8. Paano makilatis ang mga pilosopiya at iba’t ibang maling pananampalataya at maling paniniwala ni Satanas

Mga Salita ng Makapangyarihang Diyos ng mga Huling Araw

Ang Diyos Mismo ang katotohanan, at tinataglay Niya ang lahat ng mga katotohanan. Ang Diyos ang pinagmumulan ng katotohanan. Bawat positibong bagay at bawat katotohanan ay nagmumula sa Diyos. Maaari Siyang humatol sa kawastuhan at kamalian ng lahat ng bagay at lahat ng kaganapan; maaari Siyang humatol sa mga bagay na nangyari, mga bagay na nangyayari ngayon, at mga bagay sa hinaharap na hindi pa alam ng tao. Ang Diyos ang tanging Hukom na maaaring humatol sa kawastuhan at kamalian ng lahat ng bagay, at ang ibig sabihin niyan ay Diyos lamang ang maaaring humatol sa kawastuhan at kamalian ng lahat ng bagay. Alam Niya ang pamantayan para sa lahat ng bagay. Kaya Niyang ipahayag ang mga katotohanan sa anumang oras at lugar. Ang Diyos ang pagsasakatawan ng katotohanan, na nangangahulugang Siya Mismo ay nagtataglay ng diwa ng katotohanan. Kahit pa nauunawaan ng tao ang maraming katotohanan at ginagawa siyang perpekto ng Diyos, magkakaroon ba siya kung gayon ng kinalaman sa pagsasakatawan ng katotohanan? Hindi. Tiyak ito. Kapag ginagawang perpekto ang tao, kaugnay ng kasalukuyang gawain ng Diyos at ng iba’t ibang pamantayang hinihingi ng Diyos sa tao, magkakaroon siya ng tumpak na paghuhusga at mga pamamaraan ng pagsasagawa, at ganap niyang mauunawaan ang layunin ng Diyos. Matutukoy niya ang pagkakaiba sa pagitan ng kung ano ang galing sa Diyos at kung ano ang galing sa tao, at ng kung ano ang tama at ano ang mali. Subalit may ilang bagay na nananatiling hindi maabot at hindi malinaw sa tao, mga bagay na malalaman lamang niya matapos sabihin ng Diyos sa kanya. Maaari bang malaman o mahulaan ng tao ang mga bagay na hindi pa nalalaman, mga bagay na hindi pa nasasabi ng Diyos sa kanya? Talagang hindi. Bukod pa riyan, kahit natamo ng tao ang katotohanan mula sa Diyos, at nagtaglay ng katotohanang realidad, at nalaman ang diwa ng maraming katotohanan, at nagkaroon ng kakayahang matukoy ang tama sa mali, magkakaroon ba siya ng kakayahang kontrolin at pamahalaan ang lahat ng bagay? Hindi siya magkakaroon ng ganitong kakayahan. Iyan ang kaibahan sa pagitan ng Diyos at ng tao. Matatamo lamang ng mga nilikha ang katotohanan mula sa pinagmumulan ng katotohanan. Matatamo ba nila ang katotohanan mula sa tao? Ang tao ba ang katotohanan? Makapagbibigay ba ang tao ng katotohanan? Hindi niya kaya, at naroon ang kaibahan. Maaari ka lamang tumanggap ng katotohanan, hindi magbigay nito. Matatawag ka bang isang taong nagtataglay ng katotohanan? Matatawag ka bang pagsasakatawan ng katotohanan? Talagang hindi! Ano ba talaga ang diwa ng pagsasakatawan ng katotohanan? Ito ang pinagmumulan na nagtutustos ng katotohanan, ang pinagmumulan ng pamamahala at pamumuno sa lahat ng bagay, at ito rin ang tanging kriteryo at pamantayan kung saan hinahatulan ang lahat ng bagay at pangyayari. Ito ang pagsasakatawan ng katotohanan.

—Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikawalong Aytem (Ikatlong Bahagi)

Sa Kanyang pagpapahayag ng katotohanan, ipinapahayag ng Diyos ang Kanyang disposisyon at diwa; ang Kanyang pagpapahayag ng katotohanan ay hindi nababatay sa iba’t ibang positibong bagay at pahayag na pinaniniwalaan ng mga tao na ibinuod ng tao. Ang mga salita ng Diyos ay mga salita ng Diyos; ang mga salita ng Diyos ay katotohanan. Ang mga ito ang tanging pundasyon at batas kung saan umiiral ang sangkatauhan, at lahat ng tinaguriang doktrinang nagmumula sa tao ay mali, kakatwa, at kinokondena ng Diyos. Hindi nakakamit ng mga ito ang Kanyang pagsang-ayon, at lalo nang hindi ang mga ito ang pinagmulan o batayan ng Kanyang mga pagbigkas. Ipinapahayag ng Diyos ang Kanyang disposisyon at ang Kanyang diwa sa pamamagitan ng Kanyang mga salita. Lahat ng salitang ipinahayag ng Diyos ay katotohanan, sapagkat taglay Niya ang diwa ng Diyos, at Siya ang realidad ng lahat ng positibong bagay. Paano man itinuturing o binibigyang-depinisyon ng tiwaling sangkatauhan ang mga salita ng Diyos, o paano man nila tinitingnan o inuunawa ang mga ito, ang mga salita ng Diyos ay walang hanggang katotohanan, at ito ay isang katunayan na hindi kailanman nagbabago. Ilang salita man ng Diyos ang nasambit na, at gaano man kinokondena at tinatanggihan nitong tiwali at buktot na sangkatauhan ang mga ito, nananatili ang isang katunayan na hindi nagbabago magpakailanman: Ang mga salita ng Diyos ay palaging ang katotohanan, at hindi ito mababago ng tao kailanman. Sa huli, dapat aminin ng tao na ang mga salita ng Diyos ay ang katotohanan, at na ang iginagalang na tradisyonal na kultura at kaalamang siyentipiko ng sangkatauhan ay hinding-hindi maaaring maging mga positibong bagay, at hinding-hindi maaaring maging katotohanan. Tiyak iyan. Ang tradisyonal na kultura at mga pamamaraan ng pananatiling buhay ng sangkatauhan ay hindi magiging katotohanan dahil sa mga pagbabago o paglipas ng panahon, at hindi rin magiging mga salita ng tao ang mga salita ng Diyos dahil sa pagkondena o pagiging malilimutin ng sangkatauhan. Ang katotohanan ay palaging katotohanan; hindi magbabago ang diwang ito kailanman. Anong katunayan ang umiiral dito? Ito ay na ang mga karaniwang kasabihang ito na naibuod ng sangkatauhan ay nanggagaling kay Satanas, at mga imahinasyon at kuru-kuro ng tao, o nagmumula ang mga ito sa pagiging mainitin ng ulo ng tao at sa mga tiwaling disposisyon ng mga tao, at wala talaga itong kinalaman sa mga positibong bagay. Ang mga salita ng Diyos, sa kabilang banda, ay mga pagpapahayag ng diwa at pagkakakilanlan ng Diyos. Para sa anong dahilan ang Kanyang pagpapahayag ng mga salitang ito? Bakit Ko sinasabing katotohanan ang mga ito? Ito ay dahil ang Diyos ang may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng batas, panuntunan, ugat, diwa, aktwal na pangyayari, at hiwaga ng lahat ng bagay. Hawak ng kamay Niya ang mga ito. Samakatwid, ang Diyos lamang ang nakakaalam ng mga tuntunin, mga aktwal na pangyayari, mga totoong impormasyon, at mga hiwaga ng lahat ng bagay. Alam ng Diyos ang pinagmulan ng lahat ng bagay, at alam ng Diyos kung ano mismo ang pinag-ugatan ng lahat ng bagay. Tanging ang mga depinisyon sa lahat ng bagay na ipinipresenta sa mga salita ng Diyos ang pinakatumpak, at tanging ang mga salita ng Diyos ang mga pamantayan at prinsipyo para sa buhay ng mga tao at ang mga katotohanan at pamantayan ng mga tao para mabuhay, samantalang ang mga satanikong batas at teorya na inaasahan ng tao para mabuhay mula nang gawing tiwali ni Satanas ay kapanabay na taliwas sa katunayan na ang Diyos ang may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay, at sa katunayan na Siya ang may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng batas at panuntunan ng isang bagay. Ang lahat ng satanikong teorya ng tao ay nagmumula sa mga kuru-kuro at imahinasyon ng tao, at ang mga ito ay mula kay Satanas. Anong uri ng papel ang ginagampanan ni Satanas? Una, ipinipresenta nito ang sarili bilang ang katotohanan; pagkatapos, ginugulo, sinisira, at niyuyurakan nito ang lahat ng batas at panuntunan ng lahat ng bagay na nilikha ng Diyos. Kaya, ang anumang nagmumula kay Satanas ay lubos na tumutugma sa diwa ni Satanas, at puno ito ng buktot na layon ni Satanas, ng mga pekeng bagay at pagkukunwari, at ng hindi kailanman nagbabagong ambisyon ni Satanas. Hindi mahalaga kung kayang kilatisin ng mga tiwaling tao ang mga pilosopiya at teoryang ito na mula kay Satanas, at kahit gaano karaming tao ang nagtataguyod, nagsusulong, at sumusunod sa mga bagay na ito, at kahit ilang taon at panahon man hinangaan, sinamba, at ipinangaral ng tiwaling sangkatauhan ang mga ito, hindi magiging katotohanan ang mga ito. Dahil ang diwa, pinagmulan, at ugat ng mga ito ay si Satanas, na mapanlaban sa Diyos at sa katotohanan, kaya ang mga bagay na ito ay hindi kailanman magiging katotohanan—ang mga ito ay palaging magiging mga negatibong bagay. Kapag walang katotohanan na maihahambing, maaaring maituring na mabuti at positibong bagay ang mga ito, ngunit kapag ginamit ang katotohanan para ilantad at himayin ang mga ito, ang mga ito ay hindi perpekto, napapatunayang mali, at mga bagay na mabilis kondenahin at tanggihan. Ang katotohanang ipinapahayag ng Diyos ay tumpak na tumutugma sa mga pangangailangan ng normal na pagkatao ng sangkatauhang nilikha ng Diyos, samantalang ang mga bagay na ikinikintal ni Satanas sa mga tao ay tumpak na salungat sa mga pangangailangan ng normal na pagkatao ng sangkatauhan. Ginagawa ng mga ito na hindi normal, at maging labis-labis, makitid ang isip, mayabang, mangmang, buktot, mapagmatigas, malupit, at maging masyadong mapagmataas pa nga ang isang normal na tao. May isang punto kung saan nagiging masyadong malubha na nagiging baliw ang mga tao at ni hindi na nila alam kung sino sila. Ayaw nilang maging normal o ordinaryong tao, at sa halip ay iginigiit nilang maging superhuman, mga tao na may espesyal na kapangyarihan, o mga tao na nasa mataas na antas—ang mga bagay na ito ang bumaluktot sa pagkatao at sa likas na gawi ng mga tao. Ang katotohanan ay nagpapahintulot sa mga tao na mamuhay nang mas likas ayon sa mga panuntunan at batas ng normal na pagkatao at sa lahat ng panuntunang ito na itinatag ng Diyos, samantalang ang mga di umano’y karaniwang kasabihan at mga mapanlihis na kasabihan ay tumpak na humihimok sa mga tao na talikuran ang kanilang likas na gawi at iwasan ang mga batas na itinakda at binuo ng Diyos, maging hanggang sa punto na hinihimok nila ang mga tao na lumihis mula sa landas ng normal na pagkatao at gumawa ng ilang labis-labis na bagay na hindi dapat ginagawa o iniisip ng mga normal na tao. Ang mga satanikong batas na ito ay hindi lamang bumabaluktot sa pagkatao ng mga tao, kundi nagsasanhi rin ang mga ito na mawalan ng kanilang normal na pagkatao at normal na likas na gawi ang mga tao.

—Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikasiyam na Aytem (Unang Bahagi)

Mula nang unang magkaroon ang tao ng agham panlipunan, ang isip ng tao ay naging abala sa agham at kaalaman. Ang agham at kaalaman ay naging mga kagamitan para sa pamumuno ng sangkatauhan, at doon ay wala nang sapat na puwang para sa tao upang sambahin ang Diyos, at walang kanais-nais na mga kondisyon para sa pagsamba sa Diyos. Ang posisyon ng Diyos ay lumubog nang lalo pang mas mababa sa puso ng tao. Kung wala ang Diyos sa kanyang puso, ang panloob na mundo ng tao ay madilim, walang pag-asa, at walang kabuluhan. Dahil dito, lumitaw ang maraming panlipunang siyentipiko, mananalaysay, at mga pulitiko upang magpahayag ng mga teorya ng agham panlipunan, teorya ng ebolusyon ng tao, at iba pang mga teorya na sumasalungat sa katotohanan na nilikha ng Diyos ang tao upang punuin ang puso at isip ng tao. At sa ganitong paraan, ang mga naniniwala na ang Diyos ang lumikha ng lahat ng bagay ay lalo pang nangaunti, at ang mga naniniwala sa teorya ng ebolusyon ay lalo pang dumami ang bilang. Parami nang parami ang mga tao na itinuturing ang mga talaan ng gawain ng Diyos at Kanyang mga salita sa kapanahunan ng Lumang Tipan bilang mga alamat at mga kathang-isip. Sa kanilang mga puso, ang mga tao ay nagwalang-bahala sa karangalan at kadakilaan ng Diyos, sa doktrina na ang Diyos ay umiiral at namamahala sa lahat ng bagay. Ang pagpapanatili ng sangkatauhan at ang kapalaran ng mga bayan at mga bansa ay hindi na mahalaga sa kanila. Nakatira ang tao sa isang walang kabuluhang mundo na ang iniintindi lamang ay pagkain, pag-inom, at ang paghahangad ng kasiyahan. … Iilang tao lang ang umaako sa paghanap kung saan kumikilos ngayon ang Diyos, o naghahanap kung paano Niya pinamumunuan at inaayos ang hantungan ng tao. At sa ganitong paraan, nang hindi namamalayan ng tao, ang sibilisasyon ng tao ay lalo pang nawawalan ng kakayahang tugunan ang mga kagustuhan ng tao, at maraming tao pa nga ang nakararamdam na, sa pamumuhay sa ganitong mundo, sila ay hindi gaanong masaya kung ihahambing sa mga taong yumao na. Maging ang mga tao ng mga dating napakaunlad na sibilisadong bayan ay nagpapahayag ng mga naturang hinaing. Sapagkat kung walang patnubay ng Diyos, gaano man pakaisipin ng mga pinuno at sosyolohista na maingatan ang sibilisasyon ng tao, ito ay walang kabuluhan. Walang sinuman ang makapupuno ng kawalan sa puso ng tao, dahil walang sinuman ang maaaring maging buhay ng tao, at walang teoryang panlipunan ang maaaring magpalaya sa tao mula sa kawalan na nagpapahirap sa kanya. Agham, kaalaman, kalayaan, demokrasya, paglilibang, kaginhawahan, ang mga ito ay nagdadala lamang ng pansamantalang pahinga sa tao. Kahit na mayroong ganitong mga bagay, hindi pa rin maiwasan ng tao na magkasala at dumaing sa kawalang katarungan ng lipunan. Hindi mababawasan ng mga bagay na ito ang pagnanasa at hangarin ng tao na tumuklas. Sapagkat ang tao ay nilalang ng Diyos at ang walang katuturang mga sakripisyo at mga pagtuklas ng tao ay maaari lamang humantong sa mas marami pang pagdurusa at maaari lamang maging dahilan upang ang tao ay umiral sa hindi nagbabagong kalagayan ng pagkatakot, hindi nalalaman kung paano haharapin ang kinabukasan ng sangkatauhan, o kung paano haharapin ang landas sa hinaharap. Maging ang agham at kaalaman ay kinatatakutan ng tao, at higit na kakatakutan ang pakiramdam ng kawalan. Sa mundong ito, ikaw man ay nakatira sa isang malayang bayan o sa isang bayan na walang mga karapatang pantao, ikaw ay ganap na walang kakayahang takasan ang kapalaran ng sangkatauhan. Ikaw man ang pinuno o ang pinamumunuan, ikaw ay ganap na walang kakayahang takasan ang pagnanais na galugarin ang kapalaran, mga hiwaga, at hantungan ng sangkatauhan. Mas lalo ka pang walang kakayahang takasan ang nakalilitong diwa ng kawalan. Ang ganitong mga pangyayari, na karaniwan sa buong sangkatauhan, ay tinatawag ng mga sosyologo na mga di-pangkaraniwang pangyayari sa lipunan, ngunit walang dakilang taong maaaring lumitaw upang lutasin ang naturang mga problema. Ang tao, kung sabagay, ay tao, at ang posisyon at buhay ng Diyos ay hindi mapapalitan ng sinumang tao. Ang sangkatauhan ay hindi lang basta nangangailangan ng isang makatarungang lipunan kung saan lahat ng tao ay kumakain nang sapat at pantay-pantay at malaya. Ang kailangan ng sangkatauhan ay ang kaligtasan ng Diyos at ang Kanyang pagbibigay ng buhay sa kanila. Kapag natatanggap ng tao ang ibinibigay na buhay ng Diyos at ang Kanyang kaligtasan, saka lamang malulutas ang mga pangangailangan, kasabikang tumuklas, at espirituwal na kawalan ng tao. Kung ang mga tao ng isang bayan o ng isang bansa ay hindi makatatanggap ng pagliligtas at pag-aalaga ng Diyos, tatahakin ng bansa o bayang iyon ang landas tungo sa pagdalisdis, patungo sa kadiliman, at lilipulin ito ng Diyos.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Apendise 2: Ang Diyos ang Namumuno sa Kapalaran ng Buong Sangkatauhan

Ang kaalaman tungkol sa sinaunang kultura ay parang balewalang ninakaw ang tao mula sa presensya ng Diyos at ipinasa siya sa hari ng mga diyablo at sa mga inapo nito. Nadala na ng Apat na Aklat at Limang Klasiko[a] ang pag-iisip at mga kuru-kuro ng tao sa isa pang kapanahunan ng paghihimagsik, na naging sanhi upang higit pa niyang sambahin ang mga sumulat ng Aklat/Klasiko ng mga Dokumento, at bilang resulta upang lalo pang palalain ang kanyang mga kuru-kuro tungkol sa Diyos. Walang kaalam-alam ang tao, walang-awang pinalayas ng hari ng mga diyablo ang Diyos mula sa kanyang puso at pagkatapos ay tuwang-tuwang matagumpay niya mismong inokupa iyon. Mula noon, nag-angkin na ang tao ng pangit na kaluluwa at ng mukha ng hari ng mga diyablo. Napuno ng poot sa Diyos ang kanyang dibdib, at lumaganap ang galit na kasamaan ng hari ng mga diyablo sa kalooban ng tao araw-araw hanggang sa lubos siyang lamunin nito. Wala na ni katiting na kalayaan ang tao at walang paraang makalaya mula sa mga bitag ng hari ng mga diyablo. Wala siyang nagawa kundi magpabihag noon mismo, sumuko at magpatirapa sa pagpapasakop sa presensya nito. Noong araw, nang bata pa ang puso’t kaluluwa ng tao, itinanim doon ng hari ng mga diyablo ang binhi ng tumor ng ateismo, na nagtuturo sa kanya ng mga kamaliang gaya ng “mag-aral ng siyensya at teknolohiya; alamin ang Apat na Modernisasyon; at walang Diyos sa mundo.” Hindi lamang iyan, ipinapahayag nito sa bawat pagkakataon, “Umasa tayo sa ating kasipagan para makabuo tayo ng sarili nating magandang bayan,” na hinihiling sa bawat tao na maging handa mula sa pagkabata na matapat na makapaglingkod sa kanilang bansa. Dinala ang tao, nang walang kamalay-malay, sa presensya nito, kung saan walang pag-aatubiling kinamkam nito ang buong karangalan (ibig sabihin ay ang karangalang nauukol sa Diyos sa pagpigil sa buong sangkatauhan sa Kanyang mga kamay) para sa sarili nito. Hindi ito nagkaroon ng anumang kahihiyan kailanman. Bukod pa rito, hindi ito nahiyang agawin ang mga tao ng Diyos at hilahin sila pabalik sa bahay nito, kung saan tumalon ito na parang daga papunta sa ibabaw ng mesa at pinasamba ang tao rito bilang Diyos. Napakadesperado nito! Iskandaloso itong sumisigaw ng mga bagay na nakakagulat, tulad ng: “Walang Diyos sa mundo. Ang hangin ay nagmumula sa mga pagbabago ayon sa mga batas ng kalikasan; ang ulan ay dumarating kapag sumisingaw ang tubig, na sumasalubong sa malalamig na temperatura, bumabagsak bilang mga patak sa lupa; ang lindol ay pagyanig ng ibabaw ng lupa dahil sa mga pagbabagong nangyayari dito; ang tagtuyot ay dulot ng pagkatuyo ng hangin kapag gumalaw ang pinakagitna sa ibabaw ng araw. Ang mga ito ay mga kababalaghan ng kalikasan. Nasaan, sa lahat ng ito, ang gawain ng Diyos?” Mayroon pa ngang mga sumisigaw ng mga pahayag na gaya ng sumusunod, mga bagay na hindi dapat ipahayag: “Ang tao ay nagmula sa unggoy noong unang panahon, at ang mundo ngayon ay nagmumula sa sunud-sunod na mga sinaunang lipunan na nagsimula humigit-kumulang isang bilyong taon na ang nakakaraan. Ang pag-unlad o pagbagsak ng isang bansa ay nakasalalay sa mga kamay ng mga mamamayan nito.” Sa likod nito, isinasabit ito ng tao sa dingding o ipinapatong ito sa mesa upang pagpitaganan at alayan iyon. Kasabay ng pagsigaw nito ng, “Walang Diyos,” itinataas nito ang sarili bilang Diyos, walang habas na itinutulak ang Diyos palabas ng mga hangganan ng lupa, samantalang nakatayo sa lugar ng Diyos at kumikilos bilang ang hari ng mga diyablo. Hindi na talaga makatwiran! …

Mula itaas hanggang ibaba at mula simula hanggang wakas, ginugulo na ni Satanas ang gawain ng Diyos at kumikilos laban sa Kanya. Lahat ng pag-uusap na ito tungkol sa “sinaunang pamanang kultura,” mahalagang “kaalaman tungkol sa sinaunang kultura,” “mga turo ng Taoism at Confucianism,” at “Confucian classics at mga seremonyang pyudal” ay dinala na ang tao sa impiyerno. Ang mas maunlad na makabagong-panahong siyensya at teknolohiya, pati na ang lubhang maunlad na industriya, agrikultura, at pagnenegosyo ay hindi makita kahit saan. Sa halip, binibigyang-diin lamang nito ang mga ritwal na pyudal na ipinalaganap ng sinaunang “mga unggoy” upang sadyang gambalain, labanan, at lansagin ang gawain ng Diyos. Hindi lamang nito patuloy na sinaktan ang tao hanggang sa araw na ito, kundi nais pa nitong lunukin[1] nang buo ang tao. Ang paghahatid ng moral at etikal na mga turo ng pyudalismo at ang pagpapasa ng kaalaman tungkol sa sinaunang kultura ay matagal nang nahawahan ang sangkatauhan, at ginawa silang mga diyablong malalaki at maliliit. Iilan lamang ang masayang tatanggap sa Diyos, at buong kagalakang sasalubong sa Kanyang pagdating. Ang mukha ng buong sangkatauhan ay puno ng layuning pumatay, at sa lahat ng lugar, ramdam ang layuning pumatay. Hangad nilang palayasin ang Diyos mula sa lupaing ito; hawak ang mga kutsilyo at espada, inaayos nila ang kanilang sarili sa pakikipaglaban upang “puksain” ang Diyos.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Gawain at Pagpasok 7

Mga Talababa:

1. Ang “lunukin” ay tumutukoy sa marahas na pag-uugali ng hari ng mga diyablo, na sinasaklot nang buo ang mga tao.

a. Ang Apat na Aklat at Limang Klasiko ay mapagkakatiwalaang tumpak na mga aklat ng Confucianism sa China.


Anuman ang kasalukuyang antas ng iyong kaalaman, o gaano man kataas ang iyong mga titulo at akademikong kuwalipikasyon, ang sinasabi Ko ngayon ay tungkol sa mga pananaw ng sangkatauhan sa kaalaman at ang Aking mga pananaw sa kaalaman. Alam ba ninyo kung ano ang tingin ng Diyos sa kaalaman? Maaaring sabihin ng isang tao na ninanais ng Diyos na magkaroon ng maunlad na siyensiya ang sangkatauhan, at na makaunawa sila ng mas maraming siyentipikong kaalaman, dahil ayaw Niyang maging masyadong paurong, mangmang at di-nakauunawa ang tao. Tama ito, pero ginagamit ng Diyos ang mga bagay na ito para magserbisyo, at hindi sinasang-ayunan ang mga ito. Kahit gaano pa kamangha-mangha ang mga bagay na ito sa mga mata ng tao, ang mga ito ay hindi ang katotohanan ni panghalili sa katotohanan, kaya naman ipinapahayag ng Diyos ang katotohanan para baguhin ang mga tao at ang kanilang mga disposisyon. Bagaman paminsan-minsan ay maaaring banggitin ng mga salita ng Diyos ang mga pananaw o paraan ng pagtingin sa kaalaman na tulad ng Confucianismo o siyensiyang panlipunan, kumakatawan lang ang mga iyon sa gayong mga pananaw. Sa pagtukoy sa ipinahihiwatig ng mga salita ng Diyos, dapat nating makita na namumuhi Siya sa kaalaman ng tao. Bukod sa naglalaman ang kaalaman ng tao ng mga simpleng pangungusap at simpleng doktrina, naglalaman din ito ng ilang kaisipan at pananaw, pati na ng kahangalan ng tao, mga pagkiling, at mga satanikong lason. May ilang kaalaman pa ngang nakapanlilihis at nagtitiwali sa mga tao—ito ang lason at tumor ni Satanas, at sa sandaling matanggap ng isang tao ang kaalamang ito at maunawaan ito, tutubo ang lason ni Satanas bilang isang tumor sa kanyang puso. Kakalat ang tumor na ito sa buong katawan niya, tiyak na magdudulot ng kamatayan kung hindi siya mapagagaling ng mga salita ng Diyos at magagamot ng katotohanan. Kaya, habang mas maraming kaalaman ang nakakamit ng mga tao, mas marami silang naaarok, kung gayon ay mas malabo silang maniwala sa pag-iral ng Diyos. Sa halip, Siya ay talagang tatanggihan at lalabanan nila, dahil ang kaalaman ay isang bagay na kanilang nakikita at nahahawakan, at karamihan ay may kinalaman sa mga bagay sa kanilang buhay. Maaaring mag-aral ang mga tao at makakuha ng maraming kaalaman sa paaralan, pero bulag sila sa pinagmumulan ng kaalaman at sa kaugnayan nito sa espirituwal na mundo. Karamihan sa kaalamang natututuhan at naaarok ng mga tao ay sumasalungat sa katotohanan ng mga salita ng Diyos, partikular na ang pilosopikal na materyalismo at ebolusyon na nabibilang sa mga maling pananampalataya at panlilinlang ng ateismo. Walang dudang sandamakmak na panlilinlang ang mga ito na lumalaban sa Diyos. Ano ba ang makakamit mo kung magbabasa ka ng mga aklat ng kasaysayan, mga akda ng mga kilalang manunulat, o mga talambuhay ng mga dakilang tao, o marahil ang pag-aaral ng mga partikular na siyentipiko o teknolohikal na aspekto? Halimbawa, kung mag-aaral ka ng pisika, magiging dalubhasa ka sa ilang pisikal na prinsipyo, teoryang Newtonian o iba pang doktrina pero, kapag natutuhan at naisapuso, mapangingibabawan ng mga bagay na ito ang iyong isip at ang iyong kaisipan. Kapag binasa mo ang mga salita ng Diyos pagkatapos, iisipin mo: “Bakit hindi binabanggit ng Diyos ang grabidad? Bakit hindi natatalakay ang kalawakan? Bakit hindi tinatalakay ng Diyos kung may atmospera ang buwan, o kung gaano karaming oxygen ang nasa mundo? Dapat isiwalat ng Diyos ang mga bagay na ito, dahil ang mga ito ang mga bagay na kailangang-kailangang maipaalam at masabi sa sangkatauhan.” Kung nagkikimkim ka ng ganitong mga uri ng mga kaisipan sa iyong puso, ituturing mong pangalawa ang katotohanan at mga salita ng Diyos, sa halip ay ilalagay sa unahan ang lahat ng iyong kaalaman at mga teorya. Ganito mo tatratuhin ang salita ng Diyos. Gayunpaman, mabibigyan ng mga intelektuwal na bagay na ito ng maling ideya ang mga tao at magdudulot sa kanilang lumihis sa Diyos. Hindi mahalaga kung pinaniniwalaan ninyo ito o hindi, o kung kaya ninyo itong tanggapin ngayon—darating ang araw kung kailan aaminin ninyo ang katunayang ito. Talaga bang nauunawaan ninyo kung paano madadala ng kaalaman ang mga tao sa pagkawasak, sa impiyerno? Maaaring may ilang tao na hindi handang tanggapin ito, dahil may ilang tao na mataas ang pinag-aralan at napakalawak ang kaalaman sa paligid ninyo. Hindi Ko kayo kinukutya o tinutuya, nagsasabi lang Ako ng totoo. Hindi Ko hinihiling sa inyong tanggapin ito dito at ngayon mismo, bagkus ay unti-unti kayong magkaroon ng pagkaunawa sa aspektong ito. Idinudulot sa iyo ng kaalamang gamitin ang iyong isip at talino para suriin at harapin ang lahat ng bagay na ginagawa ng Diyos. Magiging hadlang at balakid ito sa pagkilala mo sa Diyos at pagdanas mo sa gawain Niya, at magdudulot sa iyong lumihis at lumaban sa Diyos. Pero may kaalaman ka naman ngayon, kaya ano ang dapat mong gawin? Kailangan mong tukuyin ang pagkakaiba ng kaalamang praktikal sa kaalamang nanggagaling kay Satanas at nabibilang sa maling pananampalataya at panlilinlang. Kung ateistiko, at katawa-tawang kaalaman lang ang tinatanggap mo, mahahadlangan nito ang iyong pananampalataya sa Diyos, magugulo ang normal na kaugnayan mo sa Kanya at ang pagtanggap mo sa katotohanan, at makasasagabal sa buhay pagpasok mo. Kailangan mo itong malaman, dahil ito ay tama.

—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Landas ng Pagsasagawa Tungo sa Pagbabago ng Disposisyon ng Isang Tao

Kaalaman, karanasan, mga aral—wala sa mga bagay na ito ang katotohanan; wala talagang kinalaman ang mga ito sa katotohanan. Sumasalungat pa nga ang mga bagay na ito sa katotohanan at kinokondena ng Diyos. Tingnan ang kaalaman, halimbawa, maituturing bang isang anyo ng kaalaman ang kasaysayan? (Oo.) Paano nabuo ang kaalaman at mga aklat-pangkasaysayan tungkol sa kasaysayan ng tao, kasaysayan ng ilang bansa o etnikong grupo, modernong kasaysayan, sinaunang kasaysayan, o maging ng ilang hindi opisyal na kasaysayan? (Isinulat ang mga ito ng mga tao.) Kaya, ang mga bagay ba na isinulat ng mga tao ay nakaayon sa tunay na kasaysayan? Hindi ba’t salungat ang mga ideya at pananaw ng mga tao sa mga prinsipyo, paraan, at pinagkukunan ng mga pagkilos ng Diyos? Nauugnay ba sa tunay na kasaysayan ang mga salitang ito na binigkas ng tao? (Hindi.) Walang kaugnayan. Samakatuwid, gaano man katumpak ang mga tala na nilalaman sa mga aklat-pangkasaysayan, kaalaman lang ang mga ito. Kahit gaano kahusay magsalita ang mga historyador na iyon, at gaano kalohikal at kalinaw nilang isinalaysay ang mga kasaysayang ito, ano ang konklusyong makukuha mo pagkatapos makinig sa mga ito? (Malalaman namin ang mga pangyayaring iyon.) Oo, malalaman mo ang mga pangyayaring iyon. Pero isinasalaysay ba nila ang mga kasaysayang ito para lang ipaalam sa iyo ang tungkol sa mga pangyayaring iyon? May partikular silang ideya na gusto nilang iindoktrina sa iyo. At ano ang pokus ng kanilang indoktrinasyon? Ito ang kailangan nating suriin at himayin. Hayaan ninyo Akong magbigay ng isang halimbawa para maunawaan ninyo kung ano ang gusto nilang iindoktrina sa mga tao. Pagkatapos balik-aralan ang kasaysayan mula sa sinaunang panahon hanggang sa kasalukuyan, nakabuo ang mga tao sa huli ng isang kasabihan; naobserbahan nila ang isang katotohanan mula sa kasaysayan ng tao, na: “Kinukuha ng mga nagwagi ang korona, at walang nakukuha ang mga talunan.” Kaalaman ba ito? (Oo.) Nagmula ang kaalamang ito mula sa mga katunayang pangkasaysayan. May kinalaman ba ang kasabihang ito sa mga paraan at pinagkukunan kung paano pinanghahawakan ng Diyos ang kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay? (Wala.) Sa katunayan, kabaligtaran ito; sumasalungat at tumataliwas ito sa mga ito. Kaya, naindoktrinahan ka na ng kasabihang ito, at kung hindi mo nauunawaan ang katotohanan, o kung ikaw ay isang walang pananampalataya, ano marahil ang maiisip mo pagkatapos marinig ito? Paano mo maiintindihan ang kasabihang ito? Una sa lahat, inililista lahat ng mga historyador o aklat-pangkasaysayan na ito ang mga ganitong uri ng pangyayari, gamit ang sapat na ebidensya at mga pangyayaring pangkasaysayan para patunayan ang katumpakan ng kasabihan. Sa simula, puwedeng natutunan mo lang ang kasabihang ito mula sa isang libro, at alam mo lang ang mismong kasabihan. Puwedeng nauunawaan mo lang ito sa isang antas o sa isang partikular na lawak hanggang sa mabatid mo ang mga pangyayaring ito. Pero sa sandaling marinig mo ang mga makasaysayang katunayang ito, lalalim ang iyong pagkilala at pagtanggap sa kasabihan. Talagang hindi mo sasabihing, “May mga bagay na hindi ganoon.” Sa halip, sasabihin mong, “Ganyan iyan; sa pagtingin sa kasaysayan mula noong sinaunang panahon hanggang sa kasalukuyan, umunlad ang sangkatauhan sa ganitong paraan—kinukuha ng mga nagwagi ang korona, at walang nakukuha ang mga talunan!” Kapag nakikita mo ang usapin sa gayong paraan, anong mga pananaw at saloobin ang panghahawakan mo sa iyong pag-asal, sa iyong propesyon, at sa iyong pang-araw-araw na buhay, gayundin sa mga tao, mga pangyayari, at mga bagay sa paligid mo? Mababago ba ng gayong pagkakaintindi ang iyong saloobin? (Oo.) Higit sa lahat, mababago ito. Kaya, paano nito mababago ang iyong saloobin? Gagabayan at babaguhin ba nito ang direksiyon ng iyong buhay at ang iyong mga pamamaraan para sa mga makamundong pakikitungo? Marahil pinaniwalaan mo dati na “Ang pagkakasundo-sundo ay yaman; ang pagtitiis ay karunungan” at “Payapa ang buhay ng mabubuti.” Ngayon, iisipin mo na, “Dahil ‘kinukuha ng mga nagwagi ang korona, at walang nakukuha ang mga talunan,’ kung gusto kong maging isang opisyal, kailangan kong pag-isipang mabuti si Ganito-at-ganyan. Wala sila sa panig ko, kaya hindi ko maitataas ang posisyon nila—kahit na karapat-dapat sila na maitaas ang posisyon.” Habang iniisip mo ang mga bagay sa ganitong paraan, magbabago ang iyong saloobin—at mabilis itong magbabago. Paano mangyayari ang pagbabagong ito? Ito ay dahil tinanggap mo ang ideya at pananaw na “Kinukuha ng mga nagwagi ang korona, at walang nakukuha ang mga talunan.” Ang pagdinig ng maraming katunayan ay lalo lang sa iyong magpapatibay sa pagiging tama ng pananaw na ito sa totoong buhay ng tao. Lubos kang maniniwala na dapat mong ilapat ang pananaw na ito sa iyong sariling mga pagkilos at pag-uugali para hangarin ang iyong buhay sa hinaharap at mga pagkakataon. Hindi ka ba mababago ng ideya at pananaw na ito? (Oo.) At habang binabago ka nito, gagawin ka ring tiwali nito. Ganyan ito. Binabago at ginagawa kang tiwali ng gayong kaalaman. Kaya, kapag tinitingnan ang ugat ng usaping ito, gaano man katumpak ang pagkakalatag ng mga kasaysayang ito, sa huli ay nabubuod ang mga ito sa kasabihang ito, at ikaw ay naiindoktrinahan ng ideyang ito. Ang kaalaman bang ito ay ang pagsasakatawan ng katotohanan o ang lohika ni Satanas? (Ang lohika ni Satanas.) Tama iyan. Naipaliwanag Ko ba ito nang may sapat na detalye? (Oo.) Ngayon ay malinaw na ito. Kung hindi ka nananalig sa Diyos, hindi mo pa rin ito mauunawaan kahit na pagkatapos ng dalawang habang buhay—mas matagal kang nabubuhay, mas mararamdaman mo na hangal ka, at iisipin na hindi ka sapat na malupit, at dapat kang maging mas malupit, mas tuso, mas nakatatakot, at mas malala at mas masamang tao. Iisipin mo sa sarili mo na: “Kung kaya niyang pumatay, dapat akong magsindi ng mga apoy. Kung papatay siya ng isang tao, kailangan kong pumatay ng 10. Kung papatay siya nang hindi nag-iiwan ng bakas, mananakit ako ng mga tao nang hindi nila nalalaman—gagawin ko pang pasalamatan ako ng kanilang mga inapo sa loob ng tatlong henerasyon!” Ito ang impluwensiyang naidulot ng pilosopiya, kaalaman, karanasan, at mga aral ni Satanas sa sangkatauhan. Sa realidad, ito ay pang-aabuso at katiwalian lang. Samakatuwid, anumang uri ng kaalaman ang ipinangangaral o ipinapalaganap sa mundong ito, iindoktrinahan ka nito ng isang ideya o pananaw. Kung hindi mo ito makikilatis, malalason ka. Sa kabuuan, isang bagay ang tiyak ngayon: Hindi mahalaga kung ang kaalamang ito ay nagmula sa mga karaniwang tao o mula sa mga opisyal na mapagkukunan, kung iginagalang ito ng isang minorya o iginagalang ng mayorya—wala sa mga ito ang nauugnay sa katotohanan. Ang katotohanan ay ang realidad ng lahat ng positibong bagay. Ang pagiging tama nito ay hindi natutukoy sa bilang ng mga taong kumikilala rito. Ang realidad ng mga positibong bagay ay mismong ang katotohanan. Walang sinumang makapagpapabago nito, ni sinumang makapagkakaila nito. Ang katotohanan ay palaging magiging ang katotohanan.

—Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikawalong Aytem (Ikatlong Bahagi)

Yaong mga kampon ng diyablo ay nabubuhay na lahat para sa kanilang mga sarili. Ang pananaw nila sa buhay at mga salawikain ay kalimitang nagmumula sa mga kasabihan ni Satanas, tulad ng “Ang bawat tao para sa kanyang sarili at bahala na ang iba,” “Ang tao ay namamatay para sa kayamanan, gaya ng mga ibon para sa pagkain,” at iba pang gayong mga maling pahayag. Lahat ng salitang ito na sinambit ng yaong mga diyablong hari, mga dakila, at mga pilosopo ay ang naging mismong buhay ng tao. Lalo na, karamihan sa mga salita ni Confucius, na ipinangangalandakan ng mga Tsino bilang isang “pantas,” ay naging buhay na ng tao. Mayroon ding mga bantog na kasabihan ng Budismo at Taoismo, at ang madalas sipiin na mga klasikong kasabihan ng iba’t ibang tanyag na tao. Lahat ng ito ay mga pagbubuod ng mga pilosopiya ni Satanas at kalikasan ni Satanas. Ang mga ito rin ang pinakamahusay na paglalarawan at paliwanag tungkol sa kalikasan ni Satanas. Ang mga lason na ito na naipasok sa puso ng tao ay nagmumulang lahat kay Satanas, at ni katiting sa mga ito ay walang nagmumula sa Diyos. Ang mga malademonyong salita na iyon ay diretsahan ding kumokontra sa salita ng Diyos. Napakalinaw na ang mga realidad ng lahat ng positibong bagay ay nagmumula sa Diyos, at lahat ng negatibong bagay na lumalason sa tao ay nagmumula kay Satanas. Samakatuwid, makikilatis mo ang kalikasan ng isang tao at kung kanino siya kabilang sa pamamagitan ng pagtingin sa pananaw niya sa buhay at mga pinahahalagahan. Ginagawang tiwali ni Satanas ang mga tao sa pamamagitan ng edukasyon at impluwensiya ng mga pambansang pamahalaan at ng mga sikat at dakila. Ang kanilang mga malademonyong salita ay naging buhay at kalikasan na ng tao. “Ang bawat tao para sa kanyang sarili at bahala na ang iba” ay isang sikat na satanikong kasabihan na naikintal na sa lahat at ito ay naging buhay na ng tao. May iba pang salita ng pilosopiya para sa mga makamundong pakikitungo na katulad din nito. Ginagamit ni Satanas ang tradisyunal na kultura ng bawat bayan para turuan, iligaw, at gawing tiwali ang mga tao, nagsasanhi sa sangkatauhan na mahulog at masadlak sa isang walang-hanggang bangin ng pagkawasak, at sa huli, winawasak ng Diyos ang tao dahil naglilingkod sila kay Satanas at nilalabanan ang Diyos. Ang ilang tao ay naglingkod bilang mga opisyal ng gobyerno sa lipunan sa loob ng deka-dekada. Isipin na kunwari ay itinatanong mo sa kanila ang tanong na ito: “Naging napakahusay mo sa kapasidad na ito, anong mga bantog na kasabihan ang batayan mo sa buhay?” Maaaring sabihin nila, “Ang nag-iisang bagay na nauunawaan ko ay ito: ‘Hindi gagalawin ng mga opisyal ang mga sipsip sa kanila, at ang mga hindi nambobola ay walang mapapala.’” Ito ang satanikong pilosopiya na pinagbabatayan ng kanilang karera. Hindi ba kumakatawan ang mga salitang ito sa likas na pagkatao ng gayong mga tao? Naging kalikasan na niya ang walang-pakundangang paggamit ng anumang paraan para makakuha ng katungkulan, at ang pagiging opisyal at tagumpay sa karera ang kanyang mga layon. Marami pa ring satanikong lason sa buhay, pag-uugali at asal ng mga tao. Halimbawa, ang mga pilosopiya nila para sa mga makamundong pakikitungo, ang kanilang mga paraan ng paggawa ng mga bagay-bagay, at kanilang mga kasabihan ay pawang puno ng mga lason ng malaking pulang dragon, at lahat ng ito ay galing kay Satanas. Kaya, lahat ng dumadaloy sa mga buto at dugo ng mga tao ay kay Satanas. Lahat ng opisyal na iyon, na may kapangyarihan, at yaong mga nagtatagumpay ay may sarili nilang mga landas at lihim sa tagumpay. Hindi ba lubos na kumakatawan ang mga lihim na iyon sa kanilang likas na pagkatao? Napakalaki ng mga nagawa nila sa mundo, at walang sinumang nakakakita nang malinaw sa mga pakana at intrigang nasa likod ng mga iyon. Nagpapakita ito na lubhang masama at makamandag ang kanilang likas na pagkatao. Labis nang nagawang tiwali ni Satanas ang sangkatauhan. Ang kamandag ni Satanas ay dumadaloy sa dugo ng bawat tao, at masasabi na ang kalikasan ng tao ay tiwali, buktot, lumalaban, at salungat sa Diyos, puno ng at lubos na nakalubog sa mga pilosopiya at lason ni Satanas. Ito ay naging ganap na kalikasang diwa ni Satanas. Ito ang dahilan kaya nilalabanan at sinasalungat ng mga tao ang Diyos.

—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Paano Malalaman ang Kalikasan ng Tao

Pilosopiya ni Satanas ang “Pera ang nagpapaikot sa mundo.” Nangingibabaw ito sa buong sangkatauhan, sa bawat lipunan ng mga tao; maaari ninyong sabihin na ito ay isang kalakaran. Ito ay dahil ikinintal ito sa puso ng bawat isang tao, na sa una ay hindi tinanggap ang kasabihang ito, ngunit pagkatapos ay binigyan ito ng hayagang pagtanggap noong maranasan na nila ang tunay na buhay, at nagsimula nilang maramdaman na totoo nga ang mga salitang ito. Hindi ba ito proseso ni Satanas na ginagawang tiwali ang mga tao? Marahil hindi nauunawaan ng mga tao ang kasabihang ito sa parehas na antas, ngunit ang lahat ay mayroong magkakaibang mga antas ng interpretasyon at pagkilala sa kasabihang ito batay sa mga bagay na nangyari sa kanilang paligid at sa kanilang mga sariling karanasan. Hindi ba’t ganito ang sitwasyon? Gaano man karami ang karanasan ng isang tao sa kasabihang ito, ano ang negatibong epekto na maaaring maidulot nito sa puso ng isang tao? Nabubunyag ang isang bagay sa pamamagitan ng disposisyon ng mga tao sa mundong ito, kasama na ang bawat isa sa inyo. Ano ito? Ito ay pagsamba sa salapi. Mahirap bang alisin ito mula sa puso ng isang tao? Napakahirap nito! Tila sadyang napakalalim ng pagtitiwali ni Satanas sa mga tao! Ginagamit ni Satanas ang salapi upang tuksuhin ang mga tao, at tiwaliin silang sumamba sa salapi at ipagpitagan ang mga materyal na bagay. At paano naipapamalas sa mga tao ang pagsambang ito sa salapi? Inaakala ba ninyo na hindi niyo kayang manatiling buhay sa mundong ito nang walang salapi, na ang kahit isang araw na walang salapi ay imposible? Ang katayuan ng mga tao ay base sa kung gaano karaming salapi ang mayroon sila, gayundin ang paggalang na karapat-dapat sa kanila. Ang mga likod ng mahihirap ay nakayuko sa hiya, habang nagpapakasasa ang mayayaman sa kanilang mataas na katayuan. Nakatayo sila nang tuwid at nagmamalaki, nagsasalita nang malakas at namumuhay nang may pagmamataas. Ano ba ang dinadala ng kasabihan at kalakarang ito sa mga tao? Hindi ba totoo na gagawin ng marami ang anumang sakripisyo para sa salapi? Hindi ba isinasakripisyo ng maraming tao ang kanilang dignidad at integridad sa paghahanap ng mas maraming salapi? Hindi ba marami ang mga taong nawawalan ng pagkakataon na gampanan ang kanilang tungkulin at sundin ang Diyos para lamang sa salapi? Hindi ba ang pagkawala ng pagkakataong matamo ang katotohanan at maligtas ang pinakamalaki sa lahat ng nawala sa mga tao? Hindi ba’t masama si Satanas sa paggamit sa pamamaraang ito at sa kasabihang ito upang gawing tiwali ang tao hanggang sa ganitong antas? Hindi ba ito malisyosong pandaraya? Habang sumusulong ka mula sa pagtutol sa popular na kasabihang ito tungo sa pagtanggap dito bilang katotohanan sa huli, lubos na nahuhulog ang iyong puso sa kamay ni Satanas, at kung gayon ay naipapamuhay ang kasabihang ito nang hindi mo namamalayan. Gaano ka naapektuhan ng kasabihang ito? Maaaring alam mo ang tunay na daan, at maaari ring alam mo ang katotohanan, subalit wala kang kapangyarihang hangarin ito. Maaari mong malaman nang malinaw na ang mga salita ng Diyos ay katotohanan, ngunit hindi ka handang magbayad ng halaga, o magdusa upang makamtan ang katotohanan. Sa halip, mas gugustuhin mong isakripisyo ang iyong sariling kinabukasan at tadhana upang kalabanin ang Diyos hanggang sa katapus-tapusan. Anuman ang sinasabi ng Diyos, anuman ang ginagawa ng Diyos, nauunawaan mo man kung gaano kalalim at kung gaano kadakila ang pagmamahal ng Diyos para sa iyo o hindi, mapagmatigas mo pa ring ipipilit ang sarili mong landas at babayaran ang halaga para sa kasabihang ito. Ibig sabihin, naloko at nakontrol na ng kasabihang ito ang iyong mga iniisip, nailigaw na nito ang iyong pag-uugali, at mas gusto mo pang hayaan itong pagharian ang iyong kapalaran kaysa isantabi mo ang iyong paghahangad na yumaman. Kayang kumilos ng mga tao nang ganoon, kaya silang kontrolin at manipulahin ng mga salita ni Satanas—hindi ba ibig sabihin nito ay nailigaw at nagawa na silang tiwali ni Satanas? Hindi pa ba nag-uugat ang pilosopiya at paraan ng pag-iisip ni Satanas, at ang disposisyon ni Satanas, sa puso mo? Kapag pikit-mata mong hinangad na yumaman, at tinalikdan mo ang paghahanap ng katotohanan, hindi ba nagtagumpay na si Satanas sa layunin nitong iligaw ka? Ito mismo ang nangyayari. Nadarama mo ba kapag inililigaw at ginagawa kang tiwali ni Satanas? Hindi. Kung hindi mo nakikita si Satanas na nakatayo sa harap mo mismo, o nadarama na si Satanas iyon na kumikilos nang patago, makikita mo ba ang kasamaan ni Satanas? Malalaman mo ba kung paano ginagawang tiwali ni Satanas ang sangkatauhan? Ginagawang tiwali ni Satanas ang tao sa lahat ng oras at sa lahat ng lugar. Ginagawang imposible ni Satanas na labanan ng tao ang katiwaliang ito at ginagawang walang-laban ang tao rito. Ipinatatanggap sa iyo ni Satanas ang mga kaisipan nito, ang mga pananaw nito, at ang mga buktot na bagay na nagmumula rito sa mga sitwasyon na hindi mo ito namamalayan at kapag hindi mo napapansin kung ano ang nangyayari sa iyo. Tinatanggap ng mga tao ang mga bagay na ito nang lubusan. Minamahal nila at pinanghahawakan ang mga bagay na ito na parang isang kayamanan, hinahayaan nila ang mga bagay na ito na manipulahin sila at paglaruan sila; ganito ang pamumuhay ng mga tao sa ilalim ng kapangyarihan ni Satanas, at wala silang malay na sinusunod nila si Satanas, at lalo pang lumalalim ang pagtitiwali ni Satanas sa tao.

—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi V

Ngayon, may ilang tao na naniniwalang praktikal at tama ang kasabihang “Huwag pagdudahan ang mga taong kinukuha mo sa trabaho, at huwag mong kuhain sa trabaho ang mga taong pinagdududahan mo.” May pagkilatis ba ang gayong mga tao? Nauunawaan ba nila ang katotohanan? Problematiko ba ang mga kaisipan at pananaw ng gayong mga tao? Kung ang isang tao sa loob ng iglesia ay nagpapalaganap ng kasabihang ito, ginagawa niya ito nang may motibo, sinusubukan niyang ilihis ang iba. Sinusubukan niyang gamitin ang kasabihang “Huwag pagdudahan ang mga taong kinukuha mo sa trabaho, at huwag mong kuhain sa trabaho ang mga taong pinagdududahan mo” para pawiin ang mga pag-aalinlangan o pagdududa ng iba tungkol sa kanya. Sa di-tuwirang salita, nangangahulugan ito na gusto niyang magtiwala ang iba na magagawa niya ang gawain, na magtiwala na siya ay isang taong maaaring gamitin. Hindi ba’t ito ang kanyang intensiyon at layon? Ito dapat. Iniisip niya sa sarili niya, “Hindi kayo kailanman nagtitiwala sa akin at palagi kayong nagdududa sa akin. Sa isang punto, malamang na makakakita kayo ng kaunting problema sa akin at tatanggalin ninyo ako. Paano ako makakapagtrabaho kung palaging ito ang nasa isip ko?” Kaya’t ipinalalaganap niya ang pananaw na ito para pagkatiwalaan siya ng sambahayan ng Diyos nang walang pag-aalinlangan at hayaan siyang magtrabaho nang malaya, sa gayon ay nakakamit ang kanyang layon. Kung hinahangad talaga ng isang tao ang katotohanan, dapat niyang tratuhin nang maayos ang pangangasiwa ng sambahayan ng Diyos sa kanyang gawain kapag nakikita niya ito, alam na ito ay para sa kanyang sariling proteksiyon at, higit sa lahat, na pagiging responsable rin ito para sa gawain ng sambahayan ng Diyos. Bagaman maaari niyang ibunyag ang kanyang katiwalian, maaari siyang manalangin sa Diyos para hilingin sa Kanya na siyasatin at protektahan siya, o manumpa sa Diyos na tatanggapin niya ang Kanyang pagpaparusa kung gagawa siya ng kasamaan. Hindi ba nito mapatatahimik ang kanyang isipan? Bakit magpapalaganap ng panlilinlang para ilihis ang mga tao at kamtin ang sariling layunin? May ilang lider at manggagawa na palaging may saloobin ng pagtutol sa pangangasiwa ng hinirang na mga tao ng Diyos o sa mga pagsisikap ng mga nakatataas na lider at manggagawa na malaman ang tungkol sa kanilang gawain. Ano ang iniisip nila? “‘Huwag pagdudahan ang mga taong kinukuha mo sa trabaho, at huwag mong kuhain sa trabaho ang mga taong pinagdududahan mo.’ Bakit palagi ninyo akong pinangangasiwaan? Bakit ginagamit ninyo ako kung hindi ninyo ako pinagkakatiwalaan?” Kung tatanungin mo sila tungkol sa kanilang gawain o magtatanong tungkol sa pag-usad nito at pagkatapos ay magtatanong tungkol sa kanilang personal na kalagayan, magiging mas depensibo pa nga sila: “Ipinagkatiwala sa akin ang gawaing ito; nasa loob ito ng aking saklaw. Bakit kayo nakikialam sa aking gawain?” Bagaman hindi nangangahas na sabihin ito nang tahasan, magpapasaring sila, “Gaya nga ng kasabihan, ‘Huwag pagdudahan ang mga taong kinukuha mo sa trabaho, at huwag mong kuhain sa trabaho ang mga taong pinagdududahan mo.’ Bakit ka masyadong mapagdudang tao?” Kokondenahin at huhusgahan ka pa nila. At paano kung hindi mo nauunawaan ang katotohanan at wala kang pagkilatis? Pagkatapos marinig ang pasaring nila, sasabihin mo, “Mapagduda ba ako? Kung gayon ay mali ako. Mapanlinlang ako! Tama ka: Huwag pagdudahan ang mga taong kinukuha mo sa trabaho, at huwag mong kuhain sa trabaho ang mga taong pinagdududahan mo.” Hindi ba’t sa gayon ay nailihis ka? Naaayon ba sa katotohanan ang kasabihang “Huwag pagdudahan ang mga taong kinukuha mo sa trabaho, at huwag mong kuhain sa trabaho ang mga taong pinagdududahan mo”? Hindi, kalokohan ito! Tuso at mapanlinlang ang mga buktot na taong ito; inihaharap nila ang kasabihang ito bilang katotohanan para ilihis ang mga taong magulo ang isip. Ang isang taong magulo ang isip, kapag narinig ang kasabihang ito, ay tunay na nalilihis, at nalilito siya, iniisip na: “Tama siya, nagkasala ako sa taong ito. Siya mismo ang nagsabi: ‘Huwag pagdudahan ang mga taong kinukuha mo sa trabaho, at huwag mong kuhain sa trabaho ang mga taong pinagdududahan mo.’ Paano ko siya nagawang pagdudahan? Hindi maaaring gawin nang ganito ang gawain. Dapat kong palakasin ang loob niya nang hindi nanghihimasok sa kanyang gawain. Dahil ginagamit ko siya, kailangan kong magtiwala sa kanya at hayaan siyang magtrabaho nang malaya nang hindi siya pinipigilan. Kailangan ko siyang bigyan ng espasyo para sa kanyang pagganap. May abilidad siyang gawin ang trabaho. At kahit wala pa siyang abilidad, naroon pa rin ang Banal na Espiritu na gumagawa!” Anong klaseng lohika ito? Umaayon ba ang alinman dito sa katotohanan? (Hindi.) Tila tama lahat ang salitang ito. “Hindi natin maaaring pigilan ang iba.” “Walang magagawa ang mga tao; ginagawa ng Banal na Espiritu ang lahat. Sinisiyasat ng Banal na Espiritu ang lahat. Hindi natin kailangang magduda dahil ang Diyos ang ganap na namamahala.” Pero anong uri ng mga salita ito? Hindi ba’t ang mga nagsasalita ng mga ito ay mga taong magulo ang isip? Hindi nila maunawaan kahit ito at nailihis sila ng isang pangungusap lang. Ligtas na sabihin na halos lahat ng tao ay itinuturing ang kasabihang “Huwag pagdudahan ang mga taong kinukuha mo sa trabaho, at huwag mong kuhain sa trabaho ang mga taong pinagdududahan mo” bilang katotohanan, at nalilihis at nakatali sila rito. Naguguluhan at naiimpluwensiyahan sila nito kapag pumipili o gumagamit sila ng mga tao, at hinahayaan pa nila itong diktahan ang kanilang mga kilos. Dahil dito, maraming lider at manggagawa ang palaging nahihirapan at nag-aalala tuwing sinusuri nila ang gawain ng iglesia at itinataas nila ng ranggo at ginagamit ang mga tao. Sa huli, ang tanging magagawa nila ay aliwin ang sarili nila sa mga salitang “Huwag pagdudahan ang mga taong kinukuha mo sa trabaho, at huwag mong kuhain sa trabaho ang mga taong pinagdududahan mo.” Tuwing nagsisiyasat sila o nagtatanung-tanong tungkol sa gawain, iniisip nila na, “‘Huwag pagdudahan ang mga taong kinukuha mo sa trabaho, at huwag mong kuhain sa trabaho ang mga taong pinagdududahan mo.’ Dapat akong magtiwala sa aking mga kapatid, tutal naman, sinisiyasat ng Banal na Espiritu ang mga tao, kaya hindi ako dapat palaging magduda at mangasiwa sa iba.” Naimpluwensiyahan na sila ng kasabihang ito, hindi ba? Ano ang mga resultang dulot ng impluwensiya ng kasabihang ito? Una sa lahat, kung ang isang tao ay sumasang-ayon sa ideyang ito ng “Huwag pagdudahan ang mga taong kinukuha mo sa trabaho, at huwag mong kuhain sa trabaho ang mga taong pinagdududahan mo,” sisiyasatin at gagabayan ba niya ang gawain ng iba? Pangangasiwaan at susubaybayan ba niya ang gawain ng mga tao? Kung nagtitiwala ang taong ito sa lahat ng ginagamit niya at hindi kailanman sinisiyasat o ginagabayan ang mga ito sa gawain nila, at hindi sila kailanman pinangangasiwaan, ginagawa ba niya nang tapat ang kanyang tungkulin? Magagawa ba niya nang mahusay ang gawain ng iglesia at makukompleto ang atas ng Diyos? Nagiging tapat ba siya sa atas ng Diyos? Pangalawa, hindi lang ito kabiguang sundin ang salita ng Diyos at gawin ang iyong mga tungkulin, ito ay ayon sa mga pakana at pilosopiya sa makamundong pakikitungo ni Satanas na para bang ang mga ito ang katotohanan, at pagsunod at pagsasagawa ng mga iyon. Sinusunod mo si Satanas at namumuhay ka ayon sa isang satanikong pilosopiya, hindi ba? Hindi ka isang tao na nagpapasakop sa Diyos, lalo nang hindi ka isang taong sumusunod sa mga salita ng Diyos. Ganap na salbahe ka. Ang pagsasantabi ng mga salita ng Diyos, at sa halip ay sinusunod ang isang satanikong kasabihan at isinasagawa ito bilang katotohanan, ay pagtataksil sa katotohanan at sa Diyos! Gumagawa ka sa sambahayan ng Diyos, pero ang mga prinsipyo ng iyong mga pagkilos ay mga satanikong pag-iisip at pilosopiya para sa makamundong pakikitungo, anong klaseng tao ka? Ito ay isang taong nagkakanulo sa Diyos at isang taong labis na hinihiya ang Diyos. Ano ang diwa ng kilos na ito? Hayagang pagkondena sa Diyos at hayagang pagtanggi sa katotohanan. Hindi ba’t iyon ang diwa nito? (Iyon nga.) Dagdag pa sa hindi pagsunod sa kalooban ng Diyos, hinahayaan mong lumaganap sa iglesia ang isa sa maladiyablong kasabihan ni Satanas at ang mga satanikong pilosopiya para sa makamundong pakikitungo. Sa paggawa nito, nagiging kasabwat ka ni Satanas at inaalalayan mo si Satanas sa pagsasagawa ng mga gawain nito sa iglesia, at ginugulo at ginagambala ang gawain ng iglesia. Napakalubha ng diwa ng problemang ito, hindi ba?

—Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Unang Ekskorsus: Kung Ano ang Katotohanan

Kaya ano ang ibig sabihin ng hindi pagsuko? Ito ay kapag ang isang tao ay nabigo, nakatagpo ng mga hadlang, o naligaw sa maling landas, pero hindi nito inaamin. Pilit lang siyang nagpapatuloy. Nabibigo siya pero hindi pinanghihinaan ng loob, nabibigo pero hindi tinatanggap ang kanyang mga pagkakamali. Gaano man karaming tao ang nangangaral o kumukondena sa kanya, hindi siya umuurong. Iginigiit niya ang paglaban, pagtatrabaho at pagpapatuloy sa kanyang direksyon at patungo sa kanyang sariling mga layon, at hindi niya iniisip ang kapalit. Ito ang uri ng mentalidad na tinutukoy nito. Hindi ba’t lubos na mabuti ang mentalidad na ito sa paghimok sa mga tao? Sa mga anong sitwasyon karaniwang ginagamit ang “Huwag sumuko”? Sa bawat uri ng sitwasyon. Saanman umiiral ang mga tiwaling tao, umiiral ang pariralang ito; umiiral ang kaisipang ito. Kaya para saan naisip ng mga taong kauri ni Satanas ang kasabihang ito? Upang hindi kailanman maunawaan ng mga tao ang kanilang sarili, hindi makilala ang kanilang sariling mga pagkakamali, at hindi matanggap ang kanilang sariling mga pagkakamali. Upang hindi lamang makita ng mga tao ang marupok, mahina at walang kakayahang bahagi ng kanilang sarili, kundi sa halip ay makita ang bahagi ng kanilang sarili na may kakayahan, at ang bahagi ng kanilang sarili na makapangyarihan at buo ang loob, hindi maliitin ang kanilang sarili, kundi isipin na sila ay may kakayahan. Hangga’t iniisip mong kaya mo, kaya mo; hangga’t iniisip mong kaya mong maging matagumpay, hindi mabibigo, at kayang maging pinakamahusay, mangyayari ito sa iyo. Hangga’t mayroon ka ng determinasyon at kapasiyahang iyon, ng ambisyon at pagnanais na iyon, magagawa mo ang lahat ng ito. Ang mga tao ay hindi hamak; sila ay makapangyarihan. May kasabihan ang mga walang pananampalataya: “Ang iyong entablado ay kasinlaki ng iyong puso.” Gustung-gusto ng ilang tao ang kasabihang ito sa oras na marinig nila ito: “Wow, gusto ko ng sampung karat na brilyante, ibig sabihin ba nito ay makukuha ko ito? Gusto ko ng isang Mercedes Benz, ibig sabihin ba nito ay makukuha ko ito?” Tutugma ba ang makukuha mo sa lawak ng pagnanais ng puso mo? (Hindi.) Ang kasabihang ito ay isang panlilinlang. Sa madaling salita, ang pagmamataas ng mga taong naniniwala at kumikilala sa pariralang “Huwag sumuko” ay walang hangganan. Alin sa mga salita ng Diyos ang tuwirang sinasalungat ng paraan ng pag-iisip ng mga taong ito? Hinihingi ng Diyos na maunawaan ng mga tao ang kanilang sarili, at umasal sa praktikal na paraan. Ang mga tao ay may mga tiwaling disposisyon; sila ay may mga pagkukulang at isang disposisyong lumalaban sa Diyos. Walang mga perpektong tao sa lahat; walang taong perpekto; mga karaniwang tao lang sila. Paano hinimok ng Diyos ang mga tao na umasal? (Sa paraang mabuti ang pag-uugali.) Ang umasal nang may mabuting pag-uugali, at kumapit nang mahigpit sa kanilang lugar bilang mga nilikha sa isang praktikal na paraan. Hiningi ba kailanman ng Diyos sa mga tao na huwag sumuko? (Hindi.) Hindi. Kung gayon ano ang sinasabi ng Diyos tungkol sa mga tao na sumusunod sa maling landas, o nagbubunyag ng tiwaling disposisyon? (Sinasabi Niya na kilalanin at tanggapin ito.) Kilalanin at tanggapin ito, pagkatapos ay unawain ito, magawang baguhin ang sarili nila, at kamtin ang pagsasagawa ng katotohanan. Sa kabaligtaran, ang hindi pagsuko ay kapag hindi nauunawaan ng mga tao ang kanilang sariling mga problema, hindi nauunawaan ang kanilang mga pagkakamali, hindi tinatanggap ang kanilang mga pagkakamali, hindi binabago ang kanilang sarili sa anu’t ano man, at hindi nagsisisi sa anu’t ano man, lalong hindi tinatanggap ang kataas-taasang kapangyarihan o mga pagsasaayos ng Diyos. Hindi lang sa hindi nila hinahanap kung ano ang eksaktong kapalaran ng mga tao, o kung ano ang mga pamamatnugot at pagsasaayos ng Diyos—hindi lang sa hindi nila hinahanap ang mga bagay na ito, kundi sa halip, inilalagay nila ang kapalaran nila sa sarili nilang mga kamay; gusto nilang sila ang may huling salita. Gayundin, hinihingi ng Diyos sa mga tao na unawain nila ang kanilang sarili, tumpak na suriin at bigyang-halaga ang kanilang sarili, at gawin ang anumang magagawa nila nang maayos sa paraang praktikal at nang may mabuting pag-uugali, at nang kanilang buong puso, isipan, at kaluluwa, samantalang ginagawa ni Satanas na lubusang gamitin ng mga tao ang kanilang mapagmataas na disposisyon, at bigyan ng lubos na kalayaan ang kanilang mapagmataas na disposisyon. Idinudulot nito sa mga taong maging higit sa karaniwang tao, maging dakila, at magkaroon pa nga ng mga higit sa karaniwang kapangyarihan—idinudulot nito sa mga tao na maging mga bagay na hindi maaaring maging sila. Samakatwid, ano ang pilosopiya ni Satanas? Ito ay na kahit na mali ka, hindi ka mali, at na hangga’t mayroon kang mentalidad ng hindi pagtanggap ng pagkatalo, at hangga’t mayroon kang isang mentalidad na huwag sumuko, hindi magtatagal ay darating ang araw na magiging pinakamahusay ka, at hindi magtatagal darating ang araw na matutupad ang iyong mga kagustuhan at layon. Kaya, mayroon bang diwa kung saan ang ibig sabihin ng hindi pagsuko ay gagamit ka ng anumang pamamaraan para maisakatuparan ang isang bagay? Para makamit ang mga layunin mo, hindi mo dapat kilalanin na may kakayahan kang mabigo, hindi mo dapat paniwalaan na isa kang karaniwang tao, at hindi mo dapat paniwalaan na may kakayahan kang sumunod sa maling landas. Dagdag pa rito, dapat walang prinsipyo mong gamitin ang bawat uri ng pamamaraan o lihim na pakana para maisakatuparan ang mga ambisyon at pagnanais mo. Mayroon bang anumang bagay tungkol sa hindi pagsuko kung saan hinaharap ng mga tao ang kapalaran nila nang may saloobin ng paghihintay at pagpapasakop? (Wala.) Wala. Iginigiit ng mga tao na ganap na ilagay ang kapalaran nila sa sarili nilang mga kamay; gusto nilang kontrolin ang sarili nilang kapalaran. Hindi mahalaga kung saang daan man sila pupunta, pagpapalain man sila o anong uri man ng pamumuhay ang tataglayin nila, dapat sila ang may huling salita sa lahat ng bagay.

—Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Unang Ekskorsus: Kung Ano ang Katotohanan

Ang “Maging mahigpit sa iyong sarili at mapagparaya sa iba,” tulad ng mga kasabihan tungkol sa “Huwag mong ibulsa ang pera na iyong napulot” at “Maging masaya sa pagtulong sa iba,” ay isa sa mga hinihingi ng tradisyonal na kultura tungkol sa wastong asal ng mga tao. Sa parehong paraan, makakamit o magagamit man ng isang tao ang wastong asal na ito, hindi pa rin ito ang pamantayan o saligan sa pagsukat ng kanyang pagkatao. Maaaring talagang may kakayahan kang maging mahigpit sa iyong sarili at mapagparaya sa iba, at na kumikilos ka sa talagang matataas na pamantayan. Maaaring walang dungis ang iyong moralidad at maaaring palagi mong iniisip ang iba at nagpapakita ka ng pagsasaalang-alang para sa kanila, nang hindi nagiging makasarili at naghahangad ng sarili mong mga interes. Maaaring tila talagang mapagbigay ka at hindi makasarili, at mayroon kang matibay na pagpapahalaga sa panlipunang responsabilidad at mga moralidad na panlipunan. Ang marangal mong personalidad at mga katangian ay maaaring naipapakita sa mga malapit sa iyo, at sa mga nakakaharap at nakakasalamuha mo. Maaaring ang pag-uugali mo ay hindi kailanman nagbibigay sa iba ng anumang dahilan para sisihin o batikusin ka, sa halip ay nagtatamo ng saganang papuri at paghanga pa nga. Maaaring ituring ka ng mga tao bilang isang taong tunay na mahigpit sa iyong sarili at mapagparaya sa iba. Gayunpaman, ang mga ito ay walang iba kundi mga panlabas na pag-uugali. Ang mga kaisipan at hangarin ba sa kaibuturan ng iyong puso ay naaayon sa mga panlabas na pag-uugali na ito, sa mga pagkilos na ito na isinasabuhay mo sa panlabas? Ang sagot ay hindi, hindi naaayon ang mga ito. Ang dahilan kung bakit kaya mong kumilos nang ganito ay dahil may motibo sa likod nito. Ano ba talaga ang motibong iyon? Maaatim mo ba na umiral ang motibong iyon? Talagang hindi. Pinatutunayan nito na ang motibong ito ay isang bagay na hindi kabanggit-banggit, isang bagay na madilim at masama. Ngayon, bakit hindi kabanggit-banggit at masama ang motibong ito? Dahil ang pagkatao ng mga tao ay pinamamahalaan at kinokontrol ng kanilang mga tiwaling disposisyon. Ang lahat ng kaisipan ng sangkatauhan, sinasabi o ibinubulalas man ang mga ito ng mga tao, ay hindi maipagkakailang pinangingibabawan, kinokontrol, at minamanipula ng kanilang mga tiwaling disposisyon. Bilang resulta, pawang mapaminsala at masama ang mga motibo at intensyon ng mga tao. Nagagawa man ng mga tao na maging mahigpit sa kanilang sarili at mapagparaya sa iba, o ganap man nilang naipapahayag sa panlabas ang moralidad na ito o hindi, hindi maiiwasan na ang moralidad na ito ay hindi magkakaroon ng kontrol o impluwensiya sa kanilang pagkatao. Kung gayon, ano ang kumokontrol sa pagkatao ng mga tao? Ito ay ang kanilang mga tiwaling disposisyon, ang kanilang pagkataong diwa na nakatago sa ilalim ng moralidad na “Maging mahigpit sa iyong sarili at mapagparaya sa iba”—iyon ang tunay nilang likas na pagkatao. Ang tunay na likas na pagkatao ng isang tao ay ang kanyang pagkataong diwa. At ano ang bumubuo sa kanyang pagkataong diwa? Pangunahin itong binubuo ng kanyang mga kagustuhan, hinahangad, pananaw sa buhay at kanilang sistema ng pagpapahalaga, pati na ng kanilang saloobin sa katotohanan at sa Diyos, at iba pa. Ang mga bagay na ito lang ang tunay na kumakatawan sa pagkataong diwa ng mga tao. Masasabi nang may katiyakan na karamihan sa mga taong humihingi sa kanilang sarili na tuparin ang moralidad ng pagiging “mahigpit sa iyong sarili at mapagparaya sa iba,” ay nahuhumaling sa katayuan. Bunsod ng kanilang mga tiwaling disposisyon, hindi nila maiwasang hangarin ang reputasyon sa gitna ng mga tao, katanyagan sa lipunan, at katayuan sa paningin ng iba. Ang lahat ng bagay na ito ay nauugnay sa kanilang pagnanais para sa katayuan, at hinahangad ang mga ito nang nakakubli sa kanilang wastong asal. At paano nangyayari ang mga paghahangad nilang ito? Ang mga ito ay ganap na nagmumula sa at ibinubunsod ng kanilang mga tiwaling disposisyon. Kaya, anuman ang mangyari, tuparin man ng isang tao ang moralidad ng pagiging “mahigpit sa iyong sarili at mapagparaya sa iba” o hindi, at kung nagagawa man niya ito nang perpekto o hindi, hinding-hindi nito mababago ang kanyang pagkataong diwa. Sa ipinapahiwatig nito, nangangahulugan ito na hindi nito mababago sa anumang paraan ang kanyang pananaw sa buhay o sistema ng pagpapahalaga, o magagabayan ang kanyang mga saloobin at perspektiba sa lahat ng uri ng tao, pangyayari, at bagay. Hindi ba iyon ang kaso? (Oo nga.) Kapag mas may kakayahan ang isang tao na maging mahigpit sa kanyang sarili at mapagparaya sa iba, mas nagiging mahusay siya sa pagkukunwari, pagpapanggap, at sa panlilihis sa iba sa pamamagitan ng mabuting pag-uugali at kalugud-lugod na mga salita, at mas likas siyang nagiging mapanlinlang at buktot. Kapag mas ganitong uri siya ng tao, mas nagiging malalim ang kanyang pagmamahal at paghahangad sa katayuan at kapangyarihan. Gaano man kamukhang dakila, kapuri-puri at tama ang kanyang panlabas na wastong asal, at gaano man ito kalugud-lugod pagmasdan para sa mga tao, ang hindi masabing paghahangad na nasa kaibuturan ng kanyang puso, pati na ang kanyang kalikasang diwa, at maging ang kanyang mga ambisyon, ay maaaring sumambulat mula sa kanya anumang oras. Samakatuwid, gaano man kabuti ang kanyang wastong asal, hindi nito maikukubli ang kanyang likas na pagkataong diwa, o ang kanyang mga ambisyon at pagnanais. Hindi nito maikukubli ang kanyang kahindik-hindik na kalikasang diwa na hindi nagmamahal ng mga positibong bagay at tutol at napopoot sa katotohanan. Gaya ng ipinapakita ng mga katunayang ito, ang kasabihang “Maging mahigpit sa iyong sarili at mapagparaya sa iba” ay talagang katawa-tawa—inilalantad nito ang mga ambisyosong tao na tinatangkang gumamit ng gayong mga kasabihan at pag-uugali para pagtakpan ang kanilang mga hindi kabanggit-banggit na ambisyon at pagnanais. Maikukumpara ninyo ito sa ilang anticristo at masamang tao sa iglesia. Upang mapatibay ang kanilang katayuan at kapangyarihan sa iglesia, at upang magkamit ng mas magandang reputasyon sa iba pang miyembro, nagagawa nilang magdusa at magbayad ng halaga habang ginagampanan ang kanilang mga tungkulin, at maaari pa nga nilang talikuran ang kanilang trabaho at mga pamilya at ibenta ang lahat ng mayroon sila upang gugulin ang kanilang sarili para sa Diyos. Sa ilang sitwasyon, ang mga halagang kanilang ibinabayad at ang pagdurusang kanilang dinaranas sa paggugol sa kanilang sarili para sa Diyos ay higit pa sa kung ano ang kaya ng isang pangkaraniwang tao; nagagawa nilang katawanin ang diwa ng matinding pagtitimpi upang mapanatili ang kanilang katayuan. Gayunpaman, gaano man sila magdusa o anumang halaga ang ibinabayad nila, wala sa kanila ang nangangalaga sa patotoo ng Diyos o sa mga interes ng sambahayan ng Diyos, ni hindi sila nagsasagawa ayon sa mga salita ng Diyos. Ang mithiing hinahangad nila ay ang magtamo lang ng katayuan, kapangyarihan, at mga gantimpala ng Diyos. Wala silang ginagawa na may kahit kaunting kaugnayan sa katotohanan. Gaano man sila kahigpit sa kanilang sarili, at gaano man sila kamapagparaya sa iba, ano ang kanilang pinakakahihinatnan? Ano ang iisipin ng Diyos sa kanila? Pagpapasyahan ba Niya ang kanilang kahihinatnan batay sa mga panlabas na mabuting pag-uugaling isinasabuhay nila? Tiyak na hindi. Tinitingnan at hinuhusgahan ng mga tao ang iba batay sa mga pag-uugali at pagpapamalas na ito, at dahil hindi nila mahalata ang diwa ng ibang tao, nalilinlang sila ng mga ito sa huli. Gayunpaman, hindi kailanman nalilinlang ng tao ang Diyos. Hinding-hindi Niya pupurihin at tatandaan ang wastong asal ng mga tao dahil nagagawa nilang maging mahigpit sa kanilang sarili at mapagparaya sa iba. Sa halip, kokondenahin Niya sila dahil sa kanilang mga ambisyon at dahil sa mga landas na tinahak nila sa paghahangad sa katayuan. Samakatuwid, ang mga naghahangad sa katotohanan ay dapat magkaroon ng pagkilatis sa pamantayang ito sa pagsusuri sa mga tao. Dapat nilang lubos na itatwa at talikuran ang katawa-tawang pamantayang ito, at kilatisin ang mga tao ayon sa mga salita ng Diyos at sa mga katotohanang prinsipyo. Dapat ay pangunahin nilang tingnan kung minamahal ng isang tao ang mga positibong bagay, kung nagagawa ba nitong tanggapin ang katotohanan, at kung kaya nitong magpasakop sa kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos, pati na rin ang landas na pinipili at tinatahak nito, at ikategorya kung anong uri ito ng tao, at kung anong uri ng pagkatao ang mayroon ito batay sa mga bagay na ito. Sadyang napakadaling lumitaw ng mga paglihis at pagkakamali kapag hinuhusgahan ng mga tao ang iba batay sa pamantayan ng “Maging mahigpit sa iyong sarili at mapagparaya sa iba.” Kung magkakamali ka sa pagkilatis at pagtingin sa isang tao batay sa mga prinsipyo at kasabihang nagmula sa tao, malalabag mo ang katotohanan at malalabanan ang Diyos sa usaping iyon. Bakit ganito? Ito ay dahil magiging mali ang batayan ng iyong mga pananaw sa mga tao, at hindi ito tutugma sa mga salita ng Diyos at sa katotohanan—maaari pa nga na maging laban at salungat ito sa mga salita ng Diyos at sa katotohanan. Hindi sinusuri ng Diyos ang pagkatao ng mga tao batay sa pahayag tungkol sa wastong asal na, “Maging mahigpit sa iyong sarili at mapagparaya sa iba,” kaya kung ipipilit mo pa ring husgahan ang moralidad ng mga tao at tukuyin kung anong uri sila ng tao ayon sa pamantayang ito, kung gayon ay ganap mo nang nalabag ang mga katotohanang prinsipyo, at tiyak na makagagawa ka ng mga pagkakamali, at makapagdudulot ng ilang kamalian at paglihis. Hindi ba’t ganoon iyon? (Ganoon nga.)

—Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Ang Kahulugan ng Paghahangad sa Katotohanan 6

May isang doktrina sa mga pilosopiya para sa mga makamundong pakikitungo na nagsasabing, “Tumatagal at gumaganda ang pagkakaibigan sa pananahimik sa mga kasalanan ng mabubuting kaibigan.” Nangangahulugan ito na para maingatan ang isang pagkakaibigan, dapat manahimik ang isang tao tungkol sa mga problema ng kanyang kaibigan, kahit malinaw niyang nakikita ang mga iyon—na dapat niyang sundin ang mga prinsipyo ng hindi paghampas sa mga tao sa mukha o pagpuna sa kanilang mga pagkukulang. Lilinlangin nila ang isa’t isa, pagtataguan ang isa’t isa, iintrigahin ang isa’t isa; at bagama’t alam na alam nila kung anong klaseng tao ang isa’t isa, hindi nila iyon sinasabi nang tahasan, kundi gumagamit sila ng mga tusong pamamaraan para maingatan ang kanilang maayos na samahan. Bakit nanaisin ng isang tao na ingatan ang gayong mga relasyon? Tungkol iyon sa hindi pagnanais na magkaroon ng mga kaaway sa lipunang ito, sa loob ng grupo ng isang tao, na mangangahulugan na madalas na malalagay ang sarili sa mapanganib na mga sitwasyon. Dahil alam mong magiging kaaway mo ang isang tao at pipinsalain ka niya matapos mong punahin ang kanyang mga pagkukulang o matapos mo siyang saktan, at dahil ayaw mong ilagay ang sarili mo sa gayong sitwasyon, ginagamit mo ang doktrina ng mga pilosopiya para sa mga makamundong pakikitungo na nagsasabing, “Kung hahampasin mo ang iba, huwag mo silang hampasin sa mukha; kung pupunahin mo ang iba, huwag mong punahin ang mga pagkukulang nila.” Batay rito, kung ganoon ang relasyon ng dalawang tao, maituturing ba silang tunay na magkaibigan? (Hindi.) Hindi sila tunay na magkaibigan, lalong hindi sila magkatapatang-loob. Kaya, ano ba talagang klaseng relasyon ito? Hindi ba’t isa itong pangunahing relasyong panlipunan? (Oo.) Sa gayong mga relasyong panlipunan, hindi naihahandog ng mga tao ang kanilang damdamin, ni wala silang malalalim na pag-uusap, ni sinasabi ang anumang gusto nila. Hindi nila masabi nang malakas ang nasa puso nila, o ang mga problemang nakikita nila sa isa’t isa, o ang mga salitang makakatulong sa isa’t isa. Sa halip, pumipili sila ng magagandang bagay na sasabihin, para patuloy silang magustuhan ng iba. Hindi sila nangangahas na sabihin ang totoo o itaguyod ang mga prinsipyo, dahil baka maging sanhi pa ito para mapoot sa kanila ang iba. Kapag walang sinumang banta sa isang tao, hindi ba’t mamumuhay ang taong iyon nang medyo maginhawa at payapa? Hindi ba’t ito ang layon ng mga tao sa pagtataguyod sa kasabihang, “Kung hahampasin mo ang iba, huwag mo silang hampasin sa mukha; kung pupunahin mo ang iba, huwag mong punahin ang mga pagkukulang nila”? (Oo.) Malinaw na ito ay isang tuso at mapanlinlang na paraan ng pag-iral, na may elemento ng pagtatanggol sa sarili, na ang layon ay pangalagaan ang sarili. Ang mga taong ganito ang pamumuhay ay walang mga katapatang-loob, walang matatalik na kaibigan na mapagsasabihan nila ng kahit anong gusto nila. Maingat sila laban sa isa’t isa, at tuso, at madiskarte, kinukuha ang kailangan nila mula sa relasyon. Hindi ba’t ganoon iyon? Sa ugat nito, ang layon ng “Kung hahampasin mo ang iba, huwag mo silang hampasin sa mukha; kung pupunahin mo ang iba, huwag mong punahin ang mga pagkukulang nila” ay para hindi mapasama ang loob ng iba at hindi magkaroon ng mga kaaway, para protektahan ang sarili sa pamamagitan ng hindi pamiminsala sa sinuman. Isa itong diskarte at pamamaraan na ginagamit ng isang tao para hindi siya masaktan. Kung titingnan ang ilang aspektong ito ng diwa nito, marangal ba na igiit sa wastong asal ng mga tao na, “Kung hahampasin mo ang iba, huwag mo silang hampasin sa mukha; kung pupunahin mo ang iba, huwag mong punahin ang mga pagkukulang nila”? Positibo ba ito? (Hindi.) Kung gayon, ano ang itinuturo nito sa mga tao? Na kailangan ay hindi mo mapasama ang loob o masaktan ang sinuman, kung hindi, sa huli ay ikaw ang masasaktan; at gayundin, na hindi ka dapat magtiwala kaninuman. Kung sasaktan mo ang sinuman sa iyong mabubuting kaibigan, unti-unting magbabago ang inyong pagkakaibigan: Mula sa pagiging mabuti at matalik mong kaibigan ay magiging estranghero siya o isang kaaway. Anong mga problema ang malulutas ng pagtuturo sa mga tao na kumilos nang ganito? Kahit na, sa pamamagitan ng pagkilos sa ganitong paraan, hindi ka nagkakaroon ng mga kaaway at nawawalan pa nga ng iilan, dahil ba dito ay hahangaan at sasang-ayunan ka ng mga tao, at palagi kang ituturing na kaibigan? Ganap ba nitong nakakamit ang pamantayan para sa wastong asal? Hindi na ito hihigit pa sa isa lamang pilosopiya para sa mga makamundong pakikitungo. Maituturing bang mabuting wastong asal ang pagsunod sa pahayag at kaugaliang ito? Hinding-hindi. Ganito magturo ang ilang magulang sa kanilang mga anak. Kung mabubugbog ang kanilang anak habang nasa labas, sasabihin nila sa anak nila, “Ang lampa mo naman. Bakit hindi ka lumaban? Kung susuntukin ka niya, sipain mo siya!” Ito ba ang tamang paraan? (Hindi.) Ano ang tawag dito? Pang-uudyok ang tawag dito. Ano ang layunin ng pang-uudyok? Ang maiwasan na malugi at ang manamantala ng iba. Kung susuntukin ka ng isang tao, sasakit iyon nang ilang araw, sa pinakamatagal; kung pagkatapos ay sisipain mo siya, hindi ba’t magiging mas malubha ang mga kalalabasan? At sino ang nakapagsanhi nito? (Ang mga magulang, dahil sa kanilang pang-uudyok.) Kaya hindi ba’t bahagya itong katulad ng kalikasan ng pahayag na “Kung hahampasin mo ang iba, huwag mo silang hampasin sa mukha; kung pupunahin mo ang iba, huwag mong punahin ang mga pagkukulang nila”? Tama bang makisalamuha sa ibang tao ayon sa pahayag na ito? (Hindi.) Hindi, hindi tama. Kung titingnan ito mula sa anggulong ito, hindi ba’t isa itong paraan ng pang-uudyok sa mga tao? (Oo, ganoon nga.) Tinuturuan ba nito ang mga tao na maging matalino kapag nakikisalamuha sa iba, na matukoy ang pagkakaiba-iba ng mga tao, na makita nang tama ang mga tao at bagay-bagay, at na makisalamuha sa mga tao sa matalinong paraan? Itinuturo ba nito sa iyo na kung makakikilala ka ng mabubuting tao, ng mga taong may pagkatao, dapat mo silang tratuhin nang may sinseridad, bigyan sila ng tulong kung kaya mo, at kung hindi naman, dapat kang maging mapagparaya at tratuhin mo sila nang maayos, matuto kang palampasin ang kanilang mga pagkukulang, pagtiisan ang mga maling pagkaunawa at panghuhusga nila sa iyo, at matuto mula sa kanilang mga kalakasan at mabuting katangian? Iyon ba ang itinuturo nito sa mga tao? (Hindi.) Kaya, ano ang nagiging resulta ng itinuturo ng kasabihang ito sa mga tao? Ginagawa ba nitong mas matapat ang mga tao, o mas mapanlinlang? Nauuwi ito sa pagiging mas mapanlinlang ng mga tao; lalong napapalayo ang puso ng mga tao sa isa’t isa, lumalawak ang distansya sa pagitan ng mga tao, at nagiging kumplikado ang relasyon ng mga tao; katumbas ito ng komplikasyon sa panlipunang relasyon ng mga tao. Nawawala ang tapatang pag-uusap ng mga tao, at umuusbong ang maingat na pag-iisip ng mga tao sa isa’t isa. Magiging normal pa rin ba ang relasyon ng mga tao sa ganitong paraan? Gaganda ba ang mga pananaw sa lipunan? (Hindi.) Kaya nga malinaw na mali ang kasabihang “Kung hahampasin mo ang iba, huwag mo silang hampasin sa mukha; kung pupunahin mo ang iba, huwag mong punahin ang mga pagkukulang nila.” Ang pagtuturo sa mga tao na gawin ito ay hindi makatutulong na makapamuhay sila ng isang normal na pagkatao; bukod pa riyan, hindi nito magagawang malinis, matuwid, o prangka ang mga tao. Hinding-hindi ito makapagtatamo ng anumang positibo.

Ang kasabihang “Kung hahampasin mo ang iba, huwag mo silang hampasin sa mukha; kung pupunahin mo ang iba, huwag mong punahin ang mga pagkukulang nila” ay tumutukoy sa dalawang kilos: ang isa ay ang paghampas, at ang isa naman ay ang pagpuna. Sa mga normal na pakikisalamuha ng mga tao sa iba, tama ba o mali na hampasin ang isang tao? (Mali.) Ang paghampas ba sa isang tao ay pagpapakita at pag-uugali ng normal na pagkatao sa pakikisalamuha ng isang tao sa iba? (Hindi.) Talagang mali na hampasin ang mga tao, sa mukha man o sa ibang bahagi mo man sila hampasin. Kaya, ang pahayag na “Kung hahampasin mo ang iba, huwag mo silang hampasin sa mukha” ay likas na mali. Ayon sa kasabihang ito, lumilitaw na hindi tamang hampasin ang isang tao sa mukha, ngunit tama na manghampas sa ibang bahagi, dahil pagkatapos mahampas ang mukha ay namumula, namamaga, at napipinsala ito. Nagiging masama at hindi presentable ang hitsura ng tao, at ipinakikita rin nito na masyadong bastos, magaspang, at di-marangal ang paraan ng pagtrato mo sa mga tao. Kaya, marangal ba na hampasin ang mga tao sa ibang bahagi? Hindi—hindi rin iyon marangal. Sa katunayan, hindi nakatuon ang kasabihang ito sa kung saan dapat hampasin ang isang tao, kundi sa salitang “hampasin” mismo. Kapag nakikisalamuha sa iba, kung palagi kang nanghahampas ng iba bilang paraan ng pagharap at pagtugon sa mga problema, mali ang mismong pamamaraan mo. Nagagawa ito dahil sa pagiging padalos-dalos at hindi ito nakabatay sa konsensiya at katwiran ng pagkatao ng isang tao, at siyempre, lalong hindi ito pagsasagawa ng katotohanan o pagsunod sa mga katotohanang prinsipyo. May ilang tao na hindi nang-aatake ng dangal ng iba kapag kaharap ang mga ito—maingat sila sa kanilang sinasabi at iniiwasan nilang manghampas ng iba sa mukha, ngunit lagi naman silang gumagawa ng masasamang pakana kapag hindi kaharap ang mga ito, kinakamayan ang mga ito sa ibabaw ng mesa ngunit sinisipa naman ang mga ito sa ilalim niyon, nagsasabi ng mabubuting bagay sa harapan ng mga ito ngunit nakikipagsabwatan naman laban sa mga ito kapag nakatalikod ang mga ito, humahanap ng kasiraan at ginagamit iyon laban sa mga ito, naghihintay ng mga pagkakataon upang maghiganti, nagpaparatang ng mali at nagpapakana, nagpapakalat ng mga sabi-sabi, o gumagawa ng mga alitan at gumagamit ng ibang tao upang atakihin ang mga ito. Ano ang higit na ibinuti ng mga mapaminsalang pamamaraang ito kaysa sa paghampas sa isang tao sa mukha? Hindi ba’t higit pang malubha ang mga iyon kaysa sa paghampas sa isang tao sa mukha? Hindi ba’t higit pang mapaminsala, malupit at hindi makatao ang mga iyon? (Oo, ganoon nga.) Kung gayon, ang pahayag na “Kung hahampasin mo ang iba, huwag mo silang hampasin sa mukha” ay likas na walang saysay. Mismong ang perspektibang ito ay isang pagkakamali, na may pahiwatig ng pagkukunwari. Isa itong mapagpaimbabaw na pamamaraan, na ginagawa ito na lalo pang karima-rimarim, kasuklam-suklam, at kamuhi-muhi. Ngayon ay malinaw na sa atin na ang mismong paghampas sa mga tao ay nagagawa dahil sa pagiging padalos-dalos. Ano ang basehan mo para manghampas ng isang tao? Ipinahihintulot ba ito ng batas, o karapatan ba itong ibinigay sa iyo ng Diyos? Parehong hindi. Kaya, bakit ka manghahampas ng mga tao? Kung kaya mong normal na makisama sa isang tao, makagagamit ka ng mga tamang paraan para makasundo siya at makisalamuha sa kanya. Kung hindi mo siya makasusundo, maaari kayong maghiwalay ng landas nang hindi kinakailangang kumilos nang padalos-dalos o magkasakitan. Sa loob ng saklaw ng konsensiya at katwiran ng pagkatao, isa itong bagay na dapat gawin ng mga tao. Sa sandaling kumilos ka nang padalos-dalos, kahit pa hindi mo hampasin ang tao sa mukha kundi sa ibang bahagi, isa itong malubhang problema. Hindi ito normal na paraan ng pakikisalamuha. Ganito makisalamuha ang magkakaaway, hindi ang normal na paraan ng pakikisalamuha ng mga tao. Hindi ito katanggap-tanggap na katinuan ng pagkatao. Ang salita bang “punahin” sa kasabihang “kung pupunahin mo ang iba, huwag mong punahin ang mga pagkukulang nila” ay mabuti o masama? Ang salita bang “punahin” ay may antas kung saan tumutukoy ito sa pagkahayag o pagkalantad ng mga tao sa mga salita ng Diyos? (Wala.) Mula sa Aking pagkaunawa sa salitang “punahin” batay sa pag-iral nito sa wika ng tao, wala itong gayong kahulugan. Ang diwa nito ay isang medyo mapaminsalang uri ng paglalantad; nangangahulugan ito na ibunyag ang mga problema at pagkukulang ng mga tao, o ang ilang bagay at pag-uugali na lingid sa kaalaman ng iba, o ilang intriga, ideya, o pananaw na nasa likod. Ito ang kahulugan ng salitang “punahin” sa kasabihang “kung pupunahin mo ang iba, huwag mong punahin ang mga pagkukulang nila.” Kung ang dalawang tao ay magkasundo at magkatapatang-loob, na walang mga hadlang sa pagitan nila, at kapwa sila umaasa na maging pakinabang at tulong sa isa’t isa, magiging pinakamainam para sa kanila na umupo nang magkatabi at ilantad ang mga problema ng isa’t isa nang bukas at taos-puso. Ito ay nararapat, at hindi ito pagpuna sa mga pagkukulang ng iba. Kapag natuklasan mo ang mga problema ng ibang tao ngunit nakita mong hindi pa niya kayang tanggapin ang payo mo, huwag ka na lang magsalita ng kahit ano, para maiwasan ang away o alitan. Kung gusto mo siyang tulungan, maaari mong hingin ang kanyang opinyon at tanungin muna siya, “Nakikita kong medyo may problema ka, at nais kong bigyan ka ng kaunting payo. Hindi ko alam kung makakaya mo itong tanggapin. Kung makakaya mo, sasabihin ko sa iyo. Kung hindi mo makakaya, sasarilinin ko muna ito sa ngayon at hindi ako magsasalita.” Kapag sinabi niyang “Pinagkakatiwalaan kita. Anuman ang sasabihin mo ay magiging katanggap-tanggap; kaya ko itong tanggapin,” ang ibig sabihin niyon ay nabigyan ka ng pahintulot, at maaari mo nang isa-isang ipaalam sa kanya ang kanyang mga problema. Hindi lamang niya lubusang tatanggapin ang sasabihin mo, kundi makikinabang din siya mula rito, at maaari pa ring mapanatili ninyong dalawa ang isang normal na relasyon. Hindi ba iyan pagtrato sa isa’t isa nang may sinseridad? (Oo.) Ito ang tamang pamamaraan ng pakikipag-ugnayan sa iba; hindi ito pagpuna ng mga pagkukulang ng iba. Ano ang ibig sabihin ng huwag “punahin ang mga pagkukulang ng iba,” gaya ng sabi ng kasabihang pinag-uusapan? Nangangahulugan ito na huwag magsalita tungkol sa mga kakulangan ng iba, na huwag magsalita tungkol sa mga pinakamaselan nilang problema, na huwag ilantad ang diwa ng kanilang problema, at na huwag masyadong maging lantaran sa pagpuna. Nangangahulugan ito na magbigay lang ng ilang mabababaw na komento, sabihin ang mga bagay na karaniwang sinasabi ng lahat, sabihin ang mga bagay na naiintindihan na ng tao mismo, at huwag magbunyag ng mga pagkakamaling nagawa ng tao dati o mga sensitibong isyu. Anong magiging pakinabang nito sa tao kung kikilos ka nang ganito? Marahil ay hindi mo sila nainsulto o naging kaaway, pero ang nagawa mo ay hindi nakakatulong o nakakabuti sa kanila. Kaya, ang mismong pariralang “huwag mong punahin ang mga pagkukulang ng iba” ay hindi tuwiran at isang uri ng panlilinlang na hindi hinahayaan na tratuhin ng mga tao ang isa’t isa nang may sinseridad. Maaaring sabihin ng isang tao na ang pagkilos sa ganitong paraan ay pagkimkim ng masasamang layunin; hindi ito ang tamang paraan ng pakikipag-ugnayan sa iba. Itinuturing pa nga ng mga walang pananampalataya ang “kung pupunahin mo ang iba, huwag mong punahin ang mga pagkukulang nila” bilang isang bagay na dapat gawin ng isang taong may marangal na moralidad. Malinaw na isa itong mapanlinlang na pamamaraan ng pakikipag-ugnayan sa iba, na ginagamit ng mga tao para protektahan ang kanilang sarili; hindi talaga ito isang tamang sistema ng pakikipag-ugnayan.

—Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Ang Kahulugan ng Paghahangad sa Katotohanan 8

Ang kasabihan tungkol sa wastong asal na “Wala nang silbi ang pagpupugot ng mga ulo; maging mabait hangga’t maaari,” na tinutukoy sa tradisyonal na kulturang Tsino, ay isang doktrina na pumipigil at nagbibigay-liwanag sa mga tao. Makalulutas lamang ito ng maliliit na pagtatalo at mabababaw na alitan, ngunit wala itong anumang epekto pagdating sa mga taong nagkikimkim ng malalim na pagkapoot. Talaga bang nauunawaan ng mga taong nagpapanukala sa kinakailangang ito ang pagkatao ng tao? Maaaring sabihin ng isang tao na ang mga taong nagpapanukala sa kinakailangang ito ay mayroon namang alam tungkol sa kung gaano kahaba ang hangganan ng pagtitiis ng konsensiya at katinuan ng tao. Kaya lamang ay nagmumukha silang sopistikado at marangal, at nakukuha nila ang pagsang-ayon at papuri ng mga tao dahil sa pagpapanukala sa teoryang ito. Sa katunayan, alam na alam nilang kapag sinaktan ng isang tao ang dignidad o karakter ng isang tao, pininsala ang kanyang mga interes, o naapektuhan pa nga ang kanyang mga inaasahan sa hinaharap at ang kanyang buong buhay, mula sa perspektiba ng pagkatao, dapat ay gumanti ang naagrabyadong partido. Kahit gaano pa katibay ang kanyang konsensiya at katinuan, hindi niya ito tatanggapin nang ganoon-ganoon lang. Sa pinakamatindi, magkakaiba lamang sa antas at pamamaraan ng kanyang paghihiganti. …

Bakit kayang bitiwan ng mga tao ang poot? Ano ang mga pangunahing kadahilanan? Sa isang banda, naiimpluwensiyahan sila ng kasabihang ito tungkol sa wastong asal—“Wala nang silbi ang pagpupugot ng mga ulo; maging mabait hangga’t maaari.” Sa kabilang banda, nag-aalala sila sa kaisipang kung magkakaroon sila ng mabababaw na hinaing, palaging mapopoot sa mga tao, at hindi sila mapagpaubaya sa iba, hindi sila magkakaroon ng posisyon sa lipunan at makokondena sila ng opinyon ng madla at mapagtatawanan ng mga tao, kaya kailangan nilang pigilan ang kanilang galit kahit na napipilitan at labag sa kanilang loob. Sa isang banda, sa pagtingin sa likas na damdamin ng tao, hindi makakayanan ng mga taong nabubuhay sa mundong ito ang lahat ng paniniil, walang kabuluhang pagdurusa at hindi patas na pagtratong ito. Ibig sabihin, wala sa pagkatao ng mga tao ang makayanan ang mga bagay na ito. Samakatuwid, hindi patas at hindi makataong ipanukala ang kahilingang “Wala nang silbi ang pagpupugot ng mga ulo; maging mabait hangga’t maaari” sa kahit na kanino. Sa kabilang banda, malinaw na naaapektuhan o nababaluktot din ng ganoong mga ideya at pananaw ang mga pananaw at perspektiba ng mga tao ukol sa mga bagay na ito, kaya hindi nila magawang tratuhin nang angkop ang ganoong mga bagay at sa halip ay tama at positibong mga bagay ang tingin nila sa mga kasabihang tulad ng “Wala nang silbi ang pagpupugot ng mga ulo; maging mabait hangga’t maaari.” Kapag nagdaranas ang mga tao ng hindi patas na pagtrato, upang makaiwas sa pagkondena ng opinyon ng madla, wala silang magagawa kundi kimkimin ang mga insulto at hindi patas na pagtratong kanilang dinanas, at maghintay ng pagkakataong makaganti. Kahit pa nagsasabi sila ng mga bagay na masasarap pakinggan tulad ng “‘Wala nang silbi ang pagpupugot ng mga ulo; maging mabait hangga’t maaari.’ Hindi bale, wala nang puntong gumanti, tapos na iyon,” pinipigilan sila ng likas na damdamin ng tao na kalimutan kailanman ang pinsalang nagawa sa kanila ng insidenteng ito, na ang ibig sabihin, ang pinsalang nagawa nito sa kanilang katawan at isipan ay hindi na kailanman mabubura o maglalaho. Kapag sinasabi ng mga taong “Kalimutan na natin ang poot, nangyari na ang bagay na ito, tapos na ito,” isa lamang iyong palabas na nabuo dahil lamang sa pagpipigil at impluwensiya ng mga ideya at pananaw gaya ng “Wala nang silbi ang pagpupugot ng mga ulo; maging mabait hangga’t maaari.” Siyempre, nalilimitahan din ng ganoong mga ideya at pananaw ang mga tao, hangga’t iniisip nila na kung hindi nila maisasagawa ang mga iyon, kung wala silang puso o pagkabukas-palad upang maging mabait hangga’t maaari, mahahamak at makokondena sila ng lahat, at lalo pa silang madidiskrimina sa lipunan o sa loob ng kanilang pamayanan. Ano ang kahihinatnan kapag nadiskrimina ka? Iyon ay, kapag nakasalamuha mo ang mga tao at hinarap mo ang iyong gawain, sasabihin ng mga tao, “Makitid ang isip at mapaghiganti ang taong ito. Mag-ingat kayo sa pakikitungo sa kanya!” Epektibo itong nagiging karagdagang hadlang kapag humaharap ka sa iyong gawain sa loob ng pamayanan. Bakit mayroong ganitong karagdagang hadlang? Dahil ang kabuuan ng lipunan ay naiimpluwensiyahan ng mga ideya at pananaw gaya ng “Wala nang silbi ang pagpupugot ng mga ulo; maging mabait hangga’t maaari.” Ang ganoong pag-iisip ay iginagalang ng pangkalahatang kaugalian ng lipunan, at ang buong lipunan ay nalilimitahan, naiimpluwensiyahan at nakokontrol nito, kaya kung hindi mo ito maisasagawa, magiging mahirap magkaroon ng posisyon sa lipunan, at umiral sa loob ng iyong pamayanan. Samakatuwid, walang ibang magagawa ang ilang tao kundi sumunod sa ganoong mga kaugaliang panlipunan at sumunod sa mga kasabihan at pananaw na gaya ng “Wala nang silbi ang pagpupugot ng mga ulo; maging mabait hangga’t maaari,” at nagiging kaawa-awa ang mga buhay. Batay sa mga pangyayaring ito, hindi ba’t may mga partikular na mithiin at layunin ang diumano’y mga moralista sa pagpapanukala ng mga kasabihang ito tungkol sa mga moral na ideya at pananaw? Ginawa ba nila ito upang makapamuhay nang mas malaya ang mga tao, at maging mas maginhawa ang kanilang katawan, isipan at espiritu? O ito ba ay upang magkaroon ang mga tao ng mas maliligayang buhay? Malinaw na malinaw na hindi. Hindi talaga natutugunan ng mga kasabihang ito tungkol sa wastong asal ang mga pangangailangan ng normal na pagkatao ng mga tao, at lalong hindi ipinanukala ang mga iyon upang mahikayat ang mga taong magsabuhay ng normal na pagkatao. Sa halip, ganap na pinaglilingkuran ng mga iyon ang ambisyon ng naghaharing uri na kontrolin ang mga tao at patatagin ang sarili nitong kapangyarihan. May silbi lamang ang mga iyon sa naghaharing uri, at ipinanukala ang mga iyon upang makontrol ng naghaharing uri ang kaayusan at kaugaliang panlipunan, kung saan ginagamit ang mga bagay na ito upang limitahan ang bawat tao, bawat pamilya, bawat indibidwal, bawat pamayanan, bawat grupo, at ang lipunang binubuo ng lahat ng iba’t ibang grupo. Sa ganoong mga lipunan, sa ilalim ng indoktrinasyon, impluwensiya, at pagtatanim ng ganoong mga moral na ideya at pananaw, lumilitaw at nabubuo ang nangingibabaw na mga moral na ideya at pananaw sa lipunan. Ang pagkabuong ito ng panlipunang moralidad at kaugaliang panlipunan ay hindi higit na nakatutulong sa pag-iral ng sangkatauhan, ni hindi rin ito mas nakatutulong sa pag-unlad at pagdadalisay ng kaisipan ng tao, ni mas nakatutulong sa pagpapabuti ng pagkatao. Sa kabaligtaran, dahil sa paglitaw ng mga moral na ideya at pananaw na ito, nalilimitahan ang pag-iisip ng tao sa isang nakokontrol na antas. Kaya, sino ang nakikinabang sa huli? Ang sangkatauhan ba? O ang naghaharing uri? (Ang naghaharing uri.) Tama iyon, ang naghaharing uri ang nakikinabang sa huli. Kapag ang mga moral na kasulatang ito ang batayan ng kanilang pag-iisip at wastong asal, ang mga tao ay mas madaling pamunuan, mas malamang na maging mga masunuring mamamayan, mas madaling manipulahin, mas madaling mapapangibabawan ng iba’t ibang kasabihan ng mga moral na kasulatan sa lahat ng kanilang ginagawa, at mas madaling pamahalaan ng mga sistemang panlipunan, panlipunang moralidad, kaugaliang panlipunan, at opinyon ng madla. Sa ganitong paraan, sa isang partikular na antas, ang mga taong nasa ilalim ng parehong mga sistemang panlipunan, moral na kapaligiran, at kaugaliang panlipunan ay pangunahing mayroong mga nagkakaisang ideya at pananaw, at nagkakaisang pamantayan sa kung paano sila dapat umasal, dahil sumailalim ang kanilang mga ideya at pananaw sa pagpoproseso at istandardisasyon ng mga diumano’y moralista, intelektuwal, at tagapagturong ito. Ano ba ang ibig sabihin ng salitang ito na “nagkakaisa”? Nangangahulugan itong ang lahat ng pinamumunuan—pati na ang kanilang mga kaisipan at normal na pagkatao—ay nahubog at nalimitahan na ng mga kasabihang ito mula sa mga moral na kasulatan. Nalilimitahan ang mga kaisipan ng mga tao, at kasabay niyon ay nalilimitahan din ang kanilang mga bibig at utak. Napipilitan ang lahat na tanggapin ang mga moral na ideya at pananaw na ito ng tradisyonal na kultura, kung saan ginagamit ang mga ito upang husgahan at pigilan ang sarili nilang pag-uugali sa isang banda, at husgahan ang iba at ang lipunang ito sa kabilang banda. Siyempre, kasabay niyon, nakokontrol din sila ng opinyon ng madla, na nakasentro sa mga kasabihang ito mula sa mga moral na kasulatan. Kung sa palagay mo ay taliwas sa kasabihang “Wala nang silbi ang pagpupugot ng mga ulo; maging mabait hangga’t maaari” ang paraan ng paggawa mo ng mga bagay-bagay, labis kang mababagabag at mababalisa, at hindi magtatagal ay maiisip mong “kung hindi ko magagawang maging mabait hangga’t maaari, kung masyado akong mababaw at makitid ang isip ko na gaya ng kung sinong makitid at mababaw na tao, at hindi ko mabitiwan ang kahit katiting na poot, bagkus ay dala-dala iyon sa lahat ng oras, mapagtatawanan ba ako? Madidiskrimina ba ako ng mga kasamahan at kaibigan ko?” Kaya, kailangan mong magkunwaring may napakabuting-loob. Kung taglay ng mga tao ang mga pag-uugaling ito, nangangahulugan ba itong kinokontrol sila ng opinyon ng madla? (Oo.) Sa makatarungang pagsasalita, sa kaibuturan ng iyong puso ay may mga hindi nakikitang tanikala, na ang ibig sabihin ay ang opinyon ng madla at ang pagkondena ng buong lipunan ay parang mga hindi nakikitang tanikala para sa iyo.

—Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Ang Kahulugan ng Paghahangad sa Katotohanan 9

Ang implikasyon ng kasabihang “Ang ayaw mong gawin sa iyo, huwag mong gawin sa kapwa mo,” ay na dapat mo lamang ibigay o itustos sa iba ang mga bagay na gusto at ikinasisiya mo mismo. Ngunit anong mga bagay ang gusto at ikinasisiya ng mga tiwaling tao? Mga tiwaling bagay, mga di-makatwirang bagay, at maluluhong pagnanasa. Kung ibibigay at itutustos mo sa mga tao ang mga negatibong bagay na ito, hindi ba’t magiging mas lalong tiwali ang buong sangkatauhan? Mababawasan nang mababawasan ang mga positibong bagay. Hindi ba’t totoo ito? Totoo na lubhang tiwali ang sangkatauhan. Gustong hangarin ng mga tiwaling tao ang katanyagan, pakinabang, katayuan, at mga kasiyahan ng laman; nais nilang maging mga tanyag na tao, maging makapangyarihan at higit sa karaniwang tao. Nais nila ng komportableng buhay at ayaw nila ng mahirap na trabaho; nais nilang iabot na lamang sa kanila ang lahat ng bagay. Napakakakaunti sa kanila ang nagmamahal sa katotohanan o mga positibong bagay. Kung ibibigay at itutustos ng mga tao sa iba ang kanilang katiwalian at mga pagkiling, ano ang mangyayari? Katulad lamang ito ng mawawari ninyo: Magiging mas lalong tiwali ang sangkatauhan. Hinihiling ng mga tagapagtaguyod ng ideyang “Ang ayaw mong gawin sa iyo, huwag mong gawin sa kapwa mo” na ibigay at itustos ng mga tao sa iba ang kanilang katiwalian, mga pagkiling, at maluluhong pagnanasa, na ginagawa ang ibang mga tao na maghangad ng kasamaan, ginhawa, pera, at pag-unlad. Ito ba ang tamang landas sa buhay? Malinaw na makikita na may malaking problema sa kasabihang “Ang ayaw mong gawin sa iyo, huwag mong gawin sa kapwa mo.” Ang mga kamalian at kapintasan doon ay napakalinaw; ni hindi iyon nararapat na suriin at kilatisin. Sa pinakamaliliit na pagsusuri, malinaw na makikita ang mga mali at katawa-tawang bagay roon. Gayunman, marami sa inyo ang madaling mahikayat at maimpluwensiyahan ng kasabihang ito at tinatanggap ito nang walang pagkilatis. Kapag nakikipag-ugnayan sa iba, madalas ninyong gamitin ang kasabihang ito para paalalahanan ang sarili ninyo at payuhan ang iba. Sa paggawa nito, inaakala ninyo na ang inyong pagkatao ay partikular na marangal, at na napakamakatwiran ng pag-asal ninyo. Ngunit hindi mo natatanto, naihayag na ng mga salitang ito ang prinsipyong ipinamumuhay mo at kung nasaang panig ka pagdating sa mga isyu. Kasabay nito, nalihis at nailigaw mo ang iba na unawain ang mga tao at sitwasyon nang may pananaw at panig na kapareho ng sa iyo. Talagang hindi ka makapagdesisyon, at ganap na hindi makapanindigan. Sinasabi mo, “Anuman ang isyu, hindi iyon kailangang seryosohin. Huwag mong pahirapan ang sarili mo o ang iba. Kung pahihirapan mo ang ibang tao, pinahihirapan mo ang sarili mo. Ang pagiging mabait sa iba ay pagiging mabait sa sarili mo. Kung mahigpit ka sa ibang tao, mahigpit ka sa sarili mo. Bakit mo pahihirapan ang sarili mo? Ang ayaw mong gawin sa iyo, huwag mong gawin sa kapwa mo ang pinakamainam na bagay na magagawa mo para sa sarili mo, at ang pinakamapagsaalang-alang.” Ang saloobing ito ay malinaw na hindi pagiging metikuloso sa anumang bagay. Wala kang tamang panig o pananaw sa anumang isyu; magulo ang pananaw mo sa lahat ng bagay. Hindi ka metikuloso at nagbubulag-bulagan ka na lang sa mga bagay-bagay. Kapag sa huli ay tumayo ka na sa harap ng Diyos at sinuri ang sarili mo, magiging masyadong magulo iyon. Bakit? Dahil lagi mong sinasabing dapat ay ang ayaw mong gawin sa iyo, huwag mong gawin sa kapwa mo. Lubha itong nakapapanatag at nakasisiya sa iyo, ngunit kasabay nito ay magdudulot ito sa iyo ng malaking problema, kaya hindi ka magkakaroon ng malinaw na pananaw o panig sa maraming bagay. Siyempre pa, ginagawa ka rin nitong hindi maunawaan nang malinaw kung ano ang mga hinihingi at pamantayan ng Diyos para sa iyo kapag naranasan mo ang mga sitwasyong ito, o kung ano ang resultang dapat mong makamtan. Nangyayari ang mga bagay na ito dahil hindi ka metikuloso sa anumang bagay; dulot ang mga ito ng magulong saloobin at pananaw mo. Ang ayaw mong gawin sa iyo, huwag mong gawin sa kapwa mo ba ang mapagparayang saloobing dapat mong taglayin para sa mga tao at bagay? Hindi. Teorya lamang iyon na mukhang tama, marangal, at mabait kung titingnan, ngunit ang totoo ay lubos itong negatibo. Malinaw na lalong hindi ito katotohanang prinsipyo na dapat sundin ng mga tao. Hindi hinihingi ng Diyos na huwag gawin ng mga tao sa kapwa nila ang ayaw nilang gawin sa kanila, sa halip ay hinihingi Niya sa mga tao na maging malinaw sa mga prinsipyong dapat nilang sundin kapag nahaharap sila sa iba’t ibang sitwasyon. Kung tama at naaayon ito sa katotohanan sa mga salita ng Diyos, kailangan mong kumapit dito. At bukod sa kailangan mong kumapit dito, kailangan mo ring pagsabihan, hikayatin, at bahaginan ang iba, upang maunawaan nila kung ano ba mismo ang mga layunin ng Diyos, at kung ano ang mga katotohanang prinsipyo. Ito ay iyong responsabilidad at obligasyon. Hindi hinihingi sa iyo ng Diyos na hindi ka manindigan, at lalong hindi Niya hinihinging ipagpasikat mo kung gaano ka kabuti. Dapat kang kumapit sa mga bagay na ipinayo at itinuro ng Diyos sa iyo, at sa tinutukoy ng Diyos sa Kanyang mga salita: ang mga kinakailangan, ang mga pamantayan, at ang mga katotohanang prinsipyo na dapat sundin ng mga tao. Hindi ka lamang kailangang kumapit sa mga iyon, at panghawakan ang mga iyon magpakailanman, bagkus ay kailangan mo ring isagawa ang mga katotohanang prinsipyong ito sa pamamagitan ng pagiging halimbawa, gayundin ay hikayatin, pangasiwaan, tulungan, at gabayan ang iba na kumapit, sumunod, at isagawa ang mga iyon sa parehong paraang ginagawa mo. Hinihingi ng Diyos na gawin mo ito—ito ang ipinagkakatiwala Niya sa iyo. Hindi maaaring hingan mo lang ng mga kinakailangan ang sarili mo habang binabalewala ang iba. Hinihingi ng Diyos na manindigan ka nang tama sa mga isyu, panghawakan mo ang mga tamang pamantayan, at alamin mo kung ano mismo ang mga pamantayan sa mga salita ng Diyos, at na malaman mo kung ano mismo ang mga katotohanang prinsipyo. Kahit pa hindi mo ito maisakatuparan, kahit pa ayaw mong gawin ito, hindi mo ito gusto, mayroon kang mga kuru-kuro, o nilalabanan mo ito, kailangan mong ituring ito bilang responsabilidad mo, bilang obligasyon mo. Kailangan mong makipagbahaginan sa mga tao tungkol sa mga positibong bagay na nagmumula sa Diyos, sa mga bagay na tama at wasto, at gamitin ang mga iyon para matulungan, maimpluwensiyahan, at magabayan ang iba, upang makinabang at mapalakas ang mga tao dahil sa mga ito, at tumahak sila sa tamang landas sa buhay. Ito ay iyong responsabilidad, at hindi ka dapat magmatigas na kumapit sa ideya na “Ang ayaw mong gawin sa iyo, huwag mong gawin sa kapwa mo” na naitanim ni Satanas sa isipan mo. Sa mga mata ng Diyos, ang kasabihang iyan ay isa lamang pilosopiya para sa mga makamundong pakikitungo; isa itong paraan ng pag-iisip na nagtataglay ng panlalansi ni Satanas; hindi talaga ito ang tamang landas, ni hindi ito isang positibong bagay. Ang hinihingi lamang sa iyo ng Diyos ay maging isa kang matuwid na tao na malinaw na nauunawaan kung ano ang kanyang dapat at hindi dapat gawin. Hindi Niya hinihingi sa iyo na maging mapagpalugod ng mga tao o maging isang taong hindi makapanindigan; hindi Niya hiningi sa iyo na wala kang panigan. Kapag ang isang bagay ay tungkol sa mga katotohanang prinsipyo, kailangan mong sabihin ang kailangang sabihin, at unawain ang kailangang unawain. Kung hindi nauunawaan ng isang tao ang isang bagay ngunit nauunawaan mo ito, at maaari mo siyang gabayan at tulungan, kailangang-kailangan mong tuparin ang responsabilidad at obligasyong ito. Hindi ka dapat tumayo-tayo lang sa tabi at manood, at lalong hindi ka dapat kumapit sa mga pilosopiyang itinanim ni Satanas sa iyong isipan tulad ng ang ayaw mong gawin sa iyo, huwag mong gawin sa kapwa mo. Nauunawaan mo ba? (Oo.) Ang tama at positibo ay tama at positibo kahit pa hindi mo ito gusto, ayaw mo itong gawin, hindi mo ito kayang gawin at tuparin, nilalabanan mo ito, o nagkakaroon ka ng mga kuru-kuro laban dito. Hindi magbabago ang diwa ng mga salita ng Diyos at ng katotohanan dahil lamang may mga tiwaling disposisyon at may mga partikular na emosyon, damdamin, pagnanasa at kuru-kuro ang sangkatauhan. Ang diwa ng mga salita ng Diyos at ng katotohanan ay hinding-hindi magbabago kailanman. Sa sandaling malaman, maunawaan, maranasan at matamo mo ang mga salita ng Diyos at ang katotohanan, obligasyon mong ibahagi sa iba ang iyong mga patotoong batay sa karanasan. Magbibigay-daan ito sa mas marami pang tao na maunawaan ang mga layunin ng Diyos, maintindihan at makamit ang katotohanan, maunawaan ang mga hinihingi at mga pamantayan ng Diyos at maintindihan ang mga katotohanang prinsipyo. Sa paggawa nito, magkakaroon ang mga taong ito ng landas sa pagsasagawa kapag naharap sila sa mga suliranin sa kanilang pang-araw-araw na buhay at hindi sila malilito o maigagapos ng iba’t ibang ideya at pananaw ni Satanas. Ang kasabihan tungkol sa wastong asal na “Ang ayaw mong gawin sa iyo, huwag mong gawin sa kapwa mo” ay talagang tunay na tusong pakana ni Satanas upang kontrolin ang isipan ng mga tao. Kung lagi mo itong susundin, isa kang taong namumuhay ayon sa mga satanikong pilosopiya; isang taong ganap na nabubuhay sa isang satanikong disposisyon.

—Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Ang Kahulugan ng Paghahangad sa Katotohanan 10

Sa alinmang panahon o pangkat etniko ito ginagamit, nananatiling matibay ang kasabihang ito tungkol sa wastong asal na “Haharapin ko ang panganib para sa isang kaibigan.” Ibig sabihin nito, medyo umaayon ito sa konsensiya at katwiran ng sangkatauhan. Mas partikular na, umaayon ang kasabihang ito sa konsepto ng “kapatiran” na sinusunod ng mga tao sa kanilang konsensiya. Ang mga taong nagpapahalaga sa kapatiran ay magiging handang humarap sa panganib para sa isang kaibigan. Gaano man kahirap at kapanganib ang sitwasyong kinalalagyan ng kanilang kaibigan, magpiprisinta sila at haharap sa panganib para sa kanya. Ito ang diwa ng pagsasakripisyo sa sariling mga interes ng isang tao alang-alang sa iba. Ang itinatanim sa mga tao ng kasabihan tungkol sa wastong asal na “Haharapin ko ang panganib para sa isang kaibigan,” sa madaling salita, ay pahalagahan ang kapatiran. Ang pamantayang hinihingi nitong itaguyod ng sangkatauhan ay kailangang pahalagahan ng isang tao ang kapatiran: Iyon ang diwa ng kasabihang ito. …

Ano ba ang mali sa mga ideya at pananaw na tulad ng “pagharap sa panganib para sa isang kaibigan”? Sa totoo ay simple lang at hindi mahirap ang tanong na ito. Walang sinumang nabubuhay sa mundo ang sumusulpot lang na parang kabute. Ang lahat ay may mga magulang at anak, ang lahat ay may mga kamag-anak, walang sinumang sumulpot nang mag-isa rito sa mundo ng mga tao. Ano ang ibig Kong sabihin dito? Ang ibig Kong sabihin ay namumuhay ka rito sa mundo ng mga tao, at may mga sarili kang obligasyong dapat tuparin. Una, kailangan mong suportahan ang iyong mga magulang, at pangalawa, kailangan mong palakihin ang iyong mga anak. Ang mga ito ang mga responsabilidad mo sa loob ng pamilya. Sa lipunan, may mga responsabilidad at obligasyong panlipunan ka ring dapat tuparin. May papel kang dapat gampanan sa lipunan, tulad ng pagiging isang manggagawa, magsasaka, negosyante, mag-aaral o intelektuwal. Mula sa pamilya hanggang sa lipunan, marami kang responsabilidad at obligasyong dapat tuparin. Ibig sabihin, bukod pa sa iyong pagkain, damit, tirahan at transportasyon, marami kang bagay na kailangang gawin, at marami ka ring bagay na dapat gawin at marami kang obligasyong dapat tuparin. Bukod pa sa tamang landas na ito ng pananampalataya sa Diyos na tinatahak ng mga tao, bilang isang indibidwal ay marami kang responsabilidad sa pamilya at obligasyon sa lipunan na dapat tuparin. Hindi ka nabubuhay nang mag-isa. Ang pasan-pasan mong responsabilidad ay hindi lang ang makipagkaibigan at magpakasaya, o humanap ng isang taong makakausap mo at makatutulong sa iyo. Karamihan sa iyong mga responsabilidad—at ang pinakamahahalaga sa mga iyon—ay may kinalaman sa iyong pamilya at lipunan. Kapag natutupad mo nang mabuti ang iyong mga responsabilidad sa pamilya at mga obligasyon sa lipunan, saka lamang maituturing na kumpleto at perpekto ang buhay mo bilang isang tao. Kaya, ano ba ang kalakip ng mga responsabilidad na dapat mong tuparin sa pamilya? Bilang isang anak, dapat kang maging mapagmahal sa iyong mga magulang at nakasuporta sa kanila. Sa tuwing nagkakasakit o nasa kagipitan ang iyong mga magulang, dapat mong gawin ang lahat ng makakaya mo. Bilang isang magulang, kailangan mong magpagal at ibuhos ang lakas mo, magsumikap at tiisin ang hirap upang matustusan ang buong pamilya, at pasanin ang mabigat na responsabilidad ng pagiging isang magulang, pagpapalaki sa iyong mga anak, pagtuturo sa kanilang sundin ang tamang landas, at pagpapaunawa sa kanila ng mga prinsipyo ng pag-asal. Samakatuwid, marami kang responsabilidad sa iyong pamilya. Kailangan mong suportahan ang iyong mga magulang at pasanin ang responsabilidad ng pagpapalaki sa iyong mga anak. Maraming bagay ang dapat gawin. At ano-ano ang mga responsabilidad mo sa lipunan? Kailangan mong sundin ang mga batas at patakaran, kailangan mong magkaroon ng mga prinsipyo sa pakikitungo sa iba, kailangan mong gawin ang lahat ng makakaya mo sa trabaho, at pamahalaan nang mabuti ang iyong karera. Walumpu o siyamnapung porsiyento ng oras at lakas mo ang kailangang igugol sa mga bagay na ito. Ibig sabihin, anumang papel ang ginagampanan mo sa iyong pamilya o sa lipunan, anumang landas ang iyong tinatahak, anuman ang mga ambisyon at mithiin mo, ang bawat tao ay may mga responsabilidad na dapat pasanin na personal na napakahalaga sa kanya, at na kumakain sa halos buong oras at lakas niya. Mula sa perspektiba ng mga responsabilidad sa pamilya at lipunan, ano ang halaga mo at ng buhay mo bilang tao sa iyong pagdating sa mundong ito ng mga tao? Ito ay upang tuparin ang mga responsabilidad at misyong ibinigay sa iyo ng Langit. Hindi lamang ikaw ang nagmamay-ari ng buhay mo, at siyempre, hindi ito pagmamay-ari ng iba. Umiiral ang buhay mo para sa iyong mga misyon at responsabilidad, at para sa mga responsabilidad, obligasyon at misyong dapat mong tuparin dito sa mundo ng mga tao. Ang buhay mo ay hindi pagmamay-ari ng iyong mga magulang, ni ng iyong asawa, at siyempre, hindi ito pagmamay-ari ng iyong mga anak. Lalong hindi ito pagmamay-ari ng iyong mga kaapo-apuhan. Kaya sino ang nagmamay-ari ng buhay mo? Kapag nagsalita mula sa perspektiba ng isang taong mula sa mundo, ang iyong buhay ay pagmamay-ari ng mga responsabilidad at misyong ibinigay sa iyo ng Diyos. Ngunit mula sa perspektiba ng isang mananampalataya, ang Diyos ang dapat na nagmamay-ari ng buhay mo, dahil Siya ang nagsasaayos at ang may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay na tungkol sa iyo. Samakatuwid, bilang isang taong namumuhay sa mundo, hindi mo dapat basta-bastang ipangako ang buhay mo sa iba, at hindi mo dapat basta-bastang ibuwis ang buhay mo para kaninuman alang-alang sa kapatiran. Ibig sabihin, hindi mo dapat maliitin ang sarili mong buhay. Walang halaga ang buhay mo sa ibang tao, lalo na kay Satanas, sa lipunang ito, at sa tiwaling sangkatauhang ito, ngunit sa iyong mga magulang at kamag-anak, napakahalaga ng buhay mo, dahil may di-mapaghihiwalay na ugnayan sa pagitan ng iyong mga responsabilidad at ng kanilang pag-iral. Siyempre, ang lalong mahalaga ay may di-mapaghihiwalay na ugnayan sa pagitan ng iyong buhay at ng katunayang may kataas-taasang kapangyarihan ang Diyos sa lahat ng bagay at sa buong sangkatauhan. Hindi matutumbasan ang buhay mo ng marami pang buhay na nasa ilalim ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos. Marahil ay hindi ganoon kataas ang pagpapahalaga mo sa iyong buhay, at marahil, hindi mo dapat pahalagahan nang ganoon kataas ang iyong buhay, ngunit ang totoo, napakahalaga ng buhay mo sa iyong mga magulang at kamag-anak, kung kanino ka may malalapit na kaugnayan at di-mapaghihiwalay na relasyon. Bakit Ko sinasabi iyon? Dahil may mga responsabilidad ka sa kanila, may mga responsabilidad din sila sa iyo, may mga responsabilidad ka sa lipunang ito, at may kaugnayan ang mga responsabilidad mo sa lipunan sa papel mo sa lipunang ito. Ang papel ng bawat tao at bawat buhay na nilalang ay mahalaga para sa Diyos, at pawang mahahalagang elemento ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos sa sangkatauhan, sa mundong ito, sa daigdig na ito, at sa sansinukob na ito. Sa mga mata ng Diyos, ang bawat buhay ay mas hamak pa sa isang butil ng buhangin, at mas kasuklam-suklam pa sa isang langgam; gayunpaman, dahil ang bawat tao ay isang buhay, isang umiiral na buhay at may hininga, samakatuwid, sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, kahit pa hindi mahalaga ang papel na ginagampanan ng taong iyon, kailangang-kailangan din siya. Kaya, kung titingnan mula sa mga aspektong ito, kung ang isang tao ay agad na haharap sa panganib para sa isang kaibigan at bukod sa pinag-iisipang gawin iyon, handa rin siyang gawin iyon sa anumang sandali, ibinubuwis ang sarili niyang buhay nang hindi isinasaalang-alang ang kanyang mga responsabilidad sa pamilya, mga responsabilidad sa lipunan, at maging ang mga pasan niyang misyon at tungkuling ibinigay ng Diyos, hindi ba’t mali iyon? (Oo.) Kataksilan ito! Ang pinakamahalagang bagay na ipinagkakaloob ng Diyos sa tao ay ang hiningang ito na tinatawag na buhay. Kung basta-basta mong ipapangako ang iyong buhay sa isang kaibigang sa palagay mo ay mapagkakatiwalaan mo nito, hindi ba’t kataksilan ito sa Diyos? Hindi ba’t kawalan ito ng galang sa buhay? Hindi ba’t isa itong paghihimagsik laban sa Diyos? Hindi ba’t pagkakanulo ito sa Diyos? (Oo.) Malinaw na pagsuko ito sa mga responsabilidad na dapat mong tuparin sa iyong pamilya at sa lipunan, at pagtakas sa mga misyong ibinigay sa iyo ng Diyos. Kataksilan ito. Ang pinakamahahalagang bagay sa buhay ng isang tao ay walang iba kundi ang mga responsabilidad na dapat pasanin ng isang tao sa buhay na ito—mga responsabilidad sa pamilya, mga responsabilidad sa lipunan, at ang mga misyong ibinigay sa iyo ng Diyos. Ang mga responsabilidad at misyong ito ay ang pinakamahahalagang bagay. Kung babawian ka ng buhay sa pamamagitan ng basta-bastang pagsuko nito para sa ibang tao dahil sa panandaliang pagpapahalaga sa kapatiran at isang sandali ng pagiging padalos-dalos, umiiral pa rin ba ang mga responsabilidad mo? Kung gayon, paano ka nakapagsasalita tungkol sa mga misyon? Malinaw na hindi mo pinahahalagahan ang buhay na ipinagkaloob sa iyo ng Diyos bilang pinakamahalagang bagay, kundi sa halip ay basta-basta mo itong ipinapangako sa iba, ibinubuwis ang iyong buhay para sa iba, ganap na binabalewala o tinatalikuran ang mga responsabilidad mo sa iyong pamilya at lipunan, na imoral at hindi patas. Kung gayon, ano ba ang gusto Kong sabihin sa inyo? Huwag ninyong basta-bastang ibuwis ang inyong buhay o ipangako ito sa iba. Sinasabi ng ilang tao, “Pwede ko ba itong ipangako sa mga magulang ko? Paano naman kung ipapangako ko ito sa kasintahan ko, ayos lang ba iyon?” Hindi ayos iyon. Bakit hindi ito ayos? Pinagkakalooban ka ng Diyos ng buhay at hinahayaan Niyang magpatuloy ang buhay mo upang matupad mo ang iyong mga responsabilidad sa iyong pamilya at lipunan at matupad mo ang mga misyong ipinagkatiwala sa iyo ng Diyos. Hindi ito para gawin mong biro ang sarili mong buhay sa pamamagitan ng basta-bastang pagpapangako nito sa iba, pagbibigay nito sa iba, paggugol nito sa iba, at pag-aalay nito sa iba. Kung babawian ng buhay ang isang tao, matutupad pa rin ba niya ang mga responsabilidad niya sa pamilya at lipunan at ang mga misyon niya? Magagawa pa rin ba ito? (Hindi.) At kapag wala na ang mga responsabilidad ng isang tao sa pamilya at lipunan, umiiral pa rin ba ang mga papel na ginampanan niya sa lipunan? (Hindi.) Kapag wala na ang mga papel na ginampanan ng isang tao sa lipunan, umiiral pa rin ba ang mga misyon ng taong iyon? Hindi na. Kapag wala na ang mga misyon at papel ng isang tao sa lipunan, kung gayon ay umiiral pa rin ba ang pinamamahalaan ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos? Ang pinamamahalaan ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos ay mga buhay na nilalang, mga taong may buhay, at kapag wala na ang kanilang mga responsabilidad sa lipunan at buhay, at nauuwing lahat sa wala ang mga papel nila sa lipunan, pagtatangka ba itong mauwi sa wala ang sangkatauhan, na pinamamahalaan ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, at ang plano ng pamamahala ng Diyos? Kung gagawin mo ito, hindi ba’t kataksilan ito? (Oo.) Kataksilan nga ito. Umiiral ang iyong buhay para lamang sa mga responsabilidad at misyon mo, at ang halaga ng buhay mo ay masasalamin lamang sa mga responsabilidad at misyon mo. Isa pa, hindi mo responsabilidad at misyon ang pagharap sa panganib para sa isang kaibigan. Bilang isang taong pinagkalooban ng Diyos ng buhay, ang pagtupad sa mga responsabilidad at misyong ipinagkatiwala sa iyo ng Diyos ang dapat mong gawin. Samantala, ang pagharap sa panganib para sa isang kaibigan ay hindi isang responsabilidad o misyon na ipinagkaloob sa iyo ng Diyos. Sa halip, pagkilos mo ito ayon sa pagpapahalaga sa kapatiran, sa sarili mong pagpapantasya, sa iresponsable mong kaisipan tungkol sa buhay, at siyempre, isa rin itong uri ng pag-iisip na itinatanim ni Satanas sa mga tao upang hamakin at yurakan ang kanilang mga buhay.

—Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Ang Kahulugan ng Paghahangad sa Katotohanan 10

Sa lipunang ito, ang mga prinsipyo ng mga tao sa pakikitungo sa mundo, ang kanilang mga pamamaraan sa pamumuhay at pag-iral, at maging ang kanilang mga saloobin at kuru-kuro sa relihiyon at pananampalataya, pati na rin ang kanilang iba’t ibang kuru-kuro at pananaw sa mga tao at bagay—ang lahat ng ito ay hindi maiiwasang kinokondisyon ng pamilya. Bago maunawaan ng mga tao ang katotohanan—gaano man sila katanda, o anuman ang kasarian nila, o anumang hanapbuhay ang ginagawa nila, o anumang uri ng saloobin mayroon sila sa lahat ng bagay, labis-labis man ito o makatwiran—sa madaling salita, sa lahat ng bagay, lubos na naiimpluwensiyahan ng pamilya ang mga kaisipan at pananaw ng mga tao, at ang kanilang mga saloobin sa mga bagay-bagay. Ibig sabihin, ang iba’t ibang epekto ng pagkokondisyon na ginagamit ng pamilya sa isang tao ang pangunahing nagtatakda sa saloobin ng taong iyon sa mga bagay at sa kanyang pamamaraan ng pagharap sa mga ito, pati na rin sa kanyang pananaw sa pag-iral, at nakakaapekto ito maging sa kanyang pananampalataya. Sapagkat napakalaki ng epekto ng mga kondisyon ng pamilya sa mga tao, hindi maiiwasang pamilya ang pinag-uugatan ng mga pamamaraan at prinsipyo ng mga tao sa pagharap sa mga bagay, pati na rin ng kanilang pananaw sa pag-iral, at ng kanilang mga pananaw sa pananampalataya. Sapagkat ang mismong tahanan ng pamilya ay hindi ang lugar kung saan lumilitaw ang katotohanan, at hindi rin ang pinagmumulan ng katotohanan, tunay na may isang puwersa lamang na nag-uudyok o isang layon na nagtutulak sa iyong pamilya na ikondisyon sa iyo ang anumang ideya, pananaw, o pamamaraan ng pag-iral—iyon ay ang kumilos para sa kapakanan mo. Ang mga bagay na ito ay para sa sarili mong kapakanan, hindi na mahalaga kung kanino nagmumula ito—magmula man ito sa iyong mga magulang, lolo at lola, o mula sa iyong mga ninuno—sa madaling salita, ang lahat ng ito ay para bigyan ka ng kakayahang ipagtanggol ang sarili mong mga interes sa lipunan at sa paligid ng iba, upang hindi ka maapi, at upang bigyan ka ng kakayahang mamuhay kasama ang mga tao sa isang paraang mas malaya at diplomatiko, at upang maprotektahan ang sarili mong mga interes hangga’t maaari. Ang pagkokondisyong natatanggap mo mula sa iyong pamilya ay naglalayong protektahan ka, para hindi ka maapi o makaranas ng anumang pagkapahiya, at gawin kang mas magaling kaysa sa iba, kahit na nangangahulugan iyon ng pang-aapi sa iba o pananakit sa iba, basta’t hindi ka mismo napapahamak. Ito ang ilan sa mga pinakamahalagang bagay na ikinokondisyon sa iyo ng iyong pamilya, at ang mga ito rin ang diwa at pangunahing layon sa likod ng lahat ng ideya na ikinokondisyon sa iyo. Hindi ba’t ganito ang nangyayari? (Oo.) Kung isasaalang-alang mo ang layon at diwa ng lahat ng bagay na ikinondisyon sa iyo ng iyong pamilya, mayroon bang anumang bagay na naaayon sa katotohanan? Kahit na talagang naaayon ang mga bagay na ito sa etika o mga lehitimong karapatan at interes ng sangkatauhan, mayroon bang anumang koneksiyon ang mga ito sa katotohanan? Ang mga ito ba ang katotohanan? (Hindi.) Masasabi nang may buong katiyakan na ang mga ito ay talagang hindi ang katotohanan. Gaano man kapositibo at kalehitimo, kamakatao at ka-etikal, pinaniniwalaan ng tao ang mga bagay na dapat maging pagkatao mo na ikinokondisyon sa iyo ng iyong pamilya, hindi ito ang katotohanan, ni hindi maaaring kumatawan ang mga ito sa katotohanan, at lalong hindi mapapalitan ng mga ito ang katotohanan. Samakatuwid, pagdating sa paksa ng pamilya, ang mga bagay na ito ay isa pang aspekto na dapat bitiwan ng mga tao. Ano ang partikular na aspektong ito? Ito ay ang mga epekto ng pagkokondisyon ng iyong pamilya sa iyo—ito ang pangalawang aspekto na dapat mong bitiwan pagdating sa paksa ng pamilya. Dahil tinatalakay natin ang mga epekto ng pagkokondisyon ng iyong pamilya sa iyo, pag-usapan muna natin kung ano mismo itong mga epekto ng pagkokondisyon. Kung tutukuyin natin ang pagkakaiba ng mga ito ayon sa konsepto ng mga tao ng tama at mali, ang ilan ay medyo tama, positibo, at kaaya-ayang tingnan, at maaaring ihayag, samantalang ang ilan ay medyo makasarili, kasuklam-suklam, ubod ng sama, medyo negatibo, at wala nang iba pa. Subalit, anuman ang mangyari, itong mga epekto ng pagkokondisyon mula sa pamilya ay katulad ng isang patong ng kasuotan na nagpoprotekta sa mga interes ng laman ng isang tao, pinangangalagaan ang kanilang dignidad kasama ng iba, at iniiwasan na maapi sila. Hindi ba’t totoo? (Oo.) Pag-usapan natin kung ano ang mga epekto ng pagkokondisyon sa iyo ng iyong pamilya. Halimbawa, kapag madalas sabihin sa iyo ng mga nakatatanda sa pamilya na “Kailangan ng mga tao ang kanilang pagpapahalaga sa sarili, tulad ng pangangailangan ng puno sa balakbak nito,” ito ay para bigyan mo ng halaga ang pagkakaroon ng magandang reputasyon, pagkakaroon ng maipagmamalaking buhay, at hindi paggawa ng mga bagay na magdudulot sa iyo ng kahihiyan. Kung gayon, ginagabayan ba ng kasabihang ito ang mga tao sa positibo o negatibong paraan? Maaakay ka ba nito tungo sa katotohanan? Maaakay ka ba nito na maunawaan ang katotohanan? (Hindi.) May buong katiyakan mong masasabi na, “Hindi, hindi nito magagawa!” Isipin mo, sinasabi ng Diyos na dapat umasal ang mga tao bilang matatapat na tao. Kapag lumabag ka, o may nagawa kang mali, o may nagawa kang isang bagay na naghihimagsik laban sa Diyos at sumusuway sa katotohanan, kailangan mong aminin ang iyong pagkakamali, maunawaan ang iyong sarili, at patuloy na suriin ang iyong sarili para tunay na makapagsisi, at pagkatapos ay kumilos nang naaayon sa mga salita ng Diyos. Kaya, kung aasal ang mga tao bilang matatapat na tao, sumasalungat ba iyon sa kasabihang “Kailangan ng mga tao ang kanilang pagpapahalaga sa sarili, tulad ng pangangailangan ng puno sa balakbak nito”? (Oo.) Paanong sumasalungat ito? Ang layon ng kasabihang “Kailangan ng mga tao ang kanilang pagpapahalaga sa sarili, tulad ng pangangailangan ng puno sa balakbak nito” ay para bigyang-halaga ng mga tao ang pagsasabuhay ng kanilang maliwanag at makulay na parte ng pagkatao at ang paggawa ng maraming bagay na magpapamukha sa kanilang kanais-nais sila—sa halip na gumawa ng mga bagay na masama o kahiya-hiya, o magpakita ng kanilang pangit na pagkatao—at upang maiwasan na mamuhay sila nang walang pagpapahalaga sa sarili o dignidad. Para sa kapakanan ng reputasyon ng isang tao, para sa pagpapahalaga sa sarili at karangalan, hindi pwedeng siraan ng isang tao ang lahat ng tungkol sa kanya, lalo na ang sabihin sa iba ang tungkol sa madilim na parte at mga kahiya-hiyang aspekto ng isang tao, dahil ang isang tao ay dapat mamuhay nang may pagpapahalaga sa sarili at dignidad. Upang magkaroon ng dignidad, kailangan ng isang tao ng magandang reputasyon, at para magkaroon ng magandang reputasyon, kailangang magkunwari ng isang tao at pagmukhaing kanais-nais ang sarili. Hindi ba’t sumasalungat ito sa pag-asal bilang isang matapat na tao? (Oo.) Kapag umasal ka bilang isang matapat na tao, ang mga ginagawa mo ay ganap na salungat sa kasabihang “Kailangan ng mga tao ang kanilang pagpapahalaga sa sarili, tulad ng pangangailangan ng puno sa balakbak nito.” Kung nais mong umasal bilang isang matapat na tao, huwag mong bigyang-importansiya ang pagpapahalaga sa sarili; ang pagpapahalaga sa sarili ng isang tao ay walang kabuluhan. Sa harap ng katotohanan, dapat ilantad ng isang tao ang sarili, hindi magkunwari o gumawa ng huwad na imahe. Dapat ihayag ng isang tao sa Diyos ang tunay niyang mga kaisipan, ang mga pagkakamaling nagawa niya, ang mga aspektong lumalabag sa mga katotohanang prinsipyo, at iba pa, at ilantad din ang mga bagay na ito sa mga kapatid. Hindi ito isang usapin ng pamumuhay para sa sariling reputasyon, sa halip, ito ay isang usapin ng pamumuhay para umasal bilang isang matapat na tao, pamumuhay para sa paghahangad sa katotohanan, pamumuhay para maging isang tunay na nilikha, at pamumuhay para palugurin ang Diyos, at para maligtas. Ngunit kapag hindi mo nauunawaan ang katotohanang ito, at hindi mo nauunawaan ang layunin ng Diyos, ang mga bagay na ikinokondisyon sa iyo ng iyong pamilya ay may tendensiyang mangibabaw. Kaya, kapag may nagagawa kang mali, pinagtatakpan mo ito at nagpapanggap ka, iniisip na, “Hindi ako pwedeng magsalita ng anumang tungkol dito, at hindi ko rin papayagan na may sabihing kahit ano ang sinumang nakakaalam ng tungkol dito. Kung magsasalita ang sinuman sa inyo, hindi ko kayo basta-bastang palalampasin. Ang reputasyon ko ang pangunahing priyoridad. Walang kabuluhan ang mabuhay kung hindi ito para sa sariling reputasyon, dahil mas mahalaga ito kaysa anupaman. Kung mawawalan ng reputasyon ang isang tao, mawawala ang lahat ng kanyang dignidad. Kaya’t hindi ka maaaring maging prangka, kailangan mong magpanggap, kailangan mong pagtakpan ang mga bagay-bagay, kung hindi, mawawalan ka ng reputasyon at dignidad, at mawawalan ng saysay ang buhay mo. Kung walang rumerespeto sa iyo, wala kang kwenta at walang silbi kung gayon.” Posible bang umasal bilang isang matapat na tao sa pamamagitan ng pagsasagawa sa ganitong paraan? Posible bang maging ganap na bukas at suriin ang iyong sarili? (Hindi.) Malinaw na sa paggawa nito, sumusunod ka sa kasabihang “Kailangan ng mga tao ang kanilang pagpapahalaga sa sarili, tulad ng pangangailangan ng puno sa balakbak nito” na ikinondisyon ng iyong pamilya sa iyo. Gayunpaman, kung bibitiwan mo ang kasabihang ito para mahangad ang katotohanan at maisagawa ang katotohanan, hindi ka na maaapektuhan nito, at hindi mo na ito magiging salawikain o prinsipyo sa paggawa ng mga bagay-bagay, at sa halip, ang gagawin mo ay ang mismong kabaligtaran ng kasabihang ito na “Kailangan ng mga tao ang kanilang pagpapahalaga sa sarili, tulad ng pangangailangan ng puno sa balakbak nito.” Hindi ka na mamumuhay para sa iyong reputasyon, o para sa iyong dignidad, kundi sa halip, mamumuhay ka para sa paghahangad sa katotohanan, at pag-asal bilang isang matapat na tao, at paghahangad na mapalugod ang Diyos at mamuhay bilang isang tunay na nilikha. Kung susundin mo ang prinsipyong ito, kakailanganin mong bitiwan ang mga epekto ng pagkokondisyon ng iyong pamilya sa iyo.

—Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan 12

Kinokondisyon ng pamilya ang mga tao gamit ang hindi lamang isa o dalawang kasabihan, kundi napakaraming sikat na kasabihan at talinghaga. Halimbawa, madalas bang binabanggit ng mga nakatatanda sa iyong pamilya at ng iyong mga magulang ang kasabihang “Iniiwan ng tao ang kanyang pangalan saanman siya maglagi, tulad ng pagputak ng gansa saanman ito lumipad”? (Oo.) Sinasabi nila sa iyo: “Dapat mamuhay ang mga tao para sa kapakanan ng kanilang reputasyon. Walang ibang hinahangad ang mga tao sa buhay nila, maliban sa gumawa ng magandang reputasyon sa iba at magbigay ng magandang impresyon. Saan ka man magpunta, magbigay ka ng mas maraming pagbati, magiliw na komento, at papuri, at magsabi ng mas maraming mabuting salita. Huwag pasamain ang loob ng mga tao, sa halip ay gumawa ng mas maraming mabuting bagay at kilos.” Itong partikular na epekto ng pagkokondisyon ng pamilya ay may tiyak na epekto sa pag-uugali o mga prinsipyo ng pag-asal ng mga tao, na may hindi maiiwasang kahihinatnan kung saan binibigyang-halaga nila ang kasikatan at pakinabang. Ibig sabihin, binibigyang-halaga nila ang kanilang sariling reputasyon, katanyagan, ang impresyong nililikha nila sa isipan ng mga tao, at ang pagtingin ng iba sa lahat ng kanilang ginagawa at bawat opinyon na kanilang ipinapahayag. Sa lubos na pagpapahalaga sa kasikatan at pakinabang, hindi sinasadyang nabibigyan mo ng kaunting halaga kung naaayon ba sa katotohanan at mga prinsipyo ang tungkuling ginagampanan mo, kung napapalugod mo ba ang Diyos, at kung sapat mong natutupad ang iyong tungkulin. Itinuturing mo ang mga bagay na ito bilang hindi gaanong mahalaga at mas mababang priyoridad, samantalang ang kasabihang “Iniiwan ng tao ang kanyang pangalan saanman siya maglagi, tulad ng pagputak ng gansa saanman ito lumipad,” na ikinondisyon sa iyo ng iyong pamilya, ay nagiging napakahalaga sa iyo. Dahil dito, labis mong binibigyang-pansin kung paano pumapasok sa isipan ng mga tao ang bawat detalye ng iyong sarili. Sa partikular, binibigyan ng espesyal na atensiyon ng ilang tao kung ano talaga ang tingin ng ibang tao sa kanila kapag nakatalikod sila, hanggang sa puntong nakikinig sila nang palihim, nakikinig sa mga kalahating-bukas na pinto, at panakaw pa ngang sumusulyap sa kung ano ang isinusulat ng ibang tao tungkol sa kanila. Sa sandaling may bumanggit sa pangalan nila, iniisip nila na, “Kailangan kong magmadali at pakinggan kung ano ang sinasabi nila tungkol sa akin, at kung mayroon ba silang magandang opinyon tungkol sa akin. Naku, sinabi nilang tamad ako at na gusto kong kumain ng masasarap na pagkain. Kung gayon, dapat akong magbago, hindi ako pwedeng magpakatamad sa hinaharap, dapat akong maging masipag.” Matapos magsipag nang ilang panahon, iniisip nila, “Pinakikinggan ko kung sinasabi ba ng lahat na tamad ako, at tila walang nagsabi nito kamakailan.” Ngunit hindi pa rin sila mapalagay, kaya’t pasimple nila itong binabanggit sa kanilang mga pakikipag-usap sa mga nakapaligid sa kanila, sinasabing: “Medyo tamad ako.” At tumutugon ang iba ng: “Hindi ka tamad, mas masipag ka na ngayon kaysa sa dati.” Dahil dito, agad silang napapanatag, lubos na nagagalak, at gumiginhawa ang pakiramdam. “Tingnan mo nga naman, nagbago na ang opinyon ng lahat sa akin. Mukhang napansin ng lahat ang pagbuti ng ugali ko.” Ang lahat ng ginagawa mo ay hindi para maisagawa ang katotohanan, ni hindi para mapalugod ang Diyos, sa halip, ito ay para sa sarili mong reputasyon. Sa ganitong paraan, ano ang nagiging matagumpay na resulta ng lahat ng iyong ginagawa? Ito ay matagumpay na nagiging isang relihiyosong gawain. Ano ang nangyari sa iyong diwa? Naging tipikal na modelo ka ng isang Pariseo. Ano ang nangyari sa landas mo? Ito ay naging landas ng mga anticristo. Ganyan ito binibigyang-kahulugan ng Diyos. Kaya, ang diwa ng lahat ng iyong ginagawa ay nabahiran, hindi na ito pareho; hindi mo isinasagawa ang katotohanan o hinahangad ito, sa halip ay hinahangad mo ang kasikatan at pakinabang. Sa huli, kung ang Diyos ang tatanungin, ang pagganap ng iyong tungkulin—sa isang salita—ay hindi sapat. Bakit ganoon? Dahil nakatuon ka lamang sa sarili mong reputasyon, sa halip na sa ipinagkatiwala sa iyo ng Diyos, o sa iyong tungkulin bilang isang nilikha. Ano ang nararamdaman mo sa puso mo kapag nagbibigay ang Diyos ng gayong kahulugan? Na ang iyong pananampalataya sa Diyos sa lahat ng taon na ito ay naging walang saysay? Ibig bang sabihin niyon hindi mo talaga hinahangad ang katotohanan? Hindi mo hinahangad ang katotohanan, sa halip ay binibigyan mo ng espesyal na atensiyon ang sarili mong reputasyon, at ang pinag-uugatan nito ay ang mga epekto ng pagkokondisyon na nagmumula sa iyong pamilya. Alin ang pinakanangingibabaw na kasabihang ikinondisyon sa iyo? Ang kasabihang, “Iniiwan ng tao ang kanyang pangalan saanman siya maglagi, tulad ng pagputak ng gansa saanman ito lumipad,” ay malalim nang nakaugat sa puso mo at naging salawikain mo na ito. Naimpluwensiyahan at nakondisyon ka ng kasabihang ito mula noong bata ka pa, at maging paglaki mo ay madalas mong inuulit ang kasabihang ito para maimpluwensiyahan ang susunod na henerasyon ng iyong pamilya at ang mga taong nakapaligid sa iyo. Siyempre, ang mas malala pa ay pinanghawakan mo ito bilang iyong pamamaraan at prinsipyo sa pag-asal at pagharap sa mga bagay-bagay, at bilang layon at direksiyon pa nga na hinahangad mo sa buhay. Ang layon at direksiyon mo ay mali, kaya naman tiyak na negatibo ang huling kalalabasan. Sapagkat ang diwa ng lahat ng ginagawa mo ay para lamang sa iyong reputasyon, at para lamang isagawa ang kasabihang “Iniiwan ng tao ang kanyang pangalan saanman siya maglagi, tulad ng pagputak ng gansa saanman ito lumipad.” Hindi mo hinahangad ang katotohanan, at ikaw mismo ay hindi alam iyon. Sa tingin mo ay walang mali sa kasabihang ito, dahil hindi ba’t dapat mamuhay ang mga tao para sa kapakanan ng kanilang reputasyon? Tulad ng karaniwang kasabihan na, “Iniiwan ng tao ang kanyang pangalan saanman siya maglagi, tulad ng pagputak ng gansa saanman ito lumipad.” Ang kasabihang ito ay tila napakapositibo at marapat, kaya hindi mo namamalayang tinatanggap mo ang epekto ng pagkokondisyon nito at itinuturing ito bilang isang positibong bagay. Sa sandaling ituring mo ang kasabihang ito bilang isang positibong bagay, hindi mo namamalayang hinahangad at isinasagawa mo ito. Kasabay nito, hindi mo namamalayan at nalilitong napagkakamalan mo ito bilang ang katotohanan at bilang isang pamantayan ng katotohanan. Kapag itinuring mo ito bilang isang pamantayan ng katotohanan, hindi ka na nakikinig sa sinasabi ng Diyos, at hindi mo na rin nauunawaan ito. Pikit-mata mong isinasagawa ang salawikaing ito, “Iniiwan ng tao ang kanyang pangalan saanman siya maglagi, tulad ng pagputak ng gansa saanman ito lumipad,” at kumikilos ka alinsunod dito, at sa huli, ang nakukuha mo roon ay isang magandang reputasyon. Nakamit mo ang nais mong makamit, ngunit sa paggawa nito ay nalabag at natalikuran mo ang katotohanan, at nawalan ka ng pagkakataong maligtas. Ipagpalagay na ito ang huling kalalabasan, dapat mong bitiwan at talikuran ang ideya na “Iniiwan ng tao ang kanyang pangalan saanman siya maglagi, tulad ng pagputak ng gansa saanman ito lumipad,” na ikinondisyon sa iyo ng iyong pamilya. Hindi ito isang bagay na dapat mong panghawakan, ni hindi ito isang kasabihan o ideya na dapat mong pag-ukulan ng panghabambuhay na pagsisikap at lakas sa pagsasagawa. Ang ideya at pananaw na ito na ikinikintal at ikinokondisyon sa iyo ay mali, kaya dapat lang na bitiwan mo ito. Ang dahilan kung bakit dapat mo itong bitiwan ay hindi lamang sa hindi ito ang katotohanan, kundi dahil ililigaw ka nito at sa huli ay hahantong sa iyong pagkawasak, kaya’t napakaseryoso ng mga kahihinatnan. Para sa iyo, hindi ito isang simpleng kasabihan lamang, kundi isang kanser—isang pamamalakad at pamamaraan na nagtitiwali sa mga tao. Dahil sa mga salita ng Diyos, sa lahat ng hinihingi Niya sa mga tao, hindi kailanman hiniling ng Diyos sa mga tao na maghangad ng isang magandang reputasyon, o maghangad ng katanyagan, o gumawa ng magandang impresyon sa mga tao, o magtamo ng pagsang-ayon sa mga tao, o kumuha ng pahintulot mula sa mga tao, ni hindi Siya naghikayat na mamuhay ang mga tao para sa kasikatan o para mag-iwan ng magandang reputasyon. Nais lamang ng Diyos na gampanan nang maayos ng mga tao ang kanilang tungkulin, at magpasakop sila sa Kanya at sa katotohanan. Samakatuwid, patungkol sa iyo, ang kasabihang ito ay isang uri ng pagkokondisyong mula sa iyong pamilya na dapat mong bitiwan.

—Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan 12

May isa pang epekto ng pagkokondisyon ang iyong pamilya sa iyo. Halimbawa, kapag hinihikayat ka ng mga magulang o nakatatanda, madalas nilang sinasabi na “Kailangan mong pagtiisan ang matinding pagdurusa upang manguna.” Sa pagsasabi nila nito, ang layon nila ay ang turuan kang magtiis ng pagdurusa, maging masipag at magtiyaga, at huwag matakot na magdusa sa anumang ginagawa mo, dahil tanging yaong mga nagtitiis ng pagdurusa, lumalaban sa paghihirap, nagsusumikap, at nagtataglay ng katapangan ang maaaring manguna. Ano ang ibig sabihin ng “manguna”? Ibig sabihin nito ay hindi inaapi, o minamaliit, o dinidiskrimina; nangangahulugan ito ng pagkakaroon ng mataas na katanyagan at katayuan sa gitna ng mga tao, pagkakaroon ng awtoridad na makapagsalita at mapakinggan, at awtoridad na makapagpasya; ito ay nangangahulugan ng pagkakaroon ng kakayahang mamuhay nang mas maganda at mas mataas ang kalidad bukod sa iba at tinitingala ng mga tao, hinahangaan ka, at naiinggit sa iyo. Talagang nangangahulugan lang ito na ikaw ay nasa mataas na antas ng buong sangkatauhan. Ano ang ibig sabihin ng “mataas na antas”? Nangangahulugan ito na maraming tao ang nasa paanan mo at hindi mo kailangang magtiis ng anumang pagmamaltrato mula sa kanila—ito ang ibig sabihin ng “manguna.” Upang manguna, kailangan mong “tiisin ang matinding pagdurusa,” na nangangahulugang dapat mong makayanan ang pagdurusa na hindi kaya ng iba. Kaya bago ka maaaring manguna, dapat matiis mo ang mga mapanghamak na tingin, pangungutya, panunuya, paninirang-puri, gayundin ang kawalan ng pang-unawa ng iba, at maging ang kanilang pang-uuyam, at iba pa. Dagdag pa sa pisikal na pagdurusa, dapat mong matiis ang panunuya at pangungutya ng opinyon ng madla. Tanging sa pamamagitan ng pagkakatuto na maging ganitong uri ng tao ka makapamumukod-tangi sa gitna ng mga tao, at magkakaroon ng puwesto sa lipunan. Ang interes ng kasabihang ito ay para gawing nakatataas ang mga tao kaysa maging nakabababa, dahil napakahirap na maging nakabababa—kailangan mong tiisin ang pagmamaltrato, pakiramdam mo ay wala kang silbi, at wala kang dignidad o dangal. Isa rin itong epekto ng pagkokondisyon sa iyo ng iyong pamilya, na may layong kumilos para sa ikabubuti mo. Ginagawa ito ng iyong pamilya para hindi mo kailangang magtiis sa pagmamaltrato ng iba, at para magkaroon ka ng kasikatan at awtoridad, makakain nang maayos at mapasaya ang sarili, at para kahit saan ka man magpunta, walang mangangahas na mang-api sa iyo, at sa halip ay maaari kang kumilos katulad ng isang diktador at magdesisyon, at lahat ay yuyuko at susunod sa iyo. Sa isang punto, sa paghahangad na maging mas magaling kaysa sa iba, ginagawa mo ito para sa sarili mong pakinabang, at sa isa pang punto, ginagawa mo rin ito para palakasin ang katayuan ng iyong pamilya sa lipunan at bigyan ng karangalan ang iyong mga ninuno, upang makinabang din ang iyong mga magulang at kapamilya mula sa pagkakaugnay sa iyo at para hindi sila magdusa ng pagmamaltrato. Kung nagtiis ka ng matinding paghihirap at nagawa mong manguna sa pamamagitan ng pagiging isang mataas na opisyal na may magandang kotse, may marangyang bahay at mga tauhang pumapaligid sa iyo, makikinabang din ang iyong pamilya sa pagkakaugnay nila sa iyo, at ang mga kapamilya mo ay makapagmamaneho rin ng magagandang sasakyan, makakakain nang maayos, at makapamumuhay nang marangya. Magagawa mong kumain ng mga pinakamahal na pagkain kung gusto mo, at pumunta kahit saan mo gusto, at pasunurin ang lahat sa utos mo, at gawin ang anumang gusto mo, at mamuhay nang sutil at mayabang nang hindi kinakailangang umiwas sa atensiyon o mamuhay sa takot, at magagawa mo ang anumang gusto mo, kahit na labag ito sa batas, at makapamumuhay ka nang mapangahas at walang bahala—ito ang layon ng iyong pamilya sa pagkokondisyon sa iyo sa ganitong paraan, para hindi ka maagrabyado, at para magawa mong manguna. Samakatuwid, ang kanilang layon ay gawin kang isang taong pinamumunuan ang iba, pinamamahalaan ang iba, at inuutusan ang iba, at gawin kang isang taong nang-aapi lamang ng iba at hindi kailanman dehado, at gawin kang isang taong nangunguna, sa halip na isang taong pinangungunahan. Hindi ba’t ganito ang nangyayari? (Oo.) … Kung gayon, ano kaya ang hinihingi ng Diyos tungkol sa bagay na ito? Hinihingi ba ng Diyos na ang mga tao ay manguna at hindi maging karaniwan, hindi kakaiba, hindi kapansin-pansin, o ordinaryo, kundi sa halip ay maging dakila, sikat, at mataas na tao? Ito ba ang hinihingi ng Diyos sa mga tao? (Hindi.) Napakalinaw na ang kasabihang ikinondisyon sa iyo ng iyong pamilya—“Kailangan mong pagtiisan ang matinding pagdurusa upang manguna”—ay hindi ka ginagabayan sa isang positibong direksyon, at siyempre, wala rin itong kaugnayan sa katotohanan. Ang mga layon ng iyong pamilya na iparanas sa iyo ang pagdurusa ay hindi nagkataon lang, na pinalalala ng pagpapakana, at sobrang kasuklam-suklam at palihim. Pinararanas ng Diyos ang mga tao ng pagdurusa dahil sa mayroon silang mga tiwaling disposisyon. Kung nais ng mga tao na madalisay ang kanilang mga tiwaling disposisyon, kailangan nilang dumaan sa pagdurusa—ito ay isang obhektibong katunayan. Dagdag pa rito, hinihingi ng Diyos sa mga tao na magtiis ng pagdurusa: Ito ang dapat gawin ng isang nilalang, at ito rin ang dapat pasanin ng isang normal na tao, at ang saloobin na dapat taglayin ng isang normal na tao. Gayunpaman, hindi hinihingi sa iyo ng Diyos na manguna ka. Hinihingi lamang Niya sa iyo na maging isa kang ordinaryong, normal na tao na nakauunawa sa katotohanan, nakikinig sa Kanyang mga salita, nagpapasakop sa Kanya, at iyon lang. Hindi kailanman hinihingi ng Diyos na sorpresahin mo Siya, o gumawa ka ng anumang bagay na nakapanggigilalas, ni hindi Niya kailangan na maging isa kang tanyag na tao o isang dakilang tao. Kailangan lamang Niya na maging isa kang ordinaryo, normal, at totoong tao, at gaano man karaming pagdurusa ang kaya mong tiisin, o kung kaya mo nga ba talagang magtiis ng pagdurusa o hindi, kung sa huli ay magagawa mong katakutan ang Diyos at iwasan ang kasamaan, kung gayon, ito ang pinakamainam na tao na pwede kang maging. Ang nais ng Diyos ay hindi iyong manguna ka, kundi ang maging isang tunay na nilikha, isang taong kayang gampanan ang tungkulin ng isang nilikha. Ang taong ito ay isang tao na hindi kapansin-pansin at ordinaryo, isang taong may normal na pagkatao, konsensiya at katwiran, hindi isang matayog o dakilang tao sa paningin ng mga walang pananampalataya o tiwaling tao. Marami na tayong napagbahaginan sa aspektong ito noon, kaya hindi na natin ito higit pang tatalakayin ngayon. Ang kasabihang ito na “Kailangan mong pagtiisan ang matinding pagdurusa upang manguna” ay malinaw na isang bagay na dapat mong bitiwan. Ano ba mismo ang dapat mong bitiwan? Ito ay ang direksiyon na ikinondisyon sa iyo ng iyong pamilya na hangarin mo. Ibig sabihin, dapat mong baguhin ang direksyon ng iyong paghahangad. Huwag kang gumawa ng anumang bagay para lamang manguna, mamukod-tangi sa karamihan at maging kapansin-pansin, o mahangaan ng iba. Sa halip, dapat mong talikuran ang mga ganitong intensiyon, pakay, at motibo at gawin ang lahat sa praktikal na paraan upang maging isang tunay na nilikha. Ano ang ibig Kong sabihin sa “sa isang mapagpakumbabang paraan”? Ang pinakapangunahing prinsipyo ay gawin ang lahat ng bagay alinsunod sa mga paraan at prinsipyong itinuro ng Diyos sa mga tao. Ipagpalagay na hindi nakakapagpahanga sa lahat o nakakapagpabilib sa kanila ang ginagawa mo, o na hindi man lang ito pinupuri o pinahahalagahan ng sinuman. Gayunpaman, kung ito ay isang bagay na dapat mong gawin, dapat kang magpursige at magpatuloy rito, ituring ito bilang tungkulin na dapat gampanan ng isang nilikha. Kung gagawin mo iyon, magiging isa kang katanggap-tanggap na nilikha sa mga mata ng Diyos—ganoon lang iyon kasimple. Ang kailangan mong baguhin ay ang iyong paghahangad ukol sa iyong pag-asal at pananaw sa buhay.

—Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan 12

Kinokondisyon at iniimpluwensiyahan ka ng pamilya sa ibang paraan, halimbawa, sa kasabihang “Ang pagkakasundo-sundo ay yaman; ang pagtitiis ay karunungan.” Madalas, tinuturuan ka ng mga kapamilya na: “Maging mabait at huwag makipagtalo sa iba o gumawa ng mga kaaway, dahil kapag nagkaroon ka ng masyadong maraming kaaway, hindi ka magkakamit ng katayuan sa lipunan, at kung masyadong maraming tao ang namumuhi sa iyo at gustong saktan ka, hindi ka magiging ligtas sa lipunan. Palagi kang manganganib, at ang iyong kaligtasan sa buhay, katayuan, pamilya, pansariling kaligtasan, at maging ang iyong mga inaasam-asam na promosyon sa trabaho ay malalagay sa alanganin at mahahadlangan ng masasamang tao. Kaya dapat mong matutunan na ‘Ang pagkakasundo-sundo ay yaman; ang pagtitiis ay karunungan.’ Maging mabait sa lahat, huwag sirain ang magagandang ugnayan, huwag magsabi ng anumang bagay na hindi mo na mababawi sa huli, iwasang manakit ng dangal ng mga tao, at huwag ilantad ang kanilang mga pagkukulang. Iwasan o itigil ang pagsasabi ng mga bagay na ayaw marinig ng mga tao. Magbigay ka na lang ng mga papuri, dahil hindi kailanman masamang magbigay-puri sa sinuman. Dapat kang matutong magpakita ng pagtitiis at kompromiso sa parehong malalaki at maliliit na bagay, dahil ‘Mas madaling malulutas ang hidwaan sa pamamagitan ng pagkokompromiso.’” Isipin mo, dalawang ideya at pananaw ang itinatanim sa iyo ng iyong pamilya nang sabay. Sa isang punto, sinasabi nila na kailangan mong maging mabait sa iba; sa isa pang punto, gusto nilang maging mapagtimpi ka, huwag magsalita kung hindi kinakailangan, at kung mayroon kang sasabihin, dapat mong itikom ang iyong bibig hanggang sa makauwi ka at sabihin sa iyong pamilya pagkatapos. O ang mabuti pa, huwag mo na lang sabihin sa pamilya mo, dahil may mga tainga ang mga dingding—kung sakaling lumabas ang sikreto, hindi magiging maganda ang mga bagay para sa iyo. Upang magkaroon ng katayuan at makaligtas sa lipunang ito, dapat matuto ang mga tao ng isang bagay—ang maging balimbing. Sa madaling salita, dapat kang maging madaya at tuso. Hindi mo pwedeng basta na lang sabihin kung ano ang nasa isip mo. Kung sasabihin mo kung ano ang nasa isip mo, kahangalan ang tawag doon, hindi iyon pagiging matalino. May ilang tao na walang preno na sinasabi ang anumang gusto nila. Isipin mo ang isang lalaking gumagawa niyon at sa huli ay napasama niya ang loob ng kanyang amo. Pagkatapos ay pinahirapan siya ng kanyang amo, kinansela ang kanyang bonus, at palagi itong nakikipag-away sa kanya. Sa huli, hindi na niya kayang manatili pa sa trabaho. Kung magbibitiw siya sa kanyang trabaho, wala siyang ibang mapagkakakitaan. Pero kung hindi siya magbibitiw, ang tanging magagawa niya ay pagtiyagaan ang isang trabaho na hindi na niya kayang gawin pa. Ano ang tawag doon, kapag nasa mahirap kang kalagayan? “Naipit,” nang hindi makakilos. Tapos, sinasabi sa kanya ng kanyang pamilya na: “Nararapat lang iyan sa iyo na maltratuhin, dapat kasi naalala mo na ‘Ang pagkakasundo-sundo ay yaman; ang pagtitiis ay karunungan’! Nararapat lang iyan sa iyo dahil wala kang preno at hindi ka nag-iingat sa pinagsasasabi mo! Sinabi namin sa iyo na maging maingat ka sa pananalita at pag-isipang mabuti ang sasabihin mo, pero ayaw mo, pinili mong maging prangka. Akala mo ba ganoon kadaling kalabanin ang amo mo? Akala mo ba ganoon kadaling mamuhay sa lipunan? Palagi mong iniisip na nagpapakaprangka ka lang. Pwes, ngayon, dapat lang na harapin mo ang masasakit na kahihinatnan. Maging aral sana ito sa iyo! Mas matatandaan mo na nang mabuti ang kasabihang ‘Ang pagkakasundo-sundo ay yaman; ang pagtitiis ay karunungan’ sa hinaharap!” Sa sandaling maituro sa lalaking iyon ang leksiyong ito, naaalala niya ito, iniisip na, “Tama talaga ang mga magulang ko na turuan ako. Ito ay isang makabuluhang leksyon ng karanasan sa buhay, isang tunay na gintong aral, hindi ko ito pwedeng patuloy na balewalain. Manganganib ako kung babalewalain ko ang mga nakatatanda sa akin, kaya’t tatandaan ko ito sa hinaharap.” Pagkatapos niyang manampalataya sa Diyos at sumapi sa sambahayan ng Diyos, naaalala pa rin niya ang kasabihang ito, “Ang pagkakasundo-sundo ay yaman; ang pagtitiis ay karunungan,” kaya naman binabati niya ang kanyang mga kapatid sa tuwing nakikita niya ang mga ito, at ginagawa ang kanyang makakaya para makapagsabi ng magagandang bagay sa mga ito. Sinasabi ng lider: “Matagal-tagal na akong lider, pero wala akong sapat na karanasan sa gawain.” Kaya, sumisingit siya nang may papuri: “Magaling ka sa ginagawa mo. Kung hindi ikaw ang namumuno sa amin, parang wala na kaming matatakbuhan.” May isa pang nagsasabi na: “Nagkamit ako ng pag-unawa sa sarili ko, at sa tingin ko ay medyo mapanlinlang ako.” Kaya sasagot siya, “Hindi ka mapanlinlang, talagang matapat ka, ako ang mapanlinlang.” May isa pang nagbibigay ng masamang komento sa kanya, at napapaisip siya, “Hindi ko kailangang matakot sa masasamang komento na tulad niyan, mas masahol pa ang kaya kong tiisin. Gaano man kasama ang mga komento mo, magkukunwari na lang akong hindi ko narinig ang mga ito, at patuloy kitang pupurihin, at susubukan ang makakaya ko na maging sipsip sa iyo, dahil hindi kailanman masama na purihin ka.” Sa tuwing may humihiling sa kanya na magbigay ng opinyon o magtapat habang nagbabahaginan, hindi siya prangkang nagsasalita, at pinananatili ang masayahing pagpapanggap na ito sa harap ng lahat. May nagtatanong sa kanya: “Bakit palagi kang masigla at masiyahin? Isa ka ba talagang nakangiting tigre?” At napapaisip siya: “Matagal na akong isang nakangiting tigre, at sa lahat ng panahong iyon, hindi pa ako kailanman napagsamantalahan, kaya’t naging pangunahing prinsipyo ko na ito sa pakikitungo sa mundo.” Hindi ba’t hindi siya mapagkakatiwalaan? (Oo.) May ilang tao na nagpatangay na lang sa lipunan sa loob ng maraming taon, at patuloy na ginagawa ito matapos silang makapasok sa sambahayan ng Diyos. Hindi sila kailanman nagsasabi ng isang tapat na salita, hindi sila nagsasalita mula sa puso, at hindi nila ibinabahagi ang pagkaunawa nila sa kanilang sarili. Kahit inilalahad ng isang kapatid ang puso nito sa kanila, hindi sila nagsasalita nang prangka, at walang sinuman ang nakakaalam kung ano talaga ang tumatakbo sa isip nila. Hindi nila kailanman ibinubunyag kung ano ang iniisip nila o kung ano ang kanilang mga pananaw, pinananatili nila ang talagang magagandang ugnayan sa lahat, at hindi mo alam kung anong uri ng mga tao o kung anong klase ng personalidad ang totoong gusto nila, o kung ano ba talaga ang tingin nila sa iba. Kung may magtatanong sa kanila kung anong uri ng tao si gayo’t ganito, ang sagot nila ay, “Higit sampung taon na siyang mananampalataya, at ayos naman siya.” Kahit sino ang itanong mo sa kanila, sasagot sila na ayos lang o napakabait ng taong iyon. Kung may magtatanong sa kanila ng, “May natuklasan ka bang anumang pagkukulang o kapintasan sa kanya?” Sasagot sila ng, “Wala pa naman akong napansin, mas oobserbahan ko ito nang mabuti mula ngayon,” pero sa kaloob-looban nila, iniisip nilang: “Hinihiling mo sa akin na pasamain ko ang loob ng taong iyon, na talagang hindi ko gagawin! Kung sasabihin ko sa iyo ang totoo at nalaman niya ito, hindi ba’t magiging kaaway ko siya? Matagal nang sinasabi sa akin ng pamilya ko na huwag gumawa ng mga kaaway, hindi ko nakakalimutan ang mga sinabi nila. Akala mo ba hangal ako? Akala mo makakalimutan ko ang pagtuturo at pagkokondisyon na natanggap ko mula sa aking pamilya dahil lang sa nagbahagi ka ng dalawang pangungusap ng katotohanan? Hindi iyon mangyayari! Ang mga kasabihang ito na, ‘Ang pagkakasundo-sundo ay yaman; ang pagtitiis ay karunungan’ at ‘Mas madaling malulutas ang hidwaan sa pamamagitan ng pagkokompromiso,’ ay hindi ako kailanman binigo at ang mga ito ang aking birtud. Hindi ako nagkukuwento ng mga kapintasan ng sinuman, at kung may sinumang nang-uudyok sa akin, pinapakitaan ko sila ng pagtitiis. Hindi mo ba nakita ang letrang iyon na nakatatak sa aking noo? Ito ang letrang Tsino para sa ‘pagtitiis,’ na binubuo ng letra ng isang kutsilyo sa itaas ng letra ng puso. Ang sinumang nagsasabi ng masasamang salita, pinapakitaan ko sila ng pagtitiis. Ang sinumang nagpupungos sa akin, pinapakitaan ko sila ng pagtitiis. Ang layon ko ay na manatiling kasundo ang lahat, na panatilihin ang mga ugnayan sa ganitong antas. Huwag kumapit sa mga prinsipyo, huwag maging sobrang hangal, huwag maging matigas, dapat kang matutong bumagay sa mga sitwasyon! Bakit sa tingin mo nabubuhay nang napakatagal ang mga pagong? Ito ay dahil nagtatago ang mga ito sa loob ng kanilang bahay sa tuwing nahihirapan ang mga ito, hindi ba? Sa gayong paraan, napoprotektahan ng mga ito ang kanilang sarili at nabubuhay nang libo-libong taon. Iyon ang paraan para mabuhay nang matagal, at kung paano makitungo sa mundo.” Hindi mo naririnig ang gayong mga tao na nagsasabi ng anumang makatotohanan o taos-puso, at hindi kailanman nabubunyag ang kanilang mga tunay na pananaw at pangunahing pamantayan sa kanilang pag-asal. Pinag-iisipan at pinagninilayan lamang nila ang mga bagay na ito sa puso nila, ngunit walang ibang nakakaalam sa mga ito. Sa panlabas, ang ganitong uri ng tao ay mabait sa lahat, mukhang may mabuting loob, at hindi nananakit o naninira ng sinuman. Pero ang totoo, siya ay balimbing at hindi mapagkakatiwalaan. Ang ganitong uri ng tao ay palaging nagugustuhan ng ilang tao sa iglesia, dahil hindi sila kailanman gumagawa ng malalaking pagkakamali, hindi nila kailanman pabayang ibinubunyag ang kanilang sarili, at ayon sa pagsusuri ng mga lider ng iglesia at mga kapatid, maayos silang nakikisama sa lahat. Wala silang pakialam sa kanilang tungkulin, ginagawa lang nila kung ano ang hinihiling sa kanila. Sila ay sadyang masunurin at may maayos na pag-uugali, hindi nila kailanman sinasaktan ang iba sa pakikipag-usap o kapag hinaharap ang mga bagay-bagay, at hindi nila kailanman sinasamantala ang sinuman. Hindi sila kailanman nagsasalita ng masama tungkol sa iba, at hindi sila nanghuhusga ng mga tao nang patalikod. Gayunpaman, walang nakakaalam kung tapat sila sa pagganap ng kanilang tungkulin, at walang nakakaalam kung ano ang iniisip nila sa iba o kung ano ang opinyon nila sa mga ito. Pagkatapos pag-isipang mabuti, maramdaman mo pa na talagang medyo kakaiba at mahirap unawain ang ganitong uri ng tao, at na ang pagpapanatili sa kanila ay maaaring magdulot ng problema. Ano ang dapat mong gawin? Isa itong mahirap na desisyon, hindi ba? Kapag ginagampanan nila ang kanilang tungkulin, nakikita mo na inaasikaso nila ang kanilang mga sariling gawain, ngunit kailanman ay hindi nila pinahahalagahan ang mga prinsipyong ipinapabatid ng sambahayan ng Diyos sa kanila. Ginagawa nila ang mga bagay-bagay ayon sa gusto nila, wala sa loob na ginagawa ang mga ito at hinahayaan na lang sa ganoon, sinusubukan lamang na iwasang gumawa ng anumang malalaking pagkakamali. Dahil dito, wala kang mahahanap na anumang pagkakamali sa kanila, o matutukoy na anumang kapintasan. Malinis nilang ginagawa ang mga bagay-bagay, pero ano kaya ang iniisip nila sa loob? Gusto ba nilang gampanan ang kanilang tungkulin? Kung walang mga atas administratibo ng iglesia, o pangangasiwa mula sa lider ng iglesia o sa kanilang mga kapatid, makikisama kaya ang taong ito sa masasamang tao? Gagawa kaya sila ng masasamang bagay at magsasagawa ng kasamaan kasama ang masasamang tao? Napakaposible nito, at may kakayahan silang gawin ito, pero hindi pa nila ito nagagawa. Ang ganitong tao ang mapaminsala sa lahat ng uri, at sila ang tipikal na hindi mapagkakatiwalaan o tusong tao. Hindi sila nagtatanim ng mga sama ng loob sa sinuman. Kung may isang tao na nagsasabi ng masakit sa kanila, o nagbubunyag ng isang tiwaling disposisyon na lumalabag sa kanilang dignidad, ano ang iniisip nila? “Magpapakita ako ng pagtitiis, hindi ko ito mamasamain, pero darating ang araw na magmumukha kang hangal!” Kapag talagang iwinasto ang taong iyon o nagmukhang hangal, lihim nilang pinagtatawanan ito. Madalas silang mangutya ng ibang tao, ng mga lider, at ng sambahayan ng Diyos, pero hindi nila kinukutya ang kanilang sarili. Hindi lang talaga nila alam kung anong mga problema o kapintasan ang mayroon sila mismo. Ang mga ganitong uri ng tao ay nag-iingat na hindi magbunyag ng anumang bagay na makakasakit sa iba, o anumang bagay na magbibigay-daan sa iba na makita ang tunay nilang kalooban, bagamat iniisip nila ang mga bagay na ito sa puso nila. Samantala, pagdating sa mga bagay na maaaring magpamanhid o manlihis sa iba, malaya nilang ipinapahayag ang mga ito at hinahayaan ang mga tao na makita ang mga ito. Ang mga taong tulad nito ang pinakatuso at pinakamahirap pakitunguhan. Kaya, ano ang saloobin ng sambahayan ng Diyos sa mga taong tulad nito? Gamitin ang mga ito kung maaari, at alisin ang mga ito kung hindi—ito ang prinsipyo. Bakit ganoon? Ang dahilan ay sapagkat ang mga taong tulad nito ay nakatakdang hindi maghangad sa katotohanan. Ang mga ito ay mga hindi mananampalataya na pinagtatawanan ang sambahayan ng Diyos, mga kapatid, at mga lider kapag nagkakaroon ng mga problema. Ano ang papel nila? Ito ba ang papel ni Satanas at ng mga diyablo? (Oo.) Kapag nagpapakita sila ng pasensiya sa kanilang mga kapatid, hindi ito binubuo ng tunay na pagtitimpi o taos-pusong pagmamahal. Ginagawa nila ito para protektahan ang kanilang sarili at para maiwasang magkaroon ng anumang mga kaaway o panganib sa kanilang daan. Hindi nila kinukunsinti ang kanilang mga kapatid para protektahan ang mga ito, hindi rin nila ito ginagawa para sa pagmamahal, at lalong hindi nila ito ginagawa para sa paghahangad ng katotohanan at pagsasagawa nang alinsunod sa mga katotohanang prinsipyo. Ang ginagawa nila ay ganap na isang saloobin na nakatuon sa pagsabay lamang sa agos at panlilihis sa iba. Ang mga gayong tao ay balimbing at hindi magpagkakatiwalaan. Ayaw nila sa katotohanan at hindi nila ito hinahangad, sa halip ay sumasabay lamang sila sa agos. Malinaw na ang pagkokondisyong natatanggap ng gayong mga tao mula sa kanilang pamilya ay lubhang nakakaapekto sa pamamaraan kung paano sila mismo kumikilos at humaharap sa mga bagay-bagay. Siyempre, hindi maitatanggi na ang mga pamamaraan at prinsipyong ito ng pagharap sa mundo ay laging nauugnay sa kanilang pagkataong diwa. Higit pa rito, ang mga epekto ng pagkokondisyon mula sa kanilang pamilya ay nagsisilbi lamang para gawing mas malinaw at kongkreto ang kanilang mga kilos, at mas ganap na ibunyag ang kanilang kalikasang diwa. Samakatuwid, kapag nahaharap sa mga pangunahing isyu ng tama at mali, at sa mga usaping may kinalaman sa mga interes ng sambahayan ng Diyos, kung makagagawa ng ilang angkop na pasya ang gayong mga tao at bibitiwan ang mga pilosopiya para sa mga makamundong pakikitungo na kinikimkim nila sa kanilang puso, gaya ng “Ang pagkakasundo-sundo ay yaman; ang pagtitiis ay karunungan,” para maitaguyod ang mga layunin ng sambahayan ng Diyos, mabawasan ang kanilang mga paglabag at masamang gawa sa harap ng Diyos—paano ito makakabuti sa kanila? Kahit papaano, kapag sa hinaharap ay itinatakda ng Diyos ang kahihinatnan ng bawat tao, magpapagaan nito ang kaparusahan sa kanila at mababawasan ang pagtutuwid ng Diyos sa kanila. Sa pagsasagawa sa ganitong paraan, walang mawawala sa mga taong iyon at ang lahat ng bagay ay magiging pakinabang sa kanila, hindi ba? Kung tuluyan nilang bibitiwan ang kanilang mga pilosopiya para sa mga makamundong pakikitungo, hindi ito magiging madali para sa kanila, dahil kasama rito ang kanilang pagkataong diwa, at ang mga taong ito na hindi mapagkakatiwalaan at balimbing ay hindi man lang tumatanggap sa katotohanan. Hindi gaanong simple at madali para sa kanila na bitiwan ang mga satanikong pilosopiya na ikinondisyon sa kanila ng kanilang mga pamilya, dahil—kahit na isantabi ang mga epektong ito ng pagkokondisyon mula sa kanilang pamilya—sila mismo ay mga nahuhumaling na naniniwala sa mga satanikong pilosopiya, at gusto nila ang ganitong diskarte sa pagharap sa mundo, na isang napaka-indibidwal at personal na diskarte. Ngunit kung matalino ang mga gayong tao—kung bibitiwan nila ang ilan sa mga kaugaliang ito para wastong pangalagaan ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, hangga’t hindi nanganganib o napipinsala ang sarili nilang mga interes—kung gayon, mabuti iyon para sa kanila, dahil kahit papaano ay mapapawi nito ang kanilang pagkakonsensiya, mababawasan ang pagtutuwid sa kanila ng Diyos, at mababaligtad pa nga ang sitwasyon para sa halip na ituwid sila, gagantimpalaan at maaalala sila ng Diyos. Napakaganda niyon! Hindi ba’t magiging isang magandang bagay iyon? (Oo.)

—Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan 12

Sa ano pang paraan ka ikinondisyon ng iyong pamilya? Halimbawa, madalas na sinasabi sa iyo ng iyong mga magulang na: “Kung hindi mo kayang pigilan ang iyong bibig at padalos-dalos kang magsalita, kalaunan ay mapapahamak ka dahil dito! Dapat mong tandaan na ‘Ang taong maraming sinasabi ay madalas na nagkakamali’! Ano ang ibig sabihin nito? Nangangahulugan ito na kung marami kang sinasabi, tiyak na sa huli ay pagsisisihan mo lang ito. Anuman ang sitwasyon, huwag kang magsalita nang padalos-dalos—tingnan mo muna kung ano ang sinasabi ng iba bago ka magsalita. Kung sasang-ayon ka sa karamihan, hindi ka mapapahamak. Ngunit kung palagi mong sinusubukang mamukod-tangi, at patuloy na nagsasalita nang padalos-dalos at inihahayag ang iyong pananaw nang hindi inaalam kung ano ang iniisip ng iyong pinuno, amo, o lahat ng tao sa paligid mo, at pagkatapos ay hindi pala parehong mag-isip ang iyong pinuno o amo, kung gayon, pahihirapan ka lang nila. May maganda bang idudulot iyon? Makulit na bata, dapat kang mag-ingat sa susunod. Ang taong maraming sinasabi ay madalas na nagkakamali. Tandaan mo lang iyon, at huwag kang magsalita nang padalos-dalos! Ang bibig ay para sa pagkain at paghinga, sa pagsasabi ng matatamis na salita sa iyong mga nakatataas, at sa pagsisikap na palugurin ang iba, hindi ito para sa pagsasabi ng katotohanan. Dapat mong piliin nang maiigi ang mga sasabihin mo, dapat kang gumamit ng mga panlalansi at pamamaraan, at dapat mong gamitin ang iyong utak. Bago pa man mamutawi sa bibig mo ang mga salita, pigilan mo ang mga ito at paulit-ulit na pag-isipan, hintayin ang tamang oras bago sabihin ang mga ito. Nakadepende rin dapat sa sitwasyon kung ano talaga ang sasabihin mo. Kung nagsisimula kang magbahagi ng iyong opinyon, pero napapansin mong hindi ito tinatanggap ng mga tao, o hindi gaanong maganda ang reaksiyon nila, huminto ka kaagad at pag-isipan mo kung paano ito sasabihin sa paraang makapagpapasaya sa lahat bago ka magpatuloy. Iyan ang gagawin ng isang matalinong bata. Kung gagawin mo iyon, hindi ka mapapahamak at magugustuhan ka ng lahat. At kung gusto ka ng lahat, hindi ba’t magiging pabor iyon sa iyo? Hindi ba’t magdudulot ito ng mas maraming oportunidad sa iyo sa hinaharap?” Kinokondisyon ka ng iyong pamilya sa pamamagitan ng pagsasabi sa iyo, hindi lamang kung paano magkamit ng magandang reputasyon, kung paano manguna, at kung paano bumuo ng matatag na katayuan sa iba, kundi kung paano rin manlinlang ng iba sa pamamagitan ng mga panlabas na anyo at hindi magsabi ng totoo, at lalong hindi ihayag lahat ng nasa isipan mo. Naaalala ng ilang taong napahamak matapos nilang sabihin ang totoo na sinabi sa kanila ng kanilang pamilya ang kasabihang “Ang taong maraming sinasabi ay madalas na nagkakamali,” at kumukuha sila ng aral mula rito. Mula noon, mas lalo silang naging handang isagawa ang kasabihang ito at gawin itong kanilang salawikain. Ang ibang tao naman ay hindi napahamak pero taimtim nilang tinatanggap ang pagkokondisyon ng kanilang pamilya sa bagay na ito, at patuloy nilang isinasagawa ang kasabihang ito anuman ang okasyon. Habang mas isinasagawa nila ito, mas nararamdaman nilang “Napakabuti ng mga magulang at lolo’t lola ko sa akin, sinsero silang lahat sa akin at gusto nila ang pinakamakabubuti para sa akin. Napakasuwerte ko na sinabi nila sa akin ang kasabihang ito, ‘Ang taong maraming sinasabi ay madalas na nagkakamali,’ kung hindi, madalas akong mapapahamak dahil hindi ko kayang pigilan ang bibig ko, at pahihirapan ako ng napakaraming tao, o mamatahin ako, o tutuyain at kukutyain. Talagang kapaki-pakinabang at nakakabuti ang kasabihang ito!” Sa pagsasagawa ng kasabihang ito, nagtatamo sila ng maraming tunay na pakinabang. Siyempre, kapag humarap sila sa Diyos, iniisip pa rin nila na ang kasabihang ito ay isang napakakapaki-pakinabang at nakabubuting bagay. Sa tuwing hayagang nagbabahagi ang isang kapatid tungkol sa kanyang personal na kalagayan, katiwalian, o karanasan at kaalaman, gusto rin nilang magbahagi at maging isang tuwiran at matapat na tao, at gusto rin nilang matapat na pag-usapan ang kanilang naiisip o nalalaman sa puso nila, para pansamantalang gumaan ang kanilang isipan, na napakatagal na panahon nang napipigilan, o para magkamit ng bahagyang kalayaan o kaginhawaan. Ngunit sa sandaling naaalala nila ang palaging ikinikintal sa kanila ng kanilang mga magulang, tulad ng, “‘Ang taong maraming sinasabi ay madalas na nagkakamali.’ Huwag magsalita nang padalos-dalos, maging isang tagapakinig sa halip na tagapagsalita, at matutong makinig sa iba,” nilulunok na nila ang anumang gusto nilang sabihin. Kapag natapos nang magsalita ang lahat, wala silang sasabihin at sa halip ay iniisip nila na: “Mainam ito, mabuti na ring wala akong sinabi sa pagkakataong ito, dahil sa sandaling sabihin ko ang saloobin ko, baka magkaroon ng mga opinyon tungkol sa akin ang lahat, at baka may mawala sa akin. Mabuti nang manahimik, marahil sa gayong paraan ay patuloy na iisipin ng lahat na matapat ako at hindi gaanong mapanlinlang, kundi likas lang na hindi palaimik na tao, at samakatuwid ay hindi ako isang taong nagpapakana, o isang taong sobrang tiwali, at lalong hindi isang taong may mga kuru-kuro tungkol sa Diyos, kundi sa halip ay isang taong simple at bukas. Hindi masama na ganito ang maging tingin sa akin ng mga tao, kaya bakit ko pa kailangang magsabi ng kahit ano? Sa totoo lang, nakakakita ako ng ilang resulta sa pamamagitan ng pagsunod sa kasabihang ito na ‘Ang taong maraming sinasabi ay madalas na nagkakamali,’ kaya’t patuloy akong kikilos nang ganito.” Ang pagsunod sa kasabihang ito ay nagdudulot sa kanila ng isang maganda at nakakaginhawang pakiramdam, kaya’t nananatili silang tahimik nang isang beses, dalawa, at nagpapatuloy ito hanggang sa isang araw, kapag napakarami na nilang kinikimkim na salita at gusto nilang magtapat sa kanilang mga kapatid, pero pakiramdam nila ay parang selyado at nakabusal ang kanilang bibig, at wala silang masabi ni isang salita. Dahil hindi sila makapagsabi sa kanilang mga kapatid, nagpapasya silang subukang kausapin ang Diyos, kaya’t lumuluhod sila sa harapan Niya at nagsasabing, “Diyos ko, may sasabihin ako sa Iyo. Ako ay….” Subalit maski pinag-iisipan nila ito nang mabuti sa puso nila, hindi nila alam kung paano ito sasabihin, hindi nila ito maipahayag, para bang tuluyan na silang naging pipi. Hindi nila alam kung paano pumili ng mga wastong salita o kung paano bumuo ng isang pangungusap. Ang napakaraming taon ng pagkikimkim ng damdamin ay nagpaparamdam sa kanilang lubusan silang napipigilan, at namumuhay sila sa isang madilim at maruming buhay, at kapag nagpasya na silang sabihin sa Diyos kung ano ang nasa puso nila at ilabas ang kanilang mga nararamdaman, hindi sila makapagsalita at hindi alam kung saan magsisimula, o kung paano ito sasabihin. Hindi ba’t kaawa-awa sila? (Oo, kaawa-awa sila.) Kung gayon, bakit, wala silang masabi sa Diyos? Ipinapakilala lamang nila ang kanilang sarili. Nais nilang sabihin sa Diyos kung ano ang nasa puso nila, pero wala silang masabi, at sa huli, ang tanging nasasabi nila ay: “Diyos ko, pakiusap, bigyan Mo po ako ng mga salitang dapat kong sabihin!” At tumutugon ang Diyos ng: “Napakarami ng dapat mong sabihin, pero ayaw mong sabihin ito, at hindi mo ito sinasabi kapag binibigyan ka ng pagkakataon, kaya binabawi Ko ang lahat ng ibinigay ko sa iyo. Hindi Ko ito ibibigay sa iyo, hindi ka karapat-dapat para rito.” Saka lang nila mararamdaman na napakaraming nawala sa kanila nitong mga nakaraang taon. Bagamat pakiramdam nila ay nagkaroon sila ng isang napakarangal na buhay, at lubos silang nakapagpanggap at nakapagbalatkayo, kapag nakikita nilang nagkakamit ng mga pakinabang ang kanilang mga kapatid sa buong panahong ito, at kapag nakikita nilang nag-uusap ang kanilang mga kapatid tungkol sa kanilang mga karanasan ng mga ito nang walang anumang pag-aalinlangan at nagtatapat tungkol sa katiwalian ng mga ito, napagtatanto ng mga taong ito na sila mismo ay hindi makapagsabi ng isang pangungusap, at hindi alam kung paano. Napakatagal na nilang nananalig sa Diyos, at gusto nilang pag-usapan ang pagkakilala sa kanilang sarili, at talakayin ang kanilang karanasan at pagkalantad sa mga salita ng Diyos, at gusto nilang makakuha ng kaunting kaliwanagan at tanglaw mula sa Diyos, at magkamit ng isang bagay. Ngunit sa kasamaang-palad, dahil napakadalas nilang lahat na kumapit sa opinyong “Ang taong maraming sinasabi ay madalas na nagkakamali,” at madalas na nakagapos at kontrolado ng ideyang ito, namuhay sila sa kasabihang ito sa loob ng napakaraming taon, hindi sila nakatanggap ng anumang kaliwanagan o pagtanglaw mula sa Diyos, at mahirap, kaawa-awa, at wala pa rin silang natamo pagdating sa pagpasok sa buhay. Naisagawa nila ang kasabihan at ideyang ito nang napakahusay at sinunod ito sa bawat detalye, ngunit sa kabila ng pananampalataya sa Diyos sa napakaraming taon, wala silang nakamit na anumang katotohanan, at nananatiling mahirap at bulag. Binigyan sila ng Diyos ng bibig, pero wala silang anumang abilidad na magbahagi tungkol sa katotohanan, ni anumang abilidad na magsalita tungkol sa kanilang mga nararamdaman at nalalaman, lalo na ang abilidad na makipag-usap sa kanilang mga kapatid. Ang mas kahabag-habag pa ay na wala silang abilidad na kausapin ang Diyos, at nawalan sila ng gayong abilidad. Hindi ba’t kaawa-awa sila? (Oo, kaawa-awa sila.) Kaawa-awa at nakakalungkot. Hindi ba’t hindi ka mahilig makipag-usap? Hindi ba’t lagi kang takot na ang taong maraming sinasabi ay madalas na nagkakamali? Kung gayon, talagang wala kang dapat sasabihin. Hindi mo sinasabi ang iyong malalamim na saloobin na siyang ibinigay sa iyo ng Diyos, pinipigilan mo ang mga ito, tinatakpan, at pinipigilang umalpas ang mga ito. Palagi kang natatakot na mapahiya, natatakot na makaramdam ng pagbabanta, natatakot na mahalata ka ng iba, at palaging natatakot na hindi ka na magiging perpekto, matapat, at mabuting tao sa mga mata ng iba, kaya nagbabalatkayo ka, at walang sinasabi tungkol sa tunay mong iniisip. At ano ang nangyayari sa huli? Magiging isa ka na talagang pipi. Sino ang gumawa ng gayong pinsala sa iyo? Sa pinakaugat, ang pagkokondisyon ng iyong pamilya ang nagpahamak sa iyo. Ngunit mula sa sarili mong personal na perspektiba, ito ay dahil din sa gusto mong mamuhay ayon sa mga satanikong pilosopiya, kaya pinili mong maniwala na tama ang pagkokondisyon ng iyong pamilya, at hindi ka naniniwala na positibo ang mga hinihingi ng Diyos sa iyo. Pinipili mong ituring na isang positibong bagay ang epekto ng pagkokondisyon sa iyo ng iyong pamilya, at ituring ang mga salita ng Diyos, ang mga hinihingi Niya, at ang Kanyang panustos, tulong, at turo bilang mga bagay na dapat mong bantayan, bilang mga negatibong bagay. Samakatuwid, gaano man kalaki ang ipinagkaloob ng Diyos sa iyo sa simula, dahil sa iyong pagbabantay at paglaban sa lahat ng panahong ito, ang resulta sa huli, binabawi ng Diyos ang lahat at wala Siyang ibinibigay sa iyo, dahil hindi ka karapat-dapat dito. Kaya bago pa ito umabot sa ganoon, dapat mong bitiwan ang epekto ng pagkokondisyon sa iyo ng iyong pamilya sa bagay na ito, at huwag tanggapin ang maling ideya na “Ang taong maraming sinasabi ay madalas na nagkakamali.” Ang kasabihang ito ay nagtutulak sa iyo na maging mas sarado, mas mapanlinlang, at mas hipokrito. Ito ay ganap na naiiba at sumasalungat sa hinihingi ng Diyos sa mga tao na maging matapat, at hinihingi Niya na maging tuwiran at bukas sila. Bilang isang mananampalataya sa Diyos at tagasunod ng Diyos, dapat maging ganap kang determinado na hangarin ang katotohanan. At kapag ganap kang determinado na hangarin ang katotohanan, dapat ganap kang maging determinado na bitiwan ang inakala mong magagandang epekto ng mga pagkokondisyon na ibinibigay sa iyo ng iyong pamilya—dapat walang pagpipilian. Anuman ang mga epekto ng pagkokondisyon ng iyong pamilya sa iyo, gaano man kabuti o kapaki-pakinabang ang mga ito para sa iyo, gaano ka man pinoprotektahan ng mga ito, nagmumula ang mga ito sa mga tao at kay Satanas, at dapat mong bitiwan ang mga ito. Sumasalungat man sa mga salita ng Diyos at sa mga hinihingi Niya sa mga tao ang mga epekto ng pagkokondisyon ng iyong pamilya, o kaya naman ay pumipinsala ito sa iyong mga interes, at nag-aalis sa iyong mga karapatan, at kahit na sa tingin mo ay hindi ka pinoprotektahan ng mga ito at sa halip nilalayong ipahiya ka at gawin kang hangal, dapat mo pa ring ituring ang mga ito bilang mga positibong bagay, dahil ang mga ito ay nagmumula sa Diyos, ang mga ito ang katotohanan, at dapat mong tanggapin ang mga ito. Kung ang mga bagay na ikinondisyon sa iyo ng iyong pamilya ay may kinalaman sa iyong pag-iisip at pag-asal, sa pananaw mo sa pag-iral, at sa landas na tinatahak mo, kung gayon, dapat mong bitiwan ang mga ito at huwag kumapit sa mga ito. Sa halip, dapat mong palitan ang mga ito ng mga katumbas na katotohanan mula sa Diyos, at sa paggawa nito, dapat palagi mo ring kinikilatis at kinikilala ang mga likas na problema at diwa ng mga bagay na ito na ikinondisyon sa iyo ng iyong pamilya, at pagkatapos, kumilos at magsagawa ka sa pamamagitan ng pagsunod sa mga salita ng Diyos nang mas tumpak, praktikal, at totoo. Ang pagtanggap ng mga ideya, mga pananaw sa mga tao at bagay, at mga prinsipyo ng pagsasagawa na nagmumula sa Diyos—ito ang nakatakdang responsabilidad ng isang nilikha, at kung ano ang dapat gawin ng isang nilikha, at ito rin ang ideya at pananaw na dapat taglayin ng isang nilikha.

—Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan 12

May isa pang uri ng epekto ng pagkokondisyon na ipinipilit ng pamilya. Halimbawa, palaging sinasabi sa iyo ng iyong mga kapamilya na: “Huwag masyadong mamukod-tangi sa karamihan, dapat mong rendahan ang iyong sarili at magsanay na pigilan nang kaunti ang iyong mga salita at kilos, pati ang iyong mga personal na talento, abilidad, IQ, at iba pa. Huwag maging iyong tipo ng tao na namumukod-tangi. Katulad ito ng mga kasabihang, ‘Ang ibong nag-uunat ng kanyang leeg ang unang nababaril,’ at ‘Ang nakausling tahilan ang unang nabubulok.’ Kung gusto mong protektahan ang iyong sarili, at magkaroon ng pangmatagalan at matatag na puwesto sa grupong kinabibilangan mo, huwag kang maging ibon na nag-uunat ng leeg, dapat mong rendahan ang iyong sarili at huwag mag-asam na makaangat sa lahat. Isipin mo ang lightning rod na siyang unang tinatamaan kapag may bagyo, dahil tinatamaan ng kidlat ang pinakamataas na tuktok; at kapag napakalakas ng ihip ng hangin, ang pinakamataas na puno ang unang sumasalo sa hagupit nito at nalilipad; at kapag malamig ang panahon, ang pinakamataas na bundok ang unang nagyeyelo. Ganoon din sa mga tao—kung palagi kang nangingibabaw sa iba at nakakakuha ng atensiyon, at napapansin ka ng mga Partido, seryoso nitong ikokonsidera na parusahan ka. Huwag maging ibong nag-uunat ng kanyang leeg, huwag lumipad nang mag-isa. Dapat kang manatili sa loob ng kawan. Kung hindi, kapag may anumang kilusang panlipunang protesta na nabuo sa paligid mo, ikaw ang unang maparurusahan, dahil ikaw ang ibong lumalabas. Huwag kang maging lider o pinuno ng grupo sa iglesia. Kung hindi, sa oras na may anumang mga kawalan o problema na nauugnay sa gawain sa sambahayan ng Diyos, bilang ang lider o superbisor, ikaw ang unang pupuntiryahin. Kaya, huwag kang maging ang ibong nag-uunat sa kanyang leeg, dahil ang ibong nag-uunat ng kanyang leeg ang unang nababaril. Dapat kang matutong itago ang iyong ulo at yumukyok na parang pagong.” Naaalala mo ang mga salitang ito mula sa iyong mga magulang, at kapag dumating na ang oras na kailangang pumili ng isang lider, tinatanggihan mo ang posisyon, sinasabing, “Naku, hindi ko kayang gawin ito! Mayroon akong pamilya at mga anak, masyado na akong abala sa kanila. Hindi ako pwedeng maging lider. Kayo na dapat gumawa nito, huwag ninyo akong piliin.” Ipagpalagay na nahalal ka pa rin bilang lider, nag-aatubili ka pa rin na gawin ito. “Kailangan ko yatang magbitiw,” sabi mo. “Kayo na ang maging lider, ibinibigay ko sa inyo ang buong pagkakataon. Tinutulutan ko kayong akuin ang posisyon, ipinapaubaya ko na sa inyo.” Nagninilay-nilay ka sa puso mo, “Huh! Ang ibong nag-uunat ng kanyang leeg ang unang nababaril. Kapag mas mataas ang pag-akyat mo, mas matindi rin ang lagapak mo, at malungkot doon sa tuktok. Hahayaan kitang maging lider, at pagkatapos mong mapili, darating ang panahon na magiging isa ka mismong katatawanan. Kahit kailan ay hindi ko ginustong maging isang lider, ayaw kong umangat, na nangangahulugang hindi ako babagsak nang napakataas. Isipin mo, hindi ba’t si gayo’t ganito ay natanggal bilang lider? Matapos matanggal, itiniwalag siya—hindi man lang siya nagkaroon ng pagkakataong maging isang ordinaryong mananampalataya. Ito ay isang perpektong halimbawa ng mga kasabihang ‘Ang ibong nag-uunat ng kanyang leeg ang unang nababaril’ at ‘Ang nakausling tahilan ang unang nabubulok.’ Hindi ba’t tama Ako? Hindi ba’t pinarusahan siya? Dapat matuto ang mga tao na protektahan ang kanilang sarili, kung hindi, ano ang silbi ng utak ng mga tao? Kung mayroon kang utak sa ulo mo, dapat mong gamitin ito para protektahan ang iyong sarili. Hindi malinaw na nakikita ng ilang tao ang isyung ito, pero ganyan talaga sa lipunan at sa anumang grupo ng mga tao—‘Ang ibong nag-uunat ng kanyang leeg ang unang nababaril.’ Igagalang ka nang husto habang iniuunat mo ang iyong leeg, hanggang sa sandaling mabaril ka. Pagkatapos, mapagtatanto mo na sa malao’t madali, ang mga taong naglalagay sa kanilang sarili sa unahan ay mapaparusahan dahil sa kanilang ginawa.” Ito ang mga masigasig na turo ng magulang at pamilya mo, at pati na ang tinig ng karanasan, ang purong karunungan ng kanilang buhay, na ibinubulong nila sa iyong tainga nang walang pag-aalinlangan. Ano ang ibig Kong sabihin sa “ibinubulong sa iyong tainga”? Ibig Kong sabihin na isang araw, ibubulong ng iyong ina sa tainga mo na, “Hayaan mong sabihin ko sa iyo, kung may isang bagay akong natutunan sa buhay na ito, ito ay na ‘Ang ibong nag-uunat ng kanyang leeg ang unang nababaril,’ na nangangahulugan na kung masyadong nangingibabaw o kumukuha ng labis na atensiyon ang isang tao, malamang na maparurusahan sila dahil dito. Tingnan mo kung gaano katahimik at katapat ang ama mo ngayon, ito ay dahil pinarusahan siya sa ilang kilusan ng panunupil. Ang iyong ama ay may talento sa panitikan, kaya niyang magsulat at magbigay ng mga talumpati, mayroon siyang mga kasanayan sa pamumuno, pero masyado siyang namumukod-tangi sa karamihan, at sa huli ay pinarusahan sa kilusan. Bakit, mula noon, hinding-hindi na nagsasalita ang ama mo tungkol sa pagiging isang opisyal ng gobyerno at mataas na tao? Ito ay dahil doon. Kinakausap kita nang mula sa puso at sinasabi sa iyo ang totoo. Dapat mong pakinggan at tandaan ito nang mabuti. Huwag mong kalimutan, dapat mo itong isaisip saan ka man magpunta. Ito ang pinakamainam na bagay na maibibigay ko sa iyo bilang iyong ina.” Pagkatapos niyon, natatandaan mo ang kanyang mga salita, at sa tuwing naaalala mo ang kasabihang “Ang ibong nag-uunat ng kanyang leeg ang unang nababaril,” ipinapaalala nito sa iyo ang iyong ama, at sa tuwing naiisip mo siya, naiisip mo ang kasabihang ito. Ang ama mo ay minsang naging ang ibong nag-unat ng leeg at nabaril, at ngayon, ang madilim at malungkot niyang hitsura ay nag-iwan ng malalim na impresyon sa isipan mo. Kaya, sa tuwing gusto mong iunat ang iyong leeg, sa tuwing gusto mong sabihin ang iniisip mo, sa tuwing gusto mong tapat na tuparin ang iyong tungkulin sa sambahayan ng Diyos, ang taos-pusong payo ng iyong ina na ibinulong niya sa iyo na—“Ang ibong nag-uunat ng kanyang leeg ang unang nababaril”—ay muling pumapasok sa isipan mo. Kaya, muli kang umuurong, iniisip na, “Hindi ako pwedeng magpakita ng anumang talento o mga espesyal na kakayahan, kailangan kong pigilan ang aking sarili at itigil ang mga ito. At tungkol naman sa mga payo ng Diyos sa mga tao na isapuso, isaisip, at ganap na ibuhos ang kanilang lakas sa pagganap ng kanilang tungkulin, dapat kong isagawa ang mga salitang ito nang may katamtaman lang, at hindi labis na magsikap para mamukod-tangi. Kung mamumukod-tangi ako sa pamamagitan ng pagsisikap ng husto, at iuunat ang leeg ko palabas sa pamamagitan ng pamumuno sa gawain ng iglesia, paano kung magkaproblema sa gawain ng sambahayan ng Diyos at ako ang pinananagot? Paano ko dapat pasanin ang pananagutang ito? Aalisin ba ako? Ako ba ang pagbubuntunan ng sisi, ang ibong nag-unat ng leeg? Sa sambahayan ng Diyos, hindi natin masasabi kung ano ang magiging resulta ng mga bagay na ito. Kaya, anuman ang gawin ko, talagang dapat akong maglaan ng matatakasan para sa sarili ko, dapat kong matutunang protektahan ang aking sarili, at tiyaking nakahanda ako sa lahat bago ako magsalita at kumilos. Ito ang pinakamatalinong paraan ng pagkilos, dahil gaya ng sinabi ng aking ina, ‘Ang ibong nag-uunat ng kanyang leeg ang unang nababaril.’” Malalim na nakatanim sa puso mo ang kasabihang ito at mayroon din itong malalim na impluwensiya sa iyong pang-araw-araw na buhay. Ang mas malala, siyempre, nakakaapekto ito sa saloobin mo sa pagganap ng iyong tungkulin. Wala bang malulubhang problema rito? Kaya, sa tuwing ginagampanan mo ang iyong tungkulin at nais mong taos-pusong igugol ang iyong sarili, at buong pusong gamitin ang lahat ng iyong lakas, ang kasabihang ito na—“Ang ibong nag-uunat ng kanyang leeg ang unang nababaril”—ay laging pumipigil sa iyo, at sa huli, palagi mong pinipiling bigyan ang iyong sarili ng kaunting palugit at puwang para makakilos, at gawin lamang ang iyong tungkulin nang maingat pagkatapos paglaanan ang iyong sarili ng matatakasan. Hindi ba’t tama Ako? Sa aspektong ito, lubos ka bang napoprotektahan ng pagkondisyon ng iyong pamilya mula sa pagkakalantad at pagkakawasto? Para sa iyo, ito ay isa pang birtud, hindi ba? (Oo.)

—Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan 12

Ang pagkokondisyon ng pamilya ay malamang na may kasama pang mas maraming panuntunan para sa pag-asal at pagharap sa mundo. Halimbawa, kadalasang sinasabi ng mga magulang, “Ang isang tao ay hindi dapat magtangkang pinsalain ang iba, ngunit dapat palagi siyang mag-ingat laban sa pinsalang maaaring gawin ng iba sa kanya; masyado kang hangal at madaling lokohin.” Madalas na inuulit ng mga magulang ang mga ganitong uri ng mga salita, at maging ang mga nakatatanda ay madalas kang punahin, sinasabing, “Maging mabuti kang tao, huwag mong pinsalain ang iba, ngunit dapat palagi kang mag-ingat laban sa pinsalang maaaring gawin sa iyo ng iba. Lahat ng tao ay masama. Maaaring nakikita mo na nagsasabi ng magagandang bagay sa iyo ang isang tao sa panlabas, pero hindi mo alam kung ano ang iniisip niya. Ang puso ng isang tao ay nakatago sa likod ng kanyang hitsura, at sa pagguhit ng isang tigre, ipinapakita mo ang balat nito, ngunit hindi ang mga buto nito; sa pagkilala sa isang tao, maaaring kilala mo ang kanyang mukha, ngunit hindi ang kanyang puso.” Mayroon bang kongkretong aspekto sa mga pariralang ito? Kung literal na titingnan ang bawat isa sa mga ito, walang mali sa gayong mga parirala. Ang talagang iniisip ng isang tao sa kanyang kaloob-looban, kung ang puso niya ay malupit o mabuti, ay hindi malalaman. Imposibleng malaman kung ano talaga ang nasa kaluluwa ng isang tao. Ang kahulugan sa likod ng mga pariralang ito ay tila tama, subalit ang mga ito ay isang uri lamang ng doktrina. Ano ang prinsipyo sa pagharap sa mundo ang nakukuha ng mga tao mula sa dalawang pariralang ito sa huli? Ito ay na “Ang isang tao ay hindi dapat magtangkang pinsalain ang iba, ngunit dapat palagi siyang mag-ingat laban sa pinsalang maaaring gawin ng iba sa kanya.” Ito ang sinasabi ng mas matandang henerasyon. Madalas itong sinasabi ng mga magulang at nakatatanda, at palagi ka nilang pinapayuhan sa pagsasabing, “Mag-ingat ka, huwag kang maging hangal at ibunyag ang lahat ng nasa iyong puso. Matuto kang ingatan ang iyong sarili at maging mapagbantay. Kahit kasama ang mabubuting kaibigan, huwag mong ibunyag ang iyong tunay na sarili o ilahad ang iyong puso. Huwag mong isapanganib ang buhay mo para sa kanila.” Tama ba ang paalalang ito mula sa mga nakatatanda sa iyo? (Hindi, nagtuturo ito sa mga tao ng mga mapanlinlang na paraan.) Sa teorya, mabuti ang pangunahing layon nito: Upang protektahan ka, upang maiwasang malagay ka sa mga mapanganib na sitwasyon, upang protektahan ka mula sa pamiminsala at pandaraya ng iba, upang pangalagaan ang iyong mga pisikal na interes, ang iyong personal na seguridad, at ang iyong buhay. Ito ay para ilayo ka sa gulo, mga demanda, at tukso, at tulutan kang mamuhay araw-araw nang mapayapa, maayos, at masaya. Ang pangunahing layon ng mga magulang at nakatatanda ay para lang protektahan ka. Gayunpaman, ang paraan ng pagprotekta nila sa iyo, ang mga prinsipyong ipinapasunod nila sa iyo, at ang mga kaisipang ikinikintal nila sa iyo ay hindi talaga tama. Bagamat tama ang kanilang pangunahing layon, ang mga kaisipang ikinikintal nila sa iyo ay hindi sinasadyang nagtutulak sa iyo na gumawa ng mga bagay na hindi na normal. Ang mga kaisipang ikinikintal nila sa iyo ay nagiging mga prinsipyo at batayan sa kung paano ka humarap sa mundo. Kapag nakikisalamuha ka sa iyong mga kaklase, kasamahan, katuwang sa trabaho, superyor, at sa bawat uri ng tao sa lipunan, mga tao mula sa iba’t ibang antas ng pamumuhay, ang mga kaisipang ito na ikinintal ng iyong magulang ay nagiging iyong pangunahing birtud at prinsipyo sa tuwing pinangangasiwaan mo ang mga bagay na may kinalaman sa interpersonal na relasyon. Anong prinsipyo ito? Ito ay: Hindi kita pipinsalain, pero kailangan kong maging maingat laban sa iyo sa lahat ng oras para hindi mo ako malinlang o madaya, para maiwasan kong masangkot sa gulo o mga demanda, para hindi bumagsak ang kayamanan ng aking pamilya at hindi masira ang aking mga kapamilya, at para hindi ako humantong sa bilangguan. Sa pamumuhay sa ilalim ng kontrol ng gayong mga kaisipan at pananaw, sa pamumuhay sa gitna ng grupong panlipunang ito nang may ganoong saloobin sa pagharap sa mundo, mas malulugmok ka lang sa depresyon, mas mahahapo, pagod na pagod ang isip at katawan. Kasunod nito, mas lalabanan at tututulan mo ang mundo at sangkatauhang ito, lalong kasusuklaman ang mga ito. Habang kinasusuklaman ang iba, nagsisimula ring manliit ang tingin mo sa iyong sarili, pakiramdam mo ay hindi ka namumuhay sa paraang katulad ng sa isang tao, kundi sa halip, nakakapagod at nakapanlulumo ang buhay mo. Upang maiwasang mapinsala ng iba, kailangan mong palaging mag-ingat, gumagawa at nagsasabi ng mga bagay na labag sa iyong kalooban. Sa paghahangad na protektahan ang sarili mong mga interes at personal na kaligtasan, nagsusuot ka ng pekeng maskara sa bawat aspekto ng iyong buhay at ikaw ay nagbabalatkayo, hindi kailanman naglalakas-loob na magsalita ng katotohanan. Sa sitwasyong ito, sa ganitong mga kondisyon ng pag-iral, hindi makakahanap ng ginhawa o kalayaan ang kaloob-looban mo. Madalas kang nangangailangan ng isang taong hindi magpapahamak sa iyo at hindi kailanman makasasama sa iyong mga interes, isang taong maaari mong pagsabihan ng iyong mga iniisip sa iyong kaloob-looban at paglabasan ng iyong mga pagkadismaya, nang hindi mo kakailanganing panagutan ang iyong mga sinabi, hindi ka makatatanggap ng mga pangungutya, panunuya, panlilibak, o haharap sa anumang kahihinatnan. Sa sitwasyon kung saan ang kaisipan at pananaw na “Ang isang tao ay hindi dapat magtangkang pinsalain ang iba, ngunit dapat palagi siyang mag-ingat laban sa pinsalang maaaring gawin ng iba sa kanya” ay ang iyong prinsipyo sa pagharap sa mundo, ang kaloob-looban mo ay napupuno ng takot at kawalan ng kapanatagan. Natural na manlulumo ka, wala kang mapaglabasan, at kailangan mo ng isang taong mag-aalo sa iyo, isang taong mapagsasabihan mo. Samakatuwid, kung titingnan mula sa mga aspektong ito, bagamat ang prinsipyo sa pagharap sa mundo na itinuro sa iyo ng mga magulang mo, “Ang isang tao ay hindi dapat magtangkang pinsalain ang iba, ngunit dapat palagi siyang mag-ingat laban sa pinsalang maaaring gawin ng iba sa kanya,” ay maaaring makapagprotekta sa iyo, parehong may mabuti at masamang epekto ito. Bagamat pinoprotektahan nito ang iyong mga pisikal na interes at personal na kaligtasan sa isang antas, dahil dito ikaw ay nanlulumo at nagiging miserable, wala kang mapaglabasan, at mas lalo pa ngang nagiging dismayado sa mundo at sangkatauhang ito. Kasabay nito, sa kaloob-looban mo, unti-unti ka na ring nayayamot na naipanganak ka sa isang napakasamang panahon, kasama ng napakasamang grupo ng mga tao. Hindi mo maintindihan kung bakit kailangang mabuhay ng mga tao, kung bakit sobrang nakakapagod ang buhay, kung bakit kailangan nilang magsuot ng maskara at magbalatkayo saanman sila magpunta, o kung bakit dapat palagi kang mag-ingat laban sa iba alang-alang sa sarili mong mga interes. Nais mong sabihin ang totoo, pero hindi mo magawa dahil sa mga kahihinatnan. Gusto mong maging isang tunay na tao, hayagang magsalita at umasal, at iwasang maging isang mababang-uri ng tao o gumawa ng mga napakasama at kahiya-hiyang gawa nang palihim, namumuhay lamang sa kadiliman, subalit hindi mo magawa ang alinman sa mga ito. Bakit hindi ka makapamuhay nang matuwid? Habang iniisip mo ang mga dati mong ginagawa, medyo may naramdaman kang pagkasuklam. Kinamumuhian at kinasusuklaman mo ang masamang kalakarang ito at ang masamang mundong ito, at kasabay nito, kinasusuklaman mo ang iyong sarili at kinamumuhian kung sino ka na ngayon. Gayunpaman, wala kang magagawa tungkol dito. Bagamat ipinasa sa iyo ng iyong mga magulang ang birtud na ito, sa pamamagitan ng kanilang mga salita at kilos, ipinaparamdam pa rin nito sa iyo na walang kaligayahan o seguridad ang buhay mo. Kapag nararamdaman mo itong kawalan ng kaligayahan, seguridad, integridad at dignidad, parehong nagpapasalamat ka sa iyong mga magulang sa pagbibigay sa iyo ng birtud na ito at nagagalit dahil sa mga tanikalang inilagay nila sa iyo. Hindi mo naiintindihan kung bakit sinabi sa iyo ng iyong mga magulang na umasal ka sa ganitong paraan, kung bakit kailangan mong umasal nang ganito para magkaroon ng posisyon sa lipunan, para maging bahagi ng grupong panlipunang ito, at para maprotektahan ang iyong sarili. Bagamat isa itong birtud, isa rin itong uri ng kadena na nagpaparamdam sa iyo ng kapwa pagmamahal at poot sa puso mo. Subalit ano ang magagawa mo? Wala kang tamang landas sa buhay, walang nagsasabi sa iyo kung paano mamuhay o kung paano harapin ang mga bagay na sasapit sa iyo, at walang nagsasabi sa iyo kung tama ba o mali ang ginagawa mo, o kung paano mo dapat tahakin ang landas na nasa harapan mo. Nagagawa mo lang pagdaanan ang pagkalito, pag-aalinlangan, pasakit, at pagkabalisa. Ito ang mga kahihinatnan ng pilosopiya para sa mga makamundong pakikitungo na ikinintal sa iyo ng iyong mga magulang at pamilya, ginagawa nila ito upang hindi maisakatuparan ang pinakasimple mong pangarap na maging isang simpleng tao, tulad ng hangarin mo na umasal nang matuwid at hindi gumagamit nitong mga pamamaraan ng pagharap sa mundo. Maaari ka lamang mamuhay sa mababang paraan, nagkokompromiso at namumuhay alang-alang sa iyong reputasyon, nagpapakabangis ka para mag-ingat laban sa ibang tao, nagpapanggap na mabangis, matayog at malakas, at makapangyarihan at hindi pangkaraniwan para hindi api-apihin ng iba. Maaari ka lamang mamuhay nang ganito nang labag sa iyong kalooban, at dahil dito ay nasusuklam ka sa iyong sarili, ngunit wala kang magagawa. Dahil wala kang abilidad o landas para makatakas sa mga paraan at estratehiyang ito ng pagharap sa mundo, maaari mo lang hayaang manipulahin ka ng mga kaisipang ikinondisyon sa iyo ng iyong pamilya at mga magulang. Nang hindi nila namamalayan, ang mga tao ay niloloko at kinokontrol ng mga kaisipang ikinintal sa kanila ng kanilang mga pamilya at mga magulang sa panahon ng prosesong ito, dahil hindi nila nauunawaan ang katotohanan o kung paano sila dapat mamuhay, kaya’t maaari lamang nilang ipaubaya ito sa kapalaran. Kahit sila ay nakararamdam ng kaunting konsensiya, o may kaunting pagnanais na mamuhay nang may wangis ng tao, upang makisama at makipagkumpitensya sa iba nang patas, anuman ang kanilang mga ninanais, hindi nila matakasan ang pagkokondisyon at kontrol ng iba’t ibang kaisipan at pananaw na nagmumula sa kanilang pamilya, at sa huli, bumabalik na lamang sila sa kaisipan at pananaw na ikinondisyon sa kanila ng kanilang pamilya na “Ang isang tao ay hindi dapat magtangkang pinsalain ang iba, ngunit dapat palagi siyang mag-ingat laban sa pinsalang maaaring gawin ng iba sa kanya,” dahil wala silang ibang landas na matatahak—wala silang pagpipilian. Ang lahat ng ito ay dahil walang pagkaunawa ang mga tao sa katotohanan at bigo silang makamit ang katotohanan.

—Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan 14

Bakit ang mga tradisyonal na kulturang ito ay hindi ang katotohanan? Ang lahat ng ito ay dahil ang mga bagay na ito ay mga ideya na lumitaw pagkatapos gawing tiwali ni Satanas ang sangkatauhan. Ang mga ito ay hindi nagmumula sa Diyos. Ang mga ito ay nadungisan ng ilang imahinasyon at kuru-kuro ng mga tao, at higit pa rito, ang mga ito ang mga kinahinatnan ng paggawang tiwali ni Satanas sa sangkatauhan. Sinasamantala ni Satanas ang mga ideya, pananaw, at lahat ng uri ng kasabihan at argumento ng tiwaling sangkatauhan para igapos at gawing tiwali ang pag-iisip ng mga tao. Kung gagamitin ni Satanas ang ilang bagay na halatang kakatwa, kalokohan, at mali para ilihis ang mga tao, magkakaroon ng pagkilatis ang mga tao; matutukoy nila ang kaibahan sa pagitan ng tama at mali, at gagamitin nila ang pagkilatis na ito para itatwa at kondenahin ang mga bagay na iyon. Kaya, ang ganitong pagtuturo ay napapatunayang mali. Gayunpaman, kapag si Satanas, para makondisyon, maimpluwensiyahan at maitanim sa isipan ng mga tao, ay gumagamit ng ilang ideya at teorya na umaayon sa mga kuru-kuro at imahinasyon ng mga tao, at na sa tingin nito ay ay mapatutunayang tama kapag binigkas nang malakas, madaling malihis ang sangkatauhan, at madali ring tinatanggap at ipinalalaganap ng mga tao ang mga kasabihang ito, at kaya nananatili ang mga kasabihang ito sa sunod-sunod na henerasyon, hanggang sa kasalukuyan. Halimbawa, tingnan ang ilang kuwento tungkol sa mga bayani ng Tsina, tulad ng mga makabayang kuwento tungkol kay Yue Fei, sa mga heneral ng pamilya Yang, at kay Wen Tianxiang. Paanong naipasa ang mga ideyang ito hanggang sa kasalukuyan? Kung titingnan natin ito mula sa aspekto ng mga tao, sa bawat panahon ay may isang uri ng tao o isang uri ng pinuno na patuloy na gumagamit sa mga halimbawang ito at gumagamit sa mga ideya at espiritu ng mga katauhang ito para turuan ang sunod-sunod na henerasyon ng mga tao, para masunurin at maamong tanggapin ng sunod-sunod na henerasyon ng mga tao ang kanilang pamumuno, at sa gayon ay madali nilang mapamahalaan ang sunod-sunod na henerasyon ng mga tao, at gawing mas matatag ang kanilang pamumuno. Sa pamamagitan ng pagtatalakay tungkol sa hangal na debosyon kay Yue Fei at sa mga heneral ng pamilya Yang, pati na rin sa makabayang espiritu nina Wen Tianxiang at Qu Yuan, tinuturuan nila ang kanilang mga nasasakupan at ipinaaalam sa kanila ang isang panuntunan, na ang isang tao ay dapat umasal nang may katapatan—ito ang dapat taglayin ng isang tao na may marangal na moralidad. Hanggang saan na katapatan? Hanggang sa saklaw na “Kapag iniuutos ng emperador sa mga opisyal niya na sila ay mamatay, wala silang magagawa kundi ang mamatay,” at “Ang isang tapat na mamamayan ay hindi maaaring maglingkod sa dalawang hari”—ito ay isa pang kasabihan na iginagalang nila. Iginagalang din nila ang mga nagmamahal sa kanilang bansa. Ang pagmamahal sa sariling bansa ay nangangahulugang pagmamahal sa ano, o kanino? Pagmamahal sa lupa? Pagmamahal sa mga tao rito? At ano ang isang bansa? (Ang mga namumuno.) Ang mga namumuno ang mga kinatawan ng bansa. Kung sasabihin mo na, “Sa totoo lang, ang pagmamahal ko sa aking bansa ay pagmamahal sa aking bayan at sa aking mga magulang. Hindi ko kayo mahal, kayong mga namumuno!” pagkatapos ay magagalit sila. Kung sasabihin mo na, “Ang pagmamahal ko sa aking bansa ay pagmamahal para sa mga namumuno, mula sa kaibuturan ng aking puso,” tatanggapin nila ito at sasang-ayunan ang gayong pagmamahal; kung ipapaunawa mo sa kanila at lilinawin na hindi sila ang minamahal mo, kung gayon ay hindi sila sasang-ayon. Sino ang kinakatawan ng mga namumuno sa paglipas ng panahon? (Si Satanas.) Sila ay kumakatawan kay Satanas, sila ay mga kasapi ng grupo ni Satanas, at sila ay mga diyablo. Hindi nila maaaring turuan ang mga tao na sambahin ang Diyos, na sambahin ang Lumikha. Hindi nila maaaring gawin ito. Sa halip, sinasabi nila sa mga tao na ang namumuno ay ang anak ng langit. Ano ang ibig sabihin ng “anak ng langit”? Nangangahulugan ito na pinagkakalooban ng Langit ng kapangyarihan ang isang tao, at ang taong ito ay tinatawag na “anak ng langit” at may kapangyarihang maghari sa lahat ng tao sa ilalim ng langit. Ito ba ay isang ideya na itinatanim sa mga tao ng mga namumuno? (Oo.) Kapag ang isang tao ay naging anak ng Langit, ito ay itinakda ng langit, at ang kalooban ng Langit ay nasa kanya, kaya dapat tanggapin ng mga tao ang pamumuno ng taong iyon nang walang kondisyon, anumang uri ng pamumuno ito. Ang itinatanim nila sa mga tao ay ang ideyang ito, na nagbubunsod sa iyo na tanggapin ang taong iyon bilang anak ng langit batay sa iyong pagkilala sa pag-iral ng Langit. Ano ang layon ng paghihikayat sa iyo na tanggapin ang taong iyon bilang anak ng langit? Hindi ito para kilalanin mo na mayroong Langit, o na mayroong Diyos, o na mayroong Lumikha, kundi para magawa mong tanggapin ang mismong katunayan na ang taong ito ang anak ng langit, at dahil sa siya ang anak ng langit, na dulot ng kalooban ng Langit, dapat tanggapin ng mga tao ang kanyang pamumuno—ito ang mga uri ng ideyang itinatanim ng mga namumuno. Sa likod ng lahat ng ideyang ito na nabuo mula sa simula ng sangkatauhan hanggang sa kasalukuyan—kung ang mga hinihimay-himay natin ay mga parirala o idyomang naglalaman ng mga alusyon o mga katutubong salawikain at karaniwang kasabihan na ganap na walang alusyon—ay naroroon ang mga gapos at panlilihis ni Satanas sa sangkatauhan, pati na ang nakalilinlang na depinisyon ng tiwaling sangkatauhan tungkol sa mga ideyang ito mismo. Ano ang impluwensiya nitong nakalilinlang na depinisyon sa sangkatauhan sa mga huling panahon? Ito ba ay mabuti, positibo o negatibo? (Negatibo.) Ito ay likas na negatibo. Halimbawa, ang mga kasabihang “Pagtulog sa kasukalan at pagdila sa apdo,” at “Itago ang liwanag at mag-ipon ng lakas sa dilim,” at “Tiisin ang kahihiyan at pasanin ang mabigat na suliranin,” at “hinding-hindi susuko,” pati na ang “Magkunwaring gumagawa ng isang bagay habang iba ang ginagawa”—ano ang impluwensiya ng mga kasabihang ito sa sangkatauhan sa mga susunod na panahon? Ibig sabihin, kapag tinanggap ng mga tao ang mga ideyang ito mula sa tradisyonal na kultura, ang bawat sunod-sunod na henerasyon ng mga tao ay palayo nang palayo sa Diyos, at sa paglikha at pagliligtas ng Diyos sa mga tao, at sa Kanyang plano ng pamamahala. Kapag tinanggap ng mga tao ang mga maling pananaw na ito mula sa tradisyonal na kultura, lalo nilang nararamdaman na dapat nasa kanilang sariling mga kamay ang tadhana ng tao, at na dapat likhain ng kanilang sariling mga kamay ang kaligayahan, at na ang mga oportunidad ay nakalaan para sa mga taong handa, na nagiging sanhi na lalong itatwa ng sangkatauhan ang Diyos, itatwa ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, at mamuhay sa ilalim ng kapangyarihan ni Satanas. Kung ihahambing mo kung ano ang gustong pag-usapan ng mga tao sa makabagong panahon at kung ano ang gustong pag-usapan ng mga tao sa nakalipas na dalawang libong taon, ang kahulugan ng kaisipan sa likod ng mga bagay na ito ay talagang pareho. Ang kaibahan lang ay mas partikular na napag-uusapan ng mga tao sa panahon ngayon ang mga bagay na iyon at mas hayagan na silang magsalita tungkol dito. Bukod sa itinatatwa nila ang pag-iral at kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, lubha rin nilang nilalabanan at kinokondena ang Diyos.

—Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikasiyam na Aytem (Unang Bahagi)

Ano ang pagkakaiba ng nilalaman sa pagitan ng mga salita ng Diyos at ng tao, at sa pagitan ng katotohanan at doktrina? Ang mga salita ng Diyos ay nagdudulot sa mga tao na mas magkaroon ng katwiran at konsensiya, kumilos nang may prinsipyo, at mas mapuno ng realidad ng mga positibong bagay ang pamumuhay nila. Ang mga salita ng tao, sa kabilang banda, ay maaaring magmukhang ganap na nababagay sa kagustuhan at kuru-kuro ng mga tao, ngunit ang mga ito ay hindi ang katotohanan, puno ang mga ito ng mga patibong, tukso, at erehiya at panlilinlang, at kung kikilos ang mga tao ayon sa mga salitang ito, ang pamumuhay nila ay mas malalayo sa Diyos, at sa mga pamantayan ng Diyos. Ang mas malala, mas magiging masama at katulad kay Satanas ang paraan ng pamumuhay ng mga tao. Kapag ganap na nabubuhay at kumikilos ang mga tao ayon sa mga erehiya at panlilinlang ng tao, kapag tinanggap nila nang buong-buo ang mga argumentong ito, nabubuhay silang katulad ni Satanas. At hindi ba’t ang pamumuhay ng gaya ni Satanas ay nagpapahiwatig na sila si Satanas? (Oo.) “Matagumpay” silang naging isang buhay na Satanas. Sinasabi ng ibang tao, “Hindi ako naniniwala. Gusto ko lang maging isang taong taos-puso na nagugustuhan ng iba. Nais kong maging isang taong itinuturing ng karamihan na mabuti, at pagkatapos ay titingnan ko kung kinalulugdan ako ng diyos o hindi.” Kung hindi ka naniniwala sa sinasabi ng Diyos, humayo ka at tingnan, at—alamin kung ang mga salita ng Diyos ay ang katotohanan, o kung ang mga kuru-kuro ng tao ang katotohanan. Ito ang pagkakaiba ng diwa ng mga salita ng Diyos at ng mga salita ng tao. Ito ang mahalagang pagkakaiba sa pagitan ng katotohanan at mga erehiya at panlilinlang. Paano man umaangkop sa panlasa ng tao ang mga erehiya at panlilinlang, hindi nila maaaring maging buhay ang mga ito; samantala, gaano man kadaling unawain ang mga salita ng Diyos, gaano man ang pagiging karaniwan nito, gaano man ito kasalungat sa mga kuru-kuro ng mga tao, ang diwa ng mga ito ay ang katotohanan, at kung ang ginagawa at pamumuhay ng mga tao ay naaayon sa mga prinsipyo ng salita ng Diyos, kalaunan, balang araw, sila ay magiging mga tunay na kalipikadong nilikha, at magkakaroon ng kakayahang matakot sa Diyos at iwasan ang kasamaan. Sa kabaligtaran, kung ang mga tao ay hindi nagsasagawa ayon sa mga salita ng Diyos at hindi kumikilos ayon sa mga hinihingi ng Diyos, hindi sila pwedeng maging mga kalipikadong nilikha. Ang mga kilos nila at ang landas na tinatahak nila ay itataboy lang ng Diyos; isa itong katunayan.

—Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikasampung Aytem (Ikalimang Bahagi)

Maraming tao ang nananampalataya sa Diyos sa salita at pinupuri Siya, ngunit sa kanilang puso, hindi nila minamahal ang mga salitang ipinapahayag Niya. Hindi sila interesado sa katotohanan. Palagi silang naniniwala na ang pamumuhay ayon sa mga pilosopiya ni Satanas o iba’t ibang makamundong teorya ang siyang ginagawa ng mga normal na tao, na ganito mapapangalagaan ng isang tao ang kanyang sarili, at na ganito mamuhay nang may halaga sa mundo. Sila ba ang mga taong nananampalataya sa Diyos at sumusunod sa Kanya? Hindi. Ang mga salita ng mga dakila at tanyag na tao ay punong-puno ng karunugan kung pakikinggan at madaling makapanlilihis ng iba. Maaaring panghawakan mo ang kanilang mga salita bilang mga katotohanan o mga kasabihang dapat sundin. Ngunit kung pagdating sa mga salita ng Diyos, sa ordinaryong hinihingi Niya sa mga tao, katulad ng pagiging isang matapat na tao, o sa masunurin at masikap na pagtupad sa kanilang gawain, pagganap ng kanilang tungkulin bilang nilikha at pagkakaroon ng matatag at matapat na asal, hindi mo isinasagawa ang mga salitang ito at hindi itinuturing ang mga ito bilang mga katotohanan, kung gayon ay hindi ka isang tagasunod ng Diyos. Sinasabi mong isinasagawa mo ang katotohanan, ngunit kung tatanungin ka ng Diyos, “Ang ‘mga katotohanan’ bang isinasagawa mo ay mga salita ng Diyos? Ang mga prinsipyo bang itinataguyod mo ay batay sa mga salita ng Diyos?”—paano mo ipapaliwanag ang iyong sarili? Kung ang batayan mo ay hindi ang mga salita ng Diyos, kung gayon ay mga salita ito ni Satanas. Ipinamumuhay mo ang mga salita ni Satanas ngunit sinasabi mong isinasagawa mo ang katotohanan at binibigyang kasiyahan ang Diyos. Hindi ba’t paglalapastangan iyon sa Diyos? Halimbawa, tinuturuan ng Diyos ang mga tao na maging matapat, ngunit ang ilan ay hindi pinag-iisipan kung ano talaga ang ibig sabihin ng pagiging isang matapat na tao, paano isinasagawa ang pagiging isang matapat na tao, kung anong mga bagay na ipinamumuhay at inihahayag nila ang hindi matapat, at anong mga bagay na ipinamumuhay at inihahayag nila ang matapat. Sa halip na pag-isipan ang diwa ng katotohanan sa mga salita ng Diyos, bumabaling sila sa mga aklat ng mga walang pananampalataya. Iniisip nila, “Ang mga kasabihan ng mga walang pananampalataya ay magaganda rin—tinuturuan din ng mga ito ang mga taong maging mabuti! Halimbawa, ‘Payapa ang buhay ng mabubuti,’ ‘Ang mga tapat na tao ay laging mamamayani,’ ‘Hindi kahangalan na magpatawad ng iba, nagdudulot ito ng mga kapakinabangan kalaunan.’ Ang mga pahayag na ito ay tama rin, at naaayon sa katotohanan!” Kaya, sumusunod sila sa mga salitang ito. Magiging anong klaseng tao sila sa pagsunod sa mga kasabihang ito ng mga walang pananampalataya? Maisasabuhay ba nila ang katotohanang realidad? (Hindi.) Hindi ba’t maraming tao ang ganito? Nakapagtamo na sila ng ilang kaalaman; nakapagbasa na sila ng kaunting aklat at kaunting tanyag na mga obra; nakapagkamit na sila ng ilang perspektiba, at nakarinig na ng kaunting tanyag na kasabihan at lokal na mga salawikain, pagkatapos ay tinatanggap ang mga ito bilang ang katotohanan, kumikilos at gumaganap ng kanilang tungkulin ayon sa mga salitang ito, ginagamit ang mga ito sa kanilang buhay bilang mga mananampalataya sa Diyos at iniisip na tinutugunan nila ang kalooban ng Diyos. Hindi ba’t ito ay pagpapalit ng kasinungalingan sa katotohanan? Hindi ba ito paggamit ng panlilinlang? Sa Diyos, ito ay kalapastanganan! Ang mga bagay na ito ay namamalas sa maraming tao. Para sa isang tao na itinuturing ang mga kasiya-siyang salita at tamang doktrina mula sa mga tao bilang mga katotohanang dapat na itaguyod, habang isinasantabi ang mga salita ng Diyos at pinagsasawalang-bahala ang mga ito, nabibigong isaisip ang mga ito kahit na ilang beses na itong nabasa, o ang isaalang-alang ang mga salita ng Diyos bilang ang katotohanan, sila ba ay mga mananampalataya sa Diyos? Tagasunod ba sila ng Diyos? (Hindi.) Ang mga ganoong tao ay nananampalataya sa relihiyon; sinusunod pa rin nila si Satanas! Naniniwala sila na ang mga salitang sinasabi ni Satanas ay pilosopiko, na ang mga ito ay lubhang malalim at klasiko. Itinuturing nila ang mga ito bilang mga sikat na kasabihan na may pinakamataas na antas ng katotohanan. Kahit ano pang ibang bagay ang isuko nila, hindi nila kayang bitiwan ang mga salitang iyon. Ang pagtalikod sa mga salitang iyon ay parang ang pagkawala ng pundasyon ng kanilang buhay, tila pag-uka sa kanilang puso. Anong klase ng tao ang mga ito? Tagasunod sila ni Satanas, at kaya nga tinatanggap nila ang mga sikat na kasabihan ni Satanas bilang ang katotohanan. Masusuri at makikilala ba ninyo ang iba’t ibang kalagayan na nararanasan ninyo sa iba’t ibang konteksto? Bilang halimbawa, ang ilang tao ay nananampalataya sa Diyos at madalas na binabasa ang Kanyang mga salita, ngunit kapag may mga nangyayari sa kanila, palagi nilang sinasabi, “Sabi ng nanay ko,” “Sabi ng lolo ko,” “Minsang sinabi ni ganitong sikat na tao,” o “Sabi sa ganitong aklat.” Hindi nila kailanman sinasabi, “Sinasabi ito ng salita ng Diyos,” “Ganoon ang mga hinihingi sa atin ng mga salita ng Diyos,” “Sinasabi ito ng Diyos.” Hindi nila kailanman sinasabi ang mga salitang ito. Sinusunod ba nila ang Diyos? (Hindi.) Madali ba para sa mga tao na matuklasan ang mga kalagayang ito? Hindi, ngunit ang pag-iral ng mga ito sa mga tao ay malaking kapinsalaan sa kanila. Maaaring naniniwala ka na sa Diyos sa loob ng tatlo, lima, walo, o sampung taon, subalit hindi mo pa rin alam kung paano magpasakop sa Diyos o isagawa ang mga salita ng Diyos. Anuman ang mangyari sa iyo, ginagawa mo pa ring batayan ang mga satanikong salita, naghahanap ka pa rin ng batayan sa tradisyonal na kultura. Iyan ba ay pananampalataya sa Diyos? Hindi mo ba sinusunod si Satanas? Namumuhay ka ayon sa mga satanikong salita at namumuhay ayon sa mga satanikong disposisyon, kaya hindi mo ba nilalabanan ang Diyos? Dahil hindi ka nagsasagawa o namumuhay ayon sa salita ng Diyos, hindi sumusunod sa mga yapak ng Diyos, hindi nakikinig sa anumang sinasabi ng Diyos, at hindi nakapagpapasakop sa anumang pamamatnugot o hinihingi ng Diyos, hindi mo sinusunod ang Diyos. Sumusunod ka pa rin kay Satanas. Nasaan si Satanas? Si Satanas ay nasa puso ng mga tao. Ang mga pilosopiya, lohika at patakaran, at iba’t ibang mala-diyablong salita ni Satanas ay matagal nang nag-ugat sa puso ng mga tao. Ito ang pinakaseryosong problema. Kung hindi mo malulutas ang problemang ito sa pananampalataya mo sa Diyos, hindi ka maliligtas ng Diyos. Samakatuwid, dapat palagi ninyong ihambing sa mga salita ng Diyos ang lahat ng ginagawa ninyo, ang inyong mga iniisip at pananaw, at ang inyong batayan sa paggawa ng mga bagay-bagay, at himayin ang mga bagay-bagay sa inyong isipan. Kailangan ninyong malaman kung alin sa mga bagay na nasa inyong kalooban ang mga pilosopiya para sa mga makamundong pakikitungo, sikat na kasabihan, tradisyonal na kultura, pati na rin kung alin ang nagmula sa kaalamang intelektuwal. Kailangan ninyong malaman kung alin sa mga ito ang palagi ninyong pinaniniwalaang tama at alinsunod sa katotohanan, alin ang sinusunod niyo na para bang iyon ang katotohanan, at alin ang pinapayagan niyong pumalit sa katotohanan. Kailangan ninyong suriin ang mga bagay na ito. Sa partikular, kung tinatrato mo ang mga bagay na sa tingin mo ay tama at mahalaga bilang ang katotohanan, hindi madaling maunawaan nang lubusan ang mga ito. Ngunit kung lubos mo mang mauunawaan ang mga ito, nalagpasan mo na ang isang malaking balakid. Ang mga bagay na ito ay mga balakid sa mga tao na maunawaan ang mga salita ng Diyos, isagawa ang katotohanan, at magpasakop sa Diyos. Kung gugugulin mo ang maghapon nang naguguluhan at hindi alam ang gagawin, at hindi isinasaalang-alang ang mga bagay na ito o tumutuon sa paglutas sa mga problemang ito, kung gayon ay ang mga ito ang ugat ng iyong karamdaman, ang lason sa iyong puso. Kung hindi maaalis ang mga ito, mawawalan ka ng kakayahang tunay na sundin ang Diyos, at hindi mo maisasagawa ang katotohanan o makapagpapasakop sa Diyos, at wala kang magagawa upang matamo ang kaligtasan.

—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Hindi Maliligtas ang Isang Tao sa Pamamagitan ng Paniniwala sa Relihiyon o Pagsali sa Seremonyang Panrelihiyon

Anuman ang mangyari, umaasa ka ba sa mga satanikong pilosopiya at gumagamit ng mga pamamaraan ng tao para lutasin ito, o hinahanap mo ba ang katotohanan at nilulutas ito ayon sa mga salita ng Diyos, o nagkokompromiso ka ba at lumalagay sa gitna? Ang pinipili mo ang pinakanagpapakita kung isa ka bang taong nagmamahal at naghahangad sa katotohanan. Kung lagi mong pinipili na lutasin ang mga problema sa pamamagitan ng pagtitiwala sa mga satanikong pilosopiya at pamamaraan ng tao, ang kahihinatnan nito ay na hindi mo makakamit ang katotohanan, ni ang kaliwanagan, pagtanglaw, at paggabay ng Banal na Espiritu. Bukod pa rito, magkakaroon ka ng mga kuru-kuro at maling pagkakaunawa sa Diyos, at sa huli ay itataboy at ititiwalag ka Niya. Pero kung kaya mong hanapin ang katotohanan sa lahat ng bagay at lutasin ang mga iyon nang ayon sa mga salita ng Diyos, makakamit mo ang kaliwanagan, pagtanglaw, at paggabay ng Banal na Espiritu. Ang pagkaunawa mo sa katotohanan ay lilinaw nang lilinaw, at makikilala mo nang higit pa ang Diyos; sa ganitong paraan ay tunay ka nang makapagpapasakop at makaiibig sa Diyos. Pagkatapos magsagawa at dumanas nang ganito nang ilang panahon, lilinis nang lilinis ang mga tiwaling disposisyon mo, at mababawasan nang mababawasan ang mga pagkakataong nagrerebelde ka sa Diyos, hanggang sa kalaunan ay makakamit mo ang ganap na pagkakaayon sa Kanya. Kung lagi mong pinipili na magkompromiso at lumagay sa gitna, sa totoo lang ay umaasa ka pa rin sa mga satanikong pilosopiya para mapangasiwaan ang mga problema. Sa ganitong pamumuhay ay hindi mo kailanman makakamit ang pagsang-ayon ng Diyos, ibubunyag ka lang at ititiwalag. Kung pinili mo ang maling paraan ng pananampalataya sa Diyos, ang relihiyosong paraan, kailangan mong agad na umatras, lumayo sa bangin, at tumahak sa tamang daan. Kung magkaganoon ay maaaring may pag-asa pa na makamit mo ang kaligtasan. Kung gusto mong makamit ang tamang paraan ng pananampalataya sa Diyos, kailangan mong maghanap at mangapa para dito nang mag-isa. Pagkatapos ng sandaling pagdanas ay mahahanap ng isang taong mayroong espirituwal na pang-unawa ang tamang landas.

—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Sa Paghahanap Lamang sa Katotohanan Malulutas ng Tao ang Kanyang mga Kuru-kuro at Maling Pagkaunawa sa Diyos

Kaugnay na mga Patotoong Batay sa Karanasan

Dapat ba Tayong Mamuhay Ayon sa Tradisyunal na Kabutihan?

Huwag Pagdudahan Iyong mga Ginagamit Mo: Tama ba Ito?

Mga Pagninilay sa “Hindi Paggawa sa Iba ng mga Hindi Mo Gustong Gawin sa Iyo”

Sinundan: 7. Paano makilatis ang kalikasang diwa ng mga tiwaling tao

Sumunod: 9. Paano harapin ang mapungusan

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito