5. Paano kilalanin ang sarili at iwaksi ang mga tiwaling disposisyon

Mga Salita ng Makapangyarihang Diyos ng mga Huling Araw

Nagsisimula ang pagbabago ng disposisyon ng tao sa kaalaman ng kanyang diwa at sa pamamagitan ng mga pagbabago sa kanyang pag-iisip, kalikasan, at pangkaisipang pananaw—sa pamamagitan ng mga pangunahing pagbabago. Sa ganitong paraan lamang makakamtan ang mga tunay na pagbabago sa disposisyon ng tao. Ang pinag-ugatan ng mga tiwaling disposisyon na lumilitaw sa tao ay ang panlilihis, katiwalian, at lason ni Satanas. Ang tao ay iginagapos at kinokontrol ni Satanas, at dinaranas niya ang napakalaking pinsalang idinulot ni Satanas sa kanyang pag-iisip, moralidad, kaunawaan, at katinuan. Sumasalungat ang tao sa Diyos at hindi matanggap ang katotohanan dahil mismo nagawa nang tiwali ni Satanas ang mga pangunahing bagay ng tao, at lubhang hindi na katulad ng orihinal na pagkakalikha ng Diyos sa kanila. Sa gayon, dapat magsimula ang mga pagbabago sa disposisyon ng tao sa mga pagbabago sa kanyang pag-iisip, kaunawaan, at katinuan na siyang magbabago ng kanyang pagkakilala sa Diyos at kanyang pagkakilala sa katotohanan. Mas lalong ignorante sa kung ano ang Diyos o sa kung ano ang kahulugan ng paniniwala sa Diyos yaong isinilang sa pinakamalubhang natiwali sa lahat ng lupain. Mas tiwali ang mga tao, mas kakaunti ang kanilang kaalaman sa pag-iral ng Diyos, at mas mahina ang kanilang katinuan at kaunawaan. Ang ugat ng pagsalungat at pagiging mapanghimagsik ng tao laban sa Diyos ay ang kanyang katiwalian sa pamamagitan ni Satanas. Dahil sa katiwalian ni Satanas, naging manhid ang konsensiya ng tao; imoral siya, masama ang kanyang mga saloobin, at paurong ang kanyang pangkaisipang pananaw. Bago siya ginawang tiwali ni Satanas, likas na nagpapasakop sa Diyos ang tao at nagpapasakop sa Kanyang mga salita pagkatapos marinig ang mga ito. Siya ay likas na may maayos na katinuan at konsensiya, at may normal na pagkatao. Matapos gawing tiwali ni Satanas, pumurol at pinahina ni Satanas ang orihinal na katinuan, konsensiya, at pagkatao ng tao. Sa gayon, nawala niya ang kanyang pagpapasakop at pag-ibig sa Diyos. Nalihis ang katinuan ng tao, naging katulad na ng sa hayop ang kanyang disposisyon, at nagiging mas madalas at mas matindi ang kanyang pagiging mapanghimagsik sa Diyos. Nguni’t hindi pa rin ito batid ni kinikilala ng tao, at walang tigil lang siyang sumasalungat at naghihimagsik. Ibinubunyag ng mga pagpapahayag ng kanyang katinuan, kaunawaan, at konsensiya ang disposisyon ng tao; dahil wala sa ayos ang kanyang katinuan at kaunawaan, at sukdulan nang pumurol ang kanyang konsensiya, kaya mapanghimagsik laban sa Diyos ang kanyang disposisyon. Kung hindi mababago ang katinuan at pananaw ng tao, hindi posible ang mga pagbabago sa kanyang disposisyon, gayundin ang umayon sa mga layunin ng Diyos. Kung hindi maayos ang katinuan ng tao, hindi niya maaaring paglingkuran ang Diyos at hindi siya akmang gamitin ng Diyos. Tumutukoy “ang normal na katinuan” sa pagpapasakop at pagiging tapat sa Diyos, sa paghahangad sa Diyos, sa pagiging ganap tungo sa Diyos, at sa pagkakaroon ng konsensiya tungo sa Diyos. Tumutukoy ito sa pagiging isa sa puso at isip tungo sa Diyos, at hindi pasadyang lumalaban sa Diyos. Hindi ganito ang pagkakaroon ng lihis na katinuan. Mula noong ginawang tiwali ni Satanas ang tao, nakabuo na siya ng mga kuru-kuro ukol sa Diyos, at wala siyang katapatan sa Diyos o paghahangad sa Kanya, at lalo na ang pagkakaroon ng konsensiya tungo sa Diyos. Sadyang sinasalungat at hinahatulan ng tao ang Diyos, at, bukod pa riyan, pumupukol sa Kanya ng mga pagtuligsa sa Kanyang likuran. Hinahatulan ng tao ang Diyos nang patalikod, nang may malinaw na kaalamang Siya ang Diyos; walang intensiyon ang tao na magpasakop sa Diyos, at gumagawa lamang ng mga bulag na kahilingan at pakiusap sa Kanya. Ang gayong mga tao—mga taong may lihis na katinuan—ay walang kakayahang makilala ang sarili nilang pag-uugaling kasuklam-suklam o ang pagsisihan ang kanilang pagiging mapanghimagsik. Kung may kakayahan ang mga taong makilala ang mga sarili nila, bahagya nilang nabawi na ang kanilang katinuan; habang mas naghihimagsik sa Diyos ang mga taong hindi pa nakakikilala sa mga sarili nila, mas wala sa ayos ang kanilang katinuan.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Hindi Pagbabago ng Disposisyon ay Pakikipag-alitan sa Diyos

Gumagamit ang Diyos ng iba’t ibang paraan para makilala ng mga tao ang kanilang sarili. Inihanda na Niya ang lahat ng uri ng kapaligiran upang ibunyag ng mga tao ang kanilang katiwalian, at patuloy nilang makilala ang kanilang sarili sa pamamagitan ng karanasan. Paglalantad man ito ng mga salita ng Diyos o Kanyang paghatol at pagpaparusa, nauunawaan ba ninyo kung ano ang pangwakas na layunin ng Diyos sa pagsasagawa ng gawaing ito? Ang pangwakas na layunin ng Diyos sa pagsasagawa ng Kanyang gawain sa ganitong paraan ay upang mabigyang-daan ang bawat taong makakaranas ng Kanyang gawain na malaman kung ano ang tao. At ano ang kalakip nito, itong “pag-alam kung ano ang tao”? Kalakip nito ang pagbibigay-daan sa tao na malaman ang kanyang identidad at kanyang katayuan, ang kanyang tungkulin at kanyang responsabilidad. Nangangahulugan itong pagbibigay-daan sa iyong malaman kung ano ang ibig sabihin ng pagiging tao, pagbibigay-daan sa iyong maunawaan kung sino ka. Ito ang pangwakas na hangarin ng Diyos sa pagkilala ng mga tao sa kanilang sarili.

—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi

Upang hangarin ang pagbabago ng disposisyon, kailangan munang makilala ng isang tao ang sarili niyang tiwaling disposisyon. Ang tunay na pagkakilala sa sarili ay kailangan ng masusing pagtingin at pagsusuri sa diwa ng kanyang katiwalian, pati na rin ang pagkilala sa iba’t ibang kalagayan na dulot ng isang tiwaling disposisyon. Kapag malinaw na naunawaan ng isang tao ang sarili niyang mga tiwaling kalagayan at tiwaling disposisyon, saka lamang niya magagawang kasuklaman ang kanyang laman at si Satanas, at saka lamang magkakaroon ng pagbabago sa disposisyon. Kung hindi niya makikilala ang mga kalagayang ito, at mabigong maiugnay at maitugma ang mga ito sa kanyang sarili, mababago ba ang disposisyon niya? Hindi. Ang pagbabago ng disposisyon ay nangangailangan ng pagkilala sa iba’t ibang kalagayan na dulot ng tiwali niyang disposisyon; dapat siyang makarating sa puntong hindi na siya pinipigil ng tiwali niyang disposisyon at sa punto ng pagsasagawa sa katotohanan—saka lamang magsisimula ang pagbabago ng disposisyon niya. Kung hindi niya makikilala ang pinagmulan ng mga tiwali niyang kalagayan, at pinipigilan lamang ang sarili niya ayon sa mga salita at doktrina na nauunawaan niya, kahit mayroon siyang ilang mabuting pag-uugali at magbabago siya nang kaunti sa panlabas, hindi ito maituturing na pagbabago ng disposisyon. Dahil ito ay hindi maaaring ituring na pagbabago ng disposisyon, ano kung gayon ang papel na ginagampanan ng karamihan ng tao sa panahon ng pagganap ng tungkulin nila? Ito ay ang papel ng isang trabahador; sila ay wala sa loob kung gumawa at nagpapakaabala lamang sa mga gawain. Bagamat ginagampanan din nila ang tungkulin nila, kadalasan ay nakatutok lamang sila sa pagtapos ng mga bagay, hindi sa paghahanap ng katotohanan kundi sa paggawa nang wala sa loob. Minsan, kapag maganda ang lagay ng kanilang loob, higit silang magsisikap, at minsan, kapag masama ang lagay ng kanilang loob, hindi sila masyadong magsisikap. Ngunit pagkatapos ay susuriin nila ang sarili nila at makakaramdam sila ng pagsisisi, kaya’t muli silang higit na magsisikap, sa pag-aakalang ito ay pagsisisi. Sa katunayan, ito ay hindi tunay na pagbabago, o tunay na pagsisisi. Nagsisimula ang tunay na pagsisisi sa pagkakilala sa sarili; nagsisimula ito sa pagbabago ng ugali. Kapag nagbago na ang ugali ng isang tao, at kaya na niyang maghimagsik laban sa kanyang laman, isagawa ang katotohanan, at iayon ang kanyang ugali sa mga prinsipyo, nangangahulugan ito na mayroon na ngang tunay na pagsisisi. Pagkatapos, unti-unti silang makararating sa puntong kaya na nilang magsalita at kumilos ayon sa mga prinsipyo, ganap nang umaayon sa katotohanan. Ito ang simula ng pagbabago sa buhay disposisyon.

—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Tanging ang Pagkakilala sa Sarili ang Makakatulong sa Paghahangad ng Katotohanan

Ang susi sa pagkakamit ng pagbabago sa disposisyon ay ang malaman ng isang tao ang kanyang sariling kalikasan, at kailangang mangyari ito alinsunod sa mga paglalantad mula sa Diyos. Sa salita lamang ng Diyos malalaman ng isang tao ang sarili niyang kasuklam-suklam na kalikasan, makikilala sa sarili niyang kalikasan ang iba’t ibang lason ni Satanas, matatanto na siya ay hangal at mangmang, at matutukoy ang mahihina at mga negatibong elemento sa kanyang kalikasan. Pagkatapos malaman nang lubusan ang mga ito, at talagang nagagawa mong kamuhian ang sarili mo at maghimagsik laban sa laman, palaging isagawa ang salita ng Diyos, palaging hangarin ang katotohanan habang ginagampanan ang iyong mga tungkulin, makamit ang pagbabago sa iyong disposisyon, at maging isang taong tunay na nagmamahal sa Diyos, nasimulan mo nang tumahak sa landas ni Pedro. Kung wala ang biyaya ng Diyos, kung wala ang kaliwanagan at patnubay mula sa Banal na Espiritu, magiging mahirap tahakin ang landas na ito, dahil hindi taglay ng mga tao ang katotohanan at hindi nila magawang maghimagsik laban sa kanilang sarili. Ang pagtahak sa landas ng pagiging perpekto ni Pedro ay nakasalalay una sa lahat sa pagkakaroon ng pagpapasiya, pagkakaroon ng pananampalataya, at pagtitiwala sa Diyos. Bukod dito, kailangang magpasakop ang tao sa gawain ng Banal na Espiritu; sa lahat ng bagay, hindi makakaraos ang tao nang wala ang mga salita ng Diyos. Ito ang mga pangunahing aspeto, at wala ni isa rito ang maaaring labagin. Sa gitna ng karanasan, napakahirap na kilalanin ang sarili; kung wala ang gawain ng Banal na Espiritu, wala itong saysay.

—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi

Para makilala mo ang iyong sarili, kailangan mong malaman ang iyong sariling mga pagbubunyag ng katiwalian, ang iyong tiwaling disposisyon, ang mga mapanganib na kahinaan ng iyong sarili, ang disposisyon mo, at ang kalikasang diwa mo. Kailangan mo ring malaman, hanggang sa pinakahuling detalye, yaong mga bagay na nahahayag sa iyong pang-araw-araw na buhay—ang iyong mga motibo, mga pananaw, at saloobin sa bawat bagay—nasa bahay ka man o nasa labas, kapag nasa mga pagtitipon ka, kapag kumakain at umiinom ka ng mga salita ng Diyos, o sa bawat isyung kinakaharap mo. Sa pamamagitan ng mga aspekto na ito dapat mong makilala ang iyong sarili. Siyempre, para makilala mo nang mas malalim ang iyong sarili, kailangan mong sangkapan ang sarili mo ng mga salita ng Diyos; magkakamit ka lamang ng mga resulta kapag nakilala mo ang iyong sarili batay sa Kanyang mga salita. Kapag tumatanggap ng paghatol ng mga salita ng Diyos, huwag matakot na magdusa o masaktan, at bukod pa riyan, huwag matakot na tatagos ang mga salita ng Diyos sa puso ninyo at ilalantad ang mga pangit ninyong kalagayan. Kapaki-pakinabang na pagdusahan ang mga bagay na ito. Kung naniniwala kayo sa Diyos, dapat ninyong basahin ang higit pa sa mga salita ng Diyos na humahatol at kumakastigo sa mga tao, lalo na iyong mga naglalantad sa diwa ng katiwalian ng sangkatauhan. Dapat ninyong higit na ihambing ang mga iyon sa inyong praktikal na kalagayan, at dapat ninyong higit na iugnay ang mga iyon sa inyong sarili at hindi gaanong iangkop ang iba. Ang mga uri ng kalagayang inilalantad ng Diyos ay umiiral sa bawat tao, at maaaring matagpuan ang lahat ng iyon sa inyo. Kung hindi ka naniniwala rito, subukan mong danasin iyon. Habang lalo kang dumaranas, lalo mong makikilala ang iyong sarili, at lalo mong madarama na tumpak na tumpak ang mga salita ng Diyos. Matapos basahin ang mga salita ng Diyos, walang kakayahan ang ilang tao na iugnay ang mga iyon sa kanilang sarili; akala nila ay hindi tungkol sa kanila ang mga bahagi ng mga salitang ito, kundi sa halip ay tungkol sa ibang mga tao. Halimbawa, kapag inilalantad ng Diyos ang mga tao bilang masasamang babae at mga kalapating mababa ang lipad, nadarama ng ilang kapatirang babae na dahil naging tapat na tapat sila sa kanilang asawa, malamang na hindi tumutukoy sa kanila ang gayong mga salita; nadarama ng ilang kapatid na babae na dahil wala silang asawa at hindi pa nakipagtalik kailanman, malamang na hindi rin tungkol sa kanila ang gayong mga salita. Nadarama ng ilang kapatid na lalaki na para lamang sa mga babae ang mga salitang ito, at walang kinalaman sa kanila; naniniwala ang ilang tao na masyadong matindi ang mga salita ng paglalantad ng Diyos, na hindi umaayon ang mga iyon sa realidad, kaya ayaw nilang tanggapin ang mga iyon. Mayroon pang mga taong nagsasabi na sa ilang pagkakataon, hindi tumpak ang mga salita ng Diyos. Ito ba ang tamang saloobin sa mga salita ng Diyos? Malinaw na mali ito. Tinitingnan ng lahat ng tao ang kanilang sarili batay sa kanilang panlabas na mga pag-uugali. Wala silang kakayahang pagnilayan ang kanilang mga sarili, at makilala ang kanilang tiwaling diwa, sa gitna ng mga salita ng Diyos. Dito, ang “masasamang babae” at “mga bayarang babae” ay tumutukoy sa diwa ng katiwalian, sa karumihan, at kawalan ng delikadesa ng sangkatauhan. Lalaki man o babae, may-asawa o wala, lahat ay mayroong mga tiwaling saloobin ng kawalan ng delikadesa—kaya paano ito mawawalan ng kinalaman sa iyo? Inilalantad ng mga salita ng Diyos ang mga tiwaling disposisyon ng mga tao; lalaki man o babae, pareho ang antas ng katiwalian ng tao. Hindi ba totoo ito? Dapat muna nating mapagtanto na ang lahat ng sinasabi ng Diyos ay katotohanan, at nakaayon sa mga totoong pangyayari, at na kahit gaano pa katindi ang Kanyang mga salita na humahatol at naglalantad sa mga tao, o gaano man kamalumanay ang Kanyang mga salita ng pagbabahagi ng katotohanan o pag-uudyok sa mga tao, paghatol man o mga pagpapala ang Kanyang mga salita, mga pagkondena man o mga pagsumpa ang mga ito, nasasaktan man nito ang mga tao o nabibigyang-kasiyahan, dapat tanggapin ng mga tao ang lahat ng ito. Iyon ang saloobing dapat taglayin ng mga tao sa mga salita ng Diyos. Anong uri ng saloobin ito? Ito ba ay isang saloobing makadiyos, isang taos na saloobin, isang saloobing mapagpasensiya, o isang saloobing tumatanggap ng pagdurusa? Medyo nalilito kayo. Sinasabi Ko sa inyo na hindi ito anuman sa mga ito. Sa kanilang pananampalataya, dapat matatag na panindigan ng mga tao na ang mga salita ng Diyos ang katotohanan. Dahil ang mga ito nga ang katotohanan, dapat tanggapin ng mga tao ang mga ito nang makatwiran. Kinikilala o inaamin man nila ito o hindi, ang una nilang saloobin sa mga salita ng Diyos ay dapat lubos na pagtanggap. Kung hindi inilalantad ng salita ng Diyos ang isang tao o ang lahat sa inyo, sino ang inilalantad niyon? At kung hindi iyon para ilantad ka, bakit ka sinasabihang tanggapin iyon? Hindi ba ito isang kontradiksyon? Nangungusap ang Diyos sa buong sangkatauhan, bawat pangungusap na binigkas ng Diyos ay naglalantad sa tiwaling sangkatauhan, at walang hindi kasali rito—kaya natural na kasama ka rin. Wala ni isa sa mga linya ng mga binigkas ng Diyos ang tungkol sa mga panlabas na hitsura, o uri ng kalagayan, lalo na tungkol sa mga patakarang panlabas o sa isang simpleng klase ng pag-uugali sa mga tao. Hindi ganoon ang mga iyon. Kung sa tingin mo ay paglalantad lang ng isang simpleng uri ng pag-uugali ng tao o panlabas na pagpapakita ang bawat linyang binigkas ng Diyos, wala kang espirituwal na pang-unawa at hindi mo nauunawaan kung ano ang katotohanan. Ang mga salita ng Diyos ay ang katotohanan. Nadarama ng mga tao ang kalaliman ng mga salita ng Diyos. Paano naging malalim ang mga ito? Inilalantad ng bawat salita ng Diyos ang mga tiwaling disposisyon ng mga tao, at ang mga bagay na mahalaga at malalim na nakaugat sa kanilang buhay. Mahalaga ang mga bagay na ito, hindi mga panlabas na hitsura, at lalo nang hindi mga pag-uugali sa labas. Sa pagtingin sa mga tao mula sa kanilang mga panlabas na anyo, maaaring mukhang mabubuting tao silang lahat. Ngunit bakit sinasabi ng Diyos na ang ilang tao ay masasamang espiritu at ang ilan ay maruruming espiritu? Ito ay isang bagay na hindi mo nakikita. Kaya, kailangan ay hindi tratuhin ng isang tao ang mga salita ng Diyos ayon sa mga kuru-kuro o imahinasyon ng tao, o ayon sa sabi-sabi ng tao, at lalong hindi ayon sa mga pahayag ng naghaharing partido. Ang mga salita lamang ng Diyos ang katotohanan; lahat ng salita ng tao ay mali. Matapos mabahaginan nang gayon, nakaranas na ba kayo ng pagbabago sa inyong saloobin sa mga salita ng Diyos? Gaano man kalaki o kaliit ang pagbabago, sa susunod na mabasa ninyo ang mga salita ng Diyos na humahatol at naglalantad sa mga tao, kahit paano ay hindi ninyo dapat subukang mangatwiran sa Diyos. Dapat kayong tumigil sa pagrereklamo tungkol sa Diyos, sinasabing, “Talagang matindi ang mga salita ng paglalantad at paghahatol ng Diyos sa mga tao; hindi ko babasahin ang pahinang ito. Lalaktawan ko na lang ito. Maghahanap ako ng mababasa tungkol sa mga pagpapala at pangako, para maginhawahan ako nang kaunti.” Dapat ay hindi na ninyo basahin ang salita ng Diyos sa pamamagitan ng pagpiling mabuti ayon sa inyong sariling mga hilig. Dapat ninyong tanggapin ang katotohanan at ang paghatol at pagkastigo ng mga salita ng Diyos; saka lamang malilinis ang inyong tiwaling disposisyon, at saka lang kayo magtatamo ng kaligtasan.

—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Kahalagahan ng Paghahangad sa Katotohanan at ang Landas ng Paghahangad Nito

Kung isa kang tao na naghahangad sa katotohanan, dapat mong pagnilayan at unawain ang tiwali mong disposisyon ayon sa mga salita ng Diyos, sukatin ang sarili mo sa bawat pangungusap ng mga salita ng Diyos ng pagbubunyag at paghatol, at unti-unting alisin ang lahat ng tiwali mong disposisyon at kalagayan. Magsimula ka sa pagsisiyasat sa mga layunin at pakay ng mga salita at gawain mo, suriin at kilatisin ang bawat salita na binibitawan mo, at huwag balewalain ang anumang umiiral sa isipan mo. Sa ganitong paraan, sa pamamagitan ng unti-unting pagsusuri at pagkilatis, matutuklasan mo na ang tiwali mong disposisyon ay hindi kaunti kundi sagana, at ang mga lason ni Satanas ay hindi limitado kundi marami. Sa ganitong paraan, unti-unti mong malinaw na makikita ang mga tiwali mong disposisyon at kalikasang diwa, at mapagtatanto mo kung gaano ka kalalim na ginawang tiwali ni Satanas. Sa panahong ito, mararamdaman mo kung gaano napakahalaga ang katotohanang ipinahayag ng Diyos. Malulutas nito ang mga problema ng tiwaling disposisyon at kalikasan ng sangkatauhan. Itong gamot na inihanda ng Diyos para sa mga tiwaling tao upang iligtas ang sangkatauhan ay lubos na mabisa, mas mahalaga pa ito kaysa sa anumang eliksir. Kaya, upang matanggap ang pagliligtas ng Diyos, kusang loob mong hinahangad ang katotohanan, higit pang pinapahalagahan ang bawat aspekto ng katotohanan sa bawat sandali, at pinagsisikapang hangarin ito nang may papatinding lakas. Kapag mayroong nararamdamang ganito ang isang tao sa kanyang puso, ibig sabihin nito ay nakamit na niya ang pag-unawa sa ilang katotohanan, at itinanim na ang sarili niya sa tamang daan. Kung mararanasan niya ito nang mas malalim at tunay niyang mamahalin ang Diyos nang buong puso, magsisimulang magbago ang kanyang buhay disposisyon.

Madaling gumawa ng ilang pagbabago sa pag-uugali, ngunit hindi madaling baguhin ang buhay disposisyon ng isang tao. Ang paglutas sa isyu ng isang tiwaling disposisyon ay dapat magsimula sa pagkilala sa sarili. Kailangan nito ng pagmamasid, ng unti-unting pagtuon sa pagsusuri ng mga intensyon at kalagayan ng isang tao, at ng palagiang pagsusuri sa mga layunin at nakagawiang paraan ng pananalita. At balang araw ay biglang mapagtatanto: “Palagi akong nagsasabi ng magagandang bagay upang magbalatkayo, umaasang magkakamit ng katayuan sa puso ng iba. Ito ay isang masamang disposisyon. Hindi ito pagpapahayag ng normal na pagkatao at hindi ito umaayon sa katotohanan. Ang masasamang pananalita at layuning ito ay mali, at dapat baguhin at alisin ito.” Matapos mapagtanto ito, mas malinaw mong mararamdaman ang kalubhaan ng tiwali mong disposisyon. Inakala mong ang kasamaan ay ukol lamang sa pag-iral ng masamang pagnanasa sa pagitan ng isang lalaki at isang babae, at pakiramdam mo na bagamat nagpakita ka ng ganoong kasamaan, hindi ka isang taong may masamang disposisyon. Ipinahihiwatig nito na wala kang kamalayan ukol sa masamang disposisyon; tila alam mo ang mababaw na kahulugan ng salitang “masama” ngunit hindi mo lubos na makilala o makilatis ang isang masamang disposisyon; at sa katunayan, hindi mo pa rin nauunawaan kung ano ang ibig sabihin ng salitang “masama.” Kapag napagtanto mo na nagpakita ka ng ganitong disposisyon, magsisimula kang pagnilay-nilayan ang sarili mo at makikilala mo ito, at sisiyasatin ang kalaliman ng pinagmulan nito, at makikita mo na mayroon ka ngang gayong disposisyon. Ano ang dapat mong gawin pagkatapos? Dapat ay patuloy mong suriin ang mga layunin mo sa gayong katulad na paraan ng pagsasalita. Sa pamamagitan ng ganitong patuloy na pagsisiyasat, makikilala mo nang may mas higit na katapatan at katumpakan na mayroon ka ngang ganitong uri ng disposisyon at diwa. Sa araw na tunay mong aaminin na talagang mayroon ka ngang masamang disposisyon, saka ka lamang magsisimulang magkaroon ng pagkasuklam at pagtataboy rito. Mula sa pag-aakalang siya ay mabuting tao, na may matuwid na asal, may pagpapahalaga sa katarungan, isang taong may moral na integridad at walang pandaraya, siya ay magiging isang taong nakikilala na mayroon siyang mga kalikasang diwa katulad ng kayabangan, pagkamapagmatigas, panlilinlang, kasamaan, at pagtutol sa katotohanan. Sa puntong iyon, masusuri na niya ang sarili niya at makikilala kung ano talaga siya. Ang simpleng pag-amin o pagkilala na mayroon kang mga pagpapamalas at kalagayan na ito ay hindi magdudulot ng tunay na pagkasuklam. Ang tanging paraan upang kamuhian mo ang sarili mo ay ang pagkilala na ang diwa ng mga tiwaling disposisyong ito ay ang kasuklam-suklam na paraan ni Satanas. Anong uri ng pagkatao ang kailangan upang tunay na makilala ang sarili hanggang sa punto ng pagkasuklam sa sarili? Dapat mahalin ng isang tao ang mga positibong bagay, mahalin ang katotohanan, mahalin ang katarungan at ang katuwiran, magkaroon ng konsensiya at kamalayan, maging mabuti at magawang tanggapin at isagawa ang katotohanan—ang ganitong mga tao ay tunay na makakakilala at masusuklam sa sarili nila. Ang mga hindi nagmamahal sa katotohanan at nahihirapang tanggapin ito ay hindi kailanman makikilala ang sarili nila. Magsalita man sila ng ilang salita tungkol sa pagkakilala nila sa sarili nila, hindi nila maisasagawa ang katotohanan, at hindi sila sasailalim sa anumang tunay na pagbabago. Ang pagkilala sa sarili ang pinakamahirap na gawain.

—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Tanging ang Pagkakilala sa Sarili ang Makakatulong sa Paghahangad ng Katotohanan

Kapag binabasa ang mga salita ng Diyos, hindi nakatuon si Pedro sa pag-unawa sa mga doktrina at siya ay lalo pang hindi nakatuon sa pagkakamit ng kaalamang pangteolohiya. Sa halip, siya ay nakatuon sa pag-unawa sa katotohanan at pag-unawa sa mga layunin ng Diyos, gayundin sa pagtatamo ng pagkaunawa sa disposisyon at pagiging kaibig-ibig ng Diyos. Sinubukan din ni Pedro na unawain ang iba’t ibang tiwaling kalagayan ng tao mula sa mga salita ng Diyos, gayundin ang kalikasang diwa, at aktuwal na mga pagkukulang ng tao, kaya madali niyang natutugunan ang mga hinihingi ng Diyos upang mapalugod ang Diyos. Nagkaroon si Pedro ng napakaraming wastong mga pagsasagawa sa loob ng mga salita ng Diyos. Ito ang pinakanaaayon sa mga layunin ng Diyos, at ito ang pinakamahusay na paraan ng pakikipagtulungan ng tao habang nararanasan ang gawain ng Diyos. Noong dumaranas ng daan-daang pagsubok na ipinadala ng Diyos, mahigpit na sinuri ni Pedro ang kanyang sarili ayon sa bawat salita ng paghatol at paglalantad ng Diyos sa tao, at bawat salita ng Kanyang mga hinihingi sa tao, at sinikap na tumpak na unawain ang kahulugan ng mga salitang iyon. Masigasig niyang pinagnilayan at isinaulo ang bawat salitang sinabi sa kanya ni Jesus, at napakaganda ng natamo niyang mga resulta. Sa pagsasagawa sa ganitong paraan, naunawaan niya ang kanyang sarili mula sa mga salita ng Diyos, at hindi lang ang iba’t ibang tiwaling kalagayan at kakulangan ng tao ang naunawaan niya, kundi naunawaan din niya ang diwa at kalikasan ng tao. Ito ang kahulugan ng tunay na maunawaan ang sarili.

—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Paano Tahakin ang Landas ni Pedro

Kung uunawain ng mga tao ang kanilang mga sarili, dapat nilang unawain ang tiwali nilang disposisyon, at maarok ang tunay nilang mga katayuan. Ang pinakamahalagang aspeto ng pag-unawa sa sariling katayuan ng isang tao ay ang magkaroon ng pagkaunawa sa sariling mga kaisipan at mga ideya. Sa bawat yugto ng panahon, ang mga kaisipan at ideya ng mga tao ay kinokontrol ng isang pangunahing bagay. Kung nagagawa mong maunawaan ang iyong mga kaisipan at ideya, magagawa mong maunawaan ang mga bagay na nasa likod ng mga ito. Hindi nakokontrol ng mga tao ang mga kaisipan at ideya nila. Gayunman, kailangan mong malaman kung saan nagmumula ang mga kaisipan at ideyang ito, ano ang mga motibo sa likod ng mga ito, paano nabubuo ang mga kaisipan at ideyang ito, ano ang kumokontrol sa mga ito, at ano ang kalikasan ng mga ito. Pagkatapos magbago ang disposisyon ng isang tao, ang mga kaisipan, ideya, pananaw at ang mga mithiing pinagsisikapan ng isang tao na nilikha ng bahaging nagbago, ay magiging ibang-iba kaysa dati—sa diwa, haharapin niya ang katotohanan at magiging ayon sa katotohanan. Ang mga bagay sa kalooban ng mga tao na hindi nagbago, ibig sabihin, ang kanilang mga lumang kaisipan, ideya, at pananaw, kabilang ang mga bagay na gusto at hinahangad ng mga tao, ay pawang lubos na marurumi, marurungis, at mga kahindik-hindik na bagay. Pagkatapos maunawaan ng isang tao ang katotohanan, makikilatis niya ang mga bagay na ito, at malinaw na nakikita ang mga ito; kaya, nagagawa niyang isuko at maghimagsik laban sa mga bagay na ito. Ang ganitong mga tao ay tiyak na may pinagbago na. Nagagawa nilang tanggapin ang katotohanan, isagawa ang katotohanan, at pumasok sa ilang katotohanang realidad. Hindi malinaw na nakikita ng mga taong hindi nakakaunawa sa katotohanan ang mga tiwali o negatibong bagay na ito, ni nakikilatis ang mga ito; kaya, hindi nila magawang isuko ang mga ito, lalong hindi nila magagawang maghimagsik laban sa mga bagay na ito. Ano ang nagdudulot ng kaibahang ito? Bakit kahit lahat sila ay mananampalataya, ang ilan sa kanila ay nakakikilatis ng mga negatibo at hindi malinis na bagay, at nabibitiwan ang mga ito, habang ang iba ay hindi nakikita nang malinaw ang mga bagay na ito, ni hindi nila mapalaya ang mga sarili nila mula sa mga ito? Ito ay tuwirang may kaugnayan sa kung ang isang tao ay nagmamahal at naghahangad sa katotohanan.

—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi

Ang susi sa pagninilay-nilay sa sarili at pagkilala sa iyong sarili ay ito: Kapag mas nararamdaman mo na sa mga partikular na aspeto ay mahusay at tama ang ginawa mo, at kapag mas naiisip mong matutugunan mo ang mga layunin ng Diyos o kaya mong magmalaki sa ilang aspeto, mas karapat-dapat na kilalanin ang iyong sarili sa mga aspetong iyon at mas karapat-dapat laliman pa ang pagsasaliksik sa mga iyon para makita kung anong mga karumihan ang nasa sa iyo, at kung anong mga bagay sa iyo ang hindi makatutugon sa mga layunin ng Diyos. Gawin nating halimbawa si Pablo. Si Pablo ay lubhang maalam na tao, labis siyang nagdusa nang siya ay mangaral at gumawa ng gawain, at minahal siya nang lubos ng maraming tao. Bilang resulta, pagkatapos niyang makumpleto ang maraming gawain, ipinagpalagay niya na magkakaroon ng nakalaan na korona para sa kanya. Dahil dito, lalo’t lalo niyang natahak ang maling landas, hanggang sa huli ay pinarusahan siya ng Diyos. Kung pinagnilayan at sinuri niya ang kanyang sarili noong panahong iyon, hindi sana siya mag-iisip sa ganoong paraan. Sa madaling salita, hindi nagtuon si Pablo sa paghahanap ng katotohanan sa mga salita ng Panginoong Jesus; naniwala lamang siya sa mga sarili niyang kuru-kuro at haka-haka. Inakala niya na sa paggawa lamang ng ilang mabuting bagay at pagpapakita ng ilang magandang asal, siya ay sasang-ayunan at gagantimpalaan ng Diyos. Sa huli, binulag ng mga sarili niyang kuru-kuro at imahinasyon ang kanyang puso at tinakpan ang katotohanan ng kanyang katiwalian. Ngunit hindi ito nagawang matukoy ng mga tao, at wala silang kaalaman sa mga bagay na ito, at kaya bago ito inilantad ng Diyos, palagi nilang itinatakda si Pablo bilang isang pamantayang dapat abutin, isang halimbawa sa pamumuhay, at itinuring siya bilang isang idolo na hinahangad at inaasam nilang maging katulad. Ang kaso ni Pablo ay isang babala sa bawat isa sa mga taong hinirang ng Diyos. Lalo na kapag tayong sumusunod sa Diyos ay kayang magdusa at magbayad ng halaga sa ating mga tungkulin at habang naglilingkod tayo sa Diyos, nadarama natin na tapat tayo at nagmamahal sa Diyos, at sa ganitong mga pagkakataon, dapat ay mas lalo nating pagnilayan at unawain ang ating sarili hinggil sa landas na ating tinatahak, na kailangang-kailangan. Ito ay dahil ang iniisip mong mabuti ay ang matutukoy mong tama, at hindi mo pagdududahan iyon, pagninilayan iyon, o hihimayin kung may anuman doon na lumalaban sa Diyos. Halimbawa, may mga taong naniniwala na masyado silang mabait. Hindi nila kinamumuhian o sinasaktan ang iba kahit kailan, at lagi silang tumutulong sa isang kapatid na ang pamilya ay nangangailangan, dahil baka hindi malutas ang kanyang problema; napakabuti ng kanilang kalooban, at ginagawa nila ang lahat ng kaya nila upang tulungan ang lahat ng kaya nilang tulungan. Subalit hindi sila kailanman tumutuon sa pagsasagawa ng katotohanan, at wala silang pagpasok sa buhay. Ano ang resulta ng gayong pagkamatulungin? Kinalilimutan nila ang kanilang sariling pangangailangan, subalit lubhang nasisiyahan sila sa kanilang sarili, at lubos silang nasisiyahan sa nagawa nila. Bukod pa roon, ipinagmamalaki nila iyon nang husto, naniniwala sila na sa lahat ng ginawa nila, walang sumasalungat sa katotohanan, na tiyak palulugurin nito ang mga layunin ng Diyos, at na sila ay tunay na mga mananampalataya sa Diyos. Itinuturing nila ang kanilang likas na kabaitan bilang isang bagay na magagawang puhunan at, sa sandaling gawin nila iyon, walang pag-aatubili na itinuturing nila iyon bilang ang katotohanan. Ang totoo, puro kabutihan sa tao ang ginagawa nila. Hindi talaga nila isinasagawa ang katotohanan, sapagkat ang ginagawa nila ay sa harap ng tao, at hindi sa harap ng Diyos, at lalong hindi sila nagsasagawa ayon sa mga kinakailangan ng Diyos at ng katotohanan. Samakatuwid, ang lahat ng gawa nila ay walang kabuluhan. Wala sa mga ginagawa nila ang pagsasagawa sa katotohanan, o sa mga salita ng Diyos, lalo nang hindi ito pagsunod sa Kanyang kalooban; sa halip, gumagamit sila ng kabaitan ng tao at mabuting pag-uugali upang tulungan ang iba. Bilang pagbubuod, hindi nila hinahangad ang mga layunin ng Diyos sa lahat ng kanilang ginagawa, ni hindi sila kumikilos alinsunod sa Kanyang mga kinakailangan. Hindi sinasang-ayunan ng Diyos ang ganitong uri ng mabuting pag-uugali ng tao; para sa Diyos, ito ay dapat kondenahin, at hindi nararapat sa Kanyang pag-alala.

—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Sa Pagkilala Lamang sa Sariling mga Maling Pananaw ng Isang Tao Siya Tunay na Makapagbabago

Habang nararanasan ang gawain ng Diyos, kahit ilang beses ka pang nabigo, nabuwal, napungusan, o naibunyag, hindi masasamang bagay ang mga ito. Paano ka man napungusan, o mga lider, manggagawa, o kapatid mo man ang gumawa niyon, mabubuting bagay ang lahat ng iyon. Dapat mong tandaan ito: Gaano ka man nagdurusa, ang totoo ay nakikinabang ka. Sinumang may karanasan ay mapatutunayan ito. Ano’t anupaman, ang mapungusan o maibunyag ay laging isang mabuting bagay. Hindi ito pagkokondena. Ito ay pagliligtas ng Diyos at ang pinakamagandang pagkakataon para makilala mo ang iyong sarili. Maaari nitong baguhin ang karanasan mo sa buhay. Kung wala ito, hindi ka magkakaroon ng pagkakataon, ng kundisyon, ni ng konteksto para maunawaan mo ang katotohanan ng iyong katiwalian. Kung talagang nauunawaan mo ang katotohanan, at nagagawa mong ungkatin ang mga tiwaling bagay na nakatago sa kaibuturan ng puso mo, kung malinaw mong matutukoy ang mga ito, mabuti ito, nalutas nito ang isang malaking problema sa buhay pagpasok, at malaking pakinabang sa mga pagbabago sa disposisyon. Ang tunay na makilala ang iyong sarili ang pinakamagandang pagkakataon para mabago mo ang iyong mga pag-uugali at maging isa kang bagong tao; ito ang pinakamagandang oportunidad para magkaroon ka ng bagong buhay. Kapag tunay mong nakilala ang iyong sarili, makikita mo na kapag ang katotohanan ay naging buhay ng isang tao, mahalagang bagay iyon talaga, at mauuhaw ka sa katotohanan, isasagawa mo ang katotohanan, at papasok sa realidad. Napakagandang bagay niyan! Kung maaari mong samantalahin ang pagkakataong iyan at taimtim kang magninilay-nilay sa iyong sarili at magtatamo ng tunay na kaalaman tungkol sa iyong sarili tuwing ikaw ay mabibigo o madadapa, sa kabila ng pagiging negatibo at kahinaan, magagawa mong tumayong muli. Kapag nakaraan ka na sa pintuang ito, makakaya mo nang gumawa ng malaking hakbang at pumasok sa katotohanang realidad.

—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Para Matamo ang Katotohanan, Dapat Matuto ang Isang Tao mula sa mga Tao, Pangyayari, at Bagay sa Malapit

Lahat ng tunay na nakakakilala sa kanilang sarili ay ilang beses nang nabigo at nadapa noon, pagkatapos mangyari ang mga iyon, binabasa nila ang mga salita ng Diyos, nagdarasal sa Kanya, at pinagninilay-nilayan ang kanilang sarili, at kaya malinaw nilang nakikita ang katotohanan ng sarili nilang katiwalian, at nadarama na talaga ngang lubha silang naging tiwali, at talagang nawalan sila ng katotohanang realidad. Kung mararanasan mo ang gawain ng Diyos nang ganito, at mananalangin ka sa Kanya athahanapin mo ang katotohanan kapag may nangyayari sa iyo, unti-unti mong makikilala ang sarili mo. Pagkatapos isang araw, magiging malinaw na sa wakas ang puso mo: “Maaaring medyo mas may kakayahan ako kaysa sa iba, pero ibinigay ito sa akin ng Diyos. Palagi akong mayabang, sinisikap kong higitan ang iba kapag nagsasalita ako, at sinisikap kong pasunurin ang mga tao sa gusto ko. Tunay na wala akong katwiran—ito ay kayabangan at pagmamagaling! Sa pamamagitan ng pagninilay-nilay, nalaman ko ang sarili kong mayabang na disposisyon. Ito ay kaliwanagan at biyaya ng Diyos, at pinasasalamatan ko Siya para dito!” Mabuting bagay ba o masama ang malaman ang sarili mong tiwaling disposisyon? (Mabuting bagay.) Mula roon, dapat patuloy kang maghangad kung paano magsasalita at kikilos nang may katwiran at pagsunod, paano ka papantay sa iba, paano tatratuhin ang iba nang patas nang hindi sila pinipigilan, paano mo titignan nang tama ang iyong kakayahan, mga kaloob, mga kalakasan, at iba pa. Sa ganitong paraan, gaya ng isang bundok na unti-unting pinupukpok hanggang sa maging alikabok, malulutas ang iyong mayabang na disposisyon. Pagkatapos niyon, kapag nakipag-ugnayan ka sa iba o nakipagtulungan sa kanila na gampanan ang isang tungkulin, magagawa mong tratuhin nang tama ang kanilang mga pananaw at lubos na pagtuunan sila nang pansin habang nakikinig ka sa kanila. At kapag narinig mo silang magsabi ng isang pananaw na tama, matutuklasan mo, “Mukhang hindi ako ang may pinakamahusay na kakayahan. Ang totoo, lahat ay may sari-sariling mga kalakasan; hindi talaga sila mas mababa sa akin. Dati, lagi kong iniisip na may mas mahusay na kakayahan ako kaysa sa iba. Paghanga iyon sa sarili at kamangmangan ng isang makitid ang utak. Napakalimitado ng aking pananaw, parang palaka sa ilalim ng isang balon. Talagang walang katwiran ang pag-iisip nang gayon—kahiya-hiya ito! Ginawa akong bulag at bingi ng aking mayabang na disposisyon. Hindi ko naunawaan ang mga salita ng ibang mga tao, at inakala ko na mas mahusay ako kaysa sa kanila, na tama ako, samantalang ang totoo, hindi ako mas mahusay kaysa sa sinuman sa kanila!” Mula noon, magkakaroon ka ng tunay na kabatiran at kaalaman tungkol sa iyong mga kakulangan at sa maliit mong tayog. At pagkatapos niyon, kapag nakipagbahaginan ka sa iba, makikinig kang maigi sa kanilang mga pananaw, at matatanto mo, “Napakaraming taong mas mahusay kaysa sa akin. Katamtaman lang pareho ang aking kahusayan at kakayahang makaarok.” Sa pagkakatantong ito, hindi ba’t nagtamo ka na ng kaunting kamalayan sa iyong sarili? Sa pamamagitan ng pagdanas nito, at sa madalas na pagninilay-nilay sa sarili batay sa mga salita ng Diyos, makapagtatamo ka ng tunay na kaalaman sa iyong sarili na lalo pang lumalalim. Maiintindihan mo ang katotohanan ng iyong katiwalian, ang iyong karukhaan at kasamaan, ang iyong kahiya-hiyang kapangitan, at sa oras na iyon, magiging tutol ka sa sarili mo at kamumuhian mo ang iyong tiwaling disposisyon. Pagkatapos ay magiging madali na para sa iyo na maghimagsik laban sa iyong sarili. Ganoon mo mararanasan ang gawain ng Diyos. Batay sa mga salita ng Diyos, kailangan mong magnilay-nilay sa mga paglalantad mo ng iyong katiwalian. Partikular na kailangan mong madalas na pagnilay-nilayan at kilalanin ang iyong sarili pagkatapos mong maglantad ng tiwaling disposisyon sa anumang sitwasyon. Sa gayon ay magiging madali para sa iyo na makita nang malinaw ang iyong tiwaling diwa, at magagawa mong kamuhian sa puso mo ang iyong katiwalian, ang iyong laman, at si Satanas. At sa puso mo, magagawa mong mahalin at pagsumikapang matamo ang katotohanan. Sa ganitong paraan, patuloy na mababawasan ang iyong mayabang na disposisyon, at unti-unti mo itong maiwawaksi. Makapagtatamo ka ng mas higit pang katwiran, at magiging mas madali para sa iyo na magpasakop sa Diyos. Sa mga mata ng iba, magmumukha kang mas panatag at praktikal, at tila mas obhektibo ka na kung magsalita. Magagawa mo nang makinig sa iba, at bibigyan mo sila ng pagkakataon na makapagsalita. Kapag tama ang iba, magiging madali para sa iyo na tanggapin ang kanilang mga salita, at hindi gaanong magiging mahirap ang mga pakikipag-ugnayan mo sa mga tao. Magagawa mong makipagtulungan nang maayos kaninuman. Kung ganito ang pagganap mo sa iyong tungkulin, hindi ba magiging makatwiran at makatao ka?

—Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Ang Kahulugan ng Paghahangad sa Katotohanan 1

Upang lubusang malutas ang problema ng iyong tiwaling disposisyon, dapat mong hanapin ang katotohanan para malutas ito sa unang pagkakataong lumitaw ito. Dapat mong lutasin ang tiwaling disposisyon sa pag-usbong pa lamang nito, nang sa gayon ay matiyak na hindi ka makagagawa ng anumang mali at maiiwasan ang mga gusot sa hinaharap. Kung ang tiwaling disposisyon ay nag-uugat at nagiging saloobin at pananaw ng isang tao, magagawa nitong diktahan ang tao na gumawa ng kasamaan. Samakatuwid, ang pagninilay sa sarili at pagkakilala sa sarili ay pangunahing tungkol sa pagtuklas sa mga tiwaling disposisyon ng isang tao, at mabilis na paghahanap sa katotohanan para malutas ang mga ito. Dapat mong malaman kung anong mga bagay ang nasa likas na pagkatao mo, kung ano ang gusto mo, ano ang hinahangad mo, at ano ang gusto mong makamit. Dapat mong himayin ang mga bagay na ito ayon sa mga salita ng Diyos para makita kung ang mga ito ay naaayon sa mga layunin ng Diyos, at sa paanong paraan nakakalinlang ang mga ito. Kapag naunawaan mo na ang mga bagay na ito, dapat mong lutasin ang problema ng iyong hindi normal na katwiran, ibig sabihin, ang problema ng iyong hindi makatwiran at walang patumanggang pagkayamot. Hindi lamang ito problema ng iyong tiwaling disposisyon, nauugnay rin ito sa iyong kawalan ng katwiran. Lalo na sa mga bagay na may kinalaman sa kanilang mga interes, ang mga taong nadadala ng pansariling interes ay hindi nagtataglay ng normal na katwiran. Isa itong problema sa pag-iisip, at ito rin ang kahinaan ng mga tao. …

Ang mga bagay sa kalikasan ng tao ay hindi tulad ng ilang panlabas na pag-uugali, gawi, o kaisipan at ideya na maaari lamang pungusin at iyon na iyon; dapat mailantad ang mga ito nang paunti-unti. Higit pa rito, hindi madali para sa mga tao na matukoy ang mga ito, at kahit pa matukoy ang mga ito, hindi madaling baguhin ang mga ito—ang paggawa nito ay nangangailangan ng sapat na malalim na pagkaunawa. Bakit palagi nating hinihimay ang kalikasan ng tao? Hindi ba ninyo naiintindihan kung ano ang ibig sabihin nito? Saan nagmumula ang mga pagbubunyag ng mga tiwaling disposisyon ng mga tao? Lahat ito ay nagmumula sa kanilang kalikasan, at lahat ito ay pinangingibabawan ng kanilang kalikasan. Bawat tiwaling disposisyon ng tao, bawat kaisipan at ideya, bawat layunin, lahat ay nauugnay sa kalikasan ng tao. Samakatuwid, sa pamamagitan ng paglalantad sa kalikasan ng tao, madaling malulutas ang kanyang mga tiwaling disposisyon. Bagama’t hindi madaling baguhin ang kalikasan ng mga tao, kung matutukoy at makikilatis nila ang mga tiwaling disposisyon na kanilang inihahayag, at kung mahahanap nila ang katotohanan upang malutas ang mga ito, magagawa nilang unti-unting baguhin ang kanilang mga disposisyon. Sa sandaling nakamit na ng isang tao ang pagbabago sa kanyang buhay disposisyon, mababawasan nang mababawasan ang mga bagay sa loob nila na lumalaban sa Diyos. Ang layon ng paghihimay sa kalikasan ng tao ay baguhin ang kanyang mga disposisyon. Hindi pa ninyo nauunawaan ang layong ito, at iniisip na sa pamamagitan lamang ng paghihimay at pag-unawa sa inyong kalikasan ay makakapagpasakop kayo sa Diyos at maibabalik na ang inyong katwiran. Ang ginagawa lang ninyo ay pikit-matang naglalapat ng mga patakaran! Bakit hindi Ko na lang ilantad ang kayabangan at pagmamagaling ng mga tao? Bakit kailangan Ko ring himayin ang kanilang tiwaling kalikasan? Hindi malulutas ang problema kung ilalantad Ko lamang ang kanilang pagmamagaling at kayabangan. Ngunit kung hihimayin Ko ang kanilang kalikasan, ang mga aspeto na saklaw nito ay napakalawak, at kabilang dito ang lahat ng tiwaling disposisyon. Ito ay higit pa sa makitid na sakop ng pagmamagaling, labis na pagpapahalaga sa sarili, at kayabangan. Higit pa rito ang kabilang sa kalikasan. Kaya, makabubuti kung makikilala ng mga tao kung gaano karaming tiwaling disposisyon ang kanilang inihahayag sa lahat ng iba’t ibang hinihingi nila sa Diyos, ibig sabihin, sa kanilang labis na pagnanasa. Sa sandaling maunawaan na ng mga tao ang kanilang sariling kalikasang diwa, magagawa na nilang kamuhian at itatwa ang kanilang sarili; magiging madali na para sa kanila na lutasin ang kanilang mga tiwaling disposisyon, at magkakaroon na sila ng landas. Kung hindi, hindi ninyo kailanman malalantad ang pinag-ugatan, at sasabihin lamang ninyo na ito ay pagmamagaling, kayabangan, o pagmamalaki, o kawalan ng katapatan. Malulutas ba ng pagtalakay lang sa gayong mabababaw na bagay ang inyong problema? May pangangailangan bang talakayin ang kalikasan ng tao?

—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Masyadong Maraming Hinihingi ang mga Tao mula sa Diyos

Sa mga panahong ito, halos lahat ng tao ay may napakababaw na pagkaunawa sa kanilang sarili. Ni hindi man lang nila nalalaman nang malinaw ang mga bagay na bahagi ng kanilang likas na pagkatao. Alam lamang nila ang ilan sa tiwaling kalagayan na ibinubunyag nila, ang mga bagay na malamang na gagawin nila, o ang ilan sa kanilang mga pagkukulang, at pinaniniwala sila ng mga ito na kilala nila ang kanilang sarili. Bukod pa riyan, kung sumusunod sila sa ilang regulasyon, tinitiyak nila na hindi sila nagkakamali sa ilang aspeto, at nagagawa nilang umiwas na makagawa ng ilang paglabag, pagkatapos ay itinuturing nila ang kanilang sarili na nagtataglay ng realidad sa kanilang pananalig sa Diyos at ipinapalagay na sila ay maliligtas. Ganap na imahinasyon ito ng tao. Kung sumusunod ka sa mga bagay na iyon, talaga bang mapipigilan mong gumawa ng anumang mga paglabag? Tunay na bang nagbago ang iyong disposisyon? Talaga bang namumuhay ka nang tulad ng isang tao? Tunay mo bang mapapalugod ang Diyos sa gayong paraan? Siguradong hindi, tiyak iyan. Gumagana lamang ang pananalig sa Diyos kapag mataas ang mga pamantayan ng isang tao at natamo na ang katotohanan at kaunting pagbabago sa disposisyon sa buhay. Nangangailangan muna ito ng dedikasyon sa pagkilala sa sarili. Kung napakababaw ng kaalaman ng mga tao tungkol sa kanilang sarili, makikita nila na imposibleng lutasin ang mga problema, at talagang hindi magbabago ang kanilang disposisyon sa buhay. Kailangang makilala nang malalim ng isang tao ang kanyang sarili, na ibig sabihi’y malaman ng isang tao ang kanyang sariling likas na pagkatao: anong mga elemento ang kasama sa pagkataong iyon, paano nagsimula ang mga bagay na ito, at saan nanggaling ang mga ito. Bukod pa riyan, talaga bang nagagawa mong kamuhian ang mga bagay na ito? Nakita mo na ba ang sarili mong pangit na kaluluwa at buktot na kalikasan? Kung talagang nagagawa mong makita ang katotohanan tungkol sa iyong sarili, mamumuhi ka sa iyong sarili. Kapag kinamumuhian mo ang iyong sarili at pagkatapos ay isinasagawa mo ang salita ng Diyos, magagawa mong maghimagsik laban sa laman at magkakaroon ka ng lakas na isagawa ang katotohanan nang hindi naniniwala na mahirap ito. Bakit maraming taong sumusunod sa kagustuhan ng kanilang laman? Dahil itinuturing nila ang kanilang sarili na mahusay, na nadarama na tama at makatwiran ang kanilang ikinikilos, na wala silang kamalian, at na talaga ngang tama sila, samakatuwid ay maaari silang kumilos na ipinapalagay na nasa panig nila ang katarungan. Kapag kinikilala ng isa kung ano ang tunay niyang kalikasan—gaano kapangit, gaano kasuklam-suklam, at gaano kaawa-awa—hindi na niya ipinagmamalaki nang labis ang kaniyang sarili, hindi na masyadong mapagmataas, at hindi na gaanong nasisiyahan sa kaniyang sarili tulad ng dati. Nararamdaman ng gayong tao, “Kailangan kong maging masigasig at praktikal sa pagsasagawa ng ilan sa mga salita ng Diyos. Kung hindi, ako ay hindi aabot sa pamantayan ng pagiging tao, at mahihiyang mamuhay sa harapan ng Diyos.” Nakikita niyang tunay ang sarili bilang napakahamak, bilang totoong walang halaga. Sa pagkakataong ito ay nagiging madali para sa isa na isakatuparan ang katotohanan, at ang isa ay mas magmumukhang katulad ng kung ano dapat ang isang tao. Kapag tunay na kinamumuhian ng mga tao ang kanilang sarili, saka lang nila nagagawang maghimagsik laban sa laman. Kung hindi nila kinamumuhian ang kanilang sarili, hindi nila magagawang maghimagsik laban sa laman. Ang tunay na pagkamuhi sa sarili ay hindi isang simpleng bagay. Mayroong ilang bagay na dapat matagpuan sa kanila: Una, pagkaalam sa sariling likas na pagkatao; at pangalawa, pagkakita sa sarili na nangangailangan at kaawa-awa, pagkakita sa sarili na napakahamak at walang kabuluhan, at pagkakita sa sariling kaawa-awa at maruming kaluluwa. Kapag lubos na nakikita ng isang tao kung ano siya talaga, at ito ang kinahinatnan, talagang nagtatamo siya ng kaalaman tungkol sa sarili, at masasabi na lubos na niyang nakilala ang kanyang sarili. Saka lamang niya talaga maaaring kamuhian ang kanyang sarili, hanggang sa isumpa niya ang kanyang sarili, at talagang madama niya na labis siyang nagawang tiwali ni Satanas kaya ni hindi siya mukhang tao. Sa gayon, balang araw, kapag lumitaw ang panganib ng kamatayan, iisipin ng taong iyon, “Ito ang matuwid na parusa ng Diyos. Tunay ngang matuwid ang Diyos; dapat talaga akong mamatay!” Sa puntong ito, hindi siya magrereklamo, lalo nang hindi niya sisisihin ang Diyos, nadarama lamang na siya ay talagang nangangailangan at kaawa-awa, napakarumi at napakatiwali kaya dapat siyang itiwalag at wasakin ng Diyos, at ang isang kaluluwang katulad ng sa kanya ay hindi nababagay na mabuhay sa lupa. Samakatuwid, hindi irereklamo o lalabanan ng taong ito ang Diyos, lalo nang hindi siya magtataksil sa Diyos. Kung hindi nakikilala ng isang tao ang kanyang sarili, at itinuturing pa rin ang sarili niya na mahusay, iisipin ng taong ito kapag malapit na siyang mamatay, “Napakabuti ng nagawa ko sa aking pananampalataya. Talagang nagsumikap ako sa paghahanap! Napakarami kong naibigay, nagdusa ako nang todo, subalit sa huli, hinihingi sa akin ngayon ng diyos na mamatay ako. Hindi ko alam kung nasaan ang katuwiran ng diyos. Bakit niya hinihingi sa aking mamatay ako? Kung kailangan kong mamatay, sino na lang ang maliligtas? Hindi ba magwawakas ang lahi ng tao?” Una sa lahat, ang taong ito ay may mga kuru-kuro tungkol sa Diyos. Pangalawa, ang taong ito ay nagrereklamo, at hindi nagpapakita ng anumang pagpapasakop. Katulad lang siya ni Pablo: Noong malapit na siyang mamatay, hindi niya kilala ang kanyang sarili, at noong malapit na ang parusa ng Diyos, huli na ang lahat.

—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi

Napakahalaga para sa bawat tao na makilala ang kanyang sarili, dahil ito ay direktang nakakaapekto sa mahalagang usapin ng kung kaya ba ng isang tao na alisin ang kanyang tiwaling disposisyon at magkamit ng kaligtasan. Huwag mong isipin na ito ay isang simpleng usapin lang. Ang makilala mo ang sarili mo ay hindi ang maunawaan mo ang mga kilos o pagsasagawa mo, kundi ang malaman mo ang diwa ng iyong problema; ang malaman mo ang ugat ng iyong paghihimagsik at ang diwa nito, ang malaman mo kung bakit hindi mo maisagawa ang katotohanan, at maunawaan mo ang mga bagay na lumilitaw at gumagambala sa iyo kapag isinasagawa mo ang katotohanan. Ang mga ito ang ilan sa mga pinakamahalagang aspeto ng pagkilala mo sa sarili mo. Halimbawa, dahil sa pangongondisyon ng tradisyonal na kultura ng mga Tsino, sa tradisyonal na kuru-kuro ng mga Tsino ay naniniwala sila na kailangan nilang igalang ang kanilang mga magulang. Ang sinumang hindi gumagalang sa kanyang magulang ay isang walang-galang na anak. Naitanim na ang mga ideyang ito sa mga tao mula pagkabata, at itinuturo ang mga ito sa halos bawat sambahayan, pati na rin sa bawat paaralan at sa lipunan sa pangkalahatan. Kapag napuno ng mga ganoong bagay ang ulo ng isang tao, iniisip niya, “Mas mahalaga ang tungkuling igalang ang magulang kaysa anupaman. Kung hindi ko ito tutuparin, hindi ako magiging mabuting tao—magiging isa akong walang-galang na anak at itatakwil ako ng lipunan. Ako ay magiging isang taong walang konsiyensiya.” Tama ba ang pananaw na ito? Nakita na ng mga tao ang napakaraming katotohanang ipinahayag ng Diyos—hiningi ba ng Diyos na magpakita ang tao ng paggalang sa kanyang mga magulang? Isa ba ito sa mga katotohanan na dapat maunawaan ng mga sumasampalataya sa Diyos? Hindi. Nagbahagi lamang ang Diyos sa ilang mga prinsipyo. Anong prinsipyo ang dapat pagbatayan ng pagtrato ng mga tao sa iba ayon sa hinihingi ng mga salita ng Diyos? Mahalin kung ano ang minamahal ng Diyos, at kamuhian kung ano ang kinamumuhian ng Diyos: Ito ang prinsipyong dapat sundin. Mahal ng Diyos ang mga naghahanap ng katotohanan at nakasusunod sa Kanyang kalooban; ito rin ang mga taong dapat nating mahalin. Ang mga hindi nakasusunod sa kalooban ng Diyos, mga napopoot at naghihimagsik sa Diyos—ito ang mga taong kinasusuklaman ng Diyos, at dapat din natin silang kasuklaman. Ito ang hinihingi ng Diyos sa tao. Kung hindi naniniwala sa Diyos ang iyong mga magulang, kung alam na alam nila na ang pananampalataya sa Diyos ang tamang landas, at na maaari itong humantong sa kaligtasan, subalit ayaw pa rin nila itong tanggapin, walang duda na sila ay mga taong tumututol at namumuhi sa katotohanan, at na sila ang mga taong lumalaban at namumuhi sa Diyos—at natural lang na kinapopootan at kinamumuhian sila ng Diyos. Magagawa mo bang kapootan ang gayong mga magulang? Nilalabanan at nilalapastangan nila ang Diyos—kung magkagayon ay tiyak na mga demonyo at Satanas sila. Magagawa mo ba silang kapootan at sumpain? Mga totoong katanungan ang lahat ng ito. Kung hinahadlangan ka ng iyong mga magulang na manalig sa Diyos, paano mo sila dapat tratuhin? Gaya ng hinihingi ng Diyos, dapat mong mahalin kung ano ang minamahal ng Diyos, at kamuhian kung ano ang kinamumuhian ng Diyos. Noong Kapanahunan ng Biyaya, sinabi ng Panginoong Jesus, “Sino ang Aking ina? At sino-sino ang Aking mga kapatid?” “Sapagkat sinumang gumagawa ng kalooban ng Aking Ama na nasa langit, ay siyang Aking kapatid na lalaki at Aking kapatid na babae, at ina.” Umiiral na ang mga salitang ito noon pang Kapanahunan ng Biyaya, at lalo pang mas malinaw ang mga salita ng Diyos ngayon: “Mahalin kung ano ang minamahal ng Diyos, at kamuhian kung ano ang kinamumuhian ng Diyos.” Diretsahan ang mga salitang ito, ngunit madalas na hindi naaarok ng mga tao ang tunay na kahulugan ng mga ito. Kung itinatatwa at sinasalungat ng isang tao ang Diyos, na siya ay isinusumpa ng Diyos, ngunit siya ay magulang o kamag-anak mo, at sa tingin mo ay hindi naman siya mukhang masamang tao, at maayos ang pagtrato niya sa iyo, baka hindi mo magawang kamuhian ang taong iyon, at baka manatili siyang malapit mong kaugnayan, hindi nagbabago ang relasyon ninyo. Ikababahala mo na marinig na kinamumuhian ng Diyos ang gayong mga tao, at hindi mo magagawang pumanig sa Diyos at malupit na tanggihan ang taong iyon. Lagi kang napipigilan ng mga damdamin, at hindi mo ganap na mapakawalan ang mga ito. Ano ang dahilan nito? Nangyayari ito dahil masyadong matindi ang iyong mga damdamin, at hinahadlangan ka ng mga itong maisagawa ang katotohanan. Mabait sa iyo ang taong iyon, kaya hindi mo maatim na kamuhian siya. Makakaya mo lang siyang kamuhian kung sinaktan ka nga niya. Ang pagkamuhing iyon ba ay aayon sa mga katotohanang prinsipyo? Gayundin, ginagapos ka ng tradisyunal na mga haka-haka, na iniisip na isa siyang magulang o kamag-anak, kaya kung kamumuhian mo siya, kasusuklaman ka ng lipunan at lalaitin ng publiko, kokondenahing walang paggalang, walang konsiyensiya, at ni hindi nga tao. Iniisip mo na magdurusa ka ng pagkondena at kaparusahan ng langit. Kahit gusto mong kamuhian siya, hindi iyon kakayanin ng konsiyensiya mo. Bakit gumagana nang ganito ang konsiyensiya mo? Ito ay dahil isang paraan ng pag-iisip ang naitanim na sa kalooban mo buhat nang ikaw ay bata pa, sa pamamagitan ng pamana ng iyong pamilya, ang turong ibinigay sa iyo ng mga magulang mo, at ang indoktrinasyon ng tradisyonal na kultura. Ang paraang ito ng pag-iisip ay nakaugat nang napakalalim sa puso mo, at dahil dito ay nagkakaroon ka ng maling paniniwala na ang paggalang sa magulang ay ganap na likas at may katwiran, at na ang anumang minana mo mula sa mga ninuno mo ay palaging mabuti. Una mo itong natutunan at nananatili pa rin itong nangingibabaw, na lumilikha ng isang malaking sagabal at kaguluhan sa iyong pananampalataya at pagtanggap sa katotohanan, na iniiwan kang walang kakayahan na isagawa ang mga salita ng Diyos, at mahalin ang minamahal ng Diyos at kapootan ang kinapopootan ng Diyos. Alam mo sa puso mo na ang buhay mo ay nagmula sa Diyos, hindi mula sa iyong mga magulang, at alam mo rin na ang mga magulang mo ay hindi lamang hindi nananalig sa Diyos, kundi nilalabanan ang Diyos, na kinapopootan sila ng Diyos at dapat kang magpasakop sa Diyos, pumanig sa Kanya, ngunit hindi mo lang talaga magawang kapootan sila, kahit na gusto mo. Hindi mo ito malagpasan, hindi mo mapatatag ang puso mo, at hindi mo maisagawa ang katotohanan. Ano ang ugat nito? Ginagamit ni Satanas ang ganitong uri ng tradisyonal na kultura at mga haka-haka ng moralidad upang igapos ang mga kaisipan mo, ang isip mo, at ang puso mo, na iniiwan kang walang kakayahan na matanggap ang mga salita ng Diyos; ikaw ay inari na ng mga bagay na ito ni Satanas, at ginawa kang walang kakayahan na tanggapin ang mga salita ng Diyos. Kapag nais mong isagawa ang mga salita ng Diyos, ginugulo ng mga bagay na ito ang kalooban mo, na nagdudulot na salungatin mo ang katotohanan at ang mga hinihingi ng Diyos, at ginagawa kang walang lakas na iwaksi ang impluwensiya ng tradisyonal na kultura. Pagkatapos mong magsikap nang ilang panahon, nagkokompromiso ka: pinipili mong paniwalaan na ang mga tradisyonal na haka-haka ng moralidad ay tama at naaayon sa katotohanan, kaya tinatanggihan o tinatalikuran mo ang mga salita ng Diyos. Hindi mo tinatanggap ang mga salita ng Diyos bilang katotohanan at binabalewala mo ang mailigtas, dahil pakiramdam mo ay nabubuhay ka pa rin sa mundong ito, at makakaligtas ka lang sa pamamagitan ng pagsandig sa mga taong ito. Dahil hindi mo kayang tiisin ang ganting-paratang ng lipunan, mas nanaisin mong piliin na isuko ang katotohanan at ang mga salita ng Diyos, hinahayaan ang sarili mo sa mga tradisyonal na haka-haka ng moralidad at sa impluwensiya ni Satanas, pinipiling magkasala sa Diyos at hindi isagawa ang katotohanan. Hindi ba’t ang tao ay kahabag-habag? Hindi ba nila kailangan ang pagliligtas ng Diyos? May mga taong maraming taon nang nananalig sa Diyos, ngunit wala pa ring kabatiran sa usapin ng paggalang sa magulang. Talagang hindi nila nauunawaan ang katotohanan. Hindi nila kailanman malalagpasan ang balakid na ito ng mga makamundong relasyon; wala silang tapang, ni tiwala sa sarili, lalo nang wala silang determinasyon, kaya hindi nila kayang mahalin at sundin ang Diyos. Nagagawa ng ilang tao na makita ang higit pa rito, at talagang hindi madaling bagay para sa kanila na sabihing, “Hindi nananalig sa Diyos ang mga magulang ko, at pinipigilan nila akong manalig. Sila ay mga diyablo.” Walang ni isang walang pananampalataya ang nananalig na mayroong Diyos, o na Siya ang lumikha ng langit at lupa at ng lahat ng bagay, o na ang tao ay nilikha ng Diyos. May iba pa nga na nagsasabi, “Ang buhay ay ibinigay sa tao ng kanyang mga magulang, at dapat niya silang igalang.” Saan nanggaling ang gayong kaisipan o pananaw? Nanggaling ba ito kay Satanas? Ang libo-libong taon ng tradisyonal na kultura ang nagturo at naglihis sa tao sa ganitong paraan, na nagdudulot sa kanila na itanggi ang paglikha at ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos. Kung hindi dahil sa panlilihis at pagkontrol ni Satanas sa mga tao, sisiyasatin ng tao ang gawain ng Diyos at babasahin ang Kanyang mga salita, at malalaman nilang sila ay nilikha ng Diyos, na ang buhay nila ay ibinigay ng Diyos; malalaman nila na ang lahat ng mayroon sila ay ibinigay ng Diyos, at na ang Diyos ang dapat nilang pasalamatan. Kung mayroong sinuman na tutulong sa atin, dapat natin itong tanggapin mula sa Diyos—sa partikular, ang ating mga magulang, na nagsilang at nagpalaki sa atin; ang lahat ng ito ay isinaayos ng Diyos. Ang Diyos ang may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat; ang tao ay isa lamang kasangkapan para sa paglilingkod. Kung maisasantabi ng isang tao ang kanyang mga magulang, o ang kanyang asawa at mga anak, upang gugulin ang sarili niya para sa Diyos, ang taong iyon ay mas lalakas at higit na magkakaroon ng pagpapahalaga sa katarungan sa harap ng Diyos. Gayunman, hindi madali para sa mga tao na makawala sa gapos ng pambansang edukasyon at mga tradisyonal na ideyang pangkultura, mga haka-haka, at mga moral na pahayag, dahil ang mga satanikong lason at pilosopiyang ito ay matagal nang nakaugat sa puso ng mga tao, na nagbubunga ng lahat ng uri ng mga tiwaling disposisyon na pumipigil sa kanila na pakinggan ang mga salita ng Diyos at magpasakop sa Kanya. Sa kaibuturan ng tiwaling puso ng tao, naroroon ang kawalan ng pangunahing kagustuhan na isagawa ang katotohanan at na sundin ang kalooban ng Diyos. Kaya, ang mga tao ay naghihimagsik at lumalaban sa Diyos; maaari nila Siyang ipagkanulo at talikuran anumang oras. Matatanggap ba ng isang tao ang katotohanan kung ang mga tiwaling disposisyon at mga satanikong lason at pilosopiya ay umiiral sa kalooban niya? Makakamit ba ng isang tao ang pagpapasakop sa Diyos? Ito ay tunay ngang napakahirap. Kung hindi dahil sa gawain ng paghatol ng Diyos Mismo, ang labis na tiwaling sangkatauhan ay hindi magkakamit ng kaligtasan, at hindi malilinis ang lahat ng satanikong disposisyon nito. Kahit pa nananalig ang mga tao sa Diyos at handa silang sumunod sa Kanya, hindi nila kayang makinig sa Diyos at magpasakop sa Kanya, dahil nangangailangan ng labis-labis na pagsisikap mula sa mga tao upang tanggapin ang katotohanan. Kaya, ang paghahangad sa katotohanan ay dapat na maunahan muna ng paghahangad ng isang tao na makilala ang kanyang sarili at malutas ang sarili niyang tiwaling disposisyon. Saka lamang magiging mas madali na tanggapin ang katotohanan. Ang pagkilala sa sarili ay hindi isang simpleng usapin sa anumang paraan; ang mga tumatanggap lang sa katotohanan ang makakikilala sa kanilang sarili. Iyan ang dahilan kung bakit napakahalaga ng pagkilala sa sarili, at kung bakit ito isang usapin na hindi ninyo dapat balewalain.

Ang mga tao ay mayroong mga tiwaling disposisyon, kaya napakahirap para sa kanila na tanggapin ang katotohanan, at lalo nang mas mahirap para sa kanila na kilalanin ang kanilang sarili. Kung nais nilang magkamit ng kaligtasan, dapat nilang makilala ang sarili nilang mga tiwaling disposisyon at ang kanilang kalikasang diwa. Saka pa lamang nila tunay na matatanggap ang katotohanan at maisasagawa ito. Ang karamihan ng tao na nananalig sa Diyos ay nasisiyahan nang mabigkas lang ang mga salita at doktrina, iniisip na nauunawaan nila ang katotohanan. Ito ay isang malaking pagkakamali, dahil ang mga hindi nakakikilala sa kanilang sarili ay hindi nakauunawa sa katotohanan. Kaya, upang maunawaan at makamit ang katotohanan sa kanilang pananalig sa Diyos, dapat magtuon ang mga tao sa pagkilala sa kanilang sarili. Kailan man o nasaan man tayo, at anumang kapaligiran ang kinaroroonan natin, kung makikilala natin ang ating sarili, kung maisisiwalat at masusing masisiyasat natin ang ating mga sariling tiwaling disposisyon, at kung maituturing natin ang pagkilala sa ating sarili bilang ang ating pangunahing prayoridad, tiyak na may makakamit tayo, at unti-unti nating mapalalalim ang pagkakilala natin sa ating sarili. Kasabay nito, isasagawa natin ang katotohanan, isasagawa natin ang pagmamahal at pagpapasakop sa Diyos, at lalo at lalo nating mauunawaan ang katotohanan. Ang katotohanan kung gayon ay likas na magiging ating buhay. Gayunman, kung hindi ka pumapasok sa pagkilala sa iyong sarili sa anumang bagay, kasinungalingan para sa iyo ang sabihing isinasagawa mo ang katotohanan, dahil ikaw ay binubulag ng lahat ng uri ng mababaw na kababalaghan. Nararamdaman mo na para bang bumuti na ang pag-uugali mo, na mas mayroon ka nang konsensiya at katwiran ngayon kaysa dati, na ikaw ay mas malumanay, mas may konsiderasyon at pagpaparaya sa iba, at mas mapagpaumanhin at mapagpatawad sa mga tao, at dahil diyan, iniisip mo na ipinamumuhay mo na ang normal na pagkatao, at na ikaw ay isang dakila at perpektong tao. Ngunit sa mata ng Diyos, bigo ka pa ring maabot ang mga hinihingi at pamantayan ng Diyos, at napakalayo mo sa tunay na pagpapasakop at pagsamba sa Kanya. Ipinapakita nito na hindi mo nakamit ang katotohanan, na wala ka ng kahit kaunting realidad, at napakalayo mo pang maabot ang mga pamantayan ng kaligtasan.

—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Sa Pagkilala Lamang sa Sariling mga Maling Pananaw ng Isang Tao Siya Tunay na Makapagbabago

Kaugnay na mga Himno

Ang Wangis ng Isang Tunay ng Tao

Ang Kabiguan ay ang Pinakamagandang Oportunidad para Makilala ang Iyong Sarili

Unawain ang Iyong Sarili Alinsunod sa mga Salita ng Diyos

Sinundan: 4. Ano ang tunay na pagkilala sa sarili

Sumunod: 6. Ang mga tiwaling disposisyon na taglay ng mga tao

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito