6. Ang mga tiwaling disposisyon na taglay ng mga tao

Mga Salita ng Makapangyarihang Diyos ng mga Huling Araw

Ang pinag-ugatan ng mga tiwaling disposisyon na lumilitaw sa tao ay ang panlilihis, katiwalian, at lason ni Satanas. Ang tao ay iginagapos at kinokontrol ni Satanas, at dinaranas niya ang napakalaking pinsalang idinulot ni Satanas sa kanyang pag-iisip, moralidad, kaunawaan, at katinuan. Sumasalungat ang tao sa Diyos at hindi matanggap ang katotohanan dahil mismo nagawa nang tiwali ni Satanas ang mga pangunahing bagay ng tao, at lubhang hindi na katulad ng orihinal na pagkakalikha ng Diyos sa kanila. Sa gayon, dapat magsimula ang mga pagbabago sa disposisyon ng tao sa mga pagbabago sa kanyang pag-iisip, kaunawaan, at katinuan na siyang magbabago ng kanyang pagkakilala sa Diyos at kanyang pagkakilala sa katotohanan. Mas lalong ignorante sa kung ano ang Diyos o sa kung ano ang kahulugan ng paniniwala sa Diyos yaong isinilang sa pinakamalubhang natiwali sa lahat ng lupain. Mas tiwali ang mga tao, mas kakaunti ang kanilang kaalaman sa pag-iral ng Diyos, at mas mahina ang kanilang katinuan at kaunawaan. Ang ugat ng pagsalungat at pagiging mapanghimagsik ng tao laban sa Diyos ay ang kanyang katiwalian sa pamamagitan ni Satanas. Dahil sa katiwalian ni Satanas, naging manhid ang konsensiya ng tao; imoral siya, masama ang kanyang mga saloobin, at paurong ang kanyang pangkaisipang pananaw. Bago siya ginawang tiwali ni Satanas, likas na nagpapasakop sa Diyos ang tao at nagpapasakop sa Kanyang mga salita pagkatapos marinig ang mga ito. Siya ay likas na may maayos na katinuan at konsensiya, at may normal na pagkatao. Matapos gawing tiwali ni Satanas, pumurol at pinahina ni Satanas ang orihinal na katinuan, konsensiya, at pagkatao ng tao. Sa gayon, nawala niya ang kanyang pagpapasakop at pag-ibig sa Diyos. Nalihis ang katinuan ng tao, naging katulad na ng sa hayop ang kanyang disposisyon, at nagiging mas madalas at mas matindi ang kanyang pagiging mapanghimagsik sa Diyos. Nguni’t hindi pa rin ito batid ni kinikilala ng tao, at walang tigil lang siyang sumasalungat at naghihimagsik. Ibinubunyag ng mga pagpapahayag ng kanyang katinuan, kaunawaan, at konsensiya ang disposisyon ng tao; dahil wala sa ayos ang kanyang katinuan at kaunawaan, at sukdulan nang pumurol ang kanyang konsensiya, kaya mapanghimagsik laban sa Diyos ang kanyang disposisyon. Kung hindi mababago ang katinuan at pananaw ng tao, hindi posible ang mga pagbabago sa kanyang disposisyon, gayundin ang umayon sa mga layunin ng Diyos. Kung hindi maayos ang katinuan ng tao, hindi niya maaaring paglingkuran ang Diyos at hindi siya akmang gamitin ng Diyos. Tumutukoy “ang normal na katinuan” sa pagpapasakop at pagiging tapat sa Diyos, sa paghahangad sa Diyos, sa pagiging ganap tungo sa Diyos, at sa pagkakaroon ng konsensiya tungo sa Diyos. Tumutukoy ito sa pagiging isa sa puso at isip tungo sa Diyos, at hindi pasadyang lumalaban sa Diyos. Hindi ganito ang pagkakaroon ng lihis na katinuan. Mula noong ginawang tiwali ni Satanas ang tao, nakabuo na siya ng mga kuru-kuro ukol sa Diyos, at wala siyang katapatan sa Diyos o paghahangad sa Kanya, at lalo na ang pagkakaroon ng konsensiya tungo sa Diyos. Sadyang sinasalungat at hinahatulan ng tao ang Diyos, at, bukod pa riyan, pumupukol sa Kanya ng mga pagtuligsa sa Kanyang likuran. Hinahatulan ng tao ang Diyos nang patalikod, nang may malinaw na kaalamang Siya ang Diyos; walang intensiyon ang tao na magpasakop sa Diyos, at gumagawa lamang ng mga bulag na kahilingan at pakiusap sa Kanya. Ang gayong mga tao—mga taong may lihis na katinuan—ay walang kakayahang makilala ang sarili nilang pag-uugaling kasuklam-suklam o ang pagsisihan ang kanilang pagiging mapanghimagsik. Kung may kakayahan ang mga taong makilala ang mga sarili nila, bahagya nilang nabawi na ang kanilang katinuan; habang mas naghihimagsik sa Diyos ang mga taong hindi pa nakakikilala sa mga sarili nila, mas wala sa ayos ang kanilang katinuan.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Hindi Pagbabago ng Disposisyon ay Pakikipag-alitan sa Diyos

Walang ibang pinagmumulan ang pagbubunyag ng tiwaling disposisyon ng tao kundi ang mapurol niyang konsensiya, ang malisyoso niyang kalikasan, at ang katinuan niyang wala sa ayos; kung muling makababalik sa normal ang konsensiya at katinuan ng tao, magiging akma siyang magamit sa harap ng Diyos. Dahil lamang sa ang konsensiya ng tao ay manhid na noon pa man, at dahil ang katinuan ng tao, na hindi kailanman naging maayos, ay patuloy na mas pumupurol anupa’t lalo pang nagiging mapanghimagsik ang tao sa Diyos, kaya ipinako pa nga niya si Jesus sa krus at hindi pinapapasok sa kanyang tahanan ang pagkakatawang-tao ng Diyos sa mga huling araw, at kinukondena ang katawang-tao ng Diyos, at mababa ang tingin sa katawang-tao ng Diyos. Kung mayroon kahit kaunting pagkatao ang tao, hindi siya magiging malupit sa kanyang pagtrato sa katawang-tao ng Diyos; kung mayroon siyang kahit kaunting katinuan, hindi siya magiging malupit sa kanyang pagtrato sa katawang-tao ng nagkatawang-taong Diyos; kung mayroon siyang kahit kaunting konsensiya, hindi siya “magpapasalamat” sa nagkatawang-taong Diyos sa ganitong paraan. Nabubuhay ang tao sa panahon na ang Diyos ay nagkakatawang-tao, nguni’t hindi niya magawang magpasalamat sa Diyos sa pagbibigay sa kanya ng gayon kagandang pagkakataon, at sa halip ay isinusumpa ang pagdating ng Diyos, o lubusang hindi pinapansin ang katotohanan ng pagkakatawang-tao ng Diyos, at para bang tutol siya rito at nababagot dito. Anuman ang pagtrato ng tao sa pagdating ng Diyos, ang Diyos, sa madaling sabi, ay matiyaga nang nagpapatuloy sa Kanyang gawain noon pa man—kahit wala ni katiting na pagtanggap ang tao sa Kanya, at walang taros na humihiling sa Kanya. Naging sukdulang malupit na ang disposisyon ng tao, naging lubos na mapurol na ang kanyang katinuan, at lubusang niyurakan na ng masamang nilalang ang kanyang konsensiya at matagal nang tumigil na maging orihinal na konsensiya ng tao. Hindi lamang walang utang na loob ang tao sa nagkatawang-taong Diyos para sa pagkakaloob Niya ng kayraming buhay at biyaya sa sangkatauhan, bagkus ay naghihinakit pa nga sa Diyos dahil sa pagbibigay sa kanya ng katotohanan; dahil wala ni kaunting interes sa katotohanan ang tao kaya naghihinakit siya sa Diyos. Bukod sa hindi magawa ng taong ialay ang kanyang buhay para sa nagkatawang-taong Diyos, sinusubukan din niyang makakuha ng mga pabor mula sa Kanya, at humihingi ng interes na dose-dosenang beses na mas malaki kaysa sa naibigay na ng tao sa Diyos. Iniisip ng mga taong may gayong konsensiya at katinuan na hindi ito mahalagang bagay, at naniniwala pa rin na masyado na nilang iginugol ang sarili nila para sa Diyos, at na masyadong kakaunti ang naibigay na ng Diyos sa kanila. May mga tao na, matapos magbigay sa Akin ng isang mangkok ng tubig, inilalahad ang kanilang mga kamay at humihiling na bayaran Ko sila para sa dalawang mangkok ng gatas, o, matapos makapagbigay sa Akin ng isang kuwarto para sa isang gabi, humihiling na magbayad Ako ng renta para sa maraming gabi. Sa gayong pagkatao at sa gayong konsensiya, paano ninyo nagagawa pa ring naising magkamit ng buhay? Anong kasuklam-suklam na masasama kayo!

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Hindi Pagbabago ng Disposisyon ay Pakikipag-alitan sa Diyos

Ang mapagmataas at palalong mga kalikasan ninyo ang nagtutulak sa inyo na ipagkanulo ang sarili ninyong mga konsensya, na maghimagsik at lumaban kay Cristo, at upang ibunyag ang kapangitan ninyo, sa gayo’y inilalantad ang inyong mga balak, mga kuru-kuro, mga magagarbong pagnanais, at mga matang puno ng kasakiman. Gayunpaman ay patuloy kayong dumadaldal tungkol sa habambuhay ninyong silakbo ng damdamin para sa gawain ni Cristo, at inuulit-ulit ang mga katotohanang matagal nang sinabi ni Cristo. Ito ang “pananampalataya” ninyo—ang inyong “pananampalatayang walang karumihan.” Tinrato Ko ang tao sa mahigpit na pamantayan sa buong panahon. Kung may kaakibat na mga balak at kondisyon ang katapatan mo, mas nanaisin Ko pang wala ang tinatawag mong katapatan, sapagkat nasusuklam Ako sa mga nanlilinlang sa Akin sa pamamagitan ng kanilang mga balak at nangingikil sa Akin sa pamamagitan ng mga kondisyon. Hiling Ko lamang na maging lubos na tapat sa Akin ang tao, at gawin ang lahat ng bagay para sa kapakanan ng—at para patunayan ang—isang salita: pananampalataya. Kinamumuhian Ko ang paggamit ninyo ng mga pambobola upang subukang pasayahin Ako, sapagkat palagi Ko kayong pinakitunguhan nang may sinseridad, at kaya ninanais Ko ring pakitunguhan ninyo Ako nang may totoong pananampalataya. Pagdating sa pananampalataya, maaaring iniisip ng marami na sumusunod sila sa Diyos sapagkat may pananampalataya sila, kung hindi ay hindi sila magtitiis ng gayong pagdurusa. Kaya ito ang tanong Ko sa iyo: Kung naniniwala ka sa pag-iral ng Diyos, bakit hindi mo Siya kinatatakutan? Kung naniniwala ka sa pag-iral ng Diyos, bakit wala ka ni katiting na pangamba sa Kanya sa puso mo? Tinatanggap mong si Cristo ang pagkakatawang-tao ng Diyos, ngunit bakit hinahamak mo Siya? Bakit ka lapastangang umaasal sa Kanya? Bakit lantaran mo Siyang hinahatulan? Bakit palagi mong minamanmanan ang Kanyang mga pagkilos? Bakit hindi ka nagpapasakop sa Kanyang mga pagsasaayos? Bakit hindi ka kumikilos nang naaayon sa Kanyang salita? Bakit mo kinikikilan at pinagnanakawan Siya ng mga alay para sa Kanya? Bakit ka nagsasalita mula sa kinatatayuan ni Cristo? Bakit mo hinuhusgahan kung tama ba ang gawain at salita Niya? Bakit ka nangangahas na lapastanganin Siya sa Kanyang likuran? Ang mga ito ba at ang iba pa ang bumubuo sa pananampalataya ninyo?

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Isa Ka bang Tunay na Mananampalataya sa Diyos?

Ang inyong pagkontra sa Diyos at paghadlang sa gawain ng Banal na Espiritu ay sanhi ng inyong mga kuru-kuro at likas na kayabangan. Hindi ito dahil mali ang gawain ng Diyos, kundi dahil masyado kayong likas na mapaghimagsik. Matapos masumpungan ang kanilang paniniwala sa Diyos, hindi man lamang masabi ng ilang tao nang may katiyakan kung saan nanggaling ang tao, subalit nangangahas silang magtalumpati sa publiko na sumusukat sa mga tama at mali sa gawain ng Banal na Espiritu. Sinesermunan pa nila ang mga apostol na mayroong bagong gawain ng Banal na Espiritu, na nagkokomento at nagsasalita nang wala sa lugar; napakababa ng kanilang pagkatao, at wala ni katiting na katinuan sa kanila. Hindi ba’t darating ang araw na itataboy ng gawain ng Banal na Espiritu ang gayong mga tao, at susunugin ng mga apoy ng impiyerno? Hindi nila alam ang gawain ng Diyos, kundi sa halip ay pinipintasan ang Kanyang gawain, at sinusubukan ding turuan ang Diyos kung paano gumawa. Paano makikilala ng gayong mga taong wala sa katwiran ang Diyos? Nakikilala ng tao ang Diyos habang naghahanap at nagdaranas; hindi nakikilala ng tao ang Diyos sa pamamagitan ng kaliwanagan ng Banal na Espiritu sa pamamagitan ng pamimintas ayon sa gusto niya. Kapag mas tumpak ang kaalaman ng mga tao tungkol sa Diyos, mas hindi nila Siya kinokontra. Sa kabilang dako, kapag mas kakaunti ang alam ng tao tungkol sa Diyos, mas malamang na kontrahin nila Siya. Ang iyong mga kuru-kuro, ang dati mong likas na pagkatao, at ang iyong pagkatao, ugali at moral na pananaw ang puhunan na ipinanlalaban mo sa Diyos, at habang mas tiwali ang iyong moralidad, kasuklam-suklam ang iyong mga katangian, at mababa ang iyong pagkatao, mas kaaway ka ng Diyos. Yaong mga nagtataglay ng matitinding kuru-kuro at may mapagmagaling na disposisyon ay mas lalo pang kinapopootan ng Diyos na nagkatawang-tao; ang gayong mga tao ang mga anticristo. Kung hindi naitama ang iyong mga kuru-kuro, palaging magiging laban sa Diyos ang mga ito; hindi ka magiging kaayon ng Diyos kailanman, at lagi kang malalayo sa Kanya.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Pag-alam sa Tatlong Yugto ng Gawain ng Diyos ang Landas Tungo sa Pagkilala sa Diyos

Hindi nagagalak sa katotohanan ang ilang tao, lalo na sa paghatol. Sa halip, nagagalak sila sa kapangyarihan at mga kayamanan; ang mga taong ganoon ay tinatawag na mga mapaghanap ng kapangyarihan. Hinahanap lamang nila ang mga denominasyon sa mundo na may impluwensya, at hinahanap lamang nila ang mga pastor at mga gurong galing sa mga seminaryo. Bagaman tinanggap na nila ang daan ng katotohanan, hindi sila lubos na naniniwala; wala silang kakayahang ibigay ang lahat ng puso at isip nila, ang mga bibig nila ay bumibigkas ng mga salita ng paggugol ng mga sarili nila para sa Diyos, ngunit ang kanilang mga mata ay nakatuon sa mga dakilang pastor at guro, at hindi nila binibigyan si Cristo ng karagdagang pansin. Nakatuon ang kanilang mga puso sa katanyagan, kayamanan, at karangalan. Hindi sila naniniwalang ang isang ganoon kaliit na tao ay may kakayahang lupigin ang napakarami, na ang isang hindi kapansin-pansin ay mapeperpekto ang tao. Iniisip nilang imposibleng ang mga hamak na kasama ng alikabok at mga tambak ng dumi ay ang mga taong hinirang ng Diyos. Naniniwala silang kung ang gayong mga tao ang mga pakay ng pagliligtas ng Diyos, ang langit at lupa ay mababaliktad, at ang lahat ng tao ay tatawa nang tatawa. Naniniwala silang kung pinili ng Diyos ang gayong mga hamak upang perpektuhin, kung gayon ang mga dakilang taong iyon ay magiging Diyos Mismo. Ang mga pananaw nila ay may bahid ng kawalan ng paniniwala; higit pa sa hindi paniniwala, sila ay mga hibang na hayop lamang. Sapagkat pinahahalagahan lamang nila ang katayuan, katanyagan, at kapangyarihan, at pinahahalagahan lamang nila ang malalaking grupo at denominasyon. Wala silang ni katiting na pagmamalasakit para sa mga inakay ni Cristo; sila ay mga nagkakanulo lamang na tumalikod kay Cristo, sa katotohanan, at sa buhay.

Hindi ang pagpapakumbaba ni Cristo ang hinahangaan mo, kundi ang mga huwad na pastol na may bantog na katayuan. Hindi mo minamahal ang pagiging kaibig-ibig o ang karunungan ni Cristo, kundi iyong mahahalay na nakalublob sa karumihan ng mundo. Tinatawanan mo ang pasakit ni Cristo na walang lugar na mapagpapahingahan ng Kanyang ulo, ngunit hinahangaan mo ang mga bangkay na naghahanap ng mga alay at namumuhay sa kabuktutan. Hindi ka handang magdusa sa tabi ni Cristo, ngunit masayang inihahagis ang sarili sa mga bisig ng mga walang habas na anticristo, kahit na tinutustusan ka lamang nila ng laman, mga salita, at kontrol. Kahit ngayon, bumabaling pa rin sa kanila ang puso mo, tungo sa kanilang reputasyon, sa kanilang katayuan, sa kanilang impluwensya. Gayunpaman patuloy kang nagtataglay ng saloobin na nahihirapan kang lunukin ang gawain ni Cristo at hindi mo ito matanggap. Ito ang dahilan kung bakit sinasabi Kong kulang ka sa pananampalataya upang kilalanin si Cristo. Ang dahilan kung bakit ka sumunod sa Kanya hanggang ngayon ay dahil lamang wala kang ibang pagpipilian. Nangingibabaw sa puso mo magpakailanman ang isang serye ng matatayog na imahe; hindi mo makakalimutan ang kanilang bawat salita at gawa, ni ang kanilang maimpluwensiyang mga salita at mga kamay. Sa mga puso ninyo, sila ay kataas-taasan at mga bayani magpakailanman. Ngunit hindi ganito para sa Cristo ng kasalukuyan. Wala Siyang halaga sa puso mo magpakailanman, at hindi karapat-dapat sa katakutan magpakailanman. Sapagkat napakakaraniwan Niya, may lubhang napakaliit na impluwensya, at malayo sa pagiging napakatayog.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Isa Ka bang Tunay na Mananampalataya sa Diyos?

Ang inaalala lamang ng maraming sumusunod sa Diyos ay kung paano magtamo ng mga pagpapala o umiwas sa sakuna. Sa sandaling nabanggit ang gawain at pamamahala ng Diyos, tumatahimik sila at nawawalan ng lahat ng interes. Iniisip nila na ang pag-unawa sa gayong nakababagot na isyu ay hindi magpapalago sa kanilang buhay o magbibigay ng anumang pakinabang. Sa gayon, bagama’t narinig na nila ang tungkol sa pamamahala ng Diyos, hindi nila ito seryosong hinaharap. Hindi nila ito itinuturing na isang bagay na mahalagang tanggapin, lalong hindi nila tinatanggap ito sa pamamagitan ng pagturing dito bilang bahagi ng kanilang buhay. Iisa lamang ang simpleng layunin ng gayong mga tao sa pagsunod sa Diyos, at ang layuning iyon ay ang tumanggap ng mga pagpapala. Ang gayong mga tao ay hindi nag-aabalang pansinin ang anumang ibang bagay na walang direktang kinalaman sa layuning ito. Para sa kanila, walang mithiing mas lehitimo kaysa maniwala sa Diyos upang makatanggap ng mga pagpapala—ito mismo ang halaga ng kanilang pananampalataya. Kung may isang bagay na hindi nakakatulong sa layuning ito, nananatili silang ganap na hindi naaantig nito. Ganyan ang karamihan sa mga taong naniniwala sa Diyos ngayon. Ang kanilang layunin at adhikain ay mukhang lehitimo, dahil habang naniniwala sila sa Diyos, gumugugol din sila para sa Diyos, inaalay nila ang kanilang sarili sa Diyos, at ginagampanan nila ang kanilang tungkulin. Isinusuko nila ang kanilang kabataan, tinatalikuran ang pamilya at propesyon, at gumugugol pa ng maraming taon na malayo sa tahanan na nag-aabala. Para sa kapakanan ng kanilang pangunahing mithiin, binabago nila ang kanilang sariling mga interes, ang kanilang pananaw sa buhay, at maging ang direksyong kanilang hinahanap; subalit hindi nila mabago ang layunin ng kanilang paniniwala sa Diyos. Paroo’t parito sila para sa pamamahala ng sarili nilang mga huwaran; gaano man kalayo ang daan, at gaano man karami ang mga hirap at balakid sa daan, nananatili silang matiyaga at walang takot sa kamatayan. Anong kapangyarihan ang nagtutulak sa kanila na patuloy na ialay ang kanilang sarili sa ganitong paraan? Ang kanila bang konsiyensya? Ang kanila bang dakila at marangal na katangian? Ang kanila bang determinasyong labanan ang mga puwersa ng kasamaan hanggang sa pinakahuli? Ang kanila bang pananampalatayang magpatotoo sa Diyos nang hindi naghahanap ng kapalit? Ang kanila bang katapatan sa pagiging handang isuko ang lahat upang maisakatuparan ang kalooban ng Diyos? O ang kanila bang diwa ng debosyon na laging isakripisyo ang personal na maluluhong kahilingan? Ang magbigay pa rin ng napakalaki ang isang taong hindi kailanman naunawaan ang gawain ng pamamahala ng Diyos, sa payak na pananalita, ay isang himala! Sa sandaling ito, huwag nating talakayin kung gaano kalaki ang naibigay ng mga taong ito. Ang kanilang pag-uugali, gayunman, ay lubos na karapat-dapat nating himayin. Bukod pa sa mga pakinabang na lubos na nauugnay sa kanila, maaari kayang may iba pang mga dahilan kaya ang mga taong hindi kailanman nauunawaan ang Diyos ay nagbibigay ng napakalaki sa Kanya? Dito, natutuklasan natin ang isang dating di-matukoy na problema: Ang relasyon ng tao sa Diyos ay lantarang para sa sariling interes lamang nito. Isa itong relasyon sa pagitan ng isang tumatanggap at isang nagbibigay ng pagpapala. Sa madaling salita, ito ang relasyon sa pagitan ng empleyado at ng amo. Nagtatrabaho nang husto ang empleyado para lang makatanggap ng mga gantimpalang ipinagkakaloob ng amo. Walang pagmamahal sa gayong relasyon na nakabatay lang sa interes, transaksyon lamang. Walang nagmamahal o minamahal, kawanggawa at awa lamang. Walang pag-unawa, walang magawang pigil na galit at panlilinlang lamang. Walang pagiging matalik, isang pagitan lamang na hindi matatawid. Ngayong umabot na ang mga bagay-bagay sa puntong ito, sino ang makapagbabaligtad ng gayong takbo? At ilang tao ang may kakayahang tunay na maunawaan kung gaano na kalala ang relasyong ito? Naniniwala Ako na kapag ibinuhos ng mga tao ang kanilang sarili sa galak ng pagiging mapalad, walang sinumang makakaisip kung gaano kahiya-hiya at hindi magandang tingnan ang gayong relasyon sa Diyos.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Apendise 3: Maaari Lamang Maligtas ang Tao sa Gitna ng Pamamahala ng Diyos

Mas higit pa sa bilang ng mga butil ng buhangin sa tabing-dagat ang Aking mga gawa, at mas lalong dakila pa kaysa sa lahat ng anak ni Solomon ang Aking karunungan, ngunit ang palagay sa Akin ng mga tao ay isa lamang manggagamot na walang kabuluhan at isang hindi kilalang guro ng tao. Napakaraming naniniwala sa Akin para lamang pagalingin Ko sila. Napakaraming naniniwala sa Akin para lamang gamitin Ko ang Aking kapangyarihan upang itaboy ang maruruming espiritu mula sa kanilang mga katawan, at napakaraming naniniwala sa Akin para lamang makatanggap sila ng kapayapaan at kagalakan mula sa Akin. Napakaraming naniniwala sa Akin para lamang hingan Ako ng mas maraming materyal na kayamanan. Napakaraming naniniwala sa Akin para lamang gugulin ang buhay na ito sa kapayapaan at maging ligtas at matiwasay sa mundong darating. Napakaraming nananampalataya sa Akin para maiwasan ang pagdurusa ng impiyerno at para matanggap ang mga pagpapala ng langit. Napakaraming nananampalataya sa Akin para lang sa pansamantalang kaginhawahan, ngunit hindi naghahangad magkamit ng anuman sa mundong darating. Kapag ibinubuhos Ko ang Aking matinding galit sa mga tao at binabawi Ko ang lahat ng kaligayahan at kapayapaan na dati nilang taglay, napupuno sila ng pagdududa. Kapag ibinibigay Ko sa mga tao ang pagdurusa ng impiyerno at binabawi Ko ang mga pagpapala ng langit, nagagalit sila nang husto. Kapag hinihiling sa Akin ng mga tao na pagalingin Ko sila, at hindi Ko sila pinapakinggan at namuhi Ako sa kanila; nililisan nila Ako upang sa halip ay hanapin ang paraan ng panggagaway at pangkukulam. Kapag inaalis Ko ang lahat ng hiningi ng mga tao sa Akin, naglalaho silang lahat nang walang bakas. Samakatwid, sinasabi Ko na ang mga tao ay may pananalig sa Akin sapagkat masyadong masagana ang biyaya Ko, at dahil masyadong maraming pakinabang na makakamit.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ano ang Alam Mo sa Pananampalataya?

Sa tuwing binabanggit ang hantungan, itinuturing ninyo ito nang may espesyal na kaseryosohan; higit pa riyan, kayong lahat ay partikular na sensitibo tungkol sa bagay na ito. May ilang taong hindi makapaghintay na iyukod ang kanilang mga ulo hanggang lupa, yumuyuko nang mababa sa harap ng Diyos para lamang makapagkamit ng magandang hantungan. Nakikilala Ko ang inyong pagiging masigasig, na hindi na kailangang ilahad pa sa pamamagitan ng mga salita. Ito’y dahil lamang ayaw ninyong humantong ang inyong laman sa kapahamakan, at bukod pa rito, ayaw ninyong mahulog sa walang hanggang kaparusahan sa hinaharap. Kayo ay umaasa lamang na tulutan ang inyong sarili na mabuhay nang higit na malaya at maalwan. Kaya kayo ay lalong higit na nagiging maligalig sa tuwing nababanggit ang hantungan, lubos na nangangamba na kapag hindi kayo naging sapat na maingat, maaaring magkasala kayo sa Diyos at makatatanggap kung gayon ng nararapat na parusa. Hindi kayo nag-alinlangan na makipagkompromiso para lamang sa inyong hantungan, at maging ang marami sa inyo na dating mapanlinlang at walang galang ay bigla na lamang naging napakamalumanay at tapat; ang anyo ng inyong katapatan ay nakapangingilabot sa mga tao. Gayon pa man, lahat kayo’y may mga “tapat” na puso, at patuloy ninyong ibinabahagi sa Akin ang mga lihim ng inyong mga puso nang walang anumang itinatago, maging ito man ay hinaing, panlilinlang o pamimintuho. Sa kabuuan, napakamatapat ninyong “ikinumpisal” sa Akin ang napakahalagang mga bagay na nasa kaibuturan ng inyong pagiging tao. Mangyari pa, hindi Ko iniwasan kailanman ang gayong mga bagay, dahil naging napakapamilyar na ang mga ito sa Akin. Mas nanaisin pa ninyong pumasok sa dagat ng apoy alang-alang sa inyong huling hantungan kaysa mawalan ng isa mang hibla ng buhok para makamit ang pagsang-ayon ng Diyos. Hindi sa Ako ay nagiging masyadong dogmatiko sa inyo; kayo ay labis na nagkukulang lamang sa pusong namimintuho upang harapin ang lahat ng Aking ginagawa. Maaaring hindi ninyo naiintindihan kung ano ang kapapahayag Ko lamang, kaya hayaan ninyo Akong magbigay sa inyo ng payak na paliwanag: Ang kailangan ninyo ay hindi ang katotohanan at buhay; ni ang mga prinsipyo kung paano kayo kikilos, lalong hindi ang Aking maingat na paggawa. Sa halip, ang kailangan ninyo ay ang lahat na taglay ng inyong laman—kayamanan, katayuan, pamilya, buhay may-asawa, at iba pa. Lubos ninyong ipinagwawalang-bahala ang Aking mga salita at gawain, kung kaya’t malalagom Ko ang inyong pananampalataya sa iisang salita: padaskol. Gagawin ninyo ang kahit ano upang matamo lamang ang mga bagay na inyong pinipintuho nang labis, ngunit natuklasan Kong hindi ninyo ito gagawin alang-alang sa mga bagay na tungkol sa inyong paniniwala sa Diyos. Sa halip, kayo ay bahagyang nakatuon, at bahagyang masigasig. Iyan ang dahilan kung bakit sinasabi Kong ang mga taong walang pusong may sukdulang katapatan ay mga bigo sa kanilang paniniwala sa Diyos. Pag-isipan ninyong mabuti—marami bang mga bigo sa inyong hanay?

Dapat ninyong malaman na natatamo ang tagumpay sa paniniwala sa Diyos bilang resulta ng sariling mga kilos ng mga tao; kapag hindi nagtatagumpay ang mga tao bagkus ay nabibigo, iyon din ay dahil sa sarili nilang mga kilos, at walang papel na ginagampanan ang anupamang bagay. Naniniwala Ako na gagawin ninyo ang lahat ng maaaring gawin para makamit ang isang bagay na mas mahirap at nangangailangan ng higit na pagdurusa kaysa paniniwala sa Diyos, at ituturing ninyo ito na napakaseryoso, kung kaya’t hindi ninyo pahihintulutan ang anumang mga pagkakamali; ito ang mga uri ng walang-humpay na pagsisikap na ibinubuhos ninyo sa sarili ninyong mga buhay. Kaya pa nga ninyong linlangin ang Aking katawang-tao sa mga pagkakataon kung saan hindi ninyo lilinlangin ang sarili ninyong pamilya. Ito ang inyong palagiang pag-uugali at ang prinsipyong ipinamumuhay ninyo. Hindi ba’t nagkukunwari pa rin kayo para linlangin Ako alang-alang sa inyong hantungan, upang ang inyong hantungan ay maging lubos na maganda at ayon sa lahat ng inyong hinahangad? Batid Kong panandalian lamang ang inyong pamimintuho, gayundin ang inyong katapatan. Hindi ba’t ang inyong paninindigan at ang halagang ibinabayad ninyo ay para lamang sa ngayon at hindi para sa hinaharap? Nais lamang ninyong magbuhos ng huling pagsisikap para matiyak ang isang magandang hantungan, na ang tanging layunin ay makipagpalitan. Hindi ninyo ginagawa ang pagsisikap na ito upang maiwasan ang pagkakautang sa katotohanan, at lalong hindi upang bayaran Ako sa halagang pinagbayaran Ko. Sa madaling salita, handa lamang kayong gumamit ng mga tusong pakana upang makamit ang inyong gusto, pero hindi ang ipaglaban ito. Hindi ba’t ang mga ito ang mga iniisip-isip mo? Hindi kayo dapat magbalatkayo, o magpagod sa pag-iisip tungkol sa inyong hantungan hanggang sa puntong hindi na kayo makakain o makatulog. Hindi ba totoo na ang kahihinatnan ninyo ay naitakda na sa huli?

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tungkol sa Hantungan

Sa bawat araw, ang mga gawa at saloobin ng bawat isang tao ay nakikita ng mga mata Niya, kasabay nito, sila ay naghahanda para sa kanilang sariling kinabukasan. Ito ang landas na dapat tahakin ng lahat ng nabubuhay at ito ang Aking itinalaga para sa lahat. Walang sinumang makatatakas dito at walang palalagpasin. Walang bilang ang mga salitang Aking binanggit, at ang gawaing Aking ginagawa ay hindi masusukat. Araw-araw, Ako ay nagmamatyag habang ang bawat tao ay natural na tinutupad ang lahat ng dapat niyang gawin alinsunod sa kanyang angking kalikasan at sa paglago ng kanyang kalikasan. Nang hindi namamalayan, marami nang tumahak sa “tamang landas,” na Aking itinalaga para sa paghahayag ng iba’t ibang uri ng tao. Nailagay Ko na ang bawat uri ng tao sa iba’t ibang mga kapaligiran, at sa kani-kanilang mga lugar, ang bawat isa ay naghahayag ng kanyang mga likas na katangian. Walang sinuman ang gumagapos sa kanila, wala ni isa mang umaakit sa kanila. Sila ay malaya sa kanilang kabuuan at ang kanilang ipinapahayag ay natural na nagaganap. Mayroon lamang isang bagay na nagpapanatili sa kanila, at iyon ang Aking mga salita. Sa gayon, ang ilang tao ay binabasa ang Aking mga salita nang may sama ng loob, hindi kailanman isinasagawa ang mga ito, ginagawa lamang upang maiwasan ang kamatayan. Samantalang ang iba ay nahihirapang tiisin ang mga araw na wala ang Aking mga salita para gabayan at matustusan sila, kaya natural nilang pinanghahawakan ang Aking mga salita sa lahat ng oras. Sa paglipas ng panahon, natutuklasan nila ang lihim ng buhay ng tao, ang hantungan ng sangkatauhan, at ang halaga ng pagiging tao. Ganito talaga ang sangkatauhan sa presensiya ng Aking mga salita, at hinahayaan Ko lang ang mga pangyayari na tahakin ang natural nitong landas. Wala Akong ginagawang anumang gawain upang pilitin ang tao na gawing pundasyon ng kanilang pag-iral ang Aking mga salita. Kung kaya’t ang mga taong hindi kailanman nagkaroon ng konsensya o iyong ang pag-iral ay hindi kailanman nagkaroon ng halaga, ay buong tapang na isinasantabi ang Aking mga salita at gumagawa ng anumang naisin nila matapos ang tahimik na pagmamasid sa mga nangyayari. Nagsisimula silang maging tutol sa katotohanan at ang lahat ng nagmumula sa Akin. Bukod dito, tutol sila sa pamamalagi sa Aking tahanan. Ang mga taong ito ay pansamantalang nanunuluyan sa loob ng Aking tahanan para sa kapakanan ng kanilang hantungan at upang makatakas sa kaparusahan, kahit na sila ay nagtatrabaho. Ngunit hindi kailanman nagbabago ang kanilang mga layunin, maging ang kanilang mga pagkilos. Higit pa nitong hinihikayat ang kanilang pagnanais para sa mga pagpapala, at pinalalakas ang kanilang pagnanais na makapasok sa Aking kaharian nang isang beses at manatili rito nang walang hanggan—kahit na ang makapasok sa langit na walang hanggan. Habang lalo pa nilang hinahangad na mas mapabilis ang pagdating ng Aking araw, mas lalo nilang nararamdaman na naging isang balakid ang katotohanan, isang sagabal sa kanilang daan. Hindi na sila makapaghintay na tumapak sa kaharian upang maranasan magpakailanman ang mga biyaya ng kaharian ng langit, nang hindi nangangailangang hanapin ang katotohanan o tanggapin ang paghatol at pagkastigo, at higit sa lahat, nang hindi nangangailangang gumapang sa loob ng Aking tahanan at sumunod sa Aking mga utos. Ang mga taong ito ay pumapasok sa Aking bahay hindi upang tuparin ang pagnanais ng kanilang puso na hanapin ang katotohanan o kaya ay makipagtulungan sa Aking pamamahala. Naglalayon lamang silang maging isa sa mga taong hindi wawasakin sa susunod na kapanahunan. Kung kaya’t hindi kailanman nalaman ng kanilang mga puso kung ano ang katotohanan o kung paano tanggapin ang katotohanan. Ito ang dahilan kung bakit ang ganitong uri ng tao ay hindi kailanman isinagawa ang katotohanan o nakaunawa sa matinding lalim ng kanilang katiwalian, at sa kabila nito ay nakatira sa Aking tahanan bilang “tagapaglingkod” hanggang sa wakas. Sila ay “matiyagang” naghihintay sa pagdating ng Aking araw, at walang kapaguran kahit nalilito na sila sa paraan ng Aking gawain. Subalit gaano man kadakila ang kanilang naging pagsisikap o anuman ang halaga na kanilang ibinayad, walang sinumang nakakita na sila ay nagdusa para sa katotohanan o nagsakripisyo para sa Akin. Sa kanilang mga puso, hindi nila kayang hintayin na makita ang araw na wawakasan Ko ang lumang kapanahunan, at bukod pa rito, hindi sila makapaghintay na malaman kung gaano kadakila ang Aking kapangyarihan at awtoridad. Ang hindi nila minadaling gawin ay ang baguhin ang kanilang sarili at hangarin ang katotohanan. Mahal nila ang tinututulan Ko, at tutol sila sa minamahal Ko. Kinasasabikan nila ang bagay na kinapopootan Ko, ngunit natatakot silang mawala ang mga bagay na Aking kinasusuklaman. Nakatira sila sa masamang mundong ito nang hindi kailanman nasuklam dito, gayunman ay natatakot nang masidhi na ito ay Aking wawasakin. Sa kabila ng kanilang nagsasalungat na intensiyon, mahal nila ang mundong ito na Aking kinapopootan, ngunit hinahangad din nila na wasakin Ko ito sa lalong madaling panahon, upang sila ay makaiwas sa paghihirap na dala ng pagkawasak at maging mga panginoon sa susunod na kapanahunan, bago pa sila malihis mula sa tunay na daan. Ito ay dahil hindi nila minamahal ang katotohanan at tutol sila sa lahat ng nanggagaling sa Akin. Marahil sila ay magiging “masunuring tao” sa maikling panahon para lamang hindi mawalan ng mga pagpapala, ngunit ang kanilang pagkabahala na makatanggap ng pagpapala at ang kanilang takot na mapahamak at papasukin sa lawa ng nagniningas na apoy ay hindi kailanman maitatago. Habang papalapit ang Aking araw, lalong lumalakas ang kanilang pagnanais. At habang lumalaki ang kalamidad, mas lalo silang walang magawa, hindi alam kung saan magsisimula upang mapasaya Ako at upang maiwasang mawalan ng mga pagpapala na matagal nilang inasam-asam. Kapag nag-umpisang kumilos ang Aking kamay, ang mga taong ito ay sabik gumawa ng pagkilos upang maglingkod bilang pamunuan. Ang iniisip lamang nila ay ang lumusob sa pinakaunahang linya ng mga hukbo, sa labis na takot na hindi Ko sila makikita. Ginagawa at sinasabi nila ang sa palagay nila ay tama, nang hindi kailanman nalalaman na ang kanilang mga gawa at kilos ay hindi kailanman nauugnay sa katotohanan, at ang kanilang ginagawa ay sumisira at gumugulo lamang sa Aking mga plano. Bagama’t gumawa sila ng malaking pagsisikap at maaaring naging totoo sa kanilang kagustuhan at layuning tiisin ang mga paghihirap, ngunit wala sa ginagawa nila ang may kinalaman sa Akin, dahil hindi Ko kailanman nakitang nagmula sa mabuting layunin ang kanilang mga gawa, at mas lalo Ko silang hindi nakitang naglagay ng anumang bagay sa Aking altar. Ganyan ang kanilang mga gawa sa Aking harapan sa loob ng maraming taon.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Dapat Ninyong Isaalang-alang ang Inyong mga Gawa

Sa loob ng maraming taon ng Aking gawain, maraming natamo ang mga tao, at maraming tinalikdan, subalit sinasabi Ko pa rin na hindi talaga sila naniniwala sa Akin. Sapagkat kinikilala lamang ng mga tao na Ako ang Diyos gamit ang kanilang bibig, ngunit hindi sila sumasang-ayon sa mga katotohanang ipinapahayag Ko, at, dagdag pa riyan, hindi nila isinasagawa ang mga katotohanang hinihiling Kong gawin nila. Ibig sabihin, kinikilala lamang ng mga tao ang pag-iral ng Diyos, ngunit hindi ang katotohanan; kinikilala lamang ng mga tao ang pag-iral ng Diyos, ngunit hindi ang buhay; kinikilala lamang ng mga tao ang pangalan ng Diyos, ngunit hindi ang Kanyang diwa. Kinasusuklaman Ko sila dahil sa kanilang kasigasigan, sapagkat gumagamit lamang sila ng mga salitang masarap pakinggan para linlangin Ako; walang isa man sa kanila ang talagang sumasamba sa Akin. Ang inyong mga salita ay naglalaman ng tukso ng ahas; higit pa riyan, sukdulan sa kahambugan ang mga ito, isang tunay na pagpapahayag ng arkanghel. Dagdag pa riyan, ang inyong mga gawa ay nakakahiya dahil sira-sira at gutay-gutay; ang inyong walang-habas na mga pagnanasa at mapag-imbot na mga layunin ay masakit pakinggan. Lahat kayo ay naging mga gamu-gamo sa Aking sambahayan, mga bagay na Aking itataboy. Sapagkat walang isa man sa inyo ang nagmamahal sa katotohanan; bagkus, hangad ninyong mapagpala, makaakyat sa langit, mamasdan ang kagila-gilalas na pangitain ni Cristo na ginagamit ang Kanyang kapangyarihan sa lupa. Ngunit naisip ba ninyo kailanman kung paanong ang katulad ninyo, na napakatiwali, na walang ideya kung ano ang Diyos, ay maaaring maging karapat-dapat na sumunod sa Diyos? Paano kayo makakaakyat sa langit? Papaano kayo magiging karapat-dapat na mamasdan ang mariringal na tagpo, mga tagpong walang katulad sa kanilang ningning? Ang inyong bibig ay puno ng mga salita ng panlilinlang at karumihan, ng pagkakanulo at kayabangan. Kailanma’y hindi kayo nangusap ng mga salita ng katapatan sa Akin, walang mga banal na salita, walang mga salita ng pagpapasakop sa Akin matapos maranasan ang Aking salita. Ano, sa huli, ang katulad ng inyong pananampalataya? Walang anuman kundi pagnanasa at salapi ang nasa inyong puso, at wala kundi mga materyal na bagay ang nasa inyong isipan. Araw-araw, kinakalkula ninyo kung paano makakakuha ng isang bagay mula sa Akin. Araw-araw, binibilang ninyo kung gaano kalaking kayamanan at gaano karaming materyal na bagay ang natamo ninyo mula sa Akin. Araw-araw, hinihintay ninyong bumaba sa inyo ang mas marami pang biyaya nang sa gayon ay matamasa ninyo, nang mas marami at mas mataas ang kalidad, ang mga bagay na maaaring matamasa. Hindi Ako ang laman ng inyong isipan sa bawat isang sandali, ni ang katotohanang nagmumula sa Akin, kundi ang inyong asawa, inyong mga anak, at ang mga bagay na inyong kinakain at isinusuot. Iniisip ninyo kung paano kayo magtatamo ng higit at mas mataas pang kasiyahan. Ngunit kahit halos pumutok na ang inyong tiyan sa kabusugan, hindi pa rin ba kayo isang bangkay? Kahit, sa tingin, napapalamutian ninyo nang marangyang bihisan ang inyong sarili, hindi pa rin ba kayo naglalakad na bangkay na walang buhay? Nagpapakahirap kayo alang-alang sa inyong sikmura, hanggang sa tubuan na kayo ng uban, subalit walang sinuman sa inyo ang nagsasakripisyo ni isang hibla ng buhok para sa Aking gawain. Palagi kayong humahangos, pinapagod ninyo ang inyong katawan at kinakalog ninyo ang inyong utak, para sa kapakanan ng inyong sariling laman, at para sa inyong mga anak—subalit wala ni isa sa inyo ang nagpapakita ng anumang pag-aalala o malasakit para sa Aking mga layunin. Ano pa ba ang inaasam ninyong matamo mula sa Akin?

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Marami ang Tinawag, Datapuwa’t Kakaunti ang Nahirang

Sumunod na kayo sa Akin sa mga nakalipas na taon, ngunit hindi ninyo Ako nabigyan ni katiting na katapatan kailanman. Sa halip, napainog ninyo ang inyong buhay sa mga taong mahal ninyo at sa mga bagay na nagpapasaya sa inyo—kaya sa tuwina, at saanman kayo magpunta, pinanatili ninyo silang malapit sa puso ninyo at hindi sila pinabayaan kailanman. Tuwing kinasasabikan o kinagigiliwan ninyo ang anumang bagay na gustung-gusto ninyo, nangyayari ito habang sumusunod kayo sa Akin, o kahit habang nakikinig kayo sa Aking mga salita. Kaya nga, sinasabi Ko na ginagamit ninyo ang katapatang hinihingi Ko sa inyo upang sa halip ay maging matapat sa inyong mga “paborito” at itangi ang mga ito. Magsakripisyo man kayo ng isa o dalawang bagay para sa Akin, hindi ito kumakatawan sa lahat ng maibibigay ninyo, at hindi nagpapakita na sa Akin kayo talaga matapat. Nakikibahagi kayo sa mga gawaing gustung-gusto ninyo: Matapat ang ilang tao sa mga anak na lalaki at babae, ang iba naman sa kanilang asawa, kayamanan, trabaho, nakatataas, katayuan, o kababaihan. Hindi kayo nagsasawa o nayayamot kailanman sa mga bagay na matapat kayo; sa halip, lalo pa kayong nasasabik na magkaroon ng mas marami ng mga bagay na ito na mas mataas ang kalidad, at hindi kayo sumusuko kailanman. Ako at ang Aking mga salita ay palaging nahuhuli sa mga bagay na gustung-gusto ninyo. At wala kayong magagawa kundi ihuli ang mga ito. Mayroon pang mga tao na inihuhuli ito para sa mga bagay na matapat sila na kailangan pa nilang tuklasin. Kailanma’y wala ni katiting na bakas Ko sa puso nila. Maaari ninyong isipin na napakarami Kong hinihingi sa inyo o mali Ako sa pag-akusa sa inyo—ngunit naisip na ba ninyo kahit kailan ang katotohanan na habang masaya kayong gumugugol ng oras sa piling ng inyong pamilya, ni minsan ay hindi kayo naging matapat sa Akin? Sa ganitong mga pagkakataon, hindi ba kayo nasasaktan? Kapag puspos ng kagalakan ang inyong puso, at ginantimpalaan kayo para sa inyong mga pagpapagal, hindi ba kayo nalulungkot na hindi ninyo napagkalooban ang inyong sarili ng sapat na katotohanan? Kailan kayo naiyak dahil hindi ninyo natanggap ang Aking pagsang-ayon? Nag-iisip kayong mabuti at lubhang nagpapakasakit alang-alang sa inyong mga anak na lalaki at babae, ngunit hindi pa rin kayo nasisiyahan; naniniwala pa rin kayo na hindi kayo nagpakasipag para sa kanila, na hindi pa ninyo nagagawa ang lahat ng kaya ninyo para sa kanila. Gayunman, sa Akin, lagi kayong nagpapabaya at walang-ingat; nasa alaala lamang ninyo Ako, ngunit hindi Ako nananatili sa puso ninyo. Ang Aking debosyon at mga pagsisikap ay hindi ninyo nadarama palagi, at hindi kayo kailanman nagkaroon ng pagpapahalaga sa mga iyon. Nagninilay-nilay lamang kayo sandali at naniniwala na sasapat na ito. Hindi ganito ang “katapatan” na matagal Ko nang pinananabikan, kundi ito yaong matagal Ko nang kinasusuklaman.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Kanino Ka Matapat?

Nakapagpahayag na Ako ng napakaraming salita, at naipahayag Ko na rin ang mga layunin at disposisyon Ko, ngunit kahit ganoon, walang kakayahan pa rin ang mga tao na makilala Ako at manalig sa Akin. O, maaaring sabihin, walang kakayahan pa rin ang mga tao na magpasakop sa Akin. Yaong mga nabubuhay sa loob ng Bibliya, yaong mga nabubuhay sa saklaw ng batas, yaong mga nabubuhay sa krus, yaong mga nabubuhay ayon sa mga regulasyon, yaong mga nabubuhay sa gitna ng mga gawaing ginagawa Ko ngayon—sino sa kanila ang kaayon Ko? Iniisip lamang ninyo na tumanggap ng mga pagpapala at mga gantimpala, ngunit hindi pa ninyo kailanman inisip kung paano talaga magiging kaayon Ko, o kung paano mapipigilan ang mga sarili ninyo na maging laban sa Akin. Sobra Akong dismayado sa inyo, dahil napakarami Ko nang naibigay sa inyo, ngunit napakakaunti ng nakamit Ko mula sa inyo. Ang inyong panlilinlang, kayabangan, kasakiman, labis-labis na mga paghahangad, pagkakanulo, at pagsuway—alin sa mga ito ang hindi Ko mapapansin? Pabaya kayo sa Akin, niloloko ninyo Ako, nilalait ninyo Ako, nililinlang ninyo Ako, sinisingil ninyo Ako at kinikikilan ninyo Ako para sa mga sakripisyo—paano makaiiwas sa kaparusahan Ko ang gayong kasamaan? Ang lahat ng paggawa ng masama na ito ay isang patunay ng pagkapoot ninyo sa Akin at patunay ng inyong hindi pagkakatugma sa Akin. Ang bawat isa sa inyo ay naniniwalang ang sarili ninyo ay sobrang kaayon Ko, ngunit kung ganoon nga, kanino mailalapat ang gayong hindi mapabubulaanang patunay? Naniniwala kayong tinataglay ng mga sarili ninyo ang sukdulang kataimtiman at katapatan sa Akin. Iniisip ninyong kayo ay napakabait, napakamahabagin, at naglaan na nang sobra para sa Akin. Iniisip ninyong higit sa sapat na ang nagawa ninyo para sa Akin. Ngunit sinuri na ba ninyo ito kailanman kumpara sa sarili ninyong mga kilos? Sinasabi Kong kayo ay napakamapagmataas, napakasakim, napakawalang interes; ang mga panlalansing ginagamit ninyo upang lokohin Ako ay napakatuso, at marami kayong kasuklam-suklam na layunin at kasuklam-suklam na pamamaraan. Masyadong katiting ang katapatan ninyo, masyadong kaunti ang sigasig ninyo, at ang budhi ninyo ay higit pang mas salat. Mayroong labis na paghahangad ng masama sa puso ninyo, at may masama kayong hangarin sa lahat, maging sa Akin. Pinagsasarhan ninyo Ako para sa kapakanan ng inyong mga anak, o ng inyong asawa, o para mapangalagaan ninyo ang inyong sarili. Sa halip na magmalasakit sa Akin, nagmamalasakit kayo sa pamilya ninyo, sa mga anak ninyo, sa katayuan ninyo, sa kinabukasan ninyo, at sa sarili ninyong kasiyahan. Kailan pa ninyo Ako naisip habang nagsasalita o kumikilos kayo? Sa napakalalamig na araw, bumabaling ang isip ninyo sa inyong mga anak, sa inyong asawa, o sa inyong mga magulang. Sa napakaiinit na araw, wala rin Akong lugar sa isip ninyo. Kapag ginagampanan mo ang tungkulin mo, iniisip mo ang sarili mong kapakanan, ang sarili mong kaligtasan, ang mga kasapi ng pamilya mo. Ano ba ang nagawa mo na kailanman para sa Akin? Kailan mo ba Ako naisip? Kailan mo ba nailaan ang sarili mo, anuman ang kapalit, para sa Akin at sa gawain Ko? Nasaan ang katibayan na kaayon Kita? Nasaan ang realidad ng katapatan mo sa Akin? Nasaan ang realidad ng pagpapasakop mo sa Akin? Kailan ba na ang mga layunin mo ay hindi naging alang-alang sa pagkamit mo ng mga pagpapala Ko? Niloloko at nililinlang ninyo Ako, pinaglalaruan ninyo ang katotohanan, itinatago ninyo ang pag-iral ng katotohanan, at ipinagkakanulo ang diwa ng katotohanan. Ano ang naghihintay sa inyo sa hinaharap sa paglaban sa Akin sa ganitong paraan? Naghahangad lamang kayong maging kaayon ng isang malabong Diyos, at naghahangad lamang ng isang malabong paniniwala, ngunit hindi kayo kaayon ni Cristo. Hindi ba magdudulot ang kasamaan ninyo ng kaparehong ganti na kagaya ng nararapat sa masasama? Sa oras na iyon, mapagtatanto ninyo na walang sinumang di-kaayon ni Cristo ang makatatakas sa araw ng poot, at matutuklasan ninyo kung anong uri ng ganti ang ibibigay sa yaong mga laban kay Cristo.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Dapat Mong Hangarin ang Daan ng Pagiging Kaayon ni Cristo

Sa inyong paghahangad, napakarami ninyong indibidwal na mga kuru-kuro, pag-asam, at hinaharap. Ang kasalukuyang gawain ay para pungusan ang inyong pagnanais na magkaroon ng katayuan at ang inyong maluluhong pagnanasa. Ang mga pag-asam, katayuan, at mga kuru-kuro ay pawang mga halimbawang kumakatawan ng satanikong disposisyon. Umiiral ang mga ito sa puso ng mga tao dahil palaging sinisira ng lason ni Satanas ang isipan ng mga tao, at palaging hindi maiwaksi ng mga tao ang mga tuksong ito ni Satanas. Nakasadlak sila sa kasalanan subalit hindi sila naniniwala na kasalanan iyon, at iniisip pa rin nila: “Naniniwala kami sa Diyos, kaya kailangan Niya kaming pagkalooban ng mga pagpapala at angkop na isaayos ang lahat para sa amin. Naniniwala kami sa Diyos, kaya kailangan makalamang kami sa iba, at kailangan magkaroon kami ng mas magandang katayuan at kinabukasan kaysa sa iba. Dahil naniniwala kami sa Diyos, kailangan Niya kaming bigyan ng walang-hanggang mga pagpapala. Kung hindi, hindi iyon matatawag na paniniwala sa Diyos.” Sa loob ng maraming taon, ang mga kaisipang naging sandigan ng mga tao para manatiling buhay ay sumisira na sa kanilang puso hanggang sa sila ay maging taksil, duwag, at kasuklam-suklam. Hindi lamang sila walang malakas at matibay na pagpapasya, kundi sila rin ay naging ganid, mapagmataas at sutil. Walang-wala silang anumang paninindigan na dumaraig sa sarili, at higit pa riyan, wala silang katiting na tapang na iwaksi ang mga paghihigpit ng mga impluwensiyang ito ng kadiliman. Ang saloobin at buhay ng mga tao ay bulok na bulok kaya ang kanilang mga pananaw tungkol sa paniniwala sa Diyos ay napakapangit pa rin, at kahit kapag nagsasalita ang mga tao tungkol sa kanilang mga pananaw sa paniniwala sa Diyos, talagang hindi iyon matitiis pakinggan. Ang lahat ng tao ay duwag, walang kakayahan, kasuklam-suklam, at marupok. Wala silang nadaramang pagkasuklam para sa mga puwersa ng kadiliman, at wala silang nadaramang pagmamahal para sa liwanag at katotohanan; sa halip, ginagawa nila ang lahat upang maalis ang mga ito. Hindi ba ganito rin ang inyong kasalukuyang mga iniisip at pananaw? “Dahil naniniwala ako sa Diyos dapat akong buhusan ng mga pagpapala at dapat matiyak na ang aking katayuan ay hindi bababa kailanman at na mananatili itong mas mataas kaysa sa mga walang pananampalataya.” Hindi ka nagkikimkim ng ganyang klaseng pananaw sa iyong kalooban sa loob ng isa o dalawang taon lamang, kundi sa loob ng maraming taon. Sobra-sobra ang pag-iisip mong makipagkasundo. Bagama’t nakarating ka na sa hakbang na ito ngayon, hindi ka pa rin bumibitiw sa katayuan kundi palagi mong pinipilit na alamin ang tungkol dito, at inoobserbahan ito araw-araw, nang may malaking takot na balang araw ay mawala ang iyong katayuan at masira ang iyong pangalan. Hindi pa isinasantabi ng mga tao ang pagnanais nilang guminhawa.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Bakit Ayaw Mong Maging Panghambing?

Maraming tao sa Aking likuran ang nagnanasa sa mga pakinabang ng katayuan, nagpapakasasa sila sa pagkain, mahilig silang matulog at masusing pinangangalagaan ang laman, palaging natatakot na wala nang pag-asa para sa laman. Hindi nila ginagampanan ang kanilang nararapat na tungkulin sa iglesia, bagkus ay sinasamantala ang iglesia, o kaya ay pinagsasabihan ang kanilang mga kapatid gamit ang Aking mga salita, napinipigilan ang iba mula sa mga posisyon ng awtoridad. Palaging sinasabi ng mga taong ito na sumusunod sila sa kalooban ng Diyos at palaging sinasabi na sila ay mga kaniig ng Diyos—hindi ba ito katawa-tawa? Kung ikaw ay may mga tamang motibasyon, ngunit hindi magawang maglingkod ayon sa mga layunin ng Diyos, ikaw ay nagpapakahangal; ngunit kung ang iyong motibasyon ay hindi tama, at sinasabi mo pa rin na ikaw ay naglilingkod sa Diyos, ikaw ay isang taong sumasalungat sa Diyos, at nararapat kang parusahan ng Diyos! Wala Akong simpatya sa mga ganoong tao! Sa sambahayan ng Diyos, nagsasamantala sila, palaging nagnanasa ng mga kaginhawahan ng laman, at walang pagsasaalang-alang sa mga interes ng Diyos. Palagi nilang hinahanap kung ano ang mabuti para sa kanila, at hindi nila iniintindi ang mga layunin ng Diyos. Hindi nila tinatanggap ang pagsusuri ng Espiritu ng Diyos sa anumang ginagawa nila. Palagi silang baliko at mapanlinlang at mapandaya sa kanilang mga kapatid, na mga doble-kara, tulad ng isang soro sa ubasan, palaging nagnanakaw ng mga ubas at tinatapak-tapakan ang ubasan. Maaari bang maging mga kaniig ng Diyos ang gayong mga tao? Ikaw ba ay angkop na tumanggap ng mga pagpapala ng Diyos? Hindi ka umaako ng pasanin para sa iyong buhay at sa iglesia, ikaw ba ay angkop na tumanggap ng atas ng Diyos? Sino ang mangangahas na magtiwala sa isang katulad mo? Kapag ikaw ay naglilingkod nang ganito, maaari bang ipagkatiwala ng Diyos sa iyo ang mas malaking gawain? Hindi ba ito magdudulot ng mga pagkaantala sa gawain?

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Paano Maglingkod na Kaayon ng Kalooban ng Diyos

Kinalulugdan Ko ang mga hindi mapaghinala sa iba, at gusto Ko ang mga tumatanggap kaagad ng katotohanan; nagpapakita Ako ng labis na pagkalinga sa dalawang uri ng mga taong ito, dahil matatapat silang mga tao sa Aking paningin. Kung mapanlinlang ka, magiging malihim at mapaghinala ka sa lahat ng tao at bagay, kaya ang pananampalataya mo sa Akin ay maitatayo sa isang pundasyon ng paghihinala. Hindi Ko kailanman maaaring kilalanin ang ganitong pananampalataya. Sa kakulangan ng tunay na pananampalataya, mas lalo kang salat sa tunay na pagmamahal. At kung malamang na pagdudahan mo ang Diyos at sinasadya mong gumawa ng haka-haka tungkol sa Kanya, kung gayon walang kaduda-dudang ikaw ang pinakamapanlinlang sa lahat ng tao. Nag-iisip-isip ka kung maaaring maging katulad ng tao ang Diyos: makasalanang di-mapapatawad, mababaw ang pagkatao, salat sa pagiging makatarungan at katwiran, walang pagkaunawa sa katarungan, mahilig sa mapanirang mga kaparaanan, taksil at tuso, nalulugod sa kasamaan at kadiliman, at iba pa. Hindi ba’t ang dahilan kaya may ganitong kaisipan ang mga tao ay sapagkat wala sila ni bahagyang kaalaman sa Diyos? Kasalanan talaga ang ganitong uri ng pananampalataya! Mayroon pa ngang ibang naniniwala na ang mga nagbibigay-lugod sa Akin ay ang mga nambobola at sumisipsip, at hindi tatanggapin sa tahanan ng Diyos at mawawalan ng lugar doon ang mga walang kasanayan sa ganoong mga bagay. Ito lamang ba ang tanging kaalamang nakuha ninyo pagkatapos ng maraming taon? Ito ba ang nakamit ninyo? At hindi tumitigil sa mga maling pagkaunawang ito ang kaalaman ninyo sa Akin; mas malala pa ay ang kalapastanganan ninyo sa Espiritu ng Diyos at pinagmumukha ninyong masama sa Langit. Ito ang dahilan kaya sinasabi Kong magdudulot lamang ng lalong paglayo ninyo sa Akin at higit pang pagsalungat sa Akin ang pananampalatayang tulad ng sa inyo. Sa loob ng maraming taon ng gawain, marami na kayong nakitang katotohanan, ngunit alam ba ninyo kung ano ang narinig ng Aking mga tainga? Ilan sa inyo ang handang tanggapin ang katotohanan? Naniniwala kayong lahat na handa kayong bayaran ang halaga ng katotohanan, ngunit ilan sa inyo ang tunay na nagdusa para sa katotohanan? Walang iba kundi pagiging hindi matuwid ang nasa mga puso ninyo, na nagpapaisip sa inyo na ang lahat, maging sino man sila, ay parehong mapanlinlang at buktot—hanggang sa puntong naniniwala pa nga kayo na ang Diyos na nagkatawang-tao, tulad ng karaniwang tao, ay maaaring walang mabuting puso o mapagmalasakit na pagmamahal. Higit pa riyan, naniniwala kayo na sa Diyos na nasa langit lamang umiiral ang isang marangal na katangian at isang mahabagin at mapagmalasakit na kalikasan. Naniniwala kayong walang santong tulad nito, na tanging kadiliman at kasamaan ang naghahari sa lupa, samantalang ang Diyos ay isang bagay na pinaglalagakan ng mga tao ng kanilang pananabik sa mabuti at maganda, isang maalamat na nilalang na gawa-gawa lamang nila. Sa inyong mga isipan, ang Diyos na nasa langit ay lubhang marangal, matuwid, at dakila, karapat-dapat sa pagsamba at paghanga; samantala, itong Diyos na nasa lupa ay panghalili lamang, at isang kasangkapan, ng Diyos na nasa langit. Naniniwala kayo na hindi magiging kapantay ng Diyos na nasa langit ang Diyos na ito, at lalong hindi Siya dapat mabanggit nang tulad ng pagbanggit sa Kanya. Pagdating sa kadakilaan at karangalan ng Diyos, tumutukoy ito sa kaluwalhatian ng Diyos na nasa langit, ngunit pagdating sa kalikasan at sa katiwalian ng tao, mga katangian ito na may bahagi ang Diyos na nasa lupa. Walang-hanggang matayog ang Diyos na nasa langit, samantalang magpakailanmang hamak, mahina, at walang kakayahan ang Diyos na nasa lupa. Hindi nadadala ng mga damdamin ng laman ang Diyos na nasa langit, kundi sa pagiging matuwid lamang, samantalang may makasariling dahilan lamang at walang anumang pagkamakatarungan o katwiran ang Diyos na nasa lupa. Wala kahit bahagyang kabuktutan at tapat magpakailanman ang Diyos na nasa langit, samantalang laging may mapandayang katangian ang Diyos na nasa lupa. Mahal na mahal ng Diyos na nasa langit ang tao, samantalang nagpapakita ng hindi sapat na pag-aaruga sa tao ang Diyos na nasa lupa, at lubos pa nga itong pinababayaan. Matagal na sa mga puso ninyo ang nakalilinlang na kaalamang ito at maaari rin itong maipagpatuloy sa hinaharap. Tinitingnan ninyo ang lahat ng gawa ni Cristo mula sa pananaw ng mga hindi matuwid at sinusuri ang lahat ng Kanyang gawain, gayundin ang Kanyang pagkakakilanlan at diwa, mula sa pananaw ng masama. Nakagawa kayo ng matinding pagkakamali at nagawa ninyo ang hindi pa kailanman nagagawa ng mga nauna sa inyo. Ibig sabihin, pinaglilingkuran lamang ninyo ang dakilang Diyos na nasa langit na may korona sa Kanyang ulo, at hindi kayo kailanman nagsisilbi sa Diyos na itinuturing ninyo na napakahamak kaya hindi ninyo Siya nakikita. Hindi ba’t ito ay inyong kasalanan? Hindi ba ito isang karaniwang halimbawa ng pagkakasala ninyo laban sa disposisyon ng Diyos? Sinasamba ninyo ang Diyos na nasa langit. Sinasamba ninyo ang matatayog na larawan at pinahahalagahan ang mga bantog dahil sa kanilang kahusayang magsalita. Nagagalak kang mautusan ng Diyos na pumupuno sa iyong mga kamay ng mga yaman, at pinananabikan nang labis ang Diyos na makatutupad ng bawat nais mo. Ang Diyos na ito na hindi matayog ang tanging hindi mo sinasamba; ang pakikisama sa Diyos na hindi kayang igalang ng sinuman ang nag-iisang bagay na kinapopootan mo. Ang paglingkuran ang Diyos na hindi kailanman nagbigay sa iyo ng kahit isang sentimo ang tanging bagay na hindi mo handang gawin, at ang hindi kaibig-ibig na Diyos na ito ang Siyang natatangi na hindi magawang panabikin ka sa Kanya. Walang kakayahan ang ganitong Diyos na mapalawak ang mga pananaw mo, na maiparamdam sa iyo na tila ba may natagpuan kang kayamanan, at lalong hindi Niya matutupad ang nais mo. Kung gayon, bakit mo Siya sinusunod? Napag-isipan mo na ba ang mga katanungang tulad nito? Sa ginagawa mo ay hindi ka lamang nagkakasala sa Cristong ito; mas mahalaga, nagkakasala ka sa Diyos na nasa langit. Sa palagay Ko, hindi ito ang layunin ng pananampalataya ninyo sa Diyos!

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Paano Mababatid ang Diyos na Nasa Lupa

Maraming tao ang mas nanaisin pang maparusahan sa impiyerno kaysa magsalita at kumilos nang tapat. Hindi kataka-takang iba ang magiging pagtrato Ko sa mga hindi tapat. Siyempre pa, alam na alam Ko kung gaano kahirap sa inyo ang maging tapat. Sapagkat matatalino kayong lahat, napakahusay sa pagtimbang sa mga tao gamit ang sarili ninyong makitid na panukat, ginagawa nitong mas payak ang gawain Ko. At yamang ang bawat isa sa inyo ay niyayakap sa dibdib ang mga lihim ninyo, isa-isa Ko kayong ilalagay sa kapahamakan upang “turuan” sa pamamagitan ng apoy, nang sa gayon pagkatapos nito ay maaari kayong maging desidido sa paniniwala ninyo sa mga salita Ko. Sa huli, hihilahin Ko mula sa mga bibig ninyo ang mga salitang “Ang Diyos ay matapat na Diyos,” pagkatapos ay hahampasin ninyo ang mga dibdib ninyo at mananaghoy na, “Mapanlinlang ang puso ng tao!” Ano ang magiging kalagayan ng isip ninyo sa oras na ito? Ipinagpapalagay Kong hindi kayo magiging kasing matagumpay na tulad ninyo ngayon. At lalong hindi kayo magiging kasing “lalim at mahirap unawain” na tulad ninyo ngayon. Sa presensiya ng Diyos, maaayos at wastong kumilos ang ilang tao, pinaghihirapan nilang maging “maayos ang asal,” subalit inilalantad nila ang mga pangil nila at iwinawasiwas ang mga kuko nila sa presensiya ng Espiritu. Ibibilang ba ninyo ang ganitong mga tao sa hanay ng mga tapat? Kung isa kang ipokrito, isang taong bihasa sa “pakikipagkapwa,” sinasabi Kong tiyak na isa kang taong tinatratong basta-basta ang Diyos. Kung puno ng mga palusot at mga walang halagang pangangatwiran ang mga salita mo, sinasabi Kong isa kang taong ayaw isagawa ang katotohanan. Kung marami kang sekretong atubili kang ibahagi, kung ayaw na ayaw mong ilantad ang mga lihim mo—ang mga paghihirap mo—sa harap ng iba upang hanapin ang daan ng liwanag, sinasabi Kong isa kang taong hindi madaling matatamo ang kaligtasan, at hindi madaling makakaahon mula sa kadiliman.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tatlong Paalaala

Hinahanap Ako ng tao sa gitna ng pasakit, at bumabaling siya sa Akin sa mga oras ng pagsubok. Sa mga panahon ng kapayapaan ay nasisiyahan siya sa Akin, kapag nasa panganib ay ikinakaila niya Ako, kapag abala ay kinalilimutan niya Ako, at kapag hindi siya abala ay gumagawa siya nang hindi nag-iisip para sa Akin—subalit walang sinuman kailanman na nagmahal sa Akin habambuhay nila. Nais Ko sanang maging taimtim ang tao sa Aking harapan: Hindi Ko hinihiling na bigyan niya Ako ng anuman, kundi na seryosohin lamang Ako ng lahat ng tao, na, sa halip na bolahin Ako, tinutulutan nila Akong ibalik ang katapatan ng tao. Laganap sa lahat ng tao ang Aking kaliwanagan, pagpapalinaw, at halaga ng Aking mga pagsisikap, subalit laganap din sa lahat ng tao ang tunay na katotohanan ng bawat kilos ng tao, tulad ng kanilang panlilinlang sa Akin. Para bang ang mga sangkap ng panlilinlang ng tao ay nasa kanya na mula pa sa sinapupunan, na parang taglay na niya ang mga natatanging kasanayan sa pandaraya mula nang isilang. Bukod pa riyan, hindi niya kailanman ibinunyag ang plano; walang sinumang nakaaninag sa ugat ng mga kasanayang ito sa pandaraya. Dahil dito, nabubuhay ang tao sa gitna ng panlilinlang nang hindi ito namamalayan, at parang pinatatawad niya ang kanyang sarili, parang ito ang mga plano ng Diyos sa halip na kanyang sadyang panlilinlang sa Akin. Hindi ba ito mismo ang pinagmulan ng panlilinlang ng tao sa Akin? Hindi ba ito ang kanyang tusong pakana? Hindi Ako nalito kailanman ng huwad na matatamis ng salita ng tao, sapagkat matagal Ko nang napagtanto ang kanyang diwa. Sino ang nakakaalam kung gaano karumi ang nasa kanyang dugo, at kung gaano karami ang kamandag ni Satanas na nasa utak ng kanyang buto? Lalo iyong nakakasanayan ng tao sa bawat araw na lumilipas, kaya hindi na niya nadarama ang pinsalang dulot ni Satanas, at sa gayon ay wala siyang interes na alamin ang “sining ng malusog na pamumuhay.”

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Salita ng Diyos sa Buong Sansinukob, Kabanata 21

Napakaganda ng pananampalataya ninyo; sinasabi ninyong handa kayong gugulin ang buong buhay ninyo sa ngalan ng gawain Ko, at na handa kayong ialay ang mga buhay ninyo para dito, ngunit hindi gaanong nagbago ang mga disposisyon ninyo. Mapagmataas lamang kayong nagsasalita, sa kabila ng katotohanang ubod ng sama ng aktuwal na pag-uugali ninyo. Ito ay para bang nasa langit ang mga dila at labi ng mga tao ngunit naroroon sa lupa ang mga binti nila, at bunga nito, gutay-gutay at wasak pa rin ang mga salita at mga gawa at mga dangal nila. Nawasak na ang mga dangal ninyo, malahayop ang ugali ninyo, ang paraan ninyo ng pagsasalita ay mababa, at kasuklam-suklam ang mga buhay ninyo; maging ang kabuuan ng pagkatao ninyo ay lumubog na sa hamak na kababaan. Makitid ang isip ninyo tungo sa iba, at nakikipagtalo kayo sa bawat maliit na bagay. Nakikipag-away kayo tungkol sa sarili ninyong mga reputasyon at katayuan, kahit na sa puntong handa kayong bumaba sa impiyerno at sa lawa ng apoy. Sapat na sa Akin ang kasalukuyang mga salita at mga gawa ninyo upang matukoy na makasalanan kayo. Ang saloobin ninyo tungo sa gawain Ko ay husto na para matukoy Ko na kayo ay mga di-matuwid, at ang lahat ng mga disposisyon ninyo ay sapat na upang masabing kayo ay ang mga marurungis na kaluluwang puno ng mga karimarimarim na bagay. Ang mga ipinamamalas ninyo at kung ano ang ibinubunyag ninyo ay husto na upang sabihing mga tao kayong nakainom ng labis na dugo ng maruruming espiritu. Kapag nababanggit ang pagpasok sa kaharian, hindi ninyo ibinubunyag ang mga damdamin ninyo. Naniniwala ba kayong kung ano kayo ngayon ay sapat na para makalakad kayo papasok sa pultahan ng Aking kaharian ng langit? Naniniwala ba kayong makakapasok kayo sa banal na lupain ng gawain at mga salita Ko, nang hindi Ko muna nasusubok ang sarili ninyong mga salita at mga gawa? Sino ang makapagtatakip sa mga mata Ko? Paano makatatakas sa paningin Ko ang kasuklam-suklam at abang mga pag-uugali at mga pakikipag-usap ninyo? Natukoy Ko na ang mga buhay ninyo bilang mga buhay ng pag-inom ng dugo at pagkain ng laman nila na maruruming espiritu sapagkat tinutularan ninyo ang mga ito sa harapan Ko bawat araw. Sa harap Ko, masyadong masama ang pag-uugali ninyo, kaya paano Ko kayo hindi maituturing na nakasusuklam? Naglalaman ang mga salita ninyo ng mga karumihan ng maruruming espiritu: Nanlilinlang, nagkukubli, at nambobola kayo kagaya nila na nakikibahagi sa pangkukulam at kagaya nila na nagsasagawa ng panlilinlang at umiinom ng dugo ng mga hindi matuwid. Ubod ng baliko ang lahat ng mga pagpapahayag ng tao, kaya paano mailalagay ang lahat ng tao sa banal na lupain kung saan naroroon ang mga matuwid? Iniisip mo bang ituturing kang banal dahil sa kasuklam-suklam mong pag-uugali kumpara sa kanila na hindi matuwid? Sisirain kalaunan ng mala-ahas mong dila itong laman mong nagdudulot ng pagkawasak at gumagawa ng mga karimarimarim na bagay, at ang mga kamay mong iyon na nababalutan ng dugo ng maruruming espiritu ay hihilahin din kalaunan ang kaluluwa mo sa impiyerno. Kung gayon, bakit hindi ka lumulukso sa pagkakataong ito na linisin ang mga kamay mong puno ng dungis? At bakit hindi mo sinasamantala ang pagkakataong ito na putulin ang dila mong iyan na nagsasalita ng hindi matuwid na mga salita? Maaari kayang handa kang magdusa sa mga apoy ng impiyerno alang-alang sa mga kamay, dila, at mga labi mo? Binabantayan Ko ng dalawang mata ang puso ng lahat, sapagkat matagal na panahon bago Ko pa nilikha ang sangkatauhan, nahawakan Ko na ang mga puso nila sa Aking mga kamay. Matagal Ko nang natalos ang mga puso ng mga tao, kaya paano makatatakas sa paningin Ko ang mga kaisipan nila? Paanong hindi pa masyadong huli upang makatakas sila sa pagsunog ng Espiritu Ko?

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Masyadong Hamak ang Pagkatao Ninyong Lahat!

Mas mabait kaysa sa mga kalapati ang mga labi mo, ngunit ang puso mo ay mas masama kaysa sa ahas noong unang panahon. Kasing ganda maging ng mga kababaihan ng Lebanon ang mga labi mo, gayon pa man hindi mas mabuti ang puso mo kaysa sa kanila, at tiyak na hindi ito maihahambing sa kagandahan ng mga taga-Canaan. Masyadong mapanlinlang ang puso mo! Ang mga bagay na kinasusuklaman Ko ay ang mga labi lamang ng mga hindi matuwid at ang mga puso nila, at ang mga hinihingi Ko sa mga tao ay hindi mas mataas sa anumang paraan kaysa sa inaasahan Ko sa mga banal; nakararamdam lamang Ako ng pagkasuklam para sa masasamang gawain ng mga hindi matuwid, at umaasa Akong magagawa nilang itakwil ang karumihan nila at tumakas mula sa kasalukuyan nilang suliranin upang umangat sila mula sa kanila na hindi matuwid at mamuhay at maging banal kasama nila na matuwid. Kayo ay nasa kalagayang katulad ng sa Akin, gayon pa man nababalot kayo ng dungis; hindi man lamang kayo nagtataglay ni katiting ng pinakaunang wangis ng mga taong nilikha noong simula. Bukod dito, sapagkat araw-araw ninyong tinutularan ang tulad nila na maruruming espiritu, ginagawa ang ginagawa nila at sinasabi ang sinasabi nila, ang lahat ng mga bahagi ninyo—maging ang mga dila at mga labi ninyo—ay nakababad sa mabahong tubig nila, hanggang sa puntong ganap na kayong nababalutan ng gayong mga mantsa, at wala kahit isang bahagi ninyo ang maaaring gamitin para sa gawain Ko. Masyado itong makadurog-puso! Namumuhay kayo sa ganitong daigdig ng mga kabayo at baka, gayon pa man ay hindi talaga kayo nakararamdam ng ligalig; puno kayo ng galak at namumuhay kayo nang malaya at magaan. Lumalangoy kayo sa paligid ng mabahong tubig na iyon, gayon pa man hindi mo talaga napagtatantong nahulog ka na sa gayong suliranin. Bawat araw, nakikisama ka sa maruruming espiritu at nakikipag-ugnayan sa “dumi ng tao.” Talagang bulgar ang mga buhay ninyo, gayon pa man hindi mo talaga namamalayang lubos kang hindi umiiral sa daigdig ng mga tao at na hindi ikaw ang nagkokontrol sa sarili mo. Hindi mo ba alam na ang buhay mo ay matagal nang nayurakan ng maruruming espiritung iyon, o na ang pagkatao mo ay matagal nang nadungisan ng mabahong tubig? Iniisip mo bang namumuhay ka sa panlupang paraiso, at na nasa gitna ka ng kaligayahan? Hindi mo ba alam na namuhay ka ng isang buhay sa tabi ng maruruming espiritu, at na magkasama kayong umiral kasama ng lahat ng bagay na inihanda ng mga ito para sa iyo? Paano magkakaroon ng anumang kahulugan ang paraan ng pamumuhay mo? Paano magkakaroon ng anumang halaga ang buhay mo? Naging masyado kang abala para sa mga magulang mo, mga magulang na maruruming espiritu, gayon pa man wala ka talagang hinagap na ang mga sumisilo sa iyo ay sila na mga magulang na maruruming espiritu na nagsilang sa iyo at nagpalaki sa iyo. Bukod dito, lingid sa kaalaman mong ang lahat ng dungis mo sa katunayan ay ibinigay nila sa iyo; ang alam mo lamang ay na maaari ka nilang dalhan ng “pagtatamasa,” hindi ka nila kinakastigo, ni hindi ka nila hinahatulan, at lalong hindi ka nila sinusumpa. Hindi pa kailanman sila pumutok sa galit sa iyo, ngunit tinatrato ka nila nang may paggiliw at kabaitan. Ang mga salita nila ay bumubusog sa puso mo at bumibighani sa iyo hanggang sa malito ka at, nang hindi ito napagtatanto, ikaw ay idinamay na nila at handa nang maglingkod sa kanila at nagiging labasan ng sama ng loob at tagasilbi nila. Wala kang anumang karaingan, ngunit handa kang gumawa para kanila na parang mga aso, parang mga kabayo; nilihis ka nila. Sa dahilang ito, ganap na wala kang reaksyon sa gawaing isinasakatuparan Ko. Hindi nakapagtatakang palagi mong nais na palihim na lumusot sa mga daliri Ko, at hindi nakapagtatakang palagi mong nais gumamit ng matatamis na salita upang mapanlinlang na humingi ng pabor mula sa Akin. Lumalabas na mayroon ka nang iba pang plano, iba pang pagsasaayos. Maaari mong makita nang kaunti ang mga kilos Ko bilang ang Makapangyarihan, ngunit wala ka ni katiting na kaalaman sa paghatol at pagkastigo Ko. Wala kang hinagap kung kailan nagsimula ang pagkastigo Ko; ang alam mo lamang ay kung paano Ako dayain—gayon pa man hindi mo alam na hindi Ako magpaparaya sa anumang paglabag mula sa tao. Yamang gumawa ka na ng mga resolusyon na paglingkuran Ako, hindi kita pakakawalan. Isa Akong Diyos na kinapopootan ang kasamaan, at isa Akong Diyos na naninibugho sa sangkatauhan. Yamang nailagay mo na ang mga salita mo sa dambana, hindi Ko kukunsintihin ang pagtakbo mo sa mismong harap ng mga mata Ko, ni hindi Ko kukunsintihin na naglilingkod ka sa dalawang panginoon. Inisip mo bang maaari kang magkaroon ng pangalawang pagmamahal matapos mong mailagay na ang mga salita mo sa dambana Ko at sa harap ng mga mata Ko? Paano Ko mapapayagan ang mga tao na gawin Akong isang hangal sa gayong paraan? Inisip mo bang maaari kang basta-basta gumawa ng mga panata at mga panunumpa sa Akin gamit ang dila mo? Paano ka nakagagawa ng mga panunumpa sa trono Ko, ang trono Ko na Siyang Kataas-taasan? Inisip mo bang lumipas na ang mga panunumpa mo? Hayaan ninyong sabihin Ko sa inyo: Kahit pa maaaring pumanaw ang mga laman ninyo, ang mga panunumpa ninyo ay hindi. Sa katapusan, parurusahan Ko kayo batay sa mga panunumpa ninyo. Gayunman, naniniwala kayong magagawa ninyong makitungo sa Akin nang pabasta-basta sa pamamagitan ng paglalagay ng mga salita ninyo sa harap Ko, at na makapaglilingkod sa maruruming espiritu at masasamang espiritu ang mga puso ninyo. Paano makapagpaparaya ang galit Ko sa kanila na malaaso at malababoy na mga taong dinaraya Ako? Dapat Kong isakatuparan ang mga atas administratibo Ko, at agawin pabalik mula sa mga kamay ng maruruming espiritu ang lahat ng labis na pormal at “relihiyoso” na mayroong pananampalataya sa Akin upang maaari silang “maghintay” sa Akin sa isang disiplinadong pamamaraan, maging Aking baka, maging Aking mga kabayo, at maging nasa awa ng Aking pagkakatay. Ipag-uutos Ko sa iyong ibalik ang dati mong determinasyon at muling paglingkuran Ako. Hindi Ako magpaparaya sa anumang nilikhang nanlilinlang sa Akin. Inisip mo bang maaari kang walang taros na gumawa ng mga hiling at magsinungaling sa harapan Ko? Inisip mo bang hindi Ko narinig o nakita ang mga salita at mga gawa mo? Paano mawawala sa paningin Ko ang mga salita at mga gawa mo? Paano Ko mapahihintulutan ang mga tao na linlangin Ako na katulad niyan?

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Masyadong Hamak ang Pagkatao Ninyong Lahat!

Gunitain ninyo ang nakaraan: Kailan naging galit ang Aking titig, at ang tinig Ko’y malupit, sa inyo? Kailan Ako nakipagtalo sa inyo? Kailan Ko ba kayo pinagsabihan nang wala sa katuwiran? Kailan Ko ba kayo pinagsabihan nang harap-harapan? Hindi ba ito para sa kapakanan ng Aking gawain kaya Ako ay nananawagan sa Aking Ama upang ingatan kayo mula sa tukso? Bakit ninyo Ako tinatrato nang ganito? Kahit kailan ba’y nagamit Ko ang Aking awtoridad upang pabagsakin ang inyong mga laman? Bakit ninyo Ako sinusuklian nang ganito? Matapos kayong mag-urong-sulong tungo sa Akin, hindi kayo mainit ni malamig, at pagkatapos ay tinatangka ninyong utuin Ako at pagtaguan Ako ng mga bagay-bagay, at ang inyong mga bibig ay puno ng dura ng mga di-matuwid. Sa tingin ba ninyo ay madadaya ng inyong mga dila ang Aking Espiritu? Sa tingin ba ninyo ay matatakasan ng inyong mga dila ang Aking poot? Sa tingin ba ninyo ay makakapagbigay ng paghatol ang inyong mga dila sa mga gawa Ko, si Jehova, paano man ng mga ito naisin? Ako ba ang Diyos na binibigyang-hatol ng tao? Mapapayagan Ko ba na ang isang maliit na uod ay lumapastangan sa Akin? Paano Ko mailalagay ang ganoong mga anak ng paghihimagsik sa gitna ng Aking mga walang-hanggang pagpapala? Ang inyong mga salita at gawa ay matagal nang naglantad at humatol sa inyo. Nang Aking iniunat ang mga kalangitan at nilikha ang lahat ng bagay, hindi Ko tinulutan ang kahit anong nilikha na lumahok ayon sa kanilang kagustuhan, lalong hindi Ko tinulutan ang kahit na anong bagay na gambalain ang Aking gawain at Aking pamamahala ayon sa kagustuhan nito. Wala Akong hinayaang tao o bagay; paano Ko kahahabagan yaong mga malupit at hindi-makatao tungo sa Akin? Paano Ko mapapatawad yaong mga ipinagkakanulo ang Aking mga salita? Paano Ko kahahabagan yaong mga naghihimagsik laban sa Akin? Ang kapalaran ba ng tao ay wala sa mga kamay Ko, ang Makapangyarihan sa lahat? Paano Ko maituturing ang iyong di-pagkamatuwid at paghihimagsik bilang banal? Paano madudungisan ng iyong mga kasalanan ang Aking kabanalan? Ako ay hindi nadudungisan ng karumihan ng di-matuwid, ni kinatutuwaan Ko ang mga alay ng mga di-matuwid. Kung ikaw ay tapat sa Akin, si Jehova, makukuha mo ba para sa sarili mo ang mga alay sa Aking altar? Magagamit mo ba ang iyong makamandag na dila upang lapastanganin ang Aking banal na pangalan? Maipagkakanulo mo ba ang Aking mga salita sa ganitong paraan? Maituturing mo ba ang Aking kaluwalhatian at banal na pangalan bilang isang kasangkapan upang maglingkod kay Satanas, ang masama? Ang Aking buhay ay inilalaan para sa kasiyahan ng mga banal. Paano kita mahahayaang paglaruan ang Aking buhay ayon sa iyong kagustuhan, at gamitin ito bilang isang kasangkapan sa alitan ninyo? Paano kayo nagiging napaka-walang-puso, at kulang na kulang sa daan ng kabutihan, sa kung paano kayo nakikitungo sa Akin? Hindi ba ninyo alam na naitala Ko na ang inyong masasamang gawain sa mga salitang ito ng buhay? Paano ninyo matatakasan ang araw ng poot kapag kinastigo Ko ang Ehipto? Paano Ko kayo mahahayaang labanan at maghimagsik laban sa Akin sa ganitong paraan, nang paulit ulit? Sinasabi Ko sa inyo nang malinaw, pagdating ng araw, ang inyong pagkastigo ay magiging higit na di-matitiis kaysa roon sa Ehipto! Paano ninyo matatakasan ang Aking araw ng poot?

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Walang Sinumang May Katawan ang Makakatakas sa Araw ng Poot

Yaong mga nag-iisip lamang tungkol sa kanilang laman at nagtatamasa ng kaginhawahan; yaong mga mukhang naniniwala nguni’t hindi talaga naniniwala; yaong mga nakikilahok sa masasamang panggagamot at pangkukulam; yaong mga walang delikadesa, at bagsak ang pagkatao; yaong mga nagnanakaw ng mga alay kay Jehova at ng Kanyang mga pag-aari; yaong mga nagmamahal sa mga suhol; yaong mga nangangarap nang walang ginagawa na makaakyat sa langit; yaong mga mapagmataas at palalo, na nagpupunyagi lamang para sa personal na kasikatan at pakinabang; yaong mga nagkakalat ng mga salitang walang katuturan; yaong mga lumalapastangan sa Diyos Mismo; yaong mga walang ginagawa kundi husgahan at siraang-puri ang Diyos Mismo; yaong mga naggugrupu-grupo at naghahangad na maging malaya; yaong mga dinadakila ang kanilang sarili nang higit sa Diyos; yaong walang-kuwentang mga kabataan, mga may-edad at matatandang kalalakihan at kababaihan na nasilo sa kahalayan; yaong kalalakihan at kababaihan na nagtatamasa ng personal na kasikatan at pakinabang at naghahabol ng personal na katayuan sa gitna ng iba; yaong mga taong hindi nagsisisi na nabitag sa kasalanan—hindi ba sila, lahat sila, ay walang pag-asang maligtas? Ang kahalayan, pagiging makasalanan, masamang panggagamot, pangkukulam, pagmumura, at walang-katuturang mga salita ay lahat talamak sa inyo; at ang katotohanan at mga salita ng buhay ay tinatapakan sa gitna ninyo, at ang banal na pananalita ay dinudungisan sa gitna ninyo. Kayong mga Hentil, na sobra sa karumihan at paghihimagsik! Ano ang kalalabasan ninyo sa huli? Paano naaatim ng mga nagmamahal sa laman, gumagawa ng pangkukulam ng laman, at nabibitag sa mahalay na kasalanan na patuloy na mabuhay! Hindi mo ba alam na ang mga taong katulad ninyo ay mga uod na walang pag-asang maligtas? Ano ang nagbigay sa inyo ng karapatang humingi ng kung anu-ano? Sa ngayon, wala ni katiting na pagbabago sa mga hindi nagmamahal sa katotohanan at nagmamahal lamang sa laman—paano maliligtas ang gayong mga tao? Yaong mga hindi minamahal ang daan ng buhay, mga hindi dumadakila sa Diyos at nagpapatotoo sa Kanya, mga nagpapakana alang-alang sa sarili nilang katayuan, na nagtataas sa kanilang mga sarili—hindi ba’t ganoon pa rin sila, kahit ngayon? Ano ang kabuluhan ng pagliligtas sa kanila? Kung maliligtas ka ay hindi depende sa kung gaano ka na katanda o ilang taon ka nang nagtatrabaho, at lalo nang hindi ito depende sa kung gaano karami ang mga kredensyal mo. Bagkus, depende ito sa kung nagbunga na ang iyong paghahabol. Kailangan mong malaman na yaong mga naliligtas ay ang “mga puno” na nagbubunga, hindi ang mga puno na may malalagong dahon at saganang bulaklak subali’t hindi nagbubunga. Kahit nakagugol ka na ng maraming taon sa paggala-gala sa mga lansangan, ano ang halaga niyon? Nasaan ang iyong patotoo? Napakaliit ng iyong may-takot-sa-Diyos na puso kumpara sa iyong pusong nagmamahal sa iyong sarili at sa iyong mahahalay na pagnanasa—hindi ba napakasama ng ganitong klaseng tao? Paano sila magiging uliran at huwaran para sa pagliligtas? Ang iyong kalikasan ay hindi na mababago, napakasuwail mo, wala ka nang pag-asang maligtas! Hindi ba ang gayong mga tao ang ititiwalag? Hindi ba ang oras na matatapos ang Aking gawain ang siyang oras ng pagdating ng huling araw mo? Napakarami Kong nagawang gawain at napakarami Kong nasambit na salita sa gitna ninyo—gaano karami nito ang tunay na nakapasok sa inyong mga tainga? Gaano karami nito ang nakapagpasakop na kayo? Kapag natapos ang Aking gawain, iyon ang magiging oras na titigil kang kontrahin Ako, na titigil kang kalabanin Ako. Habang Ako’y gumagawa, patuloy kayong kumikilos laban sa Akin; hindi kayo sumusunod sa Aking mga salita kahit kailan. Ginagawa Ko ang Aking gawain, at ginagawa mo ang iyong sariling “gawain,” gumagawa ng sarili mong munting kaharian. Kayo’y walang iba kundi mga soro at mga aso, ginagawa ang lahat para kontrahin Ako! Palagi ninyong sinusubukang yakapin yaong mga naghahandog sa inyo ng kanilang buong pagmamahal—nasaan ang inyong pusong may takot? Lahat ng ginagawa ninyo ay mapanlinlang! Wala kayong pagpapasakop o pagkatakot, at lahat ng ginagawa ninyo ay mapanlinlang at lapastangan! Maliligtas ba ang ganyang klaseng tao? Ang mga taong sekswal na imoral at mahalay ay palaging gustong akitin ang makikiring haliparot sa kanila para sa sarili nilang kasiyahan. Hindi Ko talaga ililigtas ang gayong sekswal na imoral na mga demonyo. Kinamumuhian Ko kayong maruruming demonyo, at ang inyong kahalayan at pagiging haliparot ay magsasadlak sa inyo sa impiyerno. Ano ang masasabi ninyo para sa inyong mga sarili? Nakakadiri kayong maruruming demonyo at masasamang espiritu! Nakasusuklam kayo! Paano maliligtas ang gayong klaseng basura? Maliligtas pa rin ba sila na nabibitag sa kasalanan? Ngayon, ang katotohanang ito, ang daang ito, at ang buhay na ito ay hindi umaakit sa inyo; bagkus, naaakit kayo sa pagkakasala; sa pera; sa reputasyon, katanyagan at pakinabang; sa mga kasiyahan ng laman; sa kaguwapuhan ng mga lalaki at kariktan ng mga babae. Ano ang nagbibigay ng karapatan sa inyo na pumasok sa Aking kaharian? Ang inyong larawan ay higit pa kaysa sa Diyos, ang inyong katayuan ay mas mataas pa kaysa sa Diyos, maliban pa sa inyong kabantugan sa mga tao—naging idolo na kayo na sinasamba ng mga tao. Hindi ba kayo naging ang arkanghel? Kapag inihahayag na ang mga kalalabasan ng mga tao, na kung kailan rin malapit nang matapos ang gawain ng pagliligtas, marami sa inyo ang magiging mga bangkay na wala nang pag-asang maligtas at kailangang itiwalag.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Pagsasagawa 7

Hangga’t hindi nararanasan ng mga tao ang gawain ng Diyos at nauunawaan ang katotohanan, ang kalikasan ni Satanas ang namamahala at nagdodomina sa kanilang kalooban. Ano ba ang partikular na nakapaloob sa kalikasang iyon? Halimbawa, bakit ka makasarili? Bakit mo pinoprotektahan ang sarili mong katayuan? Bakit ka mayroong gayong katinding mga damdamin? Bakit ka nasisiyahan sa mga di-matutuwid na bagay na iyon? Bakit gusto mo ang mga kasamaang iyon? Ano ang batayan ng pagkahilig mo sa mga ganoong bagay? Saan nagmumula ang mga bagay na ito? Bakit ka masayang-masaya na tanggapin ang mga ito? Sa ngayon, naunawaan na ninyong lahat na ang pangunahing dahilan sa likod ng lahat ng bagay na ito ay dahil nasa kalooban ng tao ang lason ni Satanas. Ano ang lason ni Satanas? Paano ito maipapahayag? Halimbawa, kung magtatanong ka ng, “Paano dapat mamuhay ang mga tao? Para saan ba dapat nabubuhay ang mga tao?” sasagot ang mga tao: “Ang bawat tao para sa kanyang sarili at bahala na ang iba.” Ipinahahayag ng nag-iisang pariralang ito ang pinakaugat ng problema. Ang pilosopiya at lohika ni Satanas ay naging buhay na ng mga tao. Anuman ang hinahangad ng mga tao, ginagawa nila ito para sa kanilang sarili—kaya’t nabubuhay lamang sila para sa kanilang sarili. “Ang bawat tao para sa kanyang sarili at bahala na ang iba”—ito ang pilosopiya sa buhay ng tao, at kinakatawan din nito ang kalikasan ng tao. Naging kalikasan na ng tiwaling sangkatauhan ang mga salitang ito at ang mga ito ang tunay na larawan ng satanikong kalikasan ng tiwaling sangkatauhan. Ang satanikong kalikasang ito na ang naging batayan para sa pag-iral ng tiwaling sangkatauhan. Sa loob ng ilang libong taon, namuhay ang tiwaling sangkatauhan ayon sa kamandag na ito ni Satanas, hanggang sa kasalukuyang panahon. Lahat ng ginagawa ni Satanas ay para sa sarili nitong mga pagnanais, mga ambisyon, at mga layunin. Nais nitong higitan ang Diyos, makawala sa Diyos, at makuha ang kontrol sa lahat ng bagay na nilikha ng Diyos. Sa kasalukuyan, gayon na lamang katinding ginawang tiwali ni Satanas ang mga tao: May mga satanikong kalikasan silang lahat, sinusubukan nilang lahat na itatwa at labanan ang Diyos, at gusto nilang makontrol ang sarili nilang mga kapalaran at sinusubukang labanan ang mga pangangasiwa at pagsasaayos ng Diyos. Ang kanilang mga ambisyon at pagnanais ay kaparehong-kapareho ng kay Satanas. Samakatuwid, ang kalikasan ng tao ay ang kalikasan ni Satanas.

—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Paano Tahakin ang Landas ni Pedro

Mula nang gawing tiwali ni Satanas ang sangkatauhan, nagsimulang sumama ang kanilang likas na pagkatao, at unti-unti nilang nawala ang katwirang taglay ng mga normal na tao. Hindi na sila kumikilos bilang mga tao sa posisyon ng tao, bagkus ay puno sila ng matitinding paghahangad; nalagpasan na nila ang katayuan ng tao—ngunit ninanasa pa rin na maging mas mataas. Ano ang tinutukoy ng “mas mataas” na ito? Nais nilang lagpasan ang Diyos, lagpasan ang kalangitan, at lagpasan ang lahat ng iba pa. Ano ang ugat kung bakit nagbubunyag ng gayong mga disposisyon ang mga tao? Pagkatapos ng lahat, labis na mayabang ang kalikasan ng tao. Nauunawaan ng karamihan ng tao ang kahulugan ng salitang “kayabangan.” Isa itong mapanirang-puri na termino. Kung ang isang tao ay nagbubunyag ng kayabangan, iniisip ng iba na hindi siya isang mabuting tao. Sa tuwing masyadong mayabang ang isang tao, inaakala lagi ng iba na isa siyang masamang tao. Walang sinumang gustong matawag na ganito. Gayunman, ang totoo, lahat ay mayabang, at lahat ng tiwaling tao ay may ganitong diwa. Sinasabi ng ilang tao, “Hindi ako mayabang kahit kaunti. Hindi ko ginusto kailanman na maging arkanghel, ni hindi ko ginusto kailanman na higitan ang Diyos, o higitan ang lahat ng iba pa. Noon pa man ay mabait at masunurin na ako.” Hindi ganoon palagi; hindi tama ang mga salitang ito. Kapag naging mayabang ang kalikasan at diwa ng mga tao, maaari silang madalas na maghimagsik at lumaban sa Diyos, hindi makinig sa Kanyang mga salita, bumuo ng mga kuru-kuro tungkol sa Kanya, gumawa ng mga bagay na nagtataksil sa Kanya, at mga bagay na dumadakila at nagpapatotoo sa kanilang sarili. Sinasabi mo na hindi ka mayabang, ngunit ipagpalagay na binigyan ka ng isang iglesia at tinulutan kang pamunuan ito; ipagpalagay nang hindi kita pinungusan, at na wala ni isa sa pamilya ng Diyos ang pumuna o tumulong sa iyo: Matapos mo itong pamunuan sandali, aakayin mo ang mga tao sa iyong paanan at pasusunurin sa iyo, kahit hanggang sa puntong hinahangaan at iginagalang ka. At bakit mo gagawin iyon? Matutukoy ito sa iyong kalikasan; ito ay walang iba kundi isang likas na paghahayag. Hindi mo kailangang matutunan ito mula sa iba, ni hindi nila kailangang ituro ito sa iyo. Hindi mo kailangan ang iba na turuan ka o pilitin kang gawin ito; likas na nangyayari ang ganitong klaseng sitwasyon. Ang lahat ng ginagawa mo ay tungkol sa paghikayat sa mga tao na dakilain ka, purihin ka, sambahin ka, sumunod sa iyo, at makinig sa iyo sa lahat ng bagay. Ang pagpahintulot sa iyo na maging isang lider ay likas na nagdudulot sa sitwasyong ito, at hindi ito mababago. At paano nangyayari ang sitwasyong ito? Natutukoy ito sa mapagmataas na kalikasan ng tao. Ang pagpapamalas ng kayabangan ay paghihimagsik at paglaban sa Diyos. Kapag ang mga tao ay mapagmataas, palalo, at mapagmagaling, malamang magtayo sila ng kani-kanyang mga nagsasariling kaharian at gawin ang mga bagay-bagay sa anumang paraang gusto nila. Inaakay rin nila ang iba na magpakontrol sa kanila at magpasakop sa kanila. Para magkaroon ang mga tao ng kakayahang gawin ang gayong mga mapagmataas na bagay, pinatutunayan lang niyon na ang diwa ng kanilang mapagmataas na kalikasan ay katulad ng kay Satanas; katulad ito ng sa arkanghel. Kapag umabot ang kanilang kayabangan at kapalaluan sa isang partikular na antas, wala nang puwang sa puso nila para sa Diyos, at isinasantabi ang Diyos. Pagkatapos ninanais nilang maging Diyos, pinasusunod ang mga tao sa kanila, at sila ay nagiging arkanghel. Kung taglay mo ang gayong satanikong mapagmataas na kalikasan, hindi magkakaroon ng puwang ang Diyos sa iyong puso. Kahit naniniwala ka pa sa Diyos, hindi ka na kikilalanin pa ng Diyos, ituturing ka Niya bilang isang masamang tao, at ititiwalag ka.

—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Mayabang na Kalikasan ang Nasa Ugat ng Paglaban ng Tao sa Diyos

Anong uri ng kalagayan ang nasa loob ng mga tao kapag mayroon silang mapagmatigas na disposisyon? Pangunahin na matigas ang kanilang ulo at inaakala nilang mas matuwid sila kaysa sa iba. Palagi silang kumakapit sa sarili nilang mga ideya, palagi nilang iniisip na tama ang kanilang sinasabi, ganap silang nagmamatigas, at hindi nagbabago ang kanilang pananaw. Ito ang saloobin ng pagiging mapagmatigas. Para silang sirang plaka, hindi nakikinig kaninuman, nananatiling hindi nagbabago ang landas ng pagkilos, ipinipilit na magpatuloy rito, tama man ito o mali; may kaunting kawalan ng pagsisisi rito. Gaya nga ng kasabihan, “Hindi takot sa kumukulong tubig ang mga patay na baboy.” Alam na alam ng mga tao kung ano ang tamang gawin, pero hindi nila ito ginagawa, matatag nilang tinatanggihang tanggapin ang katotohanan. Isa itong uri ng disposisyon: ang pagiging mapagmatigas. Sa anu-anong uri ng sitwasyon ka naghahayag ng mapagmatigas na disposisyon? Madalas ka bang mapagmatigas? (Oo.) Napakadalas! At dahil disposisyon mo ang pagiging mapagmatigas, kasama mo ito sa bawat segundo ng bawat araw ng iyong pag-iral. Pinipigilan ng pagiging mapagmatigas ang mga tao na makaharap sa Diyos, pinipigilan sila nito na magawang tanggapin ang katotohanan, at pinipigilan sila nito na makapasok sa katotohanang realidad. At kung hindi ka makapapasok sa katotohanang realidad, magkakaroon ba ng pagbabago sa aspektong ito ng iyong disposisyon? Kapag may matinding paghihirap lang. Mayroon na ba ngayong anumang pagbabago sa aspektong ito ng inyong mapagmatigas na disposisyon? At gaano kalaking pagbabago na ang nangyari? Sabihin, halimbawa, na dati ay napakatigas ng iyong ulo, pero may kaunti nang pagbabago sa iyo ngayon: Kapag nahaharap ka sa isang isyu, may kaunti kang konsiyensiya sa iyong puso, at sinasabi mo sa iyong sarili, “Kailangan kong magsagawa ng kaunting katotohanan sa bagay na ito. Dahil inilantad na ng Diyos ang mapagmatigas na disposisyong ito—dahil narinig ko na ito, at alam ko na ito ngayon—kailangan ko nang magbago, kung gayon. Nang ilang beses akong maharap sa ganitong mga uri ng mga bagay noon, pinagbigyan ko ang aking laman at nabigo ako, at hindi ako masaya rito. Sa pagkakataong ito, kailangan kong isagawa ang katotohanan.” Kapag may ganitong pagnanais, posibleng maisagawa ang katotohanan, at ito ay pagbabago. Kapag matagal-tagal ka nang may karanasan sa ganitong paraan, at kaya mong isagawa ang mas marami pang katotohanan, at nagdudulot ito ng mas malalaking pagbabago, at nababawasan nang nababawasan ang pagbubunyag ng iyong mapagrebelde at mapagmatigas na mga disposisyon, nagkaroon na ba ng pagbabago sa iyong disposisyon sa buhay? Kung nakikita nang mas nababawasan ang iyong mapagrebeldeng disposisyon, at nagiging mas mapagpasakop ka na sa Diyos, nagkaroon na ng totoong pagbabago.

—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Kaalaman Lamang Tungkol sa Anim na Uri ng Tiwaling Disposisyon ang Tunay na Pagkakilala sa Sarili

Ang pagiging tutol sa katotohanan ay pangunahing tumutukoy sa kawalan ng interes at pagkasuklam sa katotohanan at sa mga positibong bagay. Ang pagiging tutol sa katotohanan ay kapag kaya ng mga taong maunawaan ang katotohanan at malaman kung ano ang mga positibong bagay, pero tinatrato pa rin nila ang katotohanan at ang mga positibong bagay nang may saloobin at kalagayan na palaban, pabasta-basta, nasusuklam, umiiwas, at walang pakialam. Ito ang disposisyon ng pagiging tutol sa katotohanan. Umiiral ba ang ganitong uri ng disposisyon sa lahat ng tao? Sinasabi ng ilang tao, “Bagamat alam kong ang salita ng Diyos ang katotohanan, hindi ko pa rin ito gusto o tanggap, o kahit papaano ay hindi ko ito kayang tanggapin sa ngayon.” Ano ang nangyayari dito? Ito ay pagiging tutol sa katotohanan. Hindi sila tinutulutan ng disposisyong nasa loob nila na tanggapin ang katotohanan. Anu-anong partikular na pagpapamalas ang nasa hindi pagtanggap sa katotohanan? Sinasabi ng ilan, “Nauunawaan ko ang lahat ng katotohanan, pero hindi ko lang talaga maisagawa ang mga ito.” Ibinubunyag nito na ito ay isang taong tutol sa katotohanan, at na hindi niya minamahal ang katotohanan, kaya hindi niya maisagawa ang anumang katotohanan. Sinasabi ng ilang tao, “Dahil sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos kung kaya’t nagawa kong kumita ng napakaraming pera. Talagang pinagpala ako ng Diyos, talagang naging napakabuti sa akin ng Diyos, binigyan ako ng Diyos ng malaking kayamanan. Nakapagdadamit nang maganda at nakakakaing mabuti ang aking buong pamilya, at hindi sila kinakapos sa mga damit o pagkain.” Dahil pinagpala sila ng Diyos, pinasasalamatan ng mga taong ito ang Diyos sa puso nila, alam nila na ang lahat ng ito ay pinaghaharian ng Diyos, at na kung hindi sila pinagpala ng Diyos—kung umasa sila sa sarili nilang mga talento—hinding-hindi nila kikitain ang lahat ng perang ito. Ito ang talagang iniisip nila sa puso nila, ang talagang nalalaman nila, at talagang nagpapasalamat sila sa Diyos. Pero darating ang araw na babagsak ang negosyo nila, mahihirapan sila, at daranasin nila ang kahirapan. Bakit ganito? Dahil sakim sila sa kaginhawahan, at hindi nila iniisip kung paano maayos na gagampanan ang kanilang tungkulin, at iginugugol nila ang lahat ng kanilang oras sa paghahangad ng mga kayamanan, pagiging alipin ng pera, na nakaaapekto sa pagganap nila ng kanilang tungkulin, kung kaya’t inaalis ito sa kanila ng Diyos. Sa puso nila, alam nilang labis silang pinagpala ng Diyos, at marami nang ibinigay sa kanila ang Diyos, pero wala silang pagnanais na suklian ang pagmamahal ng Diyos, ayaw nilang lumabas at gumawa ng kanilang tungkulin, at takot sila at palaging nangangamba na maaresto, at natatakot silang mawala ang lahat ng kayamanan at kasiyahang ito, at bilang resulta, inaalis sa kanila ng Diyos ang mga ito. Kasinglinaw ng salamin ang kanilang puso, alam nilang kinuha sa kanila ng Diyos ang mga bagay na ito, at na dinidisiplina sila ng Diyos, kaya nagdarasal sila sa Diyos at sinasabing, “O, Diyos! Pinagpala Mo ako nang minsan, kaya puwede Mo akong pagpalain nang ikalawang beses. Walang hanggan ang Iyong pag-iral, kaya ganoon din ang Iyong mga pagpapala sa sangkatauhan. Nagpapasalamat ako sa Iyo! Anuman ang mangyari, hindi magbabago ang Iyong mga pagpapala at ang Iyong pangako. Kung may kukunin Ka sa akin, magpapasakop pa rin ako.” Pero ang salitang “magpapasakop” ay hungkag na binibigkas ng bibig nila. Sinasabi ng bibig nila na kaya nilang magpasakop, pero pagkatapos, pinag-iisipan nila ito, at pakiramdam nila ay parang may mali rito: “Ang sarap ng buhay noon. Bakit kinuha ng Diyos ang lahat ng iyon? Hindi ba’t pareho lang naman ang paglalagi sa bahay habang ginagawa ang aking tungkulin at ang paglabas para gawin ang aking tungkulin? Ano ang inaantala ko?” Palagi nilang binabalik-balikan ang nakaraan. Mayroon silang reklamo at pagkadismaya sa Diyos, at palagi silang lugmok sa depresyon. Nasa puso pa ba nila ang Diyos? Ang nasa puso nila ay pera, mga materyal na kaginhawahan, at ang masasayang panahong iyon. Walang anumang puwang ang Diyos sa puso nila, hindi na Siya ang Diyos nila. Bagamat alam nilang isang katotohanan na “Nagbigay ang Diyos, at may kinuha ang Diyos,” gusto nila ang mga salitang “nagbigay ang Diyos,” at tutol sila sa mga salitang “may kinuha ang Diyos.” Malinaw na may pinipili ang pagtanggap nila sa katotohanan. Kapag pinagpapala sila ng Diyos, tinatanggap nila ito bilang ang katotohanan—pero sa sandaling may kunin sa kanila ang Diyos, hindi nila ito matanggap. Hindi nila matanggap ang gayong kataas-taasang kapangyarihan mula sa Diyos, at sa halip ay lumalaban sila at sumasama ang loob. Kapag hinihingi sa kanila na gawin nila ang tungkulin nila, sinasabi nila, “Gagawin ko iyan kung pagpapalain at bibiyayaan ako ng Diyos. Kung walang mga pagpapala ng Diyos at kung nasa ganitong lagay ng kahirapan ang pamilya ko, paano ko magagampanan ang aking tungkulin? Ayaw ko nga!” Anong disposisyon ito? Bagamat sa puso nila ay personal nilang nararanasan ang mga pagpapala ng Diyos, at kung paanong napakarami na Niyang ibinigay sa kanila, hindi nila matanggap kapag may kinukuha ang Diyos sa kanila. Bakit ganito? Dahil hindi nila mapakawalan ang pera at ang maginhawa nilang buhay. Bagamat maaaring hindi sila gaanong nagreklamo tungkol doon, maaaring hindi nila inilahad ang kanilang palad sa Diyos, at maaaring hindi nila sinubukang bawiin ang dati nilang mga pag-aari sa pamamagitan ng sarili nilang mga pagsisikap, pinanghinaan na sila ng loob sa mga ikinilos ng Diyos, ganap nilang hindi kayang tumanggap, at sinasabi nila, “Talagang walang konsiderasyon ang Diyos sa pagkilos Niya nang ganito. Hindi ito maarok. Paano ako makapagpapatuloy na manalig sa Diyos? Ayaw ko nang kilalanin na Siya ang Diyos. Kung hindi ko Siya kikilalanin na Diyos, hindi Siya ang Diyos.” Isang uri ba ito ng disposisyon? (Oo.) May ganitong uri ng disposisyon si Satanas, ganito itinatanggi ni Satanas ang Diyos. Ang ganitong uri ng disposisyon ay pagiging tutol sa katotohanan at pagkamuhi sa katotohanan. Kapag umabot na sa ganito ang pagtutol ng mga tao sa katotohanan, saan sila nito dadalhin? Dahil dito ay sinasalungat nila ang Diyos at may katigasan ng ulong sinasalungat ang Diyos hanggang sa pinakahuli—na nangangahulugang tapos na ang lahat para sa kanila.

—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Kaalaman Lamang Tungkol sa Anim na Uri ng Tiwaling Disposisyon ang Tunay na Pagkakilala sa Sarili

Palaging nais ng mga taong may mabangis na disposisyon na kontrolin ang iba. Ano ang ibig sabihin ng kontrolin ang mga tao? Ito ba ay nagbabawal lamang sa iyo na banggitin ang ilang salita? Ito ba ay nagbabawal lamang sa iyo na mag-isip sa isang partikular na paraan? Tiyak na hindi—ito ay hindi problema ng isang salita o isang kaisipan, kundi na ang kanilang disposisyon ay mabangis. Batay sa salitang “mabangis,” ano ang mga bagay na maaaring gawin ng isang tao kapag nabunyag niya ang ganitong disposisyon? Una sa lahat, nanaisin niyang manipulahin ang mga tao. Ano ang ibig sabihin ng manipulahin? Ibig sabihin nito na anuman ang mangyari sa iglesia, nanaisin niyang pumagitan, makialam, at magsaayos. Magtatakda siya ng isang panuntunan para sa iyo, at pagkatapos ay dapat mo itong sundin. Kung hindi, magagalit siya. Nais niyang manipulahin ka: Kung sabihin niya sa iyo na magtungo sa silangan, kailangan mong magtungo sa silangan, at kung sabihin niya sa iyo na magtungo sa kanluran, kailangan mong magtungo sa kanluran. Taglay niya ang pagnanais na ito, at pagkatapos ay kumikilos siya sa ganitong paraan—ang tawag dito ay pagmamanipula. Nais ng mga taong ito na pamahalaan ang tadhana ng isang tao, na pamahalaan at kontrolin ang buhay, isipan, pag-uugali, at mga kagustuhan ng isang tao, nang sa gayon ang isip, mga ideya, kagustuhan, at kahilingan ng taong ito ay umayon sa kung ano ang sinasabi nila at kung ano ang gusto nila, sa halip na sa sinasabi ng Diyos—ang tawag dito ay pagmamanipula. Palagi nilang gusto na isaayos para sa mga tao na gawin ang ganito o ang ganyan alinsunod sa sarili nilang kalooban, hindi sila kumikilos batay sa mga prinsipyo, kundi batay sa mga sarili nilang layunin at kagustuhan. Wala silang pakialam kung ano ang nararamdaman mo, sapilitan ka nilang inuutusan, at kailangan mong gawin kung anuman ang sabihin nila sa iyo; kung hindi ka kikilos ayon sa sarili nilang kalooban, pangangasiwaan ka nila at ipararamdam nila sa iyo na wala ka talagang pagpipilian at walang anumang magagawa pa. Alam mo sa puso mo na ikaw ay niloloko at kinokontrol, ngunit hindi mo pa rin alam kung paano ito kikilatisin, lalong hindi ang maglakas-loob na lumaban. Hindi ba’t ang kanilang mga kilos ay pag-uugali ni Satanas? (Oo.) Ito ay pag-uugali ni Satanas. Niloloko ni Satanas ang mga ganitong tao at kinokontrol nito ang mga ganitong tao, kaya naipamamalas sa mga tao ang isang satanikong disposisyon bilang palaging pagtatangkang kontrolin at manipulahin ang iba. Matupad man nila o hindi ang layuning ito ng pagkokontrol at pagmamanipula ng iba, ang lahat ng tao ay may ganitong uri ng disposisyon. Ano ang disposisyong ito? (Kabangisan.) Ito ay kabangisan. Bakit ito tinatawag na kabangisan? Ano ang mga malinaw na pagbubunyag ng disposisyong ito? Ito ba ay may kalakip na pagkaramdam ng pamimilit? (Oo.) Ito ay may kalakip na pagkaramdam ng pamimilit, na nangangahulugan na kung ikaw man ay makinig o hindi, kung anuman ang nararamdaman mo, kung tinatamasa mo man ito o nauunawaan ito, sapilitan nilang hihingin na makinig ka sa kanila at gawin mo ang sinasabi nila, nang wala nang anumang usapan pa, nang hindi ka binibigyan ng pagkakataong magsalita, at nang hindi ka binibigyan ng anumang kalayaan—hindi ba’t mayroon itong ganitong uri ng kahulugan? (Oo.) Tinatawag itong “kabagsikan,” na isang aspekto ng kabangisan.[a] Ang isa pang aspekto ng kabangisan ay “kasamaan,”[b] ano ba ang tinutukoy ng “kasamaan”? Tumutukoy ito sa mga tao na gumagamit ng mga pamamaraan ng sapilitang pag-iindoktrina at paniniil upang matamo ang resulta na makontrol ka at maudyukan kang sundin ang kanilang pagmamanipula, at sa ganitong paraan ay mabigyang-kasiyahan ang kanilang sarili. Ang tawag dito ay “kasamaan.” Sa mga kilos nito, nais ni Satanas na pigilan kang magkaroon ng malayang kalooban, na matutong magmuni-muni at kumilatis, at na maunawaan ang katotohanan upang ang iyong buhay ay gumulang. Hindi ka hinahayaan ni Satanas na gawin ang mga bagay na iyon, at nais nitong kontrolin ka. Hindi ka hinahayaan ni Satanas na hanapin ang katotohanan at unawain ang mga layunin ng Diyos, at hindi ka nito dinadala sa harap ng Diyos, sa halip ay dinadala ka nito sa harap nito at inuudyukan kang makinig dito, na animo’y ito ang katotohanan, at anumang sabihin nito ay tama, at animo’y ito ang sentro ng lahat ng bagay, kaya kailangan mong makinig dito at huwag subukang pag-aralan kung ang mga salita nito ay tama ba o mali. Ang disposiyon ng sapilitan at marahas na pagmamanipula at pagkokontrol sa pag-uugali at pag-iisip ng mga tao ay tinatawag na kabangisan.

—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Pag-unawa sa Disposisyon ng Isang Tao ang Pundasyon ng Pagbabago Nito

Mga talababa:

a. Wala sa orihinal na teksto ang pariralang “na isang aspekto ng kalupitan.”

b. Wala sa orihinal na teksto ang pariralang “Ang isa pang aspekto ng kabangisan ay ‘kasamaan.’”


Pinakamahirap makita ang kasamaan, sapagkat ito ay naging kalikasan na ng tao at nagsimula na silang luwalhatiin ito, at maging ang higit pang kasamaan ay hindi na masama sa paningin nila. Kaya, mas mahirap makita ang masamang disposisyon kaysa sa mapagmatigas na disposisyon. May mga taong nagsasabi: “Paanong hindi ito madaling makita? Ang lahat ng tao ay may masasamang pagnanasa. Hindi ba’t iyon ay kasamaan?” Mababaw na pananaw iyon. Ano ang tunay na kasamaan? Aling mga kalagayan ang masama kapag namamalas ang mga iyon? Masamang disposisyon ba kapag gumagamit ang mga tao ng tila mahahalagang pahayag para itago ang masasama at kahiya-hiyang layon na nasa kaibuturan ng kanilang puso, at pagkatapos ay paniwalain ang iba na napakabuti, walang kapintasan, at lehitimo ang mga pahayag na ito, at sa huli ay makamtan ang kanilang mga lihim na motibo? Bakit ito tinatawag na pagiging masama at hindi pagiging mapanlinlang? Pagdating sa disposisyon at diwa, hindi ganoon kasama ang pagkamapanlinlang. Ang pagiging masama ay mas mabigat kaysa pagiging mapanlinlang, ito ay isang pag-uugaling mas tuso at masama kaysa pagiging mapanlinlang, at mahirap para sa karaniwang tao na mahalata ito. Halimbawa, anong klaseng mga salita ang ginamit ng ahas para akitin si Eba? Paimbabaw na mga salita, na tama sa pandinig at tila sinambit para sa kabutihan mo. Wala kang malay na may anumang mali sa mga salitang ito o anumang masamang layon sa likod ng mga ito, at kasabay nito, hindi mo malimutan ang mga mungkahing ito ni Satanas. Ito ay tukso. Kapag natutukso ka at nakikinig sa ganitong klaseng mga salita, hindi mo mapipigilang maakit at malamang na mahulog ka sa bitag, sa gayon ay makakamtan ni Satanas ang kanyang mithiin. Ang tawag dito ay kasamaan. Ginamit ng ahas ang pamamaraang ito para akitin si Eba. Ito ba ay isang uri ng disposisyon? (Oo.) Saan nanggagaling ang ganitong uri ng disposisyon? Nanggagaling ito sa ahas, kay Satanas. Ang uring ito ng masamang disposisyon ay umiiral sa kalikasan ng tao. Hindi ba’t iba ang kasamaan na ito sa masasamang pagnanasa ng mga tao? Paano nagsisimula ang masasamang pagnanasa? Ito ay may kaugnayan sa laman. Ang tunay na kasamaan ay isang uri ng disposisyong malalim na nakatago, na talagang hindi nakikilatis ng mga taong walang karanasan o pag-unawa sa katotohanan. Dahil dito, ito ang pinakamahirap makita sa lahat ng disposisyon ng tao. Sa aling uri ng tao pinakamalubha ang masamang disposisyon? Sa mga taong mahilig magsamantala ng iba. Napakagaling nilang magmanipula na hindi man lang nalalaman ng mga namanipula nila kung ano ang nangyari pagkatapos. Ang ganitong uri ng tao ay may masamang disposisyon. Gamit ang panlilinlang, gumagamit ang masasamang tao ng ibang paraan upang pagtakpan ang panlilinlang nila, ikubli ang mga kasalanan nila, at itago ang mga lihim nilang intensiyon, mithiin, at makasariling pagnanais. Ito ay kasamaan. Higit pa rito, iba’t ibang paraan ang gagamitin nila upang mang-udyok, manukso, at mang-akit, pasusunurin ka sa mga nais nila at ipapatugon sa iyo ang mga makasariling hangarin nila upang makamit ang mga mithiin nila. Lahat ito ay masama. Ito ay tunay na satanikong disposisyon. Nagpakita na ba kayo ng anuman sa mga pag-uugaling ito? Sa mga aspekto ng masamang disposisyon, alin ang mas ipinapakita ninyo: panunukso, pang-uudyok, o pagsisinungaling upang pagtakpan ang iba pang kasinungalingan? (Tingin ko ay ipinapakita ko ang kaunti sa lahat ng ito.) Tingin mo ay ipinapakita mo ang kaunti sa lahat ng ito. Ibig sabihin, sa antas ng emosyon, nararamdaman mong pareho mo nang ipinakita at hindi pa ipinakita ang mga kilos na ito. Wala kang mahanap na anumang ebidensya. Sa pang-araw-araw mong buhay, napagtatanto mo ba kung nagpapakita ka ng masamang disposisyon kapag may kinakaharap kang bagay? Sa totoo lang, ang mga bagay na ito ay umiiral sa loob ng disposisyon ng lahat ng tao. Halimbawa, may isang bagay na hindi mo nauunawaan, pero ayaw mong malaman ng iba na hindi mo ito nauunawaan, kaya’t kung anu-ano ang ginagawa mo upang isipin nilang nauunawaan mo ito. Ito ay pandaraya. Ang ganitong uri ng pandaraya ay pagpapamalas ng kasamaan. Nariyan din ang panunukso at pang-uudyok, lahat ito ay pagpapamalas ng kasamaan. Madalas mo bang tinutukso ang iba? Kung talagang nagsisikap kang maunawaan ang isang tao, na nais mong makipagbahaginan sa kanya, at kailangan ito para sa iyong trabaho at ito ay wastong pakikisalamuha, hindi ito maituturing na panunukso. Ngunit kung may personal kang layunin at mithiin, at hindi mo talaga nais maunawaan ang disposisyon, mga paghahangad, at kaalaman ng taong ito, at sa halip ay nais mong ilabas ang kanyang mga iniisip sa kanyang kaloob-looban at ang tunay niyang mga damdamin, ito ay tinatawag na kasamaan, panunukso, at pang-uudyok. Kung ginagawa mo ito, may masama kang disposisyon; hindi ba’t ito ay isang bagay na nakatago? Madali bang baguhin ang ganitong disposisyon? Kung makikilatis mo ang mga pagpapamalas ng bawat aspekto ng disposisyon mo, kung anong mga kalagayan ang kadalasang sinasanhi ng bawat aspekto, at maitutugma mo ang mga ito sa sarili mo, na nararamdaman mo kung gaano kasama at kamapanganib ang ganitong disposisyon, makadarama ka ng pasanin na magbago, at mauuhaw ka sa mga salita ng Diyos at matatanggap mo ang katotohanan. Sa sandaling iyon ka makapagbabago at makatatanggap ng kaligtasan. Gayunman, kung matapos mong itugma ang mga ito ay hindi ka pa rin nauuhaw sa katotohanan, walang nararamdamang pagkakautang o paratang—o kahit kaunting pagsisisi—at hindi mo minamahal ang katotohanan, magiging mahirap para sa iyo na magbago. At hindi makatutulong ang pag-unawa, sapagkat doktrina lamang ang mauunawaan mo. Anumang aspekto ng katotohanan ito, kung ang pag-unawa mo ay natitigil sa antas ng doktrina at hindi konektado sa pagsasagawa at pagpasok mo, walang silbi ang doktrinang nauunawaan mo.

—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Tanging ang Pagkakilala sa Sarili ang Makakatulong sa Paghahangad ng Katotohanan

Sa pangkalahatan, bilang isang taong isinilang sa daigdig na ito, may nagawa ka nang isang bagay na maituturing na paglabag sa katotohanan, kung naaalala mo man na nakagawa ka kailanman ng isang bagay upang pagtaksilan ang iba pang tao, o kung pinagtaksilan mo na ang iba nang maraming beses. Dahil ikaw ay may kakayahang pagtaksilan ang iyong mga magulang o mga kaibigan, ikaw ay may kakayahang pagtaksilan ang iba, at ikaw rin ay may kakayahang magtaksil sa Akin at gumawa ng mga bagay na kinamumuhian Ko. Sa ibang salita, ang pagtataksil ay hindi lamang isang mababaw na imoral na pag-uugali, ngunit isang bagay na hindi kaayon ng katotohanan. Ito mismo ang pinagmumulan ng paglaban at paghihimagsik laban sa Akin ng sangkatauhan. Ito ang dahilan kung bakit nalagom Ko ito sa sumusunod na pahayag: Ang pagtataksil ay kalikasan ng tao, at ang kalikasang ito ang malaking kalaban ng pagiging kaayon sa Akin ng bawat tao.

Ang pag-uugaling hindi kayang lubusang magpasakop sa Akin ay pagtataksil. Ang pag-uugaling hindi kayang maging tapat sa Akin ay pagtataksil. Ang pagdaya sa Akin at paggamit ng mga kasinungalingan upang linlangin Ako ay pagtataksil. Ang pagtataglay ng maraming kuru-kuro at pagpapakalat sa mga ito sa lahat ng dako ay pagtataksil. Ang kawalan ng kakayahang itaguyod ang Aking mga patotoo at mga interes ay pagtataksil. Ang paghahandog ng mga huwad na ngiti kapag malayo sa Akin ang puso ay pagtataksil. Ang lahat ng ito ay mga gawain ng pagtataksil na palagi na ninyong nagagawa, at ang mga ito ay karaniwan din sa inyo. Maaaring wala sa inyo ang nag-iisip na ito ay isang problema, ngunit hindi iyon ang iniisip Ko. Hindi Ko maaaring tratuhin ang pagtataksil sa Akin ng isang tao bilang isang maliit na bagay, at lalo namang hindi Ko maaaring hindi ito pansinin. Ngayon, kapag Ako ay gumagawa sa gitna ninyo, kumikilos kayo sa ganitong paraan—kung darating ang araw na walang sinuman ang naroon upang bantayan kayo, hindi ba kayo magiging gaya ng mga bandido na ipinapahayag ang kanilang sarili na mga hari ng kanilang mga munting bundok? Kapag nangyari iyon at nagsanhi kayo ng isang malaking sakuna, sino ang naroroon upang ayusin ang problema? Iniisip ninyong ang ilang gawaing pagtataksil ay paminsan-minsang pangyayari lang, hindi ang inyong namimihasang pag-uugali, at hindi nararapat pag-usapan nang ganito kaseryoso, sa isang paraang pumipinsala sa inyong kapurihan. Kung talagang ganito ang iniisip ninyo, kulang kayo sa katinuan. Ang mag-isip nang ganito ay ang maging isang uliran at halimbawa ng paghihimagsik. Ang kalikasan ng tao ay ang kanyang buhay; ito ay isang prinsipyo kung saan siya umaasa upang manatiling buhay, at hindi niya maaaring baguhin ito. Gawing halimbawa ang kalikasan ng pagtataksil. Kung kaya mong gumawa ng isang bagay upang pagtaksilan ang isang kamag-anak o kaibigan, ito ay nagpapatunay na bahagi ito ng iyong buhay at ipinanganak kang may ganitong kalikasan. Ito ay isang bagay na hindi maitatanggi ninuman. …

Ang sinuman ay maaaring gumamit ng kanilang sariling mga salita at mga pagkilos upang katawanin ang kanilang tunay na mukha. Ang totoong mukhang ito ay, siyempre, ang kanilang kalikasan. Kung ikaw ay isang taong nagsasalita sa isang paikut-ikot na paraan, ikaw ay may isang baluktot na kalikasan. Kung ang iyong kalikasan ay mapanlinlang, kumikilos ka sa mapanlinlang na paraan, at ginagawa mong napakadali para sa iba na malansi mo. Kung ang iyong kalikasan ay nakakatakot, maaaring maging kaaya-ayang pakinggan ang iyong mga salita, ngunit hindi maitatago ng iyong mga pagkilos ang iyong mga nakakatakot na pandaraya. Kung ang iyong kalikasan ay tamad, ang lahat ng bagay na iyong sinasabi ay naglalayong umiwas sa responsibilidad para sa iyong kawalang-interes at katamaran, at ang iyong mga pagkilos ay magiging mabagal at basta-basta, at napakagaling sa pagtatakip ng katotohanan. Kung ang iyong kalikasan ay madamayin, magiging makatwiran ang iyong mga salita, at ang mga kilos mo rin ay aayon nang maigi sa katotohanan. Kung ang iyong kalikasan ay tapat, ang iyong mga salita ay tiyak na taos-puso at ang paraan ng iyong pagkilos ay praktikal, walang anumang magsasanhi para sa iyong amo na mabalisa. Kung ang iyong kalikasan ay mapagnasa o sakim sa pera, ang iyong puso ay kadalasang mapupuno ng mga bagay na ito, at ikaw ay hindi sinasadyang gagawa ng mga lihis at imoral na bagay na magiging mahirap para sa mga tao na makalimutan at na magpapasulasok sa kanila. Tulad ng nasabi Ko, kung mayroon kang isang kalikasan ng pagtataksil, mahihirapan kang kumawala rito. Huwag mong iasa sa swerte na kung hindi ka nagkasala sa iba ay wala kang kalikasan ng pagtataksil. Kung ganoon ang iyong iniisip, ikaw nga ay talagang kasuklam-suklam. Ang lahat ng salita Ko, tuwing nagsasalita Ako, ay nakatuon sa lahat ng tao, hindi lamang sa isang tao o isang uri ng tao. Dahil lamang hindi mo pa Ako pinagtaksilan sa isang bagay ay hindi nagpapatunay na hindi mo Ako maaaring pagtaksilan sa anumang bagay. Kapag may mga dagok sa samahan nilang mag-asawa, nawawalan ang ibang tao ng kanilang tiwala sa paghahanap sa katotohanan. Tinatalikdan ng ibang tao ang kanilang obligasyon na maging tapat sa Akin sa panahon ng pagkasira ng pamilya. Iniiwan Ako ng ibang tao upang maghanap ng isang sandali ng kagalakan at katuwaan. Ang ibang tao ay mas gugustuhin pang mahulog sa isang madilim na bangin kaysa mabuhay sa liwanag at matamo ang kaluguran ng gawain ng Banal na Espiritu. Ang ibang tao ay hindi pinapansin ang payo ng mga kaibigan para lang bigyang-kasiyahan ang kanilang pagnanasa sa kayamanan, at kahit ngayon ay hindi kayang kilalanin ang kanilang pagkakamali at baguhin ang kanilang landas. Ang ibang tao ay pansamantalang naninirahan lamang sa ilalim ng Aking ngalan upang matanggap ang Aking pangangalaga, habang ang iba ay sapilitan lang na naglalaan sa Akin nang kaunti sapagkat kumakapit sila sa buhay at takot sa kamatayan. Hindi ba’t ang mga ito at ang iba pang mga imoral na pagkilos, na bukod pa roon ay walang integridad, ay mga pag-uugali lamang na kung saan ang mga tao ay matagal nang pinagtaksilan Ako sa kaibuturan ng kanilang mga puso? Siyempre, alam Kong hindi paunang binabalak ng mga tao ang pagtaksilan Ako; ang pagtataksil nila ay isang natural na pagbubunyag ng kanilang kalikasan. Walang sinuman ang nagnanais na pagtaksilan Ako, at walang sinuman ang masaya sapagkat nakagawa sila ng isang bagay upang pagtaksilan Ako. Sa kabaligtaran, nanginginig sila sa takot, hindi ba? Kaya, iniisip ba ninyo kung paano tutubusin ang mga pagtataksil na ito, at kung paano babaguhin ang kasalukuyang kalagayan?

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Isang Napakaseryosong Problema: Pagtataksil 1

Na ang mga tao ay malimit na nagpapakita ng tiwaling disposisyon ay nagpapatunay na ang kanilang buhay ay pinamamahalaan ng tiwaling disposisyon ni Satanas, at na ang kanilang diwa ay ang diwa ni Satanas. Dapat na kilalanin at tanggapin ng mga tao ang katotohanang ito. Mayroong pagkakaiba sa pagitan ng kalikasang diwa ng tao at sa diwa ng Diyos. Ano ang dapat nilang gawin matapos kilalanin ang katunayang ito? Kapag nagpapakita ang mga tao ng tiwaling disposisyon; kapag nagpapakasasa sila sa mga pagnanasa ng laman at napapalayo sa Diyos; o kapag gumagawa ang Diyos sa paraang hindi tugma sa sarili nilang mga ideya, at umuusbong ang mga reklamo sa kalooban nila, dapat nilang ipamalay kaagad sa kanilang mga sarili na isa itong problema, at isang tiwaling disposisyon; ito ay paghihimagsik laban sa Diyos, pagsalungat sa Diyos; hindi ito umaayon sa katotohanan, at kinasusuklaman ito ng Diyos. Kapag napagtatanto ng mga tao ang mga bagay na ito, hindi sila dapat magreklamo, o maging negatibo at magpakatamad, at lalong hindi sila dapat mabalisa; sa halip, dapat ay magawa nilang kilalanin ang kanilang sarili nang mas malalim. Bukod pa rito, dapat ay magawa nilang maagap na lumapit sa harap ng Diyos at tanggapin ang pagsaway at pagdidisiplina ng Diyos, at dapat nilang baligtarin kaagad ang kanilang kalagayan, sa gayon ay nakapagsasagawa sila ayon sa katotohanan at sa mga salita ng Diyos, at makakikilos ayon sa mga prinsipyo. Sa ganitong paraan, magiging mas normal ang ugnayan mo sa Diyos, at gayundin ang kalagayan sa kalooban mo. Mas malinaw mong matutukoy ang mga tiwaling disposisyon, ang diwa ng katiwalian, at ang iba’t ibang pangit na kalagayan ni Satanas. Hindi mo na bibigkasin ang gayong mga kahangalan at isip-batang salita tulad ng “si Satanas iyon na nanghihimasok sa akin,” o “isa iyong ideya na ibinigay sa akin ni Satanas.” Sa halip, magkakaroon ka ng tumpak na kaalaman sa mga tiwaling disposisyon, sa diwa ng tao na lumalaban sa Diyos, at sa diwa ni Satanas. Magkakaroon ka ng mas tumpak na paraan ng pagtrato sa mga bagay na ito, at hindi ka pipigilan ng mga bagay na ito. Hindi ka magiging mahina o mawawalan ng pananampalataya sa Diyos at sa Kanyang pagliligtas dahil naipakita mo ang kaunti sa iyong tiwaling disposisyon, o lumabag, o nagawa ang iyong tungkulin nang walang sigasig, o dahil malimit mong natatagpuan ang iyong sarili sa isang pasibo at negatibong kalagayan. Hindi ka mamumuhay sa gitna ng mga gayong kalagayan, subalit haharapin mo nang tama ang iyong sariling tiwaling disposisyon. Magkakaroon ka ng kakayahan para sa normal na espirituwal na buhay. Kapag naglantad ng mga tiwaling disposisyon ang isang tao, kung kaya niyang pagnilayan ang kanyang sarili, humarap sa Diyos sa panalangin, hanapin ang katotohanan, at kilatisin at suriin ang diwa ng kanyang mga tiwaling disposisyon, nang sa gayon ay hindi na siya kontrolado at napipigilan ng kanyang mga tiwaling disposisyon, sa halip ay kaya niyang isagawa ang katotohanan, matatahak na niya ang landas patungo sa kaligtasan. Sa ganitong uri ng pagsasagawa at karanasan, maiwawaksi na ng isang tao ang kanyang mga tiwaling disposisyon at makalalaya na siya mula sa impluwensya ni Satanas. Kung gayon, hindi ba’t nakapamuhay na siya sa harap ng Diyos at nagkamit na ng kalayaan at kasarinlan? Ito ang landas ng pagsasagawa at pagkakamit ng katotohanan, pati na ang landas sa kaligtasan. Malalim na nakaugat sa mga tao ang mga tiwaling disposisyon; ang diwa ni Satanas at ang kalikasan nito ay kinokontrol ang mga kaisipan, pag-uugali, at isip ng mga tao. Gayunpaman, ang lahat ng ito ay walang kabuluhan kung ikukumpara sa katotohanan, sa gawain ng Diyos, at sa pagliligtas ng Diyos; wala itong ipinapakitang mga hadlang. Anumang tiwaling disposisyon ang mayroon ang isang tao, o anumang paghihirap ang kinahaharap niya, o anuman ang pumipigil sa kanya, may isang landas na maaaring tahakin, isang paraan para malutas ang mga ito, at mga kaukulang katotohanan para lutasin ang mga ito. Sa ganitong paraan, hindi ba’t may pag-asa para sa kaligtasan ng mga tao? Oo, mayroong pag-asa para sa kaligtasan ng mga tao.

—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi

Sinundan: 5. Paano kilalanin ang sarili at iwaksi ang mga tiwaling disposisyon

Sumunod: 7. Paano makilatis ang kalikasang diwa ng mga tiwaling tao

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

Tanong 10: Matagal na akong nagtatrabaho para sa United Front, at napag-aralan ko na ang iba’t ibang relihiyon. Ang Kristiyanismo, Katolisismo at Eastern Orthodoxy ay pawang mga relihiyong orthodox na nananalig kay Jesus. Pero ibang-iba ang pananalig n’yo sa Makapangyarihang Diyos. Ayon sa mga dokumento ng CCP, ang Makapangyarihang Diyos ay ni hindi kabilang ng Kristiyanismo. Nangangaral kayo ng ebanghelyo sa iba’t ibang sekta sa ilalim ng Kristiyanismo na hindi kayo kinikilalang Kristiyano. Kaya hinding-hindi ko kayo papayagang manalig sa Makapangyarihang Diyos. Maaari lang kayong manalig sa Kristiyanismo kung gusto nyo. Mas magaan ang pagpapahirap ng gobyerno sa ganitong paraan. Kung maaresto at mabilanggo kayo dahil sa pananalig sa Makapangyarihang Diyos, manganganib ang buhay n’yo. Nakita na ng CCP na lahat ng nananalig sa Makapangyarihang Diyos ay walang salang mga alagad ni Cristo sa mga huling araw na mga disipulo at apostol ni Cristo. Ang lubhang pinangangambahan ng CCP ay ang mga pahayag at patotoo sa aklat na Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao na ipinahayag ni Cristo sa mga huling araw, pati na ang matatag na grupong sumusunod kay Cristo sa mga huling araw. Napag-aralan na namin ang kasaysayan ng Kristiyanismo. Ang lubhang pinangambahan ng imperyong Romano ay ang mga disipulo at apostol ni Jesus. Kaya nang hulihin ang mga taong ito, pinagpapatay sila sa iba’t ibang pamamaraan. Ngayon, kung hindi ginawa ang mga hakbang na ito para supilin at lubos na ipagbawal ang grupong ito ng mga tao na sumusunod sa Cristo ng mga huling araw, ilang taon pa lang, mapapailalim sa kanila ang lahat ng iba’t ibang relihiyon. Sa ngayon, ang ilang pangunahing grupong Kristiyano sa China ay napailalim na ng Iglesia ng Makapangyarihang Diyos. Kung hindi inimbento ng CCP ang ilang opinyon ng publiko at nagpakana ng Kaso sa Zhaoyuan, darating siguro ang araw na mapapailalim ang iba’t ibang relihiyon sa mundo sa Iglesia ng Makapangyarihang Diyos. Kapag napailalim sa Iglesia ng Makapangyarihang Diyos ang lahat ng iba’t ibang relihiyon, lubhang makakasama ’yan sa pamamahala ng CCP. Sa gayon, matatag ang determinasyon ng Central Committee na gamitin ang lahat ng puwersa para lubos na ipagbawal ang Iglesia ng Makapangyarihang Diyos sa loob ng maikling panahon. Dapat n’yong malaman, ang paglitaw ng Kidlat ng Silanganan ay hindi lamang nabalita sa China, malaking balita rin ito sa mundo. Dahil gumawa kayo ng napakalaking hakbang, paanong hindi galit na maglulunsad ng malakihang pagsupil at pag-aresto ang CCP laban sa inyo? Kung kailangan n’yong maniwala sa Diyos, maaari lang kayong manalig sa Kristiyanismo. Talagang bawal kayong manalig sa Makapangyarihang Diyos. Ang Iglesia ng Makapangyarihang Diyos ay hindi kabilang ng Kristiyanismo, hindi n’yo ba alam ’yan?

Sagot: Kasasabi n’yo lang ng mismong dahilan kaya sinusupil ng CCP ang Iglesia ng Makapangyarihang Diyos. Pero hindi ba n’yo alam kung...

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito