18. Paano harapin ang mga relasyon sa pamilya at laman

Mga Salita ng Makapangyarihang Diyos ng mga Huling Araw

Ang mga mapanirang impluwensya ng libu-libong taon na “matayog na diwa ng nasyonalismo” ay malalim na tumimo sa puso ng tao, at pati na rin ang pyudal na pag-iisip kung saan ang mga tao ay nakatali at nakakadena, wala ni gatuldok na kalayaan, walang kagustuhang maghangad o magtiyaga, walang pagnanais na umunlad, at sa halip ay nananatiling negatibo at paurong, nakabaon sa kaisipan ng isang alipin, at iba pa—ang obhetibong mga salik na ito ay nag-iwan ng di-mabuburang bakas ng karumihan at kapangitan sa ideolohikal na pananaw, mga huwaran, moralidad, at disposisyon ng sangkatauhan. Tila nakatira ang mga tao sa isang madilim na mundo ng terorismo, na hindi hinahangad na malampasan ng sinuman sa kanila, at hindi iniisip na iwan ng sinuman sa kanila para sa isang huwarang mundo; sa halip, kuntento na sila sa kanilang kalagayan sa buhay, sa paggugol ng kanilang mga araw sa panganganak at pagpapalaki ng mga anak, pagsusumikap, pagpapapawis, sa pagtapos ng mga gawain, pangangarap ng isang maginhawa at masayang pamilya, ng pagmamahal ng asawa, ng paggalang ng mga anak sa kanilang mga magulang, ng kagalakan sa kanilang katandaan habang matiwasay na namumuhay…. Sa loob ng mga dekada, ng libu-libo, sampu-sampung libong taon hanggang sa ngayon, inaaksaya na ng mga tao ang kanilang oras sa ganitong paraan, na walang sinuman ang lumilikha ng isang perpektong buhay, lahat ay naghahangad lamang na makipagpatayan sa madilim na mundong ito, nakikipagkarera para sa katanyagan at kapalaran, at nang-iintriga laban sa isa’t isa. Sino ang naghanap na sa mga layunin ng Diyos? Mayroon na bang nagbigay-pansin sa gawain ng Diyos? Ang lahat ng bahagi ng sangkatauhan na sinakop ng impluwensiya ng kadiliman ay matagal nang naging kalikasan ng tao, kaya napakahirap na isakatuparan ang gawain ng Diyos, at lalo pang walang pagnanais ang mga tao na bigyang-pansin ang ipinagkatiwala ng Diyos sa kanila ngayon.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Gawain at Pagpasok 3

Ang mga taong nabubuhay sa tunay na lipunang ito ay ginawa nang labis na tiwali ni Satanas. Sila man ay nakapag-aral o hindi, marami sa tradisyonal na kultura ang nakatanim na sa mga kaisipan at pananaw ng mga tao. Sa partikular, kinakailangan ng mga babae na asikasuhin ang kanilang mga asawa at palakihin ang kanilang mga anak, na maging isang mabuting asawa at mapagmahal na ina, inilalaan ang buong buhay nila sa kanilang mga asawa at anak at nabubuhay para sa kanila, tinitiyak na ang pamilya ay may kakainin tatlong beses sa isang araw, at ginagawa ang paglalaba, paglilinis, at lahat ng gawaing-bahay nang maayos. Ito ang tinatanggap na pamantayan ng pagiging isang mabuting asawa at mapagmahal na ina. Iniisip din ng bawat babae na ganito dapat gawin ang mga bagay-bagay, at na kung hindi niya ito gagawin ay hindi siya isang mabuting babae, at nilabag niya ang konsensiya at ang mga pamantayan ng moralidad. Magiging mabigat sa konsensiya ng ilang tao ang paglabag sa mga pamantayan ng moralidad na ito; mararamdaman nilang binigo nila ang kanilang mga asawa at anak, at na hindi sila mabubuting babae. Ngunit pagkatapos mong manalig sa Diyos, makapagbasa ng maraming salita Niya, maintindihan ang ilang katotohanan, at maunawaan ang ilang bagay, ay iisipin mo, “Ako ay isang nilikha at dapat kong gampanan ang aking tungkulin nang ganito, at gugulin ang sarili ko para sa Diyos.” Sa oras na ito, mayroon bang hindi pagkakatugma sa pagitan ng pagiging isang mabuting asawa at mapagmahal na ina, at sa paggampan mo ng iyong tungkulin bilang isang nilikha? Kung nais mong maging isang mabuting asawa at mapagmahal na ina, hindi mo magagawa ang tungkulin mo nang buong oras, ngunit kung nais mong gawin ang tungkulin mo nang buong oras, hindi ka maaaring maging isang mabuting asawa at mapagmahal na ina. Ano ang gagawin mo ngayon? Kung pipiliin mong gawin ang tungkulin mo nang maayos at maging responsable para sa gawain ng iglesia at maging tapat sa Diyos, dapat mong isuko ang pagiging isang mabuting asawa at mapagmahal na ina. Ano nang iisipin mo ngayon? Anong uri ng hindi pagkakatugma ang lilitaw sa isip mo? Mararamdaman mo bang tila binigo mo ang iyong mga anak, ang iyong asawa? Saan nanggagaling ang damdaming ito ng pagkakasala at pagkabalisa? Kapag hindi mo ginagampanan ang tungkulin ng isang nilikha, nararamdaman mo bang tila binigo mo ang Diyos? Wala kang pagkaramdam ng pagkakasala o pananagutan dahil sa puso at isip mo ay wala ni katiting na bahid ng katotohanan. Kaya, anong naiintindihan mo? Ang tradisyonal na kultura at ang pagiging isang mabuting asawa at mapagmahal na ina. Kaya ang kuru-kuro na “Kung hindi ako isang mabuting asawa at mapagmahal na ina, hindi ako isang mabuti o disenteng babae” ay lilitaw sa isip mo. Ikaw ay gagapusin at pipigilan ng kuru-kurong ito mula sa puntong iyon, at pananatilihin kang ganoon ng mga uring ito ng mga kuru-kuro kahit pagkatapos mong manalig sa Diyos at gawin ang tungkulin mo. Kapag mayroong hindi pagkakatugma sa pagitan ng paggawa mo sa tungkulin mo at ng pagiging isang mabuting asawa at mapagmahal na ina, bagamat maaaring piliin mo nang may pag-aatubili na gampanan ang tungkulin mo, na magtaglay ka ng kaunting katapatan sa Diyos, magkakaroon pa rin ng pagkaramdam ng pagkabalisa at pananagutan sa puso mo. Kaya naman, kapag mayroon kang kaunting bakanteng oras habang ginagawa mo ang tungkulin mo, maghahanap ka ng mga pagkakataon upang alagaan ang iyong mga anak at asawa, sa higit pang pagnanais na bumawi sa kanila, at iisipin mo na ayos lang kahit na kailanganin mo pang lalong magdusa, basta’t mayroon kang kapayapaan ng isip. Hindi ba’t ito ay idinulot ng impluwensiya ng mga ideya at teorya ng tradisyonal na kultura tungkol sa pagiging isang mabuting asawa at mapagmahal na ina? Ngayon ay mayroon ka nang paa sa magkabilang kampo, nagnanais na gampanan ang tungkulin mo nang maayos ngunit nagnanais ding maging isang mabuting asawa at mapagmahal na ina. Ngunit sa harap ng Diyos, mayroon lang tayong iisang responsabilidad at obligasyon, iisang misyon: ang gampanan nang tama ang tungkulin ng isang nilikha. Nagampanan mo na ba nang maayos ang tungkuling ito? Bakit ka lumihis ulit? Wala ba talagang pagkaramdam ng pananagutan o paninisi sa puso mo? Dahil ang katotohanan ay hindi pa rin nakapaglatag ng mga pundasyon sa puso mo, at hindi pa ito naghahari doon, maaari kang malihis habang ginagawa mo ang tungkulin mo. Bagamat ngayon ay nagagawa mo ang tungkulin mo, ang totoo ay hindi mo pa rin naaabot ang mga pamantayan ng katotohanan at ang mga hinihingi ng Diyos. Nakikita mo na ba nang malinaw ngayon ang katotohanang ito? Ano ang ibig sabihin ng Diyos nang sabihin Niyang “Diyos ang pinagmulan ng buhay ng tao”? Ito ay para mapagtanto ng lahat na: Ang buhay natin at kaluluwa ay nagmula lahat sa Diyos at nilikha Niya—hindi mula sa mga magulang natin, at lalong hindi mula sa kalikasan, kundi ipinagkaloob sa atin ng Diyos. Tanging ang laman natin ang isinilang ng mga magulang natin, kung paanong ang mga anak natin ay isinilang natin, ngunit ang tadhana nila ay ganap na nasa kamay ng Diyos. Na tayo ay nakakapanalig sa Diyos ay isang oportunidad na ipinagkaloob Niya; ito ay itinakda Niya at biyaya Niya. Kaya, hindi mo na kailangang tuparin pa ang obligasyon o responsabilidad mo sa kahit kaninuman; dapat mo lang tuparin ang tungkulin mo sa Diyos bilang isang nilikha. Ito ang dapat gawin ng mga tao higit sa ano pa man, ang pangunahing bagay na dapat gawin bilang ang pinakamahalagang bagay sa buhay ng isang tao. Kung hindi mo ginagampanan nang maayos ang tungkulin mo, hindi ka isang karapat-dapat na nilikha. Sa mata ng ibang tao, maaaring isa kang mabuting asawa at mapagmahal na ina, isang napakahusay na maybahay, isang anak na may paggalang sa magulang, at isang kagalang-galang na miyembro ng lipunan, ngunit sa harap ng Diyos, ikaw ay isang naghihimagsik laban sa Kanya, isang hindi ginampanan ang mga obligasyon o tungkulin niya kahit kailan, isang tinanggap ngunit hindi kinumpleto ang atas ng Diyos, isang sumuko sa kalagitnaan. Maaari bang makamit ng isang gaya nito ang pagsang-ayon ng Diyos? Ang mga taong tulad nito ay walang halaga.

—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Sa Pagkilala Lamang sa Sariling mga Maling Pananaw ng Isang Tao Siya Tunay na Makapagbabago

Kung titingnan natin ito mula sa perspektiba ng mga anak, ang kanilang buhay at katawan ay nagmumula sa kanilang mga magulang, na may kabutihan din para palakihin at turuan sila, kaya dapat sundin ng mga anak ang bawat sabihin ng kanilang mga magulang, tuparin ang kanilang obligasyon bilang anak, at huwag maghanap ng mali sa kanilang mga magulang. Ang lihim na kahulugan ng mga salitang ito ay na hindi mo dapat kilatisin kung sino talaga ang iyong mga magulang. Kung susuriin natin ito mula sa perspektibang ito, tama ba ang pananaw na ito? (Hindi, mali ito.) Paano natin dapat tratuhin ang bagay na ito ayon sa katotohanan? Paano ba ito maipapahayag nang tama? Ang katawan at buhay ba ng mga anak ay ibinigay sa kanila ng kanilang mga magulang? (Hindi.) Ang katawan ng isang tao ay ipinanganak ng kanilang mga magulang, ngunit saan nanggagaling ang kakayahan ng mga magulang na magkaanak? (Ito ay ibinigay ng Diyos at nanggagaling sa Diyos.) Paano naman ang kaluluwa ng isang tao? Saan ito nanggaling? Galing din ito sa Diyos. Kaya sa pinakaugat, ang mga tao ay nilikha ng Diyos, at ang lahat ng ito ay pauna na Niyang itinalaga. Ang Diyos ang paunang nagtalaga na maisilang ka sa pamilyang ito. Nagpadala ang Diyos ng kaluluwa sa pamilyang ito, at pagkatapos ay ipinanganak ka sa pamilyang ito, at mayroon ka nitong pauna nang itinakdang relasyon sa iyong mga magulang—ito ay pauna nang itinalaga ng Diyos. Dahil sa kataas-taasang kapangyarihang at paunang pagtatalaga ng Diyos, naging anak ka ng iyong mga magulang at isinilang ka sa pamilyang ito. Ito ang ugat na dahilan dito. Ngunit paano kung hindi paunang itinalaga ng Diyos ang mga bagay-bagay sa ganitong paraan? Kung gayon, hindi ka magiging anak ng iyong mga magulang at hindi kayo kailanman magkakaroon ng ugnayan bilang magulang at anak. Wala sanang relasyon sa dugo, walang pagmamahal sa pamilya, at walang anumang ugnayan. Samakatuwid, maling sabihin na ang buhay ng isang tao ay ibinigay sa kanila ng kanilang mga magulang. Ang isa pang aspekto ay na, kung titingnan ito mula sa perspektiba ng anak, isang henerasyon ang tanda sa kanila ng kanilang mga magulang. Ngunit kung ang mga tao ang tatanungin, ang mga magulang ay katulad lang ng iba, dahil lahat sila ay miyembro ng tiwaling sangkatauhan, at lahat ay may mga tiwaling disposisyon ni Satanas. Wala silang ipinagkaiba sa sinuman, at walang ipinagkaiba sa iyo. Bagamat ipinanganak ka ng kanilang katawan, at sa usapin ng inyong relasyon sa laman-at-dugo ay isang henerasyon ang tanda nila sa iyo, gayunpaman, pagdating sa iyong disposisyong diwa bilang tao, namumuhay kayong lahat sa ilalim ng kapangyarihan ni Satanas, at lahat kayo ay ginawang tiwali ni Satanas at nagtataglay ng mga tiwali at satanikong disposisyon. Batay sa katunayan na ang lahat ng tao ay may mga tiwali at satanikong disposisyon, ang mga diwa ng lahat ng tao ay pare-pareho lang. Anuman ang pagkakaiba sa katandaan, o sa edad ng isang tao, o gaano man kaaga o kahuli dumating ang isang tao sa mundong ito, sa diwa ay pare-pareho lang ang mga tiwaling disposisyong diwa ng mga tao, lahat sila ay mga taong ginawang tiwali ni Satanas, at hindi naiiba sa usaping ito. Hindi mahalaga kung mabuti o masama ang kanilang pagkatao, dahil sila ay may mga tiwaling disposisyon, pinanghahawakan nila ang mga parehong perspektiba at paninindigan pagdating sa pagtingin sa mga tao at mga bagay, at sa pagharap sa katotohanan. Sa ganitong pananaw, wala silang pinag-iba sa isa’t isa. Gayundin, ang lahat ng naninirahan kasama ang masamang sangkatauhang ito ay tumatanggap ng iba’t ibang ideya at pananaw na laganap sa masamang mundong ito, sa mga salita man o kaisipan, o sa anyo o ideolohiya, at tumatanggap ng lahat ng uri ng ideya mula kay Satanas, sa pamamagitan man ng edukasyon ng estado o ng pagkokondisyon ng mga kaugaliang panlipunan. Ang mga bagay na ito ay hinding-hindi naaayon sa katotohanan. Walang katotohanan sa mga ito, at talagang hindi nauunawaan ng mga tao kung ano ang katotohanan. Mula sa pananaw na ito, ang mga magulang at ang kanilang mga anak ay pantay-pantay at may mga parehong ideya at pananaw. Sadyang tinanggap lang ng iyong mga magulang ang mga ideya at pananaw na ito 20 o 30 taon na ang nakalilipas, samantalang medyo kamakailan mo lang tinanggap ang mga ito. Ibig sabihin, dahil sa magkatulad na kalagayan ng lipunan, hangga’t ikaw ay isang normal na tao, kapwa ikaw at ang mga magulang mo ay tumanggap ng parehong pagtitiwali ni Satanas, ng pagkokondisyon ng mga kaugaliang panlipunan, at ng mga parehong ideya at pananaw na nagmumula sa iba’t ibang masamang kalakaran sa lipunan. Mula sa pananaw na ito, ang mga anak ay kapareho ng uri ng kanilang mga magulang. Mula sa pananaw ng Diyos, kung isasantabi muna ang pangunahing batayan na Siya ang paunang nagtatalaga, nagtatakda, at pumipili, sa mga mata ng Diyos, ang mga magulang at kanilang mga anak ay magkatulad sapagkat sila ay mga nilikha, at sila man ay mga nilikhang sumasamba sa Diyos o hindi, lahat sila ay kilala bilang mga nilikha, at silang lahat ay tumatanggap sa kataas-taasang kapangyarihan, mga pangangasiwa, at mga pagsasaayos ng Diyos. Mula sa pananaw na ito, sa totoo lang, ang mga magulang at ang kanilang mga anak ay may pantay na katayuan sa mga mata ng Diyos, at lahat sila ay tumatanggap sa kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos nang pare-pareho at pantay-pantay. Ito ay isang obhektibong katunayan. Kung silang lahat ay hinirang ng Diyos, lahat sila ay may pantay-pantay na pagkakataon na hangarin ang katotohanan. Siyempre, mayroon din silang pantay-pantay na pagkakataon na tanggapin ang pagkastigo at paghatol ng Diyos, at pantay-pantay na pagkakataon na maligtas. Bukod sa mga pagkakatulad sa itaas, may isang pagkakaiba lamang sa pagitan ng mga magulang at ng kanilang mga anak, at iyon ay na mas mataas ang antas ng mga magulang kaysa sa kanilang mga anak sa tinatawag na herarkiya ng pamilya. Ano ang ibig sabihin ng kanilang antas sa herarkiya ng pamilya? Nangangahulugan ito na isang henerasyon lang ang tanda nila, mga 20 o 30 taon—ito ay isang malaking agwat sa edad lamang. At dahil sa espesyal na katayuan ng mga magulang, kailangang maging magalang ang mga anak at tuparin ang kanilang mga obligasyon sa kanilang mga magulang. Ito ang tanging responsabilidad ng isang tao sa kanyang mga magulang. Subalit dahil ang mga anak at mga magulang ay pawang bahagi ng iisang tiwaling sangkatauhan, ang mga magulang ay hindi mga moral na halimbawa para sa kanilang mga anak, hindi rin sila isang pamantayan o huwaran para sa paghahangad ng kanilang mga anak sa katotohanan, ni hindi rin sila huwaran para sa kanilang mga anak pagdating sa pagsamba at pagpapasakop sa Diyos. Siyempre, ang mga magulang ay hindi ang pagkakatawang-tao ng katotohanan. Ang mga tao ay walang obligasyon o responsabilidad na ituring ang kanilang mga magulang bilang mga moral na halimbawa at mga taong dapat sundin nang walang kondisyon. Hindi dapat matakot ang mga anak na makilala ang asal, mga kilos, at diwa ng disposisyon ng kanilang mga magulang. Ibig sabihin, pagdating sa pagtrato sa sarili nilang mga magulang, hindi dapat sumunod ang mga tao sa mga ideya at pananaw gaya ng “Ang magulang ay palaging tama.” Ang pananaw na ito ay batay sa katunayan na ang mga magulang ay may espesyal na katayuan, dahil ipinanganak ka nila sa ilalim ng paunang pagtatalaga ng Diyos, at sila ay 20, 30 o kahit na 40 o 50 taong mas matanda sa iyo. Mula lamang ito sa perspektiba ng relasyong ito ng laman-at-dugo, pagdating sa kanilang katayuan at antas sa herarkiya ng pamilya, na sila ay naiiba sa kanilang mga anak. Ngunit dahil sa pagkakaibang ito, itinuturing ng mga tao ang kanilang mga magulang bilang walang anumang pagkakamali. Tama ba ito? Ito ay mali, hindi makatwiran, at hindi naaayon sa katotohanan. Ang ilang tao ay napapaisip kung paano dapat tratuhin ng isang tao ang sarili niyang mga magulang, dahil sa may ganitong relasyon ng laman-at-dugo ang mga magulang at mga anak. Kung nananampalataya sa Diyos ang mga magulang, dapat silang tratuhin bilang mga mananampalataya; kung hindi sila nananampalataya sa Diyos, dapat silang tratuhin bilang mga walang pananampalataya. Anumang uri ng tao ang mga magulang, dapat silang tratuhin ayon sa mga kaukulang katotohanang prinsipyo. Kung sila ay mga diyablo, dapat mong sabihin na sila ay mga diyablo. Kung wala silang pagkatao, dapat mong sabihin na wala silang pagkatao. Kung ang mga ideya at pananaw na itinuturo nila sa iyo ay hindi naaayon sa katotohanan, hindi mo kailangang pakinggan o tanggapin ang mga ito, at maaari mo pa ngang kilatisin kung ano talaga sila at ilantad sila. Kung sasabihin ng mga magulang mo, “Ginagawa ko ito para sa ikabubuti mo,” at mag-aalburuto at magagalit sila nang husto, mag-aalala ka ba? (Hindi.) Kung hindi nananampalataya ang iyong mga magulang, huwag mo na lang silang pansinin, at hayaan na lang. Kung magagalit sila nang husto, makikita mo na sila ay walang iba kundi mga diyablo. Ang mga katotohanang ito tungkol sa pananalig sa Diyos ay ang mga ideya at pananaw na pinakakailangang tanggapin ng mga tao. Hindi nila kayang tanggapin o unawain ang mga ito, kaya anong uri sila? Hindi nila nauunawaan ang mga salita ng Diyos, kaya sila ay mas mababa pa kaysa sa tao, hindi ba?

—Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan 13

Gaano ka man tinutustusan ng iyong mga magulang habang pinapalaki ka nila, at gaano man nila ginagampanan ang kanilang responsabilidad sa iyo, ginagawa lang nila ang dapat nilang gawin sa loob ng saklaw ng mga kakayahan ng isang nilikhang tao—likas na gawi nila ito. Tingnan mo na lang ang mga ibon, sa loob ng higit isang buwan bago ang panahon ng pagsasamang-dingas, palagi silang naghahanap ng ligtas na lugar para gawin ang kanilang mga pugad. Ang mga ibon na lalaki at babae ay nagsasalitan sa paglabas, nagdadala ng iba’t ibang uri ng halaman, balahibo, at sanga para simulan ang paggawa ng kanilang mga pugad sa medyo makakapal na puno. Ang maliliit na pugad na gawa ng iba’t ibang uri ng ibon ay pawang lubos na matitibay at masinsin. Alang-alang sa kanilang mga supling, ginugugol ng mga ibon ang lahat ng pagsisikap na ito sa paggawa ng mga pugad at pagtatayo ng mga silungan. Pagkatapos nilang maitayo ang kanilang mga pugad at panahon na para sa paglilimlim, palaging may ibon sa bawat pugad; ang mga lalaki at babaeng ibon ay naghahalinhinan sa pagbabantay sa loob ng 24 na oras sa isang araw, at lubos silang alerto—kapag ang isa sa kanila ay bumalik na, agad namang lilipad ang isa pagkatapos. Hindi nagtatagal pagkatapos nito, napipisa ang ilang itlog at lumalabas ang ulo ng mga sisiw, at maririnig mo silang magsimulang humuni sa mga puno. Ang mga ibong nasa hustong gulang ay pabalik-balik na lumilipad, babalik para pakainin ang kanilang mga sisiw ng ilang uod, tapos ay babalik uli para pakainin ang mga sisiw ng iba pang pagkain, nagpapakita ng labis na pagkamaasikaso. Pagkalipas ng ilang buwan, lumaki na nang kaunti ang ilan sa mga sisiw, at kaya na nilang tumayo sa gilid ng kanilang mga pugad at ipayagpag ang kanilang mga pakpak; ang kanilang mga magulang ay lumilipad pabalik-balik, naghahalinhinan sa pagpapakain at pagbabantay sa kanilang mga sisiw. … Ang lahat ng uri ng buhay na nilalang at hayop ay nagtataglay ng mga likas na gawi at batas na ito, at sinusunod nila ang mga ito nang mabuti, ganap na isinasakatuparan ang mga ito. Ito ay isang bagay na hindi kayang sirain ninuman. Mayroon ding ilang espesyal na hayop, tulad ng mga tigre at leon. Kapag nasa hustong gulang na ang mga hayop na ito, iniiwan nila ang kanilang mga magulang, at ang ilang lalaki ay nagiging magkaribal pa nga, nangangagat, nakikipaglaban, at nakikipagtunggali kung kinakailangan. Normal lang ito, ito ay isang batas. Hindi sila gaanong mapagmahal, at hindi sila namumuhay ayon sa kanilang mga damdamin gaya ng mga tao, nagsasabing: “Kailangan kong suklian ang kabutihan nila, kailangan kong bumawi sa kanila—kailangan kong sundin ang aking mga magulang. Kung hindi ako magiging mabuting anak sa kanila, kokondenahin, kagagalitan ako ng ibang tao, at pupunahin nila ako habang nakatalikod ako. Hindi ko kakayanin iyon!” Ang gayong mga bagay ay hindi sinasabi sa mundo ng hayop. Bakit sinasabi ng mga tao ang gayong mga bagay? Dahil sa lipunan at sa loob ng mga grupo ng mga tao, mayroong iba’t ibang maling ideya at karaniwang opinyon. Matapos maimpluwensyahan, masira, at mabulok ang mga tao sa mga bagay na ito, nagiging iba’t iba ang pagbibigay-kahulugan at pagharap nila sa relasyon ng magulang at anak, at sa huli ay tinatrato nila ang kanilang mga magulang bilang kanilang mga pinagkakautangan—mga pinagkakautangan na hinding-hindi nila mababayaran sa buong buhay nila. Mayroon pa ngang mga taong nakokonsensiya pagkatapos mamatay ang kanilang mga magulang, at iniisip nila na hindi sila karapatdapat sa kabutihan ng kanilang mga magulang, dahil sa isang bagay na ginawa nila na hindi nakapagpasaya sa kanilang mga magulang o hindi nagustuhan ng mga ito. Sabihin mo sa Akin, hindi ba’t kalabisan ito? Ang mga tao ay nababalot ng mga damdamin sa kanilang buhay, kaya maaari lamang silang maapektuhan at mabagabag ng iba’t ibang ideyang nagmumula sa mga damdaming ito. Ang mga tao ay namumuhay sa isang kapaligirang kinukulayan ng ideolohiya ng tiwaling sangkatauhan, kaya’t naaapektuhan at nagugulo sila ng iba’t ibang nakalilinlang na ideya, na ginagawang nakakapagod at hindi gaanong simple ang kanilang buhay kumpara sa mga ibang buhay na nilalang. Gayunpaman, sa ngayon, dahil ang Diyos ay gumagawa, at dahil ipinapahayag Niya ang katotohanan para sabihin sa mga tao ang tunay na kalikasan ng lahat ng katunayang ito, at para bigyan sila ng kakayahang maunawaan ang katotohanan, pagkatapos mong maunawaan ang katotohanan, hindi na magpapabigat sa iyo ang mga nakalilinlang na ideya at pananaw na ito, at hindi na magsisilbing gabay sa kung paano mo pangasiwaan ang relasyon mo sa mga magulang mo. Sa puntong ito, magiging mas maluwag ang buhay mo. Ang maluwag na pamumuhay ay hindi nangangahulugan na hindi mo alam kung ano ang iyong mga responsabilidad at obligasyon—alam mo pa rin ang mga bagay na ito. Depende lang ito sa kung aling perspektiba at mga pamamaraan ang pipiliin mo sa pagharap sa iyong mga responsabilidad at obligasyon. Ang isang landas ay ang piliin ang damdamin, at harapin ang mga bagay na ito nang emosyonal, at nang batay sa mga pamamaraan, ideya, at pananaw na itinuturo ni Satanas sa tao. Ang isa pang landas ay ang harapin ang mga bagay na ito batay sa mga salitang itinuro ng Diyos sa tao. Kapag pinangangasiwaan ng mga tao ang mga usaping ito ayon sa mga nakalilinlang na ideya at pananaw ni Satanas, maaari lamang silang mamuhay sa mga komplikasyon ng kanilang damdamin, at hindi nila kailanman nakikilala ang kaibahan ng tama at mali. Sa ilalim ng mga sitwasyong ito, wala silang magagawa kundi ang mamuhay sa isang patibong, palaging naiipit sa mga usapin tulad ng, “Tama ka, mali ako. Marami kang naibigay sa akin; mas kaunti ang naibigay ko sa iyo. Wala kang utang na loob. Wala ka sa lugar.” Dahil dito, hindi sila kailanman nagsasalita nang malinaw. Gayunpaman, pagkatapos maunawaan ng mga tao ang katotohanan, at kapag nakatakas sila mula sa kanilang mga nakalilinlang na ideya at pananaw, at mula sa samu’t saring damdamin, nagiging simple na para sa kanila ang mga usaping ito. Kung susunod ka sa isang katotohanang prinsipyo, ideya, o pananaw na wasto at nagmumula sa Diyos, magiging napakaluwag ng buhay mo. Hindi na mahahadlangan ng opinyon ng publiko, o ng kamalayan ng iyong konsensiya, o ng bigat ng iyong damdamin kung paano mo pinangangasiwaan ang relasyon mo sa iyong mga magulang; sa kabaligtaran, magbibigay-daan sa iyo ang mga bagay na ito na harapin ang relasyong ito sa tama at makatwirang paraan. … Hindi Ako nagbabahagi tungkol dito para ipagkanulo mo ang iyong mga magulang, at lalong hindi Ko ito ginagawa para magkaroon ng distansiya sa pagitan mo at ng iyong mga magulang—hindi tayo nagsisimula ng isang kilusan, hindi na kailangang maglagay ng anumang distansiya. Nagbabahagi Ako tungkol dito para lang mabigyan ka ng tamang pang-unawa sa mga usaping ito, at para matulungan kang tumanggap ng tamang ideya at pananaw. Isa pa, nagbabahagi Ako tungkol dito upang kapag nangyari sa iyo ang mga bagay na ito, hindi ka mababagabag ng mga ito, o ganap na maigagapos ng mga ito, at ang mas mahalaga, kapag naharap ka sa mga bagay na ito, hindi nito maaapektuhan ang paggampan mo sa tungkulin ng isang nilikha. Sa ganitong paraan, makakamit ang layon ng pagbabahagi Ko.

—Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan 17

Ang pagpapakita ba ng pagiging mabuting anak ang katotohanan? (Hindi.) Ang pagiging mabuting anak ay isang tama at positibong bagay, ngunit bakit natin sinasabing hindi ito ang katotohanan? (Dahil ang mga tao ay hindi nagpapakita ng pagkamabuting anak nang may mga prinsipyo at hindi nila nakikilatis kung anong uri talaga ng tao ang kanilang mga magulang.) Ang paraan kung paano dapat tratuhin ng isang tao ang kanyang mga magulang ay nauugnay sa katotohanan. Kung naniniwala ang iyong mga magulang sa Diyos at tinatrato ka nang mabuti, dapat ka bang maging mabuting anak sa kanila? (Oo.) Paano ka naging masunuring anak? Iba ang pakikitungo mo sa kanila sa pakikitungo mo sa mga kapatid. Ginagawa mo ang lahat ng sinasabi nila, at kung matatanda na sila, dapat kang manatili sa kanilang tabi upang alagaan sila, na pumipigil sa iyo na lumabas upang tuparin ang iyong tungkulin. Tama bang gawin ito? (Hindi.) Ano ang dapat mong gawin sa gayong mga pagkakataon? Depende ito sa mga pangyayari. Kung kaya mo pa rin silang alagaan habang tinutupad mo ang iyong tungkulin nang malapit sa iyong tahanan, at hindi tinututulan ng iyong mga magulang ang pananampalataya mo sa Diyos, dapat mong tuparin ang iyong responsabilidad bilang isang anak na lalaki o babae at tulungan ang iyong mga magulang sa ilang gawain. Kung mayroon silang karamdaman, alagaan mo sila; kung may bumabagabag sa kanila, aliwin mo sila; kung ipahihintulot ng iyong kalagayang pinansiyal, ibili mo sila ng mga bitamina na pasok sa budget mo. Subalit, ano ang dapat mong piliing gawin kung ikaw ay abala sa iyong tungkulin, walang magbabantay sa iyong mga magulang, at sila rin naman, ay naniniwala sa Diyos? Anong katotohanan ang dapat mong isagawa? Yamang ang pagiging masunurin sa mga magulang ay hindi ang katotohanan, kundi isa lamang responsabilidad at obligasyon ng tao, ano, kung gayon, ang dapat mong gawin kung ang iyong obligasyon ay sumasalungat sa iyong tungkulin? (Gawing prayoridad ang aking tungkulin; unahin ang tungkulin.) Ang isang obligasyon ay hindi naman tungkulin ng isang tao. Ang pagpili na gampanan ang tungkulin ng isang tao ay pagsasagawa ng katotohanan, samantalang ang pagtupad sa isang obligasyon ay hindi. Kung ganito ang kondisyon mo, maaari mong tuparin ang responsabilidad o obligasyong ito, pero kung hindi ito pinahihintulutan ng kasalukuyang kapaligiran, ano ang dapat mong gawin? Dapat mong sabihin na, “Kailangan kong gawin ang aking tungkulin—iyon ang pagsasagawa ng katotohanan. Ang pagiging mabuting anak sa aking mga magulang ay pamumuhay ayon sa aking konsensiya at hindi ito pagsasagawa sa katotohanan.” Kaya, dapat mong unahin ang iyong tungkulin at itaguyod ito. Kung wala kang tungkulin ngayon, at hindi malayo sa bahay mo ang pinagtatrabahuhan mo, at malapit ang tirahan mo sa iyong mga magulang, maghanap ka ng mga paraan para alagaan sila. Gawin mo ang makakaya mo para tulungan silang mabuhay nang mas maayos at mabawasan ang paghihirap nila. Pero depende rin ito sa kung anong klase ng tao ang mga magulang mo. Ano ang dapat mong gawin kung ang mga magulang mo ay may masamang pagkatao, kung palagi ka nilang hinahadlangan na sumampalataya sa Diyos, at kung lagi ka nilang inilalayo sa pananampalataya sa Diyos at pagganap sa iyong tungkulin? Anong katotohanan ang dapat mong isagawa? (Pagtanggi.) Sa pagkakataong ito, kailangan mo silang tanggihan. Natupad mo na ang iyong obligasyon. Ang iyong mga magulang ay hindi sumasampalataya sa Diyos, kaya wala kang obligasyong magpakita ng pagkamabuting anak sa kanila. Kung sumasampalataya sila sa Diyos, sa gayon ay pamilya sila, mga magulang mo. Kung hindi sila sumasampalataya, magkaibang mga landas ang tinatahak ninyo: Sumasampalataya sila kay Satanas at sumasamba sa haring diyablo, at tinatahak nila ang landas ni Satanas; sila ay mga taong tumatahak ng mga landas na kaiba sa mga sumasampalataya sa Diyos. Hindi na kayo isang pamilya. Itinuturing nilang mga kalaban at kaaway ang mga mananampalataya ng Diyos, kaya wala ka nang obligasyong alagaan sila at kailangan nang ganap na putulin ang ugnayan sa kanila. Alin ang katotohanan: ang pagiging masunurin sa mga magulang o ang pagganap sa tungkulin? Siyempre, ang pagganap sa tungkulin ang katotohanan. Ang pagganap sa tungkulin sa sambahayan ng Diyos ay hindi lamang tungkol sa pagtupad sa obligasyon at paggawa ng kung ano ang dapat gawin. Ito ay tungkol sa pagganap sa tungkulin ng isang nilikha. Ito ang atas ng Diyos; ito ay obligasyon mo, responsabilidad mo. Isa itong tunay na responsabilidad, na tuparin ang iyong responsabilidad at obligasyon sa harap ng Lumikha. Ito ang hinihingi ng Lumikha sa mga tao, at ito ang dakilang usapin ng buhay. Samantalang ang pagpapakita ng pagkamabuting anak sa mga magulang ay responsabilidad at obligasyon lamang ng isang anak. Talagang hindi ito iniatas ng Diyos, at lalong hindi ito naaayon sa hinihingi ng Diyos. Samakatuwid, sa pagitan ng pagpapakita ng pagkamabuting anak sa mga magulang at pagganap sa tungkulin, walang duda na ang pagganap sa tungkulin ng isang tao, at iyon lang, ang pagsasagawa ng katotohanan. Ang pagganap sa tungkulin bilang isang nilikha ay ang katotohanan, at isa itong obligasyon. Ang pagpapakita ng pagkamabuting anak sa mga magulang ay tungkol sa pagiging mabuting anak sa mga tao. Hindi ito nangangahulugang ginagampanan ng isang tao ang kanyang tungkulin, ni nangangahulugang isinasagawa niya ang katotohanan.

—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ano ang Katotohanang Realidad?

Kung, batay sa kapaligirang pinamumuhayan mo at sa kontekstong kinalalagyan mo, ang paggalang sa iyong mga magulang ay hindi sumasalungat sa pagkumpleto mo sa atas ng Diyos at pagganap mo sa iyong tungkulin—o, sa madaling salita, kung hindi naaapektuhan ng paggalang sa iyong mga magulang ang iyong matapat na pagganap sa iyong tungkulin—maaari mong parehong isagawa ang mga ito nang sabay. Hindi mo kailangang humiwalay sa iyong mga magulang sa panlabas, at hindi mo kailangang talikuran o tanggihan sila sa panlabas. Sa anong sitwasyon ito nalalapat? (Kapag hindi sumasalungat ang paggalang sa mga magulang sa pagganap sa tungkulin.) Tama iyan. Sa madaling salita, kung hindi sinusubukan ng iyong mga magulang na hadlangan ang iyong pananalig sa Diyos, at mga mananampalataya rin sila, at talagang sinusuportahan at hinihikayat ka nilang gampanan ang iyong tungkulin nang matapat at kumpletuhin mo ang atas ng Diyos, ang relasyon mo sa iyong mga magulang ay hindi isang regular na relasyon ng laman sa pagitan ng magkakamag-anak, kundi isa itong relasyon sa pagitan ng magkakapatid sa iglesia. Sa ganoong sitwasyon, bukod sa pakikisalamuha sa kanila bilang mga kapwa kapatid sa iglesia, dapat mo ring tuparin ang ilan sa iyong mga responsabilidad bilang kanilang anak. Dapat mo silang pakitaan ng kaunting karagdagang malasakit. Basta’t hindi ito nakaaapekto sa pagganap sa tungkulin mo, ibig sabihin, basta’t hindi nila napipigilan ang iyong puso, maaari mong tawagan ang iyong mga magulang upang kumustahin sila at magpakita ng kaunting pagmamalasakit sa kanila, maaari mo silang tulungang lutasin ang ilang suliranin at asikasuhin ang ilan sa kanilang problema sa buhay, at maaari mo pa nga silang tulungang lutasin ang ilan sa mga suliraning mayroon sila sa usapin ng kanilang buhay pagpasok—maaari mong gawin ang lahat ng bagay na ito. Sa madaling salita, kung hindi hinahadlangan ng iyong mga magulang ang iyong pananalig sa Diyos, dapat mong panatilihin ang relasyong ito sa kanila, at dapat mong tuparin ang iyong mga responsabilidad sa kanila. At bakit dapat mo silang pakitaan ng malasakit, alagaan, at kumustahin? Dahil anak ka nila at may ganito kang relasyon sa kanila, at mayroon kang isa pang uri ng responsabilidad, at dahil sa responsabilidad na ito, dapat mo silang kumustahin pa at bigyan sila ng mas makabuluhang tulong. Basta’t hindi ito nakaaapekto sa pagganap mo sa iyong tungkulin, at basta’t hindi hinahadlangan o ginugulo ng mga magulang mo ang iyong pananampalataya sa Diyos at ang iyong pagganap sa tungkulin mo, at hindi ka rin nila pinipigilan, kung gayon ay natural at nararapat na tuparin mo ang iyong mga responsabilidad sa kanila, at dapat mo itong gawin hanggang sa antas na hindi ka inuusig ng iyong konsensiya—ito ang pinakamababang pamantayan na dapat mong matugunan. Kung hindi mo magawang igalang ang iyong mga magulang sa tahanan dahil sa epekto at paghadlang ng iyong mga sitwasyon, hindi mo kailangang sundin ang patakarang ito. Dapat mong ipagkatiwala ang iyong sarili sa mga pangangasiwa ng Diyos at dapat kang magpasakop sa Kanyang mga pagsasaayos, at hindi mo kailangang ipilit na igalang ang iyong mga magulang. Kinokondena ba ito ng Diyos? Hindi ito kinokondena ng Diyos; hindi Niya pinipilit ang mga tao na gawin ito. … Kung hindi nananalig sa Diyos ang mga magulang mo, at magkaiba ang inyong wika o mga paghahangad at mithiin, at iba ang landas na tinatahak nila sa landas na tinatahak mo, at hinahadlangan at inuusig pa nga nila ang iyong pananalig sa Diyos, kung gayon ay matutukoy mo sila, makikilatis mo ang kanilang diwa, at maitatakwil sila. Siyempre pa, kung berbal nilang aabusuhin ang Diyos o isusumpa ka nila, maaari mo silang isumpa sa iyong puso. Kung gayon, ano ang tinutukoy ng sinasabi ng Diyos na “paggalang sa mga magulang”? Paano mo ito dapat isagawa? Ibig sabihin, kung maaari mong tuparin ang iyong mga responsabilidad, tuparin mo ang mga ito nang kaunti, at kung wala kang ganoong pagkakataon, o kung naging napakatindi na ng tensyon sa iyong mga pakikisalamuha sa kanila, at may alitan na sa pagitan ninyo, at umabot na sa puntong hindi na ninyo kayang makita ang isa’t isa, dapat kang magmadaling ilayo ang sarili mo sa kanila. Kapag nagsasalita ang Diyos tungkol sa paggalang sa ganitong mga uri ng mga magulang, ibig Niyang sabihin ay dapat mong tuparin ang iyong mga responsabilidad bilang anak mula sa perspektiba ng iyong posisyon bilang kanilang anak, at gawin mo ang mga bagay na nararapat na gawin ng isang anak. Hindi mo dapat maltratuhin ang iyong mga magulang, o hindi ka dapat makipagtalo sa kanila, hindi mo sila dapat saktan o sigawan, hindi mo sila dapat abusuhin, at dapat mong tuparin ang iyong mga responsabilidad sa kanila sa abot ng makakaya mo. Ito ang mga bagay na nararapat isakatuparan sa saklaw ng pagkatao; ito ang mga prinsipyo na dapat isagawa ng isang tao kaugnay ng “paggalang sa mga magulang.” Hindi ba’t madaling isakatuparan ang mga ito? Hindi mo kailangang harapin ang iyong mga magulang nang mainit ang ulo mo, na sinasabing, “Kayong mga diyablo at hindi mananampalataya, isinusumpa kayo ng Diyos tungo sa lawa ng apoy at asupre at sa napakalalim na hukay, ipadadala Niya kayo sa ikalabingwalong antas ng impiyerno!” Hindi iyon kinakailangan, hindi mo kailangang maging ganito katindi. Kung pahihintulutan ng mga sirkumstansiya, at kung hinihingi ng sitwasyon, maaari mong tuparin ang iyong mga responsabilidad bilang anak sa iyong mga magulang. Kung hindi ito kinakailangan, o kung hindi ito pinahihintulutan ng mga sirkumstansiya at hindi ito posible, maaari mong hindi gawin ang obligasyong ito. Ang kailangan mo lang gawin ay tuparin ang iyong mga responsabilidad bilang anak kapag nakikipagkita ka sa iyong mga magulang at nakikisalamuha ka sa kanila. Kapag nagawa mo na iyon, nakumpleto mo na ang iyong gawain. Ano ang tingin mo sa prinsipyong ito? (Maganda ito.) Dapat ay mayroong mga prinsipyo sa kung paano mo tinatrato ang lahat ng tao, kabilang ang iyong mga magulang. Hindi ka maaaring kumilos nang pabigla-bigla, at hindi mo maaaring berbal na abusuhin ang iyong mga magulang dahil lang sa inuusig nila ang iyong pananalig sa Diyos. Napakaraming tao sa mundo ang hindi nananalig sa Diyos, napakaraming walang pananampalataya, at napakaraming taong nang-iinsulto sa Diyos—isusumpa at sisigawan mo ba silang lahat? Kung hindi, hindi mo rin dapat sigawan ang iyong mga magulang. Kung sisigawan mo ang iyong mga magulang ngunit hindi ang iba pang taong iyon, kung gayon ay namumuhay ka sa gitna ng init ng ulo, at hindi ito gusto ng Diyos. Huwag mong isiping malulugod ang Diyos sa iyo kung berbal mong aabusuhin at isusumpa ang iyong mga magulang nang walang mabuting layon, sinasabing sila ay mga diyablo, nabubuhay na mga Satanas, at kampon ni Satanas, at isinusumpa silang mapunta sa impiyerno—sadyang hindi iyon ganoon. Hindi ka magiging katanggap-tanggap sa Diyos o hindi Niya sasabihing mayroon kang pagkatao dahil sa huwad na pagpapakitang ito ng pagiging aktibo. Sa halip, sasabihin ng Diyos na ang iyong mga kilos ay may kasamang mga emosyon at init ng ulo. Hindi magugustuhan ng Diyos ang pagkilos mo sa ganitong paraan, masyado itong sukdulan, at hindi ito naaayon sa Kanyang mga layunin. Dapat na mayroong mga prinsipyo sa kung paano mo tinatrato ang lahat ng tao, kabilang na ang iyong mga magulang; nananalig man sila sa Diyos o hindi, at masasamang tao man sila o hindi, dapat mo silang tratuhin nang may mga prinsipyo. Sinabi ng Diyos sa tao ang prinsipyong ito: Tungkol ito sa pagtrato sa iba nang patas—sadya lamang na may karagdagang antas ng responsabilidad ang mga tao sa kanilang mga magulang. Ang kailangan mo lang gawin ay tuparin ang responsabilidad na ito. Mananampalataya man o hindi ang iyong mga magulang, hinahangad man nila o hindi ang kanilang pananalig, umaayon man o hindi ang kanilang pananaw sa buhay at pagkatao sa iyong pananaw sa buhay at pagkatao, kailangan mo lang tuparin ang iyong responsabilidad sa kanila. Hindi mo sila kailangang iwasan—hayaan mo lang na natural na mangyari ang lahat, nang ayon sa mga pangangasiwa at pagsasaayos ng Diyos. Kung hinahadlangan nila ang iyong pananalig sa Diyos, dapat mo pa ring tuparin ang iyong mga responsabilidad bilang anak sa abot ng makakaya mo, upang kahit papaano ay hindi makaramdam ang iyong konsensiya na may pagkakautang ka sa kanila. Kung hindi ka nila hinahadlangan, at sinusuportahan nila ang iyong pananalig sa Diyos, kung gayon ay dapat ka ring magsagawa nang ayon sa mga prinsipyo, tinatrato sila nang maayos kapag naaangkop na gawin ito. Bilang buod, anuman ang mangyari, hindi nagbabago ang mga hinihingi ng Diyos sa tao, at hindi maaaring magbago ang mga katotohanang prinsipyo na dapat isagawa ng mga tao. Sa mga usaping ito, kailangan mo lang itaguyod ang mga prinsipyo, at tuparin ang mga responsabilidad na magagawa mong tuparin.

—Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Ang Kahulugan ng Paghahangad sa Katotohanan 4

Anong prinsipyo ang dapat pagbatayan ng pagtrato ng mga tao sa iba ayon sa hinihingi ng mga salita ng Diyos? Mahalin kung ano ang minamahal ng Diyos, at kamuhian kung ano ang kinamumuhian ng Diyos: Ito ang prinsipyong dapat sundin. Mahal ng Diyos ang mga naghahanap ng katotohanan at nakasusunod sa Kanyang kalooban; ito rin ang mga taong dapat nating mahalin. Ang mga hindi nakasusunod sa kalooban ng Diyos, mga napopoot at naghihimagsik sa Diyos—ito ang mga taong kinasusuklaman ng Diyos, at dapat din natin silang kasuklaman. Ito ang hinihingi ng Diyos sa tao. Kung hindi naniniwala sa Diyos ang iyong mga magulang, kung alam na alam nila na ang pananampalataya sa Diyos ang tamang landas, at na maaari itong humantong sa kaligtasan, subalit ayaw pa rin nila itong tanggapin, walang duda na sila ay mga taong tumututol at namumuhi sa katotohanan, at na sila ang mga taong lumalaban at namumuhi sa Diyos—at natural lang na kinapopootan at kinamumuhian sila ng Diyos. Magagawa mo bang kapootan ang gayong mga magulang? Nilalabanan at nilalapastangan nila ang Diyos—kung magkagayon ay tiyak na mga demonyo at Satanas sila. Magagawa mo ba silang kapootan at sumpain? Mga totoong katanungan ang lahat ng ito. Kung hinahadlangan ka ng iyong mga magulang na manalig sa Diyos, paano mo sila dapat tratuhin? Gaya ng hinihingi ng Diyos, dapat mong mahalin kung ano ang minamahal ng Diyos, at kamuhian kung ano ang kinamumuhian ng Diyos. Noong Kapanahunan ng Biyaya, sinabi ng Panginoong Jesus, “Sino ang Aking ina? At sino-sino ang Aking mga kapatid?” “Sapagkat sinumang gumagawa ng kalooban ng Aking Ama na nasa langit, ay siyang Aking kapatid na lalaki at Aking kapatid na babae, at ina.” Umiiral na ang mga salitang ito noon pang Kapanahunan ng Biyaya, at lalo pang mas malinaw ang mga salita ng Diyos ngayon: “Mahalin kung ano ang minamahal ng Diyos, at kamuhian kung ano ang kinamumuhian ng Diyos.” Diretsahan ang mga salitang ito, ngunit madalas na hindi naaarok ng mga tao ang tunay na kahulugan ng mga ito. Kung itinatatwa at sinasalungat ng isang tao ang Diyos, na siya ay isinusumpa ng Diyos, ngunit siya ay magulang o kamag-anak mo, at sa tingin mo ay hindi naman siya mukhang masamang tao, at maayos ang pagtrato niya sa iyo, baka hindi mo magawang kamuhian ang taong iyon, at baka manatili siyang malapit mong kaugnayan, hindi nagbabago ang relasyon ninyo. Ikababahala mo na marinig na kinamumuhian ng Diyos ang gayong mga tao, at hindi mo magagawang pumanig sa Diyos at malupit na tanggihan ang taong iyon. Lagi kang napipigilan ng mga damdamin, at hindi mo ganap na mapakawalan ang mga ito. Ano ang dahilan nito? Nangyayari ito dahil masyadong matindi ang iyong mga damdamin, at hinahadlangan ka ng mga itong maisagawa ang katotohanan. Mabait sa iyo ang taong iyon, kaya hindi mo maatim na kamuhian siya. Makakaya mo lang siyang kamuhian kung sinaktan ka nga niya. Ang pagkamuhing iyon ba ay aayon sa mga katotohanang prinsipyo? Gayundin, ginagapos ka ng tradisyunal na mga haka-haka, na iniisip na isa siyang magulang o kamag-anak, kaya kung kamumuhian mo siya, kasusuklaman ka ng lipunan at lalaitin ng publiko, kokondenahing walang paggalang, walang konsiyensiya, at ni hindi nga tao. Iniisip mo na magdurusa ka ng pagkondena at kaparusahan ng langit. Kahit gusto mong kamuhian siya, hindi iyon kakayanin ng konsiyensiya mo. Bakit gumagana nang ganito ang konsiyensiya mo? Ito ay dahil isang paraan ng pag-iisip ang naitanim na sa kalooban mo buhat nang ikaw ay bata pa, sa pamamagitan ng pamana ng iyong pamilya, ang turong ibinigay sa iyo ng mga magulang mo, at ang indoktrinasyon ng tradisyonal na kultura. Ang paraang ito ng pag-iisip ay nakaugat nang napakalalim sa puso mo, at dahil dito ay nagkakaroon ka ng maling paniniwala na ang paggalang sa magulang ay ganap na likas at may katwiran, at na ang anumang minana mo mula sa mga ninuno mo ay palaging mabuti. Una mo itong natutunan at nananatili pa rin itong nangingibabaw, na lumilikha ng isang malaking sagabal at kaguluhan sa iyong pananampalataya at pagtanggap sa katotohanan, na iniiwan kang walang kakayahan na isagawa ang mga salita ng Diyos, at mahalin ang minamahal ng Diyos at kapootan ang kinapopootan ng Diyos. Alam mo sa puso mo na ang buhay mo ay nagmula sa Diyos, hindi mula sa iyong mga magulang, at alam mo rin na ang mga magulang mo ay hindi lamang hindi nananalig sa Diyos, kundi nilalabanan ang Diyos, na kinapopootan sila ng Diyos at dapat kang magpasakop sa Diyos, pumanig sa Kanya, ngunit hindi mo lang talaga magawang kapootan sila, kahit na gusto mo. Hindi mo ito malagpasan, hindi mo mapatatag ang puso mo, at hindi mo maisagawa ang katotohanan. Ano ang ugat nito? Ginagamit ni Satanas ang ganitong uri ng tradisyonal na kultura at mga haka-haka ng moralidad upang igapos ang mga kaisipan mo, ang isip mo, at ang puso mo, na iniiwan kang walang kakayahan na matanggap ang mga salita ng Diyos; ikaw ay inari na ng mga bagay na ito ni Satanas, at ginawa kang walang kakayahan na tanggapin ang mga salita ng Diyos. Kapag nais mong isagawa ang mga salita ng Diyos, ginugulo ng mga bagay na ito ang kalooban mo, na nagdudulot na salungatin mo ang katotohanan at ang mga hinihingi ng Diyos, at ginagawa kang walang lakas na iwaksi ang impluwensiya ng tradisyonal na kultura. Pagkatapos mong magsikap nang ilang panahon, nagkokompromiso ka: pinipili mong paniwalaan na ang mga tradisyonal na haka-haka ng moralidad ay tama at naaayon sa katotohanan, kaya tinatanggihan o tinatalikuran mo ang mga salita ng Diyos. Hindi mo tinatanggap ang mga salita ng Diyos bilang katotohanan at binabalewala mo ang mailigtas, dahil pakiramdam mo ay nabubuhay ka pa rin sa mundong ito, at makakaligtas ka lang sa pamamagitan ng pagsandig sa mga taong ito. Dahil hindi mo kayang tiisin ang ganting-paratang ng lipunan, mas nanaisin mong piliin na isuko ang katotohanan at ang mga salita ng Diyos, hinahayaan ang sarili mo sa mga tradisyonal na haka-haka ng moralidad at sa impluwensiya ni Satanas, pinipiling magkasala sa Diyos at hindi isagawa ang katotohanan. Hindi ba’t ang tao ay kahabag-habag? Hindi ba nila kailangan ang pagliligtas ng Diyos? May mga taong maraming taon nang nananalig sa Diyos, ngunit wala pa ring kabatiran sa usapin ng paggalang sa magulang. Talagang hindi nila nauunawaan ang katotohanan. Hindi nila kailanman malalagpasan ang balakid na ito ng mga makamundong relasyon; wala silang tapang, ni tiwala sa sarili, lalo nang wala silang determinasyon, kaya hindi nila kayang mahalin at sundin ang Diyos. Nagagawa ng ilang tao na makita ang higit pa rito, at talagang hindi madaling bagay para sa kanila na sabihing, “Hindi nananalig sa Diyos ang mga magulang ko, at pinipigilan nila akong manalig. Sila ay mga diyablo.” Walang ni isang walang pananampalataya ang nananalig na mayroong Diyos, o na Siya ang lumikha ng langit at lupa at ng lahat ng bagay, o na ang tao ay nilikha ng Diyos. May iba pa nga na nagsasabi, “Ang buhay ay ibinigay sa tao ng kanyang mga magulang, at dapat niya silang igalang.” Saan nanggaling ang gayong kaisipan o pananaw? Nanggaling ba ito kay Satanas? Ang libo-libong taon ng tradisyonal na kultura ang nagturo at naglihis sa tao sa ganitong paraan, na nagdudulot sa kanila na itanggi ang paglikha at ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos. Kung hindi dahil sa panlilihis at pagkontrol ni Satanas sa mga tao, sisiyasatin ng tao ang gawain ng Diyos at babasahin ang Kanyang mga salita, at malalaman nilang sila ay nilikha ng Diyos, na ang buhay nila ay ibinigay ng Diyos; malalaman nila na ang lahat ng mayroon sila ay ibinigay ng Diyos, at na ang Diyos ang dapat nilang pasalamatan. Kung mayroong sinuman na tutulong sa atin, dapat natin itong tanggapin mula sa Diyos—sa partikular, ang ating mga magulang, na nagsilang at nagpalaki sa atin; ang lahat ng ito ay isinaayos ng Diyos. Ang Diyos ang may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat; ang tao ay isa lamang kasangkapan para sa paglilingkod. Kung maisasantabi ng isang tao ang kanyang mga magulang, o ang kanyang asawa at mga anak, upang gugulin ang sarili niya para sa Diyos, ang taong iyon ay mas lalakas at higit na magkakaroon ng pagpapahalaga sa katarungan sa harap ng Diyos.

—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Sa Pagkilala Lamang sa Sariling mga Maling Pananaw ng Isang Tao Siya Tunay na Makapagbabago

Balang araw, kapag nauunawaan mo na ang ilan sa katotohanan, hindi mo na iisipin na ang nanay mo ang pinakamabuting tao, o na ang mga magulang mo ang pinakamabubuting tao. Matatanto mo na mga miyembro din sila ng tiwaling sangkatauhan, at na pare-pareho ang kanilang mga tiwaling disposisyon. Ang tanging nagbubukod sa kanila ay na magkadugo kayo. Kung hindi sila naniniwala sa Diyos, kapareho sila ng mga walang pananampalataya. Hindi mo na sila titingnan mula sa pananaw ng isang kapamilya, o mula sa pananaw ng inyong ugnayan sa laman, kundi mula sa panig ng katotohanan. Ano ang mga pangunahing aspetong dapat mong tingnan? Dapat mong tingnan ang kanilang mga pananaw tungkol sa paniniwala sa Diyos, ang kanilang mga pananaw tungkol sa mundo, ang kanilang mga pananaw tungkol sa paglutas ng mga problema, at ang pinakamahalaga, ang kanilang saloobin ukol sa Diyos. Kung sisiyasatin mo nang tumpak ang mga aspetong ito, malinaw mong makikita kung sila ay mabubuti o masasamang tao. Isang araw ay maaaring malinaw mong makita na sila ay mga taong may mga tiwaling disposisyon katulad mo. Maaari pa ngang maging mas malinaw na hindi sila ang mababait na tao na may tunay na pagmamahal sa iyo na tulad ng inaakala mo, at na hindi ka nila talaga maaakay sa katotohanan o sa tamang landas sa buhay. Maaaring malinaw mong makita na ang nagawa nila para sa iyo ay walang gaanong pakinabang sa iyo, at na wala itong silbi sa pagtahak mo sa tamang landas sa buhay. Maaaring makita mo rin na marami sa kanilang mga pagsasagawa at opinyon ay salungat sa katotohanan, na sila ay makalaman, at na hinahamak, kinasusuklaman at tinututulan mo sila dahil dito. Kung makikita mo ang mga bagay na ito, matatrato mo na nang tama ang iyong mga magulang sa puso mo, at hindi ka na mangungulila at mag-aalala sa kanila, at makakaya mo nang mamuhay nang malayo sa kanila. Nakumpleto na nila ang kanilang misyon bilang mga magulang, kaya hindi mo na sila ituturing na pinakamalapit na mga tao sa iyo o iidolohin sila. Sa halip, ituturing mo silang mga ordinaryong tao, at sa panahong iyon, hindi ka na magpapaalipin nang lubusan sa iyong mga damdamin at talagang makakahiwalay ka na sa iyong mga damdamin at pagmamahal sa pamilya. Sa sandaling magawa mo na iyon, mapagtatanto mo na hindi karapat-dapat pahalagahan ang mga bagay na iyon. Sa puntong iyon, makikita mo na ang mga kamag-anak, pamilya, at relasyon sa laman ay mga balakid sa pag-unawa sa katotohanan at sa pagpapalaya ng iyong sarili sa mga damdamin. Ito ay dahil mayroon kang pampamilyang relasyon sa kanila—iyong relasyon sa laman na nagpaparalisa sa iyo, nagliligaw sa iyo, at nagpapapaniwala sa iyo na sila ang may pinakamabuting pagtrato sa iyo, na sila ang pinakamalapit sa iyo, pinakamabuting mag-alaga sa iyo, at pinakanagmamahal sa iyo—dahil sa lahat ng ito, hindi mo malinaw na matukoy kung sila ba ay mabuti o masamang tao. Sa sandaling tunay na lumayo ka sa mga damdaming ito, bagamat maaaring iisipin mo pa rin sila paminsan-minsan, mangungulila ka pa rin ba sa kanila nang buong puso, aalalahanin mo pa rin ba sila, at hahanap-hanapin sila gaya ng ginagawa mo ngayon? Hindi na. Hindi mo sasabihing: “Ang taong talagang hindi ko kayang mawalay sa akin ay ang nanay ko; siya ang nagmamahal sa akin, nag-aalaga sa akin, at pinakanag-aalala sa akin.” Kapag mayroon kang ganitong antas ng pang-unawa, iiyak ka pa rin ba kapag naiisip mo sila? Hindi na. Ang problemang ito ay malulutas. Kaya, sa mga problema o usapin na nagdudulot sa iyo ng paghihirap, kung hindi mo pa nakamit ang aspetong iyon ng katotohanan at kung hindi ka pa nakapasok sa aspetong iyon ng katotohanang realidad, makukulong ka sa gayong mga paghihirap o kalagayan, at hinding-hindi ka makakalabas sa mga ito. Kung tinatrato mo ang mga ganitong uri ng mga paghihirap at problema bilang mga pangunahing problema ng buhay pagpasok at pagkatapos ay hahanapin mo ang katotohanan para malutas ang mga ito, magagawa mong pumasok sa aspetong ito ng katotohanang realidad; nang hindi sinasadya, matututunan mo ang iyong aral mula sa mga paghihirap at problemang ito. Kapag nalutas na ang mga problema, mararamdaman mo na hindi ka na ganoon kalapit sa iyong mga magulang at kapamilya, mas malinaw mong makikita ang kanilang kalikasang diwa, at makikita mo kung anong uri ng mga tao talaga sila. Kapag malinaw mong nakikita ang iyong mga mahal sa buhay, sasabihin mong: “Hindi talaga tinatanggap ng nanay ko ang katotohanan; sa totoo lang, tutol siya sa katotohanan at kinasusuklaman niya ito. Sa diwa niya, isa siyang masamang tao, isang diyablo. Ang ama ko ay isang mapagpalugod ng tao, pumapanig sa nanay ko. Hindi niya talaga tinatanggap o isinasagawa ang katotohanan; hindi siya isang taong naghahangad sa katotohanan. Batay sa inaasal ng aking nanay at tatay, silang dalawa ay hindi mananampalataya; pareho silang diyablo. Kailangang kong ganap na maghimagsik laban sa kanila, at kailangan kong maglatag ng malinaw na limitasyon sa aming relasyon.” Sa ganitong paraan, titindig ka sa panig ng katotohanan, at magagawa mo silang itakwil. Kapag nagawa mong kilatisin kung sino sila, kung anong uri ng tao sila, magkakaroon ka pa rin ba ng emosyonal na ugnayan sa kanila? Magigiliw ka pa rin ba sa kanila? Magkakaroon ka pa ba ng relasyon sa laman sa kanila? Hindi na. Kakailanganin mo pa bang pigilan ang iyong mga damdamin? (Hindi na.) Kaya, sa ano ka ba talaga umaasa para malutas ang mga paghihirap na ito? Umaasa ka sa pag-unawa sa katotohanan, sa pag-asa sa Diyos, at paghingi ng patnubay sa Diyos. Kung malinaw ang mga bagay na ito sa iyo sa puso mo, kailangan mo pa bang pigilan ang iyong sarili? Nararamdaman mo pa rin ba na naagrabyado ka? Kailangan mo pa bang magdusa ng gayon katinding pasakit? Kailangan mo pa ba ang iba na makipagbahaginan sa iyo at gumawa ng gawaing pang-ideolohiya? Hindi na kailangan, dahil naayos mo na mismo ang mga bagay-bagay—napakadali nito. Sa pagbabalik sa usapin, paano mo dapat lutasin ang isyu nang sa gayon ay hindi mo sila isipin o mangulila sa kanila? (Hanapin ang katotohanan para lutasin ito.) Kumplikado ang mga salitang iyan na medyo pormal kung pakikinggan—ngunit medyo mas praktikal nang kaunti ang mga ito. (Gamitin ang mga salita ng Diyos upang lubusang maunawaan ang kanilang diwa; ibig sabihin, kilatisin sila batay sa kanilang diwa. Pagkatapos, magagawa nating isantabi ang ating pagkagiliw, at ang ating relasyon sa laman.) Tama iyan. Dapat mong ibase ang iyong pagkaunawa sa kalikasang diwa ng mga tao sa mga salita ng Diyos. Kung wala ang paglalantad ng salita ng Diyos, walang sinuman ang makakahalata sa kalikasang diwa ng iba. Sa pamamagitan lamang ng pagbatay sa mga salita ng Diyos at sa katotohanan makikita ng isang tao ang kalikasang diwa ng mga tao; saka lamang malulutas ang pinagmulan ng problema ng mga damdamin ng tao. Magsimula sa pamamagitan ng pag-iwan ng iyong mga pagkagiliw at relasyon sa laman; kung kanino pinakamatindi ang iyong mga damdamin, siya ang una mong kailangang himayin at kilalanin. Ano ang palagay mo sa solusyong ito? (Mabuti ito.) Sinasabi ng ilang tao: “Ang kilatisin at himayin ang mga taong may pinakamatindi akong emosyonal na ugnayan—napakalupit naman niyan!” Ang punto ng pagkilatis mo sa kanila ay hindi para putulin mo ang iyong relasyon sa kanila—hindi ito para putulin ang iyong ugnayan sa iyong magulang bilang kanilang anak, hindi rin para tuluyan mo silang talikuran, at hindi na muling makipag-ugnayan sa kanila. Kailangan mong tuparin ang iyong mga responsabilidad sa iyong mga mahal sa buhay, ngunit hindi ka maaaring magpapigil o magpatali sa kanila, dahil ikaw ay isang tagasunod ng Diyos; dapat mong taglayin ang prinsipyong ito. Kung maaari ka pa rin nilang mapigilan at magulo, hindi mo magagawa nang maayos ang iyong tungkulin, at hindi mo rin magagarantiya na masusundan mo ang Diyos hanggang sa dulo ng daan. Kung hindi ka isang tagasunod ng Diyos o isang nagmamahal sa katotohanan, walang sinuman ang hihingi nito sa iyo.

—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Paglutas Lamang sa Tiwaling Disposisyon ng Isang Tao ang Makapagdudulot ng Tunay na Pagbabago

Paano tinrato ni Job ang kanyang mga anak? Tinupad lang niya ang kanyang responsabilidad bilang ama, ipinapangaral ang ebanghelyo at nagbabahagi ng katotohanan sa kanila. Gayunpaman, makinig man sila o hindi sa kanya, sumunod man sila o hindi, hindi sila pinilit ni Job na manalig sa Diyos—hindi niya sila pinuwersa, o pinakialaman ang kanilang buhay. Naiiba ang kanilang mga ideya at opinyon sa kanya, kaya hindi siya nakialam sa ginagawa nila, at hindi nakialam kung anong uri ng landas ang tinatahak nila. Bihira bang nagsalita si Job sa kanyang mga anak tungkol sa pananalig sa Diyos? Tiyak na natalakay sana niya nang sapat sa kanila ang tungkol dito, pero tumanggi silang makinig, at hindi tinanggap ito. Ano ang saloobin ni Job tungkol doon? Sabi niya, “Natupad ko na ang responsabilidad ko; sa kung anong uri ng landas ang tatahakin nila, iyon ay nakasalalay sa kanilang pipiliin, at ito ay nakasalalay sa mga pangangasiwa at pagsasaayos ng Diyos. Kung hindi gagawa ang Diyos sa kanila, o aantigin sila, hindi ko sila susubukang pilitin.” Kung kaya, hindi nagdasal si Job para sa kanila sa harap ng Diyos, o umiyak sa pagdadalamhati dahil sa kanila, o nag-ayuno para sa kanila o nagdusa sa anumang paraan. Hindi niya ginawa ang mga bagay na ito. Bakit hindi ginawa ni Job ang alinman sa mga bagay na ito? Dahil wala sa mga ito ang mga paraan ng pagpapasakop sa kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos; lahat ng ito ay nagmula sa mga ideya ng tao at mga paraan ng tahasang pamimilit ng isang tao na unahin ang kanyang kagustuhan. Noong ayaw tahakin ng mga anak ni Job ang parehong landas na kanyang tinahak, ito ang kanyang saloobin; kaya’t nang mamatay ang kanyang mga anak, ano ang kanyang naging saloobin? Umiyak ba siya o hindi? Inilabas ba niya ang kanyang mga nararamdaman? Nasaktan ba siya? Walang tala ang Bibliya sa alinman sa mga bagay na ito. Nang makita ni Job na namatay ang kanyang mga anak, nagdalamhati o nalungkot ba siya? (Oo.) Sa kanyang pagsasalita hinggil sa pagmamahal na nadarama sa kanyang mga anak, tiyak na bahagya siyang nakadama ng kalungkutan, ngunit nagpasakop pa rin siya sa Diyos. Paano ipinahayag ang kanyang pagpapasakop? Sinabi niyang: “Ibinigay sa akin ng Diyos ang mga anak na ito. Nanalig man sila sa Diyos o hindi, nasa mga kamay ng Diyos ang kanilang buhay. Kung nanalig sila sa Diyos, at ibig silang alisin ng Diyos, gagawin pa rin Niya ito; kung hindi sila nanalig sa Diyos, aalisin pa rin sila kapag sinabi ng Diyos na sila ay aalisin. Ang lahat ng ito ay nasa mga kamay ng Diyos; kung hindi, sinong may kayang mag-alis ng buhay ng mga tao?” Sa madaling salita, ano ba ang ibig sabihin nito? “Si Jehova ang nagbigay, at si Jehova ang nag-alis; purihin ang pangalan ni Jehova” (Job 1:21). Pinanatili niya ang ganitong saloobin sa kanyang pagtrato sa kanyang mga anak. Buhay man sila o patay, ipinagpatuloy niya ang ganitong saloobin. Ang kanyang paraan ng pagsasagawa ay tama; sa bawat paraang nagsagawa siya, sa pananaw, saloobin at kalagayan kung paano niya tinrato ang lahat, palagi siyang nasa isang posisyon at kalagayan ng pagpapasakop, paghihintay, paghahanap, at pagkatapos ay pagkakamit ng kaalaman. Napakahalaga ng ganitong saloobin. Kung ang mga tao ay hindi kailanman magkakaroon ng ganitong uri ng saloobin sa anumang bagay na ginagawa nila, at talagang may matinding pansariling mga ideya at inuuna ang mga pansariling layunin at pakinabang bago ang lahat, talaga bang nagpapasakop sila? (Hindi.) Sa gayong mga tao ay hindi makikita ang tunay na pagpapasakop; hindi nila kayang makamit ang tunay na pagpapasakop.

—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang mga Prinsipyo ng Pagsasagawa ng Pagpapasakop sa Diyos

Ang isa pang bahagi ng pagkatao ni Job ay ipinapakita sa pag-uusap sa pagitan niya at ng kanyang asawa: “Nang magkagayo’y sinabi ng kanyang asawa sa kanya, ‘Pinananatili mo pa rin ba ang iyong integridad? Sumpain mo ang Diyos, at mamatay ka.’ Ngunit sinabi niya sa kanya, ‘Ikaw ay nagsasalita na gaya ng pagsasalita ng isa sa mga hangal na babae. Ano? Tatanggap ba tayo ng mabuti sa kamay ng Diyos, at hindi tayo tatanggap ng masama?’” (Job 2:9–10). Nang makita ang paghihirap na dinaranas niya, sinubukan ng asawa ni Job na payuhan si Job upang tulungan siyang makatakas sa kanyang paghihirap, ngunit ang kanyang “mabubuting layunin” ay hindi sinang-ayunan ni Job; sa halip, naging dahilan ito upang si Job ay magalit, sapagkat itinakwil niya ang pananampalataya at pagpapasakop ni Job sa Diyos na si Jehova, at itinakwil din ng asawa ni Job ang pag-iral ng Diyos na si Jehova. Hindi ito katanggap-tanggap kay Job, dahil hindi niya kailanman pinayagan ang kanyang sarili na gumawa ng kahit ano na sasalungat o makasasakit sa Diyos, at hindi pa kasali rito ang iba. Paano siya mananatiling walang malasakit kung nakita niya ang iba na nagbibigkas ng mga salitang lumalapastangan at umiinsulto sa Diyos? Kaya tinawag niya ang kanyang asawa na isang “hangal na babae.” Ang saloobin ni Job sa kanyang asawa ay may galit at poot, pati na rin ang kahihiyan at mahigpit na pangangaral. Ito ay ang likas na pagpapahayag ng pagkatao ni Job—na kumikilala sa pagkakaiba ng pag-ibig at poot—at isang tunay na paglalarawan ng kanyang matuwid na pagkatao. Si Job ay nagtaglay ng pagkamakatarungan—na dahilan upang magalit siya sa mga uso at agos ng kasamaan, at kapootan, kondenahin, at tanggihan ang walang saysay na maling pananampalataya, mga hindi kapani-paniwalang argumento, at katawa-tawang mga pahayag, at nagpahintulot sa kanya na maging totoo sa kanyang sarili, sa mga wastong prinsipyo at makapanindigan nang siya ay itinakwil ng masa at iwan ng mga taong malapit sa kanya.

—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Gawain ng Diyos, ang Disposisyon ng Diyos, at ang Diyos Mismo II

Ang bawat tao ay may kanya-kanyang tadhana, at ang lahat ng ito ay pauna nang itinakda ng Diyos; walang sinumang makakakontrol sa tadhana ng ibang tao. Kailangan mo nang itigil ang pamomroblema sa iyong pamilya at matutunang bitiwan at talikuran ang lahat ng bagay. Paano mo ito gagawin? Ang isang paraan ay manalangin sa Diyos. Dapat ka ring magbulay-bulay kung paanong ang mga kamag-anak mo na hindi nananalig sa Diyos ay naghahangad ng mga makamundong bagay, kayamanan, at mga materyal na kaginhawahan. Nabibilang sila kay Satanas, at sila ay ibang uri ng tao sa iyo. Mamumuhay ka sa pagdurusa kung hindi mo gagampanan ang tungkulin mo at mamumuhay kang gaya nila. Yamang ang pagtingin mo sa mga bagay ay iba kaysa sa kanila, hindi mo sila makakasundo at sa halip ikaw ay mahihirapan. Magkakaroon lamang ng pasakit at walang kasiyahan. Ang pagmamahal ba ay magdadala sa iyo ng kapayapaan at kagalakan? Ang pagsisilbi sa laman ay walang idudulot sa iyo kundi pagdurusa, kawalan ng kabuluhan, at habambuhay na pagsisisi. Ito ay isang bagay na dapat mong lubos na maunawaan. Kaya, ang pangungulila mo sa iyong pamilya ay walang batayan; ito ay pagiging sentimental nang hindi naman kinakailangan! Iba ang nilalakaran mong landas kumpara sa kanila. Ang pananaw mo sa buhay, pananaw sa mundo, landas sa buhay, at mga mithiin sa paghahangad ay pawang iba. Hindi mo kasama ang pamilya mo ngayon, ngunit dahil kayo ay magkadugo, palagi mong nararamdaman na ikaw ay malapit sa kanila at na kayo ay iisang pamilya. Gayunman, kapag ikaw ay aktuwal na namumuhay kasama nila, ilang araw mo pa lang silang pinakikitunguhan ay tutol ka na nang husto. Punong-puno sila ng kasinungalingan; ang sinasabi nila ay pawang kabulaanan, matamis na pananalita, at panlilinlang. Ang paraan ng kanilang pagkilos at pakikitungo sa mundo ay nakabatay lahat sa satanikong pilosopiya at mga kasabihan sa buhay. Ang kanilang mga kaisipan at pananaw ay pawang mali at kakatwa, at ang mga ito ay sadyang mahirap na pakinggan. Pagkatapos ay iisipin mo, “Dati ay nasa isip ko sila parati, at palagi akong natatakot na baka hindi sila nabubuhay nang maayos. Ngunit ang pamumuhay kasama ng mga taong ito ngayon ay tunay na napakahirap!” Ikaw ay masusuklam sa kanila. Hindi mo pa natutuklasan kung anong uri sila ng mga tao, kaya iniisip mo pa rin na ang mga ugnayan ng magkakapamilya ay higit na mahalaga at higit na totoo kaysa anuman. Pinipigilan ka pa rin ng pagmamahal. Subukan mong bitiwan ang mga bagay na iyon na ukol sa pagmamahal sa anumang paraan na kaya mo. Kung hindi mo kaya, unahin mo muna ang tungkulin mo. Ang atas ng Diyos at ang iyong misyon ang pinakamahalaga. Ang pagtupad mo muna sa tungkulin mo ang pinakaprayoridad sa lahat ng bagay, at huwag mo munang alalahanin ngayon ang mga bagay na iyon na ukol sa iyong mga kaanak sa laman. Kapag ang iyong atas at ang iyong tungkulin ay naisakatuparan na, nagiging higit na malinaw ang katotohanan sa iyo, ang ugnayan mo sa Diyos ay nagiging higit na normal, ang puso mong nagpapasakop sa Diyos ay higit pang lumalago, at ang may takot sa Diyos na puso mo ay higit pang lumalaki at nagiging higit pang maliwanag, pagkatapos ang kalagayan sa kalooban mo ay magbabago. Kapag ang kalagayan mo ay nagbago, ang mga pananaw mo sa mundo at mga pagmamahal ay lilipas, hindi mo na hahanapin ang mga bagay na iyon, at hahanapin na lamang ng puso mo kung paano mamahalin ang Diyos, paano Siya palulugurin, paano mamumuhay sa paraang nakalulugod sa Kanya, at paano mamumuhay sa katotohanan. Kapag ito na ang pinagsusumikapan ng puso mo, ang mga bagay na may kaugnayan sa mga pagmamahal ng laman ay unti-unting lilipas, at hindi ka na maigagapos o makokontrol pa ng mga ito.

—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi

Labis na makasarili yaong mga nagkakaladkad tungong simbahan sa kanilang mga lubusang walang pananampalatayang anak at kamag-anak, at nagpapakita lamang sila ng kabaitan. Nakatuon lamang ang mga taong ito sa pagiging mapagmahal, naniniwala man sila o hindi o kung layunin man ito ng Diyos. Dinadala ng ilan ang kanilang esposa sa harap ng Diyos, o kinakaladkad ang kanilang mga magulang sa harap ng Diyos, at sumasang-ayon man sa kanila o hindi ang Banal na Espiritu o gumagawa sa kanila, walang taros silang nagpapatuloy sa “pag-ampon ng matatalinong tao” para sa Diyos. Anong pakinabang ang maaaring makamit mula sa pagpapaabot ng kabaitan sa mga walang pananalig na ito? Kahit na nagsusumikap sila, na walang presensya ng Banal na Espiritu, na sundan ang Diyos, hindi pa rin sila maililigtas tulad ng maaaring paniwala ng tao. Yaong mga makakayang tumanggap ng kaligtasan sa totoo ay hindi ganoon kadaling matamo. Lubos na walang kakayahan na magawang ganap ang mga tao na hindi sumailalim sa gawain at mga pagsubok ng Banal na Espiritu, at hindi nagawang perpekto ng Diyos na nagkatawang-tao. Samakatuwid, mula sa sandaling simulan nilang sundan sa turing ang Diyos, salat sa presensya ng Banal na Espiritu ang mga taong iyon. Dala ng kanilang mga kalagayan at tunay na katayuan, hindi sila magagawang ganap nang gayon-gayon lamang. Sa gayon, nagpapasya ang Banal na Espiritu na huwag gumugol ng gaanong sigla sa kanila, o nagkakaloob Siya ng anumang kaliwanagan o ginagabayan sila sa anumang paraan; pinahihintulutan lamang Niya silang makisunod, at ilalahad sa huli ang mga kalalabasan nila—sapat na ito. Ang sigasig at mga layunin ng sangkatauhan ay mula kay Satanas, at hindi makakaya ng mga bagay na ito sa anumang paraan na gawing ganap ang gawain ng Banal na Espiritu. Anupaman ang mga tao, dapat silang magtaglay ng gawain ng Banal na Espiritu. Maaari bang gawing ganap ng mga tao ang mga tao? Bakit minamahal ng isang lalaki ang kanyang asawa? Bakit minamahal ng isang babae ang kanyang asawa? Bakit masunurin ang mga anak sa kanilang mga magulang? Bakit mahal na mahal ng mga magulang ang kanilang mga anak? Anong uring mga layon ang tunay na kinikimkim ng mga tao? Ang layon ba nila ay hindi upang matugunan ang sarili nilang mga plano at mga makasariling pagnanasa? Tunay bang ibig nilang kumilos alang-alang sa plano ng pamamahala ng Diyos? Tunay nga bang kumikilos sila alang-alang sa gawain ng Diyos? Ang layon ba nila ay tuparin ang tungkulin ng isang nilikhang nilalang? Yaong mga hindi nagagawang matamo ang presensya ng Banal na Espiritu mula noong sandaling nagsimula silang maniwala sa Diyos ay hindi kailanman makakayang makamit ang gawain ng Banal na Espiritu; ang mga taong ito ay tiyak na mga pakay na wawasakin. Gaano man kalaki ang pagmamahal na mayroon ang isang tao para sa kanila, hindi nito makakayang halinhan ang gawain ng Banal na Espiritu. Kumakatawan ang sigasig at pagmamahal ng mga tao sa mga layunin ng tao, ngunit hindi maaaring kumatawan ang mga ito sa mga layunin ng Diyos, at o hindi maaaring ipanghalili sa gawain ng Diyos. Kahit na ipinaabot ng isang tao ang pinakamalaking posibleng dami ng pagmamahal o awa sa mga tao na naniniwala sa turing sa Diyos at nagpapanggap na sumusunod sa Kanya nang hindi nalalaman kung ano ang tunay na kahulugan ng maniwala sa Diyos, hindi pa rin nila matatamo ang simpatya ng Diyos, o makakamit ang gawain ng Banal na Espiritu. Kahit na mahina ang kakayahan ng mga tao na taos-pusong sinusundan ang Diyos at hindi magawang maunawaan ang maraming katotohanan, makakaya pa rin nila na paminsan-minsang makamit ang gawain ng Banal na Espiritu; gayunman, yaong mga may masyadong mahusay na kakayahan, ngunit hindi taos-pusong naniniwala, ay hindi basta makakamit ang presensya ng Banal na Espiritu. Walang lubos na posibilidad para sa kaligtasan ng gayong mga tao. Kahit binabasa nila ang mga salita ng Diyos o paminsan-minsang pinakikinggan ang mga pangaral, o kahit inaawit ang mga papuri sa Diyos, sa huli ay hindi nila magagawang makaligtas hanggang sa oras ng pamamahinga.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Papasok sa Pahinga ang Diyos at ang Tao Nang Magkasama

Yaong mga salitang sinabi sa nakaraan, “Kapag naniniwala ang isang tao sa Panginoon, ngumingiti ang kapalaran sa buong pamilya ng isang tao,” ay angkop para sa Kapanahunan ng Biyaya, ngunit walang kaugnayan sa hantungan ng sangkatauhan. Naaangkop lamang ang mga ito para sa isang yugto noong Kapanahunan ng Biyaya. Nakatuon ang pahiwatig ng mga salitang iyon sa biyayang pangkapayapaan at panlupa na tinamasa ng mga tao; hindi nangangahulugan ang mga ito na ang buong pamilya ng isang tao na naniniwala sa Panginoon ay maililigtas, ni hindi nangangahulugan ang mga ito na kapag nakakatanggap ang isang tao ng mga pagpapala, makakaya ring madala sa pamamahinga ang buong pamilya niya. Tumatanggap man ng mga pagpapala ang isang tao o nagdurusa sa kasawian ay natutukoy ayon sa diwa ng isang tao, at hindi ayon sa anumang karaniwang diwang maaaring ibahagi ng isang tao sa iba. Wala na nga lamang puwang sa kaharian ang ganoong uring kasabihan o panuntunan. Kung sa huli ay magagawang makaligtas ng isang tao, ito ay dahil natugunan niya ang mga hinihingi ng Diyos, at kung sa huli ay hindi niya magagawang manatili hanggang sa oras ng pamamahinga, ito ay dahil naging mapaghimagsik siya sa Diyos at hindi natugunan ang mga hinihingi ng Diyos. May angkop na hantungan ang lahat. Natutukoy ang mga hantungang ito ayon sa diwa ng bawat tao, at ganap na walang kinalaman sa ibang mga tao. Ang masamang pag-uugali ng isang bata ay hindi maililipat sa kanyang mga magulang, o hindi maibabahagi sa mga magulang ang pagkamatuwid ng isang bata. Hindi maililipat sa kanyang mga anak ang masamang pag-uugali ng isang magulang, o hindi maibabahagi sa kanyang mga anak ang pagkamatuwid ng isang magulang. Pinapasan ng lahat ang kani-kaniyang mga kasalanan, at tinatamasa ng lahat ang kani-kaniyang mga pagpapala. Walang sinuman ang maaaring maging panghalili sa isa pang tao; ito ang pagiging matuwid. Sa pananaw ng tao, kung tumatanggap ng mga pagpapala ang mga magulang, kung gayon ay dapat tumanggap din ang kanilang mga anak, at kung gumagawa ng masama ang mga anak, dapat magsisi ang kanilang mga magulang para sa mga kasalanang iyon. Isa itong pananaw ng tao at isang paraan ng tao sa paggawa ng mga bagay; hindi ito pananaw ng Diyos. Natutukoy ang kalalabasan ng lahat ayon sa diwang nagmumula sa kanilang asal, at palagi itong angkop na natutukoy. Walang sinumang makapapasan sa mga kasalanan ng iba; higit pa, walang sinumang makatatanggap ng kaparusahan na nauukol sa iba. Ito ay lubos. Ang mapagmahal na pag-aaruga ng isang magulang sa kanyang mga anak ay hindi nagpapahiwatig na makakaya niyang gampanan ang mga gawang matuwid sa halip ng kanyang mga anak, o ang masunuring pagkamagiliw ng isang anak sa kanyang mga magulang ay nangangahulugang makakaya niyang gampanan ang mga gawang matuwid sa halip ng kanyang mga magulang. Ito ang tunay na pakahulugan ng mga salitang, “Kung gayon ay magkakaroon ng dalawa sa larangan; ang isa ay kukunin, at ang isa ay iiwan. Maggigiling sa kiskisan ang dalawang babae; ang isa ay kukunin, at ang isa ay iiwan.” Hindi madadala ng mga tao sa pamamahinga ang mga anak nilang gumagawa ng masama batay sa malalim nilang pagmamahal sa kanila, o hindi madadala ng sinuman sa pamamahinga ang kanyang asawa batay sa matuwid nilang asal. Isa itong administratibong panuntunan; hindi maaaring magkaroon ng mga pagtatangi para sa sinuman. Sa huli, ang mga gumagawa ng pagkamatuwid ay mga gumagawa ng pagkamatuwid, at ang mga tagagawa ng masama ay mga tagagawa ng masama. Tutulutang makaligtas sa kalaunan ang mga matuwid, samantalang wawasakin ang mga tagagawa ng masama. Ang mga banal ay mga banal; hindi sila madumi. Ang madudumi ay madudumi, at walang isa mang bahagi nila ang banal. Ang mga taong wawasakin ay ang lahat ng masasama, at ang mga makaliligtas ay ang lahat ng mga matuwid—kahit pa gumaganap ng mga matuwid na gawa ang mga anak ng masasama, at kahit pa gumagawa ng masasamang gawa ang mga magulang ng mga matuwid. Walang ugnayan sa pagitan ng isang naniniwalang esposo at ng isang walang pananampalatayang esposa, at walang ugnayan sa pagitan ng mga naniniwalang anak at mga walang pananampalatayang magulang; ganap na hindi magkaayon ang dalawang uring ito ng mga tao. Bago pumasok sa pamamahinga, may pisikal na mga kamag-anak ang isang tao, ngunit sa sandaling pumasok sa pamamahinga ang isang tao, wala na siyang anumang pisikal na mga kamag-anak na masasabi. Yaong mga gumagawa ng kanilang tungkulin ay mga kaaway ng mga yaong hindi gumagawa ng kanilang tungkulin; yaong mga nagmamahal sa Diyos at yaong mga napopoot sa Kanya ay magkasalungat sa isa’t isa. Yaong mga papasok sa pamamahinga at yaong mga nawasak na ay dalawang di-magkaayong uri ng mga nilikha. Ang mga nilikha na tumutupad sa kanilang mga tungkulin ay magagawang makaligtas, habang yaong mga hindi tumutupad sa kanilang mga tungkulin ay magiging mga pakay ng pagkawasak; higit pa rito, magtatagal ito hanggang sa kawalang-hanggan. Minamahal mo ba ang iyong esposo upang matupad ang tungkulin mo bilang isang nilikhang nilalang? Minamahal mo ba ang iyong esposa upang tuparin ang tungkulin mo bilang isang nilikhang nilalang? Masunurin ka ba sa mga walang pananampalatayang magulang upang tuparin ang tungkulin mo bilang isang nilikhang nilalang? Tama ba o mali ang pananaw ng tao hinggil sa paniniwala sa Diyos? Bakit ka naniniwala sa Diyos? Ano ang nais mong makamit? Paano mo minamahal ang Diyos? Yaong mga hindi makatupad sa kanilang mga tungkulin bilang mga nilikhang nilalang, at hindi makagawa ng sagarang pagsisikap, ay magiging mga pakay ng pagkawasak. May mga pisikal na ugnayang umiiral sa pagitan ng mga tao ng ngayon, gayundin ang mga pagkakaugnay sa dugo, ngunit sa hinaharap, babasagin ang lahat ng ito. Hindi magkatugma ang mga mananampalataya at ang mga walang pananampalataya; bagkus ay magkasalungat sila sa isa’t isa. Yaong mga nasa pamamahinga ay maniniwala na may Diyos at magpapasakop sa Diyos, samantalang yaong mga mapaghimagsik laban sa Diyos ay pawang mawawasak. Hindi na iiral sa lupa ang mga pamilya; paano pa magkakaroon ng mga magulang o mga anak o mga ugnayan ng mag-asawa? Ang mismong hindi pagkakatugma ng paniniwala at kawalang-paniniwala ay lubos na papatid sa gayong mga pisikal na ugnayan!

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Papasok sa Pahinga ang Diyos at ang Tao Nang Magkasama

Sa sandaling pumasok sa pamamahinga ang sangkatauhan, nawasak na ang mga tagagawa ng masama at mapupunta sa tamang landas ang lahat ng sangkatauhan; makakasama ng lahat ng uri ng mga tao ang kanilang kauri alinsunod sa mga tungkulin na dapat nilang isakatuparan. Tanging ito ang magiging araw ng pamamahinga ng sangkatauhan, ito ang walang pagsalang magiging tunguhin para sa pagpapaunlad ng sangkatauhan, at tanging kapag nakapasok sa pamamahinga ang sangkatauhan maaabot ang pagtatapos ng dakila at huling mga tagumpay ng Diyos; ito ang magiging pangwakas na bahagi ng gawain Niya. Ang gawaing ito ang tatapos sa lahat ng bulok na buhay ng laman ng sangkatauhan, gayundin ang buhay ng tiwaling sangkatauhan. Simula roon, papasok ang mga tao sa isang bagong kinasasaklawan. Bagama’t mamumuhay sa laman ang lahat ng tao, magkakaroon ng mga makabuluhang kaibhan sa pagitan ng diwa ng buhay na ito at sa buhay ng tiwaling sangkatauhan. Nagkakaiba rin ang kabuluhan ng pag-iral na ito at ng pag-iral ng tiwaling sangkatauhan. Bagama’t hindi ito ang magiging buhay ng isang bagong uri ng tao, masasabi na buhay ito ng isang sangkatauhang tumanggap ng kaligtasan, at isang buhay na rin na kung saan nabawi na ang pagkatao at katwiran. Mga tao itong minsan nang naging mapaghimagsik laban sa Diyos, na nalupig na ng Diyos at pagkaraan ay iniligtas Niya; mga tao itong nagbigay-kahihiyan sa Diyos at pagkaraan ay nagpatotoo sa Kanya. Matapos silang sumailalim at makaligtas sa Kanyang pagsusulit, ang kanilang pag-iral ay magiging ang pinakamakahulugang pag-iral; mga tao silang nagpatotoo sa Diyos sa harap ni Satanas, at mga tao na akmang mabuhay. Yaong mga wawasakin ay ang mga hindi makayang magpatotoo sa Diyos at hindi akmang patuloy na mabuhay. Magiging bunga ng masama nilang pag-uugali ang kanilang pagkawasak, at ang gayong pagpuksa ang pinakamainam na hantungan para sa kanila. Sa hinaharap, kapag pumasok ang sangkatauhan sa marikit na dako, mawawala na ang mga ugnayan sa pagitan ng mag-asawa, sa pagitan ng ama at anak na babae, o sa pagitan ng ina at anak na lalaki na inaakala ng mga tao na kanilang matatagpuan. Sa oras na iyon, susundan ng bawat tao ang sarili niyang uri, at ang mga pamilya ay nabasag na. Dahil sa ganap na pagkabigo, hindi na muling gagambalain ni Satanas ang sangkatauhan, at hindi na magkakaroon ng mga tiwaling satanikong disposisyon ang mga tao. Nawasak na yaong mga mapaghimagsik na tao, at tanging ang mga tao na nagpapasakop ang mananatili. Sa gayon, kakaunting pamilya ang buong makaliligtas; paano makapagpapatuloy sa pag-iral ang mga pisikal na ugnayan? Lubos na ipagbabawal ang dating buhay sa laman ng sangkatauhan; paano makaiiral, kung gayon, ang mga pisikal na ugnayan sa pagitan ng mga tao? Kung walang mga tiwaling satanikong disposisyon, ang buhay ng tao ay hindi na magiging ang lumang buhay ng nakaraan, bagkus ay isang bagong buhay. Mawawalan ng mga anak ang mga magulang, at mawawalan ng mga magulang ang mga anak. Mawawalan ng esposa ang mga esposo, at mawawalan ng esposa ang mga esposo. Kasalukuyang umiiral ang mga pisikal na ugnayan sa pagitan ng mga tao, ngunit hindi na iiral ang mga ito sa sandaling pumasok sa pamamahinga ang lahat. Tanging ang ganitong uri ng sangkatauhan ang magtataglay ng pagkamatuwid at kabanalan; tanging ang ganitong uri ng sangkatauhan ang makasasamba sa Diyos.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Papasok sa Pahinga ang Diyos at ang Tao Nang Magkasama

Kaugnay na mga Video

Dulang Pang-entablado “Ang Labanan ng Pagpapatalsik sa Masamang Tao”

Kaugnay na mga Patotoong Batay sa Karanasan

Makita ang Aking mga Magulang sa Kung Sino Talaga Sila

Hindi Ako Nakapag-isip nang Malinaw Dahil sa Aking Pagmamahal

Kaugnay na mga Himno

Hindi ba Kayang Isantabi ng Tao ang Kanyang Laman sa Loob ng Maiksing Oras na Ito?

Pinagpapasyahan ng Diyos ang Kalalabasan ng mga Tao Ayon sa Kanilang Diwa

Sinundan: 17. Paano harapin ang karamdaman at pasakit

Sumunod: 19. Paano harapin ang pag-aasawa

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito