19. Paano harapin ang pag-aasawa
Mga Salita Mula sa Bibliya
“At sinabi ng Diyos na si Jehova, ‘Hindi mabuti na ang lalaki ay mag-isa; siya ay ilalalang Ko ng makakatulong niya’” (Genesis 2:18).
“At pinahimbing ng Diyos na si Jehova ang tulog ni Adan, at nakatulog ito: at kinuha Niya ang isa sa mga tadyang nito at pinaghilom ang laman sa dakong yaon: At ang tadyang, na kinuha ng Diyos na si Jehova sa lalaki, ay Kanyang ginawang isang babae, at ito ay dinala niya sa lalaki. At sinabi ni Adan, ‘Ito nga ay buto ng aking mga buto at laman ng aking laman: siya ay tatawaging Babae, sapagkat sa Lalaki siya kinuha.’ Kaya iiwan ng lalake ang kanyang ama at ang kanyang ina, at makikipisan sa kanyang asawa: at sila ay magiging iisang laman” (Genesis 2:21–24).
“Sinabi Niya sa babae, ‘Pararamihin Kong lubha ang iyong kalumbayan at ang iyong paglilihi; manganganak kang may kahirapan; at sa iyong asawa ay pahihinuhod ang iyong kalooban, at siya ang mamumuno sa iyo.’ At kay Adam ay sinabi, ‘Sapagkat iyong dininig ang tinig ng iyong asawa, at kumain ka ng bunga ng punong kahoy na Aking iniutos sa iyo na sinabi, Huwag kang kakain niyaon; sumpain ang lupa dahil sa iyo; kakain ka mula sa mga ito sa pamamagitan ng iyong pagpapagal sa lahat ng mga araw ng iyong buhay; Ang isisibol niyaon sa iyo ay mga tinik at mga dawag; at kakain ka ng pananim sa parang; Sa pawis ng iyong mukha ay kakain ka ng tinapay, hanggang sa ikaw ay bumalik sa lupa; sapagkat diyan ka kinuha: sapagkat ikaw ay alabok at sa alabok ka uuwi’” (Genesis 3:16–19).
Mga Salita ng Makapangyarihang Diyos ng mga Huling Araw
Ang simula at pinagmulan ng buhay may-asawa ay nasa paglikha ng Diyos. Nilikha ng Diyos ang unang tao, na nangailangan ng isang katuwang na tutulong at sasama sa kanya, mamumuhay kasama niya, kaya nilikha ng Diyos ang isang katuwang para sa kanya, at kaya, nagkaroon ng pag-aasawa ng tao. Iyon lang. Ganoon ito kasimple. Ito ang pangunahing pagkaunawa sa pag-aasawa na dapat mong taglayin. Ang pag-aasawa ay galing sa Diyos; ito ay isinaayos at inorden Niya. Kahit papaano, maaari mong sabihing ito ay hindi isang negatibong bagay, kundi isang positibong bagay. Maaari ding tumpak na sabihing ang pag-aasawa ay nararapat, na ito ay isang nararapat na bahagi ng buhay ng tao at ng proseso ng pag-iral ng mga tao. Ito ay hindi buktot, o isang kasangkapan o paraan ng pagtiwali sa sangkatauhan; ito ay nararapat at positibo, sapagkat nilikha at inorden ito ng Diyos, at siyempre, isinaayos Niya ito. Ang pag-aasawa ng tao ay nagmumula sa paglikha ng Diyos, at ito ay isang bagay na Kanyang personal na isinaayos at inorden, kaya kung titingnan ito mula sa anggulong ito, ang tanging perspektiba na dapat mayroon ang tao tungkol sa pag-aasawa ay na ito ay nagmumula sa Diyos, na ito ay isang nararapat at positibong bagay, na ito ay hindi negatibo, buktot, makasarili, o masama. Ito ay hindi galing sa tao, o mula kay Satanas, lalong hindi ito natural na nabubuo sa kalikasan; sa halip, nilikha ito ng Diyos gamit ang Kanyang sariling mga kamay, at personal itong isinaayos, at inorden. Ito ay ganap na tiyak. Ito ang pinaka-orihinal, tumpak na depinisyon at konsepto ng pag-aasawa.
—Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan 9
Ang tunay na kahulugan ng pag-aasawa ay hindi lamang para sa pagpaparami ng sangkatauhan, kundi ang mas importante, ito ay para magsaayos ang Diyos ng isang makakatuwang ng bawat lalaki at babae, isang taong makakasama nila sa bawat yugto ng kanilang buhay, ito man ay mahirap at masakit, o madali, masaya, at maligaya—sa lahat ng ito, mayroon silang mapagsasabihan ng kanilang niloloob, magiging kaisa nila sa puso at isipan, at makakasalo nila sa kanilang lungkot, pasakit, kasiyahan, at kaligayahan. Ito ang kahulugan sa likod ng pagsasaayos ng Diyos ng pag-aasawa para sa mga tao, at ito ang personal na pangangailangan ng bawat indibidwal na tao. Nang likhain ng Diyos ang sangkatauhan, ayaw Niyang mapag-isa sila, kaya isinaayos Niya ang pag-aasawa para sa kanila. Sa pag-aasawa, ang mga lalaki at babae ay may kanya-kanyang mga papel, at ang pinakamahalaga ay na sinasamahan at sinusuportahan nila ang isa’t isa, namumuhay nang maayos sa bawat araw, maayos na umuusad sa landas ng buhay. Sa isang banda, maaari nilang samahan ang isa’t isa, at sa kabilang banda, maaari nilang suportahan ang isa’t isa—ito ang kahulugan ng pag-aasawa at kung bakit kinakailangan itong umiral. Siyempre, ito rin ang pagkaunawa at saloobing dapat taglayin ng mga tao tungkol sa pag-aasawa, at ito ang responsabilidad at obligasyong dapat nilang tuparin sa pag-aasawa.
—Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan 9
Ang pag-aasawa ay isang napakahalagang pangyayari sa buhay ninuman; ito ay panahon na nagsisimulang tunay na akuin ng isang tao ang iba’t ibang uri ng mga responsabilidad, unti-unting nagsisimula na kumpletuhin ang iba’t ibang uri ng misyon. Maraming ilusyon ang mga tao tungkol sa pag-aasawa bago nila ito maranasan, at lahat ng ilusyong ito ay talagang magaganda. Inaakala ng mga kababaihan na ang kanilang kabiyak ay magiging si Prince Charming, at inaakala ng mga kalalakihan na sila ay magpapakasal kay Snow White. Ipinapakita ng mga pantasyang ito na ang bawat tao ay may partikular na mga kinakailangan para sa pag-aasawa, mga sarili nilang hinihingi at pamantayan. Bagaman sa masamang kapanahunang ito, palagiang binobomba ang mga tao ng baluktot na mga mensahe tungkol sa pag-aasawa, na lumilikha ng mas marami pang karagdagang kinakailangan at nagbibigay sa mga tao ng lahat ng uri ng pasanin at kakaibang mga saloobin, alam ng sinumang nakaranas na ng pag-aasawa na anuman ang pagkakaunawa ng isang tao rito, anuman ang saloobin niya tungkol dito, ang pag-aasawa ay hindi isang bagay na pinipili ng isang indibidwal.
Maraming tao ang nakakatagpo ng isang tao sa kanyang buhay, subalit walang sinuman ang nakakaalam kung sino ang mapapangasawa niya. Bagaman ang lahat ay may kani-kanilang sariling mga palagay at personal na pananaw tungkol sa paksa ng pag-aasawa, walang sinuman ang maaaring makahula kung sino sa bandang huli ang magiging kanyang tunay na kabiyak, at ang mga ideya ng isang tao sa usapin ay hindi masyadong mahalaga. Matapos makatagpo ang isang taong gusto mo, maaari mong ipursige ang taong iyon; subalit interesado man o hindi ang taong iyon sa iyo, kung maaari mo ba siyang maging kapareha o hindi—hindi ikaw ang magpapasya. Hindi nangangahulugan na ang iyong sinisinta ang taong makakabahagi mo sa iyong buhay; samantala, may isa na kailanman ay hindi mo inasahan na maaaring dumating nang tahimik sa iyong buhay at maging iyong kapareha, ang pinakamahalagang elemento sa iyong kapalaran, ang iyong kabiyak, kung kanino nakabigkis nang mahigpit ang iyong kapalaran. Kung kaya, bagaman milyun-milyon ang nag-aasawa sa mundo, bawat isa ay iba: Napakaraming mag-aasawa ang hindi nasisiyahan, napakarami ang maligaya; napakarami ang saklaw ang Silangan at Kanluran, napakaraming Hilaga at Timog; napakarami ang perpektong mga tambalan, napakarami ang pantay ang katayuan sa lipunan; napakarami ang maligaya at nagkakasundo, napakarami ang nasasaktan at nagdadalamhati; napakarami ang kinaiinggitan ng iba, napakarami ang hindi naiintindihang mabuti at hindi sinasang-ayunan; napakarami ang puno ng kaligayahan, napakarami ang lumuluha at sanhi ng kawalang-pag-asa…. Sa hindi mabilang na uri ng pag-aasawa, ibinubunyag ng mga tao ang katapatan at panghabambuhay na pangako sa pag-aasawa; inihahayag nila ang pagmamahal, pagkagiliw, at pagkadi-mapaghihiwalay, o pagbitiw at kawalan ng pag-unawa. Ang ilan ay pinagtataksilan ang kanilang kasal, o nakararamdam maging ng pagkamuhi rito. Nagdadala man ang mismong pag-aasawa ng kaligayahan o pasakit, ang misyon ng bawat isa sa pag-aasawa ay itinadhana ng Lumikha at hindi magbabago; ang misyong ito ay dapat tuparin ng bawat isa. Ang indibidwal na kapalaran ng bawat tao na nasa likod ng bawat pag-aasawa ay hindi nagbabago at matagal nang itinadhana ng Lumikha.
—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi III
Ang pag-aasawa ay isang mahalagang sugpungan sa buhay ng isang tao. Bunga ito ng kapalaran ng isang tao at isang mahalagang kawing sa kapalaran niya; hindi ito itinatatag sa pagkukusa o mga kagustuhan ng sinumang tao, at hindi naiimpluwensiyahan ng anumang panlabas na mga kadahilanan, kundi ganap na tinutukoy ng mga kapalaran ng dalawang panig, sa pamamagitan ng mga pagsasaayos at pagtatadhana ng Lumikha sa mga kapalaran ng magkapareha. Tila ba ang layunin ng pag-aasawa ay ang ipagpatuloy ang sangkatauhan, ngunit ang totoo, ang pag-aasawa ay walang iba kundi isang ritwal na pinagdadaanan ng isang tao sa proseso ng pagtupad sa sarili niyang misyon. Ang mga papel na ginagampanan ng mga tao sa pag-aasawa ay hindi lamang sa pag-aaruga sa susunod na henerasyon; inaako nila ang iba’t ibang papel na may kinalaman sa pagpapanatili ng kasal at sa mga misyon na dapat kumpletuhin sa pamamagitan ng mga papel na iyon. Yamang nakakaimpluwensiya ang sariling kapanganakan sa mga pagbabagong pinagdadaanan ng mga tao, pangyayari, at bagay sa paligid nito, ang pag-aasawa ng isang tao ay hindi rin maiiwasang makaapekto sa mga tao, pangyayari, at bagay, at higit pa riyan, babaguhin sila ng lahat ng ito sa iba’t ibang paraan.
Kapag nagsimulang magsarili ang isang tao, sinisimulan niya ang kanyang sariling paglalakbay sa buhay, na umaakay sa kanya sa bawat hakbang patungo sa mga tao, pangyayari, at bagay na kaugnay ng kanyang pag-aasawa. Kasabay nito, ang kaparehang bubuo sa pag-aasawang ito ay papalapit, sa bawat hakbang, tungo sa parehong mga tao, pangyayari at bagay. Sa ilalim ng kataas-taasang kapangyarihan ng Lumikha, ang dalawang di-magkaanu-ano na nagsasalo sa magkaugnay na kapalaran ay unti-unting pumapasok sa pag-aasawa at himalang nagiging isang pamilya: “dalawang balang na kumakapit sa parehong tali.” Kaya kapag pumasok ang isang tao sa pag-aasawa, ang paglalakbay niya sa buhay ay makakaimpluwensya at makakaantig sa kanyang kabiyak, at makakaimpluwensiya at makakaantig din ang paglalakbay sa buhay ng kapareha niya sa kanyang kapalaran sa buhay. Sa madaling salita, magkakaugnay ang kapalaran ng mga tao, at walang sinuman ang makakatupad ng misyon ng isang tao sa buhay o makakaganap ng kanyang papel nang walang kaugnayan sa iba. Malaki ang epekto ng kapanganakan ng isang tao sa maraming ugnayan; sangkot din sa paggulang ang isang masalimuot na tanikala ng mga ugnayan; at gayon din, ang pag-aasawa ay di-mapipigilang umiral at napapanatili sa isang malawak at masalimuot na mga koneksyon ng tao, sinasangkot ang bawat taong nasa mga ugnayang ito at nakakaimpluwensiya sa kapalaran ng bawat isang bahagi nito. Ang pag-aasawa ay hindi bunga ng mga pamilya ng kapwa miyembro, ng mga kalagayan na kinalakhan nila, ng kanilang mga hitsura, ng kanilang mga edad, ng kanilang mga kakayahan, ng kanilang mga talento, o ng anumang iba pang mga kadahilanan; sa halip, ito ay nagmumula sa isang pinagsasaluhang misyon at isang magkaugnay na kapalaran. Ito ang pinagmumulan ng pag-aasawa, isang bunga ng kapalaran ng tao na isinaayos at inihanda ng Lumikha.
—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi III
Hindi ka dapat magkaroon ng anumang personal o hindi makatotohanang pantasya tungkol sa pag-aasawa, tungkol sa sino ang iyong kabiyak o kung anong klase ng tao ang iyong kabiyak; dapat mayroon kang saloobin ng pagpapasakop sa Diyos, dapat kang magpasakop sa mga pagsasaayos at ordinasyon ng Diyos, at magtiwala na ang Diyos ay maghahanda ng isang taong pinakanaaangkop para sa iyo. Hindi ba’t kinakailangan ang isang mapagpasakop na saloobin? (Oo.) Pangalawa, kailangan mong bitiwan ang mga pamantayang iyon sa pagpili ng kabiyak na itinanim sa iyo ng mga buktot na kalakaran ng lipunan, at pagkatapos ay itatag ang tamang pamantayan sa pagpili ng kabiyak, ibig sabihin, sa pinakamababa, ang iyong kabiyak ay dapat isang taong nananalig sa Diyos katulad mo at pareho kayo ng landas na tinatahak—ito ay mula sa pangkalahatang perspektiba. Dagdag pa rito, dapat kayang gampanan ng iyong kabiyak ang mga responsabilidad ng isang lalaki o babae sa pag-aasawa; dapat niyang magampanan ang mga responsabilidad ng isang kabiyak. Paano mo mahuhusgahan ang aspektong ito? Kailangan mong tingnan ang kalidad ng kanyang pagkatao, kung siya ay may pagpapahalaga sa responsabilidad, at kung siya ay may konsensiya. At paano mo mahuhusgahan kung may konsensiya at pagkatao ang isang tao? Kung hindi ka nakikipag-ugnayan sa kanya, hindi mo malalaman kung ano ang kanyang pagkatao, at kahit na makipag-ugnayan ka sa kanya, kung ito ay sa loob lang ng maikling panahon, maaaring hindi mo pa rin matutuklasan kung anong klase siya ng tao. Kaya, paano mo mahuhusgahan kung may pagkatao ang isang tao? Tingnan mo kung umaako siya ng responsabilidad sa kanyang tungkulin, sa atas ng Diyos, at sa gawain ng sambahayan ng Diyos, at tingnan mo kung kaya niyang protektahan ang mga interes ng sambahayan ng Diyos at kung siya ay tapat sa kanyang tungkulin—ito ang pinakamainam na paraan upang mahusgahan ang kalidad ng pagkatao ng isang tao. Sabihin nang ang katangian ng taong ito ay napakamatuwid at, pagdating sa gawain na inihahabilin sa kanya ng sambahayan ng Diyos, labis ang kanyang dedikasyon, pagiging responsable, seryoso at taimtim, siya ay napakametikuloso, napaka-ingat, at hindi kailanman nagpapabaya, at hinahangad niya ang katotohanan, at nakikinig siyang mabuti at nang may konsensiya sa lahat ng sinasabi ng Diyos. Kapag malinaw na sa kanya at nauunawaan na niya ito, agad niya itong isinasagawa; bagamat maaaring hindi mataas ang kahusayan ng gayong tao, kahit papaano, hindi siya pabasta-basta sa kanyang tungkulin at sa gawain ng iglesia, at nagagawa niyang taimtim na umako ng responsabilidad. Kung siya ay may konsensiya at responsable sa kanyang tungkulin, tiyak na buong puso siyang mamumuhay kasama ka at pananagutan ka niya hanggang sa pinakadulo—ang katangian ng gayong tao ay kayang magtiis sa gitna ng mga pagsubok. Kahit na ikaw ay magkasakit, tumanda, pumangit, o kahit mayroon kang mga pagkakamali at pagkukulang, palagi kang tatratuhin nang tama ng taong ito at pagpapasensiyahan ka niya, at gagawin niya ang lahat para pangalagaan ka at ang inyong pamilya at protektahan ka, bigyan ka ng maayos na buhay, upang makapamuhay ka nang may payapang isipan. Ito ang pinakamaligayang bagay para sa isang lalaki o babae sa buhay mag-asawa. Hindi man tiyak na mabibigyan ka niya ng isang mayaman, marangya, o romantikong buhay, at hindi tiyak na maibibigay niya sa iyo ang anumang naiiba pagdating sa pagmamahal o sa iba pang aspekto, ngunit kahit papaano, gagawin niyang panatag ang damdamin mo, at sa piling niya, magiging maayos ang buhay mo, at hindi magkakaroon ng panganib o pangamba. Kapag tiningnan mo ang taong iyon, makikita mo kung ano ang magiging buhay niya 20 o 30 taon mula ngayon at kahit ang hanggang sa pagtanda niya. Ang ganitong tao ang dapat mong maging pamantayan sa pagpili ng kabiyak. Siyempre, medyo mataas ang pamantayang ito sa pagpili ng kabiyak at hindi madaling makakita ng ganitong tao sa modernong sangkatauhan, tama ba? Para husgahan kung ano ang katangian ng isang tao at kung magagampanan niya ang kanyang mga responsabilidad sa pag-aasawa, kailangan mong tingnan ang kanyang saloobin sa kanyang tungkulin—ito ang isang aspekto. Ang isa pang aspekto ay kailangan mong tingnan kung siya ay may-takot-sa-Diyos na puso. Kung mayroon siya nito, kahit papaano, hindi siya gagawa ng anumang hindi makatao o imoral o hindi etikal, at kaya, tiyak na tatratuhin ka niya nang mabuti. Kung wala siyang may-takot-sa-Diyos na puso, at siya ay mapangahas, sutil, o ang kanyang pagkatao ay malupit, mapanlinlang, at mayabang; kung wala ang Diyos sa kanyang puso at iniisip niyang mas mataas siya kaysa sa iba; kung pinangangasiwaan niya ang gawain, tungkulin, at maging ang atas ng Diyos at anumang malaking usapin ng sambahayan ng Diyos nang walang ingat at nang naaayon sa kanyang sariling kagustuhan, kumikilos nang walang pakundangan, hindi kailanman nag-iingat, hindi hinahanap ang mga prinsipyo, at lalong-lalo na sa pangangasiwa sa mga handog, basta-basta na lang siyang kumukuha at ginagamit ito nang hindi tama, wala siyang kinakatakutan, kung gayon ay hinding-hindi ka dapat maghanap ng ganoong klase ng tao. Kung walang may-takot-sa-Diyos na puso, magagawa niya ang anumang bagay. Sa ngayon, ang ganoong tao ay maaaring dinadaan ka sa matatamis na salita at pinapangakuan ka ng walang hanggang pag-ibig, pero kapag dumating ang araw na hindi na siya masaya, kapag hindi mo na natutugunan ang kanyang mga pangangailangan at hindi ka na ang kanyang minamahal, sasabihin niya na hindi ka na niya mahal at wala na siyang nararamdaman para sa iyo, at iiwanan ka nalang niya kung kailan niya gusto. Kahit hindi pa kayo hiwalay, maghahanap na siya ng iba—posible ang lahat ng ito. Maaari ka niyang iwan anumang oras, saanmang lugar, at kaya niyang gawin ang anuman. Ang gayong mga lalaki ay napakamapanganib at hindi karapat-dapat na ipagkatiwala mo ang iyong buong buhay sa kanila. Kung ganitong lalaki ang iyong magiging kasintahan, iyong minamahal, ang iyong piniling kabiyak, mamomroblema ka lang. Kahit na siya ay matangkad, mayaman, at gwapo, may mahusay na mga talento, at inaalagaan ka niya nang mabuti at siya ay maaalalahin sa iyo, at sa panlabas ay pasok siya sa iyong pamantayan bilang iyong kasintahan o asawa, ngunit wala siyang may-takot-sa-Diyos na puso, kung gayon, hindi maaaring maging ang iyong piniling kabiyak ang taong ito. Kung nahuhumaling ka sa kanya at nagiging magkasintahan kayo at pagkatapos ay nagpakasal kayo, siya ay magiging isang bangungot at kapahamakan para sa iyo sa buong buhay mo. Sinasabi mo, “Hindi ako natatakot, hinahangad ko ang katotohanan.” Napasakamay ka na sa isang diyablo, at kinapopootan niya ang Diyos, sinusuway ang Diyos, at gumagamit ng lahat ng paraan upang guluhin ang iyong pananalig sa Diyos—makakayanan mo ba ito? Hindi makakaya ng iyong maliit na tayog at pananalig ang pagpapahirap niya, at pagkatapos ng ilang araw ay sobrang mahihirapan ka na, kaya magmamakaawa ka at hindi mo na magagawang patuloy na manalig sa Diyos. Nawala na ang iyong tiwala sa Diyos at paulit-ulit na nagtatalo ang iyong kalooban. Para kang inilagay sa gilingan ng karne at dinudurog nang pira-piraso, nang walang wangis ng tao, lubos nang nalugmok dito, hanggang sa huli ay nagkapareho na kayo ng kinasadlakang kapalaran ng diyablong pinakasalan mo, at magiging katapusan na ng iyong buhay.
—Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan 10
Ang paghahangad ba ng kaligayahan sa pag-aasawa ang layon na dapat hangarin ng mga tao sa buhay kapag sila ay may asawa na? May kinalaman ba ito sa pag-aasawa na inorden ng Diyos? (Wala.) Ipinagkaloob ng Diyos ang pag-aasawa sa tao, at ipinagkaloob Niya sa inyo ang isang kapaligiran kung saan maaari mong tuparin ang mga responsabilidad at obligasyon ng isang lalaki o babae sa loob ng balangkas ng pag-aasawa. Ipinagkaloob ng Diyos sa iyo ang pag-aasawa, na ibig sabihin ay ipinagkaloob Niya sa iyo ang isang kabiyak. Sasamahan ka ng kabiyak na ito hanggang sa katapusan ng buhay na ito at sasamahan ka sa bawat yugto ng buhay. Ano ang ibig Kong sabihin sa “sasamahan”? Ibig Kong sabihin ay tutulungan at aalagaan ka ng iyong kabiyak, makakasalo mo siya sa lahat ng bagay na iyong makakaharap sa buhay. Ibig sabihin, gaano man karaming bagay ang kakaharapin mo, hindi mo na haharapin ang mga ito nang mag-isa, sa halip, dalawa kayong magkasama na haharap sa mga ito. Nagiging medyo mas madali at panatag ang buhay sa pamamagitan ng pamumuhay sa ganitong paraan, kung saan parehong ginagawa ng bawat isa ang nararapat nilang gawin, pareho nilang ginagamit ang kanilang mga kasanayan at kalakasan, at sinisimulan ang kanilang buhay. Ganoon lang ito kasimple. Gayunpaman, hindi kailanman iginiit ng Diyos sa mga tao na, “Pinagkalooban kita ng pag-aasawa. May asawa ka na ngayon kaya talagang dapat mong mahalin ang iyong kabiyak hanggang sa huli, at palagi mo siyang purihin—ito ang iyong misyon.” Ipinagkaloob ng Diyos sa iyo ang pag-aasawa, ipinagkaloob sa iyo ang isang kabiyak, at ipinagkaloob sa iyo ang naiibang kapaligiran ng pamumuhay. Sa loob ng ganitong uri ng kapaligiran at sitwasyon ng pamumuhay, ang Diyos ay nagbibigay-daan na makibahagi ang iyong kabiyak sa lahat ng bagay at na harapin ninyo ang lahat nang magkasama, upang makapamuhay ka nang mas malaya at madali, habang tinutulutan kang makita ang kahalagahan ng ibang yugto ng buhay. Gayunpaman, hindi ka ipinagkanulo ng Diyos sa pag-aasawa. Ano ang ibig Kong sabihin dito? Ibig Kong sabihin, hindi binawi ng Diyos ang iyong buhay, kapalaran, misyon, ang landas na iyong tinatahak sa buhay, ang direksiyon na iyong pinipili sa buhay, at ang uri ng pananalig na mayroon ka at hindi Niya ito ibinigay sa iyong kabiyak upang ang iyong kabiyak ang magtakda nito para sa iyo. Hindi Niya sinabi na ang uri ng kapalaran, mga paghahangad, landas sa buhay, at pananaw sa buhay ng isang babae ay dapat na itakda ng kanyang mister, o na ang uri ng kapalaran, mga paghahangad, pananaw sa buhay, at buhay ng isang lalaki ay dapat na itakda ng kanyang misis. Hindi kailanman sinabi ng Diyos ang gayong mga bagay at hindi Niya inorden ang mga bagay sa ganitong paraan. Kita mo, sinabi ba ng Diyos ang gayong bagay nang itatag Niya ang pag-aasawa para sa sangkatauhan? (Hindi.) Hindi kailanman sinabi ng Diyos na ang paghahangad ng kaligayahan sa pag-aasawa ay misyon sa buhay ng isang babae o lalaki, at na dapat mong panatilihing mabuti ang kasiyahan ng iyong buhay may-asawa upang maisakatuparan ang misyon sa iyong buhay at upang magtagumpay ka sa pag-asal bilang isang nilikha—hindi kailanman sinabi ng Diyos ang gayong bagay. Hindi rin sinabi ng Diyos na, “Dapat mong piliin ang landas ng iyong buhay sa loob ng balangkas ng pag-aasawa. Makakamit mo man ang kaligtasan o hindi ay itatakda ng iyong buhay may-asawa at ng iyong asawa. Ang iyong pananaw sa buhay at kapalaran ay itatakda ng iyong asawa.” Kahit minsan ba ay sinabi ng Diyos ang gayong bagay? (Hindi.) Inorden ng Diyos ang pag-aasawa para sa iyo at pinagkalooban ka Niya ng isang kabiyak. Pumapasok ka sa pag-aasawa ngunit hindi nagbabago ang iyong pagkakakilanlan at katayuan sa harap ng Diyos—ikaw pa rin iyan. Kung ikaw ay isang babae, babae ka pa rin sa harap ng Diyos; kung ikaw ay isang lalaki, lalaki ka pa rin sa harap ng Diyos. Ngunit may isang bagay na pareho sa inyo, at iyon ay, lalaki ka man o babae, kayong lahat ay nilikha sa harap ng Lumikha. Sa loob ng balangkas ng pag-aasawa, kayo ay nagpaparaya at nagmamahal sa isa’t isa, nagtutulungan at sumusuporta sa isa’t isa, at ito ay pagtupad sa inyong mga responsabilidad. Ngunit sa harap ng Diyos, ang mga responsabilidad na dapat mong tuparin at ang misyon na dapat mong isakatuparan ay hindi maaaring mapalitan ng mga responsabilidad na tinutupad mo para sa iyong kabiyak. Kaya, kapag hindi nagkakatugma ang iyong mga responsabilidad sa iyong kabiyak at ang tungkulin na dapat gampanan ng isang nilikha sa harap ng Diyos, ang dapat mong piliin ay ang gampanan ang tungkulin ng isang nilikha at hindi ang tuparin ang iyong mga responsabilidad sa iyong kabiyak. Ito ang direksiyon at layunin na dapat mong piliin at, siyempre, ito rin ang misyon na dapat mong isakatuparan. Gayunpaman, may ilang tao na nagkakamali dahil ginagawa nilang misyon ng kanilang buhay ang paghahangad ng kaligayahan sa pag-aasawa, o ang pagtupad ng kanilang mga responsabilidad sa kanilang kabiyak, at ang kanilang pagmamalasakit, pag-aalaga, at pagmamahal sa kanilang kabiyak, at itinuturing nila ang kanilang kabiyak bilang ang kanilang langit, ang kanilang tadhana—mali ito. Ang iyong tadhana ay nasa ilalim ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos at hindi ito pinamamahalaan ng iyong kabiyak. Hindi mababago ng pag-aasawa ang iyong tadhana, ni ang katunayan na ang Diyos ang namamahala sa iyong tadhana. Tungkol sa uri ng pananaw sa buhay na dapat mong taglayin at sa landas na dapat mong sundin, dapat mong hanapin ang mga ito sa mga salita ng itinuturo at mga hinihingi ng Diyos. Hindi nakasalalay ang mga bagay na ito sa iyong kabiyak at hindi siya ang magtatakda sa mga ito. Bukod sa pagtupad ng kanyang mga responsabilidad sa iyo, hindi siya ang dapat na may kontrol sa iyong tadhana, o hindi niya dapat hilingin na baguhin mo ang iyong direksiyon sa buhay, ni hindi niya dapat itakda kung anong landas ang susundin mo, o itakda kung anong pananaw sa buhay ang dapat mayroon ka, lalong hindi ka niya dapat pigilan o hadlangan sa paghahangad sa kaligtasan. Pagdating sa pag-aasawa, ang magagawa lamang ng mga tao ay tanggapin ito mula sa Diyos at sundin ang depinisyon ng pag-aasawa na inorden ng Diyos para sa tao, kung saan ang parehong mag-asawa ay tumutupad sa kanilang mga responsabilidad at obligasyon sa isa’t isa. Ang hindi nila magagawa ay ang itakda ang tadhana, nakaraang buhay, kasalukuyang buhay, o ang susunod na buhay ng kanilang kabiyak, lalo na ang buhay na walang-hanggan. Ang iyong hantungan, ang iyong tadhana, at ang landas na iyong susundin ay maaari lamang itakda ng Lumikha. Kaya, bilang isang nilikha, ang iyong papel man ay bilang isang misis o mister, ang kasiyahan na dapat mong hangarin sa buhay na ito ay nagmumula sa paggampan mo ng tungkulin ng isang nilikha at pagsasakatuparan sa misyon ng isang nilikha. Hindi ito nagmumula sa pag-aasawa mismo, lalong hindi sa pagtupad mo ng mga responsabilidad ng isang asawa sa loob ng balangkas ng pag-aasawa. Siyempre, ang landas na iyong pinipiling sundin at ang pananaw sa buhay na iyong ginagamit ay hindi dapat nakabatay sa kaligayahan sa pag-aasawa, lalong hindi ito dapat nakatakda batay sa isa sa mag-asawa—ito ay isang bagay na dapat mong maunawaan. Kaya, ang mga taong pumapasok sa pag-aasawa na naghahangad lamang ng kaligayahan sa pag-aasawa at tumitingin sa paghahangad na ito bilang kanilang misyon ay dapat na bumitiw sa gayong mga kaisipan at pananaw, dapat nilang baguhin ang paraan ng kanilang pagsasagawa, at baguhin ang direksiyon ng kanilang buhay. Pumapasok ka sa pag-aasawa at namumuhay kasama ang iyong kabiyak sa ilalim ng ordinasyon ng Diyos, iyon lamang, at sapat na ito upang tuparin ang mga responsabilidad ng isang misis o mister habang magkasama kayo sa buhay. Tungkol naman sa kung anong landas ang iyong sinusunod at anong pananaw sa buhay ang iyong ginagamit, ang iyong kabiyak ay walang obligasyon at walang karapatan na itakda ang mga bagay na ito. Kahit na ikaw ay kasal na at may asawa na, ang iyong diumano’y kabiyak ay maaari lamang magdala sa depinisyon ng pagiging isang kabiyak na inorden ng Diyos. Maaari lamang niyang tuparin ang mga responsabilidad ng isang kabiyak, at maaari kang pumili at magdesisyon sa lahat ng iba pang bagay na walang kaugnayan sa iyong kabiyak. Siyempre, ang mas mahalaga pa ay na ang iyong mga pinili at desisyon ay hindi dapat nakabatay sa iyong sariling kagustuhan at pagkaunawa, bagkus ay sa mga salita ng Diyos. Nauunawaan mo ba ang pagbabahagi sa bagay na ito? (Oo.) Kaya, ang mga ikinikilos ng sinumang kabiyak sa loob ng balangkas ng pag-aasawa na pursigido sa paghahangad ng kaligayahan sa pag-aasawa o gumagawa ng anumang sakripisyo ay hindi gugunitain ng Diyos. Gaano man kahusay o kaperpekto ang pagtupad mo sa iyong mga obligasyon at responsabilidad mo sa iyong kabiyak, o gaano mo man natutugunan ang mga ekspektasyon ng iyong kabiyak—sa madaling salita, gaano mo man kahusay o kaperpekto na napapanatili ang iyong kaligayahan sa pag-aasawa, o gaano man ito kakahanga-hanga—hindi ito nangangahulugan na natupad mo na ang misyon ng isang nilikha, hindi rin ito nagpapatunay na ikaw ay isang nilikha na pasok sa pamantayan. Marahil, ikaw ay isang perpektong asawa, ngunit nasa loob pa rin ito ng balangkas ng pag-aasawa. Sinusukat ng Lumikha kung anong uri ka ng tao batay sa kung paano mo ginagampanan ang tungkulin ng isang nilikha sa Kanyang harapan, kung anong uri ng landas ang iyong tinatahak, kung ano ang iyong pananaw sa buhay, kung ano ang iyong hinahangad sa buhay, at kung paano mo isinasakatuparan ang misyon ng isang nilikha. Gamit ang mga bagay na ito, sinusukat ng Diyos ang landas na sinusunod mo bilang isang nilikha at ang iyong patutunguhan sa hinaharap. Hindi Niya sinusukat ang mga bagay na ito batay sa kung paano mo tinutupad ang iyong mga responsabilidad at obligasyon bilang asawa, o batay sa kung ang pag-ibig mo sa iyong kabiyak ay nakalulugod sa iyong kabiyak.
—Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan 11
Nagbabahaginan tayo tungkol sa pagbitiw sa paghahangad ng kaligayahan sa pag-aasawa hindi upang sukuan mo ang pag-aasawa bilang isang pormalidad, o upang hikayatin ka na makipagdiborsiyo, sa halip, ito ay upang talikuran mo ang mga paghahangad tungkol sa kaligayahan sa pag-aasawa. Una sa lahat, dapat mong bitiwan ang mga pananaw na nangingibabaw sa iyo sa iyong paghahangad ng kaligayahan sa pag-aasawa, at pagkatapos ay dapat mong bitiwan ang kaugalian ng paghahangad ng kaligayahan sa pag-aasawa at ilaan ang karamihan sa iyong oras at lakas sa paggampan ng tungkulin ng isang nilikha at sa paghahangad sa katotohanan. Tungkol naman sa pag-aasawa, hangga’t hindi ito sumasalungat o kumokontra sa iyong paghahangad sa katotohanan, hindi magbabago ang mga obligasyon na dapat mong tuparin, ang misyon na dapat mong isakatuparan, at ang papel na dapat mong gampanan sa loob ng balangkas ng buhay may-asawa. Kaya, ang paghingi na bitiwan mo ang paghahangad ng kaligayahan sa pag-aasawa ay hindi nangangahulugan ng paghingi sa iyo na talikuran ang pag-aasawa o na makipagdiborsiyo ka bilang isang pormalidad, sa halip, nangangahulugan ito ng paghingi sa iyo na tuparin mo ang iyong misyon bilang isang nilikha at gampanan nang tama ang tungkulin na dapat mong gampanan sa batayan ng pagtupad sa mga responsabilidad na dapat mong gampanan sa buhay may-asawa. Siyempre, kung ang iyong paghahangad sa kaligayahan sa pag-aasawa ay nakakaapekto, nakahahadlang, o nakakasira pa nga sa paggampan mo ng tungkulin bilang isang nilikha, kung gayon, dapat mong talikdan hindi lang ang iyong paghahangad ng kaligayahan sa pag-aasawa, kundi pati na ang iyong buong buhay may-asawa. Ano ang pinakalayon at kahulugan ng pagbabahaginan tungkol sa mga isyung ito? Ito ay upang ang kaligayahan sa buhay may-asawa ay hindi humadlang sa iyong mga hakbang, gumapos sa iyong mga kamay, bumulag sa iyong mga mata, magpalabo sa iyong paningin, gumulo at umokupa sa iyong isip; ito ay upang hindi ang paghahangad ng kaligayahan sa pag-aasawa ang pumupuno sa landas ng iyong buhay at pumupuno sa iyong buhay, at upang tama ang iyong pagharap sa mga responsabilidad at obligasyon na dapat mong tuparin sa buhay may-asawa at upang tama ang iyong maging mga pasya tungkol sa mga responsabilidad at obligasyon na dapat mong tuparin. Ang mas mabuting paraan ng pagsasagawa ay ang maglaan ng mas maraming oras at lakas sa iyong tungkulin, gampanan ang tungkulin na dapat mong gampanan, at isakatuparan ang misyon na ipinagkatiwala sa iyo ng Diyos. Huwag mong kalimutan kailanman na ikaw ay isang nilikha, na ang Diyos ang nag-akay sa iyo sa buhay patungo sa sandaling ito, na ang Diyos ang nagbigay sa iyo ng buhay may-asawa, ang nagbigay sa iyo ng pamilya, at na ang Diyos ang nagkaloob sa iyo ng mga responsabilidad na dapat mong tuparin sa loob ng balangkas ng buhay may-asawa, at na hindi ikaw ang pumili ng buhay may-asawa, hindi ka nag-asawa nang bigla-bigla na lang, o na hindi mo kayang panatilihin ang iyong kaligayahan sa buhay may-asawa sa pamamagitan ng sarili mong mga kakayahan at lakas. Malinaw Ko na ba itong naipaliwanag ngayon? (Oo.) Naiintindihan mo na ba kung ano ang dapat mong gawin? Malinaw na ba sa iyo ang landas? (Oo.) Kung walang di-pagkakatugma o kontradiksiyon sa pagitan ng mga responsabilidad at obligasyon na dapat mong tuparin sa buhay may-asawa at sa iyong tungkulin at misyon bilang isang nilikha, kung gayon, sa gayong mga sitwasyon, dapat mong tuparin ang iyong mga responsabilidad sa loob ng balangkas ng buhay may-asawa paano man dapat tuparin ang mga ito, at dapat mong tuparin nang maayos ang iyong mga responsabilidad, pasanin ang mga responsabilidad na dapat mong pasanin, at huwag subukang iwasan ang mga ito. Dapat mong panagutan ang iyong kabiyak, at dapat mong panagutan ang buhay ng iyong kabiyak, ang kanyang mga damdamin, at ang lahat ng bagay tungkol sa kanya. Gayunpaman, kapag may pagkakasalungat sa pagitan ng mga responsabilidad at obligasyon na iyong pinapasan sa loob ng balangkas ng buhay may-asawa at sa iyong misyon at tungkulin bilang isang nilikha, kung gayon, ang iyong dapat bitiwan ay hindi ang iyong tungkulin o misyon kundi ang iyong mga responsabilidad sa loob ng balangkas ng buhay may-asawa. Ito ang ekspektasyon ng Diyos sa iyo, ito ang atas ng Diyos sa iyo, at siyempre, ito ang hinihingi ng Diyos sa sinumang lalaki o babae. Kapag nagawa mo na ito ay saka ka lamang maghahangad sa katotohanan at susunod sa Diyos. Kung hindi mo kayang gawin ito at hindi mo kayang magsagawa sa ganitong paraan, ikaw ay isang mananampalataya sa pangalan lamang, hindi ka sumusunod sa Diyos nang may tapat na puso, at hindi mo hinahangad ang katotohanan. Mayroon ka na ngayong pagkakataon at mga kondisyon na umalis ng Tsina para gampanan ang iyong tungkulin, at may ilang taong nagsasabing, “Kung aalis ako ng Tsina upang gampanan ang aking tungkulin, kakailanganin kong iwan ang aking asawa sa bahay. Hindi na ba kami muling magkikita? Hindi ba’t mamumuhay kami nang magkahiwalay? Hindi ba’t mawawala na ang aming buhay may-asawa?” Iniisip ng ilang tao na, “Paano mamumuhay ang aking kabiyak kung wala ako? Hindi ba’t mawawasak ang aming buhay may-asawa kung wala ako? Magwawakas na ba ang aming buhay mag-asawa? Ano ang gagawin ko sa hinaharap?” Dapat mo bang isipin ang hinaharap? Ano ang dapat mong pinaka-isipin? Kung nais mong maging isang taong naghahangad sa katotohanan, ang dapat mong pinaka-isipin ay ang kung paano bitiwan ang hinihingi sa iyo ng Diyos na bitiwan at kung paano isakatuparan ang hinihingi sa iyo ng Diyos na isakatuparan mo. Kung hindi ka mag-aasawa at wala kang kabiyak sa iyong tabi sa hinaharap, sa mga darating na araw, maaari ka pa ring mabuhay hanggang sa pagtanda at mamuhay nang maayos. Ngunit kung tatalikdan mo ang oportunidad na ito, iyon ay katumbas ng pagtalikod mo sa iyong tungkulin at sa misyon na ipinagkatiwala sa iyo ng Diyos. Para sa Diyos, hindi ka na isang taong naghahangad sa katotohanan, isang taong tunay na ninanais ang Diyos, o isang taong naghahangad sa kaligtasan. Kung aktibo mong ninanais na talikuran ang iyong oportunidad at karapatan na makamit ang kaligtasan at ang iyong misyon, at sa halip ay pinipili mo ang buhay may-asawa, pinipili mong manatiling kaisa ng iyong asawa, pinipili mong makasama at bigyang-kasiyahan ang iyong asawa, at pinipili mong panatilihing matibay ang iyong buhay may-asawa, kung gayon, sa huli ay makakamit mo ang ilang bagay at mawawala sa iyo ang ilang bagay. Nauunawaan mo naman kung ano ang mawawala sa iyo, hindi ba? Ang buhay may-asawa at ang kaligayahan sa buhay may-asawa ay hindi ang lahat-lahat para sa iyo—hindi ito ang magpapasya ng iyong kapalaran, hindi ito ang magpapasya ng iyong hinaharap, at mas lalong hindi ito ang magpapasya ng iyong hantungan. Kaya, kung ano ang mga pasya ng mga tao, at kung dapat ba nilang bitiwan ang paghahangad ng kaligayahan sa pag-aasawa at gampanan ang tungkulin bilang isang nilikha ay nasa sa kanila na para pagdesisyonan.
—Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan 10
Inorden ng Diyos ang pag-aasawa sa iyo para lamang matuto kang tuparin ang iyong mga responsabilidad, matutong mamuhay nang payapa kasama ang isa pang tao at mamuhay kayo nang magkasama, at maranasan mo kung paano ang buhay na kasama ang iyong kabiyak at kung paano ninyo haharapin nang magkasama ang lahat ng bagay na inyong pinagdadaanan, at dahil dito ay nagiging mas makulany at naiiba ang iyong buhay. Gayunpaman, hindi ka Niya ikinokompromiso sa pag-aasawa, at siyempre, hindi ka Niya ikinokompromiso sa iyong kabiyak upang maging alipin nito. Hindi ka alipin ng iyong kabiyak, at hindi rin siya ang amo mo. Magkapantay kayo. May mga responsabilidad ka lang bilang misis o mister sa iyong kabiyak, at kapag tinutupad mo ang mga responsabilidad na ito, itinuturing ka ng Diyos na isang mabuting misis o mister. Walang anumang taglay ang iyong kabiyak na wala sa iyo, at hindi ka mas masahol kaysa sa iyong kabiyak. Kung ikaw ay nananampalataya sa Diyos at naghahangad sa katotohanan, kayang gumampan sa iyong tungkulin, madalas na dumadalo sa mga pagtitipon, nagdarasal-nagbabasa ng mga salita ng Diyos, at humaharap sa Diyos, kung gayon, ito ay ang mga bagay na tinatanggap ng Diyos at ang mga ito ang dapat na gawin ng isang nilikha at ang mga ito ang normal na buhay na dapat ipamuhay ng isang nilikha. Walang kahiya-hiya rito, ni hindi mo dapat maramdaman na may pagkakautang ka sa iyong kabiyak dahil ganito ang uri ng buhay mo—wala kang pagkakautang sa kanila. Kung nais mo, may obligasyon kang magpatotoo sa iyong kabiyak tungkol sa gawain ng Diyos. Ngunit kung hindi siya nananampalataya sa Diyos, at hindi siya sumusunod sa landas na pareho ng sa iyo, kung gayon, hindi mo kailangan, o wala kang obligasyon na sabihin o ipaliwanag sa kanya ang anumang bagay o anumang impormasyon tungkol sa iyong pananalig o sa landas na iyong sinusunod, ni wala siyang karapatan na malaman ang tungkol dito. Responsabilidad at obligasyon niya na suportahan, palakasin ang loob mo, at ipagtanggol ka. Kung hindi niya magawa ito, wala siyang pagkatao. Bakit? Dahil sinusunod mo ang tamang landas, at dahil sinusunod mo ang tamang landas, ang iyong pamilya at ang iyong kabiyak ay pinagpapala at nagtatamasa ng biyaya ng Diyos kasama mo. Tama lamang na maging mapagpasalamat ang iyong kabiyak dahil dito, sa halip na ikaw ay kanyang diskriminahin o apihin dahil sa iyong pananalig o dahil sa ikaw ay inuusig, o sa halip na maniwala siya na dapat kang gumawa ng higit pang gawaing-bahay at ng iba pang bagay, o na may pagkakautang ka sa kanya. Wala kang anumang emosyonal, espirituwal, o iba pang pagkakautang sa kanya—siya ang may pagkakautang sa iyo. Dahil sa iyong pananalig sa Diyos, natatamasa niya ang karagdagang biyaya at pagpapala mula sa Diyos, at natatamo niya ang mga bagay na ito nang higit pa sa karaniwan. Ano ang ibig Kong sabihin sa “natatamo niya ang mga bagay na ito nang higit pa sa karaniwan”? Ibig Kong sabihin, ang ganoong klaseng tao ay hindi karapat-dapat na magtamo ng mga bagay na iyon at hindi niya dapat matamo ang mga bagay na iyon. Bakit hindi niya dapat matamo ang mga iyon? Dahil hindi niya sinusunod ang Diyos o kinikilala ang Diyos, samakatuwid, ang biyayang natatamasa niya ay dahil sa iyong pananalig sa Diyos. Nakikinabang siya kasama mo at nagtatamasa ng mga pagpapala kasama mo, at tama lamang na maging mapagpasalamat siya sa iyo. Sa madaling salita, dahil natatamasa niya ang karagdagang pagpapala at biyayang ito, dapat ay higit niyang gampanan ang kanyang mga responsabilidad at higit na suportahan ang iyong pananampalataya sa Diyos. Dahil may isang tao sa tahanan na nananampalataya sa Diyos, may ilang tao na nagiging maayos ang takbo ng negosyo ng kanilang pamilya at ito ay nagtatagumpay nang husto. Kumikita sila ng malaking pera, namumuhay nang maganda ang kanilang pamilya, yumayaman sila sa mga bagay na materyal, at nagiging mas maganda ang kalidad ng kanilang pamumuhay—paano nangyari ang lahat ng ito? Makakamit ba ng iyong pamilya ang lahat ng bagay na ito kung walang isa sa inyo ang nananampalataya sa Diyos? Sinasabi ng ilang tao, “Inorden ng Diyos na magkaroon sila ng mayamang kapalaran.” Tama na inorden ito ng Diyos, ngunit kung wala ang isang taong iyon sa kanilang pamilya na nananampalataya sa Diyos, hindi masyadong bibiyayaan at pagpapalain ang kanilang negosyo. Dahil may isang tao sa kanila na nananampalataya sa Diyos, dahil ang taong iyon na nananampalataya sa Diyos ay may tunay na pananalig, taos-pusong naghahangad, at handang ilaan at igugol ang sarili nito para sa Diyos, natatanggap ng walang-pananampalatayang asawa nito ang biyaya at mga pagpapala nang higit pa sa karaniwan. Napakadali para sa Diyos na gawin ang munting bagay na ito. Ang mga hindi nananampalataya ay hindi pa rin nasisiyahan, at sinusupil at inaapi pa nga nila ang mga nananampalataya sa Diyos. Ang pang-uusig ng bansa at lipunan sa mga mananampalataya ay isa nang trahedya para sa kanila, gayunpaman, mas masahol pa ang ginagawa ng kanilang mga kapamilya at dinagdagan pa ng mga ito ang panggigipit. Kung sa gayong mga sitwasyon ay naniniwala ka pa rin na binibigo mo sila at handa kang maging alipin sa iyong buhay may-asawa, iyon ay isang bagay na hindi mo talaga dapat na gawin. Kung hindi nila sinusuportahan ang iyong pananampalataya sa Diyos, ayos lang; kung hindi nila ipinagtatanggol ang iyong pananampalataya sa Diyos, ayos lang din. Malaya sila na hindi gawin ang mga bagay na iyon. Gayunpaman, hindi ka nila dapat tratuhin na parang isang alipin dahil nananampalataya ka sa Diyos. Hindi ka isang alipin, ikaw ay isang tao, isang taong may dignidad at matuwid. Sa pinakamababa, ikaw ay isang nilikha sa harap ng Diyos, at hindi alipin ng sinuman. Kung kinakailangan mong maging alipin, maaari ka lamang maging alipin ng katotohanan, alipin ng Diyos, at hindi isang alipin ng sinumang tao, lalong hindi mo dapat gawin na iyong amo ang asawa mo. Pagdating sa mga ugnayan sa laman, bukod sa iyong mga magulang, ang taong pinakamalapit sa iyo sa mundong ito ay ang iyong asawa. Ngunit dahil nananampalataya ka sa Diyos, itinuturing ka niyang kaaway at inaatake at inuusig ka niya. Tinututulan niya ang pagdalo mo sa mga pagtitipon, kapag nakakarinig siya ng anumang tsismis, umuuwi siya para pagalitan at maltratuhin ka. Kahit na nagdadasal o nagbabasa ka ng mga salita ng Diyos sa bahay at hindi ka naman nakakaapekto sa pagiging normal ng kanyang buhay, papagalitan at tututulan ka pa rin niya, at maaari ka pa nga niyang saktan. Sabihin mo sa Akin, anong uri ng bagay ito? Hindi ba’t isa siyang demonyo? Ito ba ang taong pinakamalapit sa iyo? Karapat-dapat ba ang ganitong tao sa pagtupad mo ng anumang responsabilidad para sa kanya? (Hindi.) Hindi, hindi siya karapat-dapat! At kaya, ang ilang taong nasa ganitong uri ng buhay may-asawa ay sumusunod pa rin sa bawat hihiningi ng kanilang asawa, handang isakripisyo ang lahat, isakripisyo ang oras na dapat ay igugol nila sa pagtupad ng kanilang tungkulin, ang pagkakataon na gampanan ang kanilang tungkulin, at maging ang kanilang pagkakataon na makamit ang kaligtasan. Hindi nila dapat gawin ang mga bagay na ito, at sa pinakamababa, dapat nilang iwaksi ang gayong mga ideya. Bukod sa pagkakautang sa Diyos, wala nang ibang pinagkakautangan ang mga tao. Wala kang pagkakautang sa iyong mga magulang, sa iyong asawa, sa iyong mga anak, lalo na sa iyong mga kaibigan—wala kang anumang pagkakautang sa kahit na sino. Ang lahat ng bagay na mayroon ang mga tao ay nagmumula sa Diyos, pati na ang kanilang buhay may-asawa. Kung kailangan nating pag-usapan ang pagkakautang, ang mga tao ay may pagkakautang lamang sa Diyos. Siyempre, hindi hinihingi ng Diyos na bayaran mo Siya, hinihingi lamang Niya na sundin mo ang tamang landas sa buhay. Ang pinakamalaking layunin ng Diyos sa pag-aasawa ay na huwag kang mawalan ng dignidad at integridad dahil sa iyong pag-aasawa, huwag maging isang tao na walang tamang landas na hinahangad, na walang sariling pananaw sa buhay o sariling direksiyon sa paghahangad, at huwag maging isang tao na sumusuko pa nga sa paghahangad sa katotohanan, isinusuko ang kanyang pagkakataong makamit ang kaligtasan, at isinusuko ang anumang atas o misyong ibinigay sa kanya ng Diyos, para sa halip ay kusang-loob na maging isang alipin sa iyong buhay may-asawa. Kung ganito mo pangangasiwaan ang iyong buhay may-asawa, mas mabuti pa kung hindi ka na lang nag-asawa, at mas bagay pa sa iyo ang buhay ng isang taong walang asawa. Kung hindi ka makakaalis sa ganitong uri ng sitwasyon o kaayusan ng pag-aasawa kahit ano ang gawin mo, pinakamainam na ganap mo nang lisanin ang buhay may-asawa, at mas mabuti para sa iyo na mamuhay bilang isang malayang tao. Tulad ng sinabi Ko, ang layon ng Diyos sa pag-orden ng pag-aasawa ay upang magkaroon ka ng kabiyak, upang harapin mo ang mga pagsubok at tagumpay sa buhay at malagpasan mo ang bawat yugto ng buhay nang kasama ang iyong kabiyak, upang hindi ka nag-iisa o nalulumbay sa bawat yugto ng buhay, upang mayroon kang karamay, isang taong mapagsasabihan mo ng iyong mga kaloob-loobang iniisip, at isang taong magbibigay-ginhawa at mag-aalaga sa iyo. Gayunpaman, hindi ginagamit ng Diyos ang pag-aasawa upang igapos ka, o igapos ang iyong mga kamay at paa, upang wala kang karapatang pumili ng iyong sariling landas at maging alipin ng pag-aasawa. Inorden ng Diyos ang pag-aasawa para sa iyo at nagsaayos ng isang kabiyak para sa iyo; hindi ka Niya hinanapan ng isang amo, ayaw rin Niya na ikaw ay makulong sa loob ng iyong buhay may-asawa nang walang sariling mga paghahangad, layon sa buhay, tamang direksyon para sa iyong mga paghahangad, at karapatang maghangad ng kaligtasan. Sa halip, may asawa ka man o wala, ang pinakadakilang karapatan na ipinagkaloob sa iyo ng Diyos ay ang karapatan na hangarin ang sarili mong mga layon sa buhay, itatag ang tamang pananaw sa buhay, at hangarin ang kaligtasan. Walang sinuman ang makapagkakait ng karapatang ito sa iyo, at walang sinumang maaaring makialam dito, kabilang na ang iyong asawa. Kaya, kayong mga gumaganap sa papel ng isang alipin sa inyong buhay may-asawa, dapat ninyong iwaksi ang ganitong paraan ng pamumuhay, iwaksi ang inyong mga ideya o kaugalian tungkol sa pagnanais na maging alipin sa inyong buhay may-asawa, at talikuran ang ganoong sitwasyon. Huwag magpapigil sa iyong kabiyak, at huwag magpaapekto, magpalimita, magpahigpit, o magpagapos sa mga emosyon, pananaw, salita, saloobin, o maging sa mga kilos ng iyong kabiyak. Talikdan ang lahat ng ito at umasa sa Diyos nang may tapang at lakas ng loob. Kapag nais mong magbasa ng mga salita ng Diyos, magbasa ka ng mga salita ng Diyos, dumalo ka sa mga pagtitipon kapag dapat kang dumalo sa mga pagtitipon, sapagkat ikaw ay isang tao, hindi isang aso, at hindi mo kailangan ang sinuman na kontrolin ang iyong asal o paghigpitan at kontrolin ang iyong buhay. Mayroon kang karapatan na piliin ang iyong sariling mga layon at direksiyon sa buhay—ipinagkaloob sa iyo ng Diyos ang karapatang ito, at sa partikular, tumatahak ka sa tamang landas. Ang pinakamahalaga, kapag kailangan ka ng sambahayan ng Diyos na gawin ang isang partikular na trabaho, kapag binigyan ka ng sambahayan ng Diyos ng isang tungkulin, dapat masunurin mong talikuran ang lahat ng bagay nang kusang-loob at nang walang pag-aalinlangan at gampanan ang tungkulin na dapat mong gampanan at tapusin ang misyon na ibinigay sa iyo ng Diyos. Kung hinihingi ng trabahong ito na umalis ka ng bahay nang sampung araw o isang buwan, kailangan mong piliin na gampanan nang maayos ang iyong tungkulin, tapusin ang misyon na ipinagkatiwala sa iyo ng Diyos, at bigyang-kasiyahan ang puso ng Diyos—ito ang saloobin, determinasyon, at pagnanais na dapat taglayin ng mga naghahangad sa katotohanan. Kung hinihingi ng trabahong ito na ikaw ay pumunta sa malayo nang anim na buwan, isang taon, o kapag walang nakakaalam kung gaano ito katagal, kung gayon ay dapat masunurin mong talikuran ang iyong pamilya at ang iyong asawa at tapusin ang misyong ibinigay sa iyo ng Diyos. Iyon ay dahil ito ang panahon kung kailan pinakakinakailangan ka ng gawain ng sambahayan ng Diyos at ng iyong tungkulin, at hindi ang oras kung kailan pinakakinakailangan ka ng iyong buhay may-asawa at ng iyong kabiyak. Kaya, hindi mo dapat isipin na kung may asawa ka ay kailangan mong maging alipin sa iyong buhay may-asawa, o na isang kahihiyan kung magwawakas ang iyong buhay may-asawa o kung maghihiwalay kayo. Sa katunayan, hindi ito isang kahihiyan, at kailangan mong makita ang mga sitwasyon kung paano nagwakas ang pagsasama ninyong mag-asawa at kung ano ang pagsasaayos ng Diyos. Kung ito ay inorden at pinamahalaan ng Diyos, at hindi idinulot ng tao, kung gayon, iyon ay maluwalhati, ito ay isang karangalan, dahil isinuko at winakasan mo ang iyong buhay may-asawa para sa isang makatarungang layunin, naghahangad na mabigyang-kasiyahan ang Diyos at maisakatuparan ang iyong misyon bilang isang nilikha. Ito ay isang bagay na gugunitain at tatanggapin ng Diyos, at kaya sinasabi Ko na ito ay isang maluwalhating bagay, hindi isang kahihiyan! Kahit na nagwawakas ang ilang pagsasama ng mag-asawa dahil iniiwan at niloloko sila ng kanilang kabiyak—sa madaling salita, sila ay iniwan at inabandona—hindi ito kahiya-hiya. Sa halip, dapat mong sabihin, “Ito ang aking karangalan. Bakit? Inorden at pinamahalaan ng Diyos na umabot sa ganitong punto at magtapos sa ganitong paraan ang aking buhay may-asawa. Ang patnubay ng Diyos ang nag-akay sa akin na gawin ang hakbang na ito. Kung hindi ito ginawa ng Diyos at sa halip ay hinayaan Niya na palayasin ako ng aking kabiyak, talagang hindi ako magkakaroon ng pananalig at lakas ng loob na gawin ito. Salamat sa kataas-taasang kapangyarihan at patnubay ng Diyos! Lahat ng kaluwalhatian ay sa Diyos!” Ito ay isang karangalan. Sa lahat ng uri ng pag-aasawa, maaari kang magkaroon ng ganitong karanasan, maaari mong piliin na sundin ang tamang landas sa ilalim ng patnubay ng Diyos, isakatuparan ang misyon na ibinigay sa iyo ng Diyos, iwanan ang iyong asawa sa ilalim ng ganitong partikular na kondisyon at nang may ganitong uri ng motibasyon, at wakasan ang pagsasama ninyong mag-asawa, at ito ay isang bagay na dapat ipagdiwang. Kahit papaano, may isang bagay na dapat ipagdiwang, at iyon ay na hindi ka na alipin ng iyong pag-aasawa. Nakatakas ka na sa pang-aalipin ng iyong buhay may-asawa, at hindi mo na kailangang mag-alala, masaktan, at magdusa dahil ikaw ay isang alipin sa iyong pag-aasawa at nais mong makalaya ngunit hindi mo magawa. Mula sa sandaling iyon, nakatakas ka na, malaya ka na, at iyan ay isang mabuting bagay. Sa sinabi Kong ito, umaasa Ako na iyong mga may buhay may-asawa na nagwakas sa kirot at nababalot pa rin ng kalungkutan sa usaping ito ay tunay nang makabibitiw sa kanilang naging buhay may-asawa, makabibitiw sa kalungkutang idinulot nito sa iyo, makabibitiw sa poot, galit, at maging sa dalamhating idinulot nito sa iyo, at hindi na makakaramdam ng pasakit at galit dahil ang lahat ng sakripisyo at pagsisikap na ginawa mo para sa iyong kabiyak ay sinuklian ng pangangalunya, pagtataksil, at pangungutya. Umaasa Ako na tatalikdan mo na ang lahat ng iyon, na magdiriwang ka na hindi ka na alipin sa iyong pag-aasawa, na magdiriwang ka na hindi mo na kailangang gumawa ng anumang bagay o gumawa ng mga hindi kinakailangang sakripisyo para sa amo sa iyong buhay may-asawa, at sa halip, sa ilalim ng patnubay at kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, susundan mo ang tamang landas sa buhay, gagampanan ang iyong tungkulin bilang isang nilikha, at hindi ka na malulungkot at wala ka nang aalalahanin pa. Siyempre, hindi na rin kailangan pang mag-alala, mabahala, o mabalisa tungkol sa iyong asawa o na abalahin pa ang iyong isipan tungkol sa kanya, mula ngayon ay magiging mabuti na ang lahat, hindi mo na kailangang talakayin pa ang iyong personal na mga usapin sa iyong asawa, hindi mo na kailangang magpapigil pa sa kanya. Kailangan mo lang na hangarin ang katotohanan, at hanapin lamang ang mga prinsipyo at batayan sa mga salita ng Diyos. Malaya ka na at hindi na alipin ng iyong pag-aasawa. Sa kabutihang palad, iniwan mo na ang bangungot na iyon ng buhay may-asawa, na tunay ka nang humarap sa Diyos, na hindi ka na napipigilan ng iyong buhay may-asawa, at mayroon ka nang mas maraming oras para basahin ang mga salita ng Diyos, dumalo sa mga pagtitipon, at gumampan ng mga espirituwal na debosyon. Ganap ka nang malaya, hindi mo na kailangang kumilos sa partikular na paraan na nakadepende sa lagay ng loob ng iba, hindi mo na kailangang pakinggan ang pangungutya ng sinuman, hindi mo na kailangang isaalang-alang ang lagay ng loob o damdamin ng sinuman—ikaw ay namumuhay bilang isang taong walang asawa, napakaganda! Hindi ka na isang alipin, maaari ka nang umalis sa kapaligiran kung saan mayroon kang iba’t ibang responsabilidad na dapat tuparin para sa mga tao, maaari ka nang maging isang tunay na nilikha, maging isang nilikha sa ilalim ng kapamahalaan ng Lumikha, at gampanan ang tungkulin ng isang nilikha—kay ganda na magawa ito nang tapat! Hindi mo na kailangang makipagtalo, mag-alala, mag-abala, magparaya, magtiis, magdusa, o magalit pang muli tungkol sa iyong buhay may-asawa, hindi mo na kailangang mamuhay ulit sa nakakasuklam na kapaligiran at masalimuot na sitwasyong iyon. Mabuti ito, lahat ng ito ay mabuting bagay, at lahat ay maayos. Kapag ang isang tao ay humarap sa Lumikha, kumikilos at nagsasalita siya ayon sa mga salita ng Diyos at ayon sa mga katotohanang prinsipyo. Nagiging maayos ang takbo ng lahat, wala nang magugulong pagtatalo, at matatahimik na ang iyong puso. Lahat ito ay mabuting bagay, ngunit nakakalungkot na ang ilan ay handa pa ring maging alipin sa gayong nakakasuklam na kapaligiran ng mag-asawa, at hindi nila ito tinatakasan o tinatalikuran. Ano’t anuman, umaasa pa rin Ako na kahit hindi winawakasan ng mga taong ito ang kanilang buhay may-asawa at hindi namumuhay nang may buhay may-asawang natapos na, kahit papaano, hindi sila dapat maging alipin sa kanilang buhay may-asawa. Sinuman ang iyong asawa, anuman ang kanyang taglay na mga talento o pagkatao, gaano man kataas ang kanyang katayuan, gaano man kahusay ang kanyang kasanayan o kakayahan, hindi pa rin siya ang iyong amo. Siya ang iyong asawa, ang iyong kapantay. Hindi siya mas marangal kaysa sa iyo, hindi ka rin mas mababa kaysa sa kanya. Kung hindi niya kayang tuparin ang kanyang mga responsabilidad bilang asawa, may karapatan kang sitahin siya, at obligasyon mo na pangasiwaan at pagsabihan siya. Huwag mong ibaba ang iyong sarili at hayaan ang iyong sarili na masamantala dahil iniisip mo na masyado siyang dominante o natatakot ka na pagsasawaan ka niya, na itatakwil ka niya o iiwanan ka niya, o dahil gusto mong mapanatili ang inyong relasyon bilang mag-asawa, kusa mong ikinokompromiso ang iyong sarili na maging alipin niya at ng inyong pagsasama bilang mag-asawa—hindi ito nararapat. Hindi dapat ganito umasal ang isang tao, ni hindi ito ang mga responsabilidad na dapat tuparin ng isang tao, sa loob ng balangkas ng pag-aasawa. Hindi hinihingi sa iyo ng Diyos na maging alipin ka, o na ikaw ay maging isang amo. Hinihingi Niya lamang na tuparin mo ang iyong mga responsabilidad, at kaya kailangan mong maunawaan nang tama ang mga responsabilidad na dapat mong gampanan sa buhay may-asawa, at dapat mo ring maunawaan nang tama at makita nang malinaw ang papel na ginagampanan mo sa buhay may-asawa. Kung ang papel na ginagampanan mo ay baluktot at hindi naaayon sa pagkatao o sa kung ano ang inorden ng Diyos, kailangan mong suriin ang iyong sarili at pagnilayan kung paano makakalabas sa ganitong kalagayan. Kung ang iyong asawa ay maaaring pagsabihan, pagsabihan mo siya; kung sa pamamagitan ng pagsaway sa iyong asawa ay makakaranas ka ng mga hindi kanais-nais na kahihinatnan, kailangan mong gumawa ng mas matalino at mas naaangkop na pasya.
—Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan 11
Kapag nag-aasawa ang mga tao, iniisip nilang lahat na sila ay masuwerte at masaya. Karamihan sa mga tao ay naniniwala na kapag sila ay nag-asawa, ang kanilang kabiyak ay isang simbolo ng kanilang piniling buhay sa hinaharap at na, siyempre, ang kanilang buhay may-asawa ang destinasyon na hinahangad nila sa buhay na ito. Ano ang ibig sabihin nito? Ibig sabihin nito, lahat ng nag-aasawa ay naniniwala na ang pag-aasawa ang kanilang destinasyon, at na kapag sila ay may gayong buhay may-asawa, ang pag-aasawang iyon ang kanilang destinasyon. Ano ang ibig sabihin ng “destinasyon”? Ito ay nangangahulugan ng isang matibay na pundasyon. Ipinagkakatiwala nila sa kanilang buhay may-asawa ang kanilang mga inaasam, hinaharap, at kaligayahan, pati na rin sa kanilang kabiyak, at kaya pagkatapos nilang makapag-asawa, iniisip nila na wala na silang kakailanganin o aalalahanin pa. Ito ay dahil pakiramdam nila ay natagpuan na nila ang kanilang destinasyon, at ang destinasyong ito ay ang kanilang kabiyak at ang tahanang itinatayo nila nang magkasama ng taong iyon. Dahil natagpuan na nila ang kanilang destinasyon, hindi na nila kailangan pang hangarin ang anuman o mag-asam ng anuman. … kapag ang isang tao ay pumasok sa pag-aasawa, kung itinuturing niya ang kanyang pag-aasawa bilang ang kanyang destinasyon, habang itinuturing niya ang lahat ng kanyang paghahangad, ang kanyang pananaw sa buhay, ang landas na kanyang sinusunod sa buhay, at ang hinihingi sa kanya ng Diyos bilang mga bagay na hindi kinakailangan sa kanyang libreng oras, kung gayon, hindi niya namamalayan na hindi isang mabuting bagay na ituring na kanyang destinasyon ang kanyang pag-aasawa, sa halip, ito ay nagiging sagabal, balakid, at hadlang sa kanyang paghahangad sa mga tamang layon sa buhay, sa kanyang pagtatatag ng tamang pananaw sa buhay, at maging sa kanyang paghahangad ng kaligtasan. Ito ay dahil kapag ang isang taong nag-asawa ay itinuturing ang kanyang kabiyak bilang ang kanyang destinasyon at ang kanyang tadhana sa buhay na ito, naniniwala siya na ang iba’t ibang emosyon ng kanyang kabiyak, ang kaligayahan at kalungkutan nito, ay may kaugnayan sa kanyang sarili, at na ang kanyang sariling kaligayahan at kalungkutan at iba’t ibang emosyon ay may kaugnayan din sa kanyang kabiyak, at kaya, ang buhay, kamatayan, kaligayahan at kagalakan ng kanyang kabiyak ay konektado sa kanyang sariling buhay, kamatayan, kaligayahan at kagalakan. Kaya, dahil sa ideya ng mga taong ito na ang kanilang pag-aasawa ang destinasyon ng kanilang buhay, nagiging matamlay at pasibo ang paghahangad nila sa kanilang landas sa buhay, sa mga positibong bagay, at sa kaligtasan. Kung ang kabiyak ng isang taong sumusunod sa Diyos ay nagpapasyang hindi sumunod sa Diyos at sa halip ay nagpapasyang maghangad ng mga makamundong bagay, kung gayon, ang taong sumusunod sa Diyos ay lubhang maaapektuhan ng kanyang kabiyak. … Ito ay dahil sa kanyang puso, ang mister niya ang kanyang kaluluwa, ang kanyang buhay, at higit pa rito, ang kanyang mister ang kanyang langit, ang lahat-lahat para sa kanya. Ang mister sa kanyang puso ang siyang pinakanagmamahal sa kanya, at siya ang pinakanagmamahal sa kanyang mister. Ngunit ngayon ay nahaharap siya sa isang problema: Kung tututol ang kanyang asawa sa kanyang pananampalataya sa Diyos at walang magagawa ang kanyang mga panalangin, ano na lang ang gagawin niya? Palagi niya itong inaalala. Kapag kinakailangan niyang gampanan ang kanyang tungkulin sa labas ng tahanan, bagamat nais din niyang gampanan ang kanyang tungkulin sa sambahayan ng Diyos, kapag nalaman niya na upang magampanan ang kanyang tungkulin ay kailangan niyang umalis ng kanilang tahanan at maglakbay nang malayo, at na kailangan niyang mawalay nang matagal sa kanilang tahanan, siya ay nakakaramdam ng labis na paghihinagpis. Bakit ganoon? Nag-aalala siya na sa pag-alis niya ng bahay ay wala nang mag-aalaga sa kanyang mister, mangungulila siya sa kanyang mister at hindi niya mapipigilan ang pag-aalala tungkol dito. Mag-aalala siya para dito, mangungulila rito, at mararamdaman pa nga niya na hindi siya mabubuhay kung wala ito sa kanyang tabi, na mawawalan siya ng pag-asa at direksiyon sa buhay, at na hindi rin niya magagampanan nang buong puso ang kanyang tungkulin. Ngayon, iniisip pa lang niya ito ay kumikirot na ang kanyang puso, lalo pa kung talagang mangyayari ito. Kaya sa iglesia, hindi siya kailanman nangangahas na hilingin na gampanan ang kanyang tungkulin sa ibang lugar, o kung may isang gawaing nangangailangan na ang isang tao ay manatili sa malayong lugar nang matagal at matulog nang magdamag sa ibang lugar, hindi siya kailanman nangangahas na magboluntaryo para sa gawaing iyon o pumayag sa gayong kahilingan. Ginagawa niya lamang ang lahat ng kanyang makakaya sa paghahatid ng mga sulat para sa kanyang mga kapatid, o kung minsan ay sa pagpapatuloy sa mga ito sa mga pagtitipon sa kanyang tahanan, ngunit hindi siya kailanman nangangahas na humiwalay sa kanyang asawa sa loob ng isang buong araw. … Iniisip ng mga taong ito na ang magawang tingnan, mahawakan sa kamay, at makasama sa buhay ang kanilang kabiyak ay nangangahulugan na mayroong susuporta sa kanila habambuhay, tulad ng magbibigay ng kapanatagan at ginhawa sa kanila. Iniisip nila na wala na silang aalalahanin tungkol sa pagkain o pananamit, walang mga iisipin, at na ang kanilang kabiyak ang kanilang destinasyon. Mayroong kasabihan ang mga walang pananampalataya na nagsasabing, “Kung kasama kita sa buhay na ito, wala na akong kailangan pa.” Ito ang nararamdaman ng mga taong ito tungkol sa kanilang pag-aasawa at sa kanilang kabiyak sa kaibuturan ng kanilang puso; masaya sila kapag masaya ang kanilang kabiyak, nababalisa sila kapag nababalisa ang kanilang kabiyak, at nagdurusa sila kapag nagdurusa ang kanilang kabiyak. Kung ang kanilang kabiyak ay mamamatay, ayaw na rin nilang mabuhay. At kung ang kanilang kabiyak ay aalis at mahuhulog sa iba, ano ang gagawin nila? (Ayaw na nilang mabuhay.) May mga ayaw nang mabuhay pa at kaya nagpapakamatay sila, at may ilan na nasisiraan ng bait. Sabihin mo sa Akin, bakit nangyayari ang lahat ng ito? Anong klase ng tao ang nasisiraan ng bait? Ang masiraan ng bait ay nagpapakita na sila ay sinapian. Naniniwala ang ilang babae na ang kanilang mister ang kanilang destinasyon sa buhay, at na kapag natagpuan na nila ang gayong lalaki, hindi na sila magmamahal pang muli ng ibang lalaki—ito ay isang kaso ng “Kung kasama ko siya sa buhay na ito, wala na akong kailangan pa.” Ngunit binigo siya ng kanyang mister, umalis at umibig ito sa iba, at ayaw na nito sa kanya. Kaya, ano ang nangyayari sa huli? Kinamumuhian na niya ang lahat ng lalaki. Kapag nakakakita siya ng ibang lalaki, gusto niya itong duraan, murahin, at saktan. Nagkakaroon siya ng tendensiyang maging bayolente, at nagiging baluktot ang kanyang katwiran. May ilan na talagang nasisiraan na ng bait. Ito ang mga kahihinatnan kapag hindi tama ang pagkaunawa ng mga tao sa pag-aasawa.
—Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan 11
Paano mo ito dapat harapin kapag ang iyong asawa ay hindi tapat? Hindi ka dapat makipag-away at manggulo, o mag-eskandalo at magwala. Dapat mong maunawaan na kapag nangyari ito, hindi bumabagsak ang langit, hindi rin nasisira ang iyong pangarap sa iyong destinasyon, siyempre, hindi rin ito nangangahulugan na kailangang matapos ang iyong buhay may-asawa at maghiwalay kayo, lalong hindi ito nangangahulugan na nabigo ang iyong buhay may-asawa o na ito ay nagwakas na. Sadya lamang na dahil ang lahat ay may mga tiwaling disposisyon, at dahil ang mga tao ay naiimpluwensiyahan ng mga buktot na kalakaran at ng mga karaniwang pagsasagawa ng mundo at wala silang panangga para depensahan ang kanilang sarili laban sa mga buktot na kalakaran, hindi maiwasan ng mga tao na magkamali, maging hindi tapat, makiapid, at biguin ang kanilang kabiyak. Kung titingnan mo ang problemang ito mula sa perspektibang ito, hindi ito gaanong malaking isyu. Ang lahat ng mag-asawa ay naaapektuhan ng pangkalahatang kapaligiran ng mundo at ng mga buktot na kalakaran at mga karaniwang kaugalian ng lipunan. Dagdag pa rito, mula sa perspektiba ng isang indibidwal, ang mga tao ay mayroong mga seksuwal na pagnanasa, at sila ay naiimpluwensiyahan ng gayong mga penomena tulad ng pangangalunya ng mga lalaki at babae sa mga pelikula at mga drama sa telebisyon at ng pagkauso ng pornograpiya sa lipunan. Mahirap para sa mga tao na sumunod sa mga prinsipyong dapat nilang itaguyod. Sa madaling salita, mahirap para sa mga tao na mapanatili ang isang moral na pamantayan. Madaling masira ang mga hangganan ng seksuwal na pagnanasa; ang mismong seksuwal na pagnanasa ay hindi tiwali, ngunit dahil may mga tiwaling disposisyon ang mga tao, pati na rin ang katunayan na ang mga tao ay namumuhay sa ganitong uri ng pangkalahatang kapaligiran, madali silang nakakagawa ng mga pagkakamali pagdating sa mga relasyon sa pagitan ng mga lalaki at babae, at ito ay isang bagay na dapat malinaw mong maunawaan. Walang sino man na may tiwaling disposisyon ang makatitiis sa tukso o pang-aakit sa ganitong uri ng pangkalahatang kapaligiran. Ang seksuwal na pagnanasa ng tao ay maaaring lumitaw kahit anong oras at kahit saan, at ang mga tao ay maaaring makiapid kailanman at saanman. Ito ay hindi dahil mayroong problema sa seksuwal na pagnanasa mismo, sa halip, ito ay dahil mayroong mali sa mga tao mismo. Ginagamit ng mga tao ang kanilang mga seksuwal na pagnanasa upang gawin ang mga bagay na nagiging sanhi ng pagkawala ng kanilang moralidad, etika, at integridad, tulad ng pakikiapid, pakikipagrelasyon sa iba, pagkakaroon ng kabit, at iba pa. Kaya, bilang isang taong nananampalataya sa Diyos, kung mahaharap mo nang tama ang mga bagay na ito, dapat na pangasiwaan mo ang mga ito nang makatwiran. Ikaw ay isang tiwaling tao, at siya ay isa ring tiwaling tao, kaya hindi mo dapat igiit na tularan ka niya at manatili siyang tapat dahil lamang sa nagawa mong manatiling tapat sa inyong buhay may-asawa, hinihingi sa kanya na hindi siya dapat magtaksil kailanman. Kapag nangyari ang ganoong bagay, dapat mo itong harapin nang tama. Bakit? Ang lahat ay may oportunidad na humarap sa gayong kapaligiran o tukso. Maaari mong bantayan nang husto ang iyong asawa ngunit wala itong saysay, at kapag mas mahigpit mo siyang binabantayan, mas mabilis at mas maaga itong mangyayari. Ito ay dahil ang lahat ay mayroong mga tiwaling disposisyon, ang lahat ay namumuhay sa ganitong pangkalahatang kapaligiran ng isang buktot na lipunan, at kaunting-kaunti lang ang hindi malalandi. Napipigilan lang silang maging malandi dahil sa kanilang sitwasyon o mga kondisyon. Mas nakahihigit ang tao sa mga hayop sa iilang bagay lamang. Sa pinakamababa, ang hayop ay likas na sumusunod sa mga seksuwal na gawi nito, ngunit hindi ganoon ang mga tao. Ang mga tao ay may kakayahan na sadyang makipagtalik sa maraming tao at sa kanilang kadugo—tanging ang mga tao ang may kakayahang makipagtalik sa maraming tao. Kaya naman, sa pangkalahatang kapaligiran ng buktot na lipunang ito, hindi lamang ang mga hindi nananampalataya sa Diyos kundi ang halos lahat ng tao ay may kakayahan na gumawa ng gayong mga bagay. Ito ay isang katunayan na hindi mapapabulaanan, at hindi makakatakas ang isang tao mula sa problemang ito. Kaya, dahil maaaring mangyari ang ganitong bagay sa sinuman, bakit hindi mo pahintulutan na mangyari ito sa iyong mister? Ang totoo, napakanormal lamang na mangyari ito. Dahil lamang sa emosyonal na ugnayan mo sa kanya, kapag inabandona at iniwan ka niya, hindi mo ito magawang malampasan at hindi mo ito makayanan. Kung mangyari ang ganitong bagay sa ibang tao, mapapangiti ka na lang nang alanganin at sasabihing, “Normal lang iyan. Hindi ba’t ganito ang lahat sa lipunan?” Ano nga ba ang nilalaman ng kasabihang iyon? Iyong tungkol sa “pakikiapid”? (Pagtanggap na nakikiapid ang lalaki dahil itinataguyod naman nito ang pamilya.) Ang lahat ng ito ay mga popular na salita at bagay ng mga buktot na kalakaran ng mundo. Ito ay isang bagay na kapuri-puri sa isang lalaki. Kung hindi kayang itaguyod ng lalaki ang pamilya at hindi siya nakikiapid, ito ay nagpapakita na wala siyang kakayahan at tatawanan siya ng mga tao. Kaya kapag nangyari ang ganitong uri ng bagay sa isang babae, maaaring siya ay mag-eskandalo, magpagulong-gulong, at magbulalas ng init ng ulo niya, umiyak, manggulo, at hindi kumain dahil sa nangyaring ito, at nanaisin niyang mamatay, magbigti, at magpakamatay. Ang ilang babae ay sobrang nagagalit hanggang sa nasisiraan na sila ng bait. Hindi namamalayan na may kaugnayan ito sa kanyang saloobin sa pag-aasawa, at siyempre, direkta rin itong may kaugnayan sa kanyang ideya na “ang kanyang asawa ang kanyang destinasyon.” Ang babae ay naniniwala na sa paghihiwalay nilang mag-asawa, sinira din ng kanyang asawa ang pagtitiwala at kahanga-hangang aspirasyon ng destinasyon ng kanyang buhay. Dahil ang kanyang mister ang unang sumira sa balanse ng kanilang buhay mag-asawa, ang unang hindi tumupad sa mga panuntunan, dahil ito ang nang-iwan sa kanya, lumabag sa mga sinumpaang pangako ng mag-asawa, at ginawang bangungot ang kanyang magandang pangarap, ito ang nagdudulot sa kanya na ipahayag ang kanyang sarili sa ganitong mga paraan at umasal nang labis-labis. Kung tatanggapin ng mga tao ang tamang pagkaunawa sa pag-aasawa mula sa Diyos, aasal sila nang medyo makatwiran. Kapag nangyari ang ganitong bagay sa kanila, ang normal na mga tao ay masasaktan, iiyak, at magdurusa. Ngunit kapag kumakalma na sila at naiisip nila ang mga salita ng Diyos, ang pangkalahatang kapaligiran sa lipunan, at pagkatapos ay naiisip nila ang aktuwal na sitwasyon, na ang lahat ay may mga tiwaling disposisyon, pangangasiwaan nila ang usapin nang makatwiran at tama, at bibitiwan nila ito sa halip na kumapit dito na tulad ng pagkapit ng isang aso sa isang buto. Ano ang ibig Kong sabihin sa “bibitiwan nila ito”? Ibig Kong sabihin, dahil nagawa ng iyong mister ang bagay na ito at hindi siya naging tapat sa inyong buhay mag-asawa, dapat mong tanggapin ang katunayang ito, umupo kayong dalawa at mag-usap, tanungin mo siya, “Ano ang mga plano mo? Ano na ang gagawin natin ngayon? Itutuloy ba natin ang ating pagsasama bilang mag-asawa o tatapusin na natin ito at mamumuhay na tayo nang magkahiwalay?” Maupo lang kayong dalawa at mag-usap; hindi na kailangang mag-away pa o magdulot ng gulo. Kung iginigiit ng iyong asawa na tapusin na ang inyong pagsasama bilang mag-asawa, hindi iyon malaking isyu. Madalas na sinasabi ng mga walang pananampalataya, “Maraming isda sa dagat,” “Ang mga lalaki ay tulad ng mga bus—laging may sunod na darating,” at ano iyong isa pang kasabihan? “Huwag isuko ang buong gubat para lamang sa iisang puno.” At maliban sa pangit ang punong ito, bulok na rin ang loob nito. Tama ba ang mga kasabihang ito? Ito ay mga bagay na ginagamit ng mga walang pananampalataya para ipanatag ang kanilang sarili, ngunit may kinalaman ba ang mga ito sa katotohanan? (Wala.) Kaya ano ang dapat na tamang pag-iisip at pananaw? Kapag naharap ka sa gayong pangyayari, una sa lahat ay hindi dapat uminit ang ulo mo, at dapat mong pigilan ang iyong galit at sabihin, “Kumalma tayo at mag-usap. Ano ang plano mong gawin?” Sinasabi niya, “Plano kong patuloy na sumubok kasama ka.” At pagkatapos ay sinasabi mo, “Kung gayon, patuloy tayong susubok. Huwag ka nang makiapid, gampanan mo ang iyong mga responsabilidad bilang mister, at maaari na nating tapusin ang usaping ito. Kung hindi mo magagawa iyon, maghiwalay na tayo at magkanya-kanya na. Maaaring inorden ng Diyos na dito na magtatapos ang ating buhay mag-asawa. Kung gayon nga, handa akong magpasakop sa Kanyang pagsasaayos. Maaari mong sundin ang malawak na daan, susundin ko naman ang landas ng pananalig sa Diyos, at hindi tayo makakaapekto sa isa’t isa. Hindi kita pakikialaman, at hindi mo ako dapat pigilan. Hindi ikaw ang magpapasya sa aking kapalaran at hindi ikaw ang aking destinasyon. Ang Diyos ang nagtatakda ng aking kapalaran at destinasyon. Kung saan ako makakarating sa buhay na ito ang huling paroroonan ko, at ito ang pagdating ng aking destinasyon—dapat akong magtanong sa Diyos, Siya ang nakakaalam, Siya ang may kataas-taasang kapangyarihan, at nais kong magpasakop sa Kanyang mga pamamatnugot at pagsasaayos. Ano’t anuman, kung ayaw mong ituloy ang pagsasama natin bilang mag-asawa, maghihiwalay tayo nang payapa. Bagaman wala akong partikular na kasanayan at umaasa sa iyo ang pamilyang ito sa pinansiyal na aspekto, magagawa ko pa ring mabuhay nang wala ka, at mamumuhay ako nang maayos. Hindi hahayaan ng Diyos na magutom ang isang maya, kaya mas higit pa ang Kanyang gagawin para sa akin, na isang buhay na tao. Mayroon akong mga kamay at paa, kaya kong alagaan ang sarili ko. Hindi mo kailangang mag-alala. Kung inorden ng Diyos na magiging mag-isa ako habambuhay nang wala ka sa aking tabi, kung gayon ay handa akong magpasakop, at handa akong tanggapin ang katunayang ito nang walang reklamo.” Hindi ba’t magandang gawin ang ganito? (Oo.) Napakaganda nito, hindi ba? Hindi na kailangan pang magtalo at mag-away, lalong hindi na dapat pang magdulot ng walang katapusang gulo upang malaman ito ng lahat—hindi na kailangan pa ang anuman sa mga iyon. Personal na usapin ng mag-asawa ang kanilang buhay mag-asawa. Kung may alitan na lumitaw sa buhay mag-asawa, kailangan na kayong dalawa ang lumutas nito at magpasan sa mga kahihinatnan. Bilang isang mananampalataya sa Diyos, dapat kang magpasakop sa mga pamamatnugot at pagsasaayos ng Diyos anuman ang magiging resulta. Siyempre, pagdating sa pag-aasawa, kahit ano pa ang lumitaw na mga lamat o mga kahihinatnan, kung magpapatuloy man o hindi ang pagsasama ng mag-asawa, kung ikaw man ay tatahak sa isang bagong buhay sa loob ng iyong buhay may-asawa, o kung ang iyong buhay may-asawa ay magtatapos na roon, ang iyong pag-aasawa ay hindi ang iyong destinasyon, at ang iyong asawa ay hindi rin ang iyong destinasyon. Inorden lamang siya ng Diyos na lumitaw sa iyong buhay at sa iyong pag-iral upang gumanap ng isang papel ng pagsama sa iyo sa iyong landas sa buhay. Kung masasamahan ka niya hanggang sa dulo ng daan at mararating niya ang pinakadulo nang kasama ka, wala nang mas mainam pa sa roon, at dapat mong pasalamatan ang Diyos sa Kanyang biyaya. Kung may problema sa buhay mag-asawa, kung may mga lumilitaw man na lamat o may nangyayari na hindi mo gusto, at sa huli ay nagwawakas ang inyong pagsasama bilang mag-asawa, hindi iyon nangangahulugan na wala ka nang destinasyon, na ang iyong buhay ngayon ay nasa kadiliman na, o na wala nang liwanag, at wala kang kinabukasan. Maaaring ang pagtatapos ng iyong buhay may-asawa ay ang simula ng isang mas magandang buhay. Ang lahat ng ito ay nasa mga kamay ng Diyos, at ang Diyos na ang mamamatnugot at magsasaayos nito. Maaaring ang pagtatapos ng iyong buhay may-asawa ay magbibigay sa iyo ng mas malalim na pagkaarok at pagpapahalaga sa pag-aasawa, at ng mas malalim na pagkaunawa. Siyempre, maaaring para sa iyo, ang pagtatapos ng iyong buhay may-asawa ay isang mahalagang oras ng pagbabago sa iyong mga layon at direksiyon sa buhay at sa landas na iyong tinatahak. Ang idudulot nito sa iyo ay hindi malulungkot na alaala, lalong hindi masasakit na alaala, ni hindi rin pawang mga negatibong karanasan at resulta, sa halip, idudulot nito sa iyo ang mga positibo at aktibong karanasan na hindi mo makakamit kung ikaw ay may asawa pa rin. Kung nagpatuloy ang inyong pagsasama bilang mag-asawa, marahil ay palagi kang mamumuhay sa ganitong simple, karaniwan, at walang kulay na buhay hanggang sa katapusan ng iyong buhay. Gayunpaman, kung magtatapos ang iyong buhay may-asawa at kayo ay maghihiwalay, hindi ito isang masamang bagay. Ikaw ay dating napipigilan ng kaligayahan at mga responsabilidad ng iyong buhay may-asawa, pati na rin ng mga emosyon o paraan ng pamumuhay ng iyong pagmamalasakit para sa iyong asawa, ng iyong pag-aalaga sa kanya, pag-iisip sa kanya, pag-aaruga sa kanya, at pag-aalala sa kanya. Gayunpaman, simula sa araw na nagtapos ang iyong buhay may-asawa, lahat ng pangyayari sa iyong buhay, ang iyong mga layon sa pamumuhay at ang iyong mga paghahangad sa buhay ay sumasailalim sa isang masinsinan at ganap na pagbabago, at dapat sabihin na ang pagbabagong ito ay dahil sa pagtatapos ng iyong buhay may-asawa. Maaaring ang resulta, pagbabago, at transisyong ito ang nilalayon ng Diyos na makamit mo mula sa pag-aasawa na inorden Niya para sa iyo, at ang nilalayon ng Diyos na makamit mo sa paggabay sa iyo na wakasan na ang iyong buhay may-asawa. Bagamat nasaktan at nagdusa ka, at bagamat may mga ginawa kang mga sakripisyo at pakikipagkompromiso na hindi naman kailangan sa loob ng balangkas ng pag-aasawa, ang iyong matatanggap sa huli ay hindi makakamit sa loob ng buhay may-asawa. Kaya, ano man ang sitwasyon, tama lang na bitiwan ang pag-iisip at pananaw na “ang pag-aasawa ang iyong destinasyon.” Kung ang iyong buhay may-asawa man ay nagpapatuloy o nahaharap sa isang krisis, o kung ang iyong buhay may-asawa ay nahaharap man sa hiwalayan o ito ay nagtapos na, ano man ang sitwasyon, ang pag-aasawa mismo ay hindi ang iyong destinasyon. Ito ay isang bagay na dapat maunawaan ng mga tao.
—Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan 11
Binigyan ka ng Diyos ng isang tahimik na buhay at ng isang kabiyak para lamang mamuhay ka nang mas maayos at mayroong mag-aalaga sa iyo, upang mayroon kang kapiling, hindi upang makalimutan mo ang Diyos at ang Kanyang mga salita o talikuran mo ang iyong obligasyon na gampanan ang iyong tungkulin at ang iyong layon sa buhay na hangarin ang kaligtasan kapag may asawa ka na, at pagkatapos ay mamumuhay ka para sa iyong asawa. Kung talagang kikilos ka nang ganito, kung talagang mamumuhay ka nang ganito, kung gayon ay umaasa Ako na magbabago ka ng landas sa lalong madaling panahon. Gaano man kahalaga sa iyo ang isang tao, o gaano man siya kahalaga sa iyong buhay, sa iyong pamumuhay, o sa landas ng iyong buhay, hindi siya ang iyong destinasyon dahil siya ay isa lamang tiwaling tao. Isinaayos ng Diyos ang iyong kasalukuyang asawa para sa iyo, at maaari kang mamuhay kasama siya. Kung magbago ang isip ng Diyos at isasaayos Niya ang ibang tao para sa iyo, maaari ka pa ring mamuhay nang maayos, kaya naman, ang iyong kasalukuyang kabiyak ay hindi ang iyong natatangi, ni hindi siya ang iyong destinasyon. Tanging sa Diyos lamang ipinagkakatiwala ang iyong destinasyon, at tanging sa Diyos lamang ipinagkakatiwala ang destinasyon ng sangkatauhan. Maaari ka pa ring mabuhay kung iiwan mo ang iyong mga magulang, at siyempre, maaari ka pa ring mamuhay nang maayos kung iiwan mo ang iyong kabiyak. Ang iyong mga magulang at ang iyong kabiyak ay hindi ang iyong destinasyon. Dahil lamang sa mayroon kang kabiyak, mayroon kang mapagkakatiwalaan ng iyong espiritu, ng iyong kaluluwa, at ng iyong laman, huwag mong kalimutan ang mga pinakamahalagang bagay sa buhay. Kung makakalimutan mo ang Diyos, makakalimutan kung ano ang ipinagkatiwala Niya sa iyo, makakalimutan ang tungkulin na dapat gampanan ng isang nilikha, at makakalimutan kung ano ang iyong pagkakakilanlan, kung gayon ay ganap ka nang walang konsensiya at katwiran. Anuman ang sitwasyon ng iyong buhay ngayon, may asawa ka man o wala, hinding-hindi magbabago ang iyong pagkakakilanlan sa harap ng Lumikha. Walang sinuman ang maaaring maging destinasyon mo, at hindi mo rin maaaring ipagkatiwala ang iyong sarili sa sinuman. Tanging ang Diyos ang makapagbibigay sa iyo ng angkop na destinasyon, tanging sa Diyos lamang ipinagkakatiwala ang pag-iral ng sangkatauhan, at hindi na ito magbabago.
—Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan 11
Kaugnay na mga Patotoong Batay sa Karanasan
Ang mga Mananampalataya ay Hindi Dapat Iugnay Nang Di-Pantay sa mga Walang Pananampalataya
Isang Pagpiling Ginawa Nang Walang Panghihinayang