17. Paano harapin ang karamdaman at pasakit

Mga Salita ng Makapangyarihang Diyos ng mga Huling Araw

Una sa lahat, dapat maunawaan ng mga tao kung saan nanggagaling ang pighati ng kapanganakan, katandaan, sakit at kamatayan sa tanang buhay nila at kung bakit dinaranas ng tao ang mga bagay na ito. Hindi ba’t hindi umiiral ang mga ito nang unang likhain ang tao? Saan nanggaling ang mga pasakit na ito? Nagkaroon ng ganitong mga pasakit pagkatapos na tuksuhin at gawing tiwali ni Satanas ang tao at ang tao ay maging imoral. Ang kapighatian, mga problema, at kahungkagan ng laman ng tao, at lahat ng masasalimuot na bagay sa mundo ng tao—lumitaw lahat ito matapos gawing tiwali ni Satanas ang tao. Pagkatapos na gawing tiwali ni Satanas ang tao, sinimulan na ni Satanas na pahirapan ang tao, kaya lalo pang nalugmok ang tao, lalong tumindi ang kanyang sakit, lalong tumindi ang kanyang kapighatian, at lalo siyang nagkaroon ng pakiramdam na hungkag at miserable ang mundo, na imposibleng patuloy na mabuhay sa mundong ito, at na ang mabuhay sa mundong ito ay lalong nagiging walang kapag-a-pag-asa. Kaya ang pasakit na ito ay pawang dulot ni Satanas sa tao, at nangyari ito pagkatapos na gawing tiwali ni Satanas ang tao at ang tao ay maging imoral.

—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Kabuluhan ng Pagtikim ng Diyos ng Pagdurusa sa Mundo

May ilang tao na madalas magkasakit, ngunit gaano man sila manalangin sa Diyos, hindi pa rin sila gumagaling. Gaano man nila kagustong mawala ang karamdaman nila, hindi nila kaya. Minsan, maaari pa nga silang maharap sa mga agaw-buhay na sitwasyon at napipilitan sila na diretsong harapin ang mga ito. Sa katunayan, kung ang isang tao ay talagang may pananampalataya sa Diyos sa kanyang puso, una sa lahat, dapat ay alam niyang nasa mga kamay ng Diyos ang haba ng buhay ng isang tao. Ang panahon ng kapanganakan at kamatayan ng isang tao ay itinakda ng Diyos. Kapag nagbibigay ng karamdaman ang Diyos sa mga tao, may dahilan sa likod nito—may kabuluhan ito. Parang isa itong karamdaman sa kanila, ngunit, ang totoo, ang naipagkaloob sa kanila ay biyaya, hindi karamdaman. Una sa lahat, kailangang kilalanin at tiyakin ng mga tao ang katotohanang ito, at seryosohin ito. Kapag nagkakasakit ang mga tao, maaari silang lumapit nang madalas sa Diyos, at tiyakin na gawin nila ang nararapat, nang may kahinahunan at pag-iingat, at tratuhin ang kanilang tungkulin nang may higit na pag-iingat at kasipagan kaysa sa iba. Pagdating sa mga tao, ito ay isang proteksyon, hindi mga kadena. Ito ang negatibong paraan ng pamamahala sa mga bagay-bagay. Dagdag pa riyan, ang haba ng buhay ng lahat ng tao ay natukoy na ng Diyos noon pa man. Maaaring lumitaw na nakamamatay ang isang karamdaman mula sa pananaw ng isang doktor, ngunit sa pananaw ng Diyos, kung kailangan pa ring magpatuloy ang buhay mo at hindi mo pa oras, hindi ka maaaring mamatay kahit gusto mo. Kung nabigyan ka ng Diyos ng isang atas, at hindi pa tapos ang iyong misyon, hindi mo ikamamatay ang isang karamdaman na dapat ay nakamamatay—hindi ka pa kukuhain ng Diyos. Kahit hindi ka nagdarasal at naghahanap ng katotohanan, o hindi mo inaasikaso ang pagpapagamot sa iyong karamdaman, o kahit ipagpaliban mo ang iyong pagpapagamot, hindi ka mamamatay. Totoo ito lalo na sa mga taong nakatanggap ng atas mula sa Diyos: Kapag hindi pa tapos ang kanilang misyon, anumang karamdaman ang dumapo sa kanila, hindi sila dapat mamatay kaagad; dapat silang mabuhay hanggang sa huling sandali ng pagtatapos ng misyon. May ganito ka bang pananampalataya? Kung wala, mabababaw na panalangin lang ang iaalay mo sa Diyos at sasabihing, “Diyos ko! Kailangan kong matapos ang atas na ibinigay Mo sa akin. Nais kong gugulin ang mga huling araw ko nang tapat sa Iyo, nang sa gayon ay wala akong pagsisisihan. Dapat Mo akong protektahan!” Bagama’t ganito ka magdasal, kung wala kang inisyatibang hanapin ang katotohanan, hindi ka magkakaroon ng determinasyon at lakas na ipamuhay ang katapatan. Dahil hindi ka handang ibigay ang totoong kabayaran, madalas mong ginagamit ang ganitong uri ng palusot at ganitong paraan upang manalangin sa Diyos at makipagnegosasyon sa Kanya—ito ba ang taong naghahangad ng katotohanan? Kung pagagalingin ang iyong karamdaman, magagawa mo ba talaga nang maayos ang iyong tungkulin? Posibleng hindi. Ang katotohanan ay, kung nakikipagnegosasyon ka man upang mapagaling ang iyong karamdaman at hindi ka mamatay, o kung may iba ka pang intensyon o layunin dito, sa pananaw ng Diyos, kung kaya mong gawin ang iyong tungkulin at magagamit ka pa, kung nagpasya ang Diyos na gamitin ka, hindi ka mamamatay. Hindi mo magagawang mamatay kahit na gustuhin mo. Ngunit kung gagawa ka ng gulo, at gagawin mo ang lahat ng uri ng masamang gawa, at gagalitin ang disposisyon ng Diyos, mabilis kang mamamatay; iikli ang iyong buhay. Ang haba ng buhay ng lahat ng tao ay natukoy na ng Diyos bago pa man ang paglikha sa mundo. Kung magagawa nilang sundin ang mga pagsasaayos at pangangasiwa ng Diyos, kung may karamdaman man sila o wala, at kung nasa mabuti man o masamang lagay ang kanilang kalusugan, mabubuhay sila nang ayon sa bilang ng taon na itinakda ng Diyos. May ganito ka bang pananampalataya? Kung kinikilala mo lamang ito batay sa doktrina, wala kang tunay na pananampalataya, at walang kabuluhan ang pagsasabi ng mga salitang masarap pakinggan; kung kukumpirmahin mo mula sa kaibuturan ng iyong puso na gagawin ito ng Diyos, kusang magbabago ang iyong pagtingin at paraan ng pagsasagawa. Siyempre, ang mga tao ay dapat magkaroon ng praktikal na pag-iisip tungkol sa pangangalaga sa kanilang kalusugan habang nabubuhay sila, magkaroon man sila ng sakit o hindi. Ito ang likas na kaisipang ibinigay ng Diyos sa tao. Ito ang katwiran at praktikal na pag-iisip na dapat taglay ng isang tao sa malayang pagpapasya na ibinigay sa kanya ng Diyos. Kapag may sakit ka, dapat mong maunawaan ang ilang praktikal na kaisipan patungkol sa pangangalaga sa kalusugan at pagpapagamot para harapin ang karamdamang ito—ito ang dapat mong gawin. Gayunman, ang paggamot ng iyong karamdaman sa ganitong paraan ay hindi nangangahulugan ng paghamon sa haba ng buhay na itinakda ng Diyos para sa iyo, ni hindi ito isang garantiya na mabubuhay ka ayon sa haba ng buhay na naitakda Niya para sa iyo. Ano ang ibig sabihin nito? Maaari itong sabihin nang ganito: Sa pasibong pagtingin, kung hindi mo sineseryoso ang iyong karamdaman, kung ginagawa mo ang iyong tungkulin kung paano mo dapat gawin iyon, at nagpapahinga nang kaunti pa kaysa sa iba, kung hindi mo pa ipinagpapaliban ang iyong tungkulin, hindi lulubha ang iyong karamdaman, at hindi mo ikamamatay ito. Ang lahat ay nakadepende sa ginagawa ng Diyos. Sa madaling salita, sa pananaw ng Diyos, kung ang nakatakdang haba ng buhay mo ay hindi pa natatapos, kahit magkasakit ka, hindi ka Niya tutulutang mamatay. Kung may lunas ang iyong karamdaman, ngunit dumating na ang iyong takdang oras, kukunin ka ng Diyos kailan man Niya naisin. Hindi ba ito ganap na nakadepende sa awa ng pag-iisip ng Diyos? Nasa awa ito ng Kanyang pagtatakda! Ganito mo dapat tingnan ang bagay na ito. Maaari mong gawin ang iyong bahagi at magpunta ka sa doktor, uminom ng gamot, pangalagaan ang iyong kalusugan, at mag-ehersisyo, ngunit kailangan mong maunawaan sa iyong kaibuturan na ang buhay ng tao ay nasa mga kamay ng Diyos, at ang haba ng buhay ng isang tao ay itinatakda ng Diyos at walang sinumang maaaring mangibabaw sa itinakda na ng Diyos. Kung wala kang taglay kahit kaunti ng pag-unawang ito, talagang wala kang pananampalataya, at hindi ka talaga naniniwala sa Diyos.

—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi

Ang Makapangyarihang Diyos, ang Pinuno ng lahat ng bagay, ay gumagamit ng Kanyang kapangyarihan bilang hari mula sa Kanyang luklukan. Namumuno Siya sa sansinukob at sa lahat ng bagay, at ginagabayan Niya tayo sa buong daigdig. Maging malapit tayo sa Kanya sa bawat sandali, at lumapit sa Kanya nang tahimik, nang hindi pinalalampas kailanman ni isang sandali, at may mga aral tayong dapat matutuhan sa lahat ng oras. Lahat, mula sa nakapalibot na kapaligiran hanggang sa mga tao, usapin, at bagay, ay umiiral sa pahintulot ng Kanyang luklukan. Huwag hayaang magkaroon ng hinaing sa inyong puso sa anumang dahilan, kung hindi ay hindi ipagkakaloob sa iyo ng Diyos ang Kanyang biyaya. Kapag dumapo ang karamdaman, ito ay pagmamahal ng Diyos, at tiyak na ang Kanyang mabuting kalooban ay nakapaloob dito. Bagama’t maaaring medyo nahihirapan ang iyong katawan, huwag kang tumanggap ng mga ideya mula kay Satanas. Purihin ang Diyos sa gitna ng iyong karamdaman at tamasahin ang Diyos sa gitna ng iyong papuri. Huwag mawalan ng pag-asa kapag nagkaroon ka ng karamdaman, patuloy na maghanap nang maghanap at huwag susuko, at tatanglawan at bibigyang-liwanag ka ng Diyos. Gaano ba ang pananampalataya ni Job? Ang Makapangyarihang Diyos ay isang manggagamot na makapangyarihan sa lahat! Ang manahan sa karamdaman ay ang magkasakit, subalit ang manahan sa espiritu ay ang gumaling. Hangga’t may natitira kang hininga, hindi ka hahayaan ng Diyos na mamatay.

Nasa ating kalooban ang muling nabuhay na buhay ni Cristo. Hindi maikakaila na kulang ang ating pananampalataya sa presensya ng Diyos: Nawa’y pagkalooban tayo ng Diyos ng tunay na pananampalataya sa ating kalooban. Tunay ngang matamis ang salita ng Diyos! Ang salita ng Diyos ay mabisang gamot! Ipinapahiya nito ang mga diyablo at si Satanas! Ang pag-unawa sa salita ng Diyos ay nagbibigay sa atin ng suporta. Mabilis na kumikilos ang Kanyang salita para iligtas ang ating puso! Iwinawaksi nito ang lahat ng bagay at pinapayapa ang lahat. Ang pananampalataya ay parang isang trosong tulay: Yaong mga nakakapit nang mahigpit sa buhay ay mahihirapang tumawid dito, ngunit yaong mga handang isakripisyo ang kanilang sarili ay makakatawid, nang hindi nahuhulog at walang pangamba. Kung ang tao ay nagkikimkim ng mga mahiyain at matatakuting saloobin, iyon ay dahil naloko siya ni Satanas, natatakot na tatawirin natin ang tulay ng pananampalataya upang makapasok sa Diyos. Sinusubukan ni Satanas ang lahat ng posibleng paraan para ipadala sa atin ang mga ideya nito. Dapat nating ipanalangin sa Diyos sa bawat sandali na tanglawan at bigyang-liwanag tayo, umasa sa Diyos sa bawat sandali na alisin ang lason ni Satanas mula sa ating kalooban, magsagawa sa ating espiritu sa bawat sandali kung paano mapalapit sa Diyos, at hayaang magkaroon ang Diyos ng kapamahalaan sa ating buong katauhan.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pagbigkas ni Cristo sa Pasimula, Kabanata 6

Paano mo dapat danasin ang karamdaman kapag dumarating ito? Dapat kang lumapit sa Diyos at magdasal, maghanap at mag-apuhap sa layunin ng Diyos; dapat mong suriin ang iyong sarili para malaman kung ano ang nagawa mong salungat sa katotohanan, at kung ano ang katiwaliang nasa iyo na hindi pa nalulutas. Hindi malulutas ang iyong tiwaling disposisyon nang hindi ka sumasailalim sa pagdurusa. Sa pagpapatatag lang ng pagdurusa hindi magiging imoral ang mga tao, at makakapamuhay sa harap ng Diyos sa lahat ng oras. Kapag nagdurusa ang isang tao, palagi siyang nagdarasal. Hindi niya naiisip ang mga kasiyahan ng pagkain, pananamit, at iba pang kasiyahan; palagi siyang nagdarasal sa kanyang puso, sinusuri ang kanyang sarili para malaman kung may mali siyang nagawa o kung saan siya maaaring nakasalungat sa katotohanan. Karaniwan, kapag humaharap ka sa isang malubhang karamdaman o kakaibang sakit na nagdudulot sa iyo ng matinding pagdurusa, hindi ito nagkataon lang. May karamdaman ka man o nasa mabuting kalusugan, naroon ang layunin ng Diyos. Kapag gumagawa ang Banal na Espiritu at maayos ang katawan mo, karaniwan ay kaya mong hanapin ang Diyos, pero tumitigil ka sa paghahanap sa Diyos kapag nagkakasakit at nagdurusa ka, ni hindi mo rin alam kung paano Siya hanapin. Nabubuhay ka sa karamdaman, palaging pinag-iisipan kung ano ang gamutang mas mabilis na makapagpapagaling sa iyo. Naiinggit ka sa mga taong walang sakit sa ganitong mga pagkakataon, at gusto mong mawala ang iyong karamdaman at paghihirap sa lalong madaling panahon. Mga negatibo at mapanlabang emosyon ang mga ito. Kapag nagkakasakit ang mga tao, minsan ay iniisip nilang, “Idinulot ko ba ang karamdamang ito sa pamamagitan ng sarili kong kamangmangan, o layunin ba ito ng Diyos?” Hindi talaga nila ito mapag-isipan. Sa katunayan, normal naman ang ilang karamdaman, ang mga bagay na tulad ng panginginig, pamamaga, o trangkaso. Kapag pinahihirapan ka ng isang matinding karamdaman na biglaang nagpapabagsak sa iyo, na mas gugustuhin mo pang mamatay kaysa magdusa, ang gayong karamdaman ay hindi nagkakataon lang. Nagdarasal ka ba sa Diyos at naghahanap mula sa Kanya kapag nahaharap ka sa karamdaman at pagdurusa? Paano ka ginagabayan at inaakay ng gawain ng Banal na Espiritu? Binibigyang-liwanag at tinatanglawan ka lang ba Niya? Hindi lang iyon ang Kanyang pamamaraan; susubukin at pipinuhin ka rin Niya. Paano sinusubok ng Diyos ang mga tao? Hindi ba’t sinusubok Niya ang mga tao sa pamamagitan ng pagdudulot ng pagdurusa sa kanila? Kaakibat ng pagdurusa ang pagsubok. Kung hindi dahil sa mga pagsubok, paano magdurusa ang mga tao? At kung walang pagdurusa, paano makapagbabago ang mga tao? Kaakibat ng pagdurusa ang pagsubok—iyon ang gawain ng Banal na Espiritu. Kung minsan ay binibigyan ng Diyos ang mga tao ng kaunting pagdurusa dahil kung hindi ay hindi nila malalaman ang lugar nila sa sansinukob, at magiging walang-galang sila. Hindi lubos na malulutas ang isang tiwaling disposisyon sa pamamagitan lang ng pagbabahagi sa katotohanan. Maaaring sabihin sa iyo ng iba ang mga problema mo, at maaaring alam mo rin mismo ang mga iyon, pero hindi mo mababago ang mga iyon. Kahit gaano ka pa umasa sa iyong determinasyong pigilan ang iyong sarili, kahit ang pagsampal sa sarili mong mukha, pagbatok sa iyong sarili, pagbangga sa pader, at pagpinsala sa sarili mong laman ay hindi makalulutas sa iyong mga problema. Dahil may satanikong disposisyon sa loob mo na palaging nagpapahirap, nanggugulo, at nagpapaisip sa iyo ng lahat ng uri ng kaisipan at ideya, ang iyong tiwaling disposisyon ay mabubunyag. Kung gayon, ano ang gagawin mo kung hindi mo ito malutas? Kailangan kang pinuhin sa pamamagitan ng karamdaman. May ilang taong sa labis na pagdurusa sa pagpipinong ito ay hindi ito nakakayanan, at nagsisimula silang magdasal at maghanap. Kapag wala kang karamdaman, masyado kang imoral at labis na mapagmataas. Kapag nagkakasakit ka, napipilitan kang sumunod—kaya mo pa rin bang maging labis na mapagmataas sa oras na iyon? Kapag halos wala kang sapat na lakas para magsalita, makapagsesermon ka pa ba sa iba o makapagmamataas? Sa mga pagkakataong tulad niyon, hindi ka humihingi ng mga bagay-bagay; hinihiling mo lang na mawala ang iyong pagdurusa, na hindi iniisip ang anumang pagkain, damit, o kasiyahan. Karamihan sa inyo ay hindi pa iyon nararamdaman, pero mauunawaan ninyo iyon kapag naramdaman na ninyo. Sa ngayon ay may ilang taong nakikipaglaban para sa posisyon, para sa mga kasiyahan ng laman, at para sa mga sarili nilang interes. Ang lahat ng ito ay dahil masyado silang komportable, masyadong kaunti ang kanilang pagdurusa, at sila ay nahahamak. Paghihirap at pagpipino ang nasa hinaharap ng mga taong ito!

Kung minsan, magsasaayos ang Diyos ng ilang sitwasyon para sa iyo, pinupungusan ka sa pamamagitan ng mga tao sa paligid mo at pinagdurusa ka, nagtuturo sa iyo ng mga aral at nagbibigay-daan sa iyo na maunawaan ang katotohanan at makita kung ano talaga ang mga bagay-bagay. Ginagawa na ng Diyos ang gawaing ito ngayon, sa paglalakip ng pagdurusa sa iyong laman para matuto ka ng aral, malutas ang iyong tiwaling disposisyon at matupad ang iyong tungkulin nang maayos. Madalas sabihin ni Pablo na mayroong tinik sa kanyang laman. Ano ang tinik na ito? Isa itong karamdaman, at hindi niya ito matatakasan. Alam na alam niya kung ano ang karamdamang ito, na patungkol ito sa kanyang disposisyon at kalikasan. Kung hindi nanatili sa kanya ang tinik na ito, kung hindi siya sinundan ng karamdamang ito, maaaring, sa anumang lugar at sandali, magtatag siya ng sarili niyang kaharian, ngunit sa karamdamang ito ay hindi siya nagkaroon ng lakas para doon. Samakatwid, kalimitan, ang karamdaman ay isang uri ng “pananggalang na payong” para sa mga tao. Kung wala kang karamdaman, bagkus ay nag-uumapaw sa sigla, malamang na makagawa ka ng kung anong uri ng kasamaan at makapagdulot ng kung anong uri ng problema. Madaling mawala ang katwiran ng mga tao kapag sila ay lubhang mapagmataas at imoral. Pagsisisihan nila kapag nakagawa sila ng kasamaan, pero sa sandaling iyon ay hindi na nila matutulungan ang kanilang sarili. Iyon ang dahilan kung bakit ang pagkakaroon ng kaunting karamdaman ay isang mabuting bagay, isang proteksyon para sa mga tao. Maaaring malutas mo ang lahat ng problema ng ibang tao at maaayos mo ang lahat ng problema sa sarili mong pag-iisip, pero wala kang magagawa kapag hindi ka pa gumagaling sa isang karamdaman. Ang pagkakasakit ay talagang wala sa iyong kontrol. Kung magkakasakit ka at imposible itong magamot, iyon ang pagdurusang dapat mong tiisin. Huwag mong subukang alisin ito; kailangan mo munang magpasakop, magdasal sa Diyos, at hanapin ang mga pagnanais ng Diyos. Sabihin mo: “O Diyos, alam kong ako ay tiwali at masama ang aking kalikasan. Kaya kong gumawa ng mga bagay na mapaghimagsik at mapanlaban sa Iyo, mga bagay na nakasasakit at nagdudulot sa Iyo ng kirot. Nakatutuwang ibinigay Mo sa akin ang karamdamang ito. Dapat akong magpasakop dito. Pakiusap, bigyang-liwanag Mo ako, pahintulutan Mo akong maunawaan kung ano ang layunin Mo, at kung ano ang gusto Mong baguhin at gawing perpekto sa akin. Hiling ko lang na patnubayan Mo ako, para maunawaan ko ang katotohanan at matahak ko ang tamang landas ng buhay.” Kailangan mong maghanap at magdasal. Hindi ka puwedeng maguluhan, sa paniniwalang walang anuman ang pagkakasakit, na hindi maaaring ito ang disiplinang iyong hinaharap dahil sa pagsalungat sa Diyos. Huwag kang padalos-dalos sa paghusga. Kung isa ka talagang taong nasa puso ang Diyos, anuman ang iyong makaharap, huwag mong hayaang makalagpas ito sa iyo. Dapat kang magdasal at maghanap, makiramdam sa pagnanais ng Diyos sa bawat bagay, at matutong magpasakop sa Diyos. Kapag nakikita ng Diyos na kaya mong magpasakop at na mayroon kang pusong nagpapasakop sa Diyos, iibsan Niya ang iyong pagdurusa. Nakakamit ng Diyos ang gayong mga epekto sa pamamagitan ng pagdurusa at pagpipino.

—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Sa Pananampalataya sa Diyos, Pinakamahalaga ang Pagkakamit ng Katotohanan

Ang ilang tao ay may matinding karamdaman at hindi matiis na pagdurusa, ang ilan ay nahaharap pa sa kamatayan. Paano nila dapat harapin ang ganitong uri ng sitwasyon? Sa maraming pagkakataon, ang mga pagsubok ng Diyos ay mga pasaning ibinibigay Niya sa mga tao. Gaano man kabigat ang pasaning ipinagkaloob sa iyo ng Diyos, iyon ang bigat ng pasaning dapat mong isagawa, sapagkat nauunawaan ka ng Diyos, at alam Niya na kakayanin mo iyon. Ang pasaning bigay sa iyo ng Diyos ay hindi hihigit sa iyong tayog o sa mga limitasyon ng iyong pagtitiis, kaya walang duda na makakayanan mong tiisin iyon. Anumang uri ng pasanin ang ibinibigay sa iyo ng Diyos, anumang uri ng pagsubok, tandaan mo ang isang bagay: Nauunawaan mo man o hindi ang mga layunin ng Diyos at binibigyang-liwanag at tinatanglawan ka man o hindi ng Banal na Espiritu pagkatapos mong manalangin, dinidisiplina o binabalaan ka man ng Diyos sa pagsubok na ito o hindi, hindi mahalaga kung hindi mo ito nauunawaan. Basta’t hindi ka nagpapaliban sa pagganap sa iyong tungkulin at tapat mong napanghahawakan ang iyong tungkulin, malulugod ang Diyos, at maninindigan ka sa iyong patotoo. Habang nakikitang nagdurusa sila mula sa malubhang karamdaman at mamamatay na, iniisip ng ilang tao sa kanilang sarili: “Nagsimula akong maniwala sa Diyos para maiwasan ang kamatayan—ngunit lumalabas na kahit pagkatapos ng maraming taong ito ng pagganap sa aking tungkulin, hahayaan Niya akong mamatay. Dapat kong pangasiwaan ang sarili kong kapakanan, gawin ang mga bagay na matagal ko nang gustong gawin, at tamasahin ang mga bagay na hindi ko pa natatamasa sa buhay. Maaari kong ipagpaliban ang aking tungkulin.” Anong pag-uugali ito? Ilang taon mo nang ginagawa ang iyong tungkulin, nakinig ka na sa lahat ng sermon na ito, at hindi mo pa rin nauunawaan ang katotohanan. Ibinabagsak ka, pinaluluhod ka, at inilalantad ka ng isang pagsubok. Karapat-dapat bang pangalagaan ng Diyos ang gayong tao? (Hindi siya karapat-dapat.) Ganap silang walang katapatan. Kaya ano ang tawag sa tungkuling ilang taon na nilang ginagampanan? Tinatawag itong “pagtatrabaho,” at ipinagpipilitan na lamang nila ang kanilang sarili. Kung, sa iyong pananampalataya sa Diyos at paghahangad sa katotohanan, nasasabi mong, “Anumang karamdaman o kasuklam-suklam na pangyayari ang itulot ng Diyos na sumapit sa akin—anuman ang gawin ng Diyos—kailangan kong magpasakop, at manatili sa aking lugar bilang isang nilalang. Bago ang lahat, kailangan kong isagawa ang aspektong ito ng katotohanan—ang pagpapasakop—dapat ko itong ipatupad, at isabuhay ang realidad ng pagpapasakop sa Diyos. Bukod pa rito, hindi ko dapat isantabi ang inatas sa akin ng Diyos at ang tungkuling dapat kong gampanan. Kahit sa aking huling hininga, kailangan kong panghawakan ang aking tungkulin,” hindi ba ito pagpapatotoo? Kapag mayroon kang ganitong uri ng pagpapasya at ganitong uri ng kalagayan, nagagawa mo pa bang magreklamo tungkol sa Diyos? Hindi, hindi mo nagagawa. Sa gayong pagkakataon, iisipin mo sa iyong sarili, “Ibinibigay sa akin ng Diyos ang hiningang ito, tinustusan at pinrotektahan Niya ako sa nagdaang mga taon, inalis Niya mula sa akin ang labis na sakit, binigyan ako ng maraming biyaya, at maraming katotohanan. Naunawaan ko na ang mga katotohanan at hiwaga na hindi naunawaan ng mga tao sa maraming henerasyon. Napakarami kong nakamit mula sa Diyos, kaya kailangan kong suklian ang Diyos! Dati-rati, napakababa ng tayog ko, wala akong naunawaan, at lahat ng ginawa ko ay masakit sa Diyos. Maaaring wala na akong ibang pagkakataon para suklian ang Diyos sa hinaharap. Gaano man kahabang panahon ang natitira sa akin para mabuhay, kailangan kong ilaan ang kaunting lakas na taglay ko at gawin ang aking makakaya para sa Diyos, upang makita ng Diyos na lahat ng taon ng paglalaan Niya para sa akin ay hindi nawalan ng saysay, kundi nagkaroon ng bunga. Hayaang maghatid ako ng kapanatagan sa Diyos, at hindi ko na Siya saktan o biguin.” Mag-isip ka kaya nang ganito? Huwag mong isipin kung paano iligtas ang sarili mo o tumakas, na iniisip, “Kailan gagaling ang karamdamang ito? Kapag gumaling ito, gagawin ko ang aking makakaya para gampanan ang aking tungkulin at maging matapat. Paano ako magiging matapat kapag may karamdaman ako? Paano ko magagampanan ang tungkulin ng isang nilalang?” Hangga’t mayroon kang isang hininga, hindi mo ba kayang gampanan ang iyong tungkulin? Hangga’t mayroon kang isang hininga, kaya mo bang hindi maghatid ng kahihiyan sa Diyos? Hangga’t mayroon kang isang hininga, hangga’t matino ang iyong pag-iisip, kaya mo bang hindi magreklamo tungkol sa Diyos? (Oo.) Madaling sabihing “Oo” ngayon, ngunit hindi iyon magiging napakadali kapag nangyayari talaga ito sa iyo. Kaya nga, kailangan ninyong hangarin ang katotohanan, madalas na magsumikap sa katotohanan, at gumugol ng mas maraming oras sa pag-iisip ng, “Paano ko mapapalugod ang mga layunin ng Diyos? Paano ko masusuklian ang pagmamahal ng Diyos? Paano ko magagawa ang tungkulin ng isang nilalang?” Ano ang isang nilalang? Ang responsabilidad ba ng isang nilalang ay makinig lamang sa mga salita ng Diyos? Hindi—iyon ay ang isabuhay ang mga salita ng Diyos. Binigyan ka na ng Diyos ng napakaraming katotohanan, napakaraming daan, at napakaraming buhay, para maisabuhay mo ang mga bagay na ito, at magpatotoo ka sa Kanya. Ito ang dapat gawin ng isang nilalang, at ito ang responsabilidad at obligasyon mo. Dapat mong pagnilayan nang madalas ang mga bagay na ito; kung lagi mong pagninilayan ang mga ito, lalalim ang pagkaunawa mo sa lahat ng aspekto ng katotohanan.

—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Sa Madalas na Pagbabasa Lamang ng mga Salita ng Diyos at Pagninilay sa Katotohanan Magkakaroon ng Daan Pasulong

May ibang tao na ginagawa ang lahat ng puwedeng gawin, gumagamit ng samu’t saring paraan upang magamot ang kanilang mga karamdaman, ngunit anumang paggamot ang gawin, hindi sila gumagaling. Habang lalo silang ginagamot, lalong lumalala ang karamdaman. Sa halip na manalangin sa Diyos upang malaman kung ano mismo ang nangyayari sa sakit, at hanapin ang pinag-uugatan nito, inilalagay nila ang mga bagay sa sarili nilang mga kamay. Nauuwi sila sa paggamit ng napakaraming paraan at paggastos nang malaki, ngunit hindi pa rin gumagaling ang kanilang sakit. Pagkatapos, kapag sinukuan na nila ang gamutan, kusang gumagaling ang karamdaman nang hindi inaasahan paglipas ng ilang panahon, at hindi nila alam kung paano ito nangyari. May ilang taong nagkakaroon ng hindi kapansin-pansing sakit at hindi talaga nila ito inaalala, ngunit isang araw lumala ang kondisyon nila at bigla na lang silang namatay. Anong nangyayari doon? Hindi iyon maarok ng mga tao; sa katunayan, mula sa pananaw ng Diyos, ito ay dahil tapos na ang misyon ng taong iyon sa mundong ito, kaya kinuha na Niya ito. Madalas sinasabi ng mga tao, “Hindi mamamatay ang mga tao kung wala silang sakit.” Totoo ba talaga iyon? May mga tao na, pagkatapos masuri sa ospital, ay napag-alamang walang sakit. Talagang malusog sila ngunit namatay rin sila makalipas ang ilang araw. Ang tawag dito ay pagkamatay nang walang sakit. Maraming ganoong tao. Ibig sabihin nito, umabot na ang isang tao sa dulo ng kanyang buhay, at bumalik na siya sa espirituwal na mundo. May ilang taong nakaligtas sa kanser at tuberkulosis at umabot pa hanggang pitumpu o walumpung taong gulang. May ilang ganoong tao. Ang lahat ng ito ay nakadepende sa mga ordinasyon ng Diyos. Ang pagkakaroon ng ganitong pagkaunawa ay tunay na pananampalataya sa Diyos. Kung may pisikal kang karamdaman at kailangan mong uminom ng gamot upang mapamahalaan ang iyong kondisyon, dapat kang uminom ng gamot o regular na mag-ehersisyo, nagpapahinga at kalmado itong pinangangasiwaan. Anong uri ng saloobin ito? Ang saloobing ito ay tunay na pananampalataya sa Diyos. Sabihin nating hindi mo iniinom ang gamot mo, hindi ka nagpapaturok, hindi ka nag-eehersisyo, hindi mo inaalagaan ang iyong kalusugan, at pagkatapos ay alalang-alala ka pa rin, nananalangin sa lahat ng oras: “O, Diyos ko, kailangan kong magampanan nang wasto ang aking mga tungkulin, hindi pa natatapos ang aking misyon, hindi pa ako handang mamatay. Nais kong maisakatuparan ang aking mga tungkulin at matapos ang Iyong ibinigay na gawain. Kung mamamatay ako, hindi ko matatapos ang ibinigay Mong gawain. Ayokong may pagsisihan. Diyos ko, pakiusap, pakinggan Mo ang aking mga panalangin; hayaan Mo akong mabuhay nang sa gayon ay maisakatuparan ko ang aking mga tungkulin at matapos ang ibinigay Mong gawain. Nais kong papurihan Ka magpakailanpaman at makita ang araw ng Iyong kaluwalhatian sa lalong madaling panahon.” Ang nakikita sa panlabas ay hindi ka umiinom ng gamot o nagpapaturok, at mukhang napakalakas mo at puno ka ng pananampalataya sa Diyos. Ang totoo ay mas maliit pa sa binhi ng mustasa ang iyong pananampalataya. Takot na takot ka, at wala kang pananampalataya sa Diyos. Bakit wala kang pananampalataya? Paano ito nangyari? Talagang hindi nauunawaan ng mga tao ang saloobin, mga prinsipyo, at mga paraan ng pakikitungo ng Lumikha sa Kanyang mga nilikha, kaya ginagamit nila ang kanilang sariling limitadong pananaw, kuru-kuro, at imahinasyon upang hulaan kung ano ang gagawin ng Diyos. Gusto nilang makipagpustahan sa Diyos upang makita kung pagagalingin ba sila ng Diyos at hahayaan silang mabuhay nang matagal. Hindi ba’t kahangalan ito? Kung papayagan ka ng Diyos na mabuhay, hindi ka mamamatay kahit na gaano pa kalala ang maging sakit mo. Kung hindi ka papayagan ng Diyos na mabuhay, kahit na wala kang sakit, mamamatay ka pa rin kung iyon ang nakatakda. Ang haba ng iyong buhay ay itinakda na ng Diyos. Tunay na kaalaman at tunay na pananampalataya ang malaman ito. Kaya, hinahayaan lang ba ng Diyos na magkasakit ang mga tao? Hindi iyon nagkataon; isang paraan iyon upang dalisayin ang kanilang pananampalataya. Paghihirap iyon na dapat na tiisin ng mga tao. Kung hahayaan Niyang magkasakit ka, huwag mong subukang takasan iyon; kung hindi naman, huwag mong hilingin iyon. Lahat ay nasa mga kamay ng Lumikha, at kailangang matutunan ng mga tao na hayaang dumaloy nang normal ang kalikasan. Ano ang kalikasan? Walang anumang bagay sa kalikasan ang nagkataon lamang; lahat ng iyon ay nagmumula sa Diyos. Ito ang totoo. Sa mga magkakapareho ang karamdaman, ang ilan ay namamatay at ang iba naman ay nabubuhay; lahat ng ito ay itinakda na ng Diyos. Kung mabubuhay ka, nagpapatunay iyon na hindi mo pa natatapos ang misyong ibinigay sa iyo ng Diyos. Dapat mong pagsumikapang tapusin iyon, at pahalagahan ang pagkakataong iyon; huwag mong sayangin iyon. Ganito iyon. Kung maysakit ka, huwag mong subukang takasan iyon, at, kung wala ka namang sakit, huwag mong hilingin iyon. Sa anumang bagay, hindi mo makukuha ang gusto mo sa paghiling lamang nito, ni hindi mo matatakasan ang anuman dahil lamang sa gusto mo. Walang sinumang maaaring magpabago sa anumang naipasiyang gawin ng Diyos.

—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi

Ang ilang tao ay laging nag-aalala sa kanilang sakit, sinasabing, “Kakayanin ko ba kung lulubha ang sakit ko? Kung lalala ang kondisyon ko, ikamamatay ko ba ito? Kakailanganin ko bang magpaopera? At kung magpapaopera ako, mamamatay ba ako habang inooperahan? Nagpasakop na ako. Babawiin ba ng Diyos ang buhay ko dahil sa sakit na ito?” Ano ang silbi ng pag-iisip ng mga bagay na ito? Kung hindi mo maiwasang isipin ang mga bagay na ito, dapat kang manalangin sa Diyos. Walang saysay na umasa sa iyong sarili, tiyak na hindi mo ito kakayanin. Walang gustong magtiis ng karamdaman, at walang taong napapangiti, nagagalak nang husto, at nagdiriwang kapag siya ay nagkakasakit. Walang taong ganito dahil hindi ito normal na pagkatao. Kapag nagkakasakit ang mga normal na tao, palagi silang nagdurusa at nalulungkot, at may limitasyon ang kaya nilang tiisin. Subalit may isang bagay na dapat tandaan: Kung palagi na lang iniisip ng mga tao na umasa sa kanilang sariling lakas kapag may sakit sila para mawala ang kanilang sakit at maalpasan nila ito, ano ang magiging resulta sa huli? Bukod sa kanilang pagkakasakit, hindi ba’t mas lalo pa silang magdurusa at malulungkot? Kaya habang mas nababalot ng sakit ang mga tao, mas dapat nilang hanapin ang katotohanan, at mas dapat nilang hanapin ang paraan ng pagsasagawa upang maging ayon sa mga layunin ng Diyos. Habang mas nababalot ng sakit ang mga tao, mas dapat silang lumapit sa Diyos at kilalanin ang kanilang sariling katiwalian at ang mga hinihingi nila sa Diyos na hindi makatwiran. Habang mas nababalot ka ng sakit, mas nasusubok ang iyong tunay na pagpapasakop. Kaya naman, kapag ikaw ay may sakit, ang iyong abilidad na patuloy na magpasakop sa mga pamamatnugot ng Diyos at maghimagsik laban sa iyong mga reklamo at hindi makatwirang mga hinihingi ay nagpapakita na ikaw ay tunay na naghahangad sa katotohanan at tunay na nagpapasakop sa Diyos, na ikaw ay nagpapatotoo, na ang iyong katapatan at pagpapasakop sa Diyos ay totoo at makapapasa sa pagsubok, at na ang iyong katapatan at pagpapasakop sa Diyos ay hindi lamang mga islogan at doktrina. Ito ang dapat isagawa ng mga tao kapag sila ay nagkakasakit. Kapag ikaw ay may sakit, ito ay upang ilantad ang lahat ng iyong hindi makatwirang mga hinihingi at iyong hindi makatotohanang mga imahinasyon at kuru-kuro tungkol sa Diyos, at ito rin ay upang subukin ang iyong pananampalataya sa Diyos at pagpapasakop sa Kanya. Kung papasa ka sa pagsubok na may ganitong mga bagay, mayroon kang tunay na patotoo at tunay na ebidensya sa iyong pananampalataya sa Diyos, katapatan sa Kanya, at pagpapasakop sa Kanya. Ito ang nais ng Diyos, at ito ang dapat taglayin at ipamuhay ng isang nilikha. Hindi ba’t pawang positibo ang mga bagay na ito? (Oo.) Ang lahat ng ito ay mga bagay na dapat hangarin ng mga tao. Bukod dito, kung tinutulutan ka ng Diyos na magkasakit, hindi ba’t maaari din Niyang bawiin ang iyong sakit anumang oras at saanmang lugar? (Oo.) Kayang bawiin ng Diyos ang iyong sakit anumang oras at saanmang lugar, kaya hindi ba’t kaya rin Niyang panatilihin ang sakit sa iyong katawan at hindi ito kailanman mawala? (Oo.) At kung idudulot ng Diyos na hindi mawala ang mismong sakit na ito sa iyo kailanman, magagampanan mo pa ba ang iyong tungkulin? Kaya mo bang panatilihin ang iyong pananampalataya sa Diyos? Hindi ba’t ito ay isang pagsubok? (Oo.) Kung ikaw ay magkakasakit at gagaling pagkatapos ng ilang buwan, hindi nasusubok ang iyong pananampalataya sa Diyos at ang iyong katapatan at pagpapasakop sa Kanya, at ikaw ay walang patotoo. Madaling magtiis ng sakit sa loob ng ilang buwan, ngunit kung ang iyong sakit ay magtatagal nang dalawa o tatlong taon, at ang iyong pananampalataya at ang iyong pagnanais na maging mapagpasakop at tapat sa Diyos ay hindi magbabago, bagkus ay lalo pa ngang magiging totoo, hindi ba’t ito ay nagpapakita na ikaw ay lumago na sa buhay? Hindi ba’t ikaw ang aani nito? (Oo.) Kaya, habang ang isang taong tunay na naghahangad sa katotohanan ay may sakit, siya ay sumasailalim at personal na dumaranas ng maraming pakinabang na dulot ng kanyang pagkakasakit. Hindi siya balisang nagsisikap na maalpasan ang kanyang karamdaman o nag-aalala kung ano ba ang magiging resulta kung magtatagal ang kanyang karamdaman, kung anong mga problema ang idudulot nito, kung lalala ba ito, o kung mamamatay ba siya—hindi siya nag-aalala sa mga bagay na ito. Bukod sa hindi siya nag-aalala sa mga bagay na ito, nagagawa niyang makapasok nang positibo, at magkaroon ng tunay na pananampalataya sa Diyos, at maging tunay na mapagpasakop at tapat sa Kanya. Sa pagsasagawa sa ganitong paraan, siya ay nagkakaroon ng patotoo, at ito rin ay lubos na nakakatulong sa kanyang buhay pagpasok at pagbabago ng disposisyon, at nagtatatag ng matibay na pundasyon para sa kanyang pagkakamit ng kaligtasan. Napakaganda niyon! Bukod dito, maaaring malubha o simple lamang ang sakit, ngunit ito man ay malubha o simple ay palagi nitong pinipino ang mga tao. Pagkatapos dumanas ng karamdaman, hindi nawawala ang pananampalataya ng mga tao sa Diyos, sila ay mapagpasakop at hindi nagrereklamo, ang kanilang ugali ay katanggap-tanggap sa pangkalahatan, at may naaani sila pagkatapos nilang gumaling at lubos silang nasisiyahan—ito ang nangyayari kapag ang mga tao ay nakakaranas ng karaniwang sakit. Hindi sila nagkakasakit nang matagal at nakakaya nilang tiisin ito, at ang sakit ay nasa saklaw ng kanilang kayang tiisin. Gayunpaman, mayroong ilang sakit na bumabalik at lumalala kahit bumuti na ito pagkatapos gamutin nang ilang panahon. Ito ay nangyayari nang paulit-ulit, hanggang sa ang sakit ay umabot na sa antas na hindi na ito magagamot pa, at ang lahat ng paraang mayroon ang modernong medisina ay wala na ring bisa. Ano ang antas na nararating ng karamdaman? Nararating nito ang antas kung saan ang taong may karamdaman ay maaaring mamatay saanmang lugar at anumang oras. Ano ang ipinapakita nito? Ipinapakita nitong limitado na ang buhay ng taong iyon. Hindi ito ang panahon na siya ay walang sakit at ang kamatayan ay malayo pa at hindi nararamdaman, sa halip, nararamdaman ng taong iyon na malapit na ang araw ng kanyang kamatayan, at nahaharap na siya sa kamatayan. Ang pagharap sa kamatayan ay ang pagdating ng pinakamahirap at pinakakritikal na oras sa buhay ng isang tao. Kaya ano ang gagawin mo? … Ang kamatayan ang pinakamasakit sa lahat, at kapag naiisip nila ito, parang pinipihit ang isang kutsilyong nakatarak sa kanilang puso at ang lahat ng buto sa kanilang buong katawan ay nanlalambot. Kapag naiisip nila ang kamatayan, nagdadalamhati sila at gusto nilang umiyak, gusto nilang humagulgol, at naiiyak nga sila, humahagulgol nga sila, at nasasaktan sila na malapit na nilang harapin ang kamatayan. Iniisip nila, “Bakit ba ayaw kong mamatay? Bakit ba labis akong natatakot sa kamatayan? Noon, noong hindi pa malubha ang karamdaman ko, hindi ko naiisip na nakakatakot ang kamatayan. Sino ba ang hindi mahaharap sa kamatayan? Sino bang hindi mamamatay? Sige, hayaan ninyo akong mamatay! Kung iisipin ito ngayon, hindi pala iyon ganoon kadaling sabihin, at kapag dumating na nga ang kamatayan, hindi ito ganoon kadaling lutasin. Bakit ba ako labis na nalulungkot?” Nalulungkot ba kayo kapag naiisip ninyo ang kamatayan? Tuwing naiisip niyo ang kamatayan, nalulungkot kayo at nasasaktan, at ang bagay na ito na nagdudulot sa inyo ng labis na pagkabalisa at pag-aalala ay dumating na sa wakas. Kaya habang mas nag-iisip kayo nang ganito, mas lalo kayong natatakot, pakiramdam ninyo ay mas lalo kayong walang magawa, at mas lalo kayong nagdurusa. Ang inyong puso ay walang kapanatagan, at ayaw ninyong mamatay. Sino ang makakalutas sa isyu na ito ng kamatayan? Wala, at tiyak na hindi ninyo ito malulutas. Ayaw ninyong mamatay, kaya ano ang magagawa ninyo? Kailangan pa rin ninyong mamatay, at walang makakatakas sa kamatayan. Sinusukol ng kamatayan ang mga tao; sa kanilang puso, ayaw nilang mamatay, ngunit ang tanging naiisip nila ay ang kamatayan, at hindi ba’t ito ay isang halimbawa ng pagkamatay na bago pa man sila tunay na mamatay? Talaga bang mamamatay sila? Sino ang nangangahas na sabihin nang tiyak kung kailan sila mamamatay o anong taon sila mamamatay? Sino ang makakaalam sa mga bagay na ito? May ilan na nagsasabi, “Nagpahula ako ng aking kapalaran at alam ko ang taon, buwan, at araw ng aking kamatayan, at kung paano ako mamamatay.” Nangangahas ka bang sabihin ito nang nakatitiyak? (Hindi.) Hindi mo ito matitiyak. Hindi mo alam kung kailan ka mamamatay—hindi ito ang pangunahing bagay. Ang kritikal na bagay ay kung ano ang magiging saloobin mo kapag ang iyong sakit ay talagang inilalapit ka na sa kamatayan. Ito ay isang katanungang dapat mong pagnilay-nilayan at pag-isipan. Haharapin mo ba ang kamatayan nang may saloobin ng pagpapasakop, o haharapin mo ba ang kamatayan nang may saloobin ng pagtutol, pagtanggi, o pag-ayaw? Anong saloobin ang dapat mayroon ka? (Isang saloobin ng pagpapasakop.) Ang pagpapasakop na ito ay hindi makakamtan at maisasagawa sa pamamagitan lamang ng pagsasabi nito. Paano mo makakamit ang pagpapasakop na ito? Anong pag-unawa ang kailangang mayroon ka bago ka maging handang magpasakop? Hindi ito simple, hindi ba? (Hindi nga.) Kaya sabihin ninyo kung ano ang nasa inyong puso. (Kung ako ay magkakasakit nang malubha, iisipin ko na mamatay man ako, lahat ito ay nasa ilalim ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos at lahat ito ay isinaayos Niya. Ang tao ay lubos na nagawang tiwali kaya kung mamamatay ako, ito ay dahil sa pagiging matuwid ng Diyos. Hindi naman sa dapat talaga akong mabuhay; hindi kwalipikado ang tao na humingi ng gayon sa Diyos. Bukod dito, iniisip ko na ngayong nananalig na ako sa Diyos, kahit anong mangyari, nakita ko na ang tamang landas sa buhay at naunawaan ko na ang napakaraming katotohanan, kaya kahit pa mamatay ako nang maaga, sulit na sulit pa rin ang lahat ng ito.) Ito ba ang tamang paraan ng pag-iisip? Ito ba ay nagtataglay ng isang partikular na teoryang sumusuporta rito? (Oo.) Sino pa ang magsasalita? (Diyos ko, kung isang araw ay magkasakit nga ako at maaaring mamatay ako, imposible naman nang maiwasan pa ang kamatayan. Ito ang pauna nang pagtatakda at kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, at kahit gaano pa ako maaligaga o mag-alala, wala nang silbi ito. Dapat kong gugulin ang kakaunti kong natitirang oras sa pagtuon kung paano ko magagampanan nang maayos ang aking tungkulin. Kahit pa mamatay nga ako, wala akong pagsisisihan. Ang makapagpasakop sa Diyos at sa mga pagsasaayos ng Diyos hanggang sa huli ay labis na mas mainam kaysa sa mabuhay sa takot at pangamba.) Ano ang tingin mo sa ganitong pagkaunawa? Hindi ba’t mas mainam ito nang kaunti? (Oo.) Tama, ganito mo dapat tingnan ang usapin ng kamatayan. Ang lahat ay haharap sa kamatayan sa buhay na ito, ibig sabihin, ang kamatayan ang kakaharapin ng lahat sa dulo ng kanilang paglalakbay. Ngunit, maraming iba’t ibang aspekto ang kamatayan. Isa rito ay, sa oras na pauna nang itinakda ng Diyos, nakumpleto mo na ang iyong misyon at tinutuldukan na ng Diyos ang iyong pisikal na buhay, at nagwawakas na ang iyong pisikal na buhay, bagamat hindi ito nangangahulugang tapos na ang iyong buhay. Kapag ang isang tao ay wala nang laman, tapos na ang kanyang buhay—totoo ba ito? (Hindi.) Ang anyo ng pag-iral ng iyong buhay pagkatapos ng kamatayan ay nakasalalay sa kung paano mo tinrato ang gawain at mga salita ng Diyos habang ikaw ay nabubuhay pa—ito ay napakahalaga. Ang anyo ng iyong pag-iral pagkatapos ng kamatayan, o kung ikaw ba ay iiral o hindi, ay nakasalalay sa iyong saloobin sa Diyos at sa katotohanan habang ikaw ay nabubuhay pa. Kung habang ikaw ay nabubuhay pa, kapag nahaharap ka sa kamatayan at sa lahat ng uri ng karamdaman, ang iyong saloobin sa katotohanan ay isang saloobin ng pagrerebelde, pagtutol, at pagtutol sa katotohanan, at pagdating ng oras ng katapusan ng iyong pisikal na buhay, sa paanong paraan ka iiral pagkatapos ng kamatayan? Tiyak na iiral ka sa ibang anyo, at tiyak na hindi magpapatuloy ang iyong buhay. Sa kabaligtaran, kung habang ikaw ay nabubuhay pa, kapag may kamalayan ka sa laman, ang iyong saloobin sa katotohanan at sa Diyos ay isang saloobin ng pagpapasakop at katapatan at mayroon kang tunay na pananampalataya, kahit na matapos ang iyong pisikal na buhay, ang iyong buhay ay patuloy na iiral sa ibang anyo sa ibang mundo. Ito ay isang paliwanag ng kamatayan. Mayroon pang isang bagay na dapat tandaan, at iyon ay na ang usapin ng kamatayan ay may kalikasang katulad ng sa iba pang mga bagay. Hindi ang mga tao ang magdedesisyon para sa sarili nila, at lalong hindi ito mababago ng kalooban ng tao. Ang kamatayan ay katulad ng anumang mahalagang pangyayari sa buhay: Ito ay lubos na nasa ilalim ng paunang pagtatakda at kataas-taasang kapangyarihan ng Lumikha. Kung may magmamakaawa na siya ay mamatay na, maaaring hindi siya mamatay; kung magmamakaawa siyang mabuhay pa, maaaring hindi siya mabuhay. Lahat ito ay nasa ilalim ng kataas-taasang kapangyarihan at paunang pagtatakda ng Diyos, at ito ay binabago at pinagpapasyahan ng awtoridad ng Diyos, ng matuwid na disposisyon ng Diyos, at ng kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos. Kaya nga, kung sakaling ikaw ay magkasakit nang malubha, ng nakamamatay na sakit, hindi tiyak na ikaw ay mamamatay—sino ang nagdedesisyon kung mamamatay ka ba o hindi? (Ang Diyos.) Ang Diyos ang nagdedesisyon. At dahil ang Diyos ang nagdedesisyon at hindi kayang pagdesisyunan ng tao ang gayong bagay, ano ang ikinababalisa at ikinababagabag ng mga tao? Parang kung sino lang ang mga magulang mo, at kung kailan at saan ka ipinanganak—hindi mo rin mapipili ang mga bagay na ito. Ang pinakamatalinong gawin sa mga bagay na ito ay ang hayaan itong tumakbo nang natural, ang magpasakop, at huwag pumili, huwag gumugol ng anumang kaisipan o lakas sa bagay na ito, at huwag mabagabag, mabalisa, o mag-alala tungkol dito. Dahil hindi kayang pumili ng mga tao para sa kanilang sarili, ang paggugol ng maraming lakas at kaisipan sa bagay na ito ay kahangalan at kawalan ng karunungan.

—Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan 4

May ilang taong palaging nagdarasal kapag una silang nagkakasakit, pero sa kalaunan, kapag nakikita nilang hindi sila napagagaling ng kanilang mga panalangin, nalulugmok sila sa kanilang karamdaman, palaging nagrereklamo, at nagsasabi sa kanilang mga puso, “Walang anumang mabuting naidulot sa akin ang pananampalataya sa Diyos. May sakit ako, at ayaw akong pagalingin ng Diyos!” Hindi ito tunay na pananalig. Wala talagang pagpapasakop dito, at ang nagiging resulta nito ay kanilang kamatayan, sa sandaling matapos na sila sa pagrereklamo. Ito ang pagbawi ng Diyos sa kanilang laman at pagpapadala sa kanila sa impiyerno; ito na ang katapusan ng lahat para sa kanila. Wala na silang pagkakataong magtamo ng kaligtasan sa buhay na ito, at kailangan nang mapunta sa impiyerno ang kanilang kaluluwa. Ito ang huling yugto sa gawain ng Diyos ng pagliligtas sa sangkatauhan, at kung matitiwalag ang isang tao, hinding-hindi na siya magkakaroon ng isa pang pagkakataon! Kung mamamatay ka habang ginagawa ng Diyos ang Kanyang gawain ng pagliligtas, ang kamatayang ito ay isang kaparusahan, hindi isang pangkaraniwang kamatayan. Ang mga taong namamatay bilang kaparusahan ay wala nang pagkakataong maligtas. Hindi ba’t patuloy na pinarurusahan si Pablo sa Hades? Dalawang libong taon na ang nakalilipas, at naroon pa rin siya, pinarurusahan! Mas masahol pa kung alam mong mali ang ginagawa mo, at mas malala pa ang magiging kaparusahan!

Sinasabi ng ilang tao, “Dati na akong may sakit, lagi akong nagdurusa at nasasaktan. Dati pa man ay may ilan nang nangyayari sa akin, pero kailanman ay hindi ko nadama ang gawain ng Banal na Espiritu.” Tama ito. Kadalasan ay ganito gumawa ang Banal na Espiritu—hindi mo ito mararamdaman. Ito ang pagpipino. Kung minsan ay bibigyang-liwanag at pahihintulutan ka ng Banal na Espiritu na maunawaan ang ilang katotohanan sa pamamagitan ng pagbabahagi. Kung minsan ay hahayaan ka Niyang mapagtanto ang isang bagay sa pamamagitan ng iyong kapaligiran, at susubukin ka, patatatagin ka, at sasanayin ka sa kapaligirang iyon, na pinalalago ka—ganito gumawa ang Banal na Espiritu. Wala kayong kaalaman nang magdaan kayo sa mga bagay-bagay noon dahil hindi ninyo pinagtuunan ang paghahanap sa katotohanan sa inyong puso. Kapag hindi nauunawaan ng isang tao ang katotohanan, hindi niya nakikita kung ano talaga ang anumang bagay at palaging baluktot ang kanyang pag-unawa. Katulad lang ito ng kapag nagkakasakit ang isang tao at naniniwalang ito ang pagdidisiplina sa kanya ng Diyos, gayong sa katunayan, ang ilang karamdaman ay gawa ng tao, dulot ng kawalan ng pagkaunawa sa mga panuntunan sa pamumuhay. Kapag kumakain ka nang walang-pagpipigil at hindi mo nauunawaan ang malusog na pamumuhay, nagkakasakit ka sa lahat ng uri ng paraan. Subalit sinasabi mong pagdidisiplina ito ng Diyos, gayong sa katunayan, nangyari ito dahil sa sarili mong kamangmangan. Pero gayumpaman, tao man ang sanhi ng isang karamdaman o ipinagkaloob ito ng Banal na Espiritu, isa itong espesyal na kabutihang mula sa Diyos; layon nitong matuto ka ng aral, at kailangan mong magpasalamat sa Diyos at hindi magreklamo. Ang bawat pagrereklamo mo ay nag-iiwan ng mantsa, at isa iyong kasalanang hindi mabubura! Kapag nagrereklamo ka, gaano katagal ang aabutin para mabago mo ang iyong kalagayan? Kung medyo negatibo ka, maaari kang gumaling pagkalipas ng isang buwan. Kapag nagrereklamo ka at nagpapahayag ng ilang negatibong emosyon, maaaring hindi ka gumaling kahit pagkalipas ng isang taon, at hindi gagawa sa iyo ang Banal na Espiritu. Magiging napakahirap para sa iyo kung palagi kang magrereklamo, at lalo ka pang mahihirapang magtamo ng gawain ng Banal na Espiritu. Kailangang labis na magsikap sa pagdarasal ang isang tao para maitama ang kanyang pag-iisip at matanggap ang ilan sa gawain ng Banal na Espiritu. Hindi madaling bagay ang lubos na mabago ang isang pag-iisip. Magagawa lang ito sa pamamagitan ng paghahanap sa katotohanan at pagtatamo ng kaliwanagan at pagtanglaw ng Banal na Espiritu.

—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Sa Pananampalataya sa Diyos, Pinakamahalaga ang Pagkakamit ng Katotohanan

Pagdating sa matandang laman na ito ng tao, hindi mahalaga kung ano ang magiging sakit ng mga tao, kung maaari ba silang gumaling, o kung gaano sila magdurusa, hindi sila ang magpapasya sa mga bagay na ito—lahat ito ay nasa mga kamay ng Diyos. Kapag ikaw ay nagkasakit, kung magpapasakop ka sa mga pamamatnugot ng Diyos, at magiging handa kang tiisin at tanggapin ang katunayang ito, mananatili ka pa ring may ganitong sakit; kung hindi mo naman tatanggapin ang katunayang ito, hindi mo pa rin maiwawaksi ang sakit na ito—ito ay isang katunayan. Pwede mong harapin nang positibo ang iyong sakit sa loob ng isang araw, o harapin ito nang negatibo sa loob ng isang araw. Ibig sabihin, anuman ang iyong saloobin, hindi mo mababago ang katunayang may sakit ka. Ano ang pinipili ng matatalinong tao? … Kapag ang mga taong naghahangad sa katotohanan ay nahaharap sa sakit, malulugmok ba sila sa mga damdamin ng pagkabagabag, pagkabalisa, at pag-aalala? (Hindi.) Paano nila haharapin ang pagkakasakit? (Una, nagagawa nilang magpasakop, at habang sila ay may sakit, hinahangad nilang maunawaan ang mga layunin ng Diyos at pagnilayan kung anong mga tiwaling disposisyon ang mayroon sila.) Maaari bang malutas ng iilang salitang ito ang problema? Kung ang ginagawa lang nila ay ang magnilay, hindi ba’t kakailanganin pa rin nilang gamutin ang kanilang sakit? (Maghahanap din sila ng lunas.) Oo, kung ito ay isang sakit na dapat gamutin, isang malubhang karamdaman, o isang sakit na maaaring lumubha kung hindi mo ito ipapagamot, kinakailangan itong gamutin—ito ang ginagawa ng matatalinong tao. Kapag ang mga hangal na tao ay walang sakit, palagi silang nag-aalala, “Ah, may sakit kaya ako? At kung may sakit nga ako, lalala ba ito? Tatamaan ba ako ng ganoong sakit? At kung tatamaan nga ako ng ganoong sakit, mamamatay ba ako nang maaga? Magiging napakasakit ba kapag namatay ako? Magiging masaya ba ang aking buhay? Kung magkakasakit ako nang ganoon, dapat na ba akong magsaayos ng mga bagay-bagay para sa aking kamatayan at magsaya sa buhay ko hangga’t maaari?” Ang mga hangal na tao ay madalas na mababagabag, mababalisa, at mag-aalala tungkol sa mga ganitong bagay. Hindi nila kailanman hinahanap ang katotohanan o hinahanap ang mga katotohanang dapat nilang maunawaan sa usaping ito. Gayumpaman, ang matatalinong tao ay may kaunting pagkaunawa at kabatiran dito kapag ibang tao ang nagkakasakit o kapag sila mismo ay wala pang sakit. Kaya, anong pagkaunawa at kabatiran ang dapat mayroon sila? Una sa lahat, lalagpasan ba ng sakit ang isang tao dahil siya ay nababagabag, nababalisa, at nag-aalala? (Hindi.) Sabihin ninyo sa Akin, hindi ba’t nakatadhana na ang pagkakasakit ng isang tao, kung ano ang magiging lagay ng kalusugan niya sa isang partikular na edad, at kung siya ba ay dadapuan ng malubha o seryosong karamdaman? Sinasabi Ko sa iyo, nakatadhana na nga iyon, at tiyak na iyon. Hindi natin pag-uusapan ngayon kung paanong pauna nang itinatakda ng Diyos ang mga bagay para sa iyo; malinaw na alam ng lahat ang hitsura, ang mga katangian ng mukha, ang hugis ng katawan at ang petsa ng kapanganakan ng mga tao. Ang mga walang pananampalatayang manghuhula, astrologo, at nakakabasa ng mga bituin at palad ng mga tao, ay nalalaman batay sa mga palad, mukha, at petsa ng kapanganakan ng mga tao kung kailan sasapit sa mga ito ang sakuna, at kung kailan mahaharap ang mga ito sa pagkasawi—ang mga bagay na ito ay nakatakda na. Kaya, kapag may nagkakasakit, ito ay tila dulot ng pagkapagod, ng pagkagalit, o dahil sa mahirap nilang pamumuhay at kakulangan sa nutrisyon—maaaring tila ganito ito sa panlabas. Ganito ang sitwasyon ng lahat ng tao, kaya bakit may ilang taong nagkakaroon ng sakit na ito at ang iba naman ay hindi, samantalang halos magkakaedad lang naman sila? Nakatadhana bang mangyari ito? (Oo.) Sa madaling salita, nakatadhana na ito. Paano natin ito sasabihin sa mga salitang naaayon sa katotohanan? Ang lahat ng ito ay nasa ilalim ng kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos. Kaya naman, anuman ang iyong pagkain, inumin, tirahan, at kapaligirang pinamumuhayan, walang kinalaman ang mga ito sa kung kailan ka magkakasakit o kung ano ang sakit na dadapo sa iyo. Ang mga taong hindi nananalig sa Diyos ay palaging naghahanap ng mga dahilan mula sa isang obhetibong pananaw at palaging binibigyang-diin ang mga sanhi ng sakit, sinasabing, “Kailangan mong higit na mag-ehersisyo, at kumain ka ng mas maraming gulay at bawasan mo ang karne.” Totoo ba ito? Kahit ang mga taong hindi kumakain ng karne ay maaari pa ring magkaroon ng altapresyon at diyabetes, at ang mga vegetarian ay maaari pa ring magkaroon ng mataas na kolesterol. Ang siyensiya ng medisina ay hindi pa nagbibigay ng tumpak o makatwirang paliwanag tungkol sa mga bagay na ito. Sinasabi Ko sa iyo, ang lahat ng iba’t ibang pagkain na nilikha ng Diyos para sa tao ay mga pagkain na nararapat na kainin ng tao; huwag lamang maging malabis sa pagkain nito, at sa halip ay maghinay-hinay lang sa pagkain. Kailangan mong matutunan kung paano alagaan ang iyong kalusugan, ngunit ang palaging pagnanais na pag-aralan kung paano maiiwasan ang sakit ay mali. Gaya ng sinabi natin kanina, kung ano ang magiging kalagayan ng kalusugan ng isang tao sa isang partikular na edad at kung siya ba ay magkakaroon ng malubhang sakit ay pawang isinasaayos ng Diyos. Ang mga walang pananampalataya ay hindi naniniwala sa Diyos at naghahanap sila ng tao na kayang alamin ang mga bagay na ito batay sa mga palad, petsa ng kapanganakan, at mukha, at pinaniniwalaan nila ang mga bagay na ito. Nananalig ka sa Diyos at madalas kang makinig sa mga sermon at makipagbahaginan tungkol sa katotohanan, kaya kung hindi ka naniniwala rito, ikaw ay walang iba kundi isang taong hindi nananampalataya. Kung tunay kang nananalig na ang lahat ay nasa mga kamay ng Diyos, dapat mong paniwalaan na ang mga bagay na ito—ang malulubhang sakit, malalalang sakit, mga simpleng sakit, at ang kalusugan—ay lahat nasasailalim sa kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos. Ang paglitaw ng isang malubhang sakit at kung ano ba ang magiging kalagayan ng kalusugan ng isang tao sa isang partikular na edad ay hindi mga bagay na nangyayari nang nagkataon lang, at ang maunawaan ito ay ang magkaroon ng positibo at tumpak na pag-unawa. Ito ba ay naaayon sa katotohanan? (Oo.) Ito ay naaayon sa katotohanan, ito ang katotohanan, dapat mong tanggapin ito, at ang iyong saloobin at mga pananaw sa bagay na ito ay dapat na magbago. At ano ang nalulutas sa sandaling magbago ang mga bagay na ito? Hindi ba’t nalulutas na ang iyong mga damdamin ng pagkabagabag, pagkabalisa, at pag-aalala? Kahit papaano man lang, ang iyong mga negatibong emosyon ng pagkabagabag, pagkabalisa, at pag-aalala tungkol sa pagkakasakit ay nalulutas sa teorya. Dahil binago na ng iyong pagkaunawa ang iyong mga kaisipan at pananaw, nalulutas na nito ang iyong mga negatibong emosyon. Isang aspekto ito: Hindi mababago ng kalooban ng tao kung magkakasakit ba ang isang tao o hindi, kung anong malubhang sakit ang dadapo sa kanya, at kung ano ang magiging kalagayan ng kalusugan niya sa bawat yugto ng kanyang buhay, kundi ito ay pawang pauna nang itinakda ng Diyos. May ilang nagsasabi, “Kung gayon, ayos lang ba kung ayaw kong magkasakit? Ayos lang ba kung hihilingin ko sa Diyos na alisin ang aking sakit? Ayos lang ba kung nais kong hilingin sa Diyos na ilayo ako sa sakuna at kasawiang ito?” Ano sa tingin ninyo? Ayos lang ba ang mga bagay na ito? (Hindi.) Sinasabi ninyo ito nang may kumpiyansa, ngunit walang malinaw na nakakaunawa sa mga bagay na ito. Marahil may isang taong tapat na gumaganap sa kanyang tungkulin at may determinasyong hangarin ang katotohanan, at siya ay napakahalaga sa ilang gawain ng sambahayan ng Diyos, at marahil ay inaalis sa kanya ng Diyos ang malubhang sakit na ito na nakakaapekto sa kanyang tungkulin, gawain, pisikal na enerhiya at lakas, dahil pinananagutan ng Diyos ang Kanyang gawain. Pero mayroon bang taong ganito? Sino ang ganito? Hindi mo alam, hindi ba? Marahil ay may mga taong ganito. Kung talagang may mga taong ganito, hindi ba’t magagawa ng Diyos na alisin ang kanilang sakit o kasawian sa isang salita lamang? Hindi ba’t magagawa ito ng Diyos sa pamamagitan lamang ng pag-iisip? Iisipin ng Diyos: “Ang taong ito ay makakaranas ng sakit sa isang partikular na buwan sa ganitong edad. Ngayon ay sobrang abala siya sa kanyang trabaho, kaya hindi siya dadapuan ng sakit na ito. Hindi niya kailangang maranasan ang sakit na ito. Hayaan nang lagpasan siya nito.” Walang dahilan para hindi ito mangyari, at kakailanganin lamang nito ng isang salita mula sa Diyos, tama ba? Pero sino ang makakatanggap ng gayong pagpapala? Iyong tunay na may gayong determinasyon at katapatan at iyong tunay na makagaganap ng ganitong papel sa gawain ng Diyos, siya ang maaaring tumanggap ng gayong pagpapala. Hindi ito ang paksang kailangan nating pag-usapan, kaya hindi natin ito pag-uusapan ngayon. Ang ating pinag-uusapan ay ang pagkakasakit; ito ay isang bagay na mararanasan ng karamihan ng tao sa kanilang buhay. Kaya naman, kung anong uri ng sakit ang dadapo sa katawan ng mga tao sa kung anong oras o edad at kung ano ang magiging kalagayan ng kanilang kalusugan ay pawang mga bagay na isinasaayos ng Diyos at hindi maaaring ang mga tao ang magpasya ng mga bagay na ito; tulad ng kung kailan ipinanganak ang isang tao, hindi sila ang maaaring magpasya nito. Kaya hindi ba’t kahangalan na mabagabag, mabalisa, at mag-alala sa mga bagay na hindi naman ikaw ang makapagpapasya? (Oo.) Dapat ay lutasin ng mga tao ang mga bagay na kaya nilang lutasin, at para naman sa mga bagay na hindi nila kayang gawin, dapat nilang hintayin ang Diyos; dapat magpasakop nang tahimik ang mga tao at humingi sa Diyos ng proteksyon—ito ang kaisipang dapat taglayin ng mga tao. Kapag talagang dumating na ang sakit at malapit na ang kamatayan, ang mga tao ay dapat magpasakop at hindi magreklamo o magrebelde laban sa Diyos o magsabi ng mga bagay na lumalapastangan sa Diyos o ng mga bagay na umaatake sa Kanya. Sa halip, ang mga tao ay dapat na tumindig bilang mga nilikha at danasin at pahalagahan ang lahat ng nagmumula sa Diyos—hindi nila dapat subukan na pumili ng mga bagay para sa kanilang sarili. Ito ay dapat maging isang espesyal na karanasan na nagpapasagana sa iyong buhay, at hindi naman ito masamang bagay, hindi ba? Kaya naman, pagdating sa pagkakasakit, dapat munang lutasin ng mga tao ang kanilang mga maling kaisipan at pananaw ukol sa sanhi ng sakit, at pagkatapos ay hindi na sila mag-aalala tungkol dito; bukod dito, ang mga tao ay walang karapatan na kontrolin ang mga bagay na nalalaman o hindi nalalaman, at wala rin silang kakayahang kontrolin ang mga ito, sapagkat lahat ng bagay na ito ay nasa ilalim ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos. Ang saloobin at prinsipyo ng pagsasagawa na dapat mayroon ang mga tao ay ang maghintay at magpasakop. Mula sa pagkaunawa hanggang sa pagsasagawa, ang lahat ay dapat gawin ayon sa mga katotohanang prinsipyo—ito ang paghahangad sa katotohanan.

—Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan 4

Ikaw man ay may karamdaman o may pasakit, hangga’t may natitira kang hininga, hangga’t ikaw ay nabubuhay pa, hangga’t ikaw ay nakapagsasalita at nakapaglalakad pa, may enerhiya ka pa para gampanan ang tungkulin mo, at dapat ay maganda ang asal mo sa pagganap mo ng iyong tungkulin at praktikal kang mag-isip. Hindi mo dapat talikuran ang tungkulin ng isang nilalang o ang responsabilidad na ibinigay sa iyo ng Lumikha. Hangga’t hindi ka pa patay, dapat mong tapusin ang iyong tungkulin at tuparin ito nang maayos. May mga taong nagsasabi, “Itong mga bagay na sinasabi Mo ay wala gaanong konsiderasyon. May sakit ako at nahihirapan na ako!” Kung nahihirapan ka, maaari kang magpahinga, at maaari mong alagaan ang iyong sarili at magpagamot ka. Kung nais mo pa ring gampanan ang iyong tungkulin, maaari mong bawasan ang iyong trabaho at gumanap ka ng naaangkop na tungkulin, isang tungkulin na hindi nakakaapekto sa iyong paggaling. Patutunayan nitong hindi mo iniwan ang tungkulin mo sa puso mo, na ang puso mo ay hindi lumayo sa Diyos, na hindi mo itinanggi ang pangalan ng Diyos sa iyong puso, at na hindi mo tinalikuran sa puso mo ang pagnanais na maging isang wastong nilalang. May mga taong nagsasabi, “Nagawa ko na ang lahat ng iyan, kaya aalisin ba ng Diyos itong karamdaman ko?” Aalisin ba Niya? (Hindi palagi.) Kung aalisin man ng Diyos ang sakit mo o hindi, kung gagamutin ka man ng Diyos o hindi, ang dapat mong gawin ay ang dapat gawin ng isang nilalang. Ikaw man ay may pisikal na kakayahang gawin ang iyong tungkulin o wala, kung kaya mo mang gampanan ang anumang gawain o hindi, kung pinahihintulutan ka man ng iyong kalusugan na gampanan ang iyong tungkulin o hindi, ang iyong puso ay hindi dapat lumayo sa Diyos, at hindi mo dapat talikuran ang iyong tungkulin sa puso mo. Sa ganitong paraan, matutupad mo ang iyong mga responsabilidad, obligasyon, at tungkulin—ito ang katapatan na dapat mong panghawakan. Dahil lang sa hindi mo magawa ang mga bagay-bagay gamit ang iyong mga kamay o hindi ka na makapagsalita, o hindi na nakakakita ang iyong mga mata, o hindi mo na maigalaw ang iyong katawan, hindi mo dapat isipin na dapat kang pagalingin ng Diyos, at kung hindi ka Niya pagalingin ay nais mong tanggihan Siya sa iyong puso, talikuran ang iyong tungkulin, at talikuran ang Diyos. Ano ang kalikasan ng gayong pagkilos? (Ito ay isang pagtataksil sa Diyos.) Ito ay isang pagtataksil! Kapag wala silang sakit, ang ilang tao ay madalas na lumalapit sa Diyos upang magdasal, at kapag may sakit sila at umaasa silang pagagalingin sila ng Diyos, inilalagay ang lahat ng kanilang pag-asa sa Diyos, lalapit pa rin sila sa Diyos at hindi Siya tatalikuran. Gayunpaman, pagkatapos ng ilang panahon at hindi pa rin sila pinagagaling ng Diyos, nadidismaya sila sa Diyos, tinatalikuran nila ang Diyos sa kaibuturan ng kanilang puso at tinatalikuran nila ang kanilang mga tungkulin. Kapag hindi pa ganoon kalala ang kanilang sakit at hindi sila pinapagaling ng Diyos, ang ilang tao ay hindi tinatalikuran ang Diyos; ngunit kapag naging malala na ang kanilang sakit at nasa bingit na sila ng kamatayan, alam na nila na talagang hindi sila pinagaling ng Diyos, na ang hinintay lamang nila sa loob ng mahabang panahon ay ang pagdating ng kamatayan, kaya tinatalikuran at tinatanggihan nila ang Diyos sa kanilang puso. Naniniwala sila na kung hindi sila pinagaling ng Diyos, wala nga sigurong Diyos; na kung hindi sila pinagaling ng Diyos, ang Diyos ay hindi talaga Diyos, at hindi karapat-dapat na paniwalaan. Dahil hindi sila pinagaling ng Diyos, nagsisisi sila na nanalig pa sila sa Diyos, at hindi na sila nananalig pa sa Kanya. Hindi ba’t ito ay isang pagtataksil sa Diyos? Ito ay isang malubhang pagtataksil sa Diyos. Kaya hindi mo talaga dapat tahakin ang daang iyon—tanging ang mga nagpapasakop sa Diyos hanggang sa kamatayan ang may totoong pananampalataya.

Kapag dumadapo ang karamdaman, anong landas ang dapat sundan ng mga tao? Paano sila dapat pumili? Hindi dapat malubog ang mga tao sa pagkabagabag, pagkabalisa, at pag-aalala, at hindi nila dapat pag-isipan ang mga posibilidad at mga landas para sa kanila sa hinaharap. Sa halip, habang mas nalalagay sa ganitong mga panahon at ganitong mga espesyal na sitwasyon at konteksto ang mga tao, at habang mas nalalagay sila sa ganitong mga biglaang paghihirap, mas higit nilang dapat hanapin at hangarin ang katotohanan. Sa ganitong paraan lamang na hindi masasayang at na magkakabisa ang mga sermon na iyo nang narinig noon at ang mga katotohanan na iyo nang nauunawaan. Habang mas nalalagay ka sa ganitong mga paghihirap, mas lalong dapat mong bitiwan ang sarili mong mga ninanasa at magpasakop ka sa mga pangangasiwa ng Diyos. Ang layunin ng Diyos sa pagsasaayos ng ganitong uri ng sitwasyon at pagsasaayos ng mga kondisyon na ito para sa iyo ay hindi para malubog ka sa mga emosyon ng pagkabagabag, pagkabalisa, at pag-aalala, at hindi ito upang masubok mo ang Diyos kung pagagalingin ka ba Niya kapag ikaw ay nagkasakit, nang sa gayon ay malaman ang katotohanan ng usapin; isinasaayos ng Diyos ang mga espesyal na sitwasyon at kondisyong ito para sa iyo upang matutunan mo ang mga praktikal na aral sa gayong mga sitwasyon at kondisyon, upang makamit mo ang mas malalim na pagpasok sa katotohanan at sa pagpapasakop sa Diyos, at upang mas malinaw at tumpak mong malaman kung paano pinangangasiwaan ng Diyos ang lahat ng tao, pangyayari, at bagay. Ang kapalaran ng tao ay nasa mga kamay ng Diyos, at nararamdaman man ito ng mga tao o hindi, tunay man nila itong namamalayan o hindi, dapat silang magpasakop at huwag lumaban, huwag tumanggi, at lalong huwag subukin ang Diyos. Maaari kang mamatay anu’t anuman, at kung lalabanan, tatanggihan, at susubukin mo ang Diyos, malinaw na agad kung ano ang iyong kalalabasan. Sa kabaligtaran, kung sa kaparehong mga sitwasyon at kondisyon ay magawa mong hanapin kung paano dapat magpasakop ang isang nilalang sa mga pangangasiwa ng Lumikha, hanapin kung anong mga aral ang dapat mong matutunan at kung anong mga tiwaling disposisyon ang dapat mong malaman sa mga sitwasyon na ibinibigay ng Diyos sa iyo, at maunawaan ang mga layunin ng Diyos sa gayong mga sitwasyon, at maayos kang makapagpatotoo upang matugunan ang mga hinihingi ng Diyos, ito ang dapat mong gawin. Kapag isinasaayos ng Diyos na ang isang tao ay magkasakit, ng malubhang sakit man o simple, ang layunin Niya sa paggawa nito ay hindi upang mapahalagahan mo ang mga detalye ng pagkakaroon ng sakit, ang pinsalang idinudulot ng sakit sa iyo, ang mga hirap at suliraning idinudulot ng sakit sa iyo, at ang maraming damdaming ipinararamdam sa iyo ng sakit—hindi layunin ng Diyos na mapahalagahan mo ang sakit sa pamamagitan ng pagkakasakit. Sa halip, ang layunin Niya ay para matuto ka ng mga aral mula sa sakit, matuto ka kung paano maarok ang mga layunin ng Diyos, malaman mo ang mga tiwaling disposisyon na iyong inihahayag at ang mga maling saloobing mayroon ka tungkol sa Diyos kapag ikaw ay may sakit, at matuto ka kung paano magpasakop sa kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos, upang magkaroon ka ng tunay na pagpapasakop sa Diyos at mapanindigan mo ang iyong patotoo—ito ay napakahalagang bagay. Nais ng Diyos na iligtas at linisin ka sa pamamagitan ng sakit. Ano ang nais Niyang linisin sa iyo? Nais Niyang linisin ang lahat ng iyong labis-labis na mga ninanasa at hinihingi sa Diyos, at pati na rin ang iba’t ibang plano, panghuhusga, at pakana na ginagawa mo anuman ang kapalit upang makaligtas ka at mabuhay. Hindi hinihingi ng Diyos na gumawa ka ng mga plano, hindi Niya hinihingi na manghusga ka, at hindi ka Niya pinahihintulutan na magkaroon ng anumang mga labis-labis na ninanasa sa Kanya; hinihingi lamang Niyang magpasakop ka sa Kanya, at sa iyong pagsasagawa at pagdanas ng pagpapasakop, na malaman mo ang iyong saloobin tungkol sa pagkakasakit, at malaman mo ang iyong saloobin sa mga kondisyong ito sa katawan na itinatakda Niya sa iyo, pati na rin ang iyong mga personal na kahilingan. Kapag nalaman mo na ang mga bagay na ito, mapapahalagahan mo na kung gaano kakapaki-pakinabang sa iyo na isinaayos ng Diyos ang mga kondisyon ng karamdaman para sa iyo o na ibinigay Niya sa iyo ang mga kondisyong ito sa katawan; at mapapahalagahan mo kung gaano nakatutulong ang mga ito sa pagbabago ng iyong disposisyon, sa pagkakamit mo ng kaligtasan, at sa iyong buhay pagpasok. Kaya nga, kapag dumadapo ang karamdaman, hindi mo dapat palaging isipin kung paano mo ito maiiwasan o matatakasan o matatanggihan. … Kapag nahaharap ka sa karamdaman, maaari kang aktibong magpagamot, ngunit dapat mo rin itong harapin nang may positibong saloobin. Pagdating naman sa kung gaano kahusay magagamot ang iyong karamdaman at kung ito ba ay magagamot, at kung anuman ang mangyayari sa huli, dapat ka palaging magpasakop at hindi magreklamo. Ito ang saloobin na dapat mong taglayin, sapagkat ikaw ay isang nilalang at wala kang ibang pagpipilian. Hindi mo pwedeng sabihing, “Kung gagaling ako sa sakit na ito, saka ako maniniwala na iyon ay dakilang kapangyarihan ng Diyos, ngunit kung hindi ako gagaling, hindi ako masisiyahan sa Diyos. Bakit ba ako binigyan ng Diyos ng sakit na ito? Bakit ba hindi Niya pinagagaling ang sakit na ito? Bakit ba ako ang nagkasakit at hindi yung iba? Ayaw ko nito! Bakit ko ba kailangang mamatay nang maaga, sa ganitong murang edad? Bakit ba nakakapagpatuloy na mabuhay ang ibang tao? Bakit?” Huwag mo nang itanong kung bakit, ito ay pangangasiwa ng Diyos. Walang dahilan, at hindi mo dapat itanong kung bakit. Ang pagtatanong kung bakit ay rebeldeng pananalita, at hindi ito dapat itanong ng isang nilikha. Huwag kang magtanong kung bakit, wala itong dahilan. Isinaayos at pinlano ng Diyos ang mga bagay nang ganito. Kung itatanong mo kung bakit, masasabi lamang na sobra kang rebelde, sobrang mapagmatigas. Kapag hindi ka nasisiyahan sa isang bagay, o hindi ginagawa ng Diyos ang nais mo o hindi ka Niya hinahayaan sa gusto mo, hindi ka nasisiyahan, naghihinanakit ka, at palagi mong itinatanong kung bakit. Kaya, tinatanong ka ng Diyos, “Bilang isang nilalang, bakit hindi mo ginampanan nang mabuti ang iyong tungkulin? Bakit hindi mo tapat na ginampanan ang iyong tungkulin?” At paano ka sasagot? Sasabihin mo, “Walang dahilan, ganito lang talaga ako.” Katanggap-tanggap ba iyon? (Hindi.) Katanggap-tanggap na pagsalitaan ka ng Diyos nang ganoon, ngunit hindi katanggap-tanggap na pagsalitaan mo ang Diyos nang ganoon. Ikaw ay nasa maling posisyon, at sobra kang wala sa katwiran. Anuman ang mga pagsubok na kinakaharap ng isang nilalang, ganap na natural at makatwiran na dapat kang magpasakop sa mga pagsasaayos at pangangasiwa ng Lumikha. Halimbawa, ipinanganak ka ng iyong mga magulang, pinalaki ka nila, at tinatawag mo silang ina at ama—ito ay ganap na natural at makatwiran, at ito ang nararapat; walang dahilan. Kaya, pinangangasiwaan ng Diyos ang lahat ng ito para sa iyo, at kung ikaw man ay nagtatamasa ng mga pagpapala o nagdurusa sa mga paghihirap, ito ay ganap ding natural at makatwiran, at wala kang magagawa sa usaping ito. Kung makapagpapasakop ka hanggang sa huli, makakamit mo ang kaligtasan gaya ni Pedro. Gayunpaman, kung sisisihin mo ang Diyos, tatalikuran ang Diyos, at pagtataksilan ang Diyos dahil sa pansamantalang karamdaman, ang lahat ng pagbitiw, paggugol, pagganap ng iyong tungkulin, at pagbabayad ng halaga na iyong ginawa noon ay mauuwi sa wala. Ito ay sapagkat ang lahat ng iyong nakaraang pagpapagal ay hindi naglatag ng anumang pundasyon para maayos mong magampanan ang tungkulin ng isang nilalang o para makatindig ka sa iyong wastong posisyon bilang isang nilalang, at hindi nito nabago ang anuman sa iyo. Pagkatapos, ito ay magiging dahilan upang pagtaksilan mo ang Diyos dahil sa iyong karamdaman, at ang iyong wakas ay magiging katulad ng kay Pablo, maparurusahan sa huli. Ang dahilan para sa determinasyong ito ay na ang lahat ng iyong ginawa noon ay upang makamit mo ang isang korona at makatanggap ka ng mga pagpapala. Kung, sa wakas na maharap ka sa karamdaman at kamatayan, ay nakapagpapasakop ka pa rin nang walang anumang reklamo, nagpapatunay ito na ang lahat ng iyong ginawa noon ay ginawa nang tapat at kusang-loob para sa Diyos. Ikaw ay mapagpasakop sa Diyos, at sa huli, ang iyong pagsunod ay magiging isang tanda ng perpektong pagwawakas ng iyong buhay ng pananampalataya sa Diyos, at ito ay pinupuri ng Diyos. Kaya nga, ang isang karamdaman ay maaaring magdulot sa iyo ng magandang wakas, o maaaring magdulot sa iyo ng masamang wakas; ang uri ng wakas na mararating mo ay nakasalalay sa landas na iyong sinusundan at sa iyong saloobin sa Diyos.

—Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan 3

Walang sinuman ang nagpapatuloy sa kanyang buong buhay nang walang paghihirap. Para sa ilang tao, may kinalaman ito sa pamilya, para sa ilan, sa trabaho, para sa ilan, sa pag-aasawa, at para sa ilan, sa pisikal na karamdaman. Lahat ay dapat magdusa. Sinasabi ng ilan, “Bakit kailangan maghirap ang mga tao? Napakagandang mabuhay ng buong buhay natin nang mapayapa at masaya. Hindi ba maaaring hindi tayo maghirap?” Hindi—dapat maghirap ang lahat. Nagdudulot ang paghihirap na maranasan ng bawat tao ang napakaraming pakiramdam ng pisikal na buhay, positibo man, negatibo, aktibo o pasibo man ang mga pakiramdam na ito; nagbibigay sa iyo ng iba’t ibang damdamin at pagpapahalaga ang pagdurusa, na para sa iyo ay karanasan mo lahat sa buhay. Isang aspekto iyan, at iyan ay para magkaroon ng higit na karanasan ang mga tao. Kung mahahanap mo ang katotohanan at mauunawaan ang layunin ng Diyos mula rito, kung gayon ay mas malalapit ka sa pamantayang hinihingi sa iyo ng Diyos. Ang isa pang aspekto ay na ito ang responsabilidad na ibinibigay ng Diyos sa tao. Anong responsabilidad? Ito ang pagdurusa na dapat mong maranasan. Kung makakaya mo ang pagdurusa na ito at matitiis ito, ito ay patotoo, at hindi isang bagay na nakakahiya. Kapag nagkakasakit sila, natatakot ang ilang tao na malalaman ito ng ibang tao; iniisip nila na isang nakakahiyang bagay ang magkasakit, samantalang ang totoo, hindi ito dapat ikahiya. Bilang isang normal na tao, kung, sa kabila ng karamdaman, nagagawa mong magpasakop sa mga pagsasaayos ng Diyos, tiisin ang lahat ng uri ng pagdurusa, at nagagawa mo pa ring gampanan nang normal ang iyong tungkulin, nagagawang tapusin ang atas na ibinigay sa iyo ng Diyos, isa ba itong mabuting bagay o isang masamang bagay? Mabuting bagay ito, patotoo ito sa pagpapasakop mo sa Diyos, patotoo ito sa tapat mong paggampan sa iyong tungkulin, at patotoo ito na nagpapahiya at nagtatagumpay laban kay Satanas. Kaya naman, ang bawat nilikha at bawat isa sa mga taong hinirang ng Diyos ay dapat tumanggap at magpasakop sa anumang pagdurusa. Ganito mo ito dapat maunawaan, at dapat mong matutuhan ang aral na ito at matamo ang tunay na pagpapasakop sa Diyos. Nakaayon ito sa layunin ng Diyos, at ito ang pagnanais ng Diyos. Ito ang isinasaayos ng Diyos para sa bawat nilikha. Ang paglalagay sa iyo ng Diyos sa ganitong mga sitwasyon at kondisyon ay katumbas ng pagbibigay sa iyo ng responsabilidad, obligasyon, at atas, kaya dapat mong tanggapin ang mga ito. Hindi ba’t ito ang katotohanan? (Ito nga.) Hangga’t galing ito sa Diyos, hangga’t may ganitong hinihingi sa iyo ang Diyos at may ganitong layunin para sa iyo, ito ang katotohanan. Bakit nasasabing katotohanan ito? Ito ay dahil kung tatanggapin mo ang mga salitang ito bilang ang katotohanan, magagawa mong lutasin ang iyong tiwaling disposisyon, ang iyong mga kuru-kuro at ang paghihimagsik mo, para kapag muli kang maharap sa mga paghihirap hindi ka lalabag sa pagnanais ng Diyos o maghihimagsik laban sa Diyos, ibig sabihin, maisasagawa mo ang katotohanan at makapagpapasakop ka sa Diyos. Sa ganitong paraan, makapagpapatotoo ka at ito ay nagbibigay-kahihiyan kay Satanas, at magagawa mong kamtin ang katotohanan at tamuhin ang kaligtasan.

—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Sa Paglutas Lamang sa mga Kuru-kuro ng Isang Tao Siya Makakapagsimula sa Tamang Landas ng Pananampalataya sa Diyos 1

Kaugnay na mga Patotoong Batay sa Karanasan

Ibinunyag Ako ng Pagkakaroon ng Covid

Nakalaya Mula sa Pagkabalisa sa Aking mga Karamdaman

Ibang Uri ng Pagpapala

Kaugnay na mga Himno

Ang Pagsapit ng Karamdaman ay Pag-ibig ng Diyos

Sinundan: 16. Bakit sinasabing ang paggampan ng mga tungkulin ang pinakamahusay na nagbubunyag sa mga tao

Sumunod: 18. Paano harapin ang mga relasyon sa pamilya at laman

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

Tanong 7: Ang CCP ay isang rebolusyonaryong partido. Ang pinaniniwalaan nito ay kabastusan at karahasan, ibig sabihin, pag-agaw sa kapangyarihan nang may karahasan! Kung tatanggapin natin ang katwiran ng CCP, “Ang isang kasinungalingan ay nagiging katotohanan kung uulit-ulitin nang sampung libong beses.” Gaano man karaming tao ang nagdududa sa salita nito, tumatanggi at hindi naniniwala rito, walang pakialam ang CCP kahit bahagya, at patuloy pa rin itong nagsisinungaling at nanlilinlang. Basta’t makakamtan nito ang mga agarang epekto at minimithi nito, wala itong pakialam sa magiging kapalit! Kung magrebelde at magprotesta ang mga tao laban dito, gagamit ito ng mga tangke at machine gun para lutasin ang lahat. Kapag kailangan, gagamit ito ng mga bomba atomika at missile para labanan ang mga puwersa ng kalaban. Maaaring gawin ng CCP ang lahat para manatili ito sa paghahari. Nang ipahayag sa publiko ang kaso sa Zhaoyuan sa Shandong, ang CCP ay nagpasimula ng maramihang pagpapadala ng mga sandatahang pulis para supilin at arestuhin ang mga Kristiyano anuman ang mangyari. Sino ang makakapigil dito? Sino ang nangahas na lumaban? Kahit nang makita ng mga dayuhan ang panloloko ng CCP, ano ang magagawa nila? Maraming paraan ang CCP para labanan ang pagtuligsa ng mga demokratikong puwersa ng mga taga-Kanluran. Gumagamit ito ng pera para ayusin ang lahat. May kasabihan nga na, “Sinumang tumanggap ng regalo ay ibinebenta ang kanyang kalayaan.” Paunti nang paunti ang mga bansang tumutuligsa sa CCP ngayon. Takot ang puwersa ng mga kaaway ng CCP na iparinig ang kanilang opinyon. Paano man n’yo ito sabihin, naigigiit pa rin ng CCP ang paghahari nito. Hangga’t may kapangyarihan ang Communist Party, kayong mga nananalig sa Diyos ay hindi makakaasang maging malaya! Ang pagpapakita at gawain ng Diyos sa China ay talagang kamumuhian at ipagbabawal ng CCP. Makamtan man ng CCP ang mithiin nitong magbuo ng ateismo sa China o hindi, hindi ito titigil kailanman sa pag-aresto at pagsupil sa inyo! Matagal na itong malinaw sa akin. Kaya nga tinututulan kong mabuti ang pananalig n’yo sa Makapangyarihang Diyos. Para sa kapakanan n’yo ’yan, hindi n’yo ba nauunawaan?

Sagot: Napakasama ng CCP, pero umuunlad pa rin ito sa mundo at walang nangangahas na hadlangan ito. Ibig kayang sabihin n’yan ay permanente...

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito