25. Ano ang pagsasagawa ng katotohanan
Mga Salita ng Makapangyarihang Diyos ng mga Huling Araw
Sa loob ng mga salita ng Diyos ay ang mga katotohanang kailangang taglayin ng tao, mga bagay na lubhang kapaki-pakinabang at nakakatulong sa sangkatauhan, ito ang pampalakas at panustos na kailangan ng inyong katawan, mga bagay na tumutulong sa panunumbalik ng normal na pagkatao ng tao, at ang mga katotohanan na dapat taglayin ng tao. Habang lalo ninyong isinasagawa ang salita ng Diyos, lalong bumibilis ang pamumukadkad ng inyong buhay, at lalong lumilinaw ang katotohanan. Habang lumalago ang inyong tayog, makikita ninyo nang mas malinaw ang mga bagay ng espirituwal na mundo, at lalo kayong lalakas upang magtagumpay laban kay Satanas. Karamihan sa katotohanang hindi ninyo nauunawaan ay lilinaw kapag isinasagawa ninyo ang salita ng Diyos. Karamihan sa mga tao ay nasisiyahan na maunawaan lamang ang teksto ng salita ng Diyos at magtuon sa pagsasangkap sa kanilang sarili ng mga doktrina sa halip na palalimin ang kanilang karanasan sa pagsasagawa, ngunit hindi ba iyon ang paraan ng mga Pariseo? Kung ginagawa nila ito makakamit ba nila ang realidad ng pariralang “Ang salita ng Diyos ay buhay”? Hindi makalalago ang buhay ng isang tao sa pagbabasa lamang ng salita ng Diyos, kundi kapag isinasagawa lamang niya ang salita ng Diyos. Kung ang paniniwala mo ay na ang pag-unawa lamang sa salita ng Diyos ang kailangan upang magkaroon ng buhay at tayog, may depekto ang pang-unawa mo. Nangyayari ang tunay na pagkaunawa sa salita ng Diyos kapag isinasagawa mo ang katotohanan, at kailangan mong maunawaan na “sa pagsasagawa lamang ng katotohanan ito maaaring maunawaan.” Sa araw na ito, matapos basahin ang salita ng Diyos, masasabi mo lamang na alam mo ang salita ng Diyos, ngunit hindi mo masasabi na nauunawaan mo ito. Sinasabi ng ilan na dapat munang maunawaan ng isang tao ang katotohanan bago niya ito maisagawa, ngunit medyo tama lamang ito, at walang dudang hindi ganap na tumpak. Bago ka magkaroon ng kaalaman tungkol sa isang katotohanan, hindi mo pa nararanasan ang katotohanang iyon. Ang pakiramdam na nauunawaan mo ang isang bagay na naririnig mo sa isang sermon ay hindi tunay na pagkaunawa—pagtataglay lamang ito ng literal na mga salita ng katotohanan, at hindi kagaya ng pagkaunawa sa tunay na kahulugan niyon. Hindi dahil mayroon kang paimbabaw na kaalaman tungkol sa katotohanan ay talagang nauunawaan mo na ito o may kaalaman ka na tungkol dito; ang tunay na kahulugan ng katotohanan ay nanggagaling mula sa pagdanas nito. Samakatuwid, kapag naranasan mo na ang katotohanan, saka mo lamang ito mauunawaan, at saka mo lamang mauunawaan ang mga natatagong bahagi nito. Ang pagpapalalim ng iyong karanasan ang tanging paraan upang maunawaan ang mga natatagong kahulugan at ang diwa ng katotohanan. Samakatuwid, makakapunta ka kahit saan na dala ang katotohanan, ngunit kung wala ang katotohanan sa iyo, huwag mong isiping kumbinsihin kahit ang iyong mga kapamilya, lalo na ang mga relihiyosong tao. Kung wala sa iyo ang katotohanan, para kang lilipad-lipad na niyebe, ngunit kapag nasa iyo ang katotohanan maaari kang maging masaya at malaya, at walang maaaring umatake sa iyo. Gaano man katibay ang isang teorya, hindi nito madaraig ang katotohanan. Kung mayroong katotohanan, ang mundo mismo ay maaaring yanigin at ang mga bundok at dagat ay maaaring ilipat, samantalang kung walang katotohanan ay maaaring durugin ng mga uod ang matitibay na pader ng lungsod. Ito ay isang malinaw na katotohanan.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Sa Sandaling Maunawaan Ninyo ang Katotohanan, Dapat Ninyo Itong Isagawa
Ang gawain at salita ng Diyos ay naglalayong magsanhi ng pagbabago sa inyong disposisyon; ang Kanyang layon ay hindi lamang para magkamit kayo ng pagkaunawa at kaalaman. Hindi iyon sapat. Ang isang taong may kakayahang umunawa ay hindi dapat mahirapan sa pag-unawa sa salita ng Diyos, dahil karamihan sa salita ng Diyos ay ipinahayag sa wika ng tao, at napakalinaw Niyang magsalita. Halimbawa, kayang-kaya nilang malaman ang nais ipaunawa at ipasagawa sa kanila ng Diyos; ito ay isang bagay na dapat kayang gawin ng isang taong may kakayahang umunawa. Sa partikular, ang mga salitang sinasambit ng Diyos sa kasalukuyang yugto ay napakaliwanag at napakalinaw, at itinuturo ng Diyos ang maraming hindi pa naisaalang-alang ng mga tao, gayundin ang lahat ng uri ng kalagayan ng tao. Ang Kanyang mga salita ay para sa lahat, at kasingliwanag ng bilog na buwan. Kaya ngayon, nauunawaan ng mga tao ang maraming isyu, ngunit may kulang pa rin—ang pagsasagawa ng mga tao sa Kanyang salita. Kailangang maranasan ng mga tao ang lahat ng aspeto ng katotohanan nang detalyado, at tuklasin at hangarin ito nang mas detalyado, sa halip na basta maghintay na tanggapin kung ano ang ibigay sa kanila; kung hindi ay nagiging mga palaasa lang sila sa iba. Iyong mga nakakaalam sa salita ng Diyos pero hindi nagsasagawa nito ay hindi nagmamahal sa katotohanan at sa huli ay ititiwalag. Para maging katulad ng isang Pedro sa dekada 90, nangangahulugan ito na bawat isa sa inyo ay dapat isagawa ang salita ng Diyos, magkaroon ng tunay na pagpasok sa inyong mga karanasan at magkamit ng higit pa at mas dakilang kaliwanagan sa inyong pakikipagtulungan sa Diyos, na magdadala ng higit at higit pang tulong sa sarili ninyong buhay. Kung marami na kayong nabasang salita ng Diyos ngunit nauunawaan lamang ninyo ang kahulugan ng mga salita at at hindi ninyo sinusubukan na danasin ang salita ng Diyos sa pamamagitan ng mga totoong tagpo, hindi mo malalaman ang salita ng Diyos. Para sa iyo, ang salita ng Diyos ay hindi buhay, kundi mga salita lamang na walang buhay. At kung ang ipamumuhay mo ay mga salita lamang na walang buhay, hindi mo mauunawaan ang diwa ng salita ng Diyos, ni mauunawaan ang Kanyang mga layunin. Kapag naranasan mo na ang Kanyang salita sa iyong mga tunay na karanasan, saka lamang kusang mahahayag sa iyo ang espirituwal na kahulugan ng salita ng Diyos, at sa pamamagitan lamang ng karanasan mo mauunawaan ang espirituwal na kahulugan ng maraming katotohanan at mabubuksan ang mga hiwaga ng salita ng Diyos. Kung hindi mo ito isasagawa, gaano man kalinaw ang Kanyang salita, ang tanging naunawaan mo ay mga hungkag na salita at doktrina, na naging mga tuntuning pangrelihiyon na sa iyo. Hindi ba ito ang ginawa ng mga Pariseo? Kung isinasagawa at nararanasan ninyo ang salita ng Diyos, nagiging praktikal ito sa inyo; kung hindi ninyo hinahangad isagawa ito, hihigit lang nang kaunti sa alamat ng ikatlong langit ang salita ng Diyos para sa iyo. Sa katunayan, ang proseso ng paniniwala sa Diyos ay ang proseso ng inyong pagdanas sa Kanyang salita gayundin ang pagiging nakamit Niya, o para mas maliwanag, ang maniwala sa Diyos ay ang magkaroon ng kaalaman at pagkaunawa sa Kanyang salita at ang maranasan at isabuhay ang Kanyang salita; ganyan ang realidad sa likod ng inyong paniniwala sa Diyos. Kung kayo ay naniniwala sa Diyos at umaasa lang sa buhay na walang hanggan nang hindi naghahangad na isagawa ang salita ng Diyos at pumasok sa katotohanang realidad, kayo ay hangal. Magiging para itong pagpunta sa isang piging at pagtingin lamang sa pagkain at pagsasaulo kung alin ang masarap nang hindi man lamang tinitikman ang alinman dito, magiging para itong hindi pagkain o pag-inom ng kahit ano roon. Hindi ba hangal ang gayong tao?
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Sa Sandaling Maunawaan Ninyo ang Katotohanan, Dapat Ninyo Itong Isagawa
Sa bawat kapanahunan ng gawain ng Diyos, nagkakaloob Siya ng ilang salita sa mga tao at nagsasabi sa kanila ng ilang katotohanan. Ang mga katotohanang ito ay nagsisilbing daan na dapat sundan ng mga tao, ang daan na dapat nilang sundan, ang daan na nagbibigay-kakayahan sa kanila na magkaroon ng takot sa Diyos at makaiwas sa kasamaan, at ang daan na dapat isagawa at sundan ng mga tao sa kanilang buhay at sa buong paglalakbay nila sa buhay. Ito ang mga dahilan kaya ipinapahayag ng Diyos ang mga pagbigkas na ito sa sangkatauhan. Ang mga salitang ito na nagmumula sa Diyos ay dapat sundin ng mga tao, at ang pagsunod sa mga ito ay pagtanggap ng buhay. Kung hindi susundin ng isang tao ang mga ito, hindi isasagawa ang mga ito, at hindi isasabuhay ang mga salita ng Diyos, hindi isinasagawa ng taong ito ang katotohanan. Bukod pa riyan, kung hindi isinasagawa ng mga tao ang katotohanan, hindi sila natatakot sa Diyos at hindi nila iniiwasan ang kasamaan, ni hindi rin nila mapapalugod ang Diyos. Ang mga taong hindi kayang palugurin ang Diyos ay hindi matatanggap ang Kanyang papuri, at walang kahihinatnan ang gayong mga tao.
—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Paano Malalaman ang Disposisyon ng Diyos at ang mga Resultang Makakamtan ng Kanyang Gawain
Ano ang pinakamahalagang realidad para sa mga taong naniniwala sa Diyos? Ito ay ang pagsasagawa ng katotohanan. Ano ang pinakamahalagang bahagi ng pagsasagawa ng katotohanan? Hindi ba’t ito ay ang dapat maunawaan muna ng isang tao ang mga prinsipyo? Kung gayon, ano ang mga prinsipyo? Ang mga ito ay ang praktikal na bahagi ng katotohanan, ang pamantayang makapaggagarantiya ng mga resulta. Ganito kasimple ang mga prinsipyo. Kapag literal na inunawa, iisipin mong ang bawat pangungusap sa mga salita ng Diyos ay ang katotohanan, ngunit hindi mo alam kung paano isagawa ang katotohanan, ito ay dahil hindi mo nauunawaan ang mga prinsipyo ng katotohanan. Iniisip mo na ang mga salita ng Diyos ay ganap na tama, na katotohanan ang mga ito, ngunit hindi mo alam kung ano ang praktikal na bahagi ng katotohanan, o ang mga kalagayang tinutumbok nito, kung ano ang mga prinsipyong naririto, at kung ano ang landas tungo sa pagsasagawa—hindi mo ito maunawaan. Pinatutunayan nitong doktrina lamang ang nauunawaan mo at hindi ang katotohanan. Kung talagang nararamdaman mo na doktrina lamang ang nauunawaan mo, ano ang dapat mong gawin? Dapat mong hanapin ang katotohanan. Una sa lahat, alamin mo kung ano ang praktikal na aspekto ng katotohanan, tingnan mo kung aling mga aspeto ng realidad ang pinakanamumukod-tangi, at kung paano ka dapat magsagawa upang makapasok sa realidad na ito. Sa pamamagitan ng paghahanap at pagtatanong sa ganitong paraan, mahahanap mo ang landas. Kapag nauunawaan mo na ang mga prinsipyo at naisasabuhay ang realidad na ito, makakamit mo ang katotohanan, na siyang tagumpay na nagmumula sa paghahangad ng katotohanan. Kung mauunawaan mo ang mga prinsipyo ng maraming katotohanan at isasagawa ang ilan sa mga ito, taglay mo ang katotohanang realidad, at nakamit mo ang buhay. Anumang aspekto ng katotohanan ang hinahanap mo, kapag naunawaan mo kung nasaan ang realidad ng katotohanan sa mga salita ng Diyos at kung ano ang Kanyang mga hinihingi, kapag tunay mong naunawaan, at handa kang ibigay ang hinihingi nitong kapalit at isagawa ito, nakamit mo na ang katotohanang ito. Habang nakakamit mo ang katotohanang ito, unti-unting malulutas ang iyong tiwaling disposisyon, at kikilos ang katotohanang ito sa iyong kalooban. Kung maisasagawa mo ang realidad ng katotohanan, at magagampanan mo ang iyong tungkulin at bawat pagkilos at umasal ayon sa mga prinsipyo ng pagsasagawa ng katotohanang ito, hindi ba’t ibig sabihin nito ay nagbago ka na? Naging anong klase ng tao ka? Ikaw ay naging isang taong nagtataglay ng katotohanang realidad.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi
Kailangang mayroong mga prinsipyo sa pagsasagawa ng katotohanan. Kung hindi mahanap ng isang tao ang mga prinsipyo ng pagsasagawa, sumusunod lamang siya sa mga regulasyon, at wala sa pagsasagawang ito ang kinakailangang detalye ng pagkilos ayon sa mga prinsipyo. Maraming tao ang nagtataguyod lamang sa mga regulasyon ng mga salita at doktrina, at walang mga prinsipyo sa kanilang pagsasagawa. Hindi nito naaabot ang mga pamantayan sa pagsasagawa ng katotohanan. Ang lahat sa relihiyon ay kumikilos ayon sa sarili nilang mga kuru-kuro at imahinasyon at iniisip nila na ito ay pagsasagawa sa katotohanan. Maaaring nangangaral sila tungkol sa pagmamahal, halimbawa, o tungkol sa kababaang-loob, ngunit ang ginagawa lang nila ay ulitin ang pagsasabi ng mga salitang magandang pakinggan. Ang pagsasagawa nila ay walang mga prinsipyo, at hindi nila maarok ang mga pinakapangunahing bagay. Paano makapapasok ang isang tao sa katotohanang realidad kung ganito siya magsagawa? Ang katotohanan ay ang salita ng Diyos; ang realidad ay isinasabuhay ng tao. Kapag naisasagawa na ng isang tao ang katotohanan at naisasabuhay na niya ang mga salita ng Diyos, saka lang siya nagtataglay ng katotohanang realidad. Sa pamamagitan ng pagsasagawa at pagdanas ng mga salita ng Diyos, nakakamit ng mga tao ang kaliwanagan ng Banal na Espiritu at ang tunay na kaalaman sa mga salita ng Diyos. Saka lang nila mauunawaan ang katotohanan. Ang mga taong talagang nakauunawa sa katotohanan ay kayang tukuyin ang mga prinsipyo ng pagsasagawa. Kapag naarok mo na ang mga prinsipyo ng pagsasagawa, magkakaroon ng mga prinsipyo ang iyong pananalita at mga kilos, at magiging alinsunod sa mga katotohanang prinsipyo ang pagganap mo sa iyong tungkulin. Ito ang pagsasagawa ng katotohanan; ito ang pagkakaroon ng katotohanang realidad. Kapag naisasabuhay mo na ang katotohanang realidad ay saka mo lang naisasagawa ang katotohanan, at kung hindi mo isinasabuhay ang katotohanang realidad, hindi mo isinasagawa ang katotohanan. Ang pagsasagawa ng katotohanan ay hindi isang usapin ng pagsunod lamang sa mga regulasyon, gaya ng inaakala ng mga tao, at kailangang hindi magsagawa ang isang tao sa anumang paraang gusto niya. Tinitingnan ng Diyos kung talagang nauunawaan mo ang katotohanan sa panahon ng iyong pagsasagawa at pagdanas ng Kanyang mga salita, at kung may mga katotohanang prinsipyo ang pananalita at mga kilos mo. Kung nauunawaan mo ang katotohanan at naisasagawa mo ito, magkakaroon ka ng buhay pagpasok. Anumang karanasan at kaalaman mayroon ka sa mga salita ng Diyos, anumang pagpapahalaga mayroon ka, ang mga bagay na ito ay direktang nauugnay sa iyong buhay pagpasok.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ano ang Pagsasagawa ng Katotohanan
Ang pagsasagawa ng katotohanan ay hindi tungkol sa pagsasabi ng mga walang-saysay na salita o pagsigaw ng mga islogan. Sa halip, tungkol ito sa kung paanong, anuman ang makaharap ng mga tao sa buhay, hangga’t kinabibilangan ito ng mga prinsipyo ng pag-uugali ng tao, ng kanilang mga perspektiba sa mga bagay-bagay, o ang usapin ng pagganap sa kanilang mga tungkulin, kailangan nilang magpasya, at dapat nilang hanapin ang katotohanan, hanapin ang batayan at mga prinsipyo sa mga salita ng Diyos, at pagkatapos ay hanapin ang isang landas sa pagsasagawa. Ang mga nakapagsasagawa sa ganitong paraan ay mga taong hinahangad ang katotohanan. Ang magawang hangarin ang katotohanan sa ganitong paraan gaano man katindi ang mga paghihirap na nararanasan ng isang tao ay ang pagtahak sa landas ni Pedro, sa landas ng paghahanap ng katotohanan. Halimbawa: Anong prinsipyo ang dapat sundin pagdating sa pakikisalamuha sa iba? Marahil ang orihinal mong pananaw ay na “Ang pagkakasundo-sundo ay yaman; ang pagtitiis ay karunungan,” at na dapat mong makasundo ang lahat, iwasang mapahiya ang iba, at wala kang mapasama ng loob, sa gayong paraan ay matatamo ang magandang ugnayan sa iba. Nalilimitahan ng ganitong pananaw, nananahimik ka kapag nasasaksihan mo na gumagawa ang iba ng masasamang bagay o lumalabag sila sa mga prinsipyo. Mas gugustuhin mo nang ang iglesia ang mawalan kaysa mapasama mo ang loob ng sinuman. Hinahangad mong makasundo ang lahat, kahit sino pa sila. Iniisip mo lamang ang mga damdamin ng tao at na hindi ka mapahiya kapag ikaw ay nagsasalita, at lagi kang nagsasabi ng mga salitang magandang pakinggan para pasayahin ang iba. Kahit pa matuklasan mong may mga problema sa isang tao, pinipili mong pagtimpian siya, at pag-usapan na lamang siya kapag siya ay nakatalikod, ngunit kapag kaharap siya ay pinapangalagaan mo ang kapayapaan at pinananatili mo ang inyong ugnayan. Ano ang palagay mo sa gayong asal? Hindi ba’t iyon ay asal ng isang mapagpalugod ng mga tao? Hindi ba’t medyo mapanlinlang ito? Nilalabag nito ang mga prinsipyo ng pag-asal ng tao. Hindi ba’t kababaan ang umasal ka sa ganoong paraan? Ang mga kumikilos nang ganito ay hindi mabubuting tao, hindi ito marangal na paraan ng pag-asal. Kahit gaano ka pa nagdusa, at kahit gaano pa kalaki ang iyong pinagbayaran, kung umaasal ka nang walang prinsipyo, nabigo ka sa aspektong ito, at hindi kikilalanin, tatandaan, o tatanggapin ang iyong pag-asal sa harap ng Diyos. Matapos mapagtanto ang problemang ito, nababagabag ka ba? (Oo.) Ano ang pinatutunayan ng pagkabagabag na ito? Pinatutunayan nitong minamahal mo pa rin ang katotohanan, at na may puso kang nagmamahal sa katotohanan at kagustuhang mahalin ang katotohanan. Pinatutunayan nito na may kamalayan pa rin ang iyong konsensiya, at na ang iyong konsensiya ay hindi pa lubusang patay. Kahit gaano pa kalalim ang iyong katiwalian, o kahit gaano pa karami ang iyong mga tiwaling disposisyon, sa iyong pagkatao ay mayroon ka pa ring diwang nagmamahal sa katotohanan at sa mga positibong bagay. Hangga’t mayroon kang kamalayan, at alam mo ang mga problemang umiiral kaugnay ng iyong pagkatao, mga disposisyon, pagganap ng iyong tungkulin, at kung paano mo tratuhin ang Diyos, at may kamalayan ka pa nga kapag ang iyong mga salita at pagkilos ay nauugnay sa mga pananaw, paninindigan, at saloobin, at napagtatanto mo na mali ang iyong mga pananaw, na hindi naaayon sa katotohanan o sa mga layunin ng Diyos ang mga ito, subalit hindi madaling bitiwan ang mga ito, at gusto mong isagawa ang katotohanan subalit hindi mo ito magawa, at ang iyong puso ay naghihirap, nasasaktan, at nagdurusa, at nakararamdam ka ng pagkakautang—isa itong pagpapamalas ng pagkataong nagmamahal sa mga positibong bagay. Ito ang kamalayan ng konsensiya. Kapag ang iyong pagkatao ay may kamalayan ng konsensiya, at may bahagi itong nagmamahal sa katotohanan at sa mga positibong bagay, magkakaroon ka ng mga damdaming ito. Ang pagkakaroon ng mga damdaming ito ay nagpapatunay na may kakayahan kang makilala kung alin ang mga positibo at negatibong bagay, at na hindi ka pabaya at walang malasakit sa mga bagay na ito, hindi ka manhid o walang kamalayan, sa halip, mayroon kang kamalayan. At dahil mayroon kang kamalayan, nagtataglay ka ng kakayahang makilala kung alin ang tama at mali, at ang mga positibong bagay at negatibong bagay. Kapag mayroon kang kamalayan at kakayahang ito, hindi ba’t magiging madali para sa iyo na kamuhian ang mga negatibong bagay, maling pananaw, at tiwaling disposisyong ito? Medyo magiging madali ito. Kung nauunawaan mo ang katotohanan, tiyak na magagawa mong kamuhian ang mga negatibong bagay at mga bagay na may kinalaman sa laman, dahil ikaw ay nagtataglay ng pinakamababa at pinakapangunahin sa lahat ng mga bagay: ang kamalayan ng konsensiya. Ang pagkakaroon ng kamalayan ng konsensiya ay napakahalaga, gayundin ang pagkakaroon ng kakayahang makilala kung alin ang tunay at huwad, at ang pagkakaroon ng pagpapahalaga sa katarungan pagdating sa pagmamahal sa mga positibong bagay. Pinakakanais-nais at pinakamahalaga ang tatlong bagay na ito sa normal na pagkatao. Kung tinataglay mo ang tatlong bagay na ito, tiyak na makapagsasagawa ka ng katotohanan. Kahit na mayroon kang isa o dalawa lamang sa mga bagay na ito, makapagsasagawa ka pa rin ng ilang katotohanan. Tingnan natin ang kamalayan ng konsensiya. Halimbawa, kapag nakatagpo ka ng isang masamang tao na nanggugulo at nanggagambala sa gawain ng iglesia, matutukoy mo ba ito? Maituturo mo ba ang malinaw na masasamang gawa? Siyempre kaya mo. Gumagawa ng masasamang bagay ang masasamang tao, at gumagawa ng mabubuting bagay ang mabubuting tao; nakikita ng isang karaniwang tao sa isang tingin lang ang pagkakaiba. Kung nagtataglay ka ng kamalayan ng konsensiya, hindi ba’t mayroon ka ring mga damdamin at pananaw? Kung mayroon kang mga pananaw at damdamin, kung gayon ay tinataglay mo ang isa sa mga pinakapangunahing kondisyon sa pagsasagawa ng katotohanan. Kung kaya mong makita at maramdaman na ang taong ito ay gumagawa ng masama, at kaya mong tukuyin ito, at pagkatapos ay ilantad ang taong iyon, at bigyang-daan ang hinirang na mga tao ng Diyos na matukoy ang bagay na ito, hindi ba’t malulutas ang problema? Hindi ba’t ito ay pagsasagawa ng katotohanan at pagtalima sa mga prinsipyo? Anong mga kaparaanan ang ginamit sa pagsasagawa rito ng katotohanan? (Ang paglalantad, pag-uulat, at pagpigil sa paggawa ng masama.) Tama. Ang pagkilos sa ganitong paraan ay pagsasagawa ng katotohanan, at sa pagsasagawa nito, maisasakatuparan mo ang iyong mga responsabilidad. Kung kaya mong kumilos nang ayon sa mga katotohanang prinsipyo na iyong nauunawaan kapag nahaharap ka sa mga ganitong sitwasyon, ito ay pagsasagawa sa katotohanan, ito ay pagsasagawa sa mga bagay-bagay nang may prinsipyo.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Para Magampanan nang Maayos ng Isang Tao ang Kanyang Tungkulin, Dapat Magtaglay man Lang Siya ng Konsensiya at Katwiran
Kapag nasabi at nagawa na ang lahat, ano ang pamantayan sa pagsasagawa ng katotohanan? Paano sinusukat ng isang tao kung isinasagawa mo ang katotohanan o hindi? Kapag nasabi at nagawa na ang lahat, ikaw ba ay nakikinig at tumatanggap sa salita ng Diyos—paano ito tinitingnan ng Diyos? Tinitingnan ng Diyos ang mga sumusunod: Habang nagpapahayag ng paniniwala sa Diyos at nakikinig sa mga sermon, inalis mo ba ang mali mong panloob na kalagayan, ang iyong pagrerebelde sa Diyos, at ang lahat ng iba’t ibang anyo ng iyong tiwaling disposisyon, at pinalitan ang mga ito ng katotohanan? Nagbago ka ba? Panlabas na pag-uugali at kilos lamang ba ang nagbago sa iyo, o nagbago na ba ang buhay disposisyon mo? Sinusukat ka ng Diyos ayon sa mga konsiderasyong ito. Sa pakikinig sa mga sermon sa loob ng maraming taon, at sa pagkain at pag-inom ng salita ng Diyos sa loob ng maraming taon, ang mga pagbabago ba sa kalooban mo ay mababaw o sila ba ay likas na mahalaga? Nagbago ka na ba sa iyong disposisyon? Ang pagrerebelde mo ba sa Diyos ay nabawasan? Kapag nahaharap sa isang isyu at ang iyong pagrerebelde ay naibunyag, may kakayahan ka bang magnilay-nilay sa iyong sarili? May kakayahan ka bang magpakita ng pagpapasakop sa Diyos? Ang saloobin mo ba sa iyong tungkulin at sa atas na ipinagkatiwala sa iyo ng Diyos ay dumaan sa anumang pagbabago? Ang katapatan mo ba ay lumago? May mga karumihan pa ba sa kalooban mo? Ang mga intensyon, ambisyon, hilig, at plano na kinikimkim mo bilang isang indibidwal—ang mga ito ba ay nalinis na noong mga panahong nakikinig ka ng mga sermon? Ang lahat ng mga ito ay pamantayan sa pagsusuri. Bilang karagdagan sa nauna, ilan sa mga kuru-kuro at maling akala mo tungkol sa Diyos ang natanggal? Pinanghahawakan mo pa rin ba ang mga hindi malinaw na kuru-kuro, imahinasyon, at kongklusyon mula dati? Mayroon ka pa rin bang kinikimkim na sama ng loob, paglaban, o mga negatibong emosyon sa mga pagsubok at pagpipino? Kung ang mga negatibong elementong ito ay hindi pa tunay na natutugunan, at kung hindi ka pa nakakaranas ng tunay na pagbabago, pinapatotohanan nito ang isang katunayan—na ikaw ay isang taong hindi nagsasagawa ng katotohanan.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Sa Pagsasagawa Lamang ng Katotohanan at Pagpapasakop sa Diyos Maaaring Matamo ng Isang Tao ang Pagbabago sa Disposisyon
Sa pagsunod sa Diyos, maraming tao ang nagagawang isantabi ang kanilang pamilya at trabaho at gampanan ang kanilang mga tungkulin, na dahil dito naniniwala silang isinasagawa nila ang katotohanan. Gayunpaman, hindi nila kailanman nagagawang magbigay ng tunay na patotoo batay sa kanilang karanasan. Ano ba talaga ang nangyayari dito? Kung susukatin sila ayon sa mga kuru-kuro ng tao, mukhang isinasagawa nila ang katotohanan, subalit hindi kinikilala ng Diyos ang ginagawa nila bilang pagsasagawa ng katotohanan. Kung ang mga bagay na ginagawa mo ay may personal na mga motibo sa likod nito at hindi puro, malamang na lumihis ka sa mga prinsipyo, at hindi masasabing nagsasagawa ka ng katotohanan; isa lamang itong uri ng pag-uugali. Ang totoo, malamang na isumpa ng Diyos ang ganitong klase ng pag-uugali mo; hindi Niya ito sasang-ayunan o gugunitain. Kung mas hihimayin pa ang diwa at ugat nito, ikaw ay isang tao na gumagawa ng masama, at ang mga ipinapakita mong pag-uugali ay sumasalungat sa Diyos. Kung titingnan mula sa labas, hindi ka nakagagambala o nakagugulo sa anumang bagay at hindi ka nakagawa ng totoong pinsala. Mukhang makatwiran at makatarungan iyon, subalit sa loob nito, naroon ang mga karumihan at intensiyon ng tao, at ang diwa nito ay ang paggawa ng kasamaan at paglaban sa Diyos. Samakatuwid, dapat kang magpasya kung mayroon nang pagbabago sa iyong disposisyon at kung isinasagawa mo ang katotohanan gamit ang mga salita ng Diyos, at sa pamamagitan ng pagtingin sa mga motibo sa likod ng iyong mga sariling pagkilos. Hindi iyon nakasalalay sa kung ang mga kilos mo ba ay base sa mga imahinasyon at iniisip ng tao, o kung ito ba ay angkop sa iyong panlasa; ang mga bagay na ito ay hindi mahalaga. Bagkus, nakadepende iyon sa pagsasabi ng Diyos kung umaayon ka o hindi sa Kanyang mga layunin, kung ang iyong mga kilos ay mayroong katotohanang realidad o wala, at kung tumutugon ang mga ito o hindi sa Kanyang mga hinihingi at pamantayan. Ang pagsukat lamang ng iyong sarili ayon sa mga hinihingi ng Diyos ang tama. Ang pagbabago sa disposisyon at pagsasagawa ng katotohanan ay hindi kasingpayak at kasindali ng inaakala ng tao. Nauunawaan mo na ba ito ngayon? May karanasan ka ba rito? Pagdating sa diwa ng isang suliranin, maaaring hindi ninyo ito maunawaan; labis na mababaw ang inyong pagpasok. Paroo’t parito kayo sa maghapon, mula bukang-liwayway hanggang takipsilim, bumabangon nang maaga at natutulog nang gabing-gabi na, subalit hindi pa ninyo nakakamit ang pagbabago sa inyong buhay disposisyon, at hindi ninyo maintindihan kung ano ang disposisyonal na pagbabago. Ibig sabihin ay napakababaw ng inyong pagpasok, hindi ba? Gaano katagal man kayo naniniwala sa Diyos, maaaring hindi ninyo madama ang diwa at malalalim na bagay na may kinalaman sa pagbabago sa disposisyon. Masasabi bang nagbago na ang iyong disposisyon? Paano ninyo malalaman kung sinasang-ayunan kayo ng Diyos o hindi? Kahit paano, madarama mo ang natatanging katatagan hinggil sa lahat ng iyong ginagawa, at madarama mo na ginagabayan at nililiwanagan ka ng Banal na Espiritu at gumagawa Siya sa iyo habang ginagampanan mo ang iyong mga tungkulin, ginagawa ang anumang gawain sa sambahayan ng Diyos, o sa pangkalahatan. Ganap na aakma sa mga salita ng Diyos ang iyong pag-uugali, at kapag nagtamo ka na ng ilang antas ng karanasan, madarama mo na naaangkop kahit papaano kung paano ka kumilos noong araw. Gayunman, kung makaraang magtamo ng karanasan sa loob ng ilang panahon, nadarama mo na hindi angkop ang ilan sa mga bagay na ginawa mo noong araw, at hindi ka nasisiyahan sa mga iyon, at nadarama mo na hindi naaayon ang mga ito sa katotohanan, pinatutunayan nito, kung gayon, na ang lahat ng iyong nagawa ay ginawa bilang paglaban sa Diyos. Katunayan ito na ang iyong paglilingkod ay puno ng pagkasuwail, paglaban, at mga paraan ng pagkilos ng tao, at na lubos kang nabigong makamtan ang mga pagbabago sa disposisyon.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Dapat Malaman Tungkol sa Pagbabago ng Disposisyon ng Isang Tao
Karamihan sa mga tao ay hindi nakatutok ang puso sa katotohanan sa kanilang pananampalataya sa Diyos. Nasaan ang kanilang puso? Palaging nakatutok sa panlabas na mga bagay ang puso nila, palaging nababahala nang husto tungkol sa mga isyu ng banidad at pride, sa kung ano ang tama at kung ano ang mali. Hindi nila alam kung aling mga bagay ang nauugnay sa katotohanan at alin ang hindi, at iniisip nila, “Hangga’t may ginagawa ako sa sambahayan ng Diyos, nagpapakaabala at nagtitiis ng paghihirap para magampanan ang aking tungkulin, isinasagawa ko ang katotohanan.” Hindi ito tama. Isinasagawa ba ng isang tao ang katotohanan sa pamamagitan ng paggawa ng mga bagay-bagay para sa sambahayan ng Diyos, sa pagpapakaabala at sa pagtitiis ng hirap? May anumang basehan ba para sabihin iyon? Ang pagtitiis ng hirap habang gumagawa ng mga bagay-bagay at ang pagsasagawa ng katotohanan ay dalawang magkaibang bagay. Kung hindi mo alam kung ano ang katotohanan, paano mo ito maisasagawa? Hindi ba’t kalokohan iyon? Ikaw ay kumikilos ayon sa mga kuru-kuro at imahinasyon ng tao, ikaw ay nasa isang nalilitong kalagayan, gumagawa ng mga bagay-bagay ayon sa sarili mong mga ideya. Ang puso mo ay nalilito, nang walang anumang mga layon, direksyon, o prinsipyo. Gumagawa ka lang ng mga bagay-bagay, at nagtitiis ng hirap habang ginagawa ang mga ito—ano ang kaugnayan niyon sa pagsasagawa ng katotohanan? Kung hindi nauunawaan ng mga tao ang katotohanan, anuman ang gawin nila, at anumang mga paghihirap ang tiisin nila, sila ay malayo sa pagsasagawa ng katotohanan. Palaging ginagawa ng mga tao ang mga bagay-bagay ayon sa sarili nilang kagustuhan, at para lang matapos ang mga bagay-bagay; hindi man lang nila isinasaalang-alang kung naaayon ba o hindi ang mga kilos nila sa mga katotohanang prinsipyo. Kung hindi mo alam kung naaayon ba sa katotohanan ang ginagawa mo, walang duda na hindi mo isinasagawa ang katotohanan. Maaaring sabihin ng ilan, “Gumagawa ako ng mga bagay-bagay para sa iglesia. Hindi ba iyon pagsasagawa sa katotohanan?” Mali talaga iyon. Ang paggawa ba ng mga bagay-bagay para sa iglesia ay nangangahulugan na isinasagawa ng isang tao ang katotohanan? Hindi talaga ganoon—matutukoy lamang iyon sa pamamagitan ng pag-alam kung may mga prinsipyo sa mga kilos ng taong iyon o wala. Kung walang mga prinsipyo sa kung ano ang ginagawa ng isang tao, para kanino man niya ito ginagawa, hindi niya isinasagawa ang katotohanan. Kahit pa gumagawa siya ng isang mabuting bagay, dapat itong gawin alinsunod sa mga katotohanang prinsipyo upang maituring bilang pagsasagawa ng katotohanan. Kung nilalabag niya ang mga prinsipyo, anumang kabutihang ginagawa niya ay mabuting pag-uugali lamang at hindi sapat sa pagsasagawa ng katotohanan.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ano ang Pagsasagawa ng Katotohanan
Ang ilang taong magulo ang isip ay walang kahit katiting na pagkaunawa sa katotohanan. Iniisip nila na ang simpleng paggampan sa kanilang tungkulin ay pagsasagawa sa katotohanan. Iniisip nila na sa simpleng paggampan sa kanilang tungkulin, isinasagawa na nila ang katotohanan. Kung tatanungin mo ang gayong tao, “Maisasagawa mo ba ang katotohanan?” sasagot siya, “Hindi ba’t isinasagawa ko ang katotohanan sa pamamagitan ng paggawa ng aking tungkulin?” Tama ba siya? Iyon ang mga salita ng isang taong magulo ang isip. Upang magampanan ang iyong tungkulin, sa pinakamababa, dapat mong ibigay ang iyong buong puso, isip, at lakas dito para epektibong maisagawa ang katotohanan. Upang epektibong maisagawa ang katotohanan, dapat kang kumilos ayon sa mga prinsipyo. Kung pabasta-basta mong gagawin ang tungkulin mo, wala itong tunay na epekto. Hindi mo ito matatawag na pagsasagawa sa katotohanan, ito ay walang iba kundi pagtatrabaho lamang. Malinaw na nagtatrabaho ka lamang, iba ito sa pagsasagawa sa katotohanan. Ang pagtatrabaho ay simpleng paggawa ng mga bagay-bagay na nakalulugod sa iyo ayon sa sarili mong kagustuhan, habang binabalewala ang lahat ng bagay na hindi ka nasisiyahang gawin. Ano man ang mga paghihirap na nararanasan mo, hindi mo kailanman hinahanap ang mga katotohanang prinsipyo. Sa panlabas, maaaring mukhang ginagampanan mo ang iyong tungkulin, pero ang lahat ng ito ay pagtatrabaho lamang. Ang sinumang hindi gumagampan sa kanyang tungkulin sa pamamagitan ng pagkilos alinsunod sa mga katotohanang prinsipyo ay walang anumang nakakamit kundi ang magtrabaho. Sa pamilya ng Diyos, maraming tao ang nagtatangkang gampanan ang kanilang tungkulin sa pamamagitan ng pagtitiwala sa mga kuru-kuro at imahinasyon ng tao. Maraming taon silang nagpapakapagod nang wala namang napapala, hindi nila maisagawa ang katotohanan o hindi sila makakilos ayon sa mga prinsipyo sa pagganap ng kanilang tungkulin. Samakatuwid, kung ang mga tao ay madalas kumikilos ayon sa sarili nilang kagustuhan at gumaganap sa kanilang mga tungkulin ayon sa sarili nilang kagustuhan, kahit na hindi sila gumagawa ng masama, hindi rin ito itinuturing na pagsasagawa sa katotohanan. Sa huli, ang paggawa nila sa loob ng maraming taon ay hindi nagbibigay-daan sa kanila na maunawaan ang anumang bagay sa katotohanan, at wala silang mga patotoong batay sa karanasan na maibabahagi. Bakit ganito? Ito ay dahil hindi tama ang mga layuning gumagabay sa mga taong ito para magampanan ang kanilang tungkulin. Ang dahilan ng paggampan nila sa kanilang tungkulin ay tiyak na para makatanggap ng mga pagpapala, nais nilang makipagkasunduan sa Diyos. Hindi nila ginagampanan ang kanilang tungkulin para lang makamit ang katotohanan. Ginagampanan nila ang kanilang tungkulin dahil wala silang ibang pagpipilian. Sa kadahilanang ito, palagi silang nalilito at iniraraos lang nila ang tungkulin nang pabasta-basta. Hindi nila hinahanap ang katotohanan, kaya pawang pagtatrabaho lamang ang mga ito. Gaano man karaming tungkulin ang ginagampanan nila, walang tunay na epekto ang mga kilos nila. Hindi ganito ang kalagayan ng mga may takot sa Diyos sa kanilang puso. Palagi silang nagninilay-nilay kung paano kumilos ayon sa mga layunin ng Diyos at kung paano kumilos para sa ikabubuti ng pamilya ng Diyos at ng Kanyang mga hinirang na tao. Palagi nilang taimtim na pinag-iisipan ang tungkol sa mga prinsipyo at resulta. Palagi silang nagsisikap na isagawa ang katotohanan at ipakita ang pagsunod sa Diyos. Ito ang tamang saloobin ng puso. Ito ang mga taong naghahanap sa katotohanan at nagmamahal sa mga positibong bagay. Ang ganitong uri ng tao, kapag ginagampanan ang kanyang mga tungkulin, ay tinatanggap ng Diyos at tumatanggap ng Kanyang papuri.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Sa Madalas na Pagbabasa Lamang ng mga Salita ng Diyos at Pagninilay sa Katotohanan Magkakaroon ng Daan Pasulong
Palaging inihihiwalay ng mga tao ang paggawa ng mga bagay sa pagsasagawa sa katotohanan, itinuturing nila na simple ang paggawa ng mga bagay at na abstrakto at mahirap ang pagsasagawa sa katotohanan. Mali ito. Sa katunayan, kapag gumagawa ng mga bagay ang mga tao, dapat nilang isagawa ang katotohanan. Kung hiwalay sa pagsasagawa sa katotohanan ang paggawa ng mga bagay, walang pagpasok sa buhay. Ang pagsasagawa sa katotohanan ang pinakamakatotohanang isyu, at hindi pwedeng ihiwalay ang tunay na buhay sa pagsasagawa sa katotohanan. Kung hindi isinasagawa ng isang tao ang katotohanan, hindi siya isang tapat na mananampalataya sa Diyos; isa siyang hindi mananampalataya, isang hindi mananampalataya sa labas ng mga salita ng Diyos. Ang mga sinserong nananampalataya sa Diyos ay pawang mga taong nagmamahal sa katotohanan, na kayang tanggapin ang katotohanan, at kayang manalangin sa Diyos at umasa sa Diyos kapag isinasagawa ang katotohanan. Lalo na kapag nahaharap sila sa mga suliranin sa paggawa ng tungkulin nila, kaya nilang hanapin ang mga katotohanang prinsipyo para malutas ang mga problema. Ito ang susi sa pagtupad sa tungkulin ng isang tao. Kung, kapag ginagawa mo ang tungkulin mo, hindi nakatuon ang puso mo sa pagsasagawa sa katotohanan o sa pag-iisip kung paano isasagawa ang katotohanan ayon sa mga prinsipyo, sa halip ay abala ka sa mga usapin ng laman, palagi mong iniisip ang pagkain, pag-inom, at pag-aaliw, hindi mo magagawa nang maayos ang tungkulin mo. Pabasta-basta ang paggawa ng tungkulin mo sa ganitong paraan, at hindi ito sasang-ayunan ng Diyos. Kung minamamahal ng isang tao ang katotohanan at naniniwala siya na ang pinakamahalagang aspekto ng paggawa ng kanyang tungkulin ay ang pagsasagawa sa katotohanan, at anuman ang mga sitwasyong lumitaw o gaano man karaming aspekto ng katotohanan ang sangkot sa kanyang tungkulin, ginagamit niya ang puso niya para mag-isip-isip, pinag-iisipan kung paano isasagawa ang katotohanan sa bawat sitwasyon, kung gayon, inaakay ng gawain ng Banal na Espiritu ang gayong tao at isa siyang taong kinalulugdan ng Diyos. Kapag nagiging negatibo o mahina ang gayong tao, umaako rin ng responsabilidad ang Banal na Espiritu; kapag nahaharap siya sa tukso, binabantayan at pinoprotektahan siya ng Diyos; at kapag lumalabag siya sa mga prinsipyo, sinasaway at dinidisiplina siya ng Diyos. Ang pagkakaiba ng taong ito sa iba ay na mahal niya ang katotohanan, hinahangad niya ang katotohanan, at sobrang dedikado siya. Kung dedikado ka, magagawa mo nang maayos ang tungkulin mo at maiiwasan mong maging pabasta-basta; ito ang pinakapangunahing hinihingi. Gayumpaman, para magawa ang tungkulin mo nang buong puso, lakas, at isip, bukod dito ay kailangan mong hanapin ang katotohanan, lutasin ang mga tiwaling disposisyon mo, maunawaan ang katotohanan, at maabot ang punto kung saan mayroon ka nang lakas at pananalig na maghimagsik laban sa laman at mapagtagumpayan ang mga suliranin mo. Kung magagawa mo ito, magagawa mong isagawa ang katotohanan at pangasiwaan ang mga bagay nang ayon sa mga prinsipyo. Sa katunayan, hindi mahirap ang pagsasagawa sa ganitong paraan; isa itong bagay na kayang makamit ng mga tao, at hindi ito abstrakto—napakapraktikal nito. Hinihingi lamang na sa proseso ng paggawa ng tungkulin mo at pangangasiwa ng mga usapin, isapuso mo ito nang kaunti, gamitin ang isip mo nang kaunti, gumugol ng kaunting lakas, at i-organisa nang maayos ang oras mo. Lahat ng oras mo, mga gawi sa pamumuhay, mga personal na kagustuhan, mga personal na gawain, at mga pang-araw-araw mong nakagawian—ang kinakain at isinusuot mo, ang mga pagsasaayos sa pamumuhay mo, kung paano ka naglalakbay—ay dapat na patungkol sa tungkulin mo at maglayong makatulong sa iyo na magawa nang maayos ang tungkulin mo. Kung abala ka sa tungkulin mo sa araw na ito, pwede mong ipagpaliban ang paglalaba hanggang libre ka na. Kapag mayroon ka nang oras, pwede mong basahin ang mga salita ng Diyos, pag-isipan ang mga ito, sangkapan ang sarili mo ng mga ito, at palaguin ang sarili mo. Pagkatapos, kapag abala kang muli sa tungkulin mo, pwede kang tumuon sa tungkulin mo at, habang ginagawa ito, magnilay ka sa mga salita ng Diyos para lutasin ang mga problema. Sa ganitong paraan, hindi ka mawawalan ng pagkakataong kumain at uminom ng mga salita ng Diyos kahit isang saglit. Umiikot ang lahat sa paggawa ng tungkulin mo nang maayos—ito ang tinatawag na pag-aalay ng buong puso mo. Abala ka man lagi sa tungkulin mo o nagbibigay man ito sa iyo ng sapat na libreng oras, inaayos ang pang-araw-araw mong iskedyul ayon sa tungkulin mo—ito ang tinatawag na pagiging dedikado. Hindi ito mahirap. Kapag dedikado ka, paano ka pa magiging pabasta-basta? Magiging imposible na para sa iyo na maging pabasta-basta kahit pa gustuhin mo, dahil lahat ng ginagawa mo—ang mga gawi mo sa pamumuhay, ang pribado mong buhay—ay umiikot sa tungkulin mo. Sa ganitong paraan, nagiging tapat ka sa tungkulin mo at wala nang pagkakataon na maging pabasta-basta. Ito ay dahil inialay mo ang buong puso mo, isinaayos ang lahat ng bagay sa buhay mo nang nakatuon sa paggawa ng tungkulin mo, at maingat mong pinag-isipan ang pagkakaayos nito. Kahit pa may kakulangan ka minsan sa ilang aspekto ng propesyonal na kaalaman o tunay na masyado kang abala, kaya hindi mo napapansin ang ilang maliit na isyu at ilang pagkakamali sa pagganap mo sa tungkulin, hindi ito mahalaga, dahil inialay mo na ang buong puso at lakas mo sa paggawa ng mga bagay na ito at maganda ang pangkalahatang resulta ng tungkulin mo—sapat na iyon. Malayo ba ang pagsasagawa ng katotohanan sa pang-araw-araw na buhay ng mga tao? Hindi, hindi ito hiwalay o malayo; kasama ito sa buhay. Kung tuwing umaga ang unang bagay na iniisip mo pagkatapos mong gumising ay kung saan ka pupunta para magsaya, kung nararamdaman mong nakakasakal ang pananatili sa isang lugar sa lahat ng oras at nakakaburyo ang palaging paggawa ng parehong mga bagay, hindi tama ang ganitong kaisipan. Kapag minulat mo ang mga mata mo sa umaga, ang unang bagay na dapat mong isipin ay ang mga gawain na kailangang matapos agad para sa tungkulin mo sa araw na iyon, itinuturing ang mga gawaing ito bilang pangunahing prayoridad mo. Hindi ba’t pagsasagawa ito sa katotohanan? Minsan, kapag natutulog ka at biglang naalala mo na may hindi ka pa nagagawa, agad kang babangon para gawin ito bago muling magpahinga. Hindi ba’t pagsasagawa ito sa katotohanan? Pagsasagawa ito sa katotohanan. Napakasimpleng bagay nito, hindi ito mahirap.
—Pagbabahagi ng Diyos
Kung naniniwala ang mga tao sa Diyos ngunit hindi hinahangad ang katotohanan, at hindi kailanman tumutuon sa pagsasagawa sa katotohanan, maaari silang maniwala sa loob ng sampu o dalawampung taon nang hindi dumaranas ng anumang pagbabago. At sa bandang huli, iisipin nila na ganoon ang pananalig sa Diyos; iisipin nila na halos kapareho iyon ng dati nilang paraan ng pamumuhay sa sekular na mundo, at walang kabuluhan ang mabuhay. Talagang ipinapakita niyon na kung walang katotohanan, walang kabuluhan ang buhay. Maaaring nagagawa nilang magsabi ng ilang salita at doktrina, ngunit hindi pa rin sila mapapanatag at mapapakali. Kung may kaunting kaalaman ang mga tao tungkol sa Diyos, alam kung paano mamuhay nang makabuluhan, at kayang gumawa ng ilang bagay upang mapalugod ang Diyos, kung gayon madarama nila na ganito talaga ang buhay, na sa pamumuhay lamang sa ganitong paraan magkakaroon ng kabuluhan ang kanilang buhay, at na kailangang mamuhay sila sa ganitong paraan upang mapalugod ang Diyos, masuklian ang Diyos, at mapanatag ang pakiramdam. Kung maaari nilang sadyang palugurin ang Diyos, isagawa ang katotohanan, maghimagsik laban sa kanilang sarili, talikuran ang sarili nilang mga ideya, at maging mapagpasakop at isinasaalang-alang ang mga layunin ng Diyos—kung magagawa nilang sadyang gawin ang lahat ng bagay na ito—kung gayon ito ang kahulugan ng tumpak na isagawa ang katotohanan, at tunay na isagawa ang katotohanan. Hindi ito katulad ng dati, na umaasa lang sa mga imahinasyon at pagsunod sa mga patakaran, at iniisip na pagsasagawa ito ng katotohanan. Sa katunayan, masyadong nakakapagod ang umasa sa mga imahinasyon at sumunod sa mga patakaran, masyado ring nakakapagod ang hindi pag-unawa sa katotohanan at paggawa ng mga bagay nang walang mga prinsipyo, at mas nakakapagod pa ang pikit-matang paggawa ng mga bagay nang walang mithiin. Kapag nauunawaan mo ang katotohanan, hindi ka mapipigilan ng sinumang tao, ng mga pangyayari o ng mga bagay-bagay, at talagang magkakaroon ka ng kalayaan at ginhawa. Kikilos ka sa maprinsipyong paraan, at mapapanatag at liligaya, at hindi mo madarama na napakalaking pagsisikap ang kailangan dito o napakatinding pagdurusa ang idinudulot nito. Kung may ganitong uri ka ng kalagayan, nasa iyo ang katotohanan at pagkatao, at isa kang taong nagbago na ang disposisyon.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Sa Pamamagitan Lamang ng Paghahanap sa Katotohanan Matatamo ng Isang Tao ang Pagbabago sa Kanyang Disposisyon
Sa kasalukuyang yugto, napakahalagang malaman muna ang katotohanan, at pagkatapos ay isagawa ito at sangkapan pa ang iyong sarili ng tunay na kahulugan ng katotohanan. Dapat ninyong hangaring matamo ito. Sa halip na basta hangaring pasunurin ang iba sa iyong mga salita, dapat mo silang pasunurin sa iyong pagsasagawa. Sa ganitong paraan ka lamang makasusumpong ng isang bagay na makabuluhan. Anuman ang sumapit sa iyo, sinuman ang makasalamuha mo, basta’t taglay mo ang katotohanan, magagawa mong manindigan nang matatag. Ang salita ng Diyos ang siyang naghahatid ng buhay sa tao, hindi ng kamatayan. Kung, matapos mong basahin ang salita ng Diyos, hindi ka nabuhay, kundi patay ka pa rin, may mali sa iyo. Kung pagkaraan ng ilang panahon ay marami ka nang nabasa sa salita ng Diyos at nakarinig ka na ng maraming praktikal na sermon, ngunit patay ka pa rin, pinatutunayan nito na hindi mo pinahahalagahan ang katotohanan, ni hinahangad na matamo ang katotohanan. Kung talagang hinangad ninyong matamo ang Diyos, hindi kayo magtutuon sa pagsasangkap sa inyong sarili ng mga doktrina at paggamit ng matatayog na doktrina para turuan ang iba, kundi sa halip ay magtutuon kayo sa pagdanas ng salita ng Diyos at sa pagsasagawa ng katotohanan. Hindi ba iyan ang dapat ninyong hangaring pasukin ngayon?
Limitado ang panahon para gawin ng Diyos ang Kanyang gawain sa tao, kaya ano ang kalalabasan niyan kung hindi ka makikipagtulungan sa Kanya? Bakit palaging gusto ng Diyos na isagawa ninyo ang Kanyang salita kapag naunawaan na ninyo ito? Ito ay dahil inihayag na ng Diyos ang Kanyang mga salita sa inyo, at ang inyong susunod na hakbang ay ang talagang isagawa ang mga ito. Habang isinasagawa ninyo ang mga salitang ito, isasakatuparan ng Diyos ang gawain ng pagliliwanag at pagpatnubay. Isinasakatuparan ang mga bagay sa ganitong paraan. … Sa kaibuturan nito, ang inyong mithiin ay ang hayaang magkabisa ang salita ng Diyos sa inyong kalooban. Sa madaling salita, ito ay ang magkaroon ng isang tunay na pagkaunawa sa salita ng Diyos sa inyong pagsasagawa nito. Marahil ay wala kayong gaanong kakayahang unawain ang salita ng Diyos, ngunit kapag isinasagawa ninyo ang salita ng Diyos, maaari Niyang punan ang kakulangang ito, kaya hindi lamang ninyo kailangang malaman ang maraming katotohanan, kundi kailangan din ninyong isagawa ang mga ito. Ito ang pinakadakilang pagtutuon na hindi maaaring balewalain. Tiniis ni Jesus ang maraming kahihiyan at pagdurusa sa Kanyang tatlumpu’t tatlong kalahating taon. Nagdusa Siya nang labis dahil lamang sa isinagawa Niya ang katotohanan, sumunod sa kalooban ng Diyos sa lahat ng bagay, at nagpakita lamang ng pagsasaalang-alang sa mga layunin ng Diyos. Ito ay pagdurusang hindi sana Niya dinanas kung nalaman Niya ang katotohanan nang hindi iyon isinasagawa. Kung sinunod ni Jesus ang mga turo ng mga Hudyo at sinunod ang mga Pariseo, hindi sana Siya nagdusa. Matututuhan mo mula sa mga gawa ni Jesus na ang bisa ng gawain ng Diyos sa tao ay nagmumula sa pakikipagtulungan ng tao, at ito ay isang bagay na kailangan ninyong kilalanin. Nagdusa kaya si Jesus na tulad ng dinanas Niya sa krus kung hindi Niya isinagawa ang katotohanan? Nanalangin kaya Siya ng napakalungkot na panalangin kung hindi Siya kumilos alinsunod sa mga pagnanais ng Diyos? Samakatuwid, dapat kayong magdusa alang-alang sa pagsasagawa ng katotohanan; ito ang uri ng pagdurusang dapat danasin ng isang tao.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Sa Sandaling Maunawaan Ninyo ang Katotohanan, Dapat Ninyo Itong Isagawa
Kaugnay na mga Himno
Mas Isinasagawa Mo ang Katotohanan Mas Mabilis ang Iyong Pag-unlad sa Buhay
Ang Pagtalikod sa Laman ay ang Pagsasagawa sa Katotohanan