71. Ang Nagagawang Pinsala ng Pagpapasikat

Ni Ruoyu, Spain

Ilang taon na ang nakalipas, nasa tungkulin ako ng pagdidilig kasama ng ilang kaedad kong kapatid. Napakamasigasig at responsable nila. Madalas silang napupuri ng mga tao kaya talagang hinangaan ko sila. Umasa akong isang araw ay magiging katulad nila ako at titingalain ako ng ibang tao. Paglaon, nalipat ako sa ibang iglesia. Hindi nagtagal, isang lider doon ang natukoy na isang huwad na lider at napalitan dahil sa hindi paggawa ng praktikal na gawain at ako ang nahalal na lider ng iglesia kapalit niya. Pinalakas ang loob ko ng mga kapatid na nakakakilala sa akin, sabi nila, “Itinataas ka ng Diyos, dapat ay pahalagahan mo iyan.” Alam kong magiging malaking responsibilidad ang tungkuling ito at pakiramdam ko magiging malaking pagkakataon ito para patunayan ang sarili ko. Pag naging magaling ako, hahangaan ako ng mga kapatid. Tahimik akong nagpasya na gagawin ko ang lahat ng aking makakaya para magawa nang mabuti ang tungkuling ito.

Sa bawat pagtitipon ng grupo pagkatapos noon, hinimay ko kung paanong hindi nagawa ng dating lider ang praktikal na gawain at madalas na negatibo ang pananalita, at talagang nagalit ang lahat sa kanila. Nang makita ko ito, madalas ay kailangan kong paalalahanan ang sarili ko na marunong na ngayong kumilala ang mga kapatid ng mga huwad na lider at inaasahan nila akong gumawa ng praktikal na gawain. Kinailangan kong magsipag at magsikap para makuha ang suporta nila. Bilang isang lider ng iglesia, ako dapat ang pinakamaagap sa iglesia at maging handang magdusa nang higit sa sinuman, at makapagsakripisyo rin nang higit sa sinuman. Kailangan kong magkaroon ng higit na pananampalataya kaysa sa iba kapag dumating ang mga pagsubok at hindi maging negatibo pag nangyari iyon. Dapat ay maging mas magaling ako sa ibang nasa iglesia sa lahat ng paraan nang sa gayon ay lagi akong pupurihin ng lahat. Pinaghaharian ng ganoong mga isipin, inabala ko ang aking sarili sa mga pagtitipon ng grupo at gabi na akong matulog araw-araw. Minsan, kapag nakikipagkuwentuhan ako sa iba, babanggitin ko kung gaano ako kaabala sa gawain sa iglesia at kung gaano ako ka-gabing natutulog. Kapag narinig nila iyon, iisipin nilang napakaresponsable ko at handang-handa akong magdusa at lagi nila akong sinasabihang alagaan ang sarili ko. Nireregaluhan din nila ako ng masasarap na pagkain at inumin galing sa mga bahay nila. Sa tuwing may isa sa kanila ang nasa masamang kalagayan, agad ko silang pinupuntuhan para suportahan sila, anuman ang panahon. Sa mga pagtitipon, kinukuwento ko sa mga kapatid ang tungkol sa kung sinong tao na matagal nang negatibo ang pakiramdam, pero naging positibo ulit nang magbahagi ako sa kanila. Kaya naisip ng lahat na napakamapagmahal at napakatiyaga ko, sa kabila ng mura kong edad. Para maintindihan ang gawain sa iglesia, sa sandaling magkaroon ng potensiyal na magbabalik-loob, magmamadali akong sabihan ang diakono ng ebanghelyo na puntahan sila at magbahagi sa kanila at minsan ako mismo ang pupunta para magbahagi ng patotoo sa kanila. Kalaunan, nagsimulang umusad ang gawain ng ebanghelyo at sa isang pagtitipon, sinabi ko sa iba: “Nakita ninyo? Hindi maganda ang gawain natin ng ebanghelyo noon, pero ngayon, bawat buwan ay may mga taong tumatanggap ng gawain ng Diyos. Kailangan nating mas magsikap.” Kaya naramdaman ng mga kapatid na naayos at napabuti ang gawain ng ebanghelyo simula nang dumating ako, at tiningala nila ako at lalo pang hinangaan. Kapag ibinabahagi ko ang mga karanasan ko sa mga pagtitipon, higit kong binibigyang-diin ang ilang mga halimbawa ng positibong pagpasok. Natatakot ako na kapag binanggit ko masyado ang tungkol sa mga katiwalian ko, iisipin ng iba na mahina ako pag nagkakaroon ng mga problema at na mababa ang tayog ko, at hindi na ako titingalain. Kaya hindi ko masyadong binabanggit ang tungkol sa pagiging negatibo o mahina ko o kung paano ako naghayag ng katiwalian. Tungkol sa kung paano ko hinanap ang katotohanan, isinagawa ang mga salita ng Diyos at kung paano ko ginawa ang tungkulin ko nang may pananampalataya at nakita ang patnubay ng Diyos, iyon ang madalas kong sinasabi, sinisigurong naisalaysay ang bawat maliliit na detalye. Dahil matagal na akong nagbabahagi nang ganito, inisip ng mga tao na magaling ako sa paghahanap ng katotohanan at na palagi kong nahahanap ang landas ng pagsasagawa. Lalapitan nila ako para sa pagbabahagi kapag may mga problema sila.

Pagtagal, nagsimulang umusad ang lahat ng aspeto ng gawain ng iglesia. Lumago ang pananampalataya ng mga tao, at parami nang parami ang mga taong gustong gawin ang kanilang tungkulin. Nang makita ang tagumpay na ito, lalo kong naramdaman na parang ako ang haligi ng iglesia. Taas-noo ako at mas matapang magsalita saan man ako pumunta. Akala ko maganda ang ginagawa ko bilang lider ng iglesia, at na karapat-dapat talaga sa akin ang posisyon ko. Kapag gumagawa kasama ang iba, laging ako ang nangunguna. Nagpapasikat ako na parang mas magaling ako sa kanila para hangaan nila ako at sundin ang sinasabi ko. Isang beses, kinailangan naming umupa ng bahay para pagtipunan. Isang diakono at isang brother na katambal ko sa trabaho ang pumunta para tingnan ang bahay. Naisip ko: “Ako dapat ang magpapasya sa ganoon kahalagang bagay. Hindi ninyo puwedeng aprubahan iyon nang hindi ko mismo iyon nakikita.” Sa totoo, alam ko sa puso ko na mas matanda at mas maraming karanasan ang brother na ito kaysa sa akin at mas may alam siya kung tama ang bahay o hindi. Pero inisip kong mabuti kung paano ko maipapakita kung gaano ako katalino, inisip ko: “Ano bang ibang detalye at problema ang dapat naming isaalang-alang kapag uupa ng bahay?” Kaya may ilan akong itinanong at pinapunta sila para ipatanong ang mga iyon. Sa huli, may ilang problemang nakita sa bahay na iyon at nang malaman ng mga kapwa-manggagawa ko, sabi nila, “Hiyang-hiya kami. Mas matanda kami sa iyo pero hindi namin pinag-isipan ang mga bagay nang kasing-ingat mo.” Natuwa ako sa sarili ko nang marinig ko ito. Mula noon, nilalapitan na ako ng lahat para makakuha ng mga kasagutan at pag-usapan ang mga bagay-bagay. Sa paglipas ng panahon, medyo naging pasibo ang mga kasama ko sa gawain, hinihintay nila akong ibigay ang opinyon ko sa lahat ng bagay. Nagsimula silang lalong umasa sa akin.

Unti-unti ay natagpuan kong nagiging mas matatag ang aking reputasyon sa mga kapwa-manggagawa ko at na kailangan ay may opinyon ako sa lahat ng usapin ng iglesia, malaki man o maliit. Umaasa ang mga kapatid sa akin para magbahagi sa kanila sa bawat suliranin. Pakiramdam ko ay napakahalaga ko sa iglesia at madalas ay mataas ang kumpiyansa ko sa aking sarili. Minsan maiisip kong darating ang kapahamakan sa mga taong tinitingala, at mababalisa ako at itatanong sa sarili ko: “Ang taas ng tingin sa akin ng lahat—naligaw na ba ako?” Pero maiisip ko: “Isa akong lider. Dapat akong lapitan ng mga kapatid para sa mga problema nila. At may ilan silang problema na matutulungan ko silang lutasin. Normal lang sa kanilang umasa sa akin! Sino bang may ayaw makasama ang taong tumutulong sa kanila?” Kung kaya’t binalewala ko ang mga saway at babala ng Banal na Espiritu at hindi sinuri ang sarili kong kalagayan o ang landas na aking kinalalagyan. Sa halip, nagpatuloy lang ako sa maling landas. Nang ituwid at disiplinahin ako ng Diyos ay noon lang nagsimulang mamulat ang manhid kong puso.

Nang magising ako isang umaga, naramdaman kong masakit na masakit ang kaliwa kong mata. Tuloy-tuloy iyon sa pagluluha at nang tingnan ko sa salamin, nakita kong naninigas ang kaliwang panig ng mukha ko. Hindi ko maisara ang mata ko o maigalaw ang bibig ko. Wala akong ideya kung anong nangyari. Sa pagtitipon nang hapong iyon, isang sister ang nabigla nang makita niya ako at sabi niya ay pagkaparalisa daw iyon ng mukha at kailangan kong magpagamot agad-agad. Sabi niya pag pinatagal ko ay hindi na babalik ang mukha ko sa normal. Isa itong malaking dagok at nablangko ang isip ko. Paano akong nakakuha ng ganoong sakit nang ganito kabata? Kung totoo ang sinasabi niya na masisira ang mukha ko, paano ko na magagawa ang tungkulin ko? Paano na ako haharap sa mga tao? Natuliro ako, at nanghina ang loob ko. Pinag-uusapan ng lahat ang sakit ko pero ang gulo-gulo ng isip ko. Walang lakas na natira sa akin.

Naging malabo ang biyahe ko pauwi. Gusto kong magdasal sa Diyos pero hindi ko alam kung anong sasabihin ko. Ang kaya ko lang gawin ay hilingin sa Diyos na patnubayan ako at payapain ang puso ko at mahanap ko ang kalooban Niya. Bigla kong naisip ang isang himno ng mga salita ng Diyos: “Kapag sumapit sa iyo ang pagdurusa ng sakit, paano mo dapat danasin ito? Dapat kang humarap sa Diyos para manalangin, na hinahangad na maarok ang Kanyang kalooban at sinusuri kung anong klaseng mga paglabag ang nagawa mo o kung anong mga katiwalian ang hindi mo pa nalulutas. Kailangan mong magdusa sa pisikal. Kapag napalambot ng pagdurusa ang puso ng mga tao, saka lamang sila mapipigilan at laging mabubuhay sa harap ng Diyos. Kapag sumasama ang loob ng mga tao, lagi silang nagdarasal, nagmumuni-muni kung may nagawa silang mali o kung paano sila maaaring nagkasala sa Diyos. Nakakabuti ito sa kanila. Kapag nagdaranas ng matinding pasakit at mga pagsubok ang mga tao, tiyak na hindi ito nagkakataon lamang(“Dapat Mong Hangarin ang Kalooban ng Diyos Kapag Nagkaroon Ka ng Karamdaman” sa Sundan ang Cordero at Kumanta ng mga Bagong Awitin). Sabi sa mga salita ng Diyos: “Kapag nagdaranas ng matinding pasakit at mga pagsubok ang mga tao, tiyak na hindi ito nagkakataon lamang.” Napagtanto ko dahil sa mga salita ng Diyos na hindi aksidente ang karamdamang ito. Tiyak na nasa likod nito ang mabuting kalooban ng Diyos, at dinidisiplina Niya ako. Kailangan kong taimtim na maghanap at magnilay sa aking sarili para malaman kung paano ako nagkasala sa Diyos. Lumapit ako sa Diyos sa panalangin: “Makapangyarihang Diyos! May sakit ako ngayon at alam ko sa puso ko na Ikaw ito na nagdidisiplina sa akin, na ginagamit Mo ang karamdamang ito para balaan ako at pagnilayin ako sa aking sarili. Pero manhid na manhid ako ngayon. Hindi ko matukoy ang mga problema ko. Bigyan Mo ako ng kaliwanagan nang matutunan ko ang aking leksiyon sa pamamagitan ng karamdamang ito.” Matapos magdasal, isip ako nang isip tungkol doon pero hindi ko maisip kung paano ako nagkasala sa Diyos. Kaya muli akong lumapit sa Diyos sa taimtim na panalangin at hiniling sa Kanyang patnubayan ako. Nanalangin ako at naghanap nang ganito sa loob ng ilang araw. Salamat sa Diyos sa pagdinig sa mga panalangin ko. Hindi nagtagal, nagsaayos ang Diyos ng mga sitwasyon para makita ko ang mga problema ko.

Isang araw, pumunta ako sa bahay ni Sister Zhao para sa acupuncture. Kinumusta ako ng pamilya niya, nangangambang nalulungkot ako. Sa acupuncture, binasa nila ang Ang Mga Prinsipyo Kung Paano Harapin ang Sakit. Sinabi sa akin ni Sister Zhao na huwag mag-alala, bagkus ay lalong magdasal at manalig sa Diyos at sumampalataya, at sa tulong ng gamutan ay bubuti ako agad. Pero dahil nauna na niyang sinabi na kapag hindi nagamot agad, puwedeng habambuhay nang maging baluktot ang mukha ko, takot na takot ako. Pero nang makita kong alalang-alala siya sa akin, naisip ko: “Kung alam ng iba kung ano ang tunay kong nararamdaman, iisipin ba nilang mababa ang tayog ko? Sa tuwing mahaharap sa pagsubok o magkakasakit ang sinuman, nagbabahagi ako sa kanila ng mga katotohanang may kaugnayan sa pananampalataya, pakiramdam ko ang tibay-tibay ng pananampalataya ko. Pero ngayong bigla akong nagkasakit, ipinapakita ko ang kawalan ko ng pananampalataya at ipinapahayag ang mga pangamba at takot ko. Iisipin ba ng lahat na ipinangaral ko lang ang doktrina?” Kaya’t ngumiti ako at sinabi kay Sister Zhao, “Medyo nanghihina nga ako ngayong may sakit ako, pero naniniwala akong ang lahat ay nasa mga kamay ng Diyos. Hindi mahalaga ang pisikal na paghihirap na ito. Ang pinaka-iniinda ko ay hindi ko makita ang kalooban ng Diyos o malaman kung ano ang mga problema ko. Sumasama ang loob ko dahil ang manhid ko.” Tiningnan niya ako nang may paghanga at sabi niya, “Dapat kang magnilay sa iyong sarili ngayong may sakit ka. Suriin at subukan mong unawain ang sarili mo, at magpagamot ka rin. Maaaring nagkasakit ka dahil palagi kang nagpapagod sa trabaho. Ginagawa mo ang tungkulin mo mula madaling-araw hanggang gabi, at nirerespeto naming lahat iyon. Gusto mo pa ring gawin ang tungkulin mo kahit ngayon. Maghinay-hinay ka lang. Pinagsabihan ko ang sister na katrabaho mo sa hindi paggawa ng bahagi niya. Pinaalalahanan ko siyang maging mas maasikaso sa gawain ng iglesia.” Medyo nabalisa ako nang sabihin niya ito, kaya diniretso ko siya, sabi ko, “Hindi lang naman ako ang gumagawa ng gawain ng iglesia. Huwag mo akong ilagay sa pedestal.” Naisip ko habang pauwi ako noong araw na iyon: “Bakit niya pinuna ang sister na iyon nang ganoon dahil sa akin? Sa tingin ba niya ako ang pinakaresponsable sa lahat? Marahil ay lagi kong pinupuri ang sarili ko at minamaliit ang iba.” Naisip ko kung paano ko itinago ang kahinaan ko kay Sister Zhao at nagkunwaring napakalakas ng pananampalataya ko—hindi ba’t nilinlang ko siya? Ito ang iniisip ko nang makita ko si Sister Zhang na papalapit sa akin. Puno siya ng pag-aalala sa akin, at sabi niya, “Dapat mong ingatan ang sarili mo. Anong gagawin namin pag nagupo ka ng kondisyong ito?” Nang marinig ko siyang diretsahang magsalita, labis akong natakot. Sa pag-alis ko, isip ako nang isip sa sinabi niya. Nagsimula akong kabahan, at naisip ko: “Isa lang akong hamak na lider ng iglesia. Kayang magpatuloy ng iglesia nang wala ako. Bakit naman niya itatanong kung anong gagawin nila pag wala ako? Ipinapakita ng sinabi niya na may puwang ako sa puso nila. Ang puso ang templo ng Diyos, kaya kung may puwang ako roon, hindi ba’t nilalabanan ko ang Diyos?” Naisip ko kung paanong laging gusto kong makakuha ng suporta at paghanga ng mga tao, pero nang marinig kong sabihin iyon ng sister, nabalisa ako at natakot. Naisip ko, “Nalinlang ko rin ba ang ibang mga kapatid? Kung pareho kay Sister Zhang ang nararamdaman ng iba, ibig bang sabihin ay nadala ko ang mga tao sa harap ko? Nasa landas ako ng mga anticristo!” Naisip ko ang ilang mga anticristo na nakita kong napaalis noon at kinilabutan ako. Pakiramdam ko naharap ako sa isang malaking sakuna.

Pagkauwi ko, kinuha ko ang libro ko ng mga salita ng Diyos at binasa ito: “May kakayahan ang mga taong may mapagmataas na kalikasan na suwayin ang Diyos, labanan Siya, at makagawa ng mga bagay na humahatol sa Kanya at nagtataksil sa Kanya, at gumawa ng mga bagay na nagbibigay-kapurihan sa kanilang mga sarili at isang pagtatangkang magtatag ng sarili nilang kaharian. Kung, para sa kapakanan ng argumento, tatanggapin kunwari ng dalawampung libong katao sa isang bansa at inareglo kang pumunta roon upang magtrabaho, at pinabayaan kita sa loob ng isang buwan at pinagkalooban kita ng awtoridad na kumilos nang mag-isa, pagkatapos bago lumipas ang sampung araw, magagawa mong makilala ka ng lahat ng tao; at sa loob ng isang buwan, luluhod na silang lahat sa harapan mo, inaawit sa bawat salita ang iyong mga papuri, sinasabing nangangaral ka ng may malinaw na pagkaunawa, at ipinagpipilitan na ang iyong mga pagpapahayag ang siya nilang kailangan at makapagkakaloob ka para sa kanilang mga hinihinging pangangailangan—ang lahat ng ito nang hindi man lamang nasabi ang salitang ‘Diyos.’ Paano mo ginawa ang gawaing ito? Para magawa ng mga taong ito ang gayong reaksyon, patutunayan nito na ang gawaing ginagawa mo ay hindi man lamang kinasangkutan ng pagbibigay patotoo sa Diyos; manapa’y nagpatotoo lamang ito sa iyong sarili at ipinakitang-gilas lamang nito ang iyong sarili. Paano ka makapagkakamit ng gayong resulta? Sinasabi ng ilang tao na, ‘Ang ibinabahagi ko ay ang katotohanan; tiyak na hindi ko kailanman pinatotohanan ang aking sarili!’ Ang saloobin mong iyan—ang asal mong iyan—ay sumusubok makapagbahagi sa mga tao mula sa posisyon ng Diyos, at hindi ito katulad ng pagtayo sa posisyon ng isang tiwaling tao. Lahat ng sinasabi mo ay mabulaklak na mga pananalita at panghihingi sa iba; wala man lamang kinalaman ito sa iyong sarili. Samakatuwid, ang epektong makakamit mo ay ang mapasamba mo ang mga tao sa iyo, ang kainggitan ka, at purihin ka hanggang, sa huli, silang lahat ay may kaalaman tungkol sa iyo, nagpapatotoo sa iyo, pinupuri ka, at binobola ka nang husto. Kapag nangyari iyon, magiging katapusan mo na; mabibigo ka! Hindi ba ito ang landas na kinaroroonan ninyong lahat ngayon? Kung pinakiusapan kang mamuno ng ilang libo o ng ilang sampung libong katao, makararamdam ka ng kasiyahan. Bibigyang-daan mong bumangon ang kayabangan at magsisimula kang subukang okupahin ang posisyon ng Diyos, nagsasalita at nagmumuwestra, at hindi mo malalaman kung anong susuotin, anong kakainin, o kung paano maglakad. Hindi ka makikipagkita sa karamihan ng mga nasa ibaba mo, at unti-unti kang sasama, at pababagsakin ka gaya ng arkanghel. May kakayahan kayong gawin ito, hindi ba? Kaya, ano ang dapat ninyong gawin? Kung isang araw, talagang may mga pagsasaayos na ginawa para sa inyo upang humayo at gumawa, at may kakayahan naman kayong gawin ang mga bagay na ito, paano mapapalawak ang gawain kung gayon? Hindi ba ito magiging magulo? Sino, kung gayon, ang mangangahas na payagan kang lumabas doon? Kapag lumabas ka roon, hindi ka na babalik; hindi ka na magbibigay ng atensyon sa anumang sinabi ng Diyos, at patuloy ka na lamang magpapakitang-gilas at magpapatotoo sa iyong sarili, na parang ikaw ang nagdadala ng kaligtasan sa mga tao, ang gumagawa ng gawain ng Diyos, at ipinararamdam sa mga tao na para bang lumitaw ang Diyos at naritong gumagawa—at habang sinasamba ka ng mga tao, labis kang magagalak, at mapapasang-ayon ka na lamang kung itinuring ka nilang parang Diyos. Sa sandaling naabot mo ang yugtong iyon, katapusan mo na; mababasura ka. Ang ganitong uri ng mapagmataas na kalikasan ang siyang magiging pagkawasak mo sa huli nang hindi mo namamalayan. Isang halimbawa ito ng taong lumalakad sa landas ng mga anticristo. Ang mga taong umabot sa puntong ito ay nawalan na ng kamalayan; ang kanilang pandama ay tumigil na sa paggana(“Likas na Kayabangan ng Tao ang Ugat ng Kanyang Pagkontra sa Diyos” sa Mga Talaan ng mga Pananalita ni Cristo ng mga Huling Araw). “Ginagamit ng ilang tao ang kanilang mga katungkulan upang paulit-ulit na magpatotoo tungkol sa kanilang mga sarili, labis na itaas ang kanilang mga sarili, at makipag-agawan sa Diyos para sa mga tao at katungkulan. Gumagamit sila ng sari-saring paraan at hakbang para sambahin sila ng mga tao, palaging sinusubukang makuha ang mga tao at kontrolin sila. Ang mga iba nga ay sinasadya pang ilihis ang mga tao para isiping sila ay Diyos upang maaari silang tratuhing parang Diyos. Hinding-hindi nila sasabihin sa mga tao na sila ay naging tiwali na—na sila rin ay tiwali at mayabang, na huwag silang sambahin, at gaano man sila kahusay, ito ay dahil lamang sa kadakilaan ng Diyos at ginagawa lamang nila ang nararapat nilang gawin. Bakit hindi nila sinasabi ang mga bagay na ito? Dahil lubha silang natatakot na mawala ang kanilang lugar sa puso ng mga tao. Ito ang dahilan kung bakit ang mga taong tulad nila ay hindi kailanman dumakila sa Diyos at hindi kailanman sumaksi tungkol sa Diyos(Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Gawain ng Diyos, ang Disposisyon ng Diyos, at ang Diyos Mismo I). “Lahat ng pababa ay itinataas ang kanilang sarili at nagpapatotoo sa kanilang sarili. Naglilibot sila at ipinagmamalaki at pinupuri ang kanilang sarili, at ni hindi man lang nila isinasapuso ang Diyos. Naranasan na ba ninyo ang sinasabi ko? Maraming tao ang palaging nagpapatotoo sa kanilang sarili: ‘Nagdusa na ako sa ganito at ganoong paraan; nagawa ko na ang ganito at ganoong gawain; pinakitunguhan na ako ng Diyos sa ganito at ganoong paraan; ipinagawa Niya sa aking ang ganito at ganoon; mataas ang tingin Niya sa akin; ngayon ay ay ganito at ganoon na ako.’ Sadya silang nagsasalita sa isang partikular na tono at umaasta sa mga partikular na tindig. Sa huli, iniisip ng ilang tao na ang mga taong ito ang Diyos. Kapag umabot na sila sa puntong iyon, matagal na silang pinabayaan ng Banal na Espiritu. Bagama’t, sa ngayon, hindi sila pinapansin, at hindi itinitiwalag, nakatakda na ang kanilang kapalaran, at ang tanging magagawa nila ay hintayin ang parusa sa kanila(“Masyadong Maraming Hinihingi ang mga Tao Mula sa Diyos” sa Mga Talaan ng mga Pananalita ni Cristo ng mga Huling Araw). Tumagos ang mga salita ng Diyos sa puso ko na parang patalim. Katulad ako ng sinabi sa mga salita ng Diyos, laging dinadakila ang sarili at nagpapasikat sa aking tungkulin. Simula nang maging lider ako, inisip ko na para maging lider, kailangan kong maging mas magaling sa iba at mas may tayog para makuha ang suporta at paghanga ng lahat. Kapag ibinabahagi ko ang mga karanasan ko, nagkukunwari ako at halos hindi tinatalakay ang tungkol sa sarili kong mga kahinaan at katiwalian, sa takot na hindi ako tingalain ng iba kapag nalaman nilang katulad lang din nila akong tiwali. Kahit nang magkasakit ako, naging negatibo ako at nagsimulang dumaing, at natakot nang husto, pero para panatilihin ang imahe ko ay itinago ko ang tunay kong nararamdaman, at puro positibong bagay lang ang sinabi ko para lalo pa akong idolohin ng iba at isipin nila kung gaano ako ka-positibo, at kung gaano katibay ang pananampalataya ko kumpara sa ibang tao. Bilang lider, dapat naman talaga akong mas magpuyat at mas maghirap. Pero sinasadya ko na laging banggitin sa mga kapatid kung gaano ako ka-abala, kung gaano ako ka-gabi nagpuyat at kung gaano ako nagsipag sa gawain para isipin nila na masyado akong responsable at masipag. Ang tagumpay na nakita ko sa aking tungkulin ay malinaw na galing sa Banal na Espiritu, pero hindi ko dinakila ang Diyos, nagpasikat lang ako kung gaano ako nagdusa at nagsakripisyo para isipin ng lahat na ako ang haligi ng iglesia na parang walang matatapos kapag wala ako. Lagi akong ganito magbahagi, nanlilinlang ng iba, na humantong sa pagdidisiplina sa akin gamit ang karamdamang ito. Pero naniniwala ang iba na nagkasakit ako dahil sa kasipagan kong magtrabaho, at napagalitan pa ang sister na katrabaho ko dahil hindi niya ginagampanan ang bahagi niya na parang ako ang may pasan ng pinakamabigat na dalahin ng iglesia. Dinakila ko ang aking sarili at nagpasikat sa paraang ito, nililinlang at kinukulong ang iba, at dinadala sila sa harap ko. Hayagan kong kinakalaban ang Diyos. Iniisip ito, hindi ko mapigilang matakot. Para tingalain at idolohin ako ng iba, gumamit ako ng lahat ng uri ng paraan para magpasikat at manlinlang ng iba, na nagdulot sa kanilang umasa sa akin hanggang sa mawalan na ng puwang ang Diyos sa mga puso nila. Hinangad nila ang opinyon at pagsang-ayon ko sa lahat ng bagay—hindi ba’t naghahari ako na parang reyna sa iglesia? Ang iglesia ay isa dapat lugar para sambahin ang Diyos. Sa pagdadakila sa aking sarili at sa pagdadala sa iba sa harap ko, hindi ba’t sinusubukan kong palitan ang Diyos at gawin Siyang isang tau-tauhan? Nilalabanan at pinagtataksilan ko ang Diyos tulad ng isang anticristo—nagawa ko ang napakasamang kasalanan ng paglabag sa disposisyon ng Diyos! Labis akong natakot sa sandaling iyon. Nagkasakit ako dahil ginalit ko ang Diyos at ngayon ay ipinapakita na Niya ang Kanyang matuwid na disposisyon. Namuhi ako sa aking sarili sa pagiging manhid at mapaghimagsik at nakita ko na walang pagkakasalang pinalalagpas ang matuwid na disposisyon ng Diyos. Nagpatirapa ako sa harap ng Diyos para magdasal at magsisi: “Makapangyarihang Diyos! Sa nakaraang taon, hindi Kita pinaglilingkuran, kundi gumagawa ako ng masama. Dinala ko ang mga tao sa aking harapan, nakikipagkompetensiya sa Iyo para sa kontrol. Kumilos ako na parang anticristo, kasuklam-suklam at kahiya-hiya ako. Diyos ko, talagang nagkamali ako.” Punong-puno ng pagsisisi, hiyang-hiya akong humarap sa Diyos.

Nagsimula kong maisip: “Paano akong napunta sa maling-maling landas? Ano ba talagang nagdulot nito?” Nabasa ko ang mga salita ng Diyos: “Masyadong iniidolo ng ilang tao si Pablo. Gusto nilang lumabas at magbigay ng mga talumpati at gumawa, gusto nilang dumadalo sa mga pagtitipon at mangaral, at gusto nila na pinakikinggan sila ng mga tao, sinasamba sila, at umiikot sa kanila. Gusto nilang magkaroon ng katayuan sa isipan ng iba, at natutuwa sila kapag pinahahalagahan ng iba ang larawang ipinakikita nila. Pag-aralan natin ang kanilang likas na pagkatao mula sa mga pag-uugaling ito: Ano ang kanilang likas na pagkatao? Kung ganito talaga silang kumilos, sapat na iyan upang ipakita na sila ay mayabang at hambog. Ni hindi man lang nila sinasamba ang Diyos; naghahangad sila ng mas mataas na katayuan at nangangarap na magkaroon ng awtoridad sa iba, na ariin sila, at magkaroon ng katayuan sa kanilang isipan. Ito ang klasikong larawan ni Satanas. Ang namumukod na mga aspeto ng kanilang likas na pagkatao ay kayabangan at kahambugan, ayaw nilang sambahin ang Diyos, at nais nilang sambahin sila ng iba. Ang gayong mga pag-uugali ay maaaring magbigay sa iyo ng napakalinaw na pagtingin sa kanilang likas na pagkatao(“Paano Malalaman ang Kalikasan ng Tao” sa Mga Talaan ng mga Pananalita ni Cristo ng mga Huling Araw). “Dahil ginawang tiwali ni Satanas ang sangkatauhan, nagsimulang magbago ang kanilang kalikasan at unti-unting nawala ang kanilang pangangatwiran na taglay ng mga pangkaraniwang tao. Hindi na sila kumikilos bilang mga tao sa kalagayan ng tao; bagkus, nais nilang lagpasan ang katayuan ng tao, at ninanasa nila ang bagay na mas mataas at higit na dakila. At ano itong bagay na mas mataas? Nais nilang lagpasan ang Diyos, lagpasan ang mga kalangitan, at lagpasan ang lahat ng iba pa. Ano ang ugat kung bakit naging ganito ang mga tao? Pagkatapos ng lahat, labis na mapagmataas ang kalikasan ng tao. … Ang pagpapakita ng pagmamataas ay paghihimagsik at pagsalungat sa Diyos. Kapag ang mga tao’y mapagmataas, mapagpahalaga sa sarili, at mapagmalinis, malamang magtayo sila ng kani-kanyang mga nagsasariling kaharian at gawin ang anumang gusto nila. Inaakay din nila ang iba na magpakontrol sa kanila at magpasakop sa kanila. Kapag kayang gawin ng mga tao ang ganitong mga bagay, ang diwa ng kanilang pagmamataas ay yaong sa arkanghel. Kapag naaabot ng kanilang pagmamataas at pagpapahalaga sa sarili ang isang partikular na antas, samakatuwid naaalaman mula rito na sila ang arkanghel at isasantabi ang Diyos. Kung mayroon ka ng ganitong uri ng mapagmataas na disposisyon, kung gayon hindi magkakaroon ng lugar ang Diyos sa iyong puso(“Likas na Kayabangan ng Tao ang Ugat ng Kanyang Pagkontra sa Diyos” sa Mga Talaan ng mga Pananalita ni Cristo ng mga Huling Araw). Binigyan ako ng mas malinaw na pag-unawa ng mga salita ng Diyos tungkol sa diwa ng aking problema at nakita ko ang dahilan kung bakit lagi kong dinadakila ang aking sarili at nagpapasikat sa aking tungkulin. Dahil iyon sa aking mapagmataas at mayabang na kalikasan. Sa simula pa lang ay mali na ang landas na kinatatayuan ko. Naging tulad lang ako ni Pablo sa pagdadakila ko sa aking sarili at pagpapasikat sa aking tungkulin. Si Pablo ay palaging nagdadakila at nagpapatotoo sa kanyang sarili habang ginagawa niya ang kanyang gawain at ni minsan sa mga sulat niya ay hindi siya nagpatotoo na ang Panginoong Jesus ang Diyos na nagkatawang-tao. Nagpatotoo lang siya kung gaano siya katinding nagdusa at nagsakripisyo, sinasabi pa ngang “Sapagka’t sa ganang akin ang mabuhay ay si Cristo” (Filipos 1:21), at “Nakipagbaka ako ng mabuting pakikipagbaka, natapos ko na ang aking takbo, iningatan ko ang pananampalataya: Buhat ngayon ay natataan sa akin ang putong na katuwiran” (2 Timoteo 4:7–8). Pinaniwala niya ang iba na karapat-dapat siya sa korona at mga gantimpala. Nakita ko na ang aking kalikasan ay katulad din ng kay Pablo. Nasiyahan ako na tingalain at idolohin, mapalibutan ng mga tao, at marinig na purihin ako ng mga tao saanman ako pumunta. Kailangan ko talagang magkaroon ng puwang sa puso ng mga tao. Katulad nga ng sinasabi sa mga salita ng Diyos, nakita ko na puno ang kalikasan ko ng “kayabangan at kahambugan, ayaw nilang sambahin ang Diyos, at nais nilang sambahin sila ng iba.” Masyado akong mapagmataas na wala na ako sa katinuan. Hindi ko nagawang tumayo sa puwesto ko bilang isang nilalang at sambahin ang Diyos at hindi ko tinrato ang Diyos bilang Diyos, sa halip ay pinarangalan ko ang aking sarili. Itinalaga ko ang aking sarili sa aking tungkulin para tingalain at idolohin, na nagdulot sa panlilinlang ko sa mga kapatid. Kapag dumarating ang mga problema, umaasa sila sa akin at ako ang pinagpapasya nila sa lahat ng gawain. Dinala ko ang mga tao sa harapan ko at nagtayo ng sarili kong kaharian. Paano bang hindi mapupukaw ng ganoong asal ang poot ng Diyos at maitutulak Siyang mamuhi sa akin? Ang sakit ko ay ang pagiging matuwid ng Diyos at dapat lang iyon sa akin dahil sa paggawa ko ng masama at paglaban sa Diyos. Nagpasalamat ako sa Diyos sa pagdidisiplina sa akin, pinipigilan agad ang aking paggawa ng masama.

Nang mapagtanto ko ito, nagdasal ako sa Diyos: “Mula bukas, sadya kong isasagawa ang katotohanan at tatalikdan ang aking laman. Ilalantad ko ang katiwalian ko para makita ng iba ang aking kapangitan, makita nila kung ano ako, at hindi na nila ako idolohin.” Sa mga debosyonal kinabukasan, nagbasa ako ng ilan sa mga salita ng Diyos tungkol sa pagiging matapat at bukas, at tungkol sa kung paano dakilain ang Diyos at magpatotoo sa Kanya. Sabi sa mga salita ng Diyos: “Kapag nagpapatotoo para sa Diyos, dapat pangunahing nagsasalita kayo tungkol sa kung paano hinahatulan at kinakastigo ng Diyos ang mga tao, kung anong mga pagsubok ang ginagamit Niya para pinuhin ang mga tao at baguhin ang kanilang mga disposisyon. Dapat ring magsalita tungkol sa kung gaano nang katiwalian ang naibubunyag sa inyong karanasan, kung gaano na ang inyong natitiis at kung paano kayo nalupig kalaunan ng Diyos; magsalita kung gaanong tunay na kaalaman tungkol sa gawain ng Diyos ang mayroon kayo, at kung paano kayo dapat sumaksi para sa Diyos at suklian Siya dahil sa Kanyang pag-ibig. Dapat ninyong lagyan ng substansya ang ganitong uri ng wika, habang inilalagay ito sa isang payak na paraan. Huwag ninyong pag-usapan ang mga hungkag na teorya. Magsalita kayo nang mas makatotohanan; magsalita kayo na mula sa puso. Ganito ang dapat ninyong maranasan. Huwag ninyong sangkapan ang inyong mga sarili ng mga tila malalim at walang-lamang teorya para magyabang; sa paggawa nito ay nagmumukha kayong mapagmataas at walang-katuturan. Dapat ay magsalita kayo nang higit tungkol sa mga tunay na bagay mula sa aktuwal ninyong karanasan na totoo at mula sa puso, at magsalita mula sa puso; ito ay pinaka-kapaki-pakinabang sa iba, at pinaka-nararapat na makita nila. Dati kayo ay mga taong labis na sumasalungat sa Diyos at pinaka malabong magpasakop sa Diyos, ngunit ngayon kayo’y nalupig—huwag ninyong kalilimutan iyan. Dapat pagbulay-bulayan at pag-isipan ang mga usaping ito nang higit pa. Sa sandaling naunawaan ng mga tao ang mga ito nang malinaw, malalaman nila kung paano magpatotoo; kung hindi, baka makagawa sila ng mga kilos na kahiya-hiya at walang-katuturan(“Sa Pamamagitan Lamang ng Paghahabol sa Katotohanan Nakakamit ng Isang Tao ang Pagbabago sa Disposisyon” sa Mga Talaan ng mga Pananalita ni Cristo ng mga Huling Araw). “Sa ‘pagbabahagi at pagniniig ng mga karanasan,’ ang ibig sabihin ay pagsasabi ng bawat kaisipan sa iyong puso, iyong kalagayan, iyong mga karanasan at kaalaman sa mga salita ng Diyos, gayundin ang tiwaling disposisyon sa loob mo. At matapos iyan, natatalos ng iba ang mga bagay na ito, at tinatanggap ang positibo at kinikilala yaong negatibo. Ito lamang ang pagbabahagi, at ito lamang ang talagang pakikipagniig(“Ang Pinakasaligang Pagsasagawa ng Pagiging Isang Taong Tapat” sa Mga Talaan ng mga Pananalita ni Cristo ng mga Huling Araw). Naunawaan ko mula sa mga salita ng Diyos na para tunay na dakilain at patotoohanan ang Diyos, kailangang mas pag-usapan natin ang tungkol sa ating katiwalian at paghihimagsik, ilantad ang tunay nating kalagayan at mga saloobin, pag-usapan ang tungkol sa batayan nating mga motibo, kung anong nagawa natin at kung ano ang kinalabasan, at kung paano natin naranasan ang paghatol ng mga salita ng Diyos at nakilala ang ating mga sarili. Dapat din nating ilantad at himayin ang tiwali nating diwa nang makita ng lahat kung ano talaga tayo at sabihin kung paano tayo itinuwid at dinisiplina ng Diyos at paano Siya nagsaayos ng mga sitwasyon para patnubayan tayo nang makita ng lahat ang Kanyang pagmamahal sa tao. Kailangan din ay tunay tayong magsalita nang mula sa puso at huwag tayong magyabang o magpasikat. Ngayon na meron na akong landas ng pagsasagawa, nagkuwento ako sa iba sa pagbabahagi tungkol sa lahat ng paraan na tinatahak ko ang landas ng mga anticristo nitong mga huli. Hinimay ko ang mga nakakatakot na kahihinatnan ng kung paano ko tinahak ang landas na ito at nilinlang ang mga tao, at habang ibinabahagi ko ang tungkol dito, mas malinaw kong nakikita ang sarili ko. Pagkatapos, sinabi ng iba na hindi nila napagtanto ang alinman dito at nalinlang sila ng magaling kong pagsasalita at mabubuting gawa. Sabi ng isang sister, “Dati akala ko magaling ka sa pagsasagawa ng katotohanan, na parang kaya mong laging maging positibo sa pamamagitan ng pagbabasa ng mga salita ng Diyos. Ngayon ay nakikita ko na ikaw ay napakatiwali rin, na naging negatibo at mahina ka rin, at na pare-pareho lang ang tiwaling sangkatauhan. Hindi natin puwedeng idolohin o ilagay ang sinuman sa pedestal.” Sabi ng isa pang sister, “Dati akala ko talagang malakas ka at ayaw kong maging bukas sa iyo. Dati iniisip ko na masyado akong tiwali kumpara sa iyo! Ngayon na nagsabi ka sa amin, nakikita kong pare-pareho lang tayong lahat.” Nang marinig kong sabihin ito ng mga sister hiyang-hiya ako at puno ng pagsisisi. Sabi ko sa kanila, “Huwag niyo na akong tingalain. Tinatahak ko ang landas ng mga anticristo at iniligaw ko kayong lahat.” Tapos ay ginamit ng mga katambal ko sa trabaho at kapwa-manggagawa ang mga salita ng Diyos para tulungan akong kilalanin ang aking sarili, at pakiramdam ko bigla ay mas malapit na ako sa kanila. Mas magaan na ang loob ko nang umuwi ako noong araw na iyon. Kinagabihan, halos makalimutan ko na ang karamdaman ko at nakatulog ako nang mahimbing. Natuwa ako nang magising ako kinabukasan para malaman na bumalik na sa normal ang mukha ko. Gumaling iyon sa loob lang ng isang gabi!

Sa isang pagtitipon pagkatapos noon, binasa ko ito sa mga salita ng Diyos: “Karaniwan, pagdating sa mga hindi tama ang mga intensyon at layunin, pati na rin ang mga gustong nakikita ng iba, na mga sabik gumawa ng mga bagay-bagay, na mga malamang magdulot ng mga pagkagambala, na magagaling manalumpati ng mga relihiyosong doktrina, na mga kampon ni Satanas, at iba pa—kapag tumatayo ang mga taong ito, nagiging suliranin sila para sa iglesia, at napupunta sa wala ang pagkain at pag-inom ng mga salita ng Diyos ng mga kapatid. Kapag nakatagpo kayo ng ganitong uri ng mga taong nagkukunwari, agad na pagbawalan sila. Kung, sa kabila ng paulit-ulit na mga pagpapaalaala, hindi sila nagbabago, daranas sila ng kawalan. Kung ang mga nagmamatigas na ipilit ang kanilang paraan ay magtatangkang ipagtanggol ang kanilang sarili at susubukang pagtakpan ang kanilang mga kasalanan, dapat silang agad na tanggalin ng iglesia at huwag bigyan ng lugar para magmaniobra. Huwag mawalan ng marami sa pagsisikap na magligtas ng kaunti; at ituon ang pansin sa kabuuan(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pagbigkas ni Cristo sa Pasimula, Kabanata 17). Inihayag ng mga salita ng Diyos ang pinaka-halata kong katangian sa nakaraang taon. Magmula nang maging lider ako, lagi akong nasisiyahan na manguna sa lahat ng ginagawa ko. Nagpasikat ako na parang mas magaling ako sa lahat. Kapag pinag-uusapan namin ng mga katambal ko sa trabaho ang gawain, kahit na may sarili silang mga ideya, ako dapat lagi ang nangunguna at ibibida ko ang “higit na mahusay” kong mga opinyon. Mukha akong maagap at positibo, pero sa totoo ay gusto ko lang magpasikat sa lahat ng ginagawa ko at hangaan ako ng mga tao. Sa pag-iisip nito, napagtanto ko na idinulot ng mapagmataas kong kalikasan ang pagkilos ko nang kahiya-hiya. Iginalang ng iba ang mga opinyon ko at tinalakay ang mga bagay sa akin. Isinasabuhay nila ang katotohanang realidad—hindi sila mapang-dikta o mapagmataas. Pero inisip ko na ang ibig sabihin nito ay mas magaling ako sa kanila, at gusto ko laging maging mapanghamak at ipakita kung paanong mas magaling ako sa kanila. Katawa-tawa ang lahat ng ito. Pakiramdam ko ako ang emperador sa Ang Bagong Damit ng Emperador, walang anumang kamalayan sa sarili. Hindi ko alam kung gaanong nakakahiya ang kinikilos ko, bagkus ay nagpasikat lang sa tuwing may pagkakataon. Sa pag-iisip sa asal ko, hiyang-hiya ako. Akala ko kamangha-mangha ako dahil hindi ko talaga kilala ang sarili ko. Natakot ako habang iniisip ang landas na kinaroroonan ko, lalo na nang mabasa ko ang mga salita ng Diyos na kapag nakakita tayo ng mga taong may maling mga motibo na mahilig magpasikat dapat nating “agad na pagbawalan sila,” at kapag hindi nila pinagnilayan ang kanilang mga sarili bagkus ay nagdahilan, “dapat silang agad na tanggalin ng iglesia.” Ipinakita nito ang pagiging matuwid at pagiging maharlika ng Diyos. Nagpapasikat ako sa tuwing magkakaroon ako ng pagkakataon at sa huli ay nalinlang ko ang aking mga kapatid at inidolo pa nila ako lalo. Dahil dito ay nawalan ng puwang sa mga puso nila para sa Diyos. Palihim kong ginawang tau-tauhan ang mga kasama ko sa trabaho at hindi na sila umaakto nang responsable. Sa paglaganap ko sa iglesia, nagdulot lang ako ng pinsala nang hindi iyon namamalayan, sa buong panahon ay iniisip ko lang na isa akong papasikat na bituin. Kung hindi ako mabagsik na hinatulan ng Diyos, wala akong kahit anong matututuhan tungkol sa sarili ko o tungkol sa maling landas na kinaroroonan ko o na nasa landas ako na walang balikan. Nang maunawaan ko ito, nagsimulang magbago ang pananaw ko sa mga bagay. Dati iniisip ko na kung isa akong taong may kakayahan na tinitingala ng iba, maliit na bagay lang ang kaunting pagpapasikat, marangal pa nga iyon. Ngayon napagtanto ko na ang pagpapasikat sa isang kasuklam-suklam na paraan para tingalain ako ng mga tao ay kahiya-hiya. Naramdaman ko kung paanong nakakawalang-dangal ang hindi maunawaan ang sarili ko, ang hindi maghangad ng pagbabago ng disposisyon, at ang sundin ang mapagmataas kong disposisyon at magpasikat sa tuwing magkakaroon ako ng pagkakataon. Yaong may mga pagkatao ay kayang iwaksi ang kanilang pagiging mapagmataas, igalang ang Diyos, kumilos nang nararapat, gawin nang praktikal ang kanilang tungkulin, at magpatotoo sa Diyos sa salita at sa gawa. Ang mga taong tulad nito ay namumuhay nang makatuwiran at may dignidad.

Pagkatapos noon ay nasusuklam at nandidiri ako sa tuwing hindi sinasadya na nakakapagpasikat ako. Tapos ay sadya kong ipapaalala sa sarili ko na kailangan kong maging totoo at hindi magyabang, sino man ang kasama ko. Lalo kong kailangang maging mas praktikal sa mga pagbabahagi ko at hindi magpasikat. Bago ibahagi ang mga karanasan ko, taimtim akong magdarasal sa Diyos, hihilingin sa Kanyang bantayan ang puso ko, at itatama ko ang mga motibo ko upang makapagpatotoo pa ako lalo sa Kanya. Pagkatapos ng pagbabahagi, itatanong ko sa sarili ko kung nakapagpasikat ako sa anumang paraan sa mga nasabi ko. Minsan malalaman kong nakapagpasikat ako nang kaunti sa nasabi ko, kaya sa susunod na magtitipon kami ng parehong grupo, inilalantad ko ang aking sarili at sinusuri ang nauna kong naging asal nang sa gayon ay matimbang nila ang aking mga salita at hindi nila ako bulag na idolohin. Matapos magbahagi nang ganito, nakita ng mga kapatid ang tunay kong tayog at hindi na nila ako tiningala.

Sa pagbabalik-tanaw sa lahat ng nangyari, binigyan ako ng Diyos ng pagkakataong gawin ang tungkulin ko, pero tinahak ko ang landas ng mga anticristo para gawin ang gusto ko at naging kalaban Niya. Napakalaki ng utang ko sa Diyos. Kung hindi Niya ako dinisiplina gamit ang karamdamang iyon, nang wala ang paghatol ng Kanyang mga salita, hindi ko pa rin makikilala ang sarili ko kahit kaunti. Dati ay lagi kong kinakanta ang himno na “Alamin na ang Pagkastigo at Paghatol ng Diyos ay Pagmamahal,” pero hindi ako nagkaroon ng anumang tunay na karanasan o pag-unawa tungkol dito. Ngayon ay tunay kong naramdaman na ang paghatol, pagkastigo, pagtutuwid, at pagdidisiplina ng Diyos ay ang pinakadakila Niyang pagmamahal at pagliligtas! Labis akong naantig habang pinagbubulayan ang pagmamahal ng Diyos at nagsisi ako na hindi ko hinanap ang katotohanan. Sinabi ko sa sarili ko na kailangan kong hangaring maging matapat na tao. Sa mga pagtitipon, tumuon ako sa kung paano ibabahagi ang mga salita ng Diyos sa paraan na makapagpapatotoo sa Diyos. Kapag kasama ko ang mga kapwa-manggagawa ko, doble ang pagsisikap ko na respetuhin at tanggapin ang mga opinyon nila na naaayon sa katotohanan at itinigil ko ang pagpipigil sa kanila at pagpapasikat gaya ng ginagawa ko noon. Pantay na ang katayuan namin ng mga katambal ko sa trabaho, wala nang nangunguna sa amin ngayon. Kapag nagkakaroon ng mga problema, hinahanap ng lahat ang mga prinsipyo at isinasagawa ang mga iyon. Labis ang pagpapasalamat ko sa paghatol at pagkastigo ng Diyos na nagdulot sa aking maunawaan ang Kanyang matuwid na disposisyon at igalang Siya. Hinangad kong tumayo sa puwesto ko bilang isang nilikha habang pinaglilingkuran Siya at gawin nang mabuti ang tungkulin ko. Nagpapasalamat ako sa Makapangyarihang Diyos sa pagliligtas Niya sa akin.

Sinundan: 70. Hindi Na Isang Pasikat

Sumunod: 72. Pagsisisi ng Isang Mapagpaimbabaw

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

40. Gamot Para sa Inggit

Ni Xunqiu, TsinaSabi ng Makapangyarihang Diyos, “Ang laman ng tao ay kay Satanas, ito ay puno ng mga masuwaying disposisyon, nakakahiya ang...

60. Ang Diyos ay Napakamatuwid

Ni Zhang Lin, JapanNoong Setyembre 2012, ako ang namamahala sa gawain sa iglesia nang makilala ko ang pinuno kong si Yan Zhuo. Nalaman kong...

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito