25. Paano lutasin ang problema ng pagpapakasasa sa mga pakinabang ng katayuan

Mga Salita ng Makapangyarihang Diyos ng mga Huling Araw

Maraming tao sa Aking likuran ang nagnanasa sa mga pakinabang ng katayuan, nagpapakasasa sila sa pagkain, mahilig silang matulog at masusing pinangangalagaan ang laman, palaging natatakot na wala nang pag-asa para sa laman. Hindi nila ginagampanan ang kanilang nararapat na tungkulin sa iglesia, bagkus ay sinasamantala ang iglesia, o kaya ay pinagsasabihan ang kanilang mga kapatid gamit ang Aking mga salita, napinipigilan ang iba mula sa mga posisyon ng awtoridad. Palaging sinasabi ng mga taong ito na sumusunod sila sa kalooban ng Diyos at palaging sinasabi na sila ay mga kaniig ng Diyos—hindi ba ito katawa-tawa? Kung ikaw ay may mga tamang motibasyon, ngunit hindi magawang maglingkod ayon sa mga layunin ng Diyos, ikaw ay nagpapakahangal; ngunit kung ang iyong motibasyon ay hindi tama, at sinasabi mo pa rin na ikaw ay naglilingkod sa Diyos, ikaw ay isang taong sumasalungat sa Diyos, at nararapat kang parusahan ng Diyos! Wala Akong simpatya sa mga ganoong tao! Sa sambahayan ng Diyos, nagsasamantala sila, palaging nagnanasa ng mga kaginhawahan ng laman, at walang pagsasaalang-alang sa mga interes ng Diyos. Palagi nilang hinahanap kung ano ang mabuti para sa kanila, at hindi nila iniintindi ang mga layunin ng Diyos. Hindi nila tinatanggap ang pagsusuri ng Espiritu ng Diyos sa anumang ginagawa nila. Palagi silang baliko at mapanlinlang at mapandaya sa kanilang mga kapatid, na mga doble-kara, tulad ng isang soro sa ubasan, palaging nagnanakaw ng mga ubas at tinatapak-tapakan ang ubasan. Maaari bang maging mga kaniig ng Diyos ang gayong mga tao? Ikaw ba ay angkop na tumanggap ng mga pagpapala ng Diyos? Hindi ka umaako ng pasanin para sa iyong buhay at sa iglesia, ikaw ba ay angkop na tumanggap ng atas ng Diyos? Sino ang mangangahas na magtiwala sa isang katulad mo? Kapag ikaw ay naglilingkod nang ganito, maaari bang ipagkatiwala ng Diyos sa iyo ang mas malaking gawain? Hindi ba ito magdudulot ng mga pagkaantala sa gawain?

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Paano Maglingkod na Kaayon ng Kalooban ng Diyos

Ang salitang “katayuan” mismo, ay hindi isang pagsubok o isang tukso. Depende ito sa kung paano pinangangasiwaan ng mga tao ang katayuan. Kung gagawin mong tungkulin mo ang gawain ng pamumuno, bilang responsabilidad na dapat mong ipatupad, hindi ka mapipigilan ng katayuan. Kung tatanggapin mo ito bilang isang opisyal na titulo o posisyon, mahihirapan ka at tiyak na babagsak sa lupa. Ano, kung gayon, ang mentalidad na dapat taglayin ng isang tao kapag naging lider at manggagawa ng iglesia? Saan dapat nakatuon ang paghahangad mo? Kailangan mong magkaroon ng landas! Kung hindi mo hinahanap ang katotohanan at wala kang landas ng pagsasagawa, mabibitag ka ng katayuan mong ito, at babagsak ka. Ang ilang tao ay nag-iiba kapag nagkakaroon sila ng katayuan, at nagbabago ang kanilang mentalidad. Hindi nila alam kung paano magbihis, kung paano makipag-usap sa iba, kung anong tono ang dapat gamitin, kung paano makisalamuha sa mga tao, o kung anong mga ekspresyon ang ipapakita. Bilang resulta, nagsisimula silang bumuo ng imahe para sa kanilang sarili. Hindi ba’t kabuktutan ito? Ang ilang tao ay tumitingin sa mga ayos ng buhok ng mga walang pananampalataya, sa mga damit na isinusuot ng mga ito, at sa mga katangian ng pananalita at tindig ng mga ito. Ginagaya nila ang mga ito at sinusunod ang direksyon ng mga walang pananampalataya sa landas na ito. Isa ba itong positibong bagay? (Hindi.) Ano ang nangyayari dito? Bagamat mukhang mabababaw na mga kagawian ito, ang totoo, ang mga ito ay isang uri ng paghahangad. Ang mga ito ay isang imitasyon. Hindi ito ang tamang paraan. Ngayon, kaya na ninyong tukuyin ang tama sa mali sa malilinaw na imahe at pagbabalatkayong ito, ngunit kaya ba ninyong tanggihan at maghimagsik laban sa mali? (Oo, kapag alam namin ito.) Ito ang kasalukuyan ninyong tayog. Kapag sariwa sa puso ninyo ang mga ideyang ito, matutukoy at makikilala ninyo ang mga ito. Kung may motibasyon kayong hangarin ang katayuan, maaari ninyong pahupain ang pagnanais na ito nang mag-isa, para hindi kayo matulad sa nahuhumaling na tagahanga, na sa kanyang paghahabol sa kanyang idolo, ay tila isang mabangis na hayop na nawalan ng katwiran. Sa sarili mo, kaya mong makilala ang mga ideyang iyon. Kaya mong maghimagsik laban sa laman nang walang anumang tukso kapag hindi ka napapalibutan ng mga tao. Ngunit paano kung susundan ka ng mga tao, palilibutan ka, aasikasuhin ang pang-araw-araw mong pangangailangan, pakakainin at bibihisan ka, at tutugunan ang bawat pangangailangan mo? Anong mga damdamin ang mapupukaw sa puso mo? Hindi ba’t tatamasahin mo ang mga pakinabang ng katayuan? Magagawa mo pa rin bang maghimagsik laban sa laman kung gayon? Kapag nagtitipon-tipon ang mga tao sa paligid mo, kapag pinalilibutan ka nila na para kang isang bituin, paano mo pangangasiwaan ang iyong katayuan kung gayon? Ang mga bagay sa iyong kamalayan tulad ng mga bagay sa gitna ng iyong mga iniisip at ideya—pagpapahalaga sa katayuan, pagtatamasa sa katayuan, kasakiman, o maging pagkahaling sa katayuan—kaya mo bang suriin ang puso mo para hanapin ang mga bagay na ito? Makikilala mo ba ang mga ito? Kung masusuri mo ang iyong puso at makikilala ang mga bagay na ito sa loob ng iyong puso, kaya mo bang maghimagsik laban sa laman sa sitwasyong iyon? Kung wala kang kagustuhang isagawa ang katotohanan, hindi ka makakapaghimagsik laban sa mga bagay na ito. Tatamasahin mo ang mga ito at ipagdiriwang ang mga ito. Puno ng kasiyahan sa sarili, sasabihin mong, “Ang magkaroon ng katayuan bilang isang mananampalataya sa Diyos ay talagang kamangha-mangha. Bilang lider, ginagawa ng lahat ang sinasabi ko. Ang sarap sa pakiramdam. Ako ang namumuno at nagdidilig sa mga taong ito. Masunurin na sila sa akin ngayon. Kapag sinasabi kong pumunta sa silangan, walang pumupunta sa kanluran. Kapag sinasabi kong magdasal, walang nangangahas kumanta. Isa iyong tagumpay.” Pagkatapos ay magsisimula ka nang tamasahin ang mga pakinabang ng katayuan. Ano na ang magiging kahulugan sa iyo ng katayuan kung gayon? (Lason.) At bagamat lason ito, hindi mo kailangang katakutan ito. Sa mismong sitwasyong ito, kailangan mong magkaroon ng tamang paghahangad at mga tamang pamamaraan ng pagsasagawa. Kadalasan, kapag ang mga tao ay may katayuan, ngunit hindi pa nakapagkamit ng mga resulta ang gawain nila, sasabihin nila na, “Hindi ko natatamasa ang katayuan, at hindi ko natatamasa ang lahat ng naidudulot sa akin ng katayuan.” Gayunpaman, kapag nagpapakita na ng kaunting tagumpay ang kanilang gawain, at nararamdaman nilang matatag ang kanilang katayuan, nawawala nila ang kanilang katwiran at nagsasaya sa mga pakinabang ng katayuan. Naniniwala ka ba na, dahil lamang sa nakikilala mo ang tukso ay kaya mo nang maghimagsik laban sa laman? Taglay mo ba talaga ang ganoong tayog? Ang totoo ay wala kang ganoong tayog. Ang iyong pagkakilala at pagrerebelde ay nakakamit lamang sa pamamagitan ng konsiyensiya ng tao at ng pinakamababang katwiran na taglay ng tao. Iyon ang mga nagsasabi sa iyo na huwag kumilos sa ganitong paraan. Ang pamantayan ng konsiyensiya at ang kaunting katwiran na nakakamit mo sa pagkakaroon ng pananampalataya sa Diyos ang tumutulong sa iyo o naglalayo sa iyo sa maling landas. Ano ang konteksto nito? Ito ay na kapag mahal mo ang katayuan ngunit hindi mo pa ito nakakamit, maaaring taglay mo pa rin ang iyong kaunting konsiyensiya at katwiran. Maaari ka pa ring mapigilan ng mga salitang ito at maipabatid sa iyo na ang pagtatamasa ng katayuan ay hindi mabuti at hindi umaayon sa katotohanan, na hindi ito ang tamang daan, at ito ay paglaban sa Diyos, at hindi ito nakalulugod sa Kanya. Pagkatapos, kaya mo nang sadyang maghimagsik laban sa laman at tigilan ang pagtamasa ng katayuan. Kaya mong maghimagsik laban sa laman kapag wala kang mga tagumpay o mga kahusayang maipakita, ngunit sa sandaling nakagawa ka ng kahanga-hangang gawain, mapipigilan ka ba ng iyong pakiramdam ng kahihiyan, ng iyong konsiyensiya, katwiran, at ng iyong mga moral na konsepto? Ang maliit na pamantayan ng konsiyensiya na taglay mo ay malayong-malayo sa pagkakaroon ng may-takot-sa-Diyos na puso, at wala man lang magiging silbi ang iyong kaunting pananalig.

—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Paano Lutasin ang mga Tukso at Gapos ng Katayuan

Para sa inyo, ano ang espesyal sa pagiging mga lider at manggagawa? (Ang pag-ako ng higit pang responsabilidad.) Ang responsabilidad ay bahagi nito. Ito ay isang bagay na alam ninyong lahat, ngunit paano ninyo magagampanan nang maayos ang inyong mga responsabilidad? Saan kayo magsisimula? Ang pagtupad sa responsabilidad na ito nang maayos ay, sa katunayan, pagtupad nang maayos sa tungkulin ng isang tao. Kung pakikinggan, tila may kung anong espesyal sa salitang “responsabilidad,” ngunit sa huling pagsusuri, ito ay tungkulin ng isang tao. Para sa inyo, hindi madaling gawin nang maayos ang inyong tungkulin, dahil maraming bagay sa harap ninyo ang humahadlang, mga bagay tulad ng paghadlang ng katayuan, na siyang pinakamahirap para sa inyo na malampasan. Kung wala kang anumang katayuan at isa ka lamang ordinaryong mananampalataya, maaaring maharap ka sa mas kaunting tukso at magiging mas madali para sa iyo na gampanan nang maayos ang iyong tungkulin. Maaaring mamuhay ka ng isang espirituwal na buhay araw-araw, tulad ng ginagawa ng mga ordinaryong tao, kumakain at umiinom ng mga salita ng Diyos, at nagbabahaginan sa katotohanan, at nagagampanan nang maayos ang iyong mga tungkulin. Sapat na ito. Gayunpaman, kung mayroon kang katayuan, kailangan mo munang malampasan ang balakid na kaakibat ng katayuan. Kailangan mo munang makapasa sa pagsubok na ito. Paano mo malalampasan ang hadlang na ito? Hindi ito madali para sa mga ordinaryong tao, dahil malalim na nakaugat sa tao ang mga tiwaling disposisyon. Ang lahat ng tao ay namumuhay sa kanilang mga tiwaling disposisyon at likas na nahuhumaling sa paghahangad ng kasikatan, pakinabang, at katayuan. Pagkatapos magpakahirap sa pagkamit ng katayuan sa wakas, sino ang hindi lubusang magpapakasaya sa mga pakinabang nito? Kung mahal mo ang katotohanan sa puso mo at mayroon kang kaunting may-takot-sa-Diyos na puso, maingat at mapagbantay mong pangangasiwaan ang iyong katayuan, habang nagagawa mo ring hanapin ang katotohanan sa pagganap ng iyong tungkulin. Sa ganitong paraan, hindi magkakaroon ng puwang sa puso mo ang kasikatan, pakinabang, at katayuan, at hindi rin makakahadlang ang mga ito sa pagganap ng iyong tungkulin. Kung masyadong mababa ang tayog mo, dapat kang manalangin nang madalas, pigilan ang sarili mo gamit ang mga salita ng Diyos. Kakailanganin mong maghanap ng mga paraan para gumawa ng patikular na mga bagay o sadyang iwasan ang ilang kapaligiran at tukso. Halimbawa, sabihin nang ikaw ay isang lider. Kapag kasama mo ang ilang ordinaryong kapatid, hindi ba’t iisipin nila na medyo nakatataas ka sa kanila? Magiging ganito ang tingin ng tiwaling sangkatauhan dito, at isa na itong tukso para sa iyo. Hindi ito isang pagsubok, ngunit isang tukso! Kung naniniwala ka rin na nakatataas ka sa kanila, lubha itong mapanganib, ngunit kung iniisip mong mga kapantay mo sila, ang iyong mentalidad ay normal at hindi ka magugulo ng mga tiwaling disposisyon. Kung iniisip mo na bilang lider, mas mataas ang katayuan mo kaysa sa kanila, paano ka nila tatratuhin? (Titingalain nila ang lider.) Titingalain ka lang ba nila at hahangaan, wala nang iba? Hindi. Kakailanganin nilang magsalita at kumilos batay rito. Halimbawa, kung nagkasipon ka at nagkasipon din ang isang ordinaryong kapatid, sino ang una nilang aalagaan? (Ang lider.) Hindi ba’t may pinapaboran kapag gayon? Hindi ba’t isa ito sa mga pakinabang ng katayuan? Kung magkakaroon ka ng alitan sa isang kapatid, tatratuhin ka ba nila nang patas dahil sa katayuan mo? Papanigan ba nila ang katotohanan? (Hindi.) Ang mga bagay na ito ay mga tuksong kinakaharap mo. Maiiwasan mo ba ang mga ito? Paano mo dapat harapin ito? Kung tinatrato ka ng isang tao nang masama, maaaring hindi mo siya magustuhan at iisipin mo kung paano siya aatakihin, ibubukod, at gagantihan, gayong sa katunayan ay wala namang mali sa taong iyon. Sa kabilang banda, maaaring purihin ka ng ilang tao, at maliban sa hindi ka magiging tutol dito, talagang masisiyahan ka pa sa pakiramdam na ito. Hindi ba’t nakakabahala iyon? Hindi ba’t agad mong sisimulan na itaas ang ranggo at sanayin ang tagapuri mo upang siya ang mapagkakatiwalaan mo at susunod sa iniuutos mo? Kung gagawin mo iyon, anong landas ang matatahak mo? (Ang landas ng mga anticristo.) Kung mahuhulog ka sa mga tuksong ito, manganganib ka. Mabuting bagay ba na magkaroon ng mga tao sa paligid mo buong araw? Narinig Ko na ang ilang tao, pagkatapos maging lider, ay hindi ginagawa ang sarili nilang gawain o nilulutas ang mga praktikal na problema. Sa halip, ang iniisip lamang nila ay ang mga kasiyahan ng laman. Minsan ay kumakain pa sila ng mga pagkaing ginawa para lang sa kanila, habang pinaglalaba nila ang iba ng kanilang maruruming damit. Pagkaraan ng ilang panahon, nabubunyag at naititiwalag sila. Ano ang dapat ninyong gawin kapag naharap kayo sa ganitong bagay? Kung nagtataglay ka ng katayuan, pupurihin ka ng mga tao at tatratuhin ka nang may espesyal na konsiderasyon. Kung malalampasan at matatanggihan mo ang mga tuksong ito at patuloy na matatrato nang patas ang mga tao, anuman ang maging pagtrato nila sa iyo, nagpapatunay ito na ikaw ay ang nararapat na tao. Kung mayroon kang katayuan, titingalain ka ng ilang tao. Palagi silang nasa paligid mo, nambobola at pumupuri. Kaya mo bang wakasan ito? Paano ninyo pinangangasiwaan ang mga ganitong sitwasyon? Kapag hindi kayo kailangang alagaan, ngunit may isang taong nag-aabot sa inyo ng “tulong” at nanunulsol sa inyo, maaaring lihim kayong nagagalak, iniisip na dahil sa mayroon kayong katayuan ay naiiba na kayo at na dapat ninyong tamasahin nang lubos ang espesyal na pagtrato. Hindi ba’t nangyayari ang gayong mga bagay? Hindi ba’t isa itong tunay na problema? Kapag nangyari sa iyo ang gayong mga bagay, sinasaway ka ba ng puso mo? Nakararamdam ka ba ng pagkayamot at pagkasuklam? Kung ang isang tao ay hindi nakararamdam ng pagkayamot at pagkasuklam, at hindi ito tinatanggihan, at malaya ang puso sa akusasyon at paninisi, bagkus ay gustong-gusto niyang tamasahin ang mga bagay na ito, nararamdamang magandang magkaroon ng katayuan, ang gayong tao ba ay may konsiyensiya? Nagtataglay ba siya ng pagkamakatwiran? Ito ba ay isang taong naghahangad sa katotohanan? (Hindi.) Ano ang ipinapakita nito? Ito ay pagnanasa para sa mga pakinabang ng katayuan. Bagamat hindi ka makaklasipikang isang antikristo dahil dito, nagsimula ka nang tumahak sa landas ng mga anticristo. Kapag nasanay ka na sa espesyal na pagtrato, kung isang araw, hindi ka na makatanggap ng gayong espesyal na pagtrato, hindi ka ba magagalit? Kung ang ilang kapatid ay mahirap at walang pera upang magpatuloy sa iyo, tatratuhin mo ba sila nang patas? Kung may sasabihin sila sa iyong isang katunayan na ikayayamot mo, gagamitin mo ba ang iyong kapangyarihan laban sa kanila at mag-iisip ka ba kung paano sila parurusahan? Mayayamot ka ba kapag nakita mo sila at gugustuhin mo bang turuan sila ng leksyon? Kapag naiisip mo ang mga ito, malamang na gagawa ka ng kasamaan, hindi ba? Madali bang matatahak ng mga tao ang landas ng mga anticristo? Madali bang maging anticristo? (Oo.) Lubha itong nakakabalisa! Bilang mga lider at manggagawa, kung hindi ninyo hahanapin ang katotohanan sa lahat ng bagay, lumalakad kayo sa landas ng mga anticristo.

—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Paano Lutasin ang mga Tukso at Gapos ng Katayuan

Pagkatapos manampalataya sa Diyos, maraming tao ang palaging naghahangad ng katayuan at na tingalain sila ng ibang tao. Sa sambahayan ng Diyos, palagi nilang gustong mamukod-tangi sa karamihan at maging pinuno ng grupo. Alang-alang sa mga bagay na ito, tinatalikuran nila ang mga pamilya at propesyon nila, nagtitiis sila ng paghihirap at nagbabayad ng halaga, hanggang sa wakas ay nakakamit nila ang kahilingan nila at nagiging lider sila. Pagkatapos maging lider, tunay na nagiging iba ang pamumuhay ng mga taong ito. Ipinapamalas nila ang bawat aspekto ng imahe at istilong dati nang nasa kanilang isipan tungkol sa kung paano kumikilos ang mga taong may katungkulan, mula sa pananamit, pag-aayos, hanggang sa paraan ng pagsasalita at pagkilos. Natututo silang magsalita na parang isang opisyal, natututo silang utus-utusan ang mga tao, at natututo silang ipaasikaso sa mga tao ang mga pribadong usapin nila. Sa madaling salita, natututo silang maging isang opisyal. Kapag pumupunta sila sa isang lugar para maging lider, ibig sabihin ay pumupunta sila roon para maging isang opisyal. Ano ang ibig sabihin ng pagiging opisyal? Na sila ay “nagpapakapagod para magtamo ng katungkulan alang-alang sa pagkain at pananamit.” Isa itong usapin na nauukol sa mga pisikal na kasiyahan. Pagkatapos maging lider, ano ang nag-iba sa buhay nila kumpara sa dati? Iba na ang kinakain, sinusuot, at mga ginagamit nila. Kapag kumakain sila, partikular sila sa pagiging masustansiya at masarap nito. Partikular sila sa tatak at istilo ng mga damit na isinusuot nila. Kapag nakaisang taon na sila bilang isang lider sa isang partikular na lugar, nagiging matamlay at mataba sila; mula ulo hanggang paa, nakasuot sila ng mga damit na may tatak; at pawang mamahalin ang tatak ng cell phone, computer, at mga kasangkapan nila sa bahay. Ganito ba ang mga kondisyon nila bago sila naging lider? (Hindi.) Pagkatapos maging lider, hindi sila nagsikap kumita ng pera, kaya saan nila kinuha ang perang pambili ng lahat ng bagay na ito? Inabuloy ba sa kanila ng mga kapatid ang mga bagay na ito, o inilaan ba sa kanila ng sambahayan ng Diyos ang mga bagay na ito? Ni minsan ba ay nabalitaan ninyo na naglaan ang sambahayan ng Diyos ng mga bagay na ito sa bawat lider at manggagawa? (Hindi.) Kung gayon, paano nila nakuha ang mga ito? Ano’t anuman, ang mga ito ay hindi mga bagay na nakuha nila sa pamamagitan ng sarili nilang pagsisikap; sa halip, ang mga ito ay mga baga na nakuha nila matapos silang magkamit ng katayuan at maging isang “opisyal”—kung saan natatamasa nila ang mga pakinabang ng katayuan—sa pamamagitan ng pangingikil sa iba, pandaraya, at pagsamsam. Sa mga iglesia sa lahat ng dako, may mga tao bang ganito sa iba’t ibang antas ng mga lider at manggagawa na nakasalamuha ninyo? Noong una silang maging lider, wala silang pag-aari, pero sa loob ng wala pang tatlong buwan, mayroon na silang mga mamahaling computer at cell phone. Pagkatapos maging lider, iniisip ng ibang tao na dapat silang magtamasa ng mataas na pamantayan ng pagtrato—kapag lumalabas sila, dapat may sasakyan sila; dapat mas maganda kaysa sa mga karaniwang tao ang mga computer at cell phone na ginagamit nila, dapat mula sa mamahaling tatak, at kailangan nilang magpalit ng bago kapag luma na ang modelo nito. May ganito bang mga panuntunan ang sambahayan ng Diyos? Hindi kailanman nagkaroon ng mga ganitong panuntunan ang sambahayan ng Diyos, at wala ni isang kapatid ang nag-iisip ng ganito. Kaya, saan galing ang mga bagay na ito na tinatamasa ng mga lider na ito? Sa isang banda, nakuha nila ang mga bagay na ito sa pamamagitan ng pangingikil sa mga kapatid at pagpapabili sa mayayamang tao ng mga bagay na ito para sa kanila sa pamamagitan ng pagpapanggap ng paggawa ng gawain ng sambahayan ng Diyos. Bukod pa rito, sila mismo ang bumili ng mga bagay na ito sa pamamagitan ng maling paggamit at pagnanakaw ng mga handog. Hindi ba’t mga basura silang kumukuha ng pagkain at inumin nang may pandaraya? May kaibahan ba ito sa mga tao sa ilang naunang kaso na ibinahagi Ko? (Wala.) Ano ang pagkakapareho ng mga ito? Pawang ginamit nila ang posisyon nila para lustayin ang mga handog at kumuha ng mga handog sa pamamagitan ng pangingikil. Sinasabi ng ilang tao, “Sa paggawa sa sambahayan ng Diyos at sa pagiging isang lider o manggagawa, hindi ba’t kuwalipikado silang magtamasa ng mga bagay na ito? Hindi ba’t kuwalipikado silang makibahagi sa mga handog ng Diyos kasama Siya?” Sabihin mo sa Akin, kuwalipikado ba sila? (Hindi.) Kung kailangan nilang bumili ng ilang gamit para magawa ang gawain ng sambahayan ng Diyos, sa ganitong kaso, may mga panuntunan ang sambahayan ng Diyos na nagsasabing pwede nilang bilhin ang mga bagay na iyon, pero bumibili ba ang mga taong ito ng mga gamit nang alinsunod sa mga nakatakda sa mga panuntunan? (Hindi.) Ano ang nakikita ninyo na nagpapahiwatig na hindi nila ginagawa iyon? (Kung talagang kailangan nila ito para sa gawain, iisipin nila na ayos pa ang isang kagamitan hangga’t pwede pa itong gamitin, pero hinahangad ng mga anticristo ang mga mamahaling gamit na may tatak, at ginagamit nila ang mga pinakamaganda sa lahat ng bagay. Batay rito, makikita natin na ginagamit nila ang katayuan nila para tamasahin ang mga materyal na bagay na ito.) Tama. Kung kailangan ito para sa gawain, ayos pa ang isang kagamitan hangga’t pwede pa itong gamitin. Bakit kailangan pa nilang gumamit ng mga sobrang magarbo at mamahaling bagay? Isa pa, nang bilhin nila ang mga bagay na ito, nakilahok ba ang iba sa pagdedesisyon at sumang-ayon ba ang mga ito? Hindi ba’t problema ito? Kung nakilahok ang iba sa desisyon, pwede kayang sumang-ayon silang lahat na bumili ng mga mamahaling bagay na ito? Tiyak na hindi. Napakalinaw na nakuha ng mga anticristo ang mga bagay na ito sa pamamagitan ng pagnanakaw sa mga handog. Napakalinaw nito. Isa pa, mayroong panuntunan ang sambahayan ng Diyos—pinangangalagaan man ng iglesia ang mga handog o nakikipagtulungan sa gawain, hindi ito trabaho ng iisang tao lang kahit kailan. Kaya, bakit nagagawa ng mga taong ito, bilang mga indibidwal, na gamitin at gastusin ang mga handog ayon sa gusto nila? Hindi ito naaayon sa mga prinsipyo. Hindi ba’t pagnanakaw ng mga handog ang kalikasan ng mga ginagawa nilang ito? Binili nila ang mga bagay na ito at nakuha nila ang mga ito nang walang pag-apruba o pagsang-ayon ng iba pang mga lider at manggagawa, ang mas matindi pa, hindi nila ito ipinaalam sa ibang tao, at walang nakakaalam sa ginagawa nila. Hindi ba’t ang kalikasan nito ay katulad ng pagnanakaw? Ito ay tinatawag na pagnanakaw ng mga handog. Ang pagnanakaw ay panloloko. Bakit ito tinatawag na panloloko? Dahil binili nila ang mga magarbong kagamitang ito at nakuha nila ang mga ito sa pamamagitan ng pagpapanggap ng paggawa ng gawain ng sambahayan ng Diyos. Tinatawag na pandaraya ang ganitong uri ng pag-uugali, at tinatawag itong panloloko. Kalabisan ba ang pagtukoy Ko nito sa ganitong paraan? Pinalalaki Ko lang ba ang isang maliit na usapin? (Hindi.) Hindi lang ito, kundi matapos manatili sa isang lugar ang mga diumano’y lider na ito sa loob ng ilang panahon, sinusuri nila nang malinaw kung anong gawain ang ginagawa sa mundo ng mga kapatid doon, anong mga koneksiyon sa lipunan ang mayroon sila, at anong mga pakinabang ang pwede nilang mahuthot at makuha mula sa mga taong ito, at kung anong mga koneksiyon ang pwede nilang gamitin. Halimbawa, sinuman sa mga kapatid ang nagtatrabaho sa ospital, sa isang kagawaran ng gobyerno, o sa isang bangko, o sinuman ang negosyante, kanino mang pamilya ang nagmamay-ari ng tindahan, kotse, o malaking bahay, at iba pa, malinaw nilang sinusuri ang mga bagay na ito. Kasama ba sa saklaw ng gawain ng mga lider na ito ang mga bagay na ito? Bakit nila sinusuri ang mga bagay na ito? Gusto nilang gamitin ang mga koneksiyong ito, at gamitin ang mga kapatid na ito na may mga espesyal na posisyon sa mundo para magserbisyo sa kanila, maglingkod sa kanila, at magbigay sa kanila ng kaginhawahan. Akala mo ba ay ginagawa nila ito para gawin ang gawain ng iglesia, at para magbahagi ng katotohanan upang matugunan ang mga suliranin ng mga hinirang ng Diyos? Iyon ba ang ginagawa nila? May intensiyon at layunin sa likod ng lahat ng ginagawa nilang ito. Kapag gumagawa ang mga tunay na lider at manggagawa, nakatuon sila sa paglutas ng mga problema at paggawa nang maayos sa gawain ng iglesia. Hindi nila binibigyang-pansin ang mga bagay na walang kinalaman sa gawain ng iglesia. Nakatuon lang sila sa pagtatanong kung sino sa iglesia ang taos-pusong gumagawa ng tungkulin nila, sino ang epektibo sa tungkulin nila, sino ang kayang tumanggap at magsagawa sa katotohanan, at sino ang tapat sa paggawa ng tungkulin nila. Pagkatapos, itinataas nila ang ranggo ng mga ito, at iniimbestigahan ang mga taong nagsasanhi ng mga pagkagambala at kaguluhan, at hinaharap ang mga ito ayon sa prinsipyo. Tanging ang mga taong nagsasagawa nang ganito ang mga tunay na lider at manggagawa. Ginagawa ba ng mga anticristo ang mga bagay na ito? (Hindi.) Ano ang ginagawa nila? Gumagawa sila ng mga bagay-bagay at ng mga paghahanda para makuha ang mga kanais-nais na bagay para sa sarili nila, at alang-alang sa sarili nilang mga interes, pero hindi sila nagsusumikap sa gawain ng iglesia, at hindi nila ito tinatrato nang may pagpapahalaga. Samakatuwid, pagkatapos nilang magkaroon ng posisyon sa isang partikular na lugar, halos alam na nila kung sino sa mga kapatid ang makakapagbigay ng kung anong mga serbisyo para sa kanila. Halimbawa, ang sinumang nagtatrabaho sa pabrika ng gamot ay pwedeng magbigay sa kanila ng libreng gamot kapag nagkasakit sila, at magbigay sa kanila ng de-kalidad na imported na gamot; ang sinumang nagtatrabaho sa bangko ay pwedeng gawing madali para sa kanila ang magdeposito o mag-withdraw ng pera; at iba pa. Napakalinaw nilang sinusuri ang mga bagay na ito. Kinukuha nila ang loob ng mga taong ito, wala silang pakialam kung mabuti ang pagkatao ng mga taong ito o hindi. Basta’t sumusunod sa kanila ang mga taong ito at handang maging mga katuwang at tagasuporta nila, bibigyan ng mga anticristo ang mga ito ng mga kanais-nais na bagay, papanatilihing malapit sa kanila at tutustusan at poprotektahan ang mga ito, habang nagtatrabaho ang mga taong ito para patatagin ang posisyon ng mga anticristong ito sa iglesia, at mapanatili ang mga puwersa ng mga anticristong ito. Kaya, kung gusto mong malaman kung gumagawa ng tunay na gawain ang isang lider ng iglesia, tanungin mo siya tungkol sa totoong sitwasyon ng mga kapatid sa iglesiang iyon, at kung kumusta ang takbo ng gawain ng iglesia, at makikita mo nang malinaw kung talaga bang gumagawa siya ng totoong gawain. Malinaw na sinusuri ng ilang tao ang mga usapin sa pamilya at sitwasyon ng pamumuhay ng mga kapatid sa iglesia. Kung tatanungin mo sila kung sino ang nagtatrabaho sa pabrika ng gamot, kung kaninong pamilya ang nagmamay-ari ng tindahan, kaninong pamilya ang may sasakyan, kaninong pamilya ang may malaking negosyo, o kung sino ang nagtatrabaho sa anumang lokal na kagawaran at pwedeng makatulong sa mga kapatid, masasabi nila ito sa iyo nang tumpak. Kung tatanungin mo sila kung sino ang naghahangad sa katotohanan, sino ang pabaya sa kanyang tungkulin, sino ang anticristo, sino ang nagtatangkang makakuha ng loob ng mga tao, sino ang epektibo sa pagbabahagi ng ebanghelyo, o kung ilan ang mga potensiyal na tatanggap ng ebanghelyo doon sa lokal na lugar, hindi nila alam ang mga bagay na ito. Anong klaseng mga tao ito? Gusto nilang gamitin ang lahat ng koneksiyong panlipunan sa lugar nila, at pag-isahin ang mga ito para maging isang maliit na grupong panlipunan. Kaya, hindi pwedeng tawaging isang iglesia ang lugar kung nasaan ang mga lider na ito. Pagkatapos nila rito, naging isang grupong panlipunan na ito. Kapag nagtitipon-tipon ang mga taong ito, hindi nila ipinagtatapat ang nasa puso nila at hindi sila nagbabahaginan ng kanilang pagkaunawang batay sa karanasan; sa halip, tinitingnan nila kung sino ang may mas malalakas na koneksiyon, sino ang may mataas na posisyon sa lipunan at napakamatagumpay, sino ang kilalang-kilala sa lipunan, sino ang may impluwensiya sa lipunan, at sino ang makapagbibigay ng mga espesyal na maginhawang serbisyo at mga kanais-nais na bagay sa lider. Kung sino man ang mga taong ito, mayroon silang posisyon sa puso ng lider. Hindi ba’t ito ang ginagawa ng mga anticristo? (Oo.) Ano iyong ginagawa ng mga anticristo? Binubuo ba nila ang iglesia? Sinisira nila ang iglesia at winawasak nila ang iglesia, at ginugulo at ginagambala ang gawain ng sambahayan ng Diyos. Lumilikha sila ng nagsasarili nilang kaharian, ng sarili nilang pribadong grupo, at paksiyon. Ito ang ginagawa ng mga anticristo.

—Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikasiyam na Aytem (Ikalimang Bahagi)

Ang ilang tao ay walang katayuan at gumagawa ng mga karaniwang tungkulin, at kapag nagkaroon sila ng ilang kwalipikasyon, nais din nilang paglingkuran sila ng iba. Ang ilang tao ay gumagawa ng ilang mapanganib na tungkulin at nais din nilang utusan ang iba na paglingkuran sila. May ilan din na gumagawa ng mga espesyal na tungkulin at itinuturing nila ang kanilang mga tungkulin bilang isang pangunahing kondisyon, isang alas, at isang uri ng kapital para paglingkuran sila ng mga kapatid. Halimbawa, ang ilang tao ay marunong ng mga espesyal na propesyonal na kasanayan na hindi natutunan o naarok ng iba. Kapag nagsimula silang gumawa ng tungkulin sa sambahayan ng Diyos na may kaugnayan sa mga propesyonal na kasanayang ito, iniisip nila na naiiba sila sa ibang tao, na inilalagay sila sa isang mahalagang posisyon sa sambahayan ng Diyos, na nasa mas matataas na antas na sila ngayon, at lalo na nilang nararamdaman na dumoble ang kanilang halaga, at na kagalang-galang sila. Dahil dito, iniisip nila na may mga partikular na gampanin na hindi sila mismo ang kailangang gumawa, na natural lang na utusan ang iba na paglingkuran sila nang walang bayad pagdating sa mga pang-araw-araw na gampanin tulad ng paghahatid sa kanila ng pagkain o paglalaba ng kanilang mga damit. Mayroon pa ngang ilan na ginagamit ang dahilan na abala sila sa kanilang tungkulin para ipagawa sa mga kapatid ang kung ano-ano para sa kanila. Bukod sa mga bagay na talagang kailangang sila mismo ang gumawa, ipinapagawa nila sa ibang tao ang lahat ng iba pang bagay na maaari nilang ipagawa sa iba o iutos sa iba na gawin. Bakit ganito? Iniisip nila, “May kapital ako, kagalang-galang ako, isa akong bihirang talento sa sambahayan ng diyos, espesyal ang tungkuling ginagawa ko, at isa akong pangunahing tumatanggap ng paglilinang ng sambahayan ng diyos. Wala sa inyo ang kasinggaling ko, lahat kayo ay nasa mas mababang antas kumpara sa akin. Kaya kong gumawa ng espesyal na kontribusyon sa sambahayan ng diyos, at hindi ninyo iyon kaya. Kaya, dapat lang ninyo akong paglingkuran.” Hindi ba’t labis-labis at walang kahihiyan ang mga hinihinging ito? Lahat ay nagkikimkim ng mga ganitong hinihingi sa puso nila, ngunit siyempre, walang awa at walang kahihiyang hinihingi ng mga anticristo ang mga bagay na ito nang mas higit pa, at kahit gaano ka magbahagi sa kanila tungkol sa katotohanan, hindi nila isusuko ang mga ito. Ang mga ordinaryong tao ay nagtataglay rin ng mga pagpapamalas na ito ng mga anticristo, at kung mayroon silang kaunting talento o nakagawa sila ng kaunting kontribusyon, iniisip nila na karapat-dapat silang makatanggap ng espesyal na pagtrato. Hindi nila nilalabhan ang kanilang sariling mga damit at medyas at ipinapagawa nila ito sa iba, at humihingi sila nang hindi makatwiran na lumalabag sa pagkatao—lubha silang walang katwiran! Ang mga ideya at hinihinging ito ng mga tao ay wala sa loob ng saklaw ng pagkamakatwiran; sa pinakamababang antas, hindi umaayon ang mga ito sa mga pamantayan ng pagkatao at konsensiya, at sa pinakamataas na antas, hindi ito umaayon sa katotohanan. Ang mga pagpapamalas na ito ay maaaring isama lahat sa kategorya ng mga anticristong nagsusumikap para sa kanilang sariling mga pakinabang. Kayang gawin ng lahat ng nagtataglay ng mga tiwaling disposisyon ang mga bagay na ito, at nangangahas din silang gawin ang mga ito. Kung ang isang tao ay may kaunting talento at kapital at gumawa ng ilang kontribusyon, nais na nilang samantalahin ang iba, nais nilang gamitin ang pagkakataon na magawa ang kanilang tungkulin para magsumikap para sa kanilang sariling pakinabang, nais nila na nakahanda ang mga bagay-bagay para sa kanila at magtamasa ng kaligayahan at pagtrato na mula sa pag-uutos nila sa iba na paglingkuran sila. Mayroon pa ngang ilan na tinatalikuran ang kanilang mga pamilya at trabaho para gawin ang kanilang tungkulin, at sa panahong ito, nagkakaroon sila ng simpleng karamdaman at dahil dito, nagiging emosyonal sila, at nagrereklamo na walang nagmamalasakit sa kanila o nag-aalaga sa kanila. Ginagawa mo ang iyong tungkulin para sa iyong sarili, ginagawa mo ang iyong sariling tungkulin at tinutupad ang iyong sariling responsabilidad—ano ang kinalaman nito sa ibang tao? Anuman ang tungkuling ginagawa ng isang tao, hindi ito kailanman ginagawa para sa iba o para paglingkuran ang iba, at kaya, walang obligasyon ang sinuman na paglingkuran ang iba nang walang bayad o na magpag-utus-utusan ng iba. Hindi ba’t totoo ito? (Oo.) Bagamat hinihingi ng Diyos na maging mapagmahal ang mga tao, at na maging mapagpasensiya at matiisin sa ibang tao, hindi mo maaaring pansariling hilingin sa iba na maging ganito sila, at hindi iyon makatwiran. Kung ang isang tao ay kayang maging matiisin at mapagpasensiya sa iyo at ipakita sa iyo ang pagmamahal nang hindi mo ito hinihingi, nasa sa kanya na iyon. Gayumpaman, kung pinaglilingkuran ka ng mga kapatid dahil hinihingi mo ito sa kanila, kung sila ay sapilitang inuutus-utusan at ginagamit mo, o kung naglilingkod sila sa iyo dahil sa panloloko mo sa kanila, kung gayon, may problema sa iyo. Sinasamantala pa nga ng ilan ang pagkakataon na magawa ang kanilang tungkulin at madalas nila itong ginagamit para makapangikil ng mga bagay mula sa ilang mayamang kapatid, nagpapabili sa mga ito ng kung ano-ano at nagpapaserbisyo sa mga ito. Halimbawa, kung kailangan nila ng karagdagang damit, sinasabi nila sa isang kapatid, “Marunong kang magtahi ng damit, hindi ba? Magtahi ka nga ng damit para sa akin.” Sinasabi ng kapatid na iyon, “Kung gayon, maglabas ka ng pera. Bumili ka ng materyales at igagawa kita ng damit.” Hindi nila inilalabas ang kanilang pera, bagkus ay pinipilit nila ang kapatid na bumili ng materyales para sa kanila—hindi ba’t mapanlinlang ang kalikasan ng kilos na ito? Ang paggamit sa ugnayan sa mga kapatid, paggamit sa kanilang sariling kapital, paggamit sa pagkakataon na magawa ang kanilang tungkulin upang humingi ng iba’t ibang serbisyo at pagtrato mula sa mga kapatid, upang utusan ang mga kapatid na magtrabaho para sa kanila—mga pagpapamalas ang lahat ng ito ng mababang karakter ng mga anticristo.

—Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikasiyam na Aytem (Ikaapat na Bahagi)

Maaaring walang gayong kapangyarihan at katayuan ang mga ordinaryong tao, ngunit nais din nilang magkaroon ng magandang pagtingin ang ibang tao tungkol sa kanila, at magkaroon ng mataas na tingin ang mga tao sa kanila, at iangat sila sa mataas na katayuan ng mga ito, sa puso ng mga ito. Ito ay isang tiwaling disposisyon, at kung hindi nauunawaan ng mga tao ang katotohanan, wala silang kakayahang makilala ito. Ang mga tiwaling disposisyon ang pinakamahirap makilala sa lahat: Madaling makilala ang sarili mong mga pagkakamali at pagkukulang, pero hindi ang makilala ang sarili mong tiwaling disposisyon. Ang mga taong hindi kilala ang kanilang sarili ay hindi kailanman tinatalakay ang kanilang mga tiwaling kalagayan—palagi nilang iniisip na maayos sila. At nang hindi nila namamalayan, nagsisimula silang magpakitang-gilas: “Sa lahat ng mga taong sumasampalataya ako, dumaan na ako sa napakaraming pag-uusig at pinagdusahan ko na ang napakaraming paghihirap. Alam ba ninyo kung paano ko ito napagtagumpayang lahat?” Mapagmataas na disposisyon ba ito? Ano ang motibasyon sa likod ng kanilang pagpapasikat? (Para tumaas ang tingin sa kanila ng mga tao.) Ano ang motibo nila sa pagsisikap na mapataas ang tingin sa kanila ng mga tao? (Para mabigyan sila ng katayuan sa isipan ng gayong mga tao.) Kapag nabigyan ka ng katayuan sa isipan ng iba, kung gayon ay kapag kasama ka niya, may paggalang siya sa iyo, at mas magalang siya kapag kausap ka niya. Palagi ka niyang tinitingala, palagi ka niyang pinauuna sa lahat ng bagay, pinagbibigyan ka niya, binobola at sinusunod ka niya. Sa lahat ng bagay, hinahanap ka niya at hinahayaan kang magdesisyon. At nakadarama ka ng kasiyahan mula rito—pakiramdam mo ay mas malakas at mas mahusay ka kaysa sa sinuman. Gusto ng lahat ang pakiramdam na ito. Ito ang pakiramdam ng pagkakaroon ng katayuan sa puso ng isang tao; nais ng mga taong magpakasasa rito. Ito ang dahilan kung bakit nakikipagpaligsahan ang mga tao para sa katayuan, at ninanais ng lahat na mabigyan ng katayuan sa puso ng iba, na hangaan at sambahin sila ng iba. Kung hindi nila makukuha ang ganoong kasiyahan na dulot nito, hindi sila maghahangad ng katayuan. Halimbawa, kung wala kang katayuan sa isipan ng isang tao, pakikisamahan ka niya bilang kapantay niya, pakikitunguhan ka niya bilang kapantay niya. Kokontrahin ka niya kapag kinakailangan, hindi sila gumagalang o rumerespeto sa iyo, at maaari pa ngang iwanan ka nila bago ka pa matapos sa pagsasalita. Magagalit ka ba? Hindi mo gusto kapag tinatrato ka nang ganito ng mga tao; gusto mo kapag binobola ka nila, tinitingala ka, at sinasamba ka sa bawat pagkakataon. Gusto mo kapag ikaw ang sentro ng lahat, lahat ng bagay ay umiikot sa iyo, at lahat ng tao ay nakikinig sa iyo, tumitingala sa iyo, at nagpapasakop sa iyong direksiyon. Hindi ba’t ito ay isang pagnanais na mamayani bilang isang hari, na magkaroon ng kapangyarihan? Ang iyong mga salita at gawa ay itinutulak ng paghahangad at pagtatamo ng katayuan, at nakikipaglaban, nakikipag-unahan, at nakikipagkumpetensiya ka sa iba para dito. Ang layon mo ay ang makakuha ng isang posisyon, at magawang makinig sa iyo, sumuporta sa iyo, at sumamba sa iyo ang mga hinirang ng Diyos. Kapag nasa iyo na ang posisyon na iyon, mapapasaiyo na ang kapangyarihan at matatamasa mo na ang mga pakinabang ng katayuan, paghanga ng iba, at lahat ng iba pang mga pakinabang na kasama ng posisyong iyon. Ang mga tao ay palaging nagbabalatkayo, nagpapakitang-gilas sa iba, nagkukunwari, nagpapanggap, at nagpapalamuti ng sarili upang isipin ng iba na perpekto sila. Ang layunin nila rito ay para magkamit ng katayuan, upang matamasa nila ang mga benepisyo ng katayuan. Kung hindi ka naniniwala rito, pag-isipan mo ito nang mabuti: Bakit palagi mong nais na mataas ang tingin sa iyo ng mga tao? Gusto mong sambahin ka nila at tingalain ka nila, upang kalaunan ay makuha mo ang kapangyarihan at matamasa ang mga benepisyo ng katayuan. Ang katayuan na labis mong hinahangad ay magdadala sa iyo ng maraming pakinabang, at ang mga pakinabang na ito ang mismong kinaiinggitan at hinahangad ng iba. Kapag natikman ng mga tao ang maraming pakinabang na ibinibigay ng katayuan, nalalasing sila rito, at nagpapakasasa sila sa marangyang buhay na iyon. Iniisip ng mga tao na ito lamang ang isang buhay na hindi nasayang. Ang tiwaling sangkatauhan ay nalulugod sa pagpapakasasa sa mga bagay na ito. Samakatuwid, kapag ang isang tao ay nakamit ang isang partikular na posisyon at nagsimulang magtamasa ng iba’t ibang pakinabang na dulot nito, walang humpay siyang magnanasa sa mga makasalanang kasiyahang ito, hanggang sa puntong hindi na niya mabitiwan ang mga ito. Sa diwa, ang paghahangad sa katanyagan at katayuan ay bunsod ng pagnanasa na magpadala sa mga pakinabang na dulot ng isang partikular na posisyon, na mamayani bilang isang hari, na magkaroon ng kontrol sa mga taong hinirang ng Diyos, na magkaroon ng kapangyarihan sa lahat ng bagay, at magtatag ng isang malayang kaharian kung saan maaari siyang magpakasaya sa mga benepisyo ng kanilang katayuan at magpakasasa sa makasalanang mga kasiyahan. Gumagamit si Satanas ng lahat ng uri ng pamamaraan para linlangin, lokohin, at dayain ang mga tao, na nagbibigay sa kanila ng huwad na impresyon. Gumagamit pa ito ng pananakot at pagbabanta para hangaan at katakutan ito ng mga tao, na ang panghuling layon ay mahikayat silang magpasakop kay Satanas at sambahin ito. Ito ang nagpapalugod kay Satanas; ito rin ang layon nito sa pakikipagpaligsahan sa Diyos para makuha ang loob ng mga tao. Kaya, kapag nakikipaglaban kayo sa ibang mga tao para sa katayuan at reputasyon, ano ang ipinaglalaban ninyo? Para ba talaga maging bantog? Hindi. Ang totoong ipinaglalaban mo ay ang mga kapakinabangang hatid sa iyo ng kabantugan. Kung gusto mong palaging matamasa ang mga pakinabang na iyon, kailangan mong ipaglaban ang mga ito. Ngunit kung hindi mo pinahahalagahan ang mga pakinabang na iyon at sasabihin mong, “Hindi mahalaga kung paano ako itrato ng mga tao. Isa lang akong ordinaryong tao. Hindi ako karapat-dapat sa gayon kabuting pakikitungo, wala rin akong pagnanais na sumamba sa isang tao. Ang Diyos lamang ang Siyang dapat kong tunay na sambahin at katakutan. Siya lamang ang aking Diyos at aking Panginoon. Gaano man kahusay ang isang tao, gaano man kagaling ang kanyang mga abilidad, gaano man kalawak ang kanyang talento, o gaano karingal o kaperpekto ang kanyang imahe, hindi siya ang layon ng aking pagpipitagan dahil hindi siya ang katotohanan. Hindi siya ang Lumikha; hindi siya ang Tagapagligtas, at hindi niya kayang pangasiwaan o pagharian ang kapalaran ng tao. Hindi siya ang layon ng aking pagsamba. Walang taong karapat-dapat sa aking pagsamba,” hindi ba’t naaayon ito sa katotohanan? Sa kabilang banda, kung hindi mo sinasamba ang iba, paano mo sila dapat pakitunguhan kung magsisimula silang sumamba sa iyo? Dapat kang humanap ng paraan para pigilan silang gawin iyon, at tulungan silang makawala sa ganoong kaisipan. Dapat kang humanap ng paraan para ipakita sa kanila ang tunay mong pagkatao, at hayaan silang makita ang iyong kapangitan at tunay na kalikasan. Ang susi ay ang maipaunawa sa mga tao na gaano man kahusay ang iyong kakayahan, gaano man kataas ang iyong pinag-aralan, gaano ka man kamaalam, o gaano katalino, isa ka pa ring ordinaryong tao. Hindi ka isang taong pinagtutuunan ng paghanga at pagsamba ng sinuman. Una sa lahat, dapat kang manindigan sa iyong posisyon, at hindi umatras pagkatapos mong magkamali o mapahiya. Kung pagkatapos magkamali o mapahiya, hindi ka lang nabigong kilalanin ito, ngunit gumamit ka rin ng panlilinlang para itago o pagtakpan ito, pinalalaki mo ang iyong pagkakamali at mas pinapapangit ang iyong sarili. Mas lumilitaw ang iyong ambisyon.

—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang mga Prinsipyong Dapat Gumabay sa Asal ng Isang Tao

Sa sandaling magkamit ng katayuan ang isang anticristo, wala nang makakapigil sa kanya—nakikita niya ang ibang mga tao bilang mga bagay na tinatapak-tapakan, at sa lahat ng ginagawa niya ay gusto niyang agawin ang atensyon, para magsamantala nang husto. Sinisikap niyang makalamang sa lahat ng ginagawa niya, pati na rin sa pananalita niya. Anumang pwesto ang kanyang upuan, gusto niya itong maging espesyal. Anumang pagtrato ang kanyang tinatamasa sa sambahayan ng Diyos, gusto niya itong maging mas maganda kaysa sa tinatanggap ng iba. Gusto niyang maging mas mataas ang tingin sa kanya ng lahat at magkaroon ng mas mataas na pagpapahalaga sa kanya ang lahat kaysa sa iba. Kapag wala siyang katayuan, gusto niya itong agawin, at sa oras na mayroon na siyang katayuan ay nagiging napakayabang niya. Dapat na tumingala sa kanya ang sinumang nakikipag-usap sa kanya, walang puwedeng maglakad kasabay niya, at sa halip ay dapat na manatili ng isa o dalawang hakbang sa likod niya; walang puwedeng magsalita sa kanya nang napakalakas o napakasakit, gumamit ng mga maling salita, o tumingin sa kanya nang masama. Pipintasan niya ang lahat, at may masasabi siya tungkol sa mga ito. Walang puwedeng magpasama ng loob niya o pumuna sa kanya; sa halip, dapat maging magalang ang lahat sa kanya, sumipsip sa kanya, at bolahin siya. Sa sandaling magkaroon ng katayuan ang isang anticristo, kikilos siya nang walang pakundangan at kung paano man niya gustuhin saan man siya magpunta, at magpapakitang-gilas para hangaan siya ng iba. Hindi lamang siya nagpapakasaya sa katayuan at talagang pinahahalagahan ang paghanga ng iba, partikular din na importante sa kanya ang mga materyal na kasiyahan. Gusto niyang manatili sa mga host na nagbibigay ng pinakamahusay na pagtrato. Sinuman ang kanyang host, may mga partikular siyang hinihingi pagdating sa kanyang kinakain, at kung hindi masyadong masarap ang pagkain, hahanap siya ng pagkakataon para pungusan ang kanyang host. Ayaw niyang tanggapin ang anumang mabababang kalidad na kasiyahan—ang lahat ng kanyang pagkain, damit, tinutuluyan, at transportasyon ay dapat na may pinakamataas na kalidad, hindi puwede ang karaniwan lang. Hindi niya kayang tanggapin ang mga bagay na katulad ng tinatanggap ng mga regular na mga kapatid. Kung ang iba ay bumabangon nang ika-5 o ika-6 nang umaga, siya ay babangon ng ika-7 o ika-8 nang umaga. Dapat na ilaan para sa kanya ang pinakamasasarap na pagkain at aytem. Kahit ang mga handog ng mga tao ay dapat muna niyang salain, at itatago niya anuman ang maganda at mahalaga, o anuman ang magustuhan niya, at iiwan ang mga tira-tira para sa iglesia. At may isa pang pinaka-nakakasuklam na ginagawa ng mga anticristo. Ano ito? Kapag may katayuan na sila, mas ginaganahan sila, lumalawak ang kanilang abot-tanaw, at natututo silang magpakasaya, pagkatapos ay nagkakaroon sila ng pagnanais na gumastos, kumonsumo, at dahil dito ay gusto nilang mapunta sa kanila ang lahat ng perang ginagamit ng iglesia para sa gawain nito, para ilaan ito kung paano man nila gusto, at para kontrolin ito ayon sa kanilang kagustuhan. Partikular na nagsasaya sa ganitong uri ng kapangyarihan at ganitong uri ng pagtrato ang mga anticristo, at kapag may kapangyarihan na sila, gusto nilang ilagay ang kanilang pangalan sa lahat ng bagay, tulad sa lahat ng tseke at iba’t ibang kasunduan. Gusto nilang namnamin ang sarap ng pakiramdam na iyon ng walang humpay na pagpirma gamit ang panulat, ng pagwaldas ng pera na parang tubig. Kapag walang katayuan ang isang anticristo, walang makakakita ng ganitong mga pagpapamalas sa kanya, o na siya ay ganitong uri ng tao, na mayroon siyang ganitong uri ng disposisyon, na gagawa siya ng gayong mga bagay. Pero sa oras na magkamit na siya ng katayuan, nabubunyag ang lahat ng ito. Kung siya ay nahalal sa umaga, sa hapon ding iyon ay nagiging napakayabang niya, mapagmalaki, lumalaki ang ulo, at wala siyang pakialam sa mga ordinaryong tao. Napakabilis ng nangyayaring pagbabago. Pero sa totoo lang, hindi siya nagbago—nabunyag lang siya. Nagpapakita siya ng mga kayabangang ito, at ano ang gagawin niya? Gusto niyang gamitin ang iglesia para mabuhay, para magpakasasa sa mga pakinabang ng katayuan. Sa tuwing may nagpapakain ng masarap, dali-dali niya itong kinakain, kasabay ng panghihingi ng mga suplementong pagkalusugan para mapanatili ang kanyang mabahong laman. Ang pagpapakasaya ng mga anticristo sa mga espesyal na pribilehiyo ay madalas na nangyayari; may mga pagkakaiba lang pagdating sa antas ng tindi. Kapag naging lider ang sinumang kumakapit sa kasiyahan ng laman, gusto niyang magpakasaya sa mga espesyal na pribilehiyo. Ito ang disposisyon ng mga anticristo. Sa sandaling magkaroon sila ng katayuan, ganap silang nag-iiba. Iniingatan nila nang mahigpit at sigurado sa paningin nila, sa kanilang pagkakahawak, ang lahat ng kasiyahan at espesyal na pagtrato na kasama ng katayuan, at hindi nila bibitiwan, luluwagan ang pagkakahawak sa isang piraso nito, o hahayaang makawala kahit katiting nito. Alin sa mga pagpapamalas at pagsasagawang ito ng mga anticristo ang pagkilos na naaayon sa mga katotohanang prinsipyo? Wala ni isa. Ang bawat isa sa mga ito ay nakakasuka at nakakasuklam tingnan; hindi lang hindi naaayon ang kanilang mga pagsasagawa at pagpapamalas sa mga katotohanang prinsipyo, kundi tiyak na hindi sila nagtataglay ng katiting na konsensiya, katwiran, o kahihiyan. Kapag may katayuan ang mga anticristo, bukod sa walang pakundangan silang gumagawa ng mga mali at pinagsisikapan ang kanilang sariling kapangyarihan at katayuan, hindi lang sila bigong gumawa ng anumang bagay na makikinabang ang gawain ng iglesia o ang buhay pagpasok ng mga kapatid, nagpapakasaya pa sila sa mga pakinabang ng katayuan, kasiyahan ng laman, at paghanga at paggalang sa kanila ng mga tao. Naghahanap pa nga ang ilang anticristo ng mga taong maglilingkod sa kanila, ibang taong magsisilbi sa kanila ng tsaang iniinom nila, maglalaba ng kanilang mga sinusuot na damit, at pati pa nga ang pagkakaroon ng isang partikular na taong maghihilod ng likod nila kapag sila ay naliligo, at isang nagsisilbi sa kanila kapag sila ay kumakain. Ang mas malala pa rito, mayroon pa ngang nakahandang menu ang ilan para sa bawat isa sa tatlong beses na pagkain sa isang araw, at bukod pa rito, gusto nilang uminom ng mga suplementong pangkalusugan, at na bigyan ng lahat ng uri ng sopas na pinakulo para sa kanila. May kahihiyan ba ang mga anticristo? Wala, wala silang kahihiyan! Masasabi ba ninyong medyo maluwag ang basta pungusan lang ang ganoong uri ng tao? Makakaramdam ba sila ng kahihiyan kung sila ay pupungusan? (Hindi.) Kung gayon, paano malulutas ang isyung ito? Napakasimple nito. Pagkatapos silang pungusan, ilantad sila, at ipaalam sa kanila kung ano sila. Pumayag man sila rito o hindi, dapat silang tanggalin at dapat silang tanggihan ng lahat.

—Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikalabing-isang Aytem

Gustong-gusto ng tiwaling tao na hangarin ang katayuan at tamasahin ang mga pakinabang nito. Totoo ito para sa sinumang tao, kasalukuyan ka mang may katayuan o wala: Napakahirap talikuran ang katayuan at alisin ang mga tukso nito. Nangangailangan ito ng higit na kooperasyon ng tao. Ano ang kaakibat ng naturang pagtutulungan? Una, ang paghahanap sa katotohanan, pagtanggap sa katotohanan, pag-unawa sa mga layunin ng Diyos, at malinaw na pag-arok sa diwa ng mga problema. Magkakaroon ng pananalig ang isang tao na madaig ang tukso ng katayuan kapag mayroon siya ng mga bagay na ito. Dagdag pa rito, dapat kang mag-isip ng mabibisang paraan para maiwaksi mo ang tukso at matugunan ang mga layunin ng Diyos. Dapat kang magkaroon ng mga landas ng pagsasagawa. Pananatilihin ka nito sa tamang landas. Kung walang mga landas ng pagsasagawa, madalas kang mahuhulog sa tukso. Bagamat gugustuhin mong tahakin ang tamang landas, hindi gaanong magtatagumpay ang iyong mga pagsusumikap sa huli, gaano ka man magsikap. Kaya, ano ang mga tukso na madalas ninyong nakahaharap? (Kapag nagkamit ako ng kaunting tagumpay sa pagganap ng aking tungkulin at nakuha ko ang mataas na paggalang ng mga kapatid, nasisiyahan ako sa aking sarili at labis akong nasisiyahan sa pakiramdam na ito. Minsan, hindi ko namamalayan ito; minsan natatanto ko na mali ang kalagayang ito, ngunit hindi pa rin ako makapaghimahsik laban dito.) Iyan ay isang tukso. Sino pa ang magsasalita? (Dahil isa akong lider, minsan ay binibigyan ako ng espesyal na pagtrato ng mga kapatid namin.) Tukso rin iyan. Kung wala kang malay sa mga tuksong nakahaharap mo, bagkus ay hindi mo ito maayos na napangangasiwaan at hindi ka nakakagawa ng mga tamang pagpapasya, magdadalamhati at magiging miserable ka dahil sa mga ito. Bilang halimbawa, sabihin nating ang espesyal na pagtrato ng mga kapatid sa iyo ay may kasamang mga materyal na pakinabang na tulad ng pagpapakain sa iyo, pagbibihis sa iyo, pagpapatira sa iyo, at pagbibigay ng iyong pang-araw-araw na mga pangangailangan. Kung ang tinatamasa mo ay mas maganda kaysa sa mga ibinibigay nila sa iyo, hahamakin mo ito, at maaaring tanggihan mo ang kanilang mga regalo. Gayunpaman, kung makakilala ka ng isang mayamang tao at binigyan ka niya ng magagandang damit, at sinabing hindi niya isinusuot ito, makapaninindigan ka ba sa harap ng gayong tukso? Maaaring pag-iisipan mo ang sitwasyon, sasabihin sa iyong sarili na, “Mayaman siya, at balewala sa kanya ang mga damit na ito. Hindi naman niya isinusuot ang mga ito. Kung hindi niya ito ibibigay sa akin, itatambak na lamang niya ito sa kung saan. Kaya, tatanggapin ko ang mga ito.” Ano ang tingin mo sa desisyong iyon? (Tinatamasa na nila ang mga pakinabang ng katayuan.) Bakit ito pagtatamasa sa mga pakinabang ng katayuan? (Dahil tinanggap nila ang magagandang bagay.) Pagtatamasa ba sa mga pakinabang ng katayuan ang tanggapin lang ang magagandang bagay na inaalok sa iyo? Kung inalok sa iyo ang isang ordinaryong bagay, pero talagang ito ang kailangan mo at kaya tinanggap mo ito, maituturing din ba itong pagtatamasa sa mga pakinabang ng katayuan? (Oo. Sa tuwing tinatanggap nila ang mga bagay mula sa iba upang tugunan ang kanilang mga makasariling pagnanais, ito ay pagtatamasa.) Mukhang hindi malinaw sa iyo ito. Ni minsan ba ay naisip mo ito: Kung hindi ka isang lider at wala kang katayuan, iaalok pa rin ba niya ang regalong ito? (Hindi.) Tiyak na hindi. Isa kang lider kaya niya ibinibigay ang regalong ito sa iyo. Nagbago na ang sirkumstansya ng bagay na ito. Hindi ito karaniwang kagandahang-loob, at narito ang problema. Kung tatanungin mo siya, “Kung hindi ako lider, kundi isang ordinaryong kapatid lamang, bibigyan mo ba ako ng gayong regalo? Kung kailangan ng isang kapatid ang bagay na ito, ibibigay mo ba ito sa kanya?” Sasabihin niyang, “Hindi. Hindi ako pwedeng basta-basta na lang magbigay ng mga bagay-bagay kahit kanino. Ibinibigay ko ito sa iyo dahil ikaw ang lider ko. Kung wala kang ganitong espesyal na katayuan, bakit kita bibigyan ng gayong regalo?” Ngayon, tingnan mo kung paano ka nabigong unawain ang sitwasyon. Naniwala ka sa kanya noong sinabi niyang hindi niya ginagamit ang magandang damit na iyon, pero nililinlang ka niya. Ang layon niya ay tanggapin mo ang kanyang regalo upang, sa hinaharap, magiging mabuti ka sa kanya at bibigyan mo siya ng espesyal na pagtrato. Ito ang intensyon sa likod ng kanyang regalo. Ang totoo, alam mo sa iyong puso na hindi ka niya bibigyan ng gayong regalo kung wala kang katayuan, ngunit tinanggap mo pa rin ito. Sa salita, sinasabi mong “Salamat sa Diyos. Natanggap ko ang regalong ito mula sa Diyos, ito ay kabutihan ng Diyos sa akin.” Hindi mo lamang tinatamasa ang mga pakinabang ng katayuan, kundi tinatamasa mo rin ang mga bagay ng mga hinirang ng Diyos, na para bang karapat-dapat ka sa mga ito. Hindi ba’t kawalan ng kahihiyan iyon? Kung ang tao ay walang konsiyensiya at walang anumang kahihiyan, kung gayon ay iyon ang problema. Isa lang ba itong usapin ng pag-uugali? Mali lang ba talaga na tanggapin ang mga bagay mula sa iba at tama ba na tanggihan ang mga ito? Ano ang dapat ninyong gawin kapag naharap kayo sa gayong sitwasyon? Dapat mong tanungin ang nagreregalo kung umaayon ba sa mga prinsipyo ang ginagawa niya. Sabihin sa kanya na, “Hanapin natin ang patnubay mula sa salita ng Diyos o ang mga atas administratibo ng iglesia at tingnan kung ang ginagawa mo ay naaayon sa mga prinsipyo. Kung hindi, hindi ko matatanggap ang regalong iyon.” Kung maipababatid ng mga sangguniang iyon sa nagreregalo na lumalabag ang kilos nito sa mga prinsipyo ngunit nais pa rin nitong ibigay sa iyo ang regalo, ano ang dapat mong gawin? Dapat kang kumilos ayon sa mga prinsipyo. Hindi ito kayang mapagtagumpayan ng mga ordinaryong tao. Nananabik silang mabigyan ng iba ng higit pa, at nais nilang matamasa ang higit na espesyal na pagtrato. Kung ikaw ang tamang uri ng tao, dapat kang magdasal kaagad sa Diyos kapag naharap sa gayong sitwasyon, sabihin mo na, “O Diyos, ang kinakaharap ko ngayon ay tiyak na tanda ng Iyong mabuting kalooban. Isa itong aral na itinakda Mo para sa akin. Handa akong hanapin ang katotohanan at kumilos ayon sa mga prinsipyo.” Masyadong matindi ang mga tuksong kinakaharap ng mga may katayuan, at sa sandaling may dumating na tukso, mahirap ngang malampasan ito. Kailangan mo ang proteksyon at tulong ng Diyos; dapat kang manalangin sa Diyos, at dapat mo ring hanapin ang katotohanan at madalas na pagnilayan ang iyong sarili. Sa ganitong paraan, magiging panatag at payapa ang pakiramdam mo. Gayunpaman, kung hinihintay mong makatanggap ng gayong mga regalo bago magdasal, makakaramdam ka pa rin ba ng gayong kapanatagan at kapayapaan? (Hindi na.) Ano ang iisipin ng Diyos sa iyo kung gayon? Malulugod ba ang Diyos sa mga kilos mo, o masusuklam Siya? Kamumuhian Niya ang mga kilos mo. Isa lang ba itong problema ng kung tinatanggap mo ba ang isang bagay? (Hindi.) Kung gayon, nasaan ang problema? Ang problema ay matatagpuan sa mga opinyon at saloobin na pinanghahawakan mo kapag kinakaharap ang gayong sitwasyon. Nagpapasya ka ba nang ikaw lang o hinahanap mo ba ang katotohanan? Mayroon ka bang anumang pamantayan ng konsiyensiya? Mayroon ka bang may-takot-sa-Diyos na puso? Nagdarasal ka ba sa Diyos sa tuwing nakakaharap mo ang sitwasyon? Hinahangad mo bang matugunan muna ang mga sarili mong pagnanais, o nagdarasal ka ba at hinahangad muna ang mga layunin ng Diyos? Nabubunyag ka sa bagay na ito. Paano mo dapat pangasiwaan ang gayong sitwasyon? Dapat mayroon kang mga prinsipyo ng pagsasagawa. Una, sa panlabas, dapat mong tanggihan ang mga espesyal na materyal na pabor na ito, ang mga tuksong ito. Kahit na inalok ka ng isang bagay na talagang gusto mo o siyang mismong bagay na kailangan mo, dapat mo ring tanggihan ito. Ano ang ibig sabihin ng mga materyal na bagay? Ang pagkain, damit, at tirahan, at ang mga bagay na gamit sa pang-araw-araw ay kasama lahat. Ang mga espesyal na materyal na pabor na ito ay dapat tanggihan. Bakit kailangan mong tanggihan ang mga ito? Ang paggawa ba niyon ay isang usapin lamang ng kung paano ka kumilos? Hindi; usapin ito ng iyong matulungin na saloobin. Kung gusto mong isagawa ang katotohanan, palugurin ang Diyos, at iwasan ang tukso, kailangan mo munang magkaroon ng ganitong matulungin na saloobin. Sa ganitong saloobin, magagawa mong iwasan ang tukso, at magiging payapa ang konsiyensiya mo. Kung iaalok sa iyo ang isang bagay na gusto mo at tatanggapin mo ito, medyo mararamdaman ng puso mo ang pagsaway ng iyong konsiyensiya. Gayunpaman, dahil sa mga palusot mo at pangangatwiran sa sarili, sasabihin mo na dapat kang mabigyan ng bagay na ito, na nararapat ito sa iyo. At pagkatapos, ang kirot ng iyong konsiyensiya ay hindi magiging tumpak o malinaw. Kung minsan, maaaring maimpluwensiyahan ng mga partikular na katwiran o kaisipan at pananaw ang iyong konsiyensiya, kaya hindi halata ang kirot nito. Kaya, isa bang maaasahang pamantayan ang iyong konsiyensiya? Hindi. Isa itong pang-alerto na nagbababala sa mga tao. Anong uri ng babala ang ibinibigay nito? Na walang seguridad sa pag-asa sa mga nararamdaman lamang ng konsiyensiya; dapat ding hanapin ng isang tao ang mga katotohanang prinsipyo. Iyon ang mapagkakatiwalaan. Kung walang katotohanang pipigil sa kanila, maaari pa ring mahulog sa tukso ang mga tao, magbibigay ng iba’t ibang dahilan at palusot na magtutulot sa kanilang tugunan ang kanilang kasakiman sa mga pakinabang ng katayuan. Samakatuwid, bilang lider, dapat mong sundin sa puso mo ang isang prinsipyong ito: Palagi kong tatanggihan, palaging iiwasan, at ganap na tatanggihan ang anumang espesyal na pagtrato. Ang ganap na pagtanggi ang pang-unang kinakailangan sa pag-iwas sa kasamaan. Kung taglay mo ang pang-unang kinakailangan sa pag-iwas sa kasamaan, ikaw ay medyo nasa ilalim na ng proteksyon ng Diyos. At kung mayroon kang gayong mga prinsipyo ng pagsasagawa at pinanghahawakan mo ang mga ito, ginagawa mo na ang katotohanan at binibigyang-kasiyahan ang Diyos. Tinatahak mo na ang tamang landas. Kapag tinatahak mo ang tamang landas at nabibigyang-kasiyahan mo na ang Diyos, kakailanganin pa rin bang suriin ang iyong konsiyensiya? Ang pagkilos ayon sa mga prinsipyo at pagsasagawa ng katotohanan ay mas mataas kaysa sa mga pamantayan ng konsiyensiya. Kung ang isang tao ay may determinasyong makipagtulungan at kayang kumilos ayon sa mga prinsipyo, napalugod na niya ang Diyos. Ito ang pamantayang hinihingi ng Diyos sa mga tao.

—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Paano Lutasin ang mga Tukso at Gapos ng Katayuan

Sinundan: 24. Paano lutasin ang problema ng paghahangad ng kasikatan, pakinabang, at katayuan

Sumunod: 26. Paano lutasin ang problema ng mapagmatigas na disposisyon

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito