi paborable; at huwag mong gamitin ang iyong depresyon upang labanan ng iyong kalooban ang hindi magagandang bagay na nangyayari” (Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan 2). Mula sa mga salita ng Diyos, naunawaan ko ang Kanyang layunin. Ang mga sitwasyong inilaan ng Diyos para sa akin ay pawang mabubuti at pawang ang layunin ay turuan ako ng mga aral. Hindi ko na dapat pang hangarin itong tinatawag na suwerte at iyong palaging pagnanais na gawin ang aking tungkulin sa isang komportableng sitwasyon. Ang pagpapatuloy nang gayon ay hahantong lang sa walang saysay na trabaho. Sa halip, dapat kong matutuhang magpasakop sa mga sitwasyong inilaan ng Diyos, at kanais-nais man ang mga ito o hindi, dapat kong hanapin ang katotohanan mula sa mga ito, magtuon ng pansin sa pagninilay sa mga tiwaling disposisyon na naipakita ko, at labanan ang makasariling pagnanasa at kumilos ayon sa mga hinihingi ng Diyos. Ito ang naaayon sa layunin ng Diyos. Ngayon, ang mga kapatid ay inaaresto, may mga panganib sa seguridad para sa dalawang lider ng iglesia, at may ilang gawaing hindi maisagawa. Bilang isang lider, dapat kong tuparin ang aking responsabilidad sa kritikal na sandaling ito. Bagaman mahirap at nangangailangan ng kaunting pagdurusa ng katawan ang pag-aasikaso sa gawain ng iglesia, basta makakabuti ito sa gawain ng iglesia, dapat kong gawin ang lahat ng aking makakaya upang makipagtulungan. Nang malinawan ito, hindi na ako namuhay sa pagkanegatibo, at naunawaan ko mula sa puso ko na ito ang tungkulin ko, ang responsabilidad na dapat kong tuparin. Pagkatapos niyon, habang ginagampanan ko ang aking tungkulin, aktibo akong nakipagbahaginan upang lutasin ang anumang mga isyu o paglihis sa gawain ng iglesia. Kung nakakaharap ko ang mga problemang hindi ko maunawaan, tinatalakay ko ang mga ito kasama ang dalawang lider upang agad nilang maunawaan ang mga ito, at pagkatapos ay hinahanap namin ang mga prinsipyo upang malutas ang mga ito. Sa pagsasagawa sa ganitong paraan, bagaman abala ako araw-araw, basta makatwiran kong inayos ang mga bagay-bagay, kinakaya ko ito at hindi ko nararamdamang mahirap itong gawin o hindi ito kakayanin.
Isang araw, nagpadala ng isang liham ang lider sa mas mataas na antas na humihiling sa amin na agad mag-organisa ng hanay ng mga materyales sa paglilinis at pagpapatalsik, binibigyang-diin na medyo madalian ito at kailangang kolektahin at ayusin ng mga taong walang panganib sa seguridad. Sa pagbasa ko sa liham na ito, alam kong ako ang pinakanaaangkop na gumawa nito. Ngunit sa pag-iisip na kakailanganin kong magberipika sa napakaraming kapatid at tiyak na magiging abala ako araw-araw, hindi ko maiwasang isipin ang mga dati kong iniisip, “Hay, malinaw na hiningi ng lider na gawin ito ng isang taong walang panganib sa seguridad, kaya hindi ako makaiiwas, kahit pa gustuhin ko. Sa pagpapabalik-balik nang ganito, malay ko ba kung gaano katagal bago makolekta at maberipika ang mga materyales na ito.” Pakiramdam ko ay malas ako. Nang magkaroon ako ng ganitong pag-iisip, naalala ko ang mga salita ng Diyos na nagsasabi na: “Huwag kang laging gumawa ng mga bagay para sa sarili mong kapakanan at huwag mong palagiang isaalang-alang ang iyong mga sariling interes; huwag mong isaalang-alang ang mga interes ng tao, at huwag isipin ang iyong sariling pagpapahalaga sa sarili, reputasyon, at katayuan. Kailangan mo munang isaalang-alang ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, at unahin ang mga iyon. Dapat mong isaalang-alang ang mga layunin ng Diyos at magsimula sa pagkonsidera kung mayroon ba o walang karumihan sa paggampan mo sa iyong tungkulin, kung ikaw ba ay naging tapat, kung natupad mo ang iyong mga pananagutan, at kung naibigay mo ang lahat mo, gayundin kung buong-puso mo bang iniisip o hindi ang iyong tungkulin at ang gawain ng iglesia. Kailangan mong isaalang-alang ang mga bagay na ito” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Makakamit Lamang ang Kalayaan at Pagpapalaya sa Pamamagitan ng Pagwawaksi sa Sariling Tiwaling Disposisyon). Ang mga salita ng Diyos ay nagbigay-liwanag sa puso ko. Anuman ang tungkuling kaharapin ko, taglay nito ang mga layunin ng Diyos. Lalo na, dahil napakahalaga ng gawaing ito, hindi ba’t ang pagkakataong gawin ito ay pagtataas mula sa Diyos? Ngunit, sa tuwing nahaharap ako sa isang tungkulin, ang una kong isinasaalang-alang ay iyong mahihirapan na naman ang katawan ko, at naiisip ko na ang malas ako. Talagang napakamakasarili ko! Dapat kong unahin ang gawain ng iglesia kaysa isipin muna ang mga pisikal na paghihirap at gawin ang lahat ng makakaya ko upang magtiwala sa Diyos at makipagtulungan. Sa pagkatantong ito, hindi ko na masyadong nilabanan itong tungkulin, at nakipag-usap ako sa mga lider ng iglesia kung paano makakahanap ng mga tao upang magberipika ng mga materyales. Sa proseso ng pagbeberipika, nakaranas ako ng kaunting hirap, ngunit tinanggap ko ang mga ito na mula sa Diyos at hindi na nagreklamo, habang sinusuri din ang mga paglihis at umaasa sa Diyos upang patuloy na makipagtulungan. Sa huli, matagumpay na nakolekta ang mga materyales. Taimtim akong nagpasalamat sa Diyos para sa Kanyang patnubay!
Sa pamamagitan ng karanasang ito, nagkaroon ako ng kaunting pagkaunawa sa maling pananaw sa paghahangad ng suwerte at nakita ko na sa likod ng paghahangad na ito, naroroon ang isang tiwaling disposisyon na makasarili at kasuklam-suklam. Sa katunayan, ang lahat ng mga sitwasyong inilaan ng Diyos para sa akin, mabuti man o masama sa aking pananaw, ay inilaan batay sa aking tayog at pangangailangan. Inilaan ang mga ito upang tulungan akong hanapin ang katotohanan, makilala ang aking tiwaling disposisyon, at matuto ng mga aral mula sa mga sitwasyong ito. May karunungan ng Diyos at mabuting layunin sa mga ito. Sa hinaharap, ayaw ko nang patuloy na humusga sa lahat ng tao, mga pangyayari, at mga bagay na aking nararanasan na may pananaw na nakabatay sa suwerte. Nais kong matutong magpasakop sa mga sitwasyong inilaan ng Diyos at maranasan ang Kanyang gawain.