13. Ang ugnayan sa pagitan ng paggampan ng tungkulin at buhay pagpasok
Mga Salita ng Makapangyarihang Diyos ng mga Huling Araw
Kung nais mong aprubahan ka ng Diyos bilang isa sa Kanyang mga tagasunod, kailangan mo munang tumuon sa pagpasok sa buhay. Dapat kang magsimula sa pag-unawa sa sarili mo, sa pagwaksi ng iyong tiwaling disposisyon, pagkamit ng abilidad na panghawakan ang iyong tungkulin, at isinasakatuparan iyong tungkulin ayon sa mga hinihingi ng Diyos—iyon ang una. Ang pagtuon sa pagpasok sa buhay ay alang-alang sa paggawa nang maayos ng iyong tungkulin, na siyang talagang pinapatungkulan ng lahat ng ito. Dapat simulan mong hangarin ang pagpasok sa buhay sa paggawa ng iyong tungkulin, at sa pagpasok sa buhay, dapat mong maunawaan at makamit ang katotohanan nang paisa-isa, hanggang sa maabot mo ang puntong mayroon ka nang tayog, kung saan unti-unting lumalago ang buhay mo at mayroon kang tunay na mga karanasan sa katotohanan. Pagkatapos ay kailangan mong maging dalubhasa sa lahat ng uri ng prinsipyo ng pagsasagawa, upang magawa mo ang tungkulin mo nang hindi napipigilan o nagugulo ng sinumang tao, pangyayari, o bagay. Sa ganitong paraan, unti-unti kang mamumuhay sa presensya ng Diyos. Hindi ka magugulo ng anumang uri ng tao, pangyayari, o bagay, at magkakaroon ka ng karanasan sa katotohanan. Habang mas dumarami ang karanasan mo, mas magagawa mong magpatotoo sa Diyos, at habang mas nakapagpapatotoo ka sa Diyos, unti-unti kang magiging isang kapaki-pakinabang na tao. Kapag naging isa kang kapaki-pakinabang na tao, magagawa mo ang iyong tungkulin nang pasok sa pamantayan ng sambahayan ng Diyos, makatatayo ka sa lugar ng isang nilikha at makakapagpasakop sa mga pagsasaayos at pangangasiwa ng Diyos, at magagawa mong manindigan. Tanging ang ganitong tao ang katanggap-tanggap na nilikha na taglay ang pagsang-ayon ng Diyos. Pagkatapos ay magiging karapat-dapat ka sa lahat ng ibinigay sa iyo ng Diyos.
Ano ang susi sa pagpasok sa katotohanang realidad? Dapat mong matutunan kung paano isagawa ang katotohanan at kung paano pangasiwaan ang mga bagay sa maprinsipyong paraan. Ano ang silbi ng laging pagpapanata at pagpapahayag ng iyong kalooban? Kung palagi kang nagpapanata at nagpapahayag ng iyong kalooban, pero hindi mo pa rin naisasagawa ang katotohanan, wala itong silbi. Ang pinakamahalaga at pinakatotoong bagay ay ang magkamit ng pagpasok sa buhay habang ginagawa ang iyong tungkulin, sa pamamagitan ng paghahangad sa katotohanan para malutas ang iba’t ibang problema na lumilitaw, at para baguhin ang mga maling saloobin mo sa iyong tungkulin. Ano ang ibig sabihin ng magkaroon ng pagpasok sa buhay? Ang pagkakaroon ng pagpasok sa buhay ay nangangahulugang mayroon kang karanasan at kaalaman sa katotohanan, at naisasagawa mo ito nang tama. Lahat ba kayo ay mayroong pagpasok sa buhay ngayon? Nagagawa ba ninyong magpatotoo sa Diyos? Hindi ba kayo kadalasang naiipit pa rin sa doktrina? Hindi ba kayo humihinto sa doktrina, nang walang tunay na kaalaman o karanasan sa katotohanan? Kung hindi ka nagtatamo ng mga tunay na karanasan at kaalaman sa katotohanan, hindi ka makapagpapatotoo sa Diyos. Kalimitang nakabatay sa iyong pang-unawa ang kaalaman mo. Hindi ka sigurado, pakiramdam mo ay para bang ang isang bagay at ang isa pa ay parehong tama; kapag sinabi ng Diyos ang isang bagay, para bang ito ang katotohanan para sa iyo, at kapag iba ang sinabi Niya, ito rin ang katotohanan. Pakiramdam mo ay lahat ng salita ng Diyos ang katotohanan, at tumutugon ka ng amen sa mga ito at pinupuri mo ang mga ito, pero hindi mo magawang ikumpara ang sarili mo sa mga ito. Kapag ginagawa mo ang mga bagay-bagay, nalilito ka pa rin, at hindi mo alam kung aling mga katotohanan ang gagamitin para malutas ang iyong mga problema. Hindi ba’t karamihan sa inyo ay nasa ganitong kalagayan? Bagamat marami kayong nauunawaan at marami kayong masasabi tungkol sa doktrina, hindi ninyo ito nagagamit sa inyong totoong buhay. Hindi pa rin ninyo alam kung paano isagawa ang katotohanan, ni hindi ninyo alam kung paano gamitin ang mga salita ng Diyos sa totoo ninyong buhay, at ano man ang mangyari sa inyo, hindi ninyo alam kung paano hanapin ang katotohanan para malutas ang inyong mga problema. Ito ay dahil napakaliit ng tayog ninyo. Kapag alam ninyo kung paano dumanas, magsagawa, at gumamit ng mga salita ng Diyos sa totoo ninyong buhay, at kapag alam ninyo kung paano hanapin ang katotohanan para malutas ang mga problema kapag may sumapit sa inyo, lalago ang buhay ninyo. Ang matuto kung paano isagawa ang katotohanan ay isang palatandaan na lumalago ang buhay ninyo. Balang araw, kapag nagawa mong lutasin ang mga problema gamit ang katotohanan, kapag mayroon kang kaunting kaalaman sa Diyos, kapag sa pamamagitan ng pagbabahagi ng tunay mong kaalaman sa Diyos ay magawa mong magpatotoo sa gawain Niya, sa Kanyang banal at matuwid na disposisyon, at sa Kanyang pagkamapangyarihan-sa-lahat at sa Kanyang karunungan, kung gayon ay magagawa mong tunay na magpatotoo sa Diyos, at magiging kuwalipikado kang gamitin ng Diyos. Kung marami kang nauunawaan at buong araw kang nakapagsasalita tungkol sa doktrina, pero hindi mo malutas ang anumang bagay na may kaugnayan sa sarili mong mga problema o hindi mo alam kung paano lutasin ang mga ito, nagpapatunay iyon na ang mga bagay na nauunawaan mo ay hindi ang katotohanan, ang mga ito ay salita at doktrina lamang. Kahit na magsalita ka ng ilang doktrina nang napakapraktikal, ang totoo, ito ay kaalaman lamang batay sa pang-unawa, na hindi makatwiran. Bagamat napapabuti ang mga tao pagkatapos makinig sa iyo, nagkakaroon ng damdamin na kagaya sa iyo, at nagbubunga pa nga ng ilang resulta sa kanila ang kaalaman mo, hindi ka gaanong malinaw na nakapagsasalita tungkol dito, ni hindi mo ganap na nalulutas ang mga problema. Nagpapatunay ito na ang mga doktrinang sinasabi mo ay kaalamang batay lang sa pang-unawa. Hindi mo maaaring sabihin na ang mga ito ang katotohanang realidad, lalong hindi mo maaaring sabihin na nakapasok ka na sa katotohanang realidad. Ngayon, paano mo lulutasin ang problema sa pagsasalita tungkol sa mga salita at doktrina? Kinakailangan nito na pagnilayan mo ang iba’t ibang uri ng katiwalian na nabubunyag sa iyo habang ginagawa mo ang iyong tungkulin, na pagnilayan ang pinagmulan ng bawat problemang nakakaharap mo, at pagkatapos ay hanapin ang katotohanan, at gamitin ang mga salita ng Diyos para tuluyang malutas ang tiwaling disposisyong naibunyag mo. Kung ang ibinubunyag mo man ay kayabangan at pagmamatuwid sa sarili o kabuktutan at panlilinlang, pagkamakasarili at pagiging kasuklam-suklam man o pagiging pabasta-basta at pagsisinungaling sa Diyos, dapat mong pagnilayan ang mga tiwaling disposisyong ito hanggang sa malinaw mong makita ang mga ito. Sa ganitong paraan, malalaman mo kung anong mga problema ang umiiral habang ginagawa mo ang iyong tungkulin, at kung gaano ka kalayo sa pagkamit ng kaligtasan. Kapag malinaw mong nakikita ang sarili mong tiwaling disposisyon, saka mo lang malalaman kung nasaan ang mga paghihirap at hadlang sa paggawa ng iyong tungkulin. Saka mo lang malulutas ang ugat ng mga problema. Halimbawa, sabihin nating hindi ka umaako ng responsabilidad sa paggawa ng iyong tungkulin, sa halip ay palagi kang kumikilos nang pabasta-basta, na nagdudulot ng mga kawalan sa gawain mo, pero inaalala mo ang reputasyon mo, kaya ayaw mong tapat na magbahagi tungkol sa kalagayan at mga paghihirap mo, o magsagawa ng pagsusuri sa sarili at pagkilala sa sarili, sa halip ay palagi kang naghahanap ng mga dahilan para harapin ang mga bagay-bagay nang pabasta-basta. Paano mo dapat lutasin ang problemang ito? Dapat kang manalangin sa Diyos at magnilay-nilay sa sarili mo, sabihin mong: “O Diyos, kung nagsasalita ako nang ganoon, ito ay para lang protektahan ang sarili kong reputasyon. Ang tiwaling disposisyon ko ang gumagana. Hindi ako dapat magsalita nang ganoon. Dapat akong magtapat tungkol sa aking sarili, ilantad ang aking sarili, at sabihin nang malakas ang mga tunay na saloobin ng aking puso. Mas gugustuhin ko pang mapahiya kaysa mabigyang-kasiyahan ang sarili kong banidad. Ang Diyos lamang ang gusto kong mapalugod.” Sa ganitong paraan, sa pamamagitan ng paghihimagsik laban sa iyong sarili at pagsasabi nang malakas sa mga tunay na saloobin ng iyong puso, isinasagawa mo ang pagiging isang matapat na tao, at higit pa rito, hindi ka kumikilos ayon sa sarili mong kalooban o nagpoprotekta sa sarili mong reputasyon. Naisasagawa mo ang mga salita ng Diyos, naisasagawa ang katotohanan ayon sa mga layunin ng Diyos, taimtim na naisasakatuparan ang iyong tungkulin, at ganap na nagagampanan ang iyong mga responsabilidad. Kaya, hindi mo lamang isinasagawa ang katotohanan at ginagawa nang maayos ang iyong tungkulin, itinataguyod mo rin ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, at nasisiyahan ang puso ng Diyos. Isa itong makatarungan at marangal na paraan ng pamumuhay, karapat-dapat na dalhin sa harap ng Diyos at ng mga tao. Napakaganda nito! Medyo mahirap ang pagsasagawa sa ganitong paraan, pero kung nakatuon sa direksiyong ito ang iyong pagsisikap at pagsasagawa, kung gayon kahit na mabigo ka nang isa o dalawang beses, tiyak na magtatagumpay ka. At ano ang kahulugan sa iyo ng tagumpay? Nangangahulugan ito na kapag isinasagawa mo ang katotohanan, nagagawa mo ang hakbang na ito na nagpapalaya sa iyo mula sa pagkakagapos ni Satanas, isang hakbang na nagbibigay-daan upang maghimagsik ka laban sa iyong sarili. Nangangahulugan ito na maisasantabi mo ang banidad at kabantugan, maititigil mo ang paghahanap sa sariling kapakinabangan, at maititigil mo ang paggawa ng mga makasarili at kasuklam-suklam na bagay. Kapag isinagawa mo ito, ipinakikita mo sa mga tao na ikaw ay isang taong nagmamahal sa katotohanan, na naghahangad sa katotohanan, isang taong naghahangad ng katarungan at liwanag. Ito ang resultang nakakamit mo sa pagsasagawa ng katotohanan. Kasabay nito, naghahatid ka rin ng kahihiyan kay Satanas. Ginawa kang tiwali ni Satanas, pinagawa nito sa iyo na unahin ang iyong sarili, ginawa ka nitong makasarili, pinagawa nito sa iyong isipin ang sarili mong karangalan. Ngunit ngayon, hindi ka na magagapos nitong mga satanikong bagay na ito, nakalaya ka na sa mga ito, hindi ka na kontrolado ng kapalaluan, karangalan, o ng sarili mong personal na kapakinabangan, at isinasagawa mo ang katotohanan, kaya lubusan nang napahiya si Satanas, at wala na itong magagawa pa. Kung magkagayon, hindi ba’t nagtagumpay ka na? Kung matagumpay ka na, hindi ba’t makakapanindigan ka sa iyong patotoo sa Diyos? Hindi ka ba lumalaban ng mabuting laban? Kapag lumaban ka na ng mabuting laban, mayroon kang kapayapaan at kagalakan, at isang pagkaramdam ng kaalwanan sa iyong puso. Kung ikaw ay madalas na nagpaparatang sa buhay mo, kung ang puso mo ay hindi makasumpong ng kapahingahan, kung ikaw ay walang kapayapaan o kagalakan, at madalas na binabalot ng pag-aalala at pagkabalisa tungkol sa lahat ng uri ng mga bagay, ano ang ipinapakita nito? Ipinapakita lamang nito na hindi mo isinasagawa ang katotohanan, hindi naninindigan sa iyong patotoo sa Diyos. Kapag namumuhay ka sa gitna ng disposisyon ni Satanas, malamang na ikaw ay mabibigo nang madalas sa pagsasagawa ng katotohanan, ipagkakanulo ang katotohanan, at magiging makasarili at kasuklam-suklam; itinataguyod mo lamang ang iyong imahen, ang iyong reputasyon at katayuan, at ang iyong mga interes. Ang pamumuhay palagi para lamang sa iyong sarili ay nagdadala sa iyo ng malaking pasakit. Dahil napakarami ng iyong mga makasariling pagnanasa, gusot, gapos, pag-aalinlangan, at kinaiinisan kaya wala ka na kahit kaunting kapayapaan o kagalakan. Ang mamuhay para sa tawag ng tiwaling laman ay ang magdusa nang labis-labis. Yaong mga naghahangad sa katotohanan ay naiiba. Habang mas nauunawaan nila ang katotohanan, mas nagiging matiwasay at malaya sila; habang mas isinasagawa nila ang katotohanan, mas nagkakaroon sila ng kapayapaan at kagalakan. Kapag nakamit nila ang katotohanan, ganap silang mamumuhay sa liwanag, magtatamasa ng mga pagpapala ng Diyos, at hindi magkakaroon ng anumang pasakit.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Pagpasok sa Buhay ay Nagsisimula sa Pagganap ng Tungkulin
Maraming tao ang nakararamdam na may kulang sa kanila pagkatapos nilang magawa ang kanilang tungkulin, at na hindi nila taglay ang katotohanang realidad ng, kaya lagi nilang inoobliga ang sarili na makinig sa mas marami pang sermon, at sa mga lider at manggagawa na magdaos ng mas marami pang pagtitipon, na para bang iyon lamang ang makapagbibigay sa kanila ng pagpasok sa buhay at paglago sa buhay. Kapag ilang araw silang hindi nakadalo sa isang pagtitipon o sermon, pakiramdam nila ay hungkag at mapanglaw ang puso nila, na parang wala silang silbi. Sa puso nila, para bang ang araw-araw na mga pagtitipon at mga sermon lamang ang magbibigay sa kanila ng pagpasok sa buhay, o magbibigay sa kanila ng kakayahan na lumago sa espirituwal na gulang. Ang totoo, maling-mali ang ganitong uri ng pag-iisip. Ang mga nananalig at sumusunod sa Diyos ay dapat gawin ang kanilang tungkulin—saka lamang sila magkakamit ng karanasan sa buhay. Kung sinasabi mong taos-puso kang nananalig sa Diyos, ngunit ayaw mong gawin ang iyong tungkulin, nasaan ang sinseridad sa pananampalataya mo sa Diyos? Yaong mga taos-pusong gumagawa ng kanilang tungkulin ay yaong mga may pananalig. Ang mga may pananalig lamang ang naglalakas-loob na ialay ang kanilang buhay sa Diyos, at handa silang itapon ang lahat upang gumugol para sa Diyos. Nararanasan ng mga ganitong tao ang gawain ng Banal na Espiritu habang ginagawa nila ang kanilang tungkulin; sila ay naliliwanagan, pinamumunuan, at dinidisiplina ng Banal na Espiritu. Ang lahat ng ito ay nagbubunga ng karanasan sa buhay. Kaya, ang pagpasok sa buhay ay nagsisimula sa pormal na paggawa ng tungkulin ng isang tao.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Pagpasok sa Buhay ay Nagsisimula sa Pagganap ng Tungkulin
Anumang tungkuling iyong ginagampanan ay kinapapalooban ng pagpasok sa buhay. Kung medyo palagian man o pabagu-bago ang iyong tungkulin, nakakabagot man o masigla, dapat mong maabot palagi ang pagpasok sa buhay. Ang mga tungkuling ginagampanan ng ilang tao ay medyo nakakabagot; pare-pareho lang ang ginagawa nila araw-araw. Gayunpaman, kapag ginagampanan ang mga ito, ang mga katayuang inihahayag ng mga taong ito ay hindi gayong magkahalintulad. Kung minsan, kapag maganda ang lagay ng loob nila, mas masipag ang mga tao at mas maganda ang kinalalabasan ng ginawa nila. Kung minsan naman, dahil sa hindi-malamang impluwensya, nag-uudyok ng kalokohan sa kanilang kalooban ang kanilang mga tiwali at mala-satanas na disposisyon, na nagiging dahilan para magkaroon sila ng di-wastong mga pananaw at sumásamâ ang kanilang kalagayan at lagay ng loob; dahil dito ay paimbabaw ang pagganap nila sa kanilang tungkulin. Ang mga panloob na kalagayan ng mga tao ay palaging nagbabago; maaaring magbago ang mga ito saan mang lugar at anumang oras. Kung paano man nagbabago ang iyong kalagayan, palaging maling kumilos batay sa iyong pakiramdam. Sabihin nang mas maganda ang trabaho mo kapag maganda ang lagay ng loob mo, at medyo masama kapag masama ang lagay ng loob mo—ito ba ay maprinsipyong paraan ng paggawa ng mga bagay-bagay? Tutulutan ka ba nito na gampanan ang iyong tungkulin sa isang katanggap-tanggap na pamantayan? Anuman ang lagay ng loob nila, dapat alam ng mga tao na manalangin sa harap ng Diyos at hanapin ang katotohanan; sa ganitong paraan lamang sila makakaiwas na mapigilan at matangay nang paroo’t parito ng kanilang mga pakiramdam. Kapag ginagampanan mo ang iyong tungkulin, dapat mong suriin palagi ang iyong sarili upang makita kung ginagawa mo ang mga bagay-bagay ayon sa prinsipyo, kung ang pagganap mo sa iyong tungkulin ay abot sa pamantayan, kung ginagawa mo lamang ang mga iyon nang paimbabaw o hindi, kung nasubukan mo nang iwasan ang iyong mga responsabilidad, at kung may anumang mga problema sa iyong pag-uugali at sa paraan ng iyong pag-iisip. Sa sandaling nakapagnilay-nilay ka na at naging malinaw sa iyo ang mga bagay na ito, magiging mas madali ang pagtupad mo sa iyong tungkulin. Anuman ang maranasan mo habang ginagampanan mo ang iyong tungkulin—pagiging negatibo at mahina, o pagkakaroon ng masamang lagay ng loob matapos kang pungusan—dapat mo itong tratuhin nang maayos, at kailangan mo ring hanapin ang katotohanan at unawain ang mga layunin ng Diyos. Sa paggawa ng mga bagay na ito, magkakaroon ka ng isang landas sa pagsasagawa. Kung nais mong maging maganda ang iyong trabaho sa pagganap sa iyong tungkulin, kailangan ay huwag kang paapekto sa lagay ng loob mo. Gaano man ka-negatibo o kahina ang iyong nararamdaman, dapat mong isagawa ang katotohanan sa lahat ng iyong ginagawa, nang may ganap na kahigpitan, at pagsunod sa mga prinsipyo. Kung gagawin mo ito, hindi ka lamang sasang-ayunan ng ibang tao, kundi magugustuhan ka rin ng Diyos. Sa gayon, ikaw ay magiging isang taong responsable at bumabalikat ng pasanin; magiging isa kang tunay na mabuting tao na talagang gumagampan sa iyong mga tungkulin nang abot sa pamantayan at lubos na isinasabuhay ang wangis ng isang tunay na tao. Ang gayong mga tao ay pinadadalisay at nagkakamit ng tunay na pagbabago kapag ginagampanan ang kanilang mga tungkulin, at masasabing matapat sa mga mata ng Diyos. Matatapat na tao lamang ang kayang magtiyaga sa pagsasagawa ng katotohanan at nagtatagumpay sa pagkilos nang may prinsipyo, at maaaring gampanan ang kanilang mga tungkulin na abot sa pamantayan. Ang mga taong kumikilos nang may prinsipyo ay ginagampanan nang maigi sa kanilang mga tungkulin kapag maganda ang lagay ng loob nila; hindi sila nagtatrabaho lamang nang pabasta-basta, hindi sila mayabang at hindi nagpapasikat para tumaas ang tingin sa kanila ng iba. Kapag masama ang lagay ng loob nila, nagagawa nilang tapusin ang kanilang pang-araw-araw na mga gawain nang gayon din kasigasig at karesponsable, at kahit nagdaranas sila ng isang bagay na nakakasama sa pagganap ng kanilang mga tungkulin, o na medyo gumigipit sa kanila o gumugulo sa kanila habang ginagampanan nila ang kanilang mga tungkulin, nagagawa pa rin nilang manahimik sa harap ng Diyos at manalangin, na sinasabing, “Gaano man kalaki ang problema ko—kahit bumagsak pa ang kalangitan—basta’t ako ay buhay, determinado akong gawin ang lahat para tuparin ko ang aking tungkulin. Bawat araw na nabubuhay ako ay isang araw na dapat kong gampanan nang maayos ang aking tungkulin, nang sa gayon ako ay karapat-dapat sa tungkuling ito na ipinagkaloob sa akin ng Diyos, gayundin sa hiningang ito na ipinasok Niya sa aking katawan. Gaano man ako nahihirapan, isasantabi ko ang lahat ng iyon, sapagkat ang pagtupad sa aking tungkulin ang pinakamahalaga!” Yaong mga hindi apektado ng sinumang tao, anumang kaganapan, bagay, o kapaligiran, na hindi napipigilan ng anumang pakiramdam o sitwasyon sa labas, at inuuna sa lahat ang kanilang mga tungkulin at atas na naipagkatiwala sa kanila ng Diyos—sila ang mga taong matapat sa Diyos at tunay na nagpapasakop sa Kanya. Ang ganitong mga tao ay nakamtan na ang pagpasok sa buhay at nakapasok na sa katotohanang realidad. Ito ay isa sa pinakatotoo at pinakapraktikal na mga pagpapahayag ng pagsasabuhay ng katotohanan.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Pagpasok sa Buhay ay Nagsisimula sa Pagganap ng Tungkulin
Upang magawa sa tamang pamantayan ang iyong tungkulin, kailangan mo munang magkaroon ng wastong mentalidad. Kapag nabubunyag ang iyong tiwaling disposisyon, kailangan mo ring ayusin ang sarili mong kalagayan. Kapag nagawa mong tratuhin nang tama ang iyong tungkulin, kapag naiwaksi mo na ang mga hadlang at impluwensiya ng lahat ng uri ng tao, pangyayari, at bagay, kapag lubusan ka nang nakakapagpasakop sa Diyos, kung gayon ay magagawa mo na nang maayos ang iyong tungkulin. Ang sikreto sa paggawa nito ay ang laging unahin ang iyong tungkulin at responsabilidad. Sa proseso ng paggawa ng iyong tungkulin, dapat palagi mong suriin ang iyong sarili: “Mayroon ba akong pabasta-bastang ugali sa paggawa ng tungkulin ko? Anong mga bagay ang gumugulo sa akin at nagiging dahilan para pabasta-basta kong gawin ng aking tungkulin? Ginagawa ko ba ang tungkulin ko nang may buong puso at lakas? Magtitiwala ba sa akin ang Diyos kung kikilos ako nang ganito? Ganap na bang mapagpasakop ang puso ko sa Diyos? Ang pagggawa ba ng tungkulin ko sa ganitong paraan ay naaayon sa mga prinsipyo? Magkakamit ba ng pinakamagagandang resulta ang paggawa ko ng tungkulin ko sa ganitong paraan?” Dapat madalas mong pagnilayan ang mga katanungang ito. Kapag nakatuklas ka ng mga problema, dapat aktibo mong hangarin ang katotohanan, at hanapin ang mga nauugnay na salita ng Diyos para malutas ang mga ito. Sa gayon, magagawa mo nang maayos ang tungkulin mo, at mapapayapa at magagalak ang puso mo. Kung madalas lumilitaw ang mga problema habang ginagawa mo ang iyong tungkulin, kung saan karamihan sa mga ito ay nagmumula sa mga problema sa mga layunin mo—ang mga ito ay mga problema ng isang tiwaling disposisyon. Kapag nabubunyag ang tiwaling disposisyon ng isang tao, magkakaroon sila ng mga problema sa puso nila at hindi magiging normal ang kalagayan nila, na direktang makakaapekto sa kanilang abilidad na gawin ang kanilang tungkulin. Ang mga problemang nakakaapekto sa abilidad ng isang tao na gawin ang kanyang tungkulin ay malalaki at mabibigat na problema; direkta itong makakaapekto sa kanilang ugnayan sa Diyos. Halimbawa, ang ilang tao ay nagkakaroon ng mga kuru-kuro at maling pagkaunawa tungkol sa Diyos kapag tinatamaan ng mga sakuna ang mga pamilya nila. Ang ilang tao ay nagiging negatibo kapag nagpapasan sila ng mga paghihirap sa kanilang mga tungkulin, walang nakakakita rito o pumupuri sa kanila. Ang ilang tao ay hindi ginagampanan nang maayos ang kanilang tungkulin, palaging pabasta-basta, at nagrereklamo sila laban sa Diyos kapag pinupungusan sila. Ang ilang tao ay hindi handang gawin ang kanilang tungkulin dahil palagi silang naghahanap ng daan na matatakasan. Direktang nakakaapekto ang lahat ng problemang ito sa isang normal na ugnayan sa Diyos. Ang lahat ng ito ay mga problema ng isang tiwaling disposisyon. Lahat ito ay nagmumula sa katunayang hindi kilala ng mga tao ang Diyos, na palagi silang nagpapakana at nagsasaalang-alang ng kanilang sarili, na pumipigil sa kanila na maging mapagsaalang-alang sa mga layunin Diyos o maging magpasakop sa mga plano ng Diyos. Nagbubunga ito ng lahat ng uri ng negatibong emosyon. Ganito talaga ang mga taong hindi naghahangad sa katotohanan. Kapag nangyayari sa kanila ang maliliit na problema, nagiging negatibo sila at mahina, naghihimutok sila sa kanilang pagkabigo sa kanilang tungkulin, naghihimagsik at lumalaban sila sa Diyos, at gusto nilang bitiwan ang kanilang mga responsabilidad at ipagkanulo ang Diyos. Ang lahat ng bagay na ito ay ang iba’t ibang kahihinatnan na dulot ng mga pagpigil ng isang tiwaling disposisyon. Ang taong nagmamahal sa katotohanan ay nagagawang isantabi ang kanyang sariling buhay, kinabukasan, at kapalaran, at nais lamang niyang hangarin at kamtin ang katotohanan. Iniisip niya na wala nang sapat na oras, natatakot siyang hindi niya magagawa nang maayos ang kanyang tungkulin, at na hindi siya magagawang perpekto, kaya’t nagagawa niyang isantabi ang lahat. Ang kanyang mentalidad ay ang bumaling lang at magpasakop sa Diyos. Hindi siya natatakot sa anumang paghihirap, at kung negatibo o mahina ang pakiramdam niya, likas niyang nilulutas ito sa pamamagitan ng pagbabasa ng ilang sipi mula sa mga salita ng Diyos. Ang mga taong hindi naghahangad sa katotohanan ay mga naguguluhan, at paano ka man magbahagi sa kanila tungkol sa katotohanan, hindi nila nagagawang ganap na lutasin ang mga problema nila. Kahit na saglit silang natatauhan at nagagawa nilang tanggapin ang katotohanan, kalaunan ay bumabalik pa rin sila sa dati, kaya napakahirap pangasiwaan ang ganitong uri ng tao. Hindi sa hindi nila nauunawaan ang anumang bagay sa katotohanan, kundi dahil sa hindi nila pinahahalagahan o tinatanggap ang katotohanan sa puso nila. Sa huli, dahil dito ay hindi nila maisantabi ang sarili nilang kalooban, pagkamakasarili, kinabukasan, kapalaran, at hantungan, na palaging umuusbong para guluhin sila. Kung nagagawang tanggapin ng isang tao ang katotohanan, kung gayon ay habang nauunawaan niya ang katotohanan, ang lahat ng bagay na nabibilang sa isang tiwaling disposisyon ay likas na maglalaho, at magkakaroon siya ng pagpasok sa buhay at tayog; hindi na siya magiging isang mangmang na bata. Kapag may tayog ang isang tao, lalago nang lalago ang pagkaunawa niya sa mga bagay-bagay, mas lalo niyang makikilatis ang lahat ng uri ng tao, at hindi siya mapipigilan ng sinumang tao, pangyayari, o bagay. Hindi siya maiimpluwensiyahan ng anumang sasabihin o gagawin ng sinuman. Hindi siya sasailalim sa panghihimasok ng masasamang puwersa ni Satanas, o maililigaw o magugulo ng mga huwad na lider at anticristo. Kung mangyayari ito, hindi ba’t unti-unting lalago ang tayog ng isang tao? Kapag mas nauunawaan ng isang tao ang katotohanan, mas mabilis na uusad ang buhay niya, at magiging madali para sa kanya na matagumpay na magawa ang kanyang tungkulin at makapasok sa katotohanang realidad. Kapag mayroon kang pagpasok sa buhay at unti-unting lumalago ang buhay mo, magiging mas normal ang kalagayan mo. Hindi ka na mamomroblema sa mga tao, pangyayari, at bagay na minsang nakagulo o nakapigil sa iyo. Hindi ka na mahihirapan sa paggawa ng iyong tungkulin, at magiging mas normal ang ugnayan mo sa Diyos. Kapag marunong kang umasa sa Diyos, kapag alam mo kung paano hangarin ang mga layunin ng Diyos, kapag alam mo kung saan ka nabibilang, kapag alam mo kung ano ang dapat at hindi mo dapat gawin, at kung sa aling mga bagay mo kinakailangang umako ng responsabilidad o hindi, hindi ba’t mas magiging normal ang kalagayan mo? Hindi ka papagurin ng pamumuhay nang ganito, hindi ba? Hindi ka lamang hindi mapapagod, makararamdam ka rin ng labis na kaalwanan at kaligayahan. Hindi ba’t mapupuno ng liwanag ang puso mo dahil dito? Magiging normal ang mentalidad mo, mababawasan ang mga pagpapakita ng iyong tiwaling disposisyon, at makapamumuhay ka sa presensiya ng Diyos, maisasabuhay mo ang normal na pagkatao. Kapag nakita ng mga tao ang mentalidad mo, iisipin nilang nagkaroon ng malaking pagbabago sa iyo. Magiging handa silang makipagbahaginan sa iyo, makararamdam ng kapayapaan at kagalakan sa puso nila, at makikinabang din sila. Habang lumalago ang tayog mo, magiging mas wasto at may prinsipyo ang pananalita at mga kilos mo. Kapag nakakita ka ng mga taong mahina at negatibo, mabibigyan mo sila ng malaking tulong—nang hindi sila pinipigilan o sinesermunan, bagkus ay ginagamit mo ang sarili mong mga tunay na karanasan para sila ay matulungan at makinabang. Sa ganitong paraan, hindi mo lang gugugulin ang sarili mo sa sambahayan ng Diyos, magiging kapaki-pakinabang ka ring tao, magagawa mong umako ng responsabilidad, at makagagawa ka ng mas makabuluhang mga bagay sa sambahayan ng Diyos. Hindi ba’t ito ang uri ng tao na gusto ng Diyos? Kung isa kang taong gusto ng Diyos, hindi ba’t magugustuhan ka rin ng lahat? (Magugustuhan ka nila.) Bakit nasisiyahan ang Diyos sa ganitong tao? Dahil nakagagawa siya ng mga praktikal na bagay sa harapan ng Diyos, hindi siya madaling mabola, pinangangasiwaan niya ang mga praktikal na bagay, at nagagawa niyang tumulong at mamuno sa iba sa pamamagitan ng pagsasalita tungkol sa kanyang tunay na mga karanasan. Nagagawa niyang tulungan ang iba na malutas ang anumang problema, at kapag may mga suliranin sa gawain ng iglesia, nagagawa niyang pangunahan ang daan pasulong, nang aktibong nilulutas ang mga problema. Ito ang ibig sabihin ng tapat na paggawa sa kanilang tungkulin.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Pagpasok sa Buhay ay Nagsisimula sa Pagganap ng Tungkulin
Sasabihin Ko sa inyo ang isang bagay na ito: Ang pagganap ng tao sa kanyang tungkulin ang dapat niyang gawin, at kung hindi niya kayang gampanan ang kanyang tungkulin, ito ang kanyang pagkasuwail. Sa pamamagitan ng proseso ng paggawa ng kanyang tungkulin unti-unting nagbabago ang tao, at sa pamamagitan ng prosesong ito niya ipinamamalas ang kanyang katapatan. Sa gayon, kapag mas nagagawa mo ang iyong tungkulin, mas maraming katotohanan kang matatanggap, at magiging mas totoo ang iyong pagpapahayag. Yaong mga gumagawa para matapos na lamang ang kanilang tungkulin at hindi hinahanap ang katotohanan ay ititiwalag sa bandang huli, sapagkat ang gayong mga tao ay hindi ginagawa ang kanilang tungkulin sa pagsasagawa ng katotohanan, at hindi isinasagawa ang katotohanan sa paggampan ng kanilang tungkulin. Sila yaong mga nananatiling hindi nagbabago at magdurusa sa kasawian. Hindi lamang marumi ang kanilang mga pagpapahayag, kundi masama ang lahat ng kanilang ipinapahayag.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Pagkakaiba sa Pagitan ng Ministeryo ng Diyos na Nagkatawang-tao at ng Tungkulin ng Tao
Hindi alam ng ilang tao kung paano mararanasan ang gawain ng Diyos at hindi nila alam kung paano dadalhin ang Kanyang mga salita sa pagtupad nila ng kanilang mga tungkulin o sa totoong buhay. Lagi silang umaasa sa pagdalo sa maraming pagtitipon upang matamo ang katotohanan at umunlad sa buhay. Gayunpaman, ang ganito ay hindi makatotohanan at isang argumento na walang batayan. Natatamo ang buhay sa pamamagitan ng pagdanas sa mga salita ng Diyos at pagdanas sa paghatol at pagkastigo. Nagagawa ng mga nakakaalam kung paano maranasan ang Kanyang gawain, maging anuman ang tungkuling kanilang ginagampanan, na maunawaan at maisagawa ang katotohanan, matanggap ang pagpungos, at makapasok sa katotohanang realidad, matamo ang pagbabago sa kanilang disposisyon, at magawang perpekto ng Diyos kapag ginagampanan ang kanilang mga tungkulin. Ayaw ng mga tamad at gahaman sa mga kaginhawahan na gampanan ang kanilang mga tungkulin, at hindi nila nararanasan ang gawain ng Diyos sa pagtupad nila sa kanilang mga tungkulin, walang sawang humihiling na pagkalooban sila ng sambahayan ng Diyos ng mga pagtitipon, sermon, at ng pagbabahaginan tungkol sa katotohanan. Bilang resulta, pagkatapos ng sampu o dalawampung taon ng pananalig at pagkatapos makinig sa di-mabilang na mga sermon, hindi pa rin nila nauunawaan ang katotohanan o natatamo ang katotohanan. Hindi nila alam kung paano maranasan ang gawain ng Diyos, hindi nila nauunawaan kung ano ang pananalig sa Diyos, at hindi nila alam kung paano maranasan ang salita ng Diyos para makilala nila ang kanilang mga sarili at matamo ang katotohanan at ang buhay. Sila ay mga tao na naghahanap ng kaginhawahan at pabaya sa kanilang mga tungkulin; samakatuwid, sila ay ibinubunyag at itinitiwalag dahil sa kung paano nila gampanan ang kanilang mga tungkulin. Ngayon, lahat ng tao na kontento sa pagtupad ng kanilang mga tungkulin at nagpapahalaga sa paghahangad sa katotohanan ay may kaunting pagpasok sa buhay sa pagtupad ng kanilang mga tungkulin, nagninilay-nilay sila para makilala nila ang kanilang mga sarili kapag nagbubunyag sila ng katiwalian, at kapag nahaharap sila sa mga kahirapan sa pagtupad nila ng kanilang mga tungkulin, hinahanap nila ang katotohanan at ibinabahagi ang tungkol sa katotohanan upang lutasin ang mga suliranin. Hindi namamalayan, pagkatapos ng ilang taon ng pagtupad ng mga tungkulin, umaani sila ng mga gantimpala, nakapagsasalita sila ng ilang patotoo batay sa karanasan, nagtataglay sila ng ilang kaalaman ukol sa gawain ng Diyos at sa Kanyang disposisyon, at sa gayon ay nababago nila ang kanilang buhay disposisyon. Sa kasalukuyan, nililinis ng mga iglesia sa iba’t ibang dako ang mga sarili nito mula sa masasamang tao at sa mga nakakagambala at nagiging sanhi ng kaguluhan. Ang mga nananatili, sa kabuuan, ay ang mga kayang manindigan sa pagtupad ng kanilang mga tungkulin, may katapatan, at nagpapahalaga sa paghahanap ng katotohanan upang lutasin ang kanilang mga suliranin. Sila ang uri ng mga tao na makapaninindigan sa kanilang patotoo. Dapat ninyong matutuhang dalhin ang mga salita ng Diyos sa totoong buhay at sa mga tungkuling inyong ginagampanan, isagawa ang mga ito at gamitin ang mga ito, at kapag umuusbong ang mga suliranin at mga kahirapan, hanapin ang katotohanan upang lutasin ang mga ito. Bilang karagdagan, dapat ninyong matutuhang isaalang-alang ang mga layunin ng Diyos sa pagtupad ng inyong mga tungkulin, at pagsikapan ang pagsasagawa ng katotohanan at pangangasiwa ng mga bagay ayon sa mga prinsipyo ng bawat bagay. Dapat ninyong matutuhan kung paano isagawa ang pagmamahal para sa Diyos, at nang may mapagmahal-sa-Diyos na puso, isaalang-alang mo ang Kanyang pasanin at makarating ka sa punto na kung saan ay magagalak Siya sa iyo. Ang ganitong tao lamang ang tapat na umiibig sa Diyos. Sa pagsasagawa sa ganitong paraan, hindi mo man lubos na nauunawaan ang katotohanan, nagagawa mo pa ring matupad ang iyong mga tungkulin nang maayos, at hindi mo lamang malulutas ang iyong pagiging pabasta-basta, bagkus matututuhan mo ring maisagawa ang pag-ibig sa Diyos, ang magpasakop sa Kanya, at ang mapalugod Siya sa pagtupad mo sa iyong mga tungkulin—ito ang aral sa pagpasok sa buhay. Kung maisasagawa mo ang katotohanan at makakakilos ka ayon sa mga prinsipyo sa ganitong paraan sa bawat bagay, pumapasok ka sa katotohanang realidad at magkakaroon ka ng pagpasok sa buhay. Gaano ka man kaabala sa pagtupad ng iyong mga tungkulin, kung taglay mo ang mga bunga ng pagpasok sa buhay, ang paglago sa buhay, at kaya mong magpasakop sa mga pangangasiwa at pagsasaayos ng Diyos, masisiyahan ka sa pagtupad ng iyong mga tungkulin. Hindi ka makakaramdam ng pagod gaano ka man kaabala. Palagi kang magkakaroon ng kapayapaan at kagalakan sa puso mo at mararamdaman mo na lalo kang pinagyaman at kalmado. Anumang mga paghihirap ang umusbong, kapag hinahanap mo ang katotohanan, bibigyan ka ng kaliwanagan at gagabayan ka ng Banal na Espiritu. At pagkatapos ay tatanggapin mo ang mga pagpapala ng Diyos. Bilang karagdagan, maging ikaw man ay abala o hindi kapag tumutupad ka ng iyong mga tungkulin, mahalaga na gawin ang paminsan-minsang angkop na ehersisyo at makabuluhang pagpapalakas ng katawan. Mapapabuti nito ang sirkulasyon, makakatulong ito sa pagpapanatili ng matataas na antas ng enerhiya, at maaari itong maging mabisa para makaiwas ka sa ilang sakit na dulot ng trabaho. Ito ay lubos na nakakatulong sa mahusay na pagtupad mo sa iyong mga tungkulin. Samakatuwid, sa pagtupad mo ng iyong mga tungkulin, kung matututuhan mo ang maraming aral, mauunawaan ang maraming katotohanan, tunay na makikilala ang Diyos, at sa bandang huli ay matatakot sa Diyos at lalayo sa kasamaan, ganap kang magiging kaayon sa Kanyang mga layunin. Kung kaya mong matamo ang pag-ibig para sa Diyos, magpatotoo sa Kanya, at maging kaisa Niya sa puso at kalooban, tinatahak mo ang landas ng pagpeperpekto Niya. Ito ay isang tao na nagtamo ng pagpapala ng Diyos, at ito ay isang lubos na pinagpalang bagay! Kung tapat mong ginugugol ang iyong sarili para sa Diyos, tiyak na tatanggap ka ng masasaganang pagpapala mula sa Kanya. Sila bang hindi ginugugol ang kanilang mga sarili para sa Diyos, at hindi tinutupad ang kanilang mga tungkulin ay makapagtatamo ng katotohanan? Makakamit ba nila ang kaligtasan? Hindi natin masasabi. Ang lahat ng pagpapala ay matatamo lamang sa pamamagitan ng pagtupad ng isang tao sa kanyang mga tungkulin at pagdanas sa gawain ng Diyos. Sa pagtupad ng kanyang mga tungkulin na nalalaman ng isang tao kung paano danasin ang gawain ng Diyos, at nalalaman kung paano danasin ang paghatol at pagkastigo, ang mga pagsubok at pagpipino, at ang pagpupungos. Ito ang mga bagay na karapat-dapat na pagpalain. Hangga’t iniibig ng isang tao ang katotohanan at hinahangad niya ito, matatamo niya ang katotohanan sa bandang huli, mababago ang kanyang buhay disposisyon, matatamo niya ang pagsang-ayon ng Diyos, at magiging isa siyang tao na pinagpala ng Diyos.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi
Kaugnay na mga Himno
Pagsasagawa ng Katotohanan sa Iyong Tungkulin ay Susi