20. Paano danasin ang pag-uusig at mga pagdurusa
Mga Salita ng Diyos Mula sa Bibliya
“At huwag kayong mangatakot sa mga nagsisipatay ng katawan, datapuwat hindi nangakakapatay sa kaluluwa: kundi bagkus ang katakutan ninyo’y Siyang makapupuksa sa kaluluwa at sa katawan sa impiyerno” (Mateo 10:28).
“Ang nakasusumpong ng kanyang buhay ay mawawalan nito; at ang mawalan ng buhay dahil sa Akin ay makasusumpong niyaon” (Mateo 10:39).
Mga Salita ng Makapangyarihang Diyos ng mga Huling Araw
Bilang mga mananampalataya sa Diyos, dapat pasalamatan ng bawat isa sa inyo kung paano ninyo tunay na natamo ang sukdulang pagdadakila at pagliligtas sa pamamagitan ng pagtanggap sa gawain ng Diyos sa mga huling araw at sa gawain ng Kanyang plano na ginagawa Niya sa iyo ngayon. Ginawa ng Diyos na nag-iisang tuon ng Kanyang gawain ang grupong ito ng mga tao sa buong sansinukob. Isinakripisyo na Niya ang lahat ng dugo sa Kanyang puso para sa inyo; binawi at ibinigay na Niya sa inyo ang buong gawain ng Espiritu sa buong sansinukob. Ito ang dahilan kung bakit kayo ang mapapalad. Bukod pa rito, inilipat na Niya ang Kanyang kaluwalhatian mula sa Israel, ang mga taong Kanyang hinirang, sa inyo, at lubos Niyang ipamamalas ang layunin ng Kanyang plano sa pamamagitan ng grupong ito. Samakatuwid, kayo ang mga tatanggap ng pamana ng Diyos, at higit pa rito, kayo ang mga tagapagmana ng kaluwalhatian ng Diyos. Marahil ay naaalala ninyong lahat ang mga salitang ito: “Sapagkat ang aming magaang na kapighatian, na sa isang sandali lamang, ay siyang gumagawa sa amin ng mas higit at walang hanggang bigat ng kaluwalhatian.” Narinig na ninyong lahat dati ang mga salitang ito, subalit walang sinuman sa inyo ang nakaunawa sa tunay na kahulugan nito. Ngayon, alam na alam ninyo ang tunay na kabuluhan ng mga ito. Ang mga salitang ito ay isasakatuparan ng Diyos sa mga huling araw, at matutupad doon sa mga malupit na pinahirapan ng malaking pulang dragon sa lupain kung saan ito nakahimlay na nakapulupot. Ang malaking pulang dragon ay inuusig ang Diyos at kaaway ng Diyos, kaya nga, sa lupaing ito, ang mga tao ay sumasailalim sa pamamahiya at pang-aapi dahil sa pananampalataya nila sa Diyos, at natutupad ang mga salitang ito sa inyo, ang grupong ito ng mga tao, dahil dito. Dahil ito ay sinimulan sa isang lupain na lumalaban sa Diyos, lahat ng gawain ng Diyos ay nahaharap sa malalaking balakid, at nangangailangan ng mahaba-habang panahon ang pagsasakatuparan sa marami sa Kanyang mga salita; sa gayon, ang mga tao ay pinipino dahil sa mga salita ng Diyos, na bahagi rin ng pagdurusa. Napakahirap para sa Diyos na isakatuparan ang Kanyang gawain sa lupain ng malaking pulang dragon—ngunit sa pamamagitan ng hirap na ito na ginagawa ng Diyos ang isang yugto ng gawain Niya, na nagpapamalas ng Kanyang karunungan at kamangha-manghang mga gawa, at ginagamit ang pagkakataong ito upang gawing ganap ang grupong ito ng mga tao. Sa pamamagitan ng pagdurusa ng mga tao, sa pamamagitan ng kanilang kakayahan, at sa pamamagitan ng lahat ng satanikong disposisyon ng mga tao ng maruming lupaing ito ginagawa ng Diyos ang Kanyang gawain ng pagdadalisay at paglupig, upang, mula rito, magkamit Siya ng kaluwalhatian, at makamit Niya yaong mga magpapatotoo sa Kanyang mga gawa. Ganyan ang buong kabuluhan ng lahat ng sakripisyong ginawa ng Diyos para sa grupong ito ng mga tao. Ibig sabihin, ginagawa ng Diyos ang gawain ng panlulupig sa pamamagitan ng mga kumokontra sa Kanya, at sa gayon lamang maipamamalas ang malaking kapangyarihan ng Diyos. Sa madaling salita, yaon lamang mga nasa maruming lupain ang karapat-dapat na magmana ng kaluwalhatian ng Diyos, at ito lamang ang magpapabukod-tangi sa dakilang kapangyarihan ng Diyos. Ito ang dahilan kung bakit sa maruming lupain, at sa mga yaon na naninirahan doon, nakakamit ang kaluwalhatian ng Diyos. Ganyan ang layunin ng Diyos. Ang yugto ng gawain ni Jesus ay kapareho nito: Maaari lamang Siyang magtamo ng kaluwalhatian sa gitna ng mga Pariseo na umusig sa Kanya; kung hindi sa pag-uusig ng mga Pariseo at sa pagkakanulo ni Judas, hindi sana napagtawanan o nasiraang-puri si Jesus, lalong hindi sana Siya ipinako sa krus, at sa gayon ay hindi sana Siya nagkamit ng kaluwalhatian. Kung saan gumagawa ang Diyos sa bawat kapanahunan, at kung saan Siya gumagawa ng Kanyang gawain sa katawang-tao, doon Siya nagkakamit ng kaluwalhatian at doon Niya nakakamit yaong mga nais Niyang makamtan. Ito ang plano ng gawain ng Diyos, at ito ang Kanyang pamamahala.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Simple ba ang Gawain ng Diyos na Tulad ng Inaakala ng Tao?
Kapag pormal Kong sinimulan ang Aking gawain, lahat ng tao ay gagalaw tulad ng Aking paggalaw, kaya mag-aabala ang mga tao sa buong sansinukob sa pagsabay sa Akin, ang buong sansinukob ay nasa kalagayan ng “masayang pagkaabala,” at nauudyukan Kong sumulong ang tao. Dahil dito, nilalatigo Ko ang malaking pulang dragon mismo hanggang sa magdeliryo ito at malito, at nagsesebisyo ito sa Aking gawain, at, kahit ayaw nito, hindi nito magawang sundin ang sarili nitong mga pagnanais, bagkus ay wala itong mapagpilian kundi ang “magpasakop sa Aking mga pamamatnugot.” Sa lahat ng plano Ko, ang malaking pulang dragon ang Aking panghambing, Aking kaaway, at Akin ding alipin; dahil dito, hindi Ko kailanman niluwagan ang Aking “mga hinihingi” rito. Samakatuwid, ang huling yugto ng gawain ng Aking pagkakatawang-tao ay natatapos sa sambahayan nito—mas nakatutulong ito sa maayos na pagseserbisyo ng malaking pulang dragon sa Akin, at sa pamamagitan nito ay lulupigin Ko ito at tatapusin ang Aking plano.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Salita ng Diyos sa Buong Sansinukob, Kabanata 29
Ang Aking gawain sa grupo ng mga tao ng mga huling araw ay isang proyektong hindi pa kailanman nangyari, at sa gayon, upang mapuno ng Aking kaluwalhatian ang kosmos, lahat ng tao ay dapat magdusa ng huling paghihirap para sa Akin. Nauunawaan mo ba ang Aking mga layunin? Ito ang huling hinihingi Ko sa tao, na ibig sabihin, umaasa Ako na lahat ng tao ay makapagpatotoo nang malakas at matunog sa Akin sa harap ng malaking pulang dragon, na maialay nila ang kanilang sarili sa Akin sa huling pagkakataon, at matupad ang Aking mga kinakailangan sa huling pagkakataon. Talaga bang magagawa ninyo ito? Hindi ninyo kinayang palugurin ang Aking puso noong araw—maaari kaya ninyong putulin ang huwarang ito sa huling pagkakataon? Binibigyan Ko ang mga tao ng pagkakataong magbulay-bulay; hinahayaan Ko silang magnilay-nilay na mabuti bago Ako sagutin sa huli—mali bang gawin ito? Hinihintay Ko ang tugon ng tao, hinihintay Ko ang kanyang “liham ng pagtugon”—mayroon ba kayong pananampalatayang tuparin ang Aking mga kinakailangan?
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Salita ng Diyos sa Buong Sansinukob, Kabanata 34
Sinabi na noon na ang mga taong ito ang anak ng malaking pulang dragon. Sa katunayan, upang maging malinaw, sila ang pagsasakatawan ng malaking pulang dragon. Kapag pinupuwersa sila ng Diyos tungo sa dulo ng daan at kinakatay sila, kung gayon—nang walang alinlangan—ang espiritu ng malaking pulang dragon ay wala nang pagkakataong gumawa sa kanila. Sa paraang ito, kapag naglalakad ang mga tao patungo sa dulo ng daan ay kung kailan din nagwawakas ang malaking pulang dragon sa kamatayan. Maaaring masabi na gumagamit ito ng kamatayan upang suklian ang “dakilang kabaitan” ng Diyos—na siyang layon ng gawain ng Diyos sa bansa ng malaking pulang dragon. Kapag handang isakripisyo ng mga tao ang kanilang mga buhay, ang lahat ng bagay ay nagiging walang halaga, at walang makagagapi sa kanila. Ano ang maaaring maging higit na mahalaga kaysa buhay? Sa ganitong paraan nawawalan si Satanas ng kakayahang gumawa pa sa mga tao, walang anumang magagawa ito sa tao. Bagaman sa pakahulugan ng “laman” ay sinasabi na ginawang tiwali ni Satanas ang laman, kung tunay na ibinibigay ng mga tao ang kanilang mga sarili, at hindi nahihimok ni Satanas, kung gayon walang sinuman ang makagagapi sa kanila—at sa sandaling ito, gagampanan ng laman ang isa pa nitong tungkulin, at magsisimulang opisyal na tanggapin ang patnubay ng Espiritu ng Diyos. Ito ay isang kinakailangang proseso, dapat itong mangyari nang isa-isang hakbang; kung hindi, hindi magkakaroon ang Diyos ng paraan para makagawa sa sutil na laman. Ganoon ang karunungan ng Diyos.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pakahulugan sa mga Hiwaga ng “Mga Salita ng Diyos sa Buong Sansinukob”, Kabanata 36
Kahit gaano pa “kalakas” si Satanas, kahit gaano pa ito kapangahas at kaambisyoso, kahit gaano pa katindi ang abilidad nito para magdulot ng pinsala, kahit gaano pa kalawak ang mga paraan para gawing tiwali at akitin nito ang tao, kahit gaano pa kagaling ang mga pandaraya at mga pakana nito sa pananakot ng tao, kahit gaano pa pabago-bago ang anyo ng pag-iral nito, hindi pa ito kailanman nakalikha ng kahit isang buhay na nilalang, hindi pa kailanman nakapagtakda ng mga batas at patakaran para sa pag-iral ng lahat ng bagay, at hindi pa kailanman naghari o kumontrol ng anumang bagay, may buhay man o wala. Sa loob ng kosmos at sa kalangitan, wala ni isang tao o bagay ang naisilang mula rito, o umiiral nang dahil dito; wala ni isang tao o bagay ang pinaghaharian nito, o kinokontrol nito. Sa kabaligtaran, hindi lamang nito kailangang sumailalim sa kapamahalaan ng Diyos, kundi, higit pa rito ay kailangang magpasakop sa lahat ng atas at kautusan ng Diyos. Kung walang pahintulot ang Diyos, mahirap para kay Satanas na hipuin kahit na ang isang patak ng tubig o butil ng buhangin sa lupa; kung walang pahintulot ang Diyos, ni hindi malaya si Satanas na galawin man lamang ang mga langgam sa lupa, lalo na ang sangkatauhan, na nilikha ng Diyos. Sa mga mata ng Diyos, mas mababa pa si Satanas sa mga liryo ng kabundukan, sa mga ibon na lumilipad sa himpapawid, sa mga isda sa karagatan, at sa mga uod sa lupa. Ang papel nito sa lahat ng bagay ay para pagsilbihan ang lahat ng bagay, at para pagsilbihan ang sangkatauhan, at para pagsilbihan ang gawain ng Diyos at ang Kanyang plano ng pamamahala. Kahit gaano pa kamalisyoso ang kalikasan nito, at gaano man kasama ang diwa nito, ang tanging bagay na magagawa nito ay ang tapat na gawin ang tungkulin nito: ang magsilbi sa Diyos, at maging panghambing ng Diyos. Ito ang diwa at kinatatayuan ni Satanas. Ang diwa nito ay hindi kaugnay sa buhay, hindi kaugnay sa kapangyarihan, hindi kaugnay sa awtoridad; laruan lamang ito sa mga kamay ng Diyos, isa lang makina na nagsisilbi sa Diyos!
—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi I
Hindi ka dapat matakot sa ganito at ganyan; gaano man karaming hirap at panganib ang maaari mong harapin, kaya mong manatiling hindi natitinag sa Aking harapan, hindi nahahadlangan ng anumang balakid, upang ang Aking kalooban ay maisagawa nang walang sagabal. Ito ang iyong tungkulin; kung hindi ay mapapasaiyo ang Aking poot, at gagawin Ko ito sa pamamagitan ng Aking kamay…. Pagkatapos ay magtitiis ka ng walang-hanggang pagdurusa ng isipan. Kailangan mong tiisin ang lahat; para sa Akin, kailangan mong maging handang bitawan ang lahat ng pag-aari mo at gawin ang lahat ng iyong magagawa upang sumunod sa Akin, at maging handang gugulin ang lahat ng mayroon ka. Ngayon ang panahon na susubukin kita: Ihahandog mo ba ang iyong katapatan sa Akin? Makasusunod ka ba sa Akin hanggang sa dulo ng daan nang may katapatan? Huwag matakot; sa suporta Ko, sino ang makakahadlang sa daan? Tandaan ito! Huwag kalimutan! Ang lahat ng nagaganap ay sa pamamagitan ng Aking kabutihang-loob, at ang lahat ay nasa ilalim ng Aking pagmamasid. Masusunod mo ba ang Aking salita sa lahat ng sinasabi at ginagawa mo? Kapag ang mga pagsubok ng apoy ay sumapit sa iyo, luluhod ka ba at tatawag? O yuyukod ka ba at hindi na kakayaning sumulong?
Kailangan mong taglayin ang Aking katapangan sa iyong kalooban at kailangan mong magkaroon ng mga prinsipyo kapag humaharap ka sa mga kamag-anak na hindi naniniwala. Gayunman, para sa Aking kapakanan, hindi ka rin dapat na sumuko sa kahit anong mga puwersa ng kadiliman. Manalig ka sa Aking karunungan upang makalakad sa perpektong daan; huwag hayaan ang mga pakikipagsabwatan ni Satanas na makapangyari. Ibuhos ang lahat ng iyong pagsisikap sa paglalagay ng iyong puso sa Aking harapan, at pagiginhawahin kita at bibigyan ka ng kapayapaan at kaligayahan. Huwag magsikap na maging isang bagay sa harap ng ibang mga tao; hindi ba’t mas mahalaga at matimbang ang bigyan Ako ng kasiyahan? Sa pagbibigay ng kasiyahan sa Akin, hindi ka ba higit na magkakaroon ng walang-hanggan at panghabambuhay na kapayapaan at kaligayahan? Ang kasalukuyang pagdurusa mo ay indikasyon kung gaano kalaki ang iyong magiging mga pagpapala sa hinaharap; hindi kayang isalarawan ang mga ito. Hindi mo nalalaman kung gaano kalaki ang mga pagpapala na iyong makakamtan; hindi mo man lamang ito kayang pangarapin. Ngayon ang mga iyon ay nagkatotoo; talagang totoong-totoo! Hindi ito napakalayo—nakikita mo ba ito? Bawat huling himaymay nito ay nasa loob Ko; kay liwanag ng daan pasulong! Pahirin ang iyong mga luha, at huwag nang masaktan o magdalamhati. Ang lahat ng bagay ay isinasaayos ng Aking mga kamay, at ang Aking layunin ay ang gawin kayong mga mananagumpay at dalhin kayo sa kaluwalhatian kasama Ko. Dapat kang maging mapagpasalamat at puno ng papuri para sa lahat ng nangyayari sa iyo; iyan ay magbibigay sa Akin ng malaking kasiyahan.
Ang hindi pangkaraniwang buhay ni Cristo ay nagpakita na, wala kang dapat katakutan. Ang mga Satanas ay nasa ilalim ng ating mga paa, at hindi na magtatagal ang kanilang panahon. Gumising! Iwaksi ang mundo ng kahalayan; palayain ang iyong sarili mula sa bangin ng kamatayan! Maging tapat sa Akin anuman ang mangyari, at sumulong nang may katapangan; Ako ang iyong matibay na sandigan, kaya manalig sa Akin!
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pagbigkas ni Cristo sa Pasimula, Kabanata 10
Kung ang mga tao ay walang anumang tiwala, hindi madali para sa kanila na magpatuloy sa landas na ito. Nakikita ng lahat ngayon na ang gawain ng Diyos ay hindi umaayon sa mga kuru-kuro at imahinasyon ng mga tao kahit kaunti. Napakarami nang nagawa ng Diyos at bumigkas na Siya ng napakaraming salita, at bagamat maaaring kilalanin ng mga tao na ang mga ito ay ang katotohanan, malamang pa ring lumitaw sa kanila ang mga kuru-kuro tungkol sa Diyos. Kung nais ng mga tao na maunawaan ang katotohanan at makamit ito, dapat silang magkaroon ng tiwala at determinasyon na manindigan sa nakita na nila at sa natutuhan na nila mula sa kanilang mga karanasan. Anuman ang gawin ng Diyos sa mga tao, kailangan nilang panindigan ang taglay nila mismo, maging taos sa harap ng Diyos, at manatiling tapat sa Kanya hanggang sa pinakahuli. Ito ang tungkulin ng sangkatauhan. Kailangang panindigan ng mga tao yaong dapat nilang gawin. Kinakailangan sa paniniwala sa Diyos ang pagpapasakop sa Kanya at pagdanas ng Kanyang gawain. Napakalaki ng nagawa ng Diyos—masasabi na para sa mga tao lahat ng ito ay pagpeperpekto, pagpipino, at bukod pa rito, pagkastigo. Wala pa ni isang hakbang ng gawain ng Diyos na nakaayon sa mga pagkaintindi ng tao; ang natamasa ng mga tao ay ang mababagsik na salita ng Diyos. Kapag pumarito ang Diyos, dapat matamasa ng mga tao ang Kanyang kamahalan at Kanyang poot. Gayunman, gaano man kabagsik ang Kanyang mga salita, pumarito Siya para iligtas at gawing perpekto ang sangkatauhan. Bilang mga nilikha, dapat tuparin ng mga tao ang mga tungkuling dapat nilang tuparin, at tumayong saksi para sa Diyos sa gitna ng pagpipino. Sa bawat pagsubok dapat nilang panindigan ang pagpapatotoong dapat nilang gawin, at gawin iyon nang lubhang matunog para sa Diyos. Ang isang taong gumagawa nito ay isang mananagumpay. Paano ka man pinuhin ng Diyos, nananatili kang puno ng tiwala at hindi nawawalan ng tiwala sa Kanya. Ginagawa mo ang dapat gawin ng tao. Ito ang hinihingi ng Diyos sa tao, at dapat magawa ng puso ng tao na lubos na bumalik at bumaling sa Kanya sa bawat sandaling lumilipas. Ito ay isang mananagumpay. Yaong mga tinutukoy ng Diyos na mga “mananagumpay” ay yaong mga nagagawa pang manindigan sa kanilang pagsaksi at mapanatili ang kanilang tiwala at katapatan sa Diyos kapag nasa ilalim sila ng impluwensya ni Satanas at nilulusob ni Satanas, ibig sabihin, kapag nasa gitna sila ng mga puwersa ng kadiliman. Kung nagagawa mo pa ring magpanatili ng isang dalisay na puso sa harap ng Diyos at ng tunay na pagmamahal para sa Diyos anuman ang mangyari, ikaw ay naninindigan sa iyong pagsaksi sa harap ng Diyos, at ito ang tinutukoy ng Diyos na pagiging isang “mananagumpay.” Kung napakaganda ng iyong paghahangad kapag pinagpapala ka ng Diyos, ngunit umuurong ka kapag wala ang Kanyang mga pagpapala, kadalisayan ba ito? Yamang nakatitiyak ka na ang landas na ito ay totoo, kailangan mo itong sundan hanggang sa dulo; kailangan mong panatilihin ang iyong katapatan sa Diyos. Yamang nakita mo na ang Diyos Mismo ay naparito sa lupa upang gawin kang perpekto, dapat mong ibigay nang lubusan ang iyong puso sa Kanya. Kung masusundan mo pa rin Siya anuman ang Kanyang gawin, magpasya man Siya ng isang hindi kaaya-ayang kahihinatnan para sa iyo sa pinakadulo, ito ay pagpapanatili ng iyong kadalisayan sa harap ng Diyos. Ang pag-aalay ng isang banal na espirituwal na katawan at isang dalisay na birhen sa Diyos ay nangangahulugan ng pagpapanatili ng isang pusong taos sa harap ng Diyos. Para sa sangkatauhan, ang katapatan ay kadalisayan, at ang kakayahang maging taos sa Diyos ay pagpapanatili ng kadalisayan. Ito ang dapat mong isagawa. Kapag dapat kang manalangin, manalangin ka; kapag dapat kang makitipon sa pagbabahagi, gawin mo iyon; kapag dapat kang umawit ng mga himno, umawit ka ng mga himno; at kapag dapat kang maghimagsik laban sa laman, maghimagsik ka laban sa laman. Kapag ginagampanan mo ang iyong tungkulin, hindi ka natataranta; kapag nahaharap ka sa mga pagsubok naninindigan ka. Ito ang katapatan sa Diyos. Kung hindi mo paninindigan ang dapat gawin ng mga tao, lahat ng dati mong pinagdusahan at pinagpasyahan ay nawalan ng saysay.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Dapat Mong Panatilihin ang Iyong Katapatan sa Diyos
Sa ngayon, ang mga pangitain at katotohanang iyon na nauunawaan mo ay nagtatatag ng pundasyon para sa iyong mga karanasan sa hinaharap; sa matinding paghihirap sa hinaharap magkakaroon kayong lahat ng praktikal na karanasan sa mga salitang ito. Kalaunan, kapag sumapit sa iyo ang mga pagsubok at sumailalim ka sa paghihirap, iisipin mo ang mga salitang sinasabi mo ngayon, na: “Anumang paghihirap, mga pagsubok, o matitinding kalamidad ang aking maranasan, kailangan kong palugurin ang Diyos.” Isipin ang mga karanasan ni Pedro at pagkatapos ay ang mga karanasan ni Job—patitibayin ka ng mga salita ngayon. Sa ganitong paraan lamang mabibigyang-inspirasyon ang iyong pananampalataya. Sa panahong iyon, sinabi ni Pedro na hindi siya karapat-dapat na tumanggap ng paghatol at pagkastigo ng Diyos, at pagdating ng panahon magiging handa ka ring ipakita sa mga tao ang matuwid na disposisyon ng Diyos sa pamamagitan mo. Agad mong tatanggapin ang Kanyang paghatol at pagkastigo, at magiging aliw sa iyo ang Kanyang paghatol, pagkastigo, at sumpa. Ngayon, hindi talaga katanggap-tanggap para sa iyo na hindi masangkapan ng katotohanan. Kung wala ito, hindi mo lamang hindi magagawang manindigan sa hinaharap, kundi baka hindi mo kayang danasin ang kasalukuyang gawain. Kung magkagayon, hindi ka ba magiging isa sa mga yaon na itiniwalag at pinarusahan? Sa ngayon, wala pang anumang mga katunayang dumating sa iyo, at natustusan na kita sa alinmang mga aspetong wala sa iyo; nagsasalita Ako mula sa bawat aspeto. Hindi pa talaga kayo nakapagtiis ng maraming pagdurusa; tinatanggap lamang ninyo kung ano ang nariyan nang walang isinasakripisyo, at, higit pa riyan, wala kayong taglay na sarili ninyong tunay na mga karanasan at kabatiran. Kaya, ang inyong nauunawaan ay hindi ang inyong tunay na tayog. Nakalimita kayong makaunawa, makaalam, at makakita, ngunit wala pa kayong gaanong natutuhan. Kung hindi Ko kayo pinag-ukulan ng pansin kailanman kundi pinadaan Ko kayo sa mga karanasan sa inyong sariling tahanan, matagal na sana kayong tumakas pabalik sa malaki at malawak na mundo. Ang landas na inyong tatahakin sa hinaharap ay magiging isang daan ng pagdurusa, at kung matagumpay ninyong tatahakin ang kasalukuyang bahaging ito ng landas, magkakaroon kayo ng patotoo kapag sumailalim kayo sa mas matinding paghihirap sa hinaharap. Kung nauunawaan mo ang kabuluhan ng buhay ng tao at natahak ang tamang landas ng buhay ng tao, at kung sa hinaharap ay magpapasakop ka sa Kanyang mga plano nang walang anumang mga reklamo o pagpipilian paano ka man pinakikitunguhan ng Diyos, at kung hindi ka hihiling ng anuman sa Diyos, sa ganitong paraan ay magiging isa kang taong may halaga. Sa ngayon, hindi ka pa sumailalim sa matinding paghihirap, kaya masusunod mo ang anuman nang walang pagkakaiba. Sinasabi mo na paano man nag-aakay ang Diyos, mainam ang paraang iyon, at na ipagkakatiwala mo ang lahat sa mga pamamatnugot ng Diyos! Kinakastigo ka man o isinusumpa ng Diyos, magiging handa kang palugurin Siya. Matapos sabihin iyon, ang sinasabi mo ngayon ay hindi kinakailangang kumatawan sa iyong tayog. Kung ano ang handa kang gawin ngayon ay hindi maipapakita na kaya mong sumunod hanggang wakas. Kapag sumapit sa iyo ang matitinding paghihirap o kapag sumasailalim ka sa ilang pag-uusig o pamimilit o maging sa mas matitinding pagsubok, hindi mo magagawang sabihin ang mga salitang iyon. Kung kaya mong taglayin ang gayong uri ng pag-unawa noon at naninindigan ka, ito ang iyong magiging tayog. Ano si Pedro noong panahong iyon? Sabi ni Pedro: “Panginoon, isasakripisyo ko ang aking buhay para sa Iyo. Kung loloobin Mong mamatay ako, mamamatay ako!” Iyon ang paraan ng pagdarasal niya noong panahong iyon. Sinabi rin niya: “Kahit hindi Ka mahal ng iba, kailangan kong mahalin Ka hanggang wakas. Susunod ako sa Iyo sa lahat ng oras.” Iyon ang sinabi niya noon, ngunit nang dumating ang mga pagsubok sa kanya, nabagabag siya at nanangis. Alam ninyong lahat na tatlong beses na ikinaila ni Pedro ang Panginoon, hindi ba? Maraming taong iiyak at magpapakita ng kahinaan ng tao kapag dumarating sa kanila ang mga pagsubok. Hindi ka panginoon ng iyong sarili. Dito, hindi mo mapipigilan ang iyong sarili. Ngayon siguro ay talagang gumagawa ka nang mahusay, ngunit iyon ay dahil angkop ang iyong sitwasyon. Kung magbago iyon bukas, ipapakita mo ang iyong karuwagan at kawalan ng kakayahan, ang iyong pagiging kasuklam-suklam at kawalan ng halaga. Ang iyong “pagkalalaki” ay matagal nang nawalang saysay, at kung minsan ay maaari mo pang isantabi ang iyong tungkulin at lumayo. Ipinapakita nito na ang naunawaan mo sa panahong iyon ay hindi ang iyong totoong tayog. Kailangang tingnan ng isang tao ang totoong tayog ng isang tao upang makita kung talagang mahal nila ang Diyos, kung nagagawa nila talagang magpasakop sa plano ng Diyos, at kung nagagawa nilang ibigay ang buong lakas nila sa pagsasagawa ng kinakailangan ng Diyos; at kung nananatili silang tapat sa Diyos at ibinibigay nila sa Diyos ang pinakamabuti sa lahat ng bagay, kahit mangahulugan pa ito ng pagsasakripisyo ng kanilang sariling buhay.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Paano Mo Dapat Tahakin ang Huling Bahagi ng Landas
Sa mga panahong ito, karamihan sa mga tao na naniniwala sa Diyos ay hindi pa nakatahak sa tamang landas at hindi pa nauunawaan ang katotohanan, kaya nararamdaman pa rin nilang hungkag ang kalooban, na ang mabuhay ay pagdurusa, at na wala silang enerhiya upang gawin ang kanilang mga tungkulin. Ganito ang mga nananalig sa Diyos bago sila magkaroon ng pananaw sa kanilang puso. Hindi pa nakakamtan ng mga tao ang katotohanan at hindi pa nakikilala ang Diyos, kaya hindi pa sila nakadarama ng malaking kagalakan. Kayo, lalo na, ay nagdanas na lahat ng pag-uusig at paghihirap sa pag-uwi. Kapag nagdurusa kayo, naiisip din ninyong mamatay na at ayaw na ninyong mabuhay. Mga kahinaan ito ng laman. Iniisip pa ng ilang tao, “Ang pananampalataya sa Diyos ay dapat maging kasiya-siya. Sa Kapanahunan ng Biyaya, ipinagkaloob ng Banal na Espiritu ang kapayapaan at kagalakan sa mga tao. Ngayon, napakakaunti na ng kapayapaan at kagalakan, at hindi na umiiral ang kasiyahang gaya noong sa Kapanahunan ng Biyaya. Ang pananalig sa Diyos sa kasalukuyan ay lubhang nakayayamot.” Ang alam mo lang ay na mas mabuti pa kaysa sa anupaman ang kasiyahan ng laman. Hindi mo alam kung ano ang gawaing ginagawa ng Diyos ngayon. Kailangang tulutan ng Diyos na magdusa ang iyong katawan para magbago ang iyong disposisyon. Kahit nagdurusa ang inyong katawan, nasa inyo ang salita at pagpapala ng Diyos. Hindi ka maaaring mamatay kahit gusto mo. Papayag ka bang hindi makilala ang Diyos at hindi matamo ang katotohanan? Ngayon, kadalasan, hindi pa lang talaga nakakamtan ng mga tao ang katotohanan, at hindi nila taglay ang buhay. Sila ay nasa gitna ng paghahanap sa kaligtasan, kaya kailangang magdusa sila nang kaunti sa prosesong ito. Sa kasalukuyan, bawat tao sa mundo ay sumasailalim sa mga pagsubok, maging ang Diyos ay nagdurusa, kaya naaangkop ba na hindi ka magdusa? Kung walang pagpipino sa pamamagitan ng malalaking sakuna, hindi magkakaroon ng tunay na pananampalataya, at hindi matatamo ang katotohanan at buhay. Ang hindi pagkakaroon ng mga pagsubok at pagpipino ay hindi maaari. Tingnan na lang ninyo si Pedro—sa huli ay sumailalim siya sa pitong taong pagsubok (matapos niyang maging limampu’t tatlong taong gulang). Nakaranas siya ng daan-daang pagsubok sa loob ng pitong taong iyon. Kinailangan niyang dumaan sa isa sa mga pagsubok na ito kada ilang araw, at pagkatapos lamang dumaan sa lahat ng uri ng pagsubok niya natamo ang buhay at nakaranas ng pagbabago sa kanyang disposisyon. Kapag tunay mong natamo ang katotohanan at nakilala ang Diyos, mararamdaman mong dapat kang mamuhay para sa Diyos. Kung hindi ka mamumuhay para sa Diyos, magsisisi ka; mamumuhay ka sa mapait na panghihinayang at matinding pagsisisi sa mga natitirang araw ng buhay mo. Hindi ka pa maaaring mamatay. Itikom mo ang iyong mga kamao at matatag kang magpatuloy na mabuhay. Dapat kang mamuhay para sa Diyos. Kapag ang mga tao ay may katotohanan sa kanilang loob, nagkakaroon sila ng ganitong paninindigan at hindi na kailanman nagnanais na mamatay. Kapag pinagbabantaan ka ng kamatayan, sasabihin mo, “O Diyos, hindi ko gustong mamatay. Hindi pa rin Kita kilala. Hindi ko pa nasusuklian ang Iyong pag-ibig. Hindi ako puwedeng mamatay hangga’t hindi pa Kita nakikilala nang mabuti.” Nasa ganitong punto na ba kayo ngayon? Wala pa, hindi ba? Ang ilang tao ay nahaharap sa pasakit ng pamilya, ang ilan ay nahaharap sa pasakit ng pag-aasawa, at ang ilan ay nagdurusa sa pang-uusig, ni wala man lang matitirhan. Saan man sila magpunta, tahanan iyon ng iba, at nakararamdam sila ng kirot sa puso nila. Hindi ba’t ang pasakit na nararanasan ninyo ngayon ay ang pasakit na naranasan ng Diyos? Nagdurusa kayo kasama ng Diyos, at sinasamahan ng Diyos ang mga tao sa pagdurusa. Kayong lahat ay may parte sa kapighatian, kaharian, at pagtitiis ni Cristo ngayon, at magkakamit kayo ng kaluwalhatian sa huli! Makabuluhan ang paghihirap na ito. Hindi ba’t ganoon naman ito? Hindi maaaring wala ka ng kaloobang ito. Kailangan mong maunawaan ang kabuluhan ng pagdurusa ngayon at kung bakit labis kang nagdurusa. Kailangan mong hanapin ang katotohanan at maunawaan ang layunin ng Diyos, at pagkatapos ay magkakaroon ka ng kaloobang magdusa. Kung hindi mo nauunawaan ang layunin ng Diyos, at iniisip mo lang ang tungkol sa pagdurusa, kung gayon ay habang mas iniisip mo ito, mas nagiging hindi ito komportable at mas lalo kang nagiging negatibo, na para bang magwawakas na ang landas ng iyong buhay. Magsisimula kang magdusa sa pagpapahirap ng kamatayan. Kung ibubuhos mo ang puso at lahat ng pagsisikap mo sa katotohanan, at mauunawaan mo ang katotohanan, sisigla ang puso mo, at makararanas ka ng kasiyahan. Makakahanap ka ng kapayapaan at kagalakan sa loob ng puso mo, at kapag sumapit ang karamdaman o naaninag na ang kamatayan, sasabihin mo na, “Hindi ko pa nakamit ang katotohanan, kaya hindi ako maaaring mamatay. Kailangan kong gumugol nang mabuti para sa Diyos, magpatotoo nang mabuti sa Diyos, at suklian ang pagmamahal ng Diyos. Hindi mahalaga kung paano ako mamamatay sa huli, dahil makapamumuhay ako ng kasiya-siyang buhay. Kahit anong mangyari, hindi pa ako puwedeng mamatay. Kailangan kong magpatuloy at mabuhay.” Kailangang malinaw sa iyo ang bagay na ito, at kailangan mong maunawaan ang katotohanan sa mga bagay na ito. Kapag nasa mga tao ang katotohanan, mayroon silang lakas. Kapag nasa kanila ang katotohanan, nagtataglay sila ng hindi nauubos na enerhiya na pumupuno sa kanilang katawan. Kapag nasa kanila ang katotohanan, mayroon silang determinasyon. Kung wala ang katotohanan, ang mga tao ay kasinglambot ng mga bulok na gulay; kapag taglay nila ang katotohanan, nagiging kasingtigas sila ng bakal. Gaano man kapait ang mga bagay-bagay, hindi sila makararamdam ng kapaitan.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Paano Malalaman ang Kalikasan ng Tao
Sa ngayon, karamihan sa mga tao ay walang gayong kaalaman. Naniniwala sila na ang pagdurusa ay walang halaga, tinatalikuran sila ng mundo, puro problema ang buhay nila sa tahanan, hindi sila minamahal ng Diyos, at ang kanilang hinaharap ay malabo. Ang pagdurusa ng ilang tao ay umaabot sa isang sukdulan, at ang kanilang mga iniisip ay nagiging tungkol sa kamatayan. Hindi ito tunay na pagmamahal sa Diyos; ang gayong mga tao ay mga duwag, wala silang pagtitiyaga, sila ay mahihina at walang lakas! Nasasabik ang Diyos na mahalin Siya ng tao, ngunit kapag lalo Siyang minamahal ng tao, lalong tumitindi ang pagdurusa ng tao, at kapag lalo Siyang minamahal ng tao, lalong tumitindi ang mga pagsubok ng tao. Kung minamahal mo Siya, lahat ng uri ng pagdurusa ay sasapit sa iyo—at kung hindi naman, marahil ay magiging maayos ang lahat para sa iyo at lahat ay magiging payapa sa paligid mo. Kapag minamahal mo ang Diyos, madarama mo na marami sa paligid mo ang hindi mo makakayanan, at dahil ang iyong tayog ay napakaliit ikaw ay pipinuhin; bukod dito, mawawalan ka ng kakayahang mapalugod ang Diyos, at lagi mong madarama na napakatayog ng mga layunin ng Diyos, na hindi kayang abutin ng tao ang mga ito. Dahil sa lahat ng ito ikaw ay pipinuhin—dahil maraming kahinaan sa iyong kalooban, at marami ang walang kakayahang mapalugod ang mga layunin ng Diyos, pipinuhin ang iyong kalooban. Ngunit kailangan ninyong makita nang malinaw na ang pagdadalisay ay natatamo lamang sa pamamagitan ng pagpipino. Kaya, sa mga huling araw na ito ay kailangan ninyong magpatotoo sa Diyos. Gaano man kalaki ang inyong pagdurusa, dapat kayong magpatuloy hanggang sa kahuli-hulihan, at maging sa inyong huling hininga, kailangan pa rin kayong maging tapat sa Diyos at magpasakop sa pagsasaayos ng Diyos; ito lamang ang tunay na pagmamahal sa Diyos, at ito lamang ang malakas at matunog na patotoo. Kapag ikaw ay tinutukso ni Satanas, dapat mong sabihin: “Ang aking puso ay pag-aari ng Diyos, at nakamit na ako ng Diyos. Hindi kita mapapalugod—kailangan kong ilaan ang lahat ng kaya ko sa pagpapalugod sa Diyos.” Kapag lalo mong pinalulugod ang Diyos, lalo kang pagpapalain ng Diyos, at lalong lalaki ang pagmamahal mo sa Diyos; kaya, gayundin, magkakaroon ka ng pananampalataya at paninindigan, at madarama mo na walang mas mahalaga o makabuluhan kaysa sa isang buhay na ginugol sa pagmamahal sa Diyos. Masasabi na kung mahal ng tao ang Diyos, hindi siya malulungkot. Bagama’t may mga pagkakataon na nanghihina ang iyong laman at naliligiran ka ng maraming totoong kaguluhan, kung sa mga panahong ito ay tunay kang aasa sa Diyos, kung gayon, sa kalooban ng iyong espiritu ikaw ay aaluin, makadarama ka ng kapanatagan, at magkakaroon ka ng isang bagay na maaasahan. Sa ganitong paraan, madaraig mo ang maraming sitwasyon, kaya nga hindi ka na magrereklamo tungkol sa Diyos dahil sa dalamhating dinaranas mo. Sa halip, nanaisin mong umawit, sumayaw, at manalangin, makipagtipon at makipagniig, isipin ang Diyos, at madarama mo na lahat ng tao, usapin, at bagay sa paligid mo na isinaayos ng Diyos ay angkop. Kung hindi mo mahal ang Diyos, lahat ng makikita mo ay makakayamot sa iyo at walang magiging kaaya-aya sa iyong mga mata; hindi ka magiging malaya sa iyong espiritu bagkus ay napipigilan, laging magrereklamo ang puso mo tungkol sa Diyos, at lagi mong madarama na napakarami mong pinagdurusahan, at na hindi iyon makatarungan. Kung hindi ka maghahangad alang-alang sa kaligayahan, kundi upang mapalugod ang Diyos at hindi maakusahan ni Satanas, ang gayong paghahangad ay magbibigay sa iyo ng matinding lakas na mahalin ang Diyos. Naisasagawa ng tao ang lahat ng sinasabi ng Diyos, at lahat ng ginagawa niya ay nagpapalugod sa Diyos—ito ang ibig sabihin ng magtaglay ng realidad. Ang paghahangad na mapalugod ang Diyos ay nangangahulugan ng paggamit ng iyong mapagmahal-sa-Diyos na puso upang maisagawa ang Kanyang mga salita; anumang oras—kahit walang lakas ang iba—sa loob mo ay mayroon pa ring isang mapagmahal-sa-Diyos na puso, at sa kaibuturan mo, nananabik at nangungulila ka sa Diyos. Ito ay tunay na tayog. Ang laki ng iyong tayog ay nakasalalay sa laki ng tinataglay mong mapagmahal-sa-Diyos na puso, kung nagagawa mong maging matatag sa oras ng pagsubok, kung nanghihina ka kapag sumasapit ka sa isang partikular na sitwasyon, at kung kaya mong manindigan kapag inayawan ka ng iyong mga kapatid; ang pagdating ng mga katunayan ay magpapakita kung ano ang iyong mapagmahal-sa-Diyos na puso. Makikita sa marami sa gawain ng Diyos na talagang mahal ng Diyos ang tao, bagama’t hindi pa ganap na mulat ang mga mata ng espiritu ng tao at hindi niya malinaw na nakikita ang marami sa gawain ng Diyos at ang Kanyang mga layunin, ni ang maraming bagay na kaibig-ibig tungkol sa Diyos; napakaliit ng tunay na pagmamahal ng tao sa Diyos. Naniwala ka na sa Diyos sa buong panahong ito, at sa ngayon ay pinutol na ng Diyos ang lahat ng paraan ng pagtakas. Sa totoo lang, wala kang pagpipilian kundi tahakin ang tamang landas, ang tamang landas na naakay kang tahakin ng mabagsik na paghatol at sukdulang pagliligtas ng Diyos. Pagkatapos lamang makaranas ng paghihirap at pagpipino nalalaman ng tao na ang Diyos ay kaibig-ibig. Sa pagdanas nito hanggang sa ngayon, masasabi na nalaman na ng tao ang isang bahagi ng pagiging kaibig-ibig ng Diyos, ngunit hindi pa rin ito sapat, dahil malaki ang kulang sa tao. Kailangang maranasan ng tao ang higit pa sa kamangha-manghang gawain ng Diyos, at ang higit pa sa buong pagpipino ng pagdurusang isinaayos ng Diyos. Saka lamang mababago ang disposisyon ng tao sa buhay.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Sa Pagdanas Lamang ng Masasakit na Pagsubok Mo Malalaman ang Pagiging Kaibig-ibig ng Diyos
Kailangan mong tandaan na ang mga salitang ito ay sinalita na ngayon: Kalaunan, daranas ka ng mas matinding paghihirap at mas matinding pagdurusa! Ang magawang perpekto ay hindi isang simple o madaling bagay. Kahit paano kailangan mong taglayin ang pananampalataya ni Job, o marahil ay mas malaki pang pananampalataya kaysa sa kanya. Dapat mong malaman na ang mga pagsubok sa hinaharap ay magiging mas matindi kaysa sa mga pagsubok kay Job, at na kailangan ka pa ring sumailalim sa pangmatagalang pagkastigo. Simpleng bagay ba ito? Kung hindi madaragdagan ang iyong kakayahan, kung wala kang kakayahang umarok, at kung kakaunti ang iyong nalalaman, sa panahong iyon ay hindi ka magkakaroon ng anumang patotoo, kundi ikaw ay magiging isang biro, isang laruan para kay Satanas. Kung hindi mo mapanghawakan ang mga pangitain ngayon, ni wala ka man lang pundasyon, at ikaw ay iwawaksi sa hinaharap! Walang bahagi ng daan na madaling tahakin, kaya huwag mo itong balewalain. Timbangin mong mabuti at gumawa ka ng mga paghahanda kung paano tahakin nang wasto ang huling bahagi ng landas na ito. Ito ang landas na kailangang tahakin sa hinaharap, ang landas na kailangang tahakin ng lahat ng tao. Huwag mong hayaang mabalewala ang kaalamang ito; huwag mong isipin na nagsasayang lang Ako ng oras sa sinasabi Ko sa iyo. Darating ang araw na magagamit mo sa kabutihan ang lahat ng ito—hindi maaaring sambitin ang Aking mga salita nang walang kabuluhan. Ito ang panahon para sangkapan ang iyong sarili, ang panahon upang ihanda ang daan para sa hinaharap. Dapat mong ihanda ang landas na dapat mong tahakin kalaunan; dapat kang mag-alala at mabalisa tungkol sa kung paano mo magagawang manindigan sa hinaharap, at maghandang mabuti para sa iyong landas sa hinaharap. Huwag maging matakaw at tamad! Kailangan mong gawin talaga ang lahat ng makakaya mo para magamit nang husto ang iyong oras, upang makamit mo ang lahat ng iyong kailangan. Ibinibigay Ko sa iyo ang lahat upang ikaw ay makaunawa. Nakita na ng sarili ninyong mga mata na wala pang tatlong taon, napakarami Ko nang nasabi at napakarami Ko nang nagawa. Ang isang dahilan kaya Ako gumagawa sa ganitong paraan ay dahil napakalaki ng pagkukulang ng mga tao, at ang isa pa ay dahil sa napakaikli ng panahon; hindi na maaaring magkaroon pa ng anumang mga karagdagang pagkaantala. Iniisip mo na kailangan munang makamit ng mga tao ang perpektong kalinawan ng kalooban bago sila makapagpatotoo at makasangkapan—ngunit hindi kaya napakabagal niyon? Kaya, gaano katagal ba kita kailangang samahan? Kung magpapasama ka sa Akin hanggang sa tumanda na Ako at pumuti ang buhok, imposible iyan! Sa pagdanas ng mas matinding paghihirap, makakamtan ang tunay na pagkaunawa sa kalooban ng lahat ng tao. Ito ang mga hakbang ng gawain. Kapag lubos mo nang nauunawaan ang mga pangitaing ating ibinahagi ngayon at nagtamo ka ng tunay na tayog, anumang mga hirap ang danasin mo sa hinaharap ay hindi ka mabibigatan, at magagawa mong tiisin ang mga iyon. Kapag natapos Ko na ang huling hakbang na ito ng gawain at natapos Kong sambitin ang huling mga salita, sa hinaharap ay kakailanganing tahakin ng mga tao ang sarili nilang landas. Tutuparin nito ang mga salitang sinabi Ko noon: Ang Banal na Espiritu ay may isang tagubilin para sa bawat isang tao, at gawaing gagawin sa bawat isang tao. Sa hinaharap, tatahakin ng lahat ang landas na dapat nilang tahakin, na inaakay ng Banal na Espiritu. Sino ang magagawang magmahal sa iba habang nagdaranas ng paghihirap? Bawat indibiduwal ay may sariling pagdurusa, at bawat isa ay may sariling tayog. Walang tayog ninuman ang kapareho ng iba. Hindi magagawang mahalin ng mga lalaki ang kanilang asawa, o ng mga magulang ang kanilang mga anak; walang sinumang magagawang magmahal sa iba. Hindi iyon magiging kagaya ngayon, na posible pa ring magmahalan at magsuportahan. Iyon ang magiging panahon na bawat uri ng tao ay ilalantad. Ibig sabihin, kapag hinampas ng Diyos ang mga pastol, magsisikalat ang mga tupa ng kawan, at sa panahong iyon ay hindi kayo magkakaroon ng tunay na lider. Magkakawatak-watak ang mga tao—hindi iyon magiging kagaya ngayon, na maaari kayong magtipun-tipon bilang isang kongregasyon. Sa hinaharap, ipapakita ng mga walang gawain ng Banal na Espiritu ang tunay na kulay nila. Ipagbibili ng mga lalaki ang kanilang asawa, ipagbibili ng mga babae ang kanilang asawa, ipagbibili ng mga anak ang kanilang mga magulang, at uusigin ng mga magulang ang kanilang mga anak—ang puso ng tao ay hindi maaarok! Ang tanging magagawa ay kumapit ang isang tao sa kung ano ang mayroon siya, at tahakin nang wasto ang huling bahagi ng landas. Sa ngayon, hindi ninyo ito malinaw na nakikita; hindi malinaw sa inyong lahat ang hinaharap. Hindi madaling maranasan nang matagumpay ang hakbang na ito ng gawain.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Paano Mo Dapat Tahakin ang Huling Bahagi ng Landas
Kung kinikilala mo na isa kang nilikha, dapat mong ihanda ang iyong sarili na magdusa at magbayad ng halaga alang-alang sa pagtupad ng iyong responsabilidad na ipalaganap ang ebanghelyo at alang-alang sa maayos na pagganap sa iyong tungkulin. Maaaring ang kabayaran ay ang pagdanas ng ilang pisikal na karamdaman o paghihirap, o pagdusahan ang mga pag-uusig ng malaking pulang dragon o ang mga maling pagkaunawa ng mga taong makamundo, gayundin ang mga paghihirap na pinagdaraanan ng isang tao kapag nagpapalaganap ng ebanghelyo: ang maipagkanulo, mabugbog at mabulyawan, makondena—ang dumugin pa nga at malagay sa panganib ang buhay. Posible, habang nagpapalaganap ng ebanghelyo, na mamamatay ka bago matapos ang gawain ng Diyos, at na hindi ka na mabubuhay upang masilayan ang araw ng kaluwalhatian ng Diyos. Dapat kang maging handa rito. Hindi ito para takutin kayo; ito ay katotohanan. Ngayong nalinaw Ko na ito, at naunawaan na ninyo ito, kung taglay pa rin ninyo ang paghahangad na ito, at nakasisigurong hindi ito magbabago, at mananatili kayong tapat hanggang sa kamatayan, nagpapatunay ito na taglay ninyo ang isang tiyak na tayog. Huwag ipagpalagay na magiging ligtas sa panganib ang pagpapalaganap ng ebanghelyo sa ibayong mga bansang ito na may mga kalayaan sa relihiyon at mga karapatang pantao at magiging maayos ang lahat ng gagawin mo, na lahat ito ay magkakaroon ng mga pagpapala ng Diyos at makakasama ng Kanyang dakilang kapangyarihan at awtoridad. Ito ay mga kuru-kuro at imahinasyon lamang ng tao. Naniwala rin sa Diyos ang mga Pariseo, ngunit dinakip nila ang Diyos na nagkatawang-tao at ipinako Siya sa krus. Kaya anong masasamang bagay laban sa Diyos na nagkatawang-tao ang kayang gawin ng mga kasalukuyang relihiyon sa mundo? Napakarami na nilang ginawang masamang bagay—hinahatulan ang Diyos, kinokondena ang Diyos, nilalapastangan ang Diyos—walang masamang bagay ang hindi nila kayang gawin. Huwag kalimutan na mga mananampalataya ang dumakip sa Panginoong Jesus at nagpako sa Kanya sa krus. Sila lang ang may pagkakataong gawin ang ganitong uri ng bagay. Walang pakialam sa gayong mga bagay ang mga walang pananampalataya. Ang mga mananampalatayang ito ang nakipagsabwatan sa pamahalaan upang dakpin ang Panginoong Jesus at ipako Siya sa krus. Bukod pa rito, paano namatay ang mga disipulo ng Panginoong Jesus? Sa mga disipulo, may mga pinukol ng bato, ipinakaladkad sa kabayo, ipinakong patiwarik, pinaghiwa-hiwalay ng limang kabayo ang katawan—sinapit nila ang lahat ng uri ng kamatayan. Ano ang dahilan ng kanilang kamatayan? Binitay ba sila nang naaayon sa batas para sa mga krimen nila? Hindi. Sila ay kinondena, binugbog, binulyawan, at pinatay dahil ipinalalaganap nila ang ebanghelyo ng Panginoon at tinanggihan ng mga tao ng mundo—ganyan kung paano sila minartir. Huwag nating pag-usapan ang pangwakas na kalalabasan ng mga martir na iyon, o ang pagpapakahulugan ng Diyos sa kanilang gawi, bagkus ay itanong ito: Nang sumapit sila sa kawakasan, umayon ba sa mga kuru-kuro ng tao ang mga paraan ng pagsapit nila sa kawakasan ng kanilang mga buhay? (Hindi.) Mula sa pananaw ng mga kuru-kuro ng tao, nagbayad sila ng gayon kalaking kabayaran upang ipalaganap ang gawain ng Diyos, pero sa huli ay napatay sila ni Satanas. Hindi ito umaayon sa mga kuru-kuro ng tao, ngunit ito mismo ang nangyari sa kanila. Ito ang tinulutan ng Diyos. Anong katotohanan ang mahahanap dito? Ang pagpapahintulot ba ng Diyos na mamatay sila sa ganitong paraan ay sumpa at pagkondena Niya, o ito ba ay Kanyang plano at pagpapala? Kapwa hindi. Ano ito? Pinagninilayan ng mga tao ngayon ang kanilang kamatayan nang may labis na dalamhati, ngunit ganoon ang mga bagay-bagay noon. Namatay sa ganoong paraan ang mga naniwala sa Diyos, paano ito maipaliliwanag? Kapag binabanggit natin ang paksang ito, inilalagay ninyo ang sarili ninyo sa kalagayan nila, kaya, malungkot ba ang inyong mga puso, at may nararamdaman ba kayong nakatagong kirot? Iniisip ninyo, “Tinupad ng mga taong ito ang kanilang tungkuling maipalaganap ang ebanghelyo ng Diyos at dapat ituring na mabubuting tao, kaya’t paano sila umabot sa gayong wakas at sa gayong kinalabasan?” Ang totoo, ganito namatay ang kanilang mga katawan at sumakabilang-buhay; ito ang paraan nila ng paglisan sa mundo ng tao, ngunit hindi iyon nangangahulugan na ganoon din ang kanilang kinahinatnan. Anuman ang paraan ng kanilang kamatayan at paglisan o kung paano man ito naganap, hindi ito ang paraan ng Diyos sa pagtukoy sa pangwakas na mga kalalabasan ng mga buhay na iyon, ng mga nilikhang iyon. Ito ay isang bagay na dapat mong malinaw na makita. Sa kabaligtaran, ginamit nila mismo ang mga kaparaanang iyon upang kondenahin ang mundong ito at upang magpatotoo sa mga gawa ng Diyos. Ginamit ng mga nilikhang ito ang kanilang napakahalagang buhay—ginamit nila ang huling sandali ng kanilang buhay upang magpatotoo sa mga gawa ng Diyos, upang magpatotoo sa dakilang kapangyarihan ng Diyos, at upang ipahayag kay Satanas at sa mundo na tama ang mga gawa ng Diyos, na ang Panginoong Jesus ay Diyos, na Siya ang Panginoon, at ang nagkatawang-taong laman ng Diyos. Kahit hanggang sa huling sandali ng kanilang buhay, hindi nila kailanman itinatwa ang pangalan ng Panginoong Jesus. Hindi ba ito isang anyo ng paghatol sa mundong ito? Ginamit nila ang kanilang mga buhay upang ipahayag sa mundo, upang tiyakin sa mga tao na ang Panginoong Jesus ay ang Panginoon, na ang Panginoong Jesus ay Cristo, na Siya ang katawang-tao ng Diyos, na ang gawain ng pagtubos na ginawa Niya para sa buong sangkatauhan ay nagpapahintulot sa sangkatauhan na patuloy na mabuhay—hindi nagbabago ang katotohanang ito magpakailanman. Yaong mga naging martir dahil sa pagpapalaganap ng ebanghelyo ng Panginoong Jesus, hanggang sa anong punto nila tinupad ang kanilang tungkulin? Hanggang sa pinakahuling punto ba? Paano naipakita ang pinakahuling punto? (Inialay nila ang kanilang buhay.) Tama iyan, buhay nila ang kanilang naging kabayaran. Pawang panlabas na mga bagay ang pamilya, kayamanan, at ang materyal na mga bagay sa buhay na ito; ang tanging bagay na may kaugnayan sa sarili ay ang buhay. Sa bawat nabubuhay na tao, ang buhay ang bagay na pinaka-karapat-dapat na pakaingatan, ang pinakamahalagang bagay at, sa katunayan, nagawa ng mga taong ito na ialay ang pinakamahalagang pagmamay-ari nila—ang buhay—bilang patunay at patotoo sa pagmamahal ng Diyos sa sangkatauhan. Hanggang sa araw na sila ay mamatay, hindi nila itinatwa ang pangalan ng Diyos, at hindi rin nila itinatwa ang gawain ng Diyos, at ginamit nila ang kanilang mga huling sandali ng buhay upang magpatotoo sa pag-iral ng katunayang ito—hindi ba ito ang pinakamataas na anyo ng patotoo? Ito ang pinakamahusay na paraan ng pagganap ng isang tao sa kanyang tungkulin; ito ang pagtupad ng isang tao sa kanyang pananagutan. Nang pagbantaan at takutin sila ni Satanas, at, sa huli, kahit pa nang ipabayad sa kanila ang kanilang mga buhay, hindi nila tinalikdan ang kanilang responsabilidad. Ito ang kahulugan ng pagtupad ng isang tao sa tungkulin hanggang sa pinakasukdulang punto. Ano ang ibig Kong sabihin dito? Ibig Ko bang sabihin na gamitin ninyo ang ganoon ding paraan upang magpatotoo sa Diyos at upang maipalaganap ang Kanyang ebanghelyo? Sadyang hindi kinakailangang gawin mo ang ganoon, ngunit dapat mong maunawaan na ito ay iyong pananagutan, na kung kinakailangan ng Diyos na gawin mo ito, dapat mo itong tanggapin bilang iyong obligasyon. May takot at pag-aalala sa mga layunin ang mga tao ngayon, ngunit anong silbi ng mga damdaming iyon? Kung hindi kailangan ng Diyos na gawin mo ito, para saan ang pag-aalala tungkol dito? Kung kailangan ng Diyos na gawin mo ito, hindi ka dapat umiwas o tumanggi sa pananagutang ito. Dapat kang maagap na makipagtulungan at tanggapin ito nang walang pag-aalala. Paano man mamatay ang isang tao, hindi siya dapat mamatay sa harap ni Satanas, at hindi mamatay sa mga kamay ni Satanas. Kung mamamatay ang isang tao, dapat siyang mamatay sa mga kamay ng Diyos. Nagmula sa Diyos ang mga tao, at sa Diyos sila magbabalik—gayon ang katwiran at saloobing dapat taglayin ng isang nilikha. Ito ang panghuling katotohanang dapat unawain ng isang tao sa pagpapalaganap ng ebanghelyo at pagganap sa kanyang tungkulin—dapat ibayad ng isang tao ang halaga ng kanyang buhay upang maipalaganap at magpatotoo sa ebanghelyo ng paggawa ng Diyos na nagkatawang-tao ng Kanyang gawain at pagliligtas sa sangkatauhan. Kung may ganito kang pagnanais, kung makakapagpatotoo ka sa ganitong paraan, kahanga-hanga iyon. Kung hindi ka pa rin nagtataglay ng ganitong uri ng pagnanais, kahit paano ay dapat mong maayos na tuparin ang pananagutan at tungkuling nasa harapan mo, ipinagkakatiwala na sa Diyos ang iba. Sa gayon marahil, habang lumilipas ang mga buwan at mga taon at dumarami ang iyong karanasan at ikaw ay tumatanda, at lumalalim ang iyong pagkaunawa sa katotohanan, matatanto mo na mayroon kang obligasyon at pananagutang ialay ang iyong buhay sa gawain ng ebanghelyo ng Diyos, maging hanggang sa huling sandali ng iyong buhay.
Ito na ang tamang panahon para simulang pag-usapan ang tungkol sa mga paksang ito dahil nagsimula na ang pagpapalaganap sa ebanghelyo ng kaharian. Noong Kapanahunan ng Kautusan at Kapanahunan ng Biyaya, ibinuwis ng ilang sinaunang propeta at banal ang kanilang mga buhay sa pagpapalaganap ng ebanghelyo, kaya maaari ding ibuwis ng mga ipinanganak sa mga huling araw ang kanilang buhay para sa layuning ito. Hindi ito isang bagay na bago o biglaan, lalong hindi ito isang malabis na kahilingan. Ito ang marapat gawin ng mga nilikha at ang tungkuling nararapat nilang gampanan. Ito ang katotohanan; ito ang pinakamataas na katotohanan. Kung ang ginagawa mo lang ay sumigaw ng mga kasabihan tungkol sa kung ano ang gusto mong gawin para sa Diyos, kung paanong gusto mong tuparin ang iyong tungkulin, at kung gaano karami ang gusto mong gugulin at pagsikapan para sa Diyos, wala itong silbi. Kapag nahaharap ka na sa realidad, kapag hinihingi na sa iyo na isakripisyo mo ang iyong buhay, kung magrereklamo ka ba sa pinakahuling sandali, kung handa ka ba, at kung tunay ka bang nagpapasakop—ito ang pagsubok sa iyong tayog.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Pagpapalaganap sa Ebanghelyo ang Tungkuling Dapat Tuparin ng Lahat ng Mananampalataya
Ang tao ay lubusang gagawing ganap sa Kapanahunan ng Kaharian. Pagkatapos ng gawain ng panlulupig, ang tao ay isasailalim sa pagpipino at kapighatian. Yaong mga makakapagtagumpay at nakakapanindigan sa kanilang patotoo sa panahon nitong kapighatian ay yaong mga gagawing ganap sa kahuli-hulihan; sila ang mga mananagumpay. Sa panahon nitong kapighatian, kinakailangan sa tao na tanggapin ang pagpipinong ito, at ang pagpipinong ito ang huling pagkakataon sa gawain ng Diyos. Ito ang huling panahon na pipinuhin ang tao bago ang pagtatapos ng lahat ng gawain ng pamamahala ng Diyos, at ang lahat ng sumusunod sa Diyos ay kailangang tanggapin itong huling pagsubok, kailangan nilang tanggapin itong huling pagpipino. Yaong mga lugmok sa kapighatian ay walang gawain ng Banal na Espiritu at paggabay ng Diyos, ngunit yaong mga tunay na nalupig na at tunay na naghahangad sa Diyos ay makakatayong matatag sa kahuli-hulihan; sila yaong mga may angking pagkatao, at siyang mga tunay na nagmamahal sa Diyos. Kahit na ano ang ginagawa ng Diyos, ang mga matagumpay na ito ay hindi mawawalan ng mga pangitain at patuloy pa ring magsasagawa ng katotohanan nang hindi nabibigo sa kanilang patotoo. Sila yaong mga makalalampas sa matinding kapighatian sa wakas. Bagaman yaong mga naglalagay ng kanilang mga sarili sa mapanganib na sitwasyon para mabuhay ay maaari pa ring magpatuloy ngayon, walang makatatakas sa pangwakas na kapighatian, at walang makatatakas mula sa pangwakas na pagsubok. Para sa mga nagtatagumpay, ang ganoong kapighatian ay isang matinding pagpipino; ngunit para sa mga nangingisda sa maligalig na tubig, ito ang gawain ng lubos na pagtitiwalag. Kahit paano man sila sinusubukan, ang katapatan ng mga taong nasa puso nila ang Diyos ay nananatiling hindi nagbabago; ngunit para sa mga taong walang Diyos sa kanilang puso, sa sandaling ang gawain ng Diyos ay hindi kapaki-pakinabang sa kanilang laman, binabago nila ang kanilang pananaw tungkol sa Diyos, at nililisan pa ang Diyos. Ganoon ang mga hindi maninindigan sa katapusan, na naghahanap lamang ng mga pagpapala ng Diyos at walang pagnanais na gumugol ng kanilang mga sarili para sa Diyos at ialay ang kanilang mga sarili sa Kanya. Ang uring ito ng mga hamak na tao ay patatalsikin lahat kapag natapos na ang gawain ng Diyos, at hindi sila karapat-dapat sa kahit na anong awa. Yaong mga walang pagkatao ay walang kakayahang mahalin ang Diyos nang tunay. Kapag ang paligid ay tiwasay at ligtas, o may pakinabang na matatamo, sila ay lubusang masunurin sa Diyos, ngunit sa sandaling ang kanilang ninanais ay nalagay sa alanganin o hindi nila nakuha, ay agad silang naghihimagsik. Kahit na pagkatapos lamang ng isang gabi, maaari silang magbago mula sa isang nakangiti at “mabait” na tao tungo sa isang pangit at mabangis na mamamatay-tao, biglang itinuturing na mortal na kaaway ang kanilang tagapagpala kahapon nang walang pagkatugma o kadahilanan. Kung ang mga demonyong ito ay hindi napalayas, ang mga demonyong ito na papatay nang walang kurap, hindi ba sila magiging tagong panganib? Ang gawain ng pagliligtas sa tao ay hindi nakakamit pagkatapos ng kaganapan ng gawaing panlulupig. Kahit natapos na ang gawain ng panlulupig, ang gawain ng pagdadalisay sa tao ay hindi pa natapos; ang gayong gawain ay matatapos lamang sa sandaling ang tao ay lubusang nagawa nang dalisay, sa sandaling yaong mga tunay na nagpapasakop sa Diyos ay nagawa nang ganap, at sa sandaling yaong mga mapagpanggap na walang Diyos sa kanilang mga puso ay napaalis na. Yaong mga hindi nakalulugod sa Diyos sa huling yugto ng Kanyang gawain ay lubusang ititiwalag, at yaong mga itinitiwalag ay pag-aari ng mga diyablo. Dahil hindi nila kayang paluguran ang Diyos, sila ay suwail sa Diyos, at kahit na sumusunod ang mga taong ito sa Diyos ngayon, ito ay hindi nagpapatunay na sila ang mga mananatili sa wakas. Sa mga salitang “yaong mga sumunod sa Diyos hanggang sa katapusan ay tatanggap ng kaligtasan,” ang kahulugan ng “sumunod” ay tumayo nang matatag sa kabila ng kapighatian. Ngayon, marami ang naniniwala na madali ang sumunod sa Diyos, ngunit kapag ang gawain ng Diyos ay malapit nang matapos, malalaman mo ang tunay na kahulugan ng “sumunod.” Hindi dahil kaya mo pang sumunod sa Diyos ngayon matapos lupigin, ito ay hindi nagpapatunay na isa ka sa mga gagawing perpekto. Yaong mga hindi kinakayang pagtiisan ang mga pagsubok, silang mga hindi kayang maging matagumpay sa gitna ng kapighatian ay hindi makakayang tumayo nang matatag sa kahuli-hulihan, kaya’t hindi makakayang sumunod sa Diyos hanggang sa katapus-katapusan. Ang mga tunay na sumusunod sa Diyos ay kayang matagalan ang pagsubok ng kanilang gawain, samantalang yaong mga hindi talaga sumusunod sa Diyos ay hindi kayang matagalan ang anumang mga pagsubok ng Diyos. Hindi magtatagal, sila ay mapatatalsik, habang ang mga mananagumpay ay mananatili sa kaharian. Kung ang tao ay tunay na naghahanap sa Diyos o hindi ay nalalaman sa pamamagitan ng pagsubok sa kanyang gawain, iyon ay, sa pamamagitan ng mga pagsubok ng Diyos, at walang kaugnayan sa pagpapasya ng tao mismo. Hindi tinatanggihan ng Diyos ang sinumang nang basta-basta; lahat ng ginagawa Niya ay lubusang makakahikayat sa tao. Hindi Siya gumagawa ng anumang bagay na hindi nakikita ng tao, o anumang gawain na hindi makahihikayat sa tao. Kung ang paniniwala ng tao ay tunay o hindi, ay napapatotohanan ng mga katunayan at hindi mapagpapasyahan ng tao. Walang duda na ang “trigo ay hindi magagawang mapanirang damo, at ang mapanirang damo ay hindi magagawang trigo.” Ang lahat ng tunay na nagmamahal sa Diyos ay mananatili sa kaharian sa kahuli-hulihan, at hindi tatratuhin nang hindi maganda ng Diyos ang sinumang tunay na nagmamahal sa Kanya. Batay sa iba’t iba nilang mga tungkulin at mga patotoo, ang mga mananagumpay sa kaharian ay magsisilbing mga saserdote o tagasunod, at lahat ng matagumpay sa gitna ng kapighatian ay magiging kalipunan ng saserdote sa loob ng kaharian. Ang mga kalipunan ng saserdote ay mabubuo kapag ang gawain ng ebanghelyo sa buong sansinukob ay natapos na. Kapag dumating ang panahong iyon, ang kailangang gawin ng tao ay ang pagganap sa kanyang tungkulin sa kaharian ng Diyos, at ang paninirahan niyang kasama ang Diyos sa loob ng kaharian. Sa kalipunan ng mga saserdote mayroong magiging mga punong saserdote at mga saserdote, at ang natitira ay magiging mga anak at bayan ng Diyos. Ito ay malalaman lahat sa pamamagitan ng kanilang mga patotoo sa Diyos sa panahon ng kapighatian; hindi lamang ito mga titulo na ibinibigay lamang batay sa kagustuhan. Sa sandaling ang katayuan ng tao ay naitatag na, ang gawain ng Diyos ay matatapos, dahil ang lahat ay pinagsasama-sama ayon sa uri at ibinabalik sa kanilang orihinal na kalagayan, at ito ang tanda ng katuparan ng gawain ng Diyos, ito ang pangwakas na kinalabasan ng gawain ng Diyos at ng pagsasagawa ng tao, at ito ang pagkakabuo-buo ng mga pangitain ng gawain ng Diyos at ng pakikipagtulungan ng tao. Sa katapusan, ang tao ay makakasumpong ng kapahingahan sa kaharian ng Diyos, at ang Diyos, rin, ay babalik sa Kanyang tahanan upang mamahinga. Ito ang magiging pangwakas na kinalabasan ng 6,000 taong pakikipagtulungan sa pagitan ng Diyos at ng tao.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Gawain ng Diyos at ang Pagsasagawa ng Tao
Lumalawak ang kaharian sa gitna ng sangkatauhan, nabubuo ito sa gitna ng sangkatauhan, at nakatayo ito sa gitna ng sangkatauhan; walang puwersang maaaring magwasak sa Aking kaharian. Sa mga tao Ko na nasa kaharian ng ngayon, sino sa inyo ang hindi tao sa lahat ng tao? Sino sa inyo ang namamalagi sa labas ng kalagayan ng tao? Kapag ibinalita sa maraming tao ang Aking bagong panimula, paano tutugon ang sangkatauhan? Nakita na ng sarili ninyong mga mata ang kalagayan ng sangkatauhan; sigurado bang hindi na kayo umaasa pang magtiis sa mundong ito magpakailanman? Naglalakad Ako ngayon sa piling ng Aking mga tao at naninirahan Ako sa piling nila. Ngayon, yaong may tunay na pagmamahal sa Akin—mapalad ang gayong mga tao. Mapalad ang mga nagpapasakop sa Akin, siguradong mananatili sila sa Aking kaharian. Mapalad ang mga nakakakilala sa Akin, siguradong gagamit sila ng kapangyarihan sa Aking kaharian. Mapalad ang mga naghahanap sa Akin, siguradong makakalaya sila mula sa mga gapos ni Satanas at magtatamasa ng Aking mga pagpapala. Mapalad ang mga nagagawang maghimagsik laban sa kanilang sarili, siguradong papasok sila sa Aking nasasakupan at magmamana ng kasaganaan ng Aking kaharian. Aalalahanin Ko ang mga nagsusumikap para sa Akin, yayakapin Ko nang may kagalakan ang mga gumugugol para sa Akin, at pagkakalooban Ko ng mga kasiyahan ang mga nag-aalay sa Akin. Pagpapalain Ko ang mga nasisiyahan sa Aking mga salita; siguradong magiging mga haligi sila na magtataas ng tukod sa Aking kaharian, siguradong magkakaroon sila ng walang-kapantay na kasaganaan sa Aking bahay, at walang maikukumpara sa kanila. Nakatanggap na ba kayo ng mga pagpapalang ibinigay sa inyo? Naghanap na ba kayo ng mga pangakong ginawa para sa inyo? Siguradong kayo, sa ilalim ng patnubay ng Aking liwanag, ay makakawala mula sa pagsakal ng mga puwersa ng kadiliman. Sa gitna ng kadiliman, siguradong hindi mawawala sa inyo ang paggabay ng Aking liwanag. Siguradong kayo ang magiging mga panginoon ng lahat ng nilikha. Siguradong kayo ay magiging mga mananagumpay sa harap ni Satanas. Siguradong tatayo kayo, sa pagbagsak ng kaharian ng malaking pulang dragon, sa gitna ng napakaraming tao, bilang patunay sa Aking tagumpay. Siguradong kayo ay magiging matatag at di-natitinag sa lupain ng Sinim. Sa pamamagitan ng mga pagdurusang tinitiis ninyo, mamanahin ninyo ang Aking mga pagpapala, at siguradong magniningning sa inyo ang Aking kaluwalhatian sa buong sansinukob.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Salita ng Diyos sa Buong Sansinukob, Kabanata 19
Kaugnay na mga Video
Dulang Pang-entablado “Paggunita sa Yumaong Minamahal”
Isang Di-Nabuburang Sugat
Kaugnay na mga Patotoong Batay sa Karanasan
Ang Kwento ni Angel
Pinaghahanap Ngunit Inosente
Mga Araw ng Pang-aabuso at Pagpapahirap
Siniil ng Aking Pamilya: Isang Karanasang Nagbibigay-Aral
Ang Aking Malubak na Karanasan sa Pagpapalaganap ng Ebanghelyo
Kaugnay na mga Himno
Kayo ang mga Tatanggap sa Pamana ng Diyos
Awit Ng Mga Mananagumpay
Hangaring Mahalin ang Diyos Kahit Gaano Kalaki ang Iyong Pagdurusa
Patotoo ng Buhay