30. Bakit kailangang maging matapat na tao upang matamo ang kaligtasan

Mga Salita ng Makapangyarihang Diyos ng mga Huling Araw

Hinihingi ng Aking kaharian ang mga matapat, ang mga hindi mapagkunwari o mapanlinlang. Hindi ba’t ang mga tunay at tapat na tao ay hindi sikat sa mundo? Mismong kabaligtaran Ako. Katanggap-tanggap na lumapit sa Akin ang matatapat na tao; nalulugod Ako sa ganitong uri ng tao, at kailangan Ko rin ang ganitong uri ng tao. Ito mismo ang Aking pagiging matuwid.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pagbigkas ni Cristo sa Pasimula, Kabanata 33

Dapat ninyong malamang gusto ng Diyos ang mga tapat. Sa diwa, matapat ang Diyos, kaya naman palaging mapagkakatiwalaan ang mga salita Niya; higit pa rito, walang mali at hindi mapag-aalinlanganan ang mga kilos Niya, kung kaya gusto ng Diyos ang mga lubos na tapat sa Kanya. Ang katapatan ay nangangahulugang pagbibigay ng puso ninyo sa Diyos, pagiging totoo sa Diyos sa lahat ng bagay, pagiging bukas sa Kanya sa lahat ng bagay, hindi pagtatago kailanman ng mga katunayan, hindi pagtatangkang manlinlang ng mga nasa itaas at nasa ibaba ninyo, at hindi paggawa ng mga bagay para lamang sumipsip sa Diyos. Sa madaling salita, ang pagiging tapat ay pagiging dalisay sa inyong mga kilos at salita, at hindi panlilinlang sa Diyos o sa tao. Napakapayak ng sinasabi Ko, ngunit doble ang hirap nito para sa inyo. Maraming tao ang mas nanaisin pang maparusahan sa impiyerno kaysa magsalita at kumilos nang tapat. Hindi kataka-takang iba ang magiging pagtrato Ko sa mga hindi tapat. Siyempre pa, alam na alam Ko kung gaano kahirap sa inyo ang maging tapat. Sapagkat matatalino kayong lahat, napakahusay sa pagtimbang sa mga tao gamit ang sarili ninyong makitid na panukat, ginagawa nitong mas payak ang gawain Ko. At yamang ang bawat isa sa inyo ay niyayakap sa dibdib ang mga lihim ninyo, isa-isa Ko kayong ilalagay sa kapahamakan upang “turuan” sa pamamagitan ng apoy, nang sa gayon pagkatapos nito ay maaari kayong maging desidido sa paniniwala ninyo sa mga salita Ko. Sa huli, hihilahin Ko mula sa mga bibig ninyo ang mga salitang “Ang Diyos ay matapat na Diyos,” pagkatapos ay hahampasin ninyo ang mga dibdib ninyo at mananaghoy na, “Mapanlinlang ang puso ng tao!” Ano ang magiging kalagayan ng isip ninyo sa oras na ito? Ipinagpapalagay Kong hindi kayo magiging kasing matagumpay na tulad ninyo ngayon. At lalong hindi kayo magiging kasing “lalim at mahirap unawain” na tulad ninyo ngayon. Sa presensiya ng Diyos, maaayos at wastong kumilos ang ilang tao, pinaghihirapan nilang maging “maayos ang asal,” subalit inilalantad nila ang mga pangil nila at iwinawasiwas ang mga kuko nila sa presensiya ng Espiritu. Ibibilang ba ninyo ang ganitong mga tao sa hanay ng mga tapat? Kung isa kang ipokrito, isang taong bihasa sa “pakikipagkapwa,” sinasabi Kong tiyak na isa kang taong tinatratong basta-basta ang Diyos. Kung puno ng mga palusot at mga walang halagang pangangatwiran ang mga salita mo, sinasabi Kong isa kang taong ayaw isagawa ang katotohanan. Kung marami kang sekretong atubili kang ibahagi, kung ayaw na ayaw mong ilantad ang mga lihim mo—ang mga paghihirap mo—sa harap ng iba upang hanapin ang daan ng liwanag, sinasabi Kong isa kang taong hindi madaling matatamo ang kaligtasan, at hindi madaling makakaahon mula sa kadiliman. Kung nakalulugod sa iyo ang paghahanap sa daan ng katotohanan, isa kang taong palaging nananahan sa liwanag. Kung lubha kang nagagalak na maging isang tagapagserbisyo sa sambahayan ng Diyos, gumagawa nang masigasig nang walang nakakakita, palaging nagbibigay at hindi kailanman kumukuha, sinasabi Kong isa kang tapat na banal, sapagkat hindi ka naghahanap ng gantimpala at nagsisikap ka lamang na maging tapat na tao. Kung handa kang maging matapat, kung handa kang gugulin ang lahat-lahat mo, kung magagawa mong isakripisyo ang buhay mo para sa Diyos at manindigan sa patotoo mo, kung ikaw ay matapat hanggang sa puntong ang alam mo lamang ay bigyang-kasiyahan ang Diyos at hindi isaalang-alang ang iyong sarili o kumuha para sa sarili, sinasabi Ko na ang gayong mga tao ay ang mga tinutustusan sa liwanag at siyang mabubuhay magpakailanman sa kaharian. Dapat mong malaman kung mayroong totoong pananampalataya at totoong katapatan sa loob mo, kung may tala ka ng pagdurusa para sa Diyos, at kung ganap ka nang nagpasakop sa Diyos. Kung wala ka ng mga ito, nananatili sa loob mo ang paghihimagsik, panlilinlang, pagkasakim, at pagrereklamo. Dahil malayo sa pagiging tapat ang puso mo, hindi ka kailanman nakatanggap ng pagkilala mula sa Diyos at hindi kailanman namuhay sa liwanag. Kung ano ang mangyayari sa kapalaran ng isang tao sa huli ay nakasalalay sa kung mayroon siyang pusong tapat at kasimpula ng dugo, at kung may dalisay siyang kaluluwa. Kung isa kang taong lubhang hindi tapat, isang taong may pusong masama ang hangarin, isang taong marumi ang kaluluwa, tiyak na hahantong ka sa lugar kung saan pinarurusahan ang tao, tulad ng nakasulat sa talaan ng tadhana mo. Kung inihahayag mong lubha kang tapat, ngunit hindi mo kailanman nagawang kumilos alinsunod sa katotohanan o magsabi ni isang totoong salita, naghihintay ka pa rin bang gantimpalaan ka ng Diyos? Umaasa ka pa rin bang ituturing ka ng Diyos na lubos Niyang minamahal? Hindi ba kahibangan ang ganitong pag-iisip? Nililinlang mo ang Diyos sa lahat ng bagay; paanong tatanggapin sa sambahayan ng Diyos ang isang tulad mo, na marumi ang mga kamay?

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tatlong Paalaala

Bakit ba laging binibigyang-diin ng Diyos na dapat maging matapat ang mga tao? Dahil napakahalaga ng pagiging matapat—may direktang kaugnayan ito sa kung makapagpapasakop ang isang tao sa Diyos o hindi at kung makapagtatamo siya ng kaligtasan o hindi. Sinasabi ng ilang tao: “Mapagmataas ako at mapagmagaling, at madalas akong magalit at magbunyag ng katiwalian.” Sinasabi ng iba: “Labis akong mababaw, at hambog, at gustong-gusto ko kapag binobola ako ng mga tao.” Ang lahat ng ito ay nakikita ng mga tao mula sa panlabas, at hindi malalaking problema ang mga ito. Hindi mo dapat patuloy na banggitin ang mga iyon. Anuman ang iyong disposisyon o karakter, basta’t nagagawa mong maging matapat na tao gaya ng hinihingi ng Diyos, maaari kang maligtas. Kaya, ano sa palagay ninyo? Mahalaga bang maging matapat? Ito ang pinakamahalagang bagay, iyon ang dahilan kung bakit tinatalakay ng Diyos ang tungkol sa pagiging matapat sa kabanata ng Kanyang mga salitang, Tatlong Paalaala. Sa ibang mga kabanata, madalas Niyang banggitin na dapat magkaroon ang mga mananampalataya ng normal na espirituwal na buhay at ng wastong buhay-iglesia, at inilalarawan Niya kung paano nila dapat isabuhay ang isang normal na pagkatao. Ang Kanyang mga salita tungkol sa mga usaping ito ay pangkalahatan; hindi masyadong partikular o detalyadong tinatalakay ang mga iyon. Gayunpaman, kapag nangungusap ang Diyos tungkol sa pagiging matapat, itinuturo Niya ang landas na dapat sundin ng mga tao. Sinasabi Niya sa mga tao kung paano dapat magsagawa, at nagsasalita Siya nang detalyado at malinaw. Sabi ng Diyos, “Kung marami kang sekretong atubili kang ibahagi, kung ayaw na ayaw mong ilantad ang mga lihim mo—ang mga paghihirap mo—sa harap ng iba upang hanapin ang daan ng liwanag, sinasabi Kong isa kang taong hindi madaling matatamo ang kaligtasan.” Ang pagiging matapat ay may kaugnayan sa pagtatamo ng kaligtasan. Kaya, ano sa palagay ninyo, bakit hinihingi ng Diyos na maging matapat ang mga tao? Binabanggit nito ang tungkol sa katotohanan ng pag-asal ng tao. Inililigtas ng Diyos ang matatapat na tao, at ang mga gusto Niya para sa Kanyang kaharian ay matatapat na tao. Kung may kakayahan kang magsinungaling at mandaya, isa kang mapanlinlang, buktot, at mapaminsalang tao; hindi ka matapat na tao. Kung hindi ka matapat na tao, imposibleng iligtas ka ng Diyos, imposible ka ring maligtas. Sinasabi mong napakabanal mo na ngayon, na hindi ka mapagmataas o mapagmagaling, na nagagawa mong magbayad ng halaga kapag ginagampanan mo ang iyong tungkulin, o na kaya mong magpalaganap ng ebanghelyo at makapagpabalik-loob ng maraming tao. Ngunit hindi ka matapat, mapanlinlang ka pa rin, at hindi ka talaga nagbago, kaya maliligtas ka ba? Talagang hindi. Kung kaya’t ipinaaalala ng mga salitang ito ng Diyos sa lahat na, upang maligtas, kailangan muna nilang maging matapat alinsunod sa mga salita at hinihingi ng Diyos. Kailangan nilang magtapat, ilantad ang kanilang mga tiwaling disposisyon, ang kanilang mga hangarin at lihim, at hanapin ang daan ng liwanag.

—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Pinakasaligang Pagsasagawa ng Pagiging Isang Taong Tapat

Ang ibig sabihin ng pagiging matapat na tao ay pagiging isang taong may konsiyensiya at katwiran. Ang ibig sabihin nito ay pagiging isang taong mapagkakatiwalaan, isang taong mahal ng Diyos, at isang taong kayang magsagawa ng katotohanan at mahalin ang Diyos. Ang pagiging matapat na tao ang pinakapangunahing pagpapamalas ng pagtataglay ng normal na pagkatao at pagsasabuhay ng isang tunay na wangis ng tao. Kung ang isang tao ay hindi naging matapat kailanman, o hindi inisip na maging matapat, hindi niya mauunawaan ang katotohanan, lalong hindi niya makakamit ang katotohanan. Kung hindi ka naniniwala sa Akin, humayo ka at tingnan mo mismo, o kaya ay humayo ka at ikaw mismo ang makaranas nito. Sa pamamagitan lamang ng pagiging isang matapat na tao maaaring maging bukas ang puso mo sa Diyos, maaari mong matanggap ang katotohanan, maaaring maging iyong buhay sa puso mo ang katotohanan, at maaari mong maunawaan at makamit ang katotohanan. Kung palaging sarado ang puso mo, kung hindi ka nagtatapat o nagsasabi ng kung ano ang nasa puso mo sa sinuman, sa puntong walang nakakaunawa sa iyo, kung gayon ay masyadong matibay ang depensa mo, at ikaw ang pinakamapanlinlang sa mga tao. Kung nananalig ka sa Diyos ngunit hindi mo kayang tunay na buksan ang sarili mo sa Diyos, kung kaya mong magsinungaling sa Diyos o magpalabis upang linlangin ang Diyos, kung hindi mo kayang buksan ang puso mo sa Diyos, at kaya pa ring magpaliguy-ligoy sa pagsasalita at itago ang iyong mga layunin, mapipinsala mo lamang ang iyong sarili, at hindi ka papansinin ng Diyos at hindi gagawa sa iyo. Hindi mo mauunawaan ang alinman sa katotohanan, at hindi mo makakamit ang alinman sa katotohanan. Ngayon, nakikita na ba ninyo ang kahalagahan ng paghahangad at pagtatamo ng katotohanan? Ano ang unang bagay na dapat mong gawin para hangarin ang katotohanan? Dapat kang maging isang matapat na tao. Kung hahangarin ng mga tao na maging matapat, saka lang nila malalaman kung gaano sila katiwali, kung mayroon ba talaga silang anumang wangis ng tao o wala, at malinaw na makakagawa ng sarili nilang hakbang o makakakita ng kanilang mga kakulangan. Kapag nagsasagawa sila ng katapatan, saka lang sila magkakaroon ng kamalayan kung gaano karaming kasinungalingan ang sinasabi nila at kung gaano kalalim nakatago ang panlilinlang at pandaraya nila. Tanging sa pagkakaroon ng karanasan sa pagsasagawa ng pagiging matapat unti-unting malalaman ng mga tao ang katotohanan ng kanilang sariling katiwalian at makikilala ang kanilang sariling kalikasang diwa, at saka lamang tuloy-tuloy na madadalisay ang kanilang mga tiwaling disposisyon. Tanging sa takbo ng palagiang pagdadalisay ng kanilang mga tiwaling disposisyon magagawang makamit ng mga tao ang katotohanan. Huwag kayong magmadali sa paglasap ng mga salitang ito. Hindi pineperpekto ng Diyos yaong mga mapanlinlang. Kung ang puso mo ay hindi tapat—kung hindi ka isang tapat na tao—kung gayon hindi ka makakamit ng Diyos. Gayundin, hindi mo makakamit ang katotohanan, at hindi rin makakayang makamit ang Diyos. Ano ang ibig sabihin kung hindi mo makakamit ang Diyos? Kung hindi mo makakamit ang Diyos at hindi mo naunawaan ang katotohanan, hindi mo makikilala ang Diyos, kaya’t mawawalan ng paraan na maaari kang maging kaayon ng Diyos, kung magkagayon ay ikaw ang kaaway ng Diyos. Kung hindi ka kaayon ng Diyos, hindi mo Diyos ang Diyos; at kung ang Diyos ay hindi mo Diyos, hindi ka maaaring maligtas. Kung hindi mo hinahangad na matamo ang kaligtasan, bakit ka naniniwala sa Diyos? Kung hindi mo matatamo ang kaligtasan, magiging matinding kaaway ka ng Diyos magpakailanman, at itatakda na ang iyong kahihinatnan. Kaya, kung nais ng mga tao na maligtas, dapat silang magsimula sa pagiging matapat. Sa huli, ang mga nakakamit ng Diyos ay minamarkahan ng isang tanda. Alam ba ninyo kung ano ito? Nasusulat ito sa Pahayag, sa Bibliya: “At sa kanilang bibig ay walang nasumpungang kasinungalingan: sila’y mga walang dungis” (Pahayag 14:5). Sino yaong “sila”? Sila yaong mga naligtas, nagawang perpekto at nakamit ng Diyos. Paano inilalarawan ng Diyos ang mga taong ito? Ano ang mga katangian at mga pagpapahayag ng kanilang pag-asal? Wala silang dungis. Hindi sila nagsasabi ng mga kasinungalingan. Marahil ay nauunawaan at naiintindihan ninyong lahat ang kahulugan ng hindi pagsasabi ng mga kasinungalingan: Nangangahulugan ito ng pagiging matapat. Ano ang tinutukoy ng “walang dungis”? Ang ibig sabihin nito ay hindi paggawa ng kasamaan. At anong pundasyon ang pinagbabatayan ng hindi paggawa ng kasamaan? Walang duda, nakabatay ito sa pundasyon ng pagkatakot sa Diyos. Samakatuwid, ang ibig sabihin ng pagiging walang dungis ay ang matakot sa Diyos at umiwas sa kasamaan. Paano inilalarawan ng Diyos ang taong walang dungis? Sa mga mata ng Diyos, tanging ang mga may takot sa Diyos at umiiwas sa kasamaan ang perpekto; sa gayon, ang mga taong walang dungis ay yaong mga may takot sa Diyos at umiiwas sa kasamaan, at tanging ang mga perpekto ang walang dungis. Tama talaga ito. … Kung pakiramdam mo ay nakaranas ka na ng paglago, pero hindi man lang nabawasan ang mga kasinungalingan mo, at katulad ka lang din ng isang taong walang pananampalataya, kung gayon, isa ba itong normal na pagpapamalas ng pagpasok sa katotohanang realidad? (Hindi.) Kapag nakapasok ang isang tao sa katotohanang realidad, kahit papaano ay magsasalita siya ng mas kaunting kasinungalingan; magiging isang matapat na tao siya. Kung masyado kang nagsisinungaling at masyadong nadungisan ang mga salita mo, pinatutunayan nito na wala kang anumang ipinagbago, at hindi ka pa isang matapat na tao. Kung hindi ka isang matapat na tao, wala kang pagpasok sa buhay, kaya naman, anong paglago ang maaari mong maranasan? Buong-buo pa rin ang tiwali mong disposisyon, at isa kang walang pananampalataya at isang diyablo.

—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Anim na Pahiwatig ng Paglago sa Buhay

Ang hinihingi ng Diyos sa mga tao na maging matapat ang nagpapatunay na tunay Niyang kinamumuhian at hindi gusto ang mga taong mapanlinlang. Ang pag-ayaw ng Diyos sa mga taong mapanlinlang ay pag-ayaw sa kanilang paraan ng paggawa ng mga bagay-bagay, kanilang mga disposisyon, kanilang mga layon, at kanilang mga pamamaraan ng panlilinlang; ayaw ng Diyos ang lahat ng bagay na ito. Kung ang mga taong mapanlinlang ay nagagawang tanggapin ang katotohanan, aminin ang kanilang mga mapanlinlang na disposisyon, at handa silang tanggapin ang pagliligtas ng Diyos, sila man ay may pag-asang maligtas—sapagkat pantay-pantay ang pagtrato ng Diyos sa lahat ng tao, at gayundin ang katotohanan. Kaya nga, kung nais nating maging mga taong nagbibigay-lugod sa Diyos, ang unang bagay na kailangan nating gawin ay baguhin ang ating mga prinsipyo ng pag-asal. Hindi na tayo maaaring mamuhay pa ayon sa mga satanikong pilosopiya, hindi na tayo magraraos sa pamamagitan ng mga pagsisinungaling at pandaraya. Kailangan nating iwaksi ang lahat ng ating kasinungalingan at maging matapat na tao. Sa gayon ay magbabago ang pagtingin sa atin ng Diyos. Dati-rati, laging umaasa ang mga tao sa mga pagsisinungaling, pagkukunwari, at panloloko habang namumuhay kasama ang iba, at gumagamit ng mga satanikong pilosopiya bilang batayan ng kanilang pag-iral, ng kanilang buhay, at saligan para sa kanilang pag-asal. Isang bagay ito na kinasusuklaman ng Diyos. Sa mga walang pananampalataya, kung prangka kang magsalita, sinasabi mo ang katotohanan, at isa kang matapat na tao, sisiraan ka, huhusgahan, at tatalikdan. Kaya sumusunod ka sa mga makamundong kalakaran at namumuhay ayon sa mga satanikong pilosopiya; lalo ka pang humuhusay sa pagsisinungaling, at mas lalong nagiging mapanlinlang. Natututo ka ring gumamit ng mga tusong kaparaanan para makamtan ang iyong mga mithiin at protektahan ang iyong sarili. Mas lalo kang nagiging maunlad sa mundo ni Satanas, at dahil dito, palalim nang palalim ang pagkahulog mo sa kasalanan hanggang sa hindi mo na mapalaya ang iyong sarili. Sa sambahayan ng Diyos, eksaktong kabaligtaran niyon ang mga bagay-bagay. Kapag mas nagsisinungaling at nanlilinlang ka, mas mayayamot sa iyo ang mga taong hinirang ng Diyos at tatalikdan ka. Kung ayaw mong magsisi at nakakapit ka pa rin sa mga satanikong pilosopiya at lohika, at kung nakikipagsabwatan ka at gumagamit ng mga detalyadong pakana para magbalatkayo at magpanggap, malamang na mabubunyag at matitiwalag ka. Ito ay dahil kinapopootan ng Diyos ang mga taong mapanlinlang. Tanging matatapat na tao ang maaaring umunlad sa sambahayan ng Diyos, at ang mga taong mapanlinlang ay tatalikdan at ititiwalag sa huli. Lahat ng ito ay pauna nang itinalaga ng Diyos. Matatapat na tao lang ang maaaring magkaroon ng bahagi sa kaharian ng langit. Kung hindi ka magsisikap na maging matapat na tao, at kung hindi ka dumaranas at nagsasagawa sa direksyon ng paghahanap sa katotohanan, kung hindi mo ilalantad ang sarili mong kapangitan, at kung hindi mo ilalantad ang iyong sarili, hinding-hindi mo matatanggap ang gawain ng Banal na Espiritu at matatamo ang pagsang-ayon ng Diyos.

—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Pinakasaligang Pagsasagawa ng Pagiging Isang Taong Tapat

Kaugnay na mga Himno

Ano ang Magiging Tadhana ng Isang Tao sa Huli?

Sinundan: 29. Ano ang isang matapat na tao at bakit iniuutos ng Diyos na maging matapat ang mga tao

Sumunod: 31. Paano isagawa ang pagiging isang matapat na tao

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito