21. Paano lutasin ang problema ng paggawa ayon sa sariling kagustuhan
Mga Salita ng Makapangyarihang Diyos ng mga Huling Araw
Ang paglilingkod sa Diyos ay hindi isang simpleng gawain. Ang mga taong hindi nagbabago ang tiwaling disposisyon ay hindi kailanman maaaring maglingkod sa Diyos. Kung ang disposisyon mo ay hindi pa nahatulan at nakastigo ng mga salita ng Diyos, ang disposisyon mo ay kumakatawan pa rin kay Satanas, na nagpapatunay na pinaglilingkuran mo ang Diyos ayon sa iyong mabubuting layunin, na ang paglilingkod mo ay batay sa iyong satanikong kalikasan. Naglilingkod ka sa Diyos gamit ang likas mong pagkatao, at ayon sa mga personal mong kagustuhan. Dagdag pa rito, lagi mong iniisip na ang mga bagay na handa kang gawin ay ang mga bagay na nakalulugod sa Diyos, at ang mga bagay na hindi mo nais gawin ay ang mga bagay na kinapopootan ng Diyos; lubos kang gumagawa nang naaayon sa sarili mong mga kagustuhan. Matatawag ba itong paglilingkod sa Diyos? Sa huli, ang disposisyon mo sa buhay ay hindi magbabago ni katiting; sa halip, magiging mas matigas ang ulo mo dahil sa paglilingkod mo, at sa gayon ay mapapalalim ang iyong tiwaling disposisyon. Dahil dito, mabubuo sa iyong kalooban ang mga alituntunin sa paglilingkod sa Diyos na ang pangunahing batayan ay ang sarili mong pagkatao, at mga karanasang mula sa iyong paglilingkod ayon sa sarili mong disposisyon. Ito ang mga karanasan at mga aral ng tao. Ito ang pilosopiya ng tao sa mga makamundong pakikitungo. Ang mga taong tulad nito ay maitutulad sa mga Pariseo at mga pinuno ng relihiyon. Kung hindi sila kailanman magigising at magsisisi, tiyak na magiging mga huwad na mga cristo at anticristo sila na inililigaw ang mga tao sa mga huling araw. Magmumula sa ganitong mga tao ang nabanggit na mga huwad na cristo at mga anticristo. Kung ang mga naglilingkod sa Diyos ay sumusunod sa sarili nilang pagkatao at kumikilos ayon sa sarili nilang kalooban, nanganganib silang maitiwalag anumang oras. Sa mga naglilingkod sa Diyos na gumagamit ng mga karanasan nila sa loob ng maraming taon upang makuha ang puso ng ibang tao, mapangaralan at mapipigilan sila, at magkaroon ng mataas na katayuan—at hindi kailanman nagsisisi, hindi kailanman nagtatapat ng kanilang mga kasalanan, hindi kailanman tinatalikuran ang mga benepisyo ng posisyon—ang mga taong ito ay babagsak sa harap ng Diyos. Sila ay mga kauri ni Pablo, nagpapalagay na nakatataas sila at ipinangangalandakan ang kanilang mga kuwalipikasyon. Hindi gagawing perpekto ng Diyos ang mga taong tulad nito. Ang ganitong uri ng paglilingkod ay nakakagambala sa gawain ng Diyos. Ang mga tao ay palaging kumakapit sa nakalipas. Kumakapit sila sa mga kuru-kuro ng nakalipas, sa lahat ng bagay mula sa nakaraan. Malaking sagabal ito sa kanilang paglilingkod. Kung hindi mo kayang iwaksi ang mga ito, magiging hadlang ang mga ito sa buong buhay mo. Hindi ka pupurihin ng Diyos ni katiting, kahit pa mabali ang mga binti mo sa pagtakbo o ang likod mo sa paggawa, kahit pa mapatay ka sa paglilingkod mo sa Diyos. Sa kabaligtaran: sasabihin Niya na ikaw ay isang masamang tao.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Kailangang Maalis ang Paglilingkod na Pangrelihiyon
Hindi nagtutuon ng pansin ang ilang tao sa paghahanap ng mga katotohanang prinsipyo habang ginagawa nila ang kanilang tungkulin, sa halip ay umaasa sila sa kanilang sariling kalooban upang kumilos. Ano ang pinakakaraniwang pagpapamalas na nakikita sa isang taong may matitinding personal na ideya? Anuman ang mangyari sa kanila, kinakalkula muna nila ang mga bagay sa kanilang isip, pinag-iisipan ang lahat ng bagay na puwede nilang isipin, lumilikha ng isang detalyadong plano. Kapag pakiramdam nila ay wala itong mga butas, lubusan silang nagsasagawa alinsunod sa kanilang sariling kalooban, ang nagiging resulta, hindi makaagapay ang kanilang plano sa mga pagbabago, kaya kung minsan ay nagkakamali sa mga bagay. Ano ang problema rito? Madalas na namamali ang mga bagay kapag kumikilos kayo ayon sa inyong sariling kalooban. Kaya, anuman ang mangyari, dapat maupo ang bawat isa at sama-samang hanapin ang katotohanan, manalangin sa Diyos, hingin ang Kanyang patnubay. Sa kaliwanagan ng Diyos, ang mga bagay na lumilitaw sa kanilang pagbabahaginan ay puno ng liwanag, at nagbibigay ng daan pasulong. Dagdag pa rito, sa pagkakatiwala ng mga bagay sa Diyos, pagrespeto sa Kanya, pag-asa sa Kanya, pagpayag na akayin ka Niya, at pagpayag na alagaan at bantayan ka Niya—sa pagsasagawa sa ganitong paraan—magkakaroon ka ng higit na katiyakan, at hindi ka makatatagpo ng anumang malalaking problema. Ang mga bagay ba na iniisip ng mga tao ay kayang ganap na umayon sa mga katunayan? Kaya bang umayon ng mga ito sa mga katotohanang prinsipyo? Ito ay imposible. Kung hindi ka umaasa at humihingi ng tulong sa Diyos kapag gumaganap ka ng iyong tungkulin, at ginagawa mo lang kung ano ang nais mo, kahit gaano ka pa katalino, may mga pagkakataon pa ring mabibigo ka. Malamang na susundin ng mga taong mayayabang at mapagmagaling ang kanilang mga sariling ideya, kung gayon, may puso ba silang may takot sa Diyos? Ang mga taong may kapit-na-kapit na personal na ideya ay nalilimutan ang Diyos kapag oras na para kumilos, nalilimutan nilang magpasakop sa Diyos; kapag wala na silang ibang magagawa at nabigo silang magawa ang anuman, saka lamang nila naiisip na hindi sila nagpasakop sa Diyos, at hindi sila nagdasal sa Diyos. Anong problema ito? Ito ay ang kawalan ng Diyos sa mga puso nila. Ipinapahiwatig ng kanilang mga kilos na wala ang Diyos sa kanilang mga puso, na ang lahat ay nagmumula sa kanilang sarili. Kaya, gumagawa ka man ng gawain ng iglesia, gumaganap ng tungkulin, nag-aasikaso ng ilang gawain sa labas, o humaharap ng mga bagay-bagay sa personal mong buhay, dapat may mga prinsipyo sa iyong puso, dapat may kalagayan. Anong kalagayan? “Kahit ano pa ito, bago pa may mangyari sa akin dapat akong manalangin, dapat akong magpasakop sa Diyos, at dapat akong magpasakop sa Kanyang kataas-taasang kapangyarihan. Ang lahat ay isinasaayos ng Diyos, at kapag nangyari ang bagay na iyon, dapat kong hanapin ang mga layunin ng Diyos, dapat akong magkaroon ng ganitong pag-iisip, hindi ako dapat gumawa ng sarili kong mga plano.” Pagkatapos maranasan ito sa loob ng ilang panahon, nang hindi nila namamalayan, magsisimulang makita ng mga tao ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos sa maraming bagay. Kung lagi kang may sariling mga plano, isinasaalang-alang, ninanais, makasariling motibo, at hangarin, hindi sinasadyang lilihis palayo sa Diyos ang iyong puso, magiging bulag ka sa kung paano kumikilos ang Diyos, at kadalasan ay matatago ang Diyos sa iyo. Hindi ba’t gusto mong ginagawa ang mga bagay-bagay ayon sa sarili mong mga ideya? Hindi ka ba gumagawa ng sarili mong mga plano? Akala mo ay may utak ka, edukado ka, marunong, mayroon kang kaparaanan at pamamaraan para gawin ang mga bagay-bagay, kaya mong gawin ang mga ito nang mag-isa, mahusay ka, hindi mo kailangan ang Diyos, kaya naman sinasabi ng Diyos, “Sige at gawin mo ito nang mag-isa, at ikaw ang managot kung maging maayos man o hindi ang kalabasan nito, wala Akong pakialam.” Hindi ka iintindihin ng Diyos. Kapag sinusunod ng mga tao ang sarili nilang kagustuhan sa ganitong paraan sa kanilang pananampalataya sa Diyos at naniniwala sa kung paanong paraan nila gusto, ano ang kahihinatnan? Hindi nila kailanman magagawang maranasan ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, hindi nila kailanman makikita ang kamay ng Diyos, hindi kailanman mararamdaman ang kaliwanagan at pagtanglaw ng Banal na Espiritu, at hindi nila madarama ang patnubay ng Diyos. At ano ang mangyayari sa paglipas ng panahon? Lalong lalayo ang puso nila sa Diyos, at magkakaroon ng mga sunud-sunod na epekto. Anong mga epekto? (Pagdududa at pagtatatwa sa Diyos.) Hindi lang ito kaso ng pagdududa at pagtatatwa sa Diyos; kapag walang puwang ang Diyos sa puso ng mga tao, at ginagawa nila kung ano ang maibigan nila sa loob ng mahabang panahon, makakasanayan nila ito: Kapag may nangyari sa kanila, ang unang gagawin nila ay mag-isip ng sarili nilang solusyon at kumilos ayon sa sarili nilang mga layunin, mithiin at plano; isasaalang-alang muna nila kung magiging kapaki-pakinabang ba ito sa kanila; kung oo, gagawin nila ito, at kung hindi naman, hindi nila ito gagawin. Makakasanayan nilang dumiretso sa pagtahak sa landas na ito. At paano tatratuhin ng Diyos ang gayong mga tao kung patuloy silang kikilos nang ganoon, nang walang pagsisisi? Hindi sila iintindihin ng Diyos, at isasantabi sila. Ano ang ibig sabihin ng maisantabi? Hindi sila didisiplinahin o sisisihin ng Diyos; patuloy silang magiging mapagbigay sa sarili, walang paghatol, pagkastigo, pagdisiplina, o pagsaway, at lalong walang kaliwanagan, pagtanglaw, o patnubay. Ito ang ibig sabihin ng maisantabi. Ano ang pakiramdam ng isang tao kapag isinasantabi siya ng Diyos? Nagdidilim ang kanyang espiritu, hindi niya kasama ang Diyos, hindi siya sigurado sa mga pangitain, wala siyang landas ng pagkilos, at humaharap lamang siya sa mga hangal na bagay. Habang lumilipas ang panahon sa ganitong paraan, iniisip niya na walang kahulugan ang buhay, at hungkag ang kanyang mga espiritu, kaya’t katulad siya ng mga walang pananampalataya, at palala siya nang palala. Ito ay isang taong itinaboy ng Diyos.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang mga Prinsipyo ng Pagsasagawa ng Pagpapasakop sa Diyos
Para sa ilang tao, anuman ang isyung maaari nilang kaharapin sa pagganap sa kanilang mga tungkulin, hindi nila hinahanap ang katotohanan, at palagi silang kumikilos ayon sa kanilang sariling mga saloobin, kuru-kuro, imahinasyon, at hangarin. Palagi nilang binibigyang-kasiyahan ang sarili nilang mga makasariling hangarin, at palaging kontrolado ng kanilang mga tiwaling disposisyon ang kanilang mga kilos. Maaaring mukhang lagi nilang ginagampanan ang kanilang mga tungkulin, pero dahil hindi nila kailanman tinanggap ang katotohanan, at wala silang kakayahang gawin ang mga bagay-bagay ayon sa mga katotohanang prinsipyo, sa huli ay mabibigo silang magtamo ng katotohanan at buhay, at magiging mga trabahador na karapat-dapat sa ganoong katawagan. Kaya, saan umaasa ang mga taong ito kapag ginagampanan nila ang kanilang mga tungkulin? Hindi sila umaasa sa katotohanan ni sa Diyos. Ang kapirasong katotohanang iyon na nauunawaan nila ay hindi pa nangingibabaw sa kanilang puso; umaasa sila sa sarili nilang mga kaloob at talento, sa anumang kaalamang natamo nila gayundin sa kanilang sariling pagpupursigi o mabubuting layunin, para magampanan ang mga tungkuling ito. At sa ganitong sitwasyon, magagawa ba nilang gampanan ang kanilang mga tungkulin ayon sa katanggap-tanggap na pamantayan? Kapag umaasa ang mga tao sa kanilang pagiging likas, mga kuru-kuro, imahinasyon, kadalubhasaan, at pagkatutong gampanan ang kanilang mga tungkulin, bagama’t maaaring mukhang ginagampanan nila ang kanilang mga tungkulin at hindi sila gumagawa ng masama, hindi nila isinasagawa ang katotohanan, at wala silang nagawang anuman na nakalulugod sa Diyos. Mayroon ding isa pang problema na hindi maipagwawalang-bahala: Sa proseso ng pagganap sa iyong tungkulin, kung hindi nagbabago ang iyong mga kuru-kuro, imahinasyon, at personal na hangarin kailanman at hindi napapalitan ng katotohanan kailanman, at kung ang iyong mga kilos at gawa ay hindi isinasakatuparan alinsunod sa mga katotohanang prinsipyo, ano ang huling kalalabasan nito? Hindi ka magkakaroon ng buhay pagpasok, magiging trabahador ka, sa gayon ay matutupad ang mga salita ng Panginoong Jesus: “Marami ang mangagsasabi sa Akin sa araw na yaon, ‘Panginoon, Panginoon, hindi baga nagsipanghula kami sa Iyong pangalan, at sa pangalan Mo ay nangagpalayas kami ng mga demonyo, at sa pangalan Mo ay nagsigawa kami ng maraming gawang kamangha-mangha?’ At kung magkagayon ay ipahahayag Ko sa kanila, ‘Kailanman ay hindi Ko kayo nangakilala: magsilayo kayo sa Akin, kayong manggagawa ng katampalasanan’” (Mateo 7:22–23). Bakit tinatawag ng Diyos na masasamang tao ang mga taong ito na nagsusumikap at nagtatrabaho? May isang punto tayong matitiyak, at iyon ay na anumang mga tungkulin o gawain ang ginagawa ng mga taong ito, ang kanilang mga motibasyon, pampasigla, layunin, at saloobin ay nagmumulang lahat sa kanilang makasariling mga hangarin, at ang mga iyon ay pawang para protektahan ang sarili nilang mga interes at inaasam-asam, at para mapalugod ang sarili nilang pagpapahalaga sa sarili, banidad at katayuan. Lahat ng iyon ay nakasentro sa mga konsiderasyon at kalkulasyong ito, walang katotohanan sa kanilang puso, wala silang pusong may takot at nagpapasakop sa Diyos—ito ang ugat ng problema. Ano, sa ngayon, ang mahalagang hangarin ninyo? Sa lahat ng bagay, dapat ninyong hanapin ang katotohanan, at dapat ninyong gampanan ang inyong tungkulin nang maayos ayon sa mga layunin ng Diyos at sa hinihingi ng Diyos. Kung gagawin ninyo ito, matatanggap ninyo ang pagsang-ayon ng Diyos. Kaya ano ba talaga ang sangkot sa pagganap ng inyong tungkulin ayon sa hinihingi ng Diyos? Sa lahat ng ginagawa ninyo, dapat kayong matutong manalangin sa Diyos, dapat ninyong pagnilayan kung ano ang inyong mga layunin, kung ano ang inyong mga saloobin, at kung ang mga layunin at saloobing ito ay naaayon sa katotohanan; kung hindi, dapat isantabi ang mga ito, pagkatapos ay dapat kayong kumilos ayon sa mga katotohanang prinsipyo, at tumanggap ng masusing pagsisiyasat ng Diyos. Titiyakin nito na isasagawa ninyo ang katotohanan. Kung mayroon kayong sariling mga intensyon at layon, at alam na alam ninyo na lumalabag ang mga iyon sa katotohanan at salungat sa mga layunin ng Diyos, pero hindi pa rin kayo nagdarasal sa Diyos at naghahanap ng katotohanan para sa isang solusyon, mapanganib ito, madali kang makakagawa ng kasamaan at ng mga bagay na sumasalungat sa Diyos. Kung makagawa kayo ng kasamaan nang minsan o makalawang beses at magsisi kayo, may pag-asa pa rin kayong maligtas. Kung patuloy kayong gumagawa ng kasamaan, kayo ay gumagawa ng lahat ng uri ng kasamaan. Kung hindi pa rin kayo makapagsisisi sa puntong ito, nanganganib kayo: isasantabi kayo ng Diyos o pababayaan kayo, na ibig sabihin ay may panganib na matiwalag kayo; ang mga taong gumagawa ng lahat ng uri ng masamang gawa ay tiyak na parurusahan at ititiwalag.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi
Alam ba ninyo kung ano ang pinaka-ipinagbabawal sa pagseserbisyo ng tao sa Diyos? May ilang lider at manggagawa na gusto palaging naiiba sila, na maging higit na nakatataas sa iba, na magpasikat, at makadiskubre ng ilang bagong pakana, para maipakita sa Diyos kung gaano talaga sila kahusay. Gayunpaman, hindi sila nakatuon sa pag-unawa sa katotohanan at pagpasok sa realidad ng mga salita ng Diyos. Ito ang pinakahangal na paraan ng pagkilos. Hindi ba’t ito ang tumpak na pagbubunyag ng isang mapagmataas na disposisyon? Sinasabi pa nga ng ilan, “Kapag ginawa ko ito, tiyak akong mapapasaya nito ang Diyos; magugustuhan Niya ito. Sa pagkakataong ito, ipapakita ko ito sa Diyos; bibigyan ko Siya ng isang magandang surpresa.” Hindi mahalaga ang “magandang surpresa.” Ano ang resulta? Nakikita ng mga tao na masyadong katawa-tawa ang mga bagay na ito na ginagawa ng mga tao. Maliban sa walang pakinabang ang mga ito sa gawain ng sambahayan ng Diyos, pag-aaksaya rin ito ng pera—nagdudulot ang mga ito ng kawalan sa mga handog sa Diyos. Ang mga handog para sa Diyos ay hindi dapat gamitin sa kung paano mo lang gusto; isang kasalanan na aksayahin ang mga handog sa Diyos. Sa huli, nalalabag ng mga taong ito ang disposisyon ng Diyos, humihinto sa paggawa sa kanila ang Banal na Espiritu, at sila ay itinitiwalag. Dahil doon, huwag na huwag kang magpadalos-dalos na gawin ang anumang gusto mo. Paanong hindi mo isinasaalang-alang ang kahihinatnan nito? Kapag nilabag mo ang disposisyon ng Diyos at nilabag mo ang Kanyang mga atas administratibo, at pagkatapos ay itiniwalag ka, wala ka nang masasabi. Anuman ang layon mo, sinasadya mo mang gawin iyon o hindi, kung hindi mo nauunawaan ang disposisyon ng Diyos o ang Kanyang mga layunin, madali kang magkakasala sa Kanya at madali mong malalabag ang Kanyang mga atas-administratibo; isa itong bagay na dapat pag-ingatan ng lahat. Kapag lubha mo nang nilabag ang mga atas-administratibo ng Diyos o nilabag ang Kanyang disposisyon, kung ito ay talagang malubha, hindi Niya isasaalang-alang kung gayon kung sinadya mong gawin iyon o hindi. Ito ay isang bagay na dapat mong makita nang malinaw. Kung hindi mo maunawaan ang isyung ito, tiyak na maglilitawan ang iyong mga problema. Sa paglilingkod sa Diyos, nais ng mga tao na sumulong nang husto, gumawa ng mga dakilang bagay, magsambit ng mga dakilang salita, magsagawa ng dakilang gawain, magdaos ng malalaking pulong, at maging mahuhusay na lider. Kung palaging matatayog ang ambisyon mo, malalabag mo ang mga atas-administratibo ng Diyos; mabilis mamamatay ang mga taong katulad nito. Kung hindi maganda ang asal mo, hindi ka deboto, at hindi ka maingat sa iyong paglilingkod sa Diyos, sa malao’t madali, malalabag mo ang Kanyang disposisyon.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi
Anuman ang ginagawa mo, dapat mo munang unawain kung bakit mo iyon ginagawa, ano ang intensyong nagtutulak sa iyo na gawin iyon, ano ang kabuluhan ng paggawa mo nito, ano ang kalikasan ng bagay na ito, at kung positibo o negatibong bagay ba ang ginagawa mo. Kailangan mong magkaroon ng malinaw na pagkaunawa sa lahat ng bagay na ito; lubhang kinakailangan ito para makakilos ka nang may prinsipyo. Kung may ginagawa ka na makaklasipika bilang paggawa sa tungkulin mo, dapat mong pagnilayan ito: Paano ko dapat tuparin nang maayos ang tungkulin ko para hindi ko lang iyon ginagawa nang basta-basta? Dapat kang magdasal at lumapit sa Diyos sa bagay na ito. Ang pagdarasal sa Diyos ay upang hanapin ang katotohanan, ang paraan ng pagsasagawa, ang mga pagnanais ng Diyos, at kung paano bigyang-kasiyahan ang Diyos. Ang pagdarasal ay upang makamit ang mga epektong ito. Ang pagdarasal sa Diyos, paglapit sa Diyos, at pagbabasa ng mga salita ng Diyos ay hindi mga seremonyang panrelihiyon o pagpapakita na kumikilos ka. Ginagawa ito para makapagsagawa alinsunod sa katotohanan matapos hanapin ang mga layunin ng Diyos. Kung lagi mong sinasabing “salamat sa Diyos” kahit na wala ka pa namang nagagawa, at maaaring mukha kang napakaespirituwal at may kabatiran, ngunit kung, pagdating ng oras para kumilos, ginagawa mo pa rin ang gusto mo, nang hindi man lang hinahanap ang katotohanan, ang “salamat sa Diyos” na ito ay wala nang iba kundi isang mantra, ito ay huwad na espirituwalidad. Kapag ginagawa mo ang tungkulin mo, dapat mong isipin palagi: “Paano ko dapat gawin ang tungkuling ito? Ano ang mga pagnanais ng Diyos?” Nagdarasal sa Diyos at lumalapit sa Diyos upang mahanap ang mga prinsipyo at katotohanan para sa iyong mga kilos, hinahangad ang mga pagnanais ng Diyos sa puso mo, at hindi lumalayo sa mga salita ng Diyos o sa mga katotohanang prinsipyo sa anumang ginagawa mo—ang taong ito lamang ang tunay na nananalig sa Diyos; ang lahat ng ito ay hindi kayang matamo ng mga taong hindi nagmamahal sa katotohanan. Maraming tao ang sinusunod ang sarili nilang mga ideya anuman ang ginagawa nila, at isinasaalang-alang ang mga bagay-bagay sa napakasimpleng paraan, at hindi rin hinahanap ang katotohanan. Ganap na walang prinsipyo, at hindi nila iniisip sa puso nila kung paano kumilos ayon sa hinihingi ng Diyos, o sa isang paraan na nakalulugod sa Diyos, at ang alam lamang nila ay magmatigas na sundin ang sarili nilang kagustuhan. Walang puwang ang Diyos sa puso ng mga ganoong tao. Sinasabi ng ilang tao, “Nagdarasal lang ako sa Diyos kapag nakakaharap ako ng hirap, pero pakiramdam ko ay wala pa ring anumang epekto ito—kaya karaniwan kapag may nangyayari sa akin ngayon hindi ako nagdarasal sa Diyos, dahil walang silbi ang pagdarasal sa Diyos.” Lubos na wala ang Diyos sa puso ng gayong mga tao. Hindi nila hinahanap ang katotohanan anuman ang kanilang ginagawa sa mga ordinaryong panahon; sinusunod lamang nila ang sarili nilang mga ideya. May mga prinsipyo ba ang kanilang mga kilos? Talagang wala. Ang tingin nila ay simple lang ang lahat. Kahit kapag nagbabahagi sa kanila ang mga tao tungkol sa mga katotohanang prinsipyo, hindi nila matanggap ang mga iyon, dahil kailanman ay hindi nagkaroon ng mga prinsipyo ang kanilang mga kilos, walang puwang ang Diyos sa puso nila, at walang sinuman sa puso nila kundi ang kanilang mga sarili. Pakiramdam nila ay maganda ang kanilang mga layunin, na wala silang ginagawang kasamaan, na hindi maaaring ituring na labag sa katotohanan ang mga iyon, iniisip nila na ang pagkilos ayon sa kanilang sariling mga layunin ay tiyak na pagsasagawa ng katotohanan, na ang pagkilos nang gayon ay pagpapasakop sa Diyos. Sa katunayan, hindi sila tunay na naghahanap o nagdarasal sa Diyos tungkol sa bagay na ito, kundi kumikilos nang hindi pinag-iisipan, nang ayon sa kanilang sariling masugid na mga layunin, hindi nila ginagampanan ang kanilang tungkulin na gaya ng hinihingi ng Diyos, wala silang pusong nagpapasakop sa Diyos, wala silang ganitong hangarin. Ito ang pinakamalaking pagkakamali sa pagsasagawa ng mga tao. Kung naniniwala ka sa Diyos subalit wala Siya sa puso mo, hindi mo ba sinusubukang linlangin ang Diyos? At ano ang maaaring maging epekto ng gayong pananampalataya sa Diyos? Ano ba talaga ang mapapala mo? At ano ang katuturan ng gayong pananampalataya sa Diyos?
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi
Sa pagganap sa iyong tungkulin, hindi ka talaga maaaring sumunod sa iyong personal na mga kagustuhan, ginagawa ang anumang gusto mong gawin, anuman na magiging masaya kang gawin, o anumang makakaganda sa iyo. Ito ay pagkilos alinsunod sa sariling kagustuhan ng isang tao. Kung umaasa ka sa sarili mong personal na mga kagustuhan sa pagganap sa iyong tungkulin, na iniisip na ito ang hinihingi ng Diyos, at na ito ang magpapasaya sa Diyos, at kung sapilitan mong iginigiit ang iyong personal na mga kagustuhan sa Diyos o isinasagawa ang mga iyon na para bang ang mga iyon ang katotohanan, na inoobserbahan ang mga ito na para bang ang mga ito ang mga katotohanang prinsipyo, hindi ba ito isang pagkakamali? Hindi ito paggampan sa iyong tungkulin, at ang pagganap sa iyong tungkulin sa ganitong paraan ay hindi maaalala ng Diyos. Hindi nauunawaan ng ibang tao ang katotohanan, at hindi nila alam kung ano ang ibig sabihin ng tuparin nang maayos ang kanilang mga tungkulin. Sa tingin nila, nagsikap na sila at ibinigay na nila rito ang kanilang puso, naghimagsik na sila laban sa kanilang laman at nagdusa na sila, kaya bakit kung gayon, hindi nila kailanman matupad nang katanggap-tanggap ang kanilang tungkulin? Bakit palaging hindi nasisiyahan ang Diyos? Saan nagkamali ang mga taong ito? Ang pagkakamali nila ay na hindi nila hinahanap ang mga hinihingi ng Diyos, at sa halip ay kumikilos sila ayon sa mga sarili nilang ideya—ito ang dahilan. Itinuring nilang katotohanan ang mga sarili nilang hangarin, kagustuhan, at mga makasariling motibo, at itinuring nila ang mga ito na para bang ang mga ito ang gustung-gusto ng Diyos, na para bang ang mga ito ang Kanyang mga pamantayan at hinihingi. Itinuring nilang katotohanan ang pinaniwalaan nilang tama, mabuti, at maganda; mali ito. Ang totoo, kahit maaaring iniisip minsan ng mga tao na tama ang isang bagay at na umaayon ito sa katotohanan, hindi ito agad nangangahulugan na umaayon ito sa mga layunin ng Diyos. Habang mas iniisip ng mga tao na tama ang isang bagay, lalo dapat silang maging maingat at lalo nilang dapat hanapin ang katotohanan upang makita kung natutugunan ng iniisip nila ang mga hinihingi ng Diyos. Kung sumasalungat ito mismo sa Kanyang mga hinihingi at sa Kanyang mga salita, hindi ito katanggap-tanggap, kahit pa iniisip mong tama ito, isa lamang itong kaisipan ng tao, at hindi ito aayon sa katotohanan gaano mo man naiisip na tama ito. Kung tama ba o mali ang isang bagay ay kailangang tukuyin batay sa mga salita ng Diyos. Gaano mo man naiisip na tama ang isang bagay, mali ito at kailangan mo itong iwaksi, maliban na lang kung may basehan ito sa mga salita ng Diyos. Katanggap-tanggap lamang ito kapag nakaayon ito sa katotohanan, at magiging katanggap-tanggap lamang ang pagganap mo sa iyong tungkulin kung itataguyod mo nang ganito ang mga katotohanang prinsipyo. Ano nga ba ang tungkulin? Isa itong atas na ipinagkatiwala ng Diyos sa mga tao, bahagi ito ng gawain ng sambahayan ng Diyos, at isa itong responsabilidad at obligasyon na dapat pasanin ng bawat isa sa mga taong hinirang ng Diyos. Karera mo ba ang tungkulin? Isa ba itong personal na usaping pampamilya? Tama bang sabihin na sa sandaling mabigyan ka ng tungkulin, nagiging personal mong gawain ang tungkuling ito? Talagang hindi iyon ganoon. Kaya paano mo dapat tuparin ang iyong tungkulin? Sa pamamagitan ng pagkilos alinsunod sa mga hinihingi, salita, at pamantayan ng Diyos, at sa pagbabatay ng iyong pag-uugali sa mga katotohanang prinsipyo sa halip na sa pansariling pagnanais ng tao. Sinasabi ng ilang tao, “Sa sandaling ibigay sa akin ang isang tungkulin, hindi ko ba ito sariling gawain? Ang tungkulin ko ay pananagutan ko, at hindi ko ba sariling gawain kung ano ang pinananagutan ko? Kung gagampanan ko ang aking tungkulin bilang sarili kong gawain, hindi ba’t nangangahulugan ito na gagawin ko ito nang maayos? Gagawin ko kaya ito nang maigi kung hindi ko ito itinuring na sarili kong gawain?” Tama ba ang mga salitang ito o mali? Mali ang mga ito; salungat ang mga ito sa katotohanan. Ang tungkulin ay hindi mo personal na gawain, gawain ito ng Diyos, bahagi ito ng gawain ng Diyos, at dapat mong gawin kung ano ang ipinagagawa ng Diyos; maaari ka lamang maging pasado sa pamantayan sa pamamagitan ng pagganap sa iyong tungkulin nang may pusong nagpapasakop sa Diyos. Kung palagi mong ginagampanan ang iyong tungkulin ayon sa iyong sariling mga kuru-kuro at imahinasyon, at ayon sa iyong sariling mga kagustuhan, hindi mo kailanman maaabot ang pamantayan. Ang pagganap sa iyong tungkulin nang ayon lamang sa gusto mo ay hindi pagganap ng iyong tungkulin, dahil ang ginagawa mo ay hindi saklaw ng pamamahala ng Diyos, hindi ito ang gawain ng sambahayan ng Diyos; sa halip, nagpapatakbo ka ng sarili mong operasyon, isinasakatuparan ang sarili mong mga gawain, kung kaya’t hindi ito ginugunita ng Diyos.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Sa Paghahanap Lamang ng mga Katotohanang Prinsipyo Magagampanan Nang Mabuti ng Isang Tao ang Kanyang Tungkulin
Hindi kailanman naghahanap ng katotohanan ang ilang tao habang ginagampanan ang kanilang mga tungkulin. Ginagawa lamang nila kung anong gusto nila, kumikilos ayon sa kanilang sariling mga imahinasyon, at palaging pabasta-basta at padalos-dalos. Hindi talaga sila tumatahak sa landas ng pagsasagawa ng katotohanan. Ano ang ibig sabihin ng pagiging “pabasta-basta at padalos-dalos”? Nangangahulugan ito ng pagkilos sa anumang paraan na sa tingin mo ay naaangkop kapag nahaharap sa isang isyu, nang walang anumang proseso ng pag-iisip o paghahanap. Walang masasabi ang sinumang iba pa na makakaantig sa puso mo o magpapabago ng isip mo. Ni hindi mo matanggap kapag ibinabahagi sa iyo ang katotohanan, kumakapit ka sa sarili mong mga opinyon, hindi ka nakikinig kapag may sinasabing anumang tama ang ibang mga tao, naniniwala ka na ikaw ang tama, at kumakapit ka sa sarili mong mga ideya. Kahit tama ang iniisip mo, dapat mo ring isaalang-alang ang mga opinyon ng ibang mga tao. At kung hindi mo talaga gagawin ito, hindi ba ito pagiging masyadong mapagmagaling? Hindi madali para sa mga taong masyadong mapagmagaling at matigas ang ulo na tanggapin ang katotohanan. Kapag gumawa ka ng mali at pinuna ka ng iba na sinasabing, “Hindi mo ito ginagawa ayon sa katotohanan!” sumasagot ka, “Kahit hindi, ganito ko pa rin gagawin ito,” at pagkatapos ay naghahanap ka ng dahilan para isipin nila na tama ito. Kapag sinaway ka nila, na sinasabing, “Ang pagkilos mo nang ganito ay nakakagambala, at makakapinsala ito sa gawain ng iglesia,” hindi ka lamang hindi nakikinig, kundi patuloy ka pang nagpapalusot: “Palagay ko ito ang tamang paraan, kaya gagawin ko ito sa ganitong paraan.” Anong disposisyon ito? (Kayabangan.) Kayabangan ito. Ang mayabang na kalikasan ay ginagawa kang mapagmatigas. Kung mayroon kang mayabang na kalikasan, kikilos ka nang basta-basta at padalos-dalos, nang hindi iniintindi ang sinasabi ninuman. Kung gayon, paano mo lulutasin ang iyong pagiging pabasta-basta at padalos-dalos? Sabihin na, halimbawa, na may nangyari sa iyo at may sarili kang mga ideya at plano. Bago mo pagpasyahan kung ano ang gagawin, dapat mong hanapin ang katotohanan, at dapat ka man lang magbahagi sa lahat tungkol sa iniisip at sa pinaniniwalaan mo tungkol sa bagay na iyon, na hinihiling sa lahat na sabihin sa iyo kung tama ang iyong mga iniisip at kung naaayon ang mga ito sa katotohanan, at na magsagawa sila ng mga pagsusuri para sa iyo. Ito ang pinakamagandang paraan para malutas ang pagiging pabasta-basta at padalos-dalos. Una, maaari mong ipaliwanag ang mga pananaw mo at hanapin ang katotohanan—ito ang unang hakbang ng pagsasagawa para malutas ang pagiging pabasta-basta at padalos-dalos. Nangyayari ang ikalawang hakbang kapag nagpapahayag ang ibang mga tao ng salungat na mga opinyon—paano ka magsasagawa para maiwasang maging pabasta-basta at padalos-dalos? Dapat ka munang magkaroon ng saloobing mapagpakumbaba, isantabi ang pinaniniwalaan mong tama, at hayaang makapagbahaginan ang lahat. Kahit naniniwala ka na tama ang iyong paraan, hindi mo ito dapat ipagpilitan. Iyan ay isang uri ng pagsulong; ipinapakita nito na hinahanap mo ang katotohanan, ng pagtanggi sa iyong sarili, at ng pagtugon sa mga layunin ng Diyos. Kapag nagkaroon ka na ng ganitong saloobin, kasabay ng hindi pagkapit sa sarili mong mga opinyon, dapat kang magdasal, hanapin ang katotohanan mula sa Diyos, at pagkatapos ay humanap ng batayan sa mga salita ng Diyos—tukuyin kung paano kikilos batay sa mga salita ng Diyos. Ito ang pinakaangkop at tumpak na pagsasagawa. Kapag hinahanap mo ang katotohanan at inilalabas ang isang problema para sama-samang mapagbahaginan at masiyasat ng lahat, sa panahong iyon nagbibigay ng kaliwanagan ang Banal na Espiritu. Binibigyang-liwanag ng Diyos ang mga tao ayon sa mga prinsipyo, sinisiyasat Niya ang kanilang saloobin. Kung ayaw mong makipagkompromiso kahit tama man o mali ang pananaw mo, itatago ng Diyos ang Kanyang mukha mula sa iyo at babalewalain ka; hindi ka Niya hahayaang umusad para ibunyag ka at ilantad ang iyong pangit na kalagayan. Sa kabilang banda, kung tama ang iyong saloobin, hindi mapilit sa sarili mong paraan, ni hindi mapagmagaling, ni hindi pabasta-basta at padalos-dalos, bagkus ay saloobin ng paghahanap at pagtanggap sa katotohanan, kung makikipagbahaginan ka sa lahat, kung gayon ay magsisimulang gumawa sa iyo ang Banal na Espiritu, at marahil ay aakayin ka Niya sa pag-unawa sa pamamagitan ng mga salita ng iba. Minsan, kapag binibigyang-liwanag ka ng Banal na Espiritu, inaakay ka Niya na maunawaan ang pinakakahulugan ng isang bagay sa pamamagitan lamang ng ilang salita o parirala, o sa pagbibigay sa iyo ng isang ideya. Napagtatanto mo, sa sandaling iyon, na anuman ang iyong kinakapitan ay mali, at, sa sandali ring iyon, nauunawaan mo ang pinakaangkop na paraan ng pagkilos. Sa pagdating sa gayong antas, hindi ba’t nagtagumpay ka nang maiwasan ang paggawa ng kasamaan, at kasabay niyon ay naiwasan mo na ang pagpasan ng mga kahihinatnan ng isang pagkakamali? Hindi ba’t ito ang proteksyon ng Diyos? (Oo.) Paano nakakamit ang ganoong bagay? Natatamo lamang ito kapag mayroon kang may-takot-sa-Diyos na puso, at kapag hinahanap mo ang katotohanan nang may pusong nagpapasakop. Kapag natanggap mo na ang kaliwanagan ng Banal na Espiritu at natukoy ang mga prinsipyo ng pagsasagawa, ang iyong pagsasagawa ay maaayon sa katotohanan, at magagawa mong matugunan ang mga layunin ng Diyos. … Kung ang iyong saloobin ay matigas na magpumilit, itatwa ang katotohanan, tanggihan ang mga mungkahi ng sinumang iba pa, hindi hanapin ang katotohanan, magtiwala lamang sa iyong sarili, at gawin lamang kung ano ang gusto mo—kung ito ang iyong saloobin anuman ang gawin o hingin ng Diyos, ano ang reaksyon ng Diyos? Hindi ka papansinin ng Diyos, isasantabi ka Niya. Hindi ba’t matigas ang ulo mo? Hindi ka ba mayabang? Hindi mo ba palaging iniisip na tama ka? Kung wala kang pagpapasakop, kung hindi ka kailanman naghahanap, kung ang puso mo ay lubusang sarado at palaban sa Diyos, hindi ka papansinin ng Diyos. Bakit hindi ka papansinin ng Diyos? Dahil kung sarado ang puso mo sa Diyos, matatanggap mo ba ang kaliwanagan ng Diyos? Madarama mo ba kapag kinagagalitan ka ng Diyos? Kapag nagmamatigas ang mga tao, kapag lumalabas ang kanilang satanikong kalikasan at pagiging halimaw, hindi nila nadarama ang anumang ginagawa ng Diyos, lahat ng iyon ay walang saysay—kaya hindi gumagawa ang Diyos ng gawaing walang silbi. Kung ganito katigas ang uri ng iyong pagiging palaban, ang tanging ginagawa ng Diyos ay manatiling tago mula sa iyo, hindi gagawa ang Diyos ng mga bagay na hindi kailangan. Kapag ganito katigas ang iyong pagiging palaban, at ganito ka kasarado, hindi pipilitin ng Diyos kailanman na gumawa ng anumang bagay sa iyo, o ipipilit sa iyo ang anumang bagay, hindi Niya kailanman patuloy na sisikaping antigin ka at bigyan ka ng kaliwanagan, nang paulit-ulit—hindi ganito kumilos ang Diyos. Bakit hindi kumikilos ang Diyos sa ganitong paraan? Dahil higit sa lahat ay nakita na ng Diyos ang isang partikular na uri ng disposisyon sa iyo, isang pagiging halimaw na tutol sa katotohanan at hindi tinatablan ng katwiran. At sa palagay mo ba ay makokontrol ng mga tao ang isang mabangis na hayop kapag lumalabas ang pagiging halimaw nito? May nagagawa ba ang pagsigaw at paghiyaw rito? May silbi ba ang pangangatwiran o pag-aliw rito? Nangangahas ba ang mga tao na lapitan ito? May isang magandang paraan ng paglalarawan dito: Hindi ito tinatablan ng katwiran. Kapag sumisiklab ang iyong pagiging halimaw at hindi ka nakikinig sa katwiran, ano ang ginagawa ng Diyos? Hindi ka pinapansin ng Diyos. Ano pa ang masasabi sa iyo ng Diyos kapag hindi ka tinatablan ng katwiran? Walang silbing magsalita pa ng anuman. At kapag hindi ka pinapansin ng Diyos, pinagpapala ka ba, o nagdurusa? Nagkakamit ka ba ng kaunting pakinabang, o nawawalan? Walang dudang mawawalan ka. At sino ang nagsanhi nito? (Kami.) Ikaw ang nagsanhi nito. Walang namilit sa iyo na kumilos nang ganito, subalit naiinis ka pa rin. Hindi ba ikaw ang nagdulot nito sa sarili mo? Hindi ka pinapansin ng Diyos, hindi mo nadarama ang Diyos, may kadiliman sa puso mo, at nakokompromiso ang buhay mo—ikaw ang nagdulot nito sa sarili mo, ito ang nararapat sa iyo.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi
Ang pinakamalaking hadlang sa pagsasagawa ng katotohanan ay kapag ang sariling kalooban ng isang tao ay napakalakas at nauuna ito bago ang lahat—ibig sabihin, kapag nauuna ang pansariling interes ng isang tao bago ang lahat ng iba pa, kapag nauuna ang sarili niyang reputasyon at katayuan bago ang anupaman. Iyon ang dahilan kung bakit palaging may mapagsariling-kalooban ang mga tao kapag may mga bagay na nangyayari, at ginagawa ang anumang personal na magdudulot ng pakinabang sa kanila, nang walang anumang pagsasaalang-alang sa mga katotohanang prinsipyo. Palagi silang humahawak sa mga sariling ideya nila. Ano ba ang ibig sabihin ng humawak sa mga sariling ideya ng isang tao? Ang ibig sabihin nito ay magtakda: “Kung gusto mo ito, gusto ko iyon. Kung gusto mo ang sa iyo, ipipilit ko ang sa akin.” Pagpapakita ba ito ng pagpapasakop? (Hindi.) Hindi talaga ito paghahanap ng katotohanan, kundi pagpipilit ng sariling paraan ng isang tao. Ito ay mapagmataas na disposisyon, at isang hindi makatwirang pagpapamalas. Kung, isang araw, magagawa mong magkaroon ng kamalayan na ang mga kagustuhan at pagtatakda mo ay salungat sa katotohanan; kung magagawa mong itanggi ang iyong sarili at makita ang iyong pagkatao, hindi na naniniwala sa iyong sarili, at pagkatapos niyon ay unti-unting hindi ginagawa ang mga bagay sa sarili mong paraan bulag na gumawa ng mga pagtutukoy, pero nagagawa mong hanapin ang katotohanan, manalangin sa Diyos at sumandal sa Kanya, iyan ang tamang pagsasagawa. Bago mo kumpirmahin kung anong uri ng pagsasagawa ang umaayon sa katotohanan, dapat kang maghanap. Iyan talaga ang tamang bagay na dapat gawin, ito ang dapat gawin. Kung hihintayin mo pang pungusan ka bago maghanap, medyo pasibo ito, at malamang na makaantala ito sa mga bagay-bagay. Ang matutunang hanapin ang katotohanan ay napakahalaga. Ano ang mga pakinabang ng paghahanap sa katotohanan? Una, maiiwasan ng isang taong sumunod sa sarili niyang kalooban at kumilos nang padalus-dalos; pangalawa, maiiwasan ng isang tao ang mga pagbubunyag ng katiwalian at mga masamang kahihinatnan; pangatlo, matututunan ng isang tao kung paano maghintay at maging matiyaga, at mapigilang magkamali sa pamamagitan ng pag-iisip sa mga bagay-bagay nang malinaw at tama. Makakamit ang lahat ng bagay na ito sa pamamagitan ng paghahanap sa katotohanan. Kapag natutunan mong hanapin ang katotohanan sa lahat ng bagay, madidiskubre mong walang bagay na simple, na kung hindi ka alerto at hindi ka magsisikap, hindi mo maayos na magagawa ang mga bagay-bagay. Pagkatapos na makapagsanay nang ganito nang ilang panahon, lalo kang magiging hinog at batikan kapag nangyari ang mga bagay-bagay sa iyong buhay. Magiging mas malumanay at mas mahinahon ang iyong saloobin, at sa halip na maging mapusok, mapagsapalaran, at mapagkumpitensiya, magagawa mong hanapin ang katotohanan, isagawa ang katotohanan, at magpasakop sa Diyos. Pagkatapos, ang problema ng mga pagbubunyag ng mga tiwali mong disposisyon ay malulutas. Kaya, magiging madali para sa iyo na magpasakop, hindi naman talaga iyon ganoon kahirap. Maaaring medyo mahirap ito sa simula, pero puwede kang magtiyaga, maghintay at patuloy na maghanap sa katotohanan hanggang sa malutas mo ang problemang iyon. Kung palagi mong gustong gumawa ng sarili mong mga desisyon kapag nangyayari ang mga bagay-bagay sa iyo, at palagi kang nagbibigay ng mga pangangatwiran, at ipinipilit mo ang mga sarili mong ideya, medyo magiging problema ito. Ito ay dahil ang mga bagay na ipinipilit mo ay hindi positibo at lahat ay nakapaloob sa isang tiwaling disposisyon. Lahat ng bagay na iyon ay pagbubuhos ng isang tiwaling disposisyon, at, sa gayong mga sitwasyon, bagama’t maaaring nais mong hanapin ang katotohanan, hindi mo ito maisasagawa, at bagama’t nais mong manalangin sa Diyos, gagawin mo lang iyon nang walang sigla. Kung may nagbahagi sa iyo tungkol sa katotohanan at isiniwalat ang mga karumihan ng iyong layunin, paano ka magpapasya? Madali ka bang makapagpapasakop sa katotohanan? Mahihirapan ka nang husto na magpasakop sa panahong iyon, at hindi mo magagawang magpasakop. Magrerebelde ka at susubukan mong magbigay ng mga pangangatwiran. Sasabihin mo, “Ang mga desisyon ko ay para sa kapakanan ng sambahayan ng Diyos. Hindi mali ang mga ito. Bakit hinihiling mo pa ring magpasakop ako?” Nakikita mo ba kung paanong hindi mo magagawang magpasakop? At maliban pa roon, lalaban ka rin; ito ay isang sadyang paglabag! Hindi ba’t napakagulo nito? Kapag may nagbabahagi sa iyo tungkol sa katotohanan, at hindi mo magawang tanggapin ang katotohanan at sadya ka pang lumalabag, naghihimagsik at lumalaban sa Diyos, mabigat ang problema mo. Nanganganib kang mabunyag at maitiwalag ng Diyos.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Pagpapasakop sa Diyos ay Isang Pangunahing Aralin sa Pagkakamit ng Katotohanan
Sa kanilang gawain, kailangang bigyang-pansin ng mga lider at manggagawa ng iglesia ang dalawang prinsipyo: Ang isa ay ang gawing ganap ang kanilang gawain ayon sa mga prinsipyong nakasaad sa mga pagsasaayos ng gawain, nang hindi kailanman nilalabag ang mga prinsipyong iyon at hindi ibinabatay ang kanilang gawain sa anumang maaari nilang mailarawan sa isip o sa alinman sa mga sarili nilang pag-iisip. Sa lahat ng ginagawa nila, dapat silang magpakita ng malasakit sa gawain ng iglesia, at laging unahin ang kapakanan ng sambahayan ng Diyos. Isang bagay pa—at ito ang pinakamahalaga—iyon ay sa lahat ng bagay, dapat silang magtuon sa pagsunod sa patnubay ng Banal na Espiritu at gawin ang lahat nang mahigpit na sinusunod ang mga salita ng Diyos. Kung nakakaya pa rin nilang salungatin ang patnubay ng Banal na Espiritu, o kung sutil pa rin nilang sinusunod ang sarili nilang mga ideya at ginagawa ang mga bagay-bagay ayon sa sarili nilang imahinasyon, ang mga kilos nila ang bubuo sa pinakamatinding paglaban sa Diyos. Walang patutunguhan ang madalas nilang pagtalikod sa kaliwanagan at patnubay ng Banal na Espiritu. Kung maiwawala nila ang gawain ng Banal na Espiritu, hindi na nila magagawang magtrabaho; at kahit pa magawa nilang makapagtrabaho kahit paano, wala silang matatapos. Ito ang dalawang pangunahing prinsipyong dapat sundin ng mga lider at manggagawa habang gumagawa: Ang isa ay ang gampanan ang gawain nila nang ganap na naaayon sa mga pagsasaayos ng gawain mula sa Itaas, gayundin ang kumilos ayon sa mga prinsipyong naitakda ng nasa Itaas; at ang isa pa ay ang sumunod sa patnubay ng Banal na Espiritu na nasa loob nila. Sa sandaling maunawaan ang dalawang prinsipyong ito, hindi na sila gaanong manganganib na makagawa ng mga pagkakamali sa kanilang gawain. Limitado pa rin ang karanasan ninyo sa paggawa ng gawain ng iglesia, at kapag gumagawa kayo, labis itong nahahaluan ng sarili ninyong mga ideya. Paminsan-minsan, maaaring hindi ninyo maunawaan ang kaliwanagan o patnubay sa inyong kalooban na nagmumula sa Banal na Espiritu; sa ibang mga pagkakataon, tila nauunawaan ninyo ito, ngunit malamang na balewalain ninyo ito. Lagi kayong naglalarawan sa isip o naghihinuha sa paraan ng tao, kumikilos ayon sa inaakala ninyong naaangkop, nang hindi man lamang isinasaalang-alang ang mga layunin ng Banal na Espiritu. Ginagawa ninyo ang inyong gawain ayon lamang sa sarili ninyong mga ideya, isinasantabi ang anumang kaliwanagan mula sa Banal na Espiritu. Madalas mangyari ang gayong mga sitwasyon. Ang patnubay ng Banal na Espiritu sa inyong kalooban ay hindi higit sa normal; sa katunayan, normal na normal ito. Ibig sabihin, sa kaibuturan ng inyong puso, nararamdaman ninyo na ito ang angkop na paraan ng pagkilos, at ito ang pinakamainam na paraan. Talagang malinaw rin naman ang kaisipang ito; hindi ito nagmula sa pagninilay, at kung minsan ay hindi ninyo lubos na nauunawaan kung bakit dapat kayong kumilos sa ganitong paraan. Kadalasan ito ay walang iba kundi kaliwanagan mula sa Banal na Espiritu. Nangyayari ito kadalasan sa mga taong may karanasan. Ginagabayan ka ng Banal na Espiritu na gawin ang pinakaangkop. Hindi ito isang bagay na pinag-iisipan mo, sa halip ito ay isang damdamin sa puso mo na nagpapatanto sa iyo na ito ang pinakamainam na paraan ng paggawa nito, at gusto mong gawin ito sa paraang iyon nang hindi nalalaman kung bakit. Maaaring nagmumula ito sa Banal na Espiritu. Kadalasang nagmumula sa pag-iisip at pagsasaalang-alang ang mga sariling ideya ng isang tao, at nahahaluang lahat ng sariling kagustuhan; iniisip niya palagi kung ano ang pakinabang at bentahe nito sa kanya; bawat kilos na ipinapasyang gawin ng mga tao ay may ganitong mga bagay. Gayunman, ang patnubay ng Banal na Espiritu ay hindi naglalaman sa anumang paraan ng gayong mga paghahalo. Mahalagang magbigay ng masusing pansin sa patnubay o kaliwanagan mula sa Banal na Espiritu; lalo na sa mahahalagang usapin, kailangan mong mag-ingat para maintindihan iyon. Ang mga taong ibig gamitin ang kanilang utak, at ibig kumilos ayon sa sarili nilang mga ideya, ang sadyang higit na nanganganib na mapalampas ang gayong patnubay o kaliwanagan. Ang mga lider at manggagawang may kasapatan ay mga taong nagtataglay ng gawain ng Banal na Espiritu, na alisto sa gawain ng Banal na Espiritu sa bawat sandali, na nagpapasakop sa Banal na Espiritu, may pusong may takot sa Diyos, mapagsaalang-alang sa mga layunin ng Diyos, at walang-kapagurang hinahangad ang katotohanan. Upang mapalugod ang Diyos at maayos na magpatotoo para sa Kanya, dapat palagi mong pinagninilayan ang iyong mga motibo at karumihan sa pagganap sa iyong tungkulin, at pagkatapos ay subukang pagmasdan kung gaanong gawain ang naganyak ng mga ideya ng tao, gaano ang umusbong mula sa kaliwanagan ng Banal na Espiritu, at gaano ang umaalinsunod sa mga salita ng Diyos. Dapat pinagninilayan mo palagi, at sa lahat ng sitwasyon, kung ang iyong mga salita at gawa ba ay naaayon sa katotohanan. Ang makapagsagawa nang madalas sa ganitong paraan ay maglalagay sa iyo sa tamang landas ng paglilingkod sa Diyos.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi
Sa proseso ng karanasan sa buhay, anuman ang mangyari, dapat mong matutuhang hanapin ang katotohanan, at pagnilayan nang husto ang bagay ayon sa mga salita ng Diyos at sa katotohanan. Kapag alam mo kung paano gawin ang mga bagay-bagay na lubos na naaayon sa mga layunin ng Diyos, magagawa mong pakawalan ang mga bagay-bagay na nagmumula sa sarili mong kagustuhan. Kapag alam mo na kung paano kumilos alinsunod sa mga layunin ng Diyos, dapat kumilos ka lang sa ganoong paraan, na parang nagpapatangay ka sa natural na agos; ang paggawa ng mga bagay-bagay sa ganitong paraan ay nakakapanatag at madali. Ganito ang ginagawa ng mga taong nakakaunawa sa katotohanan ang mga bagay-bagay. Kung maipapakita mo sa mga tao na talagang epektibo ka kapag ginagampanan mo ang iyong tungkulin, at na may mga prinsipyo sa paggawa mo ng mga bagay-bagay, na talaga ngang nagbago na ang disposisyon mo sa buhay, na marami kang nagawang mabubuting bagay para sa mga hinirang ng Diyos, isa kang taong nakakaunawa sa katotohanan, at tiyak na may wangis ng tao; at totoo nga, may epekto ang pagkain at pag-inom mo ng mga salita ng Diyos. Kapag tunay nang nauunawaan ng isang tao ang katotohanan, makikilala niya ang kanyang iba’t ibang kalagayan, makikita niya nang malinaw ang mga kumplikadong bagay, kaya nga malalaman niya kung paano magsagawa nang tama. Kung hindi nauunawaan ng isang tao ang katotohanan at hindi makilala ang sarili niyang kalagayan, kung nais niyang maghimagsik laban sa kanyang sarili, hindi niya malalaman kung ano o kung paano maghimagsik. Kung nais niyang talikuran ang sarili niyang kagustuhan, hindi niya malalaman kung ano ang mali sa sarili niyang kagustuhan, iisipin niya na naaayon sa katotohanan ang kanyang sariling kagustuhan, at maaari pa ngang ituring na kaliwanagan ng Banal na Espiritu ang sarili niyang kagustuhan. Paano tatalikuran ng gayong tao ang kanyang sariling kagustuhan? Hindi niya magagawa, at lalo nang hindi niya magagawang maghimagsik laban sa laman. Samakatuwid, kapag hindi mo nauunawaan ang katotohanan, madali mong mapagkakamalan na tama at naaayon sa katotohanan ang mga bagay na nagmumula sa sarili mong kagustuhan, mga bagay na nakaayon sa mga kuru-kuro, at ang kabaitan, pagmamahal, pagdurusa, at pagbabayad ng halaga ng isang tao na tama at pagiging kaayon sa katotohanan. Kung gayon, paano ka maghihimagsik laban sa mga bagay na ito ng tao? Hindi mo nauunawaan ang katotohanan, at hindi mo alam kung ano ang ibig sabihin ng magsagawa ng katotohanan. Ganap kang walang kaalam-alam at imposibleng malaman mo kung ano ang gagawin, kaya magagawa mo lang ang sa tingin mo ay mabuti, at dahil dito, may mga pagkakabaluktot sa ilang pagkilos mo. Ang ilan sa mga ito ay dahil sa pagsunod sa mga patakaran, ang ilan ay dahil sa kasigasigan, at ang ilan ay dahil sa paggambala ni Satanas. Ganito ang mga taong hindi nakakaunawa sa katotohanan. Masyado silang pabagu-bago kapag gumagawa sila ng mga bagay-bagay, at walang humpay sa paglihis, nang wala man lang anumang katumpakan. Kakatwa ang paraan ng pagtingin ng mga taong hindi nakakaunawa sa katotohanan sa mga bagay-bagay, tulad lang ng mga walang pananampalataya. Paano nila posibleng maisasagawa ang katotohanan? Paano nila posibleng malulutas ang mga problema? Ang pag-unawa sa katotohanan ay hindi isang simpleng bagay. Gaano man kaliit o kalaki ang kakayahan ng isang tao, kahit pagkaraan ng habambuhay na karanasan, limitado ang dami ng katotohanang mauunawaan nila, at limitado rin ang dami ng salita ng Diyos na mauunawaan nila. Ang mga taong medyo mas may karanasan ay mga taong nakakaunawa ng ilang katotohanan, at kadalasang kaya nilang tumigil sa paggawa ng mga bagay na lumalaban sa Diyos, at tumigil sa paggawa ng malilinaw na masasamang bagay. Imposible para sa kanila na kumilos nang walang anumang halong sarili nilang mga intensiyon. Dahil normal ang pag-iisip ng mga tao at maaaring hindi palaging umaayon ang mga saloobin nila sa salita ng Diyos, hindi maiiwasang mahaluan iyon ng sarili nilang kagustuhan. Ang mahalaga ay ang magkaroon ng pagkakilala sa lahat ng bagay na nagmumula sa sariling kagustuhan ng isang tao at sumasalungat sa salita ng Diyos, sa katotohanan, at sa kaliwanagan ng Banal na Espiritu. Kinakailangan ka ritong magsumikap na unawain ang salita ng Diyos; kapag naunawaan mo na ang katotohanan, saka ka lang magkakaroon ng pagkakilala, at saka mo lang matitiyak na hindi ka gagawa ng kasamaan.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Sa Pamamagitan Lamang ng Paghahanap sa Katotohanan Matatamo ng Isang Tao ang Pagbabago sa Kanyang Disposisyon
Sa madaling salita, ang pagdakila sa Diyos ay ang pagkakaroon ng Diyos sa iyong puso, upang ang puso mo ay manahan sa Diyos, ang hindi kaligtaan ang iyong sarili sa mga bagay na iyong ginagawa, at ang hindi subukang gawin ang mga bagay sa iyong sarili, kundi sa halip ay hayaan ang Diyos na mamahala. Sa lahat ng bagay, iniisip mo, “Naniniwala ako sa Diyos at sumusunod ako sa Diyos. Ako ay isa lamang munting nilalang na pinili ng Diyos. Dapat kong bitiwan ang mga pananaw, rekomendasyon, at desisyon na nagmumula sa sarili kong kalooban, at hayaan ang Diyos na maging Amo ko. Ang Diyos ang aking Panginoon, ang aking bato, at ang maliwanag na ilaw na gumagabay sa aking daan sa lahat ng aking ginagawa. Dapat kong gawin ang mga bagay ayon sa Kanyang mga salita at pagnanais, hindi ang unahin ang aking sarili.” Ito ang ibig sabihin ng pagkakaroon ng Diyos sa iyong puso. Kapag gusto mong gawin ang isang bagay, huwag kang kumilos nang biglaan o padalus-dalos. Isipin mo muna kung ano ang sinasabi ng mga salita ng Diyos, kung masusuklam ang Diyos sa iyong mga kilos, at kung ang iyong mga kilos ay naaayon sa Kanyang mga layunin. Sa iyong puso, tanungin mo muna ang iyong sarili, mag-isip ka, at magnilay-nilay; huwag kang padalus-dalos. Ang pagiging padalus-dalos ay pagiging mapusok, at ang maudyukan ng init ng ulo at ng kalooban ng tao. Kung ikaw ay palaging padalus-dalos at mapusok, ipinapakita nito na ang Diyos ay wala sa iyong puso. Kaya kapag sinasabi mong dinadakila mo ang Diyos, hindi ba’t walang saysay ang mga salitang ito? Nasaan ang iyong realidad? Wala kang realidad, at hindi mo kayang dakilain ang Diyos. Kumikilos ka na gaya ng panginoon ng asyenda sa lahat ng bagay, ginagawa kung ano ang maibigan mo sa bawat pagkakataon. Sa ganitong kaso, kung sasabihin mo na mayroon kang isang pusong may takot sa Diyos, hindi ba ito kahangalan? Niloloko mo ang mga tao sa mga salitang ito. Kung ang isang tao ay may pusong may takot sa Diyos, paano ito aktuwal na naipamamalas? Sa pamamagitan ng pagdakila sa Diyos. Ang konkretong pagpapakita ng pagdakila sa Diyos ay ang pagkakaroon ng Diyos ng lugar sa kanyang puso—ang pangunahing lugar. Sa kanyang puso pinahihintulutan niya ang Diyos na maging kanyang Amo at humawak ng awtoridad. Kapag may nangyayari, mayroon siyang pusong nagpapasakop sa Diyos. Hindi siya padalus-dalos, ni mapusok, at hindi siya kumikilos nang marahas; sa halip, nagagawa niyang harapin ito nang mahinahon, at payapain ang kanyang sarili sa harap ng Diyos upang hanapin ang mga katotohanang prinsipyo. Kung ginagawa mo ang mga bagay ayon sa salita ng Diyos o ayon sa sarili mong kalooban, at kung pinahihintulutan mong masunod ang iyong sariling kalooban o ang salita ng Diyos, ay nakadepende sa kung ang Diyos ay nasa iyong puso. Sinasabi mong nasa iyong puso ang Diyos, ngunit kapag may nangyayari, nagbubulag-bulagan ka, hinahayaan mong ang sarili mo ang masunod, at isinasantabi mo ang Diyos. Ito ba ang pagpapamalas ng isang pusong may Diyos? May ilang tao na nagagawang manalangin sa Diyos kapag may nangyayari, ngunit pagkatapos manalangin, patuloy nilang pinag-iisipan ang mga bagay-bagay, at iniisip, “Sa tingin ko ito ang dapat kong gawin. Sa tingin ko iyon ang dapat kong gawin.” Palagi mong sinusunod ang iyong sariling kalooban, at hindi ka nakikinig sa sinuman kahit paano pa sila nakikipagbahaginan sa iyo. Hindi ba ito ang pagpapamalas ng kawalan ng pusong may takot sa Diyos? Dahil hindi mo hinahanap ang mga katotohanang prinsipyo at hindi mo isinasagawa ang katotohanan, kapag sinabi mong dinadakila mo ang Diyos, at ikaw ay may pusong may takot sa Diyos, ang mga ito ay mga salitang walang kabuluhan. Ang mga taong ang puso ay walang Diyos, at hindi kayang dakilain ang Diyos, ay mga taong walang pusong may takot sa Diyos. Ang mga taong hindi kayang hanapin ang katotohanan kapag may nangyayari, at walang pusong nagpapasakop sa Diyos, ay pawang mga taong walang konsiyensiya at katwiran. Kung ang isang tao ay tunay na may konsiyensiya at katwiran, kapag may nangyari, likas nilang magagawang hanapin ang katotohanan. Dapat muna nilang isipin, “Naniniwala ako sa Diyos. Naparito ako upang hanapin ang kaligtasan ng Diyos. Dahil ako ay may tiwaling disposisyon, palagi kong itinuturing ang aking sarili bilang ang tanging awtoridad sa anumang ginagawa ko; lagi akong sumasalungat sa mga layunin ng Diyos. Dapat akong magsisi. Hindi ako maaaring magpatuloy sa paghihimagsik laban sa Diyos sa ganitong paraan. Kailangan kong matutunan kung paano maging mapagpasakop sa Diyos. Kailangan kong hanapin kung ano ang sinasabi ng mga salita ng Diyos, at kung ano ang mga katotohanang prinsipyo.” Ito ang mga kaisipan at adhikain na nagmumula sa katwiran ng isang normal na pagkatao. Ito ang mga prinsipyo at saloobin kung paano mo dapat gawin ang mga bagay. Kapag taglay mo katwiran ng normal na pagkatao, samakatuwid ay taglay mo ang saloobing ito; kapag hindi mo taglay ang katwiran ng normal na pagkatao, samakatuwid ay hindi mo taglay ang ganitong saloobin. Kaya naman ang pagkakaroon ng katwiran ng normal na pagkatao ay kinakailangan at labis na mahalaga. Ito ay direktang nauugnay sa pag-unawa ng mga tao sa katotohanan at pagkakamit ng kaligtasan.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi
Kaugnay na mga Patotoong Batay sa Karanasan
Ang mga Resulta ng Sutil na Paggawa
Nakasasama sa Iba at sa Iyo ang Paggawa ng Gusto Mo
Kaugnay na mga Himno
Maka-Diyos Iyong mga Madalas na Tahimik sa Harap ng Diyos
Ang mga Landas ng Pagsasagawa ay Nagmumula sa Pagtanggap sa mga Salita ng Diyos bilang Batayan mo sa Lahat ng Bagay
Tanging sa Pagkilos nang may mga Prinsipyo Magagawa ng Isang Tao nang Maayos ang Kanyang Tungkulin