26. Ano ang pagbabago ng disposisyon
Mga Salita ng Makapangyarihang Diyos ng mga Huling Araw
Ang pagbabago sa disposisyon ay ang pangunahing pangitain para sa mga mananampalataya ng Diyos. Ang pagkakamit ng pagbabago sa disposisyon ay hindi isang simpleng bagay. Ito ay dahil hindi inililigtas ng Diyos ang mga bagong-likhang tao na hindi ginawang tiwali ni Satanas, kundi ang isang grupo ng mga tao na malalim na ang pagkakatiwali, puno ng mga satanikong lason at satanikong disposisyon, na katulad ni Satanas, at na lumalaban at nagrerebelde sa Diyos. Ang pagbabago sa tiwaling disposisyon ng isang tao ay parang paggamot sa isang tao na may kanser. Isa iyong masalimuot na proseso, hindi ba? Nangangailangan ito ng operasyon, pangmatagalang chemotherapy, at muling pagsusuri pagkalipas ng ilang panahon. Talagang masalimuot ang proseso. Kaya, huwag mong ituring na isang simpleng bagay ang pagbabago sa disposisyon. Hindi ito ang pagbabago sa pag-uugali o karakter na iniisip ng mga tao. Hindi ito isang bagay na nakakamit ng mga tao dahil lang sa gusto nila. Maraming kaakibat na proseso sa pagbabago sa disposisyon—mga prosesong napakalinaw na ipinaliwanag sa mga salita ng Diyos. Samakatuwid, mula pa sa pinakaunang araw ng pananalig mo sa Diyos, kailangan mong maunawaan kung paano inililigtas ng Diyos ang mga tao at ang epektong nais Niyang makamit sa pamamagitan ng pagliligtas sa kanila. Kung nais mong hangarin ang katotohanan at magtamo ng pagbabago sa disposisyon, kailangan mong baguhin ang mga mali mong pananaw tungkol sa pananampalataya sa Diyos. Sa pananalig sa Diyos hindi mo kinakailangang maging isang tao na may magandang asal, mabuti, o sumusunod sa batas, o na gumawa ng maraming mabuting gawa na nakakukuha ng pagsang-ayon ng iba. Dati, inakala ng mga tao na ang pananalig sa Diyos at paghahangad sa pagbabago ng disposisyon ay nangangahulugang pagiging mapagpalugod ng mga tao—ang pagkakaroon sa panlabas ng kaunting wangis ng tao, kaunting kultura, kaunting pasensiya, o kung hindi naman ay pagkakaroon ng kaunting panlabas na kabanalan at pagmamahal para sa ibang tao, pagtulong sa iba at pagbibigay ng limos. Sa madaling salita, para maging isang tao na itinuturing na mabuti ayon sa mga kuru-kuro at imahinasyon ng tao. Ang lahat ng tao ay nagtataglay ng gayong mga kuru-kuro at bagay sa kanilang mga puso—isa itong aspekto ng mga satanikong lason. Noon, walang sinumang nananalig sa Diyos ang malinaw na nakapagpapaliwanag sa usapin ng pagbabago sa disposisyon. Hindi sila pamilyar sa mga usapin ng pananampalataya—hindi ito isang bagay na likas nilang nauunawaan, o na nauunawaan nila pagkalipas ng ilang taon ng pananampalataya sa Kristiyanismo. Ito ay dahil hindi pa nagagampanan ng Diyos ang aspektong ito ng Kanyang gawain, ni ibinahagi Niya ang aspektong ito ng katotohanan. Iyon ang dahilan kung bakit maraming tao, batay sa kanilang mga kuru-kuro at imahinasyon, ang nagtuturing sa pananampalataya bilang isang usapin ng paggawa ng kaunting pagbabago sa panlabas nilang pag-uugali at mga pagsasagawa, at pagbabago sa ilan sa kapansin-pansing mali nilang pananaw. Pinaniniwalaan pa nga ng ilan na ang pagkakaroon ng pananampalataya ay tungkol sa pagtitiis ng mas matitinding paghihirap, hindi pagkain ng masasarap na pagkain, o hindi pagsusuot ng magagarang damit. Tulad na lang ng mga Katolikong madre sa mga Kanluraning bansa noon, na naniniwalang ang pananampalataya sa Diyos ay nangangahulugan lang na pagtitiis ng mas maraming paghihirap at pagtatamasa ng mas kaunting mabuting bagay sa kanilang mga buhay—pagbibigay ng pera, kung mayroon sila, sa mahihirap, o paggawa ng mas maraming mabubuting gawa at para makatulong sa iba. Buong buhay nila, pinagtuunan nila ang pagdurusa. Hindi sila kumain ng anumang masarap na pagkain; hindi sila nagsuot ng anumang magandang damit. Nang mamatay sila, ilang dolyar lang ang halaga ng mga damit nila. Maaaring naiulat ang kanilang mga gawa sa mga balita sa buong mundo. Ano ang ibig sabihin nito? Ibig sabihin nito, sa mga isipan ng mga tao, tanging ang mga tao na tulad nito ang mabuti at walang bahid-dungis; na tanging ang mga tao na ito ang itinuturing ng mundo ng relihiyon na nakagawa ng mabubuting bagay at mabubuting gawa, na tanging sila ang sumailalim sa pagbabago at tunay na may paniniwala. Kaya naman, maaaring hindi naiiba ang lahat sa inyo, marahil ay naniniwala rin kayong ang pananampalataya sa Diyos ay tiyak na nangangahulugang pagiging isang mabuting tao—isang tao na hindi nananakit o nang-iinsulto ng iba, na hindi gumagamit ng masamang pananalita o gumagawa ng masasamang bagay, isang tao na, sa panlabas ay makikita ng mga tao na isang mananampalataya ng Diyos at isang tao na nakaluluwalhati sa Diyos. Isa itong kalagayan ng pag-iisip na taglay ng mga tao na kasisimula pa lang sa pananalig sa Diyos. Naniniwala silang ito ang pagbabago sa disposisyon, at na ito ang uri ng tao na kalugod-lugod sa Diyos. Tama ba ang pananaw na ito? Tanging ang mga tao na kasisimula pa lang sa kanilang pananampalataya ang nagtataglay ng gayong mga walang malay na kaisipan. Sa sandaling makaunawa na ang isang tao ng ilang katotohanan, madali nang mawawala ang ganitong mga uri ng pag-iisip. Kahit gaano pa kalalim na nag-ugat sa puso mo ang pananaw na ito noon, hindi pa ninyo natutuklasan ang mga pagkakamali at paglihis nito. Kahit pa gaano karaming taon ka nang nananalig sa Diyos, hindi pa lubusang nalulutas ang mga maling pananaw na ito. Mula rito, malinaw na iilang tao lang ang tunay na nakauunawa kung ano ang pagbabago sa disposisyon, hindi rin nila nauunawaan kung ano ang kahulugan ng tunay na pananalig sa Diyos, kung paano maging isang tunay na tao, kung anong uri ng tao ang kalugod-lugod sa Diyos, o kung anong uri ng tao ang katanggap-tanggap sa Diyos, at kung anong uri ng tao ang nais makamit ng Diyos. Kung hindi mo nauunawaan ang mga bagay na ito, ipinakikita nitong hindi ka pa nakapaglatag ng matibay na pundasyon sa tunay na daan. Nangingibabaw pa rin ang mga kuru-kuro, imahinasyon, at pansariling kaisipang iyon ng tao sa iyong pag-iisip at sa iyong mga pananaw.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Landas ng Pagsasagawa Tungo sa Pagbabago ng Disposisyon ng Isang Tao
Ano ba ang kahulugan ng isang pagbabago sa disposisyon? Nangyayari ito kapag ang isang taong nagmamahal sa katotohanan, habang dinaranas ang gawain ng Diyos, ay tumatanggap ng paghatol at pagkastigo ng Kanyang mga salita at sumasailalim sa lahat ng uri ng pagdurusa at pagpipino. Ang gayong tao ay nililinis mula sa mala-satanas na mga lason sa loob niya, at lubusang iwinawaksi kanyang tiwaling disposisyon, upang makapagpasakop siya sa mga salita ng Diyos at sa lahat ng Kanyang mga plano at pagsasaayos, upang hindi na kailanman muling maghimagsik laban sa Kanya o labanan Siya. Ito ay isang pagbabago sa disposisyon. … Ang isang pagbabago sa disposisyon ay nangangahulugan na ang isang tao, sapagkat minamahal at kaya niyang tanggapin ang katotohanan, ay nauunawaan ang kanyang kalikasan sa wakas, na mapaghimagsik sa Diyos at salungat sa Diyos. Nauunawaan niya na napakalalim ng pagkakatiwali sa tao, nauunawaan niya ang kahangalan at pagiging mapanlinlang ng sangkatauhan, ang salat at kahabag-habag na kalagayan ng sangkatauhan, at sa wakas ay nauunawaan na niya ang kalikasang diwa ng sangkatauhan. Sa pagkaalam sa lahat ng ito, nagagawa niyang ganap na tanggihan at maghimagsik laban sa kanyang sarili, makapamuhay ayon sa salita ng Diyos, at maisagawa ang katotohanan sa lahat ng bagay. Ito ay isa na nakakakilala sa Diyos, ito ay isang tao na nabago na ang disposisyon.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Paano Malalaman ang Kalikasan ng Tao
Ang pagbabago sa disposisyon ay hindi isang pagbabago sa pag-uugali o personalidad, lalong hindi isang pagbabago kung saan nagiging mas may kaalaman o edukado ang mga tao; nais ng Diyos na baguhin ang mga kaisipan at pananaw ng bawat tao sa pamamagitan ng Kanyang mga salita, at mapaunawa sa kanila ang katotohanan, nang sa gayon ay makapagtamo sila ng isang pagbabago sa paraan ng pagtingin nila sa mga bagay-bagay. Isang aspekto lang ito, samantalang ang isa pa ay baguhin ang mga prinsipyong pinagbabatayan ng pag-asal ng mga tao, na isang pagbabago sa kanilang pananaw sa buhay; ang isa pa ay baguhin ang malalim na nag-ugat na satanikong kalikasan at disposisyong nabubunyag sa mga tao. Sa pangkalahatan, nasasaklawan ng pagbabago sa disposisyon ang tatlong aspektong ito.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Landas ng Pagsasagawa Tungo sa Pagbabago ng Disposisyon ng Isang Tao
Ang pagbabago sa disposisyon ay pangunahing tumutukoy sa pagbabago sa kalikasan ng isang tao. Ang mga bagay tungkol sa kalikasan ng isang tao ay hindi makikita mula sa panlabas na mga pag-uugali. Ang mga ito ay tuwirang may kinalaman sa halaga at kabuluhan ng kanyang pag-iral, sa kanyang pananaw sa buhay at sa kanyang mga pinahahalagahan, kabilang dito ang mga bagay na nasa kaibuturan ng kanyang kaluluwa, at ng kanyang diwa. Kung ang isang tao ay hindi kayang tumanggap ng katotohanan, hindi siya sasailalim sa pagbabago sa mga aspektong ito. Sa pamamagitan lamang ng pagdanas sa gawain ng Diyos, pagpasok nang lubusan sa katotohanan, pagbabago sa mga pinahahalagahan ng isang tao at mga pananaw ng isang tao tungkol sa pag-iral at buhay, pag-aayon ng mga pananaw ng isang tao sa mga bagay-bagay sa salita ng Diyos, at pagiging may-kakayahang ganap na magpasakop at pagiging tapat sa Diyos, saka masasabing nagbago na ang disposisyon ng isang tao. Sa kasalukuyan, maaaring mukha kang nagsisikap nang kaunti at matatag sa harap ng paghihirap habang gumaganap sa iyong tungkulin, maaaring nagagawa mong magsakatuparan ng mga pagsasaayos ng gawain mula sa Itaas, o maaaring nagagawa mong pumunta saanmang dako ka pinapupunta. Sa panlabas, maaaring mukha kang masunurin, ngunit kapag may nangyayaring hindi naaayon sa mga kuru-kuro mo, lumalabas ang pagiging suwail mo. Halimbawa, hindi ka nagpapasakop sa pagpupungos, at lalong hindi ka masunurin kapag may dumarating na sakuna; nagagawa mo pa ngang magreklamo tungkol sa Diyos. Samakatuwid, ang kaunting pagpapasakop at pagbabagong iyon sa panlabas ay isang maliit na pagbabago lamang sa pag-uugali. May kaunting pagbabago, pero hindi ito sapat para ituring na pagbabago ng iyong disposisyon. Maaaring nakakaya mong tumahak sa maraming landasin, magdusa ng maraming paghihirap at magtiis ng matinding kahihiyan; maaaring nadarama mo na napakalapit mo sa Diyos, at ang Banal na Espiritu ay maaaring gumagawa sa iyo nang kaunti. Gayunpaman, kapag hinihingi ng Diyos sa iyo na gumawa ng isang bagay na hindi kaayon sa iyong mga kuru-kuro, maaaring hindi ka pa rin nagpapasakop, sa halip, maaaring maghanap ka ng mga palusot, maghimagsik at lumaban sa Diyos, at maging sa gipit na mga sitwasyon ay kuwestyunin at labanan mo Siya. Nakakaseryosong problema nito! Makikita rito na mayroon ka pa ring kalikasan na lumalaban sa Diyos, na hindi mo tunay na nauunawaan ang katotohanan, at na wala ka man lang pagbabago sa buhay disposisyon mo. Matapos silang matanggal o mapaalis, nagagawa pa rin ng ilang tao na husgahan ang Diyos at sabihing hindi matuwid ang Diyos. Nakikipagtalo pa nga sila sa Diyos at lumalaban, saanman sila magpunta ay ipinagkakalat nila ang kanilang mga kuru-kuro tungkol sa Diyos at kawalang-kasiyahan sa Diyos. Ang ganitong mga tao ay mga diyablong lumalaban sa Diyos. Ang mga taong may mala-diyablong kalikasan ay hinding-hindi magbabago at dapat silang abandonahin. Tanging ang mga kayang hanapin at tanggapin ang katotohanan sa lahat ng sitwasyon, at magpasakop sa gawain ng Diyos, ang may pag-asang makamit ang katotohanan at matamo ang pagbabago sa disposisyon. Sa mga karanasan mo, dapat kang matutong makakilatis sa mga kalagayan na sa panlabas ay mukhang normal. Maaari kang mapahikbi at mapaiyak habang nagdarasal, o pakiramdam mo ay mahal na mahal ng puso mo ang Diyos, at napakalapit nito sa Diyos, subalit gawain lamang ng Banal na Espiritu ang mga kalagayang ito at hindi nangangahulugan na isa kang taong nagmamahal sa Diyos. Kung nagagawa mo pa ring mahalin ang Diyos at magpasakop sa Kanya kahit hindi gumagawa ang Banal na Espiritu, at kapag gumagawa ang Diyos ng mga bagay na hindi umaayon sa sarili mong mga kuru-kuro, saka ka lamang isang taong tunay na nagmamahal sa Diyos. Saka ka lamang isang tao na nagbago na ang buhay disposisyon. Tanging ito ang isang taong may mga katotohanang realidad.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Dapat Malaman Tungkol sa Pagbabago ng Disposisyon ng Isang Tao
Kapag nagbago na ang buhay disposisyon ng isang tao, tiyak na nagbago na rin ang kanyang pananaw sa buhay. Ngayong mayroon nang ibang mga pinahahalagahan, hindi na siya muling mamumuhay para sa sarili niya, at hindi na muling maniniwala sa Diyos para sa layuning magkamit ng mga pagpapala. Masasabi ng taong iyon na, “Sulit ang makilala ang Diyos. Kung mamatay ako pagkatapos kong makilala ang Diyos, napakaganda niyon! Kung makikilala ko ang Diyos at makakapagpasakop sa Diyos, at magagawa kong mamuhay nang makabuluhan, hindi ako mamumuhay nang walang saysay, ni hindi ako mamamatay nang may anumang panghihinayang; hindi ako magrereklamo.” Nagbago na ang pananaw sa buhay ng taong ito. Ang pangunahing dahilan ng pagbabago sa buhay disposisyon ng isang tao ay dahil taglay niya ang katotohanang realidad, nakamit na niya ang katotohanan, at may kaalaman na siya sa Diyos; samakatuwid ay nagbago ang pananaw ng isang tao sa buhay, at iba na ang kanyang mga pinahahalagahan kaysa dati. Ang pagbabago ay nagsisimula sa loob ng puso ng isang tao, at mula sa loob ng buhay ng isang tao; tiyak na hindi ito isang panlabas na pagbabago. Ang ilan sa mga bagong mananampalataya, kapag nagsimula na silang maniwala sa Diyos, ay tinatalikuran ang sekular na mundo. Kapag nakakatagpo sila kalaunan ng mga walang pananampalataya, walang gaanong masabi ang mga mananampalatayang ito, at bihira silang makipag-ugnayan sa kanilang mga kamag-anak at kaibigan na walang pananampalataya. Sinasabi ng mga walang pananampalataya, “Nagbago na ang taong ito.” Pagkatapos ay iniisip ng mga mananampalataya, “Nagbago na ang buhay disposisyon ko; sinasabi ng mga walang pananampalatayang ito na nagbago na ako.” Totoo bang nagbago na ang disposisyon ng taong iyon? Hindi pa. Ang ipinamamalas niya ay panlabas na mga pagbabago lamang. Wala pang tunay na pagbabago sa buhay niya, at ang kanyang satanikong kalikasan ay patuloy na nakaugat sa kanyang puso, ganap na hindi nagagalaw. Kung minsan, masiglang-masigla ang mga tao dahil sa gawain ng Banal na Espiritu; maaaring magkaroon ng ilang panlabas na pagbabago, at maaari silang gumawa ng ilang mabubuting gawa. Gayunman, hindi ito kapareho ng pagkakamit ng pagbabago ng disposisyon. Kung hindi mo taglay ang katotohanan at hindi pa nagbabago ang iyong pananaw sa mga bagay-bagay, hanggang sa punto na hindi ka kaiba sa mga walang pananampalataya, at hindi rin nagbago ang iyong pananaw sa buhay at ang iyong mga pinahahalagahan, at kung wala ka man lamang may-takot-sa-Diyos na puso—na siyang nararapat mo man lang taglayin—napakalayo mo pa sa pagkakamit ng pagbabago sa disposisyon.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi
Ang pagbabago sa iyong disposisyon na naunawaan mo dati ay na ikaw, na mabilis manghusga, ay tumigil na sa pagsasalita nang hindi nag-iisip sa pamamagitan ng pagdidisiplina ng Diyos; ngunit isang aspeto lamang ito ng pagbabago. Sa ngayon, ang pinakakritikal na punto ay ang pagsunod sa patnubay ng Banal na Espiritu: Sumunod sa anumang sinasabi ng Diyos, at magpasakop sa anumang sinasabi Niya. Hindi mababago ng mga tao ang sarili nilang disposisyon; kailangan silang dumaan sa paghatol at pagkastigo, at sa pagdurusa at pagpipino, ng mga salita ng Diyos, o sa pagdidisiplina at pagpupungos ng Kanyang mga salita. Pagkatapos noon, saka lamang sila magiging mapagpasakop at matapat sa Diyos, at hindi na magpapadalus-dalos sa pakikitungo sa Kanya. Sa ilalim ng pagpipino ng mga salita ng Diyos nagbabago ang disposisyon ng mga tao. Sa pamamagitan lamang ng paglalantad, paghatol, pagdidisiplina, at pagpupungos ng Kanyang mga salita sila hindi na mangangahas na kumilos nang walang pakundangan kundi sa halip ay magiging matatag at mahinahon sila. Ang pinakamahalagang punto ay na nagagawa nilang magpasakop sa kasalukuyang mga salita ng Diyos, at sa Kanyang gawain, kahit hindi ito nakaayon sa mga kuru-kuro ng tao, nagagawa nilang isantabi ang mga kuru-kurong ito at maluwag sa loob na magpasakop. Noong araw, ang usapan tungkol sa mga pagbabago sa disposisyon ay pangunahing tumukoy lamang sa paghihimagsik laban sa sarili, pagpapahintulot na magdusa ang laman, pagdidisiplina sa katawan ng isang tao, at pag-aalis sa sarili ng mga makamundong kagustuhan—na isang uri ng pagbabago sa disposisyon. Ngayon, alam ng lahat na ang tunay na pagpapakita ng pagbabago sa disposisyon ay sa pagpapasakop sa kasalukuyang mga salita ng Diyos at tunay na pagkaalam sa Kanyang bagong gawain. Sa ganitong paraan, maaaring mapawi ang dating pagkaunawa ng mga tao tungkol sa Diyos, na nakulayan ng sarili nilang mga kuru-kuro, at makapagtatamo sila ng tunay na kaalaman at pagpapasakop sa Diyos—ito lamang ang tunay na pagpapahayag ng isang pagbabago sa disposisyon.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang mga Taong Nagbago Na ang Disposisyon ay Yaong mga Nakapasok Na sa Realidad ng mga Salita ng Diyos
Hindi nakabatay ang pagbabago sa disposisyon sa mga pagbabago sa mga ritwal o patakaran, at lalong hindi sa mga pagbabago sa panlabas na anyo o panlabas na pag-uugali, karakter, o pagiging magagalitin ng isang tao. Hindi ito tungkol sa pagbabago ng ugaling mabagal magalit sa ugaling mabilis magalit, o ang kabaligtaran nito, hindi rin ito tungkol sa pagbabago ng isang tao na mapag-isa sa isang tao na mahilig makihalubilo, o ng isang madaldal na tao sa isang tahimik na tao. Hindi ganito ang paraan, ibang-iba ito sa mga hinihingi ng Diyos, at napakalayo! Kapag nagsisimulang manalig ang isang tao sa Diyos, dahil hindi niya nauunawaan ang katotohanan, palagi niyang ginagawa ang mga bagay-bagay ayon sa kanyang mga kuru-kuro at imahinasyon. Nagbubunga ito ng pagkalihis niya sa tamang landas, at pagsasayang ng ilang taon ng kanyang panahon nang hindi nagtatamo ng anumang tunay na bagay. Sa panahong iyon, hindi niya alam na dapat niyang tahakin ang landas ng paghahangad sa katotohanan sa kanyang pananampalataya sa Diyos. Humahantong ito sa pagsunod niya sa mga maling direksyon sa loob ng ilang taon, bago napagtatantong ang pinakamahalagang bagay sa pananalig sa Diyos ay ang pag-unawa sa katotohanan at pagpasok sa realidad para matamo ang kaligtasan, at na ito ang pinakamahalagang bagay. Saka lang niya nauunawaan na ang pagbabago sa disposisyong sinasabi ng Diyos ay hindi tumutukoy sa mga pagbabago sa panlabas na pag-uugali, at na sa halip ay hinihingi ng Diyos sa mga tao na unawain ang kanilang sarili at ang sarili nilang tiwaling diwa, na magsikap at hanapin ang pangunahing dahilan tungkol sa pag-unawa sa kalikasang diwa ng tao, at pagkatapos ay iwaksi ang kanilang mga tiwaling disposisyon, isagawa ang katotohanan, at makapagpasakop at makasamba sa Diyos. Ito ang ibig sabihin ng pagbabago ng disposisyon sa buhay ng isang tao.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Landas ng Pagsasagawa Tungo sa Pagbabago ng Disposisyon ng Isang Tao
Ang pagbabago ng disposisyon ng isang tao ay hindi pagbabago ng pag-uugali, o pakunwaring panlabas na pagbabago o pansamantalang pag-iiba na ibinunga ng sigasig. Gaano man kabuti ang mga pagbabagong ito, hindi mapapalitan ng mga ito ang mga pagbabago sa buhay disposisyon, dahil ang mga panlabas na pagbabagong ito ay maaaring makamtan sa pamamagitan ng mga pagsisikap ng tao, pero hindi makakamtan ang mga pagbabago sa buhay disposisyon sa pamamagitan lang ng pagsisikap ng isang tao. Kailangang maranasan ang paghatol, pagkastigo, mga pagsubok, at pagpipino ng Diyos para makamtan ito, gayundin ang pagpeperpekto ng Banal na Espiritu. Kahit nagpapakita ng kaunting mabubuting pag-uugali ang mga taong nananalig sa Diyos, wala ni isa man sa kanila ang tunay na nagpapasakop sa Diyos, tunay na nagmamahal sa Diyos, o nakasusunod sa kalooban ng Diyos. Bakit ganito? Ito ay dahil kailangan nito ng pagbabago sa buhay disposisyon, at ang pagbabago lang sa ugali ay hinding-hindi sasapat. Ang pagbabago sa disposisyon ay nangangahulugan na mayroon kang kaalaman at karanasan sa katotohanan, at na naging buhay mo na ang katotohanan, na maaari nitong patnubayan at pangibabawan ang iyong buhay at lahat ng tungkol sa iyo. Ito ay isang pagbabago sa buhay disposisyon mo. Ang mga tao lamang na nagtataglay sa katotohanan bilang buhay ang mga taong nagbago na ang mga disposisyon. Dati, maaaring mayroong ilang katotohanan na hindi mo maisagawa noong naunawaan mo ang mga iyon, pero ngayon naisasagawa mo na ang anumang aspekto ng katotohanang nauunawaan mo nang walang mga sagabal o paghihirap. Kapag isinasagawa mo ang katotohanan, natutuklasan mong napupuno ka ng kapayapaan at kasayahan, pero kung hindi mo maisagawa ang katotohanan, nasasaktan ka at nababagabag ang konsensiya. Nakapagsasagawa ka ng katotohanan sa lahat ng bagay, nakakapamuhay ayon sa mga salita ng Diyos, at mayroon kang pundasyon sa pamumuhay. Nangangahulugan ito na nagbago na ang iyong disposisyon. Madali mo nang napapakawalan ngayon ang iyong mga kuru-kuro at imahinasyon, ang iyong mga kagustuhan at hangarin ng laman, at ang mga bagay na hindi mo mapakawalan dati. Nadarama mo na ang mga salita ng Diyos ay totoong mabuti, at na ang pagsasagawa ng katotohanan ang pinakamainam na gawin. Nangangahulugan ito na nagbago na ang iyong disposisyon. Parang napakasimple ng isang pagbabago sa disposisyon, pero ang totoo ay isang proseso ito na nangangailangan ng maraming karanasan. Sa panahong ito, kailangang dumanas ng maraming hirap ang mga tao, kailangan nilang pigilan ang sarili nilang katawan at maghimagsik laban sa kanilang laman, kailangan din nilang dumanas ng paghatol, pagkastigo, pagpupungos, mga pagsubok, at pagpipino, at kailangan din nilang dumanas ng maraming kabiguan, pagbagsak, pagtatalo ng kalooban, at paghihirap sa kanilang puso. Pagkatapos nilang maranasan ang mga ito, saka lang magkakaroon ng kaunting pagkaunawa ang mga tao sa sarili nilang kalikasan, pero ang kaunting pagkaunawa ay hindi agad-agad na nagbubunga ng lubos na pagbabago; kailangan nilang dumaan sa mahabang panahon ng karanasan bago nila maiwaksi nang paunti-unti ang kanilang mga tiwaling disposisyon.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Dapat Malaman Tungkol sa Pagbabago ng Disposisyon ng Isang Tao
Ang pagkakamit ng pagbabago sa disposisyon ng isang tao ay hindi isang simpleng bagay; hindi ito nangangahulugan ng pagkakaroon lamang ng ilang mga pagbabago sa pag-uugali, pagkakamit ng ilang kaalaman sa katotohanan, kakayahang makapagsabi ng kaunting kaalaman ukol sa karanasan sa bawat aspekto ng katotohanan, o pagkakaroon ng kaunting pagbabago o bahagyang pagiging mapagpasakop pagkaraang madisiplina. Ang mga bagay na ito ay hindi bumubuo sa pagbabago ng buhay disposisyon ng isang tao. Bakit Ko sinasabi ito? Bagama’t maaaring medyo nagbago ka na, hindi mo pa rin totoong isinasagawa ang katotohanan. Marahil dahil ikaw ay nasa isang pansamantalang angkop na kapaligiran, at pinahihintulutan ito ng sitwasyon, o napilit ka ng mga kasalukuyang pangyayari, umaasal ka sa ganitong paraan. Dagdag pa riyan, kapag maganda ang pakiramdam mo, kapag normal ang kalagayan mo, at kapag may gawain ka ng Banal na Espiritu, maisasagawa mo ang katotohanan. Pero ipagpalagay nang nasa gitna ka ng isang pagsubok, kapag nagdurusa ka na tulad ni Job sa gitna ng iyong mga pagsubok, o nahaharap ka sa pagsubok ng kamatayan. Kapag dumating ito, magagawa mo pa rin bang isagawa ang katotohanan at manindigan sa patotoo? May masasabi ka bang tulad ng sinabi ni Pedro, “Kahit mamatay ako matapos Kang makilala, paanong hindi ko magagawa iyon nang may galak at masaya?” Ano ang pinahalagahan ni Pedro? Ang pinahalagahan ni Pedro ay ang pagpapasakop, at itinuring niyang pinakamahalagang bagay ang pagkilala sa Diyos, kaya nagawa niyang magpasakop hanggang kamatayan. Ang pagbabago sa disposisyon ay hindi nangyayari sa loob ng magdamag; kinakailangan ng habambuhay na karanasan para makamtan ito. Medyo mas madaling maunawaan ang katotohanan, pero mahirap maisagawa ang katotohanan sa iba’t ibang konteksto. Bakit laging nahihirapan ang mga tao na isagawa ang katotohanan? Sa katunayan, ang mga paghihirap na ito ay direktang may kaugnayan sa mga tiwaling disposisyon ng mga tao, at sagabal ang lahat ng iyon na nagmumula sa mga tiwaling disposisyon. Samakatuwid, kailangan mong magdusa nang husto at magbayad ng halaga para maisagawa ang katotohanan. Kung wala kang mga tiwaling disposisyon, hindi mo kakailanganing magdusa at magbayad ng halaga para maisagawa ang katotohanan. Hindi ba ito isang malinaw na katunayan? Minsan, mukhang isinasagawa mo ang katotohanan, ngunit ang totoo, ang ikinikilos mo ay hindi nagpapakita na isinasagawa mo ang katotohanan. Sa pagsunod sa Diyos, maraming tao ang nagagawang isantabi ang kanilang pamilya at trabaho at gampanan ang kanilang mga tungkulin, na dahil dito naniniwala silang isinasagawa nila ang katotohanan. Gayunpaman, hindi nila kailanman nagagawang magbigay ng tunay na patotoo batay sa kanilang karanasan. Ano ba talaga ang nangyayari dito? Kung susukatin sila ayon sa mga kuru-kuro ng tao, mukhang isinasagawa nila ang katotohanan, subalit hindi kinikilala ng Diyos ang ginagawa nila bilang pagsasagawa ng katotohanan. Kung ang mga bagay na ginagawa mo ay may personal na mga motibo sa likod nito at hindi puro, malamang na lumihis ka sa mga prinsipyo, at hindi masasabing nagsasagawa ka ng katotohanan; isa lamang itong uri ng pag-uugali. Ang totoo, malamang na isumpa ng Diyos ang ganitong klase ng pag-uugali mo; hindi Niya ito sasang-ayunan o gugunitain. Kung mas hihimayin pa ang diwa at ugat nito, ikaw ay isang tao na gumagawa ng masama, at ang mga ipinapakita mong pag-uugali ay sumasalungat sa Diyos. Kung titingnan mula sa labas, hindi ka nakagagambala o nakagugulo sa anumang bagay at hindi ka nakagawa ng totoong pinsala. Mukhang makatwiran at makatarungan iyon, subalit sa loob nito, naroon ang mga karumihan at intensiyon ng tao, at ang diwa nito ay ang paggawa ng kasamaan at paglaban sa Diyos. Samakatuwid, dapat kang magpasya kung mayroon nang pagbabago sa iyong disposisyon at kung isinasagawa mo ang katotohanan gamit ang mga salita ng Diyos, at sa pamamagitan ng pagtingin sa mga motibo sa likod ng iyong mga sariling pagkilos. Hindi iyon nakasalalay sa kung ang mga kilos mo ba ay base sa mga imahinasyon at iniisip ng tao, o kung ito ba ay angkop sa iyong panlasa; ang mga bagay na ito ay hindi mahalaga. Bagkus, nakadepende iyon sa pagsasabi ng Diyos kung umaayon ka o hindi sa Kanyang mga layunin, kung ang iyong mga kilos ay mayroong katotohanang realidad o wala, at kung tumutugon ang mga ito o hindi sa Kanyang mga hinihingi at pamantayan. Ang pagsukat lamang ng iyong sarili ayon sa mga hinihingi ng Diyos ang tama. Ang pagbabago sa disposisyon at pagsasagawa ng katotohanan ay hindi kasingpayak at kasindali ng inaakala ng tao. Nauunawaan mo na ba ito ngayon? May karanasan ka ba rito? Pagdating sa diwa ng isang suliranin, maaaring hindi ninyo ito maunawaan; labis na mababaw ang inyong pagpasok. Paroo’t parito kayo sa maghapon, mula bukang-liwayway hanggang takipsilim, bumabangon nang maaga at natutulog nang gabing-gabi na, subalit hindi pa ninyo nakakamit ang pagbabago sa inyong buhay disposisyon, at hindi ninyo maintindihan kung ano ang disposisyonal na pagbabago. Ibig sabihin ay napakababaw ng inyong pagpasok, hindi ba? Gaano katagal man kayo naniniwala sa Diyos, maaaring hindi ninyo madama ang diwa at malalalim na bagay na may kinalaman sa pagbabago sa disposisyon. Masasabi bang nagbago na ang iyong disposisyon? Paano ninyo malalaman kung sinasang-ayunan kayo ng Diyos o hindi? Kahit paano, madarama mo ang natatanging katatagan hinggil sa lahat ng iyong ginagawa, at madarama mo na ginagabayan at nililiwanagan ka ng Banal na Espiritu at gumagawa Siya sa iyo habang ginagampanan mo ang iyong mga tungkulin, ginagawa ang anumang gawain sa sambahayan ng Diyos, o sa pangkalahatan. Ganap na aakma sa mga salita ng Diyos ang iyong pag-uugali, at kapag nagtamo ka na ng ilang antas ng karanasan, madarama mo na naaangkop kahit papaano kung paano ka kumilos noong araw. Gayunman, kung makaraang magtamo ng karanasan sa loob ng ilang panahon, nadarama mo na hindi angkop ang ilan sa mga bagay na ginawa mo noong araw, at hindi ka nasisiyahan sa mga iyon, at nadarama mo na hindi naaayon ang mga ito sa katotohanan, pinatutunayan nito, kung gayon, na ang lahat ng iyong nagawa ay ginawa bilang paglaban sa Diyos. Katunayan ito na ang iyong paglilingkod ay puno ng pagkasuwail, paglaban, at mga paraan ng pagkilos ng tao, at na lubos kang nabigong makamtan ang mga pagbabago sa disposisyon.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Dapat Malaman Tungkol sa Pagbabago ng Disposisyon ng Isang Tao
Ang mga disposisyon ay mga bagay na nahahayag mula sa kalikasan ng isang tao, at ang pagbabago sa disposisyon ay nangangahulugan na ang tiwaling disposisyon ng isang tao ay nadalisay at napalitan na ng katotohanan. Ang nalalantad kung gayon ay hindi isang tiwaling disposisyon, kundi isang pagpapamalas ng normal na pagkatao. Matapos gawing tiwali ni Satanas ang tao, ang tao ay naging pagsasakatawan ni Satanas, at ng uri ng satanikong bagay na lumalaban sa Diyos at ganap na may kakayahang ipagkanulo Siya. Bakit hinihingi ng Diyos na baguhin ng mga tao ang kanilang disposisyon? Dahil gusto ng Diyos na gawing perpekto at kamtin ang mga tao, at ang mga taong nagawang kumpleto sa wakas ay nagtataglay ng maraming naidagdag na mga realidad ng pagkakilala sa Diyos, at ng mga realidad ng lahat ng aspekto ng katotohanan. Ang mga taong tulad nito ay ganap na alinsunod sa mga layunin ng Diyos. Noon, may mga tiwaling disposisyon ang mga tao, at nagkakamali o nagpapakita ng paglaban sa tuwing may ginagawa sila, ngunit ngayon ay nakauunawa na ang mga tao ng ilang katotohanan, at nakagagawa ng maraming bagay na naaayon sa mga layunin ng Diyos. Gayunpaman, hindi ito nangangahulugan na ang mga tao ay hindi nagtataksil sa Diyos. Nagagawa pa rin ito ng mga tao. Isang bahagi ng kung ano ang nabubunyag mula sa kanilang kalikasan na maaaring mabago, at ang bahagi na maaaring magbago ay ang bahagi kung saan nakapagsasagawa ang mga tao alinsunod sa katotohanan. Ngunit hindi ibig sabihin na naisasagawa mo na ang katotohanan ay nagbago na ang kalikasan mo. Tulad ito ng kung paanong ang mga tao ay palaging may mga kuru-kuro at hinihingi sa Diyos noon, at ngayon sa maraming aspeto ay wala na—ngunit maaaring mayroon pa rin silang mga kuru-kuro o hinihingi sa ilang bagay, at nagagawa pa rin nilang ipagkanulo ang Diyos. Maaaring sabihin mo, “Kaya kong magpasakop sa anumang gawin ng Diyos, at magpasakop sa maraming bagay nang walang reklamo at walang hinihingi,” ngunit magagawa mo pa ring ipagkanulo ang Diyos sa ilang bagay. Bagamat hindi mo sinasadyang lumaban sa Diyos, kapag hindi mo nauunawaan ang Kanyang mga layunin, malalabanan mo pa rin ang mga pagnanais Niya. Kaya, ano ang ibig sabihin ng bahaging maaaring magbago? Iyon ay kapag nauunawaan mo ang mga layunin ng Diyos, makakapagpasakop ka, at kapag nauunawaan mo ang katotohanan, maisasagawa mo ito. Kung hindi mo nauunawaan ang katotohanan o ang mga layunin ng Diyos sa ilang bagay, may posibilidad pa rin na makapaglantad ka ng katiwalian. Kung naiintindihan mo ang katotohanan, ngunit hindi mo ito isinasagawa dahil napipigilan ka ng ilang bagay, pagkakanulo ito, at ito ay bagay na nasa iyong kalikasan. Siyempre, walang limitasyon sa kung gaano magbabago ang iyong disposisyon. Kapag mas maraming katotohanan ang iyong natatamo, ibig sabihin, kapag mas malalim ang pagkakilala mo sa Diyos, mas hindi mo Siya lalabanan at ipagkakanulo. Ang paghahangad na baguhin ang disposisyon ay pangunahing nakakamit sa pamamagitan ng paghahangad sa katotohanan, at ang pag-unawa sa sariling kalikasang diwa ay nakakamit sa pamamagitan ng pag-unawa sa katotohanan. Kapag ang isang tao ay tunay na nakamit ang katotohanan, malulutas ang lahat ng kanyang problema.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Masyadong Maraming Hinihingi ang mga Tao mula sa Diyos
Ang mga taong nakaranas ng pagbabago sa kanilang disposisyon ay naunawaan na ang katotohanan, naiintindihan nila ang lahat ng usapin, alam nila kung paano kumilos alinsunod sa mga layunin ng Diyos, kung paano kumilos alinsunod sa katotohanang prinsipyo, at kung paano kumilos upang mapalugod ang Diyos, at nauunawaan nila ang kalikasan ng katiwalian na kanilang ibinubunyag. Kapag ang kanilang sariling mga ideya at mga kuru-kuro ay naibubunyag, nagagawa nilang makakilala at maghimagsik laban sa laman. Ganito naipapamalas ang isang pagbabago sa disposisyon. Ang pangunahing pagpapamalas ng mga taong dumaan sa pagbabago ng disposisyon ay nagagawa nilang maunawaan nang malinaw ang katotohanan, at kapag ipinatutupad ang mga bagay, isinasagawa nila ang katotohanan nang may kaugnay na kawastuhan at hindi sila nagbubunyag ng katiwalian nang madalas. Karaniwan, ang mga nagbago na ang disposisyon ay nagiging makatwiran at nakakakilatis, at dahil sa kanilang pagkaunawa sa katotohanan, hindi sila gaanong nagbubunyag ng pagmamataas o kayabangan. Nauunawaan at nahihiwatigan nila ang marami sa katiwaliang naibunyag sa kanila, kaya hindi sila nagyayabang. Nagagawa nilang magkaroon ng isang nasusukat na pagkaunawa sa kung ano ang dapat nilang kalugaran at kung ano ang mga bagay na dapat nilang gawin na makatwiran, kung paano gumawi nang may katwiran, kung paano maging masunurin, kung ano ang sasabihin at kung ano ang hindi sasabihin, at kung ano ang sasabihin at kung ano ang gagawin sa alin mang mga tao. Kaya, ang mga taong nagbago ang mga disposisyon ay medyo makatwiran, at ang ganoong mga tao lamang ang tunay na nagsasabuhay ng wangis ng tao. Dahil nauunawaan nila ang katotohanan, nasasabi at nakikita nila ang mga bagay alinsunod sa katotohanan, at may prinsipyo sila sa lahat ng ginagawa nila; hindi sila sumasailalim sa impluwensiya ng sinumang tao, pangyayari o bagay, at lahat sila ay may sariling pananaw at kayang itaguyod ang mga katotohanang prinsipyo. Ang kanilang disposisyon ay medyo matatag, hindi sila sala sa init at sala sa lamig, at anuman ang kanilang sitwasyon, nauunawaan nila kung paano isagawa nang wasto ang kanilang tungkulin at kung paano umasal na ikalulugod ng Diyos. Iyong mga nagbago ang mga disposisyon ay hindi nagtutuon ng pansin sa kung ano ang gagawin sa panlabas upang maging maganda ang tingin sa kanila ng iba; natamo nila ang panloob na kaliwanagan sa kung ano ang gagawin upang mapalugod ang Diyos. Kung gayon, sa panlabas maaaring tila hindi sila ganoon kasigasig o nakagawa ng anumang mahalaga, ngunit ang lahat ng kanilang ginagawa ay makahulugan, mahalaga, at nagbubunga ng praktikal na mga resulta. Iyong mga nagbago ang mga disposisyon ay tiyak na nagtataglay ng napakaraming katotohanang realidad, at ito ay mapapatunayan sa pamamagitan ng kanilang mga pananaw sa mga bagay at sa kanilang mga prinsipyo ng pagkilos. Ang mga hindi pa nagtamo ng katotohanan ay talagang hindi nagkamit ng anumang pagbabago sa disposisyon sa buhay. Paano ba talaga nakakamit ang pagbabago sa disposisyon? Lubhang nagawang tiwali ni Satanas ang mga tao, lahat sila ay lumalaban sa Diyos, at lahat sila ay may kalikasang lumalaban sa Diyos. Inililigtas ng Diyos ang mga tao sa pamamagitan ng paghihikayat sa mga may kalikasang lumalaban sa Diyos at maaaring lumaban sa Diyos na magpasakop at magkaroon ng takot sa Diyos. Ito ang kahulugan ng maging isang tao na nagbago na ang disposisyon. Gaano man katiwali ang isang tao o ilang tiwaling disposisyon ang mayroon siya, basta’t kaya niyang tanggapin ang katotohanan, tanggapin ang paghatol at pagkastigo ng Diyos, at tanggapin ang iba’t ibang pagsubok at pagpipino, magkakaroon siya ng tunay na pagkaunawa sa Diyos, at kasabay nito ay malinaw niyang makikita ang sarili niyang kalikasang diwa. Kapag tunay niyang nakikilala ang kanyang sarili, magagawa niyang kamuhian ang kanyang sarili at si Satanas, at magiging handa siyang maghimagsik laban kay Satanas, at ganap na magpasakop sa Diyos. Kapag may ganitong determinasyon na ang isang tao, kaya na niyang hangarin ang katotohanan. Kung may tunay na kaalaman ang mga tao tungkol sa Diyos, kung nadalisay ang kanilang satanikong disposisyon, at nag-ugat ang mga salita ng Diyos sa kanilang kalooban, at naging buhay na nila at batayan ng kanilang pag-iral, kung namumuhay sila ayon sa mga salita ng Diyos, at lubusan nang nagbago at naging mga bagong tao—maituturing ito bilang pagbabago sa kanilang disposisyon sa buhay. Ang pagbabago sa disposisyon ay hindi nangangahulugang pagkakaroon ng hustong isipan at bihasang pagkatao, ni hindi ito nangangahulugan na mas maamo ang panlabas na mga disposisyon ng mga tao kaysa dati, na dati silang mayabang ngunit ngayon ay makatwiran nang magsalita, o na dati ay wala silang pinakikinggan ngunit ngayon ay kaya na nilang makinig sa iba nang kaunti; hindi masasabi na ang nakikitang mga pagbabagong ito ay mga pagbabago sa disposisyon. Siyempre pa, ang mga pagbabago sa disposisyon ay kinabibilangan ng mga ganoong pagpapamalas, ngunit ang pinakamahalagang bagay ay na sa loob, nagbago na ang buhay nila. Lahat ng ito ay dahil nag-ugat na ang mga salita ng Diyos at ang katotohanan sa kanilang kalooban, namumuno sa kanilang kalooban, at naging buhay na nila. Nagbago na rin ang kanilang mga pananaw tungkol sa mga bagay-bagay. Kitang-kita nila ang nangyayari sa mundo at sa sangkatauhan, kung paano ginagawang tiwali ni Satanas ang sangkatauhan, kung paano nilalabanan ng malaking pulang dragon ang Diyos, at ang diwa ng malaking pulang dragon. Kaya nilang kamuhian ang malaking pulang dragon at si Satanas sa puso nila, at kaya nilang lubos na bumaling at sumunod sa Diyos. Nangangahulugan ito na nagbago na ang kanilang disposisyon sa buhay, at nakamit na sila ng Diyos. Ang mga pagbabago sa disposisyon sa buhay ay mga pangunahing pagbabago, samantalang ang mga pagbabago sa pag-uugali ay paimbabaw. Ang mga nagkamit lang ng mga pagbabago sa disposisyon sa buhay ang mga nagtamo ng katotohanan, at sila lang ang nakamit ng Diyos.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi
Kaugnay na mga Himno
Ang mga Pagbabago sa Disposisyon ay Pangunahing mga Pagbabago sa Kalikasan