20. Ang Kuru-kuro ng Mundo ng Relihiyon na: “Ang Paghatol ng Dakilang Puting Trono sa mga Huling Araw ay Tungkol sa Paggantimpala sa Mabubuti at Pagparusa sa Masasama, Hindi ito Kaligtasan”

Sinasabi ng mga tao sa mundo ng relihiyon: “Ang paghatol ng malaking puting trono na sinasabi sa Bibliya ay pangunahing pupuntiryahin ang mga hindi mananampalataya at huwad na mananampalataya, ito ay tungkol sa paggantimpala sa mabubuti at pagparusa sa masasama. Hindi ito kaligtasan. Pero sinasabi mo na ang paghatol ng Diyos ay isinasakatuparan upang dalisayin at iligtas ang mga tao. Sa tingin namin ay hindi ito tugma sa Bibliya, kaya’t hindi namin matatanggap ang pahayag mong ito.”

Mga Salita Mula sa Bibliya

“Ninasa kita ng aking kaluluwa sa gabi; oo, ng diwa ko sa loob ko ay hahanapin kita na masikap: sapagka’t pagka nasa lupa ang iyong mga kahatulan ay nangatututo ng katuwiran ang mga nananahan sa sanglibutan” (Isaias 26:9).

“Sapagkat dumating na ang panahon ng pasimula ng paghuhukom sa bahay ng Diyos” (1 Pedro 4:17).

“At kung ang sinumang tao’y nakikinig sa Aking mga pananalita, at hindi ingatan, ay hindi Ko siya hinahatulan: sapagkat hindi Ako naparito upang humatol sa sanlibutan, kundi upang iligtas ang sanlibutan. Siya na nagtatakwil sa Akin, at hindi tumatanggap sa Aking mga salita, ay mayroong isang hahatol sa kanya: ang salitang Aking sinalita, ay siyang sa kanya’y hahatol sa huling araw” (Juan 12:47–48).

“Gawin Mo silang banal sa pamamagitan ng Iyong katotohanan: ang salita Mo’y katotohanan. … At alang-alang sa kanila’y ginagawa Kong banal ang Aking sarili, upang sila rin ay magawang banal sa pamamagitan ng katotohanan” (Juan 17:17–19).

“Yumaon ka ng iyong lakad, Daniel; sapagka’t ang mga salita ay nasarhan at natatakan hanggang sa panahon ng kawakasan. Marami ang magpapakalinis, at magpapakaputi, at magpapakadalisay; nguni’t ang masasama ay gagawa na may kasamaan; at wala sa masasama na makakaunawa; nguni’t silang pantas ay mangakakaunawa” (Daniel 12:9–10).

“At aking dadalhin ang ikatlong bahagi sa apoy, at sila’y dadalisayin ko na parang pilak na dalisay, at sila’y susubukin ko na parang pagsubok sa ginto. Sila’y magsisitawag sa aking pangalan, at akin silang didinggin: aking sasabihin, Siya’y bayan ko; at kanilang sasabihin, Ang Panginoon ay aking Dios” (Zacarias 13:9).

Mga Salita ng Makapangyarihang Diyos ng mga Huling Araw

Ang gawain ng mga huling araw ay upang pagbukud-bukurin ang lahat ayon sa kanilang uri, at upang tapusin ang plano ng pamamahala ng Diyos, sapagkat ang oras ay malapit na at ang araw ng Diyos ay dumating na. Dinadala ng Diyos ang lahat ng nakapasok sa Kanyang kaharian—lahat ng naging tapat sa Kanya hanggang sa katapusan—tungo sa kapanahunan ng Diyos Mismo. Subalit, bago ang pagdating ng kapanahunan ng Diyos Mismo, ang gawain ng Diyos ay hindi upang magmasid sa mga gawa ng tao, o magtanong tungkol sa buhay ng tao, kundi upang hatulan ang pagkasuwail ng tao, sapagkat dadalisayin ng Diyos ang lahat ng lalapit sa harap ng Kanyang luklukan. Lahat ng nakasunod sa mga yapak ng Diyos hanggang sa araw na ito ay yaong mga nagsilapit sa harap ng luklukan ng Diyos, at yamang ganito, ang bawat isang tao na tumatanggap sa gawain ng Diyos sa huling yugto nito ang siyang pakay ng pagdadalisay ng Diyos. Sa ibang salita, ang lahat ng tumatanggap sa gawain ng Diyos sa huling yugto nito ang siyang pakay ng paghatol ng Diyos.

Sa paghatol na nagsisimula sa bahay ng Diyos na nasabi sa mga nagdaang panahon, ang “paghatol” sa mga salitang ito ay tumutukoy sa paghatol na ginagawa ng Diyos ngayon sa mga lumalapit sa harap ng Kanyang luklukan sa mga huling araw. Marahil ay may mga naniniwala sa ganoong higit-sa-karaniwang mga naguguni-guni gaya ng, sa pagdating ng mga huling araw, magtatayo ang Diyos ng malaking mesa sa mga kalangitan, na kung saan ang isang puting tapete ay ilalatag, at pagkatapos, nakaupo sa isang dakilang luklukan na ang lahat ng mga tao ay nakaluhod sa lupa, ibubunyag Niya ang mga kasalanan ng bawat tao at doon ay malalaman kung sila ay aakyat sa langit o itatapon sa lawa ng nagniningas na apoy at asupre. Anuman ang mga naguguni-guni ng tao, hindi nito mababago ang diwa ng gawain ng Diyos. Ang mga naguguni-guni ng tao ay walang iba kundi ang mga nabubuong kaisipan ng tao at nanggagaling sa utak ng tao, binuo at pinagtagni-tagni mula sa mga nakita at narinig ng tao. Samakatuwid Aking sinasabi, gaano man kaganda ang mga larawang naisip, ang mga ito ay mga iginuhit lamang na karikatura, at hindi maaaring humalili sa plano ng gawain ng Diyos. Kung tutuusin, ang tao ay nagawa nang tiwali ni Satanas, kaya papaano niya maaarok ang mga iniisip ng Diyos? Hinahaka ng tao na ang gawain ng paghatol ng Diyos ay talagang kamangha-mangha. Naniniwala ang tao na dahil ang Diyos Mismo ang nagsasagawa ng gawain ng paghatol, kung gayon ang gawaing ito ay may pinakapambihirang sukat, at hindi mauunawaan ng mga mortal, at aalingawngaw hanggang sa mga kalangitan at yayanigin ang lupa; kung hindi, papaano ito magiging gawain ng paghatol ng Diyos? Naniniwala siya na dahil ito ay gawain ng paghatol, kung gayon ang Diyos ay dapat na maging lalong kapita-pitagan at maringal habang Siya ay gumagawa, at yaong mga hinahatulan ay dapat na nagpapalahaw sa pag-iyak at nakaluhod na nagmamakaawa. Ang ganoong mga tagpo ay tiyak na kagila-gilalas at masyadong nakapupukaw…. Naguguni-guni ng bawat tao na mapaghimala ang gawain ng paghatol ng Diyos. Alam mo ba, gayunman, na, noong matagal nang sinimulan ng Diyos ang Kanyang gawain ng paghatol sa tao, nananatili kang tulog na tulog? Na, sa oras na inaakala mong ang gawain ng paghatol ng Diyos ay pormal nang nagsimula, nabago na ng Diyos ang langit at lupa? Sa oras na iyon, malamang ay noon mo pa lamang naintindihan ang kahulugan ng buhay, ngunit ang walang-awang gawain ng pagpaparusa ng Diyos ay magdadala sa iyo, na natutulog pa ring mahimbing, sa impiyerno. Saka mo lamang biglang mapagtatanto na ang gawain ng paghatol ng Diyos ay natapos na.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ginagawa ni Cristo ang Gawain ng Paghatol sa Pamamagitan ng Katotohanan

Naniniwala ang ilan na maaaring pumarito sa lupa ang Diyos sa isang hindi pa batid na panahon at magpakita sa tao, kung saan hahatulan Niya mismo ang buong sangkatauhan, susubukan ang bawat isa nang walang sinumang naiiwan. Hindi alam ng mga nag-iisip sa ganitong paraan ang yugtong ito ng gawain ng pagkakatawang-tao. Hindi paisa-isang hinahatulan ng Diyos ang tao, at hindi paisa-isang sinusubukan ang tao; hindi magiging gawain ng paghatol ang paggawa ng gayon. Hindi ba’t magkakatulad ang katiwalian ng lahat ng sangkatauhan? Hindi ba’t magkakatulad ang diwa ng lahat ng sangkatauhan? Ang hinahatulan ay ang tiwaling diwa ng sangkatauhan, ang diwa ng tao na ginawang tiwali ni Satanas, at ang lahat ng kasalanan ng tao. Hindi hinahatulan ng Diyos ang mga walang kapararakan at walang kabuluhang pagkakamali ng tao. Mapagkatawan ang gawain ng paghatol, at hindi ito isinasagawa para sa isang tiyak na tao. Sa halip, gawain ito na kung saan hinahatulan ang isang pangkat ng mga tao upang kumatawan sa paghatol sa lahat ng sangkatauhan. Sa pamamagitan ng personal na pagsasagawa ng Kanyang gawain sa isang pangkat ng mga tao, ginagamit ng Diyos sa katawang-tao ang Kanyang gawain upang kumatawan sa gawain ng buong sangkatauhan, upang unti-unting ipalaganap pagkaraan. Ganito rin ang gawain ng paghatol. Hindi hinahatulan ng Diyos ang isang tiyak na uri ng tao o isang tiyak na pangkat ng mga tao, bagkus ay hinahatulan ang hindi pagkamatuwid ng buong sangkatauhan—ang pagsalungat ng tao sa Diyos, halimbawa, o ang kawalan ng takot ng tao sa Kanya, o paggambala ng tao sa gawain ng Diyos, at kung ano-ano pa. Ang hinahatulan ay ang diwa ng pagsalungat ng sangkatauhan sa Diyos, at ang gawaing ito ay ang gawain ng paglupig sa mga huling araw. Ang gawain at salita ng Diyos na nagkatawang-tao na nasaksihan ng tao ay gawain ng paghatol sa harap ng malaking puting trono sa mga huling araw, na naisip ng tao sa mga nakaraang panahon. Ang gawain na kasalukuyang ginagawa ng Diyos na nagkatawang-tao ay siyang-siyang paghatol sa harap ng malaking puting trono. Ang Diyos na nagkatawang-tao ngayon ay ang Diyos na humahatol sa buong sangkatauhan sa panahon ng mga huling araw. Ang katawang-tao na ito at ang Kanyang gawain, Kanyang salita, at Kanyang buong disposisyon ay ang kabuuan Niya. Bagama’t may hangganan ang saklaw ng Kanyang gawain, at hindi tuwirang nasasangkot ang buong sansinukob, ang diwa ng gawain ng paghatol ay ang tuwirang paghatol sa lahat ng sangkatauhan—hindi lamang alang-alang sa mga hinirang na tao sa Tsina, o alang-alang sa isang maliit na bilang ng mga tao. Sa panahon ng gawain ng Diyos sa katawang-tao, bagama’t hindi kabilang ang buong sansinukob sa saklaw ng gawaing ito, kumakatawan ito sa gawain ng buong sansinukob, at pagkaraan Niyang tapusin ang gawain sa loob ng gawaing saklaw ng Kanyang katawang-tao, agad Niyang palalawakin ang gawaing ito sa buong sansinukob, sa katulad na paraan na lumaganap sa buong sansinukob ang ebanghelyo ni Jesus kasunod ng Kanyang muling pagkabuhay at pag-akyat sa langit. Gawain man ito ng Espiritu o gawain ng katawang-tao, gawain ito na isinasagawa sa loob ng isang limitadong saklaw, ngunit kumakatawan sa gawain ng buong sansinukob. Sa panahon ng mga huling araw, ginagampanan ng Diyos ang Kanyang gawain sa pamamagitan ng pagpapakita sa Kanyang nagkatawang-taong pagkakakilanlan, at ang Diyos sa katawang-tao ay ang Diyos na humahatol sa tao sa harap ng malaking puting trono. Espiritu man Siya o ang katawang-tao, Siya na gumagawa ng gawain ng paghatol ay ang Diyos na humahatol sa sangkatauhan sa mga huling araw. Natutukoy ito ayon sa Kanyang gawain, at hindi natutukoy ayon sa Kanyang panlabas na kaanyuan o iba pang mga kadahilanan. Bagama’t nagkikimkim ang tao ng mga kuru-kuro sa mga salitang ito, walang sinuman ang makapagtatatwa sa katunayan ng paghatol at paglupig ng Diyos na nagkatawang-tao sa lahat ng sangkatauhan. Kung anuman ang iniisip ng tao hinggil dito, ang mga katunayan, sa kabila ng lahat, ay mga katunayan. Walang sinuman ang makakayang magsabi na “Ang gawain ay ginagawa ng Diyos, ngunit ang katawang-tao ay hindi Diyos.” Wala itong katuturan, dahil ang gawaing ito ay maaari lamang gawin ng Diyos sa katawang-tao.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mas Kinakailangan ng Tiwaling Sangkatauhan ang Pagliligtas ng Diyos na Nagkatawang-tao

Ang alam mo lang ay bababa si Jesus sa mga huling araw, ngunit paano ba talaga Siya bababa? Ang isang makasalanang tulad mo, na katutubos pa lang, at hindi pa nabago, o nagawang perpekto ng Diyos, makakaayon ka ba ng puso ng Diyos? Para sa iyo, na ang dating ikaw pa rin, totoo na ikaw ay iniligtas ni Jesus, at na ikaw ay hindi itinuturing na isang makasalanan dahil sa pagliligtas ng Diyos, ngunit hindi ito nagpapatunay na ikaw ay hindi makasalanan, at hindi marumi. Paano ka magiging banal kung hindi ka pa nababago? Sa iyong kalooban, puno ka ng karumihan, sakim ka at masama, ngunit ninanais mo pa ring bumaba na kasama ni Jesus—hindi ka ganoon kasuwerte! Nalaktawan mo ang isang hakbang sa iyong pananalig sa Diyos: Natubos ka pa lang, ngunit hindi pa nabago. Para maging kaayon ka ng puso ng Diyos, kailangang ang Diyos Mismo ang gumawa ng gawain ng pagbabago at paglilinis sa iyo; kung ikaw ay tinubos lamang, wala kang kakayahang magtamo ng kabanalan. Dahil dito hindi ka magiging karapat-dapat na makibahagi sa magagandang biyaya ng Diyos, dahil nalaktawan mo ang isang hakbang sa gawain ng Diyos na pamamahala sa tao, na isang mahalagang hakbang sa pagbabago at pagperpekto. Kaya ikaw, na isang makasalanang katutubos pa lang, ay walang kakayahang direktang manahin ang pamana ng Diyos.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tungkol sa mga Pangalan at sa Pagkakakilanlan

Bago tinubos ang tao, marami sa mga lason ni Satanas ang naitanim na sa kalooban niya at, pagkatapos ng libu-libong taon ng pagtiwali ni Satanas sa kanya, nasa kanyang kalooban ang matatag na kalikasang lumalaban sa Diyos. Samakatuwid, kapag natubos na ang tao, ito ay walang iba kundi isang kaso ng pagtubos kung saan ang tao ay binili sa mataas na halaga, ngunit ang may lason na kalikasan sa kanyang kalooban ay hindi pa naaalis. Ang tao na lubhang nadungisan ay kailangang sumailalim sa isang pagbabago bago maging karapat-dapat na maglingkod sa Diyos. Sa pamamagitan ng gawaing ito ng paghatol at pagkastigo, lubusang malalaman ng tao ang marumi at tiwaling diwa sa kanyang sariling kalooban, at magagawa niyang lubos na magbago at maging malinis. Sa ganitong paraan lamang maaaring maging karapat-dapat na bumalik ang tao sa harap ng luklukan ng Diyos. Lahat ng gawaing ginagawa sa araw na ito ay para malinis at mabago ang tao; sa pamamagitan ng paghatol at pagkastigo gamit ang salita, pati na rin ng pagpipino, makakaya ng tao na maiwaksi ang kanyang katiwalian at maaaring madalisay ang tao. Sa halip na ituring ang yugtong ito ng gawain bilang pagliligtas, mas akmang sabihin na ito ay ang gawain ng pagdadalisay. Ang totoo, ang yugtong ito ay panlulupig at ang pangalawang yugto rin ng gawain ng pagliligtas. Ang tao ay nakakamit ng Diyos sa pamamagitan ng paghatol at pagkastigo gamit ang salita; at sa pamamagitan ng paggamit ng salita upang magpino, maghatol, at maglantad ganap na naibubunyag ang lahat ng karumihan, mga kuru-kuro, mga motibo, at mga indibidwal na pag-asam sa kalooban ng puso ng tao. Kahit na ang tao ay maaaring natubos at napatawad na sa kanyang mga kasalanan, ito ay maaari lamang na ituring na hindi pag-alala ng Diyos sa mga paglabag ng tao at hindi pagtrato sa tao alinsunod sa mga paglabag nito. Subalit, kapag ang tao na namumuhay sa katawang tao, ay hindi pa napapalaya mula sa kasalanan, siya ay maaaring magpatuloy lamang sa pagkakasala, inihahayag nang walang katapusan ang kanyang satanikong disposisyon. Ito ang buhay ng tao, isang walang-katapusang pagpapaulit-ulit ng kasalanan at kapatawaran. … Hindi madali para sa tao na mabatid ang kanyang mga kasalanan; wala siyang paraan para kilalanin ang kanyang sariling kalikasang nag-ugat na nang malalim, at kailangan niyang umasa sa paghatol ng salita upang makamit ang ganitong resulta. Sa ganitong paraan lamang maaaring unti-unting mabago ang tao mula sa puntong ito.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Hiwaga ng Pagkakatawang-tao 4

Ang Cristo ng mga huling araw ay gumagamit ng iba’t ibang katotohanan para maturuan ang tao, para ibunyag ang diwa ng tao, at suriin ang kanyang mga salita at gawa. Ang mga salitang ito ay binubuo ng iba’t ibang katotohanan, gaya ng tungkulin ng tao, paano dapat sundin ng tao ang Diyos, paano dapat maging tapat ang tao sa Diyos, paano dapat isabuhay ng tao ang normal na pagkatao, gayundin ang karunungan at disposisyon ng Diyos, at iba pa. Ang mga salitang ito ay nakatuon lahat sa diwa ng tao at sa kanyang tiwaling disposisyon. Partikular na, yaong mga salitang naglalantad kung paano tinatanggihan ng tao ang Diyos ay sinasabi patungkol sa kung paano kinakatawan ng tao si Satanas, at naging puwersa ng kaaway laban sa Diyos. Sa pagsasakatuparan ng Kanyang gawain ng paghatol, hindi lamang basta nililinaw ng Diyos ang likas na pagkatao ng tao sa iilang salita lamang; inilalantad, pinakikitunguhan, at tinatabas Niya nang pangmatagalan. Ang lahat ng ganitong mga pamamaraan ng paglalantad, pakikitungo, at pagpupungos ay hindi maaaring mahalinhan ng mga ordinaryong salita, kundi ng katotohanang hindi man lang taglay ng tao. Ang ganitong klaseng mga pamamaraan lamang ang matatawag na paghatol; sa pamamagitan lamang ng ganitong uri ng paghatol masusupil ang tao at makukumbinsi nang husto tungkol sa Diyos, at bukod pa riyan ay makamtan ang tunay na pagkakilala sa Diyos. Ang idinudulot ng gawain ng paghatol ay ang pagkaunawa ng tao sa tunay na mukha ng Diyos at sa katotohanan tungkol sa kanyang sariling pagkasuwail. Ang gawain ng paghatol ay nagbibigay-daan sa tao na magtamo ng malawak na pagkaunawa sa kalooban ng Diyos, sa layunin ng gawain ng Diyos, at sa mga hiwagang hindi niya maunawaan. Tinutulutan din nito ang tao na makilala at malaman ang kanyang tiwaling diwa at ang mga ugat ng kanyang katiwalian, gayundin para matuklasan ang kapangitan ng tao. Ang mga epektong ito ay bunga lahat ng gawain ng paghatol, sapagkat ang diwa ng gawaing ito ay ang mismong gawain ng pagbubukas ng katotohanan, ng daan, at ng buhay ng Diyos sa lahat ng may pananampalataya sa Kanya. Ang gawaing ito ay ang gawain ng paghatol na ginagawa ng Diyos.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ginagawa ni Cristo ang Gawain ng Paghatol sa Pamamagitan ng Katotohanan

Ang layunin ng gawain ng pagkastigo at paghatol ng Diyos ay sa diwa’y upang dalisayin ang sangkatauhan, alang-alang sa huling pahinga. Kung walang ganitong paglilinis, wala sa sangkatauhan ang maaaring maiuri sa magkakaibang mga kategorya ayon sa uri, o pumasok sa pahinga. Ang gawaing ito ay ang tanging landas ng sangkatauhan upang pumasok sa pahinga. Tanging ang paglilinis ng Diyos ang magtatanggal ng kawalan ng katuwiran ng mga tao, at tanging ang gawain Niya ng pagkastigo at paghatol ang magdadala sa liwanag sa mga masuwaying bahagi ng sangkatauhan, naghihiwalay sa mga maaaring maligtas mula sa mga hindi maaari, at ang mga mananatili mula sa mga hindi. Kapag natapos ang gawaing ito, ang lahat ng mga taong pinayagang manatili ay lilinisin at papasok sa isang mas mataas na kalagayan ng sangkatauhan kung saan magtatamasa sila ng isang mas kamangha-manghang ikalawang buhay sa lupa; sa madaling salita, uumpisahan nila ang kanilang araw ng pahinga, at mabuhay kasama ang Diyos. Matapos makastigo at mahatulan ang mga hindi pinapayagang manatili, ang kanilang tunay na mga kulay ay ganap na maihahayag, pagkatapos nito ay wawasakin silang lahat at, kagaya ni Satanas, hindi na pahihintulutang mabuhay sa lupa. Ang sangkatauhan sa hinaharap ay hindi na magsasama ng alinman sa ganitong uri ng mga tao. Hindi angkop na pumasok sa lupain ng huling pahinga ang ganitong mga tao, at hindi sila angkop na sumali sa araw ng pahingang pagsasaluhan ng Diyos at ng sangkatauhan, dahil sila ang puntirya ng kaparusahan at mga makasalanan, hindi matuwid na mga tao. Tinubos sila nang minsan, at hinatulan at kinastigo na rin sila. Minsan din silang nagbigay ng paglilingkod sa Diyos. Subalit, pagdating ng huling araw, aalisin at wawasakin pa rin sila dahil sa kasamaan nila at bilang bunga ng kanilang pagsuway at kawalang kakayahang matubos. Hindi sila kailanman muling iiral sa mundo ng hinaharap, at hindi na mamumuhay kasama ang lahi ng tao sa hinaharap. Maging mga espiritu man sila ng mga patay o mga taong nabubuhay pa rin sa laman, wawasakin ang lahat ng mga masama at lahat ng mga hindi pa naililigtas sa sandaling ang banal na nasa sangkatauhan ay pumasok na sa pahinga. Para naman sa mga masasamang espiritu at tao na ito, o ang espiritu ng matuwid na mga tao at mga gumagawa ng katuwiran, anuman ang kinabibilangan nilang kapanahunan, sa huli, ang lahat ng mga gumagawa ng kasamaan ay mawawasak, at ang lahat ng mga matuwid ay makaliligtas. Kung makatatanggap ng kaligtasan ang isang tao o espiritu ay hindi ganap na pinagpapasyahan sa batayan ng gawain ng huling kapanahunan. Sa halip, tinutukoy ito sa pamamagitan ng kung sila man ay lumaban o hindi o kaya ay naging masuwayin tungo sa Diyos. Ang mga tao sa nakaraang panahon na gumawa ng masama at hindi nakapagtamo ng kaligtasan, walang alinlangan, ay mapagtutuunan ng kaparusahan, at ang mga nasa kasalukuyang panahon na gumagawa ng masama at hindi maaaring mailigtas ay tiyak na mapagtutuunan din ng kaparusahan. Ang mga tao ay nauuri ayon sa kabutihan o kasamaan, at hindi sa pamamagitan ng kung anong kapanahunan sila nabuhay. Kapag naayos na batay sa uri, hindi sila agarang parurusahan o gagantimpalaan. Sa halip, isasakatuparan lamang ng Diyos ang gawain Niya na pagpaparusa sa masama at pagbibigay ng gantimpala sa mabuti makaraan Niyang matapos ang pagsasakatuparan ng gawain Niya ng panlulupig sa mga huling araw. Sa katunayan, pinaghihiwalay na Niya ang mga mabubuti at masasamang tao mula pa nang simulan Niyang gawin ang gawain Niya ng pagliligtas ng sangkatauhan. Iyon nga lamang, gagantimpalaan Niya ang matuwid at parurusahan ang masasama sa oras lamang na matapos Niya ang Kanyang gawain. Hindi sa paghihiwalayin Niya sila ayon sa uri pagkatapos ng Kanyang gawain at pagkatapos ay agarang mag-uumpisa na atupagin ang pagpaparusa sa masama at pagbibigay ng gantimpala sa mabuti. Sa halip, ang gampaning ito ay gagawin lamang kapag ganap nang tapos ang Kanyang gawain. Ang buong layunin sa likod ng huling gawain ng Diyos na pagpaparusa sa masama at pagbibigay ng gantimpala sa mabuti ay upang lubusang maging dalisay ang lahat ng mga tao upang maaari Siyang magdala ng isang ganap na banal na sangkatauhan sa walang hanggang pahinga. Ang yugtong ito sa gawain Niya ang pinakamahalaga. Ito ang huling yugto ng kabuuan ng Kanyang pamamahala.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Papasok sa Pahinga ang Diyos at ang Tao Nang Magkasama

Ang gawain ng paghatol ay sariling gawain ng Diyos, kaya natural na ang Diyos Mismo ang dapat gumawa nito; hindi ito maaaring gawin ng tao para sa Kanya. Sapagkat ang paghatol ay ang paglupig sa lahi ng tao sa pamamagitan ng katotohanan, walang pag-aalinlangan na magpapakita pa rin ang Diyos bilang nagkatawang-taong imahe upang gawin ang gawaing ito sa mga tao. Ibig sabihin, gagamitin ng Cristo ng mga huling araw ang katotohanan upang turuan ang mga tao sa buong mundo at ipaalam ang lahat ng katotohanan sa kanila. Ito ang gawain ng paghatol ng Diyos. Maraming may di-kasiya-siyang damdamin tungkol sa ikalawang pagkakatawang-tao ng Diyos, dahil mahirap para sa tao na paniwalaan na ang Diyos ay magkakatawang-tao upang gawin ang paghatol. Gayunpaman, kailangang sabihin Ko sa iyo na kadalasan ang gawain ng Diyos ay lumalampas nang labis sa mga inaasahan ng tao, at mahirap para sa mga isipan ng mga tao na tanggapin. Sapagkat ang mga tao ay mga uod lamang sa lupa, samantalang ang Diyos ay ang kataas-taasang Isa na pumupuno sa sansinukob; ang isipan ng tao ay katulad lamang ng isang balon ng maruming tubig na nagbubunga lamang ng mga uod, samantalang ang bawat yugto ng gawain na pinapatnubayan ng mga kaisipan ng Diyos ay ang bunga ng karunungan ng Diyos. Palaging hinahangad ng tao na makipaglaban sa Diyos, kung saan ay sinasabi Ko na hayag na hayag kung sino ang magdurusa ng kawalan sa katapusan. Ipinapayo Ko sa inyong lahat na huwag ninyong ipalagay ang inyong mga sarili na mas mahalaga kaysa ginto. Kung kaya ng iba na tanggapin ang paghatol ng Diyos, bakit hindi mo kaya? Gaano ka na ba kataas kaysa sa iba? Kung kaya ng iba na magyuko ng ulo sa harap ng katotohanan, bakit hindi mo rin magawa ang ganoon? Ang gawain ng Diyos ay mayroong hindi-mahahadlangang bilis ng pagtakbo. Hindi na Niya uulitin ang gawain ng paghatol dahil lang sa “kontribusyon” na nagawa mo, at labis kang magsisisi dahil pinalagpas mo ang gayon kagandang pagkakataon. Kung hindi mo pinaniniwalaan ang Aking mga salita, kung gayon maghintay ka na lamang sa malaking puting luklukan sa langit na magpasa ng paghatol sa iyo! Kailangang malaman mo na lahat ng Israelita ay tinanggihan at itinatwa si Jesus, gayunman ang katunayan ng pagtubos ni Jesus sa sangkatauhan ay umabot pa rin sa buong sansinukob at hanggang sa mga dulo ng mundo. Hindi ba ito isang realidad na matagal nang ginawa ng Diyos? Kung naghihintay ka pa rin kay Jesus na dalhin ka paakyat sa langit, kung gayon ay sinasabi Ko na isa kang sutil na piraso ng tuyong kahoy.[a] Hindi kikilalanin ni Jesus ang isang huwad na tagasunod na kagaya mo, na hindi tapat sa katotohanan at naghahangad lamang ng mga biyaya. Sa kabaligtaran, hindi Siya magpapakita ng awa sa paghahagis sa iyo sa lawa ng apoy upang masunog sa loob ng sampu-sampung libong taon.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ginagawa ni Cristo ang Gawain ng Paghatol sa Pamamagitan ng Katotohanan

Talababa:

a. Isang piraso ng tuyong kahoy: isang kawikaang Tsino, na ang ibig sabihin ay “walang pag-asa.”


Kaugnay na mga Extract ng Pelikula

Bakit Babalik ang Panginoon upang Gawin ang Gawaing Paghatol sa mga Huling Araw?

Ang Paghuhukom ng Diyos sa mga Huling Araw ang Kaligtasan para sa Tao

Kaugnay na mga Himno

Hahatulan at Dadalisayin ng Diyos Lahat ng Humaharap sa Luklukan Niya

Ang Paghatol ang Pangunahing Paraan ng Diyos Upang Perpektuhin ang Tao

Ibinubunyag ng Paghatol at Pagkastigo ang Pagliligtas ng Diyos

Sinundan: 19. Ang Kuru-kuro ng Mundo ng Relihiyon na: “Ang Katolisismo ang Ortodoksong Simbahan, Ang Paglisan sa Simbahang Katoliko ay Pagkakanulo sa Panginoon”

Sumunod: 21. Ang Kuru-kuro ng Mundo ng Relihiyon na: “Ang mga Mananampalataya sa Diyos ay Mabubuti na ang Pag-uugali at Nagbago na, Kaya Hindi na Nila Kailangang Tanggapin ang Paghatol at Pagdadalisay sa mga Huling Araw”

Ngayon nagsimula na ang malalaking sakuna. Paano natin masasalubong ang pagbabalik ng Panginoon at magkaroon ng pagkakataong matamo ang proteksyon ng Diyos? Makipag-ugnayan sa amin ngayon upang mahanap ang paraan.

Kaugnay na Nilalaman

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito

Kontakin Kami Gamit ang Messenger