14. Ang Kuru-kuro ng Mundo ng Relihiyon na: “Ang Pangalan ng Panginoong Jesus ay Hindi Kailanman Magbabago; Sa Pagbabalik ng Panginoon, Siya ay Tatawagin pa ring Jesus”

Batay sa mga salitang ito sa Bibliya: “At sa kanino mang iba ay walang kaligtasan: sapagkat walang ibang pangalan sa silong ng langit na ibinigay sa mga tao, na ating ikaliligtas” (Mga Gawa 4:12), at, “Si Jesucristo ay siya ring kahapon at ngayon, at magpakailanman” (Mga Hebreo 13:8), napagpapasyahan ng mundo ng relihiyon na ang pangalan ng Panginoong Jesus ay hindi kailanman magbabago, na hindi na Siya tatawagin sa iba pang pangalan sa Kanyang pagbabalik, at na ang sinumang tinatawag sa ibang pangalan ay hindi ang nagbalik na Panginoon.

Mga Salita Mula sa Bibliya

“Jehova … ito ang aking pangalan magpakailan man, at ito ang aking pinakaalaala sa lahat ng mga lahi” (Exodo 3:15).

“Si Jesucristo ay Siya ring kahapon at ngayon, at magpakailanman” (Mga Hebreo 13:8).

“At makikita ng mga Hentil ang iyong katuwiran, at ng lahat ng hari ang iyong kaluwalhatian; at ikaw ay tatawagin sa bagong pangalan, na ipangangalan ng bibig ni Jehova” (Isaias 62:2).

“Ang magtagumpay, ay gagawin Kong haligi sa templo ng Aking Diyos, at hindi na siya lalabas pa doon: at isusulat Ko sa kanya ang pangalan ng Aking Diyos, at ang pangalan ng bayan ng Aking Diyos, ang bagong Jerusalem, na mananaog buhat sa langit mula sa Aking Diyos, at ang Aking sariling bagong pangalan” (Pahayag 3:12).

“Ang may pakinig, ay makinig sa sinasabi ng Espiritu sa mga iglesia. Ang magtagumpay ay bibigyan ko ng manang natatago, at siya’y bibigyan ko ng isang batong puti, at sa bato ay may nakasulat na isang bagong pangalan, na walang nakakaalam kundi yaong tumatanggap” (Pahayag 2:17).

“Ako ang Alpha at ang Omega … sabi ng Panginoong Diyos, ngayon at nang nakaraan at sa darating, ang Makapangyarihan sa lahat” (Pahayag 1:8).

“At narinig ko ang gaya ng isang tinig ng isang makapal na karamihan, at gaya ng lagaslas ng maraming tubig, at gaya ng ugong ng malalakas na kulog na nagsasabi, Aleluya: sapagkat naghahari ang Panginoong ating Diyos na Makapangyarihan sa lahat” (Pahayag 19:6).

“At ang dalawampu’t apat na matatanda na nakaupo sa kanya-kanyang luklukan sa harapan ng Diyos, ay nagpatirapa, at nagsisamba sa Diyos. Na nangagsasabi, ‘Pinasasalamatan Ka namin, Oh Panginoong Diyos na Makapangyarihan sa lahat, na Ikaw ngayon, at noong nakaraan, at sa darating; sapagkat dala-dala Mo ang Iyong dakilang kapangyarihan, at naghari’” (Pahayag 11:16–17).

“At inaawit nila ang awit ni Moises na alipin ng Dios, at ang awit ng Cordero, na sinasabi, Mga dakila at kagilagilalas ang iyong mga gawa, Oh Panginoong Dios, na Makapangyarihan sa lahat; matuwid at tunay ang iyong mga daan, ikaw na Hari ng mga bansa. Sinong hindi matatakot, Oh Panginoon, at luluwalhatiin ang iyong pangalan?” (Pahayag 15:3–4).

Mga Salita ng Makapangyarihang Diyos ng mga Huling Araw

Sabi ng ilan, ang pangalan ng Diyos ay hindi nagbabago. Kung gayon, bakit naging Jesus ang pangalan ni Jehova? Ipinropesiya na darating ang Mesiyas, kaya bakit dumating ang isang taong nagngangalang Jesus? Bakit nagbago ang pangalan ng Diyos? Hindi ba matagal nang isinagawa ang gawaing iyon? Maaari bang hindi makagawa ang Diyos ng mas bagong gawain ngayon? Ang gawain ng kahapon ay maaaring baguhin, at ang gawain ni Jesus ay maaaring sumunod mula roon kay Jehova. Kung gayon, hindi ba maaaring sundan ng ibang gawain ang gawain ni Jesus? Kung ang pangalan ni Jehova ay maaaring palitan ng Jesus, hindi ba maaaring palitan din ang pangalan ni Jesus? Walang kakaiba rito; kaya lang napakakitid ng isipan ng mga tao. Ang Diyos ay palaging magiging Diyos. Paano man magbago ang Kanyang gawain, at paano man maaaring magbago ang Kanyang pangalan, hindi magbabago ang Kanyang disposisyon at karunungan kailanman. Kung naniniwala ka na ang Diyos ay maaari lamang tawagin sa pangalang Jesus, napakalimitado ng iyong kaalaman. Nangangahas ka bang igiit na Jesus ang magiging pangalan ng Diyos magpakailanman, na ang Diyos ay palaging tatawagin sa pangalang Jesus magpakailanman, at na hindi ito magbabago kailanman? Nangangahas ka bang igiit nang may katiyakan na ang pangalan ni Jesus ang nagwakas ng Kapanahunan ng Kautusan at magwawakas din sa huling kapanahunan? Sino ang makapagsasabi na mawawakasan ng biyaya ni Jesus ang kapanahunan?

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Paano Maaaring Tumanggap ng mga Paghahayag ng Diyos ang Taong Nililimitahan ang Diyos sa Kanyang mga Kuru-kuro?

Sa tuwing darating ang Diyos sa lupa, binabago Niya ang Kanyang pangalan, ang Kanyang kasarian, ang Kanyang larawan, at ang Kanyang gawain; hindi Niya inuulit ang Kanyang gawain. Siya ay isang Diyos na laging bago at hindi kailanman luma. Nang dumating Siya noon, tinawag Siyang Jesus; maaari pa rin ba Siyang tawaging Jesus sa oras na ito ng Kanyang pagbalik? Nang dumating Siya noon, Siya ay isang lalaki; maaari ba Siyang maging lalaki muli ngayon? Ang Kanyang gawain nang Siya ay pumarito noong Kapanahunan ng Biyaya ay ang maipako sa krus; pagdating Niyang muli, maaari ba Niyang tubusing muli ang sangkatauhan mula sa kasalanan? Maaari ba Siyang ipakong muli sa krus? Hindi ba’t iyon ay pag-uulit lamang ng Kanyang gawain? Hindi mo ba alam na ang Diyos ay palaging bago at hindi kailanman luma? Mayroong mga nagsasabi na ang Diyos ay hindi nagbabago. Ito ay tama, ngunit ito ay tumutukoy sa di-nagbabagong diwa at disposisyon ng Diyos. Ang mga pagbabago sa Kanyang pangalan at gawain ay hindi nagpapatunay na ang Kanyang diwa ay nagbago; sa madaling salita, ang Diyos ay palaging magiging Diyos, at hindi ito kailanman magbabago. Kung sinasabi mo na hindi nagbabago ang gawain ng Diyos, matatapos ba Niya ang Kanyang anim na libong taong plano ng pamamahala? Ang alam mo lamang ay hindi nagbabago ang Diyos magpakailanman, ngunit alam mo ba na ang Diyos ay palaging bago at hindi kailanman luma? Kung hindi nagbabago ang gawain ng Diyos, magagawa ba Niyang akayin ang sangkatauhan hanggang sa kasalukuyang panahon? Kung hindi nagbabago ang Diyos, bakit nagawa na Niya ang gawain sa dalawang kapanahunan? Ang Kanyang gawain ay hindi tumitigil sa pagsulong, na ang ibig sabihin ay unti-unti Niyang ibinubunyag sa tao ang Kanyang disposisyon, at ang naibubunyag ay ang Kanyang likas na disposisyon. Sa simula, ang disposisyon ng Diyos ay nakatago mula sa mga tao, hindi Niya kailanman tuwirang ibinunyag ang Kanyang disposisyon sa tao, at sadyang walang kaalaman ang tao tungkol sa Kanya. Dahil dito, ginagamit Niya ang Kanyang gawain upang unti-unting ibunyag ang Kanyang disposisyon sa tao, ngunit ang pagkilos sa ganitong pamamaraan ay hindi nangangahulugan na ang Kanyang disposisyon ay nagbabago sa bawat kapanahunan. Hindi ito ang kaso kung saan ang disposisyon ng Diyos ay patuloy na nagbabago dahil ang Kanyang kalooban ay palaging nagbabago. Sa halip, dahil sa ang mga kapanahunan ng Kanyang gawain ay magkakaiba, ang likas na disposisyon ng Diyos, sa kabuuan nito, ay unti-unti Niyang ibinubunyag sa tao, nang sa gayon ay makilala Siya ng mga tao. Ngunit hindi ito patunay na sa simula ay walang tiyak na disposisyon ang Diyos o kaya ay unti-unting nagbago ang Kanyang disposisyon sa paglipas ng mga kapanahunan—ang ganoong pagkaunawa ay hindi tama. Ibinubunyag ng Diyos sa tao ang Kanyang likas at partikular na disposisyon—kung ano Siya—ayon sa paglipas ng mga kapanahunan; ang gawain sa nag-iisang kapanahunan ay hindi makapagpapahayag ng buong disposisyon ng Diyos. At dahil dito, ang mga salitang “Ang Diyos ay palaging bago at hindi kailanman luma” ay tumutukoy sa Kanyang gawain, at ang mga salitang “Ang Diyos ay hindi nagbabago” ay tungkol sa likas na kung ano ang mayroon ang Diyos at kung ano Siya. Anupaman, hindi mo maaaring ibatay ang anim na libong taong gawain sa iisang punto, o limitahan ito gamit ang mga patay na salita. Ganito ang kahangalan ng tao. Ang Diyos ay hindi kasingpayak ng ipinapalagay ng mga tao, at ang Kanyang gawain ay hindi magtatagal sa isang kapanahunan lamang. Ang pangalang Jehova, halimbawa, ay hindi maaaring laging kumatawan sa pangalan ng Diyos; maaari ding gawin ng Diyos ang Kanyang gawain sa pangalan na Jesus. Isa itong tanda na ang gawain ng Diyos ay laging kumikilos nang pasulong.

Ang Diyos ay palaging Diyos, at hindi Siya kailanman magiging si Satanas; si Satanas ay palaging si Satanas, at hindi ito kailanman magiging Diyos. Ang karunungan ng Diyos, ang Kanyang pagiging kamangha-mangha, ang Kanyang katuwiran, at ang Kanyang pagiging maharlika ay hindi kailanman magbabago. Ang Kanyang diwa at kung ano ang mayroon Siya at kung ano Siya ay hindi kailanman magbabago. Subalit, ang Kanyang gawain ay palaging kumikilos nang pasulong, laging lumalalim, dahil ang Diyos ay palaging bago at hindi kailanman luma. Sa bawat kapanahunan ay nagkakaroon ng bagong pangalan ang Diyos, sa bawat kapanahunan ay gumagawa Siya ng bagong gawain, at sa bawat kapanahunan ay hinahayaan Niyang makita ng Kanyang mga nilalang ang bago Niyang kalooban at bagong disposisyon. Kung hindi makikita ng mga tao ang paghahayag ng bagong disposisyon ng Diyos sa bagong kapanahunan, hindi ba nila Siya ipapako magpakailanman sa krus? At sa paggawa nito, hindi ba nila binibigyang kahulugan ang Diyos?

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Pangitain ng Gawain ng Diyos 3

Ang Kapanahunan ng Biyaya ay nagsimula sa pangalan ni Jesus. Nang nagsimula si Jesus na gampanan ang Kanyang ministeryo, ang Banal na Espiritu ay nagsimulang magpatotoo sa pangalan ni Jesus, at ang pangalan ni Jehova ay hindi na binanggit; sa halip, pangunahing ginawa ng Banal na Espiritu ang bagong gawain sa pangalan ni Jesus. Ang patotoo ng mga naniwala sa Kanya ay inilahad para kay Jesucristo, at ang gawain na kanilang ginawa ay para rin kay Jesucristo. Ang konklusyon ng Kapanahunan ng Kautusan sa Lumang Tipan ay nangahulugan na ang gawain na pangunahing isinagawa sa pangalan ni Jehova ay natapos na. Simula nito, ang pangalan ng Diyos ay hindi na Jehova; sa halip Siya ay tinawag na Jesus, at magmula noon ay pangunahing sinimulan ng Banal na Espiritu ang gawain sa pangalan ni Jesus. Kaya, sa mga taong sa kasalukuyan ay kumakain at umiinom pa rin ng mga salita ni Jehova, at ginagawa pa rin ang lahat ayon sa gawain ng Kapanahunan ng Kautusan—hindi mo ba bulag na sinusunod ang mga patakaran? Hindi ka ba nananatili sa nakaraan? Batid na ninyo ngayon na ang mga huling araw ay dumating na. Maaari kaya na sa pagdating ni Jesus, Siya ay tatawagin pa ring Jesus? Sinabi ni Jehova sa mga mamamayan ng Israel na darating ang isang Mesiyas, ngunit nang Siya ay dumating, hindi Siya tinawag na Mesiyas kundi Jesus. Sinabi ni Jesus na Siya ay muling darating, at ang Kanyang pagdating ay tulad ng Kanyang pag-alis. Ito ang mga salita ni Jesus, ngunit nakita mo ba kung paano umalis si Jesus? Si Jesus ay umalis sakay ng isang puting ulap ngunit maaari kayang personal Siyang babalik sa mga tao nang nasa ibabaw ng isang puting ulap? Kung magkagayon, hindi ba Siya tatawagin pa ring Jesus? Sa muling pagdating ni Jesus, nagbago na rin ang kapanahunan, dahil dito, maaari pa rin ba Siyang tawagin na Jesus? Maaari lang bang makilala ang Diyos sa pangalan na Jesus? Hindi ba Siya maaaring tawagin sa bagong pangalan sa isang bagong kapanahunan? Maaari bang kumatawan sa Diyos, sa Kanyang kabuuan, ang larawan ng isang tao at ang isang partikular na pangalan? Sa bawat kapanahunan, gumagawa ang Diyos ng bagong gawain at Siya ay tinatawag sa bagong pangalan; paano Niya gagawin ang parehong gawain sa magkaibang kapanahunan? Paano Siya mananatili sa dati? Ang pangalan na Jesus ay ginamit para sa gawain ng pagtubos, kaya tatawagin pa rin ba Siya sa parehong pangalan pagbalik Niya sa mga huling araw? Gagawin pa rin ba Niya ang gawain ng pagtubos? Bakit iisa lamang si Jehova at si Jesus, subalit Sila ay tinatawag sa magkaibang pangalan sa magkaibang kapanahunan? Hindi ba’t ito ay sa kadahilanang magkaiba ang mga kapanahunan ng Kanilang gawain? Maaari bang kumatawan sa Diyos, sa Kanyang kabuuan, ang iisang pangalan lamang? Dahil dito, nararapat na tawagin ang Diyos sa ibang pangalan sa ibang kapanahunan, at nararapat Niyang gamitin ang pangalang ito upang baguhin ang kapanahunan at katawanin ang kapanahunan. Dahil walang anumang pangalan ang maaaring ganap na kumatawan sa Diyos Mismo, at ang bawat pangalan ay maaari lamang kumatawan sa pansamantalang aspeto ng disposisyon ng Diyos sa isang tiyak na kapanahunan; ang kailangan lang nitong gawin ay kumatawan sa Kanyang gawain. Samakatuwid, maaaring mamili ang Diyos ng anumang pangalan na angkop sa Kanyang disposisyon upang kumatawan sa buong kapanahunan. Ito man ay kapanahunan ni Jehova, o kapanahunan ni Jesus, ang bawat kapanahunan ay kinakatawan ng isang pangalan.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Pangitain ng Gawain ng Diyos 3

Ang gawain na isinagawa ni Jesus ay kumatawan sa pangalan ni Jesus, at kumatawan ito sa Kapanahunan ng Biyaya; para naman sa gawain na isinagawa ni Jehova, ito ay kumatawan kay Jehova, at kumatawan sa Kapanahunan ng Kautusan. Ang Kanilang gawain ay gawain ng isang Espiritu sa dalawang magkaibang kapanahunan. Ang gawain na isinagawa ni Jesus ay maaari lang kumatawan sa Kapanahunan ng Biyaya, at ang gawain na isinagawa ni Jehova ay maaari lang kumatawan sa Kapanahunan ng Kautusan sa Lumang Tipan. Ginabayan lang ni Jehova ang mga tao sa Israel at sa Ehipto, at sa lahat ng bansa sa labas ng Israel. Ang gawain ni Jesus sa Kapanahunan ng Biyaya sa Bagong Tipan ay ang gawain ng Diyos sa pangalan ni Jesus habang Kanyang ginagabayan ang kapanahunan. … Kahit na Sila ay tinatawag sa dalawang magkaibang pangalan, ang parehong yugto ng gawain ay isinagawa ng iisang Espiritu, at ang gawain na isinagawa ay tuluy-tuloy. Dahil iba ang pangalan, at ang nilalaman ng gawain ay iba, ang kapanahunan ay iba rin. Nang dumating si Jehova, iyon ang kapanahunan ni Jehova, at nang dumating si Jesus, iyon ang kapanahunan ni Jesus. At kaya, sa bawat pagdating, ang Diyos ay tinatawag sa isang pangalan, kumakatawan Siya sa isang kapanahunan, at nagbubukas ng isang bagong daan; at sa bawat bagong daan, Siya ay gumagamit ng bagong pangalan, na nagpapakita na ang Diyos ay laging bago at hindi kailanman luma, at na ang Kanyang gawain ay patuloy na umuunlad pasulong. Ang kasaysayan ay patuloy na sumusulong, at ang gawain ng Diyos ay patuloy na sumusulong. Upang marating ng Kanyang anim na libong taong plano ng pamamahala ang katapusan nito, kailangan nitong patuloy na umunlad pasulong. Kailangan Niyang magsagawa ng bagong gawain sa bawat araw, kailangan Niyang magsagawa ng bagong gawain sa bawat taon; kailangan Niyang magbukas ng mga bagong daan, magbukas ng mga bagong kapanahunan, magsimula ng bago at mas malaking gawain, at kasabay nito, magdala ng mga bagong pangalan at gawain.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Pangitain ng Gawain ng Diyos 3

Ang pangalang Jesus ba—“Diyos na kasama natin”—ay maaaring kumatawan sa buong disposisyon ng Diyos? Maaari ba nitong malinaw na maipaliwanag ang Diyos? Kung ang tao ay nagsasabi na ang Diyos ay maaari lang tawaging Jesus, at hindi maaaring magkaroon ng iba pang pangalan dahil hindi maaaring baguhin ng Diyos ang Kanyang disposisyon, ang mga salitang iyon ay talagang kalapastanganan sa Diyos! Naniniwala ka bang ang pangalang Jesus, Diyos na kasama natin, ay maaaring mag-isang kumatawan sa Diyos sa Kanyang kabuuan? Maaaring tawagin sa iba’t ibang pangalan ang Diyos, ngunit sa mga pangalang ito, walang kahit isa ang makakayang lumagom sa kabuuan ng Diyos, walang kahit isa na maaaring lubos na kumatawan sa Diyos. At kaya, maraming pangalan ang Diyos, ngunit ang mga pangalang ito ay hindi maaaring ganap na maipahayag ang disposisyon ng Diyos, dahil ang disposisyon ng Diyos ay napakasagana at lumalampas sa kakayahan ng tao na kilalanin Siya. Walang paraan ang tao, gamit ang wika ng tao, na ganap na mabuod ang Diyos. Ang tao ay mayroon lamang limitadong talasalitaan na magagamit upang ibuod ang lahat ng kanyang nalalaman tungkol sa disposisyon ng Diyos: dakila, iginagalang, mahiwaga, hindi maarok, pinakamataas, banal, matuwid, marunong, at iba pa. Napakaraming salita! Ang limitadong talasalitaang ito ay walang kakayahan na mailarawan kung gaano kaliit ang nasaksihan ng tao sa disposisyon ng Diyos. Kinalaunan, maraming tao ang nagdagdag ng mga salita na sa tingin nila ay mas mahusay na makapaglalarawan ng alab sa kanilang mga puso: Ang Diyos ay napakadakila! Ang Diyos ay napakabanal! Ang Diyos ay lubhang kaibig-ibig! Sa kasalukuyan, ang mga kasabihan ng tao kagaya nito ay umabot na sa kanilang sukdulan, ngunit ang tao ay wala pa ring kakayahan na malinaw na maipahayag ang sarili niya. At kaya, para sa tao, ang Diyos ay mayroong maraming pangalan, ngunit wala Siyang isang pangalan, at iyon ay sapagkat ang Kanyang pagiging Diyos ay masyadong masagana, at ang wika ng tao ay masyadong salat. Ang isang partikular na salita o pangalan ay walang kakayahan na kumatawan sa Diyos sa Kanyang kabuuan, kaya sa tingin mo ba ay maaaring gawing permanente ang Kanyang pangalan? Ang Diyos ay napakadakila at napakabanal, ngunit hindi mo Siya hahayaang magpalit ng Kanyang pangalan sa bawat bagong kapanahunan? Samakatuwid, sa bawat kapanahunan na personal na isinasagawa ng Diyos ang Kanyang sariling gawain, gumagamit Siya ng isang pangalan na naaangkop sa kapanahunan upang lagumin ang gawain na Kanyang balak gawin. Ginagamit Niya ang partikular na pangalang ito, isa na nagtataglay ng pansamantalang kahalagahan, upang kumatawan sa Kanyang disposisyon sa kapanahunang iyon. Ito ang paggamit ng Diyos ng wika ng tao upang ipahayag ang Kanyang sariling disposisyon. Gayunpaman, maraming tao na nagkaroon na ng mga karanasang espirituwal at personal nang nakita ang Diyos ang nakakaramdam pa rin na ang partikular na pangalan na ito ay walang kakayahang kumatawan sa Diyos sa Kanyang kabuuan—sa kasamaang palad, hindi ito mapipigilan—kaya hindi na tinatawag ng tao ang Diyos sa anumang pangalan, kundi basta na lamang Siyang tinatawag na “Diyos.” Ang puso ng tao ay parang puno ng pag-ibig, ngunit mukhang naliligiran din ito ng mga pagkakasalungatan, dahil hindi alam ng tao kung paano ipaliwanag ang Diyos. Kung ano ang Diyos ay napakasagana, na talagang walang paraan para ilarawan ito. Walang nag-iisang pangalan na kayang ibuod ang disposisyon ng Diyos, at walang nag-iisang pangalan na kayang maglarawan ng lahat ng kung anong mayroon at kung ano ang Diyos. Kung may magtatanong sa Akin, “Ano ba talaga ang pangalang ginagamit Mo?” Sasabihin Ko sa kanila, “ang Diyos ay Diyos!” Hindi ba iyan ang pinakamainam na pangalan para sa Diyos? Hindi ba iyan ang pinakamainam na paglagom sa disposisyon ng Diyos? Kaya bakit kayo gumugugol ng napakatinding pagsisikap sa paghahanap sa pangalan ng Diyos? Bakit kayo mag-iisip nang napakatindi, nang hindi kumakain at natutulog, para lamang sa isang pangalan? Darating ang araw na ang Diyos ay hindi na tatawaging Jehova, Jesus, o ang Mesiyas—Siya ay tatawagin na lamang na Lumikha. Sa oras na iyon, ang lahat ng mga pangalan na Kanyang ginamit sa lupa ay magtatapos, dahil ang Kanyang gawain sa lupa ay nagtapos na, pagkatapos nito, wala na Siyang pangalan. Kapag ang lahat ng bagay ay napasailalim na sa pamamahala ng Lumikha, bakit Niya kakailanganing magkaroon ng labis na naaangkop ngunit hindi ganap na pangalan? Hinahanap mo pa rin ba ang pangalan ng Diyos ngayon? Nangangahas ka pa rin bang sabihin na ang Diyos ay tinatawag lang na Jehova? Nangangahas ka pa rin bang sabihin na ang Diyos ay matatawag lang na Jesus? Matitiis mo ba ang kasalanan ng paglapastangan sa Diyos? Dapat mong malaman na ang Diyos sa simula ay walang pangalan. Gumamit lang Siya ng isa o dalawa, o maraming pangalan dahil mayroon Siyang gawaing kailangang isagawa at kailangan Niyang pamahalaan ang sangkatauhan. Anumang pangalan ang itinatawag sa Kanya, hindi ba’t ito ay Kanyang pinili nang malaya? Kakailanganin ka ba Niya—na isa sa Kanyang mga nilalang—na pagpasyahan ito? Ang pangalan kung saan tinatawag ang Diyos ay umaayon sa kung ano ang kayang maunawaan ng tao, sa wika ng tao, ngunit ang pangalang ito ay hindi isang bagay na kayang lagumin ng tao. Maaari mo lang sabihin na mayroong Diyos sa langit, na Siya ay tinatawag na Diyos, na Siya ang Diyos Mismo na may dakilang kapangyarihan, na napakarunong, napakadakila, labis na kamangha-mangha, labis na mahiwaga, at labis na makapangyarihan sa lahat, at pagkatapos ay wala ka nang masasabi pang iba; iyon lang katiting na iyon ang kaya mong malaman. Dahil dito, maaari bang kumatawan ang pangalan lang na Jesus sa Diyos Mismo? Kapag dumating na ang mga huling araw, kahit na ang Diyos pa rin ang nagsasagawa ng Kanyang gawain, kailangang magbago ang Kanyang pangalan, dahil ito ay panibagong kapanahunan na.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Pangitain ng Gawain ng Diyos 3

Kung nananabik pa rin ang tao sa pagdating ni Jesus na Tagapagligtas sa mga huling araw, at inaasahan pa rin na darating Siya sa imaheng Kanyang tinaglay sa Judea, tumigil na sana ang buong anim-na-libong-taong plano ng pamamahala sa Kapanahunan ng Pagtubos, at hindi na susulong pa. Ang mga huling araw, bukod diyan, ay hindi sana darating, at hindi sana nawakasan ang kapanahunan kailanman. Iyon ay dahil si Jesus na Tagapagligtas ay para lamang sa pagtubos at pagliligtas sa sangkatauhan. Ginamit Ko ang pangalang Jesus para lamang sa kapakanan ng lahat ng makasalanan sa Kapanahunan ng Biyaya, at hindi ito ang pangalang gagamitin Ko upang wakasan ang buong sangkatauhan. Bagama’t ang Jehova, Jesus, at Mesiyas ay kumakatawang lahat sa Aking Espiritu, ang mga pangalang ito ay nagpapahiwatig lamang ng iba’t ibang kapanahunan ng Aking plano ng pamamahala, at hindi Ako kinakatawan sa Aking kabuuan. Ang mga pangalang itinatawag sa Akin ng mga tao sa lupa ay hindi maipaliwanag nang malinaw ang Aking buong disposisyon at ang Aking kabuuan. Iba’t ibang pangalan lamang ang mga iyon na itinatawag sa Akin sa iba’t ibang kapanahunan. Kaya nga, kapag ang huling kapanahunan—ang kapanahunan ng mga huling araw—ay sumapit, magbabagong muli ang Aking pangalan. Hindi Ako tatawaging Jehova, o Jesus, lalo nang hindi Mesiyas—tatawagin Akong ang Makapangyarihang Diyos Mismo, at sa ilalim ng pangalang ito ay wawakasan Ko ang buong kapanahunan. Minsan na Akong nakilala bilang Jehova. Tinawag din Akong ang Mesiyas, at tinawag Akong minsan ng mga tao na Jesus na Tagapagligtas nang may pagmamahal at paggalang. Gayunman, ngayon ay hindi na Ako ang Jehova o Jesus na nakilala ng mga tao noong araw; Ako ang Diyos na bumalik na sa mga huling araw, ang Diyos na magbibigay-wakas sa kapanahunan. Ako ang Diyos Mismo na nagbabangon mula sa dulo ng daigdig, puno ng Aking buong disposisyon, at puspos ng awtoridad, karangalan, at kaluwalhatian. Hindi nakipag-ugnayan sa Akin ang mga tao kailanman, hindi Ako nakilala kailanman, at palagi nang walang-alam tungkol sa Aking disposisyon. Mula sa paglikha ng mundo hanggang ngayon, wala ni isa mang tao na nakakita sa Akin. Ito ang Diyos na nagpapakita sa tao sa mga huling araw ngunit nakatago sa tao. Nananahan Siya sa piling ng tao, tunay at totoo, tulad ng nagniningas na araw at naglalagablab na apoy, puspos ng kapangyarihan at nag-uumapaw sa awtoridad. Wala ni isa mang tao o bagay na hindi hahatulan ng Aking mga salita, at wala ni isa mang tao o bagay na hindi padadalisayin sa pamamagitan ng pagliliyab ng apoy. Sa huli, lahat ng bansa ay pagpapalain dahil sa Aking mga salita, at dudurugin din nang pira-piraso dahil sa Aking mga salita. Sa ganitong paraan, makikita ng lahat ng tao sa mga huling araw na Ako ang Tagapagligtas na nagbalik, at na Ako ang Makapangyarihang Diyos na lumulupig sa buong sangkatauhan. At makikita ng lahat na minsan na Akong naging handog dahil sa kasalanan para sa tao, ngunit na sa mga huling araw ay nagiging mga ningas din Ako ng araw na tumutupok sa lahat ng bagay, gayundin ang Araw ng katuwiran na nagbubunyag sa lahat ng bagay. Ito ang Aking gawain sa mga huling araw. Ginamit Ko ang pangalang ito at taglay Ko ang disposisyong ito upang makita ng lahat ng tao na Ako ay isang matuwid na Diyos, ang nagliliyab na araw, ang nagniningas na apoy, at upang lahat ay sambahin Ako, ang iisang tunay na Diyos, at upang makita nila ang Aking tunay na mukha: Hindi lamang Ako ang Diyos ng mga Israelita, at hindi lamang Ako ang Manunubos; Ako ang Diyos ng lahat ng nilalang sa buong kalangitan at sa lupa at sa karagatan.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Nakabalik Na ang Tagapagligtas Sakay ng Isang “Puting Ulap”

Kaugnay na mga Extract ng Pelikula

Bakit Tinatawag ang Diyos na Makapangyarihang Diyos sa Pagparito Niya sa mga Huling Araw?

Kaugnay na mga Sermon

Sa Pagbabalik ng Tagapagligtas, Tatawagin Pa Rin Ba Siyang Jesus?

Kaugnay na mga Himno

Mangangahas Ka Bang Igiit na ang Pangalan ng Diyos ay Hindi Kailanman Maaaring Magbago?

Ang Kahalagahan ng Pangalan ng Diyos

Gumagamit ng Iba’t Ibang Pangalan ang Diyos para Kumatawan sa Iba’t Ibang Kapanahunan

Sinundan: 13. Ang Kuru-kuro ng Mundo ng Relihiyon na: “Ang Gawain ng Diyos ay Dapat Sang-ayon sa Bibliya; Kung Walang Batayan sa Bibliya, Ito ay Maling Daan”

Sumunod: 15. Ang Kuru-kuro ng Mundo ng Relihiyon na: “Sa Pagbabalik ng Panginoon, Siya ay Lalaki, Sa Halip na Babae”

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

Tanong 14: Sa paniniwala n’yo sa Kanya, lahat kayo ay may mga sariling ideya at opinyon. Sa tingin ko ang mga ideya nyo at teyorya, ay pawang mga pakiramdam ng pansariling kamalayan, at puro ilusyon lamang ninyo sa mga bagay-bagay. Naniniwala kaming mga Komunista na ang materyalismo at teorya ng ebolusyon ang katotohanan, dahil naayon ang lahat ng yon sa syensya. Malinaw na nagbibigay ang ating bansa ng materyalista at ebolusyonistang edukasyon mula paaralang elementarya hanggang sa unibersidad. Sa tingin n’yo bakit? Yun ay para ipalaganap ang ateista at ebolusyonistang pag-iisip sa lahat ng kabataan sa murang edad, para lumayo sila sa relihiyon at ganun na rin sa pamahiin, at ng sa ganun siyentipiko at maayos nilang maipaliwanag ang lahat ng katanungan. Isang halimbawa ang, tanong tungkol sa pinagmulan ng buhay. Ignorante at makaluma ang mga tao sa nakaraan, at naniwala sa mga kwentong gaya ng paghihiwalay ni Pangu sa langit at lupa, at paglikha ni Nüwa sa mga tao. Ang mga taga-kanluran naman, ay naniwalang ang Diyos ang lumikha sa sangkatauhan. Ang totoo, mitolohiya lang at alamat ang lahat ng ito, at hindi naaayon sa syensya. Mula nang lumitaw ang teorya ng ebolusyon na nagpaliwanag sa pinagmulan ng sangkatauhan, kung paano nagmula ang tao sa mga unggoy, pinabulaanan ng teorya ng ebolusyon ang alamat ng paglikha ng Diyos sa tao. Nalikha ang lahat ng bagay sa natural na pamamaraan. Yun lamang ang katotohanan. Kaya nga Kailangan nating maniwala sa syensya, at sa teorya ng ebolusyon. Kayong lahat ay mga edukado at maraming nalalaman. Kaya bakit kayo naniniwala sa Diyos? Kaya n’yo bang sabihin sa’min ang inyong pananaw?

Sagot: Naniniwala kayong mga Komunista na ang materyalismo at teorya ng ebolusyon ang katotohanan, at kinikilala n’yo sina Marx at Darwin....

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito