7. Paano makilatis ang kalikasang diwa ng mga tiwaling tao

Mga Salita ng Makapangyarihang Diyos ng mga Huling Araw

Makalipas ang ilang libong taon ng katiwalian, ang tao’y manhid at mapurol ang isip; siya’y naging demonyong kumakalaban sa Diyos, hanggang naitala na sa mga aklat ng kasaysayan ang pagiging mapanghimagsik ng tao tungo sa Diyos, at kahit ang tao mismo ay hindi kayang magbigay ng buong ulat ng kanyang ugaling mapanghimagsik—sapagka’t ang tao ay nagawang tiwali na nang husto ni Satanas, at nailigaw na ni Satanas, na anupa’t hindi niya nalalaman kung saan tutungo. Kahit sa ngayon, pinagtataksilan pa rin ng tao ang Diyos: Kapag nakikita ng tao ang Diyos, nagtataksil siya sa Kanya, at kapag hindi niya nakikita ang Diyos, Siya’y pinagtataksilan pa rin niya. Mayroon pa ngang iba na, bagaman nasasaksihan na ang mga sumpa ng Diyos at poot ng Diyos, pinagtataksilan pa rin Siya. Kung kaya’t sinasabi Kong nawala na ng katinuan ng tao ang orihinal nitong gamit, at na ang konsensiya ng tao, gayundin, ay nawalan ng orihinal nitong gamit. Ang taong nasisilayan Ko ay isang hayop sa anyong tao, isa siyang makamandag na ahas, at gaano man niya subukang magmukhang kahabag-habag sa mga mata Ko, hinding-hindi Ko siya kaaawaan, sapagka’t ang tao ay walang pagkaunawa sa pagkakaiba ng itim at puti, sa pagkakaiba ng katotohanan at di-katotohanan. Masyadong namanhid ang katinuan ng tao, nguni’t patuloy siyang naghahangad na magkamit ng mga pagpapala; masyadong walang-dangal ang kanyang pagkatao nguni’t naghahangad pa rin siyang taglayin ang kataas-taasang kapangyarihan ng isang hari. Kanino kaya siya magiging hari sa gayong katinuan? Papaano siya mauupo sa isang trono sa gayong katauhan? Tunay na walang kahihiyan ang tao! Siya ay isang palalong kahabag-habag! Para sa inyong nagnanais magkamit ng mga pagpapala, ipinapayo Kong humanap muna kayo ng salamin at tingnan ang inyong sariling pangit na larawan—taglay mo ba ang mga kinakailangan upang maging hari? Taglay mo ba ang mukha ng isang magtatamo ng mga pagpapala? Wala pa rin kahit katiting na pagbabago sa iyong disposisyon at hindi mo pa naisagawa ang alinman sa katotohanan, nguni’t hinahangad mo pa rin ang isang magandang kinabukasan. Nililinlang mo ang iyong sarili! Isinilang sa gayong napakaruming lupain, labis nang naimpeksiyon ng lipunan ang tao, naimpluwensiyahan na siya ng mga etikang piyudal, at naturuan na siya sa “mga institusyon ng mas mataas na pag-aaral.” Ang kaisipang paurong, tiwaling moralidad, masamang pananaw sa buhay, kasuklam-suklam na pilosopiya sa mga makamundong pakikitungo, lubos na hungkag na pag-iral, at napakabuktot na uri ng pamumuhay at mga kaugalian—lubhang nanghimasok na sa puso ng tao ang lahat ng mga bagay na ito, at lubhang nagpahina at sumalakay sa kanyang konsensiya. Bilang resulta, mas lalong lumayo ang tao mula sa Diyos, at mas lalong naging tutol sa Kanya. Lalong nagiging mas mabangis ang disposisyon ng tao sa bawat araw, at wala ni isang tao ang magkukusang isuko ang anumang bagay para sa Diyos, wala ni isang tao ang magkukusang magpasakop sa Diyos, ni, higit pa rito, isang taong magkukusang hanapin ang pagpapakita ng Diyos. Sa halip, sa ilalim ng kapangyarihan ni Satanas, walang ginawa ang tao kundi maghangad ng kalayawan, ibinibigay ang sarili sa katiwalian ng laman sa lupain ng putik. Marinig man nila ang katotohanan, hindi nag-iisip ang mga nananahan sa kadiliman na isagawa ito, ni nakahandang hanapin ang Diyos kahit na nasaksihan na nila ang Kanyang pagpapakita. Paano magkakaroon ng pagkakataon sa kaligtasan ang isang sangkatauhang napakasama? Paano mabubuhay sa liwanag ang isang sangkatauhang labis nang namumulok?

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Hindi Pagbabago ng Disposisyon ay Pakikipag-alitan sa Diyos

Ang ugat ng pagsalungat at pagiging mapanghimagsik ng tao laban sa Diyos ay ang kanyang katiwalian sa pamamagitan ni Satanas. Dahil sa katiwalian ni Satanas, naging manhid ang konsensiya ng tao; imoral siya, masama ang kanyang mga saloobin, at paurong ang kanyang pangkaisipang pananaw. Bago siya ginawang tiwali ni Satanas, likas na nagpapasakop sa Diyos ang tao at nagpapasakop sa Kanyang mga salita pagkatapos marinig ang mga ito. Siya ay likas na may maayos na katinuan at konsensiya, at may normal na pagkatao. Matapos gawing tiwali ni Satanas, pumurol at pinahina ni Satanas ang orihinal na katinuan, konsensiya, at pagkatao ng tao. Sa gayon, nawala niya ang kanyang pagpapasakop at pag-ibig sa Diyos. Nalihis ang katinuan ng tao, naging katulad na ng sa hayop ang kanyang disposisyon, at nagiging mas madalas at mas matindi ang kanyang pagiging mapanghimagsik sa Diyos. Nguni’t hindi pa rin ito batid ni kinikilala ng tao, at walang tigil lang siyang sumasalungat at naghihimagsik. Ibinubunyag ng mga pagpapahayag ng kanyang katinuan, kaunawaan, at konsensiya ang disposisyon ng tao; dahil wala sa ayos ang kanyang katinuan at kaunawaan, at sukdulan nang pumurol ang kanyang konsensiya, kaya mapanghimagsik laban sa Diyos ang kanyang disposisyon. Kung hindi mababago ang katinuan at pananaw ng tao, hindi posible ang mga pagbabago sa kanyang disposisyon, gayundin ang umayon sa mga layunin ng Diyos. Kung hindi maayos ang katinuan ng tao, hindi niya maaaring paglingkuran ang Diyos at hindi siya akmang gamitin ng Diyos. Tumutukoy “ang normal na katinuan” sa pagpapasakop at pagiging tapat sa Diyos, sa paghahangad sa Diyos, sa pagiging ganap tungo sa Diyos, at sa pagkakaroon ng konsensiya tungo sa Diyos. Tumutukoy ito sa pagiging isa sa puso at isip tungo sa Diyos, at hindi pasadyang lumalaban sa Diyos. Hindi ganito ang pagkakaroon ng lihis na katinuan. Mula noong ginawang tiwali ni Satanas ang tao, nakabuo na siya ng mga kuru-kuro ukol sa Diyos, at wala siyang katapatan sa Diyos o paghahangad sa Kanya, at lalo na ang pagkakaroon ng konsensiya tungo sa Diyos. Sadyang sinasalungat at hinahatulan ng tao ang Diyos, at, bukod pa riyan, pumupukol sa Kanya ng mga pagtuligsa sa Kanyang likuran. Hinahatulan ng tao ang Diyos nang patalikod, nang may malinaw na kaalamang Siya ang Diyos; walang intensiyon ang tao na magpasakop sa Diyos, at gumagawa lamang ng mga bulag na kahilingan at pakiusap sa Kanya. Ang gayong mga tao—mga taong may lihis na katinuan—ay walang kakayahang makilala ang sarili nilang pag-uugaling kasuklam-suklam o ang pagsisihan ang kanilang pagiging mapanghimagsik. Kung may kakayahan ang mga taong makilala ang mga sarili nila, bahagya nilang nabawi na ang kanilang katinuan; habang mas naghihimagsik sa Diyos ang mga taong hindi pa nakakikilala sa mga sarili nila, mas wala sa ayos ang kanilang katinuan.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Hindi Pagbabago ng Disposisyon ay Pakikipag-alitan sa Diyos

Ang mga tao ay walang iba kundi ang Aking mga kaaway. Ang mga tao ay ang masasama na lumalaban at naghihimagsik laban sa Akin. Ang mga tao ay walang iba kundi ang anak ng masama na Aking isinumpa. Ang mga tao ay walang iba kundi ang mga inapo ng arkanghel na nagkanulo sa Akin. Ang mga tao ay walang iba kundi ang pamana ng diyablo, na tinanggihan Ko nang may pagkamuhi noong unang panahon, na naging kaaway Ko na hindi Ko nakasundo simula noon. Sapagkat ang kalangitan sa itaas ng buong sangkatauhan ay malabo at madilim, wala ni katiting na impresyon ng kalinawan, at ang mundo ng tao ay nalubog sa sukdulang kadiliman, kaya ni hindi makita ng nabubuhay rito ang kanyang nakaunat na kamay na nasa kanyang harapan o ang araw kapag siya ay nakatingala. Ang daan na kanyang tinatapakan, na maputik at puro lubak, ay paliku-liko; nagkalat ang mga bangkay sa buong lupain. Ang madidilim na sulok ay puno ng mga labi ng patay, at sa malalamig at madidilim na sulok ay naninirahan ang mga pulutong ng mga demonyo. At saanman sa mundo ng mga tao paroo’t parito ang mga demonyo nang sama-sama. Ang mga anak ng lahat ng klase ng mga halimaw, na natatakpan ng dumi, ay subsob sa matinding labanan, na ang ingay ay nakasisindak sa puso. Sa gayong mga pagkakataon, sa gayong mundo, sa gayong “paraiso sa lupa,” saan tutungo ang isang tao upang maghanap ng mga kagalakan sa buhay? Saan makakapunta ang isang tao upang mahanap ang kanyang hantungan sa buhay? Ang sangkatauhan, na matagal nang tinatapakan ni Satanas, sa simula pa lamang ay naging isang artistang taglay ang larawan ni Satanas—higit pa riyan, ang sangkatauhan ang sagisag ni Satanas, at nagsisilbing katibayan na nagpapatotoo kay Satanas, nang napakalinaw. Paano makakapagpatotoo sa Diyos ang gayong lahi ng tao, gayong pangkat ng masama’t kasuklam-suklam, gayong supling ng tiwaling pamilyang ito ng tao? Saan galing ang Aking kaluwalhatian? Saan maaaring magsimula ang isang tao na banggitin ang Aking patotoo? Sapagkat ang kaaway, dahil nagawa nang tiwali ang sangkatauhan, ay kinakalaban Ako, naangkin na ang sangkatauhan—ang sangkatauhang nilikha Ko noong unang panahon at pinuspos ng Aking kaluwalhatian at Aking pagsasabuhay—at dinungisan sila. Naagaw nito ang Aking kaluwalhatian, at ang tanging itinanim nito sa tao ay lason na lubhang nahaluan ng kapangitan ni Satanas, at katas mula sa bunga ng puno ng kaalaman tungkol sa mabuti at masama.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Kahulugan ng Maging Isang Tunay na Tao

Ang kalikasan ng tao ay ganap na naiiba sa Aking diwa, sapagkat ang tiwaling kalikasan ng tao ay lubos na nagmumula kay Satanas; ang kalikasan ng tao ay naproseso na at nagawa nang tiwali ni Satanas. Ibig sabihin, nabubuhay ang tao sa ilalim ng impluwensya ng kasamaan at kapangitan nito. Ang tao ay hindi lumalaki sa isang mundo ng katotohanan o sa isang banal na kapaligiran, at lalo namang hindi nabubuhay ang tao sa liwanag. Samakatuwid, hindi posibleng taglayin ninuman ang katotohanan sa kanilang kalikasan mula sa pagsilang, at lalong hindi maisisilang ang sinuman nang may diwang may takot at nagpapasakop sa Diyos. Sa kabaligtaran, nagtataglay ang mga tao ng isang kalikasang lumalaban sa Diyos, naghihimagsik laban sa Diyos, at walang pagmamahal sa katotohanan. Ang kalikasang ito ang problemang nais Kong talakayin—ang pagtataksil.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Isang Napakaseryosong Problema: Pagtataksil 2

Walang ibang pinagmumulan ang pagbubunyag ng tiwaling disposisyon ng tao kundi ang mapurol niyang konsensiya, ang malisyoso niyang kalikasan, at ang katinuan niyang wala sa ayos; kung muling makababalik sa normal ang konsensiya at katinuan ng tao, magiging akma siyang magamit sa harap ng Diyos. Dahil lamang sa ang konsensiya ng tao ay manhid na noon pa man, at dahil ang katinuan ng tao, na hindi kailanman naging maayos, ay patuloy na mas pumupurol anupa’t lalo pang nagiging mapanghimagsik ang tao sa Diyos, kaya ipinako pa nga niya si Jesus sa krus at hindi pinapapasok sa kanyang tahanan ang pagkakatawang-tao ng Diyos sa mga huling araw, at kinukondena ang katawang-tao ng Diyos, at mababa ang tingin sa katawang-tao ng Diyos. Kung mayroon kahit kaunting pagkatao ang tao, hindi siya magiging malupit sa kanyang pagtrato sa katawang-tao ng Diyos; kung mayroon siyang kahit kaunting katinuan, hindi siya magiging malupit sa kanyang pagtrato sa katawang-tao ng nagkatawang-taong Diyos; kung mayroon siyang kahit kaunting konsensiya, hindi siya “magpapasalamat” sa nagkatawang-taong Diyos sa ganitong paraan. Nabubuhay ang tao sa panahon na ang Diyos ay nagkakatawang-tao, nguni’t hindi niya magawang magpasalamat sa Diyos sa pagbibigay sa kanya ng gayon kagandang pagkakataon, at sa halip ay isinusumpa ang pagdating ng Diyos, o lubusang hindi pinapansin ang katotohanan ng pagkakatawang-tao ng Diyos, at para bang tutol siya rito at nababagot dito. Anuman ang pagtrato ng tao sa pagdating ng Diyos, ang Diyos, sa madaling sabi, ay matiyaga nang nagpapatuloy sa Kanyang gawain noon pa man—kahit wala ni katiting na pagtanggap ang tao sa Kanya, at walang taros na humihiling sa Kanya. Naging sukdulang malupit na ang disposisyon ng tao, naging lubos na mapurol na ang kanyang katinuan, at lubusang niyurakan na ng masamang nilalang ang kanyang konsensiya at matagal nang tumigil na maging orihinal na konsensiya ng tao. Hindi lamang walang utang na loob ang tao sa nagkatawang-taong Diyos para sa pagkakaloob Niya ng kayraming buhay at biyaya sa sangkatauhan, bagkus ay naghihinakit pa nga sa Diyos dahil sa pagbibigay sa kanya ng katotohanan; dahil wala ni kaunting interes sa katotohanan ang tao kaya naghihinakit siya sa Diyos. Bukod sa hindi magawa ng taong ialay ang kanyang buhay para sa nagkatawang-taong Diyos, sinusubukan din niyang makakuha ng mga pabor mula sa Kanya, at humihingi ng interes na dose-dosenang beses na mas malaki kaysa sa naibigay na ng tao sa Diyos. Iniisip ng mga taong may gayong konsensiya at katinuan na hindi ito mahalagang bagay, at naniniwala pa rin na masyado na nilang iginugol ang sarili nila para sa Diyos, at na masyadong kakaunti ang naibigay na ng Diyos sa kanila. May mga tao na, matapos magbigay sa Akin ng isang mangkok ng tubig, inilalahad ang kanilang mga kamay at humihiling na bayaran Ko sila para sa dalawang mangkok ng gatas, o, matapos makapagbigay sa Akin ng isang kuwarto para sa isang gabi, humihiling na magbayad Ako ng renta para sa maraming gabi. Sa gayong pagkatao at sa gayong konsensiya, paano ninyo nagagawa pa ring naising magkamit ng buhay? Anong kasuklam-suklam na masasama kayo! Ang ganitong uri ng pagkatao sa tao at ganitong uri ng konsensiya sa tao ang dahilan kung bakit nagpapagala-gala sa buong lupain ang nagkatawang-taong Diyos, na walang mahanap na lugar para masilungan. Silang mga tunay na nagtataglay ng konsensiya at pagkatao ay dapat sumamba at buong pusong maglingkod sa nagkatawang-taong Diyos hindi dahil sa dami ng gawaing nagawa na Niya, nguni’t kahit na wala Siyang ginawang anumang gawain. Ito ang dapat gawin ng mga may maayos na katinuan, at ito ang tungkulin ng tao.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Hindi Pagbabago ng Disposisyon ay Pakikipag-alitan sa Diyos

Kung ginagamit ninyo ang mga sarili ninyong kuru-kuro upang sukatin at limitahan ang Diyos, na parang ang Diyos ay isang di-nababagong estatuwa na gawa sa luwad, at kung ganap na nililimitahan ninyo ang Diyos sa loob ng Bibliya at inilalagay Siya sa isang limitadong saklaw ng gawain, ito ay nagpapatunay na hinatulan na ninyo ang Diyos. Dahil, sa kanilang mga puso, itinuring ng mga Hudyo sa kapanahunan ng Lumang Tipan ang Diyos bilang isang idolo na hindi nagbabago ang anyo, na para bang ang Diyos ay matatawag lamang na Mesiyas, at tanging Siya lamang na tinawag na Mesiyas ang Diyos, at dahil pinaglingkuran at sinamba ng sangkatauhan ang Diyos na para bang Siya ay isang (walang-buhay na) estatuwang gawa sa luwad, ipinako nila ang Jesus ng panahong iyon sa krus, hinahatulan Siya ng kamatayan—ang walang-kasalanang Jesus ay sa gayon hinatulan ng kamatayan. Walang nagawang krimen ang Diyos, ngunit tumanggi ang tao na patawarin Siya, at nagpumilit na hatulan Siya ng kamatayan, at sa gayon, ipinako si Jesus sa krus. Laging naniniwala ang tao na di-nagbabago ang Diyos, at binibigyang-kahulugan Siya base lamang sa iisang aklat, ang Bibliya, na tila ba may perpektong pagkaunawa ang tao sa pamamahala ng Diyos, na tila ba ang lahat ng mga ginagawa ng Diyos ay nasa mga kamay na ng tao. Ang mga tao ay talaga namang katawa-tawa, sukdulan ang pagmamataas, at lahat sila ay mahilig sa eksaherasyon. Gaano man kadakila ang kaalaman mo sa Diyos, sinasabi Ko pa rin na hindi mo kilala ang Diyos, na ikaw ay isa na pinakatumututol sa Diyos, at na hinatulan mo ang Diyos, dahil lubos kang walang kakayahang magpasakop sa gawain ng Diyos at lumalakad sa landas ng paggawang perpekto ng Diyos. Bakit hindi kailanman nasisiyahan ang Diyos sa mga pagkilos ng tao? Sapagka’t hindi kilala ng tao ang Diyos, sapagka’t napakarami niyang kuru-kuro, at sapagka’t ang kanyang kaalaman sa Diyos ay hindi sumasang-ayon sa anumang paraan sa realidad, ngunit sa halip ay inuulit-ulit lang ang parehong tema nang walang pagbabago at ginagamit ang parehong paraan sa bawat sitwasyon. Kaya, yamang naparito sa lupa ngayon, ang Diyos ay minsan pang ipinako ng tao sa krus. Malupit na sangkatauhan! Ang pakikipagsabwatan at intriga, ang pag-aagawan at paghahablutan sa isa’t isa, ang pagkukumahog para sa reputasyon at kayamanan, ang pagpapatayan—kailan ba ito matatapos? Bagama’t nakapagsalita na ang Diyos ng daang-libong mga salita, walang isa man ang natatauhan. Ang mga tao ay kumikilos para sa kapakanan ng kanilang mga pamilya, mga anak na lalaki at babae, para sa kanilang mga propesyon, inaasahan, katayuan, karangyaan, at kayamanan, para sa pagkain, damit, at sa laman. Ngunit mayroon bang sinuman na ang mga pagkilos ay talagang para sa kapakanan ng Diyos? Kahit sa gitna ng mga kumikilos para sa Diyos, kaunti lamang ang nakakakilala sa Diyos. Ilan ang hindi kumikilos para sa kapakanan ng kanilang sariling mga interes? Ilan ang hindi nang-aapi at nagtatakwil ng iba para sa pagpapanatili ng kanilang sariling katayuan? Kaya, ang Diyos ay sapilitang hinatulan na ng kamatayan nang hindi mabilang na beses, at di-mabilang na mababangis na hukom ang humatol na sa Diyos at minsan pang ipinako Siya sa krus. Gaano karami ang natatawag na matuwid dahil talagang kumikilos sila para sa kapakanan ng Diyos?

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Masama ay Tiyak na Parurusahan

Dapat ninyong malaman na kinokontra ninyo ang gawain ng Diyos, o ginagamit ninyo ang inyong sariling mga kuru-kuro upang sukatin ang gawain ngayon, dahil hindi ninyo alam ang mga prinsipyo ng gawain ng Diyos, at dahil sa inyong padalus-dalos na pagtrato sa gawain ng Banal na Espiritu. Ang inyong pagkontra sa Diyos at paghadlang sa gawain ng Banal na Espiritu ay sanhi ng inyong mga kuru-kuro at likas na kayabangan. Hindi ito dahil mali ang gawain ng Diyos, kundi dahil masyado kayong likas na mapaghimagsik. Matapos masumpungan ang kanilang paniniwala sa Diyos, hindi man lamang masabi ng ilang tao nang may katiyakan kung saan nanggaling ang tao, subalit nangangahas silang magtalumpati sa publiko na sumusukat sa mga tama at mali sa gawain ng Banal na Espiritu. Sinesermunan pa nila ang mga apostol na mayroong bagong gawain ng Banal na Espiritu, na nagkokomento at nagsasalita nang wala sa lugar; napakababa ng kanilang pagkatao, at wala ni katiting na katinuan sa kanila. Hindi ba’t darating ang araw na itataboy ng gawain ng Banal na Espiritu ang gayong mga tao, at susunugin ng mga apoy ng impiyerno? Hindi nila alam ang gawain ng Diyos, kundi sa halip ay pinipintasan ang Kanyang gawain, at sinusubukan ding turuan ang Diyos kung paano gumawa. Paano makikilala ng gayong mga taong wala sa katwiran ang Diyos? Nakikilala ng tao ang Diyos habang naghahanap at nagdaranas; hindi nakikilala ng tao ang Diyos sa pamamagitan ng kaliwanagan ng Banal na Espiritu sa pamamagitan ng pamimintas ayon sa gusto niya. Kapag mas tumpak ang kaalaman ng mga tao tungkol sa Diyos, mas hindi nila Siya kinokontra. Sa kabilang dako, kapag mas kakaunti ang alam ng tao tungkol sa Diyos, mas malamang na kontrahin nila Siya. Ang iyong mga kuru-kuro, ang dati mong likas na pagkatao, at ang iyong pagkatao, ugali at moral na pananaw ang puhunan na ipinanlalaban mo sa Diyos, at habang mas tiwali ang iyong moralidad, kasuklam-suklam ang iyong mga katangian, at mababa ang iyong pagkatao, mas kaaway ka ng Diyos. Yaong mga nagtataglay ng matitinding kuru-kuro at may mapagmagaling na disposisyon ay mas lalo pang kinapopootan ng Diyos na nagkatawang-tao; ang gayong mga tao ang mga anticristo. Kung hindi naitama ang iyong mga kuru-kuro, palaging magiging laban sa Diyos ang mga ito; hindi ka magiging kaayon ng Diyos kailanman, at lagi kang malalayo sa Kanya.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Pag-alam sa Tatlong Yugto ng Gawain ng Diyos ang Landas Tungo sa Pagkilala sa Diyos

Ang sinumang hindi nakauunawa sa layunin ng gawain ng Diyos ay sumasalungat sa Kanya, at ang nakauunawa sa layunin ng gawain ng Diyos ngunit hindi pa rin naghahangad na mabigyang-kasiyahan ang Diyos ay lalo pang higit na ituturing na kalaban ng Diyos. Mayroong mga nagbabasa ng Bibliya sa mga malalaking iglesia at nagsasalaysay nito nang buong araw, ngunit wala ni isa sa kanila ang nakauunawa sa layon ng gawain ng Diyos. Wala ni isa sa kanila ang nakakilala sa Diyos, lalong wala ni isa sa kanila ang nakaayon sa mga layunin ng Diyos. Lahat sila ay walang halaga, masasamang tao, bawat isa ay nagpapakataas upang pangaralan ang Diyos. Sadya nilang sinasalungat ang Diyos kahit na dala-dala nila ang Kanyang bandila. Sinasabi nilang sila ay nananampalataya sa Diyos, subalit kumakain pa rin sila ng laman at umiinom ng dugo ng tao. Ang lahat ng ganitong tao ay mga diyablong lumalamon sa kaluluwa ng tao, mga pinunong demonyo na sadyang gumugulo sa mga sumusubok na tumapak sa tamang landas, at mga balakid na nakasasagabal sa mga naghahanap sa Diyos. Sila’y tila may “maayos na pangangatawan,” ngunit paano malalaman ng kanilang mga tagasunod na sila ay walang iba kundi mga anticristo na umaakay sa mga tao na manindigan laban sa Diyos? Paano malalaman ng kanilang mga tagasunod na sila ay mga nabubuhay na diyablo na nakatuon sa paglamon ng mga kaluluwa ng tao? Ang mga nagpaparangal sa kanilang sarili sa harap ng Diyos ang pinakahamak sa mga tao, samantalang ang nag-iisip sa kanilang sarili na hamak ay ang pinakamarangal. At ang mga nag-aakala na alam nila ang gawain ng Diyos at, higit pa rito, ay kayang magpahayag ng gawain ng Diyos sa iba nang may pagpapasikat kahit pa sila ay direktang nakatingin sa Kanya—sila ang mga pinakamangmang sa mga tao. Ang ganitong mga tao ay walang patotoo ng Diyos, mapagmataas at puno ng kayabangan. Ang mga naniniwala na lubhang kakaunti ang kanilang kaalaman sa Diyos, sa kabila ng kanilang aktuwal na karanasan at praktikal na kaalaman tungkol sa Kanya, ang mga pinakamamahal Niya. Tanging ang mga ganitong tao ang tunay na may patotoo at tunay na magagawang perpekto ng Diyos. Ang mga hindi nakauunawa sa mga layunin ng Diyos ay mga kalaban ng Diyos. Ang mga nakauunawa sa mga layunin ng Diyos ngunit hindi isinasagawa ang katotohanan ay mga kalaban ng Diyos. Ang mga kumakain at umiinom ng mga salita ng Diyos, ngunit sumasalungat sa diwa ng mga salita ng Diyos, ay mga kalaban ng Diyos. Ang mga may mga kuru-kuro tungkol sa Diyos na nagkatawang-tao, at higit pa rito ay mayroong pag-iisip na makibahagi sa paghihimagsik, ay mga kalaban ng Diyos. Ang mga nagbibigay ng hatol sa Diyos ay mga kalaban ng Diyos, at ang sinumang hindi kayang makilala ang Diyos o magpatotoo sa Kanya ay kalaban ng Diyos. Kaya hinihimok ko kayo: Kung tunay ngang mayroon kayong pananampalataya na makakaya ninyong tahakin ang landas na ito, ipagpatuloy ang pagsunod dito. Ngunit kung hindi ninyo kayang umiwas sa pagsalungat sa Diyos, pinakamabuting lumayo na kayo bago maging huli ang lahat. Kung hindi, ang pagkakataon na makasama sa inyo ang mga bagay-bagay ay lubhang mataas, sapagkat ang inyong kalikasan ay talagang labis na tiwali. Wala kayong kahit karampot o katiting na katapatan o pagpapasakop, o pusong uhaw sa pagkamakatuwiran at katotohanan, o pag-ibig para sa Diyos. Maaaring sabihin na ang inyong kalagayan sa harap ng Diyos ay lubos na magulo. Hindi ninyo magawang sumunod sa nararapat ninyong sundin, at hindi ninyo kayang sabihin ang nararapat ninyong sabihin. Nabigo kayong isagawa ang nararapat ninyong isagawa. At ang tungkulin na nararapat ninyong gampanan, hindi ninyo nakayanang gampanan. Wala kayong katapatan, konsensya, pagpapasakop, o kapasiyahan na dapat ay mayroon kayo. Hindi pa ninyo natiis ang pagdurusa na nararapat ninyong tiisin, at wala kayo ng pananampalatayang nararapat ninyong taglayin. Sa madaling sabi, lubos ang inyong kasalatan sa anumang kabutihan: Hindi ba kayo nahihiya na patuloy na mabuhay? Hayaan ninyong kumbinsihin ko kayo na mas mabuti pang isara ninyo ang inyong mga mata sa walang hanggang kapahingahan, upang makaiwas ang Diyos mula sa pag-aalala sa inyo at sa pagdurusa para sa inyong kapakanan. Naniniwala kayo sa Diyos ngunit hindi ninyo nalalaman ang Kanyang mga layunin, kumakain at umiinom ng mga salita ng Diyos ngunit hindi ninyo nagagawang sundin ang mga hinihingi ng Diyos sa tao. Naniniwala kayo sa Diyos ngunit hindi ninyo Siya kilala, at nananatili kayong buhay na walang layuning pinagsisikapan, walang anumang mga pagpapahalaga, walang anumang kahulugan. Nabubuhay kayo bilang tao ngunit wala ni katiting na konsensya, integridad, o kredibilidad—matatawag n’yo pa rin ba ang inyong mga sarili na tao? Naniniwala kayo sa Diyos ngunit nililinlang ninyo Siya; bukod pa rito, kinukuha ninyo ang salapi ng Diyos at kinakain ang mga handog na para sa Kanya. Gayunman, sa huli ay bigo pa rin kayong magpakita ng kahit man lamang katiting na konsiderasyon para sa damdamin ng Diyos o kaunting konsensya tungo sa Kanya. Maging ang pinakasimpleng kahilingan ng Diyos ay hindi ninyo matugunan. Matatawag n’yo pa rin bang tao ang inyong mga sarili? Kinakain ninyo ang pagkaing ipinagkakaloob sa inyo ng Diyos, nilalanghap ang hanging ibinibigay Niya sa inyo, at tinatamasa ang Kanyang biyaya, ngunit, sa huli, wala kayo ni kaunting kaalaman tungkol sa Diyos. Bagkus, kayo ay naging mga walang silbing sumasalungat sa Diyos. Hindi ba kayo nagiging tila hayop na mas mababa pa sa isang aso dahil dito? Sa lahat ng mga hayop, mayroon bang anuman na may mas masama pang hangarin kaysa sa inyo?

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Lahat ng Taong Hindi Nakakakilala sa Diyos ay mga Taong Sumasalungat sa Diyos

Ang pinakamalaking suliranin sa tao ay minamahal lamang niya ang mga bagay na hindi nakikita o nahahawakan, mga bagay na labis na mahiwaga at kamangha-mangha at hindi lubos na mawari ng tao at hindi kayang maabot ng mga mortal lamang. Habang lalong hindi makatotohanan ang mga bagay na ito, lalong susuriin ang mga ito ng mga tao, at hinahangad pa ang mga iyon ng mga tao na walang pakialam sa ibang mga bagay, at tatangkaing makamtan ang mga iyon. Habang lalong hindi makatotohanan ang mga iyon, lalong malapitang bubusisiin at sisiyasatin ng mga tao ang mga iyon, na aabot pa nga sa paggawa ng mga sarili nilang puspusang kaisipan tungkol sa mga ito. Taliwas dito, habang higit na makatotohanan ang mga bagay, higit na hindi ito binibigyang-pansin ng mga tao; minamaliit lamang at hinahamak pa nga nila ang mga ito. Hindi ba’t ito ang inyong tunay na saloobin sa makatotohanang gawain Ko ngayon? Habang higit na makatotohanan ang gayong mga bagay, higit na kumikiling kayo laban sa mga ito. Hindi kayo nagbibigay ng panahon para suriin ang mga iyon, sa halip ay hindi na lamang ninyo pinapansin ang mga iyon; hinahamak ninyo ang mga ganitong pangangailangan na makatotohanan at may mababang pamantayan, at nag-iingat pa nga kayo ng napakaraming kuru-kuro tungkol sa Diyos na pinakapraktikal, at talagang wala kayong kakayahang tanggapin ang Kanyang pagiging praktikal at karaniwan. Sa ganitong paraan, hindi ba’t isang malabong paniniwala ang inyong pinanghahawakan? Mayroon kayong hindi natitinag na paniniwala sa hindi malinaw na Diyos ng nakalipas na panahon, at walang pagkawili sa praktikal na Diyos ng kasalukuyan. Hindi ba’t ito ay dahil sa ang Diyos ng kahapon at ang Diyos ng kasalukuyan ay mula sa dalawang magkaibang panahon? Hindi rin ba’t ito ay dahil sa ang Diyos ng kahapon ay ang mabunying Diyos ng kalangitan, samantalang ang Diyos ng kasalukuyan ay isa lamang maliit na tao sa lupa? Dagdag pa, hindi ba’t ito ay dahil sa ang Diyos na sinasamba ng tao ay ang siyang kinatha ng kanyang mga kuru-kuro, samantalang ang Diyos ng kasalukuyan ay pisikal na katawang-tao na iniluwal sa lupa? Kapag nasabi at nagawa na ang lahat, hindi ba’t ito ay dahil sa ang Diyos ng kasalukuyan ay masyadong makatotohanan kaya’t hindi Siya hinahangad ng mga tao? Sapagka’t ang hinihingi sa mga tao ng Diyos ng kasalukuyan ay yaong sadyang pinakaayaw gawin ng mga tao, at yaong nakapagpaparamdam sa kanila ng kahihiyan. Hindi ba’t ginagawa lamang nitong mahirap para sa mga tao ang mga bagay? Hindi ba nito inilalantad ang mga pilat ng mga tao? Sa ganitong paraan, maraming tao ang hindi hinahanap ang makatotohanang Diyos, ang praktikal na Diyos, kaya naman nagiging kaaway sila ng nagkatawang-taong Diyos, na ang ibig sabihin, ay mga anticristo sila. Hindi ba’t ito ay isang malinaw na katunayan? Sa nakalipas, noong hindi pa nagkakatawang-tao ang Diyos, ikaw marahil ay naging isang relihiyosong tao o isang debotong mananampalataya. Pagkaraang magkatawang-tao ang Diyos, marami sa mga gayong debotong mananampalataya ang naging mga anticristo nang hindi nila namamalayan. Alam mo ba kung ano ang nangyayari dito? Sa iyong paniniwala sa Diyos, hindi ka nagtutuon ng pansin sa realidad o naghahangad sa katotohanan, bagkus ay nahuhumaling sa mga kabulaanan—hindi ba’t ito ang pinakamalinaw na pinagmumulan ng iyong pakikipag-alitan sa Diyos na nagkatawang-tao?

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tanging ang mga Nakakikilala sa Diyos at Nakaaalam sa Kanyang Gawain ang Makapagbibigay-lugod sa Diyos

Ayaw ng taong hangarin ang Diyos, ayaw gugulin ang kanyang mga ari-arian para sa Diyos, at ayaw maglaan ng habambuhay na pagsisikap para sa Diyos; sa halip, sinasabi niyang sumobra na ang Diyos, na napakaraming tungkol sa Diyos ang salungat sa mga kuru-kuro ng tao. Sa ganitong uri ng pagkatao, hindi pa rin ninyo makakamit ang pagsang-ayon ng Diyos kahit na kayo ay walang humpay sa inyong mga pagsisikap, bukod pa sa katotohanan na hindi ninyo hinahanap ang Diyos. Hindi ba ninyo alam na kayo ang depektibong produkto ng sangkatauhan? Hindi ba ninyo alam na walang pagkatao ang mas mababa pa kaysa sa inyo? Hindi ba ninyo alam kung ano ang bansag sa inyo ng iba upang parangalan kayo? Tinatawag kayo ng mga tunay na umiibig sa Diyos na ama ng lobo, ina ng lobo, anak ng lobo, at apo ng lobo; kayo ang mga inapo ng lobo, ang mga tao ng lobo, at dapat ninyong malaman ang sarili ninyong pagkakakilanlan at huwag itong kalimutan kailanman. Huwag ninyong isiping kayo ay kung sinong nakahihigit na tao: Kayo ang pinakamasamang pangkat ng mga hindi-tao sa piling ng sangkatauhan. Hindi ba ninyo alam ang alinman dito? Hindi ba ninyo alam kung gaano kalaking panganib ang sinuong Ko na sa paggawa sa piling ninyo? Kung hindi muling makababalik sa normal ang inyong katinuan, at hindi gumagana nang normal ang inyong konsensiya, hindi ninyo kailanman maiwawaksi ang bansag na “lobo,” hindi ninyo kailanman matatakasan ang araw ng sumpa at hindi kailanman matatakasan ang araw ng inyong kaparusahan. Isinilang kayong mas mababa, isang bagay na walang anumang halaga. Kayo ay likas na pangkat ng gutom na mga lobo, isang tumpok ng latak at basura, at, hindi kagaya ninyo, hindi Ako gumagawa sa inyo upang magkamit ng mga pabor, kundi dahil sa pangangailangan ng gawain. Kung magpapatuloy kayo sa pagiging mapanghimagsik sa ganitong paraan, ititigil Ko ang Aking gawain, at hindi na kailanman gagawang muli sa inyo; sa kabaligtaran, ililipat Ko ang Aking gawain sa isa pang pangkat na nagpapalugod sa Akin, at sa ganitong paraan ay iiwan kayo magpakailanman, sapagka’t ayaw Kong masilayan ang mga nakikipag-alitan sa Akin.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Hindi Pagbabago ng Disposisyon ay Pakikipag-alitan sa Diyos

Napakaganda ng pananampalataya ninyo; sinasabi ninyong handa kayong gugulin ang buong buhay ninyo sa ngalan ng gawain Ko, at na handa kayong ialay ang mga buhay ninyo para dito, ngunit hindi gaanong nagbago ang mga disposisyon ninyo. Mapagmataas lamang kayong nagsasalita, sa kabila ng katotohanang ubod ng sama ng aktuwal na pag-uugali ninyo. Ito ay para bang nasa langit ang mga dila at labi ng mga tao ngunit naroroon sa lupa ang mga binti nila, at bunga nito, gutay-gutay at wasak pa rin ang mga salita at mga gawa at mga dangal nila. Nawasak na ang mga dangal ninyo, malahayop ang ugali ninyo, ang paraan ninyo ng pagsasalita ay mababa, at kasuklam-suklam ang mga buhay ninyo; maging ang kabuuan ng pagkatao ninyo ay lumubog na sa hamak na kababaan. Makitid ang isip ninyo tungo sa iba, at nakikipagtalo kayo sa bawat maliit na bagay. Nakikipag-away kayo tungkol sa sarili ninyong mga reputasyon at katayuan, kahit na sa puntong handa kayong bumaba sa impiyerno at sa lawa ng apoy. Sapat na sa Akin ang kasalukuyang mga salita at mga gawa ninyo upang matukoy na makasalanan kayo. Ang saloobin ninyo tungo sa gawain Ko ay husto na para matukoy Ko na kayo ay mga di-matuwid, at ang lahat ng mga disposisyon ninyo ay sapat na upang masabing kayo ay ang mga marurungis na kaluluwang puno ng mga karimarimarim na bagay. Ang mga ipinamamalas ninyo at kung ano ang ibinubunyag ninyo ay husto na upang sabihing mga tao kayong nakainom ng labis na dugo ng maruruming espiritu. Kapag nababanggit ang pagpasok sa kaharian, hindi ninyo ibinubunyag ang mga damdamin ninyo. Naniniwala ba kayong kung ano kayo ngayon ay sapat na para makalakad kayo papasok sa pultahan ng Aking kaharian ng langit? Naniniwala ba kayong makakapasok kayo sa banal na lupain ng gawain at mga salita Ko, nang hindi Ko muna nasusubok ang sarili ninyong mga salita at mga gawa? Sino ang makapagtatakip sa mga mata Ko? Paano makatatakas sa paningin Ko ang kasuklam-suklam at abang mga pag-uugali at mga pakikipag-usap ninyo? Natukoy Ko na ang mga buhay ninyo bilang mga buhay ng pag-inom ng dugo at pagkain ng laman nila na maruruming espiritu sapagkat tinutularan ninyo ang mga ito sa harapan Ko bawat araw. Sa harap Ko, masyadong masama ang pag-uugali ninyo, kaya paano Ko kayo hindi maituturing na nakasusuklam? Naglalaman ang mga salita ninyo ng mga karumihan ng maruruming espiritu: Nanlilinlang, nagkukubli, at nambobola kayo kagaya nila na nakikibahagi sa pangkukulam at kagaya nila na nagsasagawa ng panlilinlang at umiinom ng dugo ng mga hindi matuwid. Ubod ng baliko ang lahat ng mga pagpapahayag ng tao, kaya paano mailalagay ang lahat ng tao sa banal na lupain kung saan naroroon ang mga matuwid? Iniisip mo bang ituturing kang banal dahil sa kasuklam-suklam mong pag-uugali kumpara sa kanila na hindi matuwid? Sisirain kalaunan ng mala-ahas mong dila itong laman mong nagdudulot ng pagkawasak at gumagawa ng mga karimarimarim na bagay, at ang mga kamay mong iyon na nababalutan ng dugo ng maruruming espiritu ay hihilahin din kalaunan ang kaluluwa mo sa impiyerno. Kung gayon, bakit hindi ka lumulukso sa pagkakataong ito na linisin ang mga kamay mong puno ng dungis? At bakit hindi mo sinasamantala ang pagkakataong ito na putulin ang dila mong iyan na nagsasalita ng hindi matuwid na mga salita? Maaari kayang handa kang magdusa sa mga apoy ng impiyerno alang-alang sa mga kamay, dila, at mga labi mo? Binabantayan Ko ng dalawang mata ang puso ng lahat, sapagkat matagal na panahon bago Ko pa nilikha ang sangkatauhan, nahawakan Ko na ang mga puso nila sa Aking mga kamay. Matagal Ko nang natalos ang mga puso ng mga tao, kaya paano makatatakas sa paningin Ko ang mga kaisipan nila? Paanong hindi pa masyadong huli upang makatakas sila sa pagsunog ng Espiritu Ko?

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Masyadong Hamak ang Pagkatao Ninyong Lahat!

Mas mabait kaysa sa mga kalapati ang mga labi mo, ngunit ang puso mo ay mas masama kaysa sa ahas noong unang panahon. Kasing ganda maging ng mga kababaihan ng Lebanon ang mga labi mo, gayon pa man hindi mas mabuti ang puso mo kaysa sa kanila, at tiyak na hindi ito maihahambing sa kagandahan ng mga taga-Canaan. Masyadong mapanlinlang ang puso mo! Ang mga bagay na kinasusuklaman Ko ay ang mga labi lamang ng mga hindi matuwid at ang mga puso nila, at ang mga hinihingi Ko sa mga tao ay hindi mas mataas sa anumang paraan kaysa sa inaasahan Ko sa mga banal; nakararamdam lamang Ako ng pagkasuklam para sa masasamang gawain ng mga hindi matuwid, at umaasa Akong magagawa nilang itakwil ang karumihan nila at tumakas mula sa kasalukuyan nilang suliranin upang umangat sila mula sa kanila na hindi matuwid at mamuhay at maging banal kasama nila na matuwid. Kayo ay nasa kalagayang katulad ng sa Akin, gayon pa man nababalot kayo ng dungis; hindi man lamang kayo nagtataglay ni katiting ng pinakaunang wangis ng mga taong nilikha noong simula. Bukod dito, sapagkat araw-araw ninyong tinutularan ang tulad nila na maruruming espiritu, ginagawa ang ginagawa nila at sinasabi ang sinasabi nila, ang lahat ng mga bahagi ninyo—maging ang mga dila at mga labi ninyo—ay nakababad sa mabahong tubig nila, hanggang sa puntong ganap na kayong nababalutan ng gayong mga mantsa, at wala kahit isang bahagi ninyo ang maaaring gamitin para sa gawain Ko. Masyado itong makadurog-puso! Namumuhay kayo sa ganitong daigdig ng mga kabayo at baka, gayon pa man ay hindi talaga kayo nakararamdam ng ligalig; puno kayo ng galak at namumuhay kayo nang malaya at magaan. Lumalangoy kayo sa paligid ng mabahong tubig na iyon, gayon pa man hindi mo talaga napagtatantong nahulog ka na sa gayong suliranin. Bawat araw, nakikisama ka sa maruruming espiritu at nakikipag-ugnayan sa “dumi ng tao.” Talagang bulgar ang mga buhay ninyo, gayon pa man hindi mo talaga namamalayang lubos kang hindi umiiral sa daigdig ng mga tao at na hindi ikaw ang nagkokontrol sa sarili mo. Hindi mo ba alam na ang buhay mo ay matagal nang nayurakan ng maruruming espiritung iyon, o na ang pagkatao mo ay matagal nang nadungisan ng mabahong tubig? Iniisip mo bang namumuhay ka sa panlupang paraiso, at na nasa gitna ka ng kaligayahan? Hindi mo ba alam na namuhay ka ng isang buhay sa tabi ng maruruming espiritu, at na magkasama kayong umiral kasama ng lahat ng bagay na inihanda ng mga ito para sa iyo? Paano magkakaroon ng anumang kahulugan ang paraan ng pamumuhay mo? Paano magkakaroon ng anumang halaga ang buhay mo? Naging masyado kang abala para sa mga magulang mo, mga magulang na maruruming espiritu, gayon pa man wala ka talagang hinagap na ang mga sumisilo sa iyo ay sila na mga magulang na maruruming espiritu na nagsilang sa iyo at nagpalaki sa iyo. Bukod dito, lingid sa kaalaman mong ang lahat ng dungis mo sa katunayan ay ibinigay nila sa iyo; ang alam mo lamang ay na maaari ka nilang dalhan ng “pagtatamasa,” hindi ka nila kinakastigo, ni hindi ka nila hinahatulan, at lalong hindi ka nila sinusumpa. Hindi pa kailanman sila pumutok sa galit sa iyo, ngunit tinatrato ka nila nang may paggiliw at kabaitan. Ang mga salita nila ay bumubusog sa puso mo at bumibighani sa iyo hanggang sa malito ka at, nang hindi ito napagtatanto, ikaw ay idinamay na nila at handa nang maglingkod sa kanila at nagiging labasan ng sama ng loob at tagasilbi nila. Wala kang anumang karaingan, ngunit handa kang gumawa para kanila na parang mga aso, parang mga kabayo; nilihis ka nila. Sa dahilang ito, ganap na wala kang reaksyon sa gawaing isinasakatuparan Ko. Hindi nakapagtatakang palagi mong nais na palihim na lumusot sa mga daliri Ko, at hindi nakapagtatakang palagi mong nais gumamit ng matatamis na salita upang mapanlinlang na humingi ng pabor mula sa Akin. Lumalabas na mayroon ka nang iba pang plano, iba pang pagsasaayos. Maaari mong makita nang kaunti ang mga kilos Ko bilang ang Makapangyarihan, ngunit wala ka ni katiting na kaalaman sa paghatol at pagkastigo Ko. Wala kang hinagap kung kailan nagsimula ang pagkastigo Ko; ang alam mo lamang ay kung paano Ako dayain—gayon pa man hindi mo alam na hindi Ako magpaparaya sa anumang paglabag mula sa tao. Yamang gumawa ka na ng mga resolusyon na paglingkuran Ako, hindi kita pakakawalan. Isa Akong Diyos na kinapopootan ang kasamaan, at isa Akong Diyos na naninibugho sa sangkatauhan. Yamang nailagay mo na ang mga salita mo sa dambana, hindi Ko kukunsintihin ang pagtakbo mo sa mismong harap ng mga mata Ko, ni hindi Ko kukunsintihin na naglilingkod ka sa dalawang panginoon. Inisip mo bang maaari kang magkaroon ng pangalawang pagmamahal matapos mong mailagay na ang mga salita mo sa dambana Ko at sa harap ng mga mata Ko? Paano Ko mapapayagan ang mga tao na gawin Akong isang hangal sa gayong paraan? Inisip mo bang maaari kang basta-basta gumawa ng mga panata at mga panunumpa sa Akin gamit ang dila mo? Paano ka nakagagawa ng mga panunumpa sa trono Ko, ang trono Ko na Siyang Kataas-taasan? Inisip mo bang lumipas na ang mga panunumpa mo? Hayaan ninyong sabihin Ko sa inyo: Kahit pa maaaring pumanaw ang mga laman ninyo, ang mga panunumpa ninyo ay hindi. Sa katapusan, parurusahan Ko kayo batay sa mga panunumpa ninyo. Gayunman, naniniwala kayong magagawa ninyong makitungo sa Akin nang pabasta-basta sa pamamagitan ng paglalagay ng mga salita ninyo sa harap Ko, at na makapaglilingkod sa maruruming espiritu at masasamang espiritu ang mga puso ninyo. Paano makapagpaparaya ang galit Ko sa kanila na malaaso at malababoy na mga taong dinaraya Ako? Dapat Kong isakatuparan ang mga atas administratibo Ko, at agawin pabalik mula sa mga kamay ng maruruming espiritu ang lahat ng labis na pormal at “relihiyoso” na mayroong pananampalataya sa Akin upang maaari silang “maghintay” sa Akin sa isang disiplinadong pamamaraan, maging Aking baka, maging Aking mga kabayo, at maging nasa awa ng Aking pagkakatay. Ipag-uutos Ko sa iyong ibalik ang dati mong determinasyon at muling paglingkuran Ako. Hindi Ako magpaparaya sa anumang nilikhang nanlilinlang sa Akin. Inisip mo bang maaari kang walang taros na gumawa ng mga hiling at magsinungaling sa harapan Ko? Inisip mo bang hindi Ko narinig o nakita ang mga salita at mga gawa mo? Paano mawawala sa paningin Ko ang mga salita at mga gawa mo? Paano Ko mapahihintulutan ang mga tao na linlangin Ako na katulad niyan?

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Masyadong Hamak ang Pagkatao Ninyong Lahat!

Magtatanong ang ilang tao, “Ano ba talaga ang isang tao?” Wala sa mga tao ngayon ay tao. Kung hindi sila mga tao, ano sila? Masasabi mong sila ay mga hayop, halimaw, Satanas, o diyablo; sa anumang kaso, sila ay nakakubli lamang sa balat ng tao, ngunit hindi sila matatawag na mga tao, dahil hindi nila taglay ang normal na pagkatao. Ang tawagin silang mga hayop ay medyo malapit-lapit, ngunit nagtataglay ang mga tao ng wika, isip at mga kaisipan, at kayang lumahok ng mga tao sa agham at paggawa, kaya maaari lamang silang maituring na matataas na antas ng mga hayop. Gayunpaman, masyado nang malalim ang pagkakatiwali ni Satanas sa mga tao, matagal na silang nawalan ng konsensiya at katwiran, at hindi man lamang sila nagpapasakop o natatakot sa Diyos. Sadyang ganap na naaangkop na tawagin silang mga diyablo at Satanas. Dahil ang kanilang kalikasan ay kay Satanas, at naghahayag sila ng mga satanikong disposisyon, at nagpapahayag sila ng mga satanikong pananaw, mas nababagay na tawagin silang mga diyablo at Satanas. Masyado nang malalim ang pagkatiwali ng mga tao at wala na silang gaanong wangis ng tao. Tulad sila ng mga halimaw at hayop, sila ay mga diyablo. Sa ngayon, hindi isang bagay o iba pa ang mga tao, hindi sila kamukha ng mga tao o demonyo, at wala silang tunay na wangis ng tao. Pagkatapos ng maraming taon ng karanasan, ang ibang matatagal nang nananalig ay napapalapit nang kaunti sa Diyos, at humigit-kumulang ay nauunawaan nang kaunti ang Diyos, at humigit-kumulang ay inaalala ang mga bagay na inaalala ng Diyos, at humigit-kumulang ay iniisip ang mga bagay na iniisip ng Diyos—ibig sabihin nito ay mayroon silang kaunting anyo ng tao, at sila ay bahagyang nabuo. Hindi pa nararanasan ng mga bagong nananalig ang makastigo at mahatulan, o ang mapungos nang husto, hindi pa rin nila naririnig ang karamihan sa katotohanan, nakabasa pa lamang sila ng mga salita ng Diyos, ngunit wala pa silang tunay na karanasan. Dahil dito, malaki pa rin ang kanilang pagkukulang. Ang lalim ng karanasan ng isang tao ang tutukoy kung gaano kalaki ang kanyang pagbabago. Habang mas kaunti ang karanasan mo sa mga salita ng Diyos, mas hindi mo mauunawaan ang katotohanan. Kung wala ka man lamang karanasan, ikaw ay isang buo at buhay na Satanas, at ikaw ay isang diyablo, ganoon kasimple. Naniniwala ka ba rito? Isang araw ay mauunawaan mo ang mga salitang iyon. Mayroon bang sinumang mabubuting tao sa ngayon? Kung walang anyo ng tao ang mga tao, paano natin sila matatawag na mga tao? Lalong hindi sila matatawag na mabubuting tao. Mayroon lamang silang balat ng tao, ngunit wala silang diwa ng tao, hindi pagmamalabis kung tatawagin silang mga halimaw na nakadamit ng tao.

—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi

Hangga’t hindi nararanasan ng mga tao ang gawain ng Diyos at nauunawaan ang katotohanan, ang kalikasan ni Satanas ang namamahala at nagdodomina sa kanilang kalooban. Ano ba ang partikular na nakapaloob sa kalikasang iyon? Halimbawa, bakit ka makasarili? Bakit mo pinoprotektahan ang sarili mong katayuan? Bakit ka mayroong gayong katinding mga damdamin? Bakit ka nasisiyahan sa mga di-matutuwid na bagay na iyon? Bakit gusto mo ang mga kasamaang iyon? Ano ang batayan ng pagkahilig mo sa mga ganoong bagay? Saan nagmumula ang mga bagay na ito? Bakit ka masayang-masaya na tanggapin ang mga ito? Sa ngayon, naunawaan na ninyong lahat na ang pangunahing dahilan sa likod ng lahat ng bagay na ito ay dahil nasa kalooban ng tao ang lason ni Satanas. Ano ang lason ni Satanas? Paano ito maipapahayag? Halimbawa, kung magtatanong ka ng, “Paano dapat mamuhay ang mga tao? Para saan ba dapat nabubuhay ang mga tao?” sasagot ang mga tao: “Ang bawat tao para sa kanyang sarili at bahala na ang iba.” Ipinahahayag ng nag-iisang pariralang ito ang pinakaugat ng problema. Ang pilosopiya at lohika ni Satanas ay naging buhay na ng mga tao. Anuman ang hinahangad ng mga tao, ginagawa nila ito para sa kanilang sarili—kaya’t nabubuhay lamang sila para sa kanilang sarili. “Ang bawat tao para sa kanyang sarili at bahala na ang iba”—ito ang pilosopiya sa buhay ng tao, at kinakatawan din nito ang kalikasan ng tao. Naging kalikasan na ng tiwaling sangkatauhan ang mga salitang ito at ang mga ito ang tunay na larawan ng satanikong kalikasan ng tiwaling sangkatauhan. Ang satanikong kalikasang ito na ang naging batayan para sa pag-iral ng tiwaling sangkatauhan. Sa loob ng ilang libong taon, namuhay ang tiwaling sangkatauhan ayon sa kamandag na ito ni Satanas, hanggang sa kasalukuyang panahon. Lahat ng ginagawa ni Satanas ay para sa sarili nitong mga pagnanais, mga ambisyon, at mga layunin. Nais nitong higitan ang Diyos, makawala sa Diyos, at makuha ang kontrol sa lahat ng bagay na nilikha ng Diyos. Sa kasalukuyan, gayon na lamang katinding ginawang tiwali ni Satanas ang mga tao: May mga satanikong kalikasan silang lahat, sinusubukan nilang lahat na itatwa at labanan ang Diyos, at gusto nilang makontrol ang sarili nilang mga kapalaran at sinusubukang labanan ang mga pangangasiwa at pagsasaayos ng Diyos. Ang kanilang mga ambisyon at pagnanais ay kaparehong-kapareho ng kay Satanas. Samakatuwid, ang kalikasan ng tao ay ang kalikasan ni Satanas. Sa katunayan, ang mga salawikain at kasabihan ng maraming tao ay kumakatawan sa likas na pagkatao ng tao at sumasalamin sa diwa ng katiwalian ng tao. Ang mga bagay na pinipili ng mga tao ay sarili nilang mga kagustuhan, at kumakatawan ang lahat ng iyon sa mga disposisyon at hangarin ng mga tao. Sa bawat salitang sinasabi ng isang tao, at sa lahat ng ginagawa niya, gaano man iyon katago, hindi nito matatakpan ang kanyang likas na pagkatao. Halimbawa, karaniwang maganda ang pangangaral ng mga Pariseo, pero nang marinig nila ang mga sermon at katotohanang ipinahayag ni Jesus, sa halip na tanggapin ang mga iyon, kinondena nila ang mga iyon. Inilalantad nito ang kalikasang diwa ng pagtutol at pagkamuhi sa katotohanan ng mga Pariseo. Ang ilang tao ay medyo magandang magsalita at mahusay magpanggap, pero matapos silang makahalubilo sandali ng iba, nakikita ng iba na masyadong mapanlinlang at hindi matapat ang kanilang kalikasan. Pagkaraan ng mahabang panahon ng pakikihalubilo sa kanila, natutuklasan ng lahat ng iba pa ang kanilang kalikasang diwa. Sa huli, nabubuo ng ibang tao ang sumusunod na konklusyon: Hindi sila kailanman nagsasabi ng totoong salita, at sila ay mapanlinlang. Kinakatawan ng pahayag na ito ang kalikasan ng gayong mga tao at ito ang pinakamagandang paglalarawan at patunay ng kanilang kalikasang diwa. Ang pilosopiya nila para sa mga makamundong pakikitungo ay ang huwag magsabi ng katotohanan sa kaninuman, at huwag ding magtiwala kaninuman. Naglalaman ang satanikong kalikasan ng tao ng napakaraming satanikong pilosopiya at lason. Kung minsan ikaw mismo ay hindi namamalayan ang mga ito, at hindi nauunawaan ang mga ito; gayunpaman, bawat sandali ng iyong buhay ay batay sa mga bagay na ito. Bukod pa riyan, iniisip mo na ang mga bagay na ito ay lubhang tama at makatwiran, at hindi talaga mali. Sapat na ito para ipakita na naging kalikasan na ng mga tao ang mga pilosopiya ni Satanas, at namumuhay sila nang lubos na nakaayon sa mga ito, na iniisip na ang ganitong paraan ng pamumuhay ay mabuti, at wala talaga silang anumang pakiramdam ng pagsisisi. Samakatuwid, palagi silang nagbubunyag ng kanilang satanikong kalikasan, at patuloy silang namumuhay ayon sa mga pilosopiya ni Satanas. Ang kalikasan ni Satanas ay ang buhay ng sangkatauhan, at ito ang kalikasang diwa ng sangkatauhan.

—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Paano Tahakin ang Landas ni Pedro

Sa pangkalahatan, bilang isang taong isinilang sa daigdig na ito, may nagawa ka nang isang bagay na maituturing na paglabag sa katotohanan, kung naaalala mo man na nakagawa ka kailanman ng isang bagay upang pagtaksilan ang iba pang tao, o kung pinagtaksilan mo na ang iba nang maraming beses. Dahil ikaw ay may kakayahang pagtaksilan ang iyong mga magulang o mga kaibigan, ikaw ay may kakayahang pagtaksilan ang iba, at ikaw rin ay may kakayahang magtaksil sa Akin at gumawa ng mga bagay na kinamumuhian Ko. Sa ibang salita, ang pagtataksil ay hindi lamang isang mababaw na imoral na pag-uugali, ngunit isang bagay na hindi kaayon ng katotohanan. Ito mismo ang pinagmumulan ng paglaban at paghihimagsik laban sa Akin ng sangkatauhan. Ito ang dahilan kung bakit nalagom Ko ito sa sumusunod na pahayag: Ang pagtataksil ay kalikasan ng tao, at ang kalikasang ito ang malaking kalaban ng pagiging kaayon sa Akin ng bawat tao.

Ang pag-uugaling hindi kayang lubusang magpasakop sa Akin ay pagtataksil. Ang pag-uugaling hindi kayang maging tapat sa Akin ay pagtataksil. Ang pagdaya sa Akin at paggamit ng mga kasinungalingan upang linlangin Ako ay pagtataksil. Ang pagtataglay ng maraming kuru-kuro at pagpapakalat sa mga ito sa lahat ng dako ay pagtataksil. Ang kawalan ng kakayahang itaguyod ang Aking mga patotoo at mga interes ay pagtataksil. Ang paghahandog ng mga huwad na ngiti kapag malayo sa Akin ang puso ay pagtataksil. Ang lahat ng ito ay mga gawain ng pagtataksil na palagi na ninyong nagagawa, at ang mga ito ay karaniwan din sa inyo. Maaaring wala sa inyo ang nag-iisip na ito ay isang problema, ngunit hindi iyon ang iniisip Ko. Hindi Ko maaaring tratuhin ang pagtataksil sa Akin ng isang tao bilang isang maliit na bagay, at lalo namang hindi Ko maaaring hindi ito pansinin. Ngayon, kapag Ako ay gumagawa sa gitna ninyo, kumikilos kayo sa ganitong paraan—kung darating ang araw na walang sinuman ang naroon upang bantayan kayo, hindi ba kayo magiging gaya ng mga bandido na ipinapahayag ang kanilang sarili na mga hari ng kanilang mga munting bundok? Kapag nangyari iyon at nagsanhi kayo ng isang malaking sakuna, sino ang naroroon upang ayusin ang problema? Iniisip ninyong ang ilang gawaing pagtataksil ay paminsan-minsang pangyayari lang, hindi ang inyong namimihasang pag-uugali, at hindi nararapat pag-usapan nang ganito kaseryoso, sa isang paraang pumipinsala sa inyong kapurihan. Kung talagang ganito ang iniisip ninyo, kulang kayo sa katinuan. Ang mag-isip nang ganito ay ang maging isang uliran at halimbawa ng paghihimagsik. Ang kalikasan ng tao ay ang kanyang buhay; ito ay isang prinsipyo kung saan siya umaasa upang manatiling buhay, at hindi niya maaaring baguhin ito. Gawing halimbawa ang kalikasan ng pagtataksil. Kung kaya mong gumawa ng isang bagay upang pagtaksilan ang isang kamag-anak o kaibigan, ito ay nagpapatunay na bahagi ito ng iyong buhay at ipinanganak kang may ganitong kalikasan. Ito ay isang bagay na hindi maitatanggi ninuman.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Isang Napakaseryosong Problema: Pagtataksil 1

Lahat ng kaluluwang ginawang tiwali ni Satanas ay nasa ilalim ng pagkaalipin sakapangyarihan ni Satanas. Yaon lamang mga naniniwala kay Cristo ang naihiwalay na, nailigtas mula sa kampo ni Satanas, at nadala sa kaharian ngayon. Hindi na nabubuhay ang mga taong ito sa ilalim ng impluwensya ni Satanas. Gayunpaman, ang kalikasan ng tao ay nakaugat pa rin sa laman ng tao, na ibig sabihin ay bagama’t naligtas na ang inyong kaluluwa, ang inyong kalikasan ay gaya pa rin ng dati, at ang posibilidad na pagtataksilan ninyo Ako ay nananatiling isandaang porsiyento. Ito ang dahilan kung bakit tumatagal nang napakatagal ang Aking gawain, sapagkat ang inyong kalikasan ay mahirap kontrolin. Ngayon, lahat kayo ay nagdaraan sa mga paghihirap hangga’t makakaya ninyo habang ginagawa ninyo ang inyong mga tungkulin, subalit bawat isa sa inyo ay may kakayahang pagtaksilan Ako at bumalik sakapangyarihan ni Satanas, sa kampo nito, at bumalik sa dati ninyong buhay—hindi maikakaila ang katotohanang ito. Sa panahong iyon, hindi magiging posibleng may makita sa inyo ni katiting na pagkatao o wangis ng tao, na kagaya ninyo ngayon. Sa mga seryosong kaso, kayo ay wawasakin at, higit pa riyan, mapapahamak kayo nang walang-hanggan, parurusahan nang matindi, hindi na kailanman muling magkakatawang-tao. Ito ang problemang nakalahad sa inyong harapan. Pinaaalalahanan Ko kayo sa ganitong paraan, una, upang hindi mawalan ng saysay ang Aking gawain, at pangalawa, upang makapamuhay kayong lahat sa mga panahon ng liwanag. Sa totoo lang, ang malaking problema ay hindi kung may saysay ang Aking gawain o wala. Ang mahalaga ay nagagawa ninyong mabuhay nang masaya at magkaroon ng magandang hinaharap. Ang Aking gawain ay ang gawain ng pagliligtas sa kaluluwa ng mga tao. Kung mahulog ang iyong kaluluwa sa mga kamay ni Satanas, hindi mabubuhay nang payapa ang iyong katawan. Kung pinangangalagaan Ko ang iyong katawan, tiyak na nasa ilalim din ng Aking pangangalaga ang iyong kaluluwa. Kung talagang kinamumuhian kita, mahuhulog kaagad ang iyong katawan at kaluluwa sa mga kamay ni Satanas. Naiisip mo ba ang sitwasyon mo kapag nagkagayon? Kung, isang araw ay mawala sa inyo ang Aking mga salita, ipapasa Ko kayong lahat kay Satanas, na isasailalim kayo sa napakasakit na pagpapahirap hanggang sa lubos na mapawi ang Aking galit, o kaya’y parurusahan Ko nang personal kayong mga taong hindi na matutubos, sapagkat ang inyong pusong nagtataksil sa Akin ay hindi na magbabago kailanman.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Isang Napakaseryosong Problema: Pagtataksil 2

Ang inyong mga ikinilos sa Aking presensiya sa loob ng maraming taon ay nagbigay sa Akin ng kasagutan na wala pang naging katulad sa nagdaan, at ang tanong sa sagot na ito ay: “Ano ang saloobin ng tao sa harap ng katotohanan at sa tunay na Diyos?” Ang mga pagsisikap na ibinuhos Ko sa tao ay nagpapatunay ng Aking diwa ng pagmamahal sa tao, at ang lahat ng ginawa ng tao sa Aking presensiya ay nagpapatunay ng kanyang diwa ng pagkamuhi sa katotohanan at pagsalungat sa Akin. Sa lahat ng panahon, Ako ay nag-aalala sa lahat ng sumunod sa Akin, ngunit walang panahon na ang mga taong sumunod sa Akin ay nakayanang tanggapin ang Aking mga salita; maging ang Aking mga mungkahi ay hindi nila natatanggap. Ito ang nagpapalungkot sa Akin nang higit sa lahat. Walang sinuman ang kayang makaunawa sa Akin at, higit pa rito, walang sinumang nakatanggap sa Akin, kahit pa ang Aking saloobin ay matapat at ang Aking mga salita ay malumanay. Sinusubukan ng bawat isa na gawin ang gawaing ipinagkatiwala Ko sa kanila alinsunod sa kanilang sariling mga ideya; hindi nila inaalam ang Aking mga layunin, at lalong hindi nila itinatanong kung ano ang hinihingi Ko sa kanila. Sinasabi pa rin nilang naglilingkod sila nang tapat sa Akin, habang silang lahat ay naghihimagsik laban sa Akin. Marami ang naniniwala na ang mga katotohanan na hindi katanggap-tanggap sa kanila o hindi nila kayang isagawa ay hindi mga katotohanan. Sa ganitong uri ng mga tao, ang Aking mga katotohanan ay nagiging bagay na pinasisinungalingan at isinasaisang-tabi. Kasabay nito, kinikilala Ako ng mga tao bilang Diyos sa salita, ngunit naniniwala din sila na Ako ay isang tagalabas na hindi ang katotohanan, ang daan, o ang buhay. Walang nakaaalam sa katotohanang ito: Ang Aking mga salita ay ang katotohanang hindi magbabago kailanman. Ako ang tagapagbigay ng buhay para sa tao at ang tanging gabay para sa sangkatauhan. Ang halaga at kahulugan ng Aking mga salita ay hindi itinatakda ng pagkilala o pagtanggap ng sangkatauhan, kundi ng mismong diwa ng mga salita. Kahit na wala ni isang tao sa daigdig na ito ang kayang tumanggap sa Aking mga salita, ang halaga ng Aking mga salita at ang tulong ng mga ito sa sangkatauhan ay hindi masusukat ng sinumang tao. Samakatuwid, kapag nahaharap sa maraming tao na naghihimagsik, nagpapabulaan, o lubos na nanglalait sa Aking mga salita, ang Aking paninindigan ay ito lamang: Hayaan ang panahon at katunayan na maging saksi Ko at magpakita na ang Aking mga salita ang katotohanan, ang daan, at ang buhay. Hayaang ipakita ng mga ito na ang lahat ng Aking sinabi ay tama, at iyon ang dapat na maipagkaloob sa tao, at, higit pa rito, ito ang dapat tanggapin ng tao. Hahayaan Ko ang lahat ng sumusunod sa Akin na malaman ang katunayang ito: Ang mga hindi kayang tumanggap nang lubos sa Aking mga salita, ang mga hindi kayang isagawa ang Aking mga salita, ang mga hindi makahanap ng layunin sa Aking mga salita, at ang mga hindi tumanggap ng kaligtasan dahil sa Aking mga salita, ay ang mga taong nakondena ng Aking mga salita at, bukod dito, nawalan ng Aking kaligtasan, at hindi kailanman malilihis ang Aking tungkod sa kanila.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Dapat Ninyong Isaalang-alang ang Inyong mga Gawa

Sinundan: 6. Ang mga tiwaling disposisyon na taglay ng mga tao

Sumunod: 8. Paano makilatis ang mga pilosopiya at iba’t ibang maling pananampalataya at maling paniniwala ni Satanas

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

Tanong 1: Nananalig na tayo sa Panginoon sa loob ng napakaraming taon. Kahit maaari tayong mangaral at kumilos para sa Panginoon at magdusa nang husto, maaari pa rin tayong palaging magsinungaling, manloko at mandaya. Araw-araw, ipinagtatanggol natin ang ating sarili. Napakadalas, mayabang tayo, mapagmataas, pasikat, at mapanghamak sa iba. Namumuhay tayo sa sitwasyon ng pagkakasala at pagsisisi, at hindi tayo makaalpas sa pang-aalipin ng laman, at dumaranas at nagsasagawa ng salita ng Panginoon. Hindi pa natin nararanasan ang anumang realidad ng salita ng Panginoon. Sa kaso natin, madadala man lang ba tayo sa kaharian ng langit? Sabi ng ilang tao, gaano man tayo magkasala, gaano man tayo inaalipin ng laman, ang tingin sa atin ng Panginoon ay walang kasalanan. Sumusunod sila sa salita ni Pablo: “Sa isang sangdali, sa isang kisap-mata, sa huling pagtunog ng trumpeta: sapagka’t tutunog ang trumpeta, at ang mga patay ay mangabubuhay na maguli na walang kasiraan, at tayo’y babaguhin” (1 Corinto 15:52). At ipinapalagay nila na agad babaguhin ng Panginoon ang ating anyo pagdating Niya at dadalhin tayo sa kaharian ng langit. Naniniwala ng ilang tao na ang mga tumatanggap ng kaligtasan sa pamamagitan ng pananampalataya pero patuloy pa ring nagkakasala ay hindi karapat-dapat na makapasok sa kaharian ng langit. Nakabatay ito unang-una na sa salita ng Panginoong Jesus: “Hindi ang bawa’t nagsasabi sa Akin, Panginoon, Panginoon, ay papasok sa kaharian ng langit; kundi ang gumaganap ng kalooban ng Aking Ama na nasa langit” (Mateo 7:21). “Kayo nga’y magpakabanal, sapagka’t Ako’y banal” (Levitico 11:45). Ito ay dalawang magkakumpitensyang pananaw na hindi malinaw na masasabi ng sinuman, Makipag-usap naman kayo para sa amin.

Sagot: Noong araw, dati-rati’y itinuturing nating salita ng Diyos ang mga salita ng mga apostol na kagaya ni Pablo at sumusunod tayo sa...

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito