24. Paano lutasin ang mga tiwaling disposisyon at matamo ang pagdadalisay

Mga Salita ng Makapangyarihang Diyos ng mga Huling Araw

Makalipas ang ilang libong taon ng katiwalian, ang tao’y manhid at mapurol ang isip; siya’y naging demonyong kumakalaban sa Diyos, hanggang naitala na sa mga aklat ng kasaysayan ang pagiging mapanghimagsik ng tao tungo sa Diyos, at kahit ang tao mismo ay hindi kayang magbigay ng buong ulat ng kanyang ugaling mapanghimagsik—sapagka’t ang tao ay nagawang tiwali na nang husto ni Satanas, at nailigaw na ni Satanas, na anupa’t hindi niya nalalaman kung saan tutungo. Kahit sa ngayon, pinagtataksilan pa rin ng tao ang Diyos: Kapag nakikita ng tao ang Diyos, nagtataksil siya sa Kanya, at kapag hindi niya nakikita ang Diyos, Siya’y pinagtataksilan pa rin niya. Mayroon pa ngang iba na, bagaman nasasaksihan na ang mga sumpa ng Diyos at poot ng Diyos, pinagtataksilan pa rin Siya. Kung kaya’t sinasabi Kong nawala na ng katinuan ng tao ang orihinal nitong gamit, at na ang konsensiya ng tao, gayundin, ay nawalan ng orihinal nitong gamit. … Isinilang sa gayong napakaruming lupain, labis nang naimpeksiyon ng lipunan ang tao, naimpluwensiyahan na siya ng mga etikang piyudal, at naturuan na siya sa “mga institusyon ng mas mataas na pag-aaral.” Ang kaisipang paurong, tiwaling moralidad, masamang pananaw sa buhay, kasuklam-suklam na pilosopiya sa mga makamundong pakikitungo, lubos na hungkag na pag-iral, at napakabuktot na uri ng pamumuhay at mga kaugalian—lubhang nanghimasok na sa puso ng tao ang lahat ng mga bagay na ito, at lubhang nagpahina at sumalakay sa kanyang konsensiya. Bilang resulta, mas lalong lumayo ang tao mula sa Diyos, at mas lalong naging tutol sa Kanya. Lalong nagiging mas mabangis ang disposisyon ng tao sa bawat araw, at wala ni isang tao ang magkukusang isuko ang anumang bagay para sa Diyos, wala ni isang tao ang magkukusang magpasakop sa Diyos, ni, higit pa rito, isang taong magkukusang hanapin ang pagpapakita ng Diyos. Sa halip, sa ilalim ng kapangyarihan ni Satanas, walang ginawa ang tao kundi maghangad ng kalayawan, ibinibigay ang sarili sa katiwalian ng laman sa lupain ng putik. Marinig man nila ang katotohanan, hindi nag-iisip ang mga nananahan sa kadiliman na isagawa ito, ni nakahandang hanapin ang Diyos kahit na nasaksihan na nila ang Kanyang pagpapakita. Paano magkakaroon ng pagkakataon sa kaligtasan ang isang sangkatauhang napakasama? Paano mabubuhay sa liwanag ang isang sangkatauhang labis nang namumulok?

Nagsisimula ang pagbabago ng disposisyon ng tao sa kaalaman ng kanyang diwa at sa pamamagitan ng mga pagbabago sa kanyang pag-iisip, kalikasan, at pangkaisipang pananaw—sa pamamagitan ng mga pangunahing pagbabago. Sa ganitong paraan lamang makakamtan ang mga tunay na pagbabago sa disposisyon ng tao. Ang pinag-ugatan ng mga tiwaling disposisyon na lumilitaw sa tao ay ang panlilihis, katiwalian, at lason ni Satanas. Ang tao ay iginagapos at kinokontrol ni Satanas, at dinaranas niya ang napakalaking pinsalang idinulot ni Satanas sa kanyang pag-iisip, moralidad, kaunawaan, at katinuan. Sumasalungat ang tao sa Diyos at hindi matanggap ang katotohanan dahil mismo nagawa nang tiwali ni Satanas ang mga pangunahing bagay ng tao, at lubhang hindi na katulad ng orihinal na pagkakalikha ng Diyos sa kanila. Sa gayon, dapat magsimula ang mga pagbabago sa disposisyon ng tao sa mga pagbabago sa kanyang pag-iisip, kaunawaan, at katinuan na siyang magbabago ng kanyang pagkakilala sa Diyos at kanyang pagkakilala sa katotohanan. Mas lalong ignorante sa kung ano ang Diyos o sa kung ano ang kahulugan ng paniniwala sa Diyos yaong isinilang sa pinakamalubhang natiwali sa lahat ng lupain. Mas tiwali ang mga tao, mas kakaunti ang kanilang kaalaman sa pag-iral ng Diyos, at mas mahina ang kanilang katinuan at kaunawaan. Ang ugat ng pagsalungat at pagiging mapanghimagsik ng tao laban sa Diyos ay ang kanyang katiwalian sa pamamagitan ni Satanas. Dahil sa katiwalian ni Satanas, naging manhid ang konsensiya ng tao; imoral siya, masama ang kanyang mga saloobin, at paurong ang kanyang pangkaisipang pananaw. Bago siya ginawang tiwali ni Satanas, likas na nagpapasakop sa Diyos ang tao at nagpapasakop sa Kanyang mga salita pagkatapos marinig ang mga ito. Siya ay likas na may maayos na katinuan at konsensiya, at may normal na pagkatao. Matapos gawing tiwali ni Satanas, pumurol at pinahina ni Satanas ang orihinal na katinuan, konsensiya, at pagkatao ng tao. Sa gayon, nawala niya ang kanyang pagpapasakop at pag-ibig sa Diyos. Nalihis ang katinuan ng tao, naging katulad na ng sa hayop ang kanyang disposisyon, at nagiging mas madalas at mas matindi ang kanyang pagiging mapanghimagsik sa Diyos. Nguni’t hindi pa rin ito batid ni kinikilala ng tao, at walang tigil lang siyang sumasalungat at naghihimagsik. Ibinubunyag ng mga pagpapahayag ng kanyang katinuan, kaunawaan, at konsensiya ang disposisyon ng tao; dahil wala sa ayos ang kanyang katinuan at kaunawaan, at sukdulan nang pumurol ang kanyang konsensiya, kaya mapanghimagsik laban sa Diyos ang kanyang disposisyon. Kung hindi mababago ang katinuan at pananaw ng tao, hindi posible ang mga pagbabago sa kanyang disposisyon, gayundin ang umayon sa mga layunin ng Diyos. Kung hindi maayos ang katinuan ng tao, hindi niya maaaring paglingkuran ang Diyos at hindi siya akmang gamitin ng Diyos. Tumutukoy “ang normal na katinuan” sa pagpapasakop at pagiging tapat sa Diyos, sa paghahangad sa Diyos, sa pagiging ganap tungo sa Diyos, at sa pagkakaroon ng konsensiya tungo sa Diyos. Tumutukoy ito sa pagiging isa sa puso at isip tungo sa Diyos, at hindi pasadyang lumalaban sa Diyos. Hindi ganito ang pagkakaroon ng lihis na katinuan. Mula noong ginawang tiwali ni Satanas ang tao, nakabuo na siya ng mga kuru-kuro ukol sa Diyos, at wala siyang katapatan sa Diyos o paghahangad sa Kanya, at lalo na ang pagkakaroon ng konsensiya tungo sa Diyos. Sadyang sinasalungat at hinahatulan ng tao ang Diyos, at, bukod pa riyan, pumupukol sa Kanya ng mga pagtuligsa sa Kanyang likuran. Hinahatulan ng tao ang Diyos nang patalikod, nang may malinaw na kaalamang Siya ang Diyos; walang intensiyon ang tao na magpasakop sa Diyos, at gumagawa lamang ng mga bulag na kahilingan at pakiusap sa Kanya. Ang gayong mga tao—mga taong may lihis na katinuan—ay walang kakayahang makilala ang sarili nilang pag-uugaling kasuklam-suklam o ang pagsisihan ang kanilang pagiging mapanghimagsik. Kung may kakayahan ang mga taong makilala ang mga sarili nila, bahagya nilang nabawi na ang kanilang katinuan; habang mas naghihimagsik sa Diyos ang mga taong hindi pa nakakikilala sa mga sarili nila, mas wala sa ayos ang kanilang katinuan.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Hindi Pagbabago ng Disposisyon ay Pakikipag-alitan sa Diyos

Hindi mababago ng mga tao ang sarili nilang disposisyon; kailangan silang dumaan sa paghatol at pagkastigo, at sa pagdurusa at pagpipino, ng mga salita ng Diyos, o sa pagdidisiplina at pagpupungos ng Kanyang mga salita. Pagkatapos noon, saka lamang sila magiging mapagpasakop at matapat sa Diyos, at hindi na magpapadalus-dalos sa pakikitungo sa Kanya. Sa ilalim ng pagpipino ng mga salita ng Diyos nagbabago ang disposisyon ng mga tao. Sa pamamagitan lamang ng paglalantad, paghatol, pagdidisiplina, at pagpupungos ng Kanyang mga salita sila hindi na mangangahas na kumilos nang walang pakundangan kundi sa halip ay magiging matatag at mahinahon sila. Ang pinakamahalagang punto ay na nagagawa nilang magpasakop sa kasalukuyang mga salita ng Diyos, at sa Kanyang gawain, kahit hindi ito nakaayon sa mga kuru-kuro ng tao, nagagawa nilang isantabi ang mga kuru-kurong ito at maluwag sa loob na magpasakop. Noong araw, ang usapan tungkol sa mga pagbabago sa disposisyon ay pangunahing tumukoy lamang sa paghihimagsik laban sa sarili, pagpapahintulot na magdusa ang laman, pagdidisiplina sa katawan ng isang tao, at pag-aalis sa sarili ng mga makamundong kagustuhan—na isang uri ng pagbabago sa disposisyon. Ngayon, alam ng lahat na ang tunay na pagpapakita ng pagbabago sa disposisyon ay sa pagpapasakop sa kasalukuyang mga salita ng Diyos at tunay na pagkaalam sa Kanyang bagong gawain. Sa ganitong paraan, maaaring mapawi ang dating pagkaunawa ng mga tao tungkol sa Diyos, na nakulayan ng sarili nilang mga kuru-kuro, at makapagtatamo sila ng tunay na kaalaman at pagpapasakop sa Diyos—ito lamang ang tunay na pagpapahayag ng isang pagbabago sa disposisyon.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang mga Taong Nagbago Na ang Disposisyon ay Yaong mga Nakapasok Na sa Realidad ng mga Salita ng Diyos

Sa kanyang buhay, kung nais ng tao na malinis at makamtan ang mga pagbabago sa kanyang disposisyon, kung nais niya na isabuhay ang isang makabuluhang buhay, at tuparin ang kanyang tungkulin bilang isang nilikha, kung gayon dapat niyang tanggapin ang pagkastigo at paghatol ng Diyos, at hindi dapat hayaan ang pagdisiplina ng Diyos at pagpalo ng Diyos na lumisan mula sa kanya, upang maaari niyang mapalaya ang kanyang sarili mula sa pagmamanipula at impluwensya ni Satanas, at mamuhay sa liwanag ng Diyos. Kilalanin mo na ang pagkastigo at paghatol ng Diyos ay ang liwanag, at ang liwanag ng kaligtasan ng tao, at na walang higit na mabuting pagpapala, biyaya o pag-iingat para sa tao. Ang tao ay nabubuhay sa ilalim ng impluwensya ni Satanas, at umiiral sa laman; kung hindi siya nalilinis at hindi nakatatanggap ng pag-iingat ng Diyos, kung gayon ang tao ay lalo kailanmang magiging higit na masama. Kung nais niyang ibigin ang Diyos, kung gayon dapat siyang malinis at maligtas. Nanalangin si Pedro, “Diyos ko, kapag pinakikitunguhan Mo ako nang may-kabaitan ako ay nalulugod, at nagiginhawahan; kapag kinakastigo Mo ako, nakadarama ako ng higit pang kaginhawahan at kagalakan. Bagaman ako ay mahina, at nagbabata ng di-mabigkas na pagdurusa, bagaman mayroong mga luha at kalungkutan, batid Mo na ang kalungkutang ito ay dahil sa aking paghihimagsik, at dahil sa aking kahinaan. Tumatangis ako dahil hindi ko natutugunan ang Iyong mga layunin, nalulungkot ako at nanghihinayang dahil hindi ako sapat para sa Iyong mga kailangan, ngunit handa akong abutin ang kinasasaklawang ito, handa akong gawin ang lahat ng kaya ko upang Ikaw ay aking mapasaya. Ang Iyong pagkastigo ay nagdulot sa akin ng pag-iingat, at nakapagbigay sa akin ng pinakamabuting kaligtasan; ang Iyong paghatol ay nagkukubli ng Iyong pagpaparaya at pagtitiis. Kung wala ang Iyong pagkastigo at paghatol, hindi ko matatamasa ang Iyong awa at kagandahang-loob. Ngayon, lalo kong nakikita na ang Iyong pag-ibig ay nakalampas sa mga kalangitan at hinigitan ang lahat ng iba pang bagay. Ang Iyong pag-ibig ay hindi lamang awa at kagandahang-loob; higit pa riyan, ito ay pagkastigo at paghatol. Ang Iyong pagkastigo at paghatol ay nagbigay ng napakarami sa akin. Kung wala ang Iyong pagkastigo at paghatol, walang isa mang taong malilinis, at walang isa mang taong makararanas ng pag-ibig ng Lumikha.”

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang mga Karanasan ni Pedro: Ang Kanyang Kaalaman sa Pagkastigo at Paghatol

Habang nararanasan ang gawain ng Diyos, kahit ilang beses ka pang nabigo, nabuwal, napungusan, o naibunyag, hindi masasamang bagay ang mga ito. Paano ka man napungusan, o mga lider, manggagawa, o kapatid mo man ang gumawa niyon, mabubuting bagay ang lahat ng iyon. Dapat mong tandaan ito: Gaano ka man nagdurusa, ang totoo ay nakikinabang ka. Sinumang may karanasan ay mapatutunayan ito. Ano’t anupaman, ang mapungusan o maibunyag ay laging isang mabuting bagay. Hindi ito pagkokondena. Ito ay pagliligtas ng Diyos at ang pinakamagandang pagkakataon para makilala mo ang iyong sarili. Maaari nitong baguhin ang karanasan mo sa buhay. Kung wala ito, hindi ka magkakaroon ng pagkakataon, ng kundisyon, ni ng konteksto para maunawaan mo ang katotohanan ng iyong katiwalian. Kung talagang nauunawaan mo ang katotohanan, at nagagawa mong ungkatin ang mga tiwaling bagay na nakatago sa kaibuturan ng puso mo, kung malinaw mong matutukoy ang mga ito, mabuti ito, nalutas nito ang isang malaking problema sa buhay pagpasok, at malaking pakinabang sa mga pagbabago sa disposisyon. Ang tunay na makilala ang iyong sarili ang pinakamagandang pagkakataon para mabago mo ang iyong mga pag-uugali at maging isa kang bagong tao; ito ang pinakamagandang oportunidad para magkaroon ka ng bagong buhay. Kapag tunay mong nakilala ang iyong sarili, makikita mo na kapag ang katotohanan ay naging buhay ng isang tao, mahalagang bagay iyon talaga, at mauuhaw ka sa katotohanan, isasagawa mo ang katotohanan, at papasok sa realidad. Napakagandang bagay niyan! Kung maaari mong samantalahin ang pagkakataong iyan at taimtim kang magninilay-nilay sa iyong sarili at magtatamo ng tunay na kaalaman tungkol sa iyong sarili tuwing ikaw ay mabibigo o madadapa, sa kabila ng pagiging negatibo at kahinaan, magagawa mong tumayong muli. Kapag nakaraan ka na sa pintuang ito, makakaya mo nang gumawa ng malaking hakbang at pumasok sa katotohanang realidad.

Kung naniniwala ka sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, kung gayon ay dapat kang maniwala na ang mga pang-araw-araw na pangyayari, mabuti man o masama ang mga ito, ay hindi basta na lamang nagaganap. Hindi ito dahil may isang sinasadyang magpahirap sa iyo o pumuntirya sa iyo; lahat ng ito ay isinaayos at pinamatnugutan ng Diyos. Bakit pinamamatnugutan ng Diyos ang lahat ng mga bagay na ito? Hindi ito para ilantad kung sino ka o upang ibunyag at itiwalag ka; ang pagbubunyag sa iyo ay hindi ang panghuling mithiin. Ang mithiin ay gawin kang perpekto at iligtas ka. Paano ka ginagawang perpekto ng Diyos? At paano ka Niya inililigtas? Nagsisimula Siya sa pamamagitan ng pagpapabatid sa iyo ng iyong sariling tiwaling disposisyon, at sa pamamagitan ng pagpapaalam sa iyo ng iyong kalikasang diwa, ng iyong mga pagkakamali, at kung ano ang kulang sa iyo. Tanging sa pag-alam sa mga bagay na ito at pagkakaroon ng malinaw na pag-unawa ng mga ito mo lamang makakayang itaguyod ang katotohanan at unti-unting maiwaksi ang iyong tiwaling disposisyon. Ito ang Diyos na nagkakaloob sa iyo ng pagkakataon. Ito ang awa ng Diyos. Dapat mong malaman kung paano sasamantalahin ang pagkakataong ito. Hindi ka dapat sumalungat sa Diyos, makipagtalo sa Diyos, o magkamali ng pagkaunawa sa Kanya. Lalo na kapag naharap sa mga tao, pangyayari, at bagay na isinasaayos ng Diyos sa paligid mo, huwag laging pakiramdaman na hindi ayon sa nais mo ang mga bagay-bagay, huwag laging naisin na matakasan sila o laging magreklamo tungkol sa Diyos at magkamali ng pagkaunawa sa Diyos. Kung lagi mong ginagawa ang mga bagay na iyon, kung gayon ay hindi mo dinaranas ang gawain ng Diyos, at magiging napakahirap para sa iyo na pumasok sa katotohanang realidad. Anumang makaharap mo na hindi mo ganap na maunawaan, kapag lumilitaw ang mga paghihirap, dapat mong matutuhang magpasakop. Dapat kang magsimula sa paglapit sa Diyos at higit na pananalangin. Sa ganyang paraan, bago mo pa mamalayan, magkakaroon ng pagbabago sa iyong panloob na kalagayan, at magagawa mong hanapin ang katotohanan upang malutas ang iyong suliranin. Sa gayon, magagawa mong maranasan ang gawain ng Diyos. Habang nagaganap ito, ang katotohanang realidad ay mahuhubog sa loob mo, at sa ganito ka susulong at sasailalim sa isang pagbabago ng kalagayan ng iyong buhay. Sa sandaling napagdaanan mo na ang pagbabagong ito at nagtataglay ka ng katotohanang realidad na ito, mag-aangkin ka rin ng tayog, at kasama ng tayog ang buhay. Kung ang sinuman ay laging nabubuhay batay sa isang tiwaling satanikong disposisyon, kung gayon, gaano man kalaking kasiglahan at kalakasan ang mayroon sila, hindi pa rin sila maituturing na may angking tayog, o buhay. Gumagawa ang Diyos sa bawat isang tao, at kung anuman ang Kanyang pamamaraan, anong uri ng mga tao, pangyayari at bagay ang ginagamit Niya sa Kanyang pagseserbisyo, o anumang uri ng tono mayroon ang mga salita Niya, isa lamang ang Kanyang panghuling mithiin: iligtas ka. At paano ka Niya inililigtas? Binabago ka Niya. Kaya paanong hindi ka magdurusa nang bahagya? Kakailanganing magdusa ka. Ang pagdurusang ito ay maaaring kapalooban ng maraming bagay. Una, kailangang magdusa ang mga tao kapag tinatanggap nila ang paghatol at pagkastigo ng mga salita ng Diyos. Kapag masyadong matindi at tahasan ang mga salita ng Diyos at nagkakamali ng pag-unawa ang mga tao sa Diyos—at mayroon pang mga kuru-kuro—maaaring masakit din iyon. Kung minsan ay nagpapalitaw ng sitwasyon ang Diyos sa paligid ng mga tao para ibunyag ang kanilang katiwalian, para pagnilayan at makilala nila ang kanilang sarili, at magdurusa rin sila nang kaunti roon. Kung minsan, kapag tuwiran silang pinungusan at inilantad, dapat magdusa ang mga tao. Parang inooperahan sila—kung walang pagdurusa, walang epekto. Kung sa tuwing ikaw ay pinupungusan, at tuwing ibinubunyag ka ng isang sitwasyon, pinupukaw nito ang iyong mga damdamin at pinalalakas ka, pagkatapos sa pamamagitan ng prosesong ito ay makakapasok ka sa katotohanang realidad, at magkakaroon ng tayog. Kung, tuwing ikaw ay sumasailalim sa pagpupungos, at sa pagbubunyag ng isang sitwasyon, wala kang nararamdamang anumang sakit o hirap, at wala kang nararamdamang anuman, at kung hindi ka lalapit sa Diyos para hangarin ang Kanyang mga layunin, hindi nagdarasal o naghahanap ng katotohanan, talagang napakamanhid mo! Hindi gumagawa ang Diyos sa iyo kapag walang nadarama ang espiritu mo, kapag hindi ito tumutugon. Sasabihin Niya: “Napakamanhid ng taong ito at napakalalim na ng kanyang pagkatiwali. Paano Ko man siya disiplinahin, pungusan, o subukang kontrolin, hindi Ko pa rin mapukaw ang kanyang puso o magising ang kanyang espiritu. Malalagay sa gulo ang taong ito; hindi siya madaling iligtas.” Kung isinasaayos ng Diyos ang ilang kapaligiran, tao, pangyayari at bagay para sa iyo, kung pinupungusan ka Niya; kung may natututuhan kang mga aral mula rito, kung natuto ka nang lumapit sa Diyos, natutong hanapin ang katotohanan, at, hindi namamalayan, binibigyang-liwanag at tinatanglawan at nagtatamo ka ng katotohanan, kung nakaranas ka na ng pagbabago sa mga kapaligirang ito, nagantimpalaan, at umusad, kung unti-unti ka nang nagkakaroon ng kaunting pagkaunawa sa layunin ng Diyos at hindi ka na nagrereklamo, lahat ng ito ay mangangahulugan na nanindigan ka sa gitna ng mga pagsubok ng mga kapaligirang ito, at natiis mo ang pagsubok. Kung gayon, nalampasan mo na ang mahigpit na pagsubok na ito. Paano ituturing ng Diyos yaong mga nakakayanan ang pagsubok? Sasabihin ng Diyos na mayroon silang tapat na puso, at kaya nilang tiisin ang ganitong uri ng pagdurusa, at na sa kaibuturan, minamahal nila at ninanais na makamit ang katotohanan. Kung mayroong ganitong uri ng pagtatasa sa iyo ang Diyos, hindi ka ba isang taong may tayog? Hindi ka ba may buhay kung gayon? At paano nakakamit ang buhay na ito? Ito ba ay ipinagkakaloob ng Diyos? Tinutustusan ka ng Diyos sa iba’t ibang paraan at gumagamit Siya ng iba’t ibang tao, pangyayari, at bagay upang sanayin ka. Ito ay para bang ang Diyos ay personal na nagbibigay sa iyo ng pagkain at inumin, personal na naghahatid ng iba’t ibang pagkain sa harap mo para kainin mo hanggang mabusog at masiyahan ka; saka ka lamang lalago at tatatag. Ganito mo dapat danasin at unawain ang mga bagay na ito; ganito ang magpasakop sa lahat ng bagay na nagmumula sa Diyos. Ito ang uri ng pag-iisip at saloobing dapat mong taglayin, at dapat kang matutong hanapin ang katotohanan. Hindi ka dapat laging naghahanap ng mga panlabas na sanhi o sinisisi ang iba para sa iyong mga suliranin o naghahanap ng mga pagkakamali sa mga tao; dapat kang magkaroon ng isang malinaw na pag-unawa sa mga layunin ng Diyos. Sa panlabas, maaaring tila mayroong mga opinyon tungkol sa iyo o pagkiling laban sa iyo ang ilang tao, ngunit hindi mo dapat tingnan ang mga bagay-bagay sa ganoong paraan. Kung titingnan mo ang mga bagay-bagay mula sa ganitong uri ng pananaw, ang tanging gagawin mo ay magdahilan, at hindi ka makapagkakamit ng anuman. Dapat mong tingnan ang mga bagay-bagay nang walang pagkiling at tanggapin ang lahat mula sa Diyos. Kapag tiningnan mo ang mga bagay-bagay sa ganitong paraan, magiging madali para sa iyo na magpasakop sa gawain ng Diyos, at magagawa mong hanapin ang katotohanan, at maaarok mo ang mga layunin ng Diyos. Sa sandaling naitama na ang iyong pananaw at kalagayan ng pag-iisip, magagawa mong makamtan ang katotohanan. Kaya’t bakit hindi mo na lamang ito gawin? Bakit ka lumalaban? Kung ikaw ay tumigil sa paglaban, makakamit mo ang katotohanan. Kung lalaban ka, wala kang makakamit na anuman, at masasaktan mo rin ang damdamin ng Diyos at madidismaya mo Siya. Bakit madidismaya ang Diyos? Dahil hindi mo tinatanggap ang katotohanan, wala kang pag-asang maligtas, at hindi ka nakakamit ng Diyos, kaya paanong hindi Siya madidismaya? Kapag hindi mo tinatanggap ang katotohanan, katumbas ito ng pagwawaksi sa pagkaing personal nang inihandog sa iyo ng Diyos. Sinasabi mong hindi ka nagugutom at na hindi mo ito kailangan; paulit-ulit na sinusubukan ng Diyos na hikayatin kang kumain, ngunit ayaw mo pa rin. Mas gugustuhin mo pang magutom. Iniisip mong busog ka, kahit na ang totoo, wala kang kahit ano. Ang mga taong katulad nito ay kulang na kulang sa katwiran, at lubhang nag-aakalang mas matuwid sila kaysa sa iba; tunay ngang hindi nila alam ang isang mabuting bagay kapag nakita nila ito, sila ang pinakamahirap at kaawa-awang mga tao.

—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Para Matamo ang Katotohanan, Dapat Matuto ang Isang Tao mula sa mga Tao, Pangyayari, at Bagay sa Malapit

Kung nais mong malinis sa katiwalian mo at dumanas ng pagbabago sa disposisyon mo sa buhay, kailangan mong magkaroon ng pagmamahal sa katotohanan at kakayahang tanggapin ang katotohanan. Ano ang ibig sabihin ng tanggapin ang katotohanan? Ang pagtanggap sa katotohanan ay nangangahulugan na anumang uri ng tiwaling disposisyon ang mayroon ka, o alinman sa mga lason ng malaking pulang dragon—mga lason ni Satanas—ang nasa iyong kalikasan, kapag inilantad ng mga salita ng Diyos ang mga bagay na ito, dapat mong aminin ang mga ito at magpasakop ka, hindi ka maaaring gumawa ng ibang pagpili, at dapat mong kilalanin ang iyong sarili ayon sa mga salita ng Diyos. Ang ibig sabihin nito ay magawang tanggapin ang mga salita ng Diyos at tanggapin ang katotohanan. Anuman ang sabihin ng Diyos, gaano man kabigat ang mga pagbigkas Niya, at anumang mga salita ang ginagamit Niya, matatanggap mo ang mga ito basta’t katotohanan ang sinasabi Niya, at kaya mong kilalanin ang mga ito basta’t umaayon ang mga ito sa realidad. Kaya mong magpasakop sa mga salita ng Diyos gaano kalalim mo man nauunawaan ang mga ito, at tinatanggap mo at nagpapasakop ka sa liwanag na ibinubunyag ng Banal na Espiritu at ibinabahagi ng iyong mga kapatid. Kapag umabot na sa isang partikular na punto ang paghahangad sa katotohanan ng gayong tao, maaari niyang matamo ang katotohanan at makamtan ang pagbabago ng kanyang disposisyon. Kahit pa medyo may pagkatao ang mga taong hindi nagmamahal sa katotohanan, kayang gumawa ng ilang mabubuting gawa, at kayang tumalikod at gumugol para sa Diyos, nalilito sila tungkol sa katotohanan at hindi ito sineseryoso, kaya hindi nagbabago kailanman ang disposisyon nila sa buhay. Nakikita mo na ang pagkatao ni Pedro ay kapareho ng pagkatao ng iba pang mga disipulo, ngunit namukod-tangi siya sa kanyang marubdob na paghahangad sa katotohanan. Anuman ang sinabi ni Jesus, masidhi niya iyong pinagnilayan. Nagtanong si Jesus, “Simon Bar-Jonas, mahal mo ba Ako?” Matapat na sumagot si Pedro, “Ang Ama na nasa langit lamang ang mahal ko, subalit hindi ko pa nagagawang mahalin ang Panginoon sa lupa.” Kalaunan ay naunawaan niya, naisip na, “Hindi tama ito, ang Diyos sa lupa ay ang Diyos sa langit. Hindi ba pareho ang Diyos kapwa sa langit at sa lupa? Kung ang Diyos sa langit lamang ang mahal ko, hindi praktikal ang pagmamahal ko. Kailangan kong mahalin ang Diyos sa lupa, sapagkat doon lamang magiging praktikal ang aking pagmamahal.” Sa gayon, naunawaan ni Pedro ang tunay na kahulugan ng salita ng Diyos mula sa itinanong ni Jesus. Para mahalin ang Diyos, at para maging praktikal ang pagmamahal na ito, kailangang mahalin ng isang tao ang Diyos na nagkatawang-tao sa lupa. Ang mahalin ang malabo at di-nakikitang Diyos ay hindi makatotohanan ni praktikal, samantalang ang mahalin ang praktikal at nakikitang Diyos ay katotohanan. Mula sa mga salita ni Jesus, natamo ni Pedro ang katotohanan at naunawaan ang layunin ng Diyos. Malinaw na ang paniniwala ni Pedro sa Diyos ay nakatuon lamang sa paghahangad sa katotohanan. Sa bandang huli, nagawa niyang mahalin ang praktikal na Diyos—ang Diyos sa lupa. Napakamasigasig ni Pedro sa kanyang paghahangad sa katotohanan. Sa bawat pagkakataon na pinayuhan siya ni Jesus, masidhi niyang pinagnilayan ang mga salita ni Jesus. Marahil ay nagnilay-nilay siya nang ilang buwan, isang taon, o ilang taon pa nga bago siya binigyang-liwanag ng Banal na Espiritu at naunawaan niya ang diwa ng mga salita ng Diyos. Sa ganitong paraan, pumasok si Pedro sa katotohanan, at sa kanyang pagpasok, nagbago at napanibago ang kanyang disposisyon sa buhay.

—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Paano Malalaman ang Kalikasan ng Tao

Upang malutas ang isang tiwaling disposisyon, kailangan munang matanggap ng isang tao ang katotohanan. Ang pagtanggap sa katotohanan ay pagtanggap sa paghatol at pagkastigo ng Diyos; ito ay pagtanggap sa Kanyang mga salita na naglalantad sa diwa ng katiwalian ng tao. Kung malalaman at mahihimay mo ang mga pagpapakita mo ng katiwalian, ng iyong mga tiwaling kalagayan, at ng iyong mga tiwaling layunin at pag-uugali batay sa mga salita ng Diyos, at magagawa mong tuklasin ang diwa ng iyong mga problema, nagkaroon ka na ng kaalaman sa iyong tiwaling disposisyon, at nasimulan mo na ang proseso ng paglutas dito. Sa kabilang banda, kung hindi ka magsasagawa nang ganito, bukod sa hindi mo magagawang lutasin ang iyong mapagmatigas na disposisyon, magiging imposible rin na maiwaksi mo ang iyong mga tiwaling disposisyon. Ang bawat tao ay nagtataglay ng maraming tiwaling disposisyon. Saan ba dapat magsimula ang isang tao sa paglutas sa mga iyon? Una, kailangang lutasin ng isang tao ang kanyang pagiging mapagmatigas, dahil hinahadlangan ng isang mapagmatigas na disposisyon ang mga tao na makalapit sa Diyos, mahanap ang katotohanan, at magpasakop sa Diyos. Ang pagiging mapagmatigas ang pinakamalaking balakid sa panalangin at pakikipagbahaginan ng tao sa Diyos; ito ang pinaka-nakagagambala sa normal na relasyon ng tao sa Diyos. Matapos mong malutas ang iyong mapagmatigas na disposisyon, magiging madali nang lutasin ang iba pa. Ang paglutas sa isang tiwaling disposisyon ay nagsisimula sa pagninilay-nilay sa sarili at pagkakilala sa sarili. Lutasin mo ang alinmang tiwaling disposisyon na nalalaman mo—kapag mas marami kang nalalaman sa mga iyon, mas marami kang malulutas; mas lalalim pa ang kaalaman mo sa mga iyon, mas lubusan mo pang malulutas ang mga iyon. Ito ang proseso ng paglutas sa mga tiwaling disposisyon; ginagawa ito sa pamamagitan ng pagdarasal sa Diyos, at sa pamamagitan ng pagninilay-nilay at pagkilala sa sarili at paghihimay sa diwa ng tiwaling disposisyon ng isang tao sa pamamagitan ng mga salita ng Diyos, hanggang sa magawa ng isang tao na maghimagsik laban sa laman at isagawa ang katotohanan. Ang pag-alam sa diwa ng iyong tiwaling disposisyon ay hindi madali. Ang pagkilala sa sarili mo ay hindi pagsasabi nang pangkalahatan na “Isa akong tiwaling tao; isa akong diyablo; ako ang supling ni Satanas, ang inapo ng malaking pulang dragon; lumalaban at galit ako sa Diyos; kaaway Niya ako.” Ang gayong pananalita ay hindi naman nangangahulugan na mayroon kang tunay na kaalaman tungkol sa iyong sariling katiwalian. Maaaring natutuhan mo ang mga salitang iyon mula sa ibang tao at hindi mo gaanong kilala ang sarili mo. Ang tunay na pagkakilala sa sarili ay hindi batay sa nalalaman o mga panghuhusga ng tao, batay ito sa mga salita ng Diyos—ito ay ang makita ang mga bunga ng mga tiwaling disposisyon at ang pagdurusa na naranasan mo dahil sa mga ito, ang madama na hindi lang ikaw ang napipinsala ng isang tiwaling disposisyon, kundi pati na rin ang ibang tao. Ito ay ang maintindihan ang katunayan na ang mga tiwaling disposisyon ay nagmumula kay Satanas, na ang mga ito ay lason at pilosopiya ni Satanas, at na ganap na salungat ito sa katotohanan at sa Diyos. Kapag naunawaan mo na ang problemang ito, malalaman mo na ang iyong tiwaling disposisyon. Matapos aminin ng ilang tao na sila ang mga diyablo at mga Satanas, hindi pa rin nila tinatanggap ang mapungusan. Hindi nila inaamin na may nagawa silang mali o nilabag nila ang katotohanan. Ano ba ang problema sa kanila? Hindi pa rin nila kilala ang sarili nila. Sinasabi ng ilang tao na sila ang mga diyablo at mga Satanas, subalit kung tatanungin mo sila ng, “Bakit mo sinasabi na ikaw ay isang diyablo at Satanas?” hindi sila makasasagot. Ipinapakita nito na hindi nila alam ang kanilang tiwaling disposisyon, o ang kanilang kalikasang diwa. Kung makikita nila na ang kanilang kalikasan ay ang kalikasan ng diyablo, na ang kanilang tiwaling disposisyon ay disposisyon ni Satanas, at aaminin nila na sila, samakatwid, ay isang diyablo at Satanas, nakilala na nila ang sarili nilang kalikasang diwa. Ang tunay na kaalaman sa sarili ay nakakamtan sa pamamagitan ng paglalantad, paghusga, pagsasagawa, at pagdanas ng mga salita ng Diyos. Nakakamtan ito sa pamamagitan ng pag-unawa sa katotohanan. Kung hindi nauunawaan ng isang tao ang katotohanan, anuman ang sabihin niya tungkol sa kaalaman niya sa kanyang sarili, hungkag ito at hindi praktikal, dahil hindi nila mahanap at maunawaan ang mga bagay na nasa ugat at mahahalaga. Para makilala ang sarili, kailangang aminin ng isang tao, sa partikular na mga pagkakataon, kung aling mga tiwaling disposisyon ang kanilang ipinakita, ano ang kanilang layon, paano sila umasal, sa ano sila napápasamâ, at bakit hindi nila matanggap ang katotohanan. Kailangang masabi nila nang malinaw ang mga bagay na ito, saka lamang nila makikilala ang kanilang sarili. Kapag naharap ang ilang tao sa pagpupungos, inaamin nila na tutol sila sa katotohanan, na may mga hinala at maling pag-unawa sila tungkol sa Diyos, at na nag-iingat sila sa Kanya. Kinikilala rin nila na ang lahat ng salita ng Diyos na humahatol at naglalantad sa tao ay makatotohanan. Ipinapakita nito na mayroon silang kaunting kaalaman sa sarili. Ngunit dahil wala silang kaalaman tungkol sa Diyos o sa Kanyang gawain, dahil hindi nila nauunawaan ang Kanyang layunin, medyo mababaw ang kaalaman nila sa sarili. Kung kinikilala lamang ng isang tao ang kanyang sariling katiwalian ngunit hindi pa natatagpuan ang ugat ng problema, malulutas ba ang kanilang mga hinala, maling pagkaunawa, at pag-iingat patungkol sa Diyos? Hindi. Ito ang dahilan kaya ang kaalaman sa sarili ay higit pa sa basta pagkilala lamang sa katiwalian at mga problema ng isang tao—kailangan niya ring maunawaan ang katotohanan at malutas ang ugat ng problema ng kanyang tiwaling disposisyon. Iyon lamang ang tanging paraan upang maunawaan ng isang tao ang katotohanan ng kanyang katiwalian at tunay siyang makakapagsisi. Kapag iyong mga nagmamahal sa katotohanan ay nakikilala ang kanilang sarili, nagagawa rin nilang hanapin at unawain ang katotohanan upang lutasin ang kanilang mga problema. Ang ganitong uri lamang ng kaalaman sa sarili ang nagkakaroon ng mga resulta. Tuwing nababasa ng isang taong nagmamahal sa katotohanan ang isang parirala ng mga salita ng Diyos na naglalantad at humahatol sa tao, bago ang lahat, may pananampalataya siya na ang mga salita ng Diyos na naglalantad sa tao ay totoo at tunay, at na ang mga salita ng Diyos na humahatol sa tao ay ang katotohanan at na kumakatawan ang mga ito sa Kanyang pagiging matuwid. Kailangan na ang mga nagmamahal sa katotohanan, kahit papaano, ay nakikilala ito. Kung ang isang tao ay hindi man lang naniniwala sa mga salita ng Diyos, at hindi naniniwala na ang mga salita ng Diyos na naglalantad at humahatol sa mga tao ay mga katunayan at ang katotohanan, makikilala ba niya ang kanyang sarili sa pamamagitan ng Kanyang mga salita? Siguradong hindi—kahit na gustuhin niya, hindi niya ito magagawa. Kung kaya mong maging matatag sa iyong paniniwala na lahat ng salita ng Diyos ay katotohanan, at maniwala sa lahat ng iyon, anuman ang sabihin ng Diyos o ang paraan ng pagsasalita Niya, kung nagagawa mong maniwala at tanggapin ang Kanyang mga salita kahit hindi mo nauunawaan ang mga ito, magiging madali para sa iyo na pagnilay-nilayan at kilalanin ang sarili mo sa pamamagitan ng mga ito. Ang pagninilay sa sarili ay kailangang batay sa katotohanan. Walang kaduda-duda iyan. Ang mga salita lamang ng Diyos ang katotohanan—wala ni isa sa mga salita ng tao at wala ni isa sa mga salita ni Satanas ang katotohanan. Ginagawa nang tiwali ni Satanas ang sangkatauhan gamit ang lahat ng uri ng pag-aaral, turo, at teorya sa loob ng libu-libong taon, at naging lubhang manhid na ang mga tao at mapurol ang utak kaya hindi lamang wala sila ni katiting na kaalaman tungkol sa kanilang sarili, kundi sinasang-ayunan pa nila ang mga maling pananampalataya at kamalian at ayaw nilang tanggapin ang katotohanan. Ang mga taong katulad nito ay hindi matutubos. Yaong mga may tunay na pananampalataya sa Diyos ay naniniwala na ang Kanyang mga salita lamang ang katotohanan, at nagagawa nilang kilalanin ang kanilang sarili batay sa mga salita ng Diyos at sa katotohanan, at sa gayon ay natatamo nila ang tunay na pagsisisi. Ang ilang tao ay hindi nagsisikap na matamo ang katotohanan; ibinabatay lamang nila ang kanilang pagninilay tungkol sa kanilang sarili sa natutuhan ng tao, at wala silang inaamin kundi ang makasalanang pag-uugali lamang, samantala, hindi nila nauunawaan ang sarili nilang tiwaling diwa. Ang gayong kaalaman sa sarili ay isang walang-saysay na pagsisikap at wala itong ibinubunga. Kailangang ibatay ng isang tao ang kanyang pagninilay sa sarili sa mga salita ng Diyos, at pagkatapos magnilay-nilay, unti-unti niyang malalaman ang mga tiwaling disposisyon na ipinapakita niya. Kailangan masukat at malaman ng isang tao ang kanyang mga kakulangan, ang kanyang pagkataong diwa, kanyang mga pananaw tungkol sa mga bagay-bagay, kanyang pananaw at pagpapahalaga sa buhay, batay sa katotohanan, at pagkatapos ay magkaroon ng isang tumpak na pagtatasa at hatol sa lahat ng bagay na ito. Sa ganitong paraan, unti-unti siyang magtatamo ng kaalaman tungkol sa kanyang sarili. Ngunit mas lumalalim ang kaalaman sa sarili habang mas dumarami ang karanasan niya sa buhay, at bago niya matamo ang katotohanan, magiging imposible para sa kanya na ganap na maunawaan ang kanyang kalikasang diwa. Kung tunay na kilala ng isang tao ang kanyang sarili, makikita niya na ang mga tiwaling nilalang ay tunay ngang supling at mga pagsasakatawan ni Satanas. Madarama niya na hindi siya nararapat na mabuhay sa harap ng Diyos, na hindi siya karapatdapat sa Kanyang pagmamahal at pagliligtas, at magagawa niyang ganap na magpatirapa sa Kanyang harapan. Yaon lamang mga kayang magkaroon ng gayong antas ng kaalaman ang tunay na nakakakilala sa kanilang sarili. Ang kaalaman sa sarili ay isang paunang kondisyon sa pagpasok sa katotohanang realidad. Kung nais isagawa ng isang tao ang katotohanan at pumasok sa realidad, kailangan niyang makilala ang kanyang sarili. Lahat ng tao ay may mga tiwaling disposisyon, at bagama’t ayaw nila, palagi silang nagagapos at nakokontrol ng mga tiwaling disposisyon na ito. Hindi nila naisasagawa ang katotohanan o ang pagpapasakop sa Diyos. Kaya kung nais nilang gawin ang mga bagay na ito, kailangan muna nilang makilala ang kanilang sarili at lutasin ang kanilang mga tiwaling disposisyon. Tanging sa proseso ng paglutas ng tiwaling disposisyon mauunawaan ng isang tao ang katotohanan at matatamo ang kaalaman tungkol sa Diyos; saka lamang siya makapagpapasakop sa Diyos at makapagpapatotoo sa Kanya. Ganoon niya matatamo ang katotohanan. Ang proseso ng pagpasok sa katotohanang realidad ay ang paglutas sa tiwaling disposisyon ng isang tao. Kaya, ano ang kailangan niyang gawin para malutas ang kanyang tiwaling disposisyon? Una, kailangang malaman ng isang tao ang kanyang tiwaling diwa. Partikular na, nangangahulugan ito ng pagkaalam kung paano nagsimula ang kanyang tiwaling disposisyon, at kung alin sa mga maladiyablong salita at maling paniniwala mula kay Satanas na tinanggap niya ang nagpasimula niyon. Sa sandaling lubos niyang maunawaan ang mga ugat na dahilan batay sa mga salita ng Diyos at mayroon siyang pagkakilala sa mga ito, hindi na siya papayag na mamuhay ayon sa kanyang tiwaling disposisyon, nanaisin na lamang niyang magpasakop sa Diyos at mamuhay ayon sa Kanyang mga salita. Sa tuwing nagpapakita siya ng tiwaling disposisyon, mapapansin niya iyon, tatanggihan iyon, at maghihimagsik laban sa kanyang laman. Sa pamamagitan ng pagsasagawa at pagdanas nang ganito, unti-unti niyang iwawaksi ang lahat ng kanyang tiwaling disposisyon.

—Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Ang Kahulugan ng Paghahangad sa Katotohanan 1

Dapat mong kilatisin ang mga pinakalantad at pinakahalatang bagay na nasa iyong mga tiwaling disposisyon, tulad ng pagiging mayabang, o mapanlinlang, o buktot. Simula sa mga tiwaling disposisyong ito, magnilay-nilay, maghimay, at magkamit ng pagkakilala sa iyong sarili. Kung matatamo mo ang tunay na pagkakilala sa sarili at pagkapoot sa sarili, magiging madali para sa iyo na iwaksi ang iyong mga tiwaling disposisyon, at magiging madali para sa iyo na isagawa ang katotohanan. Paano ito partikular na isasagawa? Magbahaginan tayo tungkol dito sa simpleng paraan, gamit ang halimbawa ng isang mapagmataas na disposisyon. Sa iyong pang-araw-araw na buhay, kapag ikaw ay nagsasalita, kumikilos at nag-aasikaso ng mga bagay-bagay, gumaganap ng iyong tungkulin, nakikipagbahaginan sa iba, at kung anu-ano pa, anuman ang kasalukuyang inaasikaso mo, o kung nasaan ka man, o kung ano ang mga sitwasyon, dapat mong pagtuunan sa lahat ng oras ang pagsusuri sa kung anong uri ng mapagmataas na disposisyon ang naipakita mo. Dapat mong halukayin ang lahat ng pagbubulalas, saloobin, at ideya na nagmumula sa iyong mapagmataas na disposisyon na alam mo at nawawari mo, gayundin ang iyong mga layon at mithiin—lalo na ang kagustuhang palaging sermunan ang iba mula sa mataas na posisyon; hindi pagsunod sa kahit sino; pagturing sa iyong sarili na mas mahusay kaysa sa iba; hindi pagtanggap sa sinasabi ng iba, gaano man sila katama; pagpilit sa iba na tanggapin at sundin ang sinasabi mo, kahit na mali ka; palagiang pagkahilig na pamunuan ang iba; pagiging hindi masunurin at pangangatwiran kapag pinupungusan ka ng mga lider at manggagawa, pagkondena sa kanila bilang mga huwad; palaging pagkondena sa iba at pagtataas sa iyong sarili; palaging pag-iisip na mas magaling ka kaysa sa lahat; palaging pagnanais na maging isang taong tanyag at sikat; palaging gustong-gustong magpakitang-gilas, upang lubos kang pahalagahan at sambahin ng iba…. Sa pamamagitan ng pagsasagawa ng pagninilay-nilay at paghihimay sa mga pagbuhos na ito ng katiwalian, malalaman mo kung gaano kapangit ang iyong mapagmataas na disposisyon, at magagawa mong kamuhian at kasuklaman ang iyong sarili, at mas lalong kapootan ang iyong mapagmataas na disposisyon. Sa gayon ay magiging handa kang pagnilayan kung nagpakita ka ba o hindi ng mapagmataas na disposisyon sa lahat ng bagay. Ang isang bahagi nito ay pagninilay-nilay sa kung anong mga mapagmataas at mapagmagaling na disposisyon ang lumalabas sa iyong pananalita—anong mga mapagmalaki, mayabang, at walang katuturang bagay ang sinasabi mo. Ang isa pang bahagi ay pagninilay-nilay sa kung anong mga kakatwa at walang katuturang bagay ang ginagawa mo habang kumikilos ka ayon sa iyong mga kuru-kuro, imahinasyon, ambisyon, at pagnanasa. Tanging ang ganitong uri ng pagninilay sa sarili ang magdudulot ng pagkakilala sa sarili. Kapag nagkamit ka na ng tunay na pagkakilala sa iyong sarili, dapat mong hanapin ang mga landas at prinsipyo ng pagsasagawa para sa pagiging isang matapat na tao sa mga salita ng Diyos, at pagkatapos ay magsagawa, gumanap ng iyong tungkulin, at humarap at makipag-ugnayan sa iba ayon sa mga landas at prinsipyo na nakasaad sa mga salita ng Diyos. Kapag nakapagsagawa ka na sa ganitong paraan nang ilang panahon, marahil nang isa o dalawang buwan, makararamdam ka ng kasiglahan ng puso tungkol dito, at may makakamit ka mula rito at makatitikim ka ng tagumpay. Mararamdaman mo na mayroon kang landas para maging isang matapat at matinong tao, at mas lalo kang makararamdam ng katahimikan ng kalooban. Bagamat hindi ka pa makapagsasalita tungkol sa partikular na malalim na kaalaman tungkol sa katotohanan, magkakamit ka naman ng ilang perseptuwal na kaalaman tungkol dito, gayundin ng isang landas ng pagsasagawa. Bagamat hindi mo ito maipapahayag nang malinaw gamit ang mga salita, magkakaroon ka naman ng kaunting pagkakilala sa pinsalang nagagawa ng isang mapagmataas na disposisyon sa mga tao at kung paano nito binabaluktot ang kanilang pagkatao. Halimbawa, ang mga taong mayabang at may labis na pagtingin sa sarili ay madalas na nagsasabi ng mga mapagmalaki at imposibleng bagay, at nagsasabi ng mga maladiyablong salita para lansihin ang iba; nagsasabi sila ng mga salitang matayog pakinggan, sumisigaw ng mga salawikain, at nagbubulalas ng matatayog na pambabatikos. Hindi ba’t ang mga ito ay iba’t ibang pagpapamalas ng isang mapagmataas na disposisyon? Hindi ba’t lubhang walang katuturan na magpakita ng mga mapagmataas na disposisyong ito? Kung tunay mong nauunawaan na malamang ay nawalan ka na ng normal na katwiran ng tao kaya ka naglalabas ng mga gayong mapagmataas na disposisyon, at na ang pamumuhay sa loob ng isang mapagmataas na disposisyon ay nangangahulugang nagsasabuhay ka ng pagkadiyablo sa halip na pagkatao, tunay mong makikilala na ang isang tiwaling disposisyon ay isang satanikong disposisyon, at mula sa iyong puso ay magagawa mong kapootan si Satanas at ang mga tiwaling disposisyon. Sa anim na buwan o isang taon ng gayong karanasan, magkakaroon ka ng tunay na pagkakilala sa sarili, at kung maglalabas ka ulit ng isang mapagmataas na disposisyon, mamamalayan mo ito kaagad, at magagawa mong maghimagsik laban dito at talikuran ito. Magsisimula ka nang magbago, at unti-unti mong mawawaksi ang iyong mapagmataas na disposisyon, at normal mo nang makakasundo ang iba. Magagawa mo nang magsalita nang tapat at mula sa puso; hindi ka na magsisinungaling o magsasabi ng kayabangan. Kung magkagayon, hindi ba’t magtataglay ka na ng kaunting katwiran at kaunting wangis ng isang matapat na tao? Hindi ba’t makakamit mo na ang pagpasok na iyon? Ito ang panahon kung kailan magsisimula kang may makamit. Kapag nagsagawa kang maging matapat sa ganitong paraan, magagawa mong hanapin ang katotohanan at pagnilayan ang iyong sarili anumang uri ng mapagmataas na disposisyon ang inilalabas mo, at matapos maranasan ang pagiging isang matapat na tao sa ganitong paraan sa loob ng ilang panahon, walang kamalay-malay at unti-unti mong mauunawaan ang mga katotohanan at nauugnay na salita ng Diyos tungkol sa pagiging isang matapat na tao. At kapag ginamit mo ang mga katotohanang iyon para suriin ang iyong mapagmataas na disposisyon, sa kaibuturan ng iyong puso ay magkakaroon ng kaliwanagan at pagtanglaw ng mga salita ng Diyos, at magsisimulang sumigla ang iyong puso. Malinaw mong makikita ang katiwalian na idinudulot ng isang mapagmataas na disposisyon sa mga tao at ang kapangitan na ipinapasabuhay nito sa kanila, at magagawa mong tukuyin ang bawat isa sa mga tiwaling kalagayan na kinahahantungan ng mga tao kapag nagpapakita sila ng mapagmataas na disposisyon. Sa higit pang paghihimay, mas malinaw mong makikita ang kapangitan ni Satanas, at mas lalo mong kapopootan si Satanas. Sa gayon ay magiging madali para sa iyo na iwaksi ang iyong mapagmataas na disposisyon.

—Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Ang Kahulugan ng Paghahangad sa Katotohanan 2

Para tunay na makapagsisi, kailangang lutasin ng isang tao ang kanyang mga tiwaling disposisyon. Kaya paano, sa partikular, dapat magsagawa at pumasok ang isang tao upang malutas ang kanyang mga tiwaling disposisyon? Narito ang isang halimbawa. Ang mga tao ay may mga mapanlinlang na disposisyon, palagi silang nagsisinungaling at nandaraya. Kung natatanto mo iyan, ang pinakasimple at pinakatuwirang prinsipyo ng pagsasagawa para malutas ang iyong pagiging mapanlinlang ay ang maging matapat na tao, sabihin mo ang totoo at gumawa ng matatapat na bagay. Sinabi ng Panginoong Jesus, “Ang magiging pananalita ninyo ay, ‘Oo, oo; Hindi, hindi.’” Para maging matapat na tao, dapat niyang sundin ang mga prinsipyo ng mga salita ng Diyos. Ang simpleng pagsasagawang ito ang pinakaepektibo, madali itong maunawaan at maisagawa. Gayunman, dahil napakalalim ng katiwalian ng mga tao, dahil lahat sila ay may satanikong kalikasan at nabubuhay ayon sa mga satanikong disposisyon, medyo mahirap para sa kanila na isagawa ang katotohanan. Gusto nilang maging matapat, ngunit hindi nila magawa. Hindi nila napipigilang magsinungaling at manloko, at bagama’t maaaring nagsisisi sila matapos mapansin ito, hindi pa rin nila mawawaksi ang mga pagkontrol ng kanilang tiwaling disposisyon, at patuloy silang magsisinungaling at mandaraya tulad ng ginagawa nila dati. Paano dapat lutasin ang problemang ito? Bahagi nito ang pag-alam na ang diwa ng tiwaling disposisyon ng isang tao ay pangit at kasuklam-suklam, at ang mamuhi nang taos-puso; ang pagsasanay sa sarili na magsagawa ayon sa katotohanang prinsipyo, “Ang magiging pananalita ninyo ay, ‘Oo, oo; Hindi, hindi.’” Kapag isinasagawa mo ang prinsipyong ito, nasa proseso ka ng paglutas sa iyong mapanlinlang na disposisyon. Natural, kung nakapagsasagawa ka ayon sa mga katotohanang prinsipyo habang nilulutas mo ang iyong mapanlinlang na disposisyon, iyan ay pagpapamalas ng iyong pagbabago at ang pagsisimula ng iyong tunay na pagsisisi, at sinasang-ayunan ito ng Diyos. Nangangahulugan ito na kapag nagbago ka, magbabago ang isip ng Diyos tungkol sa iyo. Sa katunayan, ang paggawa nito ng Diyos ay isang uri ng pagpapatawad sa mga tiwaling disposisyon at pagkasuwail ng tao. Pinatatawad Niya ang mga tao at nililimot ang mga kasalanan at paglabag nito. Sapat na ba ang linaw niyan? Naunawaan ba ninyo ito? Narito ang isa pang halimbawa. Sabihin nang mayroon kang mayabang na disposisyon, at anuman ang mangyari sa iyo, napakatigas ng ulo mo—gusto mo palagi na ikaw ang magpapasya, at na susundin ka ng iba, at gawin ang gusto mong ipagawa sa kanila. Sa gayon ay darating ang araw na matatanto mo na dahil ito sa isang mayabang na disposisyon. Ang pag-amin mo na ito ay mayabang na disposisyon ay ang unang hakbang tungo sa kaalaman sa sarili. Mula roon, dapat mong hanapin ang ilang sipi ng mga salita ng Diyos na naglalantad sa mayabang na disposisyon para maikumpara mo ang sarili mo sa mga ito, at pagnilayan at kilalanin ang sarili mo. Kung malaman mo na angkop na angkop ang pagkukumpara, at inamin mo na taglay mo ang mayabang na disposisyon na inilantad ng Diyos, at pagkatapos ay kilatisin at tuklasin mo kung saan nagmumula ang iyong mayabang na disposisyon, at kung bakit ito lumalabas, at kung aling mga lason, maling paniniwala, at kamalian ni Sanatas ang kumokontrol dito, kapag nakita mo na ang pinakabuod ng lahat ng tanong na ito, natagpuan mo na ang ugat ng iyong kayabangan. Ito ang tunay na kaalaman sa sarili. Kapag mayroon kang mas tumpak na pakahulugan sa kung paano mo inilalantad ang tiwaling disposisyong ito, mas mapapadali nito at magiging mas praktikal ang kaalaman mo sa iyong sarili. Ano ang susunod na dapat mong gawin? Dapat mong hanapin ang mga katotohanang prinsipyo sa mga salita ng Diyos, at unawain kung anong uri ng pagkukunwari at pananalita ng tao ang nagpapamalas ng normal na pagkatao. Kapag nakita mo na ang landas ng pagsasagawa, kailangan mong magsagawa ayon sa mga salita ng Diyos, at kapag nagbago na ang puso mo, tunay ka nang nakapagsisi. Hindi lamang magkakaroon ng prinsipyo sa iyong pananalita at kilos, maipamumuhay mo rin ang wangis ng tao at unti-unti mong maaalis ang iyong tiwaling disposisyon. Makikita ng iba na bagong tao ka na: hindi ka na ang luma at tiwaling tao na tulad ng dati, kundi isang taong muling isinilang sa mga salita ng Diyos. Ang gayong tao ay isang tao na ang disposisyon sa buhay ay nagbago na.

—Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Ang Kahulugan ng Paghahangad sa Katotohanan 1

Upang hangarin ang pagbabago ng disposisyon, kailangan munang makilala ng isang tao ang sarili niyang tiwaling disposisyon. Ang tunay na pagkakilala sa sarili ay kailangan ng masusing pagtingin at pagsusuri sa diwa ng kanyang katiwalian, pati na rin ang pagkilala sa iba’t ibang kalagayan na dulot ng isang tiwaling disposisyon. Kapag malinaw na naunawaan ng isang tao ang sarili niyang mga tiwaling kalagayan at tiwaling disposisyon, saka lamang niya magagawang kasuklaman ang kanyang laman at si Satanas, at saka lamang magkakaroon ng pagbabago sa disposisyon. Kung hindi niya makikilala ang mga kalagayang ito, at mabigong maiugnay at maitugma ang mga ito sa kanyang sarili, mababago ba ang disposisyon niya? Hindi. Ang pagbabago ng disposisyon ay nangangailangan ng pagkilala sa iba’t ibang kalagayan na dulot ng tiwali niyang disposisyon; dapat siyang makarating sa puntong hindi na siya pinipigil ng tiwali niyang disposisyon at sa punto ng pagsasagawa sa katotohanan—saka lamang magsisimula ang pagbabago ng disposisyon niya. Kung hindi niya makikilala ang pinagmulan ng mga tiwali niyang kalagayan, at pinipigilan lamang ang sarili niya ayon sa mga salita at doktrina na nauunawaan niya, kahit mayroon siyang ilang mabuting pag-uugali at magbabago siya nang kaunti sa panlabas, hindi ito maituturing na pagbabago ng disposisyon. Dahil ito ay hindi maaaring ituring na pagbabago ng disposisyon, ano kung gayon ang papel na ginagampanan ng karamihan ng tao sa panahon ng pagganap ng tungkulin nila? Ito ay ang papel ng isang trabahador; sila ay wala sa loob kung gumawa at nagpapakaabala lamang sa mga gawain. Bagamat ginagampanan din nila ang tungkulin nila, kadalasan ay nakatutok lamang sila sa pagtapos ng mga bagay, hindi sa paghahanap ng katotohanan kundi sa paggawa nang wala sa loob. Minsan, kapag maganda ang lagay ng kanilang loob, higit silang magsisikap, at minsan, kapag masama ang lagay ng kanilang loob, hindi sila masyadong magsisikap. Ngunit pagkatapos ay susuriin nila ang sarili nila at makakaramdam sila ng pagsisisi, kaya’t muli silang higit na magsisikap, sa pag-aakalang ito ay pagsisisi. Sa katunayan, ito ay hindi tunay na pagbabago, o tunay na pagsisisi. Nagsisimula ang tunay na pagsisisi sa pagkakilala sa sarili; nagsisimula ito sa pagbabago ng ugali. Kapag nagbago na ang ugali ng isang tao, at kaya na niyang maghimagsik laban sa kanyang laman, isagawa ang katotohanan, at iayon ang kanyang ugali sa mga prinsipyo, nangangahulugan ito na mayroon na ngang tunay na pagsisisi. Pagkatapos, unti-unti silang makararating sa puntong kaya na nilang magsalita at kumilos ayon sa mga prinsipyo, ganap nang umaayon sa katotohanan. Ito ang simula ng pagbabago sa buhay disposisyon.

—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Tanging ang Pagkakilala sa Sarili ang Makakatulong sa Paghahangad ng Katotohanan

Kung naglalantad ka ng katiwalian sa isang bagay, maisasagawa mo ba kaagad ang katotohanan kapag natanto mo iyon? Hindi. Sa yugtong ito ng pag-unawa, pinupungos ka ng iba, at pagkatapos, ang iyong kapaligiran ay pinipilit ka at pinupwersa ka na kumilos ayon sa mga katotohanang prinsipyo. Kung minsan, hindi mo pa rin matanggap na gawin iyon, at sinasabi mo sa sarili mo, “Kailangan ko bang gawin ito nang ganito? Bakit hindi ko ito pwedeng gawin sa paraang gusto ko? Bakit lagi akong sinasabihang isagawa ang katotohanan? Ayaw kong gawin ito, sawa na ako!” Ang pagdanas ng gawain ng Diyos ay nangangailangan ng pagdaan sa sumusunod na proseso: mula sa pag-aatubiling isagawa ang katotohanan, tungo sa kahandaang isagawa ang katotohanan; mula sa pagiging negatibo at mahina, tungo sa kalakasan at kakayahang maghimagsik laban sa laman. Kapag naabot ng mga tao ang isang tiyak na punto ng karanasan at pagkatapos ay dumaan sa ilang pagsubok, pagpipino, at sa huli ay naunawaan ang mga layunin ng Diyos at ilang katotohanan, magiging masaya na sila kahit paano at handang kumilos ayon sa mga katotohanang prinsipyo. Sa pasimula, ang mga tao ay atubiling magsagawa ng katotohanan. Gawing halimbawa ang matapat na paggampan sa mga tungkulin: May kaunti kang pagkaunawa sa paggampan sa iyong mga tungkulin at pagiging matapat sa Diyos, at mayroon ka ring kaunting pagkaunawa sa katotohanan, subalit kailan mo magagawang maging ganap na matapat? Kailan mo magagawang gampanan ang iyong mga tungkulin sa ngalan at gawa? Mangangailangan ito ng proseso. Sa prosesong ito, maaaring dumanas ka ng maraming hirap. Maaaring pungusan ka ng ilang tao, maaaring punahin ka ng iba. Matutuon ang lahat ng mata sa iyo, susuriin ka ng mga ito, at doon mo lamang masisimulang matanto na ikaw ay nasa mali at na ikaw ang nakagawa nang hindi maayos, na hindi katanggap-tanggap ang kakulangan ng katapatan sa paggampan sa iyong tungkulin, at hindi ka dapat maging pabasta-basta! Liliwanagan ka ng Banal na Espiritu mula sa loob, at sasawayin ka kapag ikaw ay nagkamali. Sa prosesong ito, mauunawaan mo ang ilang mga bagay tungkol sa iyong sarili, at malalaman mo na masyado kang maraming karumihan, nagkikimkim ka ng napakaraming personal na motibo, at may napakaraming walang habas na pagnanais habang ginagampanan ang iyong mga tungkulin. Sa sandaling naunawaan mo na ang diwa ng mga bagay na ito, kung makakaya mo nang lumapit sa Diyos sa panalangin at magkaroon ng tunay na pagsisisi, malilinis sa iyo ang mga tiwaling bagay na iyon. Kung, sa ganitong paraan, madalas mong hinahanap ang katotohanan upang malutas ang iyong mga sariling praktikal na problema, unti-unting tatapak ka sa tamang landas ng pananampalataya; magsisimula kang magkaroon ng mga tunay na karanasan sa buhay, at magsisimulang unti-unting madalisay ang iyong tiwaling disposisyon. Kapag mas nadadalisay ang iyong tiwaling disposisyon, mas magbabago ang iyong buhay disposisyon.

—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Dapat Malaman Tungkol sa Pagbabago ng Disposisyon ng Isang Tao

Kung hindi malulutas ang mga tiwaling disposisyon ng mga tao, hindi sila makapapasok sa katotohanang realidad. Kung hindi nila alam kung aling mga tiwaling disposisyon ang mayroon sila, o kung ano ang sarili nilang satanikong kalikasang diwa, kaya ba talaga nilang aminin na sila mismo ay mga tiwaling tao? (Hindi.) Kung hindi talaga kayang aminin ng mga tao na sila ay sataniko, na sila ay mga miyembro ng tiwaling lahi ng tao, magagawa ba talaga nilang magsisi? (Hindi.) Kung hindi talaga nila magagawang magsisi, maaari kayang madalas nilang iisipin na hindi sila napakasama, na sila ay marangal, mataas ang posisyon, na sila ay may katayuan at karangalan? Maaari kayang madalas silang magkaroon ng gayong mga kaisipan at kalagayan? (Maaari nga.) Kaya bakit lumilitaw ang mga kalagayang ito? Ang lahat ng ito ay maaaring ibuod sa iisang pangungusap: Kung hindi malulutas ang mga tiwaling disposisyon ng mga tao, kung gayon, ang kanilang puso ay palaging mababagabag, at mahihirapan silang magkaroon ng normal na kalagayan. Ibig sabihin, kung ang iyong tiwaling disposisyon ay hindi nalutas sa isang aspeto, labis kang mahihirapan na makawala sa impluwensya ng negatibong kalagayan, at labis kang mahihirapan na umalis sa negatibong kalagayang iyon, kaya maaaring iisipin mo pa nga na tama, wasto, at naaayon sa katotohanan ang kalagayan mong ito. Panghahawakan at ipagpapatuloy mo ito, at natural na mabibitag ka rito, kaya’t magiging napakahirap na umalis dito. Pagkatapos, isang araw, sa sandaling maunawaan mo ang katotohanan, mapagtatanto mo na ang ganitong uri ng kalagayan ay nagdudulot sa iyo na magkamali ng pagkaunawa at lumaban sa Diyos, at nagdudulot sa iyo na salungatin at husgahan ang Diyos, hanggang sa punto na pagdududahan mo kung ang mga salita ng Diyos ay ang katotohanan, pagdududahan ang gawain ng Diyos, pagdududahan na ang Diyos ang pinakamakapangyarihan sa lahat, at pagdududahan na ang Diyos ang realidad at pinagmulan ng lahat ng positibong bagay. Makikita mo na napakamapanganib ng kalagayan mo. Ang matinding kahihinatnang ito ay dahil sa wala kang tunay na kaalaman sa mga satanikong pilosopiya, ideya, at teoryang ito. Sa oras na ito mo lang makikita kung gaano kasama at kamapaminsala si Satanas; si Satanas ay lubos na may kakayahang iligaw at gawing tiwali ang mga tao, na nagsasanhi sa kanila na tahakin ang landas ng paglaban sa Diyos at pagkakanulo sa Kanya. Kung hindi malulutas ang mga tiwaling disposisyon, magiging malubha ang mga kahihinatnan. Kung may kakayahan kang taglayin ang kaalamang ito, ang realisasyong ito, ito ay ganap na resulta ng iyong pagkaunawa sa katotohanan, at sa mga salita ng Diyos na nagbibigay-liwanag at nagtatanglaw sa iyo. Ang mga taong hindi nakauunawa sa katotohanan ay hindi nakakahalata kung paano ginagawang tiwali ni Satanas ang mga tao, kung paano nito inililigaw ang mga tao at inuudyukan silang labanan ang Diyos; sobrang mapanganib ang kahihinatnang ito. Habang nararanasan ng mga tao ang gawain ng Diyos, kung hindi nila alam kung paano pagnilay-nilayan ang sarili, tukuyin ang mga negatibong bagay, o tukuyin ang mga satanikong pilosopiya, hinding-hindi sila makakawala sa panlilihis at pagtitiwali ni Satanas. Bakit hinihingi ng Diyos sa mga tao na magbasa ng marami pang salita Niya? Ito ay upang maunawaan ng mga tao ang katotohanan, makilala ang kanilang sarili, malinaw na makita kung ano ang nagsasanhi ng kanilang mga tiwaling kalagayan, at makita kung saan nagmumula ang kanilang mga ideya, pananaw, at pamamaraan ng pagsasalita, pag-uugali, at pakikipagharap sa mga bagay-bagay. Kapag nalaman mo na ang mga pananaw na ito na iyong pinanghahawakan ay hindi naaayon sa katotohanan, na sumasalungat ang mga ito sa lahat ng sinabi ng Diyos, at na hindi ang mga ito ang ninanais Niya; kapag mayroong mga hinihingi sa iyo ang Diyos, kapag sumapit sa iyo ang Kanyang mga salita, at kapag hindi tinulutan ng iyong kalagayan at mentalidad na magpasakop ka sa Diyos, ni maging masunurin sa mga sitwasyong isinaayos Niya, o na makapamuhay ka nang libre at malaya sa presensiya ng Diyos at makapagbigay-kasiyahan sa Kanya—lahat ito ay nagpapatunay na mali ang pinanghahawakan mong kalagayan. Naharap na ba kayo sa ganitong uri ng sitwasyon dati: Namumuhay ka sa mga bagay na sa tingin mo ay positibo, na sa tingin mo ay pinaka-kapaki-pakinabang sa iyo; ngunit sa hindi inaasahan, kapag may nangyayari sa iyo, ang mga bagay na sa tingin mo ay pinakatama ay kadalasang wala namang positibong epekto—sa kabaligtaran, nagiging sanhi ang mga ito na pagdudahan mo ang Diyos, iniiwan kang walang landas, nagdudulot sa iyo ng mga maling pagkaunawa sa Diyos, at nagdudulot ng pagtutol sa Diyos—naranasan mo na ba ang gayong mga pagkakataon? (Oo.) Siyempre, tiyak na hindi mo panghahawakan ang mga bagay na sa tingin mo ay mali; patuloy ka lamang kumakapit at nagpupursige sa mga bagay na sa tingin mo ay tama, palaging namumuhay sa gayong kalagayan. Kapag isang araw ay naunawaan mo ang katotohanan, saka mo lang mapagtatanto na ang mga bagay na pinanghahawakan mo ay hindi positibo—ganap na mali ang mga ito, mga bagay na inaakala ng mga tao na mabuti, ngunit hindi ang katotohanan ang mga ito. Gaano kadalas ninyo napagtatanto at namamalayan na ang mga bagay na pinanghahawakan ninyo ay mali? Kung madalas na batid ninyo na mali ang mga ito, ngunit hindi kayo nagninilay-nilay, at may pagtutol sa puso ninyo, hindi matanggap ang katotohanan, hindi maharap nang tama ang mga bagay na ito, at nangangatwiran kayo sa inyong sarili—kung ang ganitong uri ng maling kalagayan ay hindi nabago, lubha itong mapanganib. Kung palagi ninyong panghahawakan ang gayong mga bagay, malamang na kayo ay mamighati, matisod at mabigo, at bukod pa rito, hindi kayo makapapasok sa katotohanang realidad. Kapag palaging nakikipagtalo ang mga tao para sa kanilang sarili, ito ay paghihimagsik; ibig sabihin ay wala silang katwiran. Kahit na wala silang sabihing anumang bagay nang malakas, kung hawak nila ito sa kanilang puso, hindi pa rin nalulutas ang ugat ng problema. Kaya sa anong mga panahon ka may kakayahang hindi sumalungat sa Diyos? Dapat mong baguhin ang iyong kalagayan at lutasin ang mga ugat ng iyong problema sa aspetong ito; dapat malinaw sa iyo kung nasaan mismo ang pagkakamali sa pananaw na pinanghahawakan mo; dapat mong siyasatin ito, at hanapin ang katotohanan para lutasin ito. Saka ka lang makapamumuhay sa tamang kalagayan. Kapag namumuhay ka sa tamang kalagayan, hindi ka magkakaroon ng mga maling pagkaunawa sa Diyos, at hindi ka sasalungat sa Kanya, lalong hindi lilitaw sa iyo ang mga kuru-kuro. Sa panahong ito, ang paghihimagsik mo sa aspetong ito ay malulutas. Kapag nalutas na ito, at alam mo kung paano kumilos alinsunod sa mga layunin ng Diyos, hindi ba’t magiging tugma sa Diyos ang mga kilos mo sa oras na ito? Kung katugma mo ang Diyos sa usaping ito, hindi ba’t aayon sa Kanyang mga layunin ang lahat ng ginagawa mo? Hindi ba’t alinsunod sa katotohanan ang mga paraan ng pagkilos at pagsasagawang naaayon sa mga layunin ng Diyos? Habang naninindigan ka sa usaping ito, namumuhay ka sa tamang kalagayan. Kapag namumuhay ka sa tamang kalagayan, ang ibinubunyag at isinasabuhay mo ay hindi na isang tiwaling disposisyon; nagagawa mo nang magsabuhay ng normal na pagkatao, madali na para sa iyo na isagawa ang katotohanan, at tunay ka nang mapagpasakop.

—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Paglutas Lamang sa Tiwaling Disposisyon ng Isang Tao ang Makapagdudulot ng Tunay na Pagbabago

Kaugnay na mga Patotoong Batay sa Karanasan

Alam Ko ang Paraan Para Malutas ang Tiwaling Disposisyon

Kaugnay na mga Himno

Paano Tanggapin ang Katotohanan

Sinundan: 23. Paano manindigan sa patotoo sa panahon ng mga pagsubok

Sumunod: 25. Ano ang pagsasagawa ng katotohanan

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito