22. Paano tingnan ang buhay at kamatayan
Mga Salita ng Diyos Mula sa Bibliya
“At huwag kayong mangatakot sa mga nagsisipatay ng katawan, datapuwat hindi nangakakapatay sa kaluluwa: kundi bagkus ang katakutan ninyo’y Siyang makapupuksa sa kaluluwa at sa katawan sa impiyerno” (Mateo 10:28).
“Ang nakasusumpong ng kanyang buhay ay mawawalan nito; at ang mawalan ng buhay dahil sa Akin ay makasusumpong niyaon” (Mateo 10:39).
“At siya ay kanilang dinaig dahil sa dugo ng Kordero, at dahil sa salita ng kanilang patotoo; at hindi nila inibig ang kanilang buhay hanggang sa kamatayan” (Pahayag 12:11).
Mga Salita ng Makapangyarihang Diyos ng mga Huling Araw
Sa kalakhan ng sansinukob at ng kalangitan, di-mabilang na mga nilikha ang naninirahan at nagpaparami, sumusunod sa batas ng siklo ng buhay, at sumusunod sa isang tuntuning hindi nagbabago. Yaong mga namamatay ay tinatangay ang mga kuwento ng mga buhay, at yaong mga buhay ay inuulit ang parehong kalunus-lunos na kasaysayan ng mga pumanaw na. Kaya nga, hindi maiwasan ng sangkatauhan na tanungin ang sarili: Bakit tayo nabubuhay? At bakit kailangan nating mamatay? Sino ang nag-uutos sa mundong ito? At sino ang lumikha sa sangkatauhang ito? Tunay bang nilikha ng Inang Kalikasan ang sangkatauhan? Tunay bang nasa kontrol ng sangkatauhan ang kanyang sariling kapalaran? … Ito ang mga bagay na walang tigil na itinatanong ng sangkatauhan sa loob ng libu-libong taon. Sa kasamaang-palad, habang mas nasasaisip ng tao ang mga katanungang ito, mas nagkakaroon siya ng pagkauhaw sa siyensya. Handog ng siyensya ang panandaliang kaluguran at pansamantalang kasiyahan ng laman, ngunit hindi sapat upang palayain ang tao mula sa pag-iisa, kalungkutan, at halos di-maitagong takot at kawalan ng magagawa sa kaibuturan ng kanyang kaluluwa. Ginagamit lamang ng sangkatauhan ang kaalaman sa siyensya na nakikita ng kanyang mata at nauunawaan ng kanyang utak upang gawing manhid ang kanyang puso. Gayunma’y hindi sapat ang gayong kaalaman sa siyensya upang pigilan ang sangkatauhan sa pagsisiyasat sa mga hiwaga. Hindi lamang alam ng sangkatauhan kung sino ang Pinakamakapangyarihan sa sansinukob at sa lahat ng bagay, lalo na ang simula at hinaharap ng sangkatauhan. Ang tao ay nabubuhay lamang, nang sapilitan, sa gitna ng batas na ito. Walang makakatakas dito at walang makakapagpabago rito, sapagkat sa lahat ng bagay at sa kalangitan ay Iisa lamang ang nagmumula sa walang hanggan hanggang walang hanggan na nagtataglay ng kataas-taasang kapangyarihan sa lahat. Siya Yaong hindi pa nakikita ng tao kailanman, Yaong hindi pa nakikilala ng sangkatauhan kailanman, na kung kaninong pag-iral ay hindi pa napaniwalaan ng sangkatauhan kailanman—gayunma’y Siya ang nagbuga ng hininga sa mga ninuno ng sangkatauhan at nagbigay ng buhay sa sangkatauhan. Siya Yaong nagtutustos at nangangalaga sa sangkatauhan, na nagpapahintulot na siya ay umiral; at Siya Yaong nakagabay sa sangkatauhan hanggang ngayon. Bukod pa rito, Siya at Siya lamang ang inaasahan ng sangkatauhan para sa kaligtasan. Siya ang nagtataglay ng kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay at namumuno sa lahat ng nabubuhay sa sansinukob. Siya ang nag-uutos sa apat na panahon, at Siya ang tumatawag sa hangin, nagyeyelong hamog, niyebe, at ulan. Siya ang nagdadala ng sikat ng araw sa sangkatauhan at nagpapasimula sa gabi. Siya ang naglatag ng kalangitan at lupa, na nagbibigay sa tao ng mga kabundukan, lawa, at ilog at lahat ng nabubuhay roon. Ang Kanyang mga gawa ay nasa lahat ng dako, ang Kanyang kapangyarihan ay nasa lahat ng dako, ang Kanyang karunungan ay nasa lahat ng dako, at ang Kanyang awtoridad ay nasa lahat ng dako. Bawat isa sa mga batas at tuntunin na ito ay sagisag ng Kanyang mga gawa, at bawat isa ay naghahayag ng Kanyang karunungan at awtoridad. Sino ang hindi magpapasaklaw ng kanilang sarili sa Kanyang kataas-taasang kapangyarihan? At sino ang hindi magpapasakop ng kanilang sarili sa Kanyang mga disenyo? Lahat ng bagay ay umiiral sa ilalim ng Kanyang titig, at bukod pa rito, lahat ng bagay ay nabubuhay sa ilalim ng Kanyang kataas-taasang kapangyarihan. Ang Kanyang mga gawa at Kanyang kapangyarihan ay nag-iiwan sa sangkatauhan na walang pagpipilian kundi kilalanin ang katunayan na Siya ay totoong umiiral at nagtataglay ng kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay. Wala maliban sa Kanya ang makapag-uutos sa sansinukob, lalong walang makapaglalaan nang walang katapusan para sa sangkatauhang ito. Nagagawa mo mang kilalanin ang mga gawa ng Diyos, at naniniwala ka man sa pag-iral ng Diyos, walang duda na ang Diyos ang nagpapasya sa iyong kapalaran, at walang duda na palaging tataglayin ng Diyos ang kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay. Ang Kanyang pag-iral at awtoridad ay hindi nakasalalay sa kung ang mga ito ay kinikilala at naiintindihan ng tao o hindi. Siya lamang ang nakakaalam ng nakaraan, kasalukuyan, at hinaharap ng tao, at Siya lamang ang maaaring magpasya sa kapalaran ng sangkatauhan. Kaya mo mang tanggapin ang katunayan na ito, hindi na magtatagal bago masaksihan ng sangkatauhan ang lahat ng ito sa kanyang sariling mga mata, at ito ang katunayan na malapit nang isagawa ng Diyos. Ang sangkatauhan ay nabubuhay at namamatay sa ilalim ng mga mata ng Diyos. Ang tao ay nabubuhay para sa pamamahala ng Diyos, at kapag pumikit ang kanyang mga mata sa huling pagkakataon, para din sa pamamahalang ito kaya pumipikit ang mga ito. Ang tao ay dumarating at umaalis nang paulit-ulit, paroo’t parito. Walang eksepsyon, lahat ng ito ay bahagi ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos at ng Kanyang disenyo.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Apendise 3: Maaari Lamang Maligtas ang Tao sa Gitna ng Pamamahala ng Diyos
Kung ang kapanganakan ng isang tao ay itinadhana ng nakaraan niyang buhay, samakatuwid ang kamatayan niya ang nagmamarka sa katapusan ng tadhanang iyon. Kung ang kapanganakan ng isang tao ay simula ng kanyang misyon sa buhay na ito, samakatuwid ang kamatayan niya ang nagmamarka sa katapusan ng misyong iyon. Yamang ang Lumikha ang nagtadhana ng isang itinakdang hanay ng mga pangyayari para sa kapanganakan ng isang tao, hindi man sabihin ay Siya rin ang nagsaayos ng isang itinakdang hanay ng mga pangyayari para sa kamatayan nito. Sa madaling salita, walang sinuman ang ipinanganak na nagkataon lang, walang kamatayan ang biglaan, at kapwa ang kapanganakan at kamatayan ay marapat na konektado sa nakaraan at kasalukuyang buhay ng isang tao. Ang mga pangyayari sa kapanganakan at kamatayan niya ay kapwa itinadhana ng Lumikha; ito ang tadhana ng isang tao, ang kapalaran ng isang tao. Dahil marami ang paliwanag tungkol sa kapanganakan ng isang tao, totoo rin na likas na magaganap ang kamatayan ng tao sa ilalim ng espesyal na hanay ng magkakaibang pangyayari. Ito ang dahilan kaya may magkakaibang haba ng buhay ang mga tao at magkakaibang paraan at mga oras ang kanilang mga kamatayan. May ilang tao na malakas at malusog ngunit namamatay nang maaga; ang mga iba ay mahina at sakitin ngunit nabubuhay hanggang sa tumanda at namamatay nang mapayapa. Ang ilan ay namamatay sa di-natural na mga sanhi, ang iba ay sa natural na paraan. Natatapos ng ilan ang kanilang mga buhay nang malayo sa tahanan, ang iba ay ipinipikit ang kanilang mga mata sa huling pagkakataon sa piling ng kanilang mga mahal sa buhay. Ang ilang tao ay namamatay sa himpapawid, ang iba ay sa ilalim ng lupa. Ang ilan ay lumulubog sa ilalim ng tubig, ang iba ay namamatay sa mga sakuna. Ang ilan ay namamatay sa umaga, ang iba ay sa gabi. … Ang lahat ay nagnanais ng isang tanyag na kapanganakan, isang maningning na buhay, at isang maluwalhating kamatayan, subalit walang sinuman ang makakawala sa sarili niyang tadhana, walang sinuman ang maaaring makatakas sa kataas-taasang kapangyarihan ng Lumikha. Ito ang kapalaran ng tao. Maaaring gawin ng tao ang lahat ng uri ng mga plano para sa kanyang kinabukasan, subalit walang sinuman ang maaaring makapagplano kung paano sila isisilang o kung ano ang paraan at panahon ng kanyang pag-alis mula sa mundo. Bagaman ginagawa ng mga tao ang lahat ng kanilang makakaya upang iwasan at pigilan ang pagdating ng kamatayan, gayunpaman, tahimik na lumalapit ang kamatayan nang hindi nila nalalaman. Walang sinuman ang nakakaalam kung kailan o kung paano sila mamamatay, lalong hindi nila alam kung saan ito magaganap. Malinaw na hindi ang sangkatauhan ang humahawak ng kapangyarihan ng buhay at kamatayan, hindi isang nilalang sa natural na mundo, kundi ang Lumikha, na ang awtoridad ay natatangi. Ang buhay at kamatayan ng sangkatauhan ay hindi bunga ng ilang batas ng mundong natural, ngunit bunga ng kataas-taasang kapangyarihan ng awtoridad ng Lumikha.
—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi III
Habang mas papalapit ang isang tao sa kamatayan, mas ninanais niyang maunawaan kung tungkol talaga saan ang buhay; habang mas papalapit siya sa kamatayan, tila nagiging mas hungkag ang puso niya; habang mas papalapit siya sa kamatayan, mas nararamdaman niya ang kawalang-kakayahan; kaya lumalaki ang takot niya sa kamatayan sa bawat araw. May dalawang dahilan kung bakit ipinamamalas ng mga tao ang ganitong mga pakiramdam habang papalapit sila sa kamatayan: Una, malapit nang mawala sa kanila ang katanyagan at kayamanan kung saan nila isinalig ang kanilang buhay, at iiwan na nila ang lahat ng nakikita sa mundo; at ikalawa, kakaharapin na nila, nang mag-isa, ang isang hindi pamilyar na mundo, isang misteryoso at di-kilalang mundo na natatakot silang puntahan, kung saan ay wala silang mga mahal sa buhay at walang susuporta. Dahil sa dalawang dahilang ito, lahat ng humaharap sa kamatayan ay di-mapalagay, nagugulumihanan, at nakakaranas ng kawalang-kakayahan na hindi nila kailanman naranasan. Kapag ang mga tao ay talagang nakarating na sa puntong ito ay saka pa lamang nila matatanto na ang unang bagay na dapat maunawaan ng isang tao, kapag umapak sila sa mundong ito, ay kung saan nanggaling ang mga tao, bakit buhay ang mga tao, sino ang nagdidikta ng kapalaran ng tao, sino ang nagbibigay at may kataas-taasang kapangyarihan sa pag-iral ng tao. Sa kaalamang ito tunay na nabubuhay ang isang tao, ang pangunahing batayan para patuloy na mabuhay ang tao—hindi ang pagkakatuto kung paano suportahan ang sariling pamilya, o kung paano makakamtan ang katanyagan at kayamanan, hindi ang matutuhan kung paano mamumukod-tangi sa karamihan ng tao o kung paano magkaroon ng isang mas marangyang pamumuhay, mas lalong hindi upang matutuhan kung paano mangibabaw o matagumpay na makipagpaligsahan sa iba. Bagaman ang pinaggugugulan ng mga tao ng kanilang buhay na pagiging mahusay sa iba’t ibang kasanayan para maipagpatuloy ang buhay ay maaaring makapaghandog ng kasaganaan sa mga materyal na kaginhawahan, ang mga ito ay di-kailanman nakapagdadala sa puso ng isang tao ng tunay na kapayapaan at kasiyahan, sa halip ay patuloy na nagiging dahilan ang mga ito para mawala ng mga tao ang kanilang direksyon, mahirapang kontrolin ang kanilang mga sarili, mapalampas ang bawat pagkakataon na matutuhan ang kabuluhan ng buhay; ang mga kasanayan na ito na para sa patuloy na pamumuhay ay lumilikha ng pagkaligalig kung paano angkop na haharapin ang kamatayan. Sa ganitong paraan, nasisira ang mga buhay ng mga tao. Tinatrato ng Lumikha ang lahat nang patas, binibigyan ang bawat isa ng panghabambuhay na mga pagkakataon na maranasan at makilala ang Kanyang kataas-taasang kapangyarihan, subalit tanging kapag papalapit na ang kamatayan, kapag nakaamba na sa isang tao ang kawit ni kamatayan, ay saka pa lamang makikita ng tao ang liwanag—at kapag nagkagayon ay huling-huli na ang lahat.
Ginugugol ng mga tao ang kanilang mga buhay sa paghahanap ng salapi at katanyagan; mahigpit silang kumakapit sa mga dayaming ito, iniisip na ang mga ito ang tanging paraan nila ng suporta, na para bang kung mayroon sila nito ay maaari silang patuloy na mabuhay, na maaari silang malibre sa kamatayan. Subalit kapag malapit na silang mamatay doon lamang nila natatanto kung gaano kalayo ang mga bagay na ito sa kanila, kung gaano sila kahina sa harap ng kamatayan, kung gaano sila kadaling mabasag, kung gaano sila kalungkot at tila walang-kakayahan, at walang matatakbuhan. Natatanto nila na ang buhay ay hindi nabibili ng salapi at katanyagan, na gaano man kayaman ang isang tao, gaano man kataas ang kanyang posisyon, lahat ng tao ay pantay-pantay na mahihirap at walang halaga sa harap ng kamatayan. Natatanto nila na hindi nabibili ng pera ang buhay, na hindi mabubura ng katanyagan ang kamatayan, na alinman sa pera o katanyagan ay di-makapagpapahaba ng buhay ng isang tao nang kahit na isang minuto o kahit na isang segundo. Habang mas lalong ganito ang nararamdaman ng mga tao, lalo nilang ninanais na patuloy na mabuhay; habang mas nararamdaman ito ng mga tao, mas kinatatakutan nila ang pagsapit ng kamatayan. Tanging sa punto lang na ito nila tunay na napagtatanto na ang kanilang mga buhay ay hindi sa kanila, hindi sa kanila para kontrolin, at walang sinuman ang makapagsasabi kung siya ay mabubuhay o mamamatay—ang lahat ng ito ay wala sa kanyang kontrol.
—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi III
Sa sandaling ipanganak ang isang tao, sinisimulan ng isang malungkot na kaluluwa na danasin ang buhay sa mundo, na danasin ang awtoridad ng Lumikha na isinaayos ng Lumikha para sa kanya. Hindi man kailangang sabihin, para sa tao—sa kaluluwa—ito ay isang napakagandang pagkakataon upang magkaroon ng kaalaman tungkol sa kataas-taasang kapangyarihan ng Lumikha, na makilala ang Kanyang awtoridad at personal na maranasan ito. Nabubuhay ang mga tao sa ilalim ng mga batas ng kapalaran na inilatag para sa kanila ng Lumikha, at para sa sinumang makatwirang tao na may konsensya, ang pagtanggap sa kataas-taasang kapangyarihan ng Lumikha at malaman ang Kanyang awtoridad sa loob ng ilang dekada ng kanilang buhay ay isang bagay na hindi mahirap gawin. Kaya napakadali dapat para sa isang tao na makilala, sa pamamagitan ng kanyang sariling mga karanasan sa buhay sa nakaraang ilang dekada, na ang lahat ng kapalaran ng tao ay pauna nang itinadhana, at madali na dapat niyang maunawaan o ibuod kung ano ang kahulugan ng maging buhay. Kasabay ng pagyakap ng isang tao sa mga aral na ito sa buhay, unti-unti niyang mauunawaan kung saan nanggagaling ang buhay at maiintindihan kung ano ang tunay na kinakailangan ng puso, kung ano ang makapagdadala sa kanya sa tunay na landas ng buhay, at kung ano dapat ang misyon at mithiin sa buhay ng tao. Unti-unting makikilala ng tao na kung hindi niya sasambahin ang Lumikha, kung hindi siya pasasailalim sa Kanyang kapamahalaan, kung gayon kapag dumating na ang panahon na haharapin na niya ang kamatayan—kapag ang isang kaluluwa ay haharap nang muli sa Lumikha—mapupuno ang kanyang puso ng walang hanggang takot at pagkabalisa. Kapag ilang dekada nang nabubuhay ang isang tao sa mundo subalit hindi pa rin niya alam kung saan nanggaling ang buhay ng tao at hindi pa rin niya nakikilala kung kaninong palad nakalagay ang kapalaran ng tao, kung gayon ay hindi nakapagtataka na hindi niya makakayang harapin ang kamatayan nang mahinahon. Ang isang tao na nakatamo ng kaalaman sa kataas-taasang kapangyarihan ng Lumikha matapos makaranas ng ilang dekada ng buhay, ay isang tao na may tamang pagpapahalaga sa kahulugan at halaga ng buhay. Ang taong ito ay may malalim na kaalaman sa layunin ng buhay, may tunay na karanasan at pagkaunawa sa kataas-taasang kapangyarihan ng Lumikha, at higit pa riyan ay may kakayahan na magpasailalim sa awtoridad ng Lumikha. Nauunawaan ng ganoong tao ang kahulugan ng paglikha ng Lumikha sa sangkatauhan, nauunawaan niya na dapat sambahin ng tao ang Lumikha, na ang lahat ng pag-aari ng tao ay nagmumula sa Lumikha at babalik sa Kanya balang-araw sa hindi malayong hinaharap. Nauunawaan ng ganoong tao na ang Lumikha ang nagsasaayos ng kapanganakan ng tao at may kataas-taasang kapangyarihan sa kamatayan ng tao, at ang kapwa buhay at kamatayan ay pauna nang itinadhana ng awtoridad ng Lumikha. Kaya, kapag tunay na naiintindihan ng isang tao ang mga bagay na ito, siya ay natural na makakaharap sa kamatayan nang mahinahon, isinasantabi ang lahat ng makasanlibutang pag-aari niya nang mahinahon, tinatanggap at masayang nagpapasailalim sa lahat ng kasunod, at malugod na tinatanggap ang huling sugpungan ng buhay na isinaayos ng Lumikha sa halip na walang taros na katakutan at labanan ito. Kung tinitingnan ng isang tao ang buhay bilang isang pagkakataon para maranasan ang kataas-taasang kapangyarihan ng Lumikha at makilala ang Kanyang awtoridad, kung nakikita niya na ang kanyang buhay ay isang pambihirang pagkakataon upang isakatuparan ang sariling tungkulin bilang isang nilikhang tao at tuparin ang kanyang misyon, kung gayon ay talagang magkakaroon siya ng wastong pananaw sa buhay, tiyak na magkakaroon ng buhay na pinagpapala at ginagabayan ng Lumikha, siguradong lalakad sa liwanag ng Lumikha, tiyak na makikilala ang kataas-taasang kapangyarihan ng Lumikha, talagang magpapasailalim sa Kanyang kapamahalaan, siguradong magiging isang saksi sa Kanyang mahimalang mga gawa, at sa Kanyang awtoridad. Hindi man kailangang sabihin, ang ganoong tao ay talagang minamahal at tinatanggap ng Lumikha, at tanging ang ganoong tao ang maaaring magkaroon ng mahinahong saloobin sa kamatayan at magagalak na salubungin ang huling sugpungan ng buhay. Ang isang tao na malinaw na nagkaroon ng ganitong uri ng saloobin ukol sa kamatayan ay si Job. Nasa posisyon noon si Job na masayang tanggapin ang huling sugpungan ng buhay, at nang ang kanyang paglalakbay sa buhay ay humantong na sa isang maayos na katapusan at nang makumpleto na ang kanyang misyon sa buhay, bumalik na siya sa tabi ng Lumikha.
—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi III
Sa Bibliya nasusulat ang tungkol kay Job: “Gayon namatay si Job, na matanda at puspos ng mga kaarawan” (Job 42:17). Ito ay nangangahulugan na nang namatay si Job, wala siyang mga panghihinayang at hindi siya nakaramdam ng sakit, bagkus ay natural siyang lumisan sa mundong ito. Gaya ng nababatid ng lahat, si Job ay isang tao na may takot sa Diyos at iniwasan ang kasamaan noong siya ay nabubuhay pa. Ang kanyang mga gawa ay pinapurihan ng Diyos at inalala ng mga tao, at ang kanyang buhay ay maaaring sabihin na nagkaroon ng halaga at kabuluhan na higit kaysa kaninuman. Tinamasa ni Job ang mga pagpapala ng Diyos at tinawag Niya siyang matuwid sa lupa, at siya ay sinubok din ng Diyos, at tinukso ni Satanas. Naging saksi siya ng Diyos at naging marapat na matawag Niya na isang matuwid na tao. Ilang dekada matapos siyang subukin ng Diyos, nagkaroon siya ng buhay na higit na mahalaga, makahulugan, makatwiran, at mapayapa kaysa dati. Dahil sa kanyang matuwid na mga gawa, sinubok siya ng Diyos, dahil din sa kanyang matuwid na mga gawa, nagpakita sa kanya ang Diyos at direktang nakipag-usap sa kanya. Kaya sa mga taon matapos siyang subukin, naunawaan at pinahalagahan ni Job ang halaga ng buhay sa isang mas konkretong paraan, nagkamit ng mas malalim na pagkaunawa sa kataas-taasang kapangyarihan ng Lumikha, at nagtamo ng mas tumpak at tiyak na kaalaman kung paano nagbibigay at nag-aalis ng Kanyang mga pagpapala ang Lumikha. Itinatala ng Aklat ni Job na nagkaloob ang Diyos na si Jehova ng mas maraming mga pagpapala kay Job kaysa sa ibinigay Niya sa kanya noon na naglagay kay Job sa mas mainam pang posisyon upang kilalanin ang kataas-taasang kapangyarihan ng Lumikha at harapin ang kamatayan nang mahinahon. Kaya nang tumanda na at naharap na si Job sa kamatayan ay tiyak na hindi siya nangamba tungkol sa kanyang mga ari-arian. Wala siyang mga alalahanin, walang pinanghihinayangan, at siyempre hindi siya natakot sa kamatayan, sapagkat ginugol niya ang buong buhay niya na may takot sa Diyos at umiiwas sa kasamaan. Wala siyang dahilan upang mag-alala tungkol sa sarili niyang katapusan. Ilan bang tao ngayon ang makakayang kumilos tulad ng lahat ng ginawa ni Job nang kanyang harapin ang sarili niyang kamatayan? Bakit walang sinuman ang nakakapagpanatili ng ganoong kasimpleng panlabas na tikas? Isa lang ang dahilan: Nabuhay si Job sa pansariling pagsusumikap sa paniniwala, pagkilala, at pagpapasakop sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, at dahil sa paniniwala, pagkilala, at pagpapasakop na ito, nakalampas siya sa mahahalagang sugpungan ng buhay, isinabuhay ang kanyang mga huling taon, at binati ang panghuling sugpungan ng kanyang buhay. Anuman ang naranasan ni Job, ang mga pinagsikapan at layunin niya sa buhay ay masasaya at hindi masasakit. Siya ay maligaya hindi dahil sa mga pagpapala o pagsang-ayon na iginawad sa kanya ng Lumikha, kundi mas mahalaga pa rito, dahil sa kanyang mga pinagsikapan at layunin sa buhay, dahil sa lumalagong kaalaman at tunay na pagkaunawa sa kataas-taasang kapangyarihan ng Lumikha na kanyang natamo sa pamamagitan ng pagkatakot sa Diyos at pag-iwas sa kasamaan, at dagdag pa rito, dahil sa nakamamanghang mga gawa Niya na personal na naranasan ni Job sa panahon na napailalim siya sa kataas-taasang kapangyarihan ng Lumikha, at sa magiliw at di-malilimutang mga karanasan at mga alaala ng pakikisalamuha, pakikipagkilala, at kapwa pagkakaunawaan sa pagitan ng tao at ng Diyos. Si Job ay masaya dahil sa kapanatagan at kagalakan na nagmula sa kaalaman tungkol sa mga layunin ng Lumikha, at dahil sa lumitaw na takot matapos makitang Siya ay dakila, kamangha-mangha, kaibig-ibig, at matapat. Ang dahilan kung bakit nakayang harapin ni Job ang kamatayan nang walang paghihirap ay dahil batid niya na sa kanyang pagkamatay, siya ay babalik sa tabi ng Lumikha. Ang mga pinagsikapan at natamo niya sa buhay ang nagpahintulot sa kanya na harapin ang kamatayan nang mahinahon, ang nagpahintulot sa kanya na harapin ang posibilidad na mahinahong babawiin ng Lumikha ang kanyang buhay, at dagdag pa rito, ang nagpahintulot sa kanya na makatindig nang walang dungis at walang inaalala sa harap ng Lumikha. Maaari kayang matamo ng mga tao sa kasalukuyan ang ganitong uri ng kaligayahan na naangkin ni Job? Kayo ba ay nasa posisyon na gawin ito? Yamang nasa ganitong posisyon ang mga tao sa kasalukuyan, bakit hindi nila nagagawang mamuhay nang maligaya tulad ni Job? Bakit hindi nila matakasan ang paghihirap mula sa takot sa kamatayan? Kapag nahaharap sa kamatayan, may ilang tao na hindi mapigilang mapaihi; ang iba ay nanginginig, nahihimatay, nagagalit sa Langit at pati na sa tao; ang ilan ay nananaghoy pa nga at tumatangis. Ang mga ito ay hindi biglaang mga reaksyon na nangyayari kapag papalapit na ang kamatayan. Ang pangunahing sanhi kaya kumikilos ang mga tao sa ganitong nakakahiyang mga paraan ay sapagkat sa kaibuturan ng kanilang mga puso, takot sila sa kamatayan, sapagkat wala silang malinaw na kaalaman at pagpapahalaga sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos at sa Kanyang mga pagsasaayos, at lalong hindi sila tunay na nagpapasakop sa mga iyon. Ang mga tao ay tumutugon sa ganitong paraan sapagkat wala silang ibang gusto kundi ang isaayos at pamahalaan nila mismo ang lahat ng bagay, ang kontrolin ang sarili nilang kapalaran, ang sarili nilang mga buhay at kamatayan. Hindi kataka-taka, samakatwid, na kailanman ay hindi magawang takasan ng mga tao ang takot sa kamatayan.
—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi III
Kapag ang isang tao ay walang malinaw na pagkaunawa at karanasan sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos at sa Kanyang mga pagsasaayos, tiyak na magiging magulo ang kaalaman niya tungkol sa kapalaran at sa kamatayan. Hindi makita ng mga tao nang malinaw na ang lahat ng bagay ay nasa palad ng Diyos, hindi nila natatanto na ang lahat ng bagay ay nasa ilalim ng kontrol at kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, hindi nila kinikilala na hindi maaaring isantabi o matakasan ang ganoong kataas-taasang kapangyarihan. Dahil dito, kapag nahaharap na sila sa kamatayan, walang katapusan ang kanilang huling mga salita, alalahanin, at panghihinayang. Nabibigatan sila sa labis na mga pasanin, sobrang pag-aatubili, at lubhang pagkalito. Nagiging dahilan ang lahat ng ito para matakot sila sa kamatayan. Para sa sinumang isinilang sa mundong ito, ang kanilang kapanganakan ay kinakailangan at ang kanilang kamatayan ay hindi maiiwasan; walang sinumang makakalampas sa kaganapang ito. Kung nais ninuman na lisanin ang mundong ito nang hindi nasasaktan, kung nais ng isang tao na harapin ang huling sugpungan ng buhay na walang pag-aatubili o pag-aalala, ang tanging paraan ay ang lumisan nang walang mga panghihinayang. At ang tanging paraan ng paglisan na walang mga panghihinayang ay ang makilala ang kataas-taasang kapangyarihan ng Lumikha, ang makilala ang Kanyang awtoridad, at ang magpasakop sa mga ito. Tanging sa ganitong paraan maaaring manatiling malayo mula sa mga alitan ng tao, mula sa kasamaan, mula sa pang-aalipin ni Satanas, at tanging sa ganitong paraan maaaring mabuhay ang isang tao na tulad ni Job, na ginagabayan at pinagpapala ng Lumikha, isang buhay na malaya at hindi nakagapos, isang buhay na may kahalagahan at kahulugan, isang buhay na tapat at bukas-puso. Tanging sa ganitong paraan maaaring magpasakop ang isang tao, tulad ni Job, sa mga pagsubok at pagkakait ng Lumikha at sa mga pangangasiwa at pagsasaayos ng Lumikha. Tanging sa ganitong paraan maaaring sambahin ng isang tao ang Lumikha nang buong buhay niya at makamit ang Kanyang pagsang-ayon, gaya ng nangyari kay Job, at marinig ang Kanyang tinig at makita Siya. Tanging sa ganitong paraan maaaring mabuhay at mamatay ang isang tao nang maligaya, tulad ni Job, na walang sakit, walang inaalala, walang mga panghihinayang. Tanging sa ganitong paraan maaaring mabuhay sa liwanag, tulad ni Job, at daanan ang bawat sugpungan ng buhay sa liwanag, maayos na kinukumpleto ang sariling paglalakbay sa liwanag, at matagumpay na tinatapos ang sariling misyon—upang maranasan, matutuhan, at malaman ang kataas-taasang kapangyarihan ng Lumikha bilang isang nilalang—at mamatay sa liwanag, at magpakailanman ay tumindig sa tabi ng Lumikha bilang isang taong nilalang, na sinasang-ayunan Niya.
—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi III
Anuman ang usaping kinakaharap ng mga tao, dapat lagi nila itong harapin nang may aktibo at positibong saloobin, at lalo nang mas totoo ito pagdating sa usapin ng kamatayan. Ang pagkakaroon ng aktibo at positibong saloobin ay hindi nangangahulugan ng pagsang-ayon sa kamatayan, paghihintay sa kamatayan, o positibo at aktibong paghahangad sa kamatayan. Kung hindi ito nangangahulugan ng paghahangad sa kamatayan, pagsang-ayon sa kamatayan, o paghihintay sa kamatayan, ano ang ibig sabihin nito? (Pagpapasakop.) Ang pagpapasakop ay isang uri ng saloobin sa usapin ng kamatayan, at ang pagbitiw sa kamatayan at ang hindi pag-iisip dito ang pinakamainam na paraan ng pagharap dito. May ilang nagsasabi, “Bakit hindi ito iisipin? Kung hindi ko ito pag-iisipan, mapagtatagumpayan ko ba ito? Kung hindi ko ito pag-iisipan, mabibitiwan ko ba ito?” Oo, magagawa mo iyon. At bakit ganoon? Sabihin mo sa Akin, noong ipanganak ka ng iyong mga magulang, ikaw ba ang may ideya na ikaw ay maisilang? Ang iyong hitsura, ang iyong edad, ang industriyang pinagtatrabahuhan mo, ang katunayan na nandito ka ngayon at nakaupo, at ang iyong nararamdaman ngayon—ikaw ba ang nakaisip na maging ganito ang lahat? Hindi ikaw ang nakaisip na maging ganito ang lahat, ito ay nangyari sa paglipas ng mga araw at buwan at sa pamamagitan ng iyong normal na pang-araw-araw na pamumuhay, kada isang araw, hanggang sa narating mo ang kinaroroonan mo ngayon, at ito ay napakanatural. Ganoon din ang kamatayan. Nang hindi mo namamalayan, nagkakaedad ka hanggang sa nasa hustong gulang ka na, hanggang sa may edad ka na, hanggang sa matanda ka na, hanggang sa marating mo na ang mga huling taon ng iyong buhay, at pagkatapos ay darating na ang kamatayan—huwag mo na itong isipin. Hindi mo maiiwasan ang mga bagay na hindi mo iniisip sa pamamagitan ng hindi pag-iisip tungkol sa mga ito, at hindi rin darating nang maaga ang mga ito kung iisipin mo ang mga ito; ang mga ito ay hindi mababago ng kalooban ng tao, tama ba? Huwag nang isipin ang mga ito. Ano ang ibig Kong sabihin sa, “Huwag nang isipin ang mga ito”? Dahil kung ang bagay na ito ay talagang mangyayari sa nalalapit na hinaharap, mararamdaman mong nagigipit ka kung palagi mo itong iniisip. Dahil sa kagipitang ito, matatakot ka sa buhay at pamumuhay, mawawalan ka ng aktibo at positibong saloobin, at sa halip ay mas lalo kang malulugmok sa depresyon. Dahil ang isang taong nahaharap sa kamatayan ay walang interes o positibong saloobin sa kahit anong bagay, nararamdaman lamang niya ang depresyon. Mamamatay siya, tapos na ang lahat, wala nang kabuluhan ang paghahangad ng anuman o paggawa ng anuman, wala na siyang inaasam o motibasyon, at ang lahat ng kanyang ginagawa ay para sa paghahanda sa kamatayan at pagtungo sa kamatayan, kaya ano ang kabuluhan ng anumang ginagawa niya? Kaya naman, ang lahat ng kanyang ginagawa ay mayroong mga elemento at kalikasan ng pagkanegatibo at ng kamatayan. Kaya, magagawa mo bang hindi isipin ang kamatayan? Madali bang magawa ito? Kung ang usaping ito ay resulta lamang ng iyong sariling pag-iisip at imahinasyon, inaalarma mo lamang ang sarili mo, tinatakot mo ang iyong sarili, at sadyang hindi ito mangyayari sa nalalapit na hinaharap, kaya bakit mo pa ito iniisip? Dahil dito ay mas lalong hindi na kinakailangan pang isipin ang kamatayan. Ang dapat na mangyari ay palaging mangyayari; ang hindi dapat mangyari ay hindi mangyayari paano mo man ito isipin. Walang silbi ang katakutan ito, gayundin ang alalahanin ito. Hindi maiiwasan ang kamatayan sa pamamagitan ng pag-aalala dito, at hindi ka nito lalagpasan dahil lang sa natatakot ka rito. Kaya naman, ang isang aspekto ay na dapat mong bitiwan ang usapin ng kamatayan mula sa iyong puso at huwag mo na itong ituring na mahalaga; dapat mo itong ipagkatiwala sa Diyos, na para bang walang kinalaman sa iyo ang kamatayan. Ito ay isang bagay na isinasaayos ng Diyos, kaya hayaan mo ang Diyos na isaayos ito—hindi ba’t nagiging simple ito kung gayon? Ang isa pang aspekto ay na dapat mayroon kang aktibo at positibong saloobin tungkol sa kamatayan. Sabihin mo sa Akin, sino sa bilyon-bilyong tao sa mundo ang labis na pinagpala na makarinig ng napakaraming salita ng Diyos, na makaunawa ng napakaraming katotohanan ng buhay, at makaunawa ng napakaraming misteryo? Sino sa kanila ang personal na nakakatanggap ng patnubay ng Diyos, ng panustos ng Diyos, ng Kanyang pag-aalaga at proteksyon? Sino ang lubos na pinagpala? Iilan-ilan lamang. Kaya naman, dahil kayong kakaunti ay nakakapamuhay sa sambahayan ng Diyos ngayon, nakakatanggap ng Kanyang kaligtasan, at nakakatanggap ng Kanyang panustos, nagiging sulit ang lahat kahit pa mamatay kayo ngayon din. Kayo ay labis na pinagpala, hindi ba? (Oo.) Kung titingnan ito mula sa perspektibang ito, hindi dapat matakot nang sobra ang mga tao sa usapin ng kamatayan, at hindi rin sila dapat malimitahan nito. Kahit na hindi mo pa natatamasa ang anuman sa kaluwalhatian at kayamanan ng mundo, natanggap mo naman ang habag ng Lumikha at narinig ang napakaraming salita ng Diyos—hindi ba’t kasiya-siya ito? (Oo.) Ilang taon ka mang mabuhay sa buhay na ito, lahat ito ay sulit at wala kang pagsisisihan, dahil palagi mong ginagampanan ang iyong tungkulin sa gawain ng Diyos, naunawaan mo ang katotohanan, naunawaan mo ang mga misteryo ng buhay, at naunawaan mo ang landas at mga layunin na dapat mong hangarin sa buhay—napakarami mo nang natamo! Namuhay ka nang makabuluhan! Kahit pa hindi mo ito maipaliwanag nang napakalinaw, nakapagsasagawa ka ng ilang katotohanan at nagtataglay ka ng kaunting realidad, at iyon ay nagpapatunay na mayroon ka nang natamong ilang panustos sa buhay at naunawaang ilang katotohanan mula sa gawain ng Diyos. Napakarami mo nang natamo—napakasagana nito—at iyon ay isang napakalaking pagpapala! Sa buong kasaysayan ng tao, walang sinuman sa lahat ng kapanahunan ang nakatamasa ng pagpapalang ito, ngunit natatamasa ninyo ito. Handa na ba kayong mamatay ngayon? Kung may gayong kahandaan, ang inyong saloobin sa kamatayan ay magiging tunay na mapagpasakop, tama ba? (Oo.) Ang isang aspekto ay na dapat mayroong tunay na pagkaunawa ang mga tao, dapat silang makipagtulungan nang positibo at aktibo, at tunay na magpasakop, at dapat silang magkaroon ng tamang saloobin sa kamatayan. Sa ganitong paraan, hindi ba’t mababawasan nang malaki ang nararamdamang pagkabagabag, pagkabalisa, at pag-aalala ng mga tao tungkol sa kamatayan? (Oo.) Mababawasan nang malaki ang mga ito. …
Ang kamatayan ay isang problemang hindi madaling lutasin, at ito ang pinakamalaking suliranin ng tao. Kapag may nagsabi sa iyo, “Ang iyong mga tiwaling disposisyon ay napakalalim at ang iyong pagkatao ay hindi rin maganda. Kung hindi mo taimtim na hahangarin ang katotohanan at gagawa ka ng maraming masasamang bagay sa hinaharap, mapupunta ka sa impiyerno at maparurusahan!” maaaring sumama ang loob mo nang ilang panahon pagkatapos niyon. Maaaring pag-isipan mo ito, at gumaan ang iyong pakiramdam pagkatapos mong makatulog nang mahimbing, at pagkatapos ay hindi na masyadong masama ang loob mo. Gayunpaman, kung ikaw ay magkakaroon ng nakamamatay na sakit, at hindi ka na magtatagal, iyon ay isang bagay na hindi malulutas ng mahimbing na tulog, at hindi ito mabibitiwan nang basta-basta. Kailangan mong kayanin ang usaping ito sa loob ng ilang panahon. Ang mga tunay na naghahangad sa katotohanan ay maaaring kalimutan ang usaping ito, hanapin ang katotohanan sa lahat ng bagay, at gamitin ang katotohanan upang malutas ito—walang problema na hindi nila malulutas. Ngunit kung gagamitin ng mga tao ang mga pamamaraan ng tao, sa huli ay palagi silang makakaramdam ng pagkabagabag, pagkabalisa, at pag-aalala tungkol sa kamatayan. Kapag ang mga bagay ay hindi kayang lutasin, gumagamit sila ng mga sukdulang pamamaraan upang subukang lutasin ang mga ito. Ang ilang tao ay hinaharap ito nang may depresyon at pagkanegatibo, sinasabing, “Mamamatay na lang ako kung gayon. Sino ba ang natatakot sa kamatayan? Pagkatapos mamatay, muli na lang akong isisilang at mabubuhay!” Mapapatunayan mo ba ito? Naghahanap ka lang ng mga salitang makapagpapanatag sa iyo, at hindi niyan malulutas ang problema. Ang lahat ng bagay at ang bawat bagay, nakikita man o hindi nakikita, materyal man o hindi materyal, ay kontrolado at pinamumunuan ng mga kamay ng Lumikha. Walang makakakontrol sa kanyang sariling kapalaran at ang tanging saloobing dapat taglayin ng tao, sa sakit man o sa kamatayan, ay ang pag-unawa, pagtanggap, at pagpapasakop; hindi dapat umasa ang mga tao sa kanilang mga imahinasyon o kuru-kuro, hindi sila dapat humanap ng paraan upang maalpasan ang mga bagay na ito, at mas lalong hindi nila dapat tanggihan o labanan ang mga ito. Kung pikit-mata mong susubukang lutasin ang mga isyu ng sakit at kamatayan gamit ang iyong sariling mga pamamaraan, habang humahaba ang iyong buhay ay mas magdurusa ka, mas lalo kang malulugmok sa depresyon, at mas lalo mong mararamdamang nakakulong ka. Sa huli, kakailanganin mo pa ring tahakin ang landas ng kamatayan, at ang iyong wakas ay talagang magiging katulad ng iyong kamatayan—ikaw ay tunay na mamamatay. Kung magagawa mong aktibong hanapin ang katotohanan at, ito man ay may kinalaman sa pag-unawa sa sakit na isinaayos ng Diyos para sa iyo o sa pagharap sa kamatayan, kung magagawa mong positibo at aktibong hanapin ang katotohanan, hanapin ang mga pamamatnugot, ang kataas-taasang kapangyarihan at ang mga pagsasaayos ng Lumikha hinggil sa ganitong uri ng malaking pangyayari, at makamit ang tunay na pagpapasakop, naaayon ito sa mga layunin ng Diyos. Kung aasa ka sa lakas at mga pamamaraan ng tao upang harapin ang lahat ng bagay na ito, at sisikapin mong malutas ang mga ito o matakasan ang mga ito, kahit hindi ka mamatay at pansamantala mong maiwasan ang suliranin ng kamatayan, dahil wala kang tunay na pag-unawa, pagtanggap, at pagpapasakop sa Diyos at sa katotohanan, kaya hindi ka makapagbigay ng patotoo sa usaping ito, ang pangwakas na resulta ay na kapag ikaw ay muling naharap sa parehong isyu, magiging malaking pagsubok pa rin ito para sa iyo. Posible pa ring ipagkanulo mo ang Diyos at ikaw ay bumagsak, at walang duda na ito ay magiging isang mapanganib na bagay para sa iyo. Kaya naman, kung talagang nahaharap ka ngayon sa sakit o kamatayan, hayaan mong sabihin Ko sa iyo na mas mainam na samantalahin mo ang praktikal na sitwasyon na ito ngayon upang hanapin ang katotohanan at lutasin ang pinakaugat ng usaping ito, sa halip na hintayin mong tunay na dumating ang kamatayan pero pagkatapos ay mabibigla ka lang din naman, hindi mo malalaman ang dapat gawin, malilito ka, at mararamdaman mong wala kang magagawa, kaya makagagawa ka ng mga bagay na pagsisisihan mo habang buhay. Kung may gagawin kang pagsisisihan o panghihinayangan mo, maaaring ikaw ay mapuksa dahil dito. Kaya nga, anuman ang isyu, dapat lagi mong simulan ang iyong pagpasok nang may pag-unawang dapat mayroon ka tungkol sa usapin at nang may mga katotohanang dapat mong maunawaan. Kung palagi kang nababagabag, nababalisa, at nag-aalala tungkol sa mga bagay tulad ng karamdaman at ikaw ay namumuhay nang nababalot ng mga ganitong uri ng negatibong emosyon, kailangan mo nang magsimula ngayon na hanapin ang katotohanan at lutasin ang mga problemang ito sa lalong madaling panahon.
—Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan 4
Hindi alam ng mga tao kung paano haharapin ang kanilang kamatayan, o kung paano mamuhay nang makabuluhan. Tingnan natin, kung gayon, ang saloobin ng Diyos sa pagharap sa kamatayan ng mga tao. Anuman ang aspekto ng tungkuling ginagampanan, sa proseso ng paggawa ng mga tao sa kanilang tungkulin, ang pakay ng Diyos ay ang maunawaan ng mga tao ang katotohanan, maisagawa ito, maisantabi ang kanilang mga tiwaling disposisyon, maisabuhay ang wangis ng normal na tao, at maabot ang pamantayan sa pagkamit ng kaligtasan, sa halip na basta-bastang tunguhin ang kamatayan. May mga taong nagkakaroon ng malubhang karamdaman o kanser at iniisip na, “Hinihiling sa akin ng Diyos na mamatay ako at isuko ang buhay ko, kaya susunod ako!” Sa katunayan, hindi iyon sinabi ng Diyos, at hindi rin sumagi sa Kanya ang gayong ideya. Ito ay walang iba kundi maling pagkaunawa lang ng mga tao. Kaya ano ang ibig sabihin ng Diyos? Ang lahat ay namumuhay nang ilang taon, ngunit magkakaiba ang haba ng kanilang buhay. Ang lahat ay namamatay kapag ipinasya ito ng Diyos, sa tamang panahon at lugar. Lahat ito ay inorden ng Diyos. Ginagawa Niya ito ayon sa oras na Kanyang itinakda para sa haba ng buhay ng taong iyon at sa lugar at paraan ng kanilang pagkamatay, sa halip na hayaan ang sinuman na mamatay nang basta-basta na lang. Itinuturing ng Diyos ang buhay ng isang tao bilang napakahalaga, at itinuturing din Niya ang kamatayan ng isang tao at ang pagwawakas ng pisikal na buhay nito bilang napakahalaga. Ang lahat ng ito ay inorden ng Diyos. Kung titingnan ito mula sa pananaw na ito, hinihingi man ng Diyos sa mga tao na gampanan ang kanilang mga tungkulin o sundin Siya, hindi Niya hinihiling sa mga tao na basta-bastang tunguhin ang kamatayan. Ano ang ibig sabihin nito? Nangangahulugan ito na hindi hinihingi ng Diyos sa iyo na maging handang isuko ang iyong buhay anumang oras alang-alang sa pagganap ng iyong tungkulin o paggugol para sa Diyos, o alang-alang sa Kanyang atas. Hindi mo kailangang gumawa ng gayong mga paghahanda, hindi mo kailangang magkaroon ng gayong pag-iisip, at tiyak na hindi mo kailangang magplano o mag-isip nang ganoon, dahil hindi kailangan ng Diyos ang buhay mo. Bakit Ko ba sinasabi iyon? Malinaw naman na pag-aari ng Diyos ang buhay mo, Siya ang nagkaloob nito, kaya bakit Niya gugustuhing bawiin ito? Mahalaga ba ang buhay mo? Sa perspektiba ng Diyos, hindi ito isang usapin ng kung mahalaga ba ito o hindi, kundi kung ano lang ang papel na ginagampanan mo sa plano ng pamamahala ng Diyos. Pagdating sa buhay mo, kung nais ng Diyos na kuhain ito, magagawa Niya ito anumang oras, saan mang lugar at anumang minuto. Samakatuwid, ang buhay ng sinumang tao ay mahalaga sa kanyang sarili, at mahalaga sa kanyang mga tungkulin, obligasyon at responsabilidad, at gayundin sa atas ng Diyos. Siyempre, mahalaga rin ito sa kanyang papel sa pangkalahatang plano ng pamamahala ng Diyos. Bagamat mahalaga ito, hindi kailangang kuhain ng Diyos ang buhay mo. Bakit? Kapag kinuha ang buhay mo, magiging isa kang patay na tao, at wala ka nang magiging pakinabang. Kapag buhay ka, namumuhay kasama ng sangkatauhan na pinamumunuan ng Diyos, saka mo lang magagampanan ang papel na dapat mong gampanan sa buhay na ito, at matutupad ang mga responsabilidad at obligasyon na dapat mong tuparin, at ang mga tungkuling hinihingi ng Diyos na gampanan mo sa buhay na ito. Tanging kapag umiiral ka sa kondisyong ito magkakaroon ng halaga ang buhay mo at mapagtatanto mo ang halaga nito. Kaya, huwag basta-bastang magbigkas ng mga pariralang gaya ng “ang mamatay para sa Diyos” o “pag-alay ng aking buhay para sa gawain ng Diyos,” at huwag ulitin ang mga ito, o papanatilihin ang mga ito sa iyong isipan o sa kaibuturan ng iyong puso; hindi ito kailangan. Kapag ang isang tao ay palaging nagnanais na mamatay para sa Diyos, at ialay ang kanyang sarili at isuko ang kanyang buhay para sa kanyang tungkulin, ito ang pinakakasuklam-suklam, hindi karapat-dapat, at kamuhi-muhing bagay. Bakit? Kung tapos na ang buhay mo, at hindi ka na namumuhay sa ganitong anyo ng laman, paano mo matutupad ang iyong tungkulin bilang isang nilikha? Kung patay na ang lahat, sino ang maiiwan para iligtas ng Diyos sa pamamagitan ng Kanyang gawain? Kung walang mga taong kailangang iligtas, paano maisasakatuparan ang plano ng pamamahala ng Diyos? Mananatili pa ba ang gawain ng Diyos sa pagliligtas sa sangkatauhan? Maaari pa ba itong magpatuloy? Kung titingnan ito mula sa mga aspektong ito, hindi ba’t isang mahalagang bagay para sa mga tao na alagaang mabuti ang kanilang katawan at mamuhay nang may mainam na kalusugan? Hindi ba’t sulit ito? Tiyak na sulit ito, at dapat gawin ito ng mga tao. Tungkol naman sa mga hangal na taong basta-bastang nagsasabi na, “Kung magiging masyadong malubha ang sitwasyon, mamamatay ako para sa Diyos,” at walang ingat na kayang tratuhin nang mababaw ang kamatayan, at iniaalay ang kanilang buhay, at inaabuso ang kanilang katawan, anong uri ng tao ang mga ito? Sila ba ay mga mapaghimagsik na tao? (Oo.) Sila ang mga taong pinakamapaghimagsik, at dapat silang kasuklaman at kamuhian. Kapag ang isang tao ay basta-bastang nakakapagsabi na mamamatay siya para sa Diyos, maaaring ipagpalagay na basta-basta lamang niyang naiisip na wakasan ang kanyang sariling buhay, bitiwan ang kanyang tungkulin, bitiwan ang atas na ipinagkatiwala sa kanya ng Diyos, at pigilan ang mga salita ng Diyos na matupad sa kanya. Hindi ba’t isa itong hangal na paraan ng paggawa sa mga bagay-bagay? Maaaring basta-basta at handa mong isuko ang buhay mo at sabihin na gusto mong ialay ito sa Diyos, ngunit kailangan ba ng Diyos na ialay mo ito? Ang buhay mo mismo ay pag-aari ng Diyos, at maaaring kunin ito ng Diyos anumang oras, kaya’t ano ang saysay ng pag-aalay nito sa Kanya? Kung hindi mo ito iaalok pero kinakailangan ito ng Diyos, hihilingin ba Niya ito sa iyo sa magandang paraan? Kailangan pa ba Niya itong ipakiusap sa iyo? Hindi, hindi Niya kailangang gawin iyon. Ngunit bakit gugustuhin ng Diyos ang buhay mo? Sa sandaling bawiin ng Diyos ang buhay mo, hindi mo na magagampanan ang iyong tungkulin, at isang tao ang mawawala sa plano ng pamamahala ng Diyos. Matutuwa at masisiyahan ba Siya sa ganoon? Sino ba talaga ang matutuwa at masisiyahan? (Si Satanas.) Kung isusuko mo ang buhay mo, ano ang mapapala mo sa paggawa niyon? At ano ang makakamit ng Diyos sa pagkuha ng iyong buhay? Kung mapapalampas mo ang pagkakataong maligtas, isa ba itong pakinabang o kawalan para sa Diyos? (Isang kawalan.) Para sa Diyos, hindi ito isang pakinabang, kundi isang kawalan. Tinutulutan ka ng Diyos, bilang isang nilikha, na magkaroon ng buhay at akuin ang posisyon ng isang nilikha upang magampanan ang tungkulin ng isang nilikha, at sa paggawa nito, makapasok sa katotohanang realidad, magpasakop sa Diyos, maunawaan ang Kanyang mga intensiyon at makilala Siya, masunod ang Kanyang kalooban, makipagtulungan sa Kanya sa pagsasakatuparan ng Kanyang gawain ng pagliligtas sa sangkatauhan, at masunod Siya hanggang sa pinakawakas. Ito ay pagiging matuwid, at ito ang halaga at kabuluhan ng pag-iral ng buhay mo. Kung umiiral ang buhay mo para dito, at namumuhay ka nang mainam sa kalusugan para dito, kung gayon, ito ang pinakamakabuluhang bagay, at kung Diyos ang tatanungin, ito ay tunay na dedikasyon at pakikipagtulungan—para sa Kanya, ito ang pinakakasiya-siyang bagay. Ang nais makita ng Diyos ay isang nilikha na namumuhay sa laman na nagwawaksi sa tiwaling disposisyon nito sa gitna ng Kanyang pagkastigo at paghatol, tumatanggi sa napakaraming nakalilinlang na ideya na itinanim ni Satanas dito, at nagagawang tanggapin ang mga katotohanan at mga hinihingi mula sa Diyos, ganap na magpasakop sa kapamahalaan ng Lumikha, tumutupad sa tungkulin na dapat tuparin ng isang nilikha, at nagagawang maging isang tunay na nilikha. Ito ang nais makita ng Diyos, at ito ang halaga at kabuluhan ng pagkakaroon ng buhay ng tao. Samakatuwid, para sa sinumang nilikha, hindi kamatayan ang pinakahuling hantungan. Ang halaga at kabuluhan ng pag-iral ng buhay ng tao ay hindi ang mamatay, kundi ay ang mabuhay para sa Diyos, umiral para sa Diyos at para sa sariling tungkulin, umiral upang magampanan ang mga tungkulin at mga responsabilidad ng isang nilikha, para sumunod sa kalooban ng Diyos, at para ipahiya si Satanas. Ito ang halaga ng pag-iral ng isang nilikha, at gayundin ang kabuluhan ng buhay nito.
Tungkol naman sa mga hinihingi ng Diyos sa mga tao, ang paraan ng pagtrato ng Diyos sa buhay at kamatayan ng mga tao ay ganap na naiiba sa inilarawan ng kasabihang “Sumunod sa ipinapagawa at sikaping gawin ang makakaya mo hanggang sa araw ng iyong kamatayan” sa tradisyonal na kultura. Laging gusto ni Satanas na mamatay ang mga tao. Hindi ito komportable na makitang buhay ang mga tao, at patuloy itong nag-iisip kung paano kukuhain ang buhay ng mga tao. Sa sandaling tanggapin ng mga tao ang mga maling ideya ng tradisyonal na kultura mula kay Satanas, ang tanging gusto nila ay isakripisyo ang kanilang buhay para sa kanilang bansa at bayan, o para sa kanilang propesyon, para sa pag-ibig, o para sa kanilang pamilya. Palagi nilang hinahamak ang sarili nilang buhay, handang mamatay at ialay ang kanilang buhay saanman at anumang oras, at hindi itinuturing ang buhay na ibinigay sa kanila ng Diyos bilang ang pinakamahalagang bagay at bilang isang bagay na dapat pakamahalin. Dahil hindi magampanan ang kanilang mga tungkulin at obligasyon habang sila ay nabubuhay, habang taglay pa nila ang buhay na ibinigay sa kanila ng Diyos, tinatanggap nila sa halip ang mga maling paniniwala at mga maladiyablong salita ni Satanas, na laging naglalayong sumunod sa ipinapagawa sa kanila at magsikap na gawin ang kanilang makakaya hanggang sa araw ng kanilang kamatayan, at inihahanda ang kanilang sarili na mamatay para sa Diyos anumang oras. Ang totoo ay na kung talagang mamamatay ka, kung gayon, ginagawa mo ito hindi para sa Diyos, kundi para kay Satanas, at hindi ka gugunitain ng Diyos. Sapagkat ang mga buhay lamang ang makapagluluwalhati sa Diyos at makapagpapatotoo sa Kanya, at tanging ang mga buhay lamang ang maaaring umako sa nararapat na posisyon ng mga nilikha at gumanap sa kanilang mga tungkulin, at sa gayon ay walang maiiwang mga pagsisisi, at maipapahiya nila si Satanas, at makapagpapatotoo sila sa mga kamangha-manghang gawa at kataas-taasang kapangyarihan ng Lumikha—ang mga buhay lamang ang makagagawa ng mga bagay na ito. Kung wala ka man lang buhay, ang lahat ng ito ay titigil na sa pag-iral. Hindi ba’t tama ito? (Oo.) Kaya naman, sa paghain ng kasabihang tungkol sa wastong asal na, “Sumunod sa ipinapagawa at sikaping gawin ang makakaya mo hanggang sa araw ng iyong kamatayan,” tiyak na pinaglalaruan at niyuyurakan ni Satanas ang buhay ng tao. Hindi nirerespeto ni Satanas ang buhay ng tao, kundi sa halip ay pinaglalaruan ito, hinihimok ang mga tao na tanggapin ang mga ideya tulad ng “Sumunod sa ipinapagawa at sikaping gawin ang makakaya mo hanggang sa araw ng iyong kamatayan.” Namumuhay sila sa gayong mga ideya, at hindi pinahahalagahan ang buhay o itinuturing ang kanilang sariling buhay bilang mahalaga, kaya’t basta-basta nilang isinusuko ang kanilang buhay, iyong pinakamahalaga sa mga bagay na ibinibigay ng Diyos sa mga tao. Ito ay pagtataksil at imoralidad. Hangga’t hindi pa naaabot ang takdang panahon na inorden ng Diyos para sa iyo, hindi ka dapat magsalita nang basta-basta tungkol sa pag-aalay ng iyong buhay, kahit kailan. Hangga’t mayroon ka pang hininga sa loob mo, huwag kang sumuko, huwag talikuran ang iyong tungkulin, at huwag abandonahin ang ipinagkatiwala at atas ng Lumikha sa iyo. Sapagkat ang buhay ng sinumang nilikha ay umiiral lamang para sa Lumikha, at para lamang sa Kanyang kataas-taasang kapangyarihan, pangangasiwa, at mga pagsasaayos, at umiiral at napagtatanto lang din ang halaga nito para sa patotoo ng Lumikha at sa Kanyang gawain ng pagliligtas sa sangkatauhan. Makikita mo na ang pananaw ng Diyos sa buhay ng tao ay ganap na naiiba sa pananaw ni Satanas. Kaya, sino ang tunay na nagpapahalaga sa buhay ng tao? (Ang Diyos.) Tanging ang Diyos, samantalang ang mga tao mismo ay hindi alam kung paano pahalagahan ang sarili nilang buhay. Tanging ang Diyos ang nagpapahalaga sa buhay ng tao. Bagamat ang mga tao ay hindi kaibig-ibig o karapat-dapat sa pagmamahal, at puno sila ng karumihan, paghihimagsik, at ng maraming uri ng kakatwang ideya at pananaw na ikinintal ni Satanas, at bagamat iniidolo at sinusunod nila si Satanas, hanggang sa punto ng pagsalungat sa Diyos, gayunpaman, sapagkat ang mga tao ay nilikha ng Diyos, at pinagkakalooban Niya sila ng hininga at buhay, Siya lamang ang nagpapahalaga sa buhay ng tao, Siya lamang ang nagmamahal sa mga tao, at Siya lamang ang patuloy na nagmamalasakit at nagpapahalaga sa sangkatauhan. Pinahahalagahan ng Diyos ang mga tao—hindi ang kanilang pisikal na katawan, kundi ang buhay nila, dahil ang mga tao lamang na binigyan ng buhay ng Diyos ang maaaring maging mga nilikhang tunay na sumasamba sa Kanya at nagpapatotoo sa Kanya sa huli. Ang Diyos ay may gawain, mga atas, at mga ekspektasyon para sa mga tao, sa mga nilikhang ito. Samakatuwid, pinahahalagahan at pinagkakaingat-ingatan ng Diyos ang kanilang buhay. Ito ang katotohanan. Nauunawaan mo ba? (Oo.) Kaya, sa sandaling maunawaan ng mga tao ang intensiyon ng Diyos na Lumikha, hindi ba’t dapat na may mga prinsipyo kung paano nila dapat tratuhin ang buhay ng kanilang pisikal na katawan, at harapin ang mga sistema at pangangailangan nito para mabuhay? Ano ang batayan ng mga prinsipyong ito? Nakabatay ang mga ito sa mga salita ng Diyos. Ano ang mga prinsipyo sa pagsasagawa ng mga ito? Ang pasibong pagharap dito ay dapat talikuran ng mga tao ang maraming uri ng maling pananaw na ikinintal sa kanila ni Satanas, ilantad at kilalanin ang mga panlilinlang ni Satanas—tulad ng kasabihang “Sumunod sa ipinapagawa at sikaping gawin ang makakaya mo hanggang sa araw ng iyong kamatayan”—na nagpapamanhid, pumipinsala, at kumukulong sa mga tao, at abandonahin ang mga pananaw na ito; dagdag pa rito, ang aktibo namang pagharap dito ay dapat nilang tumpak na maunawaan kung ano ang mga hinihingi ng Diyos na Lumikha para sa sangkatauhan, at gawing pundasyon ang mga salita ng Diyos sa lahat ng kanilang ginagawa. Sa ganitong paraan, makapagsasagawa nang tama ang mga tao nang walang mga paglihis, at tunay nilang hahangarin ang katotohanan.
—Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Ang Kahulugan ng Paghahangad sa Katotohanan 12
Kung nais ng isang tao na mamuhay nang may halaga at makabuluhan, dapat niyang hangarin ang katotohanan. Una sa lahat, dapat siyang magkaroon ng tamang pananaw sa buhay, gayundin ng tamang mga kaisipan at pananaw sa iba’t ibang malalaki at maliliit na bagay na kanyang kinakaharap sa buhay at sa kanyang landas sa buhay. Dapat din niyang tingnan ang lahat ng bagay na ito mula sa tamang perspektiba at paninindigan, sa halip na harapin ang iba’t ibang problemang nakakaharap niya sa kanyang buhay o sa kanyang pang-araw-araw na buhay gamit ang labis-labis o radikal na mga kaisipan at pananaw. Siyempre, hindi rin niya dapat tingnan ang mga bagay na ito mula sa isang sekular na perspektiba, at sa halip ay dapat niyang bitiwan ang gayong negatibo at maling mga kaisipan at pananaw. … Upang magbigay ng isang halimbawa, sabihin nating ang isang tao ay nagkaroon ng cancer at natatakot siyang mamatay. Ayaw niyang tanggapin ang kamatayan at palagi siyang nagdarasal sa Diyos na protektahan siya mula sa kamatayan at pahabain ang kanyang buhay nang ilang taon pa. Dala-dala niya ang mga negatibong emosyon ng pagkabagabag, pag-aalala, at pagkabalisa araw-araw, bagaman nagawa niyang mabuhay nang ilan pang taon, natatamo ang kanyang layon at nararanasan ang kaligayahan na nagmumula sa pag-iwas sa kamatayan. Pakiramdam niya ay masuwerte siya, at naniniwala na napakabuti ng Diyos, na ang Diyos ay tunay na kahanga-hanga. Sa pamamagitan ng sariling pagsisikap ng taong iyon, paulit-ulit na pagsusumamo, pagmamahal sa sarili, at pag-aalaga sa sarili, naiiwasan niya ang kamatayan, at sa huli, nagpapatuloy siyang mabuhay, gaya ng nais niya. Nagpapahayag siya ng pasasalamat sa pangangalaga, biyaya, pagmamahal, at awa ng Diyos. Araw-araw siyang nagpapasalamat sa Diyos at lumalapit sa Kanya upang mag-alay ng papuri para dito. Madalas siyang umiiyak habang kumakanta ng mga himno at nagninilay-nilay sa mga salita ng Diyos, at iniisip niya kung gaano kamangha-mangha ang Diyos: “Talagang kontrolado ng Diyos ang buhay at kamatayan; tinulutan Niya akong mabuhay.” Habang ginagampanan ang kanyang tungkulin sa bawat araw, madalas niyang iniisip kung paano uunahin ang pagdurusa at ilalagay sa huli ang kasiyahan, at kung paano magiging mas mahusay kaysa sa iba sa lahat ng bagay, upang mapangalagaan niya ang kanyang sariling buhay at maiwasan ang kamatayan—sa huli, nabubuhay siya nang ilang taon pa, at lubos na nasisiyahan at masaya. Ngunit isang araw, lumalala ang kanyang sakit, at binibigyan siya ng doktor ng panghuling abiso, sinasabi sa kanya na maghanda na para sa katapusan. Nahaharap siya ngayon sa kamatayan; tunay na nasa bingit na siya ng kamatayan. Ano kaya ang magiging reaksyon niya? Dumating na ang pinakakinatatakutan niya, nangyayari na ang pinaka-inaalala niya. Dumating na ang araw na pinakaayaw niyang makita at maranasan. Sa isang iglap, nasisiraan siya ng loob at nawawalan ng pag-asa. Ayaw na niyang gampanan ang kanyang tungkulin, at wala na siyang mga natitirang salita para ipanalangin sa Diyos. Ayaw na niyang purihin ang Diyos o pakinggan ang Diyos na magsalita ng anumang salita o magtustos ng anumang katotohanan. Hindi na siya naniniwala na ang Diyos ay pagmamahal, katuwiran, awa, at kabaitan. Kasabay nito, nagsisisi siya, “Sa lahat ng taon na ito, nakalimutan kong kumain ng mas masarap na pagkain at lumabas at magsaya sa mga libre kong oras. Ngayon wala na akong pagkakataon na gawin ang mga bagay na iyon.” Puno ng mga hinaing at panaghoy ang isipan niya, at puno ng pasakit ang puso niya, pati na rin ng mga reklamo, hinanakit, at pagtatatwa sa Diyos. Pagkatapos, nang may pagsisisi, nililisan niya ang mundong ito. Bago siya umalis, nasa puso pa rin ba niya ang Diyos? Naniniwala pa rin ba siya sa pag-iral ng Diyos? (Hindi na siya naniniwala.) Paano nangyari ang kinalabasang ito? Hindi ba’t nagsimula ito sa mga maling pananaw na pinanghahawakan niya tungkol sa buhay at kamatayan mula pa sa simula? (Oo.) Hindi lamang siya nagtataglay ng maling mga kaisipan at pananaw mula sa simula, kundi ang mas malala pa, pagkatapos nito ay sumunod at umayon siya sa sarili niyang mga kaisipan at pananaw sa kanyang paghahangad pasulong. Hindi siya kailanman sumuko, at sumugod at tumakbo siya papunta sa maling landas nang hindi lumilingon. Bilang resulta, nawalan siya ng pananalig sa Diyos sa huli—ang kanyang paglalakbay sa pananalig ay nagtapos sa ganitong paraan, at ganoon nagwakas ang kanyang buhay. Natamo ba niya ang katotohanan? Nakamit ba siya ng Diyos? (Hindi.) Nang sa wakas ay mamatay siya, nagbago ba ang mga perspektiba at saloobin sa kamatayan na pinanghahawakan niya? (Hindi.) Namatay ba siya nang may ginhawa, kagalakan, at kapayapaan, o nang may pagsisisi, pag-aatubili, at sama ng loob? (Namatay siya nang may pag-aatubili at sama ng loob.) Wala siyang anumang nakamit. Hindi niya natamo ang katotohanan, at hindi rin siya nakamit ng Diyos. Kaya, masasabi ba ninyo na natamo ng ganitong uri ng tao ang kaligtasan? (Hindi.) Hindi siya naligtas. Bago siya namatay, hindi ba’t hindi siya masyadong nagpakaabala at gumugol nang husto? (Oo, ganoon na nga.) Tulad ng ibang tao, nanampalataya siya sa Diyos at tinupad ang kanyang tungkulin, at sa panlabas, tila wala siyang pagkakaiba sa iba. Nang makaranas siya ng sakit at kamatayan, nagdasal siya sa Diyos at hindi pa rin niya tinalikuran ang kanyang tungkulin. Patuloy siyang nagtatrabaho gaya ng dati. Gayunpaman, mayroong isang bagay na dapat maunawaan at makita ng mga tao: Ang mga kaisipan at pananaw na kinikimkim ng taong ito ay palaging negatibo at mali. Gaano man siya nagdusa o gaano man kalaki ang halagang ibinayad niya habang ginagampanan ang kanyang tungkulin, kinimkim niya ang mga maling kaisipan at pananaw na ito sa kanyang paghahangad. Palagi siyang pinamumunuan ng mga ito at dinadala ang kanyang mga negatibong emosyon sa kanyang tungkulin, naghahangad na ialay sa Diyos ang paggampan ng kanyang tungkulin kapalit ng sarili niyang kaligtasan, para makamit ang kanyang pakay. Ang layon ng kanyang paghahangad ay hindi upang maunawaan o makamit ang katotohanan, o magpasakop sa lahat ng pangangasiwa at pagsasaayos ng Diyos. Ang layon ng kanyang paghahangad ay ang mismong kabaligtaran nito. Nais niyang mamuhay ayon sa sarili niyang kagustuhan at mga hinihingi, makuha ang nais niyang hangarin. Gusto niyang isaayos at pangasiwaan ang sarili niyang kapalaran at maging ang sarili niyang buhay at kamatayan. At kaya, sa huli, ang nagiging kahihinatnan niya ay na wala siyang anumang nakamit. Hindi niya natamo ang katotohanan at sa huli ay itinatwa niya ang Diyos, at nawalan siya ng pananalig sa Diyos. Kahit na papalapit na ang kamatayan, bigo pa rin siyang maunawaan kung paano dapat mamuhay ang mga tao at kung paano dapat ituring ng isang nilikha ang mga pangangasiwa at pagsasaayos ng Lumikha. Iyon ang pinakakahabag-habag at pinakakalunos-lunos na bagay sa kanya. Kahit nasa bingit na ng kamatayan, bigo siyang maunawaan na sa buong buhay ng isang tao, ang lahat ng bagay ay nasa ilalim ng kataas-taasang kapangyarihan at pagsasaayos ng Lumikha. Kung nais ng Lumikha na mabuhay ka, kung gayon, kahit na naghihirap ka sa isang nakamamatay na sakit, hindi ka mamamatay. Kung nais ng Lumikha na mamatay ka, kung gayon, kahit na bata ka pa, malusog, at malakas, kapag oras mo na, dapat kang mamatay. Ang lahat ay nasa ilalim ng kataas-taasang kapangyarihan at pagsasaayos ng Diyos, ito ang awtoridad ng Diyos, at walang sinuman ang makakahigit dito. Nabigo siyang maunawaan ang gayon kasimpleng katotohanan—hindi ba’t kahabag-habag iyon? (Oo.) Sa kabila ng pananampalataya niya sa Diyos, pagdalo sa mga pagtitipon, pakikinig sa mga sermon, at paggampan sa kanyang tungkulin, sa kabila ng kanyang paniniwala sa pag-iral ng Diyos, paulit-ulit siyang tumatangging kilalanin na ang tadhana ng tao, kabilang na ang buhay at kamatayan, ay nasa mga kamay ng Diyos sa halip na nasasailalim sa kagustuhan ng tao. Walang namamatay dahil lang sa gusto ng taong iyon, at walang nabubuhay dahil lang sa gusto niyang mabuhay at takot siya sa kamatayan. Bigo siyang maunawaan ang gayon kasimpleng katunayan, bigo siyang makita ito kahit na nahaharap sa nalalapit na kamatayan, at hindi pa rin niya alam na ang buhay at kamatayan ng isang tao ay hindi itinatakda ng kanyang sarili, at sa halip ay nakasalalay ito sa paunang pagtatalaga ng Lumikha. Hindi ba’t kalunos-lunos ito? (Oo.)
—Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan 6
Kung kinikilala mo na isa kang nilikha, dapat mong ihanda ang iyong sarili na magdusa at magbayad ng halaga alang-alang sa pagtupad ng iyong responsabilidad na ipalaganap ang ebanghelyo at alang-alang sa maayos na pagganap sa iyong tungkulin. Maaaring ang kabayaran ay ang pagdanas ng ilang pisikal na karamdaman o paghihirap, o pagdusahan ang mga pag-uusig ng malaking pulang dragon o ang mga maling pagkaunawa ng mga taong makamundo, gayundin ang mga paghihirap na pinagdaraanan ng isang tao kapag nagpapalaganap ng ebanghelyo: ang maipagkanulo, mabugbog at mabulyawan, makondena—ang dumugin pa nga at malagay sa panganib ang buhay. Posible, habang nagpapalaganap ng ebanghelyo, na mamamatay ka bago matapos ang gawain ng Diyos, at na hindi ka na mabubuhay upang masilayan ang araw ng kaluwalhatian ng Diyos. Dapat kang maging handa rito. Hindi ito para takutin kayo; ito ay katotohanan. Ngayong nalinaw Ko na ito, at naunawaan na ninyo ito, kung taglay pa rin ninyo ang paghahangad na ito, at nakasisigurong hindi ito magbabago, at mananatili kayong tapat hanggang sa kamatayan, nagpapatunay ito na taglay ninyo ang isang tiyak na tayog. Huwag ipagpalagay na magiging ligtas sa panganib ang pagpapalaganap ng ebanghelyo sa ibayong mga bansang ito na may mga kalayaan sa relihiyon at mga karapatang pantao at magiging maayos ang lahat ng gagawin mo, na lahat ito ay magkakaroon ng mga pagpapala ng Diyos at makakasama ng Kanyang dakilang kapangyarihan at awtoridad. Ito ay mga kuru-kuro at imahinasyon lamang ng tao. Naniwala rin sa Diyos ang mga Pariseo, ngunit dinakip nila ang Diyos na nagkatawang-tao at ipinako Siya sa krus. Kaya anong masasamang bagay laban sa Diyos na nagkatawang-tao ang kayang gawin ng mga kasalukuyang relihiyon sa mundo? Napakarami na nilang ginawang masamang bagay—hinahatulan ang Diyos, kinokondena ang Diyos, nilalapastangan ang Diyos—walang masamang bagay ang hindi nila kayang gawin. Huwag kalimutan na mga mananampalataya ang dumakip sa Panginoong Jesus at nagpako sa Kanya sa krus. Sila lang ang may pagkakataong gawin ang ganitong uri ng bagay. Walang pakialam sa gayong mga bagay ang mga walang pananampalataya. Ang mga mananampalatayang ito ang nakipagsabwatan sa pamahalaan upang dakpin ang Panginoong Jesus at ipako Siya sa krus. Bukod pa rito, paano namatay ang mga disipulo ng Panginoong Jesus? Sa mga disipulo, may mga pinukol ng bato, ipinakaladkad sa kabayo, ipinakong patiwarik, pinaghiwa-hiwalay ng limang kabayo ang katawan—sinapit nila ang lahat ng uri ng kamatayan. Ano ang dahilan ng kanilang kamatayan? Binitay ba sila nang naaayon sa batas para sa mga krimen nila? Hindi. Sila ay kinondena, binugbog, binulyawan, at pinatay dahil ipinalalaganap nila ang ebanghelyo ng Panginoon at tinanggihan ng mga tao ng mundo—ganyan kung paano sila minartir. Huwag nating pag-usapan ang pangwakas na kalalabasan ng mga martir na iyon, o ang pagpapakahulugan ng Diyos sa kanilang gawi, bagkus ay itanong ito: Nang sumapit sila sa kawakasan, umayon ba sa mga kuru-kuro ng tao ang mga paraan ng pagsapit nila sa kawakasan ng kanilang mga buhay? (Hindi.) Mula sa pananaw ng mga kuru-kuro ng tao, nagbayad sila ng gayon kalaking kabayaran upang ipalaganap ang gawain ng Diyos, pero sa huli ay napatay sila ni Satanas. Hindi ito umaayon sa mga kuru-kuro ng tao, ngunit ito mismo ang nangyari sa kanila. Ito ang tinulutan ng Diyos. Anong katotohanan ang mahahanap dito? Ang pagpapahintulot ba ng Diyos na mamatay sila sa ganitong paraan ay sumpa at pagkondena Niya, o ito ba ay Kanyang plano at pagpapala? Kapwa hindi. Ano ito? Pinagninilayan ng mga tao ngayon ang kanilang kamatayan nang may labis na dalamhati, ngunit ganoon ang mga bagay-bagay noon. Namatay sa ganoong paraan ang mga naniwala sa Diyos, paano ito maipaliliwanag? Kapag binabanggit natin ang paksang ito, inilalagay ninyo ang sarili ninyo sa kalagayan nila, kaya, malungkot ba ang inyong mga puso, at may nararamdaman ba kayong nakatagong kirot? Iniisip ninyo, “Tinupad ng mga taong ito ang kanilang tungkuling maipalaganap ang ebanghelyo ng Diyos at dapat ituring na mabubuting tao, kaya’t paano sila umabot sa gayong wakas at sa gayong kinalabasan?” Ang totoo, ganito namatay ang kanilang mga katawan at sumakabilang-buhay; ito ang paraan nila ng paglisan sa mundo ng tao, ngunit hindi iyon nangangahulugan na ganoon din ang kanilang kinahinatnan. Anuman ang paraan ng kanilang kamatayan at paglisan o kung paano man ito naganap, hindi ito ang paraan ng Diyos sa pagtukoy sa pangwakas na mga kalalabasan ng mga buhay na iyon, ng mga nilikhang iyon. Ito ay isang bagay na dapat mong malinaw na makita. Sa kabaligtaran, ginamit nila mismo ang mga kaparaanang iyon upang kondenahin ang mundong ito at upang magpatotoo sa mga gawa ng Diyos. Ginamit ng mga nilikhang ito ang kanilang napakahalagang buhay—ginamit nila ang huling sandali ng kanilang buhay upang magpatotoo sa mga gawa ng Diyos, upang magpatotoo sa dakilang kapangyarihan ng Diyos, at upang ipahayag kay Satanas at sa mundo na tama ang mga gawa ng Diyos, na ang Panginoong Jesus ay Diyos, na Siya ang Panginoon, at ang nagkatawang-taong laman ng Diyos. Kahit hanggang sa huling sandali ng kanilang buhay, hindi nila kailanman itinatwa ang pangalan ng Panginoong Jesus. Hindi ba ito isang anyo ng paghatol sa mundong ito? Ginamit nila ang kanilang mga buhay upang ipahayag sa mundo, upang tiyakin sa mga tao na ang Panginoong Jesus ay ang Panginoon, na ang Panginoong Jesus ay Cristo, na Siya ang katawang-tao ng Diyos, na ang gawain ng pagtubos na ginawa Niya para sa buong sangkatauhan ay nagpapahintulot sa sangkatauhan na patuloy na mabuhay—hindi nagbabago ang katotohanang ito magpakailanman. Yaong mga naging martir dahil sa pagpapalaganap ng ebanghelyo ng Panginoong Jesus, hanggang sa anong punto nila tinupad ang kanilang tungkulin? Hanggang sa pinakahuling punto ba? Paano naipakita ang pinakahuling punto? (Inialay nila ang kanilang buhay.) Tama iyan, buhay nila ang kanilang naging kabayaran. Pawang panlabas na mga bagay ang pamilya, kayamanan, at ang materyal na mga bagay sa buhay na ito; ang tanging bagay na may kaugnayan sa sarili ay ang buhay. Sa bawat nabubuhay na tao, ang buhay ang bagay na pinaka-karapat-dapat na pakaingatan, ang pinakamahalagang bagay at, sa katunayan, nagawa ng mga taong ito na ialay ang pinakamahalagang pagmamay-ari nila—ang buhay—bilang patunay at patotoo sa pagmamahal ng Diyos sa sangkatauhan. Hanggang sa araw na sila ay mamatay, hindi nila itinatwa ang pangalan ng Diyos, at hindi rin nila itinatwa ang gawain ng Diyos, at ginamit nila ang kanilang mga huling sandali ng buhay upang magpatotoo sa pag-iral ng katunayang ito—hindi ba ito ang pinakamataas na anyo ng patotoo? Ito ang pinakamahusay na paraan ng pagganap ng isang tao sa kanyang tungkulin; ito ang pagtupad ng isang tao sa kanyang pananagutan. Nang pagbantaan at takutin sila ni Satanas, at, sa huli, kahit pa nang ipabayad sa kanila ang kanilang mga buhay, hindi nila tinalikdan ang kanilang responsabilidad. Ito ang kahulugan ng pagtupad ng isang tao sa tungkulin hanggang sa pinakasukdulang punto. Ano ang ibig Kong sabihin dito? Ibig Ko bang sabihin na gamitin ninyo ang ganoon ding paraan upang magpatotoo sa Diyos at upang maipalaganap ang Kanyang ebanghelyo? Sadyang hindi kinakailangang gawin mo ang ganoon, ngunit dapat mong maunawaan na ito ay iyong pananagutan, na kung kinakailangan ng Diyos na gawin mo ito, dapat mo itong tanggapin bilang iyong obligasyon. May takot at pag-aalala sa mga layunin ang mga tao ngayon, ngunit anong silbi ng mga damdaming iyon? Kung hindi kailangan ng Diyos na gawin mo ito, para saan ang pag-aalala tungkol dito? Kung kailangan ng Diyos na gawin mo ito, hindi ka dapat umiwas o tumanggi sa pananagutang ito. Dapat kang maagap na makipagtulungan at tanggapin ito nang walang pag-aalala. Paano man mamatay ang isang tao, hindi siya dapat mamatay sa harap ni Satanas, at hindi mamatay sa mga kamay ni Satanas. Kung mamamatay ang isang tao, dapat siyang mamatay sa mga kamay ng Diyos. Nagmula sa Diyos ang mga tao, at sa Diyos sila magbabalik—gayon ang katwiran at saloobing dapat taglayin ng isang nilikha. Ito ang panghuling katotohanang dapat unawain ng isang tao sa pagpapalaganap ng ebanghelyo at pagganap sa kanyang tungkulin—dapat ibayad ng isang tao ang halaga ng kanyang buhay upang maipalaganap at magpatotoo sa ebanghelyo ng paggawa ng Diyos na nagkatawang-tao ng Kanyang gawain at pagliligtas sa sangkatauhan. Kung may ganito kang pagnanais, kung makakapagpatotoo ka sa ganitong paraan, kahanga-hanga iyon. Kung hindi ka pa rin nagtataglay ng ganitong uri ng pagnanais, kahit paano ay dapat mong maayos na tuparin ang pananagutan at tungkuling nasa harapan mo, ipinagkakatiwala na sa Diyos ang iba. Sa gayon marahil, habang lumilipas ang mga buwan at mga taon at dumarami ang iyong karanasan at ikaw ay tumatanda, at lumalalim ang iyong pagkaunawa sa katotohanan, matatanto mo na mayroon kang obligasyon at pananagutang ialay ang iyong buhay sa gawain ng ebanghelyo ng Diyos, maging hanggang sa huling sandali ng iyong buhay.
Ito na ang tamang panahon para simulang pag-usapan ang tungkol sa mga paksang ito dahil nagsimula na ang pagpapalaganap sa ebanghelyo ng kaharian. Dati, noong Kapanahunan ng Kautusan at Kapanahunan ng Biyaya, ibinuwis ng ilang sinaunang propeta at banal ang kanilang mga buhay sa pagpapalaganap ng ebanghelyo, kaya maaari ding ibuwis ng mga ipinanganak sa mga huling araw ang kanilang buhay para sa layuning ito. Hindi ito isang bagay na bago o biglaan, lalong hindi ito isang malabis na kahilingan. Ito ang marapat gawin ng mga nilikha at ang tungkuling nararapat nilang gampanan. Ito ang katotohanan; ito ang pinakamataas na katotohanan. Kung ang ginagawa mo lang ay sumigaw ng mga kasabihan tungkol sa kung ano ang gusto mong gawin para sa Diyos, kung paanong gusto mong tuparin ang iyong tungkulin, at kung gaano karami ang gusto mong gugulin at pagsikapan para sa Diyos, wala itong silbi. Kapag nahaharap ka na sa realidad, kapag hinihingi na sa iyo na isakripisyo mo ang iyong buhay, kung magrereklamo ka ba sa pinakahuling sandali, kung handa ka ba, at kung tunay ka bang nagpapasakop—ito ang pagsubok sa iyong tayog. Kung sa sandaling babawiin na ang iyong buhay, panatag ang loob mo, nakahanda ka, at nagpapasakop nang walang anumang reklamo, kung pakiramdam mo ay natupad mo na ang iyong mga responsabilidad, obligasyon, at tungkulin hanggang sa huli, kung maligaya at payapa ang iyong puso—kung papanaw ka nang ganito, kung gayon, para sa Diyos, hindi ka talaga pumanaw. Sa halip, nabubuhay ka sa ibang mundo at sa ibang anyo. Binago mo lang ang paraan ng iyong pamumuhay. Hindi ka tunay na patay. Sa paningin ng tao, “Napakabata pang namatay ng taong ito, nakakaawa naman!” Pero sa mga mata ng Diyos, hindi ka namatay o nakapagdusa. Sa halip, nakapagtamasa ka ng mga pagpapala at lalo kang napalapit sa Diyos. Dahil bilang isang nilikha, naabot mo na ang pamantayan sa paggampan ng iyong tungkulin sa paningin ng Diyos, natapos mo na ang iyong tungkulin, hindi na kailangan ng Diyos na gampanan mo pa ang tungkuling ito na kasama ang ibang nilikha. Para sa Diyos, ang “pagpanaw” mo ay hindi tinatawag na “pagpanaw,” ikaw ay “inalis,” “dinala,” o “kinuha,” at isa itong mabuting bagay.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Pagpapalaganap sa Ebanghelyo ang Tungkuling Dapat Tuparin ng Lahat ng Mananampalataya
Ayon sa mga kuru-kuro ng tao, ginagantimpalaan ang mabubuti at pinaparusahan ang masasama, pinagkakalooban ng kabutihan ang mabubuting tao at pinagkakalooban ng kasamaan ang masasamang tao, at ang mga taong hindi gumagawa ng masama ay dapat pagkalooban ng kabutihan at makatanggap ng mga pagpapala. Tila ba ipinapakita nito na, sa lahat ng kaso kung saan hindi masama ang mga tao, dapat silang pagkalooban ng kabutihan; ito lamang ang pagiging matuwid ng Diyos. Hindi ba’t ito ang kuru-kuro ng mga tao? Pero paano kung bigo silang mapagkalooban ng kabutihan? Sasabihin mo bang hindi matuwid ang Diyos? Halimbawa, noong kapanahunan ni Noe, sinabi ng Diyos kay Noe: “Ang wakas ng lahat ng laman ay dumating sa harap Ko; sapagkat ang lupa ay napuno ng karahasan dahil sa kanila; at, narito, sila’y Aking lilipuling kalakip ng lupa” (Genesis 6:13). Pagkatapos ay inutusan Niya si Noe na gawin ang arka. Pagkatapos tanggapin ni Noe ang atas ng Diyos at gawin ang arka, bumuhos sa mundo ang malakas na ulan sa loob ng apatnapung araw at gabi, nalubog ang buong mundo sa baha at, maliban kay Noe at sa pitong miyembro ng kanyang pamilya, nilipol ng Diyos ang lahat ng tao sa kapanahunang iyon. Ano ang tingin mo rito? Masasabi mo bang hindi mapagmahal ang Diyos? Para sa mga tao, gaano man katiwali ang sangkatauhan, basta’t lilipulin ng Diyos ang sangkatauhan, ibig sabihin nito ay hindi Siya mapagmahal—tama ba sila sa paniniwala rito? Hindi ba’t katawa-tawa ang paniniwalang ito? Hindi minahal ng Diyos ang mga taong nilipol Niya, pero masasabi mo ba talaga na hindi Niya minahal ang mga nabuhay at nakatamo ng Kanyang kaligtasan? Buong-pusong minahal ni Pedro ang Diyos at minahal ng Diyos si Pedro—talaga bang masasabi mong hindi mapagmahal ang Diyos? Mahal ng Diyos ang mga tunay na nagmamahal sa Kanya at kinapopootan at sinusumpa Niya ang mga taong lumalaban sa Kanya at tumatangging magsisi. Ang Diyos ay mayroong pagmamahal at poot, iyan ang katotohanan. Hindi dapat limitahan o husgahan ng mga tao ang Diyos ayon sa mga kuru-kuro at imahinasyon nila, dahil ang mga kuru-kuro at imahinasyon ng sangkatauhan, na paraan nila ng pagtingin sa mga bagay-bagay, ay walang anumang katotohanan. Dapat makilala ang Diyos batay sa saloobin Niya sa tao, sa Kanyang disposisyon at diwa. Hinding-hindi dapat subukan ng isang tao na tukuyin kung anong diwa ang mayroon ang Diyos batay sa panlabas na anyo ng mga bagay na ginagawa at inaasikaso ng Diyos. Napakalalim na nagawang tiwali ni Satanas ang sangkatauhan; hindi nila alam ang kalikasang diwa ng tiwaling sangkatauhan, lalo na kung ano ang tiwaling sangkatauhan sa harap ng Diyos, o kung paano sila dapat tratuhin ayon sa Kanyang matuwid na disposisyon. Gawing halimbawa si Job, siya ay isang matuwid na tao at pinagpala siya ng Diyos. Ito ang katuwiran ng Diyos. Nakipagpustahan si Satanas kay Jehova: “Natatakot ba ng walang kabuluhan si Job sa diyos? Hindi mo ba kinulong siya, at ang kanyang sambahayan, at ang lahat niyang tinatangkilik, sa bawat dako? Iyong pinagpala ang gawa ng kanyang mga kamay, at ang kanyang pag-aari ay dumami sa lupain. Ngunit pagbuhatan mo siya ng Iyong kamay ngayon, at galawin mo ang lahat niyang tinatangkilik, at susumpain ka niya ng mukhaan” (Job 1:9–11). Sinabi ng Diyos na si Jehova, “Lahat niyang tinatangkilik ay nasa iyong kapangyarihan; siya lamang ang huwag mong pagbuhatan ng iyong kamay” (Job 1:12). Kaya’t nagpunta si Satanas kay Job at inatake at tinukso si Job, at naharap si Job sa mga pagsubok. Ang lahat ng mayroon siya ay kinuha sa kanya—nawala ang kanyang mga anak at pag-aari, at ang kanyang buong katawan ay nabalot ng pigsa. Ngayon, ang matuwid bang disposisyon ng Diyos ay nasa loob ng mga pagsubok kay Job? Hindi ninyo masabi nang malinaw, hindi ba? Kahit na ikaw ay isang matuwid na tao, may karapatan ang Diyos na isailalim ka sa mga pagsubok, at tulutan kang magpatotoo sa Kanya. Ang disposisyon ng Diyos ay matuwid; pantay-pantay ang pagtrato Niya sa lahat. Hindi naman sa ang mga taong matuwid ay hindi na kailangang sumailalim sa mga pagsubok kahit na kaya nila ang mga ito o na dapat silang protektahan; hindi ito ang kaso. May karapatan ang Diyos na isailalim ang matutuwid na tao sa mga pagsubok. Ito ang paghahayag ng matuwid na disposisyon ng Diyos. Sa huli, matapos na si Job ay sumailalim sa mga pagsubok at magpatotoo kay Jehova, pinagpala siya ni Jehova nang higit pa kaysa dati, nang mas mainam pa nga kaysa dati, at dinoble ng Diyos ang mga pagpapalang ibinibigay sa kanya. Bukod dito, nagpakita sa kanya si Jehova, at kinausap siya mula sa hangin, at nakita ni Job ang Diyos na tila kaharap niya ang Diyos. Isa itong pagpapalang ibinigay sa kanya ng Diyos. Ito ang katuwiran ng Diyos. Paano kung noong matapos sumailalim sa mga pagsubok at nakita ni Jehova kung paano nagpatotoo si Job sa Kanya sa presensya ni Satanas at ipinahiya si Satanas ay tumalikod at umalis na si Jehova, hindi siya pinansin, at hindi tumanggap si Job ng mga pagpapala pagkatapos—magkakaroon ba ito ng katuwiran ng Diyos? Pinagpala man si Job pagkatapos ng mga pagsubok o hindi, o kung si Jehova ay nagpakita man sa kanya o hindi, lahat ng ito ay naglalaman ng mabuting kalooban ng Diyos. Maaaring ang pagpapakita kay Job ay pagiging matuwid ng Diyos, at ang hindi pagpapakita sa kanya ay pagiging matuwid din ng Diyos. Sa anong batayan ka—na isang nilikhang nilalang—may mga kahingian sa Diyos? Ang mga tao ay hindi kwalipikado na magkaroon ng mga kahingian sa Diyos. Wala nang mas hindi makatwiran pa kaysa sa paggawa ng mga kahingian sa Diyos. Gagawin Niya ang dapat Niyang gawin, at matuwid ang Kanyang disposisyon. Ang katuwiran ay walang kinalaman sa pagiging makatarungan o makatwiran; hindi ito egalitaryanismo, o pagbibigay sa iyo ng nararapat sa iyo alinsunod sa gawaing natapos mo, o binabayaran ka para sa anumang gawaing natapos mo, o ibinibigay sa iyo ang nararapat sa iyo ayon sa kung gaano ka nagsisikap. Hindi ito pagiging matuwid, pagiging patas at makatwiran lamang ito. Kakaunting tao lamang ang may kakayahang malaman ang matuwid na disposisyon ng Diyos. Ipagpalagay nang inalis ng Diyos si Job matapos siyang magpatotoo para sa Kanya: Magiging matuwid ba ito? Sa katunayan, oo. Bakit ito tinatawag na pagiging matuwid? Ano ang tingin ng mga tao sa pagiging matuwid? Kung ang isang bagay ay nakaayon sa mga kuru-kuro ng mga tao, napakadali para sa kanila ang sabihin na matuwid ang Diyos; gayunman, kung hindi nila nakikita na nakaayon ang bagay na iyon sa kanilang mga kuru-kuro—kung ito ay isang bagay na hindi nila kayang unawain—mahihirapan silang sabihin na matuwid ang Diyos. Kung winasak ng Diyos si Job noon, hindi masasabi ng mga tao na Siya ay matuwid. Gayunpaman, sa totoo lang, kung ang mga tao man ay nagawang tiwali o hindi, at kung lubos man silang nagawang tiwali o hindi, kailangan bang bigyang-katwiran ng Diyos ang Kanyang sarili kapag nilipol Niya sila? Kailangan ba Niyang ipaliwanag sa mga tao kung sa anong batayan Niya ginagawa ito? Kailangan bang sabihin ng Diyos sa mga tao ang mga tuntuning inordena Niya? Hindi na kinakailangan. Sa paningin ng Diyos, ang isang taong tiwali at malamang na lumaban sa Diyos ay walang anumang silbi; paano man siya pakikitunguhan ng Diyos ay magiging angkop, at ang lahat ay pagsasaayos ng Diyos. Kung hindi ka naging kalugud-lugod sa mga mata ng Diyos, at kung sabihin Niya na wala ka nang silbi sa Kanya pagkatapos ng iyong patotoo kaya winasak ka, ito rin ba ay pagiging matuwid Niya? Oo. Maaaring hindi mo pa ito makita sa ngayon mula sa mga katotohanan, ngunit dapat mong maunawaan ito sa doktrina. Ano ang sasabihin ninyo—ang pagwasak ba ng Diyos kay Satanas ay isang pagpapahayag ng Kanyang pagiging matuwid? (Oo.) Paano kung hinayaan Niyang manatili si Satanas? Hindi ka mangangahas na sabihin ito, oo? Ang pinakadiwa ng Diyos ay katuwiran. Bagama’t hindi madaling unawain ang Kanyang ginagawa, matuwid ang lahat ng Kanyang ginagawa; hindi lamang talaga ito nauunawaan ng mga tao. Nang ibigay ng Diyos si Pedro kay Satanas, paano tumugon si Pedro? “Hindi maarok ng sangkatauhan ang Iyong ginagawa, ngunit lahat ng Iyong ginagawa ay kinapapalooban ng Iyong mabuting kalooban; mayroong katuwiran sa lahat ng iyon. Paanong hindi ko pupurihin ang Iyong karunungan at mga gawa?” Dapat makita mo na ngayon na ang dahilan kaya hindi pinupuksa ng Diyos si Satanas sa panahon ng Kanyang pagliligtas sa tao ay para maaaring makita nang malinaw ng mga tao kung paano sila nagawang tiwali ni Satanas at kung gaano sila nito nagawang tiwali, at kung paano sila dinadalisay at inililigtas ng Diyos. Sa huli, kapag naunawaan na ng mga tao ang katotohanan at malinaw nang nakita ang kasuklam-suklam na anyo ni Satanas, at namasdan ang napakalaking kasalanan ng pagtitiwali sa kanila ni Satanas, pupuksain ng Diyos si Satanas, ipapakita sa kanila ang Kanyang pagiging matuwid. Ang panahon ng pagpuksa ng Diyos kay Satanas ay puspos ng disposisyon at karunungan ng Diyos. Lahat ng ginagawa ng Diyos ay matuwid. Bagama’t maaaring hindi maarok ng mga tao ang katuwiran ng Diyos, hindi sila dapat manghusga nang basta-basta. Kung may ginagawa Siya na mukhang hindi patas para sa mga tao, o kung mayroon silang anumang mga kuru-kuro tungkol doon, at nagiging daan iyon para sabihin nilang hindi Siya matuwid, kung gayon ay masyado silang hindi makatwiran. Nakikita mo na nakakita si Pedro ng ilang bagay na hindi maunawaan, ngunit sigurado siya na naroon ang karunungan ng Diyos at na nasa mga bagay na iyon ang kabutihang-loob ng Diyos. Hindi maaarok ng mga tao ang lahat ng bagay; may napakaraming bagay silang hindi nauunawaan. Sa gayon, hindi madaling malaman ang disposisyon ng Diyos.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi
Kaugnay na mga Patotoong Batay sa Karanasan
Isang Kahihiyan Mula sa Aking Nakaraan
Mga Pagninilay-nilay ng Isang Pasyenteng May Nakamamatay na Sakit
Ang mga Araw ng Pangangaral Ko sa Unang Hanay
Kaugnay na mga Himno
Ang Siyang may Kataas-taasang Kapangyarihan sa Lahat ng Bagay
Patotoo ng Buhay
Ang Haba ng Buhay ng Tao ay Pauna Nang Itinakda ng Diyos
Tanging sa Pag-alam sa Kataas-taasang Kapangyarihan ng Lumikha Mahinahong Mahaharap ng Tao ang Kamatayan