21. Paano madaig ang tukso ni Satanas

Mga Salita ng Makapangyarihang Diyos ng mga Huling Araw

Ang pagtatayo ng kaharian ay tuwirang nakatuon sa espirituwal na dako. Ibig sabihin, ang kalagayan ng digmaan sa espirituwal na dako ay ginagawang malinaw nang tuwiran sa lahat ng Aking tao, at sapat na ito upang ipakita na hindi lamang sa loob ng iglesia, kundi pati na at lalo na sa Kapanahunan ng Kaharian, bawat tao ay palaging nasa digmaan. Sa kabila ng kanilang pisikal na katawan, ang espirituwal na dako ay tuwirang inihayag, at nakikipag-ugnayan sila sa buhay sa espirituwal na dako. Sa gayon, kapag nagsisimula kayong maging matapat, kailangan kayong maghanda nang wasto para sa susunod na bahagi ng Aking gawain. Dapat ninyong ibigay ang buong puso ninyo; saka lamang ninyo mapapalugod ang Aking puso. Wala Akong pakialam sa naunang nangyari sa iglesia; ngayon, ito ay nasa kaharian. Sa Aking plano, palagiang nakasunod si Satanas sa bawat hakbang at, bilang mapaghahambingan ng Aking karunungan, ay laging sinusubukang makahanap ng mga paraan upang gambalain ang Aking orihinal na plano. Subalit maaari ba Akong sumuko sa mapanlinlang na mga pakana nito? Lahat ng nasa langit at nasa lupa ay mga gamit-panserbisyo Ko; maaari pa bang maiba ang mapanlinlang na mga pakana ni Satanas? Dito mismo nagsasalikop ang Aking karunungan; ito mismo ang kamangha-mangha sa Aking mga gawa, at ito ang prinsipyo ng pagpapatakbo para sa Aking buong plano ng pamamahala. Sa panahon ng pagtatayo ng kaharian, hindi Ko pa rin iniiwasan ang mapanlinlang na mga pakana ni Satanas, kundi patuloy Kong ginagawa ang gawaing kailangan Kong gawin. Sa sansinukob at sa lahat ng bagay, napili Ko na ang mga gawa ni Satanas bilang Aking paghahambingan. Hindi ba ito pagpapakita ng Aking karunungan? Hindi ba ito mismo ang kamangha-mangha tungkol sa Aking gawain?

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Salita ng Diyos sa Buong Sansinukob, Kabanata 8

Ang lahat ng ginagawa ng Diyos ay kinakailangan, at may pambihirang kabuluhan, dahil ang lahat ng ginagawa Niya sa tao ay may kinalaman sa Kanyang pamamahala at pagliligtas sa sangkatauhan. Natural lamang na ang gawaing ginawa ng Diyos kay Job ay hindi naiiba, kahit na si Job ay perpekto at matuwid sa paningin ng Diyos. Sa madaling salita, kahit ano pa ang ginagawa ng Diyos o ang paraan na ginagamit Niya para gawin ito, kahit ano pa ang halaga, o ang Kanyang nilalayon, ang pakay ng Kanyang mga kilos ay hindi nagbabago. Ang Kanyang pakay ay upang ipasok sa tao ang mga salita ng Diyos, pati na rin ang mga kinakailangan at ang mga layunin ng Diyos para sa tao; sa madaling salita, ito ay upang ipasok sa tao ang lahat ng pinaniniwalaan ng Diyos na positibo alinsunod sa Kanyang mga hakbang, na nagbibigay sa tao ng pagkaunawa sa puso ng Diyos at pagkaintindi sa diwa ng Diyos, at nagpapahintulot sa kanya na magpasakop sa kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos, at nang sa gayon ay magkaroon ng daan upang matamo ng tao ang pagkakaroon ng takot sa Diyos at paglayo sa kasamaan—ang lahat ng ito ay isang aspeto ng pakay ng Diyos sa lahat ng Kanyang ginagawa. Ang isa pang aspeto ay, dahil si Satanas ang mapaghahambinganan at nagsisilbing gamit-pangserbisyo sa gawain ng Diyos, ang tao ay madalas na ibinibigay kay Satanas; paraan ito na ginagamit ng Diyos upang makita ng mga tao ang kasamaan, kapangitan, at pagiging kasuklam-suklam ni Satanas sa gitna ng mga pagtukso at pag-atake nito, na nagiging dahilan upang kamuhian ng mga tao si Satanas at magawang malaman at makilala ang mga bagay na negatibo. Ang prosesong ito ay nagbibigay-daan sa kanila upang unti-unti nilang mapalaya ang kanilang mga sarili mula sa pamamahala ni Satanas, at mula sa mga paratang, panggugulo, at pag-atake nito—hanggang, salamat sa mga salita ng Diyos, ang kanilang kaalaman sa Diyos, pagpapasakop sa Diyos, ang kanilang pananampalataya sa Diyos at takot sa Diyos, ay magdala sa kanila ng tagumpay laban sa mga pag-atake at paratang ni Satanas; doon lamang sila ganap na maiaadya mula sa kapangyarihan ni Satanas. Ang paglaya ng mga tao ay nangangahulugan na si Satanas ay natalo, ito ay nangangahulugan na hindi na sila pagkain sa bibig ni Satanas—na sa halip na lunukin sila, pinakawalan sila ni Satanas. Ito ay sa kadahilanang ang mga gayong tao ay matuwid, may pananampalataya, may pagpapasakop, at may takot sa Diyos, at dahil tuluyan silang kumakawala kay Satanas. Nagdadala sila ng kahihiyan kay Satanas, ginagawa nilang duwag si Satanas, at tuluyan nilang tinatalo si Satanas. Ang kanilang matibay na paniniwala sa pagsunod sa Diyos, at ang pagpapasakop at takot nila sa Diyos ang tumatalo kay Satanas, at nagiging dahilan kung bakit ganap silang isinusuko ni Satanas. Ang mga taong tulad nito lamang ang tunay na nakamtan ng Diyos, at ito ang tunay na obhektibo ng Diyos sa pagliligtas sa tao. Kung nais nilang mailigtas, at nais nilang ganap na makamit ng Diyos, ang lahat ng sumusunod sa Diyos ay dapat humarap sa mga maliliit at malalaking tukso at pag-atake na galing kay Satanas. Ang mga taong nangingibabaw sa mga tukso at pag-atake na ito at nagagawang ganap na talunin si Satanas ay ang mga nailigtas ng Diyos. Ibig sabihin, ang mga tao na iniligtas ng Diyos ay iyong mga sumailalim sa mga pagsubok ng Diyos, at ang mga tinukso at inatake ni Satanas nang hindi mabilang na pagkakataon. Nauunawaan ng mga taong iniligtas ng Diyos ang mga layunin at mga hinihingi ng Diyos, at nagagawa nilang magpasakop sa kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos, at hindi nila tinatalikdan ang daan ng pagkakaroon ng takot sa Diyos at paglayo sa kasamaan sa gitna ng mga panunukso ni Satanas. Ang mga iniligtas ng Diyos ay nagtataglay ng katapatan, sila ay may mabubuting puso, napaghihiwalay nila ang pag-ibig at poot, may pagkaunawa sila sa hustisya at sila ay makatwiran, at nagagawa nilang magmalasakit sa Diyos at pahalagahan ang lahat ng sa Diyos. Ang ganitong mga tao ay hindi naigagapos, namamanmanan, napararatangan, o naaabuso ni Satanas; sila ay ganap na malaya, sila ay ganap na napalaya at napakawalan na. Si Job ay isang tao ng kalayaan, at ito ang tiyak na kahulugan kung bakit ipinasa siya ng Diyos kay Satanas.

—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Gawain ng Diyos, ang Disposisyon ng Diyos, at ang Diyos Mismo II

Kapag hindi pa nailigtas ang mga tao, ang mga buhay nila ay madalas na ginugulo, at kinokontrol pa nga, ni Satanas. Sa madaling salita, ang mga tao na hindi pa naililigtas ay mga bilanggo ni Satanas, sila ay walang kalayaan, hindi pa sila binibitawan ni Satanas, sila ay hindi naaangkop at walang karapatan na sumamba sa Diyos, at sila ay labis na tinutugis at nilulusob nang matindi ni Satanas. Ang ganitong mga tao ay walang kaligayahan na masasabi, wala silang karapatan sa isang normal na pag-iral na masasabi, at higit pa rito, wala silang dangal na masasabi. Tanging kung ikaw ay maninindigan at makikipaglaban kay Satanas, gamit ang iyong pananampalataya at pagpapasakop sa Diyos, at takot sa Diyos, bilang iyong mga sandata na gagamitin para sa isang buhay-at-kamatayan na pakikipaglaban kay Satanas, kung saan sukdulan mong matatalo si Satanas na magiging dahilan ng pag-urong ng buntot nito at pagiging duwag sa tuwing makikita ka, upang tuluyan na nitong itigil ang mga paglusob at paratang laban sa iyo—saka ka lang maililigtas at magiging malaya. Kung ikaw ay determinadong lumaya nang lubusan mula kay Satanas, ngunit wala kang mga epektibong sandata para talunin si Satanas, ikaw ay manganganib pa rin. Sa paglipas ng panahon, kapag ikaw ay lubhang napahirapan na ni Satanas na wala nang natitirang lakas sa iyo, ngunit hindi mo pa rin magawang magpatotoo, hindi pa rin tuluyang napapalaya ang iyong sarili sa mga paratang at paglusob ni Satanas laban sa iyo, magiging maliit lamang ang pag-asa na maililigtas ka. Sa huli, kapag ipinapahayag na ang konklusyon ng gawain ng Diyos, nasa mahigpit na pagkakahawak ka pa rin ni Satanas, kung saan hindi mo magawang palayain ang iyong sarili, at dahil dito hindi ka na kailanman magkakaroon ng pagkakataon o pag-asa. Kung gayon, ang ipinapahiwatig nito ay magiging ganap na mga bihag ni Satanas ang ganitong mga tao.

—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Gawain ng Diyos, ang Disposisyon ng Diyos, at ang Diyos Mismo II

Noong unang dinanas ni Job ang kanyang mga pagsubok, kinuha sa kanya ang lahat ng kanyang ari-arian at ang lahat ng kanyang anak, subalit hindi siya nanlumo o nagsabi ng anumang kasalanan laban sa Diyos dahil dito. Napagtagumpayan niya ang mga panunukso ni Satanas, at napagtagumpayan niya ang kanyang materyal na ari-arian, mga anak, at ang pagsubok ng pagkawala ng lahat ng kanyang makamundong ari-arian, na ang ibig sabihin ay nagawa niyang magpasakop sa Diyos habang kinukuha ng Diyos ang mga bagay mula sa kanya at nagawa niyang magbigay ng pasasalamat at papuri sa Diyos dahil sa ginawa ng Diyos. Ganito ang asal ni Job sa panahon ng unang panunukso ni Satanas, at ganito rin ang patotoo ni Job sa panahon ng unang pagsubok ng Diyos. Sa ikalawang pagsubok, iniunat ni Satanas ang kamay nito upang pahirapan si Job, at kahit na naranasan ni Job ang mas matindi pang sakit kaysa sa naranasan niya noon, sapat na ang kanyang patotoo upang mamangha ang mga tao. Ginamit niya ang katatagan ng kanyang loob, pananalig, at pagpapasakop sa Diyos, pati na ang kanyang takot sa Diyos, upang muling matalo si Satanas, at muling sinang-ayunan at pinaboran ng Diyos ang kanyang asal at patotoo. Sa panahon ng panunuksong ito, ginamit ni Job ang kanyang tunay na asal upang ipahayag kay Satanas na hindi kayang baguhin ng sakit ng laman ang kanyang pananampalataya at pagpapasakop sa Diyos o alisin ang kanyang katapatan at may-takot-sa-Diyos na puso; hindi niya tatalikuran ang Diyos o isusuko ang kanyang pagiging perpekto at matuwid dahil nahaharap siya sa kamatayan. Dahil sa determinasyon ni Job ay naging duwag si Satanas, dahil sa kanyang pananampalataya ay natakot at nanginig si Satanas, dahil sa sidhi ng kanyang pakikipaglaban kay Satanas sa kanilang laban na buhay o kamatayan ang maaaring kahinatnan, nagkaroon ng malalim na galit at hinagpis si Satanas; dahil sa kanyang pagiging perpekto at matuwid ay wala nang magawa si Satanas sa kanya, kung kaya’t tinalikuran ni Satanas ang pag-atake sa kanya at binitiwan ang mga paratang nito laban kay Job sa harap ng Diyos na si Jehova. Nangahulugan ito na napagtagumpayan ni Job ang mundo, napagtagumpayan niya ang laman, napagtagumpayan niya si Satanas, at napagtagumpayan niya ang kamatayan; siya ay isang taong ganap at lubos na pag-aari ng Diyos. Sa panahon ng dalawang pagsubok na ito, naging matatag si Job sa kanyang patotoo, tunay niyang isinabuhay ang kanyang pagiging perpekto at matuwid, at pinalawak ang saklaw ng mga prinsipyo niya sa pamumuhay nang may takot sa Diyos at paglayo sa kasamaan. Matapos maranasan ang dalawang pagsubok na ito, nagkaroon si Job ng mas mayamang karanasan, at dahil sa karanasang ito, naging mas husto ang kanyang pag-iisip at mas marunong siya, naging mas malakas siya, nagkaroon ng mas matibay na paniniwala, at mas nagtiwala siya sa pagiging tama at pagiging karapat-dapat ng integridad na pinanghahawakan niya. Binigyan si Job ng pagsubok ng Diyos na si Jehova ng malalim na pagkaunawa at kamalayan sa pagmamalasakit ng Diyos sa tao, at ipinaramdam nito sa kanya ang kahalagahan ng pag-ibig ng Diyos, at magmula noon ay naidagdag ang pagsasaalang-alang at pag-ibig para sa Diyos sa kanyang takot sa Diyos. Ang mga pagsubok ng Diyos na si Jehova ay hindi lamang hindi naglayo kay Job mula sa Kanya, kundi mas naglapit ng kanyang puso sa Diyos. Nang umabot sa sukdulan ang sakit sa laman na tiniis ni Job, ang pag-aalalang nadama niya mula sa Diyos na si Jehova ay nagtulak sa kanya na wala nang mapagpilian kundi sumpain ang araw ng kanyang kapanganakan. Ang ganitong asal ay hindi matagal na pinagplanuhan, kundi isang natural na paghahayag ng pagsasaalang-alang at pag-ibig sa Diyos mula sa kaibuturan ng kanyang puso, ito ay isang likas na paghahayag na nagmula sa kanyang pagsasaalang-alang at pag-ibig sa Diyos. Ibig sabihin, dahil kinasuklaman niya ang kanyang sarili, at hindi niya nais, at hindi niya matitiis na pahirapan ang Diyos, umabot ang kanyang pagsasaalang-alang at pag-ibig sa punto na hindi na niya iniisip ang kanyang sarili. Sa oras na ito, itinaas ni Job ang kanyang matagal nang pagsamba at pananabik sa Diyos at katapatan sa Diyos sa antas ng pagsasaalang-alang at pagmamahal. Kasabay nito, itinaas din niya ang kanyang pananampalataya at pagpapasakop sa Diyos, at takot sa Diyos sa antas ng pagsasaalang-alang at pagmamahal. Hindi niya hinayaan ang kanyang sarili na gumawa ng anumang bagay na magdudulot ng pinsala sa Diyos, hindi niya pinahintulutan ang kanyang sarili na gumawa ng anumang asal na makakasakit sa Diyos, at hindi niya pinayagan ang kanyang sarili na magdala ng anumang dalamhati, pighati, o kahit na kalungkutan sa Diyos dahil sa sarili niyang mga kadahilanan. Sa paningin ng Diyos, bagama’t si Job ay ang dati pa ring Job, ang kanyang pananampalataya, pagpapasakop, at takot sa Diyos ay nagdala ng ganap na kaluguran at kasiyahan sa Diyos. Noong oras na ito, nakamit ni Job ang pagiging perpekto na inasahan ng Diyos na makakamit niya; siya ay naging isang tao na tunay ngang karapat-dapat na tawaging “perpekto at matuwid” sa paningin ng Diyos. Ang kanyang mga matuwid na gawa ang nagbigay sa kanya ng tagumpay laban kay Satanas at nagpatibay ng kanyang patotoo sa Diyos. Gayundin, ang kanyang mga matuwid na gawa ay ginawa siyang perpekto, at nagbigay-daan sa pagtaas ng halaga ng kanyang buhay at pangingibabaw nito nang higit kaysa kailanman, at naging dahilan ang mga ito upang siya ay maging ang kauna-unahang tao na hindi na kailanman aatakihin at tutuksuhin ni Satanas. Dahil si Job ay matuwid, siya ay pinaratangan at tinukso ni Satanas; dahil si Job ay matuwid, siya ay ibinigay kay Satanas; at dahil si Job ay matuwid, napagtagumpayan at tinalo niya si Satanas, at siya ay nanindigan sa kanyang patotoo. Simula noon, si Job ang naging kauna-unahang tao na hindi na kailanman muling ibibigay kay Satanas, talagang humarap siya sa trono ng Diyos at namuhay sa liwanag, sa ilalim ng mga pagpapala ng Diyos nang walang pagmamanman o paninira ni Satanas…. Siya ay naging isang tunay na tao sa paningin ng Diyos; siya ay napalaya …

—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Gawain ng Diyos, ang Disposisyon ng Diyos, at ang Diyos Mismo II

Pinagdusahan ni Job ang pamiminsala ni Satanas, ngunit hindi pa rin niya itinakwil ang pangalan ng Diyos na si Jehova. Ang kanyang asawa ang unang nagpakita at umatake kay Job sa pamamagitan ng pagganap sa katauhan ni Satanas sa paraang makikita ng tao. Inilalarawan ito sa orihinal na teksto nang ganito: “Nang magkagayo’y sinabi ng kanyang asawa sa kanya, ‘Pinananatili mo pa rin ba ang iyong integridad? Sumpain mo ang Diyos, at mamatay ka’” (Job 2:9). Ito ang mga salitang sinabi ni Satanas na nagbabalat-kayong tao. Ang mga ito ay isang pag-atake, at isang bintang, pati na rin pang-aakit, tukso, at paninirang-puri. Matapos mabigo sa pag-atake sa laman ni Job, tuluyang inatake ni Satanas ang integridad ni Job, na gustong gamitin ito upang isuko ni Job ang kanyang integridad, talikuran ang Diyos, at hindi na magpatuloy sa pamumuhay. Tulad nito, gusto ring gamitin ni Satanas ang mga salitang ito upang akitin si Job: Kung itinakwil ni Job ang pangalan ni Jehova, hindi niya kailangang pagtiisan ang ganoong paghihirap; maaari niyang mapalaya ang kanyang sarili mula sa paghihirap ng laman. Nahaharap sa payo ng kanyang asawa, pinagsabihan siya ni Job sa pagsasabing, “Ikaw ay nagsasalita na gaya ng pagsasalita ng isa sa mga hangal na babae. Ano? Tatanggap ba tayo ng mabuti sa kamay ng Diyos, at hindi tayo tatanggap ng masama?” (Job 2:10). Matagal nang alam ni Job ang mga salitang ito, ngunit pinatunayan ng pagkakataong ito ang katotohanan na alam nga ni Job ang mga ito.

Noong pinayuhan siya ng kanyang asawa na sumpain ang Diyos at mamatay na, ang ibig nitong sabihin ay: “Ganito ka tratuhin ng Diyos mo, bakit hindi mo Siya isumpa? Paano mo pa nagagawang mabuhay? Hindi patas sa iyo ang iyong Diyos, ngunit sinasabi mo pa rin na ‘purihin ang pangalan ni Jehova.’ Paano Niya nagagawang magdulot ng sakuna sa iyo samantalang pinupuri mo ang Kanyang pangalan? Magmadali ka at talikuran mo ang pangalan ng Diyos, at huwag ka nang sumunod sa Kanya. Sa ganitong paraan, matatapos ang mga problema mo.” Sa mga sandaling ito, nakita ang pagpapatotoo na ninais na makita ng Diyos kay Job. Walang karaniwang tao na makapagpapatotoo nang ganito, at hindi rin natin ito nababasa sa anumang mga kuwento sa Bibliya—ngunit nakita na ng Diyos ang mga ito bago pa man sinabi ni Job ang mga naturang mga salita. Gusto lamang gamitin ng Diyos ang pagkakataong ito upang pahintulutan si Job na patunayan sa lahat na ang Diyos ay tama. Nahaharap sa payo ng kanyang asawa, hindi lamang hindi isinuko ni Job ang kanyang integridad o kaya ay tumalikod sa Diyos, kundi sinabi rin niya sa kanyang asawa: “Tatanggap ba tayo ng mabuti sa kamay ng Diyos, at hindi tayo tatanggap ng masama?” May bigat ba ang mga salitang ito? Dito, mayroon lamang isang katotohanan na kayang magpatunay sa bigat ng mga salitang ito. Ang bigat ng mga salitang ito ay na pinagtibay ng Diyos ang mga ito sa Kanyang puso, ang mga ito ang ninais ng Diyos, ang mga ito ang ninais na marinig ng Diyos, at ang mga ito ang kalalabasang hinangad na makita ng Diyos; ang mga salitang ito rin ang pinakamahalagang bahagi ng patotoo ni Job. Dito, napatunayan ang pagiging perpekto, pagkamatuwid, pagkakaroon ng takot sa Diyos, at pag-iwas ni Job sa kasamaan. Ang kahalagahan ni Job ay nakasalalay sa kung paano, nang tuksuhin siya, at kahit noong puno ang kanyang buong katawan ng mga namamagang pigsa, noong pinagtiisan niya ang sukdulang paghihirap, at noong pinayuhan siya ng kanyang asawa at kamag-anak, nasabi pa rin niya ang ganoong mga salita. Sa madaling salita, sa kanyang puso, naniniwala siya na kahit ano pang tukso, o gaano man kabigat ang pagtitiis o paghihirap, kahit pa dumating ang kamatayan sa kanya, hindi siya tatalikod sa Diyos o tatanggi sa daan ng pagkakaroon ng takot sa Diyos at pag-iwas sa kasamaan. Samakatwid, nakikita mo na hawak ng Diyos ang pinakamahalagang lugar sa kanyang puso, at na ang Diyos lamang ang nasa kanyang puso. Dahil dito kaya mababasa natin ang mga paglalarawan sa kanya sa Kasulatan bilang: Sa lahat ng ito ay hindi nagkasala si Job sa pamamagitan ng kanyang mga labi. Siya ay hindi lamang di-nagkasala sa kanyang mga labi, kundi maging sa kanyang puso, hindi siya nagreklamo tungkol sa Diyos. Hindi siya nagsabi ng masasakit na salita tungkol sa Diyos, at hindi rin siya nagkasala laban sa Diyos. Hindi lamang basta pinagpala ng kanyang bibig ang pangalan ng Diyos, ngunit sa kanyang puso ay pinuri rin niya ang pangalan ng Diyos; ang kanyang bibig at puso ay iisa. Ito ang tunay na Job na nakita ng Diyos, at ito ang tunay na dahilan kung bakit pinahalagahan ng Diyos si Job.

—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Gawain ng Diyos, ang Disposisyon ng Diyos, at ang Diyos Mismo II

Ang pananampalataya, at pagpapasakop ni Job, at ang kanyang patotoo sa pagtatagumpay laban kay Satanas ay mapagkukunan ng malaking tulong at lakas ng loob ng mga tao. Kay Job, sila ay nakakakita ng pag-asa para sa kanilang sariling kaligtasan, at nakita nila na sa pamamagitan ng pananampalataya, at pagpapasakop at takot sa Diyos, ganap na posibleng talunin si Satanas at manaig laban kay Satanas. Nakikita nila na hangga’t hindi sila nagpapasakop sa kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos, at taglay nila ang determinasyon at pananampalataya na hindi itakwil ang Diyos matapos na mawala sa kanila ang lahat, maaari silang magdala ng kahihiyan at pagkatalo kay Satanas, at kailangan lamang nilang taglayin ang determinasyon at tiyaga upang manindigan sa kanilang patotoo—kahit na ito ay nangangahulugan ng pagkawala ng kanilang mga buhay—upang maduwag at mabilisang sumuko si Satanas. Ang patotoo ni Job ay isang babala sa mga sumusunod na henerasyon, at ang babalang ito ay nagsasabi sa kanila na kung hindi nila tatalunin si Satanas, hindi nila kailanman magagawang makawala sa mga paratang at panggugulo sa kanila ni Satanas, at hindi rin nila kailanman magagawang makatakas sa pang-aabuso at pag-aatake ni Satanas. Ang patotoo ni Job ay nagbigay ng kaliwanagan sa mga sumunod na henerasyon. Itinuturo ng kaliwanagang ito sa mga tao na kung sila ay perpekto at matuwid, saka lamang nila magagawang magkaroon ng takot sa Diyos at lumayo sa kasamaan; itinuturo nito sa kanila na kapag sila ay may takot sa Diyos at lumalayo sa kasamaan, saka lamang nila makakayanang magkaroon ng malakas at tumataginting na patotoo sa Diyos; kapag sila ay may malakas at umuugong na patotoo sa Diyos, saka lamang sila kailanman hindi na mapamamahalaan ni Satanas at mabubuhay sa ilalim ng paggabay at pag-iingat ng Diyos—at doon lamang sila tunay na nailigtas. Ang personalidad ni Job at ang ginawa niya sa kanyang buhay ay dapat tularan ng lahat ng nagnanais ng kaligtasan. Ang kanyang isinabuhay sa kanyang buong buhay at ang kanyang asal sa panahon ng kanyang mga pagsubok ay isang mahalagang kayamanan para sa lahat ng sumusunod sa daan ng pagkakaroon ng takot sa Diyos at paglayo sa kasamaan.

—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Gawain ng Diyos, ang Disposisyon ng Diyos, at ang Diyos Mismo II

Si Pedro ay tapat sa Akin sa loob ng maraming taon, subalit hindi siya bumulung-bulong ni nagreklamo kailanman; kahit si Job ay hindi niya kapantay at, sa nagdaang mga kapanahunan, lahat ng banal ay hindi nakapantay kay Pedro. Hindi lamang niya hinangad na makilala Ako, kundi nakilala rin niya Ako sa isang panahon kung kailan isinasakatuparan ni Satanas ang mapanlinlang na mga pakana nito. Humantong ito sa paglilingkod ni Pedro sa Akin sa loob ng maraming taon, na laging nakaayon sa Aking mga layunin, at dahil dito, hindi siya napagsamantalahan ni Satanas kailanman. Natuto si Pedro mula sa pananampalataya ni Job, subalit malinaw niya ring nahiwatigan ang mga pagkukulang ni Job. Bagama’t naging matindi ang pananampalataya ni Job, wala siyang kaalaman tungkol sa mga bagay sa espirituwal na dako, kaya marami siyang sinabing mga salita na hindi tugma sa realidad; nagpapakita ito na ang kaalaman ni Job ay mababaw pa at hindi maaaring maging gawing perpekto. Samakatuwid, palaging nagtuon si Pedro sa pagtatamo ng diwa ng espiritu, at laging nakatuon sa pagmamasid sa mga kalakaran ng espirituwal na dako. Dahil dito, hindi lamang niya natiyak ang isang bagay sa Aking layunin, kundi nagkaroon din ng kaunting kaalaman tungkol sa mapanlinlang na mga pakana ni Satanas. Dahil dito, mas dumami pa ang kanyang kaalaman tungkol sa Akin kaysa kaninuman sa pagdaan ng mga kapanahunan.

Mula sa karanasan ni Pedro, hindi mahirap makita na kung nais Akong makilala ng mga tao, kailangan silang magsaaalang-alang nang husto sa loob ng kanilang espiritu. Hindi Ko hinihiling na ipakita mo na “naglalaan” ka ng ilang bahagi sa Akin; hindi ito gaanong mahalaga. Kung hindi mo Ako kilala, lahat ng pananampalataya, pagmamahal, at katapatang binabanggit mo ay mga ilusyon lamang; bula ang mga ito, at tiyak na magiging isa kang tao na labis na naghahambog sa Aking harapan ngunit hindi kilala ang kanyang sarili. Sa gayon, minsan ka pang mabibitag ni Satanas at hindi ka makakawala; magiging isa kang anak ng kapahamakan at isang pakay ng pagwasak. Gayunman, kung nanlalamig ka at wala kang pakialam sa Aking mga salita, walang dudang kontra ka sa Akin. Ito ay totoo, at makabubuting tumingin ka sa pasukan ng espirituwal na dako sa marami at iba-ibang espiritung nakastigo Ko. Sino sa kanila, na naharap, hindi negatibo, walang malasakit, at ayaw tumanggap sa Aking mga salita? Sino sa kanila ang hindi mapangutya sa Aking mga salita? Sino sa kanila ang hindi sumubok na maghanap ng mali sa Aking mga salita? Sino sa kanila ang hindi gumamit ng Aking mga salita bilang “mga sandatang pananggalang” para “protektahan” ang sarili nila? Hindi nila ginamit ang nilalaman ng Aking mga salita bilang isang paraan para makilala Ako, kundi para paglaruan lamang. Dahil dito, hindi ba nila Ako direktang nilalabanan? Sino ang Aking mga salita? Sino ang Aking Espiritu? Napakaraming beses Ko nang naitanong sa inyo ang gayong mga bagay, subalit nagkaroon na ba kayo ng mas mataas at malinaw na mga kabatiran tungkol sa mga ito? Talaga bang naranasan na ninyo ang mga ito? Minsan Ko pa kayong pinapaalalahanan: Kung hindi ninyo alam ang Aking mga salita, ni hindi ninyo tinatanggap ang mga ito, ni hindi ninyo isinasagawa ang mga ito, siguradong magiging mga pakay kayo ng Aking pagkastigo! Siguradong magiging mga biktima kayo ni Satanas!

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Salita ng Diyos sa Buong Sansinukob, Kabanata 8

Nang sabihin ng Diyos, “Ang kalagayan ng digmaan sa espirituwal na dako ay ginagawang malinaw nang tuwiran sa lahat ng Aking tao,” ang ibig Niyang sabihin ay kapag pumasok ang mga tao sa tamang landas at nagsimulang makilala ang Diyos, hindi lamang tinutukso ni Satanas ang kalooban ng bawat tao, kundi maaari din silang matukso ni Satanas sa iglesia mismo. Gayunman, ito ang landas na kailangang tahakin ng lahat, kaya hindi kailangang mangamba ang sinuman. Maaaring dumating ang panunukso ni Satanas sa iba-ibang anyo. Maaaring kaligtaan o talikuran ng isang tao ang sinasabi ng Diyos, at maaari siyang magsalita ng mga negatibong bagay para pawiin ang pagiging positibo ng ibang mga tao; gayunman, karaniwan ay hindi nakukumbinsi ng taong iyon ang ibang mga tao na pumanig sa kanila. Mahirap itong mahiwatigan. Ang pangunahing dahilan nito ay: Maaaring aktibo pa ring dumadalo sa mga pagtitipon ang taong iyon, ngunit hindi malinaw sa kanya ang mga pangitain. Kung hindi mag-iingat ang iglesia laban sa kanila, maaaring matangay ng kanilang pagkanegatibo ang buong iglesia para manlamig sila sa Diyos, at sa gayon ay hindi nila bigyang-pansin ang mga salita ng Diyos—at mangangahulugan ito na tuluyan silang mahuhulog sa tukso ni Satanas. Maaaring hindi tuwirang lumalaban ang taong iyon sa Diyos, ngunit dahil hindi niya maarok ang mga salita ng Diyos at hindi kilala ang Diyos, maaari pa siyang magreklamo o magkaroon ng sama ng loob. Maaari niyang sabihin na tinalikuran na siya ng Diyos at sa gayon ay wala siyang kakayahang tumanggap ng kaliwanagan at pagtanglaw. Maaari niyang naising umalis, ngunit medyo takot siya, at maaari niyang sabihin na hindi nagmumula sa Diyos ang gawain ng Diyos kundi sa halip ay gawain iyon ng masasamang espiritu.

Bakit napakadalas banggitin ng Diyos si Pedro? At bakit Niya sinasabi na kahit si Job ay malayong makapantay sa kanya? Sa pagsasabi ng gayon, hindi lamang bibigyang-pansin ng mga tao ang mga gawa ni Pedro, kundi isasantabi rin nila ang lahat ng halimbawang nasa kanilang puso, dahil maging ang halimbawa ni Job—na may pinakamalaking pananampalataya—ay hindi maaari. Sa ganitong paraan lamang maaaring magkamit ng mas magandang resulta, kung saan nagagawang isantabi ng mga tao ang lahat sa pagsisikap na gayahin si Pedro, at, sa paggawa nito, mapapalapit sila nang isang hakbang sa kanilang kaalaman tungkol sa Diyos. Ipinapakita ng Diyos sa mga tao ang landas ng pagsasagawang tinahak ni Pedro para makilala ang Diyos, at ang layuning gawin iyon ay para bigyan ng batayan ang mga tao. Pagkatapos ay nagpapatuloy ang Diyos na hulaan ang isa sa mga paraan na tutuksuhin ni Satanas ang mga tao nang sabihin Niyang, “Gayunman, kung nanlalamig ka at wala kang pakialam sa Aking mga salita, walang dudang kontra ka sa Akin. Ito ay totoo.” Sa mga salitang ito, hinuhulaan ng Diyos ang mga tusong pakanang susubuking gamitin ni Satanas; babala ang mga ito. Hindi posibleng mawalan ng pakialam ang lahat sa mga salita ng Diyos, subalit magkagayunman, may ilang taong mabibihag ng tuksong ito. Samakatuwid, sa huli, muling binibigyang-diin ng Diyos, “Kung hindi ninyo alam ang Aking mga salita, ni hindi ninyo tinatanggap ang mga ito, ni hindi ninyo isinasagawa ang mga ito, siguradong magiging mga pakay kayo ng Aking pagkastigo! Siguradong magiging mga biktima kayo ni Satanas!” Ito ang payo ng Diyos sa sangkatauhan—subalit sa huli, tulad ng hula ng Diyos, hindi maiiwasang maging biktima ni Satanas ang isang bahagi ng mga tao.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pakahulugan sa mga Hiwaga ng “Mga Salita ng Diyos sa Buong Sansinukob”, Kabanata 8

Mateo 4:8–11 Muli Siyang dinala ng diyablo sa isang bundok na lubhang mataas, at ipinamalas sa Kanya ang lahat ng mga kaharian sa sanlibutan, at ang kaluwalhatian nila; At sinabi nito sa Kanya, “Lahat ng mga bagay na ito ay ibibigay ko sa Iyo, kung Ikaw ay magpapatirapa at sasambahin Mo ako.” Nang magkagayo’y sinabi sa kanya ni Jesus, “Humayo ka, Satanas: sapagkat nasusulat, ‘Sa Panginoon mong Diyos sasamba ka, at Siya lamang ang iyong paglilingkuran.’” Nang magkagayo’y iniwan Siya ng diyablo; at narito, nagsidating ang mga anghel at Siya’y pinaglingkuran.

Ang diyablong si Satanas, na nabigo sa dalawang nakalipas na panlilinlang nito, ay sumubok na muli: Ipinakita nito ang lahat ng kaharian sa mundo at ang kaluwalhatian ng mga ito sa Panginoong Jesus at hinilingan Siyang sambahin ito. Ano ang nakikita mo sa mga tunay na katangian ng diyablo mula sa sitwasyong ito? Hindi ba tunay na walang kahihiyan ang diyablong si Satanas? (Oo.) Paano ito naging walang kahihiyan? Ang lahat ay nilikha ng Diyos, ngunit binaliktad ito ni Satanas at ipinapakita ang lahat ng bagay sa Diyos habang sinasabi ito, “Tingnan mo ang kayamanan at kaluwalhatian ng lahat ng kahariang ito. Lahat ng ito ay ibibigay ko sa Iyo kung sasambahin Mo ako.” Hindi ba ito isang lubos na pagpapalitan ng papel? Hindi ba’t walang kahihiyan si Satanas? Nilikha ng Diyos ang lahat ng bagay, ngunit para ba iyon sa Kanyang sariling kasiyahan? Ibinigay ng Diyos ang lahat sa sangkatauhan, ngunit lahat ng ito ay gustong kunin ni Satanas at pagkakuha rito ay sinabi nito sa Diyos, “Sambahin Mo ako! Sambahin Mo ako at ibibigay ko sa Iyo ang lahat ng ito.” Ito ang pangit na mukha ni Satanas; ito ay tunay na walang kahihiyan! Hindi nga alam ni Satanas ang kahulugan ng salitang “kahihiyan.” Ito ay isa pang halimbawa ng kabuktutan nito. Hindi man lang nito alam kung ano ang kahihiyan. Malinaw na alam ni Satanas na ang lahat ay nilikha ng Diyos at Siya ang namamahala nito at may kapangyarihan sa lahat ng bagay. Ang lahat ay pag-aari ng Diyos, hindi ng tao, at lalong hindi kay Satanas, ngunit si Satanas na diyablo ay walang kahihiyan na sinabing ibibigay nito ang lahat sa Diyos. Hindi ba ito isa pang halimbawa na muling kumikilos si Satanas sa paraang kakatwa at walang kahihiyan? Lalong kinamumuhian ng Diyos si Satanas dahil dito, hindi ba? Ngunit anuman ang subukang gawin ni Satanas, nalinlang ba ang Panginoong Jesus? Ano ang sinabi ng Panginoong Jesus? (“Sa Panginoon mong Diyos sasamba ka, at Siya lamang ang iyong paglilingkuran.”) Mayroon bang praktikal na kahulugan ang mga salitang ito? (Oo.) Anong uri ng praktikal na kahulugan? Nakikita natin ang kabuktutan at kawalang kahihiyan ni Satanas sa pagsasalita nito. Kaya kung sinamba ng tao si Satanas, ano kaya ang magiging kahihinatnan? Makakatanggap kaya sila ng kayamanan at kaluwalhatian ng lahat ng kaharian? (Hindi.) Ano ang kanilang matatanggap? Magiging kasing walang kahihiyan at kasing katawa-tawa ba sila gaya ni Satanas? (Oo.) Wala silang ipagkakaiba kung gayon kay Satanas. Kaya naman, sinabi ng Panginoong Jesus ang mga salitang ito na mahalaga para sa bawat tao: “Sa Panginoon mong Diyos sasamba ka, at Siya lamang ang iyong paglilingkuran.” Nangangahulugan ito na maliban sa Panginoon, maliban sa Diyos Mismo, kung maglilingkod ka sa iba pa, kung sasambahin mo si Satanas na diyablo, kung gayon ay malulublob ka sa parehong karumihan gaya ng kay Satanas. Makikibahagi ka kung gayon sa kawalang kahihiyan at kabuktutan ni Satanas, at kagaya lamang ni Satanas, tutuksuhin at sasalakayin mo ang Diyos. Kung gayon, ano ang iyong magiging kahihinatnan? Ikaw ay kamumuhian ng Diyos, pababagsakin ng Diyos, at wawasakin ng Diyos. Matapos mabigong tuksuhin ni Satanas ang Panginoong Jesus nang ilang beses, sumubok ba ito ulit? Hindi na sumubok ulit si Satanas at umalis na ito. Ano ang pinatutunayan nito? Pinatutunayan nito ang buktot na kalikasan ni Satanas, ang malisya nito, at ang pagiging kakatwa at kabaliwan nito ay hindi karapat-dapat na banggitin pa sa harap ng Diyos. Tinalo ng Panginoong Jesus si Satanas sa pamamagitan lamang ng tatlong pangungusap, matapos nito ay umalis ito na bahag ang buntot sa pagitan ng mga binti nito, labis na nahihiyang ipakita ang mukha nito, at hindi na kailanman nito muling tinukso ang Panginoong Jesus. Dahil napagtagumpayan na ng Panginoong Jesus ang panunuksong ito ni Satanas, madali na Niyang maipagpapatuloy ang gawain na kinailangan Niyang gawin at isagawa ang mga tungkuling nakaatang sa Kanya. Ang lahat ba ng ginawa at sinabi ng Panginoong Jesus sa sitwasyong ito ay nagtataglay ng anumang praktikal na kahulugan para sa bawat tao kung ito ay isinasabuhay ngayon? (Oo.) Anong uri ng praktikal na kahulugan? Ang pagtalo ba kay Satanas ay madaling gawin? Dapat bang magkaroon ang mga tao ng malinaw na pagkaunawa sa buktot na kalikasan ni Satanas? Dapat bang magkaroon ang mga tao ng tiyak na pagkaunawa sa mga panunukso ni Satanas? (Oo.) Kapag naranasan mo ang mga panunukso ni Satanas sa iyong sariling buhay, at kung nakita mo ang buktot na kalikasan ni Satanas, hindi mo ba ito makakayanang talunin? Kung alam mo ang pagiging kakatwa at hibang ni Satanas, mananatili ka pa rin ba sa panig ni Satanas at sasalakayin ang Diyos? Kung nauunawaan mo kung paano nabubunyag sa pamamagitan mo ang malisya at kawalang kahihiyan ni Satanas—kung malinaw mong nakikilala at nalalaman ang mga bagay na ito—tutuligsain at tutuksuhin mo pa rin ba ang Diyos sa ganitong paraan? (Hindi, hindi namin gagawin.) Ano ang inyong gagawin? (Maghihimagsik kami laban kay Satanas at isasantabi ito.) Iyon ba ay isang bagay na madaling gawin? Hindi ito madali. Para magawa ito, dapat ay magdasal ang mga tao nang madalas, dapat nilang ilagay nang madalas ang kanilang mga sarili sa harapan ng Diyos at suriin ang kanilang mga sarili. At dapat nilang hayaang dumapo sa kanila ang pagdidisiplina ng Diyos at ang Kanyang paghatol at pagkastigo. Sa ganitong paraan lamang dahan-dahang maiaalis ng mga tao ang kanilang mga sarili mula sa panlilihis at pagkontrol ni Satanas.

—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi V

Sa kasalukuyan, marami bang tukso para sa mga taong namumuhay sa lipunang ito? Pinapalibutan ka ng mga tukso mula sa lahat ng panig, lahat ng uri ng masasamang agos, lahat ng uri ng diskurso, lahat ng uri ng kaisipan at pananaw, lahat ng uri ng panlilihis at pang-aakit mula sa lahat ng uri ng tao, lahat ng uri ng mala-demonyong mukha na isinusuot ng lahat ng uri ng tao. Ang lahat ng ito ay mga tuksong kinakaharap mo. Halimbawa, maaaring ginagawan ka ng pabor ng mga tao, pinapayaman ka, nakikipagkaibigan sa iyo, nakikipagtagpo sa iyo, binibigyan ka ng pera, binibigyan ka ng trabaho, inaanyayahan kang sumayaw, sumisipsip sa iyo, o binibigyan ka ng mga regalo. Ang lahat ng bagay na ito ay posibleng mga tukso. Kung hindi nagiging maayos ang mga bagay-bagay, mahuhulog ka sa bitag. Kung hindi nasasangkapan ang kalooban mo ng ilang katotohanan at wala kang anumang tunay na tayog, hindi mo makikita ang totoong katangian ng mga bagay na ito, at magiging mga bitag at tukso ang mga ito para sa iyo. Sa isang banda, kung hindi mo taglay ang katotohanan, hindi mo makikilatis ang mga panlalansi ni Satanas, at hindi mo makikita ang mga satanikong mukha ng iba’t ibang uri ng tao. Hindi mo madadaig si Satanas, hindi ka makapaghihimagsik laban sa laman, at hindi ka magkakaroon ng pagpapasakop sa Diyos. Sa kabilang banda naman, sa kawalan ng katotohanang realidad, hindi mo magagawang labanan ang lahat ng iba’t ibang masamang agos, masamang pananaw, at kakatwang kaisipan at kasabihan. Kapag nahaharap sa mga ito, ito ay magiging parang isang biglaang lamig. Marahil ay magkakaroon ka lang ng simpleng sipon, o maaaring magkasakit ka nang mas malubha—maaari ka pa ngang dumanas ng cold stroke[a] na posibleng nakamamatay. Baka tuluyang mawala ang pananalig mo. Kung wala kang katotohanan, malilito at maguguluhan ka na sa ilang salita pa lamang ng mga Satanas at ng mga diyablo ng mundo ng mga walang pananampalataya. Kukuwestiyunin mo kung dapat kang manampalataya sa Diyos o hindi at kung tama ba ang gayong pananampalataya. Maaaring, sa pagtitipon ngayon, nasa mabuting kalagayan ka, pero bukas, uuwi ka at manonood ng dalawang episode ng isang palabas sa telebisyon. Nalihis ka na. Sa gabi, nakakalimutan mong magdasal bago matulog, at ang isipan mo ay puno ng kuwento ng naturang palabas sa telebisyon. Kung patuloy kang manonood ng telebisyon sa loob ng dalawang araw, malayo na sa Diyos ang puso mo. Ayaw mo nang basahin ang salita ng Diyos o ibahagi ang tungkol sa katotohanan. Ni ayaw mo nang magdasal sa Diyos. Sa puso mo, palagi mong sinasabi, “Kailan ba ako makagagawa ng isang bagay? Kailan ko masisimulan ang isang mahalagang layon? Hindi maaaring maging walang saysay ang buhay ko!” Pagbabago ba iyon ng saloobin? Noong una, gusto mong mas maunawaan ang katotohanan para maipalaganap mo ang ebanghelyo at makapagpatotoo ka para sa Diyos. Bakit nagbago ka na ngayon? Sa pamamagitan lamang ng panonood ng mga pelikula at programa sa telebisyon, tinutulutan mo si Satanas na maimpluwensiyahan ang puso mo. Talagang mababa nga ang tayog mo. Sa tingin mo ba ay mayroon kang tayog para labanan ang masasamang agos na ito? Ngayon, nagpapakita ng kabutihan sa iyo ang Diyos at dinadala ka Niya sa Kanyang sambahayan para magampanan mo ang iyong tungkulin. Huwag mong kalimutan ang tayog mo. Sa kasalukuyan, isa kang bulaklak sa punlaan, hindi makayanan ang hangin at ulan sa labas. Kung hindi makikilala at makakayanan ng mga tao ang mga tuksong ito, maaari silang bihagin ni Satanas anumang oras, sa anumang lugar. Ganoon ang mababang tayog at kahabag-habag na kalagayan ng tao. Sapagkat hindi ka nagtataglay ng katotohanang realidad at wala kang pagkaunawa sa katotohanan, ang lahat ng salita ni Satanas ay parang lason sa iyo. Kung pakikinggan mo ang mga ito, makukulong ang mga ito sa loob ng puso mo at hindi ito maaalis. Sa puso mo, sinasabi mo, “Tatakpan ko ang aking mga tainga at isasara ang aking mga mata,” pero hindi mo matatakasan ang panunukso ni Satanas. Hindi ka namumuhay nang hiwalay sa impluwensiya ng iba. Kung naririnig mo ang mga salita ni Satanas, hindi mo magagawang tumutol. Mahuhulog ka sa bitag. Walang magiging silbi ang iyong mga panalangin at pagsumpa sa sarili. Hindi mo kayang tumutol. Ang gayong mga bagay ay nakakaimpluwensiya sa iyong mga kaisipan at kilos. Mahahadlangan nito ang landas ng iyong paghahangad sa katotohanan. Maaari ka pa ngang kontrolin ng mga ito, pigilan ka sa paggugol ng iyong sarili para sa Diyos, gawin kang negatibo at mahina, at ilayo ka sa Diyos. Sa huli, ikaw ay magiging walang halaga at mawawalan ng lahat ng pag-asa.

—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Sa Madalas na Pagbabasa Lamang ng mga Salita ng Diyos at Pagninilay sa Katotohanan Magkakaroon ng Daan Pasulong

Talababa:

a. Cold stroke, isang terminong ginagamit sa tradisyonal na Chinese medicine na tumutukoy sa malubha, nakamamatay na lamig sa loob ng katawan dulot ng mga panlabas na elemento.


Ang pagtanggap at pagsunod kay Cristo sa anumang bansa ay may kaakibat na kaunting pag-uusig at kapighatian. Kailangan mong laging kumilos nang may pag-iingat at manalangin at bumaling sa Diyos, at dapat mayroon ka ring karunungan at katalinuhan. Anumang bansa at kapaligirang panlipunan ang kinaroroonan mo, ang lahat ng ito ay mayroong isang akmang kapaligirang inilatag at inihanda ng Diyos para sa iyo. Nakadepende ang lahat sa kung hinahangad ba ng isang tao o hindi ang katotohanan. Nagdadala ng mga tukso sa mga tao ang isang komportableng kapaligiran, habang ang pag-uusig sa pamamagitan ng pagpapahirap ay nagdadala rin ng mga tukso at pagsubok. May mga pagsubok ba sa isang komportableng kapaligiran kung gayon? Mayroon ding mga pagsubok ng Diyos. Isinaayos ng Diyos ang komportableng kapaligirang ito para sa iyo, at ang lahat ay nakadepende sa kung paano mo ito daranasin—kung ikaw ba ay ganap na mabibitag ng mga pain ni Satanas at ng tukso ni Satanas, o kung magagawa mo ba itong mapagtagumpayan sa lahat ng bagay at kung magagawa mo bang magpatotoo tungkol sa Diyos, nang pinanghahawakan mo ang iyong katapatan at tungkulin. Ang lahat ng ito ay nakadepende sa kung paano mo ito daranasin at sa mga pagpili mong gagawin. Ang mga kapatid sa mainland Tsina ay medyo mas mahirap ang kapaligiran, at binigyan sila ng Diyos ng mas mabigat na pasanin at naglatag Siya para sa kanila ng isang kapaligiran na medyo mas marahas, ngunit mas marami rin Siyang ibinigay sa kanila. Habang mas mahirap ang kapaligiran at mas malaki ang mga pagsubok na inilalatag ng Diyos, mas maraming nakakamit ang mga tao. Ngunit sa isang komportableng kapaligiran, nakakaranas din ang mga tao ng mga tukso at pagsubok sa lahat ng dako, at marami ring ibinigay ang Diyos sa iyo. Kung kaya mong mapagtagumpayan ang tukso sa tuwing mahaharap ka rito, hindi mas kaunti ang makakamit mo kaysa sa mga kapatid mo na nakararanas ng pag-uusig sa pamamagitan ng pagpapahirap. Kailangan din ng paghahangad sa katotohanan at pagkakaroon ng tayog upang mapagtagumpayan ito. Halimbawa, ang mga bagay na gaya ng pagiging kasama ang pamilya mo, pagkain at pag-inom nang maayos, libangan at kaaliwan, at ilang mga kalakaran sa lipunan na umaaliw sa laman at nagdudulot ng kasamaan ay mga tuksong lahat para sa iyo. Kapag nahaharap ka sa mga tuksong ito, hindi lamang kukunin ng mga ito ang atensyon mo, kundi guguluhin at aakitin ka pa ng mga ito. Kapag sinusunod mo ang mga makamundong bagay at kalakaran, iyan ang panahon na ang mga tukso ni Satanas, o maaari ding sabihin ng isang tao na mga pagsubok ng Diyos, ay lilitaw. Kakailanganin mong piliin kung paano ka tutugon sa mga tukso at pagsubok na ito, at ito ang oras na sinusubok ng Diyos ang mga tao at ipinakikita kung sino talaga sila. Ito ang panahon na ang mga sinabi ng Diyos sa iyo at ang mga katotohanang naunawaan mo ay dapat na magkaroon ng bisa. Kung ikaw ay isang taong naghahangad sa katotohanan at mayroon kang tunay na pananampalataya sa Diyos sa puso mo, magagawa mong mapagtagumpayan ang mga tuksong ito at makapanindigan at makapagpatotoo tungkol sa Diyos sa mga pagsubok na inilatag Niya para sa iyo. Kung sa halip na mahalin ang katotohanan ay minamahal mo ang mundo, minamahal mo ang mga kalakaran, minamahal mo ang pananabik sa kaaliwan at pagbibigay ng kasiyahan sa iyong laman, at minamahal mo ang isang buhay na walang saysay, susundin mo ang mga makamundong bagay na ito. Makakaramdam ka ng paghanga sa mga bagay na ito at maaakit ka at magiging pag-aari ka ng mga ito. Paunti-unti, mawawalan ng interes ang puso mo sa pananalig sa Diyos, magiging tutol ka sa katotohanan, at pagkatapos, sa gitna ng tukso, aagawin ka ni Satanas. Sa pagsubok na gaya nito, mawawala ang iyong patotoo. Maraming tao ang nakapakinig na ng maraming sermon at gumaganap ng kanilang mga tungkulin ngunit nakakaramdam pa rin sila ng kawalang-kabuluhan sa kanilang kalooban. Gustong-gusto pa rin nilang sundan ang mga artista at sikat na tao, sumabay sa mga uso, manood ng mga programang pangkasiyahan sa telebisyon, at manood pa nga ng maraming palabas buong gabi hanggang sa puntong sa gabi na sila gising. Naglalaro pa nga ng mga video game ang ilang kabataan. Sa kabuuan, hindi sila nagdadalawang-isip na gumastos ng kahit anong halaga at hangaring gaya ng isang panatiko ang mga usong bagay na ito. At bakit nila ito ginagawa? Ito ay dahil hindi nila nakamit ang katotohanan. May partikular na pakiramdam ang mga taong hindi nagkamit ng katotohanan, na tila ba walang malaking pagkakaiba sa pagitan ng pananalig sa Diyos at ng hindi pananalig sa Kanya. Nararamdaman pa rin nila ang kawalang-kabuluhan sa kanilang puso at na walang saysay ang kanilang buhay. Kung sumusunod sila sa mga kalakaran, nararamdaman nilang mas nasisiyahan sila, na medyo mas makulay ang buhay nila, at na medyo mas masaya sila sa bawat araw. Kung nananalig sila sa Diyos at hindi sila sumusunod sa mga kalakaran, nararamdaman pa rin nilang ang buhay ay walang kabuluhan at walang saysay. Ito ay dahil hindi nila minamahal ang katotohanan. Kampante mo ring masasabi na hindi nauunawaan ng mga taong ito ang katotohanan kahit kaunti at wala sa kanila ang katotohanang realidad, at samakatuwid ay hindi nila kayang mabuhay nang hindi sumusunod sa mga kalakaran. Hindi kailanman hinangad ng ilang tao ang katotohanan at hindi sila panatag kahit kapag ginagampanan nila ang kanilang mga tungkulin. Hindi sila makapanindigan kapag nahaharap sila sa mga tukso, at sa huli ay kailangan nilang umatras. Ang ilang tao ay talagang masigasig at desidido kapag sinisimulan nilang gampanan ang kanilang mga tungkulin, ngunit tumitigil sila sa pagnanais na gampanan ang mga ito kapag nahaharap sila sa mga tukso, nagiging pabasta-basta sila at walang debosyon. Walang patotoo rito. Kung kaya nilang bitiwan ang kanilang mga tungkulin sa oras na maharap sila sa mga tukso at piliin ang anumang maibigan nila, wala silang patotoo. Kung darating ang isa pang tukso, maaari nilang itatwa ang Diyos at naising sundan ang mga makamundong kalakaran at iwan ang iglesia. O kapag dumarating ang isa pang tukso, nagsisimula silang mag-alinlangan sa Diyos at hindi nga sila sigurado kung Siya ay umiiral, at naniniwala pa nga sila na sila ay nagmula sa mga unggoy. Ang mga taong ito ay ganap nang naagaw ni Satanas. Dahil nadaig sila ng lahat ng tuksong ito, hindi sila nananalangin sa Diyos o naghahanap sa katotohanan. Iniisip lamang nila ang kapalaran ng kanilang laman, at bilang resulta ay bigo silang panindigan ang kanilang patotoo. Paunti-unti, sila ay hinahatak ni Satanas papunta sa impiyerno at sa kalaliman ng kamatayan. Ibinigay na ng Diyos kay Satanas ang taong ito, at wala na itong anumang pagkakataon na maligtas. Sabihin mo sa Akin, hindi ba mahalaga ang paghahangad sa katotohanan? (Mahalaga ito.) Napakahalaga ng katotohanan. Ano ang magagawa ng katotohanan? Kahit papaano, matutulungan ka nitong mahalata ang mga pakana ni Satanas kapag nahaharap ka sa tukso, na malaman kung ano ang dapat mong gawin at ang hindi mo dapat gawin, at kung ano ang dapat mong piliin. Kahit papaano ay ipapaalam nito sa iyo ang mga bagay na ito. Ang pinakamahalagang bagay ay tutulungan ka ng katotohanan na makapanindigan sa tukso. Magagawa mong makapanindigan, nang matatag at hindi natitinag, habang pinanghahawakan mo ang tungkuling ibinigay ng Diyos sa iyo, nagiging matapat ka sa tungkuling ito, at kaya mong tanggihan si Satanas. Mapaninindigan mo ang iyong patotoo sa gitna ng mga pagsubok gaya ng ginawa ni Job. Ito ang dapat na makamit ng mga tao kahit papaano man lang.

—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi

Sa lupa, lahat ng uri ng masasamang espiritu ay walang-tigil sa paggala sa paghahanap ng mapagpapahingahan, at walang-hinto sa paghahanap ng mga bangkay ng mga tao na maaaring lamunin. Aking mga tao! Kailangan kayong manatili sa loob ng Aking pangangalaga at proteksyon. Huwag magpakasama kailanman! Huwag kumilos nang walang-ingat kailanman! Dapat mong ialay ang iyong katapatan sa Aking sambahayan, at sa katapatan mo lamang malalabanan ang panlalansi ng mga diyablo. Anuman ang mangyari, hindi ka dapat kumilos na tulad noong araw, na gumagawa ng isang bagay sa Aking harapan at ng iba naman sa Aking likuran; kung kikilos ka sa ganitong paraan, hindi ka na puwedeng matubos. Hindi ba higit pa sa sapat ang nabigkas Kong mga salita na tulad ng mga ito? Ito ay dahil mismo sa hindi maitama ang dating likas na pagkatao ng sangkatauhan kaya kinailangan Kong paulit-ulit na paalalahanan ang mga tao. Huwag mainip! Lahat ng sinasabi Ko ay alang-alang sa pagtiyak ng inyong tadhana! Isang mabaho at maruming lugar ang kailangan mismo ni Satanas; kapag mas hindi na kayo matutubos pa at mas nagpakasama kayo, at ayaw ninyong magpasaway, mas magkakaroon ng pagkakataon ang maruruming espiritung iyon na pasukin kayo. Kung nakarating na kayo sa puntong ito, ang inyong katapatan ay magiging walang-kabuluhang satsat lamang, walang anumang realidad, at lalamunin ng maruruming espiritu ang inyong matibay na pagpapasiya at papalitan ito ng pagrerebelde at mga pakana ni Satanas na gagamitin upang gambalain ang Aking gawain. Mula roon, maaari Ko kayong hampasin anumang oras. Walang sinumang nakakaunawa sa bigat ng sitwasyong ito; talagang nagbibingi-bingihan lamang ang mga tao sa naririnig nila, at hindi man lamang sila nag-iingat. Hindi Ko naaalala ang ginawa noong araw; talaga bang naghihintay ka pa ring maging maluwag Ako sa iyo sa pamamagitan ng minsan pang “paglimot”? Bagama’t tinutulan na Ako ng mga tao, hindi Ko sila sisisihin, sapagkat napakaliit ng kanilang tayog, kaya nga hindi Ako gumagawa ng napakatataas na kahilingan sa kanila. Ang tanging hinihiling Ko ay huwag silang magpakasama, at na magpasakop sila sa pagsaway. Siguradong hindi ito lampas sa inyong kakayahang tumugon sa isang kundisyong ito, hindi ba?

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Salita ng Diyos sa Buong Sansinukob, Kabanata 10

Sa bawat hakbang ng gawaing ginagawa ng Diyos sa mga tao, sa panlabas ay mukha itong pag-uugnayan sa pagitan ng mga tao, na para bang mula sa pagsasaayos ng tao, o mula sa panggugulo ng tao. Ngunit sa likod ng mga eksena, ang bawat hakbang ng gawain, at lahat ng nangyayari, ay isang pustahan na ginawa ni Satanas sa harap ng Diyos, at hinihingi sa mga tao na manindigan sa kanilang patotoo sa Diyos. Gaya nang si Job ay sinubukan, halimbawa: Sa likod ng mga eksena, hinahamon ni Satanas ang Diyos, at ang nangyari kay Job ay mga gawa ng tao, at ang panggugulo ng mga tao. Sa likod ng bawat hakbang ng gawaing ginagawa ng Diyos sa inyo ay ang pakikipagpustahan ni Satanas sa Diyos—sa likod ng lahat ng ito ay isang labanan. Halimbawa, kung ikaw ay may pagkiling tungo sa iyong mga kapatid, magkakaroon ka ng mga salita na nais mong sabihin—mga salita na sa pakiramdam mo ay maaaring hindi ikatuwa ng Diyos—ngunit kung hindi mo sasabihin ang mga ito, makararamdam ka ng paghihirap sa kalooban mo, at sa sandaling ito, magsisimula ang isang paglalaban sa kalooban mo: “Magsasalita ba ako o hindi?” Ito ang paglalaban. Kaya, sa lahat ng bagay na makatagpo mo ay may labanan, at kapag may labanan sa iyong kalooban, dahil sa iyong aktwal na kooperasyon at aktwal na pagdurusa, gumagawa ang Diyos sa iyong kalooban. Sa huli, nagagawa mong isantabi sa kalooban mo ang pangyayari at ang galit ay likas na nawawala. Ganito ang epekto ng iyong pakikipagtulungan sa Diyos. Kailangan ng mga taong magbayad ng isang tiyak na halaga sa kanilang mga pagsisikap sa lahat ng kanilang ginagawa. Kung walang aktwal na paghihirap, hindi nila mabibigyang-kasiyahan ang Diyos, hindi man lamang sila kalapitan sa pagbibigay-kasiyahan sa Diyos, at nagbubuga lamang sila ng mga hungkag na kasabihan! Mabibigyang-kasiyahan ba ng mga hungkag na kasabihang ito ang Diyos? Kapag naglalaban sa espirituwal na dako ang Diyos at si Satanas, paano mo dapat bigyang-kasiyahan ang Diyos, at paano ka dapat manindigan sa iyong patotoo sa Kanya? Dapat mong malaman na ang lahat ng nangyayari sa iyo ay isang malaking pagsubok at ang oras na kailangan ka ng Diyos na magpatotoo. Bagama’t maaaring hindi mukhang mahalaga ang mga ito sa panlabas, kapag nangyayari ang mga bagay na ito, ipinakikita ng mga ito kung mahal mo ba o hindi ang Diyos. Kung mahal mo, makakapanindigan ka sa iyong patotoo sa Kanya, at kung hindi mo naisagawa ang pag-ibig sa Kanya, ipinapakita nito na ikaw ay hindi isang taong nagsasagawa ng katotohanan, na ikaw ay walang katotohanan, at walang buhay, na ikaw ay ipa! Sa lahat ng bagay na nangyayari sa mga tao, kailangan sila ng Diyos na manindigan sa kanilang pagpapatotoo sa Kanya. Bagama’t walang malaking nangyayari sa iyo sa sandaling ito at hindi ka lubos na nagpapatotoo, ang lahat ng detalye ng iyong pang-araw-araw na buhay ay nauugnay sa patotoo sa Diyos. Kung makakamit mo ang paghanga ng iyong mga kapatid, mga miyembro ng iyong pamilya, at lahat ng tao sa iyong paligid; kung, isang araw, dumating ang mga walang pananampalataya, at humanga sa lahat ng iyong ginagawa, at makitang ang lahat ng ginagawa ng Diyos ay kahanga-hanga, nakapagpatotoo ka na. Kahit wala kang kabatiran at mababa ang iyong kakayahan, sa pamamagitan ng pagperpekto sa iyo ng Diyos, nagagawa mong bigyan Siya ng kasiyahan at isaalang-alang ang Kanyang mga layunin, na ipinapakita sa iba ang dakilang gawaing nagawa Niya sa mga tao na may pinakamababang kakayahan. Kapag nakikilala ng mga tao ang Diyos at nagiging mga mananagumpay sila sa harap ni Satanas, na lubhang matapat sa Diyos, wala nang iba pang mas may lakas kaysa sa grupong ito ng mga tao, at ito ang pinakadakilang patotoo. Bagama’t hindi mo kayang gumawa ng dakilang gawain, kaya mong bigyang-kasiyahan ang Diyos. Hindi maisantabi ng iba ang kanilang mga kuru-kuro, ngunit kaya mo; hindi kaya ng iba na magpatotoo sa Diyos sa panahon ng kanilang aktwal na mga karanasan, ngunit nagagamit mo ang iyong aktwal na katayuan at mga pagkilos upang suklian ang pagmamahal ng Diyos at magbigay ng maugong na patotoo sa Kanya. Ito lamang ang mabibilang na aktwal na pagmamahal sa Diyos. Kung hindi mo ito kayang gawin, hindi ka nagpapatotoo sa mga miyembro ng iyong pamilya, sa iyong mga kapatid, o sa harap ng mga tao sa mundo. Kung hindi mo kayang magpatotoo sa harap ni Satanas, tatawanan ka ni Satanas, ituturing ka nito bilang isang katatawanan, bilang isang laruan, madalas ka nitong lilinlangin, at gagawin kang baliw. Sa hinaharap, maaaring dumating sa iyo ang malalaking pagsubok—pero ngayon, kung mahal mo ang Diyos nang may tapat na puso, at gaano man kalaki ang mga pagsubok na darating, anuman ang mangyari sa iyo, nagagawa mong panindigan ang iyong pagpapatotoo, at nagagawa mong bigyang-kasiyahan ang Diyos, pagiginhawahin ang iyong puso, at hindi ka matatakot gaano man kalaki ang mga pagsubok na iyong makakatagpo sa hinaharap. Hindi ninyo makikita kung ano ang mangyayari sa hinaharap; maaari lamang ninyong bigyang-kasiyahan ang Diyos sa mga kalagayan sa ngayon. Wala kayong kakayahang gumawa ng anumang dakilang gawain at dapat kayong tumuon sa pagbibigay-kasiyahan sa Diyos sa pamamagitan ng pagdanas ng Kanyang mga salita sa tunay na buhay, at magpahayag ng matibay at maugong na pagpapatotoo na nagdadala ng kahihiyan kay Satanas. Bagama’t mananatili ang iyong laman na hindi ganap na nasisiyahan at nagdusa, naghatid ka ng kasiyahan sa Diyos at nagdala ng kahihiyan kay Satanas. Kung lagi kang nagsasagawa sa ganitong paraan, magbubukas ang Diyos ng isang landas sa harap mo. Kapag, isang araw, dumating ang isang malaking pagsubok, babagsak ang iba, ngunit makatatayo ka nang matatag: Dahil sa halaga na iyong binayaran, iingatan ka ng Diyos upang matatag kang makatayo at hindi bumagsak.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Pagmamahal Lamang sa Diyos ang Tunay na Pananampalataya sa Diyos

Anong mga pagsubok ang kaya ninyong tiisin ngayon? Mangangahas ba kayong sabihin na mayroon kayong pundasyon, kaya ba ninyong manindigan kapag nahaharap sa mga tukso? Ang mga tukso ng pangtutugis at pang-uusig ni Satanas, halimbawa, o ng katayuan at katanyagan, ng pag-aasawa, o kayamanan, kaya ba ninyong malampasan ang mga tuksong ito? (Malalampasan namin ang ilan sa mga ito.) Ilang antas ng mga tukso ang mayroon? At aling antas ng tukso ang kaya ninyong lampasan? Halimbawa, maaaring hindi ka natatakot kapag nababalitaan mong may inaresto dahil sa pananalig sa Diyos, at maaaring hindi ka natatakot kapag nakikita mong inaaresto at pinapahirapan ang iba—ngunit kapag ikaw ang inaresto, kapag nasumpungan mo ang iyong sarili sa sitwasyong ito, kaya mo bang manindigan? Isa itong malaking tukso, hindi ba? Sabihin natin, halimbawa, may kakilala kang isang tao, isang taong may mabuting pagkatao, na masigasig sa kanyang pananampalataya sa Diyos, na tinalikuran ang pamilya at propesyon para magampanan ang kanyang tungkulin at dumanas siya ng labis na paghihirap: Biglang dumating ang isang araw na inaresto at sinentensiyahan siyang makulong dahil sa kanyang pananalig sa Diyos, at pagkatapos ay nabalitaan mong binugbog siya hanggang sa mamatay. Isa ba itong tukso sa iyo? Ano ang magiging reaksyon mo kapag nangyari ito sa iyo? Paano mo ito dadanasin? Hahanapin mo ba ang katotohanan? Paano mo hahanapin ang katotohanan? Sa panahon ng gayong tukso, paano ka makakapanindigan, at makakaunawa sa mga layunin ng Diyos, at paano mo makakamit ang katotohanan mula rito? Naisip mo na ba ang gayong mga bagay? Madali bang lampasan ang gayong mga tukso? Di-pangkaraniwan ba ang mga bagay na iyon? Paano ba dapat danasin ang mga bagay na katangi-tangi at sumasalungat sa mga kuru-kuro at imahinasyon ng tao? Kung wala kang landas, malamang ba na magreklamo ka? Magagawa mo bang hanapin ang katotohanan sa mga salita ng Diyos at makita ang diwa ng mga problema? Magagamit mo ba ang katotohanan para matukoy ang mga tamang prinsipyo ng pagsasagawa? Hindi ba’t ito ang dapat na makita sa mga naghahangad sa katotohanan? Paano mo malalaman ang gawain ng Diyos? Paano mo ito dapat danasin para magawang makamtan ang mga bunga ng paghatol, pagdadalisay, pagliligtas at pagpeperpeko ng Diyos? Anong mga katotohanan ang dapat na maunawaan para malutas ang napakaraming kuru-kuro at mga hinaing ng mga tao laban sa Diyos? Ano ang mga pinakakapaki-pakinabang na katotohanan na dapat mong isangkap sa iyong sarili, ang mga katotohanang magtutulot sa iyo na makapanindigan sa gitna ng iba’t ibang pagsubok? Gaano kalaki ang tayog ninyo ngayon? Anong antas ng mga tukso ang kaya ninyong lampasan? May ideya ba kayo? Kung wala, ito ay walang katiyakan. Kasasabi lang ninyo na kaya ninyong “lampasan ang ilan sa mga ito.” Magulo ang mga katagang ito. Dapat malinaw sa inyo kung anong uri ng tayog mayroon kayo, kung anong mga katotohanan ang naisangkap na ninyo sa inyong sarili, anong mga tukso ang kaya ninyong lagpasan, anong mga pagtitiis ang kaya ninyong tanggapin, at aling mga katotohanan ang dapat mong taglayin sa panahon ng mga partikular na pagsubok, anong kaalaman ng gawain ng Diyos, at piliin ninyo kung aling landas ang magpapalugod sa Diyos—dapat mayroon kayong magandang ideya tungkol sa lahat ng ito. Kapag nahaharap ka sa isang bagay na hindi akma sa iyong mga kuru-kuro at imahinasyon, paano mo ito daranasin? Sa gayong mga bagay, paano mo dapat sangkapan ang iyong sarili ng katotohanan—at kung aling mga aspeto ng katotohanan—upang malagpasan ito nang maayos, hindi lang nilulutas ang iyong mga kuru-kuro, kundi kinakamtan ang tunay na kaalaman sa Diyos—hindi ba’t ito ang dapat mong hangarin? Anong mga uri ng tukso ang karaniwan ninyong nararanasan? (Katayuan, katanyagan, pakinabang, pera, mga relasyon sa pagitan ng mga lalaki at babae.) Ang mga ito ang karaniwan. At patungkol sa tayog ninyo ngayon, sa aling mga tukso ninyo kayang manatilihing mahinahon at manindigan? Taglay ba ninyo ang tunay na tayog ng pagdaig sa mga tuksong ito? Talaga bang magagarantiya ninyo na gagampanan ninyo nang maayos ang inyong tungkulin, at hindi gagawa ng anumang bagay na lalabag sa katotohanan, o na nakagagambala at nakagugulo, o suwail at mapanghimagsik, o nakakasakit sa Diyos? (Hindi.) Kaya ano ang dapat ninyong gawin upang magampanan nang maayos ang inyong tungkulin? Una, dapat ninyong suriin ang inyong sarili sa lahat ng bagay, para makita kung ang mga kilos ninyo ay naaayon ba o hindi sa mga katotohanang prinsipyo, para makita kung pabasta-basta ba o hindi ang inyong mga kilos, kung mayroon bang mga mapanghimagsik o mapanlaban na elemento. Kung mayroon, dapat ninyong hanapin ang katotohanan para malutas ang mga ito. Dagdag pa rito, kung may ilang bagay na hindi ninyo alam, dapat ninyong hanapin ang katotohanan para malutas ang mga ito. Kung pinupungusan kayo, dapat ninyong tanggapin ito at magpasakop. Hangga’t nagsasalita ang mga tao alinsunod sa mga katunayan, hindi kayo maaaring makipagtalo at makisali sa nakalilinlang na argumento sa kanila; saka lang ninyo makikilala ang inyong sarili at tunay na magsisisi. Dapat makamit ng mga tao ang mga hinihingi ng dalawang aspetong ito at magkaroon ng tunay na pagpasok. Sa ganitong paraan, magkakamit sila ng pagkaunawa sa katotohanan at makakapasok sa realidad, at magagampanan ang kanilang tungkulin sa isang katanggap-tanggap na pamantayan.

—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Sa Pagbibigay ng Isang Tao ng Puso Niya sa Diyos, Makakamit Niya ang Katotohanan

Sa pang-araw-araw na buhay, nakatatagpo ang mga tao ng lahat ng uri ng tao, pangyayari, at bagay, at kung wala sa kanila ang katotohanan at hindi nila pinagdarasal at hinahanap ito, mahihirapan silang iwaksi ang tukso. Halimbawa na lang, ang relasyon ng mga lalaki at babae. Hindi napaglalabanan ng ilang tao ang gayong mga tukso, at nadadapa sila sa sandaling maharap sila sa ganitong uri ng sitwasyon. Hindi ba’t ipinakikita nitong masyadong maliit ang kanilang tayog? Ganito kaawa-awa ang mga taong hindi nagtataglay ng katotohanan at hindi talaga sila nagpapatotoo. Ang ilang tao ay nahuhulog sa tukso kapag nahaharap sa mga sitwasyong may kaugnayan sa pera. Kapag nakakikita sila ng ibang taong may pera, nagrereklamo sila, “Bakit ang dami-dami nilang pera at napakahirap ko? Hindi ito patas!” Nagrereklamo sila kapag nangyayari ito sa kanila, at hindi nila matanggap ito mula sa Diyos o makapagpasakop sa Kanyang pamamatnugot at pagsasaayos. May ilang tao rin na palaging nakatuon sa katayuan, at kapag naharap sa ganitong uri ng tukso, hindi nila ito napagtatagumpayan. Halimbawa, gusto silang kuhanin ng isang walang pananampalataya para sa isang opisyal na posisyon, binibigyan sila ng maraming pakinabang, at hindi sila makapanindigan. Iniisip nila, “Dapat ko ba itong tanggapin?” Nagdarasal at nag-iisip sila, at pagkatapos: “Oo—kailangan ko itong tanggapin!” Nakapagpasya na sila, at wala nang saysay ang kanilang paghahanap. Malinaw na napagpasyahan na nilang tanggapin ang opisyal na posisyong ito at matamo ang mga benepisyo nito, pero gusto rin nilang bumalik at sumampalataya sa Diyos, sa takot na mawala ang mga pagpapala ng pananampalataya sa Diyos. Kaya nagdarasal sila sa Kanya: “Pakiusap, subukin Mo ako, O Diyos.” Ano pang natitira para subukin sa iyo? Napagpasyahan mo nang tanggapin ang opisyal mong posisyon. Hindi ka nanindigan sa bagay na ito, at nahulog ka na. Kailangan mo pa rin bang masubok? Hindi ka karapat-dapat sa pagsubok ng Diyos. Sa pagkaliit-liit na tayog mo ba ay kakayanin mo ito? May ilan pa ngang kasuklam-suklam na taong nakikipagkompetensiya para sa anumang pakinabang na kanilang nakikita. Nasa tabi lang nila ang Banal na Espiritu, pinanonood sila para makita kung ano ang mga pananaw na kanilang ipinapahayag at kung ano ang saloobin nila at sinisimulan silang subukin. Iniisip ng ilang tao, “Hindi ko ito gusto, kahit pa kabutihan ito ng Diyos sa akin. Mayroon na akong sapat, at labis-labis ang kabutihang ipinakikita ng Diyos sa akin. Hindi mahalaga sa akin ang makakain nang sagana at makapagdamit nang maayos, ang mahalaga lang sa akin ay ang paghahangad sa katotohanan at pagkakamit sa Diyos. Ang katotohanang natanggap ko ay ibinigay sa akin ng Diyos para sa wala. Hindi ako karapat-dapat sa mga bagay na ito.” Sinisiyasat ng Banal na Espiritu ang kanilang mga puso at lalo pa silang binibigyang-liwanag, nagbibigay-daan sa kanilang mas makaunawa, at lalong mapasigla, at ginagawang mas malinaw sa kanila ang katotohanan. Gayumpaman, ang mga kasuklam-suklam na taong iyon ay may nakikitang ipinamimigay na benepisyo at naiisip na, “Makikipaglaban ako para dito bago pa ito magawa ng sinuman. Kung ibibigay nila ito sa iba at hindi sa akin, pagagalitan ko sila nang matindi at pahihirapan sila. Ipakikita ko sa kanila kung ano ang kaya ko, at pagkatapos ay makikita natin kung kanino nila ito ibibigay sa susunod!” Nakikita ng Banal na Espiritu na ganitong uri sila at ibinubunyag sila. Nalalantad ang kapangitan nila, at ang ganitong uri ng tao ay dapat maparusahan. Kahit gaano katagal na silang sumasampalataya, wala itong magagawa para sa kanila. Wala silang matatamo! Sa maraming pagkakataon, kapag nagpapakita ang Banal na Espiritu ng kabutihan sa mga tao, natatamo nila ito kung kailan hindi nila ito inaasahan. Kung hindi ka pinakikitaan ng Diyos ng kabutihan, mangyayari din ang iyong kaparusahan kung kailan hindi mo ito inaasahan. Ganito kapanganib ang mga bagay-bagay para doon sa mga tao na hindi naghahangad sa katotohanan.

—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Sa Pananampalataya sa Diyos, Pinakamahalaga ang Pagkakamit ng Katotohanan

Kung wala kang malay sa mga tuksong nakahaharap mo, bagkus ay hindi mo ito maayos na napangangasiwaan at hindi ka nakakagawa ng mga tamang pagpapasya, magdadalamhati at magiging miserable ka dahil sa mga ito. Bilang halimbawa, sabihin nating ang espesyal na pagtrato ng mga kapatid sa iyo ay may kasamang mga materyal na pakinabang na tulad ng pagpapakain sa iyo, pagbibihis sa iyo, pagpapatira sa iyo, at pagbibigay ng iyong pang-araw-araw na mga pangangailangan. Kung ang tinatamasa mo ay mas maganda kaysa sa mga ibinibigay nila sa iyo, hahamakin mo ito, at maaaring tanggihan mo ang kanilang mga regalo. Gayunpaman, kung makakilala ka ng isang mayamang tao at binigyan ka niya ng magagandang damit, at sinabing hindi niya isinusuot ito, makapaninindigan ka ba sa harap ng gayong tukso? Maaaring pag-iisipan mo ang sitwasyon, sasabihin sa iyong sarili na, “Mayaman siya, at balewala sa kanya ang mga damit na ito. Hindi naman niya isinusuot ang mga ito. Kung hindi niya ito ibibigay sa akin, itatambak na lamang niya ito sa kung saan. Kaya, tatanggapin ko ang mga ito.” Ano ang tingin mo sa desisyong iyon? (Tinatamasa na nila ang mga pakinabang ng katayuan.) Bakit ito pagtatamasa sa mga pakinabang ng katayuan? (Dahil tinanggap nila ang magagandang bagay.) Pagtatamasa ba sa mga pakinabang ng katayuan ang tanggapin lang ang magagandang bagay na inaalok sa iyo? Kung inalok sa iyo ang isang ordinaryong bagay, pero talagang ito ang kailangan mo at kaya tinanggap mo ito, maituturing din ba itong pagtatamasa sa mga pakinabang ng katayuan? (Oo. Sa tuwing tinatanggap nila ang mga bagay mula sa iba upang tugunan ang kanilang mga makasariling pagnanais, ito ay pagtatamasa.) Mukhang hindi malinaw sa iyo ito. Ni minsan ba ay naisip mo ito: Kung hindi ka isang lider at wala kang katayuan, iaalok pa rin ba niya ang regalong ito? (Hindi.) Tiyak na hindi. Isa kang lider kaya niya ibinibigay ang regalong ito sa iyo. Nagbago na ang sirkumstansya ng bagay na ito. Hindi ito karaniwang kagandahang-loob, at narito ang problema. Kung tatanungin mo siya, “Kung hindi ako lider, kundi isang ordinaryong kapatid lamang, bibigyan mo ba ako ng gayong regalo? Kung kailangan ng isang kapatid ang bagay na ito, ibibigay mo ba ito sa kanya?” Sasabihin niyang, “Hindi. Hindi ako pwedeng basta-basta na lang magbigay ng mga bagay-bagay kahit kanino. Ibinibigay ko ito sa iyo dahil ikaw ang lider ko. Kung wala kang ganitong espesyal na katayuan, bakit kita bibigyan ng gayong regalo?” Ngayon, tingnan mo kung paano ka nabigong unawain ang sitwasyon. Naniwala ka sa kanya noong sinabi niyang hindi niya ginagamit ang magandang damit na iyon, pero nililinlang ka niya. Ang layon niya ay tanggapin mo ang kanyang regalo upang, sa hinaharap, magiging mabuti ka sa kanya at bibigyan mo siya ng espesyal na pagtrato. Ito ang intensyon sa likod ng kanyang regalo. Ang totoo, alam mo sa iyong puso na hindi ka niya bibigyan ng gayong regalo kung wala kang katayuan, ngunit tinanggap mo pa rin ito. Sa salita, sinasabi mong “Salamat sa Diyos. Natanggap ko ang regalong ito mula sa Diyos, ito ay kabutihan ng Diyos sa akin.” Hindi mo lamang tinatamasa ang mga pakinabang ng katayuan, kundi tinatamasa mo rin ang mga bagay ng mga hinirang ng Diyos, na para bang karapat-dapat ka sa mga ito. Hindi ba’t kawalan ng kahihiyan iyon? Kung ang tao ay walang konsiyensiya at walang anumang kahihiyan, kung gayon ay iyon ang problema. Isa lang ba itong usapin ng pag-uugali? Mali lang ba talaga na tanggapin ang mga bagay mula sa iba at tama ba na tanggihan ang mga ito? Ano ang dapat ninyong gawin kapag naharap kayo sa gayong sitwasyon? Dapat mong tanungin ang nagreregalo kung umaayon ba sa mga prinsipyo ang ginagawa niya. Sabihin sa kanya na, “Hanapin natin ang patnubay mula sa salita ng Diyos o ang mga atas administratibo ng iglesia at tingnan kung ang ginagawa mo ay naaayon sa mga prinsipyo. Kung hindi, hindi ko matatanggap ang regalong iyon.” Kung maipababatid ng mga sangguniang iyon sa nagreregalo na lumalabag ang kilos nito sa mga prinsipyo ngunit nais pa rin nitong ibigay sa iyo ang regalo, ano ang dapat mong gawin? Dapat kang kumilos ayon sa mga prinsipyo. Hindi ito kayang mapagtagumpayan ng mga ordinaryong tao. Nananabik silang mabigyan ng iba ng higit pa, at nais nilang matamasa ang higit na espesyal na pagtrato. Kung ikaw ang tamang uri ng tao, dapat kang magdasal kaagad sa Diyos kapag naharap sa gayong sitwasyon, sabihin mo na, “O Diyos, ang kinakaharap ko ngayon ay tiyak na tanda ng Iyong mabuting kalooban. Isa itong aral na itinakda Mo para sa akin. Handa akong hanapin ang katotohanan at kumilos ayon sa mga prinsipyo.” Masyadong matindi ang mga tuksong kinakaharap ng mga may katayuan, at sa sandaling may dumating na tukso, mahirap ngang malampasan ito. Kailangan mo ang proteksyon at tulong ng Diyos; dapat kang manalangin sa Diyos, at dapat mo ring hanapin ang katotohanan at madalas na pagnilayan ang iyong sarili. Sa ganitong paraan, magiging panatag at payapa ang pakiramdam mo. Gayunpaman, kung hinihintay mong makatanggap ng gayong mga regalo bago magdasal, makakaramdam ka pa rin ba ng gayong kapanatagan at kapayapaan? (Hindi na.) Ano ang iisipin ng Diyos sa iyo kung gayon? Malulugod ba ang Diyos sa mga kilos mo, o masusuklam Siya? Kamumuhian Niya ang mga kilos mo. Isa lang ba itong problema ng kung tinatanggap mo ba ang isang bagay? (Hindi.) Kung gayon, nasaan ang problema? Ang problema ay matatagpuan sa mga opinyon at saloobin na pinanghahawakan mo kapag kinakaharap ang gayong sitwasyon. Nagpapasya ka ba nang ikaw lang o hinahanap mo ba ang katotohanan? Mayroon ka bang anumang pamantayan ng konsiyensiya? Mayroon ka bang may-takot-sa-Diyos na puso? Nagdarasal ka ba sa Diyos sa tuwing nakakaharap mo ang sitwasyon? Hinahangad mo bang matugunan muna ang mga sarili mong pagnanais, o nagdarasal ka ba at hinahangad muna ang mga layunin ng Diyos? Nabubunyag ka sa bagay na ito. Paano mo dapat pangasiwaan ang gayong sitwasyon? Dapat mayroon kang mga prinsipyo ng pagsasagawa. Una, sa panlabas, dapat mong tanggihan ang mga espesyal na materyal na pabor na ito, ang mga tuksong ito. Kahit na inalok ka ng isang bagay na talagang gusto mo o siyang mismong bagay na kailangan mo, dapat mo ring tanggihan ito. Ano ang ibig sabihin ng mga materyal na bagay? Ang pagkain, damit, at tirahan, at ang mga bagay na gamit sa pang-araw-araw ay kasama lahat. Ang mga espesyal na materyal na pabor na ito ay dapat tanggihan. Bakit kailangan mong tanggihan ang mga ito? Ang paggawa ba niyon ay isang usapin lamang ng kung paano ka kumilos? Hindi; usapin ito ng iyong matulungin na saloobin. Kung gusto mong isagawa ang katotohanan, palugurin ang Diyos, at iwasan ang tukso, kailangan mo munang magkaroon ng ganitong matulungin na saloobin. Sa ganitong saloobin, magagawa mong iwasan ang tukso, at magiging payapa ang konsiyensiya mo. Kung iaalok sa iyo ang isang bagay na gusto mo at tatanggapin mo ito, medyo mararamdaman ng puso mo ang pagsaway ng iyong konsiyensiya. Gayunpaman, dahil sa mga palusot mo at pangangatwiran sa sarili, sasabihin mo na dapat kang mabigyan ng bagay na ito, na nararapat ito sa iyo. At pagkatapos, ang kirot ng iyong konsiyensiya ay hindi magiging tumpak o malinaw. Kung minsan, maaaring maimpluwensiyahan ng mga partikular na katwiran o kaisipan at pananaw ang iyong konsiyensiya, kaya hindi halata ang kirot nito. Kaya, isa bang maaasahang pamantayan ang iyong konsiyensiya? Hindi. Isa itong pang-alerto na nagbababala sa mga tao. Anong uri ng babala ang ibinibigay nito? Na walang seguridad sa pag-asa sa mga nararamdaman lamang ng konsiyensiya; dapat ding hanapin ng isang tao ang mga katotohanang prinsipyo. Iyon ang mapagkakatiwalaan. Kung walang katotohanang pipigil sa kanila, maaari pa ring mahulog sa tukso ang mga tao, magbibigay ng iba’t ibang dahilan at palusot na magtutulot sa kanilang tugunan ang kanilang kasakiman sa mga pakinabang ng katayuan. Samakatuwid, bilang lider, dapat mong sundin sa puso mo ang isang prinsipyong ito: Palagi kong tatanggihan, palaging iiwasan, at ganap na tatanggihan ang anumang espesyal na pagtrato. Ang ganap na pagtanggi ang pang-unang kinakailangan sa pag-iwas sa kasamaan. Kung taglay mo ang pang-unang kinakailangan sa pag-iwas sa kasamaan, ikaw ay medyo nasa ilalim na ng proteksyon ng Diyos. At kung mayroon kang gayong mga prinsipyo ng pagsasagawa at pinanghahawakan mo ang mga ito, ginagawa mo na ang katotohanan at binibigyang-kasiyahan ang Diyos. Tinatahak mo na ang tamang landas. Kapag tinatahak mo ang tamang landas at nabibigyang-kasiyahan mo na ang Diyos, kakailanganin pa rin bang suriin ang iyong konsiyensiya? Ang pagkilos ayon sa mga prinsipyo at pagsasagawa ng katotohanan ay mas mataas kaysa sa mga pamantayan ng konsiyensiya. Kung ang isang tao ay may determinasyong makipagtulungan at kayang kumilos ayon sa mga prinsipyo, napalugod na niya ang Diyos. Ito ang pamantayang hinihingi ng Diyos sa mga tao.

—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Paano Lutasin ang mga Tukso at Gapos ng Katayuan

Dapat madalas kayong humarap sa Diyos, kumain at uminom at magnilay-nilay sa Kanyang mga salita, at dapat ninyong tanggapin ang Kanyang disiplina at patnubay, at matutuhan ang aral ng pagpapasakop—napakamahalaga nito. Dapat kang makapagpasakop sa lahat ng kapaligiran, tao, pangyayari, at bagay na isinaayos ng Diyos para sa iyo, at pagdating sa mga bagay na hindi mo lubos maarok, dapat kang manalangin nang madalas habang hinahanap ang katotohanan; sa pamamagitan lamang ng pag-unawa sa mga layunin ng Diyos ka makahahanap ng isang daan pasulong. Dapat kang magkaroon ng pusong may takot sa Diyos. Gawin ang dapat mong gawin nang maingat at listo, at mamuhay sa harap ng Diyos nang may pusong nagpapasakop sa Diyos. Madalas na patahimikin ang sarili mo sa harap Niya, at huwag maging pasaway. Kahit papaano man lang, kapag may nangyayari sa iyo, patahimikin muna ang iyong sarili, pagkatapos ay magmadaling manalangin, at sa pamamagitan ng pananalangin at paghahanap at paghihintay, unawain mo ang mga layunin ng Diyos. Hindi ba’t isa itong saloobin ng pagkatakot sa Diyos? Kung natatakot at nagpapasakop ka sa Diyos sa puso mo, at napatatahimik mo ang iyong sarili sa harap Niya at naaarok mo ang Kanyang mga layunin, kung gayon, sa ganitong uri ng pakikipagtulungan at pagsasagawa, mapoprotektahan ka, at hindi ka matutukso, ni hindi ka gagawa ng anumang bagay na makagagambala o makagugulo sa gawain ng iglesia. Hanapin ang katotohanan sa mga bagay na hindi mo malinaw na nakikita. Huwag bulag na manghusga o maglabas ng mga pagkondena. Sa ganitong paraan, hindi ka kapopootan ng Diyos, o itataboy Niya. Kung mayroon kang pusong may takot sa Diyos, matatakot kang magkasala sa Kanya, at kung may isang bagay na tumutukso sa iyo, mamumuhay ka sa harap ng Diyos nang may kilabot at pangamba, at mananabik kang magpasakop sa Kanya at palugurin Siya sa lahat ng bagay. Sa sandaling magkaroon ka ng gayong pagsasagawa at magawa mong mamuhay nang madalas sa gayong kalagayan, na madalas na pinatatahimik ang iyong sarili sa harap ng Diyos at madalas na lumalapit sa Kanya, saka mo lang hindi namamalayang maiiwasan ang tukso at masasamang bagay. Kung walang pusong may takot sa Diyos, o may pusong wala sa harapan Niya, may ilang kasamaan na makakaya mong gawin. Mayroon kang tiwaling disposisyon, at hindi mo ito makontrol, kaya’t kaya mong gumawa ng masama. Hindi ba’t magiging malubha ang mga kahihinatnan kung sakaling gagawa ka ng gayong kasamaan na bumubuo ng pagkagambala at kaguluhan? Kahit papaano, pupungusan ka, at kung malubha ang nagawa mo, itataboy ka ng Diyos, at ititiwalag ka sa iglesia. Gayunpaman, kung mayroon kang pusong nagpapasakop sa Diyos, at madalas na napatatahimik ang puso mo sa harap ng Diyos, at kung nangangamba at natatakot ka sa Diyos, hindi ba’t magagawa mong manatiling malayo sa maraming masamang bagay? Kung natatakot ka sa Diyos at sinasabing, “Nangangamba ako sa Diyos; natatakot akong magkasala sa Kanya, magambala ang Kanyang gawain at maudyukan ang Kanyang pagkapoot,” hindi ba’t isa itong normal na saloobin at isang normal na kalagayan na dapat taglay mo? Ano ang makapagdudulot ng iyong takot? Ang iyong kilabot ay magmumula sa isang pusong may takot sa Diyos. Kung may takot ka sa Diyos sa puso mo, iiwas at lalayo ka sa masasamang bagay kapag nakita mo ang mga ito, at sa gayon ay mapoprotektahan ka. Maaari bang matakot sa Diyos ang isang taong ang puso ay walang takot sa Kanya? Maiiwasan ba nito ang kasamaan? (Hindi.) Hindi ba’t mga mapangahas na tao ang mga hindi natatakot sa Diyos at hindi nangangamba sa Kanya? Maaari bang pigilan ang mga mapangahas na tao? (Hindi.) At hindi ba’t gagawin ng mga taong hindi mapigilan ang anumang naiisip nila nang walang pagsasaalang-alang? Ano ang mga bagay na ginagawa ng mga tao kapag kumikilos sila ayon sa sarili nilang kagustuhan, sa kanilang kasigasigan, sa kanilang tiwaling disposisyon? Sa nakikita ng Diyos, masasamang bagay ang mga ito. Kaya, dapat malinaw ninyong makita na mabuting bagay para sa tao na magkaroon ng pagkasindak sa Diyos sa puso—kung mayroon nito, matatakot ang isang tao sa Diyos. Kapag ang isang tao ay may Diyos sa puso niya at kayang matakot sa Diyos, magagawa niyang manatiling malayo sa masasamang bagay. Ang gayong tao ang may pag-asang mailigtas.

—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Tanging sa Pagkakaroon ng Takot sa Diyos Makatatahak ang Isang Tao sa Landas ng Kaligtasan

Sa panahon ng gawain ng Kanyang walang hanggang pagtutustos at suporta sa tao, sinasabi ng Diyos ang kabuuan ng Kanyang mga layunin at mga hinihingi sa tao, at ipinakikita Niya ang Kanyang mga gawa, disposisyon, at kung anong mayroon Siya at kung ano Siya sa tao. Ang layunin ay upang maihanda ang tao sa pamamagitan ng tayog, at pahintulutan ang tao na makamit ang iba’t ibang katotohanan mula sa Diyos habang sumusunod sa Kanya—mga katotohanan na siyang mga sandatang ibinibigay ng Diyos sa tao upang labanan si Satanas. Kapag nabigyan na ng sandata, dapat harapin ng tao ang mga pagsubok ng Diyos. Ang Diyos ay maraming paraan at sistema para sa pagsubok ng tao ngunit bawat isa sa mga ito ay nangangailangan ng “kooperasyon” ng kaaway ng Diyos: si Satanas. Ibig sabihin, matapos bigyan ang tao ng mga sandata upang labanan si Satanas, ibinibigay ng Diyos ang tao kay Satanas at hinahayaan si Satanas na “subukin” ang tayog ng tao. Kung makakalabas ang tao mula sa mga hanay ng pakikipaglaban ni Satanas, kung kaya niyang tumakas mula sa teritoryo ni Satanas at manatiling buhay, ang tao ay makakapasa sa pagsubok. Ngunit kung ang tao ay mabigong umalis sa mga hanay ng pakikipaglaban ni Satanas, at sumuko kay Satanas, hindi siya makakapasa sa pagsubok. Anumang aspeto ng tao ang sinusuri ng Diyos, ang mga pamantayan ng Kanyang pagsusuri ay kung magpapakatatag o hindi ang tao sa kanyang patotoo kapag inatake siya ni Satanas, at kung itatakwil niya o hindi ang Diyos at nagpasiil at magpasailalim kay Satanas habang nasa bitag ni Satanas. Maaaring sabihin na ang pagkaligtas o hindi sa tao ay nakasalalay sa kung kaya niyang mapagtagumpayan at talunin si Satanas, at ang kakayanan niya na makamtan ang kanyang kalayaan ay nakasalalay sa kanyang kakayahang buhatin, nang mag-isa, ang mga sandatang ibinigay sa kanya ng Diyos upang mapagtagumpayan ang gapos ni Satanas, upang ganap na mawalan ng pag-asa si Satanas at iwan siyang mag-isa. Kung mawawalan ng pag-asa si Satanas at magpapalaya ng isang tao, ang ibig sabihin nito ay hinding-hindi na nito muling susubukan na kunin ang taong ito mula sa Diyos, hinding-hindi na muling pararatangan at guguluhin ang taong ito, hinding-hindi na siya muling pahihirapan nang walang-pakundangan o aatakihin; tanging ang ganitong tao lamang ang tunay na nakamit ng Diyos. Ito ang buong proseso kung paano nakakamit ng Diyos ang tao.

—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Gawain ng Diyos, ang Disposisyon ng Diyos, at ang Diyos Mismo II

Kaugnay na mga Extract ng Pelikula

Paano Ako Makakawala sa Aking Pagkalulong sa Gaming?

Kaugnay na mga Himno

Kailangan Mong Magpatotoo sa Diyos sa Lahat ng Bagay

Kakamtin Lang ng Diyos Iyong mga Lubos na Nagtatagumpay kay Satanas

Sinundan: 20. Paano danasin ang pag-uusig at mga pagdurusa

Sumunod: 22. Paano tingnan ang buhay at kamatayan

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito